Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (26) Ikalimang Seksiyon

G. Ang Palagiang Pakikibahagi sa Mahahalay na Aktibidad

Ang ikapitong uri ay iyong mga nakikibahagi sa mahahalay na aktibidad, isang grupong karaniwang nababanggit. Bagama’t ang mga pagpapamalas ng pagkatao nila ay hindi napakasama—hindi tulad ng paghahasik ng hindi pagkakasundo, o paggawa ng masasamang gawa at pagdudulot ng mga pagkakagulo—mayroong parehong katangian ang mga ito, iyon ay na palaging lumilitaw ang mga problema at insidente sa mga pakikipag-ugnayan nila sa kabilang kasarian. Mayroon man o walang mga pagkakataon, palaging lumilitaw ang gayong mga problema sa kanila, at kung wala namang mga pagkakataon, gumagawa sila nito, para mangyari pa rin ang gayong “mga kuwento” ano’t anuman. Anuman ang sitwasyon, sinuman ang isa pang tao, o gaano man kalayo ang loob ng taong iyon sa kanila, talagang nangyayari ang gayong mga insidente sa kanila paminsan-minsan. Anong klase ng mga insidente? Nakikipag-date sila sa isang tao, o palagi nilang gustong mapalapit sa isang tao, o nahuhulog ang loob nila sa isang tao, o may natitipuhan silang isang tao, at iba pang gayong mga bagay. Palagi silang nabibigong mamuhay nang normal at gampanan nang normal ang mga tungkulin nila, palaging naiimpluwensiyahan ng malalaswang pagnanasa. Ibig sabihin, sa mga ordinaryong sitwasyon kung saan hindi nasasangkot ang mga normal na tao sa gayong mga isyu, madalas silang masangkot. Hindi nila kailangan ng anumang mga espesyal na sitwasyon o ng sinumang gagawa ng mga oportunidad para sa kanila; likas lang na nangyayari ang mga insidenteng ito. Pagkatapos mangyari ang gayong mga insidente, anuman ang mga kahihinatnan, palaging may isang grupo ng tao o isang partikular na tao na pinagbabayad para dito. Anong mga halaga ang ibinabayad nila? Naaapektuhan ang paggawa nila sa tungkulin nila; naaantala at nahahadlangan ang gawain ng iglesia; nababagabag at natutukso ang ilang kabataan, at nawawalan sila ng interes sa pananampalataya sa Diyos at sa paggampan ng mga tungkulin nila; at nawawalan pa nga ang ilang tao ng mga tungkulin nila o binibitiwan nila ang mga ito. Masyadong mapanggulo ang mga taong nakikibahagi sa mahahalay na aktibidad. Sa bawat pagkakataon, ang mga miyembro ng kabilang kasarian ay nagdadagsaan sa palibot nila, lumalapit sa kanila, nakikipaglandian sa kanila, at nakikipagbiruan pa nga. Bagama’t walang malulubhang problema na may mahalagang kalikasan ang maaaring lumitaw, lubha nilang ginugulo ang mga normal na kalagayan ng hinirang na mga tao ng Diyos habang ginagampanan ng mga ito ang kanilang mga tungkulin. Saanman sila pumunta, nagdudulot sila ng problema at panggugulo sa iba, sa gawain, at sa iglesia, inaakit pa nga nila sa lahat ng pagkakataon ang mga miyembro ng kabilang kasarian na kaakit-akit para sa kanila, at bumubuo sila ng ugnayan sa mga ito. Napakalaking perwisyo nito. Sa sandaling mahulog ang loob nila sa isang tao, tiyak na mapapahamak ang taong iyon, hindi na niya magagawang normal na manampalataya sa Diyos o gampanan ang mga tungkulin niya. Hindi lubos maisip ang mga kahihinatnan. Hindi na kakayanin ng taong iyon na hindi makausap o makita ang mang-aakit, at habang abala siya sa paggampan ng mga tungkulin niya, hindi niya magagawang makapag-asawa o lumagay sa tahimik, at mananatiling hindi matitinag ang relasyon. Ano ang mangyayari sa huli? Magsisimula siyang magdusa nang matindi, nang napakasakit! Kung magtitiis siya hanggang sa maparusahan siya sa mga sakuna, talagang tapos na ang lahat para sa kanya, mawawasak ang pag-asa niyang maligtas. Minsan, sumasalungat ang ilan at hindi nagsisisi kapag pinungusan sila, kundi sumasalungat pa sila sa ikalawa o maging sa ikatlong pagkakataon, nagkakaroon ng tatlo o apat na relasyon sa loob ng dalawa o tatlong taon, na nagdudulot ng panggugulo sa hinirang na mga tao ng Diyos at sa buhay iglesia, at nasusuklam sa kanila ang hinirang na mga tao ng Diyos dahil dito. Nag-iiwan ito ng mantsa sa kanila, na pinagsisisihan nila habambuhay.

Ang ilang tao, dahil medyo may hitsura sila, at medyo elegante sila at may ilang kaloob at talento, o gumagawa sila ng ilang mahalagang gawain, ay palaging mayroong mga nakakunyapit sa kanila na mga miyembro ng kabilang kasarian na para bang mga langaw, na nakapalibot sa kanila. Ang ilan sa mga ito ay naghahain sa kanila ng mga pagkain, ang ilan ay nag-aayos ng higaan nila, at ang ilan ay naglalaba ng mga damit nila, ang ilan ay binibilhan sila ng mga suplementong pangkalusugan at pampaganda at binibigyan sila ng maliliit na regalo, at iba pa. Malugod nilang tinatanggap ang lahat ng dumarating, alam sa puso nila na hindi tama ang gayong pag-uugali ng iba pero hindi ito kailanman tinatanggihan, nang-aakit ng ilang miyembro ng kabilang kasarian nang sabay-sabay. Nakikipagpaligsahan sa isa’t isa ang mga taong iyon para sa pagkakataon na paglingkuran sila, nakikipagkompetensiya at nagseselos sa isa’t isa, habang tinatamasa ng mahalay na tao ang damdamin, naniniwalang sila ay lubos na kaakit-akit. Sa realidad, ang mga usapin ng kalalakihan at kababaihan ay nauunawaan nang mabuti ng mga nasa hustong gulang na, at nauunawaan maging ng mga menor de edad ang mga ito; tanging ang mga hangal, may kapansanan sa pag-iisip, o may sakit sa pag-iisip ang hindi nakakaunawa sa mga ito. Bakit ba masidhing nakikipagkompetensiya ang mga taong ito para paglingkuran at palugdan ang isang miyembro ng kabilang kasarian? Tungkol lang ito sa kagustuhang mang-akit, hindi ba? Hindi na ito kailangan pang ipaliwanag; alam ng lahat kung ano ang nangyayari. Ito ay isang bagay na batid na batid ng mga tao, isang bagay na malinaw na mali, ngunit hindi ito tinatanggihan ng taong iyon, kundi sa halip ay walang-kibong sinasang-ayunan—ano ang tawag doon? Ito ay tinatawag na pakikipaglandian. Alam niyang tungkol ito sa pang-aakit sa pagitan ng kalalakihan at kababaihan, pero para sa katuwaang dulot ng pagtugon sa malalaswang pagnanasa ng laman, ayaw niyang tumanggi. Pakiramdam niya, ang sensasyong ito ay isang klase ng kasiyahan, isang sensasyon na mas masarap pa nga kaysa sa anumang masarap na pagkain sa mundo, kaya hindi siya tumatanggi. Kapag hindi tumatanggi ang naturang tao, iyong mga nang-aakit sa kanya ay lalong sumasaya, iniisip na sila ang gusto ng taong iyon, ikinasisiya ang sitwasyon sa loob-loob nila. At iniisip ng taong iyon na hangga’t walang malalim na relasyon na naganap, hindi ito maituturing na isang bagay na malubha, na lubhang mas malala ang kahalayan ng mga walang pananampalataya, at na sa pinakahigit ay itinuturing lang itong pang-aakit, katulad ng normal na pakikipag-date. Ngunit dapat bang ganito ang pakikipag-date? Ngayong araw ay kasama ang isang tao, bukas ay iba naman, walang pakundangang paulit-ulit na nakikipag-date at nang-aakit ng sinuman. Saanman sila magpunta, inuuna ng gayong mahahalay na tao ang pagpapalabas ng malalaswa nilang pagnanasa, pagpapakitang-gilas, at pang-aakit. Habang mas dumarami ang taong naaakit nila, mas sumasaya ang pakiramdam nila. Ano ang mangyayari sa huli? Pagkatapos magpakitang-gilas nang paulit-ulit, makikilatis ng ilang kapatid ang pag-uugali nila at sama-samang magsusulat ang mga ito ng isang liham sa mga nakatataas na lider. Papatunayan ng isang imbestigasyon ang mga pahayag ng mga kapatid, at aalisin sa iglesia ang mahalay na tao. Nakita ba ninyo kung ano ang mangyayari? Hindi ba’t nagtatapos na roon ang landas ng pananampalataya nila sa Diyos? Nabubunyag ang kalalabasan nila. Ang mga kilos at pag-uugali nila, na sa tingin ng mga tao ay hindi puwedeng palampasin, ay lalong mas kasuklam-suklam sa Diyos. Ang pag-uugaling ipinapakita ng mga taong ito ay hindi kumakatawan sa wastong ugnayan sa pagitan ng mga tao, ni sumasalamin sa mga normal na pangangailangan ng tao. Mailalarawan ang mga kilos nila sa isang salita lang: “kahalayan.” Ano ang tinutukoy ng kahalayan? Ang ibig sabihin nito ay ang walang pakundangang pakikipagrelasyon sa kabilang kasarian, iresponsableng pang-aakit sa iba ayon sa sariling kagustuhan, at panunukso at panliligalig sa mga miyembro ng kabilang kasarian. Ito ay pagbibigay-layaw sa pagnanasa, at paggawa nito nang hindi isinasaalang-alang ang kabayaran o ang mga kahihinatnan. Kung kalaunan ay may isang taong mabibitag at romantikong makikipaglandian sa kanila, tatanggi silang kilalanin ito, sasabihin, “Nagbibiro lang ako. Sineryoso mo ba? Hindi ko talaga iyon sinasadya; masyado mo itong binibigyan ng kahulugan.” Hindi ba’t isa itong diyablong nanunukso sa mga tao? Pagkatapos tuksuhin ang isang tao, naghahanap siya ng susunod niyang pupuntiryahin, nang-aakit ng iba. Napakasama at napakabuktot niya! Pagkatapos akitin ang isang tao, tatanggi siyang kilalanin ito. Kung may isang taong malilihis at madadamay sa gusot dahil sa gayong tao, hindi ba’t nakakasuklam iyon? (Oo.) Kamuhi-muhi ba ang mga tao na walang pakundangang nang-aakit ng iba? (Oo.) Ipinahayag ng sambahayan ng Diyos sa pinakasimula pa lang na kung umabot na ang isang tao sa edad ng pag-aasawa at nasa hustong gulang na siya, hindi kumokontra ang sambahayan ng Diyos sa normal niyang pakikipag-date o sa pag-aasawa niya at pamumuhay niya kasama ng kabiyak niya sa normal na paraan, at na pinapahintulutan ang taong ito at binibigyan siya ng kalayaang gawin iyon. Gayumpaman, mayroong ilang kondisyon: Hindi pinapayagan ang pakikibahagi sa mahahalay na aktibidad; hindi pinapahintulutan ang walang pakundangang pang-aakit at pakikipaglandian, at ang kaswal na panliligalig sa kabilang kasarian. Hindi naghihigpit ang sambahayan ng Diyos sa pakikipag-date, pero hindi nito pinapayagan ang walang pakundangang pang-aakit. Ano ang ibig sabihin ng walang pakundangang pang-aakit? Ang ibig sabihin nito ay ang panliligalig sa sinumang miyembro ng kabilang kasarian, at pagkatapos ay ang hindi pag-amin sa paggawa nito. Ang mga taong nililigalig nila ay hindi ang kanilang tunay na minamahal; hindi nila nilalayong makipagrelasyon nang pangmatagalan o magpakasal kundi nais lang nilang mang-akit, paglaruan ang taong iyon, masiyahan sa kanya, maghanap ng mga katuwaan, makarelasyon ang ilang kasintahan, kumilos tulad ng isang malaswang tao—ito ay tinatawag na kahalayan. Sa iglesia, hindi pinapahintulutan ang kahalayan, at kung mangyayari ito, dapat pangasiwaan iyong mga kasangkot ayon sa mga prinsipyo ng pagpapaalis sa mga tao. Siyempre, sa loob ng mga pangkat ng mga taga-ebanghelyo, hindi pinapahintulutang mangyari ang gayong mga sitwasyon sa mga taong nangangaral ng ebanghelyo, mula man sila sa mga iglesiang may tungkuling full-time o sa mga ordinaryong iglesia. Kung magkukunwari ang isang tao na ipinapangaral ang ebanghelyo para walang pakundangang mang-akit ng iba, pinipiling makipagtulungan sa mga miyembro lang ng kabilang kasarian, o ipinapangaral lang ang ebanghelyo sa mga miyembro ng kabilang kasarian, at sa gayon ay sinasamantala ang pagkakataon para pumasok sa mga di-wastong ugnayan, gagambalain at guguluhin nito ang gawain ng ebanghelyo ng Diyos. Dapat agarang alisin ng mga lider at manggagawa ang gayong mga tao.

Para makahanap ng mga miyembro ng kabilang kasarian at makibahagi sa mahahalay na aktibidad, binabalewala ng ilang tao ang edad at wala silang limitasyon sa edad. Sinusubukan lang nilang akitin ang lahat ng makakaya nila, nang walang katiting na kahihiyan. Hindi lang tinutugunan ng ilan ang malalaswang pagnanasa ng kanilang laman sa pang-aakit ng mga miyembro ng kabilang kasarian—hinihingi pa nga nila sa kabilang panig na ito ang magbayad ng mga gastusin sa pamumuhay nila, na bilhan sila nito ng mga bagay-bagay, at iba pa. Kung makakatuklas kayo ng gayong mga tao o mayroong mag-uulat ng gayong mga pangyayari, dapat agarang pangasiwaan ang mga ito. Ang tanging solusyon ay ang paalisin ang mga taong ito, ang permanenteng paalisin ang mga taong ito. Ito ay dahil para sa mga taong may ganoong mga isyu, hinding-hindi ito isang pansamantalang problema. Lalo nang ganito ang kaso para sa mga may-asawa—sa kabila ng pagkakaroon ng asawa sa tahanan, partikular pa rin nilang pinupuntirya ang kabilang kasarian gamit ang pagdadahilan na nangangaral sila ng ebanghelyo. Naghahanap sila ng kahit anong uri, mayaman man o mahirap, at kung makakahanap sila ng taong gusto nila, maaari pa nga silang makipagtanan kasama ito, ni hindi na nga ipinapangaral ang ebanghelyo—hindi na talaga nananampalataya sa Diyos. Kung maagang matutuklasan ang gayong mga tao, dapat silang agad at permanenteng paalisin sa mga hanay ng mga nangangaral ng ebanghelyo, nang hindi na binibigyan ng isa pang pagkakataon, at nang wala nang pangangailangan pa para sa karagdagang obserbasyon. Nauunawaan ba ninyo? Sinasabi ng ilan, “Para sa ilan, mahirap ang buhay. Kung mang-aakit sila ng isang tao sa kabilang kasarian para bumuo ng isang pamilya, at magagawa ng taong iyon na manampalataya sa Diyos at suportahan sila, hindi ba’t iyon ay isang sitwasyong makabubuti sa lahat?” Sinasabi Ko sa iyo, kailangang paalisin ang gayong mga tao sa lalong madaling panahon; hindi buhay-pamilya ang talagang habol nila kundi ang pakikibahagi sa mahahalay na aktibidad. Bakit Ako labis na nakakatiyak? Kung hindi sila ang uri na nakikibahagi sa mahahalay na aktibidad, pagkatapos manampalataya sa Diyos ay hinding-hindi na sila magpapatuloy sa gayong mga pag-uugali at masusuklam na sila sa mga iyon, lalo na kung mayroon na silang asawa. Ang mga kalakaran ngayon sa buong mundo ay mahalay at buktot; nagpapasasa ang mga tao sa pagnanasa nila at nagpapaligsahan sila kung sino ang makakaakit ng mas maraming miyembro ng kabilang kasarian nang walang anumang pangangailangan para sa pagpipigil, dahil hindi kinokondena o nililibak ng lipunang ito at ng sangkatauhang ito ang mga pagkilos na ito. Kaya, iniisip ng mga tao na kung magagawa nilang kumita ng pera sa pamamagitan ng pakikibahagi sa mahahalay na aktibidad at pagbebenta ng laman nila, isa itong tanda ng kasanayan o kapabilidad. Tinitingnan nila ito bilang isang bagay na dapat ipagmalaki. Gayumpaman, pagkatapos manampalataya sa Diyos, ganap na nagbabago ang mga pananaw ng mga tao sa mga usaping ito. Nahahanap nila ang wastong paraan para tratuhin ang malalaswang pagnanasa ng laman, na una sa lahat ay may kaugnayan sa pagpipigil. Paano maisasagawa ng isang tao ang pagpipigil? Kailangang magkaroon ang mga tao ng kahihiyan at makaramdam ng kahihiyan. Iyon ang tinatawag na normal na pagkatao. Mayroong malalaswang pagnanasa ang lahat ng tao, pero kailangang matutunan ng mga tao na pigilan ang sarili nila, na makaramdam ng kahihiyan. Kahit na mayroon silang ilang ganitong pag-iisip, dapat nilang pigilan ang sarili nila dahil nananampalataya sila sa Diyos at mayroon silang konsensiya at katwiran. Hinding-hindi nila dapat sundin ang mga maling bagay na nasa isipan nila, lalong hindi sila dapat magpasasa sa mga ito. Dapat nilang hanapin ang katotohanan para malutas ang mga isyung ito. Kahit pa sila ay mga bagong mananampalataya na hindi nauunawaan ang katotohanan, dapat pa rin nilang ikumpara ang sarili nila sa mga pinakapangunahing pamantayan ng moralidad ng tao. Kung wala ka kahit ng antas na ito ng pagpipigil, wala kang normal na pagkatao at wala kang konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao. Sumusunod ang lahat ng klase ng mga hayop sa isang partikular na kaayusan at sumusunod ang mga ito sa mga panuntunan sa usaping ito, hindi kumikilos nang walang pakundangan; bilang mga tao, lalo pa ngang hindi sila dapat kumilos nang walang pakundangan, at mayroon dapat silang mas higit na pagpipigil. Kung wala ka kahit ng antas na ito ng pagpipigil at pagkontrol sa sarili, paano ka makakaasang mahahanap at maisasagawa mo ang katotohanan? Kung hindi mo man lang kayang lutasin ang sarili mong buktot na pagnanasa, paano mo malulutas ang mga tiwali mong disposisyon? Ang kalikasan mo ng paglaban at pagkakanulo sa Diyos ay lalo nang magiging mas imposibleng malutas, hindi ba? (Oo.) Kung hindi mo man lang kayang pangasiwaan ang malalaswang pagnanasa ng laman, paano ka makakaasang malulutas mo ang mga tiwali mong disposisyon? Huwag mo na itong isipin pa. Hindi mo ito makakamit.

Palaging naghahanap ng mga pagkakataon ang ilang tao para makipag-date habang nangangaral ng ebanghelyo, at madalas mangyari ang gayong mga insidente. Iyong mga nakagawian na nagkakaroon ng mga romantikong relasyon habang pinapabayaan ang mga nararapat nilang gampanin ay pinaalis at pinangasiwaan na, samantalang iyong mga paminsan-minsang sumasalangsang ay binabalaan. Sa sandaling makahanap ng mga angkop na sitwasyon ang mga indibidwal na ito na may mga buktot na disposisyon at makatagpo sila ng isang tao na itinuturing nilang kalaguyo, natutukso sila. Sa gayon, naglalaho sa gitna ng buktot nilang pagnanasa ang intensyon nilang tumanggap ng mga pagpapala sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos. Sa sandaling pumasok sila sa isang romantikong relasyon, pinapabayaan nila ang lahat ng iba pa, inaabandona pa nga ang intensyon nilang mapagpala, at hinahangad lang ang kaligayahan ng laman. Pagkatapos ng isa o dalawang pagkakasala, maaari silang makaramdam ng kaunting pag-aakusa sa sarili at pagkabagabag, pero pagkatapos ng tatlo o apat na beses, nagiging kahalayan na ito. Sa sandaling magsimula na ang kahalayan, hindi na sila nakakaramdam ng pag-aakusa sa sarili o pagkabagabag dahil nalabag na ang suson ng kahihiyan na siyang pinakabatayan ng pagkatao ng isang tao. Hindi na nila itinuturing na kahiya-hiya ang kahalayan at sa gayon ay patuloy silang nakikibahagi rito. Iyong mga kayang magpatuloy na makibahagi sa kahalayan ay lubhang nagpapasasa sa malalaswa nilang pagnanasa, hindi nagpapakita ng anumang pagpipigil. Hindi pinapayagan ang gayong mga indibidwal sa iglesia, at dapat silang paalisin; huwag silang bigyang-layaw at huwag gumawa ng anumang pagdadahilan para panatilihin sila. Hindi nagkukulang ng mga tao ang sambahayan ng Diyos para mangaral ng ebanghelyo; hindi nito kailangan ng gayong malalaswang tao para magparami ng bilang dahil lubha itong nakakasira sa pangalan ng Diyos. Samakatwid, kung mayroong mag-uulat o kung personal mong matutuklasan ang gayong mga indibidwal sa loob ng pangkat ng mga tagapagpangaral ng ebanghelyo, dapat alam mo na kung ano ang gagawin. Kung mayroong ganitong isyu ang ilang bagong mananampalataya, dapat muna ninyong pagbahaginan ang katotohanan tungkol sa isyung ito, ipaalam sa lahat kung ano ang mga prinsipyo at saloobin ng iglesia sa mga gumagawa ng mahahalay na gawa. Sa pinakamababang antas, dapat silang bigyan ng paunang babala para maiwasan nilang gawin ito at na gamitin ang pangangaral ng ebanghelyo bilang isang pagkakataon para makibahagi sa gayong mga pag-uugali, at sa huli ay sisisihin iyong mga namamahala o ang mga lider at manggagawa sa hindi pakikipagbahaginan nang maaga ng mga ito tungkol sa mga nauugnay na katotohanang prinsipyo. Samakatwid, bago mangyari ang gayong mga insidente, bago mabatid ng ilang tao ang saloobin ng sambahayan ng Diyos sa gayong mga indibidwal at usapin, kapag hindi malinaw sa mga tao ang tungkol sa mga isyung ito, dapat na hayagan at malinaw na makipagbahaginan sa kanila ang mga lider at manggagawa tungkol sa mga prinsipyong ito para malaman nila kung sa anong klase ng pag-uugali at kalikasan nabibilang ang mga usaping ito, at kung ano ang saloobin ng sambahayan ng Diyos sa gayong mga usapin at indibidwal. Pagkatapos na masinsinang mapagbahaginan ang tungkol sa mga prinsipyong ito, kung kakapit pa rin sila sa sarili nilang landas at ipagpapatuloy nila ang ginagawa nila sa kabila ng pagkaalam sa mga prinsipyong ito, dapat silang pangasiwaan at tanggalin, dapat silang paalisin. Kung lilitaw ang gayong mga indibidwal sa iglesia, madalas na nagdudulot ng mga insidente sa pamamagitan ng pang-aakit sa iba o madalas na nagsasanhi ng panliligalig sa mga miyembro ng kabilang kasarian, tiyak na mayroon silang mga problema. Kahit pa walang naganap na malalaking isyu, dapat na balaan at pangasiwaan ng mga lider at manggagawa ang mga indibidwal na ito, o tanggalin ang mga ito sa mga lugar kung saan ginagampanan ng mga tao ang mga tungkulin nila; sa malulubhang kaso, dapat direktang paalisin ang mga indibidwal na ito. Dito nagtatapos ang pagbabahaginan natin tungkol sa ikapitong aspekto ng mga pagpapamalas ng pagkatao ng mga tao.

Disyembre 18, 2021