Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (26) Ikaapat na Seksiyon
Ang mga Pamantayan at Batayan Para sa Pagkilatis sa Iba’t Ibang Uri ng Masasamang Tao
II. Batay sa Pagkatao ng Isang Tao
Susunod, tutuloy naman tayo sa pagbabahaginan tungkol sa ikalabing-apat na responsabilidad ng mga lider at manggagawa: “Agarang kilatisin, at pagkatapos ay paalisin o patalsikin ang lahat ng uri ng masasamang tao at mga anticristo.” Nahahati sa tatlong pangunahing kategorya ang mga pamantayan para sa pagkilatis sa lahat ng uri ng masasamang tao. Noong nakaraan, nagbahaginan tayo tungkol sa layon ng isang tao sa pananampalataya sa Diyos, at pagkatapos ay tumungo tayo sa pagkatao niya. Pagdating sa pagkatao ng isang tao, ikinategorya rin natin ang maraming iba’t ibang pagpapamalas. Ano ang ilang pagpapamalas na napagbahaginan na natin? Basahin ninyo ang mga ito. (Ang ikalawang aytem para sa pagkilatis sa lahat ng uri ng masasamang tao ay may kinalaman sa pagkatao ng isang tao. Una, ang pagkahilig na mambaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan; ikalawa, ang pagkahilig na manamantala; ikatlo, pagiging imoral at walang pagpipigil; ikaapat, pagiging mahilig sa paghihiganti; ikalima, hindi magawang makontrol ang sariling dila.) Nagbahaginan tayo hanggang sa ikalimang punto tungkol sa hindi magawang makontrol ang sariling dila. Nagbabahaginan man tayo tungkol sa mga partikular na pagpapamalas ng pagkatao o tungkol sa iba pang mga bagay, tulad ng sinabi Ko, magkakaroon ito ng magkakaibang epekto sa iba’t ibang uri ng mga tao. Iyong mga naghahangad sa katotohanan, pagkatapos makinig, ay tutuon sa pagsusuri sa sarili nila; susukatin nila ang sarili nila kumpara sa pagbabahagi Ko at magkakaroon sila ng maagap at positibong pagpasok. Gayumpaman, iyong mga hindi naghahangad sa katotohanan, tulad ng mga trabahador, ay makikinig lang at iyon na iyon. Hindi nila ito isinasapuso o hindi nila iginugugol ang puso nila sa pakikinig. Minsan, nakakatulog pa nga sila habang nakikinig sa mga sermon. Hindi nila ito maisaisip, at iniisip pa nga nila, “Ano ang silbi ng pakikinig sa mga di-mahalagang usaping ito? Sayang sa oras—hindi ko pa nga natatapos ang gawaing ginagawa ko!” Palagi silang nag-aalala tungkol sa mga trabahong nangangailangan ng pagpapakapagod. Lubha silang masigasig at nakatuon sa pagpapakapagod, nagpapakita ng katapatan, pero sadyang hindi nila kayang magkaroon ng lakas para sa mga usaping may kinalaman sa katotohanan. Malinaw na ibinubunyag nito na hindi interesado sa katotohanan ang gayong mga tao; nasisiyahan na sila sa pagpapakapagod lang. May isa pang grupo ng mga tao na nagpapanatili ng parehong saloobin paano man magbahaginan ang sambahayan ng Diyos tungkol sa katotohanan: “Mapanlaban at salungat lang ako. Kahit pa tukuyin mo ang mga problema ko at ilantad mo ang mga pagpapamalas, pagbubunyag, at disposisyon ko, hindi ko pa rin ito bibigyang-pansin o seseryosohin. Ano naman ngayon kung malaman ng iba na inilalantad ako?” Walang kahihiyan lang silang nagpapatuloy sa pagsuway at pagsalungat, na hindi na matutubos. Gayumpaman, makikita ang kaibahan ng mga pagpapamalas ng iba’t ibang uri ng mga tao. Ang katotohanan—para man sa mga naghahangad nito, sa mga handang magpakapagod pero hindi nagmamahal dito, o sa mga nasusuklam at tumututol sa katotohanan—ay isang tabak na may dalawang talim, isang panukat. Masusukat nito ang mga saloobin ng mga tao sa katotohanan at pati na rin ang landas na tinatahak nila.
F. Pagiging Hindi Makatwiran at Sadyang Mapanggulo, Nang Walang Sinumang Naglalakas-loob na Galitin Sila
Noong nakaraan, nagbahaginan tayo tungkol sa pagkilatis sa limang pagpapamalas ng iba’t ibang masasamang tao. Ngayon, magpapatuloy tayo sa pagbabahaginan tungkol sa ikaanim. Ang ikaanim ay isa ring pagpapamalas ng isang uri ng masamang tao, o sa halip, kahit pa hindi itinuturing ng mga tao ang uring ito bilang masama, hindi pa rin ito gusto ng lahat. Bakit ganoon? Ito ay dahil ang mga taong ito ay walang konsensiya at katwiran, walang normal na pagkatao, at lubhang mapanggulo at mahirap makisalamuha sa kanila, na nagdudulot ng pagkasuklam. Ano ang mga partikular na pagpapamalas ng mga taong ito? Ito ay ang pagiging hindi makatwiran at sadyang mapanggulo, nang walang sinumang naglalakas-loob na galitin sila. Mayroon bang gayong mga tao sa iglesia? Bagama’t hindi marami, tiyak na mayroon. At ano ang mga partikular nilang pagpapamalas? Sa mga karaniwang sitwasyon, kayang gampanan ng mga taong ito ang mga tungkulin nila nang normal at makisalamuha sa iba nang napakanormal; hindi ka makakakita ng isang malupit na disposisyon mula sa kanila. Gayumpaman, kapag sumasalungat ang mga kilos nila sa mga katotohanang prinsipyo at pinungusan sila, sasabog sila sa galit, ganap na tinatanggihan ang katotohanan habang gumagawa ng mga tila kapani-paniwalang dahilan para sa sarili nila. Bigla, napagtatanto mo na para silang isang hedgehog na nababalot ng mga tinik, isang tigreng hindi mahawakan. Iniisip mo, “Napakatagal na akong nakikisalamuha sa taong ito, iniisip na siya ay may mabuting pagkatao, maunawain, at madaling kausap, naniniwalang kaya niyang tanggapin ang katotohanan. Hindi ko inasahan na isa siyang tao na hindi makatwiran at sadyang mapanggulo. Dapat akong maging mas maingat sa mga pakikisalamuha ko sa kanya sa hinaharap, dapat kong bawasan ang pakikipag-ugnayan maliban na lang kung kinakailangan, at panatilihin ang distansya ko para maiwasan na magalit ko siya.” Nakakita na ba kayo ng gayong mga tao na hindi makatwiran at sadyang mapanggulo? Sa pangkalahatan, alam ng mga nakakaunawa sa kanila kung gaano sila kakila-kilabot at nakikipag-usap ang mga iyon sa kanila nang may lubhang pagkamagalang at pag-iingat. Sa partikular, kapag kinakausap ninyo sila, hinding-hindi ninyo sila puwedeng saktan, o hahantong ito sa walang-katapusang problema sa kanila. Sinasabi ng ilang tao, “Sino ba talaga ang magagaspang na taong ito? Hindi pa namin sila nakakatagpo.” Kung gayon, kailangan talaga nating pag-usapan ang tungkol dito. Halimbawa, habang nakikipagbahaginan ang mga kapatid sa kanilang mga karanasan, kapag binanggit ng ilan ang mga tiwali nilang kalagayan o mga personal na paghihirap, hindi maiiwasang magpakita ng empatiya ang iba, dahil nagkaroon na ang mga ito ng mga katulad na karanasan o damdamin. Ito ay lubhang normal. Pagkatapos makinig, maaaring isipin ng isang tao, “Nagkaroon na rin ako ng gayong mga karanasan, kaya sama-sama nating pagbahaginan ang tungkol sa paksang ito. Gusto kong marinig kung paano mo ito pinagdaanan. Kung mayroong liwanag ang pagbabahagi mo, at may kinalaman ito sa isang isyung mayroon ako, tatanggapin ko ito at magsasagawa ako ayon sa mga karanasan at landas mo para makita ko kung ano ang magiging mga resulta.” Mayroon lang isang uri ng tao na, sa sandaling marinig ang iba na magbahagi tungkol sa pagkilala sa sarili nila at maglantad ng sarili nilang katiwalian at kapangitan, ay naniniwala na ito ay hindi direktang paglalantad at panghuhusga sa kanya, at hindi niya mapigilang hampasin ang mesa at sumabog sa galit: “Sino ba ang walang katiwalian? Sino ba ang namumuhay nang nag-iisa? Sa tingin ko, mas malala pa nga ang katiwalian ninyo kaysa sa akin! Ano bang mga kalipikasyon ang mayroon kayong lahat para puntiryahin ako, para ilantad ako? Sa tingin ko, gusto lang ninyo akong pahirapan, ibukod ako! Hindi ba’t ito ay dahil lang nanggaling ako sa kanayunan at hindi ko kayang magsalita ng mga nakakalugod na salita para purihin kayong lahat? Hindi ba’t ito ay dahil ang antas ng edukasyon ko ay hindi kasintaas ng sa inyo? Ni hindi nga ako minamaliit ng diyos, kaya ano ang karapatan ninyo para maliitin ako!” Sasabihin ng iba, “Ito ay normal na pagbabahaginan, hindi nakapuntirya sa iyo. Hindi ba’t pare-pareho ang mga tiwaling disposisyon ng lahat? Kapag nagbabahagi ang isang tao tungkol sa isang paksa at binanggit niya ang sarili niyang tiwaling kalagayan, hindi maiiwasang masumpungan ng iba ang sarili nila sa mga katulad na kalagayan. Kung sa palagay mo ay pareho kayo ng kalagayan, puwede ka ring magbahagi tungkol sa mga karanasan mo.” At sasagot siya, “Ganoon ba? Matitiis ko ang gayong pagbabahagi mula sa isang tao, pero bakit nagtutulungan kayong dalawa o tatlo para apihin ako? Sa tingin ba ninyo ay madali akong kayan-kayanin?” Hindi ba’t palayo nang palayo na sa punto ang mga salita niya habang lalo siyang nagsasalita? (Oo.) May katwiran ba ang gayong mga tao sa pagsasabi ng mga salitang ito? (Wala.) Kung talagang iniisip mo na nakapuntirya sa iyo ang paksa ng pagbabahaginan ng iba, puwede kang makipag-usap o magbahagi tungkol sa paksang ito; direkta kang magtanong kung nakapuntirya ba ito sa iyo, sa halip na isingit mo ang pinagmulan mo bilang isang magsasaka, ang mas mababang antas ng edukasyon mo, o ang pangmamaliit sa iyo ng mga tao. Ano ang silbi ng pagsasabi ng mga bagay na iyon? Hindi ba’t paglilitanya iyon tungkol sa tama at mali? Hindi ba’t ito ay pagiging hindi makatwiran at sadyang mapanggulo? (Oo.) Hindi ba’t iniisip ninyo na kakila-kilabot ang gayong mga tao? (Oo.) Pagkatapos niyang gumawa ng gayong eksena, alam na ng lahat kung anong uri ng tao siya, at kapag nagbabahaginan sa mga darating na pagtitipon, kailangan nilang palaging mag-ingat sa pagsasalita at pag-aralan ang mga ekspresyon niya. Kung magiging mapanglaw ang ekspresyon niya, mag-aalangan ang iba na magsalita, at mararamdaman ng lahat na napipigilan sila sa mga pagbabahaginan sa mga pagtitipon. Hindi ba’t ito ang pagpigil at panggugulong dulot ng pagiging hindi makatwiran at sadyang mapanggulo niya? (Oo.) Lahat ng hindi makatwiran at sadyang mapanggulo ay wala sa katwiran; hindi tatanggapin ng gayong mga indibidwal ang katotohanan at hindi sila maaaring maligtas.
Mayroon pang isang pagpapamalas ang uring ito ng tao na hindi makatwiran at sadyang mapanggulo. Palaging sinasabi ng ilang tao sa mga pagtitipon, “Hindi na ako puwedeng kumilos nang pabasta-basta. Kailangan kong magtuon sa pagsasagawa sa katotohanan; kailangan kong hangarin ang pagiging perpekto. Likas akong nagsusumikap na maging mahusay. Anuman ang gawin ko, dapat itong gawin nang maayos.” Sinasabi nila iyon, pero sa realidad, pabasta-basta pa rin silang kumikilos kapag ginagampanan nila ang tungkulin nila, at maraming problema sa tungkuling ginagampanan nila, malayo sa pagkamit sa epekto ng pagpapatotoo sa Diyos. Kapag tinutukoy ng mga lider ang mga problema sa paggampan nila ng tungkulin at pinupungusan sila, agad silang nagagalit, sinasabing, “Sabi ko na nga ba. Hinuhusgahan ninyo akong lahat kapag nakatalikod ako, sinasabing mahina ang mga propesyonal kong kasanayan. Hindi ba’t mababa lang talaga ang tingin ninyong lahat sa akin? Ito ay isang maliit na pagkakamali lang, iyon lang. Kinakailangan bang pungusan ako nang ganito? Bukod pa rito, sino ba ang hindi nagkakamali? Sinasabing pabasta-basta akong kumikilos—hindi ba’t naging pabasta-basta ka rin sa gawain mo noon? Kalipikado ka bang punahin ako? Kung wala ang kooperasyon ko, sino sa inyo ang kayang pasanin ang gawaing ito?” Ano ang tingin ninyo sa gayong mga tao? Sa anumang ginagawa nila, hindi nila pinapayagan ang iba na tukuyin ang mga pagkukulang nila o mag-alok ng mga suhestiyon; hindi nila tinatanggap kahit ang makatwirang pagpupungos. Kung sinuman ang magsalita, lumalaban at sumasalungat sila sa kanya, nagbibitaw ng mga hindi makatwirang salita, sinasabi pa nga na minamaliit sila, o na inaapi sila dahil nag-iisa sila at walang kapangyarihan, o iba pang gayong mga bagay. Hindi ba’t ito ay pagiging hindi masupil, hindi makatwiran, at sadyang mapanggulo? Mayroon pa ngang ilang tao na, pagkatapos pungusan, ay inaabandona ang tungkulin nila: “Hindi ko na gagawin ang gawaing ito. Kung magagawa ninyo ito, sige, gawin ninyo. Pagkatapos, titingnan ko kung magagawa pa rin ninyong ipagpatuloy ang gawain nang wala ako!” Sinusubukan ng mga kapatid na hikayatin sila, pero hindi sila nakikinig. Kahit kapag nakikipagbahaginan ang mga lider at manggagawa sa kanila tungkol sa katotohanan, tumatanggi silang tumanggap; nagsisimula silang magmataas at abandonahin ang tungkulin nila. Sa mga pagtitipon, nagmumukmok sila, hindi nagbabasa ng mga salita ng Diyos ni nakikipagbahaginan, palaging huling dumarating at unang umaalis. Kapag umaalis sila, nagdadabog sila at ibinabagsak ang pinto, at hindi alam ng karamihan kung paano sila haharapin. Kapag mayroong nangyayari sa gayong mga tao, naglilitanya sila ng mga walang katuturang argumento at walang kabuluhang bagay; nagiging hindi sila masupil at naghahagis pa nga ng mga bagay, ganap na hindi tinatablan ng katwiran. Mayroon ngang mas malulubha pang pagpapamalas ang ilan—kung hindi sila babatiin ng mga kapatid, naiinis sila at sinasamantala nila ang pagkakataon para mag-atungal sa mga pagtitipon: “Alam kong mababa ang tingin ninyong lahat sa akin. Sa mga pagtitipon, nakatuon lang kayong lahat sa pagbabahaginan tungkol sa mga salita ng diyos at sa pagtatalakay ng sarili ninyong mga pagkaunawang batay sa karanasan. Walang may pakialam sa akin, walang ngumingiti sa akin, at walang naghahatid sa akin kapag umaalis ako. Anong klaseng mga mananampalataya kayo? Wala talaga kayong pagkatao!” Nagwawala sila nang ganito sa iglesia. Nagagalit sila kahit sa mga di-mahalagang usapin, naglalabas ng lahat ng naipon nilang hinaing. Malinaw na ibinubunyag nila ang sarili nilang tiwaling disposisyon, pero hindi nila pinagninilayan ang sarili nila ni kinikilala ang sarili nila, at wala silang pagnanais na hangarin ang pagbabago o ang katotohanan. Sa halip, naghahanap sila ng problema sa iba, naghahanap ng iba’t ibang dahilan para balansehin ang sarili nilang kaibuturan ng isipan—at habang ginagawa nila ito, naghahanap sila ng mga pagkakataon para ibulalas ang mga hinaing nila. Ang mas mahalaga, nilalayon nilang mapansin at katakutan sila ng mas maraming tao, para magkaroon sila ng kaunting katanyagan at atensiyon mula sa mga tao. Napakamapanggulo ng ganitong mga tao! Anuman ang sabihin nila, walang sinumang naglalakas-loob na magsabi ng “hindi”; walang sinuman ang naglalakas-loob na tasahin sila nang basta-basta; at walang sinuman ang naglalakas-loob na maging bukas at makipagbahaginan sa kanila. Kahit pa may napapansing ilang kapintasan at tiwaling disposisyon sa kanila, walang sinuman ang naglalakas-loob na tukuyin ang mga ito. Sa mga pagtitipon, kapag nagbabahaginan ang lahat tungkol sa mga personal na karanasan nila at sa pagkaunawa nila sa mga salita ng Diyos, maingat nilang iniiwasan ang taong ito na siyang “pugad ng putakti,” natatakot na galitin siya at magdulot ng problema. Nagbubulalas ng sama ng loob ang ilang tao sa mga pagtitipon pagkatapos makatanggap ng hindi magandang pagtrato o maharap sa sama ng loob sa tahanan o gawain. Malinaw na ginagawa nila ang mga kapatid na labasan ng sama ng loob at pinagbubuntunan ng emosyon nila. Kapag nayayamot sila, naglilitanya sila ng mga walang katuturang argumento, umiiyak, at nagwawala. Kung gayon, sino ang maglalakas-loob na makipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan? Kung makikipagbahaginan sa kanila, at may masasabing hindi nila magugustuhan, magbabanta silang magpapatiwakal. Lalong magiging mapanggulo iyon. Sa gayong mga tao, hindi uubra ang normal na pagbabahaginan; hindi uubra ang normal na pakikipag-usap; kapwa hindi uubra ang pagiging masyadong mainit o masyadong malamig; hindi uubra ang pag-iwas sa kanila; hindi uubra ang pagiging masyadong malapit sa kanila; at kung hindi magpapahayag ng kaligayahan ang mga kapatid para tumbasan ang kaligayahan nila, hindi uubra iyon; at kapag nakaranas ng paghihirap ang mga taong ito, kung hindi matutumbasan ng mga kapatid ang pagkabagabag nila, hindi rin uubra iyon. Walang umuubra sa kanila. Anuman ang gawin ay puwedeng makainis at makagalit sa kanila. Paano man sila tratuhin, hindi sila kailanman nasisiyahan. Maaaring makagalit sa kanila maging ang mga sermon at pagbabahagi Ko tungkol sa mga partikular na kalagayan ng mga tao. Paano sila ginagalit nito? Iniisip nila, “Hindi ba’t paglalantad ito sa akin? Hindi mo pa nga ako nakakasalamuha, at wala pa akong sinasabi sa iyo tungkol sa ginawa ko sa pribado. Paano mo malalaman? May nagsumbong siguro. Kailangan kong malaman kung sino ang nakikipag-ugnayan sa iyo, kung sino ang nagsumbong, kung sino ang nag-ulat tungkol sa akin; hindi ko ito papalampasin!” Ang uri ng taong ito na hindi makatwiran at sadyang mapanggulo ay maaaring magkaroon ng mga baluktot na kaisipan tungkol sa anumang bagay, at hindi niya kayang tratuhin nang tama ang anumang bagay. Wala siya sa katwiran! Talagang wala siyang pagkamakatwiran, at lalong hindi niya kayang tanggapin ang katotohanan. Ang pananatili niya sa iglesia ay hindi nagdudulot ng pakinabang, nagsasanhi lang ng pinsala. Isa lang siyang pabigat, isang pasanin na dapat tanggalin kaagad; dapat siyang alisin kaagad!
Sa Tsina, ang pananampalataya sa Diyos ay humahantong sa paniniil at pag-uusig ng malaking pulang dragon, at napakaraming tao ang tinutugis at hindi makauwi sa tahanan nila. Gayumpaman, kapag inuusig at hindi makauwi, naniniwala ang ilang tao na nagtamo sila ng merito o kalipikasyon. Namumuhay sila kasama ang mga pamilyang nagho-host, at hindi lang sila nagpapaasikaso sa mga tao—kung bahagyang sasalungat sa mga kahilingan nila ang anumang bagay o magsisimula silang mangulila sa tahanan nila, magsisimula silang gumawa ng eksena, at kailangan silang suyuin at tiisin ng iba. Hindi ba’t hindi makatwiran at sadyang mapanggulo ang gayong mga tao? Napakaraming tao ang inuusig, at walang gaanong mga pamilyang nagho-host. Dahil sa pagmamahal, hino-host ng mga kapatid ang mga hindi makauwi. Dahil sa kanila ay wala ang mga ito sa mga lansangan at pinapayagan nila ang mga ito na manirahan sa mga tahanan nila. Hindi ba’t biyaya ito ng Diyos? Subalit, hindi lang nabibigo ang ilan na pahalagahan ang biyaya ng Diyos, kundi nabibigo rin silang makita ang pagmamahal ng mga kapatid. Sa halip, nakakaramdam sila ng pagkaagrabyado, at magrereklamo pa nga sila at magiging magulo. Ang totoo, ang mga kondisyon ng pamumuhay sa mga tahanan ng mga kapatid ay mas mainam nang bahagya kaysa sa sarili nilang tahanan. Lalo na pagdating sa pananampalataya sa Diyos at sa paggampan ng tungkulin ng isang tao, ang pananatili sa mga tahanan ng mga kapatid ay mas mainam pa nga kaysa sa pananatili sa sarili nilang tahanan, at ang pagkakaroon ng mga kapatid para makipagtulungan nang may pagkakasundo ay palaging higit na mas mainam kaysa sa nag-iisa lang. Kahit pa medyo nagkukulang ang mga kondisyon ng pamumuhay sa ilang rehiyon, katumbas pa rin ng mga ito ang isang karaniwang pamantayan ng pamumuhay. Ang pinakamahalaga ay na nagagawa nilang mamuhay kasama ang mga kapatid, para madalas na makapagtipon at kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, para maunawaan ang marami pang mga katotohanan, at para malaman kung ano ang mga layon ng paghahangad nila. Kaya, iyong mga naghahangad sa katotohanan ay kayang magbayad ng halagang iyon at dumanas ng pagdurusang iyon. Mayroong tamang saloobin tungkol dito ang karamihan sa mga tao; kaya nila itong tanggapin mula sa Diyos, sa kaalamang ang pagdurusang iyon ay kapaki-pakinabang, at na sila ang dapat dumanas niyon. Kaya nila itong harapin nang tama. Pero ang ilang hindi makatwiran at sadyang mapanggulo na mga tao na hindi makontrol ay hindi kayang maarok ang mga bagay sa ganitong paraan. Maaaring medyo matiis nila na hindi makauwi sa loob ng isang linggo, pero pagkatapos ng dalawang linggo, nagiging sumpungin sila, at pagkalipas ng isa o dalawang buwan, nagiging magulo sila, sinasabi, “Bakit puwedeng maging magkakasama nang masaya ang pamilya ninyo pero hindi ako makauwi sa amin? Bakit wala akong kalayaan, samantalang kayong lahat ay puwedeng magparoon at magparito hangga’t gusto ninyo?” Tumutugon ang iba: “Hindi ba’t dulot ito ng pag-uusig mula sa malaking pulang dragon? Hindi ba’t tama lang na tiisin natin ang gayong pagdurusa bilang mga tagasunod ng Diyos? Ano ba ang problema sa kaunting pagdurusang ito? Sa mga ganitong sitwasyon, bakit dapat maging pihikan? Kung kaya ng iba na tiisin ang pagdurusang ito, bakit hindi mo kaya?” Talagang ayaw ng mga hindi makatwiran at sadyang mapanggulo na magdusa. Kung mahuhuli at mabibilanggo sila, tiyak na magiging mga Hudas sila. Gaano katinding pagdurusa ba talaga ang mayroon sa pamumuhay kasama ang isang pamilyang nagho-host? Una, pagkaing pangtao pa rin ang pagkain; pangalawa, walang sinuman ang nagpapahirap sa iyo; at pangatlo, walang sinuman ang umaapi sa iyo. Iyon nga lang, hindi ka makauwi at hindi mo makasamang muli ang pamilya mo—at ang kaunting pagdurusang iyon ay talagang hindi katanggap-tanggap sa mga taong hindi makatwiran at sadyang mapanggulo. Kapag nakikipagbahaginan sa kanila ang iba tungkol sa katotohanan, tumatanggi silang tanggapin ito, sa halip ay nagsasabi sila ng mga bagay tulad ng, “Huwag mo akong pangaralan tungkol sa mga dakilang doktrinang iyon. Hindi mas kakaunti ang nauunawaan ko kaysa sa iyo; alam ko ang lahat ng ito! Sabihin mo na lang sa akin, kailan ba ako makakauwi? Kailan ba titigil ang malaking pulang dragon sa pagsubaybay sa tahanan ko? Kailan ba ako makakauwi nang hindi ako aarestuhin ng malaking pulang dragon? Kung hindi ko alam kung kailan ako makakauwi, mabuti pang hindi na lang ako mabuhay!” Gumagawa na naman sila ng eksena, at habang nagpapatuloy sila, umuupo sila sa sahig, sumisipa-sipa—at habang lalo silang sumisipa, mas nagagalit sila, at nagwawala rin sila nang hindi masupil, nang may kasamang pag-iyak at pag-atungal. Sinasabi ng iba, “Hinaan mo ang boses mo. Kung ipagpapatuloy mo ang ganito at maririnig ka ng mga kapitbahay, at matutuklasang may mga tagalabas na naninirahan dito, malalantad tayo, hindi ba?” Sumasagot sila, “Wala akong pakialam, gusto ko lang gumawa ng eksena! Makakauwi kayong lahat, pero ako, hindi. Hindi ito patas! Gagawa ako ng matinding eksena para hindi rin kayo makauwi tulad ko!” Hindi humuhupa ang hindi masupil nilang pagwawala, at lumilitaw ang poot nila; walang sinuman ang makakausap sa kanila nang maayos, walang sinuman ang makakahikayat sa kanila. Kapag medyo bumuti na ang timpla nila, tumatahimik sila at tumitigil sa paggawa ng eksena. Pero malay natin—anumang araw, baka maging hindi na naman sila masupil at gumawa ng eksena: Kakailanganin lang nilang magpahangin sa labas at maging malaya, at magsalita nang malakas sa loob ng bahay; palagi silang magbabalak na umuwi. Binabalaan sila ng mga kapatid: “Masyadong mapanganib ang umuwi; mayroong mga pulis na nagmamanman sa lugar at nagmamasid dito.” Sumasagot sila, “Wala akong pakialam, gusto kong bumalik! Kung mahuhuli nila ako, mahuhuli nila ako! Ano ba ang problema? Sa pinakamalala, magiging isa lang akong Hudas!” Hindi ba’t kabaliwan ito? (Oo.) Hayagan nilang sinasabi na handa silang maging isang Hudas. Sino ang maglalakas-loob na patuluyin sila? Mayroon bang may gustong patuluyin ang isang Hudas? (Wala.) Isa bang mananampalataya sa Diyos ang gayong tao? Hino-host sila ng mga kapatid bilang isang mananampalataya sa Diyos. Kung medyo nagkukulang ang pagkatao nila, matitiis iyon; matitiis din ang hindi paghahangad sa katotohanan. Pero mayroon silang kakayahang ipahamak ang mga kapatid sa pamamagitan ng pagkakanulo sa iglesia at pagiging isang Hudas, at sa gayon ay hindi magagawang makauwi ng maraming tao sa mga tahanan nila o magampanan ang mga tungkulin nila nang normal—sino ang kayang umako ng sisi para sa mga kahihinatnang ito? Maglalakas-loob ka bang patuluyin ang ganitong klase ng kaaway? Hindi ba’t magdudulot lang ng problema sa iyo ang pagpapatuloy sa kanila?
Ang mga tao na hindi makatwiran at sadyang mapanggulo ay iniisip lang ang sarili nilang mga interes kapag kumikilos sila, ginagawa nila ang anumang nakakalugod sa kanila. Ang mga salita nila ay walang iba kundi mga walang katuturang argumento at maling paniniwala, at hindi sila tinatablan ng katwiran. Nag-uumapaw ang malupit nilang disposisyon. Walang sinumang nangangahas na makipag-ugnayan sa kanila, at walang may gustong makipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan, sa takot na mapahamak pa. Kinakabahan ang ibang tao kapag pinaprangka sila ng mga ito, natatakot na kung makapagsabi ng hindi nila gusto o hindi naaayon sa gusto nila, sasamantalahin nila iyon at gagawa sila ng masasamang paratang. Hindi ba’t masasamang tao ang mga iyon? Hindi ba’t mga buhay silang demonyo? Lahat ng may malupit na disposisyon at hindi tuwid ang pag-iisip ay mga buhay na demonyo. At kapag nakipag-ugnayan ang isang tao sa isang buhay na demonyo, maaari niyang ipahamak ang sarili niya dahil lamang sa isang kapabayaan. Hindi ba’t magkakaproblema nang malaki kung nasa iglesia ang gayong mga buhay na demonyo? (Oo.) Pagkatapos magwala at magbulalas ng galit ang mga buhay na demonyong ito, may ilang panahon na maaari silang magsalita na parang tao at humingi ng paumanhin, ngunit hindi sila magbabago pagkatapos. Sino ang nakakaalam kung kailan ulit iinit ang ulo nila at kung kailan sila magwawala ulit, maglilitanya ng kanilang mga walang katuturang argumento. Nag-iiba-iba ang puntirya ng kanilang pagwawala at pagbubulalas sa bawat pagkakataon, gayundin ang pinagmumulan at dahilan ng kanilang pagbubulalas. Ibig sabihin, kahit ano ay maaaring ikagalit nila, kahit ano ay maaaring ikadismaya nila, at kahit ano ay maaaring magdulot ng kanilang pagwawala at pagiging hindi masupil. Kahindik-hindik! Napakamapanggulo! Ang mga wala sa katinuan na masamang taong ito ay maaaring masiraan ng bait anumang oras; walang nakakaalam kung ano ang kaya nilang gawin. Pinakakinamumuhian Ko ang gayong mga tao. Bawat isa sa kanila ay dapat alisin—lahat sila ay kailangang paalisin. Ayaw Ko silang makasalamuha. Magulo ang isipan nila at malupit ang disposisyon nila, puno sila ng mga walang katuturang argumento at maladiyablong salita, at kapag may nangyayari sa kanila, mainitin ang ulo na lang silang nagbubulalas tungkol dito. Ang ilan sa kanila ay umiiyak kapag nagbubulalas, ang iba ay sumisigaw, ang iba naman ay nagdadabog ng paa, at mayroon pa ngang ilang umiiling-iling at nagyuyugyog ng mga braso. Sadyang mga halimaw sila, hindi mga tao. Ang ilang kusinero ay naghahagis ng mga kaldero at pinggan kapag umiinit ang ulo nila; ang iba naman, na nag-aalaga ng mga baboy o aso, ay tinatadyakan at sinasaktan ang mga hayop na ito kapag umiinit ang ulo nila, ibinubulalas nila ang lahat ng galit nila sa mga ito. Ang mga indibidwal na ito, anuman ang mangyari, ay palaging galit ang reaksiyon; hindi sila kumakalma para pagnilayan ni tanggapin ito mula sa Diyos. Hindi sila nagdarasal o naghahanap sa katotohanan, ni hindi sila naghahangad na makipagbahaginan sa iba. Kapag wala silang magawa, nagtitiis sila; kapag ayaw nilang magtiis, nagwawala sila, naglilitanya ng mga walang katuturang argumento, inaakusahan at kinokondena nila ang iba. Madalas nilang sabihin ang mga bagay tulad ng, “Alam kong edukado kayong lahat at minamaliit ninyo ako”; “Alam kong mayaman ang mga pamilya ninyo, at hinahamak ninyo ako dahil mahirap ako”; o “Alam kong minamaliit ninyo ako dahil wala akong pundasyon sa pananalig ko, at minamaliit ninyo ako dahil hindi ko hinahangad ang katotohanan.” Kahit na alam na alam nila ang maraming isyu sa kanila, hindi nila kailanman hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga ito, ni hindi nila tinatalakay ang pagkilala nila sa sarili sa pakikipagbahaginan nila sa iba. Kapag nababanggit ang sarili nilang mga problema, umiiwas sila at gumagawa ng mga hindi totoong kontra-akusasyon, itinutulak ang lahat ng problema at responsabilidad sa iba, at nagrereklamo pa na kaya ganoon ang pag-uugali nila ay dahil sa masamang pagtrato sa kanila ng iba. Para bang ang kanilang mga pagwawala at walang kuwentang panggugulo ay sanhi ng iba, na para bang ang iba ang may kasalanan, wala lang talaga silang magawa kundi ang kumilos sa ganitong paraan, at wasto nilang ipinagtatanggol ang sarili nila. Tuwing hindi sila nasisiyahan, sinisimulan nilang magbulalas ng kanilang hinanakit at maglitanya nang walang katuturan, iginigiit ang mga walang katuturan nilang argumento na para bang mali ang lahat ng iba pang tao, na para bang sila lang ang mabubuting tao at ang lahat ng iba pa ay kontrabida. Gaano man sila magwala o maglitanya ng mga argumentong walang katuturan, hinihingi nila na maging mabuti ang sasabihin ng iba tungkol sa kanila. Kahit kapag nagkakamali sila, pinagbabawalan nila ang iba na ilantad o punahin sila. Kung tutukuyin mo kahit ang maliit na isyu nila, sasalabirin ka nila sa walang katapusang mga alitan, at malabo nang makapamuhay ka pa nang payapa kapag nagkagayon. Anong klaseng tao ito? Isa itong tao na hindi makatwiran at sadyang mapanggulo, at ang mga gumagawa nito ay masasamang tao.
Ang mga taong hindi makatwiran at sadyang mapanggulo, sa pangkalahatan, ay maaaring hindi gumawa ng anumang lubos na mapanlinlang o masamang gawa, ngunit sa sandaling masangkot ang kanilang mga interes, reputasyon, o dignidad, agad silang sumasabog sa galit, nagwawala, kumikilos nang hindi masupil, at nagbabanta pa nga na magpapatiwakal. Sabihin mo sa Akin, kung ang gayong kakatwa at di-makatwirang magaspang na tao ay lilitaw sa isang pamilya, hindi ba’t magdurusa ang buong pamilya? Ang tahanan ay mababalot sa matinding kaguluhan, mapupuno ng mga iyak at hiyaw, kaya magiging napakahirap nang mabuhay. May mga gayong tao ang ilang iglesia; bagama’t maaaring hindi halata kapag normal ang lahat ng bagay-bagay, hindi mo alam kung kailan sila sasabog at magbubunyag ng kanilang sarili. Kabilang sa mga pangunahing pagpapamalas ng mga gayong tao ang pagwawala, paglilitanya ng mga argumentong walang katuturan, at pagmumura sa publiko, at iba pa. Kahit na isang beses lang sa isang buwan o tuwing kalahating taon nangyayari ang mga pag-uugaling ito, nagdudulot ang mga ito ng matinding pagkabagabag at paghihirap, nagdudulot ng iba’t ibang antas ng panggugulo sa buhay iglesia ng karamihan sa mga tao. Kung talagang nakumpirma na ang isang tao ay nabibilang sa kategoryang ito, kailangang agaran siyang pangasiwaan at paalisin sa iglesia. Maaaring sabihin ng ilan, “Hindi naman gumagawa ng anumang kasamaan ang mga taong ito. Hindi sila maituturing na masasamang tao; dapat natin silang pagtiisan at pagpasensyahan.” Sabihin ninyo sa Akin, ayos lang ba na hindi pangasiwaan ang mga gayong tao? (Hindi.) Bakit hindi? (Dahil nagdudulot ng malaking abala at pagkayamot ang mga kilos nila sa karamihan ng mga tao, at nagdudulot din ng mga kaguluhan sa buhay iglesia.) Batay sa kinalabasang ito, malinaw na iyong mga nanggugulo sa buhay iglesia, kahit na hindi sila masasamang tao o mga anticristo, ay hindi dapat manatili sa iglesia. Ito ay dahil hindi nagmamahal sa katotohanan ang mga gayong tao, bagkus ay tumututol sila sa katotohanan, at kahit ilang taon na silang nananampalataya sa Diyos o kahit ilang sermon ang naririnig nila, hindi nila tatanggapin ang katotohanan. Kapag gumawa sila ng masama at pinungusan sila, nagwawala sila at naglilitanya nang walang saysay. Kahit may isang taong nakikipagbahaginan sa kanila ng katotohanan, hindi nila ito tinatanggap. Walang sinuman ang may kayang pangatwiranan sila. Kahit kapag nakikipagbahaginan Ako ng katotohanan sa kanila, maaaring nananahimik lang sila sa panlabas pero sa loob-loob nila ay hindi nila ito tinatanggap. Kapag nahaharap sa mga aktuwal na sitwasyon, kumikilos pa rin sila gaya ng nakagawian nila. Hindi sila nakikinig sa Aking mga salita, kaya mas lalong hindi nila tatanggapin ang inyong payo. Bagama’t hindi gumagawa ng malalaking kasamaan ang mga taong ito, hindi nila tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti. Kung titingnan ang kanilang kalikasang diwa, bukod sa wala silang konsensiya at katwiran, sila rin ay hindi makatwiran, sadyang mapanggulo, at hindi tinatablan ng katwiran. Makakamit ba ng mga gayong tao ang pagliligtas ng Diyos? Tiyak na hindi! Ang mga hinding-hindi tumatanggap sa katotohanan ay mga hindi mananampalataya, sila ay mga alipin ni Satanas. Kapag hindi nasusunod ang kanilang gusto, nagwawala sila, patuloy na naglilitanya ng mga walang katuturang argumento, at hindi sila nakikinig sa katotohanan kahit paano ito pagbahaginan. Ang gayong mga tao ay hindi makatwiran at sadyang mapanggulo, ganap na mga diyablo at masasamang espiritu; mas masahol pa sila sa mga halimaw! Sila ay mga siraulong wala sa tama ang katwiran, at hindi nila kailanman kayang tunay na magsisi. Habang mas matagal silang nananatili sa iglesia, mas dumarami ang kanilang kuru-kuro tungkol sa Diyos, mas dumarami ang kanilang mga hindi makatwirang hinihingi sa sambahayan ng Diyos, at mas lumalaki ang kaguluhan at pinsalang idinudulot nila sa buhay iglesia. Ito ay nakakaapekto sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos at sa normal na pag-usad ng gawain ng iglesia. Ang kanilang pamiminsala sa gawain ng iglesia ay hindi mas mababa kaysa sa pamiminsala ng masasamang tao; dapat maaga pa lang ay paalisin na sila sa iglesia. Sinasabi ng ilan, “Hindi ba’t medyo nagiging hindi lang sila masupil? Wala pa sila sa punto ng pagiging masama, kaya hindi ba’t mas mabuti kung tatratuhin sila nang may pagmamahal? Kung papanatilihin natin sila, baka magbago sila at maligtas.” Sinasabi Ko sa iyo, imposible iyon! Walang “baka” rito—ang mga taong ito ay talagang hindi maliligtas. Ito ay dahil hindi nila kayang maunawaan ang katotohanan, lalong hindi nila kayang tanggapin ito; wala silang konsensiya at katwiran, hindi normal ang proseso ng kanilang pag-iisip, at ni wala sila ng pinakasimpleng sentido komun na kinakailangan sa pag-asal. Sila ay mga taong wala sa tama ang katwiran. Talagang hindi inililigtas ng Diyos ang gayong mga tao. Maging iyong mga medyo mas normal ang pag-iisip at mas mahusay ang kakayahan, kung talagang hindi nila tinatanggap ang katotohanan, ay hindi maililigtas, lalo pa iyong mga wala sa tama ang katwiran. Ang tratuhin pa rin ang gayong mga tao nang may pagmamahal at maniwalang may pag-asa pa sila, hindi ba’t labis na iyong kahangalan at kamangmangan? Sinasabi Ko ito sa inyo ngayon: Ang pag-aalis sa mga hindi makatwiran, sadyang mapanggulo, at hindi tinatablan ng katwiran mula sa iglesia ay ganap na tama. Sa diwa, sinusugpo nito ang panliligalig nila sa iglesia at sa hinirang na mga tao ng Diyos. Ito ang responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Kung mayroong gayong mga hindi makatwirang tao sa alinmang iglesia, dapat silang iulat ng hinirang na mga tao ng Diyos, at sa sandaling matanggap ng mga lider at manggagawa ang gayong mga ulat, dapat nilang agarang pangasiwaan ang mga ito. Ito ang prinsipyo para sa pangangasiwa sa ikaanim na uri ng mga tao—iyong mga hindi makatwiran at sadyang mapanggulo.