Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (26) Unang Seksiyon

Ikalabing-apat na Aytem: Agarang Kilatisin, at Pagkatapos ay Paalisin o Patalsikin ang Lahat ng Uri ng Masasamang Tao at mga Anticristo (Ikalimang Bahagi)

Ang Saloobin na Dapat Taglayin ng mga Lider at Manggagawa sa Gawain ng Pag-aalis Mula sa Iglesia

Ngayong taon, tuloy-tuloy tayong nagbabahaginan tungkol sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa, at sa mga pagpapamalas ng lahat ng uri ng mga taong kasangkot. Naging lalong detalyado at partikular ang mga paksa ng pagbabahaginan, na kinasasangkutan ng iba’t ibang problema ng lahat ng uri ng mga tao, at ang pagbabahaginan tungkol sa mga partikular na pagpapamalas ng mga taong ito at ang mga kategorya kung saan sila dapat hatiin ay naging napakapartikular at napakalinaw rin. Habang mas partikular at mas malinaw na pinagbabahaginan ang mga detalyadong problemang ito, mas nagbibigay dapat ito ng positibong tulong at patnubay para sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos, at mas nagbibigay dapat ito ng patnubay at tulong para magawa at magampanan ng mga lider at manggagawa ang mga tungkulin nila. Gayumpaman, paano man isinasagawa ang pagbabahaginan, gaano man kapartikular ang pagbabahaginan, hindi pa rin malinaw sa ilang lider at manggagawa kung paano pangasiwaan at isaayos ang iba’t ibang uri ng mga tao at isyu sa iglesia. Napakalinaw na pinagbabahaginan ang mga isyu ng lahat ng klase ng mga tao, pero hindi pa rin maintindihan ng ilang lider at manggagawa kung paano kilatisin at tratuhin ang iba’t ibang uri ng mga tao. Hindi pa rin nila kayang kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, ni gamitin ang katotohanan para pangasiwaan ang iba’t ibang uri ng mga tao at isyu sa iglesia. Ano ang dahilan nito? Walang katotohanang realidad ang gayong mga tao. Sa pamamagitan ng pagbabahaginan tungkol sa mga pagpapamalas ng lahat ng uri ng mga tao, dapat magkaroon ng pangunahing pagkilatis ang isang tao at gumawa siya ng mga makatwirang pagsasaayos para sa mga nasa iglesia na gumagampan ng mga tungkulin nila at sa mga hindi, para sa mga naghahangad sa katotohanan at sa mga hindi, para sa mga masunurin at mapagpasakop, at sa mga nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo. Gayumpaman, kung titingnan ang sitwasyon ng lahat ng uri ng mga tao sa iglesia, ang mga malinaw na masamang tao lang ang pinaalis; maraming hindi mananampalataya ang hindi pa ganap na pinaalis. Sa gawain ng pag-aalis mula sa iglesia, dapat na makipagtulungan ang mga lider at manggagawa sa gawain ng Diyos para alisin ang masasamang tao at ang mga hindi mananampalataya sa lalong madaling panahon, sa halip na harapin ito nang pasibo, kumikilos bilang mga mapagpalugod ng mga tao, o iniisip na ang pag-aalis lang sa mga malinaw na masamang tao ay nangangahulugang nalutas at naayos na ang lahat. Dapat na aktibong suriin ng mga lider at manggagawa ang gawain ng bawat pangkat, kumpirmahin ang mga sitwasyon ng bawat miyembro ng pangkat, kung mayroon bang sinumang mga hindi mananampalataya roon para lang dumami ang mga bilang o mga hindi mananampalataya na nagpapakalat ng pagkanegatibo at mga kuru-kuro para guluhin ang gawain ng iglesia, at sa sandaling matuklasan sila, dapat na ganap na ilantad at paalisin ang mga taong ito. Ito ang gawain na dapat gawin ng mga lider at manggagawa; hindi sila dapat maging pasibo, hindi dapat maghintay ng mga utos at panghihimok mula sa ang Itaas para kumilos, ni gumawa lang ng kaunting bagay kapag nananawagan ang mga kapatid para dito. Sa kanilang gawain, dapat isaalang-alang ng mga lider at manggagawa ang mga layunin ng Diyos at maging tapat sila sa Kanya. Ang pinakamainam na paraan ng pagkilos para sa kanila ay ang aktibong kilalanin at lutasin ang mga problema. Hindi sila dapat manatiling pasibo, lalo na’t mayroon silang ganitong kasalukuyang mga salita at pagbabahaginan para maging batayan nila. Dapat silang magkusang lutasin nang lubusan ang mga aktuwal na problema at paghihirap sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan, at gawin ang kanilang gawain nang mismong ayon sa nararapat. Dapat agad at aktibo nilang subaybayan ang pag-usad ng gawain; hindi sila maaaring palaging maghintay ng utos at panghihimok mula sa ang Itaas bago sila kumilos nang may pag-aatubili. Kung ang mga lider at manggagawa ay palaging negatibo at pasibo at hindi gumagawa ng totoong gawain, hindi sila karapat-dapat na maglingkod bilang mga lider at manggagawa, at dapat silang tanggalin at iayos ang tungkulin nila. Maraming lider at manggagawa ngayon na lubhang pasibo sa kanilang gawain. Gumagawa lang sila ng kaunting gawain kapag inuutusan at inuudyukan sila ng ang Itaas; kung hindi, nagpapakatamad sila at ipinagpapaliban ang mga gawain. Ang gawain sa ilang iglesia ay napakagulo, ang ilan sa mga taong gumagawa ng mga tungkulin doon ay masyadong tamad at pabasta-basta, at walang nakukuhang anumang tunay na mga resulta. Ang kalikasan ng mga problemang ito ay masyado nang matindi at katakot-takot, ngunit kumikilos pa rin ang mga lider at manggagawa ng mga iglesiang iyon na parang mga opisyal at panginoon. Bukod sa hindi sila makagawa ng anumang tunay na gawain, hindi rin nila matukoy o malutas ang mga problema. Dahil dito, napaparalisa at natitigil ang gawain ng iglesia. Saan man napakagulo at walang tanda ng kaayusan ang gawain ng iglesia, siguradong may isang huwad na lider o anticristo na may hawak ng kapangyarihan. Sa bawat iglesia na kung saan isang huwad na lider ang may hawak ng kapangyarihan, ang gawain ng iglesia ay walang kaayusan at ganap na magulo—walang duda riyan. Halimbawa, nadiskubre ng sarili Ko mismong mga tainga o mata ang maraming isyu sa mga iglesia sa Amerika. Karamihan sa mga isyung nakita Ko ay nalutas agad-agad; para sa iba pang isyu, sinabihan Ko ang mga lider ng mga iglesia sa Amerika na lutasin ang mga ito. Gayumpaman, karamihan sa gawain ng mga lider at manggagawa ay ginagawa nang napakapasibo, na may napakabagal na mga pagsubaybay at may napakababang kahusayan, karamihan sa kanilang pang-araw-araw na gampanin ay ginagawa lamang pagkatapos ng mga utos at pang-uudyok mula sa ang Itaas. Matapos isaayos ng ang Itaas ang gawain, magiging abala sila nang sandali, ngunit pagkatapos maisagawa ang maliit na bahaging iyon ng gawain, hindi na nila alam kung ano ang susunod na gagawin dahil hindi nila nauunawaan kung ano ang mga tungkulin na dapat nilang gawin. Hindi kailanman malinaw sa kanila ang tungkol sa gawain na saklaw ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa na dapat nilang gampanan; sa kanilang paningin, walang gawain na kailangang gawin. Ano ang nangyayari kapag tingin ng mga tao na walang gawaing kailangang gawin? (Hindi sila nagbubuhat ng pasanin.) Sa tumpak na pananalita, hindi sila nagbubuhat ng pasanin; masyado rin silang tamad at nag-iimbot ng kaginhawahan, kumukuha sila ng maraming pahinga hangga’t maaari sa tuwing magagawa nila, at sinisikap nilang iwasan ang anumang karagdagang gampanin. Madalas isipin ng mga tamad na taong ito, “Bakit ba ako labis na mag-aalala? Tatanda lang ako kaagad kapag masyado akong nag-aalala. Paano ako makikinabang sa paggawa niyon, at sa masyadong pagpapakaabala, at pagpapakapagod nang husto? Ano ang mangyayari kung mapagod ako nang sobra at magkasakit? Wala akong perang pampagamot. At sino ang mag-aalaga sa akin pagtanda ko?” Ganito kapasibo at kaatrasado ang mga tamad na taong ito. Wala sila ni katiting na katotohanan, at wala silang nakikita nang malinaw. Malinaw na isang pangkat sila ng mga taong naguguluhan, hindi ba? Lahat sila ay magulo ang isip; wala silang kamalayan sa katotohanan at wala silang interes dito, kaya paano sila maliligtas? Bakit laging walang disiplina at tamad ang mga tao, na para bang mga buhay na bangkay sila? Tinutukoy nito ang isyu sa kanilang kalikasan. May isang uri ng katamaran sa kalikasan ng tao. Anuman ang gampaning ginagawa ng mga tao, lagi nilang kailangan ng ibang tao para pangasiwaan at udyukan sila. Minsan, isinasaalang-alang ng mga tao ang laman, nag-iimbot sila sa pisikal na kaginhawahan, at lagi silang may itinatabi para sa kanilang sarili—ang mga taong ito ay puno ng mga maladiyablong intensyon at mga tusong pakana; talagang wala silang kuwenta. Hindi nila ginagawa palagi ang pinakamakakaya nila, anumang mahalagang tungkulin ang kanilang ginagawa. Ito ay pagiging iresponsable at hindi tapat. Sinabi Ko ang mga bagay na ito ngayon upang ipaalala sa inyo na huwag maging pasibo sa inyong gawain. Dapat makasunod kayo sa anumang sinasabi Ko. Kung pupunta Ako sa iba’t ibang iglesia at malalaman o makikita Kong marami kayong nagawang gawain, na gumawa kayo nang napakahusay, at na umuusad nang napakabilis ang gawain, na umabot na ito sa kasiya-siyang antas, at ginawa ng lahat ang abot ng makakaya nila, lubos Akong masisiyahan. Kung pupunta Ako sa iba’t ibang iglesia at makikita Kong mabagal ang pag-usad ng gawain sa lahat ng aspekto, na nagpapatunay na hindi ninyo ginampanan nang maayos ang mga tungkulin ninyo at hindi kayo nakasabay sa normal na bilis ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, ano sa tingin ninyo ang magiging lagay ng kalooban Ko kung magkagayon? Magiging masaya pa rin ba Ako na makita kayo? (Hindi.) Hindi Ako magiging masaya. Ipinagkatiwala sa inyo ang gawaing ito, at nasabi Ko na ang lahat ng kailangang sabihin; nasabi na rin sa inyo ang mga partikular na prinsipyo ng pagsasagawa at ang landas. Ngunit, hindi kayo kumikilos, hindi gumagawa, naghihintay lang na personal Ko kayong pangasiwaan at himukin, na pungusan Ko kayo o utusan pa nga kayo na kumilos. Ano ang problema rito? Hindi ba’t dapat itong himayin? Kapag hindi ninyo ginagawa ang gawain na malinaw naman na dapat gawin at hindi ninyo ito kayang pasanin—maaari ba Akong magkaroon ng mabuting saloobin sa inyo? (Hindi.) Bakit hindi Ako maaaring magkaroon ng mabuting saloobin sa inyo? (Masyado kaming iresponsable sa paggampan ng mga tungkulin namin.) Dahil hindi ninyo ginagampanan ang mga tungkulin ninyo nang buong puso at lakas, kundi sa halip ay pabasta-basta lang ninyong ginagampanan ang mga ito. Ang isang taong tapat sa mga tungkulin niya ay dapat na ibigay man lang ang buo niyang lakas, pero hindi man lang ninyo ito kayang makamit; masyado kayong nagkukulang! Hindi ito dahil sa hindi sapat ang kakayahan ninyo; ito ay dahil mali ang mentalidad ninyo at iresponsable kayo. May ilang kakatwang bagay sa puso ninyo na pumipigil sa inyo sa paggampan ng mga tungkulin ninyo. Dagdag pa rito, ang pag-iisip na maging mga mapagpalugod ng mga tao ay humahadlang sa pagsasagawa ninyo ng gawain ng pag-aalis mula sa iglesia. Alam ba ninyo kung ano ang kabuluhan ng gawain ng pag-aalis mula sa iglesia? Bakit gusto ng Diyos na linisin ang iglesia? Ano ang mga kahihinatnan ng hindi pag-aalis mula sa iglesia? Hindi malinaw sa inyong lahat ang mga usaping ito at hindi ninyo hinahanap ang katotohanan, na nagpapatunay na hindi ninyo isinasaalang-alang ang mga layunin ng Diyos. Handa lang kayong gumawa ng kaunting ordinaryo at regular na gawain sa posisyon ninyo at umiiwas kayo sa mga espesyal na gampanin, lalo na iyong mga maaaring makapagpasama sa loob ng iba. Mas gusto ninyong lahat na ipasa ang mga gampaning ito sa ibang tao. Hindi ba’t ganito kayo mag-isip? Hindi ba’t isa itong isyu na dapat matugunan? Palagi ninyong sinasabi, “Mahina ang kakayahan ko, limitado ang pagkaunawa ko sa katotohanan, at wala akong sapat na karanasan sa gawain. Hindi pa ako kailanman naging isang lider ng iglesia, ni nagsagawa ng gawain ng pag-aalis mula sa iglesia.” Hindi ba’t pagdadahilan ito? Napakalinaw nang napagbahaginan ang gawain ng pag-aalis mula sa iglesia. Ang pag-aalis sa mga anticristo, masasamang tao, at mga hindi mananampalataya ay isang napakasimpleng usapin. Ganoon ba talaga kahirap unawain ang iilang prinsipyong iyon? Kung ipinapaliwanag nang napakalinaw ang gayon kasisimpleng isyu pero hindi pa rin nauunawaan ng mga tao, ano ang ipinapahiwatig nito? Ipinapahiwatig nito na masyadong mahina ang kakayahan nila para maunawaan ang wika ng tao, o kaya naman ay sadyang mga tampalasan sila na hindi tumutuon sa mga gampaning marapat nilang gawin. Sa mga lider at manggagawa, tiyak na may ilang may mahinang kakayahan, at tiyak na may ilang mapagpalugod ng mga tao na hindi nakikibahagi sa tunay na gawain; tiyak din na may ilang tampalasan na nagpapabaya sa mga gampaning marapat nilang gawin at walang pakundangang gumagawa ng mga maling gawa—umiiral ang lahat ng sitwasyong ito. Una, kailangang alisin ang mga tampalasang ito na nagpapabaya sa gampaning marapat nilang gawin. Dapat na gamitin ang sinumang kayang gumawa ng tunay na gawain, talagang dapat na tanggalin ang mga mapagpalugod ng mga tao na kumikilos bilang mga lider, at dapat na panatilihin ang mga taong may mahinang kakayahan na kayang umunawa ng wika ng tao at kayang gumawa ng ilang tunay na gawain. Dapat lutasin ang mga isyung ito sa ganitong paraan. Pagkatapos makipagbahaginan ng Diyos, kung malinaw mong makikita ang mga problema sa gawain ng iglesia na dapat lutasin ng mga lider at manggagawa, dapat na maagap mong tugunan ang mga ito nang walang karagdagang pagkaantala. Dapat kaya mong magkusang kumilos nang hindi kinakailangang maghintay na personal na magtalaga ng mga gampanin o magbigay ng mga utos ang ang Itaas. Anumang mga problema ang lumitaw, dapat malutas ang mga ito bago makaapekto ang mga ito sa gawain. Bago pa man magsimula ang ang Itaas na siyasatin ang mga isyu, dapat iniulat mo na ang pagkaunawa at mga solusyon mo sa mga isyu, ang mga prinsipyo para sa pangangasiwa sa mga ito, at ang mga resulta ng pangangasiwa sa mga ito. Magiging napakahusay niyon! Maaari pa rin bang madismaya ang ang Itaas sa iyo kung gayon? Bilang isang lider o manggagawa, kung palagi kang nabibigong makita ang gawaing nasasaklaw sa sarili mong mga responsabilidad, o kahit pa may kaunting kabatiran o ideya ka ay patuloy ka namang nagpapaliban at hindi kumikilos, palaging naghihintay na magsaayos ang ang Itaas ng mga gampanin para sa iyo, hindi ba’t isa itong pagpapabaya sa responsabilidad? (Oo.) Isa itong malubhang pagpapabaya sa responsabilidad! Nawala sa iyo ang saloobin at responsabilidad na kaakibat ng papel ng isang lider o manggagawa sa kung paano dapat tratuhin ang tungkulin. Sa gawain nila, dapat na mahigpit na sundin ng mga lider at manggagawa ang mga hinihingi ng ang Itaas; anuman ang ibinahagi ng ang Itaas, iyon ang dapat mong ipatupad, na mabilis na kumikilos at nagpapatupad sa sandaling maunawaan mo ito. Ang paglutas ng mga problema gamit ang katotohanan ang pinakamahalagang responsabilidad ng mga lider at manggagawa, at hindi ka dapat pasibong maghintay na magsaayos ng gawain ang ang Itaas bago ka gumawa ng anumang bagay. Kung palagi kang pasibong naghihintay, hindi ka angkop na maging isang lider o manggagawa, hindi mo kayang balikatin ang gawaing ito, at ang pag-ako ng responsabilidad at pagbibitiw sa tungkulin ang tanging makatwirang bagay na dapat gawin.

Ang mga Pagpapamalas at Kalalabasan ng Tatlong Uri ng mga Taong Nananampalataya sa Diyos

I. Mga Trabahador

Mayroong labinlimang responsabilidad sa kabuuan ang mga lider at manggagawa, at napagbahaginan na natin ang hanggang sa ikalabing-apat. Ang mga problema sa iglesia na kailangang lutasin ng mga lider at manggagawa, pati na rin ang mga isyu ng lahat ng uri ng mga tao na kasangkot sa mga problemang ito, ay napagbahaginan na hanggang sa humigit-kumulang walumpu hanggang siyamnapung porsiyento. Ang lahat ng ito ay mga gampaning kailangang gawin ng mga lider at manggagawa at mga problemang kailangan nilang lutasin. Sangkot dito ang maraming isyu. Sa isang banda, nauugnay ito sa mga responsabilidad na dapat tuparin ng mga lider at manggagawa; sa isa pang banda, sangkot din dito ang iba’t ibang isyu ng lahat ng uri ng mga tao sa iglesia. Bagama’t ang tema ng pagbabahaginan natin sa panahong ito ay ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa at ang paglalantad sa mga huwad na lider, marami rin tayong napagbahaginan tungkol sa mga isyu ng iba’t ibang uri ng mga tao—at ang mga kalagayan at diwa ng iba’t ibang uri ng mga tao—na kaugnay sa temang ito. Siyempre, may iba’t ibang epekto ang partikular na nilalamang ito sa lahat ng uri ng mga taong sumusunod sa Diyos sa iglesia. Kasama sa mga ito, may isang uri ng tao na, pagkatapos man marinig ang lahat ng pagbabahaginang ito, ay pinanghahawakan pa rin ang saloobin na “Mayroon akong mabuting pagkatao, tunay akong nananampalataya sa Diyos, handa akong talikuran ang mga bagay-bagay sa pananalig ko sa Diyos, at handa akong magbayad ng halaga at magtiis ng paghihirap para magampanan ang tungkulin ko.” Wala silang pakialam sa iba’t ibang kalagayan ng lahat ng uri ng mga tao, sa katotohanang kasangkot sa iba’t ibang kalagayan, o sa mga katotohanang prinsipyong dapat maunawaan ng mga tao, na pinagbahaginan sa panahong ito. Hindi ba’t isang uri ito ng tao? Hindi ba’t labis na kumakatawan ang ganitong uri ng tao? (Oo.) Palaging may pinanghahawakang isang partikular na pananaw ang ganitong uri ng tao. Ano ang pangunahing bumubuo sa pananaw na ito? Ang tatlong puntong kakabanggit Ko lang: Una, naniniwala silang hindi masama ang pagkatao nila, at na mabuti pa nga ito. Pangalawa, iniisip nilang tunay silang nananampalataya sa Diyos, na nangangahulugang tunay silang naniniwala sa pag-iral ng Diyos at sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, naniniwalang kinokontrol ng Diyos ang tadhana ng tao, na sumasailalim ito sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, na isang malawak na interpretasyon ng “tunay na nananampalataya sa Diyos.” Pangatlo, naniniwala silang kaya nilang talikuran ang mga bagay-bagay sa pananalig nila sa Diyos at magtiis ng paghihirap at magbayad ng halaga para magampanan ang mga tungkulin nila. Masasabing ang tatlong puntong ito ang mga pinakasimple, pangunahin, at buod na elementong pinanghahawakan ng mga taong ito sa pananalig nila sa Diyos. Siyempre, maituturing din ang mga bagay na ito bilang kapital nila sa pananampalataya sa Diyos, pati na rin ang mga layong hinahangad nila, at ang motibasyon at direksyon nila sa pagkilos. Naniniwala silang dahil sa pagtataglay ng tatlong puntong ito ay nagiging kalipikado sila para sa tatlong pangunahing kondisyon ng pagliligtas, na ginagawa silang mga taong minamahal at tinatanggap ng Diyos. Isa itong seryosong pagkakamali; nagpapahiwatig lang ng kaunting pagkatao ang pagkakaroon ng tatlong puntong ito. Makakamit ba ng pagkakaroon lang ng kaunting pagkatao ang pagsang-ayon ng Diyos? Hinding-hindi; sinasang-ayunan ng Diyos iyong mga may takot sa Kanya at umiiwas sa kasamaan. Hindi natutugunan ng tatlong puntong ito ang pamantayan ng katotohanang realidad; tatlong pamantayan lang ang mga ito para sa pagiging mga trabahador. Sunod, makikipagbahaginan Ako tungkol sa mga detalye ng tatlong puntong ito para maunawaan ninyo nang malinaw. Ang unang punto ay ang pagkakaroon ng mabuting pagkatao. Naniniwala silang ang hindi paggawa ng kasamaan, ang hindi pagdudulot ng mga paggambala at panggugulo, at hindi pagdudulot ng pinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos ay sapat na, at na nangangahulugan itong kaya nilang tugunan ang mga layunin ng Diyos at kumilos ayon sa mga prinsipyo. Ang ikalawang punto ay ang “tunay na pananampalataya sa Diyos.” Para sa kanila, ang ibig sabihin ng tinatawag nilang “tunay na pananampalataya sa Diyos” ay ang hindi kailanman pagdudahan ang pag-iral ng Diyos o ang katunayan ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at ang paniniwalang ang tadhana ng tao ay nasa mga kamay ng Diyos, na sa tingin nila ay magbibigay-kakayahan sa kanila na sundin ang Diyos hanggang sa wakas. Naniniwala silang hangga’t tunay silang nananampalataya sa Diyos, makakamit nila ang Kanyang pagsang-ayon. Samakatwid, paano man mamuno o kumilos ang Diyos, o anumang mga problema ang kinakaharap nila, sinasabi nila, “Mahalin lang ang Diyos, sundin ang Diyos, magpasakop sa Diyos.” Masyadong simple ang pamamaraan nila ng paglutas sa mga problema; malulutas ba ng gayong mga pangkalahatang salita ang anumang mga problema? Ang ikatlong punto ay ang pagkakaroon ng kakayahang talikuran ang mga bagay-bagay sa pananalig nila sa Diyos, at ang pagkakaroon ng kakayahang magtiis ng mga paghihirap at magbayad ng halaga para magampanan ang mga tungkulin nila. Paano nila ito isinasagawa? Dahil tunay silang nananampalataya sa Diyos, kapag may pangangailangan sa gawain ng iglesia o kapag nararamdaman nila ang mga apurahang layunin ng Diyos, kaya nilang maagap na talikuran ang mga pamilya, pag-aasawa, at karera nila, isantabi ang mga makamundo nilang kinabukasan, at sundin ang Diyos at gampanan ang mga tungkulin nila nang may di-natitinag na determinasyon, nang walang anumang mga pagsisisi kailanman. May kakayahan silang magtiis ng mga paghihirap at magbayad ng halaga para sa anumang tungkuling isasaayos ng sambahayan ng Diyos para sa kanila, kahit na nangangahulugan ito ng pagbabawas ng pagkain at pagbabawas ng pagtulog. Gaano man kahirap ang mga kondisyon sa pamumuhay, o maging sa ilang hindi kanais-nais na kapaligiran, kaya pa rin nilang magpursigi sa paggampan ng mga tungkulin nila. Bukod sa tatlong puntong ito, ang pagsasagawa ng lahat ng iba pang aspektong nauugnay sa katotohanan ay tila walang kaugnayan sa kanila. Ginagawa nila kung ano ang tila mabuti o tama para sa kanila. Pagdating naman sa iba’t ibang prinsipyo ng pagsasagawang sinabi ng Diyos sa tao, pati na rin sa mga kalagayan, pagpapamalas, at diwa ng iba’t ibang tiwaling disposisyon ng mga tao na inilantad ng Diyos, sa tingin nila ay ayos lang na kaunti lang ang alam nila o wala talaga silang alam; wala silang nararamdamang pangangailangan para partikular at metikulosong maghanap ng iba’t ibang prinsipyo upang suriin ang sarili nilang katiwalian at makabawi para sa mga pagkukulang nila, o anumang pangangailangan para madalas na dumalo sa mga pagtitipon upang marinig ang iba na magbahagi ng iba’t iba nilang patotoong batay sa karanasan, at pagkatapos ay magkamit ng pagbabago sa sarili, at iba pa. Sa palagay nila, ang pananampalataya sa Diyos sa ganitong paraan ay masyadong nakakaabala, hindi ito kinakailangan. Sinusunod nila ang Diyos at ginagampanan ang mga tungkulin nila nang may paimbabaw na pagkaunawa sa pananalig sa Diyos at pagbabago ng disposisyon, kasama ang iba’t ibang kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos. Hindi ba’t labis na kumakatawan ang ganitong uri ng tao? (Oo.) Nagtatakda sila ng pinakapayak na hinihingi sa sarili nila, at mayroon silang napakasimpleng saloobin sa pananampalataya sa Diyos. Bukod dito, pinapabayaan nila ang katotohanan, ang paghatol at paglalantad ng Diyos, ang pagpupungos, gayundin ang iba’t ibang tiwaling disposisyon at iba’t ibang kalagayan ng mga tao, pagpapamalas, at iba pa. Hindi nila kailanman pinag-iisipan o pinagbubulayan ang mga isyung ito. Ibig sabihin, itinuturing ng mga taong ito ang sarili nila bilang may mabuting pagkatao, bilang mabubuting tao, at bilang tunay na nananampalataya sa Diyos; at bagama’t kinikilala nila na may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, binabalewala nila ang mga partikular na kalagayan at pagpapamalas ng iba’t ibang tiwaling disposisyon ng mga tao na inilantad ng Diyos, hindi naglalaan ng anumang pagsisikap para siyasatin ang mga bagay na ito. Hindi ba’t isa itong uri ng tao? Hindi ba’t labis na kumakatawan ang mga pananaw at partikular na pagpapamalas ng ganitong uri ng tao sa pananalig niya sa Diyos? (Oo.) Kung isasaalang-alang ang mga pananaw ng mga taong ito sa pananampalataya sa Diyos, ang pagkaunawa nila sa pagkakaligtas, at ang saloobin nila sa mga salita ng Diyos na naglalantad sa iba’t ibang tiwaling disposisyon ng mga tao, sa anong kategorya dapat ilagay ang mga taong ito? (Sa mga taong magulo ang pananalig, na hindi hinahangad ang katotohanan.) Panlabas na anyo lang ito; paano ba talaga dapat ikategorya ang mga taong ito? Marami bang ganoong tao sa iglesia? (Oo.) Sa tuwing tinatalakay ang mga partikular na isyu at pinagbabahaginan ang mga nauukol na katotohanan, nagsisimula silang antukin, makatulog, o malito, hindi nagpapakita ng interes. Kapag itinalaga sila sa anumang gawain o mga gampanin, naghahanda sila at ginagawa ito, hindi umiiwas sa paghihirap o pagkapagod. Iniisip nilang maganda sana kung ang pananampalataya sa Diyos ay tulad ng paggawa ng ganitong uri ng gawain—magkakaroon sila ng motibasyon kung gayon. Pagdating ng panahon para magtiis ng paghihirap, magbayad ng halaga, at magsikap sa gawain, nagpapakita sila ng tunay na sigasig. Pero ang tunay na sigasig at siglang ito ba ay kapareho ng pagiging tapat? Ito ba ang pagpapamalas na dapat taglayin ng isang tao pagkatapos maunawaan ang mga katotohanang prinsipyo? (Hindi.) Sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan Ko, nakikita ba ninyo kung sa aling kategorya dapat maklasipika ang mga taong ito? (Mga trabahador.) Tama iyan. Mga trabahador ang mga taong ito, at ganito manampalataya sa Diyos ang mga trabahador.

Nagsimula tayo sa pagbabahaginan tungkol sa kalikasang diwa at iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo, gayundin sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga taong may disposisyon ng mga anticristo pero hindi aktuwal na mga anticristo. Ngayon, pinagbabahaginan natin ang mga pagpapamalas ng iba’t ibang uri ng mga tao na saklaw ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Bagama’t ang mga paksang pinagbahaginan ay tungkol sa mga anticristo at huwad na lider, ang mga partikular na isyu at pagpapamalas na saklaw ng bawat aytem ay may kaugnayan sa mga tiwaling disposisyon ng tiwaling sangkatauhan, gayundin sa iba’t ibang kalagayan at pagpapamalas na nabubuo sa ilalim ng kapamahalaan ng mga tiwaling disposisyon. Bagama’t kakaunti lang ang mga huwad na lider at mga anticristo, ang mga disposisyon ng mga huwad na lider at mga anticristo, gayundin ang iba’t iba nilang kalagayan at pagpapamalas, ay umiiral sa bawat tao sa iba’t ibang antas. Ngayong napakadetalyado nang napagbahaginan ang mga isyung ito, ang mga naghahangad sa katotohanan ay mas magkakaroon na ng landas at direksyon, at mas malilinaw na layon, sa paghahangad sa katotohanan, pagsasagawa sa katotohanan, pag-unawa sa mga katotohanang prinsipyo, at pagpasok sa katotohanang realidad. Isa itong mabuting bagay para sa kanila at isang dahilan para magalak. Sa madaling salita, tumatahak sila sa isang bagong mahalagang yugto sa pananalig nila sa Diyos. Hindi na sila namumuhay sa ilalim ng mga regulasyon, relihiyosong ritwal, o mga salita at doktrina, at islogan. Sa halip, mayroon silang mga mas kongkretong direksyon at layon sa pagsasagawa, at siyempre, mga mas partikular na prinsipyong dapat sundin. Kung paano magsasagawa kapag nasa mga partikular na sitwasyon at kung anong mga katotohanang prinsipyo ang nasasangkot, o kung anong mga kalagayan at katiwalian mayroon ang mga tao at kung paano dapat tratuhin ang mga ito, gayundin kung paano hanapin ang katotohanan para malutas ang mga ito—ang dalawang pangunahing napagbahaginang paksa ng mga anticristo at huwad na lider ay karamihang tumatalakay sa mga nilalamang ito. Para sa mga naghahangad sa katotohanan, habang mas partikular na pinagbabahaginan ang katotohanan, mas nagkakaroon sila ng landas para sa pagsasagawa. Habang mas partikular na pinagbabahaginan ang katotohanan, nagiging mas maliwanag at mas malinaw ang puso ng mga tao, mas nakikilala at nauunawaan nila ang sarili nila, at mas nababatid nila kung ano ang susunod na dapat nilang pasukin at kung anong mga problema ang susunod na kailangan nilang lutasin. Pagdating naman sa uri ng mga tao na nabanggit bilang mga trabahador ngayon lang, pagkatapos nating malawakang pagbahaginan ang iba’t ibang kalagayang dulot ng mga tiwaling disposisyon ng sangkatauhan at ang iba’t ibang problema ng katiwalian na kailangang lutasin, nananatili silang hindi natitinag. Ano ang ibig sabihin ng manatiling hindi natitinag? Nangangahulugan ito na hindi pa rin malinaw sa kanila ang paghahangad sa katotohanan at ang landas ng kaligtasang sinabi ng Diyos at hindi nila maarok ang mga iyon. Ang mas malala, pagkatapos pagbahaginan ang napakaraming mahalagang pagpapamalas at problema, iniisip pa rin nila, “Mayroon akong mabuting pagkatao, tunay akong nananampalataya sa Diyos, handa akong talikuran ang mga bagay-bagay sa pananalig ko sa Diyos, at handa akong magbayad ng halaga at magtiis ng paghihirap para magampanan ang tungkulin ko; sapat na ito.” Kapag nahaharap sa mga sitwasyon, hindi nila sinusuri ang sarili nila ni ikinukumpara ang sarili nila sa mga salita ng Diyos, kundi sa halip ay sinusubukan nilang lutasin ang mga problema batay lang sa sarili nilang kabutihang pantao o sa kaunting konsensiya at katwirang mayroon sila. Siyempre, umaasa ang ilang tao sa pagpipigil at pasensiya, paulit-ulit na nagtitiis, habang umaasa ang iba sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, ginagawang mistulang maliliit ang malalaking isyu, at pagkatapos ay ginagawang mistulang hindi problema ang maliliit na isyu. Ang layong hinahangad nila ay: “Sa araw na magtatapos na ang gawain ng Diyos, kung nasa iglesia pa rin ako at ginagampanan ang tungkulin ko, hindi pa napapaalis, sapat na iyon. Kung mayroon ba akong tunay na pagkaunawa sa sarili ko, kung nalutas ba ang mga tiwali kong disposisyon, kung mayroon ba akong tunay na pagpapasakop sa Diyos, kung isa ba akong tao na may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan—maliliit na isyu ang mga iyon, hindi na karapat-dapat pang banggitin. Pinalalaki Mo ang lahat ng bagay, pinagbabahaginan ang katotohanan nang napakadetalyado, walang katapusang binabanggit kahit ang pinakamaliliit na isyu para mapagbahaginan, palagi kaming pinakikilatis; sadyang hindi ako handang makinig sa mga pagbabahaginang ito tungkol sa katotohanan, wala akong anumang interes. Pagdating ng araw ng Diyos, magiging napakaganda sana kung puwede na lang tayong direktang makapasok sa kaharian!” Bagama’t tunay na may mga hangganan ang pasensiya ng lahat ng tao, walang hanggan ang pasensiya ng gayong mga tao. Bakit? Ito ay dahil naniniwala silang mayroon silang mabuting pagkatao, na tunay silang nananampalataya sa Diyos, na mayroon silang kakayahang talikuran ang mga bagay-bagay bilang mga mananampalataya sa Diyos, at ng kahandaang magbayad ng halaga at magtiis ng paghihirap para magampanan ang tungkulin nila; kapag nahaharap sa anumang bagay, may sarili silang mga solusyon, kaya pa rin nila sa huli na matatag na gampanan ang mga tungkulin nila at manindigan. Gayumpaman, paano man sila nagtitiyaga sa paggampan ng mga tungkulin nila, o sa anumang paraan man sila nagtitiis hanggang sa wakas, anuman ang motibasyon nila, isang bagay ang tiyak: Wala silang tunay na pagpapasakop sa Diyos, at hindi nila kailanman nauunawaan ang sarili nilang mga tiwaling disposisyon. Sa mas tumpak na pananalita, hindi umaamin ang mga taong ito na mayroon silang katiwalian, hindi rin nila kinikilala ang iba’t ibang kalagayan at problemang umuusbong mula sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao na inilantad ng Diyos. Kahit na paminsan-minsan ay itinutugma nila ang sarili nila sa mga kalagayan at problemang ito, tinatrato nila ito nang may panlalamig, sinasabi, “Pare-pareho namang tiwali ang lahat ng tao. Ang kalikasang diwa ng lahat ay iyong sa mga diyablo at kay Satanas; tayong lahat ay mga kaaway ng Diyos. Isa itong katunayang hindi mababago ng sinuman. Pero hangga’t nagtitiyaga ang isang tao sa paggampan ng tungkulin niya, tiyak na sasang-ayunan siya ng Diyos, at iyong mga nagpupursigi hanggang sa wakas ang magiging mga mananagumpay.” Batay sa mga pananaw nila, lubos silang masigasig sa pananampalataya nila sa Diyos, pero pagdating sa pagbabahagi ng mga patotoong batay sa karanasan, natatahimik sila, hindi makabigkas ni isang salita. Kapag oras na para makipagbahaginan ng katotohanan sa mga pagtitipon, nakakaramdam sila ng antok at hindi nila ito maintindihan. Kung tatanungin mo sila, “Paano mo nararanasan ang mga salita ng Diyos sa tungkulin mo araw-araw?” sasabihin nila, “Anuman ang isinasaayos ng iglesia na gawin ko, ginagawa ko. Kailangan ba nito ang pagdanas?” Tila hindi nila nauunawaan. Kung tatanungin mo naman sila, “Mayroon ka bang anumang katiwaliang nabubunyag? Paano mo nauunawaan ang sarili mo?” sasabihin nila, “Nagpapasakop lang ako sa Diyos at minamahal ko ang Diyos; ano namang magiging problema?” Ganoon kasimple ang pag-iisip nila. Ito ang pananaw nila: “Ganito dapat ang pananampalataya sa Diyos. Bakit kailangang mag-abala sa napakaraming di-mahalagang isyu? Masyado ninyong ginagawang komplikado ang mga bagay-bagay!” Samakatwid, ginagampanan nila ang tungkulin nila at isinasagawa ang mga gampanin nang hindi kailanman hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo, kundi sa halip ay kumikilos sila ayon sa mabubuting intensyon at kasiglahan. Sa mas tumpak na pananalita, kumikilos sila sa ilalim ng kapamahalaan ng konsensiya at katwiran, iniisip na: “Labis na akong nagdusa at nagbayad ng halaga; labis ko nang naisagawa ang katotohanan at napalugod ang Diyos; huwag ka nang humingi sa akin ng iba pa. Maayos naman ako, isa akong mabuting tao, at tunay akong nananampalataya sa Diyos.” Siyempre, may mga pagkakataong hindi maiwasan ng mga taong ito na magbulalas ng nararamdaman nila, at pagkatapos ay nalalantad ang tunay nilang kulay. Kaya nilang maglitanya ng maraming salita at doktrina pero wala silang anumang tunay na tayog; sa madaling salita, wala silang buhay. Ano ang partikular na tinutukoy ng kawalan ng buhay? (Wala silang katotohanan.) Paano nangyayari ang kawalan ng katotohanan? (Hindi nila minamahal ang katotohanan, ni hinahangad ito.) Ni hindi nga ito tungkol sa kung minamahal ba nila ang katotohanan o hindi; sa tumpak na pananalita, hindi nila tinatanggap ang katotohanan. Maaaring sabihin ng ilan, “Paano Mo nasasabing hindi nila tinatanggap ang katotohanan? Nagtitiis sila ng napakatinding paghihirap at nagbabayad ng napakalaking halaga para magampanan ang tungkulin nila, nagsusumikap araw-araw mula bukang-liwayway hanggang dapithapon; paano Mo nasasabing wala silang katotohanan?” Pang-aagrabyado ba sa kanila na sabihin ito? Pero kung titingnan mo ang mga taong ito, sa likod ng pagdurusa nila at pagbabayad nila ng halaga, ang lahat ba ng ginagawa nila ay nasa saklaw ng mga katotohanang prinsipyo? Naghahanap ba sila ng mga prinsipyo sa lahat ng ginagawa nila? Humaharap ba sila sa Diyos nang mayroong may-takot-sa-Diyos na puso, at gumagawa ng mga bagay nang ayon sa mga salita ng Diyos at sa mga prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos? Hindi; mga kilos ng tao ang lahat ng ito, pagpipigil ng tao. Ano ang pangunahin nilang pagpapamalas ng hindi pagtanggap sa katotohanan? Iyon ay, bago gumawa ng isang bagay, hindi nila kailanman aktibong hinahanap ang katotohanan, ni seryosong pinagbubulayan kung ano ang mga prinsipyo ng katotohanan at pagkatapos ay hindi kailanman mahigpit na nagsasagawa nang ayon sa mga salita ng Diyos. Nagkikimkim ba sila ng gayong mga kaisipan at saloobin? Ano ang saloobin nila sa iba’t ibang pagpapamalas ng tiwaling disposisyon ng sangkatauhan na inilantad ng Diyos? Tinatanggap ba nila ang mga salitang ito? Inaamin ba nilang batay sa katunayan ang mga salitang ito? Kinikilala ba nilang mga pagbubunyag ng katiwalian ang mga partikular na pagpapamalas na ito? Maaari silang tumango bilang pagsang-ayon o maaari nila itong aminin sa panlabas, pero sa puso nila, hindi nila ito tinatanggap; binabalewala nila ito. Ano ang ibig sabihin ng pagbabalewala rito? Sa partikular, ang ibig sabihin nito ay hindi pagtanggap, walang malinaw na saloobin, at walang kapansin-pansing paglaban o pagsalungat, bagkus ay pagkakaroon ng isang saloobin ng malamig na pakikitungo sa mga salitang ito na sinabi ng Diyos. Medyo abstrakto ang pagsasabi ng “malamig na pakikitungo”; sa partikular, ito ay na iniisip nila, “Sinasabi Mong mapagmataas at mapanlinlang ang mga tao, pero sino ba ang hindi mapanlinlang? Sino ba ang wala ni kaunting katusuhan? Sino ba ang hindi nagpapakita ng kaunting pagmamataas o kahambugan? Wala lang iyan! Hangga’t kaya ng isang tao na magtiis ng paghihirap at magbayad ng halaga, sapat na iyon.” Hindi ba’t isa itong saloobin at isang partikular na pagpapamalas ng hindi pagtanggap? (Oo.) Hindi ito pagtanggap sa katotohanan. Ang saloobin nila sa mga salita ng paghatol at paglalantad ng Diyos ay isang saloobin ng pagbabalewala at hindi pagtanggap. Kaya, pagdating sa mga pagsusuri at paalalang ibinibigay ng mga kapatid sa kanila, at maging sa mga payo at tulong na ibinibigay ng mga kapatid para sa mga tiwali nilang disposisyon, matatanggap ba nila ang mga bagay na ito? (Hindi.) Sabihin mo sa Akin, kung gayon, ano ang mga partikular nilang pagpapamalas? Bakit hindi nila matanggap ang mga bagay na ito? Nasaan ang ebidensya mo sa pagsasabi nito? Halimbawa, kapag sinabi mo sa kanila, “Hindi mo puwedeng gampanan ang tungkulin mo sa ganyang kawalang-ingat na paraan; pabasta-basta ito,” anong mga pagpapamalas nila ang nagpapatunay na hindi nila tinatanggap ang katotohanan? (Sasabihin nila, “Isinapuso ko na ito. Nagdusa at nagbayad na ako ng halaga. Paano mo nasasabing nagiging pabasta-basta ako?”) Pagbibigay-katwiran nila ito sa sarili nila. Maghahanap ba sila minsan ng mga palusot? Aminin man nila sa puso nila, iniisip pa rin nila, “Naging pabasta-basta ako, at ano naman ngayon? Sino ba ang hindi nagkakaroon ng mga araw na wala sila sa kondisyon? Sino ba ang hindi nakakaranas ng mga normal na emosyon? Pero hindi ako puwedeng umamin sa pagiging pabasta-basta; kailangan kong humanap ng palusot para pagtakpan ito. Hindi ako puwedeng mapahiya.” Kaya, naghahanap sila ng maraming dahilan at palusot para nakalilinlang nilang ipagtanggol ang kanilang sarili, hindi inaamin ang katunayang naging pabasta-basta sila, hindi kinikilala ang sarili nilang mga isyu sa usaping ito, ni tumatanggap ng mga payo mula sa ibang mga tao. Isa itong partikular na pagpapamalas ng hindi pagtanggap sa katotohanan. Kapag hindi nahaharap sa mga aktuwal na sitwasyon, itinuturing nila ang sarili nila bilang “isang mabuting tao, na tunay na nananampalataya sa Diyos.” Kapag nahaharap sa mga sitwasyon, kahit na hindi na nila ito magagamit bilang isang kalasag, nakakahanap pa rin sila ng sapat na mga dahilan para bigyang-katwiran at ipagtanggol ang sarili nila, pagtakpan ang isyu, tapusin ito, at saka patuloy na tingnan ang sarili nila bilang “isang mabuting tao, na may mabuting pagkatao, na tunay na nananampalataya sa Diyos, at may abilidad na tumalikod at magtiis ng paghihirap at magbayad ng halaga para magampanan ang tungkulin nila.” Sa tumpak na pananalita, ang mga pagpapamalas, ang diwa ng gayong mga tao, ay iyong sa mga trabahador. Inookupa ng grupong ito ang malaking bahagi ng iglesia. Anuman ang bahagi, sa huli, kung tunay na kaya ng mga indibidwal na ito na magdusa at magbayad ng halaga, at magtiis at magtiyaga hanggang sa wakas nang hindi gumagawa ng anumang malalaking pagsalangsang, nang hindi nilalabag ang mga atas administratibo ng Diyos o sinasalungat ang Kanyang disposisyon, kung gayon, sila ay mga tapat na trabahador, mga trabahador na puwedeng manatili. Isa itong malaking pagpapala! Hindi nila hinahangad ang katotohanan, ni kayang sundin ang kalooban ng Diyos, patotohanan ang Diyos, o kumilos bilang saksi sa mga salita at gawain ng Diyos—ang tumanggap ng pagpapalang ito ay labis nang mabuti. Ano ang maaasahan ng isang tao na makamit nang hindi hinahangad ang katotohanan? Ang pagiging isang tapat na trabahador ay hindi na masama. Nagtatanong ang ilang tao, “Posible bang maging mga tao ng Diyos ang mga indibidwal na ito?” Posible ito. Ang tanging posibilidad ay kung ang mga indibidwal na ito, batay sa pagkakaroon ng kakayahang tumalikod at magdusa, ay kayang tanggapin ang katotohanan, kilalanin at harapin nang tama ang sarili nilang katiwalian, at pagkatapos ay hanapin ang katotohanan para malutas ito, hindi kumikilos batay sa kabutihang pantao o pagpipigil, pagtitiis, at pagtitiyaga ng tao, kundi nagsasagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo, para sa huli, puwedeng sumailalim ang disposisyon nila sa ilang pagbabago, kung gayon ay mayroon silang kaunting pagkakataon na maging mga tao ng Diyos. Gayumpaman, kung ang mga kilos at pag-uugali nila ay walang kaugnayan sa pagbabago ng disposisyon, walang kaugnayan sa pagtanggap sa katotohanan at sa kaligtasan, wala silang pagkakataon na maging mga tao ng Diyos; isa itong katunayan. Ano ang prinsipyo para sa pagtrato sa mga tapat na trabahador? Ito ay ang gawin ang pinakamalaking pagsisikap upang matulungan ang mga taong ito na maging malinaw ang isip. Ano ang layunin ng pagpapalinaw sa kanilang isip? Para mapigilan silang mangarap nang gising. Maaaring magtanong ang ilan, “Ano ang tinutukoy ng ‘mangarap nang gising’?” Ito ay kapag itinuturing ng mga tao ang sarili nila bilang “mayroong mabuting pagkatao, tunay na nananampalataya sa Diyos, at mayroong kakayahang tumalikod at ng kahandaang magbayad ng halaga,” at pagkatapos ay inaasahan nilang ililigtas sila ng Diyos, na siyang imposible. Dapat na linawin sa kanila na ang panghawakan ang pananaw na “ang pagkakaroon ng mabuting pagkatao, ang tunay na pananampalataya sa Diyos, at ang pagkakaroon ng kakayahang tumalikod at ng kahandaang magbayad ng halaga ay puwedeng humantong sa pagtanggap sa pagliligtas ng Diyos” ay mali at hangal. Dapat na linawin sa kanila na ang pagkakaroon ng mga katangiang ito ay hindi nangangahulugang naiwaksi na ng isang tao ang tiwali niyang disposisyon, at hindi rin nangangahulugan ang kaunting mabuting pag-uugali na maililigtas ang isang tao, lalong hindi na nakamit na ng isang tao ang katotohanan, at na ang mga pananaw niya ay kakatwa, katawa-tawa, at hindi naaayon at ganap na hindi tugma sa katotohanang ipinahayag ng Diyos. Para sa mga taong ito na nagmamatigas na panghawakan ang mga relihiyosong kuru-kuro, dapat silang tulungan; basahan sila ng mga salita ng Diyos at bahaginan sila ng katotohanan. Kung hindi pa rin nila matanggap ang katotohanan, at paano mo man ibahagi ang katotohanan ay nananatili silang hindi naliliwanagan at wala silang ipinapakitang intensyon na maghanap, kung gayon ay hindi sila kailangang pilitin. Maaari lang silang magserbisyo bilang mga trabahador hanggang sa wakas.