Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (25) Ikalawang Seksiyon

D. Pagiging Mahilig sa Paghihiganti

Natapos na ang pagbabahaginan natin tungkol sa mga pagpapamalas ng ikatlong uri ng mga tao—iyong mga bulagsak at walang pagpipigil. Bukod sa ganitong uri ng mga tao, marami pang iba na nabibilang sa kategorya ng masasamang tao, at dapat na kilatisin at paalisin ng iglesia ang lahat ng ganitong uri ng masasamang tao. Susunod, tatalakayin natin ang ikaapat na uri. Sa iba’t ibang uri ng masasamang tao na dapat kilatisin at paalisin ng iglesia, isang malaking hamon at problema ang ikaapat na uri. Sino kaya ang mga ito? Sila ang mga taong mahilig sa paghihiganti. Batay sa pariralang “mahilig sa paghihiganti,” malinaw na hindi mabuti ang mga taong ito; sa pangkaraniwang pananalita, salot sila sa lipunan. Batay sa mga palagiang pagpapamalas at pagbubunyag ng pagkatao nila, pati na sa mga prinsipyo nila sa pagkilos, hindi mabuti ang puso nila. Gaya ng karaniwang kasabihan, “maitim ang budhi” nila. Sinasabi natin na hindi sila kabilang sa mabait na uri; sa mas partikular, ang mga indibidwal na ito ay hindi mabait bagkus ay malupit, mapaminsala, at marahas. Kapag may nagsabi o gumawa ng isang bagay na nakakaapekto sa interes, imahe, o katayuan nila, o nagpasama sa loob nila, sa isang banda, nagkikimkim sila ng pagkamapanlaban sa puso nila. Sa kabilang banda, batay sa pagkamapanlabang ito, kumikilos sila; kumikilos sila nang may layon at direksiyong maibulalas ang pagkamuhi nila at mailabas ang galit nila, isang pag-uugaling kilala bilang paghihiganti. Laging may ganitong ilang indibidwal sa mga tao. Ito man ay ang inilalarawan ng mga tao bilang pagiging mababaw, dominante, o sobrang sensitibo, anuman ang mga terminong ginagamit para ilarawan o ibuod ang pagkatao nila, ang karaniwang pagpapamalas ng pakikitungo nila sa iba ay kung sinuman ang di-sadya o sadyang makasakit o makapagpasama ng loob nila ay dapat magdusa at humarap sa mga kaukulang kahihinatnan. Katulad ito ng sinasabi ng ilang tao: “Pasamain mo ang loob nila, at makukuha mo ang higit pa sa inaasahan mo. Kung magalit o masaktan mo sila, huwag mong asahang basta ka na lang makakatakas.” May umiiral bang mga gayong indibidwal sa mga tao? (Oo.) Tiyak na mayroon. Anuman ang mangyari, sulit man o hindi na magalit o maging mababaw tungkol dito, iyong mga tao na mahilig sa paghihiganti ay inilalagay ito sa kanilang pang-araw-araw na adyenda, itinuturing nila ito bilang isang napakahalagang usapin. Sinuman ang makapagpasama ng loob nila, hindi ito katanggap-tanggap, at humihingi silang mabayaran ang katumbas na halaga, na siyang prinsipyo nila sa pagtrato sa mga tao, sa pagtrato sa sinumang itinuturing nilang kaaway. Halimbawa, sa buhay iglesia, may ilang tao na nakikipagbahaginan tungkol sa kalagayan nila o normal na nakikipagbahaginan o nagsasalaysay ng mga karanasan nila, tinatalakay nila ang mga kalagayan at katiwalian nila. Sa paggawa niyon, hindi nila sinasadyang madamay ang mga kalagayan at katiwalian ng iba. Maaaring hindi ito sinasadya ng nagsasalita, pero dinidibdib ito ng nakikinig. Pagkatapos makinig, hindi ito maarok o maharap nang tama ng indibidwal na ito, at malamang na magkaroon siya ng mapaghiganting mentalidad. Kung hindi niya palalagpasin ang usaping ito at igigiit niyang umatake at maghangad na maghiganti, magdudulot ito ng problema sa gawain ng iglesia, kaya dapat na agad na mapangasiwaan ang usaping ito. Hangga’t may masasamang tao sa iglesia, hindi maiiwasang lilitaw ang mga kaguluhan, kaya hindi dapat balewalain ang mga insidente ng masasamang tao na nanggugulo sa iglesia. Sinasadya man o hindi, basta’t ginalit o sinaktan mo sila, hindi nila ito palalampasin basta-basta. Iniisip nila: “Binabanggit mo ang sarili mong katiwalian, bakit mo ako binabanggit? Tinatalakay mo ang pagkilala mo sa sarili, bakit mo ako inilalantad? Dahil sa paglalantad mo sa katiwalian ko, nasisira ang imahe at dignidad ko, nagigisa ako sa harap ng mga kapatid, nawawalan ako ng katanyagan, at nasisira ang reputasyon ko. Kung gayon, maghihiganti ako laban sa iyo; makukuha mo ang higit sa inaasahan mo! Huwag mong isiping madali akong apihin, na maaari mo akong kayan-kayanin dahil lang sa mahirap ang pamilya ko at mababa ang katayuan ko sa lipunan. Huwag mong isiping puwede mo akong kayan-kayanin; hindi ako isang taong maaaring banggain!” Huwag nang isipin kung paano sila naghihiganti; isaalang-alang na lang natin ang mismong mga taong ito: Kapag nahaharap sila sa maliliit na usaping ito—mga usaping karaniwan sa buhay iglesia—bukod sa hindi nila matrato o maarok nang tama ang mga usaping ito, nagkakaroon pa sila ng pagkamuhi at naghihintay ng mga pagkakataon para makapaghiganti, gumagamit pa nga sila ng mga bulagsak na paraan para isakatuparan ang paghihiganti nila. Ano ang sinasabi nito tungkol sa pagkatao nila? (Mapaminsala ito.) Mababait na tao ba sila? (Hindi.) Ang pinakamabuting uri ng mga tao ay iyong mga kayang tumanggap sa katotohanan. Kapag naririnig nila ang iba na nakikipagbahaginan at nagbabahagi ng mga karanasan nila, pinagninilayan nila: “May ganito rin akong katiwalian. Parang kalagayan ko ang inilalarawan nila. Sinasadya man nilang ilantad ako o hindi sinasadyang tinatalakay nila ang isang bagay na nagkataong katulad ng kalagayan ko, aarukin ko ito nang tama—pakikinggan ko kung paano nila ito dinanas, kung paano nila hinahanap ang katotohanan para malutas ang kalagayang ito, at kung paano sila nagsasagawa at pumapasok.” Isa itong tao na tunay na tumatanggap sa katotohanan. Kapag narinig ito ng isang tao na medyo mas mababa ang antas, maaari niyang isipin, “Bakit parang katulad na katulad ng kalagayan ko ang tiwaling disposisyong kinikilala nila? Ako ba ang tinutukoy nila? Kung gayon, hahayaan ko lang silang magsalita. Kung tutuusin, wala namang nawala sa akin, at marahil ay hindi rin naman alam ng karamihan ng tao. Siguro ay tinutukoy lang nila ang sarili nila, at nagkataon lang na katulad ito ng kalagayan ko; pare-pareho naman kaming lahat ng kalagayan.” Hindi niya ito sineseryoso, wala siyang kinikimkim na pagkamuhi sa puso niya, at hindi siya nagtataguyod ng isang mapaghiganting mentalidad. Gayumpaman, iba ito para sa mga di-mabait at masamang tao. Titingnan ng iba ang parehong usapin bilang karaniwan, pangangasiwaan at tatratuhin nila ito nang naaayon. Siyempre, maagap at positibo itong lulutasin ng mabubuting tao na tumatanggap sa katotohanan. Ang mga ordinaryong tao, bagaman hindi positibong nilulutas ito, ay hindi nagkikimkim ng pagkamuhi, lalong hindi sila naghahangad na makapaghiganti. Pero para sa mga tao na di-mabait, maaaring magtalo ang kalooban nila dahil sa gayong karaniwan at lubos na ordinaryong usapin, kaya hindi nila magawang kumalma. Ang mga bagay na ipinapakita nila ay hindi positibo o ordinaryo, kundi malupit at buktot; naghahangad sila na makapaghiganti. Ano ang dahilan ng paghihiganti nila? Naniniwala sila na sinasadya silang siraan ng mga tao gamit ang mga mapaminsalang pahayag, inilalantad ang tunay na mga sitwasyon tungkol sa kanila, gayundin ang pangit na katangian at ang katiwalian nila. Itinuturing nila ang sinasabi ng mga tao bilang sinasadya, kaya itinuturing nila ang mga ito bilang mga kaaway. Pagkatapos, pakiramdam nila ay makatarungan ang paggamit ng paghihiganti para ayusin ang naturang usapin, gumagamit sila ng iba’t ibang paraan para makamit ang layunin nilang makapaghiganti. Hindi ba’t isa itong malupit na disposisyon? (Oo.) Sa buhay iglesia, kapag tinatalakay ng mga kapatid ang tungkol sa mga kalagayan nila, karamihan sa nakikinig ay nakauugnay rito at natatanggap ito mula sa Diyos. Tanging ang mga tutol sa katotohanan at may buktot na disposisyon ang nagpapakita ng pagkamapanlaban at maging ng mapaghiganting mentalidad pagkarinig nila rito, na lubos na nagbubunyag sa kalikasang diwa nila. Kapag nabuo na ang mapaghiganting mentalidad, susunod na ang isang serye ng mga mapaghiganting pag-uugali at kilos. Kapag nangyayari ang mga paghihiganti, ano ang nangyayari sa ugnayan ng mga tao? Hindi na wasto ang mga ito. At sino ang tunay na biktima rito? (Ang taong pinaghihigantihan nila.) Tama. Ang tunay na mga biktima ay ang mga nakikipagbahaginan tungkol sa kanilang patotoong batay sa karanasan. Ang mga mahilig sa paghihiganti ay manghuhusga, mang-aatake, at magdidiin o maninira pa nga sa mga tao na sa tingin nila ay naglalantad o nagkikimkim ng pagkamapanlaban sa kanila, gumagamit sila ng mga salita o kilos sa iba’t ibang sitwasyon. Ang mga taong mahilig sa paghihiganti ay hindi lang pansamantalang nagkikimkim ng pagkamuhi sa puso nila at iyon na iyon; naghahanap at lumilikha pa nga sila ng lahat ng uri ng oportunidad para gantihan ang mga tao na puntirya ng kanilang paghihiganti, ang mga taong may mapanlaban silang saloobin, at ang mga taong sa tingin nila ay hindi paborable sa kanila. Halimbawa, sa panahon ng halalan ng mga lider, kung ang taong may mapanlaban silang saloobin ay nakatutugon sa mga prinsipyo ng paggamit ng mga tao sa loob ng sambahayan ng Diyos at kalipikadong mahalal bilang isang lider, ang pagkamapanlaban nila ay magdudulot sa kanila na husgahan, kondenahin, at batikusin ang taong iyon. Puwede pa nga silang magsagawa ng mga palihim na pagkilos o gumawa ng mga bagay na makapipinsala sa taong iyon para makapaghiganti sila. Sa pagbubuod, iba’t iba ang mga paraan nila ng paghihiganti. Halimbawa, maaaring makahanap sila ng mga bagay na puwedeng gamitin bilang bentahe laban sa isang tao at siraan ito, nag-iimbento ng mga tsismis tungkol sa taong iyon sa pamamagitan ng pagiging eksaherado at walang batayang sabi-sabi, o pagpapakalat ng alitan sa pagitan ng taong iyon at ng ibang tao. Maaari pa ngang magbigay sila ng huwad na paratang sa mga lider tungkol sa taong iyon, sinasabi na ang taong iyon ay hindi tapat at lumalaban sa pamamagitan ng pagkanegatibo sa paggampan sa kanyang mga tungkulin. Ang lahat ng ito ay pawang mga sadyang gawa-gawang pahayag, pawang inimbento lang. Tingnan ninyo kung paano, mula sa mga hinala at maling pagkaunawa nila sa taong iyon, lumilitaw ang napakaraming pag-uugali at kilos na wala sa katwiran; lahat ng pamamaraang ito ay nagmumula sa mapaghiganti nilang kalikasan. Sa katunayan, nang ibinahagi ng taong iyon ang kanyang mga patotoong batay sa karanasan, hindi naman talaga sila ang tinutukoy ng mga iyon; wala namang anumang malisyang nakapuntirya sa kanila. Dahil lang sa tutol sila sa katotohanan at may malupit silang disposisyon na mahilig sa paghihiganti kaya hindi nila tinutulutan ang iba na ilantad sila, ni pinapayagan ang mga talakayan tungkol sa pagkilala sa sarili, pagtalakay sa mga tiwaling disposisyon, o pag-uusap tungkol sa satanikong kalikasan ng isang tao. Kapag tinalakay ang mga gayong paksa, nagagalit sila, iniisip na sila ang pinupuntirya at inilalantad, kaya bumubuo at lumilikha sila ng mapaghiganting mentalidad. Ang mga pagpapamalas ng ganitong uri ng tao na naghihiganti ay hindi limitado sa isang sitwasyon lang. Bakit Ko nasasabi ito? Dahil may malupit na kalikasan ang mga gayong indibidwal; walang makakapukaw o makakapagpagalit sa kanila. Likas na agresibo sila sa sinuman at anumang bagay, tulad ng isang alakdan o alupihan. Kaya, pinupukaw o sinasaktan man sila ng isang tao sa pamamagitan ng pagsasalita nang sadya o di-sadya, basta’t nararamdaman nilang nawalan sila ng dangal o katanyagan, gagawa sila ng paraan para maibalik ang dangal at katanyagan nila, na nagdudulot ng isang serye ng mga mapaghiganting pagkilos.

Sunod, magbabahagi Ako ng iba pang mga pagpapamalas ng mga taong mahilig sa paghihiganti. Ang iba ay pinungusan ng mga lider dahil ginawa nila nang pabasta-basta ang kanilang mga tungkulin, na nagdulot sa kanilang magkimkim ng kawalang-kasiyahan. Sabihin mo sa Akin, makatwiran ba ang pagpupungos sa kanila? (Oo.) Ganap itong makatwiran at normal. Kung ginagawa mo nang pabasta-basta ang iyong tungkulin, na nagdudulot ng pinsala sa gawain ng iglesia, at hindi ka kumikilos nang naaayon sa mga prinsipyo, at may isang tao na tumindig para ilantad at pungusan ka, makatwiran ito, at dapat mo itong tanggapin. Gayumpaman, hindi lang ito tinatanggihang tanggapin ng mga taong mahilig sa paghihiganti kundi nagkikimkim din sila ng kawalang-kasiyahan. Pagkaalis ng mga lider, nagsisimula silang mambato ng masasakit na salita: “Para saan ka ba nagpapakitang-gilas? Hindi ba’t dahil lang may opisyal kang posisyon? Kung may gayon akong posisyon, magiging mas mahusay pa ako sa iyo! Pinupungusan mo ako, sino ka ba sa tingin mo? Kinamumuhian kita dahil sa pagpupungos mo sa akin. Sinusumpa kita na mabangga ng sasakyan, na mamatay sa pagkabilaok sa inumin mo, na mamatay ka sa pagkabilaok sa pagkain mo. Sinusumpa kita na mamatay nang miserable! Nangangahas kang pungusan ako? Walang sinuman sa mundo ang nangangahas na pungusan ako!” Kapag ang mga lider na iyon ay pinungusan ng mga nakatataas na lider dahil sa ilang usapin, nagagalak sila sa kasawian ng mga lider at nagiging napakasaya, humuhuni pa ng isang himig, iniisip nilang: “Paano iyan? Nagpakitang-gilas ka, at ngayon ay nakararanas ng pagpaparusa! Sinumang magpupungos sa akin, gagawin kong miserable ang buhay nila!” Ano ang tingin mo sa gayong mga tao? (Malisyoso sila.) Kahit na gaano kamakatwiran ang pagpupungos sa kanila, hindi nila ito matanggap. Patuloy silang nakikipagtalo at ipinagtatanggol ang sarili nila, at pagkatapos ay patuloy pa rin nilang ginagawa ang mga tungkulin nila nang pabasta-basta, nananatiling hindi nagbabago sa kabila ng mga paulit-ulit na paalala. Kung palagi kang kikilos sa isang pabasta-bastang paraan, sa sambahayan ng Diyos, mapupungusan ka lang; kung ikaw ay nasa trabaho mo sa sekular na mundo at kumikilos ka nang pabasta-basta, maaari kang mapatalsik sa trabaho at mawala ang kabuhayan mo. Kadalasan sa sambahayan ng Diyos, ang prinsipyo ay ang magbahaginan sa katotohanan at magbigay-suporta nang may pagmamahal, pinahihintulutan ang karamihan ng tao na maghangad ng katotohanan at magsagawa ng kanilang mga tungkulin nang normal. Sa katunayan, sa mga lider at manggagawa, ang minorya lang ang maaaring humarap sa matinding pagpupungos. Karamihan sa mga tao ay kumikilos batay sa pananalig, kamalayan, konsensiya, at katwiran, tinatanggap ang pagsisiyasat ng Diyos, at hindi gumagawa ng mabibigat na pagkakamali, kaya hindi sila dumaranas ng matinding pagpupungos. Gayumpaman, ang mapungusan ay isang mabuting bagay; ilang tao ang nakararanas ng pagpupungos, lalo na mula sa ang Itaas? Nagpapakita ito ng isang malaking pagkakataon para sa pagkilala sa sarili at buhay paglago. Dapat nauunawaan ng mga mananampalataya kahit papaano ang kabuluhan ng mapungusan, kinikilala ito bilang isang mabuting bagay. Kahit na ang pagpupungos mula sa mga partikular na indibidwal ay hindi ganap na alinsunod sa mga prinsipyo, nahahaluan ng mga personal na pagkiling at pagkamainitin ng ulo, dapat mo pa ring suriin ang iyong sarili para makita kung aling mga aspekto ng iyong mga pagkilos ang hindi naaayon sa mga prinsipyo at positibong tanggapin ito; ang paggawa nito ay makatutulong sa iyo. Pero, hindi matanggap ng masasamang taong ito maging ang makatwirang pagpupungos. Kahit na hindi sila kumikilos para maghiganti, napupuno ang puso nila ng matinding kawalang-kasiyahan, at nagmumura at nanunumpa sila. Kapag iyong mga nagpungos sa kanila ay humarap sa sarili nilang pagpupungos o nakaranas ng paghihirap, mas masaya pa sila kaysa sa isang bata na nagdiriwang ng Bagong Taon. Ito ang pagpapamalas ng masasamang tao. Mayroon ding ilang tao na mapagkompetensiya sa paggawa ng kanilang tungkulin; madalas silang hindi sumusunod sa mga prinsipyo at kumikilos nang pabasta-basta, na humahantong sa pagganap ng kanilang mga tungkulin na walang ibinubunga. Kapag ang mga lider ay nagbabahagi tungkol sa mga isyu nila at pinupungusan sila, iyong mga mahilig sa paghihiganti ay hindi kayang tratuhin ang usaping ito nang tama. Kahit na sa panloob ay inaamin nila ang kanilang pagiging pabasta-basta at kawalan ng prinsipyo sa paggawa ng mga tungkulin nila, patuloy pa rin silang nakabubuo ng mga kaisipan at pagkilos ng paghahangad na maghiganti bilang tugon sa pagpupungos. Kasunod nito, nagsusulat sila ng mga liham na nag-aakusa nang mali sa mga lider, sinusunggaban ang ilan sa mga pagsasagawa ng mga ito at mga pagbubunyag ng mga katiwalian ng mga ito para palakihin at iulat sa mga nakatataas sa pagtatangkang mapatanggal ang mga lider. Kung hindi nakamit ang layunin nila, naninira sila at nagdudulot ng mga kaguluhan nang palihim, matigas ang ulong nilalabanan ang mga pagsasaayos ng mga lider. Hindi nila isinasaalang-alang ang gawain ng iglesia, ang mga prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos, o ang pagiging epektibo ng paggawa ng kanilang tungkulin; ang iniintindi lang nila ay ang pagbubulalas ng kanilang galit. Tumatanggi silang makinig sa sinuman, tinatanggihan maging ang mga paalala ng mga lider at manggagawa. Bagaman hindi sila sumasagot o lumalaban nang harapan, nang palihim, kaya nilang magbulalas ng pagkanegatibo, bitiwan ang kanilang gawain bilang pagsalungat, at sunggaban ang anumang kalamangang magagamit nila laban sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos o laban sa mga lider at manggagawa. Nagpapakalat pa nga sila ng mga kuru-kuro; sila mismo ay negatibo at nag-aatubiling gawin ang kanilang tungkulin, pero sinusubukan din nilang manghila ng marami pang tao sa pagiging negatibo at tamad at pagpapabaya sa kanilang mga tungkulin. Ano ang prinsipyo nila? “Hindi ako natatakot mamatay; kailangan kong makahanap ng ibang tao na mahihila pababa kasama ko. Pinupungusan ako ng mga lider, sinasabing hindi pasok sa pamantayan ang pagganap ko ng aking tungkulin—kung ganoon, sisiguraduhin kong mabibigo ang lahat na gawin ang tungkulin nila nang maayos. Kung wala ako sa ayos, wala sa inyo ang magiging maayos! Pinupungusan ako ng mga lider, at pinagtatawanan ninyo akong lahat; pahihirapin ko ang buhay ninyong lahat!” Kapag ginagawa nila ang tungkulin nila nang pabasta-basta o nang laban sa mga prinsipyo, at may nag-ulat nito sa mga lider, iimbestigahan nila ang usaping ito: “Sino ang nag-ulat sa akin? Sino ang nagsumbong sa akin sa mga lider? Sino ang may malapit na ugnayan sa mga lider? Kapag nalaman ko kung sino ang nag-ulat sa akin sa mga nakatataas na lider, hindi ako magpapakita ng anumang paggalang sa taong iyon! Hindi ko ito palalagpasin kailanman!” Hindi lang nila kayang magsabi ng mararahas na pahayag, kundi siyempre, kaya rin nilang isakatuparan ang gayong mga pagbabanta. Ang mga indibidwal na ito ay maraming masama at mapanlinlang na taktika para makapaghiganti, hindi lang sa pamamagitan ng pagsunggab ng kalamangan para husgahan at kondenahin ang iba; may ilan na sadyang ninanakaw ang charger ng laptop ng taong gusto nilang paghigantihan, dahilan para hindi nito magawang i-recharge ang kanyang laptop at hinahadlangan ang paggawa niya ng tungkulin. May ibang sadyang dinaragdagan ng maraming asin ang pagkain ng isang tao para hindi ito makain. Ang magagaspang na paraang ito ng paghihiganti, karaniwan sa mga walang pananampalataya, ay ginagamit din ng masasamang tao sa loob ng iglesia. Ang mga paraan nila ng pagsasakatuparan ng kanilang paghihiganti ay labis na higit pa sa mga ito, kabilang ang mga walang prinsipyong taktika na hindi pa natin nakikita noon; nagbibigay lang tayo ng ilang simpleng halimbawa. Sa mga ito, may ilang indibidwal na sadyang gumagawa ng gulo, hadlang, at mga paghihirap para sa iba; karaniwang pangyayari ito. Sa bawat grupo, sa ilalim ng iba’t ibang sitwasyon at kapaligiran, ang malupit na disposisyon niyong mga mahilig sa paghihiganti ay patuloy na nalalantad. Ang mga mapaghiganting pagpapamalas ng masasamang tao at mga anticristo ay lalo pang kitang-kita. Hangga’t may masasamang tao at mga anticristo sa loob ng iglesia, ang hinirang na mga tao ng Diyos, na tunay na nananampalataya sa Kanya at naghahangad sa katotohanan, ay magugulo. Sa bawat araw na naroroon ang masasamang tao at mga anticristo ay isang araw na walang kapayapaan sa iglesia—ang mabubuting tao ay aatakihin at ibubukod; sa partikular, iyong mga naghahangad sa katotohanan ay makararanas ng pagkamapanlaban at paghihiganti ng masasamang tao at mga anticristo. Paano pinahihirapan at ginagantihan ng masasamang tao at mga anticristo ang iba? Una, pinupuntirya nila iyong mga naghahangad sa katotohanan at sumusunod sa mga prinsipyo. Malinaw na nakikita ng masasamang tao na ito na iyong mga naghahangad lang sa katotohanan ang pinakamapanganib para sa kanila. Una sa lahat, kaya silang kilatisin ng mga taong nakauunawa sa katotohanan; basta’t may gagawin silang masama, makikilatis sila ng mga taong nakauunawa sa katotohanan. Pangalawa, dahil naroroon ang mga taong nakauunawa sa katotohanan, medyo mapipigilan ang kanilang masasamang gawa, kaya magiging mahirap para sa kanila na makamit ang kanilang mga layon. Mula sa perspektibang ito, ang mga naghahangad sa katotohanan lang ang mga tagapagtanggol ng gawain ng iglesia. Dahil naroroon iyong mga naghahangad sa katotohanan, hindi mangangahas na maghari-harian ang mga anticristo at masasamang tao at dapat magsagawa sila ng kaunting pagpipigil. Kaya, iyong mga naghahangad sa katotohanan ay tinik sa lalamunan ng mga anticristo at masasamang tao, sakit sa ulo nila, at iyon ang dahilan kung bakit gumagawa sila ng mga paraan para isakatuparan ang kanilang paghihiganti.

Kapag isinasakatuparan ng masasamang tao ang paghihiganti nila, nagpapakita sila ng isang malupit na disposisyon, nagiging hindi makatwiran at walang pagkamakatwiran. Iyong mga nakasama nila ng ilang panahon at nakauunawa sa kanila ay medyo natatakot sa kanila. Ang pakikipag-usap sa kanila ay nangangailangan ng lubos na pag-iingat at paggalang, humihingi ng labis-labis na antas ng pagrespeto. Dapat palagi nilang pakalmahin at pagbigyan ang mga ito, at anumang isyu o kamalian na mayroon ang mga ito ay hindi maaaring direktang tukuyin. Sa halip, kailangan nilang talakayin ang mga isyung ito nang paligoy-ligoy, nang may panunuyo, at pagkatapos magsalita, kailangan din nilang purihin ang mga ito, sinasabing, “Kahit na mayroon ka ng ganitong kapintasan o pagkukulang, mas mabilis kang matuto ng mga kasanayan kaysa sa amin, ang iyong mga propesyonal na kapabilidad ay mas malakas kaysa sa iba, at ang iyong kahusayan sa gawain ay mas mataas kaysa sa amin. Nakikita ko ang iyong mga kapintasan bilang mga kalakasan.” Kailangan pa nga nilang bolahin ang mga ito. Bakit nila ito ginagawa? Dahil ito sa takot sa paghihiganti ng mga ito. Sa ganitong paraan, nalulugod ang masasamang taong ito at nakararamdam sila ng hinahon sa kanilang puso. Para maiwasan ang kanilang paghihiganti, karamihan ng tao ay natatakot magbanggit ng mga isyung napapansin nila sa mga ito nang harapan, ni hindi sila nangangahas na iulat ang mga isyung ito. Kahit na malinaw na pinipinsala ng mga ito ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at na ang gawain ng iglesia ay naaantala dahil sa katigasan ng ulo nila at walang-ingat na pagkamapangahas nila, o kahit kapag napapansin ang ilang pagkabaluktot sa kanilang direksiyon at mga prinsipyo, walang sinuman ang naglalakas-loob na tumutol o mag-ulat sa kanila sa mga nakatataas. Dahil sa malupit nilang disposisyon at sa pagkatao nila na mahilig sa paghihiganti, medyo natatakot sa kanila ang iba, nagagalit pero masyadong natatakot na magsalita tungkol dito. Ang pakikipag-usap sa kanila ay dapat na maging partikular na magalang at maingat, na may sobrang mabait, malumanay, at pinong saloobin sa kanila. Kapag nakikipag-usap sa kanila ang mga tao nang may respeto at paggalang, sumusuko sa kanila, nakararamdam sila ng kaginhawahan sa kalooban nila. Gayumpaman, kung may isang taong prangka, inilalantad ang mga isyu nila at nag-aalok ng mga suhestiyon, nasusuklam sila, nakikita ito bilang kawalang-respeto, bilang pagkakaroon ng iba ng pagtutol o poot sa kanila. Ito ang nagtutulak sa kanila na maghiganti laban sa taong ito at pahirapan ito; kailangan nila itong pabagsakin at sirain ang pangalan nito. Kung ang taong iyon ay mapapasakamay nila, wala itong kahahantungang mabuti. Nakakatakot ba ang gayong mga tao? (Oo.) Kung hindi mo sila nauunawaan at masaktan mo ang damdamin nila, magtatanim sila ng galit sa iyo, mag-iisip na maghiganti laban sa iyo kahit habang kumakain at natutulog sila. Kapag nasa radar ka na nila, hindi na maiiwasan ang gulo, dahil determinado silang maghiganti. Bagaman maaari ka pa rin nilang kausapin tulad nang dati sa panlabas, sa sandaling magsimula silang mag-isip na maghiganti, ang lahat ng bagay na dati mong ginawa o sinabi sa kanila ay magiging armas nila laban sa iyo. Tatratuhin ka nila bilang kaaway, isasakatuparan ang paghihiganti nila nang paunti-unti hanggang sa pakiramdam nila ay sapat na silang nakapaghiganti at ganap nang nasiyahan. Ito ang kahihinatnan ng pakikisalamuha sa masasamang tao.

Ang mga tao na mahilig sa paghihiganti, batay sa kanilang iba’t ibang pag-uugali at sa mga prinsipyo at pamamaraan ng kanilang pagkilos at pag-asal, ay banta sa halos lahat ng tao, maliban sa mga mabait at magiliw sa lahat at na walang mga prinsipyo kapag nakikitungo sa sinuman—ang gayong mga indibidwal ay ligtas kapag kasama ang malulupit na tao. Gayumpaman, iyong mga may kahit katiting na pagpapahalaga sa konsensiya o katarungan, sa iba’t ibang antas at sukat, ay makararamdam ng banta kapag nasa presensiya ng mga taong mahilig sa paghihiganti. Sa malulubhang kaso, maaari silang maharap sa pisikal na pinsala o maging sa mga banta sa buhay nila, habang sa mas magagaang senaryo, maaari silang makaranas ng mga pambabatikos, paninirang-puri, o pagdidiin. Ang mga ito ang kabilang sa mga pangkalahatang pagbubunyag at pagpapamalas ng malupit na disposisyon ng mga taong mahilig sa paghihiganti. Batay sa kanilang pangkalahatang pagpapamalas, ang gayong mga tao ay nagdudulot din ng mga kaguluhan sa mga kapatid at sa loob ng iglesia. Halos lahat ng nakikipag-ugnayan sa mga mapaghiganting tao na ito ay nagiging puntirya ng kanilang paghihiganti at halos palaging nagiging isang biktima. Iyong mga mahilig sa paghihiganti ay may malupit na disposisyon, mga bomba silang maaaring sumabog anumang sandali. Bagaman maaari silang sumunod sa nakararami para gawin ang mga tungkulin nila at mamuhay ng normal na buhay iglesia, batay sa pagkatao nila, maaari silang maghiganti at maging banta sa iba anumang oras, at magdulot sa mga tao na matakot at mag-ingat laban sa kanila. Hindi ba’t katumbas na ito ng panggugulo para sa nakararami? (Oo.) Para maiwasang mapasama ang loob nila, para mapalugod sila, at para maiwasan ang pagsama ng loob nila at paghihiganti, dapat palaging bigyang-pansin ng mga tao ang kanilang mga ekspresyon at makinig sa mga ipinahihiwatig na kahulugan ng pananalita nila, sinusubukang alamin ang kanilang mga intensiyon, layon, at direksiyon kapag nagsasalita sila. Mula sa perspektibang ito, hindi ba’t karamihan ng tao ay hindi lang nagugulo nila kundi nakokontrol din nila? (Oo.) Samakatwid, batay sa kalikasan ng usaping ito, hindi ba’t masasamang tao ang gayong mga mapaghiganting indibidwal? (Oo.) Napakalinaw na dapat silang tukuyin bilang masasamang tao. Kung susubukan ng isang taong unawain ang sitwasyon ng gayong mga indibidwal, karamihan ay matatakot na sabihin ang katotohanan tungkol sa kanila, at isasantabi ang bawat katanungang tungkol sa kanila sa pamamagitan ng mga di-tiyak na sagot tulad ng “Ayos lang,” hindi maglalakas-loob na iulat ang kanilang mga problema o magsalita tungkol sa kanila o suriin sila. Hindi ba’t magulong sitwasyon ito? Sinasabi ng ilan, “Maaaring maghiganti ang gayong masasamang tao anumang oras at saanmang lugar; sino ang mangangahas na galitin sila? Higit pa rito, palagi nilang sinasabi na may mga koneksiyon sila sa mga kriminal at sa mga lehitimong pangkat, nagbabanta na kung may sinumang sasalungat sa kanila, hindi magiging maganda ang kahihinatnan ng taong iyon, tuturuan nila ito ng leksiyon, at gagawing miserable ang kamatayan ng pamilya nito. Samakatwid, walang sinumang nangangahas na galitin sila. Hayaan natin sila, at aasa na lang tayo na magiging maayos ang lahat para sa atin.” Tingnan mo, nabubuo ang gayong sitwasyon sa iglesia, na ibig sabihin talaga na kontrolado na nila ang mga taong ito. Dahil sa nasaksihan na ng mga ito ang malupit nilang disposisyon sa paghihiganti, hindi naglalakas-loob ang mga tao na akusahan o pungusan sila, at hindi naglalakas-loob na sabihin ang mga tunay na pagsusuri ng mga ito sa kanila. Kailangan iwasan silang pag-usapan, sa takot na mapasama ang loob nila, at maging ang pagsasabi ng mga detalye tungkol sa mga tunay na pagpapamalas nila kapag nakatalikod sila ay sobrang nakakatakot. Ano ang kinatatakutan ng mga tao? Natatakot sila na makakarating ang mga salita nila sa mapaghiganting tao, na siyang maghihiganti laban sa kanila. Pagkatapos magsalita, hinahampas nila ang noo nila at sinasabing, “Ay naku, nagsalita ako nang wala sa lugar ngayon. Tingnan mo lang, mapapahamak ako rito. Bakit hindi ko kasi maitikom ang bibig ko?” Mula noon, namumuhay sila sa patuloy na pagkatakot at pagkabalisa, nagdadahan-dahan sa buhay, palaging nagmamasid kapag nasa paligid ng taong iyon, iniisip na, “Alam kaya niya ang sinabi ko? Nakarating na kaya ito sa pandinig niya? Pareho pa rin ba ang saloobin niya sa akin tulad ng dati?” Habang lalo silang nagbubulay-bulay, lalo silang hindi mapakali, at habang mas tumatagal ito, lalong tumitindi ang takot nila, kaya nagpapasya silang mas mabuti pang iwasan na lang siya, iniisip na, “Hindi ko kayang magbakasakaling galitin siya, pero kahit papaano ay maiiwasan ko siya. Alam man niya o hindi ang sinabi ko, hindi ba maaaring lumayo na lang ako sa kanya?” Nagiging napakatindi ng takot na ito na ni hindi sila naglalakas-loob na dumalo sa mga pagtitipon, iniiwasan ang anumang lugar kung saan maaaring naroroon ang malupit na taong ito, kahit na doon nila dapat gawin ang tungkulin nila, nakararamdam ng labis na takot.

Paano dapat pangasiwaan ang masasamang tao na iyon na mahilig sa paghihiganti? (Paalisin sila.) Napakasimple lang nito: Dalawang salita lang—paalisin sila—at tapos na ito. Kung paaalisin sila at magdiriwang ang nakararami, nakararamdam ng malalim na kasiyahan, nangangahulugan ito na tamang desisyon ang paalisin sila. Noong nakaraan, sa mga pagtitipon, ang presensiya ng masasamang tao ay nangangahulugang napipigilan ang karamihan habang nagbabahaginan; natatakot sila na ang isang maling salita ay maaaring makapagpasama ng loob ng masasamang tao, kaya’t nag-ingat sila at umiwas sa mga ito habang nagsasalita. Doon lumitaw ang isang di-nasusulat na patakaran sa mga pagtitipon: Kung may isang taong sumenyas gamit ang mga mata niya, mabilis na magbabago ang paksa. Ito ang lumitaw na kalagayan ng mga usapin. Matapos mapaalis ang mga taong mahilig sa paghihiganti, mapayapa ang iglesia, naging normal ang buhay iglesia, at bumalik din sa pagiging normal ang ugnayan sa pagitan ng mga tao. Ang mga kapatid ay malaya na ngayong makapagbabahagi at makapagdarasal-makapagbabasa ng mga salita ng Diyos, at malayang makapagbahagi ng kanilang mga patotoong batay sa karanasan, nang hindi kontrolado ng sinuman, nang hindi natatakot sa sinuman, at nang hindi kailangang magbigay-pansin sa mga ekspresyon ninuman. Batay sa resultang ito, tama ba na paalisin ang gayong masasamang tao? (Oo.) Tiyak na tama ito. Dapat silang paalisin. Kung hindi sila paaalisin, magiging napakahirap ng buhay para sa lahat, at marami ang labis na matatakot na dumalo sa mga pagtitipon. Ang ilang matatakuting indibidwal ay maaari pa ngang magdusa mula sa mga bangungot, palaging nananaginip na sinasakal sila ng masasamang demonyo. Palagi silang magiging sobrang maingat sa mga pagtitipon, hindi kailanman maglalakas-loob na magsalita, hindi magawang maramdamang sila ay pinalaya at malaya. Simula nang paalisin ang masasamang tao, ganap na silang nagbago: Naglalakas-loob na sila ngayong magsalita sa mga pagtitipon, naging mas aktibo na sila sa pagbabahaginan, at nararamdaman na nilang sila ay pinalaya at malaya. Hindi ba’t isang mabuting bagay ito? (Oo.) Madaling makilatis ang gayong mga mapaghiganting indibidwal na may malupit na disposisyon. Sa pangkalahatan, pagkatapos makipag-ugnayan sa isang tao nang higit sa anim na buwan, dapat magawang maramdaman at malinaw na makita ng lahat ng tao kung ganoong uri ba sila ng indibidwal; nagiging maliwanag ito pagkatapos gumugol ng ilang panahon kasama nila. Hindi dapat maging pasibo ang mga lider at manggagawa sa iglesia sa pangangasiwa sa gayong masasamang tao. Ano ang ibig sabihin ng huwag maging pasibo? Ibig sabihin nito na huwag maghintay hanggang sa magalit ang lahat sa panlilihis ng mga ito sa ilang tao at sa paggawa ng masasamang gawa bago pakitunguhan ang mga ito—magiging masyadong pasibo iyon. Kaya, kailan ang pinakamainam na oras para pangasiwaan ang masasamang tao? Ito ay kapag ang maliit na bilang ng mga tao ay napinsala na at nakararamdam ng matinding pagtutol at pag-iingat laban sa mga ito, at kapag ang mga ito ay ganap nang natukoy bilang masasamang tao. Sa puntong ito, dapat kaagad pangasiwaan at paalisin ang mga ito para maiwasang mapinsala ang mas marami pang tao, at para maiwasan ang mga matatakutin na matakot nang husto o matisod dahil sa kanila. Ano ang pinakamahalaga rito? Kung pahihintulutan ang masasamang tao na magdulot ng mga kaguluhan sa loob ng iglesia nang masyadong matagal, ang pinakahuling resulta ay na makokontrol nila ang iglesia at ang hinirang na mga tao ng Diyos. Kung magiging ganito na ito kalala, magdurusa ang lahat. Para maiwasan ang pinsala sa lahat, kapag may ilang tao na napinsala, o kapag may ilang nagkaroon na ng matinding pag-ayaw at nakilatis na ang gayong mga indibidwal, natutukoy ang mga ito bilang masasamang tao na mahilig sa paghihiganti, dapat agarang paalisin ang mga ito ng mga lider ng iglesia. Hindi sila dapat maghintay hanggang sa ang masasamang tao ay nakagawa na ng maraming kasamaan at nagpasiklab ng galit ng publiko bago magpasyang kumilos—magiging masyadong pasibo iyon; at hindi ba’t magiging inutil ang mga lider ng iglesia kung ganoon? (Oo.) Sa pagsasagawa ng gayong gawain, ang mga lider ng iglesia ay dapat partikular na sensitibo sa mga kalagayan, pagpapamalas, at pagbubunyag ng gayong mga indibidwal, mabilis na nakikilatis ang disposisyon ng mga ito, at pagkatapos ay natutukoy na ang mga ito ay masasamang tao na dapat paalisin, pinangangasiwaan ang mga ito sa lalong madaling panahon. Kung hindi posible na gumawa ng pagtatakda sa simula, kinakailangan ang pagtutok sa pagmamasid, maingat na binabantayan ang pananalita, pag-uugali, at asal ng mga ito, inuunawa ang mga kaisipan ng mga ito at ang mga tendensiya ng kanilang mga pagkilos. Kapag natuklasang may balak ang mga itong isakatuparan ang kanilang paghihiganti, dapat magsagawa ng agarang mga hakbang para paalisin ang mga ito, para maiwasang mapinsala at magdusa sa mga gawa ng paghihiganti ang mas maraming tao.

Sinasabi ng ilang lider ng iglesia na, “Hindi kami natatakot sa masasamang tao; bukod sa pagkatakot sa Diyos, wala kaming kinatatakutang sinuman. Ano naman ang masasamang tao sa amin? Hindi nga kami natatakot kay Satanas, ni hindi kami natatakot sa mga pagdakip at pag-uusig ng malaking pulang dragon, kaya bakit namin dapat katakutan ang masasamang tao? Ang isang masamang tao ay isang maliit na demonyo lang, bakit siya katatakutan? Pananatilihin na lang namin siya sa iglesia at hahayaan ang karamihan sa mga kapatid na magdusa ng kapinsalaan. Pagkatapos magdusa, lalago sila sa pagkilatis, at nang may pagkilatis, hindi na sila magagapos at mapipigilan ng gayong masasamang tao. Magiging napakainam niyon!” Kaya bang kamtin ng nakararami ang ganitong tayog? (Hindi.) Hindi nila kaya. Masyadong mahina ang kanilang pananalig, masyadong kakaunti ang mga katotohanang nauunawaan nila, at masyadong maliit ang kanilang tayog. Iniiwasan nila ang masasamang tao sa tuwing nakikita nila ang mga ito, hindi sila naglalakas-loob na salungatin ang mga ito. Maliban sa pagkatakot sa kamatayan at pagpapahalaga sa sarili nilang buhay, pinoprotektahan din ng karamihan ng tao ang iba’t iba nilang makalamang interes; hindi nila magawang magkamit ng pagkilatis o matutunan ang mga leksiyon mula sa iba’t ibang bagay na ginagawa ng masasamang tao. Kaya, ang ideyang ito ay pundamental na hindi praktikal at hindi magbubunga ng anumang resulta. Kung magpapakita ang isang masamang tao sa iglesia, sa panahong nakilala at natukoy na ng karamihan na ang indibidwal na iyon ay masama, gaano karaming tao ang nagtataglay ng pagpapahalaga sa katarungan para manindigan, kumawala sa masamang tao, lumaban dito, at protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Anong porsiyento iyon? 10% ba? Kung hindi 10%, 5% ba? (Mga ganoon.) Ibig sabihin na sa isang grupo ng dalawampu, maaaring may isang tao na maninindigan para lumaban sa isang masamang tao, para ilantad at hamunin ito gamit ang mga salita ng Diyos, makipagdebate, at paalisin ito sa iglesia. Ang gayong mga indibidwal ay ang mga bayani sa hinirang na mga tao ng Diyos, ang mga taong may merito sa iglesia. May ilang lider at manggagawa na natatakot na pangasiwaan ang masasamang tao. Naaangkop ba ang gayong mga tao sa kanilang mga papel? Kalipikado ba silang magpatotoo sa Diyos? Kapag nakaririnig sila ng tungkol sa isang masamang tao na kailangang paalisin mula sa iglesia, sinasabi nilang, “Medyo problema na paalisin siya. Naging sobrang pamilyar ako sa kanya dati. Alam niya kung saan ako nakatira at kung sino sa aking pamilya ang nananampalataya sa Diyos. Kung patatalsikin ko siya, tiyak na maghihiganti siya sa akin.” Ano sa tingin ninyo, karapat-dapat bang maging mga lider at manggagawa ang gayong mga tao? (Hindi.) Pagkatapos matuklasan ang isang masamang tao na kailangang paalisin, ang unang naiisip nila ay ang sarili nilang mga interes, natatakot sa paghihiganti ng masamang tao. Nabibigo silang isaalang-alang kung ang masamang tao, na alam ang ilang lokasyon ng pagtitipon at impormasyon ng kontak ng mga kapatid, ay maaaring ipagkanulo ang iglesia o ang mga kapatid pagkatapos mapaalis, pati na rin kung paano ito dapat maiwasan. Ang pangunahing inaalala nila ay hindi ang mga interes ng sambahayan ng Diyos kundi ang takot na ang masamang tao, na alam ang sitwasyon ng pamilya nila, ay maaaring magkanulo at negatibong makaapekto sa kanilang pamilya. Nagpapatotoo ba ang gayong mga lider at manggagawa? (Hindi.) Nakikita ng ilang lider at manggagawa ang masasamang tao na naghahari-harian at nagtatangkang kontrolin ang iglesia, pero hindi sila naglalakas-loob na magsalita. Sa halip, nakikipagkompromiso sila at umiiwas, hindi naglalakas-loob na pangasiwaan ang masasamang tao. Kapag nakakakita sila ng masasamang tao, nakararamdam sila ng sobrang takot, na para bang nakakita sila ng masamang demonyo na may tatlong ulo at anim na braso, nabibigo silang protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Samantala, may ilang ordinaryong kapatid na nagtataglay ng kaunting pagpapahalaga sa katarungan, nagtataglay ng tapang at pananalig na manindigan at ilantad ang masasamang tao pagkatapos matuklasan ang mga ito, hindi natatakot na paghihigantihan sila ng masasamang tao. Gayumpaman, ang gayong mga indibidwal ay masyadong kakaunti sa iglesia. Ang 5% na nabanggit ninyo kanina ay maaaring isang pagmamalabis, hindi isang konserbatibong pagtataya. Mula sa perspektibang ito, ano ang saloobin ng nakararami sa mga indibidwal na may malupit na disposisyon na mahilig sa paghihiganti? (Karamihan sa mga tao ay mapagprotekta sa sarili.) Ang una nilang iniisip ay ang protektahan ang sarili nila, hindi isinasaalang-alang kung paano manindigan at lumaban sa masasamang tao para protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at ng mga kapatid, nakatuon lang sila sa pagprotekta sa sarili. Anong problema ang ipinapakita nitong pagprotekta sa sarili? (Ang gayong mga tao ay labis na makasarili.) Sa isang banda, sinasalamin nito ang isang sobrang makasariling pagkatao, at sa kabilang banda, ipinapakita nito na ang pananalig ng karamihan ng tao sa Diyos ay masyadong mahina. Sinasabi nila, “Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay; ang Diyos ang ating suporta,” pero kapag nahaharap sa realidad, pakiramdam nila ay hindi nila masasandigan ang Diyos at dapat silang umasa sa sarili nila, inuuna ang sarili nilang pagprotekta sa sarili, na isang bagay na itinuturing nilang pinakamataas na karunungan. Ang implikasyon nito ay: “Walang makapagpoprotekta sa akin, maging ang Diyos ay hindi maaasahan. Nasaan ang Diyos? Hindi natin Siya makita! Bukod pa rito, hindi ko alam kung poprotektahan ba ako ng Diyos o hindi. Paano kung hindi Niya ako protektahan?” Lubos na kahabag-habag ang pananalig ng mga tao. Palagi nilang ipinahahayag, “Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay; ang Diyos ang ating suporta,” pero kapag may nangyayaring mga sitwasyon, ang hinahangad lang nila ay ang pagprotekta sa sarili, hindi magawang manindigan laban kay Satanas at panindigan ang kanilang patotoo, wala man lang maging ng ganitong lakas ng pananalig. Lubos na kahabag-habag ang pananalig ng mga tao; ito rin ay ganap na nalantad ng usaping ito. Sadyang ganoon kaliit ang kanilang tayog. Tungkol sa masasamang tao na mahilig sa paghihiganti, kung may ilang indibidwal na gusto silang ilantad pero pakiramdam nila ay nakahiwalay sila at walang kapangyarihan at natatakot na sugpuin ng masasamang tao, dapat silang makipagkaisa sa ilang lider at manggagawa o mga mapagkilatis na kapatid. Pagkatapos nilang magsanib-puwersa, magkakaroon sila ng ganap na kumpiyansa sa tagumpay. Pagkatapos, mailalantad at mahihimay nila ang mga pagkilos at pag-uugali ng gayong masasamang tao, pinahihintulutan ang karamihan ng tao na makilatis at malinaw na makita ang tunay na mukha ng masasamang tao, para magagawang magkaisa ng lahat sa puso at isipan at sama-samang paalisin ang masasamang tao. Kanina, binanggit ninyo na kapag nagpapakita ang masasamang indibidwal, may isa sa bawat dalawampu sa hinirang na mga tao ng Diyos ang maaaring magtaglay ng pagpapahalaga sa katarungan para magsalita nang makatarungan at maglakas-loob na manindigan at paalisin ang gayong masasamang tao. Ang isa sa dalawampu ay masyadong kaunti; kung ang isang iglesia ay binubuo lang ng sampung tao, paano nila aalisin ang masasamang indibidwal? Hindi nila magagawa iyon; ang sampung tao na iyon ay mapasasailalim sa kontrol ng masasamang tao, at magdurusa ng pagmamaltrato mula sa kanila, na hindi katanggap-tanggap. Magiging napakainam na maglayon para sa isa sa bawat sampu o kahit isa sa bawat limang tao na may tapang na manindigan at lumaban sa masasamang tao! Ang patuloy na paghahangad na protektahan ang sarili ay hindi lang nagreresulta sa pagkawala ng patotoo sa harap ni Satanas, kundi mas malala pa, sa pagkawala ng pagkakataong makamit ang katotohanan sa harap ng Diyos. Sa isang iglesia na may isang masamang indibidwal, kahit papaano ay may ilang taong mapipinsala; kung may dalawang masamang tao, ang karamihan ay mapipinsala; at kung ang isang anticristo ang hahawak ng kapangyarihan, na may ilang kasabwat at kampon sa ilalim niya, ang lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos sa iglesia ay mapipinsala. Ganito ba ang kaso? (Oo.) Ang isang taong naninindigan laban sa masasamang tao ay kumakatawan sa isang yunit ng lakas, samantalang ang sampung tao na naninindigan laban sa masasamang tao ay kumakatawan sa sampung yunit ng lakas. Kaya, sa palagay ba ninyo ay mas kinatatakutan ng masasamang tao ang isang tao o ang sampung tao pa? (Ang sampung tao.) Kaya, kung dalawampu, tatlumpu, o limampung tao ang maninindigang lahat laban sa masasamang tao, sino ang magwawagi sa huli? (Ang mga kapatid.) Sa huli, magwawagi ang mga kapatid. Hindi ba’t mas pinadadali nito ang pagpapaalis sa masasamang tao? May lakas sa bilang—ang simpleng konseptong ito ay dapat maging malinaw sa inyong lahat. Samakatwid, ang pagkilatis at pagpapaalis ng masasamang tao ay hindi lang responsabilidad ng isang partikular na lider o manggagawa kundi isang kolektibong responsabilidad ng lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos sa iglesia. Sa pagsusumikap ng mga lider at manggagawa, pati na sa kooperasyon ng hinirang na mga tao ng Diyos para paalisin ang masasamang tao, ang lahat ay magtatamasa ng magagandang araw. Kung ang masasamang tao ay hindi mapapaalis at maiiwan sa iglesia sa pag-asang magsisisi sila, pero walang pagbabagong nakikita sa kanila pagkatapos ng anim na buwan o isang taon, at patuloy silang nagdudulot ng di-matiis na panggugulo sa hinirang na mga tao ng Diyos, ito ang resulta ng pagpapakita ng awa sa masasama. Ang pagpapahintulot sa masasamang tao na maghari-harian at kontrolin ang iglesia ay katumbas ng pagbibigay ng isang tao ng kanyang sarili sa masasamang tao, pati na rin ang paghahatid sa mga kapatid sa mga kamay ng mga ito, pinahihintulutan ang mga ito na malayang kontrolin at lubhang pinsalain ang hinirang na mga tao ng Diyos. Madali bang maunawaan at makamit ang katotohanan sa isang kapaligiran kung saan ang masasamang tao at mga anticristo ang may hawak ng kapangyarihan? (Hindi.) Mahalaga ang oras. Sa pagpapaalis sa masasamang tao sa lalong madaling panahon, maaari mong maibalik ang kapayapaan at matamasa ang tamang buhay iglesia sa lalong madaling panahon, at mas mauunawaan mo ang katotohanan. Kung hindi mo paaalisin ang masasamang tao, magdudulot sila ng kaguluhan at pagkawasak sa mga tao tulad ng mga asong ulol, nagsasabi at gumagawa ng anumang naisin nila. Pinagkakaitan ka nito ng oras para makamit ang katotohanan, ibig sabihin, ang iyong oras at ang pagganap mo ng tungkulin ay kontrolado ng masasamang tao. Isa ba itong mabuti o masamang bagay? (Isang masamang bagay.) Sa teorya, alam ng lahat na isa itong masamang bagay, pero kapag nahaharap sa masasamang tao na gumugulo sa iglesia, hindi na sila ganito mag-isip, nakatuon lang sa kung paano sila hindi mabibiktima ng pagpapakana o malubhang mapipinsala ng masasamang tao. Kung ang lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos sa isang iglesia ay natatakot nang ganito sa masasamang tao, madaling makokontrol ang iglesia ng masasamang tao at mga anticristo, at ang hinirang na mga tao ay makokontrol din nila. Ililigtas ba sila ng Diyos kung ganoon? Mahirap sabihin iyon. Kung ang isang iglesia ay walang dalawa o tatlong tao na nakauunawa sa katotohanan at na may iisang puso at isipan sa pagpapatotoo at paglilingkod sa Diyos, ito ay isang walang pag-asang iglesia, at iyon ay isang kalunos-lunos na sitwasyon.

Ang pagiging mahilig sa paghihiganti ay isang pagpapamalas ng masamang asal, at isa ito sa mga pag-uugali at pagpapamalas na dulot ng isang malupit na disposisyon. Ang gayong mga indibidwal, kapag nagpapakita sila ng ganitong partikular na pag-uugali, ay dapat na matukoy bilang masasamang tao. Siyempre, may ilang tao, dahil may makitid silang pag-iisip, walang kabatiran, o mga bagong mananampalataya na hindi pa nakaunawa sa katotohanan, na palaging nakikipagtalo tungkol sa maliliit na bagay, nagkimkim ng pagkamuhi sa mga hindi paborable sa kanila o mga nakapinsala sa kanila, o minsang gumamit ng ilang pamamaraan para maghiganti sa partikular na mga indibidwal—pero pagkarinig na iyong mga mahilig sa paghihiganti ay masasamang tao at dapat paalisin sa iglesia, binabago nila ang pag-iisip nila, lihim nilang binabago ang sarili nila sa loob, at nagpapakita ng kaunting pagtitimpi at pagpipigil sa pag-uugali nila. Sabihin ninyo sa Akin, itinuturing ba ang gayong mga tao bilang kabilang sa hanay ng masasama? (Hindi.) Ano ang ipinapakita nito? (Ang kanilang abilidad na baguhin ang sarili nila.) Ano ang ipinapakita ng abilidad nilang baguhin ang sarili nila? Ipinapakita nito na kaya nilang tanggapin ang katotohanan; ito ay isang magandang penomeno. Bakit sinasabi nating kaya nilang tanggapin ang katotohanan? Dahil, pagkarinig sa katotohanan hinggil dito at mapagtanto na ang paghihiganti ay isang pagpapamalas ng masasamang tao, nagninilay sila sa sarili nilang tiwaling kalagayan, inaamin ang tiwali nilang diwa, at pagkatapos ay nagsisisi sa Diyos, kumikilos nang naaayon sa mga salita ng Diyos, at pinipigilan ang pag-uugali nila. Ito ay isang pagpapamalas ng pagtanggap sa katotohanan. Ang masasamang tao na tinutukoy natin dito ay hindi tumatanggap sa katotohanan. Gaano kalinaw mo mang ibahagi ang katotohanan sa kanila, hindi nila ito tinatanggap; nananatiling matigas ang kanilang ulo, hindi nakikinig sa sinuman. Kahit magbabala ka pa sa kanila, “Ang mga pagkilos mo ay hahantong sa pagpapaalis sa iyo,” wala silang pakialam at nagpapatuloy sa mga gawi nila, hindi mababago ninuman. Kapag inilalantad mo sila, hindi nila inaamin ang mga kamalian nila. Kapag sinasabi mo sa kanila na sila ay isang tao na mahilig sa paghihiganti, masama sila, at dapat silang paalisin, hindi pa rin nila tatalikuran ang masama nilang gawain at talagang hindi sila magbabago. Anong uri ng mga tao ang mga ito? Sila iyong mga tutol sa katotohanan. Hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan—gaano man tinutukoy ang disposisyong diwa nila, gaano man inilalantad ang masasamang gawa nila, o gaano man sila pinangangasiwaan, nananatili silang hindi natitinag, talagang hindi nagpapakumbaba at umaamin sa mga pagkakamali nila, at tiyak na hindi nila bibitiwan ito. Ito ay kawalan ng kakayahang magbago. Ano ang diwa ng hindi pagbabago sa sarili? Ito ay ang pagtangging tanggapin ang katotohanan. Kung kaya nilang tumanggap ng kahit isang tamang pahayag o isang aspekto ng katotohanan, hindi sila magpapatuloy sa maling landas nang hindi bumabalik. Magbabago sila ng direksiyon, aaminin ang kanilang mga pagkakamali, at kahit papaano, bibitiwan nila ang mga bagay na dati nilang pinagpipilitan. Dahil masasamang tao sila, dahil masasamang indibidwal sila na may malupit na disposisyon, pagkatapos lumitaw ang pag-uugali nila ng paghihiganti mula sa gayong disposisyon, hindi lang sila tumatangging tanggapin ang inilalantad ng mga salita ng Diyos, ang mapungusan, o ang ganitong uri ng pagtukoy, kundi sa kabaligtaran ay iginigiit nila ang mga gawi nila hanggang sa huli. Wala silang plano na tanggapin ang matukoy o malantad, ni hindi nila balak na aminin ang katiwalian nila. Siyempre, sa hindi pag-amin sa kanilang katiwalian, hindi rin nila plano na talikuran ang kanilang pag-uugali at mga pagkilos ng paghihiganti, ni ang mga prinsipyo nila sa pag-asal. Ganap at lubos na masama sila. Hindi ba’t ang gayong masasamang tao ay mga diyablo? (Oo.) Sila ay mga diyablo na ganap na nagtataglay ng diwa ni Satanas. Hindi mo sila mababago. Bakit hindi sila mababago? Ang ugat na dahilan ay ang kanilang ganap na pagtanggi na tanggapin ang katotohanan. Tinatanggihan nila maging ang pinakamaliit na katotohanan, anumang tamang pahayag, positibong salita, o positibong bagay. Kahit na berbal nilang kinikilala ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan at bilang mga positibong bagay, hindi talaga tinatanggap ng puso nila ang katotohanan, ni hindi nila plano na isagawa at danasin ang mga salita ng Diyos para baguhin ang kanilang mga paraan ng pag-asal at paggawa ng mga bagay. Minsan, maaaring berbal nilang aminin na ang mga pagkilos nila ay ganap na batay sa pilosopiya ni Satanas, pero hinding-hindi pa rin nila tatanggapin ang katotohanan. Ang sinumang nagbabahagi ng katotohanan sa kanila ay sinasalubong ng matinding pagkasuklam, at maging ng pagkamuhi at panghuhusga nila, at ang sinumang naglalantad at kumikilatis sa kanila ay nagiging puntirya ng pagkamuhi at paghihiganti nila, kahit sino pa ito—hindi pinalalampas maging ang sarili nilang mga magulang. Hindi ba’t hindi na sila matutubos? (Oo.) Hindi na sila matutubos. Nakapanghihinayang ba na paalisin sila? (Hindi.) Ang gayong mga indibidwal ay dapat paalisin o patalsikin. Lahat ng ito ay mga pangunahing pagpapamalas niyong mga mahilig sa paghihiganti; ang mga ito ang mga katangian nila, mga disposisyon nila, mga pamamaraan at diskarte nila sa paggawa ng mga bagay-bagay at mga proseso nila ng pag-iisip, pati na rin ang saloobin nila sa katotohanan—ito na talaga ito. Natalakay na ang epektong mayroon sila sa iglesia at sa mga kapatid, kaya hindi na kailangang pagbahaginan pa itong muli. Dito nagtatapos ang pagbabahaginan tungkol sa mga pagpapamalas ng ikaapat na uri ng mga tao—iyong mahilig sa paghihiganti.