Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (25) Unang Seksiyon
Ikalabing-apat na Aytem: Agarang Kilatisin, at Pagkatapos ay Paalisin o Patalsikin ang Lahat ng Uri ng Masasamang Tao at mga Anticristo (Ikaapat na Bahagi)
Ang mga Pamantayan at Batayan Para sa Pagkilatis sa Iba’t Ibang Uri ng Masasamang Tao
Ngayon, magpapatuloy tayo sa pagbabahaginan tungkol sa ikalabing-apat na responsabilidad ng mga lider at manggagawa: “Agarang kilatisin, at pagkatapos ay paalisin o patalsikin ang lahat ng uri ng masasamang tao at mga anticristo.” Sa mga nakaraang ilang pagkakataon, nagbahaginan tayo tungkol sa ilang aspekto na dapat kilatisin ng mga lider at manggagawa, pati na rin sa mahahalagang katotohanan na dapat nilang maunawaan, kapag ginagawa ang gawaing ito; ibig sabihin, nagbahaginan tayo tungkol sa kung paano makikilatis ang lahat ng uri ng masasamang tao. Paano tinutukoy ang lahat ng uri ng masasamang tao? Sila ang mga pumapasok sa sambahayan ng Diyos sa pagpapanggap na nananampalataya sila sa Diyos, pero hindi nila tinatanggap ang katotohanan at ginugulo rin ang gawain ng iglesia; ang lahat ng gayong mga tao ay kabilang sa kategorya ng masasamang tao. Sila ang mga tao na dapat paalisin o patalsikin ng iglesia; ibig sabihin, sila iyong mga hindi pinahihintulutang umiral sa loob ng iglesia. Pinag-iiba at hinihimay natin ang lahat ng uri ng masasamang tao batay sa tatlong pangunahing pamantayan. Anu-ano ang tatlong pamantayang ito? Ang una ay ang layon ng isang tao sa pananampalataya sa Diyos. Ang ikalawa ay ang pagkatao ng isang tao—paghihimay sa pagkatao niya para makilatis at malinaw na makita kung kabilang ba siya sa mga dapat paalisin ng iglesia. Ano ang ikatlong pamantayan? (Ang saloobin ng isang tao sa kanyang mga tungkulin.) Ang saloobin ng isang tao sa kanyang mga tungkulin ang ikatlong pamantayan. Napagbahaginan na dati ang unang pamantayan. Tungkol naman sa ikalawang pamantayan—ang pagkatao ng isang tao—dalawang punto ang napagbahaginan na. Ano ang unang punto? (Pagkahilig na mambaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan.) At ang ikalawa? (Pagkahilig na manamantala.) Mula sa nilalaman ng dalawang puntong ito, maaaring tila hindi sapat na ikonsidera ang mga ito bilang mga pagpapamalas ng masasamang tao, pero batay sa mga detalyadong pagpapamalas na nauna Ko nang naibahagi, ang dalawang uring ito ng mga tao ay nanampalataya na sa Diyos nang ilang taon nang walang tunay na pagsisisi; ang mga iba’t ibang pagpapamalas nila ay nakapagdulot na ng kaguluhan at pagkawasak sa buhay iglesia, sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos, at sa mga relasyon sa pagitan ng hinirang na mga tao ng Diyos. Ayon sa kanilang mga pagpapamalas at batay sa kanilang kalikasang diwa, ang dalawang uri ng taong ito ay dapat na mailagay sa kategorya ng masasamang tao. Dapat silang kilatisin at ilarawan ng mga lider ng iglesia at ng hinirang na mga tao ng Diyos, at paalisin sila kaagad. Angkop ba ito? (Oo.) Ganap na angkop ito. Ang pag-uugali ng dalawang uri ng mga tao na ito sa iglesia ay may napakanegatibong epekto; wala silang anumang interes sa katotohanan, ni hindi talaga sila nagpapasakop sa gawain ng Diyos. Sa mga kapatid, ang isinasabuhay nila ay tila hindi naiiba sa mga walang pananampalataya; madalas silang magsinungaling at mandaya ng iba, ginagawa ang mga tungkulin nila nang pabasta-basta at nang wala ni katiting na pagpapahalaga sa responsabilidad, at hindi nagbabago sa kabila ng mga paulit-ulit na babala. Hindi lang nila naaapektuhan ang buhay iglesia kundi malubha ring nagugulo ang gawain ng iglesia. Walang duda, kabilang sila sa mga tao na dapat paalisin o patalsikin ng iglesia, at lubos na naaangkop na ilarawan sila bilang masasamang tao at itala sila sa mga hanay ng gayong mga tao—hindi talaga kalabisan na gawin ito. Tungkol sa unang uri, yaong mga mahilig mambaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan, ang problema nila ay hindi kasingsimple ng pagsasabi ng mga bagay na hindi labis na naaangkop, o pagkakaroon ng mga hadlang sa komunikasyon kasama ng iba, atbp., sa halip, may problema sa disposisyon nila. Sa mas malalim na antas, ang problema sa disposisyon nila ay isang problema sa kalikasang diwa nila. Sa mas mababaw na antas, isa itong problema sa pagkatao nila; ibig sabihin, ang pagkatao nila ay labis na ubod ng sama at kasuklam-suklam, kaya imposible para sa kanila na makipag-ugnayan nang normal sa iba. Hindi lang sila kulang sa mga positibong pagpapamalas tulad ng pagtustos, pagtulong, o pagmamahal sa iba, bagkus, ang mga pagkilos at pag-uugali nila ay nagsisilbi lang din para manggulo, mangwasak, at manggiba. Kung may ilang tao na palaging nagsasagawa ng pambabaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan, at palagi itong ginagawa, hayagan man o palihim, na nagdudulot ng malulubhang negatibong epekto sa gawain ng iglesia at sa mga kapatid, kabilang sila sa mga dapat paalisin ng iglesia. Ang isa pang uri ay iyong mga mahilig manamantala. Anuman ang sitwasyon, palagi nilang hinahangad na magkamit ng kalamangan, na palaging nakatutok ang kanilang mga mata sa sarili nilang mga interes. Hindi sila nakatuon sa pagpasok sa katotohanang realidad, ni sa paggawa ng mga tungkulin nila nang maayos o sa pagtupad sa mga sarili nilang responsabilidad. Higit pa riyan, hindi sila tumutuon sa pakikisalamuha nang normal sa mga kapatid, sa paggamit ng lakas ng iba para punan ang mga sarili nilang pagkukulang at sa pagbuo ng mga normal na ugnayan, o sa pamumuhay ng isang normal na buhay iglesia. Hindi sila tumutuon sa alinman sa mga bagay na ito—nagpupunta lang sila sa iglesia at sa mga kapatid para manamantala. Hangga’t naroroon sila sa iglesia, at hangga’t nakikipag-ugnayan sa kanila ang mga kapatid, makararamdam ng pagkabahala ang kalooban ng mga kapatid. Hindi lang nakararamdam ng pagkamuhi ang mga kapatid sa mga pagkilos at pag-uugali ng mga taong ito, pero pangunahing madalas nakararamdam ang mga kapatid na masyado silang pinakikialaman at pinipigilan sa puso nila. Ano ang tinutukoy ng “masyado”? Ibig sabihin nito na sa mga sitwasyon sa tunay na buhay, kapag nahaharap sa panliligalig mula sa mga hindi mananampalataya o masasamang tao, may ilang indibidwal na napipigilan ng mga damdamin nila at hindi magawang makawala, habang ang iba, bagaman ayaw ito, ay hindi nangangahas na magsalita pero palaging nararamdamang napipigilan sila at walang kapayapaan sa loob nila. Hindi ba’t isa itong seryosong panggugulo sa mga kapatid? (Oo.) Kaya, dapat kilatisin ng hinirang na mga tao ng Diyos ang dalawang uri ng mga indibidwal na ito; ang lahat ng ikinategorya bilang masasamang tao ay kabilang sa mga dapat paalisin ng iglesia. Ang mga partikular na prinsipyo para sa pangangasiwa sa gayong mga indibidwal ay napagbahaginan na sa nakaraang pagtitipon, kaya hindi na pagbabahaginang muli ang mga ito nang detalyado ngayon. Sa pagbubuod, ang dalawang uri ng mga tao na pinagbahaginan sa itaas ay nagdulot ng mga panggugulo hindi lang sa buhay iglesia ng mga kapatid, kundi pati na rin sa maayos na pagganap ng mga tungkulin ng mga ito; ang mga pag-uugali ng ilan sa kanila ay malamang na makapagpatisod pa nga sa ilang bagong mananampalataya na walang pundasyon. Kaya, batay sa mga paraan at hakbang ng kanilang pagkilos, pati na rin sa iba’t ibang pagpapamalas ng kanilang pagkatao at sa masasamang kahihinatnang idinudulot ng mga pagpapamalas na ito, ang dalawang uri ng mga taong ito ay kabilang sa mga dapat na paalisin, at ang pagtatala sa kanila sa mga hanay ng masasamang tao ay hindi talaga kalabisan. Bagaman ang mga pag-uugali niyong mga mahilig mambaluktot ng mga katunayan at kasinungalingan at ng mga mahilig manamantala ay maaaring tila hindi kasingbastos o kasinglupit nang walang katwiran ng sa masasamang tao na tinukoy sa mga kuru-kuro ng tao—bagaman wala sila ng gayong mga halatang pagpapamalas—dahil sa masasamang kinahihinatnan ng mga pag-uugali nila at pagkatao nila ay kailangan silang paalisin sa iglesia. Ang mga ito ang mga pagpapamalas ng dalawang uri ng mga tao, at ang mga prinsipyo para sa pangangasiwa sa kanila, na napagbahaginan noong nakaraan.
II. Batay sa Pagkatao ng Isang Tao
C. Pagiging Bulagsak at Walang Pagpipigil
Ngayon, magpapatuloy tayo sa pagbabahaginan tungkol sa mga pagpapamalas ng iba pang uri ng mga tao kaugnay sa kanilang pagkatao, simula sa ikatlong uri ng mga tao. Ano ang isang pangunahing katangian ng pagkatao ng mga taong ito? Ito ay ang pagiging bulagsak at kawalan ng pagpipigil. Ang pag-unawa sa pagiging bulagsak at kawalan ng pagpipigil mula sa literal na perspektiba ay napakadali; ibig sabihin nito na hindi tama ang pag-uugali, asal, at pananalita ng mga indibidwal na ito—hindi sila mga marangal at disenteng indibidwal. Ito ay isang pangunahing pang-unawa sa mga pagpapamalas ng ganitong uri ng mga tao. Sa iglesia, hindi maiiwasang maglaman ng mga paglihis at pagkakamali ang mga pananaw ng ilang tao sa pananampalataya sa Diyos at ang mga paraan ng paghahangad nila. Ang pananalita at asal nila ay walang anumang pagkadeboto, ang mga pagpapamalas nila sa buhay at ang kalidad ng pagkatao nila ay talagang hindi nakakatugon sa kagandahang-asal ng mga banal, at ganap na wala silang may-takot-sa-Diyos na puso. Sa pangkalahatan, ang kanilang pananalita, pag-uugali, at asal ay mailalarawan lang bilang bulagsak at walang pagpipigil. Siyempre, ang mga partikular na pagpapamalas ay marami, nakikita ng lahat, at madaling makilatis. Ang mga indibidwal na ito ay katulad ng mga hindi mananampalataya at mga walang pananampalataya; sa partikular, nagpapakita sila ng mga tiyak na bulagsak na pag-uugali. Pagdating sa mga pagtitipon, napakakaswal ng kanilang pananamit at pag-aayos. May ilang hindi nag-aabalang mag-ayos ng sarili nila bago umalis ng kanilang bahay, nagpupunta sa mga pagtitipon nang magulo ang itsura, nang hindi sinuklay ang buhok at hindi naghilamos ng mukha. May iba na hindi maayos ang pananamit, nakasuot ng pudpod na tsinelas o maging ng damit-pantulog sa mga pagtitipon. May ibang namumuhay nang hindi maayos, hindi binibigyang-pansin ang personal na kalinisan, at ayos lang sa kanila na magsuot ng maruruming damit sa mga pagtitipon. Labis na kaswal kung tratuhin ng lahat ng taong ito ang mga pagtitipon, na para bang bumibisita lang sa kapitbahay, hindi ito sineseryoso. Sa mga pagtitipon, ang pananalita at asal nila ay wala ring pagpipigil, at nagsasalita sila nang malakas nang walang pakundangan, nasasabik pa nga at masiglang kumukumpas-kumpas kapag masaya sila, at nagpapakita ng labis na pagpapakasasa. Gaano karaming tao man ang naroroon, tumatawa, nagbibiro, at kumikilos sila nang magaslaw, nakaupo nang nakadekuwatro, at kumikilos na para bang nakatataas sila sa lahat ng tao; sila ay partikular na pasikat at mayabang pa nga, hindi tumitingin nang diretso sa mata ninuman kapag nakikipag-usap sa mga ito, sa halip ay palinga-linga sila kung saan-saan. Hindi ba’t bulagsak ito? (Oo.) Partikular itong mapagpalayaw at walang ni katiting na pagpipigil. Siyempre, maaaring iugnay ng mga walang pananampalataya ang pananalita at asal ng gayong mga tao sa kawalan ng maayos na pagpapalaki, pero iba ang pagkakaunawa natin dito; hindi ito basta usapin ng kawalan ng maayos na pagpapalaki. Bilang mga nasa hustong gulang, dapat malinaw na malaman ng isang tao ang tama at angkop na mga paraan sa pagsasalita, pagkilos, at pakikisalamuha sa iba—sa partikular, dapat alam ng isang tao kung paano ito gawin sa paraang nararapat sa kagandahang-asal ng mga banal, na nakakapagpatibay sa mga kapatid, at nagpapakita ng normal na pagkatao—nang hindi na kinakailangan pang sabihan. Lalo na kapag isinasabuhay ang buhay iglesia, sa presensiya ng mga kapatid, bagaman hindi kinakailangan ang pagpapanggap, dapat magpigil ang isang tao. Ano, kung gayon, ang sukatan at kinakailangang pamantayan ng pagpipigil na ito? Ito ay ang umayon sa kagandahang-asal ng mga banal. Ang kasuotan at pananamit ng isang tao ay dapat na marangal at disente, iniiwasan ang kakaibang pananamit. Sa presensiya ng Diyos, dapat na maging taimtim ang isang tao, at hindi kumikilos nang magaslaw; siyempre, sa harap ng ibang tao, dapat din niyang mapanatili ang pagiging mataimtim at ang wangis ng tao, para maipresenta ang sarili niya sa paraang angkop, kapaki-pakinabang, at nakakapagpatibay sa iba. Ito ang nakalulugod sa Diyos. Yaong mga bulagsak at walang pagpipigil ay hindi nagbibigay-pansin sa pagsasabuhay ng mga pinakabatayang aspekto ng pagkatao, at ang isang tiyak na dahilan ng kanilang pagwawalang-bahala ay ang kanilang ganap na kamangmangan kung paano maging isang taimtim na tao o isang tao na may integridad at dignidad na iginagalang; hindi talaga nila nauunawaan ang mga bagay na ito. Samakatwid, sa kabila ng paulit-ulit na mga pagtatakda at hinihingi ng iglesia para sa malinis, marangal, at disenteng kasuotan sa mga pagtitipon, nang hindi nagsusuot ng mga kakaibang damit, patuloy nilang hindi sineseryoso ang mga alituntuning ito, madalas dumarating nang nakatsinelas, magulo ang itsura, o maging nang nakadamit pantulog. Isa ito sa mga pagpapamalas niyaong mga bulagsak at walang pagpipigil.
Iyong mga bulagsak at walang pagpipigil ay nagpapamalas ng isa pang pag-uugali, ang magbihis nang sunod sa uso at maglagay ng makapal at kaakit-akit na makeup sa mga pagtitipon. Nagsisimula silang maggayak at mag-ayos dalawang araw bago ang bawat pagtitipon, pinagbubulayan kung anong makeup ang ilalagay, anong alahas ang gagamitin, anong estilo ng buhok ang pipiliin, aling damit ang isusuot, anong bag ang dadalhin, at aling sapatos ang isusuot. May ilang kababaihan ang naglalagay pa nga ng kaakit-akit na lipstick, eyeshadow, at nose contour, at sa mas matitinding kaso, may nagbibihis at naggagayak ng sarili nila sa isang labis na mapang-akit na paraan, naglalabas ng kanilang mga balikat at likod, at nagsusuot ng mga kakaibang damit. Sa mga pagtitipon, hindi sila nakikinig nang mabuti sa pagbabahagi ng mga kapatid, ni hindi sila nagdarasal; lalong hindi sila nakikilahok sa pagbabahaginan o nagbabahagi ng kanilang personal na pang-unawa at mga patotoong batay sa karanasan. Sa halip, ikinukumpara nila ang sarili nila sa lahat ng iba pa, nagpapakaabala sa kung sino ang mas maganda o mas pangit manamit kaysa sa kanila, sino ang nagsusuot ng mga partikular na usong branded na damit, sino ang nagsusuot ng mga mumurahing damit mula sa bangketa, magkano ang halaga ng pulseras ng isang tao, at iba pa; nakatuon lang sila sa mga bagay na ito, madalas pa ngang gumagawa ng gayong mga puna nang hayagan. Mula sa pananamit, pati na rin sa pananalita, pag-uugali, at asal ng mga indibidwal na ito, malinaw na ang pakikilahok nila sa buhay iglesia at ang pakikisalamuha nila sa mga kapatid ay hindi naglalayong maunawaan ang katotohanan, at lalong hindi ito para sa paghahangad sa buhay pagpasok para magkamit ng pagbabago sa disposisyon; sa halip, ginagamit nila ang oras sa mga pagtitipon para ipagyabang ang pagtatamasa nila ng pera at materyal na buhay. May ilang tao na dumadalo sa mga lugar ng pagtitipon nang nakasuot ng mga branded na damit para magpakitang-gilas, pinalalayaw nang lubos ang mga pagnanais nila para sa fashion at mga uso sa lipunan sa mga kapatid, inaakit ang iba na hangarin ang mga kalakarang ito at hinihimok ang iba na kainggitan at tingalain sila. Kahit napapansin nila ang mga tingin at saloobin ng pagkasuklam ng ilang kapatid sa kanila, nananatili silang mapagsawalang-bahala, ginagawa pa rin ang mga bagay-bagay sa sarili nilang paraan, nagsusuot ng matataas na takong, at nagdadala ng mga designer bag. Nagtatangka pa nga ang ilan na magpanggap bilang mga maykaya at mayayamang indibidwal, gumagamit ng mababang kalidad na pabango sa mga pagtitipon, kaya pagkatapos nilang pumasok sa silid, ang pinaghalo-halong amoy ng pabango, blush-on, at langis ng buhok ay lumilikha ng isang masangsang at hindi kanais-nais na amoy. Marami pang ibang kalahok sa pagtitipon ang nagagalit pero hindi nangangahas magsalita, nakararamdam ng pagkasuklam pagkakita sa mga taong ito, at ang mga tunay na nananampalataya sa Diyos ay lumalayo sa mga ito. Medyo mamahalin o medyo kaswal man ang pananamit ng mga ito, ang tanda ng gayong mga indibidwal ay ang kanilang sobrang malaya at walang disiplinang pananalita, pag-uugali, asal, at paraan ng pamumuhay, hindi lang sa mga pagtitipon kundi pati na rin sa kanilang pang-araw-araw na pakikisalamuha sa mga kapatid o sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Para maging tumpak, sila ay partikular na mapagpalayaw, hindi napamamahalaan maging ng mga pinakakatiting na pagpipigil. Walang mga regular na pattern sa kanilang pang-araw-araw na buhay; sinasabi nila ang anumang gusto nila, kumikilos nang walang-ingat at sutil, hindi kailanman tinatalakay ang mga personal na karanasan, bihirang nagbabahagi ng kanilang pang-unawa sa mga salita ng Diyos, at bihirang nagsasabi ng tungkol sa mga kinaharap na paghihirap sa paggawa ng mga tungkulin nila. Ano lang ang mga paksang tinatalakay nila? Mga uso sa lipunan, fashion, mataas na kalidad na pagkain, ang pribadong buhay ng mga kilalang tao sa lipunan at maging ng mga sikat na personalidad, at mga kakaibang kuwento at anekdota mula sa lipunan. Mula sa mga likas na pagbubunyag nilang ito, hindi mahirap makita na ang pananampalataya ng gayong mga tao sa Diyos ay para makaraos lang sa buhay. Ganap na nakatuon ang buhay nila sa pagkain, pag-inom, at pagsasaya, sa halip na sa gayong mga usapin tulad ng pamumuhay ng buhay iglesia, paggawa ng tungkulin nila, o paghahangad sa katotohanan. Ang ibig sabihin ng “bulagsak at walang pagpipigil” ay na ang paraan ng pamumuhay ng mga indibidwal na ito, ang isinasabuhay nila sa pagkatao, at gayundin ang mga pamamaraan nila ng pangangasiwa sa mga bagay-bagay, pagtrato sa iba, at pakikisalamuha sa iba ay pawang bulagsak at walang pagpipigil. Madalas nilang ginagaya ang mga sikat na ekspresyon sa lipunan; hindi mahalaga kung gusto bang marinig ang mga ito ng mga kapatid o kung mauunawaan ba nila ang mga ito, patuloy lang sa pagsasalita ang mga indibidwal na ito. Madalas pa nga nilang ginagaya ang mga kasabihan ng ilang kilalang tao sa lipunan at mga sikat na personalidad sa musika at pelikula. Tungkol naman sa mga positibong bokabularyong madalas na ginagamit sa sambahayan ng Diyos at ng mga kapatid, hindi sila kailanman nagpapakita ng anumang interes; hindi sila kailanman nagbabahagi tungkol sa katotohanan sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Ang iniidolo nila ay ang mga kalakaran sa mundo; ang iba’t ibang kilalang tao at mga sikat na personalidad ang mga puntirya ng kanilang pag-idolo at panggagaya. Halimbawa, mabilis nilang natututunan ang mga popular na termino at parirala sa online at ginagamit ang mga ito sa kanilang buhay at sa pakikipag-usap sa mga kapatid. Siyempre, ang mga terminong ito ay tiyak na hindi positibo o nakakapagpatibay; lahat ng mga ito ay negatibo, walang halaga, at lalong walang kabuluhan para sa mga nananampalataya sa Diyos. Mga popular na ekspresyon ito na nilikha ng tiwali at masamang sangkatauhan, ganap na kinakatawan ang mga kaisipan at pananaw ng masasamang puwersa. Ang gayong mga salita ay madalas napapansin, tinatanggap, at ginagamit ng mga hindi mananampalataya sa iglesia na mahilig sa masasamang kalakaran. Ganap silang sarado sa espirituwal na terminolohiya at bokabularyo ng sambahayan ng Diyos, hindi pinakikinggan o inaaral ang mga ito nang taimtim. Sa kabaligtaran, mabilis nilang natututunan at ginagamit ang mga negatibong bagay ng mundong walang pananampalataya at iyong mga bagay na binibigyang-pansin ng mga salaula na tao. Kaya, ang mga indibidwal na ito, hinuhusgahan man batay sa kanilang panlabas na pananamit, pananalita, at asal, o sa iba’t ibang kaisipan at pananaw at mga saloobin sa mga bagay-bagay na ibinubunyag nila, ay namumukod-tanging kakaiba sa mga kapatid. Ano ang ibig sabihin ng pagiging kakaiba? Ibig sabihin na ang kanilang pananalita, pag-uugali, at asal ay katulad ng sa mga walang pananampalataya, hindi nagpapakita ng anumang pagbabago; sadyang sila ay hindi mananampalataya. Halimbawa, may ilang tao na umaawit ng dalawang himno sa entablado ng sambahayan ng Diyos at nakakamit ang pagpapahalaga ng lahat, kaya nagsisimula silang mag-isip na sila ay mga sikat na personalidad o mga bigatin, palaging iginigiit na gumamit ng makapal na makeup para sa mga pagtatanghal, ipinipilit na gayahin ang partikular na ayos ng buhok ng isang sikat na tao, at kinukulayan ito ng mga kakaibang kulay. Kapag sinasabi ng iba: “Dapat manamit ang mga mananampalataya nang may dignidad at nang disente; ang estilo mo ay hindi tumutugon sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos,” nagrereklamo sila, sinasabing, “Napakahigpit ng mga patakaran sa sambahayan ng diyos; talagang nakakaabala ito! Bakit ba napakahirap maging sikat?” Pagkatapos umawit ng dalawang himno lang, iniisip nilang mga sikat sila at iniisip na magaling sila, at tuwing wala silang ginagawa, palagi nilang pinagbubulay-bulayan: “Ilang daliri ang ginagamit ng mga sikat sa mundong walang pananampalataya sa paghawak ng mikropono? Ilang hakbang ang ginagawa nila para makatuntong sa entablado? Bakit hindi ako nakatatanggap ng mga bulaklak gayong napakahusay kong kumanta? Ang mga sikat doon sa mundo ay may mga ahente at assistant; hindi nila kailangang sila mismo ang mag-asikaso o tumugon sa karamihan ng usapin, ginagawa itong lahat ng mga assistant nila. Pero bilang isang mang-aawit sa sambahayan ng diyos, kailangan kong asikasuhin ang mga karaniwang gampanin tulad ng pagkuha ng pagkain, pagsusuot ng damit, at pamimili nang mag-isa. Masyadong konserbatibo ang sambahayan ng diyos!” Sa puso nila, palagi silang hindi masaya sa pamumuhay sa sambahayan ng Diyos; partikular silang nakararamdam ng pagkaagrabyado, palaging hindi kontento at puno ng mga reklamo. Kaya bang mahalin ng gayong tao ang katotohanan? Isasagawa ba niya ang katotohanan? Bakit hindi niya pinagninilayan ang sarili niya? Napakabaluktot ng perspektiba niya sa mga bagay-bagay, tulad ng sa mga walang pananampalataya; paanong hindi niya napagtatanto ito? Hindi siya hinahadlangan ng sambahayan ng Diyos na maging sikat, pero ang mga pananaw at diskarte ba niyang ito—na kagaya nang sa mga hindi mananampalataya—ay magagawa sa sambahayan ng Diyos? Pangunahin na hindi mapananatili ang mga ito. Ang karaniwan niyang pananalita at asal ay kinasusuklaman ng karamihan ng tao. Dahil sa kanilang “malawak na pag-iisip” at labis na pagpapakalayaw, ang anumang sinasabi o ginagawa ng gayong mga tao ay bulagsak at walang pagpipigil, walang ibinubunyag na anuman kundi ang disposisyon ni Satanas.
Paulit-ulit na binibigyang-diin ng sambahayan ng Diyos na ang mga kapatid ay dapat magpanatili ng mga limitasyon sa pagitan ng kalalakihan at kababaihan, at hindi makisangkot sa kasalungat na kasarian. Gayumpaman, may ilang tao na bulagsak at walang pagpipigil, talagang hindi pinakikinggan ang payong ito, at sinusubukan pa ngang lihim na akitin ang iba o makipag-date sa iba, ginugulo ang buhay iglesia. Nasisiyahan sila sa pakikipag-ugnayan sa kasalungat na kasarian, naghahanap pa nga ng mga dahilan at palusot para makipag-ugnayan at makipagkulitan. Kapag nakakakita ng isang tao mula sa kasalungat na kasarian na kaakit-akit o nakakasundo nila, nagsisimula silang makipaghilahan at makipagtulakan, makipaglandian at makipagbiruan, pinaglalaruan ang mga damit nito at ginugulo ang buhok nito, at hinahagisan pa ng mga bolang niyebe ang mga damit nito kapag taglamig; nakikipagharutan sila sa isa’t isa na parang mga hayop, nang walang mga limitasyon o pagpapahalaga sa karangalan, hindi nakararamdam ng anumang kahihiyan. Sinasabi ng ilang tao, “Paano iyon maituturing na pakikipagharutan? Nagpapakita sila ng pagkagiliw; tinatawag iyong pagiging magiliw, pagiging romantiko.” Kung naghahanap ka ng romansa, mali ang napili mong lugar. Ang iglesia ay kung saan ginagawa ng mga kapatid ang kanilang mga tungkulin; ito ay isang lugar para sa pagsamba sa Diyos, hindi para sa pakikipaglandian. Ang mga pampublikong pagpapakita ng gayong pag-uugali sa harap ng lahat ay nagdudulot ng pagkasuklam at pagkasuya sa karamihan ng tao. Ang pangunahing isyu ay na hindi ito nakakapagpatibay sa iba, at nawawala rin ang iyong integridad at dignidad. Ilang taon ka na ba? Hindi mo ba matukoy ang kanang kamay mo sa iyong kaliwa? Hindi mo ba nauunawaan ang pagkakaiba sa pagitan ng mga lalaki at mga babae? At sa kabila niyon ay nakikipaglandian ka pa rin! Normal para sa mga batang pito o walong taong gulang na makipagharutan; ang ganitong pag-uugali at mga interes ay karaniwan sa kanilang edad. Gayumpaman, kung nagpapakita ang mga nasa hustong gulang ng ganitong mga pag-uugali, hindi ba’t pagiging isip-bata ito? Sa madaling salita, iyon mismo ito. Pagdating sa diwa, ano ito? (Pagpapalayaw, pagiging bulagsak.) Sobrang bulagsak ang lahat ng ito! Sa pananampalataya sa Diyos, dapat alam ng isang tao na magtaglay ng pagpapahalaga sa karangalan. Kahit sa mga walang pananampalataya, kakaunti ang umaasal nang napakabulagsak. Napakawalang kuwenta at kasuklam-suklam ang gayong mga bulagsak na tao! Ang paghahagis ng mga bolang niyebe sa mga damit ng kasalungat na kasarian para sa kasiyahan, hindi lang basta nakikipaghabulan dito nang mapaglaro kundi sinisipa pa ang puwitan nito—kapag may isang tao na naglalantad ng katunayan na ang gayong pag-uugali ay masyadong bulagsak at pinalalabo ang mga limitasyon sa pagitan ng mga lalaki at mga babae, sumasagot sila, “Naghaharutan lang kami nang ganito dahil masyado kaming malapit sa isa’t isa; dapat maunawaan ito ng mga tao.” Nagpapakalayaw sila sa gayong antas, hindi lang pinahihintulutan ang sarili nila na magpakalayaw kundi inaakit din ang iba na makisali sa kanilang pagpapakalayaw. Anong uri ng walang-hamak na tao ito? Sabihin mo sa Akin, dapat bang manatili ang gayong mga tao sa iglesia? (Hindi.) Palaging hindi kumportable at nakakaasiwa sa pakiramdam ang makasama ang ganitong uri ng tao. Kapag may nakikita silang isang tao, hindi nila ito binabati nang normal; sa halip, sinusuntok lang nila ito, sinasabing, “Nasaan ka ba nitong mga nakaraang taon? Akala ko ay naglaho ka na sa mundong ibabaw! Kumusta ka na?” Maging ang paraan nila ng pagbati ay sobrang malabarbaro at mayabang; hindi lang sila nagsasalita nang malabarbaro, kundi nagiging pisikal pa sila sa iba. Hindi ba’t nahahawig ito sa pag-uugali ng mga maton at bandido? Gusto ba ninyo ang gayong mga tao? (Hindi.) Kumportable ba ang pakiramdam ng kinukutya at pinaglalaruan? (Hindi.) Hindi ito kumportable, at hindi mo man lang ito maipahayag; kailangan mo lang itong tiisin, at sa susunod na makita mo sila, iiwas ka na lang sa malayo. Sa pagbubuod, ano ang sinasabi nito tungkol sa kalidad ng pagkatao ng gayong mga tao? (Mababa ito.) Saang anggulo man sila tingnan—ito man ay sa kanilang pananalita at asal, kanilang personal na pagkilos, sa paraan nila ng pakikitungo sa mundo, at sa pakikipag-ugnayan nila sa iba, ang perspektiba nila sa mga kalakaran ng mundong walang pananampalataya, o sa paraan nila ng pananampalataya sa Diyos at sa saloobin nila sa Diyos at sa Kanyang mga salita—hindi mahirap makita na ang mga indibidwal na ito ay walang anumang pagiging mataimtim o may-takot-sa-Diyos na puso. Wala ring makikitang anumang pagiging taos-puso sa kanila na hanapin o tanggapin ang katotohanan. Ang napagmamasdan ay ang kanilang pagiging bulagsak at kawalan ng pagpipigil, ang kanilang patuloy na panggagaya sa mga sikat na personalidad at mga idolo, at ang kanilang kawalan ng anumang intensyon na magbago gaano man ibinabahagi ang katotohanan. Paano maibubuod ang mga katangian ng kanilang pagkatao? Pagiging bulagsak at kawalan ng pagpipigil. Kaya, masasabi nang may katiyakan na sila ay mga walang pananampalataya na pinasok ang sambahayan ng Diyos; sila ay mga hindi mananampalataya.
Ang mga tao na bulagsak at walang pagpipigil ay gumagamit ng mga salitang katulad ng sa mga bandido at mga maton ng mundong walang pananampalataya; partikular silang nasisiyahan sa panggagaya ng pananalita at estilo ng mga sikat na tao at ng mga negatibong personalidad sa lipunan, kung saan karamihan sa wika nila ay may salaulang tono na parang isang maton o sanggano ang magsasabi. Halimbawa, kapag dumating ang isang walang pananampalataya, nagsasabi ng ilang kakaibang parirala matapos kumatok sa pinto, sinasabi ng mga kapatid, “May kakaiba; bakit parang tiktik o espiya ang taong ito?” Bagama’t hindi pa sila makasiguro sa sandaling iyon, nababalisa ang karamihan ng tao. Gayumpaman, kahanga-hangang nagsasalita ang tao na bulagsak at walang pagpipigil, nagmamalaki pa nga siya, sinasabi niya, “Tiktik? Hindi ako natatakot! Bakit sila dapat katakutan? Kung natatakot kayo, huwag na kayong lumabas. Titingnan ko kung ano ang pakay nila.” Tingnan ninyo kung gaano siya katapang at kamapangahas. Magsasalita ba kayo nang ganito? (Hindi, hindi ganito magsalita ang mga normal na tao; parang pambandido ang dating ng ganitong pagsasalita.) Iba ang pagsasalita ng mga bandido kumpara sa mga normal na tao; partikular silang mapagmataas. Natututuhan ng mga tao ang wika ng kanilang uri; partikular na gumagamit ng popular na wika ng lipunan ang mga tao na sanay sa kalye, mahilig salitain ng mga bandido at maton ang sarili nilang bokabularyo, at ang mga hindi mananampalataya ay katulad lang ng mga walang pananampalataya, sinasabi ang lahat ng bagay na sinasabi ng mga walang pananampalataya. Nasusuklam at napopoot ang mga mabuti, kagalang-galang, at disenteng tao kapag naririnig nila ang pananalita ng mga walang pananampalataya; wala sa kanila ang sumusubok na gayahin ang ganoong uri ng pananalita. Ang ilang hindi mananampalataya, kahit na sampu o dalawampung taon na silang nananampalataya, ay gumagamit pa rin ng wika ng mga walang pananampalataya, sadyang pinipili nila ang gayong pananalita, at habang nagsasalita ay ginagaya pa nga nila ang asal, mga ekspresyon, at mga pagkumpas ng mga walang pananampalataya, gayundin ang mga tingin ng mga ito. Maaari bang maging kaaya-aya sa mata ng mga kapatid sa iglesia ang mga gayong indibidwal? (Hindi.) Nasusuya at naaasiwa ang karamihan sa kapatid kapag nakikita sila. Ano sa palagay ninyo ang nararamdaman ng Diyos tungkol sa kanila? (Pagkasuklam.) Malinaw ang sagot: pagkasuklam. Mula sa isinasabuhay nila, mga hangarin, at mga tao, pangyayari, at bagay na iginagalang nila sa puso nila, malinaw na ang pagkatao nila ay hindi kumakatawan sa dignidad at pagiging disente at malayong-malayo sa pagiging deboto at angkop na kagandahang-asal ng mga banal. Bihirang marinig mula sa bibig nila ang mga salitang dapat sabihin ng mga mananampalataya o mga banal, at ang mga salitang nagpapatibay sa iba at nagpapahiwatig ng integridad at dignidad; malamang na hindi nila sabihin ang mga ito. Ang iginagalang, inaasam, at hinahangad nila sa kanilang puso ay pundamental na hindi tugma sa dapat hangarin at asamin ng mga banal, kaya mahirap na pigilan ang panlabas na pamumuhay, pananalita, at asal nila. Isang malaking hamon na hilingin sa kanila na magpigil, hindi maging bulagsak o hindi magpakasasa, at magpanatili ng dignidad at pagkadisente. Ni hindi nila kayang maging normal na tao na may integridad at dignidad na angkop sa kagandahang-asal ng mga banal, sumusunod sa mga tuntunin, at mukhang may katwiran sa panlabas, lalong hindi nila kayang mamuhay bilang isang tao na may pagkatao at katwiran na nakakaunawa sa katotohanan at nakakapasok sa katotohanang realidad. Noon, may isang tao na pumunta sa kanayunan para ipalaganap ang ebanghelyo at nakita niyang ang ilang kapatid ay may mga pamilyang salat sa yaman at nakatira sa mga bahay na sira-sira na. Sinabi niya nang may pang-uuyam at pangungutya, “Masyado nang sira-sira ang bahay na ito, hindi na ito akma para sa mga tao; halos hindi na nga ito akma para sa mga baboy. Dapat umalis na kayo agad dito!” Tumugon ang mga kapatid, “Madali namang umalis, pero sino ang magbibigay sa amin ng ibang bahay na matitirhan?” Nagsalita siya nang walang ingat at ayon sa sariling kagustuhan, sinabi niya ang anumang pumasok sa isip niya nang hindi iniisip ang epekto nito sa iba. Ito ay pagkakaroon ng salaulang kalikasan. Nagtanong ang mga kapatid, “Kung lilipat kami, sino ang magbibigay sa amin ng bahay na matitirhan? May bahay ka ba?” Wala siyang naisagot. Pagkakitang nahaharap sa paghihirap ang mga tao, kinailangan niyang magawang lutasin ang paghihirap bago magsalita. Ano ang mga kinahinatnan ng pagsasalita niya nang walang ingat nang hindi naman nagawang lutasin ang paghihirap ng mga ito? Ito ba ay problema ng pagiging masyadong prangka at diretsahan? Hinding-hindi. Ang problema ay masyadong malubha ang pagiging salaula niya; siya ay bulagsak at walang pagpipigil. Ang mga gayong tao ay lubos na walang anumang konsepto ng integridad, dignidad, pagsasaalang-alang, pagpaparaya, pagmamalasakit, paggalang, pag-unawa, pakikisimpatiya, awa, pagkamaalalahanin, pagtulong at iba pa. Ang mga katangiang ito na mahalaga sa normal na pagkatao ay ang dapat taglayin ng mga tao. Bukod sa wala sila ng mga katangiang ito, sa pakikitungo nila sa iba, kapag nakikita nilang nahaharap sa mga paghihirap ang isang tao, nagagawa pa nilang ngumisi, mangutya, mang-uyam, at manlibak; bukod sa wala silang kakayahang unawain o tulungan ang mga tao, nagdudulot pa sila ng kalungkutan, kawalan ng pag-asa, pasakit, at maging ng problema sa mga ito. Para sa mga taong labis na salaula, nakikilatis sila ng karamihan ng tao, at paulit-ulit silang tinitiis ng mga ito. Sa palagay ninyo, puwede bang magkaroon ng tunay na pagsisisi ang mga gayong tao? Sa tingin Ko ay malabo ito. Batay sa kalikasang diwa nila, hindi sila nagmamahal sa katotohanan, kaya paano nila matatanggap ang mapungusan at madisiplina? Sa paglalarawan sa gayong mga tao, may mga termino ang mga walang pananampalataya tulad ng “pagsunod sa sariling landas” o “pagtahak sa sariling landas kahit ano pa ang sabihin ng iba”—isang kalokohan ang lohikang ito! Ang mga diumano’y sikat na kasabihan at idyomang ito ay madalas na itinuturing na mga positibong bagay sa lipunang ito, na nagbabaluktot sa mga katunayan at nakakalito sa kung ano ang tama at mali. Tungkol naman sa mga pagpapamalas ng pagkatao ng mga bulagsak at walang pagpipigil, ito na halos ang kabuuan nito.
Nakaaapekto man ang mga bulagsak at walang pagpipigil na indibidwal sa buhay iglesia, sa mga normal na ugnayan sa pagitan ng mga kapatid, o sa normal na pagganap ng tungkulin ng hinirang na mga tao ng Diyos, hangga’t ang mga pagpapamalas at pagbubunyag ng kanilang pagkatao ay nagdudulot ng masasamang epekto at mga kahihinatnan, na gumugulo sa mga kapatid, dapat malutas ang mga isyung ito, at dapat na umaksiyon nang nararapat laban sa gayong mga indibidwal, sa halip na hayaan lang silang kumilos nang walang sagabal. Para sa maliliit na kaso, maaaring magbigay ng tulong at suporta, o maaari silang pungusan at balaan. Para sa malulubhang kaso, kung saan partikular na bulagsak ang kanilang pag-uugali at asal, tulad ng sa mga walang pananampalataya o hindi mananampalataya, walang ni katiting na kagandahang-asal ng isang banal, ang mga lider at manggagawa ng iglesia ay dapat na maghanap ng mga angkop na solusyon para pangasiwaan ang mga indibidwal na ito. Kung karamihan sa mga kapatid ay sasang-ayon at kung pahihintulutan ng mga kondisyon, dapat paalisin ang mga indibidwal na ito; kahit papaano, hindi sila dapat pahintulutang gawin ang mga tungkulin nila sa iglesiang may tungkuling full-time. Ano ang tinutukoy ng “para sa maliliit na kaso”? Ibig sabihin nito na ang ilang tao ay mga bagong mananampalataya, na dating mga walang pananampalataya, na hindi kailanman naniwala sa Kristiyanismo at hindi nakauunawa sa kung ano ang ibig sabihin ng manampalataya sa Diyos. Ang kanilang pananalita at asal ay nagbubunyag ng mga gawi ng mga walang pananampalataya. Gayumpaman, sa pamamagitan ng pagbabasa ng salita ng Diyos, pagbabahaginan sa katotohanan, at pagsasabuhay ng buhay iglesia, unti-unti silang tumutuwid at nagbabago, nagiging tulad ng mga mananampalataya, nagpapakita ng kaunting wangis ng tao. Ang mga indibidwal na ito ay hindi dapat ikategorya sa mga hanay ng masasamang tao, kundi bilang mga taong maaaring matulungan. Ang isa pang kategorya ay ang mga kabataang may dalawampung taong gulang, na sa kabila ng pananampalataya sa Diyos sa loob ng tatlo hanggang limang taon, ay nagpapakasasa pa rin sa pagiging mapaglaro, hindi pa ganap na matatag, nagpapakita ng kaunting pagiging isip-bata sa kanilang panlabas na pananalita at asal—nagsasalita, umaasal, at kumikilos na parang mga bata—at iba pa, dahil sa mura nilang edad. Para sa mga taong ito, dapat ialok ang tulong at suporta nang may pagmamahal; dapat bigyan sila ng sapat na oras para unti-unting magbago nang hindi pinapatawan ng sobrang mahihigpit na hinihingi. Siyempre, para sa mga nasa hustong edad na maraming taon nang nananampalataya sa Diyos pero nagpapakita pa rin ng bulagsak at walang pagpipigil na pagsasalita, asal, pag-uugali, at mga pagkilos tulad ng mga walang pananampalataya, at na tumatangging magbago sa kabila ng paulit-ulit na mga paalala, kinakailangan ang ibang pamamaraan; dapat silang pangasiwaan nang naaayon sa mga regulasyon ng sambahayan ng Diyos. Kung ang pagsasalita at asal ng gayong mga indibidwal, at ang mga pagbubunyag ng kanilang pagkatao ay nakagugulo sa nakararami at nagdudulot ng masamang epekto sa iglesia, na nagiging sanhi ng pagkasuklam ng marami kapag nakikita sila, ayaw makinig sa kanilang magsalita, ayaw makita ang mga ekspresyon nila kapag nagsasalita sila, ni ayaw tingnan ang kasuotan nila, at karamihan ay mas masaya at nasa mas mabuting kondisyon kapag hindi dumadalo ang gayong mga indibidwal sa mga pagtitipon—nakararamdam ng pagkaasiwa at pagkasuklam sa simple nilang pakikilahok sa buhay iglesia at sa simple nilang presensiya kasama ang mga kapatid, na para bang may insekto na nagdudulot ng mga kaguluhan—walang duda na ang gayong mga indibidwal ay masasamang tao. Ibig sabihin, tuwing isinasabuhay nila ang buhay iglesia at ginagawa ang tungkulin nila kasama ang mga kapatid, karamihan ng tao ay nakararamdam ng panggugulo at partikular na nasusuklam. Sa gayong mga kaso, dapat pangasiwaan ang mga indibidwal na ito sa lalong madaling panahon, hindi hinahayaang gawin ang kagustuhan nila o mapasailalim sa karagdagang pagmamasid. Kahit papaano, dapat silang alisin sa iglesiang may tungkuling full-time at ipadala sa isang ordinaryong iglesia para magsisi. Bakit sa ganitong paraan ito pangangasiwaan? (Nagdulot sila ng mga kaguluhan at masasamang kahihinatnan sa karamihan ng tao, ginugulo ang buhay iglesia.) Dahil ang mga kahihinatnan at epekto ng kanilang mga pagpapamalas ay labis na ubod ng sama! Ayon dito, ang mga lider at manggagawa, gayundin ang hinirang na mga tao ng Diyos, ay hindi dapat magbulag-bulagan sa mga ito at pikit-matang bigyang-layaw ang pag-uugali ng mga ito. Hindi angkop para sa mga lider at manggagawa na walang gawin kahit kapag ang gayong mga indibidwal ay nagdudulot ng mga kaguluhan sa nakararami; ang gayong mga indibidwal ay dapat na alisin sa iglesia ayon sa mga regulasyon ng sambahayan ng Diyos—ito ang pinakamatalinong desisyon.
Dati na bang napangasiwaan ng iglesia ang mga tao na bulagsak at walang pagpipigil? (Oo.) Nang pinangasiwaan ang gayong mga tao, may ilang umiyak, sinasabing, “Hindi ito sinadya. Paminsan-minsang pag-uugali ko lang ito; hindi naman ako ganoong klase ng tao. Pakiusap, bigyan mo ako ng isa pang pagkakataon! Kung hindi ako pahihintulutang gawin ang aking tungkulin, hindi ko magagawang manampalataya sa diyos pagkauwi ko sa bahay, kung saan ang lahat ay walang pananampalataya.” Napaka-kaaya-aya nilang magsalita at tila tunay silang nababalisa, nagpapahayag ng pag-aatubiling iwan ang Diyos at humihingi sa sambahayan ng Diyos ng isa pang pagkakataon para magsisi. Posibleng pagkalooban sila ng isa pang pagkakataon, pero ang mahalaga ay kung kaya ba nilang magbago o hindi. Kung lubusang nakikita na ang taong ito ay walang kahit katiting na pagkatao, walang konsensiya o katwiran, maituturing na isang bagay na walang puso at espiritu, hindi siya dapat bigyan ng isa pang pagkakataon; magiging walang saysay ito. Gayumpaman, kung mabuti ang diwa ng isang tao, at hindi pa lang ganap na lumago ang kanyang pagkatao dahil sa mura niyang edad, at siguradong magbabago siya paglipas ng ilang taon, dapat siyang bigyan ng pagkakataon para magsisi. Talagang hindi siya dapat paalisin sa iglesia; walang mabuting tao ang kailanman ay maaaring mapahamak. May ilang tao na likas na hindi mananampalataya; likas silang bulagsak, mangmang, at hangal, at sa pagkatao nila ay likas na wala silang konsepto ng karangalan, hindi alam kung ano ang pakiramdam ng kahihiyan. Pagkatapos kumilos sa isang magaspang na paraan sa publiko, karamihan ng tao ay makadarama ng pagsisisi at pagkapahiya na humarap sa iba. Bukod pa rito, kapag gusto nilang gumawa ng gayong mga bagay, nagagawa nilang maging mapagsaalang-alang sa mga damdamin at opinyon ng mga kapatid, at maingat sa sarili nilang integridad at dignidad, at hindi sila kikilos sa gayong paraan; sa sukdulan marahil ay mag-ingay lang sila sa bahay kasama ang kanilang mga anak o mga kapatid. Kapag nasa labas at nakikisalamuha sa mga estranghero, dapat maunawaan ng mga tao kung ano ang ibig sabihin ng pagpapahalaga sa karangalan, pagiging disente, mga patakaran, at dignidad. Maaari bang magbago ang isang tao na walang pang-unawa sa mga konseptong ito kahit na tulungan mo siya? Kahit na napipigilan siya ngayon, gaano katagal niya kayang magtiis? Hindi magtatagal at babalik din siya sa mga dati niyang gawi. Dahil ang gayong mga tao ay walang dignidad at pakiramdam ng kahihiyan sa kanilang pagkatao, hindi alam kung ano ang ibig sabihin ng mga patakaran, pagiging disente, o ang kagandahang-asal ng mga banal, at ang pagkatao nila ay likas na hindi nagtataglay ng mga katangiang ito, hindi mo sila matutulungan. Ang mga taong hindi matutulungan ay mga taong hindi kayang magbago, mga taong hindi kayang turuan o impluwensiyahan. Ang gayong mga tao ay kailangang alisin kaagad at sa lalong madaling panahon, para mapigilan silang magdulot ng mga kaguluhan sa mga kapatid, na magdala ng kahihiyan dito. Hindi kailangan ng sambahayan ng Diyos ang sinuman para magparami lang ng bilang. Kung hindi ililigtas ng Diyos ang isang tao, walang silbi ang anumang pagpaparami ng bilang sa taong iyon. Iyong mga hindi kinikilala ng Diyos ay dapat paalisin—alisin iyong mga hindi dapat manatili sa sambahayan ng Diyos, kung hindi ay makasasama ang presensiya ng isang tao na ito sa marami pang iba, na hindi patas sa nakararami. Kung nakikilatis ninyo ang diwa niyong mga bulagsak at walang pagpipigil, dapat ninyo silang pangasiwaan at paalisin sa lalong madaling panahon, sa halip na pagtiisan sila nang habang panahon. Sinasabi ng ilan, “Paminsan-minsan ay nakagagawa sila ng ilang resulta kapag gumagawa ng tungkulin nila. Kailangan pa rin sila para sa aspektong iyon ng gawain. Mayroon din silang napakamapagmahal na puso at kaya nilang magbayad ng kaunting halaga.” Pero sino ba sa mga natitira sa sambahayan ng Diyos ang hindi kayang magbayad ng kaunting halaga? Sino ang hindi kayang magkamit ng ilang resulta kapag ginagawa ang tungkulin nila? Kung makalilikha ng ilang resulta ang lahat, bakit hindi na lang pumili ng mabubuting tao na may dignidad at disente para gumawa ng mga tungkulin? Bakit ipagpipilitang panatilihin ang mga uri ng tao na mga salaulang tao, mga salbahe, at mga hangal sa iglesiang may tungkuling full-time para magdulot ng mga kaguluhan? Bakit ipagpipilitang panatilihin ang mga hindi mananampalataya na namumuhay na parang mga walang pananampalataya para magtrabaho sa sambahayan ng Diyos? Hindi nagkukulang sa mga trabahador ang sambahayan ng Diyos; gusto lang ng sambahayan ng Diyos ang matatapat na tao na nagmamahal sa katotohanan, matutuwid na tao, at iyong mga kayang hangarin ang katotohanan, para gugulin ang sarili nila para sa Diyos.
Karamihan sa mga kasalukuyang gumagawa ng mga tungkulin ay mga tao na nanampalataya na sa Diyos nang mahigit lima o anim na taon, at ang lahat ng uri ng tao na lubos nang nabunyag sa proseso ng paggawa ng kanilang mga tungkulin—iyong mga hindi mananampalataya, mga taong magulo ang isip, mga huwad na lider, masasamang tao, at mga anticristo ay nabunyag na lahat. Malinaw nang nakita ng marami sa hinirang na mga tao ng Diyos na karamihan sa mga taong ito ay tumatangging magbago sa kabila ng paulit-ulit na mga paalala, na nakapagdulot na ang mga ito ng malulubhang panggugulo at paggambala sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Dumating na ang oras na dapat nang alisin ang mga hindi mananampalataya, masasamang tao, at mga anticristong ito. Ang hindi pag-aalis sa kanila ay makakaapekto sa operasyon ng gawain ng iglesia at sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian ng Diyos. Ang hindi pag-aalis sa kanila ay makakaapekto sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos; ang buhay iglesia ay patuloy na magugulo at hindi kailanman makakasumpong ng kapayapaan. Samakatwid, ang mga lider at manggagawa ng iglesia sa lahat ng antas ay dapat magsimulang gawin ang gawain ng pag-aalis mula sa iglesia ayon sa mga layunin ng Diyos at batay sa mga salita ng Diyos. Nakikita Ko na marami-raming tao ang walang pagkatao. Sa mga pagtitipon, may mga nagpapakita ng lahat ng uri ng hindi kaaya-ayang pag-uugali, at hindi gumagamit ng angkop na asal nakaupo man o nakatayo, na may nakahandang tsaa, cellphone, facial cream, at pabango sa tabi nila. Ang ilang mahilig magmukhang maganda ay palaging tinitingnan ang itsura nila sa salamin at inaayos ang makeup nila, at ang iba ay palaging umiinom ng tubig, nagba-browse sa kanilang cellphone para magbasa ng balita o manood ng mga video mula sa mundong walang pananampalataya, nagsasalita at nakikipag-usap nang nakadekuwatro, binabaluktot ang katawan nila sa hugis nang parang sa isang ahas, nang hindi man lang pinananatili ang tamang hugis. Narinig Ko rin na may ilang tao na bumabalik sa kuwarto nila sa gabi at humihiga sa kama nang hindi man lang tinatanggal ang mga sapatos nila, natutulog hanggang madaling araw. Sa umaga, nagmumulat sila ng kanilang mga mata hindi para magdasal o magsagawa ng mga espirituwal na debosyon, kundi para tingnan muna ang balita sa cellphone nila. Sa oras ng pagkain, kapag nakakakita sila ng masarap na pagkain, o kapag nakakakita sila ng karne, hayok na hayok silang kumain—hindi iniintindi kung may makakain pa ang iba, basta’t mabusog sila—at pagkatapos ay diretso na silang bumabalik sa pagtulog. Wala silang wangis ng tao sa anumang bagay na ginagawa nila, kumikilos nang bulagsak at walang pagpipigil tulad ng mga walang pananampalataya, hindi talaga sumusunod sa anumang alituntunin, wala ni katiting na pagsunod o pagpapasakop, tulad ng mga hayop. Sabihin mo sa Akin, maaari bang maligtas ang uri ng mga tao na may gayong labis na salaulang kalikasan? (Hindi.) Kung ganoon, may anumang saysay ba ang pananampalataya nila sa Diyos? Taglay ang kakayahang napakababa para talagang maabot ang katotohanan, mauunawaan ba nila ang mga salita ng Diyos kapag binasa nila ang mga ito? Nang hindi nagtataglay ng anumang alituntunin pagdating sa pag-asal nila, magiging pasok ba sa pamantayan ang pagtatrabaho nila? Nang walang konsensiya o katwiran, kaya ba nilang tumanggap kapag nakikinig sa mga sermon at nakikinig sa pagbabahaginan tungkol sa katotohanan? (Hindi.) Iyong mga nagpapakita ng ganitong mga pag-uugali ay pangunahing walang anumang pagkatao, kaya paano pa nila makakamit ang katotohanan? Iyong mga walang pagkatao ay mga hayop, mga diyablo, mga patay na tao na walang espiritu, na hindi kayang makaunawa sa katotohanan kapag naririnig nila ito at hindi karapat-dapat na marinig ang katotohanan. Ang pagpapaunawa at pagpapakamit sa kanila ng katotohanan ay parang pamimilit sa isda na mamuhay sa lupa o pamimilit sa mga baboy na lumipad—imposible! Noong nakaraan, kapag pinag-uusapan kung aling klase ng mga tao ang mga hayop, madalas na pinangungunahan ang salitang “hayop” ng salitang “aso,” kaya tinawag silang mga “asong hayop.” Gayumpaman, pagkatapos mag-alaga ng mga aso at makipag-ugnayan sa mga ito nang malapitan, natuklasan Ko na nagtataglay ang mga aso ng pinakamagagandang bagay na wala sa tao: Ang mga ito ay umaasal nang naaayon sa mga alituntunin, masunurin, at may pagpapahalaga sa paggalang sa sarili. Magtakda ka ng limitasyon para sa pagkilos ng mga ito, at doon lang kikilos ang mga ito, at nang walang eksepsyon, talagang hindi pupunta ang mga ito sa mga lugar na ipinagbabawal mong puntahan ng mga ito. Kung di-sinasadyang lumagpas ang mga ito sa hangganan, kaagad silang umaatras, tuloy-tuloy na kinakawag ang buntot nila, humihingi ng tawad at inaamin ang pagkakamali nila. Maisasakatuparan ba ito ng mga tao? (Hindi.) Bigo ang mga tao. Bagaman maaaring hindi nakauunawa ang mga aso nang tulad sa mga tao, naaarok ng mga ito ang isang bagay: “Ito ay teritoryo ng may-ari, ang bahay ng may-ari. Pupunta ako saanman ipinahihintulot ng may-ari at iiwasan ang mga lugar na ipinagbabawal sa aking puntahan.” Kahit hindi pinapalo, iniiwasan ng mga ito na pumunta roon; may pagpapahalaga sa paggalang sa sarili ang mga ito. Alam maging ng mga aso kung ano ang kahihiyan, kaya bakit hindi ng mga tao? Kalabisan ba ang iklasipika iyong mga hindi alam ang kahihiyan bilang mga hayop? (Hindi.) Hindi talaga ito kalabisan; karamihan ng tao ay hindi man lang nagtataglay ng mga katangian ng isang aso. Sa hinaharap, kapag sinabi nating ang ilang tao ay mga hayop, hindi na natin sila dapat tawaging “asong hayop”; insulto iyon sa mga aso, sapagkat ang mga taong ito, ang mga halimaw na ito, ay mas masahol pa maging sa mga aso. Samakatwid, kapag ang gayong mga tao ay nagdulot ng kaguluhan sa buhay iglesia o sa pagganap ng mga kapatid ng mga tungkulin, dapat silang kaagad na paalisin—ito ay makatarungan at makatwiran lang, at hindi talaga ito kalabisan. Hindi ito pagiging hindi mapagmahal; ito ay pagkilos ayon sa prinsipyo. Kahit pa nagpapakita ng ilang resulta ang mga bulagsak at walang pagpipigil na tao sa kanilang mga tungkulin, maaari ba silang maligtas? Sila ba ay mga tao na tumatanggap ng katotohanan? Ni hindi nila kayang pigilan ang kanilang mga sariling pagkilos, kaya posible ba nilang matanggap ang katotohanan? Hindi nila kayang panatilihin ang kanilang integridad at dignidad, kaya makapapasok ba sila sa katotohanang realidad? Imposible iyon. Kaya, ang pangangasiwa sa gayong mga indibidwal sa ganitong paraan ay talagang hindi kalabisan; ito ay ganap na nakabatay sa prinsipyo, at ganap na para sa pakay ng pagprotekta sa hinirang na mga tao ng Diyos mula sa mga panggugulo ni Satanas. Sa pagbubuod, kapag natukoy ang gayong mga indibidwal, dapat silang pangasiwaan ayon sa ilang prinsipyong kababanggit Ko lang. Kalabisan ba na ikategorya ang uri ng mga tao na tunay na bulagsak at walang pagpipigil, at tunay na nagpapakasasa sa laman nang walang anumang kagandahang-asal ng banal bilang mga walang pananampalataya at hindi mananampalataya? (Hindi.) Dahil ikinategorya sila bilang mga walang pananampalataya at hindi mananampalataya, ang pagbibilang sa kanila sa mga hanay ng iba’t ibang uri ng masasamang tao na dapat paalisin ng iglesia ay hindi kalabisan. Ang mga tao na ni hindi kayang pigilan ang sarili nilang pag-uugali at asal ay tiyak na hindi kayang tumanggap ng katotohanan. Hindi ba’t ang mga hindi kayang tumanggap ng katotohanan ay mga kaaway ng katotohanan? (Oo, ganoon nga.) Kalabisan ba na ikategorya iyong mga kaaway ng katotohanan bilang masasamang tao? (Hindi.) Hindi talaga ito kalabisan. Samakatwid, ang mga prinsipyo para sa pangangasiwa sa kanila ay ganap na angkop.