Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (24) Unang Seksiyon

Ikalabing-apat na Aytem: Agarang Kilatisin, at Pagkatapos ay Paalisin o Patalsikin ang Lahat ng Uri ng Masasamang Tao at mga Anticristo (Ikatlong Bahagi)

Ang mga Pamantayan at Batayan Para sa Pagkilatis sa Iba’t Ibang Uri ng Masasamang Tao

I. Batay sa Layon ng Isang Tao sa Pananampalataya sa Diyos

Noong huling pagtitipon, nagbahaginan tayo tungkol sa ikalabing-apat na responsabilidad ng mga lider at manggagawa: “Agarang kilatisin, at pagkatapos ay paalisin o patalsikin ang lahat ng uri ng masasamang tao at mga anticristo.” Batay sa nilalaman ng responsabilidad na ito, ibinuod natin ang iba’t ibang pagpapamalas ng iba’t ibang tao sa iba’t ibang sitwasyon, at pagkatapos ay kinilatis ang iba’t ibang indibidwal na ito batay sa kanilang mga pagpapamalas. Sa pamamagitan ng pagkilatis sa mga indibidwal na ito, nilayon nating malinaw na matukoy iyong masasamang tao na kailangang kilatisin at paalisin ng sambahayan ng Diyos—ibig sabihin, iyong mga hindi pinahihintulutang manatili sa sambahayan ng Diyos at mga target na mapaalis. Noong nakaraang dalawang pagkakataon, pinagbahaginan natin ang pagkilatis at pagkakategorya ng iba’t ibang uri ng masasamang tao sa pamamagitan ng tatlong aspekto. Ngayon naman, ipagpapatuloy natin ang pagbabahaginan sa iba’t ibang detalye tungkol sa pagkakategorya ng iba’t ibang uri ng masasamang tao sa pamamagitan ng tatlong aspektong ito. Una, basahin ang ikalabing-apat na responsabilidad at ang tatlong partikular na kategoryang nakalista rito. (Ang ikalabing-apat na responsabilidad ng mga lider at manggagawa: “Agarang kilatisin, at pagkatapos ay paalisin o patalsikin ang lahat ng uri ng masasamang tao at mga anticristo.” Una, ang layon ng isang tao sa pananampalataya sa Diyos; ikalawa, ang pagkatao ng isang tao; ikatlo, ang saloobin ng isang tao sa kanyang tungkulin.) Pagkatapos magbasa, naaalala ba ninyo ang ilang pangunahing nilalaman mula sa naunang dalawang pagbabahaginan? (Oo.) Balikan muna natin ang nilalaman ng huli nating pagbabahaginan. (Noong nakaraan, nakipagbahaginan ang Diyos tungkol sa layon ng isang tao sa pananampalataya sa Diyos, sinasaklawan ang ikaapat hanggang ikawalong punto ng paksang ito: ikaapat, para makibahagi sa oportunismo; ikalima, para maging palamunin ng iglesia; ikaanim, para maghanap ng kanlungan; ikapito, para maghanap ng tagasuporta; ikawalo, para hangarin ang mga pampolitikang pakay.) Tinalakay ang limang puntong ito sa huling pagbabahaginan. Sa pamamagitan ng pagbabahaginan tungkol sa mga pangunahing pagpapamalas at sa naibunyag na mga tiwaling diwa ng limang uring ito ng mga tao, batay sa mga pag-uugali nila at mga intensyon nila at mga layon sa pananampalataya sa Diyos, gayundin sa mga palagi nilang hinihingi sa Diyos, dapat bang ituring ang mga tao na ito na mga kapatid at panatilihin sa iglesia? (Hindi, ang gayong mga tao ay dapat alisin, dahil ang pananampalataya nila sa Diyos ay hindi para hangarin ang katotohanan o hangarin ang kaligtasan. Lahat sila ay may mga personal na intensyon at pakana, umaasang makakakuha sila ng mga kalamangan para sa sarili nila at magkakamit ng mga benepisyo sa sambahayan ng Diyos. Hindi sila mga tao na tunay na nananampalataya sa Diyos; lahat sila ay mga hindi mananampalataya.) Kung hindi paaalisin sa iglesia ang mga hindi mananampalataya, anong kapahamakan ang maaari nilang maidulot sa gawain ng iglesia at sa mga kapatid? (Hindi sila kumakain o umiinom ng salita ng Diyos ni dumaranas ng gawain ng Diyos; nananatili sila sa iglesia nang hindi tinatanggap ang katotohanan. Bukod pa rito, nakapagbubulalas sila ng pagkanegatibo at mga kuru-kuro, at sa gayon ay nagdudulot ng mga panggugulo at paggambala, at gumaganap ng isang negatibong papel.) Ang mga pagpapamalas na ito ay nakikita, sa pangkalahatan, ng mga tao.

Batay sa mga pagpapamalas ng limang uri ng mga tao na tinalakay sa huling pagbabahaginan, may pareho bang katangian ang mga taong ito? (Mayroon.) Ano ang pareho nilang katangian? (Lahat ng taong ito ay mga hindi mananampalataya.) (Hindi sila naniniwala sa pag-iral ng Diyos, hindi naniniwala sa katotohanan, at hindi interesado sa katotohanan.) Tumutukoy ito sa diwa nila. Dahil hindi sila naniniwala sa katotohanan, hindi nila tatanggapin ang katotohanan. Ang diwa ng mga hindi talaga tinatanggap ang katotohanan ay sa isang hindi mananampalataya. Ano ang mga tanda ng mga hindi mananampalataya? Nananampalataya sila sa Diyos para makibahagi sa oportunismo, para maging palamunin ng iglesia, para makaiwas sa mga sakuna, makahanap ng suporta at ng tuloy-tuloy na pagkakakitaan. Ang ilan pa nga sa kanila ay naghahangad ng mga politikal na pakay, gustong magkaroon ng koneksiyon sa gobyerno sa pamamagitan ng ilang usapin para magkamit ng pabor at makakuha ng opisyal na katungkulan. Ang gayong mga tao ay mga hindi mananampalataya, bawat isa sa kanila. Dala-dala nila ang mga motibo at mga intensyong ito sa kanilang pananampalataya sa Diyos, at sa puso nila ay hindi sila naniniwala nang may buong katiyakan na mayroong Diyos. Kahit na kinikilala nila Siya, ginagawa nila ito nang may pag-aalinlangan, dahil ang pananaw na kanilang pinanghahawakan ay mala-ateista. Naniniwala lamang sila sa mga bagay na nakikita nila sa materyal na mundo. Bakit natin sinasabing hindi sila naniniwala na mayroong Diyos? Sapagkat pare-parehas nilang hindi pinaniniwalaan o kinikilala ang mga katunayan na nilikha ng Diyos ang langit at lupa at lahat ng bagay, at na nang matapos likhain ang sangkatauhan ang Diyos ay patuloy na namumuno sa kanila at may kataas-taasang kapangyarihan Siya sa kanila. Kaya, imposibleng maniwala sila sa katunayan na puwedeng maging tao ang Diyos. Kung hindi sila naniniwala na puwedeng maging tao ang Diyos, kaya ba nilang paniwalaan at kilalanin ang lahat ng katotohanang ipinahayag ng Diyos? (Hindi nila kaya.) Kung hindi sila naniniwala sa mga katotohanang ipinapahayag ng Diyos, naniniwala ba silang maililigtas ng Diyos ang sangkatauhan at naniniwala ba sila sa Kanyang plano ng pamamahala na iligtas ang sangkatauhan? (Hindi sila naniniwala.) Hindi sila naniniwala sa alinman sa mga ito. Ano ang ugat ng kanilang kawalang-paniniwala? Ito ay na hindi sila naniniwala na umiiral ang Diyos. Sila ay mga ateista at materyalista. Naniniwala silang ang mga bagay lamang na nakikita nila sa materyal na mundo ang totoo. Naniniwala sila na ang kasikatan, pakinabang, at katayuan ay makakamit lamang sa pamamagitan ng mga pakana at hindi magagandang paraan. Naniniwala silang ang tanging paraan para umunlad at mamuhay nang masaya ay mamuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya. Naniniwala silang ang kapalaran nila ay nasa kanilang sariling mga kamay lamang, at na dapat silang umasa sa sarili para makalikha at magtamo ng masayang buhay. Hindi sila naniniwala sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos o sa Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat. Iniisip nilang kapag umasa sila sa Diyos, hindi sila magkakaroon ng anuman. Sa huli, hindi sila naniniwalang maisasakatuparan ng mga salita ng Diyos ang lahat ng bagay, at hindi sila naniniwala sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos. Kaya naman, ang mga intensyon at pakay, tulad ng pakikibahagi sa oportunismo, pagiging palamunin ng iglesia, paghahanap ng kanlungan, paghahanap ng tagasuporta, pakikipagkaibigan sa mga taong kasalungat na kasarian, at paghahangad ng mga politikal na pakay—pagtatamo ng opisyal na posisyon at ng tuloy-tuloy na pinagkakakitaan para sa kanilang sarili—ay lumilitaw sa pananampalataya nila sa Diyos. Dahil mismo ang mga taong ito ay hindi naniniwalang naghahari ang Diyos nang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat kaya nagagawa nilang mapangahas at walang-pakundangang pasukin ang iglesia nang may sarili nilang mga intensyon at pakay, nagnanais na gamitin ang kanilang mga talento o tuparin ang kanilang mga kahilingan sa iglesia. Nangangahulugan ito na pinapasok nila ang iglesia para matugunan ang intensyon at pagnanais nilang magtamo ng mga pagpapala; gusto nilang magkamit ng kasikatan, pakinabang, at katayuan sa iglesia, at sa paggawa niyon ay magkakaroon sila ng tuloy-tuloy na pagkakakitaan. Makikita sa pag-uugali nila, pati sa kalikasang diwa nila, na ang mga pakay, motibo, at intensyon nila sa pananampalataya sa Diyos ay hindi wasto, at na wala sa kanilang tumatanggap sa katotohanan o sinserong nananampalataya sa Diyos—kahit na pasukin man nila ang iglesia, pinupuno lang nila ang mga upuan, wala silang anumang nagiging positibong papel. Kaya naman, hindi dapat tanggapin ng iglesia ang gayong mga tao. Kahit na nakapasok na ang mga taong ito sa iglesia, hindi sila hinirang na mga tao ng Diyos, bagkus ay nakapasok sila dahil sa mabubuting layunin ng ibang tao. “Hindi sila hinirang na mga tao ng Diyos”—paano ito dapat bigyang-kahulugan? Ibig sabihin nito ay hindi sila paunang itinalaga at hinirang ng Diyos; hindi Niya sila itinuturing bilang mga pakay ng Kanyang gawain; ni hindi Niya sila paunang itinalaga bilang mga taong Kanyang ililigtas. Kapag ang mga taong ito ay nakapasok na sa iglesia, natural na hindi natin sila maaaring ituring bilang mga kapatid, dahil hindi sila ang mga tunay na tumatanggap sa katotohanan o nagpapasakop sa gawain ng Diyos. Maaaring itanong ng ilan, “Dahil hindi sila mga kapatid na tunay na nananampalataya sa Diyos, bakit hindi sila pinapaalis o pinapatalsik ng iglesia?” Layunin ng Diyos na ang mga taong Kanyang hinirang ay matuto ng pagkilatis mula sa mga taong ito at sa gayon ay makilatis ang mga pakana ni Satanas at tanggihan si Satanas. Kapag ang mga taong hinirang ng Diyos ay nagkaroon na ng pagkilatis, dapat na alisin ang mga hindi mananampalatayang ito. Ang layon ng pagkilatis ay ilantad ang mga hindi mananampalatayang ito na nakapasok sa sambahayan ng Diyos nang may mga ambisyon at pagnanais nila at paalisin sila sa iglesia, dahil ang mga taong ito ay hindi mga totoong mananampalataya sa Diyos, at lalong hindi sila mga taong tumatanggap at naghahangad sa katotohanan. Walang mabuting idudulot ang pananatili nila sa iglesia—kundi malaking pinsala ang mangyayari. Una sa lahat, matapos nilang mapasok ang iglesia, ang mga hindi mananampalatayang ito ay hindi kailanman kumakain o umiinom ng mga salita ng Diyos at hindi nila tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti. Palagi nilang tinatalakay ang ibang bagay maliban sa mga salita ng Diyos at katotohanan, ginugulo nila ang puso ng ibang tao. Gagambalain at guguluhin lamang nila ang gawain ng iglesia, sa kapinsalaan ng buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Pangalawa, kung mananatili sila sa iglesia, manggugulo sila habang gumagawa ng masasamang gawa, tulad lamang ng mga walang pananampalataya, na gagambalain at guguluhin ang gawain ng iglesia, at isasailalim ang iglesia sa maraming nakatagong panganib. Pangatlo, kahit na manatili sila sa iglesia, hindi sila kusang-loob na kikilos bilang mga tagapagserbisyo, at kahit na maaaring magserbisyo sila nang kaunti, ito ay para lamang magkamit ng mga pagpapala. Kung sakaling dumating ang araw na malaman nilang hindi sila makakapagkamit ng mga pagpapala, magwawala sila sa galit, guguluhin at pipinsalain ang gawain ng iglesia. Sa halip na kunsintihin iyon, mas mabuting paalisin sila sa iglesia sa lalong madaling panahon. Pang-apat, ang mga hindi mananampalatayang ito ay malamang na bumuo ng mga paksiyon, at sumuporta at sumunod sa mga anticristo, na lumilikha ng isang masamang puwersa sa loob ng iglesia na nagdudulot ng malaking banta sa gawain nito. Batay sa apat na pagsasaalang-alang na ito, kinakailangang kilatisin at ilantad ang mga hindi mananampalatayang ito na nakapasok sa sambahayan ng Diyos, at pagkatapos ay paalisin sila. Ito lamang ang paraan para mapanatili ang normal na pag-usad sa gawain ng iglesia, at epektibong mapangalagaan na ang hinirang na mga tao ng Diyos ay makakain at makainom ng mga salita ng Diyos at makapamuhay ng buhay iglesia nang normal, at nang sa gayon ay makapasok sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos. Ito ay dahil ang pagpasok ng mga hindi mananampalatayang ito sa iglesia ay malaking kapinsalaan sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Maraming taong hindi sila kayang kilatisin, kundi sa halip ay itinuturing sila bilang mga kapatid. Ang ilang tao, na nakikitang may kaunti silang kaloob o kalakasan, ay pinipili silang magsilbi bilang mga lider at manggagawa. Ganito lumilitaw ang mga huwad na lider at mga anticristo sa iglesia. Kung titingnan ang kanilang diwa, makikita na wala sa kanila ang naniniwala na umiiral ang Diyos, o na ang Kanyang mga salita ay ang katotohanan, o na Siya ay naghahari nang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat. Sila ay mga walang pananampalataya sa mata ng Diyos. Hindi Niya sila pinapansin, at hindi gagawa sa kanila ang Banal na Espiritu. Kaya, batay sa kanilang diwa, hindi sila ang mga pakay ng pagliligtas ng Diyos, at siguradong hindi Niya sila paunang itinalaga o hinirang. Imposibleng iligtas sila ng Diyos. Paano man ito tingnan ng iba, wala sa mga hindi mananampalatayang ito ang hinirang na mga tao ng Diyos. Dapat silang agaran at tumpak na kilatisin, at pagkatapos ay paalisin. Hindi sila dapat payagang umali-aligid sa iglesia na ginugulo ang iba. Ang mga hindi mananampalatayang ito ay pumapasok sa iglesia nang may iba’t ibang balak at motibo, at maaaring hindi mo sila matukoy o makilatis sa simula. Gayumpaman, habang tumatagal, habang mas madalas kang nakikisalamuha at nakikitungo sa kanila, lalo mo silang mauunawaan, at lalo mong makikita nang malinaw ang iba’t ibang pagpapamalas na nagpapahiwatig na sila ay mga hindi mananampalataya. Kapag nagkagayon, hindi ba’t mas madali na silang makilatis batay sa mga salita ng Diyos? (Oo.) Kung lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos ay kayang makilatis ang mga hindi mananampalataya, kung gayon, oras na para ibunyag at paalisin sila. Anuman ang kanilang karakter, katayuan sa lipunan, o gaano man kataas ang kanilang senyoridad sa iglesia, kung matapos ang ilang taon ng pakikinig sa mga sermon ay hindi pa rin nila matanggap ang katotohanan at puno pa rin sila ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, nabunyag na sila bilang mga hindi mananampalataya. Kung isasaalang-alang ang mga pakay at pagpapamalas nila sa pananampalataya sa Diyos, walang duda na sila ang mga dapat paalisin o patalsikin. Ito ang gawain ng pag-aalis na dapat gawin ng isang iglesia sa bawat panahon.

Ang paksa ng layunin sa pananampalataya sa Diyos ay sumasaklaw sa walong punto, ibig sabihin, may walong uri ng mga tao na may mga pagpapamalas na sapat na para makilatis natin ang iba’t ibang uri ng masasamang tao at pagkatapos ay makagawa ng mga wastong paglalarawan at mapangasiwaan nang naaayon ang mga ito. Sa madaling salita, ang walong uring ito ng mga tao ay hindi maaaring manatili sa iglesia. Maaaring magtanong ang ilang tao, “Ang bawat isa ba sa walong uring ito ng mga tao ay nagpapakita ng iisang uri lang ng pag-uugali?” Hindi naman sa ganoon ang kaso; ang layon ng ilang tao sa pananampalataya sa Diyos ay kinapapalooban ng apat o limang punto—sila ay naghahanap ng kanlungan, nagiging palamunin ng iglesia, nakikibahagi sa oportunismo, naghahangad ng mga pampolitikang pakay, at basta na lang naghahanap ng kasalungat na kasarian, pinapasok ang iglesia para walang-pagpiling akitin ang iba. Ang layon ng ilang tao sa pananampalataya sa Diyos ay maaaring sumaklaw sa dalawang punto—ang una ay ang hangarin na maging isang opisyal sa iglesia, at ang isa pa ay ang maghanap ng mga pagpapala sa pamamagitan ng oportunismo, o may ilang maaaring maghanap ng kasalungat na kasarian gayundin ay maging palamunin ng iglesia. Malinaw na pumupunta sa sambahayan ng Diyos ang mga taong ito para manamantala, nilalayong gamitin ang sambahayan ng Diyos o ang mga kapatid para tulungan silang matapos ang mga bagay-bagay, upang magsikap para sa kanila; para makamit nila ang kanilang mga pakay at matugunan ang kanilang mga kahilingan, ginagawa nila ang lahat ng posibleng paraan para paglingkurin nila ang mga kapatid para sa kanila. Sa madaling salita, ang malinaw na pakay ng mga hindi mananampalataya at mga oportunistang ito na pinasok ang iglesia at dapat na mapaalis o mapatalsik sa pagpunta nila sa sambahayan ng Diyos ay ang maging pabigat at samantalahin ang sitwasyon para sa sarili nilang kapakinabangan. Sa pananalita o mga pagkilos man nila, ang pakay nila ay palaging malabong makikilatis. Hinding-hindi tinatanggap ng mga taong ito ang katotohanan at wala silang interes sa katotohanan; minsan ay nagpapakita pa nga sila ng mga pakiramdam at saloobin ng pagkasuklam at paglaban. Anumang tungkulin ang isaayos ng iglesia para sa kanila, may pag-aatubili lang silang nakikipagtulungan kung kapaki-pakinabang ito sa kanila. Kung wala itong pakinabang sa kanila, may paglaban sa kalooban nila at nagpapakita sila ng pagiging negatibo at pasibo, at maging ng pagkasuklam at pagtanggi. Gumagawa sila ng kaunting gawain kung mayroon lang itong pakinabang; kung wala, iniiwasan o pasibong iniraraos nila ito. Sa mahahalagang sandali ng gawain, nakikipagtaguan sila, naglalaho at pinababayaan ang gawain ng iglesia. Mula sa mga pagpapamalas na ito, malinaw na ang pananampalataya nila sa Diyos ay para lang maging pabigat; maging ang paggamit sa kanila para magserbisyo ay nagdudulot ng mas maraming kapahamakan kaysa kabutihan.

I. Para Magmanman sa Iglesia

Ngayon, pagbabahaginan natin ang huling punto sa paksa ng layon ng isang tao sa pananampalataya sa Diyos. Maliban sa nauna nang nabanggit na walong punto, may isa pang uri ng tao na ang pakay at intensyon sa pananampalataya sa Diyos ay hindi wasto. Ano ang ipinagkaiba nila sa mga nabanggit sa itaas na inuudyukan lang ng mga benepisyo, ginagawa ang makakaya nila para hangarin ang kasikatan, pakinabang, at katayuan? Ang ganitong uri ng tao ay hindi pumapasok sa iglesia para maging isang opisyal, para sa katayuan o tuloy-tuloy na pagkakakitaan, o para mapagaan ang kanilang buhay, at iba pa; mayroon silang isang pakay na mahirap matuklasan ng mga ordinaryong tao. Ano ang pakay na ito? Ito ay para manmanan at kontrolin ang iglesia. Ang pagmanman sa iglesia ang ikasiyam na punto sa paksa ng layon ng isang tao sa pananampalataya sa Diyos. Ang mga tao na ito ay pumapasok sa iglesia na may gampaning manmanan ito, nilalayong kontrolin ang daloy ng pag-unlad ng iglesia. Ang mga taong nagpapadala sa kanila, ang kanilang mga nakatataas o amo, ay maaaring kumatawan sa pamahalaan, sa isang partikular na relihiyosong grupo, o isang organisasyon sa lipunan. Dahil sila ay hindi pamilyar sa iglesia, puno ng pagkamausisa, at nababahala pa nga tungkol sa paglitaw, pagkakabuo, at pag-iral ng iglesia, may intensyon silang malalim na unawain ang iglesia, alamin ang tungkol sa estruktura ng iglesia, ang gawain, at iba’t ibang sitwasyon nito. Samakatwid, may ilang tao na ipinadadala sa iglesia para magsagawa ng trabaho ng pagmanman. Iyong mga nagsasagawa ng trabaho ng pagmanman sa iglesia, nagmula man sila sa pamahalaan, mga relihiyosong grupo, o anumang organisasyong panlipunan, ay may layon sa pananampalataya sa Diyos na ganap na naiiba mula sa layon ng mga totoong kapatid. Hindi sila narito para tanggapin ang pagliligtas ng Diyos; hindi sila pumarito para tanggapin ang mga salita ng Diyos, ang katotohanan, at ang pagliligtas ng Diyos batay sa pananampalataya at pagkilala sa Diyos. Ang pananampalataya nila sa Diyos ay may kasamang mga pampolitikang pakay o isang gampaning ibinigay ng anumang organisasyon. Kaya, ang pagmanman sa iglesia ay parehong pakay nila sa pagpasok sa iglesia at sa pananampalataya sa Diyos, at isang gampaning itinalaga ng kanilang mga nakatataas; ito ay isang trabaho na ginagawa nila para sumweldo sila.

Para sa mga pumapasok sa iglesia para manmanan ito, ano ba ang minamanmanan nila? Minamanmanan nila ang maraming aspekto, tulad ng mga katuruan ng iglesia, mga layunin nito, kung ano ang itinataguyod nito, ang gawain nito, at ang mga kaisipan at pananaw ng mga miyembro nito, tinatasa kung makapagdudulot ba ito ng anumang pinsala sa pamahalaan, mga relihiyon, o lipunan. Sinisiyasat nila ito para sa anumang pahayag na kontra sa lipunan, kontra sa pamahalaan, o kontra sa estado pagdating sa pananalita. Pagdating naman sa mga katuruan, minamanmanan nila kung ano ba mismo ang mga ideyang itinataguyod ng iglesia. Maaaring hindi maging madali sa iyo na matuklasan ang mga indibidwal na ito kapag pinapasok nila ang iglesia dahil maaaring nakikinig sila nang mabuti at seryosong nagtatala nang hindi nakakatulog tuwing may mga pagtitipon. Maaari pa ngang taimtim nilang ibinubuod ang mga sinasabi ng iba’t ibang indibidwal sa bawat pagtitipon, sa huli ay ibinubuod at ikinakategorya ang iba’t ibang kaisipan at pananaw ng iba’t ibang tao para makita kung alin ang umaayon sa mga interes at hinihingi ng pambansang pamahalaan, at kung alin ang nakasasama sa pamamahala ng estado, salungat sa pamahalaan, at iba pa. Maaaring metikuloso nilang ibuod at ikategorya ang malalalim na pananaw na ito ng mga miyembro ng iglesia, nagtatala. Bakit nila ginagawa ito? Dahil ito ang trabaho nila, ang gampanin nila; dapat silang mag-ulat sa kanilang mga nakatataas. Ito ang unang bahagi ng trabaho nila: ang maarok ang mga katuruan ng iglesia at ang mga ideolohikal na ingklinasyon ng lahat ng miyembro nito. Sa sandaling paniwalaan nila na ang mga ingklinasyong ito ay naglalaman ng mga elementong nakasasama sa lipunan o sa estado, o kung pinaniniwalaan nilang lumilitaw ang ilang radikal na kaisipan at pananaw, kaagad nilang iuulat at sasabihin ito sa kanilang mga nakatataas para maisagawa ang mga naaangkop na hakbang. Ang nilalayon nilang unang maunawaan ay ang mga katuruan ng iglesia—isa ito sa mga pangunahing trabaho nila sa pagmanman sa iglesia—kasunod ay ang impormasyon tungkol sa mga tauhan ng iglesia. Halimbawa, nangangalap sila ng impormasyon sa kung sino ang mga nakatataas na lider ng iglesia, pati na ang tirahan, edad, itsura, antas ng pinag-aralan, mga interes at libangan, mga kalagayang pangkalusugan ng mga ito, kung ano ang pinag-uusapan ng mga ito sa pang-araw-araw na buhay, kung saan nagpupunta ang mga ito, anong trabaho ang ginagawa ng mga ito, gayundin kung anong oras nagtatrabaho araw-araw ang mga ito at ang nilalaman ng trabaho ng mga ito. Tinitingnan ng mga nagmamanman kung ang mga lider na ito ay gumawa ba ng anumang pahayag o nagsagawa ng anumang pagkilos na laban sa pamahalaan, laban sa mga relihiyon, o laban sa mga kalakaran ng lipunan, gayundin ang mga reaksiyon ng mga lider na ito sa sistema ng pamamahala at sa mga kasalukuyang nangyayari sa politika sa bansa, bukod pa sa ibang mga bagay. Ang lahat ng ito ay aspekto na nilalayong arukin niyong mga nagmamanman sa iglesia. Dagdag pa rito, patuloy rin nilang binibigyang-pansin ang mga estruktura at administratibong estruktura ng iglesia. Halimbawa, minamatyagan nila kung sino ang mga lider at manggagawa ng iglesia, kung anong antas ng mga lider ang tinanggal, kung anong mga pagsasaayos ang ginawa para sa mga ito matapos tanggalin, kung sinong mga lider ang inaresto, at kung sino ang humalili sa gawain ng mga ito pagkatapos. Nangangalap sila ng mga impormasyon tungkol sa edad, kasarian, tagal ng pananampalataya sa Diyos, at antas ng pinag-aralan ng kahalili, at—kung may mga talento ba ang mga ito at nagtapos sa unibersidad—kung mayroon ba itong anumang negatibong epekto sa bansa o lipunan, at kung maaari kaya itong kuning magtrabaho sa mga kagawaran ng pamahalaan, bukod pa sa ibang partikular na impormasyon. Gusto pa nga nilang malaman ang mga partikular na lider ng iglesia na magsisimula o tinatanggal sa posisyon nila. Ibig sabihin, ang estado ng mga tauhan, partikular na gawaing administratibo, at ang estruktura ng iglesia ay pawang aspektong nilalayon nilang maging pamilyar sa kanila. Bukod pa rito, nilalayon nilang ganap na maarok ang impormasyon tungkol sa kung gaano karaming aytem ng gawain mayroon sa iglesia, ilang grupo ang mayroon, at ang mga detalye ng mga superbisor ng bawat grupo, bukod pa sa ibang mga bagay. Nag-iikot-ikot sila para magtanong, magmasid, at matuto, isinasagawa ang trabaho nila nang labis na detalyado. Ang trabahong dapat gawin at gampaning dapat isakatuparan ng ganitong uri ng mga tao na pinapasok ang iglesia ay ang kaagad na maarok ang lahat ng aspekto ng sitwasyon ng iglesia at ang iba’t ibang nangyayari dito para makamit ang layunin ng pagmanman sa iglesia. Kinapapalooban ito, halimbawa, ng kung paano umuunlad ang iglesia sa labas ng bansa, ilang bansa na ang napalaganapan ng ebanghelyo, at sa aling mga bansa itinatag ang mga iglesia—kailangan nilang maarok ang lahat ng detalyeng ito. Ang mga ito ang mga pangunahing gampaning isinasakatuparan nila sa pagmanman sa iglesia: Una, ang arukin ang mga katuruan ng iglesia; ikalawa, ang arukin ang sitwasyon ng mga tauhan ng iglesia; at ikatlo, ang arukin ang estado ng gawain ng iglesia at ang mahahalagang dynamics rito kamakailan. Ganap silang kumikilos bilang mga kasabwat at alipores ni Satanas, ng malaking pulang dragon; sila ay tunay na mga alipin ni Satanas.

Ang ganitong uri ng mga tao na nagmamanman sa iglesia ay pinapasok ang iglesia para sa pakay na maarok ang impormasyong nauugnay sa mga katuruan ng iglesia, mga tauhan, mga kalakaran sa gawain ng iglesia, laki ng iglesia, at iba pang aspekto. Nilalayon nilang arukin ang bawat isa sa mga aspektong ito at pagkatapos ay iulat ang mga ito sa kanilang mga nakatataas, na maaaring, sa anumang oras, ay bumuo ng mga kaukulang plano sa patakaran o mga hakbang para harapin ang iglesia batay sa sitwasyon. Sa madaling salita, tiyak na hindi mabuti ang pakay nila sa pagmanman sa iglesia. Kung hindi, bakit pa rin nila minamanmanan ang iglesia, gayong hindi naman ito nagdudulot sa kanila ng yaman o benepisyo? Hindi ba’t dahil ito sa nababahala sila sa pag-iral ng iglesia? Hindi sila naniniwala na ang iglesiang itinatag at pinangungunahan ng Diyos ay binubuo ng mga taong dalisay na nananampalataya sa Diyos, na walang kaugnayan sa estado, lipunan, o mga pampolitikang grupo at organisasyon. Subalit gaano man nila siyasatin ang iglesia, patuloy pa rin silang nababahala. Bakit? Dahil sila ay mga ateista, hindi kumikilala sa Diyos, at namumuhi rin sa katotohanan. Samakatwid, kaya nilang magsagawa ng mga hangal at kakatwang pagkilos tulad ng pang-aapi at pag-aresto sa mga mananampalataya, pati na rin ang pagmanman sa iglesia. Bakit sila gumagamit ng mga hakbang sa pagmanman at paglaban sa iglesia? Dahil ang pinakamalaking pangamba nila ay na ang masyadong paglaki ng iglesia at pagkakaroon nito ng napakaraming miyembro ay magkakaroon ng malaking epekto sa bansa, pamahalaan, at lipunan, at na magiging banta at impluwensiya pa nga ang mga ito sa mga tradisyonal na kultura at mga tradisyonal na relihiyosong grupo. Ito ang tunay na dahilan sa likod ng kanilang pagmanman at paglaban sa iglesia. Samakatwid, itinuturing nila ang pagmanman at paglaban sa iglesia bilang isang pampolitikang gampanin na dapat maisakatuparan.

Ang ganitong uri ng mga tao na nagmamanman sa iglesia ay maaaring mahirap makilatis sa loob ng iglesia dahil may mga nakatagong motibo sila at malalim nilang ikinukubli ang sarili nila para hindi sila matuklasan ng iba. Kaya, maaaring makiayon sila sa nakararami sa iglesia, walang ginagawang anumang kakaiba, mukha talagang may magandang asal, at hindi kailanman nagpapahayag ng mga salungat na pananaw tungkol sa gawaing ginagawa ng iglesia. Gayumpaman, may katangian ang mga indibidwal na ito: Maligamgam sila sa pananampalataya sa Diyos, hindi masyadong aktibo o masyadong pasibo tungkol dito. Kaya nilang gawin ang ilan sa mga tungkuling itinalaga sa kanila, subalit hindi nila kailanman ibinubunyag ang mga personal nilang detalye, tulad ng kung saan sila nagtatrabaho, ang sitwasyon ng pamilya nila, o kung nanampalataya na sila sa Diyos noon. Kung may sinumang magbanggit ng pagtatrabaho sa isang kagawaran ng pamahalaan, labis silang umiiwas, iniiwasang magbigay ng anumang opinyon tungkol sa pamahalaan, politika, mga polisiya, o relihiyon. Ang pag-uugali nila ay mailalarawan na pag-iwas sa anumang sensitibong paksa; hindi nila pinupuna o pinupuri ang pamahalaan, ni tinatalakay ang mga polisiya nito o ang sistema ng pamamahala. Kapag may nagtukoy na ang isang indibidwal ay isang espiya, nagiging labis silang kabado at maaaring mabilis pa ngang tumayo para ipagtanggol ang sarili nila. Bukod sa pagiging kabado, mapapansin mo rin mula sa titig nila ang pagkahilig na umiwas sa mga gayong sensitibong paksa; iniiwasan nila ang sinumang maaaring makakita sa tunay nilang pagkatao. Bukod pa rito, madalas silang tumanggap ng mga tawag mula sa mga di-kilalang numero, o nakikisalamuha at nakikipag-ugnayan sila sa mga misteryosong indibidwal na hindi konektado sa iglesia, at sa sandaling sagutin nila ang isa sa mga tawag na ito, lumalayo sila mula sa iba. Kung may makakita man sa kanila sa mga oras na ito, halatang nagiging balisa sila, namumula, at mukhang labis na nababahala, natatakot na baka matuklasan ang pagkakakilanlan nila. Maliban sa patagong pangangalap ng impormasyon tungkol sa iglesia, nagtatanong-tanong din sila paminsan-minsan tungkol sa kalagayan ng mga kapatid, nagtatanong ng mga bagay tulad ng, “Ilang taon ka nang nananampalataya sa Diyos? Nananampalataya ba ang mga magulang mo? Nasa mainland ba ang mga miyembro ng pamilya mo? Sa mga miyembro ng pamilya mo na nasa mainland, sino-sino ang nananampalataya sa Diyos, at ilang taon na? Ilang taon na sila? Ilang tao ang nasa inyong lokal na iglesia? Kumusta na sila ngayon?” Paminsan-minsan, naghahanap sila ng sensitibo at pribadong impormasyon na ayaw ibahagi ng mga tao. Sa mga pangkalahatang pakikipag-ugnayan sa pagitan ng mga kapatid, walang sinuman ang sadyang o aktibong nagtatanong ng sensitibong personal na impormasyon kung ayaw ng isang tao na magbahagi. Gayumpaman, ang indibidwal na ito ay nagbibigay ng espesyal na pansin sa gayong mga usapin, at umaabot pa nga sa puntong minamatyagan niya ang mga galaw ng ilang lider at manggagawa o ng mga taong namamahala sa mahahalagang gawain, sinusubukang makuha ang datos na nasa mga kompyuter at cellphone ng mga taong ito o ang impormasyon tungkol sa kanilang tirahan, iginigiit na imbestigahang mabuti ang mga detalyeng ito. Kung mapansin niyang hindi dumalo ang isang lider sa isang pagtitipon, magtatanong siya, “Wala si Ganito-at-ganyan sa pagtitipon ngayon. Ano ba ang ginagawa niya?” Kung may magsasabing abala ang lider na ito, magtatanong pa siya: “Abala sa anong bagay? Dinidiligan ba niyang muli iyong mga bagong mananampalataya? Sino-sino ang bagong mananampalatayang iyon? Kailan sila nagsimulang manampalataya? Bakit hindi ko alam ang tungkol dito?” Patuloy siyang nag-iimbestiga nang husto. Sinasabi ng mga kapatid na, “Kung hindi natin dapat malaman, huwag tayong magtanong. Bakit kailangan pang patuloy na magtanong? Hindi naman ito tungkol sa buhay pagpasok, wala itong kinalaman sa katotohanan; hindi ito kailangang malaman.” Na sinasagot naman ng tagamanman ng, “Subalit ang mga ito ay mga usapin ng sambahayan ng Diyos, ng gawain ng iglesia; bakit hindi natin ito maaaring malaman? Nananampalataya tayong lahat sa Diyos, at hindi nakasasama ang kaunting kaalaman. Kung ayaw ninyong malaman, ibig sabihin ay hindi ninyo pinahahalagahan ang gawain ng iglesia o ang mga lider ng iglesia. Sino ba talaga ang kinatagpo ng lider? Ilan ang mga bagong mananampalataya roon? Nasaan sila? Gusto ko rin silang makilala.” Palagi siyang nagtatanong tungkol sa mga usaping ito.

May isa pang gampanin na pinagtutuunan ng pinakamalaking pansin ng mga sumusubaybay sa iglesia, at ito ay ang pag-arok sa kalagayang pinansyal ng iglesia. Sa isang banda, hinahangad nilang maunawaan ang mga pinagkukunan ng pondo ng iglesia. Gusto nilang malaman kung ang iglesia ay nagtayo ba ng mga pabrika o negosyo, nagmamay-ari ng mga pabrikang nang-aabuso sa mga manggagawa, gumagamit ng mga batang manggagawa, at kung ang iba’t ibang aytem ba ng gawain ng iglesia ay kinasasangkutan ng mga kumikitang proyekto. Halimbawa, kung ang paggawa ng iglesia ng mga video, pelikula, himno, at paglilimbag ng mga aklat ng mga salita ng Diyos ay kumikita ba o nakapagbibigay ng sobra-sobrang kita; kung ano ang mga pinagkukunan ng pondo ng iglesia; kung may mayayamang indibidwal bang nagbibigay ng donasyon para suportahan ang iglesia; kung kasama ba sa mga indibidwal na ito ang mga elitistang politiko o mga multimilyonaryo at bilyonaryo—ito ang mga detalye na nais nilang maarok. Bukod sa pag-unawa sa mga administratibong estruktura at mga pinansiyal na pinagkukunan ng iglesia, nilalayon din nilang maarok ang pag-iingat ng pondo ng iglesia, na may layong mamatyagan ang direksiyon ng mga pondong ito. Kung paano ginagastos ng iglesia ang pera nito, kung sangkot ba ito sa anumang ilegal na gawain, kung nag-oorganisa ba ito ng mga elitista sa lipunan o nakikipagtulungan sa iba’t ibang panlipunang organisasyon at grupo para magkakasamang tutulan ang mga diktatoryal na pamahalaan at itaguyod ang mga karapatang pantao, at iba pa—ang mga ito ay ilan din sa mahahalagang sitwasyon na nilalayon nilang maarok. Itinatanong ng ilang tao: “Ang pagsubaybay ba sa iglesia ay isinasagawa lang ng bansa ng malaking pulang dragon?” Tumpak ba ang pahayag na ito? Ang totoo, ang buong mundo at ang buong lipunang pantao ay lumalaban sa Diyos. Hindi lang ang mga bansang nasa ilalim ng diktatoryal na pamumuno ang lumalaban sa Diyos; kahit sa mga tinatawag na Kristiyanong bansa, ang karamihan ng nasa kapangyarihan ay mga ateista at mga walang pananampalataya, at maging sa mga may kapangyarihan na may pananalig o na nagpapahayag na Kristiyano sila, kakaunti lang sa kanila ang kayang tumanggap sa katotohanan. Karamihan ng tao ay hindi kumikilala, at lalong hindi tumatanggap, sa katotohanan. Kaya, hindi ba’t ang mga ito ay mga taong nananampalataya sa Diyos subalit lumalaban sa Kanya? Halimbawa, sa mga relihiyon tulad ng Kristiyanismo, Katolisismo, at Hudaismo sa Israel, ang mga nasa matataas bang posisyon ay binubuo ng mga taong tumatanggap sa katotohanan? Hindi, hindi talaga. Wala sa kanila ang pumupunta para imbestigahan ang gawain ng Diyos; wala ni isa sa kanila ang kayang tumanggap sa katotohanan. Sa mas tumpak na pananalita, lahat sila ay mga hindi mananampalataya; lahat sila ay lumalaban sa Diyos at mga anticristo. Ginugulo at sinasabotahe nila ang gawain ng Diyos at brutal nilang pinipigilan at inuusig ang mga sumusunod sa Diyos, na napatutunayan ng pagtrato nila sa gawain ng Diyos sa mga huling araw. Aling denominasyon ang nagpapahintulot sa mga mananampalataya nito na malayang imbestigahan ang tunay na daan, pakinggan ang mga mangangaral mula sa labas, o tumanggap ng mga estranghero? Wala ni isa ang makagagawa nito. Aling lahi o bansa ang magiliw sa iglesia? (Wala.) Kapuri-puri na kung pagkakalooban ka nila ng kaunting kalayaan sa relihiyon at kaunting espasyo para makahinga. Inaasahan mo pa bang susuportahan ka nila bukod pa rito? Kapag lumilitaw ang iglesia ng Diyos o kapag nagsisimula nang mangaral ng ebanghelyo ang iglesia, ang mga taong ito na hindi man lang nananampalataya sa pag-iral ng Diyos at na nakararamdam ng malaking pagkasuklam at pagkapoot sa mga katotohanang ipinahahayag ng Diyos ay nagsasagawa ng isang espesyal na trabaho, ang magtalaga ng mga indibidwal para masusing subaybayan ang iglesia. Ang ibig sabihin ng “subaybayan” dito ay manmanan, arukin at kontrolin; ibig sabihin, mahigpit na manmanan, arukin, at kontrolin ang lahat ng aspekto ng iglesia sa bawat panahon. Sinasabi ng ilang tao na: “Hindi naman nila hayagang kinondena o tinutulan ang gawain ng Diyos, at hindi rin kami nagdusa ng pang-uusig o panliligalig sa aming lokal na buhay. Pakiramdam namin ay mas mabuti at mas ligtas na manampalataya sa Diyos, magtipon, gumawa ng aming tungkulin, at magpalaganap ng ebanghelyo sa ibang bansa kaysa sa bansa ng malaking pulang dragon. Wala kaming naranasang anumang pangingialam.” Hindi mo dapat itanggi ang gawain nila ng pagsubaybay sa iglesia dahil lang walang pangingialam at may kaunting kalayaang ipinagkaloob sa iyo. Ang kaunting kalayaan sa relihiyon na ipinagkaloob sa iyo ay isang pangunahing institusyong panlipunan; ang tinatamasa mo ay mga pangunahing karapatan lang ng sinumang mamamayan sa bansang iyong pinaninirahan. Ang pagtamasa sa mga pangunahing karapatang ito ay hindi nangangahulugang ang pambansang pamahalaan, mga grupong panlipunan, o ang relihiyosong mundo ay tinatanggap at kinikilala na ang gawain ng Diyos at ang gawain ng iglesia, na naging magiliw na ito, o na nawala na ang anumang pagkamapanlaban at pagsubaybay. Hindi ba’t ganoon ang kaso? (Oo.) Ang usaping ito ay hindi abstrakto, hindi ba? (Hindi, hindi nga.)