Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (23) Ikalimang Seksiyon
H. Para Hangarin ang mga Pampolitikang Pakay
Sunod, magbabahaginan tayo tungkol sa ikawalong layon: pananampalataya sa Diyos nang may mga pampolitikang layon at mga pampolitikang pakay. Ang posibilidad ng paglitaw ng gayong mga indibidwal ay hindi napakataas, subalit gaano man ito kaposible, hangga’t may posibilidad na lilitaw ang mga taong ito, dapat nating itala ang mga halimbawa nila, at ilantad sila, magbahaginan tungkol sa kanila, at ilarawan sila. Dapat nating gawin ito para magkaroon ang lahat ng pagkilatis sa kanila, at pagkatapos ay mapaalis sila sa lalong madaling panahon, sa gayon ay mapipigilan ang pagdudulot ng suliranin at panganib sa iglesia at sa mga kapatid. Ginagawa ito para protektahan ang iglesia at ang mga kapatid. Samakatwid, iyong mga nananampalataya sa Diyos nang may mga pampolitikang pakay ay mga tao na dapat nating kilatisin at dapat tayong mag-ingat laban sa kanila, at sila rin ay masasamang tao na dapat paalisin ng iglesia sa lalong madaling panahon. Ano ang mga pagpapamalas niyong may mga pampolitikang pakay? Hindi nila sasabihin sa iyo ang mga tunay nilang iniisip. Hindi nila malinaw na sasabihin na, “Interesado lang ako sa politika, gusto kong lumahok sa politika, kaya nananampalataya ako sa Diyos nang may mga pampolitikang pakay at mga pampolitikang layon, at hindi para sa iba pang dahilan. Maaari ninyo akong pangasiwaan sa anumang paraang tingin ninyo ay nararapat.” Sasabihin ba nila ito? (Hindi.) Kaya, ano ang mga pagpapamalas na mayroon sila na nagpapahintulot sa iyo na makilatis na sila ay may mga pampolitikang pakay? Ibig sabihin, anong mga salita ang sinasabi nila, anong mga bagay ang ginagawa nila, anong mga ekspresyon, mga tingin ng mata, at mga tono ng pananalita ang sapat para makumpirma mo na ang layon nila sa pananampalataya sa Diyos ay hindi dalisay? Anuman ang sabihin o gawin nila, itinatago nila ang mga bagay-bagay sa kanilang puso, at walang makaarok ng mga ito. Mayroon silang espesyal na pagkakakilanlan at pinagmulan; mula sa kanilang pananalita at pag-uugali, makikita na mayroon silang mga pakana at masasamang plano, at na ang paraan nila ng pananalita at paggawa ng mga bagay ay estratehiko. Kapag nagsasalita sila, hindi maaarok ng karaniwang tao ang mga tunay na motibo o kaisipan nila, at kung bakit nila sinasabi ang mga bagay na iyon. Bagama’t sa panlabas ay hindi nagpapakita ng poot o panghuhusga ang mga taong ito sa pananampalataya sa Diyos o sa pagbabahaginan sa katotohanan, at maaari pa ngang magpakita ng kaunting pagkagiliw sa mga bagay na ito, mararamdaman mo lang na kakaiba sila—naiiba sila sa ibang mga kapatid at medyo di-maarok. Ano ang karaniwang ginagawa mo sa mga taong medyo di-maarok? Nag-iingat ka lang ba laban sa kanila sa isang simpleng paraan? O nagkukusa ka para imbestigahan sila at alamin kung ano talaga ang mayroon sa kanila? (Dapat natin silang obserbahan.) Anuman ang ginagawa ng isang tao, ang layon at mga pakay niya ay karaniwang hindi madaling nailalantad sa loob ng maikling panahon. Subalit habang mas maraming panahon ang lumilipas—maliban kung wala talaga siyang ginagawa—kapag kumikilos siya, tiyak na mailalantad niya ang kanyang tunay na pakay. Obserbahan at hanapin ang mga palatandaan mula sa maliliit na detalye—maaari mong matuklasan ang ilang impormasyon at mga palatandaan mula sa kanyang pananalita at pag-uugali, mula sa intensyon at direksiyon ng kanyang mga pagkilos, at mula sa mga salita at tonong ginagamit niya kapag nagsasalita. Ang kakayahang gawin ito ay nakasalalay sa kung ikaw ba ay metikuloso at kung may partikular na antas ka ng talino at kakayahan. Hindi magawang makilala ng ilang hangal ang panganib at kalupitang umiiral sa lipunan ng tao; sinuman ang kanilang nakakaharap, palagi silang gumagamit ng parehong paraan para makisalamuha sa mga ito. Bilang resulta, kapag nakakaharap nila ang mga tuso at mapanlinlang na politiko na may mga pampolitikang pakay, madali silang nagiging mga Hudas at mga kasangkapan para ipagkanulo ang iglesia, at di-namamalayang gumagawa ng mga hangal na bagay na bumibitag sa iglesia.
Ano nga bang mga pagpapamalas mayroon ang mga taong ito na may mga pampolitikang pakay? May isang partikular na panlipunang pinagmulan ang mga taong ito; sila ay mga indibidwal na nakikihalubilo sa mga samahang politikal. Anuman ang katayuan nila sa mga samahang politikal, sila man ay mga opisyal, gumagawa ng kung ano-anong trabaho, o naghahanda na magkaroon ng katayuan sa mga samahang politikal, sa madaling sabi, ang mga taong ito ay may politikal na pinagmulan sa lipunan; ito ay isang komplikado at espesyal na sitwasyon. Hindi mahalaga kung naniniwala man ang mga taong ito sa pag-iral ng Diyos, batay sa mga hangarin nila, sa mga landas na tinatahak nila, at sa kalikasang diwa nila, maaari ba na ang mga taong ito ay maging mga taos-pusong nananampalataya sa Diyos? Maaari ba silang magbago mula sa pagiging mga hindi mananampalataya, mula sa pagiging mga politikong masigasig sa politika, tungo sa pagiging mga taos-pusong nananampalataya sa Diyos? (Hindi.) Sigurado ka ba? O mayroon bang posibilidad? (Ganap na wala.) Tiyak na imposible ito. Ang pananampalataya sa Diyos at ang politika ay dalawang magkaibang landas; nabubuo ang dalawang landas na ito sa magkasalungat na direksiyon, walang mga pagkakatulad, at ganap na hindi maaaring magkasalubong. Ganap na magkaibang landas ang mga ito. Samakatwid, iyong may mga pampolitikang pakay o mahilig at masigasig sa politika, kahit na manampalataya sila sa Diyos nang walang anumang mga tahasang pampolitikang layon, ay nagkikimkim pa rin ng iba pang mga layon; at tiyak na ang layon nila ay hindi para makamit ang katotohanan o maligtas. Kahit papaano, matutukoy na hindi sila taos-pusong nananampalataya sa Diyos. Kinikilala lang nila ang alamat na may Diyos subalit hindi nila kinikilala ang pag-iral ng Diyos o ang katunayan na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Kaya, ang mga taong ito ay hindi kailanman magbabago mula sa pagiging mga hindi mananampalataya na masigasig tungkol sa politika tungo sa pagiging mga totoong mananampalataya na naniniwala sa pag-iral ng Diyos, kayang tumanggap sa gawain ng Diyos, at tumanggap sa paghatol at pagkastigo ng Diyos.
Ano ba talagang mga layon mayroon ang mga hindi mananampalatayang ito na may mga pampolitikang pakay sa pananampalataya sa Diyos? Nauugnay ito sa kanilang mga paghahangad at sa mga propesyong nilalahukan nila. Halimbawa, may ilang tao na palaging may mga partikular na personal na hinihingi sa loob ng isang samahang politikal, na may mga dakilang pampolitikang layon at adhikain, at iba pa, na—anuman ang mga ito—ay pawang nauugnay sa politika. Ano ang ibig sabihin ng “politika”? Sa madaling salita, nauugnay ito sa mga rehimen, kapangyarihan, at pamamahala. Samakatwid, ang pananampalataya nila sa Diyos na may mga pampolitikang pakay ay nauugnay, siyempre, sa mga pampolitikang paghahangad nila. Kaya ano ang mga pakay nila? Bakit nagugustuhan nila ang mga tao sa iglesia? Gusto nilang gamitin ang institusyon na ang iglesia, ang malaking bilang ng mga tao sa iglesia, at ang impluwensiya ng mga taong ito sa iglesia mula sa iba’t ibang propesyon at antas panlipunan, para makamit ang mga layon nila. Matapos matutunan ang tungkol sa mga turo ng iglesia, ang operasyon ng iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia, ang paraan kung paano ipinapamuhay ng hinirang na mga tao ng Diyos ang buhay iglesia, ang pagsasagawa nila ng tungkulin, at iba pa, sinusubukan nilang isama ang sarili nila sa iglesia. Pinanghahawakan nilang maigi sa kanilang isipan ang mga bagay tulad ng espirituwal na terminolohiya at iba’t ibang ekspresyon na madalas gamitin sa pagbabahaginan ng hinirang na mga tao ng Diyos, umaasang balang araw ay magagamit nila ang mga ito para hikayatin ang lahat na makinig sa kanila, upang magamit nila, sa gayon ay makakamit ang mga pampolitikang layon nila. Katulad ng sinasabi ng mga walang pananampalataya, pagkatapos na ang mga bagay-bagay ay mamuo sa loob ng ilang panahon, kapag kaya nilang magtaas ng bandila at mang-udyok ng mga tao na maghimagsik, mas maraming tao ang tutugon sa tawag nila at susunod sa kanila, para magkamit sila ng bahagi ng mga tao sa iglesia upang maging puwersa nila para labanan ang kanilang mga karibal. Ang gayong mga bagay ay nangyari na ng ilang beses sa kasaysayan ng makabagong Tsina. Halimbawa, ang Rebelyong White Lotus at ang Rebelyong Taiping noong Dinastiyang Qing ay mga pangyayari kung saan ginamit ng mga tao na may mga pampolitikang pakay ang relihiyon para labanan ang pamahalaan. Ang mga turo ng kanilang mga relihiyon ay lumihis sa tunay na daan at may maraming kakatwa at katawa-tawang aspekto na hindi talaga tumugma sa katotohanan. Ginamit niyong may mga pampolitikang pakay ang gayong mga turo para pagkaisahin ang isipan ng mga tao, bigkisin ang kanilang isipan, at impluwensiyahan at indoktrinahan ang kanilang isipan. Sa huli, sinamantala nila ang mga taong ito na inindoktrinahan para makamit ang kanilang mga pampolitikang layon. Mula sa simula, kapag ang mga taong ito na may mga pampolitikang pakay ay nanampalataya sa Diyos, ang pangalan ng iglesia ang gusto ng mga ito. Ibig sabihin, maitatago nila ang kanilang pagkakakilanlan at ang kanilang mga pakay sa ilalim ng titulo ng institusyon na ang iglesia—ito ay isang aspekto. Ang isa pa ay iniisip nila na hangga’t ipinapakalat nila ang kanilang mga pampolitikang pananaw sa ilalim ng bandila ng pananampalataya sa Diyos, magiging napakadaling indoktrinahan ang mga tao sa iglesia, at na ang mga taong ito ay malamang na sasamba at makikinig sa mga sikat na tao. Dahil dito, malamang na tingnan ng mga indibidwal na ito na may mga pampolitikang pakay ang mga tao sa iglesia bilang mga bagay na magagamit. Naniniwala sila na napakadali para sa iglesia na maging isang lugar kung saan maaari nilang itago ang kanilang pagkakakilanlan, at na ang mga miyembro ng iglesia ay mga bagay na madali nilang magagamit—sa madaling salita, ganito nila nakikita ang mga bagay-bagay. Samakatwid, ang layon nila sa pagsali sa iglesia ay para umasa na isang araw, kapag nasa tuktok na sila, malalabanan nila ang mga karibal nila sa politika at magkakamit sila ng kapangyarihan—ito ang kanilang pampolitikang pakay. Gusto nilang gamitin ang huwad na dahilan ng pananampalataya sa Diyos para gawing bahagi ng politikal na saklaw ng impluwensiya nila ang mga taong umiidolo at sumusunod sa kanila. Sinasabi ng ilang tao na, “Maaaring mayroon silang ganitong layon, subalit kung hindi sila gagawa ng anumang galaw, sa pinakamalala ay makikita lang namin na sila ay mga hindi mananampalataya o mga huwad na mananampalataya. Paano namin makikita na mayroon silang malinaw na mga pampolitikang layon?” Hindi ito mahirap. Maglaan lang ng oras para mag-obserba. Hangga’t may mga pampolitikang pakay sila, tiyak na kikilos sila. Kung ayaw nilang kumilos, bakit pa nila pinasok ang iglesia? Kung hindi pa sila kumikilos, ito ay dahil hindi pa nila nahahanap ang pagkakataon. Kapag nagkaroon na sila ng pagkakataon, kikilos sila nang naaayon. Halimbawa, kung ang pamahalaan ay nagpapatupad ng isang maling patakaran o sinusugpo at inaaresto ang hinirang na mga tao ng Diyos, tatalakayin at kikilatisin lang ng mga kapatid ang usaping ito, at doon na iyon magtatapos. Anuman ang mangyari, ang pananampalataya sa Diyos, ang paggawa ng kanilang mga tungkulin, at ang pagsunod sa kalooban ng Diyos ang mahalaga. Hindi nila isasakripisyo ang mahalagang bagay para sa maliliit na bagay; magpapatuloy silang manampalataya sa Diyos at gawin ang mga tungkulin nila sa paraang nararapat, gaya ng nakasanayan. Gayumpaman, iba ang mga tao na may mga pampolitikang pakay. Palalakihin nila ang usapin, walang tigil na ilalantad at malawakang isasapubliko ito, at desperadong gugustuhin na udyukan ang lahat na maghimagsik laban sa pamahalaan para maisulong ang sarili nilang mga pampolitikang pakay, at hindi sila titigil hangga’t hindi nila nakakamit ang kanilang mga layon. Alang-alang sa pakikibahagi sa politika, ganap nilang isinasantabi ang mga usapin ng pananampalataya sa Diyos at pagtupad sa kanilang mga tungkulin, at binabalewala ang mga hinihingi ng Diyos sa tao at ang mga layunin ng Diyos. Ganito sila kabaliw—hindi pa rin ba sila makikilatis ng mga tao? Ang gayong mga indibidwal ba ay sumusunod sa Diyos o sumusunod sa politika? Ang ilang tao, na walang pagkilatis, ay madaling maililihis. Hindi alam ng mga taong ito na nakikibahagi sa politika kung ano ang katotohanan, at lalong hindi nila nauunawaan na ang gawain ng Diyos ay ang linisin ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao at iligtas sila mula sa impluwensiya ni Satanas. Iniisip nila na ang pakikisali sa mga karapatang pantao at sa politika ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng pagpapahalaga sa katarungan at pagpapasakop sa Diyos. Ang pakikisali ba sa politika at mga karapatang pantao ay nangangahulugan na ang isang tao ay may katotohanang realidad? Nangangahulugan ba ito na ang isang tao ay nagpapasakop sa Diyos? Gaano kahusay mo mang pinangangasiwaan ang mga karapatang pantao at politika, nangangahulugan ba ito na nalinis na ang iyong tiwaling disposisyon? Nangangahulugan ba ito na nalinis na ang iyong ambisyon at pagnanais na humawak ng kapangyarihan? Hindi maunawaan ng maraming tao ang mga isyung ito. Mukhang Kristiyano rin si Sun Yat-sen. Noong nasa panganib siya, nanalangin siya sa Diyos para iligtas siya. Ginugol niya ang buong buhay niya sa pakikibahagi sa rebolusyon—natanggap ba niya ang pagsang-ayon ng Diyos? Siya ba ay isang taong nagsagawa ng katotohanan at nagpasakop sa Diyos? Mayroon ba siyang patotoong batay sa karanasan sa pagsasagawa ng mga salita ng Diyos? Wala siya ng lahat ng ito. Matapos tawagin si Pablo, siya ay patuloy na nangaral ng ebanghelyo at nagdusa ng maraming paghihirap, subalit dahil hindi siya tunay na nagsisi, walang buhay pagpasok, paulit-ulit na ginawa ang mga parehong pagkakasala na dati na niyang ginagawa, at itinaas at pinatotohanan ang sarili niya sa bawat pagkakataon, naging anticristo siya at pinarusahan. Anuman ang mangyari, ang pananampalataya sa Diyos nang hindi tinatanggap ang katotohanan, ang palaging paghahangad ng kasikatan at katayuan, at ang palaging pagnanais na maging isang superman o isang dakilang tao ay lubhang mapanganib. Ang lahat niyong may mga pampolitikang pakay ay mga anticristo. Hindi madaling isusuko ng mga taong ito ang pagsasakatuparan sa kanilang mga pampolitikang adhikain at palagi silang maghahanap ng mga pagkakataon para maudyukan at makuha ang mga mananampalataya bilang kanilang pampolitikang puwersa. Kung isang araw ay makikita nila na ang mga mananampalataya ay hindi madaling pagsamantalahan, na ang mga mananampalataya ay nagmamahal at naghahangad lang sa katotohanan, at na sumusunod lang ang mga ito kay Cristo at hindi sa mga tao, saka lang nila ganap na isusuko ang mga mananampalatayang ito.
Sa ugat, ang isipan ng mga tao na may mga pampolitikang pakay ay ganap na okupado ng mga ideyang may kaugnayan sa politika—kapangyarihan at impluwensiya, pamamahala, mga sabwatan, mga pamamaraan sa politika, at iba pa. Hindi nila nauunawaan kung ano ang ibig sabihin ng manampalataya sa Diyos, kung ano ang pananalig, kung ano ang katotohanan, at lalong hindi kung paano magpasakop sa Diyos. Hindi rin nila nauunawaan kung ano ang kalooban ng Langit. Ang mga prinsipyo nila sa pananatiling buhay ay “Mapagtatagumpayan ng tao ang kalikasan” at “Ang kapalaran ng isang tao ay nasa kanyang kamay.” Samakatwid, ang subukang baguhin ang gayong mga tao ay imposible at isa itong kahangalan. Madalas na nagpapakalat ang mga taong ito ng mga pampolitikang pananaw sa mga kapatid sa iglesia, hinihimok silang makisali sa mga pampolitikang gawain at makilahok sa politika. Napakalinaw na ang layon nila sa pananampalataya sa Diyos ay inuudyukan ng mga pampolitikang pakay. Mabilis at madaling makikilatis ng iba ang diwang ito. Ang mga tao na ito ay ganap na mangmang tungkol sa pananalig, pagtahak sa tamang landas, at pagpapasakop sa kalooban ng Langit—naniniwala sila na ang mga kaisipan at landas ng sinumang tao ay maaaring mabago gamit ang mga pampolitikang taktika, at lalong naniniwala sila na ang kapalaran ng isang tao ay maaaring mabago sa pamamagitan ng mga pamamaraan at diskarte ng tao. Samakatwid, ganap na mangmang sila tungkol sa malalim subalit halatang mga usapin ng mga batas ng kalikasan na nilikha ng Diyos at sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng tao; hindi sila dalubhasa pagdating sa mga bagay na ito at hindi talaga nila maunawaan ang mga ito. Ano ang ibig Kong sabihin sa pagsasabi nito? Kung makahanap ka ng sinuman na ang layon para sa pananampalataya sa Diyos ay inuudyukan ng mga pampolitikang pakay, talagang hindi mo siya dapat subukang baguhin o hikayatin, at hindi kailangang makipagbahaginan sa kanya ng napakaraming katotohanan. Bukod sa pag-iingat laban sa kanya, dapat mong ipaalam sa mga lider ng iglesia sa iba’t ibang antas o sa mga maaasahang kapatid ang tungkol sa kanya sa lalong madaling panahon, at pagkatapos ay humanap ng paraan para patalsikin siya sa iglesia. Hindi ka dapat palihim at tahimik na mag-ingat laban sa kanya nang hindi ito ipinaaalam sa iba. Kaya, anong uri ng mga tao ang maaaring magkaroon ng kaunting pagkilatis kaugnay sa mahihilig magsalita tungkol sa politika at may mga pampolitikang pakay? Ito ba ay ang mas matatandang tao o ang mga mas batang tao? Ito ba ay ang mga brother o mga sister? (Ang mas matatandang brother.) Tama iyan; ang mas matatandang brother, ibig sabihin, iyong mga may karanasan sa lipunan, nagkaroon ng ugnayan sa politika, o nakaranas ng politikal na pang-uusig—mga taong may kabatiran sa mga ganitong usapin—ay may kakayahang maunawaan nang medyo malinaw ang mga isyung pampolitika. Natural, makakapagsagawa sila ng kaunting pagkilatis sa mga nakikibahagi sa politika, at sa partikular, kaya nilang makita ang mga ambisyon at pagnanais ng mga ito, pati na ang mga kaisipan, pananaw, pangarap, at mga adhikain ng mga ito nang medyo may kalinawan. Samakatwid, medyo mas mabilis nilang makikilatis ang mga taong ito kumpara sa iba. Kapag nakilatis ng isang tao na ang mga taong ito ay may mga pampolitikang pakay at mga hindi mananampalataya, dapat silang mag-ingat laban sa mga ito at ilantad ang mga hindi mananampalatayang ito. Kasabay nito, dapat din nilang protektahan ang mga hangal at mangmang na tao na hindi nauunawaan ang katotohanan, pinipigilan sila na mailihis at mapagsamantalahan, at mula sa di-sinasadyang pagbubunyag ng ilan sa mga panloob na impormasyon ng iglesia. Kinakailangan na magbigay ng impormasyon sa mga lider ng iglesia at talakayin ang usaping ito sa kanila, at na ipaalam sa mas maraming mas matatandang tao o iyong mga nakauunawa ng kaunting katotohanan at may kaunting tayog para mag-ingat laban sa mga taong ito na may mga pampolitikang pakay, sa lalong madaling panahon. Mahalaga na tulungan ang iba na makita nang malinaw ang diwa ng mga taong ito bilang mga hindi mananampalataya, sa gayon ay mapoprotektahan ang mga hangal at mangmang na kapatid mula sa pananamantala ng mga ito. Kung hindi mo maunawaan nang malinaw ang mga usaping ito at wala kang pagkilatis, kapag may nakipag-usap at nakipagkuwentuhan sa iyo na ilang mapaminsala, tuso, at mapanlinlang na tao, kusang-loob mong ibubunyag ang mga detalye ng iyong tunay na sitwasyon at lahat ng nalalaman mo nang hindi man lang tinatanong, di-sinasadyang nagiging isang Judas. May gayon bang mga tao? (Oo.) Kapag nagsasalita ka, hindi mo alam kung ano ang layon na kinikimkim ng ibang tao at tinatrato mo siya bilang kapatid, sinasabi sa kanya ang lahat ng nasa puso mo nang hindi mo namamalayan—pagkatapos mong magsalita, hindi mo alam kung anong mga kahihinatnan ang mangyayari. Kapag nakikita mo ang iba na nag-iingat sa kanilang sarili laban sa gayong mga tao, sinasabi mong, “Masyado kang maingat. Ano ang dapat itago sa pagitan ng magkakapatid?” Hindi mo napagtatanto kung bakit hindi nagsasalita ang iba—ito ay tinatawag na pagiging hangal.
Ang mga taong may mga pampolitikang pakay ay tiyak ding mga hindi mananampalataya dahil hindi nila minamahal ang katotohanan at hindi nila tatanggapin ang katotohanan. Kahit na nananampalataya sila sa Diyos, sila ay ganap na nabibilang sa kategorya ng masasamang tao na mga anticristo. Sa katunayan ang pag-iingat laban sa gayong mga tao ay ang pinakapasibong pamamaraan. Ang maagap na pamamaraan ay ang tuklasin sila nang maaga, at pangasiwaan at patalsikin sila sa lalong madaling panahon, para maiwasang magdulot ng anumang suliranin sa iglesia at sa mga kapatid. Dahil kayang maimpluwensiyahan ng mga taong ito ang iba anumang oras at saanman sa loob ng iglesia at kayang wasakin ang normal na kaayusan ng iglesia anumang oras at sa anumang sitwasyon, huwag patuloy na magparaya o magpasensiya sa gayong mga hindi mananampalataya. Huwag na silang bigyan ng isa pang pagkakataon para magsisi; huwag maging hangal. Pagkatuklas sa kanila, dapat silang patalsikin sa lalong madaling panahon para maiwasan ang kasawian sa hinaharap. Ang layon sa paggawa nito ay para mapigilan iyong mga hindi naghahangad sa katotohanan na mailihis at magamit, na maging mga papet ni Satanas at ng mga demonyo. Siyempre, ang dapat mong gawin sa sandaling ito ay pigilan iyong mga may pampolitikang pakay na malaman ang anumang mahalagang impormasyon tungkol sa iglesia. Kung mas maaga mo silang makikilatis at mapapatalsik, mas kaunti ang magiging pakikipag-ugnayan ng mga kapatid sa kanila, at mas hindi sila maililihis at maiimpluwensiyahan ng mga ito. Samakatwid, pagdating sa tiyempo, mas mabuting pangasiwaan at patalsikin ang gayong mga tao nang mas maaga kaysa sa huli na—mas maaga, mas mabuti. Ang pagiging maagap ay mas mabuti kaysa sa pagiging pasibo. Ang mga taong may mga pampolitikang pakay ay may masasamang intensyon; hindi posibleng magkaroon sila ng anumang pagiging taos-puso sa paggawa ng anuman para sa iglesia at para sa sambahayan ng Diyos. Kung hindi nila kayang ilihis o gamitin ang mga kapatid, ganap silang mapapahiya at kusang-loob na lilisanin ang iglesia, nang hindi man lang nagpapaalam. Dito nagtatapos ang ating pagbabahaginan tungkol sa ikawalong layon sa pananampalataya sa Diyos: para hangarin ang mga pampolitikang pakay.
Oktubre 30, 2021