Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (23) Ikatlong Seksiyon
E. Para Maging Palamunin ng Iglesia
Sunod ay magbabahaginan tayo tungkol sa ikalimang layon: ang pananampalataya sa Diyos para maging palamunin ng iglesia. Pamilyar kayong lahat sa paksang ito ng pagiging palamunin ng iglesia, hindi ba? (Oo.) Ano ang mga pagpapamalas ng mga taong nagiging palamunin ng iglesia? Sa anong mga pagpapamalas natin matutukoy na hindi dalisay ang layon nila sa pananampalataya sa Diyos, na hindi sila taos-pusong sumusunod sa Diyos, o nagtatangkang magkamit ng kaligtasan, at na hindi sila naparito para hangarin at tanggapin ang katotohanan at isagawa ang mga salita ng Diyos batay sa pananampalataya sa pag-iral ng Diyos at sa kahandaang tanggapin ang pagliligtas ng Diyos para makamit nila ang layon ng pagtatamo ng kaligtasan, kundi sa halip ay naparito para maging palamunin ng iglesia? Ano ang ibig sabihin ng maging palamunin ng iglesia? Napakalinaw ng mababaw na kahulugan nito. Ang ibig sabihin nito ay sumali sa isang denominasyon sa pamamagitan ng relihiyosong pananampalataya para malutas ang mga isyung nauugnay sa pang-araw-araw na buhay ng isang tao at ang problema ng pagkakaroon ng pagkain. Ito ang pinakamaikli at tuwirang depinisyon ng “maging palamunin ng iglesia,” at ito rin ang pinakamalinaw na depinisyon. Kaya, ano ang mga pagpapamalas na ipinapakita ng mga taong ito na kumukumpirma na sila ay hindi mga totoong mananampalataya kundi naparito para maging palamunin ng iglesia? May ilang tao na may kahusayan sa isang partikular na kasanayan at may abilidad na magtrabaho tulad ng isang normal na tao, subalit nakikita nila na hindi patas ang lipunang ito at na hindi madali ang maghanapbuhay rito. Ang kumita ng pera sa pamamagitan ng pagtatrabaho para suportahan ang buong pamilya ng isang tao ay nangangailangan ng pagbangon nang maaga at pagpupuyat sa gabi, pagtitiis ng maraming paghihirap, at pagtitiis ng maraming sama ng loob—kailangan din ng isang tao na maging magaling makitungo at umangkop, subalit dapat ding maging sapat na malupit at masama, at dapat siyang magtaglay ng mga estratehiya at kapabilidad—tanging sa ganoong paraan lang magkakaroon ang isang tao ng isang matatag na kabuhayan at maitataguyod ang sarili sa lipunan. Kung tinitingnan iyong mga nagtatrabaho, anuman ang industriya at nasa mataas, panggitna, o mababang antas man sila ng lipunan, hindi madali ang maghanapbuhay. Iyong mga manggagawang white-collar ay nagbabalatkayo na may wangis ng tao, gamit ang magagara nilang itsura, matataas na titulo, matataas na pinag-aralan, at malalaking sahod at benepisyo, at ang lahat ay naiinggit sa kanila, subalit ang bawat hamong kinakaharap nila sa trabaho ay isang pagsubok. Hindi madaling magtrabaho sa anumang larangan. Ang pagiging magsasaka at pagtatrabaho sa bukirin ay lalong mas mahirap. Ang mga magsasaka ay nagpapakapagod nang husto, subalit nakakakuha lang sila ng sapat na ani para mapakain ang kanilang mga pamilya, wala silang pera para bumili ng mga damit at iba pang mga pangangailangan, o para kumpunihin ang kanilang mga bahay, at kapag gusto nilang gumastos ng kaunting pera, kailangan nilang umasa sa pagbebenta ng mga gulay o pagpapalaki ng mga hayop para magawa ito—mas miserable pa ang maging isang magsasaka! Tulad ng sinasabi ng mga walang pananampalataya, “Mahirap kitain ang pera—madali ang ipanganak, subalit mahirap ang mamuhay”—napakahirap maghanapbuhay. May ilang tao na walang paraan para kumita ng ikabubuhay, at nakikita nilang napakasama ng mga walang pananampalataya, at iniisip nila na iyong mga may relihiyosong pananalig ay mga taong totoo, at na maaaring medyo mas madali ang maghanapbuhay sa iglesia, kaya ginagamit nila ang pagkakataon ng pangangaral ng ebanghelyo ng sambahayan ng Diyos para pasukin ang iglesia. At pagkatapos marinig na ang pagkain ay ipinagkakaloob sa mga gumagawa ng mga tungkulin, nagtutungo sila para gumawa ng isang tungkulin. Iniisip ng ilang tao na gustong gumawa ng tungkulin na, “Ako ang breadwinner ng aking pamilya. Hangga’t may mga tao na nagsasaka sa bukirin sa bahay, at naipagkakaloob ang mga gastusin sa pamumuhay ng aking pamilya, gagawin ko ang aking tungkulin”. Ang pangunahing layon nila sa pananampalataya sa Diyos at paggawa ng tungkulin ay para makakuha ng sapat na pagkain at mga damit na panlaban sa lamig para matiyak ang kanilang pananatiling buhay—para makakain ng tatlong beses sa isang araw, at para hindi na mangailangang umasa sa pagtatrabaho at pagkita ng pera para matustusan ang sarili nila; ayos lang ang lahat sa kanila basta’t nakatatanggap sila ng tulong mula sa iglesia at sa mga kapatid. Para makamit ang layong ito, ginagawa nila ang anumang isinasaayos ng iglesia na gawin nila. May ilang tao rin na, pagkatapos pumasok sa iglesia, ay nagsisimulang matuto kung paano maging lider at mangaral ng mga sermon. Binabasa nila ang mga salita ng Diyos nang madalas, kinokopya at isinasaulo ang mga salita ng Diyos nang madalas, at pagkatapos isaulo ang mga ito, natututo silang mangaral sa iba at tumulong sa mga tao na lutasin ang mga problema. Sinusubukan nila ang lahat ng posibleng paraan para tulungan ang lahat, at umaasang tutulungan sila ng mga tao pagkatapos matanggap ang kanilang tulong, at umaasang magiging mapagpasalamat ang mga tao sa kanila pagkatapos makinig sa kanilang mga sermon at sa mga salita ng Diyos na ipinangangaral nila, at sa gayon ay pagkakalooban sila ng kawanggawa at tulong. Halimbawa, kung wala silang perang pambayad para sa mga gastusin sa tubig at kuryente sa bahay, puwede silang tulungan ng mga kapatid na magbayad, at kung wala silang perang pambayad para sa pangmatrikula ng kanilang mga anak o para sa panggastos sa pagpapagamot ng kanilang mga maysakit na magulang, maipagkakaloob ng iglesia o ng mga kapatid ang mga pondong ito dahil gumagawa sila ng isang tungkulin. Sa ganitong paraan, napapanatag sila sa pananampalataya sa Diyos at nararamdaman nila na sulit ang pananampalataya nila sa Diyos, na hindi ito nagdulot sa kanila na magdusa ng anumang mga kawalan, at na nakamit na nila ang kanilang layon. Patuloy silang nagpapasalamat sa Diyos sa kanilang puso, sinasabing, “Ang lahat ng ito ay biyaya ng diyos, pabor ng diyos. Salamat sa diyos!” Para “masuklian” ang pagmamahal ng Diyos, “tumatalima” sila sa mga pagsasaayos ng iglesia, at basta’t napagkakalooban sila ng pagkain at mga gastusin sa pamumuhay, gagawin nila ang anumang uri ng gampanin—ang mithiin nila ay para lang magkaroon ng isang matatag na kabuhayan bilang kapalit. Kapag nakaligtaan ng iglesia ang kanilang mga pangangailangan sa pamumuhay at hindi maagap na nalutas ang kanilang mga paghihirap, nagiging malungkot sila. Ang saloobin nila sa gawain ng iglesia at sa mga tungkuling iniatas sa kanila ng sambahayan ng Diyos ay agad na nagbabago. Sinasabi nilang, “Hindi ito uubra, kailangan kong lumabas at kumita ng pera. Dati, wala akong pagkakataong kumita ng pera dahil ginagawa ko ang gawain ng iglesia. Madalas ko pa ngang inilalagay ang sarili ko sa panganib na maaresto ng malaking pulang dragon dahil personal kong ginagawa ang gawaing iyon, at kilala ako ng mga tao saanmang lugar. Ngayon, hindi na madali para sa akin na kumita ng pera. Ano ang dapat kong gawin?” Sa ganitong uri ng sitwasyon, aktibo nilang ilalahad ang kanilang mga paghihirap at mga hinihingi sa mga kapatid, nakikipag-ugnayan pa nga at humihingi sa sambahayan ng Diyos. May ilang tao na walang pera para sa kanilang mga gastusin sa pamumuhay o para sa kanilang pagtanda, subalit hindi nila nilulutas ang mga problemang ito nang sila mismo. Sa halip, gusto nilang umasa sa paggugol ng sarili nila sa sambahayan ng Diyos para kumita ng pera para sa kanilang mga gastusin sa pamumuhay. May ilang tao na mas pinalalala pa nga ito—hindi lang nila hinihingi sa sambahayan ng Diyos na tustusan ang kanilang mga gastusin sa pamumuhay at para sa gastos sa pagpapalaki ng kanilang mga anak at pagsuporta sa kanilang mga magulang, humihingi rin sila ng pera para sa mga gastusin nila sa pagpapagamot. May ilang tao pa nga na humihingi ng pera mula sa sambahayan ng Diyos para bayaran ang kanilang mga utang—nagiging mas labis-labis ang kanilang mga hinihingi, at talagang wala silang kahihiyan para humingi ng gayong mga bagay. Pagkatapos manampalataya sa Diyos at sumali sa iglesia ang ilang tao, ang perang ibinayad ng sambahayan ng Diyos para tustusan ang mga gastusin nila, pati na ang mga karagdagang pondo na aktibo nilang hinihingi, ay lampas sa perang kinita nila mula sa pagtatrabaho. Batay sa kung natugunan ang mga kondisyong ito, sa panlabas ay tila ginagampanan nila nang may dedikasyon at lubos na katapatan ang gawaing iniatas sa kanila ng sambahayan ng Diyos. Gayumpaman, kapag nabawasan o nawala ang mga benepisyong ito, nagbabago ang kanilang saloobin. Ang saloobin nila sa gawaing itinalaga ng iglesia ay nag-iiba batay sa saloobin ng mga kapatid sa kanila at batay sa halaga ng tulong-pinansyal na ipinagkakaloob sa kanila ng sambahayan ng Diyos. Kapag binawi o nawala na ang biyayang tinatamasa nila, hindi na sila makikitang gumagawa ng mga tungkulin nila. Mula nang magsimula silang manampalataya sa Diyos, kinakalkula ng mga taong ito kung paano sila makapandaraya para magkaroon ng lugar sa sambahayan ng Diyos, at “karapat-dapat” na magtamasa ng kawanggawa at tulong ng mga kapatid pagkatapos magkamit ng posisyon dito, pati na rin ng tulong mula sa sambahayan ng Diyos at ng mga panustos nito para sa kanilang araw-araw na buhay. Tiyak na hindi nila taos-pusong ginugugol ang sarili nila para sa Diyos, tiyak na hindi sila pumarito para walang pasubaling gugulin ang sarili nila—sa halip, sumali sila sa iglesia nang may iisang mithiin, ang maging palamunin nito at magkaroon ng kabuhayan. Kapag hindi makakamit ang layong ito ayon sa kanilang kagustuhan, kaagad silang nagiging mapanlaban, at kaagad na ibinubunyag ang tunay nilang mukha, na sa isang hindi mananampalataya. Mula nang magsimula silang manampalataya sa Diyos, hindi sila pumaparito nang may sinseridad; hindi sila taos-pusong sumusunod sa Diyos, o tinatalikuran ang mga bagay-bagay at ginugugol ang sarili nila para sa Diyos nang kusang-loob, nang hindi humihingi ng mga gantimpala, at nang hindi humihingi ng anuman bilang kapalit. Sa halip, nanampalataya sila sa Diyos dala ang mga sarili nilang hinihingi, intensyon, at layon—ng layon nila na determinadong maging palamunin ng iglesia at umasa sa iglesia at sa mga kapatid para makapaghanapbuhay dahil nananampalataya sila sa Diyos. Kapag hindi maaaring makamit o maisakatuparan ang layon na ito ayon sa kanilang kagustuhan, naghahanap sila ng ibang daan pasulong, sa pamamagitan ng pagtatrabaho o pagnenegosyo. Hindi ba’t may ganitong mga tao? (Mayroon.) Mayroong ilang tao sa iglesia na ganito ang uri. Sa simula, kapag pinagkakalooban sila ng iglesia o ng mga kapatid ng ilang bagay bilang kawanggawa, tulad ng mga damit, mga pang-araw-araw na pangangailangan, o pera, tila sa panlabas ay nahihiya sila, subalit nagagalak talaga sila sa loob-loob nila. Halimbawa, sabihing nagpapatuloy sila sa bahay ng isa o dalawang kapatid o full-time na ginagawa ang tungkulin nila, at kaya pinagkakalooban sila ng sambahayan ng Diyos o ng mga kapatid ng kaunting kawanggawa at tulong-pinansyal sa kanilang pamilya. Labis silang natutuwa at kontento rito, iniisip na ang pananampalataya sa Diyos ay sulit at kapaki-pakinabang, at na hindi sila nawalan. Sa paglipas ng panahon, nagiging mas sakim ang puso nila, mas dumarami ang kanilang mga hinihingi, at lalo silang nagiging walang-hiya—gaano man karami ang ipinagkaloob sa kanila, hindi sila kailanman nakokontento. Sa simula, nahihiya pa silang tumanggap ng mga bagay, subalit habang tumatagal, pakiramdam nila ay medyo makatwiran ito, at pagkatapos ay nagsisimula silang magalit na hindi pa ito sapat. Sa kalaunan, direkta na nilang hinihingi na dapat magbigay ang sambahayan ng Diyos ng partikular na halaga; kung hindi, hindi sila makapananatiling buhay, at sa gayon ay hindi nila magagawa ang kanilang mga tungkulin. Hindi ba’t lalong lumalaki ang kanilang kasakiman? (Oo.) Sa kabila ng pagtatamasa ng napakaraming biyaya, hindi lang nila hindi iniisip kung paano susuklian ito, kundi lalo din silang humihingi nang higit pa sa sambahayan ng Diyos. Naniniwala sila na ang sambahayan ng Diyos ang may pagkakautang sa kanila, na ang mga kapatid ang may pagkakautang sa kanila, at na tama lang na bigyan sila ng kawanggawa at tulong-pinansyal. Kung kaunti ang naibigay sa kanila o kung matagal bago nila ito natanggap, hindi sila nasisiyahan. Tinatanggap nila gaano man kalaking pera at anumang mga bagay ang ipinagkakaloob sa kanila, iniisip na tama lang ito. Habang patuloy nilang ginagawa ang kanilang tungkulin sa loob ng mas mahabang panahon, mas lalo nilang nararamdaman na may karapatan sila at nagsisimulang hingin na bigyan sila ng sambahayan ng Diyos ng mga mamahaling cellphone at kompyuter. Hinihingi rin nilang magkabit ang sambahayan ng Diyos ng mga aircon sa kanilang mga tahanan at magbigay ng mga kasangkapan tulad ng mga microwave at dishwasher. Hinihingi pa nga nila sa sambahayan ng Diyos na bilhan sila ng bahay at bigyan sila ng sasakyan, at may ilang humihingi ng kasambahay. Lalong dumarami ang mga hinihingi nila at lumalala ang kasakiman nila, at sa kalaunan, nagiging labis-labis ang mga hinihingi nila, at nangangahas na humingi ng kahit ano. Naniniwala silang, “Ginugol ko ang sarili ko at nagsumikap ako para sa sambahayan ng diyos sa aking pananampalataya sa diyos. Bahagi ako ng sambahayan ng diyos. Kayong mga tao ay nag-aalay ng napakaraming handog sa diyos—ano ang masama kung bibigyan ninyo ako ng bahagi nito? Bukod pa rito, kung bibigyan ninyo ako ng bahagi, hindi ito magiging para sa wala; nagsusumikap din ako sa sambahayan ng diyos at nakikipagsapalaran, nagtitiis din ako ng paghihirap at nagbabayad ng halaga. Hindi ba’t tama lang na tamasahin ko ang mga bagay na ito? Samakatwid, dapat na walang pasubaling tugunan ng sambahayan ng diyos ang aking mga hinihingi, dapat ibigay nito sa akin ang anumang kailangan ko, at hindi ito dapat maging kuripot.” Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t mga pagpapamalas ang mga ito ng pagiging palamunin ng iglesia? Hindi ba’t ang gayong mga tao ay mga hindi mananampalataya? (Oo.) Ang tumpak na paglalarawan para sa mga pag-uugaling ito ay ang pagiging palamunin ng iglesia. Ano ang ibig sabihin ng maging palamunin ng iglesia? Ibig sabihin nito ay ang mangikil ng pera at mga pag-aari ng sambahayan ng Diyos sa likod ng pagpapanggap ng pananampalataya sa Diyos, at paghingi ng kabayaran mula sa sambahayan ng Diyos sa likod ng pagpapanggap ng pagsusumikap para sa sambahayan ng Diyos at paggawa ng tungkulin. Ito ang ibig sabihin ng maging palamunin ng iglesia. Maaari bang hangarin ng gayong mga tao ang katotohanan? (Hindi.) Bakit nila tinatalikuran ang mga bagay, nagsusumikap sa sarili nila, at nagtitiis ng paghihirap? Ito ba ay para gumawa ng isang tungkulin? Isinasagawa ba nila ang katotohanan? (Hindi.) Nagsusumikap sila at nagtitiis ng mga paghihirap hindi talaga para sa layon ng paggawa ng kanilang tungkulin, kundi ganap na para magkaroon ng kabuhayan, at hindi talaga nila pinahihintulutan ang sinumang punahin sila—gusto lang nilang makatwirang maging palamunin ng iglesia. Ang mga ito ay mga taong nagiging palamunin ng iglesia.
Iyong mga nagiging palamunin ng iglesia ay nananampalataya sa Diyos hindi para sa iba pang dahilan kundi ang magkaroon ng ikabubuhay para sa sarili nila, para magkaroon ng kabuhayan. May mga tao ba sa paligid ninyo na nagiging palamunin ng iglesia? Sabihin ninyo ang tungkol sa mga pagpapamalas nila. (Nakatagpo ako ng isang taong tulad nito. Sa simula, tila medyo matalino at masigasig siya, kaya isinaayos ng iglesia na mangaral siya ng ebanghelyo. Noong panahong iyon, mahirap ang buhay para sa pamilya niya, kaya pinagkalooban siya ng iglesia ng kaunting tulong. Gayumpaman, napag-alaman kalaunan na ginastos niya ang pera nang walang mga prinsipyo, ginastos ito sa mga bagay na hindi niya dapat pinagkagastusan at hindi nagtipid kung saan siya maaaring magtipid. Nang nakipagbahaginan ang mga kapatid sa mga katotohanang prinsipyo sa kanya, hindi siya masaya at naging lubhang mapanlaban sa kanyang kalooban. Dahil ginamit niya nang mali ang pera ng sambahayan ng Diyos, gumawa ang iglesia ng mga makatwirang pagbabago ayon sa mga pagsasaayos at mga itinakda ng sambahayan ng Diyos, binawasan ang tulong-pinansiyal na ipinagkakaloob sa kanya. Dahil dito, nawala ang dating lakas na mayroon siya sa paggawa ng kanyang tungkulin, at lalo siyang naging pabasta-basta. Kinalaunan, tumigil ang iglesia sa pagtulong sa kanya, at wala na ang puso niya sa paggawa ng kanyang tungkulin. Ginugol niya ang lahat ng kanyang oras sa pag-iisip kung paano magtatrabaho at kikita ng pera. Nanghiram pa nga siya ng pera sa mga kapatid, sinasabing kailangan niyang bumili ng kotse at mamuhunan sa pagsisimula ng isang kompanya, at sinasabing gagawin nitong mas magaan ang pangangaral ng ebanghelyo at magkakamit ng mas maraming tao. Halatang nililinlang at nililihis niya ang mga tao gamit ang mga salitang ito; ginagamit niya ang pagkukunwari ng pangangaral ng ebanghelyo para manggantso ng pera mula sa mga kapatid.) Paano pinangasiwaan ang taong ito? (Direkta siyang pinatalsik.) Iyon ang tamang bagay na gawin. Ito ay pagiging palamunin ng iglesia. Kapag ang mga taong nagiging palamunin ng iglesia ay unang nanampalataya sa Diyos, tila medyo masigasig sila at ginugugol nila ang sarili nila nang kaunti, at sa panahong ito ay hindi mataas ang kanilang mga hinihingi—ayos na sa kanila ang makakuha lang ng mga pagkain. Subalit sa paglipas ng panahon, hindi na sila kontento sa kung ano ang ibinibigay sa kanila at nagsisimulang tumaas nang tumaas ang mga hinihingi nila, at kung hindi natutugunan ang kanilang mga hinihingi, nagsisimula silang kumilos sa isang tusong paraan at umaayaw nang magserbisyo. Kapag ginagawa nila ang kaunti sa kanilang mga tungkulin, kailangan pa nga silang bantayan, kung hindi, gagawin nila ito nang pabasta-basta. Kalaunan, kapag napag-alamang ang serbisyong ibinibigay nila ay mas nakasasama kaysa nakabubuti, itinitiwalag sila. Sinasabi ng ilan na, “Bakit hindi sila pinakikitaan ng pagmamahal ng sambahayan ng Diyos?” Mayroon ding mga prinsipyo pagdating sa pagpapakita ng pagmamahal. Ang mga taong iyon ay mga hindi mananampalataya, hindi nila binabasa ang mga salita ng Diyos, o tinatanggap ang katotohanan, palagi silang kumikilos sa isang mapanlinlang at pabasta-bastang paraan habang ginagawa ang kanilang mga tungkulin, at hindi sila nakikinig kapag pinagbabahaginan ang katotohanan, o tumatanggap ng anumang uri ng pagpupungos, at masasabing hindi na sila mababago. Dahil dito, mapangangasiwaan lang sila sa pamamagitan ng pagpapaalis at pagtitiwalag sa kanila. Kung matutuklasan ng mga lider at manggagawa ang ganitong uri ng tao, dapat nila siyang agarang pangasiwaan, at kung matutuklasan ng mga kapatid ang gayong tao, dapat nila siyang agarang iulat sa mga lider at manggagawa. Ito ang responsabilidad ng bawat isa sa hinirang na mga tao ng Diyos. Kapag nakumpirma nang ang taong ito ay nagiging palamunin ng iglesia, na hinahangad lang niya na magkaroon ng ikabubuhay, at na siya ay hindi mananampalataya, at nakumpirma na tumatanggi siyang gumawa kapag hindi siya binibigyan ng pera, umaayaw at nagiging mapanlaban kapag pakiramdam niya ay hindi siya sapat na nababayaran, at gumagawa lang ng kaunting trabaho kapag nababayaran nang sapat, hindi siya dapat pakitaan ng kaluwagan—dapat siyang paalisin! Sa pagsasalita nang tumpak, ang mga taong tulad nito ay hindi man lang angkop na magserbisyo sa sambahayan ng Diyos. Kung hindi mo sila babayaran, hindi sila magiging handang magserbisyo; subalit hangga’t binabayaran mo sila, kahit batid nilang nagseserbisyo lang sila, magiging handa pa rin silang gawin ito. Subalit anong uri ng serbisyo ang kayang ibigay ng mga hindi mananampalatayang ito? Hindi man lang sila makapagserbisyo nang maayos, at hindi pasok sa pamantayan ang serbisyo nila, kaya dapat silang itiwalag. Samakatwid, ang unang bagay na dapat gawin kapag nakilatis na sila ang uri ng mga taong nagiging palamunin sa iglesia ay ang pangasiwaan sila at patalsikin sila mula sa iglesia bilang masasamang tao. Hindi talaga ito labis-labis; ganap itong naaayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos para sa pagpapaalis at pagpapatalsik ng mga tao. Kailangan bang bigyan ng pagkakataong magsisi ang ganitong uri ng tao? Kailangan ba silang panatilihin para sa obserbasyon? (Hindi.) May kakayahan ba silang magsisi? (Wala.) Ito mismo ang kalikasan nila; hindi sila kailanman magsisisi. Mga kauri sila ni Satanas. Sa mga kauri ni Satanas, may isang uri ng tao na may kalikasan ng maladiyablong tampalasan, na gustong maging palamunin sa iba saanman sila naroroon, at hindi nakikibahagi sa anumang gawain na marapat gawin saanman sila magpunta, at hinahangad lang na manggantso at mandaya ng mga tao. Nakikita nila na may pagkatao ang mga mananampalataya ng Diyos at ipinagpapalagay na madaling lokohin ang mga taong ito, kaya nagtutungo sila sa sambahayan ng Diyos para maging palamunin ng iglesia. Ang hindi nila alam, ang sambahayan ng Diyos ay matagal nang nakakilatis at nagbabantay laban sa kanila, at may mga prinsipyo ito sa pangangasiwa sa mga taong katulad nila. Kapag nabigo ang mga pagtatangka nilang maging palamunin ng iglesia, bigla silang sumasabog sa galit dahil sa kahihiyan, inilalantad ang mga tunay na kulay nila. Sa puntong iyon, malalaman mo kung bakit hindi binibigyan ng sambahayan ng Diyos ang gayong mga tao ng pagkakataong magsisi—ito ay dahil wala silang pagkatao at walang kakayahang magbago. Sila ang mga maladiyablong tampalasan na binabanggit ng mga walang pananampalataya. Samakatwid, pinangangasiwaan ng sambahayan ng Diyos ang gayong mga tao sa pamamagitan ng direktang pagpapaalis sa kanila o pagpapatalsik sa kanila, at hindi kailanman sila tinatanggap pabalik sa iglesia. Nararapat bang pangasiwaan sila bilang masasamang tao? (Oo.) Dito nagtatapos ang pagbabahaginan natin sa paksang ito.
F. Para Maghanap ng Kanlungan
Sunod, magbabahaginan tayo tungkol sa ikaanim na layon, ang ikaanim na uri ng hindi mananampalataya na dapat paalisin o patalsikin sa iglesia: iyong ang layon sa pananampalataya sa Diyos ay para maghanap ng kanlungan. Sinasabi ng ilang tao na, “Ano ang mga pagpapamalas sa paghahanap ng kanlungan? Mayroon bang mga nananampalataya sa Diyos para maghanap ng kanlungan? Umiiral ba talaga ang gayong mga tao?” Narinig na ba ninyo ang isang tao na nagsasabing, “Ang iglesia ay isang lugar ng kanlungan; nananampalataya ang mga tao sa Diyos para sila ay makahanap ng kanlungan”? Maraming tao sa relihiyon ang nagsasabi nito. Pagdating sa diwa ng kasabihang ito, may pagkakaiba ba sa pagitan ng kasabihang ito at sa layon na ating hihimayin—“pananampalataya sa Diyos para maghanap ng kanlungan”? (Oo.) Ano ang pagkakaiba? Para saan sila naghahanap ng kanlungan? (Iyong mga taos-pusong nananampalataya sa Diyos ay mayroon ding ilang karumihan habang hinahangad ang katotohanan; umaasa rin silang makaiwas sa mga sakuna o mga paghihirap at magkamit ng kaunting kapayapaan. Gayumpaman, ang uri ng tao sa ikaanim na layon ay nananampalataya sa Diyos para lang maghanap ng kanlungan, at walang kahit kaunting tunay na pananalig sa Diyos sa kanya. Ito ang pagkakaiba.) Ang pagkakaiba rito ay ang pagkakaroon ng mga karumihan sa layon ng isang tao sa pananampalataya sa Diyos kumpara sa pananampalataya sa Diyos para sa tanging layon ng paghahanap ng kanlungan. Bukod sa pagkakaibang ito, may pagkakaiba rin pagdating sa kung mula saan sila naghahanap ng kanlungan. May ilang tao na may mga karumihang nakahalo sa kanilang layon sa pananampalataya sa Diyos; nananampalataya sila sa Diyos para maiwasan ang mga sakuna, matakasan ang mga sakuna, o para protektahan at bantayan sila ng Diyos, at pagkatapos ay obhetibo nilang maiiwasan ang ilang panganib at sakuna. Itong mga sakunang ito ang nilalayon nilang iwasan. Ang uri ng tao sa ikaanim na layon na ito na ating pinagbabahaginan—iyong ang layon sa pananampalataya sa Diyos ay para maghanap ng kanlungan—maghanap ng kanlungan mula sa mas malawak na saklaw ng mga bagay. Para sa kanila, ang pinakatunay ay higit pa sa pag-iwas sa malalaking kalamidad na hindi pa nangyayari. Kaya ano ang mga pinakatunay na isyu para sa kanila? Ang mga bagay tulad ng pagharap sa mabibigat na kaaway sa lipunan, pagharap sa mga demanda, pagsalungat sa mga opisyal ng gobyerno o maiimpluwensiyang tao, paglabag sa batas, digmaan o iba’t ibang sakuna na nangyayari sa kanilang bansa, o pagharap sa ilang tao o pangyayari na naglalagay sa kanilang buhay o sa kaligtasan ng kanilang pamilya sa panganib, at iba pa. Pagkatapos makaharap ang mga sitwasyong ito, naghahanap sila ng isang iglesiang pinaniniwalaan nilang mapagkakatiwalaan at maaasahan para maghanap ng kanlungan; ito ang paghahanap ng kanlungan na binanggit sa ikaanim na layon. Ibig sabihin, kapag nahaharap sila sa ilang paghihirap sa kanilang pang-araw-araw na buhay na naglalagay sa kanilang buhay, pamilya, trabaho, karera, at iba pa sa panganib, pumupunta sila sa iglesia para maghanap ng kanlungan, naghahanap ng tulong ng isang puwersang binubuo ng malaking bilang ng mga tao. Ito ay pananampalataya sa Diyos para sa layon ng paghahanap ng kanlungan tulad ng nabanggit sa ikaanim na layon. Hindi ba’t iba ito sa mga karumihan ng mga totoong mananampalataya? (Oo.) Ang layon ng ganitong uri ng tao sa pananampalataya sa Diyos ay para maghanap ng kanlungan, para humingi ng tulong mula sa iglesia. Ibig sabihin, umaasa siya na matutulungan siya ng iglesia, at, bukod sa tulong-pinansyal, hinihingi rin niya na pagkalooban siya ng iglesia ng proteksiyon, suporta, at tulong. May ilang taong tulad nito na gusto ring gamitin ang impluwensiya, katayuan, at reputasyon ng iglesia sa lipunan para labanan ang mga buktot na rehimen o mga buktot na puwersa na nang-aapi at pumipinsala sa mga nananampalataya sa Diyos, para maprotektahan ang kanilang buhay o kabuhayan. Ito ang layon nila sa pananampalataya sa Diyos. May mga tao bang ganito? Naniniwala sila na ang iglesia ay isang mabuting lugar ng kanlungan na maihihiwalay sa politika at lipunan, at iniisip nila na kapag kailangan nila ng tulong, taos-puso at may kabaitan silang tutulungan ng iglesia para pagkalooban sila ng anumang tulong-pinansyal, para manindigan para sa kanila, para ipagtanggol sila, para katawanin sila sa mga demanda, at para ipaglaban ang kanilang mga karapatan at interes. Ito ang layon ng mga taong ito sa pananampalataya sa Diyos. Hanggang sa araw na ito, may gayong mga tao ba sa iglesia? Narinig na ba ninyo kung may gayong mga tao? Tiyak na may mga taong tulad nito sa mga iglesia sa labas ng bansa. Ang mga taong ito ay nananampalataya sa Diyos at sumasali sa iglesia para lang sa layon ng paghahanap ng kanlungan. Hindi nila nauunawaan kung ano ang pananalig, lalong hindi sila interesado sa katotohanan. Gayumpaman, kapag nahaharap sila sa mga paghihirap at hindi makahanap ng anumang tulong sa lipunan, iniisip nila ang iglesia, at naniniwala sila na ang iglesia ay isang lugar kung saan ligtas silang magkakaroon ng kanlungan, ang pinakamainam na ruta sa pagtakas, at ang pinakaligtas na lugar, kaya pinipili nilang manampalataya sa Diyos at pumasok sa iglesia para makamit ang kanilang layon na makaiwas sa mga sakuna.
Patindi na nang patindi ngayon ang mga sakuna, at wala nang paraan para manatiling buhay ang tao. May ilan na pinipiling manampalataya sa Diyos para lang maiwasan ang mga sakuna. Naniniwala silang may Diyos, subalit wala sila ni katiting na pagmamahal sa katotohanan. Kung ang gayong mga tao ay mananampalataya sa Diyos, dapat ba silang tanggapin ng iglesia? Maraming tao ang hindi malinaw na nakakikita sa isyung ito, at inaakalang sinumang nananampalataya na umiiral ang Diyos ay dapat na tanggapin ng iglesia. Isa itong napakalaking pagkakamali. Ang desisyon ng iglesia na tanggapin ang isang tao ay dapat batay sa kung kaya ba ng taong iyon na tanggapin ang katotohanan at kung siya ba ay isang layon ng pagliligtas ng Diyos, at hindi sa kung handa ba siyang manampalataya sa Diyos. Maraming diyablo ang gustong magtamo ng mga pagpapala at humanap ng daan pasulong sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos—dapat din bang tanggapin ng iglesia ang gayong mga tao? Hindi ito tulad ng pangangaral ng ebanghelyo sa Kapanahunan ng Biyaya, noong tinanggap ang sinuman basta’t nananampalataya sila; may mga prinsipyo at paglilimita ng mga atas administratibo kaugnay sa kung sino ang tinatanggap ng iglesia sa Kapanahunan ng Kaharian. Sinupaman ang isang tao, hindi siya maaaring tanggapin kung hindi niya minamahal o tinatanggap ang katotohanan. Bakit hindi tinatanggap ang gayong mga tao? Ang pangunahing dahilan kaya hindi tinatanggap ang gayong mga tao ay dahil hindi natin makita nang malinaw ang pinagmulan nila at kung ano talagang klaseng tao sila. Kung tatanggapin ng iglesia ang isang diyablo, ang isang masamang tao na may karumal-dumal na kabuktutan, alam ng lahat ang masasamang ibubunga nito sa iglesia. Higit pa rito, sa pananampalataya sa Diyos, dapat nating maunawaan ang Kanyang mga layunin, kung sino ang Kanyang inililigtas at kung sino ang Kanyang itinitiwalag. Anong mga tao ang bumubuo sa iglesia? Binubuo ito ng mga taong tumatanggap sa pagliligtas ng Diyos, ng mga nagmamahal sa katotohanan, ng mga tinatanggap ng Diyos. Hindi inililigtas ng Diyos ang mga hindi tunay na nananampalataya sa Kanya at hindi tumatanggap sa katotohanan, dahil ang hindi pagtanggap sa katotohanan ay isang problema sa kalikasan ng isang tao, at ang ganitong uri ng tao ay kay Satanas at hindi kailanman magbabago. Kaya ang gayong mga tao ay hindi kailanman dapat papasukin sa iglesia. Kung papapasukin ng isang tao ang isang masamang tao, ang isang diyablo, sa iglesia, ang taong iyon ay alipin ni Satanas. Pumarito siya para sadyang pabagsakin at wasakin ang gawain ng iglesia, at siya ay isang kaaway ng Diyos. Ang pagpapapasok sa gayong diyablo, isang kaaway ng Diyos, sa iglesia ay pagsalungat sa disposisyon ng Diyos at paglabag sa Kanyang mga atas administratibo, at tiyak na hindi ito kukunsintihin ng sambahayan ng Diyos. Ang masasamang tao, ang mga diyablo, ay hindi dapat papasukin sa iglesia—ito ay isa sa malilinaw na paninindigan at hinihingi ng iglesia sa gawain ng pangangaral ng ebanghelyo. Wala ni katiting na responsabilidad ang iglesia na tanggapin iyong mga pinipiling manampalataya sa Diyos para makatakas sa sakuna, ni hindi nito kailanman dapat papasukin ang mga hindi man lang tumatanggap sa katotohanan, dahil hindi inililigtas ng Diyos ang gayong mga tao. Ang sinumang hindi kumikilala sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos bilang ang katotohanan, ang sinumang lumalaban sa katotohanan at tutol dito, ay isang masamang tao, at hindi sila inililigtas ng Diyos. Ang mga kumikilala naman sa Diyos sa kanilang puso subalit hindi minamahal ang katotohanan, at ikinaklasipika bilang mga hindi mananampalataya na nakikinabang hangga’t nais, hindi kailanman dapat tanggapin ng iglesia ang sinuman sa kanila. Lalo naman ang mga imoral na tao sa lipunan na gustong maghanap ng kanlungan sa iglesia—lalong hindi sila dapat tanggapin. Ito ay dahil hindi isang organisasyong pangkawanggawa ang iglesia kundi dito ginagampanan ng Diyos ang gawain ng pagliligtas sa tao. Ang gawain ng iglesia ay walang kinalaman sa pamahalaan ng bansa. Ang mga organisasyong panlipunan ay nanghihikayat sa mga tao na gumawa ng mabubuting gawa, at itigil ang kanilang pakikipaglaban—ito ay para sa kapakanan ng bansa, at wala talaga itong kinalaman sa iglesia. Kung may sinumang mangangahas na magdala sa iglesia ng isang walang pananampalatayang masamang tao, isang diyablo, o isang hindi mananampalataya, ang taong iyon ay sasalungat sa disposisyon ng Diyos at lalabag sa mga atas administratibo ng Diyos. Ang sinumang magdadala sa iglesia ng isang masamang tao, isang diyablo, ang taong iyon ay dapat na paalisin o patalsikin ng sambahayan ng Diyos. Ito ang malinaw na paninindigan ng iglesia pagdating sa gawain ng pangangaral ng ebanghelyo. Kapag gusto ng masasamang tao, mga diyablo na ito na maghanap ng kanlungan sa sambahayan ng Diyos, dapat silang sabihan na mali ang pintuang pinuntahan nila, na mali ang lugar na pinili nila. Tiyak na hindi sila tatanggapin ng iglesia. Ito ang malinaw na paninindigan ng iglesia pagdating sa mga walang pananampalataya na gustong maghanap ng kanlungan. Nalinaw na ba ito? (Oo.) Kung gayon, paano natin dapat pangasiwaan ang gayong mga tao? Ano ang angkop na paraan para sabihin sa kanila? Sabihin mong: “Saanmang bansa, may mga samahang Red Cross, mga institusyong pangkapakanan, mga bahay-tuluyan, at mga templong Budista, gayundin ang ilang boluntaryong grupo sa lipunan. Kung mahaharap ka sa mga problema at pakiramdam mo ay may mga hinaing kang dapat matugunan, maaari kang humingi ng tulong sa mga organisasyong ito. Dagdag pa rito, maaari kang humingi sa pamahalaan ng politikal na asilo o asilo para sa mga takas, at kung pahihintulutan ng iyong kondisyong pinansiyal, maaari kang kumuha ng abogado para tulungan ka sa iyong kaso. Subalit ito ay ang iglesia; ito ay isang lugar kung saan gumagawa ang Diyos, isang lugar kung saan inililigtas ng Diyos ang mga tao, hindi isang lugar para sa iyo para maghanap ng kanlungan. Kaya, ang pagpasok mo sa iglesia ay hindi nararapat, at walang silbi ang pananatili mo rito. Hindi tinatanggap ng Diyos ang gayong mga tao, at hindi rin sila tinatanggap ng iglesia. Anuman ang mga paghihirap na mayroon ang mga walang pananampalataya, dapat silang humingi ng tulong mula sa mga organisasyong pangkawanggawa, mga organisasyong nagbibigay ng ayuda, o mga tanggapan ng mga Usaping Sibil sa lipunan—nakatuon ang mga organisasyong ito sa paglilingkod sa mga tao, pagbibigay ng kawanggawa at pagtulong sa iba. Anuman ang mga reklamo o kahilingan na mayroon ka, maaari mong sabihin sa kanila o maaari kang magpetisyon sa pamahalaan. Ang mga iyon ang mga pinakaangkop na lugar para sa iyo.” Hindi tinatanggap ng iglesia ang sinumang hindi mananampalataya at walang pananampalataya. Kung ang isang tao ay partikular na “mapagmahal,” hayaan siyang personal na tanggapin ang gayong mga tao at tapusin na ito; maaari niyang ipastol ang gayong mga tao nang siya lang, at hindi makikialam dito ang sambahayan ng Diyos. Maaaring magtanong ang ilang tao na, “Bakit nangangaral ang iglesia ng ebanghelyo kung gayon? Ano ang layon sa pangangaral ng ebanghelyo?” Ang pangangaral ng ebanghelyo ay atas ng Diyos. Ang mga potensiyal na tatanggap ng ebanghelyo ay iyong mga naghahanap sa Diyos at naghahanap sa tunay na daan, na nananabik sa pagpapakita ng Diyos, na nagmamahal sa katotohanan at kayang tumanggap sa katotohanan, at tunay na nananampalataya sa Diyos—sa mga taong ito lang maaaring ipangaral ang ebanghelyo. Tungkol naman sa mga hindi naghahanap sa Diyos, na hindi pumaparito para tanggapin ang katotohanan kundi para maghanap ng kanlungan, ang ebanghelyo ay hindi ipinangangaral sa kanila. May ilang tao na magulo ang pag-iisip na hindi makakilatis sa usaping ito at nalilito kapag nangyayari ang mga bagay-bagay sa kanila—ito ang mga taong magulo ang pag-iisip na hindi kailanman makauunawa sa mga layunin ng Diyos.