Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (23) Ikalawang Seksiyon

Ibuod natin ang mga katangian ng mga oportunista. Ang unang katangian nila ay na hindi nila masyadong sineseryoso ang usapin ng kung umiiral ba ang Diyos. Kung tatanungin mo sila kung umiiral ba ang Diyos, sasabihin nilang, “Siguro. Subalit ayos lang kung hindi siya umiiral. Narito lang ako para makita talaga kung matutupad ba o hindi ang mga propesiyang ginawa ng diyos, at kung darating ba o hindi ang malalaking kalamidad.” Sa loob ng mga kaisipan at pananaw nila, ang saloobin nila ay na hindi mahalaga kung umiiral ba ang Diyos o hindi. Hindi ba’t katawa-tawa para sa kanila ang manampalataya sa Diyos at sumali sa iglesia kung gayon? (Oo.) Ang pananalig nila sa Diyos ay isang simpleng pananampalataya, para itong isang laro, at wala itong kinalaman sa katotohanan o sa kanilang landas ng buhay. Wala talaga silang pakialam kung umiiral ba o hindi ang Diyos; ayos lang kung umiiral Siya, at ayos lang kung hindi Siya umiiral. Pinabubulaanan sila ng ilang tao, sinasabing hindi umiiral ang Diyos, at hindi sila nagagalit o namumuhi sa gayong mga tao. Kung sinasabi ng mga tao na umiiral ang Diyos, sinasabi nila na, “Kung umiiral siya, umiiral siya. Basta, kung naniniwala ka, umiiral siya; kung hindi, hindi siya umiiral.” Ito ang pananaw nila. Ang gayong mga tao ba ay mga tunay na mananampalataya? Sila ay mga hindi mananampalataya, hindi ba? (Oo.) Walang kabuluhan sa kanila kung umiiral man o hindi ang Diyos, kaya’t may sinseridad ba sa kanilang pananampalataya sa Diyos? Hindi posibleng maging taos-puso sila. Ano ang unang katangian ng mga oportunistang tao? (Hindi nila masyadong sineseryoso ang usapin ng kung umiiral ba ang Diyos.) Ito ang unang katangian.

Ano ang ikalawang katangian ng mga oportunistang tao? Ito ay na hindi sila masyadong taimtim sa pagtukoy sa pagitan ng mga positibo at negatibong bagay. Hindi nila kinikilatis kung aling mga kasabihan, tao, pangyayari, at bagay ang positibo at alin ang mga negatibo, at hindi nila ito sineseryoso. Para sa kanila, ang mabubuting bagay ay maaaring gawing masama, at ang masasamang bagay ay maaaring gawing mabuti, katulad lang ng kasabihan ng mga walang pananampalataya, “Ang isang kasinungalingang paulit-ulit na sinasabi ay nagiging totoo”; ang kasabihang ito ay totoo sa kanila. Kung tatanungin mo sila kung ano ang katotohanan, tiyak na hindi nila sasabihin na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan dahil hindi nila ito kinikilala. Ano ang sasabihin nila? Ang totoo nilang pananaw ay na ang isang kasinungalingang sinasabi ng isang libo o sampung libong beses ay magiging totoo, ibig sabihin na kung maraming tao ang magsasabi ng isang bagay, maniniwala silang totoo ito. Tulad ito ng kung paano sinasabi ng mga walang pananampalataya na: “Sa simula ay walang landas sa mundo, subalit habang mas maraming tao ang naglalakad, isang landas ang nabuo.” Wala silang pakialam tungkol sa kung ano ang tama o mali, makatarungan o buktot; naniniwala sila na tama ang sinumang may malaking abilidad, at negatibo ang sinumang walang silbi at walang kakayahan. Tiyak na hindi nila kikilalanin na ang lahat ng sinasabi at ginagawa ng Diyos ay mga positibong bagay, ni hindi nila kikilalanin na ang hinihingi ng Diyos na isabuhay ng mga tao ay ang mga realidad ng mga positibong bagay. Magsasalita pa nga ang mga taong ito ng mga panlilinlang tulad ng, “Sinasabi mo na ang diyos ay ang katotohanan, at ang mga salita ng diyos ay ang realidad ng lahat ng positibong bagay. Ibig sabihin ba nito na walang mga positibong bagay sa mundo? Hindi ba’t may mga positibong bagay at katotohanan din sa mundo?” Hindi ba’t kalokohan ito? Hindi ba’t isa itong panlilinlang? (Oo.) Hindi ginagamit ng mga taong ito ang mga salita ng Diyos bilang pamantayan para sa kanilang mga salita o pagkilos. Halimbawa, kapag nagpapahayag sila ng isang panlilinlang at pinabubulaanan mo sila, sasabihin nilang, “Iniisip mong tama ka, at iniisip kong tama ako, kaya’t magkasundo tayo na hindi magkasundo. Anuman ang iniisip ng isang tao na mabuti, tama iyon.” Anong klaseng pananaw ito? Hindi ba’t pagtatangka lang itong hindi seryosohin ang mga bagay-bagay? (Oo.) Ito ay isang hangal at magulong pananaw; ang mga taong ito ay hindi taimtim pagdating sa pagtukoy sa pagitan ng mga positibo at negatibong bagay. Ano ang ibig sabihin ng hindi pagiging taimtim tungkol dito? Ibig sabihin nito na hindi nila kayang kilalanin sa puso nila na ang lahat ng positibong bagay na sinasabi ng Diyos ay nauugnay sa katotohanan, alinsunod sa katotohanan, at nagmumula sa Diyos, at na ang mga negatibong bagay na sinasabi ng Diyos ay salungat sa katotohanan at nagmumula kay Satanas. Hindi nila tinatanggap ang katunayang ito at palaging gustong palabuin ang mga konsepto. Para maiwasang makilatis ng iba at makondena, hindi sila kailanman taimtim sa pagtukoy sa pagitan ng mga positibo at negatibong bagay, hindi nila kailanman inilalantad ang kanilang mga tunay na pananaw, at palagi silang nagsasalita nang malabo, hindi kailanman sinasabi sa mga tao kung ano talaga ang iniisip nila. Iba-ibang mga bagay ang sinasabi nila depende sa kung sino ang kausap nila, ganap na umaayon sa sitwasyon batay sa pangangailangan. Ang mga taong ito, sa lahat ng aspekto, ay hindi interesado sa katotohanan o sa pag-iral ng Diyos. Ito ang ikalawang pagpapamalas ng mga oportunistang tao: Hindi sila masyadong taimtim sa pagtukoy sa mga positibo at negatibong bagay.

Ano pang ibang mga katangian mayroon ang mga oportunistang tao na ito? Palaging pipiliin ng mga taong ito kung mananatili o aalis ba sila batay sa kung paano umuusad ang mga bagay-bagay, yamang partikular silang bihasa sa pag-angkop sa mga sitwasyon. Nang sumali sila sa iglesia, nakagawa na sila ng sapat na paghahanda para sa kanilang estratehiya sa pag-alis at sa kanilang kinabukasan, dahil naplano na nila ang bawat hakbang. Sa kanilang puso, nagkakalkula at gumagawa sila ng mga plano tungkol sa kung ano ang gagawin kung matutupad ang mga salita ng Diyos at kung ano ang gagawin kung hindi matutupad ang mga ito matapos ang partikular na bilang ng mga taon. Ang ganitong uri ng tao ay hindi kailanman ganap na naging dedikado sa gawain ng iglesia pagkatapos pumasok sa iglesia. Sa halip, palagi nilang pinagmamasdan ang paglago ng iglesia, ang saloobin ng iglesia sa kanila at kung paano sila tinatrato nito, at iba pang mga salik para pagdesisyunan ang mga susunod nilang hakbang. Hindi ba’t masyadong komplikado ang mga kaisipan ng mga taong ito? (Oo.) Bagama’t sumali na sila sa iglesia, palagi silang nagtataglay ng isang pansamantalang perspektiba, gaya ng isang kontraktuwal na manggagawa, nananatili magpakailanman sa isang kalagayan ng “pisikal na naririto subalit nasa ibang lugar ang pag-iisip,” okupado ang kanilang isipan ng mga pakana at plano. Ang desisyon nilang manampalataya sa Diyos at sumali sa iglesia ay isa lang labag-sa-loob na kompromiso, hindi isang espirituwal na pangangailangan o isang pagnanais na sumunod sa Diyos at tumahak sa tamang landas ng buhay ng tao batay sa pagkilala sa pag-iral ng Diyos. Wala silang pananalig para dito. Ang mga taong ito ay nananampalataya sa Diyos nang may saloobing maghintay-at-magmasid, nagkakalkula sa kanilang puso: “Kung ang pananampalataya sa diyos ay maghahatid sa akin ng daan-daang pagpapala sa buhay na ito at buhay na walang hanggan sa mundong darating, at ng pagkakataong maligtas at makapasok sa kaharian ng langit, susunod ako at mananampalataya. Kung hindi ko matatanggap ang mga ito, lilisanin ko ang iglesia anumang oras at sa anumang sitwasyon at titigil ako sa pananampalataya.” Ganap silang nanampalataya sa Diyos sa oportunistang pag-aasam ng pagkakamit ng mga pagpapala. Kung hindi sila makatatanggap ng mga pagpapala, maaari nilang abandonahin ang kanilang mga tungkulin anumang oras at sa anumang sitwasyon at magplano ng ibang landas para sa sarili nila dahil ang kanilang puso ay hindi kailanman nakaugat sa iglesia, ni hindi talaga nila pinili ang landas ng pananampalataya sa Diyos at pagsunod sa Diyos.

Ang mga pangunahing katangian ng mga oportunistang taong ito ay ang tatlong ito: Hindi nila sineseryoso kung umiiral ba ang Diyos, hindi nila sineseryoso ang pagkilatis ng mga positibo at negatibong bagay, at maaari nilang lisanin ang iglesia sa anumang oras at sa anumang sitwasyon. Gaano man kabuti ang pagtrato sa kanila ng mga kapatid, hangga’t ang mga bagay ay hindi umaayon sa kanilang mga interes o nakatutugon sa kanilang mga kasalukuyang pangangailangan, maaari nilang lisanin ang iglesia. Subalit kapag wala na silang mapuntahan, pinipili nilang bumalik. Pagkabalik, hindi pa rin nila hinahangad ang katotohanan at maaaring muli nilang lisanin ang iglesia anumang oras. Anong uri sila ng walang-hiya? Ang kanilang pagdating at pag-alis ay parang napakakaswal; hindi sila taos-pusong nananampalataya sa Diyos. Ito ang mga katangian ng mga oportunistang tao; pagdating sa kanilang diwa, sila ay mga hindi mananampalataya. May ilang tao na maaaring magpatuloy na manampalataya sa loob ng tatlo hanggang limang taon, may ilang maaaring magpatuloy nang walo o sampung taon, subalit ang pakay nila ay para lang oportunistang maghanap ng mga pagpapala. Ang gayong mga tao ay hindi simple. Nakapagtitiis pa nga sila hanggang ngayon sa marahas at inuusig na kapaligiran ng mainland China—hindi ba’t iyon ay parang “ang pagtulog sa mga sanga at pagdila sa apdo”? May ilang tao na hindi na makapagpatuloy pagkatapos manampalataya sa loob ng sampung taon, kaya nagrereklamo sila: “Sampung taon na ang nakalipas. Nasayang na ang aking kabataan sa iglesia. Kung nagsumikap ako sa mundo sa loob ng sampung taong ito, magkano na kaya ang perang kinita ko? Marahil ay naging manedyer ako, at malamang na nagkaroon ako ng napakaraming ari-arian.” Pagkatapos ay hindi sila mapakali. Nanampalataya sila sa Diyos sa loob ng sampung taon para lang matugunan ang kakarampot nilang pagkamausisa at pagnanais para sa mga pagpapala, subalit hindi nila kailanman hinangad ang katotohanan. Dahil dito, wala silang napala. Nagsisisi silang nanampalataya sila sa Diyos, at pinagagalitan pa nga nila ang sarili nila, sinasabing, “Hangal ka, mangmang ka! Hindi mo tinahak ang malawak at madaling daan kundi pinilit mong tahakin ang mahirap na rutang ito. Walang pumilit sa iyo; sariling desisyon mo ito!” May ilang tao na kayang umalis kahit matapos manampalataya sa loob ng sampung taon, umaalis sa isang iglap. Pagkatapos na makaraos lang sa lipunan sa loob ng dalawa o tatlong taon, napagtatanto nilang hindi kasinggaan o kasingdaling tahakin ang lipunan gaya ng inakala nila, at ang mundong walang pananampalataya ay hindi kasingmakulay at kasing-ideyal gaya ng inakala nila; hindi madali para sa kanila na makaraos saanman sa mundo. Pagkatapos itong pag-isipan, napagtanto nilang mas mainam pa rin sa iglesia, kaya’t walang kahihiyan silang bumabalik. Pagbalik nila, sinasabi nilang, “Mabuti ang manampalataya sa diyos; masama ang mga walang pananampalataya, palaging nang-aapi ng mga tao. Masyadong maraming pagdurusa sa mundo. Sa mga taon na ito nang hindi pagbabasa ng mga salita ng Diyos, nang hindi pamumuhay ng buhay iglesia, nalugmok ako sa kadiliman, tumatangis at nagngangalit ang aking mga ngipin araw-araw; nagdusa ako hanggang sa puntong tila hindi na ako tao. Mas mabuting manampalataya sa diyos!” Ipinahahayag nilang mas mabuting manampalataya sa Diyos, subalit sa katunayan, ito ay dahil narinig nilang masyadong maraming sakuna sa mundong ito, at malapit nang makaranas ng isang malaking kalamidad ang sangkatauhan. Walang kuwenta ang pagkakaroon ng pera, lupain, mga kotse, at mga bahay; tanging iyong mga may pananalig ang maliligtas. Kaya, bumabalik sila para manampalataya muli sa Diyos. Hindi ba’t isa itong oportunista? (Oo.) Kayang lisanin ng mga oportunistang tao ang iglesia anumang oras. Kung makikita nilang may pag-asang magkamit ng mga pagpapala sa pamamagitan ng pagbalik sa iglesia, maaari din silang bumalik anumang oras. Pagbalik nila, maaari silang magsabi ng ilang salita ng pagsisisi at magpahayag na hindi nila kailanman iiwanang muli ang Diyos, subalit pagkatapos makita na kalmado at payapa ang mga bagay-bagay sa mundo at na maaari pa rin silang magtamasa ng ilang masayang araw, magagawa nilang muling lisanin ang iglesia anumang oras. Ano ang turing nila sa sambahayan ng Diyos at sa iglesia? Itinuturing nila itong isang malayang pamilihan, dumarating at umaalis ayon sa kanilang kagustuhan. Sabihin mo sa Akin, kung ang gayong mga tao ay paaalisin o aalis nang kusa nila, dapat bang tanggapin silang muli ng iglesia kung gusto nilang bumalik? (Hindi.) Hindi sila dapat tanggaping muli. Ang muling pagtanggap sa kanila ay isang pagkakamali at lumalabag sa mga prinsipyo. Ang mga taong ito ay hindi nakatutugon sa mga pamantayan ng mga miyembro ng iglesia. Kaya nilang lisanin ang iglesia anumang oras, at para magkamit ng mga pagpapala, kaya nilang ipagsiksikan ang sarili nila pabalik sa iglesia anumang oras, subalit sa buong prosesong ito, hindi nila kailanman tinatanggap ang katotohanan. Pinatutunayan nito na hindi sila tunay na mga mananampalataya. Ang gayong mga tao ay magiging mga puntirya ng pagpapaalis at pagpapatalsik magpakailanman. Dapat silang paalisin ng iglesia at sabihin sa kanilang: “Huwag kayong manghinayang. Kapag nakaalis na kayo, hindi na kayo makakabalik. Hindi bubuksan ng iglesia ang pinto para sa inyo sa pangalawang pagkakataon. Ito ang prinsipyo.” Sinasabi ng ilang tao na: “Hangal sila noong panahong iyon, subalit umaasal na sila nang napakabuti ngayon. Kasing masunurin sila ng isang maliit na tupa, kasing kaawa-awa ng isang palaboy. Tuwing nakikita nila ang mga kapatid, ipinahahayag nila ang kanilang panghihinayang at pagkakautang, namumula ang kanilang mga mata mula sa pag-iyak sa pagsisisi. Mukha silang sobrang kaawa-awa, at ang kanilang saloobin ng pagtatapat ay napakabuti. Hayaan natin silang bumalik.” May anumang pangungusap ba rito na umaayon sa mga prinsipyo? (Wala.) Kahit pagkatapos manampalataya sa loob ng tatlo o maging sampung taon, kaya pa rin nilang lisanin ang iglesia nang determinado at walang pag-aalinlangan. Anong uri sila ng walang-hiya? Mga totoong mananampalataya ba sila? (Hindi.) Mayroon ba silang anumang sinseridad nang una nilang piniling sumunod sa Diyos? Wala. Kung nagkaroon talaga sila ng anumang sinseridad, hindi sila magiging lubos na determinadong lisanin ang iglesia. Sa pangkalahatan, maaaring sa sukdulan ay magkaroon ang isang tao ng gayong mga kaisipan kapag siya ay mahina, nasisiraan ng loob, o kapag hindi maganda ang takbo ng mga bagay-bagay para sa kanya, subalit hindi siya kailanman determinado na magdedesisyong lisanin ang iglesia para maghanap ng ibang daan pagkatapos manampalataya sa Diyos sa loob ng tatlo, lima, o maging sampung taon. Kung kaya niyang lisanin ang iglesia kapag gusto niya, ipinakikita nito na hindi siya sinsero noong tinanggap niya ang tunay na daan at sumali sa iglesia sa simula; may mga lihim siyang motibo at pakay—wala nang iba pang paraan para sabihin ito. Dapat malinaw na makilatis ang gayong mga tao. Hindi sila mga tunay na mananampalataya. Ang kanilang pananampalataya sa Diyos at pagsunod sa Diyos ay para sa oportunistang pag-aasam ng pagkakamit ng mga pagpapala. Ang gayong mga tao ay inilalarawan bilang mga oportunista at, kapag nakilatis, ay dapat paalisin sa iglesia. Kung hindi nila lilisanin ang iglesia at patuloy na sasamantalahin ang sitwasyon para sa pansarili nilang kapakinabangan sa loob ng iglesia, iyon ay dahil walang sinuman ang nakakilatis sa kung ano sila. Gayumpaman, sa pamamagitan ng pagbabahaginan ngayon tungkol sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga oportunistang ito, ang mga lider at manggagawa at hinirang na mga tao ng Diyos ay dapat magkaroon ng isang malinaw na pagkaunawa at pagkilatis sa gayong mga tao. Kapag natuklasang hindi sila kailanman nagbabasa ng mga salita ng Diyos o nananalangin sa Diyos, hindi interesado sa gawain ng Diyos o sa mga katotohanang ipinahahayag ng Diyos, hindi interesado sa mga positibong bagay, at hindi sineseryoso ang mga ito, dapat silang bantayang mabuti. Kinakailangang obserbahan ang mga motibo at layon nila sa pananampalataya sa Diyos, at tiyakin ang saloobin nila sa iglesia, ang saloobin nila sa katotohanan, at ang saloobin nila sa Diyos. Kung malinaw na wala silang tamang saloobin, partikular na walang pakialam sa paghahangad sa katotohanan at paggawa ng tungkulin, hindi nagpapakita ng anumang interes, at palagi silang nagdududa sa mga salita ng Diyos, makukumpirma na ang mga taong ito ay mga oportunista at mga hindi mananampalataya. Sa kasong iyon, hindi sila dapat ituring na mga kapatid; hindi sila bahagi ng iglesia. Sa halip, dapat silang paalisin sa iglesia. Ilang taon na silang nananampalataya at hindi pa rin nila tinatanggap ang katotohanan; kapaki-pakinabang ba na magpatuloy na makipagbahaginan tungkol sa katotohanan sa kanila? Makatotohanan ba na magpatuloy na maghintay sa kanila na magsisi? Huwag ka nang gumawa sa gayong mga tao, at huwag mo silang hintaying magsisi. Kung hindi sila handang gawin ang kanilang tungkulin at gusto pa rin nilang patagalin ang pananatili nila sa iglesia nang hindi umaalis, dapat humanap ng paraan ang mga lider ng iglesia para matalino silang maibukod. Angkop ba ito? (Oo.) Kapag ang mga taong ito ay nakilatis bilang mga oportunista, naklasipika na sila sa mga hanay ng iba’t ibang masamang tao at mga hindi mananampalataya. Dahil sila ay masasamang tao at mga hindi mananampalataya, natutugunan nila ang mga prinsipyo at kondisyon para mapaalis o mapatalsik mula sa iglesia. Ang pagpapaalis sa kanila nang maaga ay talagang mas mainam kaysa sa pagpapaalis sa kanila nang huli. Makaiiwas sa maraming problema ang pagpapaalis sa kanila nang maaga, at hindi na nila kailangan pang makaramdam ng pagkaagrabyado. Dapat malinaw mong sabihin sa gayong mga tao na: “Hindi mo kailangang patuloy na magkalkula sa iyong puso kung kailan o kung paano ka aalis, at hindi mo kailangang patuloy na magkalkula kung mananatili ka o aalis. Ang sambahayan ng Diyos at ang Diyos ay hindi namimilit sa mga tao; kung gusto mong umalis, hindi ka susubukang udyukan ng iglesia na manatili. Subalit may isang bagay na dapat linawin sa iyo: Kung sigurado kang hindi ka isang tao ng sambahayan ng Diyos at ayaw mong maging isang miyembro ng iglesia, umalis ka sa lalong madaling panahon; huwag kang magpaliban. Ito ay para sa ikabubuti ng lahat. Kung nananampalataya ka sa pag-iral ng Diyos, kung kaya mong tanggapin ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan, at tunay na handa kang sumali sa iglesia, ikaw ay nararapat na miyembro ng iglesia. Subalit ngayon, hindi ka nararapat. Dumating ka para sa oportunismo, at marahil hindi mo ito alam sa sarili mo, subalit nakilatis na namin—ayon sa mga salita ng Diyos, sa katotohanan, at sa mga prinsipyo ng iglesia sa pangangasiwa sa lahat ng uri ng tao—na ikaw ay isang oportunista. Palagi kang nagkakalkula ng tamang oras para lisanin ang iglesia; isa itong malaking abala. Hindi mo kailangang hanapin ang tamang oras; maaari ka nang umalis ngayon. Kung palagi kang hindi sigurado sa pagpapakita at sa gawain ng Diyos, sinasabi Ko na sa iyo ngayon nang malinaw: Hindi mo na kailangang pag-isipan o siyasatin pa ang mga bagay-bagay, hindi mo na kailangang patuloy na gawing mahirap ang mga bagay-bagay para sa iyong sarili—maaari mo na ngayong lisanin ang iglesia, bukas ang pintuan ng sambahayan ng Diyos, at hindi ka pananatilihin ng sambahayan ng Diyos, hindi nito pinipilit ang mga tao.” Angkop bang gawin ito? (Oo.) Bigyan sila ng “daan palabas”; huwag silang hayaang magdusa ng mga pahirap dito araw-araw na gaya ng mga langgam sa isang mainit na kawali, patuloy na pinahihirapan ng kanilang mga damdamin, kanilang laman, kanilang kinabukasan, at ng isyu ng pananatili o pag-alis. Gaano man sila pinahihirapan ng mga bagay na ito, hindi ito kailanman humahantong sa anuman. Pinagbubulay-bulay pa rin nila sa puso nila kung kailan sila aalis, kung paano aalis, kung magdurusa ba sila ng mga kawalan at kasawian kung aalis sila nang maaga, at kung makatatanggap sila ng mga pagpapala kung mananatili sila nang mas matagal. Paano kung umalis sila at pagkatapos ay natupad ang mga salita ng Diyos? Paano kung hindi sila umalis at nanatiling hindi natutupad ang mga salita ng Diyos? Hindi nila kailangang patuloy na mag-alala at mabalisa tungkol sa mga bagay na ito. Dahil hindi sila nananampalataya sa Diyos nang may tunay na kagustuhan, dapat silang umalis sa lalong madaling panahon. Hindi sila dapat manatili rito na sinusubukang samantalahin ang sitwasyon para sa kanilang personal na pakinabang, nagpapanggap na maging isang bagay na hindi naman sila. Sabihin mo sa Akin, mabuti bang payuhan sila nang ganito at pangasiwaan ito sa ganitong paraan? (Oo.) Kalabisan ba ang iklasipika ang mga oportunista kasama ng iba’t ibang masamang tao para paalisin o patalsikin? (Hindi.) Sinasabi ng ilang tao na: “Paano maituturing na masasamang tao ang mga ganitong tao?” Gaano karaming mabuting tao ang mayroon sa mga hindi mananampalataya? Sa mata ng Diyos, ang disposisyong diwa ng mga nananampalataya sa Diyos at kumikilala sa pag-iral ng Diyos ay itinuturing na masama, lalo na iyong mga ganap na hindi nananampalataya sa Diyos at hindi kumikilala sa pag-iral ng Diyos. Kaya kalabisan bang iklasipika sila bilang masasamang tao? (Hindi.) Sa anumang kaso, kahit papaano ay tinatawag pa rin naman silang mga tao—masasamang tao. Sapat na mabuti nang hindi sila kinaklasipika bilang masasamang demonyo. Ang pagkaklasipika sa kanila kasama ng masasamang tao ay ganap na angkop at nararapat; hindi talaga ito kalabisan. Ang gayong masasamang tao ay isa rin sa iba’t ibang uri ng mga tao na paaalisin o patatalsikin ng sambahayan ng Diyos. Ito ang ikaapat na uri ng hindi mananampalataya, na ang layon sa pananampalataya sa Diyos ay oportunista.

Ano ang mga pangunahing katangian ng mga oportunista? Sa pamamagitan ng inyong mga pakikipag-ugnayan sa mga taong ito at sa pagmamasid sa mga disposisyon, pananaw, saloobin, o pagkataong ibinubunyag nila, anong mga pangunahing katangian ang inyong natagpuan? Ibuod ninyo ang mga ito. (Sa simula, ang mga oportunista ay nanampalataya sa Diyos hindi upang hangarin ang katotohanan. Naririnig nila na Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay umuunlad, kaya’t nanampalataya lang sila sa Diyos sa pag-aasam na makakuha ng ilang benepisyo at pagpapala mula sa sambahayan ng Diyos, naghahanap ng pakinabang. At kung hindi nila matatanggap ang mga bagay na ito pagkaraan ng ilang panahon, gusto nilang umalis. Hindi taos-pusong nananampalataya sa Diyos ang mga taong ito at hindi talaga sila interesado sa pananampalataya sa Diyos.) Ano ang pinakamalaking problema sa mga oportunista? Ang pangunahing isyu ay na hindi sila interesado sa katotohanan pero pinakainteresado sila sa pagkakamit ng mga pagpapala, kaya’t pinakamahirap para sa kanila ang tanggapin ang katotohanan. Sinasabi ng ilang tao na: “Hindi mo sila maaaring paalisin o patalsikin dahil lang hindi sila interesado sa katotohanan, tama?” Ang kawalan ng interes ng mga taong ito sa katotohanan ay pangunahing naipakikita sa hindi nila kailanman pagbabasa ng mga salita ng Diyos o pakikipagbahaginan sa katotohanan. Kung may marinig silang isang tao na nakikipagbahaginan sa katotohanan at nagsasalita tungkol sa pagkilala sa sarili, o paghahanap sa katotohanan para lutasin ang mga problema, nakararamdam sila ng partikular na pagtutol sa kanilang puso at ganap na hindi sila interesado, at nagsisimula silang makatulog. Lubhang tutol sila sa mga bagay na ito, at gumagamit pa nga ng walang kabuluhang pag-uusap, nagsasalita tungkol sa mga sakuna, at tinatalakay ang pagpapakita ng Diyos ng mga palatandaan at kababalaghan para guluhin ang iba mula sa pakikipagbahaginan sa katotohanan. Bilang resulta, ang ilan na hindi naghahangad sa katotohanan ay nasasabik kapag naririnig nila ang mga paksang ito at sumasali sa talakayan. Hindi ba’t lantarang panggugulo ito sa buhay iglesia? Bihira silang magbasa ng mga salita ng Diyos sa kanilang pang-araw-araw na buhay, at kapag ginagawa nila ito paminsan-minsan, marahil ito ay dahil may bumabagabag sa kanilang kalooban. Hindi sila interesado sa mga pagtitipon, sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, o sa pakikipagbahaginan sa mga salita ng Diyos. Ang iniintindi lang nila ay: “Kailan darating ang araw ng diyos? Kailan matatapos ang malalaking kalamidad? Kailan natin matatamasa ang mga pagpapala ng kaharian ng langit?” Palagi nilang iniisip ang tungkol sa mga bagay na ito. Kung walang tumatalakay sa mga paksang ito, nag-oonline sila para magsaliksik, at pagkatapos magsaliksik, sinisimulan nilang ipakalat ang mga bagay na ito sa mga pagtitipon. Napupuno ang kanilang puso ng mga bagay na ito. Hangga’t naririnig nila ang iba na nakikipagbahaginan tungkol sa mga paksang interesado sila, maaari silang mag-ambag at sumali sa pagbabahaginan. Subalit sa sandaling makarinig sila ng nilalamang nauugnay sa katotohanan o sa mga salita ng Diyos, ayaw nilang makinig. Nagsisimula silang makatulog, at umaalis pa nga ang ilan, habang ang iba ay nagsisimulang hindi mapakali—nagpapakita sila ng lahat ng uri ng pangit na ekspresyon. Sinasabi mong, “Magbahaginan tayo ng mga salita ng Diyos.” Sinasabi nilang, “Nauuhaw ako, kailangan kong uminom ng tubig.” Sinasabi mong, “Magbahaginan tayo tungkol sa pagkilala sa sarili,” o “Magbahaginan tayo tungkol sa mga detalye ng paggawa ng mga tungkulin; tingnan natin kung ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos tungkol dito, at kung ano ang mga katotohanang prinsipyo.” Sinasabi nilang, “May gagawin ako. Aalis na ako. Magsaya kayo sa inyong pag-uusap.” Naghahanap sila ng lahat ng uri ng palusot para hindian at tanggihan ang pakikipagbahaginan sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Malinaw na inilalantad nito ang katunayang hindi lang nila hindi minamahal ang katotohanan, kundi tutol din sila at nilalabanan nila ang katotohanan mula sa kaibuturan ng kanilang puso. Sa tuwing ang mga salita ng Diyos, ang katotohanan ay nababanggit, hindi sila hayagang sumasalungat o nakikipagtalo, kundi naghahanap sila ng iba’t ibang palusot para tanggihan at iwasan ang mga ito. Hindi ba’t malinaw na ipinapakita ng mga pag-uugaling ito na sila ay mga oportunista? Hindi ba’t malinaw na ipinapahiwatig ng mga ito na sila ay mga hindi mananampalataya, nananampalataya sa Diyos para sa isang partikular na pakay, para sa oportunismo? (Oo.) Sinasabi ng ilang tao na: “Sinasabi mong sila ay mga hindi mananampalataya at hindi taos-pusong sumusunod sa Diyos, kung gayon bakit nagagawa nilang manampalataya hanggang ngayon at nagsusumikap pa rin sila at nagtitiis ng paghihirap para sa gawain ng iglesia?” Hindi pa ba sapat ang mga pag-uugaling kababanggit lang natin para masagot ang tanong na ito? Ang mga pag-uugaling ito ay sapat na para patunayan na tumpak ang ating pagkilatis at paglalarawan sa kanila. Samakatwid, para masukat kung ang layon ng isang tao sa pananampalataya sa Diyos ay oportunista, dapat mong sukatin at kilatisin ito batay sa kanyang saloobin sa Diyos, sa gawain ng Diyos, sa katotohanan, at sa mga positibo at negatibong bagay. Ito ang pinakatumpak. Hindi tumpak at hindi obhetibo na sukatin ito sa pamamagitan ng kanyang panlabas na pag-uugali at mga kilos. Tanging ang kanyang tunay na panloob na mga kaisipan at ang kanyang saloobin sa Diyos at sa katotohanan ang nagbubunyag sa mga isyu; ang mga ito lang ang mga pinakatumpak na pamantayan para sa paglalarawan kung anong uri siya ng tao. Ngayon, talaga bang malinaw na sa inyo ang tungkol sa diwa niyong mga taong ang layon sa pananampalataya sa Diyos ay oportunistiko? Nakatagpo na ba kayong lahat ng ilang taong tulad nito? (Oo.) Mas mabuti para sa gayong mga tao na umalis sa lalong madaling panahon. Kung tunay na handa silang magserbisyo, maaari silang panatilihin nang may pag-aatubili. Gayumpaman, kung hindi nila ginagawa ang kanilang mga tungkulin at hindi kayang magbigay ng anumang serbisyo, kundi nagdudulot ng mga kaguluhan at may negatibong epekto sa gawain ng iglesia at buhay iglesia, dapat silang paalisin sa lalong madaling panahon. Ito ang prinsipyo sa pagpapaalis sa mga hindi mananampalataya. Kailangan ng sambahayan ng Diyos ng mga taong taos-pusong nananampalataya sa Diyos at nagmamahal sa katotohanan; kailangan nito ng mga tapat na tagapagserbisyo. Tiyak na hindi nito kailangan ng mga hindi mananampalataya o iyong mga nagmamasid nang may pag-aalinlangan para maparami ang bilang. Hindi rin kailangan ng iglesia ang sinuman para punan ang bilang. Dito natin tatapusin ang pagbabahaginan natin tungkol sa paksang ito.