Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (23) Unang Seksiyon
Ikalabing-apat na Aytem: Agarang Kilatisin, at Pagkatapos ay Paalisin o Patalsikin ang Lahat ng Uri ng Masasamang Tao at mga Anticristo (Ikalawang Bahagi)
Sa huling pagtitipon, nagbahaginan tayo tungkol sa ikalabing-apat na responsabilidad ng mga lider at manggagawa: “Agarang Kilatisin, at Pagkatapos ay Paalisin o Patalsikin ang Lahat ng Uri ng Masasamang Tao at mga Anticristo.” Sinaklaw ng pagbabahaginan ang isang aspekto nito: kung ano ang isang iglesia. Pagkatapos magbahaginan tungkol sa depinisyon ng isang iglesia, malinaw na ba sa inyo ang ugnayan sa pagitan nito at ng ikalabing-apat na responsabilidad ng mga lider at manggagawa? (Pagkatapos makipagbahaginan ng Diyos tungkol sa depinisyon ng isang iglesia, naunawaan namin kung bakit umiiral ang mga iglesia, ang papel na ginagampanan ng isang iglesia, at ang gawaing ginagawa ng isang iglesia. Batay rito, makikilatis namin kung sino ang mga tao sa iglesia na nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo, at hindi gumaganap ng isang positibong papel, at pagkatapos ay paaalisin o patatalsikin ang mga taong ito.) Pagkatapos maunawaan kung ano ang isang iglesia, dapat malaman ng mga lider at manggagawa kung bakit itinatatag ng Diyos ang mga iglesia, ang epekto sa mga tao ng pagbubuo ng mga iglesia, ang gawaing dapat gawin ng mga iglesia, ang mga uri ng mga tao na bumubuo sa isang iglesia, at kung sinong mga tao ang mga totoong kapatid. Pagkatapos maunawaan at malaman ang mga bagay na ito, mayroon na kayong isang batayang konsepto at depinisyon, pati na rin ng isang pundasyon ng mga prinsipyo para sa gawaing binalangkas sa ikalabing-apat na responsabilidad: “Agarang kilatisin, at pagkatapos ay paalisin o patalsikin ang lahat ng uri ng masasamang tao at mga anticristo.” Ito ay isang bagay na dapat maging malinaw sa inyo at nauunawaan ninyo sa usapin ng teorya at pangitain. Pagkatapos maunawaan ito, ang unang gawaing dapat isakatuparan ng mga lider at manggagawa ay ang kilatisin ang lahat ng uri ng masasamang tao. Ano ang mga pamantayan at prinsipyo para sa paggawa nito? Ang pagkilatis sa lahat ng uri ng masasamang tao ay dapat na nakabatay sa depinisyon ng isang iglesia, ang kabuluhan at kahalagahan ng pag-iral ng isang iglesia, at ang gawaing itinatatag ng Diyos para gawin ng mga iglesia. Noong nakaraan, ang mga pamantayan at batayan para sa pagkilatis sa iba’t ibang uri ng masasamang tao ay hinati sa tatlong pangunahing kategorya. Ano ang tatlong kategoryang ito? (Ang layon ng isang tao sa pananampalataya sa Diyos, ang pagkatao ng isang tao, at ang saloobin ng isang tao sa kanyang tungkulin.) Sapat na bang partikular at komprehensibo ang tatlong pangunahing kategoryang ito? Sinasabi ng ilang tao, “Bakit hindi nakabatay ang pagkilatis sa lahat ng uri ng tao sa antas ng pagmamahal nila sa katotohanan, at sa antas ng pagpapasakop at pagkatakot nila sa Diyos, kundi batay sa layon nila sa pananampalataya sa Diyos, sa pagkatao nila, at sa saloobin nila sa kanilang tungkulin? Hindi ba’t napakababa ng mga pamantayang ito? Sa madaling sabi, batay sa partikular na nilalaman ng tatlong kategoryang ito, bakit walang mas malalimang pagtalakay tungkol sa saloobin ng mga tao sa Diyos at sa katotohanan? Bakit walang binanggit kung handa ba ang mga tao na tumanggap ng pagpupungos, paghatol, at pagkastigo, kung mayroon ba silang pusong nagpapasakop at may pagkatakot sa Diyos, at iba pang mas malalim na nilalaman na nauugnay sa katotohanan?” Naisip na ba ninyo kailanman ang tungkol sa tanong na ito? Huwag muna nating talakayin ang isyung ito sa ngayon. Tingnan muna natin ang tatlong pamantayan: ang layon ng mga tao sa pananampalataya sa Diyos, ang pagkatao nila, at ang saloobin nila sa kanilang tungkulin. Batay sa mga pamagat ng mga ito, mababaw ba o hindi ang tatlong pamantayang ito? Kung ang isang tao ay hindi pasok sa pamantayan pagdating sa tatlong pinakabatayang pamantayang ito, matatawag ba siyang isang kapatid? (Hindi.) Maituturing ba siyang miyembro ng iglesia? Maaari ba siyang kilalanin ng Diyos bilang bahagi ng iglesia? (Hindi.) Wala sa mga bagay na ito ang posible para sa kanya. Kaya, kung ang isang tao ay kulang o mababa sa pamantayan pagdating sa lahat ng tatlong pamantayang ito, dapat makilatis ang gayong mga indibidwal; nabibilang sila sa mga hanay ng iba’t ibang uri ng masasamang tao, at dapat silang paalisin o patalsikin. Kung ang isang tao man ay isang kapatid, kinikilala ng Diyos, o isang miyembro na dapat tanggapin ng iglesia, ay nakadepende kahit papaano sa kung siya ay pasok sa pamantayan at nakapasa sa usapin ng tatlong pamantayang ito. Kung hindi man lang niya matugunan ang tatlong pamantayang ito, tiyak na hindi siya isang kapatid. Natural na hindi siya kinikilala ng Diyos, at hindi rin siya dapat tanggapin ng iglesia. Kaya, paano siya dapat tratuhin at pangasiwaan ng iglesia? (Dapat siyang paalisin o patalsikin.) Kapag nakilatis na siya, dapat siyang alisin o patalsikin. Ganoon mismo iyon.
Ang mga Pamantayan at Batayan Para sa Pagkilatis sa Iba’t Ibang Uri ng Masasamang Tao
I. Batay sa Layon ng Isang Tao sa Pananampalataya sa Diyos
D. Para Makibahagi sa Oportunismo
Sa huling pagtitipon, nagbahaginan at nagtala tayo ng tatlong layon para sa pananampalataya sa Diyos. Kung itatala natin ang mga ito bilang mga pamagat sa seksiyon, ang una ay para matugunan ang pagnanais ng isang tao na maging isang opisyal; ang ikalawa ay para maghanap ng kasalungat na kasarian; at ang ikatlo ay para makaiwas sa mga sakuna. Natapos tayong magbahaginan tungkol sa tatlong layon na ito. Sunod ay magbabahaginan tayo tungkol sa ikaapat na layon: May ilang tao na nananampalataya sa Diyos dahil lang sa mga oportunistang kadahilanan, kaya ang pamagat ng layon na ito ay “para makabahagi sa oportunismo.” Nakikita ng ilang tao na ang lahat ng relihiyon at sekta sa relihiyosong mundo ay mapanglaw at walang gawain ng Banal na Espiritu—na nanlamig na ang pananalig at pagmamahal ng mga tao, na ang mga tao mismo ay lalong sumasama at hindi nakakakita ng pag-asa para sa kaligtasan, at na nanampalataya ang mga tao sa Panginoon sa loob ng maraming taon nang walang anumang nakakamit. Dahil nakikita nilang ganap nang naging tigang na lupa ang relihiyosong mundo, naghahanap sila ng isang daan pasulong para sa sarili nila. Pinagbubulay-bulayan nila, “Aling iglesia sa kasalukuyan ang may mas maraming tao, umuunlad, at may mga pagkakataon sa paglago?” Napag-aalaman nila na Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, na nilalabanan at kinokondena ng relihiyosong mundo, ay umuunlad, na mayroon itong gawain ng Banal na Espiritu, at na mahusay itong lumalago sa loob at labas ng bansa. Iniisip nila, “Narinig ko na dumarami ang bilang ng mga miyembro ng iglesiang ito, na mahusay itong lumalago, at na nagtataglay ito ng masaganang lakas-tao, mga materyal na pinagkukunan, at mga pinansiyal na pinagkukunan, at may mga pagkakataon sa paglago. Kung sasamantalahin ko ang magandang oportunidad na ito na sumali sa kanilang iglesia, hindi ba’t magkakamit ako ng ilang benepisyo? Hindi ba’t makakukuha ako ng magandang kinabukasan para sa aking sarili?” Taglay ang gayong intensyon at layon, at kaunting pagkamausisa, nakakapasok ang mga taong ito sa iglesia. Pagkatapos makapasok ng mga taong ito sa iglesia, hindi sila interesado sa katotohanan, sa pananampalataya sa Diyos, o sa pagbabago ng kanilang buhay disposisyon. Ang pakay nila sa pagsali sa iglesia ay para lang makahanap ng tagasuporta o ng isang lugar na matutuluyan at para makamit ang kinabukasang ninanais nila. Sa katunayan, sa kanilang puso, wala silang interes sa pananampalataya sa Diyos, sa mga katotohanang ipinahahayag ng Diyos, o sa gawain ng pagliligtas na ginagawa ng Diyos, at ayaw nilang marinig o hanapin ang tungkol sa mga bagay na ito. Sa partikular, ganap silang walang interes sa gawain ng Diyos at sa gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga taong ito ay parang mga oportunista sa lipunan na, anumang industriya ang sinasalihan nila, ay ginagawa lang ito para makahanap ng mga oportunidad na magkamit ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, at para lang mamuhunan at magbayad ng halaga para sa kapakanan ng kanilang sariling kinabukasan at tadhana. Sa sandaling matuklasan nila na kasalukuyang walang mga malinaw na kinabukasan sa larangan o industriyang pinagtutuunan nila, o na ang industriyang ito ay hindi nagpapahintulot sa kanilang ipakita ang kanilang mga kalakasan at umangat sa mundo, madalas nilang kinakalkula sa isipan nila kung magpapalit ba sila ng trabaho o lilipat ng industriya. Sa anumang ginagawa nila, ang gayong mga tao ay palaging naghihintay ng pagkakataon para gumawa ng isang hakbang; mayroon silang intensyon at layon sa pagsali sa iglesia. Kapag ang iglesia ay umuunlad, kapag nakapananatili itong matatag at may mga pagkakataon sa paglago sa lipunan o sa anumang bansa, aktibo at masigasig nilang itinutuon ang sarili nila sa gawain ng iglesia. Subalit kapag ang iglesia ay inuusig at pinipigilan, o hindi matugunan ang kanilang mga personal na pagnanais at mga hinihingi, pinag-iisipan nila kung lilisanin ba nila ang iglesia at maghahanap ng ibang daan pasulong para sa sarili nila. Malinaw na ang tunay na layon ng mga taong ito sa pagsali sa iglesia ay hindi dahil interesado sila sa katotohanan; hindi sila sumali sa iglesia batay sa pagkilala sa pag-iral ng Diyos at sa bagong gawain ng Diyos sa pagliligtas ng mga tao. Kahit kapag pumipili sila ng isang iglesia, pinipili nila ang isang kilala at malakihang iglesia na may maraming miyembro, lalo na ang isang iglesia na may partikular na antas ng kabantugan sa loob at labas ng bansa. Para sa kanila, ang ganitong uri lang ng iglesia ang nakatutugon sa kanilang mga pamantayan at ganap na naaayon sa mga layong minimithi o hinahangad nila. Subalit anuman ang mangyari, hindi talaga sila kailanman naniwala sa katotohanan, ni hindi nila tunay na kinilala ang pag-iral ng Diyos o ang gawain ng Diyos. Kahit na lumalabas na minsan ay gumagawa sila ng isang bagay para sa iglesia o itinutuon ang sarili nila sa ilang bahagi ng gawain ng iglesia, sa kaibuturan ng kanilang puso, nananatiling hindi nagbabago ang saloobin nila sa katotohanan at sa Diyos. Ano ang saloobin nila? Ang palagian nilang saloobin ay ang sumabay lang muna sa agos sa ngayon, para makita kung ano mismo ang maaari nilang makamit mula sa iglesiang ito, para makita mismo kung gaano karami sa mga binigkas na salita ng Diyos ang magkakatotoo at kung hanggang saan, at para makita kung kailan makakamit ang mga pagpapalang ipinangako ng Diyos sa tao, at kung ang mga pagpapalang ito ay maaaring masaksihan at matupad sa loob ng maikling panahon. Ganito palagi ang saloobin nila. Nagtutungo sila sa sambahayan ng Diyos nang may pagkamausisa at pagnanais na subukan ito, at nang may saloobin na kung matutupad at magkakatotoo ang mga salita ng Diyos, tatanggap sila ng mga pagpapala at hindi mawawalan. Ang gayong mga tao ay nagtutungo sa sambahayan ng Diyos at, kahit na tila palakaibigan sila sa iba, sumusunod sa mga alituntunin, hindi nagdudulot ng mga paggambala o panggugulo, at hindi gumagawa ng kalokohan, batay sa saloobin nila sa Diyos at sa katotohanan, matutukoy sila bilang mga halatang hindi mananampalataya.
Paano natin makikilatis ang uri ng mga hindi mananampalataya na naniniwala sa Diyos para lamang mala-oportunistang magkamit ng mga pagpapala, at walang kagustuhang makamtan ang katotohanan? Kahit gaano karaming sermon ang marinig nila, kahit paano ibahagi sa kanila ang katotohanan, hindi kailanman nagbabago ang mga kaisipan at pananaw nila sa mga tao at bagay, ang pananaw nila sa buhay at mga pagpapahalaga nila. Bakit ganito? Dahil hindi nila kailanman pinagbubulayan nang seryoso ang mga salita ng Diyos at ganap na hindi nila tinatanggap ang mga katotohanang ipinahayag ng Diyos o ang sinasabi ng Diyos tungkol sa iba’t ibang isyu. Kumakapit lang sila sa mga sariling pananaw nila at sa mga pilosopiya ni Satanas. Sa puso nila, naniniwala pa rin sila na tama at wasto ang mga pilosopiya at lohika ni Satanas. Halimbawa, “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” “Hindi gagalawin ng mga opisyal ang mga sipsip sa kanila,” o “Payapa ang buhay ng mabubuti.” May mga nagsasabi pa, “Kapag nananampalataya ang mga tao sa diyos, dapat silang maging mabuti, ibig sabihin ay hindi kailanman pagkitil ng buhay; isang kasalanan ang kumitil ng buhay, at hindi ito mapapatawad ng diyos.” Anong klaseng pananaw ito? Isa itong pananaw ng Budismo. Bagama’t maaaring akma ang pananaw ng Budismo sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, wala itong anumang katotohanan. Dapat nakabatay sa mga salita ng Diyos ang pananalig sa Diyos; tanging ang mga salita ng Diyos ang katotohanan. Sa pananalig nila sa Diyos, tinatanggap pa nga ng ilang tao ang mga katawa-tawang pananaw ng mga walang pananampalataya at ang mga maling teorya ng relihiyosong mundo bilang ang katotohanan, pinahahalagahan at pinanghahawakan nila ang mga ito. Mga tao ba silang tumatanggap sa katotohanan? Hindi nila mapag-iba ang mga salita ng tao at ang mga salita ng Diyos, o ang mga diyablo at Satanas at ang nag-iisang tunay na Diyos, ang Lumikha. Hindi sila nananalangin sa Diyos o naghahanap sa katotohanan, hindi rin nila tinatanggap ang alinman sa mga katotohanang ipinahayag ng Diyos. Hindi kailanman nagbabago ang mga kaisipan at pananaw nila sa mga tao, sa mundo sa labas, at sa lahat ng ibang mga usapin. Kumakapit lang sila sa mga pananaw na dati na nilang pinanghahawakan, na nagmumula sa tradisyonal na kultura. Gaano man katawa-tawa ang mga pananaw na iyon, hindi nila ito nakikilatis, at pinanghahawakan pa rin nila ang mga maling pananaw na iyon at hindi nila binibitawan ang mga ito. Ito ang isang pagpapamalas ng isang hindi mananampalataya. Ano ang isa pang pagpapamalas? Ito ay na nagbabago ang sigasig, damdamin, at pananalig nila habang lumalaki ang saklaw ng iglesia at habang patuloy na tumataas ang katayuan nito sa lipunan. Halimbawa, nang lumaganap ang gawain ng iglesia sa ibang bansa at lumaki ang saklaw nito, nang lubos na lumaganap ang gawain ng ebanghelyo, nakita nila ito at agad silang sumigla. Nararamdaman nila na lalong nagiging mas malakas ang impluwensiya ng iglesia at hindi na magdurusa sa pang-aapi at pang-uusig ng gobyerno, naniniwala sila na may pag-asa ang pananalig nila sa Diyos, na puwede silang maging taas-noo; at kaya naramdaman nila na tama ang pagpusta nila sa pananampalataya sa Diyos, na magbubunga na sa wakas ang isinugal nila. Naramdaman nila na lalong nadaragdagan ang mga pagkakataon nila na makapagkamit ng mga pagpapala at nagsisimula na silang maging masaya sa wakas. Noong mga nakaraang taon, madalas nilang maramdaman ang pang-aapi, pasakit, at dalamhati dahil madalas nilang makita ang mga pang-aaresto at panunupil ng malaking pulang dragon sa mga Kristiyano. Bakit sila nagdadalamhati? Dahil nasa kalunos-lunos na kalagayan ang iglesia, at nababahala sila kung tama ba ang naging desisyon nila na manampalataya sa Diyos, at higit pa roon, nababahala at nag-aalala sila kung dapat ba silang manatili o umalis sa iglesia. Sa mga taon na iyon, anuman ang masasamang kalagayan na kinakaharap ng iglesia, may epekto ito sa mga emosyon nila; anumang gawain ang ginagawa ng iglesia at paano man magbago ang reputasyon at katayuan ng iglesia sa loob ng lipunan, nakakaapekto ito sa mga emosyon at lagay ng loob nila. Palaging sumasagi sa isipan nila ang tanong kung dapat ba silang manatili o umalis. Mga hindi mananampalataya ang mga gayong tao, hindi ba? Kapag kinokondena at sinusupil ng pambansang pamahalaan ang iglesia, o kapag inaaresto o hinuhusgahan, kinokondena, sinisiraan, at itinatakwil ng relihiyosong mundo ang mga mananampalataya, nakakaramdam sila ng matindi at labis-labis na kahihiyan na umanib sila sa iglesia; nag-aalinlangan ang puso nila at nagsisisi sila na nananampalataya sila sa Diyos at umanib sa iglesia. Wala silang anumang intensyon kailanman na makibahagi sa mga kagalakan at paghihirap ng iglesia, o na magdusa kasama ni Cristo. Sa halip, kapag umuunlad ang iglesia, mukha silang nag-uumapaw sa pananalig, pero kapag inuusig, itinatakwil, sinusupil, at kinokondena ang iglesia, gusto nilang tumakas, umalis. Kapag hindi sila makakita ng anumang pag-asa na makatanggap ng mga pagpapala, o anumang pag-asa na lalaganap ang ebanghelyo ng kaharian, lalo nilang gustong umalis. Kapag hindi nila nakikita na natutupad ang mga salita ng Diyos, at kapag hindi nila alam kung kailan babagsak ang malalaking kalamidad at kung kailan matatapos ang mga ito, o kung kailan maisasakatuparan ang kaharian ni Cristo, nag-aalinlangan sila at hindi nila magawa ang tungkulin nila nang payapa ang isipan. Sa tuwing nangyayari ito, gusto nilang iwanan ang Diyos, iwanan ang iglesia, at maghanap ng paraan para makalabas. Mga hindi mananampalataya ang mga gayong tao, hindi ba? Para sa sariling interes ng kanilang laman ang bawat kilos nila. Ang mga kaisipan at pananaw nila ay hindi kailanman unti-unting magbabago sa pamamagitan ng pagdanas nila sa gawain ng Diyos, pagbabasa ng Kanyang mga salita, pakikipagbahaginan sa katotohanan, at pamumuhay ng buhay iglesia. Kapag may nangyayari sa kanila, hindi nila kailanman hinahanap ang katotohanan, o hinahanap kung ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos tungkol dito, kung ano ang mga layunin ng Diyos, kung paano ginagabayan ng Diyos ang mga tao, o kung ano ang hinihingi Niya sa mga tao. Ang tanging pakay nila sa pag-anib sa iglesia ay maghintay sa araw na magiging “taas-noo” na ang iglesia, para makuha nila ang mga pakinabang na matagal na nilang ninanais. Siyempre, umanib din sila sa iglesia dahil nakita nila na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan—pero ganap nilang hindi tinatanggap ang katotohanan, at hindi sila naniniwala na matutupad ang lahat ng salita ng Diyos. Kaya ano ang masasabi ninyo, mga hindi mananampalataya ba ang mga gayong tao? (Oo.) Anuman ang mangyari sa iglesia o sa mundo sa labas, tinatantya nila kung gaano maaapektuhan ang mga interes nila, at kung gaano kalaki ang magiging epekto nito sa mga layong hinahangad nila. Sa pinakamaliit na tanda ng problema, agad nilang iniisip ang sarili nilang mga kinabukasan, interes, at kung dapat ba silang manatili o umalis sa iglesia nang may labis na talas ng isip. May mga tao pa ngang tanong nang tanong, “Noong nakaraang taon, sinabi na magtatapos na ang gawain ng diyos—kaya bakit nagpapatuloy pa ito? Anong taon ba eksaktong matatapos ang gawain ng diyos? Wala ba akong karapatang malaman? Napakatagal ko nang nagtiis, mahalaga ang aking oras, mahalaga ang aking kabataan—siguro naman, hindi puwedeng paghihintayin mo ako nang ganito?” Partikular silang sensitibo sa kung natupad na ba ang mga salita ng Diyos, sa sitwasyon ng iglesia, at sa katayuan at reputasyon nito. Wala silang pakialam kung makakamit ba nila ang katotohanan o kung maliligtas ba sila, kundi napakasensitibo nila sa kung magagawa ba nilang manatiling buhay, at kung magkakamit ba sila ng mga pakinabang at mga pagpapala kung mananatili sila sa sambahayan ng Diyos. Mga oportunista ang mga gayong tao sa pagnanais nila na mapagpala. Kahit pa manampalataya sila hanggang sa pinakawakas, hindi pa rin nila mauunawaan ang katotohanan, at wala silang masasalaysay na anumang patotoong batay sa karanasan. May nakatagpo ka na bang mga ganitong tao? Sa katunayan, may mga ganoong tao sa bawat iglesia. Dapat maging masigasig kayo sa pagkilatis sa kanila. Pawang mga hindi mananampalataya ang mga gayong indibidwal, salot sila sa sambahayan ng Diyos, magdudulot sila ng malaking pinsala at hindi sila kapaki-pakinabang sa iglesia, at dapat silang paalisin dito.