Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (22) Ikatlong Seksiyon

Ang mga Pamantayan at Batayan Para sa Pagkilatis sa Iba’t Ibang Uri ng Masasamang Tao

Balikan natin ang ikalabing-apat na responsabilidad ng mga lider at manggagawa: “Agarang kilatisin, at pagkatapos ay paalisin o patalsikin ang lahat ng uri ng masasamang tao at mga anticristo.” Tingnan natin kung ang gawaing ito na dapat gawin ng mga lider at manggagawa ay may kaugnayan sa bawat detalye tungkol sa mga iglesia na kababahagi Ko lang. Bakit kailangan nating pagbahaginan ang mga partikular na detalyeng ito? Ano ang ugnayan sa pagitan ng mga detalyeng ito at sa gawaing ito na dapat gawin ng mga lider at manggagawa? (Ang masasamang tao at mga anticristo na ito ay hindi mga miyembro ng iglesia at kailangan silang alisin. Bukod pa rito, ang kanilang pag-iral ay nakasasagabal at nakagugulo sa gawaing isinasagawa ng mga iglesia.) Kaya, may koneksiyon; ang pagbabahaginang ito ay hindi walang kabuluhan. Matapos maunawaan ang bawat detalye tungkol sa katawagan o depinisyon ng isang iglesia, siyasatin natin kung paano dapat tratuhin ng mga lider at manggagawa ang mga miyembro ng iglesia, kung paano nila dapat tratuhin ang iba’t ibang tao na kinakailangang paalisin o patalsikin mula sa iglesia, kung paano nila maayos na magagawa ang gawaing ito, at kung paano nila dapat gampanan ang kanilang responsabilidad at panatilihin ang gawain ng iglesia. Una, dapat maunawaan ng mga lider at manggagawa kung ano ang depinisyon ng isang iglesia, bakit kailangang umiral ang isang iglesia, at anong gawain ang dapat na ginagawa ng isang iglesia. Pagkatapos maunawaan ang mga bagay na ito, dapat nilang tingnan kung sinong mga kasalukuyang miyembro ng iglesia ang hindi gumaganap ng positibong papel pagdating sa kahalagahan ng pag-iral ng iglesia o sa gawaing ginagawa ng iglesia, o kung sino ang maaaring magdulot ng mga pagkagambala, kaguluhan at negatibong epekto sa mahalagang gawain ng iglesia, o seryosong makaaapekto pa nga sa reputasyon ng iglesia at magdadala ng kahihiyan sa pangalan ng Diyos. Ang malinaw na pagkilatis at agarang pagpapaalis o pagpapatalsik sa mga tao na ito—hindi ba’t ito ang gawaing dapat gawin ng mga lider at manggagawa? (Oo.) Kaya, ano ang sangkot sa maayos na paggawa ng gawaing ito? Para mapaalis o mapatalsik ang lahat ng uri ng masamang tao at madalisay ang iglesia, at para mabigyang-daan na maipamalas ang kahalagahan ng pag-iral ng iglesia at matupad ng iglesia ang papel na dapat nitong gampanan, at kasabay nito ay hayaan ang gawain ng iglesia na umusad nang maayos, dapat munang tukuyin ng mga lider at manggagawa kung aling mga tao sa iglesia ang masasamang tao at mga anticristo. Ito ang impormasyon o aktuwal na sitwasyong kailangan munang maarok ng mga lider at manggagawa kapag isinasagawa ang gawaing ito. Ang unang usaping kinahaharap ng mga lider at manggagawa sa gawaing ito ay ang pagkilatis sa iba’t ibang uri ng tao. Ano ang layon ng pagkilatis sa iba’t ibang uri ng tao? Ito ay para ibukod-bukod sila ayon sa kanilang uri at protektahan ang mga tunay na miyembro ng iglesia. Gayumpaman, ang pagprotekta lang sa mga taong ito ay hindi nangangahulugan na matagumpay na naisasagawa ang gawaing nakabalangkas sa ikalabing-apat na responsabilidad. Ano, kung gayon, ang pinakamahalagang aspekto ng matagumpay na pagsasagawa ng gawaing ito? Ito ay ang pagpapaalis o pagpapatalsik sa lahat ng uri ng hindi mananampalataya at masasamang tao na hindi kabilang sa iglesia. Inilalarawan man ang mga taong ito bilang masasamang tao o mga anticristo, kung natutugunan nila ang mga kondisyon para sa pagpapaalis o pagpapatalsik, ang pangangailangan para sa gawaing ito ay lumilitaw, at oras na para sa mga lider at manggagawa na tuparin ang kanilang responsabilidad. Magbahaginan muna tayo tungkol sa kung paano kilatisin ang iba’t ibang uri ng tao.

I. Batay sa Layon ng Isang Tao sa Pananampalataya sa Diyos

Paano natin dapat kilatisin ang iba’t ibang uri ng tao? Ang unang pamantayan ay ang kilatisin sila ayon sa kanilang layon sa pananampalataya sa Diyos. Ang ikalawa ay ayon sa kanilang pagkatao. At ang ikatlo ay ayon sa saloobin nila sa kanilang tungkulin. Kung gagamit tayo ng ilang simple at maikling pamagat ng seksiyon, ang mga ito ay: una, ang layon nila sa pananampalataya sa Diyos; ikalawa, ang pagkatao nila; at ikatlo, ang saloobin nila sa kanilang tungkulin. Ngayong mayroon na tayo nitong tatlong pamagat ng seksiyon, ano ang inyong mga pagkaunawa sa bawat isa sa mga ito? Hindi pa natin gaanong natalakay ang tungkol sa layon ng mga tao sa pananampalataya sa Diyos dati. Mas marami tayong tinalakay tungkol sa pagkatao ng mga tao at sa saloobin nila sa tungkulin, kaya mas pamilyar kayo sa mga bagay na ito. Ang layon ng mga tao sa pananampalataya sa Diyos ay pamilyar sa inyo dahil kayo mismo ay nanampalataya sa Diyos nang may layon. Ang ilang tao ay nananampalataya sa Diyos dahil ayaw nilang mapunta sa impiyerno, ang ilan ay dahil gusto nilang makapasok sa langit, ang ilan ay dahil ayaw nilang mamatay, ang ilan ay para makaiwas sa mga sakuna, ang ilan ay dahil lang gusto nilang maging mabubuting tao, ang ilan ay dahil gusto nilang makaiwas sa pang-aabuso, at iba pa. Hindi dapat na hindi pamilyar sa inyo ang paksang ito; kaya lang, ang mga detalyeng tatalakayin Ko ay maaaring medyo hindi pamilyar sa inyo—maaari kayong makaramdam ng kawalang-katiyakan tungkol sa mga ito, hindi ninyo alam kung ano ang sasabihin Ko tungkol sa mga ito o kung saan Ako magsisimula. Kaya, pag-usapan natin ito nang sandali. Sabihin ninyo sa Akin, ang mga taong nagkikimkim ng aling mga uri ng mga intensyon at layon sa pananampalataya sa Diyos ang mga dapat paalisin o patalsikin? (Iyong mga naghahangad lang ng kasikatan at katayuan at gusto lang humawak ng kapangyarihan, at na walang kahihiyang guguluhin ang iglesia para sa kapakanan ng kanilang katayuan.) Ito ay isang uri ng tao. May mga iba pa ba? (Iyong mga hindi mananampalataya na naghahangad ng mga pagpapala at na makinabang hangga’t nais.) Ang mga hindi mananampalataya, ito ay isa pang uri. May iba pa ba? Maaaring iniisip ninyo ang mga pagpapamalas ng ilang tao, subalit hindi ninyo malinaw na makilatis kung ang mga taong ito ay nagbubunyag lang ng mga tiwaling disposisyon o kung talagang mga tao sila na may mga hindi dalisay na layon sa pananampalataya sa Diyos na dapat paalisin o patalsikin. Hindi ninyo ito matukoy at pakiramdam ninyo ay medyo hindi ito malinaw, kaya’t hindi ninyo ito maipahayag. Ang paksa ng layon ng mga tao sa pananampalataya sa Diyos ay napakalawak. Ang lahat ay may mga intensyon at layon sa pananampalataya sa Diyos. Gayumpaman, ang mga uri ng tao na may mga hindi dalisay na layon sa pananampalataya sa Diyos na pinag-uusapan natin dito ay hindi nakatutugon sa mga kondisyon para sa pagliligtas ng Diyos. Hindi nila kayang makamit ang kaligtasan at hindi man lang nila kayang maabot ang pinakamababang pamantayan para maging isang trabahador. Anuman ang layon ng mga taong ito sa pananampalataya sa Diyos, ano’t anuman, kapag nabigyan ng pagkakataon, ang mga taong ito na nanampalataya sa Diyos nang may layon, ay susubukang makamit ang kanilang mga layon, at kung wala silang pagkakataon, gagawa sila ng kasamaan at magdudulot ng mga kaguluhan. Magdadala ito ng hindi maisip na mga kahihinatnan sa gawain ng iglesia o sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos, at ang mga taong ito ay ang dapat na maging mga puntirya para sa pagpapaalis o pagpapatalsik. Isantabi muna natin sa ngayon ang pagkatao ng mga taong ito o kung anong mga saloobin ang kinikimkim nila sa kanilang mga tungkulin, kung pag-uusapan lang ang tungkol sa layon nila sa pananampalataya sa Diyos, tiyak na hindi ito para tanggapin ang katotohanan at kamtin ang kaligtasan, lalong hindi ito para magpasakop at sumamba sa Diyos. Samakatwid, ang pananampalataya nila sa Diyos ay natural na hindi magreresulta sa kaligtasan. Sa halip na hayaan ang mga taong ito na manatili sa iglesia at patuloy na guluhin ang hinirang na mga tao ng Diyos—ang mga tunay na kapatid—mas mabuti pang tumpak na kilatisin at ilarawan sila sa lalong madaling panahon, at pagkatapos ay agaran na paalisin sila mula sa iglesia. Hindi sila dapat tratuhin na parang mga miyembro ng iglesia o mga kapatid. Kaya, sino ang mga ganitong uri ng tao? Ngayon lang, nagsalita kayo sa isang malawak na paraan tungkol sa ilang konsepto. Magbibigay Ako ng ilang kongkretong halimbawa, at mauunawaan ninyo kapag narinig ninyo ang mga ito.

A. Para Tugunan ang Pagnanais ng Isang Tao na Maging Isang Opisyal

Una, pag-usapan natin ang tungkol sa unang uri ng tao na dapat paalisin o patalsikin mula sa iglesia. May ilang tao na palaging gustong maging mga opisyal sa lipunan at magdala ng kaluwalhatian sa kanilang mga ninuno, subalit hindi matagumpay ang landas ng kanilang karera. Gayumpaman, ang pagnanais nilang maging mga opisyal ay hinding-hindi nababawasan. Subalit hindi mataas ang katayuang panlipunan ng pamilya nila, kaya’t pakiramdam nila ay walang pag-asa ang buhay at nakikita nila ang mundo bilang masyadong hindi patas, hindi man lang magawang makamit ang maliit na pagnanais na ito. Pakiramdam nila ay mayroon silang kaunting kaalaman at kahusayan, subalit walang nagpapahalaga sa kanila. Wala silang mahanap na tagasuporta, at tila napakalayo sa kanila ng pagkakataong maging isang opisyal. Sa ganito kadesperadong sitwasyon, natagpuan nila ang iglesia. Pakiramdam nila na kung magiging lider sila ng iglesia, parang magiging opisyal na rin sila, at ang pagnanais nila ay matutugunan. Kaya, pumupunta sila sa sambahayan ng Diyos, naghahangad na magkamit ng kadakilaan. Iniisip nilang tama lang ang kahusayan at mga kapabilidad nila para magamit sa sambahayan ng Diyos, at na ang pag-aasam nilang maging isang opisyal at isang kapita-pitagang indibidwal ay maaaring maisakatuparan, sa gayon ay matutupad ang inaasam nila sa buong buhay nila. Ang pananaw nila sa pananampalataya sa Diyos ay maibubuod sa gayong mga kasabihan tulad ng “Ang mabuting gawa ay nararapat gantimpalaan,” “Sa kalaunan, ang tunay na ginto ay nakatadhanang kuminang,” at “Ang matalinong ibon ay maingat na pumipili ng dapuan nito”—sa ganitong uri ng kaligiran nila piniling tahakin ang landas ng pananampalataya sa Diyos. Batay sa diwa ng taong ito, malinaw na hindi sila naniniwala sa pag-iral ng katotohanan sa mundo, at lalong hindi sila naniniwala sa pag-iral ng Tagapagligtas. Sa madaling salita, hindi sila naniniwala sa nag-iisang totoong Diyos at lalong hindi sila nananampalataya sa pag-iral ng Lumikha. Ito man ay ang nakasulat sa Bibliya o ang ipinangangaral sa relihiyosong mundo—na nilikha ng Diyos ang mundo at ang sangkatauhan, na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan at umaakay sa sangkatauhan—ang lahat ng kasabihang ito ay pawang mga talang pangkasaysayan lang sa kanila. Walang nag-iimbestiga sa mga ito, at walang makapagpapatunay sa mga ito; mga alamat at kuwento lang ang mga ito, isang uri ng relihiyosong kultura. Ito ang pinakabatayan nilang pagkaunawa sa pananalig. Nanampalataya sila sa Diyos nang may ganitong pagkaunawa, iniisip na tinatahak nila ang tamang landas, inaabandona ang kadiliman para sa liwanag, na sila ay ang “matalinong ibon” na maingat na pumipili ng dapuan nito. Siyempre, hindi pa rin nila isinuko ang desisyon at pagnanais nilang maging isang opisyal at isang kapita-pitagang indibidwal. Naniniwala sila na sa malawak na mundong ito na may napakaraming tao, walang puwang para sa kanila, at tanging ang sambahayan ng Diyos ang makapagdadala ng pag-asa sa kanila. Ang pamumuhay lang sa iglesia ang makapagbibigay sa kanila ng pagkakataong magamit ang kanilang mga talento at matupad ang kanilang pagnanais na maging isang kapita-pitagang indibidwal. Ito ay dahil, sa pananaw nila sa kasalukuyang sitwasyon, lalong nagiging buktot at madilim ang mundo sa labas—ang iglesia lang ang lupain ng kadalisayan sa mundong ito; ang iglesia ang tanging lugar sa mundo na makapagbibigay sa mga tao ng espirituwal na panustos, at ang iglesia lang ang patuloy na yumayabong. Nanampalataya sila sa Diyos nang may gayong mga kahilingan at pakay. Pagkatapos nilang manalig, wala silang nauunawaang anuman tungkol sa pananampalataya sa Diyos, sa paghahangad sa katotohanan, o tungkol sa mga usaping may kinalaman sa katotohanan, sa disposisyon ng Diyos, at sa gawain ng Diyos. Hindi nila hinahangad o binibigyang-pansin ang mga usaping ito. Sa puso nila, hindi talaga nila pinakawalan ang pagnanais nila para sa katayuan at pagiging opisyal; sa halip, patuloy nilang pinanghahawakan ang mga kuru-kuro at pananaw na ito habang tumatambay sila sa iglesia. Tinitingnan nila ang iglesia bilang isang organisasyong panlipunan, isang relihiyosong komunidad, at nakikita nila ang gawain ng Diyos at mga salita ng Diyos bilang mga ilusyong nilikha ng mga mananampalataya dahil sa kanilang mga mapamahiing paniniwala. Samakatwid, tuwing pinag-uusapan ang tungkol sa paghahangad sa katotohanan, tuwing pinag-uusapan ang tungkol sa mga salita ng Diyos at gawain ng Diyos, nakakaramdam sila ng pagkasuklam at pagkamapanlaban. Kung may sinumang nagsasabi na ang isang bagay ay gawa ng Diyos, kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, o pamamatnugot ng Diyos, nasusuklam sila. Gayumpaman, gaano man sila nasusuklam, at kinikilala o tinatanggap man nila ang katotohanan, ang pagnanais nilang magkamit ng isang posisyon ng katayuan sa iglesia para matugunan ang pananabik nila para sa awtoridad ay hindi kailanman nabawasan o napakawalan. Dahil mayroon silang gayong ambisyon at pagnanais, natural silang nagbubunyag ng iba’t ibang pagpapamalas. Halimbawa, inuudyukan nila ang mga tao sa pagsasabi ng mga bagay tulad ng: “Huwag mong ibatay ang lahat sa mga salita ng diyos o ikonekta ang lahat sa mga salita ng diyos at sa diyos. Sa katunayan, marami sa mga ideya at kasabihan ng mga tao ay tama; dapat may sarili nilang mga pananaw at paninindigan ang mga tao.” Ikinakalat nila ang mga pahayag na ito para ilihis ang mga tao. Kasabay nito, masigasig din nilang ipinapakita ang kanilang mga talento, kaloob, at ang iba’t ibang taktika at mga panlilinlang na kaya nilang gawin sa mundo, sinusubukang makuha ang pansin ng mga tao at makamit ang atensyon at mataas na pagpapahalaga ng mga ito. Ano ang pakay ng kanilang masigasig na pagpapakita? Ito ay para hangaan at tingalain sila ng mga tao; ito ay para magkaroon ng katayuan sa mga tao at sa gayon ay matugunan ang kagustuhan nilang maghangad na maging isang opisyal at magdala ng kaluwalhatian sa mga ninuno nila. Nalulugod sila kapag iginagalang, pinupuri, sinusundan, ineendorso, dinadakila, at tinitingala sila ng mga tao, at maging kapag binobola sila. Higit pa rito, walang kapaguran nilang hinahangad at tinatamasa ang mga bagay na ito. Bagama’t patuloy na inilalantad ng sambahayan ng Diyos ang mga anticristo, masasamang tao, at iba’t ibang tiwaling disposisyon ng mga tao, sa puso nila ay hinahamak nila ang mga ito bilang hindi karapat-dapat sa kanilang pagkamuhi at partikular na nakararamdam ng matinding pagkasuklam sa mga ito. Nakatutok sila sa paghahangad ng katayuan at na hangaan at tingalain sila ng iba para matupad ang mga kagustuhang hindi nila makamtan sa mundo at sa lipunan. Kaya, ano ang pakay nila sa pananampalataya sa Diyos? Hindi ito para magkamit ng daan-daang pagpapala sa buhay na ito at buhay na walang hanggan sa mundong darating, at tiyak na hindi ito para tanggapin ang katotohanan at maligtas. Ang pakay nila sa pananampalataya sa Diyos ay hindi para kumilos bilang isang nilikha kundi para maging isang opisyal at isang panginoon, at para tamasahin ang mga benepisyo ng katayuan. Tiyak na may gayong mga tao sa iglesia; ang mga ito ang masasamang tao na nakakapasok sa iglesia. Ganap na hindi pinahihintulutan ng iglesia ang gayong mga tao na makihalo sa hinirang na mga tao ng Diyos, kaya’t ang mga taong ito ang mga paaalisin. Madali bang makilatis ang pakay nila sa pananampalataya sa Diyos? (Oo.) Kung isasaalang-alang ang mga intensyon at pakay nila sa pananampalataya sa Diyos, pati na ang iba’t iba nilang pagpapamalas sa iglesia, anong uri ng mga tao sila? (Mga hindi mananampalataya.) Oo, sila ay mga hindi mananampalataya. Maliban sa pagiging mga hindi mananampalataya, gusto rin nilang maghangad ng katayuan at kinabukasan sa sambahayan ng Diyos para matugunan ang kanilang pananabik para sa awtoridad. Ang pakay nila sa pananampalataya sa Diyos ay para maging isang opisyal. Kaya, bakit dapat alisin ang mga taong ito? Maaaring may magsabi na, “Kung nagtatrabaho ang mga hindi mananampalataya sa sambahayan ng Diyos, at bilang mga kaibigan ng iglesia ay nakatutulong sila nang kaunti, hindi ba’t ayos lang na panatilihin sila?” Makatwiran ba ang pahayag na ito? (Hindi.) Bakit hindi ito makatwiran? (Ang pagnanais nilang maging mga opisyal ay tiyak na hahantong sa paggawa ng mga bagay na makagugulo sa iba, hindi magdadala ng benepisyo sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at makaaapekto sa paghahangad ng katotohanan ng mga kapatid.) Paano mo man tingnan ito, nilalabanan ng mga hindi mananampalataya ang katotohanan at tinatanggihan ang Diyos, kaya’t hindi sila maaaring panatilihin ng sambahayan ng Diyos. Hindi sila gaganap ng positibong papel. Hindi mahalaga kung hangarin man nilang maging mga opisyal, ang mga pahayag, pagpapamalas, at mga kilos lang nila bilang mga hindi mananampalataya ay makapagdudulot ng mga kaguluhan at hindi magkakaroon ng positibong epekto. May ilang kapatid, na kapag nakararanas ng ilang partikular na kapaligiran, ay nagsasabing, “Ito ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at dapat tayong magpasakop.” Makapagpapasakop ba ang mga hindi mananampalataya? Sapat na mabuti na nga kung hindi sila manggugulo at kokontra. Sa puso nila, sinasabi pa nga nilang, “Huwag mong sabihin na ang lahat ay kataas-taasang kapangyarihan ng diyos. Dapat magkaroon ng sarili nilang opinyon ang mga tao at magkaroon ng kaunting kalayaan; huwag mong iugnay ang lahat sa kataas-taasang kapangyarihan ng diyos!” Hindi lang nila hinihila pababa ang iba, kundi nagsasabi rin sila ng malalabo at mga tila makatwirang panlilinlang para ilihis ang mga tao. Hindi ba’t wala itong kahihiyan? Maaaring makapagsagawa sila ng ilang tusong pakana at panloloko sa mga walang pananampalataya, subalit ang sambahayan ng Diyos ay maling lugar para magtangkang magsagawa ng mga pakana at panlolokong ito! May ilang tao na nagpapatakbo ng mga klinika na gustong puntahan ng lahat dahil sinasabi ng mga ito na hindi masakit ang mga pag-iineksiyon doon. Bakit hindi masakit ang mga pag-iineksiyon? Ang dulo ng karayom ay nilublob sa pampamanhid, kaya tiyak na hindi ito masakit. Matalinong hakbang ba ito? (Hindi, ito ay isang mapaminsalang galaw.) Gayumpaman, itinuturing nila ito bilang isang matalinong hakbang at ipinagyayabang ang tungkol dito, iniisip na nagpapakita ito ng kanilang kapabilidad at kasanayan, sinasabing, “Ang ginagawa mo lang ay ang magsalita tungkol sa pagpapasakop sa diyos, pamamatnugot ng diyos, at kataas-taasang kapangyarihan ng diyos. Mayroon ka ba ng mga kasanayang mayroon ako?” Hindi ba’t wala itong kahihiyan? (Oo.) Ipinagyayabang pa nila ang gayong mga mapaminsalang panloloko! Ang mga taong nakakapasok sa iglesia na nagkikimkim ng mga motibo ng mga hindi mananampalataya ay ang mga dapat paalisin sa iglesia. Bakit? Ang mga taong ito ay lumalaban sa katotohanan sa puso nila at tutol sila rito. Anuman ang pakay nila sa pananampalataya sa Diyos, ito man ay isang bagay na kaya nilang hayagang aminin o hindi, batay sa kanilang diwa bilang mga hindi mananampalataya, dapat silang paalisin o patalsikin ng iglesia. Nakakapasok sa iglesia ang mga hindi mananampalatayang ito nang may partikular na pakay, gustong ipakita ang kanilang mga talento, tuparin ang kanilang mga ambisyon, at tugunan ang kanilang mga kagustuhan sa loob ng iglesia. Gusto nilang gamitin ang iglesia bilang isang mahalagang lugar na paraan para makamit ang layon nilang humawak ng kapangyarihan, magpakitang-gilas, at manlihis at magkontrol ng mga tao. Kung isasaalang-alang ang pakay nila sa pananampalataya sa Diyos, may kakayahan silang guluhin at gambalain ang hinirang na mga tao ng Diyos at ang gawain ng iglesia. Samakatwid, dapat paalisin o patalsikin ang mga taong ito mula sa sambahayan ng Diyos. Dapat makilatis ng mga lider at manggagawa ang hindi mananampalatayang diwa ng mga taong ito. Ibatay mo man ito sa mga pagpapamalas ng mga taong ito o sa mga hindi nagbabagong pahayag nila tungkol sa pananampalataya sa Diyos, kapag naarok mo na ang sitwasyon at malinaw mo nang nakilatis na sila ay mga hindi mananampalataya, dapat na mabilis mo silang tanggihan nang walang pag-aalinlangan. Anumang pamamaraan o karunungan ang ginagamit mo, humanap ka ng kahit anong paraan para paalisin sila—ito ang gawaing dapat gawin ng mga lider at manggagawa; ito ang gawaing dapat nilang pasanin. Ito ang isang uri ng tao na dapat paalisin o patalsikin.

B. Para Hanapin ang Kasalungat na Kasarian

Kung gayon, ano ang mga pagpapamalas ng pangalawang uri ng mga tao na dapat paalisin o patalsikin? May ilang tao ang hindi kailanman naging kabahagi sa pananampalataya sa Diyos; mayroon lang silang paborableng impresyon dito. Hindi sila interesadong malaman kung ano ang dapat hangarin o kamtin ng isang tao sa pananampalataya sa Diyos. Narinig nila na ang mga taong nananampalataya sa Diyos ay napakaresponsable at totoo, kaya gusto nilang makahanap ng romantikong kapareha sa iglesia, pagkatapos ay magpakasal at mamuhay nang matiwasay. Ito ang intensyon at pakay nila, kaya nagpupunta sila sa iglesia para mahanap ang kanilang ideyal na kapareha. Ang mga hindi mananampalatayang ito ay walang anumang interes sa pananampalataya sa Diyos; wala talaga silang pakialam sa Lumikha, sa katotohanan, sa pagkakaligtas, sa pagkilala sa Diyos, sa paggampan sa tungkulin, o sa anumang gayong mga usapin. Kahit na kaya nilang umunawa pagkatapos marinig ang mga salita ng Diyos at makinig sa mga sermon, ayaw nilang isapuso ito. Gusto lang nilang makahanap ng ideyal na kapareha at, siyempre, umaasa silang makatagpo ng mas maraming tao at mapalawak ang kanilang koneksiyon. Nananampalataya sila sa Diyos sa pakay na makahanap ng ideyal na kapareha. Maaaring sabihin ng ilang tao na, “Paano Mo nalamang may ganito silang pakay? Wala naman silang sinabi o binanggit sa Iyo!” Ipinakikita nila ito sa kanilang pag-uugali. Tingnan mo kung paanong palagi nilang hinahanap ang kasalungat na kasarian kapag ginagawa nila ang mga tungkulin nila o nakikipag-ugnayan sa isang tao. Kapag nagustuhan nila ang isang tao, patuloy silang nakikipagbahaginan sa taong iyon at nakikipaglapit dito, palaging nagtatanong tungkol sa impormasyon nito at nakikipagkilala rito. Ang mga di-pangkaraniwang pagkilos at pagpapamalas na ito ay dapat makakuha ng sapat na atensiyon mula sa mga lider at manggagawa, dapat nilang obserbahan kung ano ang mga intensyon ng mga ito at kung ano ang pakay na nilalayon ng mga itong makamit; dapat nilang alamin kung sino ang nangaral ng ebanghelyo sa mga ito, bakit partikular na hinahangad ng mga ito na makipag-ugnayan sa kasalungat na kasarian, bakit palaging may gustong sabihin ang mga ito sa kasalungat na kasarian, at bakit may partikular na pagkagiliw ang mga ito sa kasalungat na kasarian, partikular sa pagpapakita ng espesyal na pagkamausisa at pagmamalasakit sa mga taong gusto ng mga ito. Ang gayong mga indibidwal ay may magandang impresyon sa mga nananampalataya sa Diyos. Kahit na hindi sila masyadong interesado sa mga pagtitipon, sa pakikinig sa mga sermon, sa pakikipagbahaginan sa mga salita ng Diyos, sa pag-awit ng mga himno, sa pakikipagbahaginan ng mga personal na karanasan, at iba pang gayong mga usapin, sa pangkalahatan ay hindi sila nagsasalita ng anumang bagay na nagdudulot ng mga kaguluhan at pagkagambala. Nakatuon lang sila sa paghahanap ng romantikong kapareha na makakasama nilang mamuhay nang matiwasay. Kung makahanap sila ng kapareha, makasusunod sila sa pananampalataya sa Diyos; kahit sila mismo ay hindi naghahangad, masusuportahan nila ang kapareha nila sa pananampalataya sa Diyos. May ilang tao na medyo may katanggap-tanggap na pagkatao, matulungin, at ginagawa ang makakaya nila para maging palakaibigan at mabait. Halimbawa, kaya nilang magparaya sa ibang tao, mag-isip ng lahat ng makakaya nila para matulungan iyong may mga suliranin na malutas ang mga ito, o magbigay ng ilang payo, at iba pa. Medyo mabait sila sa iba at walang masamang hangarin, subalit ang pakay at layon nila sa pananampalataya sa Diyos ay hindi gaanong marangal. Hindi nila hinahangad ang katotohanan, at hindi nila tinatanggap ang katotohanan kahit sino pa ang makipagbahaginan sa kanila nito. Pagkatapos sumunod nang kalahating taon o isa o dalawang taon, wala pa ring nagbabago sa kanila. Bagama’t wala silang sinasabi tungkol sa hindi pananampalataya at hindi sila nagdudulot ng anumang kaguluhan o pagkagambala, hindi sila nagkakaroon ng anumang interes sa mga usapin ng pananampalataya sa Diyos. Nararapat bang manatili ang gayong mga tao sa iglesia? (Hindi.) Dapat bang alisin ang gayong mga tao? (Dapat din silang alisin.) Ano ang dahilan? (Dahil hindi sila interesado sa katotohanan, at hindi sila mga target para sa pagliligtas. Kung mananatili sila sa iglesia habang palaging naghahanap ng kapareha, magugulo nito ang iba at maghahatid sa mga ito ng tukso; hindi sila gaganap ng positibong papel.) Ganoon nga iyon. Halimbawa, may ilang tao na partikular na mahilig kumain ng karne. Kapag kumakain sila ng karne, nakakalimutan nila ang kanilang gawain. Kung walang karne, nagagawa pa rin nilang tumugon sa ilang tamang gampanin, subalit kapag may karne, naaantala ang gawain nila. Ano ang karne para sa kanila? (Tukso.) Eksakto, isa itong tukso. Kaya, maaari bang ituring na pinagmumulan ng tukso iyong mga palaging naghahanap ng kapareha? (Oo.) Pinagmumulan talaga sila ng tukso. Para sa gayong mga tao, dapat itong gawing malinaw sa kanila: “Wala kang pagiging taos-puso sa pananampalataya sa Diyos o sa paggampan sa tungkulin mo. Hindi mo kailanman nagawang maging bahagi ng iglesia at hindi ka kailanman itinuring na isang tunay na mananampalataya. Sa loob ng dalawang taon na ito ng pakikipag-ugnayan, nakita namin ang iyong pakay: Gusto mo lang makahanap ng kapareha sa iglesia. Hindi ba’t pamiminsala ito sa mabubuting tao? Ang mga tao sa iglesia ay hindi angkop para sa iyo. Maraming angkop para sa iyo mula sa mga walang pananampalataya. Humayo ka at humanap ng isang tao mula sa mga walang pananampalataya.” Ang implikasyon ay ang sabihin sa kanilang, “Nakilatis ka na namin. Hindi ka isa sa hinirang na mga tao ng Diyos. Hindi ka isang tao ng sambahayan ng Diyos. Hindi ka maituturing na kapatid namin.” Ang gayong mga tao ay dapat paalisin sa iglesia, ayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos. Sa ganitong paraan, maaalis ang mga taong ito na walang ingat na naghahanap ng kapareha at nang-aakit sa iba. Hindi ba’t madaling makilatis ang gayong mga tao? (Oo.) Mga hindi mananampalataya rin ang mga taong ito. May kaunting pagkagiliw sila para sa iglesia, para sa relihiyosong pananalig, at para sa mga nananampalataya sa Diyos. Gusto lang nilang gamitin ang pagkakataong manampalataya sa Diyos para makahanap ng kapareha mula sa mga mananampalataya para makasama nilang mamuhay at tapat silang paglingkuran. Sabihin mo sa Akin, posible ba ang gayong bagay? Dapat ba natin silang palugurin? Dapat bang isaayos ng iglesia ang gayong mga usapin? (Hindi.) Walang obligasyon ang iglesia na tugunan ang mga personal na kagustuhan nila. Gaano man kabuti ang tingin nila sa mga mananampalataya, na magagawa nilang mamuhay sa tamang paraan kasama ang mga mananampalatayang ito, o na kayang tumahak ng mga mananampalataya sa tamang landas, walang silbi ito—hindi mahalaga ang opinyon nila. Ang gayong mga hindi mananampalataya ay matatagpuan din sa karamihan ng iglesia. Ang paraan ng pagharap sa mga taong ito ay ang paggamit ng pamamaraang pinagbahaginan natin kanina, o maaari kayong gumamit ng mas mahuhusay na pamamaraan kung mayroon kayo ng mga ito, basta’t pinangangasiwaan ang mga ito ayon sa mga prinsipyo. Ang mga hindi mananampalatayang ito ay ikinategorya sa iba’t ibang uri ng masasamang tao—kalabisan ba iyon? (Hindi.) Ganito mismo natin tinatrato ang mga hindi mananampalataya.

C. Para Makaiwas sa mga Sakuna

Ano pang ibang mga uri ng mga tao ang dapat paalisin o patalsikin mula sa iglesia? (Ang isa pang uri ay ang mga nananampalataya sa Diyos para lang makaiwas sa mga sakuna.) Ang pananampalataya sa Diyos para lang makaiwas sa mga sakuna ay isa ring pakay na mayroon ang mga tao sa pananampalataya. Hindi ba’t karamihan ng tao na nananampalataya sa Diyos ay may ganito ring uri ng karumihan? (Oo.) Kaya paano natin dapat na tukuyin kung aling mga tao ang dapat paalisin o patalsikin dahil dito, at aling mga tao ang nagpapakita lang ng normal na pagbubunyag ng katiwalian at hindi dapat paalisin o patalsikin? Para sa karamihan ng tao, ang pananalig nila ay may halong motibo ng pananampalataya sa Diyos para makaiwas sa mga sakuna—ito ay isang katunayan. Sa mga nananampalataya sa Diyos para makaiwas sa mga sakuna, dapat ninyong tukuyin ang mga hindi mananampalataya na umaangkop sa pamantayan para sa pagpapaalis o pagpapatalsik. Halimbawa, ang gayong mga tao, kapag nakita nilang nagsisimula nang lumala ang mga sakuna, ay nagsisimulang dumalo sa mga pagtitipon nang mas madalas at mabilis na binabawi ang mga aklat ng mga salita ng Diyos na dati nilang ibinalik sa iglesia, sinasabing gusto na nila ngayong seryosong manampalataya sa Diyos. Gayumpaman, kapag lumipas o humupa na ang mga sakuna, bumabalik sila sa pagnenegosyo at pagkita ng pera, hinaharangan ang lahat ng paraan ng pakikipag-ugnayan para hindi sila mahanap o maabot ng mga kapatid para sa mga pagtitipon. Kapag dumarating ang mga sakuna, aktibo nilang hinahanap ang mga kapatid, subalit kapag natapos na ang mga sakuna, nagiging napakahirap para sa mga kapatid na hanapin sila, at napakadalang na may sinumang nagagawang makipag-ugnayan sa kanila. Hindi ba’t masyadong halata ang mga pagpapamalas na ito? (Oo.) Kapag walang sakuna, sinasabi nilang, “Kailangan ng mga tao na magkaroon ng normal na buhay. Kailangan nating magpatuloy sa ating mga pang-araw-araw na gawain. Kailangan kong magluto sa bahay araw-araw, at kailangan kong ihatid at sunduin ang mga bata sa paaralan, kaya minsan ay hindi ako nakadadalo sa mga pagtitipon. Bukod pa rito, ang pamumuhay ay nangangailangan ng pera; dapat bayaran ang lahat ng gastusin sa pamumuhay. Hindi tayo makapananatiling buhay nang hindi kumikita ng pera. Sa mundong ito, walang sinuman ang mabubuhay nang walang pera. Ang pananampalataya sa diyos ay kailangang maging praktikal!” Nagsasalita sila nang makatwiran at nagbibigay ng sapat na mga dahilan, lubos na nakatutok sa pagkita ng pera at paggawa ng kanilang mga pang-araw-araw na gawain, paminsan-minsan lang dumadalo sa pagtitipon at bihirang nagbabasa ng mga salita ng Diyos. Ang saloobin nila sa pananampalataya sa Diyos ay maligamgam, hindi malamig ni mainit. Kapag dumarating ang sakuna, sinasabi nilang, “Ay, hindi ko kaya nang wala ang diyos; kailangan ko ang diyos! Kailangan kong manalangin sa diyos at tawagin siya araw-araw! Hindi ako nagtatangkang umiwas sa mga sakuna; ang pangunahing bagay ay na hindi ko kayang mabuhay nang walang diyos sa aking puso. Hungkag pa rin ang pakiramdam ng pamumuhay nang maayos nang walang diyos sa aking puso!” Wala silang masabing kahit isang salita na nagpapakita ng anumang kaalaman tungkol sa Diyos; ang sinasabi lang nila ay mga salitang nagbibigay-katwiran sa kanilang mga pagkilos at pag-uugali. Hindi nila alam kung gaano karaming aklat ang ipinamamahagi ng sambahayan ng Diyos sa lahat; hindi nila alam kung anong paksa ang tinalakay na sa mga sermon; hindi nila alam kung aling mga katotohanan ang kasalukuyang pinagbabahaginan sa buhay iglesia. Dumadalo sila sa isang pagtitipon isang beses kada anim na buwan o isang beses sa isang taon. Kapag dumadalo sila, sinasabi nilang, “Talagang kakila-kilabot ang mga walang pananampalataya. Hindi patas ang lipunan. Masama ang mundong ito. Napakahirap ang magsumikap na kumita ng pera! Magaan ang pasanin ng Diyos sa mga tao….” Patuloy silang nagsasalita tungkol sa mga walang-kuwentang bagay na ito na walang kinalaman sa mga paksa at nilalaman ng pagbabahaginan sa pagtitipon. Nagsasabi sila ng ilang hungkag na salita sa kanilang panalangin at ilang mababaw na salita tungkol sa pananampalataya sa Diyos at pagkatapos ay itinuturing nila ang kanilang sarili na mga mananampalataya, nakararamdam ng kapanatagan sa kanilang puso at kapayapaan. Pananampalataya ba ito sa Diyos? Anong uri ng mga walang-hiya ang mga taong ito? Kung tatanungin mo sila, “Bakit hindi ka regular na dumadalo sa mga pagtitipon?” sasabihin nilang, “Hindi ito pinahihintulutan ng mga kondisyon ko. Ito ang kapaligiran na inihanda ng diyos para sa akin, at dapat akong magpasakop.” Kaygandang pakinggan ng mga salitang ito! Sinasabi rin nilang, “Tingnan mo, inihanda ng diyos ang kapaligirang ito para sa akin. Umaasa sa akin ang buong pamilya ko para sa pagkain, kaya kailangan kong kumita ng pera para makaraos! Sa ngayon, ang pagkita ng pera ang gampaning ibinigay ng diyos sa akin.” Lubos silang nabibigo na banggitin ang tungkol sa paggawa ng tungkulin nila, pati na rin ang mga responsabilidad at obligasyon nila bilang nilikha, at lalong wala silang binanggit tungkol sa kung paano isagawa ang mga salita ng Diyos; paminsan-minsan lang silang dumadalo sa isang pagtitipon at naghahandog ng kaunting pera, iniisip na nakapag-ambag na sila sa sambahayan ng Diyos. May iba na, kapag nagkakasakit ang mga anak nila, ay nananalangin sa Diyos, at pagkaraan ng ilang araw, kapag gumaling na ang mga anak nila, mabilis silang naghahandog ng kaunting pera sa iglesia at pagkatapos ay nawawalang muli. Sa tuwing nakikipag-ugnayan sila sa mga kapatid, hindi sila kailanman nakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan, ni hindi nila binabasa ang mga salita ng Diyos. Kapag walang mga sakuna o kalamidad, hindi sila kailanman nananalangin sa Diyos. Ang mga pang-araw-araw nilang usapan ay palaging tungkol sa mga di-makabuluhang bagay sa tahanan, mga pagtatalo sa tama at mali, buhay sa laman, iba’t ibang panlipunang penomenon, at iba’t ibang bagay na nakikita at naririnig nila; bihira silang nakikipagbahaginan tungkol sa mga salita ng Diyos at hindi kailanman bumibigkas ng isang taos-pusong salita kaugnay sa pananampalataya sa Diyos. Pinananatili lang nila ang lugar nila sa iglesia para hingin ang pangangalaga at proteksiyon ng Diyos. Sadyang ito ang paraan nila ng pananampalataya sa Diyos; naghahanap lang sila ng kapayapaan at mga pagpapala nang hindi talaga hinahangad ang katotohanan. Wala silang anumang interes sa katotohanan. Gusto lang nilang magkamit ng mga benepisyo, biyaya, at mga pagpapala mula sa pananampalataya sa Diyos. Wala silang pakialam sa susunod na buhay dahil hindi nila ito nakikita at hindi talaga sila naniniwala rito. Gusto lang nilang tamasahin ang biyaya ng Diyos sa buhay na ito at makaiwas sa lahat ng sakuna. Dahil ang Diyos at ang iglesia ang kanilang kanlungan, sa tuwing dumadalo sila sa mga pagtitipon, ito ay tiyak na kapag nakatagpo sila ng mga paghihirap o sakuna. Ang gayong mga tao ba ay mga taos-pusong mananampalataya sa Diyos? (Hindi.) Anong uri sila ng mga tao? (Mga oportunista at mga hindi mananampalataya.) Ito ang mga hindi mananampalataya na gustong gamitin ang iglesia para makaiwas sa mga sakuna. Dapat bang pahintulutang manatili ang gayong mga tao sa iglesia? (Hindi.) Kapag dumadalo sila sa mga pagtitipon, ginugulo nila ang iba at pinasasama ang loob ng mga ito. Karamihan ng tao ay masyadong magalang at mahihiyang subukang pigilin ang mga ito, kaya hinayaan nila ang mga ito na maglitanya at guluhin ang pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos ng lahat. Ano ang dapat gawin ng mga lider at manggagawa sa puntong ito? Hindi ba’t dapat akuin nila ang responsabilidad sa paghihigpit sa gayong mga tao, sa pagprotekta sa mga interes ng karamihan, at sa pagpapanatili ng normal na buhay iglesia? (Oo.) Maaari mong bawiin ang mga aklat nila ng mga salita ng Diyos at payuhan silang lisanin ang iglesia. May iba’t ibang paraan para hikayatin ang isang tao na lisanin ang iglesia—maaari kayong mag-isip ng sarili ninyong paraan. Siguraduhin lang ninyo na hindi na nila makokontak ang mga kapatid. Ipagpalagay na may nagsasabing, “Mabuti ang taong ito. Tinatalakay lang niya ang ilang di-makabuluhang bagay sa tahanan kapag nasa iglesia, subalit hindi niya ginugulo ang gawain ng iglesia o nakaaapekto sa pagganap ng ating tungkulin, kaya dapat tayong maging mapagparaya! Sa pananampalataya sa Diyos, hindi ba’t dapat tayong magparaya at magtiis sa lahat ng uri ng tao? Nais ng Diyos na maligtas ang bawat tao at ayaw Niyang mapahamak ang sinuman!” Kung gayon ay kailangan mong isaalang-alang kung target ba sila para sa pagliligtas. Kung hindi, hindi ba’t dapat natin silang kilatisin at paalisin? (Oo.) Sinasabi ng ilang tao na, “Masyado akong magalang; mahihiya akong subukang hikayatin silang lisanin ang iglesia.” Madaling lutasin ang problemang ito. Kung sadya mo silang hindi kokontakin, hindi ka nila magugulo o mapipigilan. Kahit na makasalubong mo sila, hindi mo kailangang makipag-ugnayan sa kanila. Hindi na kailangang makipag-usap sa kanila tungkol sa mga usapin ng pananampalataya sa Diyos; tratuhin mo lang sila bilang mga walang pananampalataya. Sinasabi ng ilang tao na, “Hindi ba natin sila puwedeng tulungan nang may pagmamahal at makipagbahaginan sa kanila sa katotohanang nauunawaan natin?” Para sa gayong mga hindi mananampalataya, kung tunay kang may pagmamahal, maaari mo itong subukan. Kung talagang mababago mo sila, hindi na sila kailangang paalisin o patalsikin. Sinasabi ng ilang tao na, “Hindi ko sasayangin ang pagsisikap ko. Walang silbi ang pagtulong sa kanila, tulad ng pagpapaligo sa isang baboy; kahit gaano pa kalinis ang pagpapaligo mo rito, hahayo pa rin ito at gugulong sa putik. Ganoon mismo ang uri ng nilalang na ito; hindi ito magbabago!” Kung kaya mo itong unawain, tama ka. Makikipagbahaginan ka pa rin ba sa katotohanan sa gayong mga hindi mananampalataya para tulungan sila? Gagawa pa rin ba kayo ng walang kabuluhang gawaing ito? (Hindi.) Sa puntong ito, napagtanto ninyong naging hangal kayo at hindi ninyo nakilatis ang mga tao. Hindi kayang magbago ng mga hindi mananampalataya. Alam din ng mga taong ito na ang mga nananampalataya sa Diyos ay gumagawa ng mabubuting gawa at umiiwas sa paggawa ng masasamang gawa, na hindi nila inaabuso ang iba o ginagantso ang mga ito. Mayroon silang magandang impresyon sa mga nananampalataya sa Diyos, kaya’t nagbabalatkayo sila sa ilalim ng bandila ng “paniniwala na may Diyos” at “mabuti ang manampalataya sa Diyos” at unti-unti silang sumasalisi sa iglesia, pinaniniwala ang mga tao na sila ay kapatid. May ilang tao na talagang napaniniwala rito, tunay na itinuturing sila bilang kapatid, madalas silang dinadalaw at tinutulungan. Pagkaraan lang ng mahabang panahon nila napagtatanto na: “Pumupunta lang ang taong ito sa iglesia kapag nahaharap siya sa mga sakuna o mga paghihirap, nagsasabi ng mga walang kuwenta at walang katuturang bagay. Kapag maayos ang takbo ng mga bagay at maayos ang lahat para sa kanila, kapag maayos ang buhay nila, hindi nila pinapansin ang lahat. Kung mas maaga sana naming nalaman na tampalasan sila, hindi na sana namin sila tinulungan o hindi na sana kami masyadong nagsikap!” May silbi pa ba ang makaramdam ng pagsisisi ngayon? Huli na para sa pagsisisi—labis ka nang nagsalita nang walang kabuluhan! Sa madaling salita, ang gayong mga hindi mananampalataya ay kailangang makilatis, mapangasiwaan, at mapaalis sa iglesia sa lalong madaling panahon. Huwag mo silang ituring na mga kapatid; hindi sila mga kapatid. Ang mga taong pinili ng Diyos lang ang mga kapatid; tanging iyong mga maaaring maligtas at naghahangad na sumamba sa Diyos ang mga kapatid. Iyong mga tumatambay sa sambahayan ng Diyos para umiwas sa mga sakuna at buong kasakimang tinatamasa ang biyaya ng Diyos nang hindi tinatanggap ang katotohanan ay mga hindi mananampalataya. Hindi sila mga kapatid, at tiyak na hindi sila hinirang na mga tao ng Diyos. Nauunawaan mo ba? Ang gayong mga hindi mananampalataya ay dapat tratuhin ayon sa mga prinsipyo; dapat silang itapon sa paraang nararapat sa kanila. Ito ang responsabilidad ng mga lider at manggagawa, at ito rin ay isang prinsipyo na dapat maging malinaw sa bawat isa sa hinirang na mga tao ng Diyos.

Oktubre 23, 2021