Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (22) Unang Seksiyon

Noong nakaraan, nagbahaginan tayo tungkol sa ikalabintatlong responsabilidad ng mga lider at manggagawa: “Protektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos mula sa panggugulo, panlilihis, kontrol, at lubhang pamiminsala ng mga anticristo, at bigyan sila ng kakayahan na kilatisin ang mga anticristo at talikuran ang mga ito mula sa puso nila.” Ngayon, magbalik-aral tayo: Anong mga partikular na aytem tungkol sa partikular na nilalaman ng ikalabintatlong responsabilidad ng mga lider at manggagawa ang pinagbahaginan natin? (Nagbahaginan tayo sa limang aytem: paglalantad, pagpupungos, paghihimay, paglilimita, at pagsusubaybay.) Ang limang aytem na ito ay ang mga partikular na gampaning nakapaloob sa responsabilidad na ito ng mga lider at manggagawa; ang mga ito ang mga partikular na gampanin na kailangang isakatuparan ng mga lider at manggagawa kaugnay sa mga anticristo. Kaya, anong mga pagpapamalas mayroon ang mga huwad na lider kaugnay sa mga gampaning ito? Nagbahaginan din ba tayo ng ilang detalye noong nakaraan? (Oo.) Ang mga pagpapamalas ng mga huwad na lider ay ang mga sumusunod: Ang una ay takot silang makasakit ng mga tao at hindi sila nangangahas na paalisin o patalsikin ang mga anticristo. Ang ikalawa ay hindi nila makilatis ang mga anticristo. Ang ikatlo ay kumikilos sila bilang proteksyon para sa mga anticristo. Ang ikaapat ay iresponsable sila sa hinirang na mga tao ng Diyos. Ano ang pagpapamalas ng iresponsabilidad? Kapag nahaharap sa mga panggugulo at panlilihis ng mga anticristo, hindi kayang protektahan ng mga huwad na lider ang mga kapatid, hindi nila kayang ilantad ang masasamang gawa ng mga anticristo, hindi kayang ilantad ang mga pakana ni Satanas, at hindi kayang pagbahaginan ang katotohanan para tulungan ang mga kapatid na makilatis ang mga anticristo—hindi nila ginagampanan ang gayong gawain. Bukod pa rito, para sa may mabababang tayog at walang pagkilatis na nalihis ng mga anticristo, hindi lang sila bigong makagawa ng anumang gawaing pagbawi, nagsasabi rin sila ng mga di-makataong bagay tulad ng “Nararapat lang ito sa kanila.” Ito ay isang partikular na pagpapamalas ng iresponsabilidad, nagpapakita na ang mga huwad na lider ay walang pagpapahalaga sa pasanin ng gawain ng iglesia. Ang mga pagpapamalas na ito ay mga partikular na pagkilos at pamamaraan ng mga huwad na lider kapag inililihis at ginugulo ng mga anticristo ang hinirang na mga tao ng Diyos. Ang partikular nilang saloobin sa gawaing ito ay iresponsabilidad at kawalang-katapatan. Gumagawa sila ng iba’t ibang palusot at gumagamit ng iba’t ibang pamamaraan para pahintulutan ang mga anticristo, kumikilos bilang proteksyon para sa mga anticristo, habang nabibigong protektahan ang gawain ng iglesia at ang mga karapatan at interes ng hinirang na mga tao ng Diyos. Kung magagawa ng mga huwad na lider na maagap na lutasin ang mga problema tulad ng panggugulo, panlilihis, pagkontrol, at lubhang pamiminsala ng mga anticristo sa hinirang na mga tao ng Diyos, at pagkatapos ay pigilin, ibukod, at paalisin o patalsikin ang mga anticristo, matatanggap ng hinirang na mga tao ng Diyos ang pinakamalaking proteksiyon. Gayumpaman, bilang mga lider, wala silang kahusayan para sa gawaing ito. Mula sa isang partikular na perspektiba, masasabing lihim nilang pinoprotektahan ang mga anticristo at inihahanda ang daan para sa mga ito, tinutulutan na maipagpatuloy ng mga ito na ilihis, kontrolin, at lubhang pinsalain ang hinirang na mga tao ng Diyos, at guluhin ang normal na buhay iglesia at ang pagganap ng tungkulin ng hinirang na mga tao ng Diyos. Ang mga ito ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga huwad na lider.

Ikalabing-apat na Aytem: Agarang Kilatisin, at Pagkatapos ay Paalisin o Patalsikin ang Lahat ng Uri ng Masasamang Tao at mga Anticristo (Unang Bahagi)

Dahil natapos na natin ang pagbabahaginan tungkol sa ikalabintatlong responsabilidad ng mga lider at manggagawa, ngayon ay magbabahaginan tayo tungkol sa ikalabing-apat na responsabilidad. Ang nilalaman ng ikalabing-apat na responsabilidad ay medyo katulad ng sa ikalabintatlong responsabilidad. Ang partikular na gawaing kailangang gawin ng mga lider at manggagawa sa ikalabing-apat na responsabilidad ay hindi lang may kinalaman sa mga anticristo kundi kinasasangkutan din ng iba’t ibang masasamang tao, na ginagawang mas malawak ang saklaw nito kaysa sa ikalabintatlong responsabilidad. Bago magbahaginan tungkol sa ikalabing-apat na responsabilidad, basahin muna natin ang nilalaman nito. (Ang ikalabing-apat na responsabilidad ng mga lider at manggagawa: “Agarang kilatisin, at pagkatapos ay paalisin o patalsikin ang lahat ng uri ng masasamang tao at mga anticristo.”) Hindi mahaba ang pangungusap na ito, subalit pagdating sa partikular na gawaing kailangang gawin ng mga lider at manggagawa, hindi ito kasingsimple ng nakikita sa panlabas. Ano ba mismo ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa na binanggit sa pangungusap na ito? Sino ang mga pakay ng gawain na kailangang gampanan ng mga lider at manggagawa? (Ang iba’t ibang masasamang tao at mga anticristo.) Ano ang partikular na gawain na kailangang gawin? (Agad silang kilatisin. Kapag nakilatis na sila, paalisin sila o patalsikin.) Agarang pagkilatis, nang walang pagpapaliban; sa sandaling matukoy ang mga palatandaan, dapat magawa ang mga tumpak na paghusga at paglalarawan, na sinusundan ng paglapat ng hakbang sa mga indibidwal na sangkot sa pamamagitan ng pagpapaalis sa kanila. Sa katunayan, ang partikular na gawain na kailangang gawin ng mga lider at manggagawa ay binubuo ng dalawang gampanin: pagkilatis sa mga tao at paglutas sa mga problema. Sa panlabas, tila ganito ito kasimple: Kilatisin muna, pagkatapos ay kaagad na gumawa ng mga solusyon at hakbang, na pinupuntirya ang iba’t ibang masasamang tao at mga anticristo na hinihingi ng sambahayan ng Diyos na paalisin o patalsikin. Mula sa perspektibang ito, mukhang madali para sa mga lider at manggagawa na gawin ang gawaing ito nang maayos at tuparin ang responsabilidad na ito, nang walang masyadong paghihirap, dahil ang sambahayan ng Diyos ay dati nang gumawa ng malawakang pagbabahaginan tungkol sa mga detalye ng pagkilatis at pagpapaalis ng iba’t ibang tao, at marami nang sinabi tungkol sa naturang usapin. Sa panlabas, tila may pagkakatulad sa ilang paraan ang gawaing nakapaloob sa ikalabing-apat na responsabilidad sa partikular na nilalaman ng ikalabindalawa at ikalabintatlong mga responsabilidad na nauna nang pinagbahaginan, subalit sa ikalabing-apat na responsabilidad, ang mga pakay ng gawaing ginagawa ng mga lider at manggagawa ay hindi lang ang mga anticristo kundi ang iba’t ibang masasamang tao rin. Pinalalawak nito ang saklaw para maisama ang iba’t ibang uri ng masasamang tao, na nangangailangan ng sistematiko at partikular na pagbabahaginan. Dahil hindi ito tungkol sa mga pagpapamalas ng isang uri ng masamang tao, kundi ng iba’t ibang uri, kapag nagbabahaginan tungkol sa ikalabing-apat na responsabilidad ng mga lider at manggagawa, pagtutuunan natin ang pagtukoy sa mga pakay ng gawaing ito. Isang aspekto ito. Dagdag pa rito, kung paano dapat tratuhin ang mga taong ito—kung lilimitahan, ibubukod, paaalisin, o patatalsikin ba sila—ay ang susunod na pagbabahaginan natin nang detalyado.

Kung Ano ang Isang Iglesia

Bago magbahaginan tungkol sa gawaing ito nang detalyado, magbahaginan muna tayo sa isang kaugnay na paksa. Maaaring kilalang-kilala ang kaugnay na paksang ito, o maaaring ito ay isang paksang wala kayong partikular na pagkaunawa. Ano ang paksa? Ito ay “Kung ano ang isang iglesia?” Ano ang tingin ninyo sa paksang ito? Maaaring sabihin ng ilang tao, “Nakikipagbahaginan Ka tungkol sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa, kaya partikular Ka na lang na makipagbahaginan tungkol doon. Bakit Ka makikipagbahaginan tungkol sa kung ano ang isang iglesia? May kaugnayan ba iyon sa paksang ito?” Sa panlabas, maaaring mukhang wala itong kaugnayan, at maaari pa ngang sabihin ng ilan, “Ito ay isang paksang ganap na walang kaugnayan. Bakit ito kailangang pagbahaginan?” Anuman ang iniisip ninyo, isantabi ninyo ang mga kaisipang ito at pag-isipan muna kung ano ang isang iglesia. Kapag ang depinisyon ng salitang ito, ang katawagang “iglesia,” ay malinaw nang napagbahaginan, malalaman ninyo kung bakit tayo nagbabahaginan tungkol sa paksang ito.

I. Ilang Pagkaunawa sa Isang Iglesia

Ang pagbabahaginan tungkol sa kung ano ang isang iglesia ay isang paraan ng pagbibigay ng isang malinaw at tumpak na paliwanag sa katawagang “iglesia”; ang ibig sabihin nito ay ang ipaalam ang partikular at tumpak na kahulugan ng terminong “iglesia.” Una, maaari ninyong talakayin kung paano ninyo nauunawaan at naaarok ang terminong “iglesia.” Ano ang isang iglesia? Simulan natin sa teoretikal na pagpapaliwanag at pagkatapos ay magtungo tayo sa mas partikular at medyo praktikal na depinisyon. (Sa pagkaunawa ko, ang isang lugar kung saan ang mga kapatid na taos-pusong nananampalataya sa Diyos at naghahangad sa katotohanan ay nagtitipon para sumamba sa Diyos ay tinatawag na isang iglesia.) Tumutukoy ang depinisyong ito sa kung anong uri ng lugar ang isang iglesia; masasabing isa itong kongkreto at pisikal na entidad. Ito ay isang teoretikal na depinisyon. Tumpak ba ang depinisyong ito? Mayroon bang anumang hindi tumpak? Sa usapin ng teorya, katanggap-tanggap ang depinisyong ito. Sino ang makapagdaragdag pa? (Magdaragdag ako ng kaunti. Dahil sa pagpapakita at gawain ng Diyos, at sa Kanyang pagpapahayag sa katotohanan, may isang grupo ng mga tao na sumusunod sa Diyos; ang kolektibong binubuo nila ay tinatawag na isang iglesia.) Inilalarawan ng depinisyon na ito kung anong uri ng kolektibo ang isang iglesia. Ito rin ay isang pormal at teoretikal na depinisyon. (Idaragdag ko na tinataglay ng grupong ito ng mga tao ang gawain ng Banal na Espiritu, at kapag nagtitipon sila para basahin ang mga salita ng Diyos, naroon ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at naisasagawa nila ang katotohanan at lumalago sila sa buhay. Ang isang iglesia ay pagtitipon ng gayong mga tao.) Ang karagdagang ito sa depinisyon ng iglesia ay naglalarawan sa kung anong uri ito ng pagtitipon—ang pangkalipika para sa pagtitipong ito ay ang pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, pagtataglay ng gawain ng Banal na Espiritu, at paglago sa buhay. Masasabi ring ito ay isang pormal at teoretikal na depinisyon ng iglesia. May iba pa bang karagdagan? (Ito ay isang grupo ng mga tao na gumagamit sa mga salita ng Diyos bilang prinsipyo ng pagsasagawa, at na pinamamahalaan ng katotohanan at ni Cristo. Ang grupong ito ay kayang dumanas ng gawain ng Diyos, tumanggap ng katotohanan, lumago sa buhay, at maligtas. Ang gayong grupo ay tinatawag na isang iglesia.) Ang “grupo” na ito ay parehong-pareho sa “kolektibo” na kababanggit lang ngayon. May iba pa bang mga karagdagan? Kung wala na kayong iba pang mga karagdagan, maaari ninyong muling ipahayag ang apat na pagkaunawang binanggit sa itaas; na ang ibig sabihin, kung ano mismo ang itinuturing mong depinisyon ng isang iglesia mula sa simula ng iyong pananampalataya sa Diyos hanggang sa kasalukuyan. Madali lang dapat ang pagbibigay ng teoretikal na depinisyon nito, tama? Halimbawa, ang isang kolektibo ng mga tao na taos-pusong sumusunod at sumasamba sa Diyos ay matatawag na isang iglesia; o ang isang grupo na sumusunod sa kalooban ng Diyos, na naghahangad ng pagpapasakop sa Diyos, at sumasamba sa Diyos ay matatawag na isang iglesia; o ang isang grupo na nagtataglay ng gawain ng Banal na Espiritu, ng paggabay ng Banal na Espiritu, at ng presensiya ng Diyos, at nagagawang sambahin ang Diyos, ay matatawag na isang iglesia. Hindi ba’t mga teoretikal na depinisyon ng isang iglesia ang mga ito? (Oo.) Nauunawaan at alam ninyong lahat ang nilalaman ng mga pangkalipikang ito sa depinisyon ng iglesia, tama? (Oo.) Kung gayon, ulitin ninyo ito. (Ang isang iglesia ay tumutukoy sa isang kolektibo ng mga tao na taos-pusong nananampalataya sa Diyos at sumusunod kay Cristo. Ang tunay na iglesia ay nagtataglay ng gawain ng Banal na Espiritu at ng gabay ng Diyos; pinamamahalaan ito ni Cristo at ng katotohanan, ito ay kung saan ang mga tagasunod ng Diyos ay kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, dumaranas ng gawain ng Diyos, at may buhay pagpasok. Ito ay isang tunay na iglesia. Ang isang iglesia ay naiiba sa mga relihiyosong komunidad. Hindi nakikilahok ang iglesia sa mga relihiyosong ritwal o sa mga panlabas na anyo ng pagsamba sa Diyos.) Ito talaga ang teoretikal na depinisyon ng isang iglesia. Halimbawa, ang pagtukoy sa isang iglesia bilang isang lugar kung saan nagtitipon ang mga tao na tinawag ng Diyos, o ang pagtukoy sa isang iglesia bilang isang kolektibo ng mga tao na taos-pusong nananampalataya, sumusunod, nagpapasakop, at sumasamba sa Diyos, o ang pagtukoy sa isang iglesia bilang isang pagtitipon ng mga tao na tinawag ng Diyos, at iba pa—sinasalamin ng mga pagtatalagang ito ang ilang batayang pagkaunawa o depinisyon ng isang iglesia ng iba’t ibang grupo ng mga mananampalataya. Huwag na nating pag-usapan kung paano eksaktong tinutukoy ng iba’t ibang relihiyon at denominasyon ang isang iglesia—para sa ating mga sumusunod sa Diyos, ano ang depinisyon ng isang iglesia? Ito ay walang iba kundi isang grupo ng mga tao na taos-pusong nananampalataya sa Diyos, nagtataglay ng gawain ng Banal na Espiritu, nagtataglay ng gabay ng Diyos, at kayang kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, hangarin ang katotohanan, hangarin ang pagpapasakop sa Diyos, at sumamba sa Diyos. Tinutukoy man ito bilang isang lugar, isang kolektibo, isang pagtitipon, isang grupo, isang komunidad, o ano pa mang iba—anumang termino ang ginagamit—ang mga ito ay mga karaniwang pangkalipika para sa depinisyon. Batay sa saligang pagkaunawa ng mga tao tungkol sa isang iglesia, mula sa mga pangkalipika na ginagamit ninyo para tukuyin ang katawagang “iglesia,” malinaw na sa oras na ang mga tao ay sumunod sa Diyos at makaunawa sa ilang katotohanan, ang pagkaunawa nila sa iglesia ay hindi na ito isang ordinaryong komunidad o grupo. Sa halip, may kaugnayan ito sa taos-pusong pananampalataya sa Diyos, pagbabasa ng mga salita ng Diyos, pagkakaroon ng gawain ng Banal na Espiritu, at sa kakayahang magpasakop at sumamba sa Diyos, o sa mga aspektong may kinalaman sa buhay pagpasok, disposisyonal na pagbabago, pagpapatotoo sa Diyos, at iba pa. Sa pagtingin dito sa ganitong paraan, pagkatapos simulan ng Diyos ang Kanyang gawain, ang katawagang “iglesia” sa puso ng karamihan ng tao ay nagkaroon na ng mas malalim at mas partikular na pagkaunawa at pagkaarok, isang pagkaunawang mas naaayon sa ideya ng Diyos sa isang iglesia. Hindi na ito kasingsimple ng isang gusali, isang panlipunang komunidad, isang departamento, isang institusyon, o ano pa man; sa halip, nauugnay ito sa mga bagay tulad ng pananampalataya sa Diyos, sa mga salita ng Diyos, sa katotohanan, at pagsamba sa Diyos.

II. Ang Kahalagahan ng Pag-iral ng Isang Iglesia at ang Gawaing Ginagawa Nito

Tungkol sa partikular na konsepto at depinisyon ng isang iglesia, hindi tayo magmamadaling gumawa ng mga kongklusyon sa ngayon. Pagkatapos ninyong magkaroon ng batayang konsepto ng katawagang “iglesia” o ng depinisyon nito, malinaw ba sa inyo ang tungkol sa gayong mga bagay tulad ng kahalagahan ng pag-iral ng isang iglesia, ang gawaing ibinunga ng pag-iral ng isang iglesia, at ang papel na ginagampanan ng isang iglesia sa mga tao? May kaugnayan ba ang nilalaman ng mga aspektong ito sa depinisyon ng isang iglesia? Sa madaling salita, ang ginagawa ng isang iglesia ay ang halaga ng pag-iral nito. Gamitin nating halimbawa ang isang bahay—ano ang layunin ng bahay na ito? Ano ang kahalagahan at kabuluhan nito para sa mga taong naninirahan dito at gumagamit nito? Kahit papaano, nagbibigay ito ng kanlungan mula sa hangin at ulan, na isa sa mga kahalagahan nito; ang isa pang kahalagahan ay na kapag ikaw ay hapo at pagod at walang mapuntahan, ang tahanan ay isang lugar kung saan ka makapagpapahinga at makapananatili nang may kapayapaan at kasiyahan. Ang bahay na ito ay tinatawag na tahanan, subalit ano ang gamit nito para sa iyo? Nagbibigay ito ng kanlungan mula sa hangin at ulan, pahinga, kaginhawaan, at ng abilidad na magtamasa ng kalayaan, at iba pa; ang mga silbi na ito ay ang kahalagahan ng bahay na ito para sa iyo. Ngayon, muli, ano ang papel ng isang iglesia? Ano ang kahalagahan at kabuluhan ng pagbuo at pag-iral nito? Sa madaling salita, ano ang ginagawa ng isang iglesia, anong papel ang ginagampanan nito? Malinaw ba sa inyo ang tungkol dito? Ano ang partikular na gawain o uri ng gawain ang dapat gawin ng isang iglesia, at ano ang dapat kabilang sa saklaw ng gawain nito, para matawag ito na isang iglesia, para ang gawain na ito ay maging ang dapat na ginagawa ng isang tunay na iglesia? Ito ang ilan sa mga partikular na nilalaman na dapat pagbahaginan kaugnay sa depinisyon ng isang iglesia. Una, ano nga ba ang gawaing ginagawa ng isang iglesia? (Sa pangunahin, nagpapakalat ito ng mga salita ng Diyos, nagpapatotoo sa gawain ng Diyos, at nagpapalaganap ng ebanghelyo, na nagpapahintulot sa mas maraming tao na lumapit sa harap ng Diyos at tumanggap ng Kanyang pagliligtas.) Isa ba itong partikular na gampanin? (Oo.) Ito ang kahalagahan ng pag-iral ng isang iglesia at isa sa mga partikular na gampanin na kailangan nitong gawin, subalit hindi ito ang lahat. Ang pagpapakalat ng mga salita ng Diyos at pagpapatotoo sa gawain ng Diyos ay isang partikular na gampanin. Sino ang responsable para sa gampaning ito? Ito ay ang kasalukuyang pangkat ng mga taga-ebanghelyo. Ano pang ibang gawain ang ginagawa ng isang iglesia? (Pag-oorganisa ng mga kapatid para sama-samang magtipon, kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, at magbahaginan ng mga salita ng Diyos, binibigyang-kakayahan silang patuloy na maunawaan ang katotohanan at magawa ang mga tungkulin nila nang normal.) Ang partikular na gampaning ito ay para akayin ang mga tao na kainin at inumin ang mga salita ng Diyos, unawain ang katotohanan, at gampanan ang mga tungkulin nila nang normal. Ang pagpapakalat ng mga salita ng Diyos ay isang pangunahin at mahalagang gampanin ng isang iglesia. Ang pag-akay sa mga tao na kainin at inumin ang mga salita ng Diyos, unawain ang katotohanan, at gawin ang mga tungkulin nila nang normal ay ang mahalagang gampanin ng isang iglesia; nakatuon ito sa panloob. Ang dalawang gampaning ito, isang panlabas at isang panloob, ay ang gawaing ibinunga ng pag-iral ng isang iglesia. Masasabi rin na ang mga ito ay ang dalawang mahalagang gampanin na dapat gampanan ng isang iglesia. Mayroon pa bang iba? (Ang isa pang gampanin ay ang pag-akay sa mga tao na maranasan ang paghatol ng Diyos para malinis sila at makamit nila ang disposisyonal na pagbabago.) Ito ay isang partikular na panloob na gampanin ng isang iglesia. Ang lahat ng gampaning ito na nabanggit ninyo ay talagang mga representatibong gawain. Ang pagdanas ng gawain ng Diyos, tulad ng pagdanas ng iba’t ibang kapaligiran, pagdanas ng paghatol, pagkastigo, pagpupungos, at iba pa, na sa huli ay nagkakamit ng disposisyonal na pagbabago at ng kaligtasan, ay isang partikular na gampanin. Ito ang epekto at impluwensiya sa mga tao ng pagbuo at pag-iral ng isang iglesia. Ang gawain ng pagpapakalat ng mga salita ng Diyos at pagpapatotoo sa Diyos ay hindi lang isinasagawa ng pangkat ng mga taga-ebanghelyo; naisasakatuparan din ito sa pamamagitan ng iba’t ibang artikulo ng patotoong batay sa karanasan, mga himno, iba’t ibang video at pelikula, at iba pa, na bahagi rin ng mga partikular na nilalaman at proyektong kabilang sa gawain ng pagpapakalat ng mga salita ng Diyos. Dagdag pa rito, may mga gampaning nauugnay sa buhay iglesia: ang pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos para maunawaan ang katotohanan, ang magawang magpasakop sa Diyos at makilala ang Diyos, at ang maranasan ang gawain ng Diyos at ang iba’t ibang kapaligirang inihanda ng Diyos sa proseso ng paggawa ng mga tungkulin para makamit ang disposisyonal na pagbabago at ang kaligtasan. Ang mga ito ay ilang gampaning ibinunga batay sa pag-iral ng iglesia pagkatapos itong mabuo. Bukod sa mga pangunahing gampaning ito, mayroon bang mga hindi pangunahing gampanin? Ano ang mga hindi pangunahing gampanin? Tumutukoy ang mga ito sa hindi mahalagang gawain o gawain ng pangkalahatang usapin, na, gayumpaman, ay may ilang benepisyo rin para sa hinirang na mga tao ng Diyos sa paghahangad nila sa katotohanan at paggawa sa mga tungkulin nila; maaaring positibong makaapekto ang gawaing ito sa buhay paglago ng mga tao at sa pagbabago ng kanilang mga pananaw sa mga usapin. Sa mga espesyal na pagkakataon, ang gawain ng pangkalahatang usapin ba na may kaugnayan sa pisikal na pananatiling buhay ng mga tao na lumilitaw mula sa gawain ng iglesia ay maituturing bilang ang kinakailangang gawain ng isang iglesia? Halimbawa, ang pagsasaka, pag-aalaga ng mga hayop, at iba pang aktibidad na nagbibigay ng ilang kinakailangang pagkain para sa mga gumagawa ng kanilang mga tungkulin—maituturing ba ang mga ito bilang ang mahalagang gawain ng isang iglesia? (Hindi.) Paano naman ang pagbibigay ng mga kompyuter, kagamitan, at iba pang bagay para sa mga gumagawa ng kanilang mga tungkulin—maituturing ba ang mga ito bilang ang mahalagang gawain ng isang iglesia? (Hindi.) Kung gayon, ano ang tinutukoy na mahalagang gawain ng isang iglesia? Kasama rito ang depinisyon ng isang iglesia. Maiinam ang mga nauna ninyong depinisyon ng isang iglesia; talagang nasiyahan Ako sa mga ito dahil ang mga pangkalipika sa inyong mga depinisyon ay nauugnay sa gayong mas matataas na katotohanan tulad ng buhay pagpasok ng mga tao, ang kanilang tunay na pananampalataya at pagsunod sa Diyos, pagkilala sa Diyos, at maging ang disposisyonal na pagbabago, pagpapasakop sa Diyos, at pagsamba sa Diyos. Dahil sa puntong ito, ang pag-iral ng isang iglesia ay ganap na hindi para sa kapakanan ng mga bagay na may kaugnayan sa mga buhay at interes ng laman ng mga tao, tulad ng pagpapanatili sa kanila na mainit at busog, pagpapanatili sa kanila na malusog, o pangangalaga sa kanilang kinabukasan. Hindi umiiral ang isang iglesia para suportahan ang pisikal na pananatiling buhay ng mga tao o para pahintulutan ang mga tao na mas mainam na matamasa ang buhay ng laman. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi tama iyan. Ang aming pisikal na buhay at pananatiling buhay ay binanggit sa mga salita ng Diyos, na nagsasabi sa aming mag-aral ng ilang modernong sining at kaalaman tungkol sa pananatiling malusog. Hindi ba’t may kaugnayan ang mga ito sa pananatiling buhay namin?” Itinuturing ba ang mga ito bilang ang mahalagang gawain ng isang iglesia? (Hindi.) Dahil ang isang iglesia ay binubuo ng mga mananampalataya sa Diyos at ang buhay ng mga tao ay natural na kinapapalooban ng pagkain, damit, tirahan, transportasyon, at pang-araw-araw na pangangailangan, kaya natutulungan ng isang iglesia ang mga tao na malutas ang mga isyung ito. Sa pagkakalutas ng mga ito, naiisip ng mga tao, “Ang iglesia ay responsable rin para sa aming mga pang-araw-araw na pangangailangan. Ito ang regular na gawain ng iglesia at ang mahalagang gawain nito.” Hindi ba’t maling pagkaunawa ito? (Oo.) Ano ang nagdudulot ng maling pagkaunawang ito? (Hindi malinaw sa kanila kung ano ang mahalagang gawain ng isang iglesia.) Bakit hindi pa rin ito malinaw sa kanila hanggang ngayon? Hindi ba’t may problema sa kanilang pag-arok? (Oo.) Bakit may problema sa kanilang pag-arok? Ito ay usapin ng kakayahan. Sa huli, dahil ito sa mababang kakayahan.

Tungkol sa mahalagang gawain ng isang iglesia, tatlong aytem ang kababanggit lang: Una ay ang pagpapatotoo at pagpapakalat sa mga salita ng Diyos. Ang isa pa ay ang pag-akay sa mga tao na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, pasukin ang realidad ng mga salita ng Diyos, at tulungan ang mga tao na maunawaan ang katotohanan, maisagawa ang mga salita ng Diyos, at mas mahusay na magampanan ang mga tungkulin nila. At ang isa pa ay ang pag-akay sa mga tao na maranasan ang gawain ng Diyos, maranasan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at maiwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon para makamit ang disposisyonal na pagbabago batay sa pagkaunawa sa mga salita ng Diyos. Ang lahat ng ito ay naglalayong makamit ng mga tao ang kaligtasan. Ang tatlong aytem na ito ay mahusay na naibuod; ang mga ito ang gawain na kailangang gampanan ng isang iglesia at ang kahalagahan at kabuluhan ng pag-iral ng isang iglesia para sa sangkatauhan, para sa mga miyembro ng iglesia, at para sa hinirang na mga tao ng Diyos. Subalit hindi ito sapat na komprehensibo. Bukod sa mahahalagang gampanin na ito, pag-isipan mong muli ang tungkol sa kung ano ang iba pang mahahalagang benepisyong nakakamit ng mga tao maliban sa pagdanas ng gawaing ito na ginagampanan ng mga iglesia. (Natututo ang mga tao na kilatisin ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay.) Ang pagkilatis sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay ay medyo malapit; may kaugnayan ito sa mahalagang gawain ng isang iglesia. Kapag pinag-uusapan natin ang mahalagang gawain, pinag-uusapan natin ang tungkol sa mga representatibong gampanin. Ang mga pinagbahaginan natin ngayon-ngayon lang ay ang mga positibong kapakinabangang nakakamit ng mga tao, o ang ilan sa mga gawaing isinasagawa ng mga iglesia na nilalahukan o dinaranas ng mga tao. Maliban sa mahahalagang gampanin na ito, ang isa pang kahalagahan ng pag-iral ng isang iglesia ay ang pagtulong sa mga tao na maunawaan ang sangkatauhan, ang mundo, at ang impluwensiya ng kadiliman. Isa ba itong mahalagang gampanin ng isang iglesia bukod sa tatlong gampanin na pinagbahaginan ninyo? Isa ba itong partikular na gampanin? (Oo.) Kumpara sa naunang tatlong gampanin, itinuturing ito na isang hindi pangunahing gampanin. Bakit ito itinuturing na hindi pangunahin? Dahil ito ay isang resulta na nakakamit ng mga tao sa pamamagitan ng pagdanas sa naunang tatlong gampanin—nakakamit ito sa pamamagitan ng pagdanas ng gawain ng Diyos, pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, pagkaunawa sa katotohanan, pag-unawa sa sariling tiwaling disposisyon ng isang tao, at pagkilala sa Diyos. Ang resulta ay na nagagawang maunawaan ng mga tao ang tiwaling sangkatauhan na ito, ang madilim na mundong ito, at ang impluwensiya ng kadiliman. Bahagya na bang nakamit ang resultang ito sa kasalukuyan? (Oo.) Hindi ba’t ito ang kahalagahan ng pag-iral ng isang iglesia? Hindi ba’t ito ang silbi at epekto na dapat taglayin ng pag-iral ng isang iglesia para sa mga sumusunod sa Diyos? (Oo.) Sa isang banda, mayroon ito nitong obhetibong epekto; bukod pa rito, positibo at aktibong isinasagawa ng mga iglesia ang gawaing ito. Anong mga partikular na proyekto ang napapaloob sa gawaing ito? Halimbawa, ang mga pelikula tungkol sa hinirang na mga tao ng Diyos na nakararanas ng pang-aaresto at pagpapahirap—sa isang banda, mga patotoo ang mga ito na ginawa ng mga sumusunod sa Diyos kapag nagdurusa sila ng brutal na pag-uusig ni Satanas; sa kabilang banda, inilalantad ng mga ito kung paanong ang tiwaling sangkatauhang ito, ang madilim na mundong ito, at ang masasamang impluwensiya ay lumalaban at kumokondena sa Diyos at sa katotohanan, pati na rin ang iba’t ibang paraan kung paano nila brutal na inuusig ang mga sumusunod sa Diyos. Habang inilalantad ang mga bagay na ito, nakatutulong ang mga pelikula na maunawaan ng mga tao ang sangkatauhan, ang mundo, at ang impluwensiya ng kadiliman mula sa perspektibang ito. May mga tao na nagsasabing, “Ano ang ibig Mong sabihin sa ‘maunawaan ang sangkatauhan at ang mundo’?” Kayong lahat, ano sa tingin ninyo ang ibig sabihin nito? (Ang pagkaunawa sa kadiliman at kabuktutan ng sangkatauhan at ng mundo, pati na rin ang pagkaunawa sa diwa ng lahat ng sangkatauhan bilang mga kaaway ng Diyos.) Tama. Ibig sabihin nito ay ang pagkaunawa sa kabuktutan at kadiliman ng sangkatauhan, pagkaunawa sa mga pangit na mukha at mga tunay na kulay ng lahat ng sangkatauhan bilang mga kaaway ng Diyos. Ang mga video tungkol sa pagpapahirap o mga personal na patotoong batay sa karanasan ay mga partikular na halimbawa ng gawaing ito na ginagawa ng mga iglesia. Bukod pa rito, ang paglalantad sa tradisyonal na kultura, mga moral na pananaw ng tao, ang mga kaisipan ng ilang partikular na pangkat-etniko o lahi, pati na rin sa mga tradisyonal na doktrina ng Taoismo at Confucianismo sa Tsina, ilang huwad na katotohanan, at mga alituntunin ng pamilya at pagpapalaki sa mga anak na gumagapos sa mga tao at naglilimita sa mga kaisipan nila—ano ang layon ng paglalantad sa mga ito? Anong kategorya ng gawain ang kinabibilangan nito? Hindi ba’t ang nilalaman na dati Kong hinimay sa kuwentong “Ang pagtulog sa mga Sanga at Pagdila sa Apdo” ay bahagi ng pag-unawa sa mundo, sa sangkatauhan, at sa impluwensiya ng kadiliman? (Oo.) Ito ay isang halimbawa ng partikular na nilalaman ng gawaing ito. Kaya, ang gawaing ito ay isa ring partikular na gampanin na dapat gampanan ng isang iglesia. Sa pagbubuod, ang gawain ng isang iglesia ay, sa isang banda, ang positibong gabayan ang mga tao sa katotohanang realidad sa pamamagitan ng katotohanan, inaakay sila para makamit ang pagpapasakop sa Diyos. Sa kabilang banda, ito ay para ilantad ang sataniko, madilim na mundo, ilantad ang iba’t ibang pagkilos ng pagkamapanlaban ni Satanas sa katotohanan at sa Diyos, at ilantad ang masasamang kalakaran sa lipunan ng tao, ang iba’t ibang ideya at kuru-kuro ng tiwaling sangkatauhan, pati na rin ang kanilang mga maling pananampalataya, panlilinlang, at iba pa, para maunawaan ng mga tao ang tunay na kalikasan at diwa ng buktot na kapanahunang ito. Hindi ba’t ito ang mahalagang gawain ng isang iglesia? (Oo.) Sa katunayan, marami na kayong nakamit mula sa gawain ng iglesia at nagkamit na kayo ng maraming benepisyo. Pagdating sa mga tao sa iglesia, sila man ay ang mga interesado sa katotohanan, o ang mga hindi interesado sa katotohanan, pagkatapos ng tatlo hanggang limang taon ng pagsunod sa Diyos, sa pamamagitan ng mga pagtitipon para makipagbahaginan tungkol sa katotohanan, magdasal-magbasa ng mga salita ng Diyos, at pagdanas ng pag-uusig at paninira mula sa mga walang pananampalataya, mga panggugulo mula sa masasamang tao at mga anticristo, at lahat ng uri ng ibang tao, pangyayari, at bagay, hindi nila mamamalayang makikilatis at mauunawaan nila ang madilim na mundong ito, ang buktot na sangkatauhan, ang mga namumunong awtoridad, at ang masamang impluwensiya ng buong mundo. Ito ang mga kapakinabangang nakakamit nila. At paano nagkakaroon ng mga kapakinabangang ito? Dulot ba ang mga ito ng pag-iral ng mga iglesia? Dulot ba ang mga ito ng gawaing ginagawa ng mga iglesia? (Oo.) Sa isang banda, nagkamit na ang mga tao ng kaunting pagkaunawa sa mga salita, gawain, at disposisyon ng Diyos; sa kabilang banda, nagkamit din sila ng ilang kaukulang kamalayan at pagkilatis sa mundo, sa sangkatauhan, at sa impluwensiya ng kadiliman. Ang mga resulta at positibong epekto ng dalawang kapakinabangang ito sa mga tao ay ang dapat nilang makamit para matamo ang kaligtasan.

Ang gawain ng isang iglesia ay maibubuod bilang pagpapakalat at pagpapatotoo sa mga salita at gawain ng Diyos, at pag-akay sa mga tao na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos para maunawaan nila ang katotohanan, maisagawa ang mga salita ng Diyos, at mas mahusay na magampanan ang mga tungkulin nila. Bukod pa rito, sa pundasyon ng pagkaunawa sa katotohanan, maaari nilang maranasan ang gawain ng Diyos, maiwaksi ang mga tiwali nilang disposisyon, at makamit ang pagbabago sa disposisyon. Bukod sa tatlong aspektong ito, kinabibilangan ito ng pagtulong sa mga tao na maunawaan ang buktot na sangkatauhan, ang madilim na mundo, at ang impluwensiya ng kadiliman. Bagaman hindi marami ang mga proyekto ng gawain ng iglesia, ang partikular na nilalaman nito ay malawak. Ang nilalaman ay pawang nauugnay sa mga salita ng Diyos, sa katotohanan, sa pagwaksi sa mga tiwaling disposisyon ng isang tao, at sa pagpapasakop sa Diyos; siyempre, higit pa itong nauugnay sa pagkakaligtas. Ito ang silbi ng isang iglesia at ang kahalagahan ng pag-iral ng isang iglesia. Ang bawat aspekto ng gawain ng isang iglesia ay malapit na nauugnay sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos dahil kinapapalooban ito ng kung paano tinatrato ng mga tao ang mga salita ng Diyos, ang saloobin nila sa Diyos, ang kaligtasan nila, at ang mga pananaw at saloobin nila sa mundo, sa sangkatauhan, at sa impluwensiya ng kadiliman. Sa madaling salita, ang pag-iral ng isang iglesia ay malapit na nauugnay sa lahat ng tao, at ang gawaing ginagawa ng isang iglesia, kasama ang kahalagahan at kabuluhan ng pag-iral nito, ay hindi maihihiwalay mula sa bawat tao na tumatanggap ng pagliligtas ng Diyos.

Pagkatapos magbahaginan tungkol sa partikular na gawain na kailangang gawin ng isang iglesia, talakayin natin ang mga hindi angkop na depinisyon at pananaw ng mga tao tungkol sa katawagang “iglesia” at sa kabuluhan ng pag-iral ng isang iglesia. Una sa lahat, iniisip ng mga tao ang isang iglesia bilang isang lugar na medyo nakagiginhawa, isang lugar na puno ng init at liwanag ng araw, isang lugar na medyo kaaya-aya na walang hidwaan, digmaan, patayan, o pagdanak ng dugo—isang ideyal na lugar na pinapangarap ng puso ng mga tao, puno ng kaligayahan. Dito, walang inggitan o alitan, walang pagpapakana, walang masasamang kalakaran, o anumang iba pang penomenong matatagpuan sa mundong walang pananampalataya. Itinuturing itong isang ideyal na daungan kung saan maaaring iangkla ng mga tao ang kanilang puso. Kahit gaano man kaganda ang mga imahinasyon ng mga tao sa katawagang “iglesia,” sa kabuuan, nakakahanap ang mga tao ng partikular na dami ng espirituwal na panustos sa iglesia. Ang espirituwal na panustos na ito ay may mas kongkretong silbi para sa mga tao: Kapag nakatatagpo sila ng mga paghihirap, maaari silang magtungo sa iglesia para ipahayag ang kanilang mga problema, at ang iglesia ay makatutulong sa kanilang ibsan ang mga alalahanin at lutasin ang kanilang mga paghihirap. Halimbawa, kung makatagpo sila ng mga paghihirap sa trabaho o sa buhay, kung suwail ang kanilang mga anak, kung nakikiapid ang kanilang asawa, kung may mga hidwaan sa pagitan ng mga biyenan at manugang, kung may mga alitan sa mga kasamahan sa trabaho o sa mga kapitbahay, kung inaapi ang kanilang mga anak, kung inaangkin ang kanilang lupain ng ilang pinunong diktador, at iba pa—kapag nangyayari ang mga bagay na ito, umaasa sila na may isang tao sa iglesia na makapaninindigan para sa kanila at makatutulong na lutasin at ayusin ang mga isyung ito. Sa isipan ng mga tao, ang isang iglesia ay gayong lugar. Walang duda, sa isipan ng mga tao, ang isang iglesia ay isang kanlungan, isang ideyal na paraiso, isang lugar para ibsan ang mga alalahanin at lutasin ang mga paghihirap, alisin ang karahasan at hayaang mamuhay ang mabubuting tao nang payapa, at itaguyod ang katarungan. Kung magiging mahirap ang buhay, dapat magkaloob ng tulong ang iglesia; kung walang gulay na makakain at walang bigas na mailuluto, dapat mamahagi ang iglesia ng mga ito; kung walang mga damit, dapat bumili ang iglesia ng mga ito; kung may magkakasakit, dapat magbayad ang iglesia para sa pagpapagamot. Kapag may isang taong nakakatagpo ng mga paghihirap sa trabaho, dapat mag-abot ng tulong ang mga kapatid sa iglesia, gumamit ng mga impluwensiya, gumamit ng mga koneksiyon, o magbigay ng gabay. Kapag ang mga anak ng isang tao ay kumukuha ng mga entrance exam sa kolehiyo, humihingi sila ng tulong sa iglesia para makahanap ng mas maraming tao na mananalangin para sa kanila, nagsisikap na matiyak na ang kanilang mga anak ay tagumpay na makapapasok sa kolehiyo. Anuman ang mga paghihirap na nakatatagpo, basta’t nagpupunta ang isang tao sa iglesia, ang lahat ng paghihirap na ito ay maaaring malutas at maayos. Kahit na magdusa ang isang tao ng pang-aabuso sa mga kamay ng masasamang tao, makakaya ng iglesia, na may maraming tao at malaking impluwensiya, na ayusin ang mga bagay-bagay. Sa panghihikayat at pagsuporta ng marami, hindi na maduruwag o matatakot ang isang tao na maapi ng mga sanggano. Kahit kapag inaapi, itinatakwil, at patuloy na nakikibaka sa lipunan nang walang paraan para makapaghanap-buhay, maaaring humingi ng tulong at magandang payo ang isang tao mula sa iglesia, at makahanap ng angkop na trabaho. Ang lahat ng bagay na ito, at marami pang iba, ay ang papel na pinaniniwalaan ng mga tao na dapat gampanan ng isang iglesia at ang gawaing dapat nitong gampanan. Batay sa mga pag-iisip at kuru-kuro ng mga tao, o mula sa hinihingi nila sa isang iglesia, malinaw na walang duda nilang tinitingnan ang iglesia bilang isang institusyong pangkapakanan, isang organisasyong pangkawanggawa, isang ahensya para sa paghahanap ng romantikong kapareha o paghahanap ng trabaho, o isang Red Cross Society. Iniisip pa nga ng ilan na kahit gaano sila kahusay o anuman ang katayuan nila sa lipunan at sa sangkatauhan, palagi silang nangangailangan ng isang makapangyarihang entidad na masasandigan. Kapag nakatatagpo sila ng mga paghihirap sa lipunan o nahaharap sa mga makapangyarihan, kailangan nila ng isang malakas na puwersang susuporta sa kanila, magsasalita para sa kanila, mangangasiwa ng mga bagay-bagay para sa kanila, at makikipaglaban para sa kanilang mga karapatan at interes. Sa pananaw nila, matutupad ng iglesia ang papel na ito at makakamit ang inaasam nilang balak, kaya’t ang iglesia ang nagiging tangi nilang pagpipilian. Malinaw na tinitingnan nila ang iglesia bilang isang unyon o asosasyong panlipunan, tulad ng unyon ng mga guro, unyon sa transportasyon, asosasyon ng mga magsasaka, asosasyon ng mga kababaihan, asosasyon ng matatanda, at iba pa—mga ganitong uri ng mga grupo at organisasyong panlipunan. Anuman ang mga depinisyon ng mga tao tungkol sa kung ano talaga ang isang iglesia, batay sa gawaing ginagampanan ng iglesia at sa tumpak na depinisyon nito, malinaw na ang mga saloobin at hinihingi ng mga tao sa iglesia ay hindi tama at hindi wasto, at hindi dapat taglayin ng mga tao ang mga ito. Ang iglesia ay hindi isang lugar para “pagnakawan ang mayayaman para pakainin ang mahihirap,” alisin ang karahasan at hayaang mamuhay ang mabubuting tao nang payapa, o itaguyod ang katarungan, lalong hindi ito isang lugar para tulungan ang mundo at iligtas ang mga tao o ibsan ang mga alalahanin ng mga tao at lutasin ang mga paghihirap nila. Ang iglesia ay hindi isang organisasyong pangkawanggawa, hindi isang institusyong pangkapakanan, at hindi isang komunyong panlipunan. Ang pagtatatag at presensiya ng iglesia ay hindi para gumanap bilang isang grupo o organisasyong panlipunan. Maliban sa ilang mahalagang gampanin na dapat isagawa ng isang iglesia, na ang patotohanan at ipakalat ang mga salita ng Diyos, at akayin ang mga tao na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, danasin ang gawain ng Diyos, at iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon para makamit ang kaligtasan, walang obligasyon ang isang iglesia na magkaloob ng anumang mga serbisyo o tulong sa lipunan o anumang pangkat-etniko. Dagdag pa rito, ang isang iglesia ay hindi isang lugar para makipaglaban para sa mga karapatan at interes ng mga tao at wala itong obligasyon na siguruhin ang pisikal na buhay, katayuan sa lipunan, mga titulo sa trabaho, sahod, kapakanang panlipunan ng mga tao, at iba pa. Sa mga kuru-kuro ng mga tao, naniniwala sila na ang mga silbi ng isang iglesia ay ang alisin ang karahasan at hayaang mamuhay ang mabubuting tao nang payapa, itaguyod ang katarungan, ibsan ang mga alalahanin ng mga tao at lutasin ang kanilang mga paghihirap, tulungan ang mundo at iligtas ang mga tao, at makipaglaban para sa mga karapatan at interes ng mga tao—pangunahin ang mga silbing ito. Samakatwid, naniniwala ang mga tao na ang iglesia ang kanilang agarang tulong at na ang anumang paghihirap ay maaaring malutas at maisaayos ng iglesia. Malinaw na tinitingnan ng mga tao ang iglesia bilang isang institusyon, organisasyon, o grupong panlipunan. Gayumpaman, ang iglesia ba ay ganoong institusyon? (Hindi ito ganoon.) Kung ang mga tungkulin at papel na pinaniniwalaan ng mga tao na dahilan kaya umiiral ang isang iglesia ay para alisin ang karahasan at hayaang mamuhay ang mabubuting tao nang payapa, itaguyod ang katarungan, ibsan ang mga alalahanin ng mga tao at lutasin ang mga paghihirap nila, tulungan ang mundo at iligtas ang mga tao, makipaglaban para sa mga karapatan at interes ng mga tao, at iba pa, ang iglesiang ito ay hindi matatawag na isang iglesia dahil wala itong koneksiyon sa mga salita ng Diyos, sa gawain ng Banal na Espiritu, o sa gawain ng Diyos ng pagliligtas ng mga tao. Ang gayong grupo o organisasyon ay dapat tawagin lang na isang grupo o organisasyon, na walang kaugnayan sa isang iglesia, ni anumang koneksiyon sa gawain ng isang iglesia. Kung ang isang organisasyon, sa ilalim ng bandila ng pananampalataya sa Diyos, ay nakikilahok sa mga aktibidad tulad ng pagdalo sa mga serbisyo, pagsamba sa Diyos, pagbabasa ng Bibliya, pagdarasal, pag-awit ng mga himno, at pagpupuri, o kahit na mayroon itong mga pormal na pagtitipon at pagsamba, pati na rin ng tinatawag na mga pulong para sa pag-aaral ng Bibliya, mga pulong para sa pananalangin, mga pulong ng mga magkakatrabaho, mga pulong para sa pagpapalitan, at iba pa, anuman ang uri ng mga miyembro at estruktura nito, walang koneksiyon ang mga ito sa isang tunay na iglesia. Kaya, ano nga ba mismo ang isang tunay na iglesia? Paano ito nabubuo? Ang isang tunay na iglesia ay nabubuo dahil sa pagpapakita ng Diyos, sa Kanyang gawain, at sa Kanyang pagpapahayag ng katotohanan para iligtas ang sangkatauhan. Nabubuo ito kapag ang mga tao ay naririnig ang tinig ng Diyos, lumalapit sa Diyos, at nagpapasakop sa gawain ng Diyos. Ito ang isang tunay na iglesia. Ang isang iglesia ay hindi inorganisa at itinatag ng mga tao kundi personal na itinatag ng Diyos at personal na inakay at pinastol ng Diyos. Samakatwid, may mga atas ang Diyos para sa Kanyang mga iglesia. Ang misyon ng isang iglesia ay ang ipakalat ang mga salita ng Diyos, patotohanan ang gawain ng Diyos, at tulungan ang mga tao na marinig ang tinig ng Diyos, bumalik sa presensiya ng Diyos, tanggapin ang pagliligtas ng Diyos, danasin ang gawain ng Diyos para makamit ang pagliligtas ng Diyos, at magpatotoo para sa Diyos—ganoon lang iyon kasimple. Ito ang kahalagahan at kabuluhan ng pag-iral ng isang iglesia.