Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (21) Ikaapat na Seksiyon

IV. Hindi Pagmamalasakit o Hindi Pagtatanong Tungkol sa mga Taong Nailihis ng mga Anticristo

May isa pang pagpapamalas ang mga huwad na lider na mas nakakagalit. Ang ilang huwad na lider ay nakakakilatis ng mga anticristo sa ilang antas sa kanilang pakikisalamuha pero hindi nila kaagad pinapangasiwaan ang mga ito. Hindi rin nila kaagad inilalantad at hinihimay ang masasamang gawa at diwa ng mga anticristo sa pamamagitan ng iba’t ibang pag-uugali ng mga ito, para mabigyang-kakayahan ang mga kapatid na makilatis at matanggihan ang mga anticristo. Maituturing na itong hindi pagtupad sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Kapag ang ilang kapatid ay naililihis at sumusunod sa mga anticristo, nananatiling walang pakialam ang mga huwad na lider na ito, na para bang wala itong kinalaman sa kanila. Bukod dito, wala silang nararamdamang pang-uusig o pang-aakusa sa sarili sa puso nila. Hindi nila nararamdamang nabigo nila ang Diyos o ang mga kapatid. Sa halip, madalas nilang sinasabi ang “klasikong” linyang ito: “Nailihis ng mga anticristo ang mga taong ito. Nararapat lang ito sa kanila! Kasalanan nila ito dahil wala silang pagkilatis. Kahit hindi sila sumunod sa mga anticristo, magiging mga puntirya pa rin sila ng pagpapaalis ng sambahayan ng Diyos.” Bukod sa ang mga huwad na lider na ito ay walang nararamdamang pang-uusig sa sarili o pagkakonsensiya matapos na mailihis ng mga anticristo ang mga kapatid, higit pa rito, hindi sila nagninilay-nilay o nagsisisi. Sa halip, nagsasabi sila ng gayong mga di-makataong salita, sinasabing nararapat lang sa mga kapatid na ito na mailihis ng mga anticristo. Ano ang makikita mula sa mga salitang ito? May pagkatao ba ang mga taong ito? (Wala.) Tiyak ang kawalan nila ng pagkatao. Bakit kaya nila sinasabi ang mga bagay na ito? (Para umiwas sa responsabilidad.) Una, ito ay para umiwas sa responsabilidad, para ilihis at gawing manhid ang mga tao. Naniniwala sila: “Nailihis ang mga taong iyon ng mga anticristo dahil wala silang pagkilatis, na walang kinalaman sa akin. Hindi nila hinangad ang katotohanan, kaya nararapat silang mailihis!” Ano ang ibig sabihin ng “nararapat”? Ibig sabihin, dapat na mailihis at makontrol ng mga anticristo ang mga taong ito, at dapat na lubhang mapinsala ng mga anticristo—anumang pagtrato ang natatanggap nila mula sa mga anticristo, nararapat lang ito sa kanila; nararapat sa kanilang sumunod sa mga anticristo. Ang ipinapahiwatig nito ay hindi dapat sumunod sa Diyos ang mga taong ito kundi sa mga anticristo, na ang pagsunod sa Diyos ay isang pagkakamali para sa kanila, at na ang pagpili sa kanila ng Diyos ay isa ring pagkakamali, at na kahit nakapasok na sila sa sambahayan ng Diyos, hindi maiiwasan ang pagkakalihis sa kanila ng mga anticristo. Hindi ba’t ito ang ipinapahiwatig ng mga huwad na lider? Bukod sa sinisiraan nila ang mga kapatid, nilalapastangan din nila ang Diyos. Hindi ba’t kamuhi-muhi ang gayong mga tao? (Oo.) Labis silang kamuhi-muhi! Bukod sa pag-iwas sa responsabilidad at pagtatakip sa katunayan at sa katotohanang hindi nila pinrotektahan ang mga kapatid, binabatikos pa nila ang mga ito, sinasabing ang mga ito ay nararapat lang na mailihis ng mga anticristo at na hindi karapat-dapat na manampalataya sa Diyos at tumanggap ng pagliligtas ng Diyos. Naibubunyag ng isang pahayag na ito kung gaano kaubod ng sama ang karakter nila! Bagama’t hindi nila direktang ginulo, nilihis, o sinupil ang mga kapatid tulad ng mga anticristo, ang saloobin nila sa mga kapatid, sa atas ng Diyos, at sa kawang ipinagkatiwala sa kanila ng sambahayan ng Diyos ay nagpapakita kung gaano sila tunay na kawalang-puso at kalupit! Walang sinumang tumatanggap sa gawain ng Diyos ang nagagawa ito nang madali; nangangailangan ito ng mga sakripisyo at pagtutulungan ng mga nangangaral ng ebanghelyo. Nangangailangan ito ng maraming lakas-tao at mapagkukunan, at higit pa rito, nakapaloob dito ang dugo ng puso ng Diyos. Ang Diyos ang naghahanda ng iba’t ibang tao, pangyayari, bagay, at kapaligiran para madala ang mga tao sa harapan Niya. Walang pakialam ang mga huwad na lider sa alinman sa mga ito. Sinuman ang naililihis ng mga anticristo, ipinagwawalang-bahala nila ito gamit ang iisang parirala: “Nararapat lang ito sa kanila!” Sa paggawa niyon, hinahayaan nila ang lahat ng pagsisikap ng lahat ng kasangkot at ang dugo ng puso ng Diyos na mauwi sa wala, na para bang wala itong halaga. Ano ba ang ibig sabihin ng “Nararapat lang ito sa kanila”? Ibig sabihin nito, “Sino bang nagsabing ipangaral mo ang ebanghelyo sa kanila? Hindi sila karapat-dapat na manampalataya sa Diyos. Isang pagkakamali ang ipangaral ang ebanghelyo sa kanila. Sino bang nagsabi sa kanilang sumunod sa mga anticristo? Bagama’t wala akong ginawang anumang tunay na gawain, hindi ko rin naman sila pinasunod sa mga anticristo. Sila ang nagpumilit na gawin iyon; nararapat lang sa kanila na sumunod sa mga anticristo!” Anong uri ng pagkatao mayroon ang ganitong klase ng tao? May puso man lang ba siya? Isa siyang malupit na hayop, mas masahol pa sa isang asong bantay, at gayumpaman, isa siyang lider? Hindi siya karapat-dapat! Dapat mayroon kayong pagkilatis: Dahil ang gayong mga tao ay walang konsensiya at katwiran at napakalupit, hindi mo sila dapat piliin bilang lider. Hindi dapat maging magulo ang isip mo! Bukod sa nabibigo silang gawin ang lahat ng posible para maibalik ang lahat ng nawala at mabawi ang mga nailihis ng mga anticristo, nagsasabi rin sila ng gayon kalupit na mga bagay—napakamapaminsala nila! Ang kalikasan ng problema ng ganitong uri ng tao ay mas mabigat kaysa sa isang karaniwang huwad na lider. Bagama’t hindi sila maituturing na mga anticristo, batay sa mga pagpapamalas nila, malinaw na wala silang pagkatao at hindi karapat-dapat na maging lider o manggagawa. Isa lang silang pangit, walang utang na loob na taksil! Hindi nila alam kung ano ang atas ng Diyos, ni wala silang anumang kamalayan kung anong gawain ang dapat nilang ginagawa. Hindi nila ito tinatrato nang may konsensiya at katwiran; hindi sila karapat-dapat na maging lider ng hinirang na mga tao ng Diyos at hindi sila karapat-dapat na tumanggap ng atas ng Diyos. Sa partikular, walang pagmamahal sa hinirang na mga tao ng Diyos ang mga huwad na lider. Kapag naililihis ang mga kapatid, lalo pa nilang pinagmamalupitan ang mga ito kapag lugmok ang mga ito, nagsasabi ng mga bagay tulad ng “Nararapat lang ito sa kanila,” walang anumang ipinapakitang simpatiya. Ang gayong tao, kapag nakikita niyang nalulugmok sa kasawiang-palad o mga paghihirap ang isang tao, ay hindi tutulong, sa halip ay lalo pa niya itong pagmamalupitan habang lugmok ito. Hindi makakaramdam ng anumang pang-uusig ang konsensiya niya, at patuloy siyang magiging lider sa paraang dati na niyang ginagawa. Hindi ba’t walang kahihiyan ito? (Oo.) Bukod sa mga kapatid, kahit kung ang isang mabuting walang pananampalataya ay lubhang pinipinsala ng mga diyablo, bilang isang mananampalataya sa Diyos at bilang isang nilikha, ang sinumang may normal na pagkatao ay makakaramdam ng simpatiya; lalo nang masasaktan ang puso niya kapag ang mga kapatid—na mga sinserong nananampalataya sa Diyos—ang naililihis at napipinsala ng mga anticristo. Ang mga huwad na lider na ito ay walang ginagawang tunay na gawain sa panahon kung kailan gumagawa ng kasamaan ang mga anticristo at kapag pinipinsala ng mga ito ang hinirang na mga tao ng Diyos. Hindi nila inilalantad ni hinihimay ang masasamang gawa at diwa ng mga anticristo, lalong wala silang pagpapahalaga sa pasanin para tulungan ang mga kapatid na magkamit ng pagkilatis sa mga anticristo at tanggihan ang mga ito mula sa puso nila. Wala silang nararamdamang pagpapahalaga sa responsabilidad sa usaping ito. Kahit kapag naililihis ng mga anticristo ang ilang tao, binibitawan lang nila ang malupit, walang-pusong pahayag, “Nararapat lang ito sa kanila.” Nakakagalit talaga ito! Para umiwas sa responsabilidad, para pangalagaan ang sarili nila, para ilihis at gawing manhid ang mas maraming tao, at para maiwasang makondena ng Diyos, nagsasabi sila ng gayong mga di-makataong bagay. Hindi ba’t kamuhi-muhi ito? (Oo.) Anuman ang sabihin mo, hindi mo tinupad ang mga responsabilidad mo, at hindi mo ginawa nang maayos ang trabaho mo—ang mga ito ang mga pagpapamalas ng isang huwad na lider; hindi mo maitatanggi ang mga bagay na ito kahit gaano mo pa subukan. Isa kang huwad na lider.

Ang ilang huwad na lider ay hindi lang kumikilos nang malupit, walang puso, at iresponsable matapos na mailihis ng mga anticristo ang ilang kapatid, sinasabing nararapat lang sa mga taong ito ang mailihis, pero kahit kapag hinihingi ng mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos na tuparin nila ang responsabilidad nila na bawiin ang mga taong medyo may mabuting pagkatao at may pag-asang maibalik sa iglesia hangga’t maaari, wala pa ring ginagawang tunay na gawain ang mga huwad na lider na ito. Kahit kapag hinihiling ng ilang tao na bumalik sa iglesia, nananatili silang walang pakialam at hindi nagpapakita ng malasakit, hindi itinuturing ang buhay ng mga tao bilang ang pinakamahalagang bagay na dapat pahalagahan. Nabibigo silang bawiin ang mga nailihis na kapatid hangga’t maaari. Hindi nila matupad ang responsabilidad na ito, at hindi sila nagsisikap na gawin ito. Kahit pa paulit-ulit na hinihingi ng mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos na gawin nang maayos ang gawaing ito, wala pa ring pakialam ang mga huwad na lider, hindi sila umaaksiyon at wala silang ginagawang gawain. Bilang resulta, ang ilang taong nailihis ng mga anticristo at inihiwalay o pinaalis ay hindi pa rin makabalik sa sambahayan ng Diyos at hindi pa rin nakakabalik sa normal na buhay iglesia. Siyempre, may ilang tao na hindi talaga natutugunan ang mga kondisyon para sa pagbawi ng sambahayan ng Diyos sa iba’t ibang aspekto, pero may iba na puwedeng maibalik. Kung, sa pamamagitan ng mapagmahal na pagtulong at matiyagang pagsuporta, magagawa nilang maunawaan ang katotohanan, makilatis, at matanggihan ang mga anticristo, puwede silang maibalik. Gayumpaman, dahil hindi gumagawa ng tunay na gawain ang mga lider at manggagawa, hindi ipinapatupad ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, at hindi tinatrato na mahalaga ang buhay ng mga taong ito, may mga taong naliligaw pa rin. Binabalewala ng mga lider at manggagawang ito ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos gamit ang iba’t ibang palusot. Ni hindi nila pinapansin ang mga kapatid na gustong bumalik sa iglesia at pasok naman sa mga kondisyon ng iglesia para sa pagtanggap. Gumagawa sila ng kung ano-anong palusot, sinasabing may masamang pagkatao ang mga taong ito, nahaharap sa mga panganib sa seguridad, mahilig magbihis nang magara, nalulugod sa mga kalayawan ng laman, mahilig sa katayuan, at iba pa. Gamit ang mga gawa-gawang palusot at dahilang ito, tumatanggi silang pabalikin ang mga ito sa iglesia. Ang mga taong ito ay nailihis at nakontrol ng mga anticristo, pero walang pakialam ang mga huwad na lider sa pagkaligaw ng mga ito. Wala silang anumang pagpapahalaga sa responsabilidad o pakiramdam ng konsensiya. Maaaring iniisip nilang mahirap o mapanganib ang pagbawi sa mga taong ito, o maaaring sa kaibuturan nila ay ayaw nila at hindi sila sumasang-ayon. Ano’t anuman, dahil sa iba’t ibang kadahilanan, hinding-hindi nila ipinatutupad ang nabanggit sa itaas na pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Ito ang mga pagpapamalas ng gayong mga huwad na lider. Hindi lang sila nabibigong aktibong makipagtulungan at tuparin ang mga responsabilidad nila tungkol sa anumang gampaning itinatalaga ng Diyos o ng sambahayan ng Diyos, kundi kapag may naglalantad ng pagpapabaya nila sa responsabilidad, ipinagtatanggol nila ang sarili nila, nagsasabi sila ng mga bagay na umiiwas sa mga responsabilidad nila at pinapangatwiranan nila ang sarili nila para pagtakpan ang katotohanan ng pagpapabaya nila. Hindi ba’t mas kamuhi-muhi ang gayong mga huwad na lider? (Oo.) Sa pagbubuod, ang mga huwad na lider na ito ay pabaya rin sa pangangasiwa sa mga anticristo na lubhang namiminsala sa hinirang na mga tao ng Diyos, wala silang ginagawang anumang tunay na gawain. Binabalewala nila ang bawat detalye ng gawaing ito na hinihingi ng sambahayan ng Diyos. Ayaw nilang magtiis ng hirap o magbayad ng halaga, gusto lang nilang gawin ang gusto nila at kumilos ayon sa gusto nila—gumagawa nang bahagya kung gusto nila at wala silang ginagawa kung ayaw nila. Ganap nilang binabalewala ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, binabalewala nila ang mga tungkulin at responsabilidad na ipinagkatiwala sa kanila ng sambahayan ng Diyos, at lalong binabalewala nila ang mga layunin at hinihingi ng Diyos. Walang pagkatao at walang konsensiya ang mga taong ito; sila ay mga naglalakad na bangkay. Maglalakas-loob ba kayong ipagkatiwala ang mahalagang usaping ito ng buhay ninyo ng paghahangad sa kaligtasan sa pananampalataya sa Diyos sa mga taong walang pagkatao? (Hindi.) Kahit hindi ka nila ihain sa mga anticristo, gagawin ba nila ang lahat ng makakaya nila para labanan ang mga anticristo kapag inililihis at lubhang pinipinsala ng mga ito ang hinirang na mga tao ng Diyos? Hindi, dahil ang gayong mga tao ay malulupit na hayop na walang pagpapahalaga sa responsabilidad. Nagsisilbi lang sila bilang mga lider para makapagtiyak sila ng mga pakinabang para sa sarili nila.

Ang mga huwad na lider ay nagpapakita minsan ng malasakit sa mga kapatid; tinatanong nila kung may anumang kailangan ba ang mga ito, kung kumusta ang pagkain at tirahan ng mga ito, at iba pa. Napakamaalalahanin nila pagdating sa mga usapin na may kinalaman sa pang-araw-araw na pamumuhay, pero pagdating sa mga usaping tungkol sa atas ng Diyos, sa buhay at kamatayan ng mga kapatid, at sa mga katotohanang prinsipyo, nananatili silang walang pakialam at walang ginagawa kahit sino pa ang magtanong sa kanila. Iniintindi lang nila ang tungkol sa pisikal na kasiyahan, pagkain, pananamit, tirahan, transportasyon, o mga materyal na pakinabang ng mga tao, at gayong mga usapin lang ang inaasikaso nila. Sinasabi ng ilang tao, “May kontradiksiyon ang mga salita Mo. Hindi ba’t sinabi Mo na malupit sila? Magiging handa ba ang isang malupit na tao na gawin ang mga bagay na ito para sa iba?” Magiging mabait ba ang isang malupit na tao para gawin ang mga bagay na ito para sa lahat? (Hindi.) Sa katunayan, gagawin nga ng ilang malupit na tao ang mga bagay na ito, at may dalawang dahilan para dito. Ang una ay, habang ginagawa nila ang mga bagay-bagay para sa lahat, gumagawa rin sila ng mga bagay para sa sarili nila, at nakikinabang sila mula rito. Kung wala silang makukuhang anumang pakinabang mula sa paggawa ng isang bagay, tingnan mo kung gagawin pa rin nila ito—agad nilang babaguhin ang saloobin nila at titigil sila. Bukod dito, kaninong pera ang ginagamit nila para gawin ang mga bagay na ito at maghangad ng mga pakinabang para sa lahat? Ang sambahayan ng Diyos ang gumagastos para dito. Dalubhasa ang mga taong ito sa pagiging bukas-palad gamit ang mga mapagkukunan ng sambahayan ng Diyos. Paano nila hindi magagawa ang mga bagay na ito kung sila naman mismo ang nagkakamit ng mga pakinabang? Habang naghahangad sila ng mga pakinabang para sa lahat, ang totoo ay ginagawa nila ang mga bagay para sa sarili nila. Hindi sila ganoon kabait para maghangad ng mga pakinabang para sa kapakanan ng iba! Kung tunay silang naghahangad ng mga pakinabang para sa lahat, dapat wala silang anumang makasariling motibo, at dapat nilang pangasiwaan ang mga bagay ayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos. Gayumpaman, sa halip ay palagi nilang hinahangad ang mga pakinabang para sa sarili nila, at hindi man lang nila iniintindi ang buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Bukod dito, ginagawa nila ang mga bagay para sa lahat upang hangaan sila ng mga tao at sabihin ng mga ito, “Ang taong ito ay naghahangad ng mga pakinabang para sa atin at nagsisikap na protektahan ang ating mga interes. Kapag may kailangan tayo, dapat natin siyang lapitan para asikasuhin niya ito. Kapag naririyan siya, hindi tayo makakaranas ng masamang pagtrato.” Ginagawa nila ang mga bagay na ito para pasalamatan sila ng lahat. Sa pagkilos nang ganito, nagkakamit sila ng parehong kasikatan at mga pakinabang, kaya bakit hindi nila gagawin ang mga bagay na ito? Kung naghahangad sila ng pakinabang para sa lahat, pero walang nakakaalam na sila ang may gawa nito, at nagpapasalamat ang lahat sa Diyos, at walang sinumang mapagpasalamat sa kanila, gagawin pa rin kaya nila ito? Siguradong mawawalan sila ng ganang gawin ito; malalantad ang tunay nilang pagkatao. Kapag gumagawa ng anumang bagay ang ganitong mga klase ng tao, ganap na nalalantad ang kalikasang diwa nila. Samakatwid, kapag ginugulo ng mga anticristo ang iglesia, hinding-hindi sila gagawa ng anumang tunay na gawain para protektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos.

Katatapos lang nating magbahaginan na matapos magdusa sa panlilihis, kontrol, at pinsala ng mga anticristo ang hinirang na mga tao ng Diyos, nagbubulag-bulagan pa rin dito ang mga huwad na lider. Hindi sila nag-iisip ng anumang paraan para mabawi ang hinirang na mga tao ng Diyos, ni hindi nila tinutupad ang mga obligasyon at responsabilidad nila. Isinasaalang-alang lang nila ang sarili nilang mga damdamin, lagay ng loob, at interes. Hindi nila tinutupad ang mga responsabilidad nila, at hindi nila inaako ang pananagutan; sa halip, iniiwasan nila ang mga responsabilidad nila at tinatakasan ang mga ito. At hinuhusgahan pa nila ang hinirang na mga tao ng Diyos matapos mailihis at makontrol ng mga anticristo ang mga ito, sinasabing hindi sinserong nananampalataya sa Diyos ang mga ito, para makaiwas sa sarili nilang responsabilidad, nang hindi nakakaramdam ng anumang pang-uusig ng konsensiya. Ang mga huwad na lider na ito ang pinakakamuhi-muhi. Pawang lubhang kasuklam-suklam ang iba’t ibang uri ng pagpapamalas ng mga huwad na lider na natalakay natin, pero itong huling uri ng tao ay talagang walang anumang pagkatao. Ang ganitong uri ng tao ay isang malupit na hayop, isang halimaw na nakabihis pantao; hindi siya maituturing na kabilang sa sangkatauhan, kundi dapat siyang iklasipika na kabilang sa mga hayop. Bakit hindi niya tinutupad ang mga responsabilidad niya? Dahil wala siyang pagkatao, walang konsensiya o katwiran. Ang mga responsabilidad, obligasyon, pagmamahal, pagtitiyaga, malasakit, at pagprotekta sa mga kapatid—wala sa mga bagay na ito ang nasa puso niya; hindi niya taglay ang mga katangiang ito. Ang kawalan ng mga katangiang ito sa pagkatao niya ay katumbas ng kawalan ng pagkatao. Ito ang mga pagpapamalas ng ikaapat na uri ng huwad na lider.

Ang mga ito halos ang apat na uri ng pagpapamalas ng mga huwad na lider na kailangang ilantad sa loob ng ikalabintatlong responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Siyempre, may iba pang mga katulad na pagpapamalas, pero ang apat na uri na ito ay karaniwang kumakatawan na sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga huwad na lider sa paggampan sa gawaing ito, pati na sa pagkataong diwa nila. Sa ilang kategorya man natin hatiin ang mga pagpapamalas nila, ang dalawang prominenteng pagpapamalas ng mga huwad na lider ay, ano’t anuman, matatagpuan pa rin sa loob ng apat na kategoryang ito: Ang isa sa mga ito ay ang hindi paggawa ng aktuwal na gawain, at ang isa pa ay ang kawalan ng kakayahang gumawa ng aktuwal na gawain. Ito ang dalawang pinakaprominenteng pagpapamalas ng mga huwad na lider. Anuman ang pagkatao at kakayahan ng mga huwad na lider, at paano man nila tinatrato ang katotohanan, ano’t anuman, ang dalawang pagpapamalas na ito ay nasa loob ng apat na kategoryang ito. Dito nagtatapos ang nilalaman tungkol sa paglalantad sa mga huwad na lider sa pagbabahaginan natin ngayon sa ikalabintatlong responsabilidad ng mga lider at manggagawa.

Karagdagang Nilalaman: Pagsagot sa mga Katanungan

May mga tanong ba kayo? (O Diyos, gusto kong magtanong. Sa simula ng pagtitipon, tinanong kami ng Diyos kung ano ang pagkakaiba sa pagitan ng mga taong may disposisyon ng mga anticristo at ng mga aktuwal na anticristo, at kung ano ang mga karaniwang katangian ng diwa ng mga anticristo. Noong oras na iyon, naramdaman naming nablangko ang isipan namin, at matapos magbulay-bulay sandali, ilang napakasimpleng salita at doktrina lang ang naisip namin. Mahigit isang taon nang nakikipagbahaginan ang Diyos sa mga katotohanan tungkol sa paglalantad sa mga anticristo, pero kaunti lang ang kaya naming maunawaan at maisagawa sa mga ito. Isa sa mga dahilan nito ay hindi namin pinagsumikapan ang mga katotohanang ito, at ang isa pa ay medyo kakaunti ang mga anticristo na aming nakakasalamuha at hindi namin naunawaan ang mga katotohanang ito sa pamamagitan ng pag-uugnay sa mga ito sa mga aktuwal na sitwasyon. Samakatwid, kahit ngayon ay wala talaga kaming anumang pagpasok sa mga katotohanang ito, wala kaming masyadong pagkilatis sa mga anticristo, at maraming pagpapamalas ng disposisyon ng mga anticristo sa sarili namin ang hindi pa namin natutukoy. Gusto kong itanong kung paano lutasin ang problemang ito.) Para sa anumang aspekto ng katotohanan, dapat mayroon kang ilang tunay na karanasan at kaalamang batay sa karanasan, at dapat kang magkamit ng tunay na pagkaunawa, para maitanim sa puso mo ang mga salita ng katotohanan. Ang proseso ng pagkamit sa katotohanan ay palaging ganito. Ang mga bagay na natatandaan mo ay ang mga bagay na nakakamit mo sa pamamagitan ng mga karanasan mo; ang mga ito ang mga pinakamalalim na impresyon. Samakatwid, habang nagbabahaginan tayo tungkol sa paksa ng mga anticristo ngayon, pinabalik-aralan Ko muna sa inyo ang nilalamang ito. May ilang bagay kayong naalala. Sa mga bagay na naalala ninyo, may ilan dito na teoretikal para sa inyo, pero natural na may ilang pagpapamalas ng mga anticristo na medyo naiuugnay ninyo sa tunay na buhay—lahat ay kailangang danasin ito sa ganitong paraan. Ang normal na sitwasyon para sa mga tao ay na kahit gaano tila kahusay ang pagkaunawa nila habang nakikinig sa mga sermon, teoretikal lang ang pagkaunawa nila at nakabatay sa doktrina, at wala silang kaalaman sa katotohanan. Kailan ba mauunawaan ng isang tao ang katotohanan? Kapag naranasan na niya ang mga bagay na ito, saka lang siya magkakaroon ng praktikal na kaalaman. Kung hindi nararanasan ang mga tunay na sitwasyon, walang magkakamit ng kaalaman. At kaya, habang nagbabahaginan tayo tungkol sa paksa ng mga anticristo ngayon, kinakailangan ang mabilisang pagbabalik-aral at pagbibigay sa inyo ng simpleng paalala. Pagkatapos nito, nagbahaginan man tayo tungkol sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa o sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga huwad na lider, kahit papaano ay hindi ito magiging masyadong mababaw para sa inyo—iyon lang. Gayumpaman, kailangan pa rin ninyong maranasan ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo. Sinasabi ng ilang tao, “Kung hindi naghahanda ang Diyos ng ilang totoong tao, pangyayari, at bagay, saan kami magkakamit ng karanasan? Hindi naman puwede na kami mismo ang maghanap sa mga anticristo, hindi ba?” Hindi mo kailangang hanapin sila. Ang pinakasimpleng solusyon ay na kapag nakatagpo ka ng mga anticristo, sikapin mo nang husto na itugma sila sa mga salita ng Diyos. Itugma ang kanilang mga panlabas na pagbubunyag, pahayag, kilos, at disposisyon, pati na rin ang kanilang mga iniisip at pananaw, at maging ang paraan ng kanilang asal at pakikitungo sa mundo, ang kanilang estilo ng pamumuhay, at iba pa—ibig sabihin, itugma sila sa labinlimang pagpapamalas ng mga anticristo na tinalakay natin. Itugma ang pinakamaraming makakaya mo. Ganito ang pagkaarok ng mga tao: Hindi nila masyadong matandaan ang maraming bagay dahil limitado ang memorya ng tao. Kayang magsalita nang husto ng mga tao tungkol sa mga bagay na tunay nilang nakamit sa pamamagitan ng mga personal nilang karanasan. Kahit gaano karami ang sabihin nila, hindi ito batay sa memorya kundi sa karanasan at sa pinagdaanan nila. Ang mga bagay na ito na nakamit nila ang pinakamalapit sa katotohanan at sa aktuwal na totoo—ang mga ito ang mga bagay na nakamit ng mga tao sa pamamagitan ng karanasan. Bukod sa mga ito, ang mga bagay na tumutugma sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao at ang mga bagay na batay sa kaalaman ay hindi tumutugma sa katotohanan, kahit ilang taon nang inookupa ng mga ito ang malaking bahagi ng isipan mo matapos una itong pasukin ng mga ito. Kapag tunay mong nauunawaan ang katotohanan, matatanggal at maisasantabi ang mga bagay na ito. Gayumpaman, iyong mga bagay na malapit sa katotohanan at umaayon sa katotohanan, na nakamit mo sa pamamagitan ng karanasan, ang siyang mahalaga. Lubos man ninyong nauunawaan o hindi ang mga itinanong Ko ngayon, tiyak na may bahagi sa paksa ng pagkilatis sa mga anticristo na kaya ninyong maunawaan, dahil nakaranas na kayong lahat ng ilang panlilihis at panggugulo mula sa mga anticristo. Nagbigay ito sa inyo ng kaunting pagkilatis, at kapag nakaharap kayo ng mga anticristo na gumagawa ng kasamaan at nanggugulo sa gawain ng iglesia, maaaring magamit ninyo ang mga katotohanang ito. Nagagamit lang ang mga salitang ito kapag naharap kayo sa mga tunay na kapaligiran. Kung hindi pa ninyo naranasan ang panlilihis ng mga anticristo at nakikita lang ninyo sa imahinasyon ninyo ang mga kilos nila, wala itong silbi. Gaano man kagaling ang imahinasyon mo, hindi ito mangangahulugan na makikilatis mo sila. Kapag nahaharap sa mga tunay na kapaligiran, saka lang likas na tumutugon ang mga tao, gamit ang kanilang sariling mga kaisipan at pananaw, ilang teoryang naranasan na nila, at ilang doktrina, paraan, at gawing natutuhan nila, para harapin at pangasiwaan ang mga usaping ito, sa huli ay gumagawa ng iba’t ibang desisyon. Pero bago maranasan ng mga tao ang mga sitwasyong ito, ayos na rin kung mayroon silang dalisay na pagkaarok at impresyon sa iba’t ibang teorya. Sinasabi ng ilang tao, “Ano ba ang silbi ng pagsasabi Mo nang napakarami bago pa namin makaharap ang mga anticristo?” Kapaki-pakinabang ito. Hindi ba’t ang mga salitang naglalantad sa mga anticristo ay nakalimbag sa isang aklat? Ang mga salitang iyon ba ay ganap mong mararanasan at makikilatis sa loob ng isa o dalawang araw? Hindi. Ang layon ng paglilimbag ng mga ito sa aklat na iyon ay para iligtas kayo at para madalas ninyong mabasa ang mga salitang ito, at maunawaan ang mga katotohanang ito, at para din mabasa ninyo ang mga salita ng Diyos at matanggap ang panustos ng buhay kapag nahaharap kayo sa iba’t ibang sitwasyon sa hinaharap—ito man ay isang insidente ng anticristo, mga suliranin sa pagbabago ng sarili ninyong disposisyon, o iba pa. Ang mga salita ng Diyos sa aklat na ito ang pinagmumulan para maranasan at mapangasiwaan mo ang mga usaping ito at makapasok ka sa mga aspektong ito ng katotohanan. Ang dami ng nauunawaan mo habang nakikinig ka sa mga sermon ay hindi kumakatawan sa dami ng realidad na taglay mo. Kung hindi mo maunawaan o matandaan ang isang bagay sa isang pagkakataon, hindi ibig sabihin na hindi mo ito kailanman mararanasan o hindi mo ito kailanman mauunawaan sa hinaharap. Sa madaling salita, dapat ninyong maunawaan na tanging ang mga bagay na nakakamit ng mga tao mula sa karanasan at ang kanilang nalalaman batay sa mga salita ng Diyos ang nauugnay sa katotohanan. Ang mga bagay na natatandaan ng mga tao at ang mga bagay na nauunawaan nila sa isipan nila ay kadalasang walang kaugnayan sa katotohanan; doktrina lang ang mga ito. Ano ang pinakamahahalagang bagay pagdating sa katotohanan? Ang pinakamahahalagang bagay ay karanasan at pagpasok. Sa anumang aspekto ng katotohanan, kapag aktuwal itong nararanasan ng mga tao, ang huling ani nila ay ang bunga ng katotohanan at ang landas para sa pananatiling buhay nila. Kaya naman, ang hindi pagkaalala ay hindi isang problema.

Kung direkta Kong sinimulang talakayin ang pangunahing paksa sa simula ng pagtitipon, hindi ba’t hindi kayo agad makakatugon? Kaya, kinailangan Kong gumamit ng ilang pamamaraan, at tinanong Ko muna kayo, “Naaalala ba ninyo ang pagkakaiba sa pagitan ng mga taong may diwa ng mga anticristo at mga taong may disposisyon ng mga anticristo?” Ang layon Ko sa pagtatanong nito ay hindi para matuliro o mailantad kayo, kundi para mabigyan kayo ng panimula. Pagkatapos, nagbalik-aral tayo, at unti-unting naalala ng ilan: “Nagbahaginan tayo noon kung paano tinatrato ng mga anticristo ang katotohanan, at kung kumusta ang pagkatao ng mga anticristo.” Ang ilang nilalaman tungkol sa mga anticristo ay nag-iwan na ng malalim na impresyon sa iyo; ang nilalamang ito ay naghihintay na magamit mo kapag naranasan mo ang gayong mga bagay, para maging gabay at patnubay para sa pagsasagawa mo. Pero may mga nilalaman pang walang anumang impresyon sa iyo noong una mo itong narinig. Kailangan ding maranasan ang nilalamang ito. Kapag pinagdaanan mo ang mga karanasang ito at pagkatapos ay kumain at uminom, at nagdasal-nagbasa ng mga salitang ito, mas marami pa ang makakamit mo. Ito man ay nilalamang may impresyon sa iyo o wala, pagkatapos mong pagdaanan ang mga bagay na ito, magkakahalo-halo ang lahat ng ito. Ang mga doktrinang natandaan mo ay magiging praktikal na pagkaunawa mo at mga nakamit mo matapos mong maranasan ang mga ito. Tungkol naman sa nilalamang walang impresyon sa iyo, pagkatapos mong maranasan ito minsan, maaaring magkaroon ka ng kaunting impresyon, pero ito ay magiging kaunting paimbabaw na kaalaman lang. Ang paimbabaw na kaalamang ito ay makakapanatili lang sa antas ng doktrina. Kailangan mo pa ring maranasang muli ang mga katulad na bagay, at sa puntong iyon, gagabay ito sa iyo, magbibigay ng patnubay sa iyo, at maglalaan sa iyo ng landas para sa pagsasagawa. Ang pagdanas sa mga salita ng Diyos at ang pagdanas sa katotohanan ay ang ganitong uri ng proseso. Nakakahiya ba na hindi ninyo alam kung paano sagutin ang tanong na itinanong Ko? Hindi ito nakakahiya. Kung biglaan ninyo Akong tatanungin, kakailanganin Ko ring pag-isipan muna ito, isasaalang-alang Ko kung ano ang ibig sabihin ng tanong, at kung anong mga aspekto ng katotohanan ang kaugnay nito. Ganito gumagana ang utak at isipan ng tao—kailangan nito ng oras bago tumugon. Kahit isa itong bagay na napakapamilyar na sa iyo, kung hindi mo ito naranasan sa loob ng maraming taon, kakailanganin mo pa rin ng oras bago tumugon kapag bigla mo itong naranasang muli. Gaano mo man kalalim na naranasan ang isang bagay, kapag muli mo itong naranasan makalipas ang maraming araw o taon, kakailanganin mo pa rin ng oras bago tumugon—lalo na’t ang pagkaunawa ninyo sa paksa ng mga anticristo ay nasa antas pa lang ng mga salita at doktrina, hindi pa ninyo ito maiugnay sa mga anticristong nakakaharap ninyo sa tunay na buhay, at masasabing hindi pa rin ninyo talaga nakikilatis ang mga anticristo. Kaya, ang mga katotohanang ito ay naghihintay pa rin na praktikal ninyong maranasan ang mga ito—saka lang ninyo mabeberipika ang pagiging totoo at tumpak ng mga salita ng Diyos. Halimbawa, napagbahaginan natin dati na ang mga anticristo ay matigas na hindi nagsisisi. Ipagpalagay nang kinabisado mo ito at sinabi mo, “Sinabi ng Diyos na ang mga anticristo ay matigas na hindi nagsisisi. Susuway at kokontra sila sa Diyos hanggang sa huli. Hindi nila tinatanggap ang katotohanan at hinding-hindi nila aaminin na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, anuman ang mangyari. Tutol sila sa katotohanan.” Sa antas lang ng doktrina ka nakakaunawa, tumatanggap, o may impresyon sa pahayag na ito; kaunting paimbabaw na kaalaman lang ito. Sa kalooban mo, nararamdaman mong tama ang pahayag na ito, pero aling mga partikular na salita na sinasabi ng mga anticristo, aling mga tiwaling disposisyong ibinubunyag nila, at anong kalikasan ang nagtutulak sa kanila, at iba pa, ang tumutugma at nauugnay sa mga salita ng Diyos na naglalantad sa mga anticristo? Alin sa mga ito ang makakapagpakita na totoo ang paglalantad ng Diyos? Nangangailangan ito na makaharap mo ang isang anticristo nang personal, o marinig mo mula sa mga tagamasid ang tungkol sa mga gawa at salita ng isang anticristo, at sa huli, mapagtatanto mo, “Napakapraktikal ng mga salita ng Diyos, ganap na tama ang mga ito. Ang taong ito ay ilang beses nang nailarawan bilang isang anticristo at ilang beses nang tinanggal. Bagama’t hindi pa siya napapatalsik o napapaalis, ipinapakita ng kanyang mga pagpapamalas at paghahayag na hinding-hindi niya tinatanggap ang katotohanan, na matigas siyang hindi nagsisisi, at hindi lang siya may disposisyon ng anticristo kundi pati na rin ang kalikasang diwa ng isang anticristo—isa talaga siyang ganap na anticristo.” At balang araw, kapag napatalsik na ang taong ito, matitiyak mo sa puso mo: “Napakatumpak ng mga salita ng Diyos! Ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo ay puwedeng magbago, pero iyong mga may diwa ng mga anticristo ay hindi magbabago.” Nag-uugat sa puso mo ang mga salitang ito. Hindi lang ito isang alaala o kaunting impresyon, ni isang uri ng paimbabaw na kaalaman. Sa halip, malalim mong nauunawaan at tinatanggap ang mga salita ng Diyos: “Ang isang anticristo ay hindi magbabago; kokontra siya sa Diyos hanggang sa huli. Hindi kataka-takang hindi siya inililigtas ng Diyos; hindi kataka-takang hindi gumagawa ang Diyos sa gayong mga tao. Hindi kataka-takang hindi sila kailanman nagkakaroon ng kaliwanagan o pagtanglaw kapag ginagawa nila ang tungkulin nila at hindi sila nagpapakita ng anumang paglago—determinado silang tahakin ang sarili nilang landas. Isa itong tunay na anticristo!” Kapag naberipika mo ang katumpakan ng mga salita ng Diyos, iisipin mo: “Ang mga salita ng Diyos ay tunay na ang katotohanan. Tama ang mga salitang ito. Amen!” Ano ba ang ibig sabihin ng pagsasabi mo ng Amen? Ibig sabihin nito na sa pamamagitan ng mga karanasan mo, naunawaan mo na ang mga salita ng Diyos ang pamantayan sa pagsukat sa lahat ng bagay, na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at kahit na lumipas ang kapanahunang ito at ang sangkatauhang ito, hindi lilipas ang mga salita ng Diyos. Bakit ba hindi lilipas ang mga ito? Dahil kahit kailan, hindi kailanman magbabago ang diwa ng mga anticristo, at hindi kailanman magbabago ang mga salita ng Diyos na naglalantad sa diwa ng mga anticristo. Bagama’t lilipas ang kapanahunang ito, bagama’t lilipas ang tiwaling sangkatauhang ito, ang mga salitang ito ng Diyos ay mananatiling ang katotohanan ng mga katunayan—walang makapagkakaila nito. Ito ang salita ng Diyos! Kapag nararamdaman mo na ang mga salita ng Diyos ay tumutugma at naaayon sa mga katunayang nakikita at nararanasan mo, at nagkakamit ng katiyakan ang puso mo, at hindi lang ito isang pakiramdam na tiyak na tama ang mga salita ng Diyos o na hindi mali ang mga ito, kundi nakita at personal mo itong naranasan, natural kang magsasabi ng Amen sa mga salita ng Diyos. Sa oras na iyon, kung itatanong Kong muli, “Ano ang mga pagpapamalas ng mga taong may diwa ng mga anticristo?” agad na lalabas ang panloob mong pagkaunawa. Hindi ka lang magkakaroon ng isang impresyon, ng isang natandaang parirala, o isang uri ng kamalayan o paimbabaw na kaalaman. Sasabihin mo agad, “Ang mga anticristo ay talagang hindi tumatanggap sa katotohanan at matigas na hindi nagsisisi!” Bagama’t maaaring walang masyadong lohikal na balangkas ang pahayag na ito, bagama’t masyadong biglaan ang pagkakasabi nito, at hindi ito mauunawaan ng mga tao sa simula, alam mo kung ano ang ibig sabihin nito dahil naranasan mo ito at nakita ito ng sarili mong mga mata. Ganoon mismo kawalang-hiya ang mga anticristo—hinding-hindi sila magsisisi. Ang mga salitang ito ay kailangang maranasan; ang sinumang hindi dumaranas ng mga ito ay walang anumang makakamit.

Oktubre 2, 2021