Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (21) Ikatlong Seksiyon
Ang mga Pagpapamalas na Ipinapakita ng mga Huwad na Lider Kapag Nagdudulot ng mga Kaguluhan ang mga Anticristo
Natapos na tayong magbahagi tungkol sa ikalabintatlong responsabilidad ng mga lider at manggagawa: “Protektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos mula sa panggugulo, panlilihis, kontrol, at lubhang pamiminsala ng mga anticristo, at bigyan sila ng kakayahan na kilatisin ang mga anticristo at talikuran ang mga ito mula sa puso nila.” Susunod, hihimayin at ilalantad natin ang mga pagpapamalas ng isang uri ng mga tao na hindi kayang tuparin ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa—ang mga huwad na lider—sa pamamagitan ng paghahambing ng mga ito sa gawaing dapat na isakatuparan ng mga lider at manggagawa. Sa paggawa ng gawaing ito, maraming gampanin ang kailangang gawin ng mga lider at manggagawa, na hinihinging magkaroon sila ng partikular na kakayahan, na sila ay maging maingat, masinop, masigasig, responsable, mapagsaalang-alang sa pasanin ng Diyos, magkaroon ng mapagmahal na pusong nagpoprotekta sa hinirang na mga tao ng Diyos, at iba pa. Sa pagkakaroon lang ng mga katangiang ito nila matutupad ang mga responsabilidad at obligasyon nila. Gayumpaman, ganap na salungat dito ang mga huwad na lider; wala sila ng mga katangiang ito sa pagkatao nila. Maaaring may taglay silang partikular na kakayahan, may abilidad na makaarok sa katotohanan at makilatis ang mga anticristo, o maaaring mas mahina nang kaunti ang kakayahan nila, nagagawa nilang makilatis kahit papaano ang ilan sa halatang anticristo na gumagawa ng maraming masamang gawa kahit hindi nila ganap na makilatis ang kalikasang diwa ng mga anticristo; o, maaaring napakahina ng kakayahan nila na hindi nila kayang makilatis o maunawaan ang mga pagkakaiba ng mga taong may diwa ng mga anticristo at ng mga taong may disposisyon ng mga anticristo. Ano’t anuman, ipinapakita ng mga huwad na lider ang dalawang pagpapamalas na ito: Ang una ay na hindi sila gumagawa ng aktuwal na gawain; ang isa pa ay na gumagawa lang sila ng paimbabaw, pangkalahatang usaping gawain, habang ganap na hindi nila kayang lutasin ang mga tunay na problema o gumawa ng aktuwal na gawain. Sa gawaing nauugnay sa ikalabintatlong responsabilidad, nananatiling kitang-kita ang dalawang katangi-tanging pagpapamalas na ito ng mga huwad na lider. Susunod, magbabahaginan tayo kung ano ang mga partikular na pagpapamalas na mayroon sila.
I. Hindi Paglalantad at Pangangasiwa sa mga Anticristo Dahil sa Takot na Mapasama ang Loob ng mga Ito
Kapag ginugulo, nililihis, kinokontrol, o lubhang pinipinsala ng mga anticristo ang hinirang na mga tao ng Diyos, ang unang pagpapamalas ng mga huwad na lider ay ang kawalan ng aksiyon. Ano ang ibig sabihin ng kawalan ng aksiyon? Ang ibig sabihin nito ay hindi paggawa ng aktuwal na gawain. May mga dahilan sa likod ng hindi paggawa ng aktuwal na gawain, pangunahing dahil sa takot na makapagpasama ng loob ng mga tao at kawalan ng lakas ng loob na itaguyod ang mga prinsipyo. Pagkatapos maging lider, nagsisimula ang mga taong ito na ipagyabang ang kapangyarihan nila, iniisip nila, “May katayuan na ako ngayon, at isa akong opisyal ng iglesia. Kailangan kong pamahalaan ang pagkain, pananamit, tirahan, at transportasyon ng mga kapatid; kailangan kong kilatisin kung ang sinasabi ng mga kapatid ay naaayon sa katotohanan at tumutugon sa kagandahang-asal ng mga banal. Kailangan kong makita kung sinsero ba sila sa Diyos, kung normal ba ang mga espirituwal na buhay nila, kung nagdarasal ba sila sa umaga at gabi, kung normal ba ang mga karaniwang pagtitipon nila—kailangan kong pamahalaan ang lahat ng ito.” Nakatuon lang ang mga huwad na lider sa mga isyung ito. Sa usapin ng mga pormalidad, tila tinutupad nila ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa, pero kapag lumilitaw ang mahahalagang isyu ng prinsipyo, o kahit kapag lumilitaw ang mga anticristo, nagtatago sa dilim ang mga huwad na lider nang hindi umiimik, kung saan nananatili silang tahimik at nagpapanggap na walang alam at walang napapansing anumang bagay. Anumang mga panlilinlang ang ipinapakalat ng mga anticristo, nagpapanggap silang hindi ito naririnig. Kapag ang mga anticristo ay nanggugulo, nanlilihis, at kumokontrol sa hinirang na mga tao ng Diyos, nagpapanggap din silang walang alam, na parang naglalaho ang lahat ng impormasyong ito pagdating sa kanila. Nagpapanggap silang hindi nila makilatis ang mga anticristo na nakikilatis kahit ng mga ordinaryong kapatid, sinasabi nila, “Hindi ko sila makilatis. Paano kung maling tao ang mapatalsik ko? Paano kung mali ang pagkilatis ko sa mga kapatid? Bukod dito, kailangan pa rin ng sambahayan ng Diyos ng mga taong magbibigay ng serbisyo!” Ginagamit nila ang lahat ng uri ng palusot para umiwas sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa, iniiwasan nila ang pangangasiwa sa mga anticristo at hindi nila pinoprotektahan ang mga kapatid mula sa pamiminsala ng mga anticristo. Sinasabi pa ng ilang huwad na lider, “Kung palagi kong ilalantad ang mga anticristo, paano kung udyukan nila ang mga kapatid na batikusin ako? Kapag nagkagayon, wala nang boboto sa akin sa susunod na halalan, at hindi na ako magiging lider. Hindi kasinglakas ng sa kanila ang impluwensiya ko!” Para maprotektahan ang kanilang katayuan at personal na kaligtasan, hinding-hindi tinutupad ng mga huwad na lider ang responsabilidad nila na protektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos, ni hindi nila pinipigilan, sa abot ng makakaya nila, ang pamiminsala ng mga anticristo sa mga kapatid. Kumikilos sila kapwa bilang mapagpalugod ng tao at bilang isang pagong na nagtatago sa talukab nito, habang kasabay nito, nagiging makasarili at kasuklam-suklam sila. Hindi nila pinoprotektahan ang mga kapatid pero masinsin nilang pinag-iisipan kung paano poprotektahan ang sarili nila. Pagdating sa pangangasiwa sa mga anticristo o pagpupungos at paglalantad sa kanila para magkamit ng pagkilatis ang mga kapatid, takot na takot sila, nag-aalalang mawawala ang katayuan nila, at nararamdaman nilang nakakasama sa kanila ang paggawa niyon. Ganap nilang binabalewala ang mga interes ng hinirang na mga tao ng Diyos, isinasaalang-alang lang ang sarili nilang mga interes, reputasyon, personal na kaligtasan, at ang kaligtasan ng pamilya nila, natatakot silang kapag napasama nila ang loob ng mga anticristo nang hindi nila sinasadya, maaaring maging mapanlaban na walang awa ang mga anticristo at gantihan sila. Sa aktuwal, may kaunting kakayahan ang ganitong uri ng huwad na lider. Dahil sa kanyang kakayahan at kabatiran, alam na alam niya kung sino ang mga anticristo, pero ang problema ay ang takot niyang mapasama ang loob ng mga anticristo. Dahil nakikita niya ang malupit na disposisyon ng mga anticristo, hindi siya nangangahas na mapasama ang loob ng mga ito. Gayumpaman, para protektahan ang sarili niya, hindi siya nag-aalinlangang isakripisyo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at ng hinirang na mga tao ng Diyos; wala siyang pakialam habang pinapanood niyang inihahain ang mga kapatid sa mga anticristo, tinutulutan ang mga anticristo na ilihis, kontrolin, at lubhang pinsalain ang mga kapatid ayon sa gusto ng mga anticristo. Kapag walang nakakakita, paminsan-minsan lang na sinasabi ng mga huwad na lider sa ilang taong totoo at may mabuting pagkatao na hindi banta sa kanila, “Anticristo ang taong iyon. Nililihis niya ang iba. Hindi siya isang mabuting tao.” Gayumpaman, sa harap ng lahat ng kapatid at sa harap ng mga anticristo, hindi sila kailanman nangahas na magsabi ng kahit isang “hindi” sa mga anticristo. Hindi sila kailanman nagkaroon ng lakas ng loob na ilantad ang anumang masamang gawa o ang diwa ng mga anticristo. Kahit sa mga pagtitipon, kapag minomonopolisa ng mga anticristo ang talakayan at nagsasalita ang mga ito sa loob ng isa o dalawang oras, hindi sila nangangahas na umimik. Kapag hinampas ng mga anticristo ang lamesa at tiningnan nang masama ang mga tao, ni hindi rin sila nangangahas na huminga nang masyadong malakas. Sa loob ng saklaw ng gawain nila, iyong mga may mababang tayog, iyong mga may duwag na pagkatao, at iyong mga gustong maghangad sa katotohanan pero hindi pa nagkakamit ng pagkilatis ay nababagabag dahil walang lider o manggagawang kayang kumilos para ilantad at kilatisin ang masasamang gawa ng mga anticristo. Wala silang magawa kundi panoorin ang mga anticristo na kumilos na parang tirano sa iglesia, kumikilos nang sutil at walang pakundangan at ginugulo ang buhay iglesia, nang walang anumang paraan para kontrahin ang mga ito. Samantala, ang mga huwad na lider ay hindi gumagawa ng anumang aktuwal na gawain at hindi nilulutas ang mga tunay na problema para sa hinirang na mga tao ng Diyos. Kapag nagkakaproblema ang mga kapatid, bukod sa nabibigo ang mga huwad na lider na ilantad at limitahan ang masasamang gawa ng mga anticristo, ni hindi rin sila nangangahas na magsalita ng kahit isang salita ng pagiging patas. Kahit pa may maramdaman ang konsensiya nila at usigin sila nito nang kaunti, at lumuluha sila nang bahagya habang nananalangin sa Diyos sa pribado, kinabukasan sa pagtitipon, kapag nakita nilang muling nagsasabi ng mga iresponsableng komento ang mga anticristo tungkol sa gawain ng sambahayan ng Diyos at basta-basta itong hinuhusgahan ng mga anticristo, hinuhusgahan pa nga nang hindi direkta ang Diyos at nagpapakalat ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, wala silang ginagawa tungkol dito kahit alam nilang mali ito. Kahit pa makita nilang naglulustay ng mga handog ang mga anticristo, mapagsawalang-bahala ang saloobin nila rito. Hinding-hindi nila inilalantad o nililimitahan ang mga anticristo, pero wala man lang silang nararamdamang kahit kaunting panunumbat sa puso nila—napakairesponsable nito! Ang sinumang may kaunting pakiramdam ng konsensiya, kahit na maramdaman nilang masyadong mahina ang sarili nilang kapangyarihan, ay dapat makipagkaisa sa mga kapatid na may kaunting tayog at pagkilatis para makipagbahaginan tungkol sa usaping ito at talakayin kung paano papangasiwaan ang mga anticristo. Pero walang gayong determinasyon at lakas ng loob ang mga huwad na lider, at higit pa rito, wala silang gayong pagpapahalaga sa responsabilidad. Sinasabi pa nila sa mga kapatid, “Masyadong malupit ang mga anticristo. Kung mapapasama natin ang loob nila, isusumbong nila tayo sa gobyerno, at hindi na tayo makakapanampalataya sa Diyos. Alam ng mga anticristo ang mga lugar ng pagtitipon ng iglesia, kaya hindi natin sila puwedeng galitin.” Ganap na ito ang pangit na asal ng pagpapasakop at pagsuko sa mga anticristo, ng pakikipagkompromiso kay Satanas at pagmamakaawa rito.
Bukod sa pagprotekta sa sarili nila, hindi gumagawa ang mga huwad na lider ng anumang gawaing dapat ginagawa ng mga lider at manggagawa, tulad ng pagprotekta sa hinirang na mga tao ng Diyos at pagtulong sa kanila na magkamit ng pagkilatis sa mga anticristo, at wala talaga silang tinutupad na anumang responsabilidad, pero palagi nilang gusto na ihalal sila ng mga kapatid bilang lider. Kapag nakatapos na sila ng isang termino, gusto nilang mahalal uli sa susunod. Hindi ba’t kawalan ito ng kahihiyan at hindi na matutubos? Karapat-dapat ba ang gayong mga tao na maging lider? (Hindi.) Ipinagkakatiwala sa iyo ng sambahayan ng Diyos ang kawan, pero kapag dumarating ang mababangis na hayop, sa kritikal na sandali, iniingatan mo lang ang sarili mo at inihahain mo ang kawan sa mababangis na hayop. Umaakto kang parang isang takot na pagong, naghahanap ng masisilungan, ng isang ligtas na lugar, para doon ka makapagtago. At bilang resulta, napapahamak ang kawan—ang ilang tupa ay kinakagat hanggang sa mamatay, at ang ilan ay naliligaw. Ipagpalagay nang nakikita ng isang lider ang mga anticristo na walang habas na ginugulo ang gawain ng iglesia at nililihis at kinokontrol ang hinirang na mga tao ng Diyos, pero mapagsawalang-bahala lang ang saloobin niya para protektahan ang sarili niyang reputasyon, katayuan, at kabuhayan, at para matiyak ang sarili niyang kaligtasan. Bilang resulta, karamihan sa hinirang na mga tao ng Diyos ay nalilihis, nakakaramdam ng kawalan ng pag-asa, at nagiging negatibo at mahina; ang ilan pa nga ay nahuhulog sa impluwensiya ng mga anticristo, at ang iba naman ay ayaw nang gawin ang mga tungkulin nila. At gayumpaman, walang nararamdaman ang lider na ito kapag nakikita niya ang mga kaguluhang dulot ng mga anticristo; walang nararamdamang pang-uusig ang konsensiya niya. May anumang pagkatao ba ang ganitong uri ng lider o manggagawa? Para matamo ang sarili niyang layong manatiling ligtas, hindi siya nag-aalinlangang ihain ang hinirang na mga tao ng Diyos sa mga anticristo at hayaan ang mga anticristo na ilihis, lubhang pinsalain, at wasakin ang mga ito. Anong uri ng lider ito? (Isang huwad na lider.) Hindi ba’t isa itong kasabwat ni Satanas? Nasa kaninong panig ba talaga siya? Bagama’t inilalarawan siya bilang isang huwad na lider, maaaring mas malubha pa ang diwa ng isyung ito kaysa sa pagiging isang huwad na lider. May kalikasan ito ng pagkakanulo sa mga kapatid, tulad lang ng mga taong iyon na inaresto at pinahirapan at naging mga Hudas, inihahain ang mga kapatid sa malaking pulang dragon para lubhang mapinsala. Kaya, ano ang kalikasan ng isang huwad na lider na inihahain ang hinirang na mga tao ng Diyos sa mga anticristo? Hindi ba’t ubod ng sama ang gayong mga huwad na lider? Kung ihahambing sa mga anticristo, sa panlabas, ang mga huwad na lider na ito ay tila walang intensyong labanan ang katotohanan. Tila kaya nilang makipagbahaginan tungkol sa ilang katotohanan, tila mayroon silang kaunting abilidad na makaarok, at isagawa ang kaunting katotohanan, at ang ilan sa kanila ay kaya pa ngang magtiis ng paghihirap at magbayad ng halaga. Pero, kapag ipinagkakatiwala sa kanila ng sambahayan ng Diyos ang kawan ng Diyos, at kapag lumilitaw ang masasamang tao at mga demonyo, hindi nila ginagamit ang sarili nilang buhay para gawin ang lahat ng makakaya nila para protektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos. Sa halip, ginagawa nila ang lahat ng magagawa nila para protektahan ang sarili nila, itinutulak palabas ang mga kapatid para maging pananggalang para maprotektahan ang sarili nilang kaligtasan at mga interes. Sobrang kasuklam-suklam at makasarili ang mga taong ito! Sa panlabas, tila walang malaking isyu sa pagkatao nila. May pagmamahal sila para sa mga tao, kaya nilang tumulong sa iba, handa silang magbayad ng halaga at kaya nilang tiisin ang anumang hirap habang ginagawa ang mga tungkulin nila. Gayumpaman, kapag lumilitaw ang mga anticristo, may ginagawa sila na hindi inaasahan at hindi maarok: Gaano man nililihis ng mga anticristo ang hinirang na mga tao ng Diyos o ginugulo ang buhay iglesia, wala silang ginagawa, at gaano man karaming tao ang inaatake, ibinubukod, o pinipinsala ng mga anticristo, hindi nila ito pinapansin. Sa paggawa niyon, ganap nilang inihahain ang hinirang na mga tao ng Diyos sa kontrol ng mga anticristo, tinutulutan ang mga anticristo na ilihis at lubhang pinsalain ang hinirang na mga tao ng Diyos ayon sa gusto ng mga ito, habang ang mga lider na ito mismo ay walang kahit anong ginagawang gawain. Kapag naalis na ang mga anticristo at nalutas na ang problema, saka lumalabas ang mga lider na ito para makipagbahaginan tungkol sa kanilang pagkakilala sa sarili, kung paano sila naging mahina, duwag, takot, makasarili, at mapanlinlang, at na hindi sila naging tapat, hindi nila pinrotektahan nang maayos ang hinirang na mga tao ng Diyos, at binigo nila ang Diyos at ang mga kapatid. Tila labis silang nagsisisi; tila itinuwid na nila ang sarili nila at kaya na nilang magbago. Gayumpaman, kapag muling lumilitaw ang mga anticristo, itutulak nila ang mga kapatid papunta sa mga anticristo gaya ng ginawa nila dati, at naghahanap sila ng ligtas na lugar para doon sila magtago. Bagama’t hindi sila mismo nailihis o napinsala ng mga anticristo, naging pabaya sila sa mga responsabilidad nila at ipinagkanulo nila ang atas ng Diyos, at ganap nang nalantad ang saloobin nila sa tungkulin nila, ang saloobin nila sa hinirang na mga tao ng Diyos, at ang tunay nilang pagkatao. Sa tuwing lumilitaw ang mga anticristo, hindi nila pinipiling pumanig sa Diyos at labanan ang mga anticristo hanggang sa wakas, at hindi nila sinasabi ang kahit kaunti ng dapat na sabihin o ginagawa ang kahit kaunting gawain na dapat gawin para protektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos at para mapayapa ang konsensiya nila, at lalong hindi nila tinutupad ang mga responsabilidad ng mga lider para matugunan ang mga layunin ng Diyos. Ang lahat ng pagpili at kilos ng mga huwad na lider na ito ay ganap na para sa pangangalaga sa sarili nilang katayuan mula sa kapahamakan. Wala silang pakialam sa buhay o kamatayan ng hinirang na mga tao ng Diyos. Para sa kanila, ayos lang ang lahat basta’t hindi napipinsala ang sarili nilang reputasyon, mga interes, at katayuan. Kung sino ang naglalantad sa mga anticristo, kung sino ang nagpapatalsik sa mga anticristo, kung paano dapat pangasiwaan ang mga anticristo—para bang walang kinalaman sa kanila ang mga usaping ito; wala silang pakialam at hindi sila nakikialam. Kapag ginugulo ng mga anticristo ang buhay iglesia, kapag pinipinsala ng mga ito ang hinirang na mga tao ng Diyos, at idinidiin at pinapahirapan ang mga naghahangad sa katotohanan, binabalewala nila ito. Walang halaga sa kanila ang mga bagay na ito; ayos lang itong lahat para sa kanila, hangga’t hindi nanganganib ang katayuan nila. Ano ang tingin mo sa mga uri ng taong ito? Sa karaniwan, tila hindi naman masama ang pagkatao nila, at tila kaya nilang gumawa ng ilang gawain. Kapag nahaharap sila sa pagpupungos, tila kilala nila ang sarili nila at medyo nagsisisi ang puso nila. Gayumpaman, kapag nahaharap sila sa mga anticristong nanggugulo sa iglesia, ganap silang nawawala sa katwiran, wala silang pagpapahalaga sa katarungan, at wala sila kahit ang lakas ng loob na labanan ang mga anticristo. Kapag nakikita nila ang mga diyablo at mga Satanas, nakikipagkompromiso sila; kapag nakikita nila ang masasamang tao na nagdudulot ng mga kaguluhan, iniiwasan nila ang mga ito. Batay sa saloobin nila sa masasamang tao at mga anticristo, anong landas ba ang sinusunod nila? Hindi ba’t lubos nitong inilalarawan ang isyu nila? (Oo.) Sa panlabas, maaaring tila hindi mukhang anticristo ang ganitong uri ng tao, pero ang saloobing ipinapakita nila sa mga kilos at ugali ng masasamang tao at mga anticristo ay ang mismong disposisyon ng mga anticristo, at kahindik-hindik ang kalikasan nito. Masasabing ito ang kalikasan ng pagsuko sa mga responsabilidad nila at pagkakanulo sa hinirang na mga tao ng Diyos. Hindi ba’t napakalubha ng kalikasang ito? Nagpapakita ba sila ng anumang katapatan sa gawain ng iglesia at sa atas ng Diyos? Mayroon ba silang kahit katiting na saloobin ng responsabilidad? Kahit kailan sila pagkatiwalaan ng isang atas o gampanin, ang prinsipyo nila ay maiwasang mapasama ang loob ng mga tao at protektahan ang sarili nila. Ito ang pinakamataas nilang pamantayan sa pag-asal at ito ang prinsipyo nila sa paggawa ng mga bagay, at hindi ito kailanman magbabago. Isantabi muna natin ngayon ang tanong kung maliligtas ba ang gayong mga tao—kung batay lang sa usapin ng gawain ng pangangasiwa sa mga anticristo, karapat-dapat ba ang mga huwad na lider na ito sa pagtanggap sa atas ng Diyos? Karapat-dapat ba silang maging mga lider at manggagawa? (Hindi.) Ang mga taong ito ay hindi karapat-dapat na maging mga lider at manggagawa. Ito ay dahil wala silang konsensiya at katwiran, at hindi sila karapat-dapat sa pag-ako ng gawain ng pamumuno ng iglesia; hindi nila pinipigilan, sa abot ng kanilang makakaya, ang mga anticristo na pinsalain ang hinirang na mga tao ng Diyos, at hindi rin nila ginagawa ang pinakamakakaya nila para tuparin ang responsabilidad na ito o gawin ang gawaing ito nang maayos para protektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos—hindi dahil sa mahina ang kakayahan nila at hindi nila ito kayang gawin, bagkus ay sadyang hindi nila ito ginagawa. Samakatwid, kung titingnan ito mula sa perspektibang ito, ang mga taong takot na mapasama ang loob ng iba ay ganap na hindi karapat-dapat na maging mga lider o manggagawa. Hindi ba’t marami-rami ang ganitong lider at manggagawa? (Oo.) Kapag walang nangyayari, mas masigasig silang kumilos kaysa sa sinuman; napakaabala nila na ni hindi na sila makapagsuklay o makapaghilamos, tila naaabot na nila ang isang napakaespirituwal na antas. Pero kapag lumilitaw ang mga anticristo, naglalaho sila; naghahanap sila ng kung ano-anong palusot para makaiwas, at sadyang hindi nila pinapangasiwaan ang mga anticristo. Ano ang kalikasan ng pag-uugaling ito? Ito ay kawalan ng katapatan sa pagganap ng tungkulin nila at pagiging hindi mapagkakatiwalaan. Sa mahahalagang sandali, nagagawa pa nga nilang ipagkanulo ang Diyos at pumanig kay Satanas, nagbubulag-bulagan sila habang nagugulo at napipinsala ng masasamang tao at mga anticristo ang gawain ng iglesia. Ni hindi sila kasingkapaki-pakinabang ng isang asong bantay. Isa itong uri ng huwad na lider.
II. Kawalan ng Kakayahang Kilatisin ang mga Anticristo
May isa pang uri ng huwad na lider: Kapag lumilitaw ang mga anticristo, hindi nila makilatis kung ano ang disposisyon at diwa ng mga ito, kung ano ang ipinapamalas at ibinubunyag ng mga ito, ang mga uri ng kaguluhang idinudulot ng mga ito sa mga kapatid, kung aling mga pahayag, kaisipan, pananaw, at pag-uugali ang puwedeng makalihis at makagulo sa mga kapatid, ang mga paraang ginagamit ng mga anticristo para kontrolin ang mga tao, sa anong mga kalagayan puwedeng malihis, makontrol, at lubhang mapinsala ng mga anticristo ang mga kapatid, at iba pa—hindi kayang kilatisin ng mga huwad na lider ang lahat ng isyung ito. Nililihis ng mga anticristo ang mga kapatid; sila at ang mga nalihis na kapatid ay humihiwalay sa iglesia para magdaos ng sarili nilang mga pagtitipon at magbuo ng mga nagsasariling kaharian. Hindi nila tinatanggap ang pamumuno ng sambahayan ng Diyos, hindi tinatanggap ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, at hindi nagpapasakop sa anumang pagsasaayos o patnubay mula sa sambahayan ng Diyos, lalong hindi nagpapasakop sa anumang hinihingi ng Diyos sa mga tao. Pero ang lahat ng gayong kilos ng mga anticristo para ilihis ang hinirang na mga tao ng Diyos ay hindi itinuturing ng mga huwad na lider bilang mga problema. Hindi nila makita kung ano ang mali sa mga sitwasyong ito, lalong hindi nila makita kung paanong ang mga salita, kilos, kaisipan, at pananaw ng mga anticristo ay nanggugulo, nanlilihis, at nakakapinsala sa mga tao. Hindi nila makita ang mga negatibong epektong ito at hindi nila alam kung paano kilatisin ang mga ito. Ang ilang ordinaryong kapatid, dahil marami na silang nakita at narinig, ay maaaring may kaunting pagkilatis, pang-unawa, at kamalayan, pero hindi makilala ng mga huwad na lider ang mga bagay na ito. Kahit na tukuyin ng isang tao na si Ganito-at-ganyan ay gumagawa ng ilang bagay para ilihis ang mga tao at bumubuo ng mga paksiyon kapag walang nakakakita, humahadlang pa rin ang mga huwad na lider, sinasabi nila, “Hindi natin puwedeng ipalaganap ang mga pahayag na ito. Huwag kang magdulot ng mga kaguluhan. Maganda ang ugnayan nila—ano ang mali kung nagbabahaginan sila nang magkakasama? Kailangan nating bigyan ng kalayaan ang mga tao!” Hindi pa rin nila ito makilala. Kung hindi nila makilala ang mga bagay-bagay, puwede silang magmasid at maghanap, at makipagbahaginan sa mga kapatid na nakakaunawa sa katotohanan at may kaunting pagkilatis. Subalit labis na mapagmagaling ang mga huwad na lider. Kapag pinapaalalahanan sila ng mga kapatid, hindi nila ito tinatanggap, iniisip nila, “Ikaw ba ang lider o ako? Dahil ako ang piniling maging lider, tiyak na mas nauunawaan ko ang katotohanan kaysa sa ordinaryong tao. Kung hindi, bakit ako ang pinili sa halip na ang iba? Patunay ito na mas magaling ako kaysa sa inyong lahat. Mas matanda o mas bata man ako kaysa sa inyo, tiyak na mas mahusay ang kakayahan ko kaysa sa inyo. Kapag lumitaw ang isang anticristo, ako dapat ang unang makatukoy sa kanya. Kung mauuna kayo sa pagtukoy sa kanya, hindi ako sasang-ayon sa pagsusuri ninyo. Maghihintay tayo hanggang sa ako ang tumukoy sa kanya bago tayo gumawa ng anumang bagay!” Dahil dito, ang anticristo ay nagkakalat ng maraming maling paniniwala at panlilinlang sa mga kapatid, hayagang nilalabanan ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, at hayagang nagpoprotesta at kumokontra sa iglesia, sa sambahayan ng Diyos, at sa mga pagsasaayos ng gawain mula sa ang Itaas. Hayagan pa ngang hinihikayat ng anticristo ang mga kapatid na sumama sa kanila sa mga eksklusibong pagtitipon kung saan nakikinig lang ang mga dumadalo sa pangangaral ng anticristo at tinatanggap nila ang pamumuno nito. Kahit na iyong mga may pinakamahinang kakayahan sa iglesia ay kayang makita na isang anticristo ang taong ito. Sa gayong sitwasyon lang inaamin ng mga huwad na lider: “Naku, isa siyang anticristo! Paanong ngayon ko lang ito napagtanto? Hindi, napagtanto ko na ito dati, pero hindi ako nagsalita dahil natatakot akong mababa ang tayog ng mga kapatid at wala silang pagkilatis.” Nag-iimbento pa sila ng malaking kasinungalingan para sa sarili nila. Malinaw na ito ay dahil sila mismo ay manhid, mapurol ang utak, may mahinang kakayahan, at hindi kayang kilatisin ang anticristo kaya hinahayaan nilang magdusa ng labis na pamiminsala ang mga kapatid mula rito. Sa halip na makonsensiya, sinisisi nila ang mga kapatid sa pagsasalita ng walang katuturan, pagpapakalat ng mga walang batayang tsismis, maling pagkaunawa sa mga tao, at iba pa. Anong uri ng lider ito? Hindi ba’t labis na magulo ang isip nila? Ang gayong lider ay talagang walang kakayahang pasanin ang gawain ng iglesia. Sa panlabas, madalas silang kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, nagdarasal, dumadalo sa mga pagtitipon, nakikinig sa mga sermon, nagsusulat ng mga espirituwal na tala, at nagsusulat ng mga artikulo ng patotoo, tila nagsisikap sila nang husto, pero kapag lumilitaw ang mga problema, hindi nila malutas ang mga ito, hindi mahanap ang katotohanan nang ayon sa mga salita ng Diyos, at tiyak na hindi nila makilatis ang mga anticristo batay sa mga salita ng Diyos. Ang mga huwad na lider ay karaniwang nakakapangaral sa loob ng isa o dalawang oras, at kapag nagbabahagi tungkol sa mga salita ng Diyos at sa mga sarili nilang karanasan, kaya nilang magsalita nang magsalita nang walang katapusan, pero kapag ang mga anticristo ay nagkakalat ng mga maling paniniwala at panlilinlang, nililihis ang mga kapatid at ginugulo ang gawain ng iglesia, wala silang masabi at wala man lang silang ginagawang gawain. Hindi lang sila nabibigong ipatupad ang anumang hakbang sa pag-iwas o akayin ang mga kapatid sa pagkilatis sa mga maling paniniwala at panlilinlang ng mga anticristo, bagkus, kahit nakikita nila ang mga pagkagambala at kaguluhang dulot ng mga anticristo, hindi nila inilalantad o hinihimay ang mga ito, ni hindi nila pinupungusan ang mga anticristo; wala silang ginagawang anumang gawain. Ano ang problema sa gayong mga tao? (Masyadong mahina ang kakayahan nila.) Kahit mahina ang kakayahan nila, ipinagyayabang pa rin nila na sila ay mga espirituwal na tao, mabubuting lider, at mga taong naghahangad sa katotohanan at nagmamahal sa mga salita ng Diyos, at walang kahihiyan nilang sinasabing tinalikuran nila ang mga kasiyahan ng pamilya at laman para tuparin ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Sa realidad, sila ay totoong mga huwad na lider na iresponsable, walang konsensiya at katwiran, at labis-labis na manhid at mapurol ang utak—sila ay tunay na mga mapagpaimbabaw na Pariseo. Ang alam lang nila ay mangaral ng mga doktrina at sumigaw ng mga islogan. Kapag tinatanong sila ng mga tao, kaya nilang magpaulan ng mga teorya para ilihis ang mga ito, pero ang totoo, hindi talaga nila maipaliwanag nang malinaw ang mga katotohanang prinsipyo. Gayumpaman, iniisip nilang mayroon silang abilidad na makaarok at may pagkaunawa sa katotohanan. Sa puso nila, malinaw sa kanila na kapag naghahanap ng mga solusyon sa mga problema ang mga tao mula sa kanila, hindi sila nakapagbibigay ng mga sagot na naaayon sa katotohanan, pero nagpapanggap pa rin silang mabubuting lider at mga espirituwal na tao. Hindi ba’t medyo walang kahihiyan ito? (Oo.) Karamihan ng huwad na lider ay may karaniwang katangian at karaniwang problema: kawalan ng kahihiyan. Inaakala nila na nagiging espirituwal na tao sila kapag may katayuan at titulo sila bilang lider, at kapag nagagawa nilang magsalita tungkol sa mga espirituwal na teorya. Dahil mas marami silang oras na ginugugol sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, pakikinig sa mga sermon, at panonood ng mga video mula sa sambahayan ng Diyos, at dahil mas nakikipagbahaginan sila sa iba tungkol sa mga salita ng Diyos, naniniwala silang kaya nilang gawin ang gawain ng mga lider at manggagawa at tuparin ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Pero sa katunayan, kapag lumilitaw ang malaking isyu ng walang habas na panlilihis at panggugulo ng mga anticristo sa hinirang na mga tao ng Diyos, nanonood lang sila at wala silang magawa, at hindi nila alam kung aling mga bahagi ng mga salita ng Diyos ang gagamitin para iugnay at himayin ang mga anticristo, para magkaroon ng pagkilatis ang mga kapatid, tanggihan ang mga anticristo mula sa puso ng mga ito, at maiwasang malihis at makontrol ng mga anticristo. Bagama’t nangangamba sila minsan sa loob-loob nila, iniisip pa rin nila na matagal na silang nananampalataya sa Diyos at nakapakinig na sila ng maraming sermon, at na nauunawaan nila ang katotohanan nang higit kaysa sa karaniwang tao at kaya nilang magsalita nang mahusay. Madalas silang nagyayabang: “Espirituwal ako. Kaya kong mangaral. Bagama’t hindi ko kayang lutasin ang problema ng panlilihis at panggugulo ng mga anticristo sa hinirang na mga tao ng Diyos, at hindi ko kayang iugnay ang mga salita ng Diyos sa mga anticristo at makilatis sila, nagawa ko na ang gawaing dapat kong gawin at nasabi ko na ang dapat kong sabihin. Basta’t nakakaunawa ang mga kapatid, ayos na iyon!” Tungkol naman sa kung ano ang pinakahuling resulta, kung naprotektahan ba ang hinirang na mga tao ng Diyos, hindi ito malinaw sa puso nila. Iniisip din nilang mautak sila at nagpapanggap na lumulutas sila ng mga problema, pero sa huli, puro salita at doktrina lang ang sinasabi nila nang hindi aktuwal na nilulutas ang mga isyu. Hindi nila kayang makipagbahaginan tungkol sa katotohanan para ilantad at himayin ang mga anticristo. Sa halip, naglilitanya lang sila ng mga salita at doktrina para pangatwiranan at ipagtanggol ang sarili nila, nagsasalita sa loob ng isa o dalawang oras at lubos na nililito ang mga tao, na maging ang mga bagay na dating nauunawaan ng mga tao ay nagiging malabo. Nabibigo silang sagipin ang mga kapatid mula sa panlilihis ng mga anticristo, at nabibigo rin silang bigyang kakayahan ang mga kapatid na makilatis ang mga anticristo at tanggihan ang mga ito mula sa puso nila—hindi nila kailanman nakamit ang resulta ng pagprotekta sa mga kapatid. Kahit na nakikita nila ang ganitong kahihinatnan, inaangkin pa rin nila ang pagkakakilanlan bilang lider at hindi sila nagpapakumbaba para hanapin ang katotohanan kasama ng iba, o hindi nila iniuulat ang problema paitaas para maghanap ng mga solusyon. Hindi ba’t walang-hiya ang gayong mga tao? Wala kang kuwenta, pero nagpapanggap ka pa rin. Bakit ka nagpapanggap? Dahil hindi mo naman kayang maging lider, bumaba ka na sa puwesto at magpanggap ka na lang sa ibang lugar. Hindi mo dapat pinsalain ang hinirang na mga tao ng Diyos! Habang nagpapanggap ka, sinasamantala ng mga anticristo ang pagkakataon para gumawa ng napakaraming masamang bagay na gumugulo at kumokontrol sa mga tao, nililihis at pinipinsala ang marami! Sino ang mananagot dito? Hahanapin ng sambahayan ng Diyos kung sino ang may pananagutan!
Hindi gumagawa ng anumang tunay na gawain ang ilang lider at manggagawa kapag nangangasiwa sa mga insidente ng mga anticristo, at hindi rin nila makilatis ang mga anticristo. Habang nililihis at kinokontrol ng mga anticristo ang mga kapatid, hindi nila kailanman tunay na inilalantad ang masasamang gawa at diwa ng mga anticristo, ni hindi nila maipaliwanag nang malinaw ang mga ito. Kalaunan, ang ilang hinirang na tao ng Diyos na may pagkilatis ang naglalantad at nagpapatalsik sa mga anticristo, at nararamdaman ng mga huwad na lider na sarili nila itong tagumpay. Pagkatapos mapatalsik ang mga anticristo, gumagawa sila ng buod at nagsasalita ng ilang doktrina: “Tingnan ninyo, kapag nagsasalita at kumikilos ang mga anticristo, nagiging hindi normal ang buhay iglesia, nagugulo ang mga tao, at nagdurusa ng mga kawalan ang buhay nila. Para maiwasan ang pamiminsala ng mga anticristo, dapat nating makilatis ang mga kilos, salita, pagkatao, diwa, atbp., ng mga anticristo—dapat nating maunawaan ang lahat ng bagay na ito. Pinapahintulutan ng Diyos ang paglitaw ng mga anticristo sa iglesia, hinahayaan silang gumawa ng mga bagay at ilantad ang sarili nilang kapangitan, na nagbubunyag sa mga anticristo, para masangkapan natin ang sarili natin ng katotohanan, para lumago tayo sa pagkilatis, at mapalago ang tayog natin sa lalong madaling panahon—naririto ang mga layunin ng Diyos! Ngayon ay nakilatis na natin ang mga anticristo at hindi na nila tayo napipigilan; lahat ay nagagawang tanggihan sila. Isa itong bagay na dapat ipagdiwang!” Sa huli, ginagaya ng mga huwad na lider ang tono ng isang opisyal at nagbibigay ng kanilang buod, nagsasalita sila na para bang marami silang ginawang tunay na gawain, na nagbayad sila ng malaking halaga, at gumanap ng mahalagang papel sa pagpapatalsik sa mga anticristo. Hindi ba’t medyo kawalan ito ng kahihiyan? Malinaw na mula simula hanggang wakas, hindi nila makilatis kung ano ang isang anticristo; hindi nila nauunawaan kung paano nililihis ng mga anticristo ang mga tao, kung ano ang ginagawa ng mga anticristo sa hinirang na mga tao ng Diyos, o kung ano ang disposisyong diwa ng mga anticristo, pero nagpapanggap silang marami silang ginawang gawain. Malinaw na ang mga kapatid ang kumilatis sa mga anticristo at nagpatalsik sa mga ito mula sa iglesia; malinaw na hindi gumampan ang mga huwad na lider ng papel bilang mga lider at manggagawa o hindi nila tinupad ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa, pero gumagawa pa rin sila ng pagbubuod at inaangkin nila ang tagumpay, na para bang matagal na nilang pinagplanuhan ang lahat at ngayon ay sinasabi na nila sa mga kapatid na nagbunga ng mga resulta ang mga kilos nila at isa itong malaking tagumpay. Hindi ba’t wala itong kahihiyan? Bakit ka nagsasalita na parang isang opisyal? Wala kang ginagawang tunay na gawain pero nagsasalita kang parang isang opisyal. Isa ka bang opisyal ng malaking pulang dragon? Hindi ba’t mga Pariseo ang gayong mga tao? (Oo.) Ang alam lang nila ay sumigaw ng mga islogan at mangaral ng mga doktrina. Kapag may mga nangyayari, bukod sa nabibigo silang tratuhin nang tama ang mga ito, wala rin silang landas ng pagsasagawa. Naglilitanya lang sila ng mga walang katuturan at bulag na naglalapat ng mga regulasyon; hindi nila pangunahing nalulutas ang anumang problema. Kapag lumipas na ang mga bagay, umaakto sila na parang walang nangyari, nagpapanggap sila bilang mabubuting tao, at inaangkin nila ang tagumpay nang may labis na walang kahihiyan. Ang mga taong ito ay mga tipikal na mga Pariseo. Kaya lang nilang mangaral ng mga doktrina, sumigaw ng mga islogan, gumugol ng kaunting pagsisikap, at magtiis ng kaunting paghihirap, at hindi nila kayang gumawa ng anumang tunay na gawain, pero nagpapanggap pa rin sila bilang mga espirituwal na tao. Mga Pariseo sila. Gayon ang diwa ng ganitong uri ng huwad na lider. Kaya nilang mangaral ng maraming doktrina sa harap ng lahat, kaya bakit hindi nila kayang ilantad at pangasiwaan ang mga anticristo? Kaya nilang mangaral sa loob ng maraming oras ng tuloy-tuloy at mahusay silang magsalita, kaya bakit, kapag nahaharap sa mga aktuwal na problema—lalo na kapag nahaharap sa masasamang gawa ng mga anticristo—hindi nila mapangasiwaan ang mga ito, na hindi sila makapagsalita? Ano ba ang dahilan nito? Ito ay dahil sobrang mahina ang kakayahan nila. Gaano kahina? Wala silang espirituwal na pang-unawa. Edukado sila at matalino, labis na matalas ang isip sa pangangasiwa sa mga panlabas na usapin, at may kaunting pagkaunawa sa batas. Gayumpaman, pagdating sa mga usapin ng pananampalataya sa Diyos, mga espirituwal na usapin, at iba’t ibang mahalagang isyu, hindi nila kayang makilatis at maunawaan nang malinaw ang anumang bagay, ni hindi sila makahanap ng mga katotohanang prinsipyo. Kapag walang mga isyu, nakaupo sila na kasingkalmado ng isang mangingisdang naghihintay ng huli, pero kapag may lumilitaw na mga isyu, umaasal silang parang mga katawa-tawang payaso, para silang mga langgam sa mainit na kawali, nagbubunyag ng kahabag-habag na anyo. Minsan ay umaakto sila nang napakaseryoso at taimtim. Kapag hindi sila taimtim, tila normal sila, pero kapag naging taimtim sila, natatawa ang mga tao. Ito ay dahil kapag taimtim sila, wala silang sinasabi kundi puro mapanlinlang na bagay at salita na walang espirituwal na pang-unawa, na pawang komento ng isang hindi eksperto. Pero pinapanatili nila ang isang taimtim na mukha—hindi ba’t katawa-tawa ito? Kung may magtanong sa kanila ng mahahalagang tanong para sagutin nila, nalilito sila at hindi makapagsalita, na mukhang labis na nahihiya. Maraming gayong huwad na lider. Ang mga pangunahing pagpapamalas nila ay mahinang kakayahan at kawalan ng espirituwal na pang-unawa; sila ay mga taong magulo ang isip. Ano ang ibig sabihin ng kawalan ng espirituwal na pang-unawa? Pagdating sa mga espirituwal na usapin at mga usaping may kinalaman sa katotohanan, parang sinusubukan nilang magsalin ng sinaunang Griyego—wala silang anumang nauunawaan dito. Kahit na ganoon, nagpapanggap pa rin sila, sinasabi nila, “Espirituwal ako. Matagal na akong nananampalataya sa Diyos. Marami akong nauunawaang katotohanan. Kayo ay mga bagong mananampalataya, kasisimula pa lang ninyong manampalataya sa Diyos at hindi ninyo nauunawaan ang katotohanan. Hindi kayo maaasahan.” Palagi nilang iniisip na matagal na silang nananampalataya sa Diyos at nakakaunawa sa katotohanan. Ang gayong mga tao ay parehong kamuhi-muhi at katawa-tawa. Dito na nagtatapos ang pagbabahagi tungkol sa mga pagpapamalas ng gayong mga huwad na lider.
III. Pagkilos Bilang Proteksiyon ng mga Anticristo
May isa pang uri ng huwad na lider na mas kamuhi-muhi pa. Bukod sa nabibigo silang ilantad ang mga anticristo, kumikilos din sila bilang proteksiyon ng mga anticristo, ginagamit ang dahilan ng mapagmahal na pagtulong bilang palusot para pagbigyan ang masasamang gawa ng mga anticristo na nakakagulo sa gawain ng iglesia. Kahit gaano karaming panlilinlang ang ikinakalat ng mga anticristo para ilihis ang mga tao, bukod sa hindi pinapabulaanan o inilalantad ng mga huwad na lider ang mga ito, nagbibigay rin sila ng mga pagkakataon para ang mga anticristo ay malayang makapagpahayag ng mga pananaw nila at makapagsalita. Anumang uri ng mga panggugulo, panlilihis, o pamiminsala ang pinagdurusahan ng hinirang na mga tao ng Diyos, nananatili silang walang pakialam. Kahit kapag tinutukoy ng ilang tao: “Mga anticristo ang mga indibidwal na ito. Sila ang dapat na limitahan ng sambahayan ng Diyos; hindi sila dapat iangat o linangin, at tiyak na hindi sila dapat protektahan. Sapat na ang pinsalang idinulot nila sa mga kapatid. Panahon na para harapin sila at lubos na ilantad at pangasiwaan sila,” kumikilos ang mga huwad na lider para ipagtanggol ang mga anticristo. Isinasaalang-alang ang mga salik gaya ng edad ng mga anticristo, bilang ng taon ng pananampalataya sa Diyos, at mga dating kontribusyon, gumagamit sila ng iba’t ibang palusot para ipagtanggol at protektahan ang mga anticristo. Kapag dumarating ang mga nakakataas na lider para siyasatin ang gawain o pangasiwaan ang mga anticristo, pinipigilan ng mga huwad na lider ang mga kapatid na iulat sa mga nakakataas ang masasamang gawa ng mga anticristo. Gumagawa pa sila ng mga paraan para harangan ang iglesia para hindi malaman ng mga nakakataas na lider ang panggugulo ng mga anticristo sa iglesia, at hinahadlangan din nila ang mga kapatid na may pagkilatis na ilantad ang mga anticristo. Anuman ang mga palusot na ginagamit ng mga huwad na lider o anuman ang mga layon nila sa pagpoprotekta sa mga anticristo, sa paggawa niyon, sa huli ay pinoprotektahan nila ang mga interes ng mga anticristo habang ipinagkakanulo ang mga interes ng iglesia at ng hinirang na mga tao ng Diyos. Gumagamit sila ng iba’t ibang palusot para protektahan ang mga anticristo, tulad ng “nananampalataya rin sa Diyos ang mga anticristo at may karapatan silang magsalita sa sambahayan ng Diyos” at “gumawa sila ng mga mapanganib na tungkulin noon; dapat isaalang-alang ng sambahayan ng Diyos ang mga dati nilang kontribusyon.” Pinipigilan nila ang mga kapatid na kilatisin ang mga anticristo at hindi nila pinapahintulutang malaman ng mga nakatataas na lider ang iba’t ibang masamang gawa ng mga anticristo, kasabay nito, hindi nila mismo inilalantad at tiyak na hindi nila pinupungusan ang mga anticristo. Ang mga anticristong ito ay maaaring mga kapamilya nila, malalapit na kaibigan, o ang mas posible, mga taong iniidolo nila at nahihirapan silang pakawalan. Anuman ang sitwasyon, hangga’t alam nilang mga anticristo ang mga taong ito at ipinagtatanggol pa rin nila ang masasamang gawa ng mga ito, sinasabihan ang iba na tratuhin ang mga ito nang may pagmamahal, at gumagamit pa ng iba’t ibang paraan para bigyan ang mga anticristo ng mga oportunidad na magpakalat ng mga panlilinlang para ilihis at guluhin ang hinirang na mga tao ng Diyos, ipinapakita ng mga pagpapamalas na ito na nagsisilbi silang proteksiyon ng mga anticristo. Ang ilang huwad na lider ay maaaring nakagawa ng ilang tunay na gawain sa ibang aspekto, pero pagdating sa pakikitungo sa mga anticristo, hindi nila pinapangasiwaan ang mga ito ayon sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos. Higit pa rito, hindi nila tinutupad ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa nang ayon sa hinihingi ng sambahayan ng Diyos—hindi nila pinipigilan ang mga anticristo na magpakalat ng mga kuru-kuro, negatibong damdamin, maling paniniwala, at panlilinlang para ilihis ang mga tao sa iglesia hangga’t maaari. Sa halip, madalas nilang itinataguyod ang mga mapanlinlang na doktrinang sinasabi ng mga anticristo, gayundin ang mga pahayag at komento ng mga ito na batay sa kaalaman o pilosopiya ni Satanas, bilang mga positibong bagay. Lahat ng ito ay mga pagpapamalas ng pagkilos nila bilang proteksiyon ng mga anticristo. Siyempre, may mga huwad na lider ding hindi pinapangasiwaan ang mga anticristo dahil pinapahalagahan nila ang impluwensiya ng mga ito sa lipunan. Sinasabi nila, “Ang karamihan ng kapatid ay mula sa mabababang antas ng lipunan at walang impluwensiya. Bagama’t ang taong ito ay isang anticristong may masamang pagkatao, may kapangyarihan at impluwensiya siya sa mundo at may kakayahan siya. Kapag nahaharap sa panganib ang mga kapatid o ang iglesia, hindi ba’t kailangan natin ang isang makapangyarihang tao para kumilos at protektahan tayo? Kaya, magbulag-bulagan tayo sa mga maling ginagawa niya at huwag na itong masyadong seryosohin.” Ang mga huwad na lider ay handang kumilos bilang proteksiyon ng mga anticristo para ang mga anticristo ay tumindig para sa kanila at suportahan sila—nasisikmura ito ng mga huwad na lider. May ilang huwad na lider ding may maling pananaw. Sinasabi nila, “Ang ilang anticristo ay may katayuan at impluwensiya sa lipunan; may katanyagan sila. May dalawang gayong indibidwal sa iglesia natin. Bagama’t mga anticristo sila, kung papaalisin natin sila, iisipin ng mga tao na wala nang mahusay na tao sa iglesia natin, at hahamakin tayo ng mga nasa komunidad ng relihiyon. Kailangan natin silang panatilihin para magmukha tayong mahusay. Samakatwid, ang dalawang taong ito ay kayamanan ng iglesia natin; walang puwedeng kumilatis o magpaalis sa kanila. Dapat silang protektahan.” Anong klaseng lohika ito? Itinuturing nilang mga taong may talento ang mga anticristo, kaya pinoprotektahan nila ang mga ito. Hindi ba’t walang-hiya ang ganitong mga huwad na lider? (Oo.) Anuman ang sitwasyon, hangga’t pinapayagan ng mga lider at manggagawa ang mga anticristo na gawin ang anumang gusto ng mga ito sa iglesia at guluhin ang gawain ng iglesia, sila ay mga huwad na lider at manggagawa. Gaano man nagpapakalat ng mga panlilinlang ang mga anticristo at masasamang tao, gaano man karaming tao ang nalilihis, gaano man nila binabatikos at ibinubukod ang mga positibong personalidad, at gaano man karami sa hinirang na mga tao ng Diyos ang pinipinsala nila, binabalewala ito ng mga huwad na lider at nagpapanggap ang mga ito na walang alam—hangga’t napapanatili nila ang sarili nila, ayos na iyon sa kanila. Ang mga ito ang mga pangunahing pagpapamalas ng mga huwad na lider. Anuman ang sinasabi o ginagawa ng mga anticristo, hindi sila inilalantad, hinihimay, o nililimitahan ng mga huwad na lider para makilatis at tanggihan sila ng mga kapatid. Sa halip, tinatrato ng mga huwad na lider ang mga anticristo na parang alaga nila, pinaglilingkuran at pinoprotektahan ang mga ito na parang mga dignitaryo, hinahayaan ang gusto ng mga ito, at lumilikha sila ng iba’t ibang oportunidad para makakilos ang mga ito. Kaninong mga interes ang naisasakripisyo habang hinahayaan nilang matamasa nang lubos ng mga anticristo ang kalayaan ng mga ito? (Ang mga interes ng hinirang na mga tao ng Diyos.) Bukod sa nabibigo ang mga huwad na lider na protektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos, tinutulutan din nila ang mga anticristo na mamuno sa iglesia, pinagkakayod-kalabaw ang mga kapatid sa paglilingkod sa mga anticristo, na parang mga alipin, pinasusunod sa mga utos ng mga anticristo, ipinatatanggap ang mga mapanlinlang na komento at kaisipan at pananaw ng mga ito, ipinatatanggap ang pagkontrol ng mga ito, at maging ang lubhang pamiminsala ng mga ito, at iba pa. Ito ang gawaing ginagawa ng mga huwad na lider. Pinipigilan ba nila, hangga’t maaari, ang lubhang pamiminsala ng mga anticristo sa hinirang na mga tao ng Diyos? Natupad ba nila ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa? Nagawa ba nila ang gawain ng pagprotekta sa hinirang na mga tao ng Diyos? (Hindi.) Sa madaling salita, anuman ang dahilan, ang sinumang lider na hinahayaan ang mga anticristo na gawin ang anumang gusto ng mga ito nang hindi gumagawa ng anumang gawain ay isang huwad na lider. Bakit sinasabi Kong mga huwad na lider sila? Dahil kapag nililihis at kinokontrol ng mga anticristo ang hinirang na mga tao ng Diyos, hinahayaan nila ang mga kapatid na magdusa ng iba’t ibang pamiminsala mula sa mga anticristo, binibigo ang atas na ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos. Ipinagkatiwala sa iyo ng sambahayan ng Diyos ang mga tupa ng Diyos, ang hinirang na mga tao ng Diyos, at hindi mo tinupad ang responsabilidad mo. Hindi ka karapat-dapat na magpasan ng atas ng Diyos! Anuman ang dahilan o katwiran mo, kung sa panahon ng pamumuno bilang lider ay kumilos ka bilang proteksiyon ng mga anticristo, na nagdulot ng labis na pagdurusa ng mga kapatid sa panggugulo, panlilihis, kontrol, at lubhang pamiminsala ng mga anticristo, isa kang makasalanan sa lahat ng panahon. Ang dahilan dito ay hindi dahil hindi mo kayang makilatis ang mga anticristo o maunawaan nang malinaw ang diwa nila—malinaw na alam mo sa puso mo na ang mga anticristo ay mga Satanas at mga diyablo, pero hindi mo hinahayaan ang hinirang na mga tao ng Diyos na ilantad at kilatisin sila. Sa halip, hinahayaan mo ang mga kapatid na makinig, tumanggap, at sumunod sa mga anticristo. Ganap itong salungat sa katotohanan. Hindi ba’t dahil dito ay nagiging makasalanan ka sa lahat ng panahon? (Oo.) Bukod sa nabigo kang protektahan ang mga sinserong gumagawa ng kanilang mga tungkulin at naghahangad sa katotohanan, inangat mo rin ang mga anticristo sa mga posisyon ng mga lider at manggagawa, itinuturing silang parang mga alaga at pinapasunod sa mga utos nila ang mga kapatid. Ipinagkatiwala ng sambahayan ng Diyos ang hinirang na mga tao ng Diyos sa iyo hindi para gawing mga alipin ng mga anticristo o mga alipin mo, kundi para akayin mo ang hinirang na mga tao ng Diyos na labanan si Satanas at ang mga anticristo at kilatisin at tanggihan ang mga anticristo, at bigyang-kakayahan ang hinirang na mga tao ng Diyos na magkaroon ng normal na buhay iglesia, gawin ang mga tungkulin nila nang normal, pumasok sa katotohanang realidad, at magpasakop at magpatotoo sa Diyos sa ilalim ng paggabay ng Diyos. Kung hindi mo man lang matupad ang responsabilidad na ito, karapat-dapat ka bang tawaging tao? At gayumpaman, gusto mo pa ring protektahan ang mga anticristo. Ang mga anticristo ba ang mga ninuno o idolo mo? Kahit na kadugo mo sila, dapat mong sundin ang mga katotohanang prinsipyo at unahin ang katarungan bago ang pamilya. Dapat maramdaman mong obligado kang tuparin ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa—ilantad, kilatisin, at tanggihan ang mga anticristo, at gawin ang lahat ng makakaya mo para protektahan ang mga kapatid, para maiwasang mapinsala sila ng mga anticristo, hangga’t maaari. Ito ay tapat na paggawa sa tungkulin mo at pagkompleto sa atas ng Diyos; sa paggawa lang nito ka maaaring tawaging isang lider o manggagawa na pasok sa pamantayan. Kung mabibigo kang tuparin ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa at kusa kang kumikilos bilang proteksiyon ng mga anticristo, ano ka pa nga ba kundi isang makasalanan sa lahat ng panahon? Dito nagtatapos ang pagbabahaginan tungkol sa mga huwad na lider na kumikilos bilang proteksiyon ng mga anticristo. Malinaw na ang pagtukoy sa gayong mga tao bilang kahanay ng mga huwad na lider ay hindi talaga di-makatarungan; isa ito sa mga pagpapamalas ng mga tunay na huwad na lider.