Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (21) Ikalawang Seksiyon
Ikalabintatlong Aytem: Protektahan ang Hinirang na mga Tao ng Diyos Mula sa Panggugulo, Panlilihis, Kontrol, at Lubhang Pamiminsala ng mga Anticristo, at Bigyan Sila ng Kakayahan na Kilatisin ang mga Anticristo at Talikuran ang mga Ito Mula sa Puso Nila
Ang Ilang Gampaning Dapat Gampanan ng mga Lider at Manggagawa Kapag Natukoy na Ginugulo ng mga Anticristo ang Iglesia
Susunod, pagbabahaginan natin ang pangunahing paksa. Kompleto na ang pagbabahaginan natin sa ikalabindalawang responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Para sa pagbabahaginang ito, tatalakayin natin ang ikalabintatlong responsabilidad: “Protektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos mula sa panggugulo, panlilihis, kontrol, at lubhang pamiminsala ng mga anticristo, at bigyan sila ng kakayahan na kilatisin ang mga anticristo at talikuran ang mga ito mula sa puso nila.” Ang ikalabintatlong responsabilidad ay kinabibilangan ng paksa sa kung paano dapat tinatrato ng mga lider at manggagawa ang mga anticristo. Anong gawain ang dapat na gawin ng mga lider at manggagawa kapag lumilitaw ang mga anticristo sa iglesia? Una, sinasabi ng responsabilidad na ito na kapag nilulutas ang gayong mga problema, kailangang kumilos ang mga lider at manggagawa para protektahan ang mga kapatid mula sa panggugulo, panlilihis, kontrol, at lubhang pamiminsala ng mga anticristo. Ito ang unang gampaning dapat nilang gawin. Tungkol naman sa kung paano ginugulo, nililihis, kinokontrol, at lubhang pinipinsala ng mga anticristo ang hinirang na mga tao ng Diyos, marami nang napagbahaginan tungkol dito dati, kaya ang nilalamang ito ay hindi ang magiging pangunahing paksa ng pagbabahaginan ngayon. Ngayong araw, tutuon tayo sa kung anong mga responsabilidad ang dapat na tuparin ng mga lider at manggagawa at kung anong gawain ang dapat nilang gawin kapag nahaharap sa mga pag-uugali at kilos na ito ng mga anticristo para protektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos mula sa kapahamakan. Una, dapat protektahan ng mga lider at manggagawa ang hinirang na mga tao ng Diyos mula sa panggugulo, panlilihis, kontrol, at lubhang pamiminsala ng mga anticristo—isa ito sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Ano ang ibig sabihin ng “isa sa mga responsabilidad”? Ibig sabihin nito, sa maraming gampaning ginagawa ng mga lider at manggagawa, isang mahalagang gampanin ang pagprotekta sa hinirang na mga tao ng Diyos para makapamuhay sila ng normal na buhay iglesia nang walang panggugulo at lubhang pamiminsala ng mga anticristo. Isa rin itong gampaning hindi matatakasan kung saan hindi nila puwedeng iwasan ang responsabilidad nila. Dapat itong pahalagahan ng mga lider at manggagawa at hindi nila ito dapat na pabayaan. Ang pagpapanatili sa normal na takbo ng buhay iglesia ay isang napakahalagang gampanin at ang pinakapangunahing gampanin sa lahat ng gawain ng iglesia. Responsabilidad din ito ng mga lider at manggagawa. Ang pinakapangunahing gawain ng mga lider at manggagawa ay ang akayin ang hinirang na mga tao ng Diyos sa katotohanang realidad. Kapag ang mga Satanas at anticristo, ay dumarating para guluhin at ilihis ang mga tao, at para makipag-agawan sa Diyos para sa Kanyang hinirang na mga tao, dapat tumindig ang mga lider at manggagawa para ilantad ang mga anticristo para makilatis sila ng hinirang na mga tao ng Diyos, na magtutulot sa mga anticristo na ibunyag ang tunay nilang anyo, at pagkatapos ay paalisin sila sa iglesia. Ito ay para maiwasan na makontrol at lubhang mapinsala ng mga anticristo ang hinirang na mga tao ng Diyos. Ito ang responsabilidad na dapat tuparin ng mga lider at manggagawa kapag gumagawa ng gawain ng iglesia. Kaya, ano ang ibig sabihin ng maiwasan ang mga bagay na ito? Paano dapat maiwasan ang mga ito? Ang salitang “maiwasan” ay literal na nangangahulugang pigilan na mangyari ang isang bagay sa abot ng makakaya. Ano ang mahalagang punto rito? Nagkakamit ng pag-iwas ang pagpipigil sa mga insidente na mangyari. Sa pangangasiwa ng mga insidente ng mga anticristo, ang pangunahing gawain ng mga lider at manggagawa ay pigilan ang mga anticristo na guluhin, ilihis, kontrolin, at lubhang pinsalain ang hinirang na mga tao ng Diyos sa abot ng makakaya. Dapat nilang protektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos mula sa pamiminsala ng mga anticristo sa abot ng makakaya nila. Ito ang pangunahing gawain na kailangang gawin ng mga lider at manggagawa, at ito ang kailangan nating malinaw na pagbahaginan patungkol sa ikalabintatlong responsabilidad. Kaya, paano mapoprotektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos? Sa pamamagitan ng pagpigil na mangyari ang masasamang gawang ito na ginagawa ng mga anticristo. Marami ang mga gawi at pamamaraan para pigilan ang mga ito, tulad ng paglalantad, pagpupungos, paghihimay, at paglilimita. Ano pa? (Pagpapatalsik.) Iyon ang huling hakbang. Kapag wala pa ring pagkilatis ang mga kapatid at hindi nila alam na anticristo ang isang tao, pero natukoy na ng mga lider at manggagawa na anticristo ang taong iyon, kung direkta nilang patatalsikin ang taong iyon, ang mga walang pagkilatis ay maaaring magkaroon ng mga kuru-kuro at paghusga, at maaaring panghinaan ng loob ang ilan. Sa gayong mga kaso, ano ang gawaing dapat gawin ng mga lider at manggagawa? Ano nga ang kababanggit Ko lang? (Paglalantad, pagpupungos, paghihimay, at paglilimita.) May anumang magandang paraan ba kayo para pigilan ang mga anticristo sa paggawa ng masama? Magandang pamamaraan ba ang pagsubaybay sa kanila? Maituturing ba itong epektibong gawi at pamamaraang naaayon sa mga prinsipyo? (Oo.) Ano ang angkop na paraan para tratuhin ang mga anticristo? Gagana ba ang paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, at pagpipino sa mga anticristo? (Hindi.) Bakit hindi? (Hindi tinatanggap ng mga anticristo ang katotohanan; tutol sila rito.) Tutol sa katotohanan ang mga anticristo at hindi nila ito tinatanggap, kaya hindi angkop ang paggamit ng mga pagsubok, pagpipino, paghatol, at pagkastigo para pangasiwaan ang mga anticristo. Dagdag pa rito, hindi ginagampanan ng Diyos ang gawaing ito sa kanila. Hindi angkop ang ideyang ito, kaya tiyak na hindi magiging epektibo ang pamamaraang ito. Kung gayon, anong pamamaraan ba ang naaangkop? Ang maraming taong labis na nagdusa sa pamiminsala ng mga anticristo ay labis na namumuhi sa kanila at naniniwala na dapat silang husgahan, kondenahin, at ibunyag sa publiko. Iniisip nila na dapat mapilit ang mga anticristo na umamin sa mga pagkakamali ng mga ito at hayagang ikumpisal ang mga kasalanan ng mga ito sa iglesia at lubusang ipahiya. Sa tingin ninyo, magiging angkop bang gamitin ang mga ganitong pamamaraan? (Hindi.) Kung isasaalang-alang natin ang diwa ng mga anticristo, hindi naman talaga kalabisang kumilos nang ganoon—paano man matrato ang mga diyablo ay ayos lang; puwede itong gawin nang kasingkaswal ng pagdurog sa isang insekto. Kaya, ang layon ng mga lider at manggagawa sa paggawa nito ay tila napakalehitimo at tama, pero may anumang isyu ba sa mga pamamaraang ito? Nasa saklaw ba ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa ang gawaing ito? Naaayon ba sa mga prinsipyo o hindi ang paggawa sa mga bagay sa ganitong paraan? (Hindi.) Malinaw na hindi ito naaayon sa mga prinsipyo. Saan nanggagaling ang mga prinsipyo? (Mula sa mga salita ng Diyos.) Tama iyan. Bagama’t ang mga pakay ng gayong mga kilos ay mga anticristo—mga diyablo—ang mga pamamaraan ay dapat na umayon din sa mga prinsipyo at sa mga hinihingi ng Diyos, dahil sa paggawa ng gawaing ito, tinutupad ng mga lider at manggagawa ang mga responsabilidad nila, hindi sila nangangasiwa ng mga isyu ng pamilya o mga personal na usapin.
I. Paglalantad
Responsabilidad ng mga lider at manggagawa ang pangangasiwa sa mga anticristo at pagpigil sa mga ito na makagawa ng kasamaan at panlilihis at pamiminsala sa hinirang na mga tao ng Diyos. Ang layon ay ang protektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos mula sa kapahamakan, hindi ang pahirapan ang sinuman o sunggaban ang oportunidad na makapaghiganti sa sinuman, at tiyak na hindi para maglunsad ng mga kampanya laban sa sinuman. Samakatwid, anong mga gampanin ang kailangang gawin ng mga lider at manggagawa sa abot ng makakaya nila para pigilan ang mga anticristo na gumawa ng kasamaan? Ang una ay ang ilantad ang mga ito. Ano ang layon ng paglalantad? (Para matulungan ang mga tao na magkaroon ng pagkilatis.) Tama iyan. Ito ay para tulungan ang hinirang na mga tao ng Diyos na kilatisin ang diwa ng mga anticristo, para sa loob-loob nila ay mailayo nila ang sarili nila sa mga anticristo at hindi sila mailihis ng mga ito, at para—kapag sinubukan ng mga anticristo na ilihis at kontrolin sila—magawa nilang aktibong tanggihan ang mga ito, sa halip na tulutan ang mga anticristo na manipulahin at paglaruan sila. Kaya, mahalaga bang ilantad ang mga anticristo? (Oo.) Napakahalagang ilantad sila, pero dapat na tumpak mo silang mailantad. Kung gayon, paano mo sila dapat ilantad? Ano ang dapat na maging batayan ng paglalantad mo? Ayos lang ba na basta-basta silang bansagan? Ayos lang bang basta na lang silang kondenahin nang walang batayan? (Hindi.) Kaya, paano mo sila dapat ilantad nang tumpak para makamit ang layong protektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos? (Sa isang banda, dapat obhetibo at makatotohanan natin silang ilantad batay sa katunayan ng masasamang gawa nila. Dagdag pa rito, dapat natin silang kilatisin at himayin ayon sa mga salita ng Diyos.) Tumpak ang dalawang pahayag na ito; hindi puwedeng mawala ang dalawang aspekto. Sa isang banda, dapat may tunay na ebidensiya. Dapat mong husgahan at ilarawan ang diwa nila batay sa mga maling salita, kilos, at katawa-tawang pag-iisip at pananaw na ibinubunyag ng mga anticristo. Gayumpaman, ang pinakamahalagang bagay ay ang kilatisin at himayin sila ayon sa mga salita ng Diyos. Aling mga salita ng Diyos ang dapat mong pagbatayan? Aling mga salita ang pinakadirekta at pinakamatalas? (Ang mga salitang naglalantad sa mga anticristo.) Tama iyan; dapat kang maghanap ng ilang salitang nagtatanggal sa maskara ng mga anticristo para ilantad sila at maikumpara nang nararapat at walang kinikilingan, nagtitiyak ng lubos na katumpakan. Makakaunawa ang mga kapatid pagkatapos itong marinig; agad silang magkakaroon ng pagkilatis sa taong nasasangkot, at magiging mapagbantay sila laban dito. Dahil may pagkilatis na sila sa puso nila, masusuklam sila sa taong ito: “Kaya pala, anticristo pala talaga siya! Tinulungan niya ako dati at ginawan pa nga niya ako ng mga pabor. Inakala kong mabuti siyang tao. Sa pamamagitan ng paghihimay at pagbabahaginang ito, nalantad na ang kanyang pagpapaimbabaw at ang esensiyal na mga anticristong pagpapamalas niya, na nakakatulong sa lahat na makita na mapanganib ang taong ito. Inilantad siya ng mga salita ng Diyos nang napakatumpak! Hindi siya isang mabuting tao. Nagsasabi siya ng magagandang bagay at tila walang problema sa mga kilos niya, pero sa pamamagitan ng paglalantad sa diwa niya, malinaw na ngayon na isa nga siyang anticristo.” Batay sa pagbabago ng mga iniisip ng mga tao, kapag ginagawa ng mga lider at manggagawa ang gawain ng paglalantad sa mga anticristo, pinipigilan nila ang mga anticristo na ilihis at guluhin ang hinirang na mga tao ng Diyos sa abot ng makakaya nila. Siyempre, tinutupad din nila ang responsabilidad ng pagprotekta sa hinirang na mga tao ng Diyos mula sa kontrol at malubhang pamiminsala ng mga anticristo. Ginagawa nila ang isa sa mga gampanin nila sa isang praktikal na paraan. Aling gampanin ito? Ang paglalantad sa mga anticristo. Ang gawain ng paglalantad sa mga anticristo ay isa sa mga gampaning dapat gawin ng mga lider at manggagawa para protektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos. Pagdating naman sa iba’t ibang gampaning dapat gawin ng mga lider at manggagawa, hindi natin pagsusunod-sunurin ang mga ito ayon sa lawak o sa mga resultang nakakamit ng mga ito; magbahagi muna tayo tungkol sa gawain ng “paglalantad.” Ang paglalantad sa kalikasang diwa ng mga anticristo ay kinabibilangan ng paglalantad sa mga intensyon, balak, at kahihinatnan ng kanilang palagiang masasamang gawa na nakakagambala at nakakagulo sa gawain ng iglesia; na naglalantad kung paanong ang mga anticristo, habang naglilingkod bilang mga lider at manggagawa, ay hindi talaga gumagawa ng anumang tunay na gawain sa iglesia at binabalewala ang buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos; inilalantad ang pangit na mukha ng mga anticristo bilang mga tao na hindi man lang kilala ang sarili nila, hindi kailanman nagsasagawa sa katotohanan, at nagsasabi lang ng mga salita at doktrina para ilihis ang mga tao; at inilalantad ang iba’t iba nilang kasabihan at kilos sa harap ng mga tao at kapag nakatalikod ang mga ito. Ang lubusang paglalantad sa mga aspektong ito ay nagpapakita ng tunay na anyo ng mga anticristo bilang mga Satanas at masasamang diyablo. Isa itong mahalagang gampaning dapat gawin ng mga lider at manggagawa. Kaya, ano ang kailangang taglayin ng mga lider at manggagawa para isagawa ang gampaning ito? Una sa lahat, kailangan nilang magkaroon ng partikular na pagpapahalaga sa pasanin, hindi ba? (Oo.) Kapag pinapasan ng mga lider at manggagawa ang responsabilidad na ito, madalas nilang iniisip, “Anticristo ang taong iyon. Madalas na lumalapit sa kanya ang mga kapatid para magtanong, palaging nakikipaglapit sa kanya at may magandang ugnayan sa kanya. Dahil nailihis ng taong ito, maraming tao ang partikular na umiidolo sa kanya. Ano ang dapat na gawin tungkol dito?” Lumalapit sila sa harapan ng Diyos para magdasal at madalas na sinasadya nilang hanapin ang mga salita ng Diyos na naglalantad sa mga anticristo, sinasangkapan ang sarili nila ng katotohanan sa aspektong ito. Pagkatapos, hinihiling nila sa Diyos na ihanda ang tamang panahon o naghahanap sila mismo ng naaangkop na oras at pagkakataon para makipagbahaginan sa mga kapatid tungkol sa usaping ito. Itinuturing nila ito bilang kanilang pasanin at isang mahalagang gampaning kailangan nilang sunod na gawin. Palagi silang naghahanda, naghahanap, at nagdarasal sa Diyos para sa paggabay; palagi silang nasa ganitong uri ng kalagayan ng isipan at kondisyon. Ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng pagpapahalaga sa pasanin. Pagkatapos maghanda nang may gayong pasanin sa loob ng ilang panahon, dapat silang maghintay hanggang sa mahinog na ang mga kondisyon. Sa pinakamababa, dapat silang maghintay hanggang sa dalawa o tatlong tao ang magkaroon ng tunay na pagkilatis sa anticristo bago sila magsimulang ilantad ang anticristo. Kung natukoy nila na tila isang anticristo ang isang tao batay lang sa mga damdamin nila, pero hindi nila makilatis kung talaga bang anticristo ang taong iyon o hindi, hindi sila dapat kumilos nang basta-basta. Sa madaling salita, kapag isinasagawa ang gawaing ito, tiyak na magkakaroon sila ng kaliwanagan at paggabay ng Diyos. Ito ang ibig sabihin ng paggawa ng tunay na gawain at pagtupad sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa.
II. Pagpupungos
Pagkatapos isagawa ang gawain ng paglalantad sa mga anticristo, bagama’t nagkaroon ng kaunting pagkilatis ang mga kapatid, bago ganap na mailantad ang mga anticristo, hindi maiiwasang lalo pa nilang ilihis at guluhin ang mga kapatid, na nagdudulot na idolohin, hangaan, at sundan sila ng mas maraming tao. Labis itong nakakaantala sa pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos, na nakakahadlang sa buhay pagpasok nila at nagdudulot ng malaking pinsala. Kung gayon, ang ikalawang gampaning dapat gawin ng mga lider at manggagawa ay na kapag nililihis at ginugulo ng mga anticristo ang mga kapatid, o kapag malinaw na lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo ang mga salita at kilos nila, dapat kuhain ng mga lider at manggagawa ang ebidensiya at agad na kumilos para pungusan sila, at ilantad ang masasamang gawa nila ayon sa mga salita ng Diyos, para makilatis at maunawaan ng mga kapatid ang tunay na mukha ng mga anticristo. Ito ang di-maiiwasang responsabilidad ng pagprotekta sa hinirang na mga tao ng Diyos at pangangalaga sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Ang mga lider at manggagawa ay hindi dapat magpaupo-upo lang at walang gawin o magbulag-bulagan; dapat agad nilang sunggaban ang mga oportunidad, tukuyin ang mga insidente, at kumilos sila para pungusan ang mga anticristo, tumpak na ilantad ang mga kilos, ambisyon, pagnanais, at ang diwa ng mga ito. Siyempre, kailangan din na mas tumpak na ilarawan kung anong uri ng tao ang mga anticristo, para malinaw itong makita ng mga kapatid, para malaman ito ng mismong mga anticristo, at para malaman ng mga anticristo na hindi lahat ay walang pagkilatis sa kanila at puwede nilang maloko—na kahit papaano ay kayang makilatis ng ilang tao ang mga kilos at pag-uugali nila at makilatis ang mga natatago nilang ambisyon at pagnanais, pati na ang diwa nila. Ang layon ng pagpupungos sa mga anticristo ay, siyempre, hindi lang para ilantad ang diwa nila gamit ang mga salita. Ang mas mahalaga, ano ito? (Sa isang banda, ito ay para tulungan ang mga kapatid na magkaroon ng pagkilatis, at para din limitahan ang masasamang gawa ng mga anticristo.) Tama. Ito ay para limitahan sila, para kapag gumagawa sila ng mga bagay na nakakalihis at nakakagulo sa mga tao, mag-aalinlangan sila at mangangamba; para mapasailalim sila sa mga limitasyon, magkaroon sila ng pagpipigil, at hindi sila mangahas na kumilos nang walang ingat; para maipaalam sa kanila na bukod sa nasa sambahayan ng Diyos ang katotohanan, na ang katotohanan ang naghahari, may mga atas administratibo rin ang sambahayan ng Diyos, at na hindi posibleng kumilos nang mapaniil at nang sutil na walang ingat sa sambahayan ng Diyos, na pinsalain ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at ipahamak ang hinirang na mga tao ng Diyos; at para din ipaalam sa kanila na papanagutin sila sa paggawa nila ng mga walang ingat na masamang gawang nakakagulo sa gawain ng iglesia at nakakapinsala sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Habang agad na pinupungusan ang mga anticristo, dapat ding tumindig ang mga lider at manggagawa para ilantad sila, na tinutulungan ang mga tao na magkaroon ng pagkilatis at maunawaan ang mga ambisyon, pagnanais, intensyon, at balak ng mga anticristo. Siyempre, ito rin ay para protektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos at pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Lahat ng ito ay mga konsiderasyong dapat isaalang-alang ng mga lider at manggagawa, at nasa saklaw ng mga responsabilidad nila na isagawa ang gawaing ito; hindi nila ito puwedeng pabayaan o hindi sila puwedeng maging walang ingat tungkol dito. Kung matuklasan ng mga lider at manggagawa ang mga anticristo sa iglesia, dapat palagi silang maging mapagbantay sa mga salita at kilos ng mga ito at sa mga panlilinlang na ipinapakalat ng mga ito kapag walang nakakakita, at dapat nilang isagawa ang pagpupungos at paglalantad sa mga anticristo. Isa ito sa mga gampanin ng mga lider at manggagawa para protektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos mula sa panggugulo at pamiminsala ng mga anticristo.
III. Paghihimay
Ano ang susunod na gampanin para sa mga lider at manggagawa? Ang maghimay. Ang paghihimay ay halos kaparehong-kapareho ng paglalantad, pero may mga pagkakaiba sa antas. Pagdating sa paghihimay, hindi lang ito tungkol sa paglalantad sa isang katunayan, totoong sitwasyon, o pinagmulan; sangkot dito ang isyu ng paglalarawan, ibig sabihin, sangkot dito ang disposisyon ng mga anticristo, ang mahalaga at ugat na isyung ito. Himayin ang saloobin nila sa Diyos, sa katotohanan, sa tungkulin nila, at sa gawain ng sambahayan ng Diyos, pati na ang mga motibo, intensyon, at balak sa likod ng pagpapakalat nila ng mga panlilinlang—ang mga dahilan kung bakit nila ito ginagawa—at kilatisin kung ano ang diwa nila sa pamamagitan ng mga iniisip, pananaw, pananalita, kilos, at mga disposisyon at pagpapamalas na ibinubunyag nila. Dapat ikumpara ang mga ito sa mga salita ng Diyos at ipaliwanag para magkamit ang mga kapatid ng mas malalim na pagkaunawa sa mga anticristo at malinaw nilang makita mula sa praktikal na perspektiba kung bakit sinasabi at ginagawa ng mga anticristong nasa harapan nila ang mga bagay na ito, kung ano ang perspektiba ng Diyos sa gayong mga tao, at kung paano Niya inilalarawan ang mga anticristo. Siyempre, dapat ding sabihin ng mga lider at manggagawa sa mga kapatid na lumayo sa mga anticristo at tanggihan ang mga ito, at maging mapagmatyag din laban sa panlilihis ng mga kilos, pag-uugali, pananalita, at mga pananaw ng mga anticristo para maiwasang magkamali ng pagkaunawa sa Diyos, maging mapagbantay laban sa Diyos, lumayo sa Diyos, tanggihan ang Diyos, at maging ang husgahan at kondenahin ang Diyos sa loob-loob nila tulad ng ginagawa ng mga anticristo. Ang layon ng paghihimay, tulad ng iba pang mga gampanin gaya ng paglalantad at pagpupungos, ay para pigilan ang mga anticristo sa panlilihis, panggugulo, at pamiminsala sa hinirang na mga tao ng Diyos. Ito ay para protektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos mula sa lubhang pamiminsala ng mga anticristo at mula sa paglihis mula sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos. Kapag malinaw na nakikita ng hinirang na mga tao ng Diyos ang mga katunayan at totoong sitwasyon tungkol sa kung paano ginugulo ng mga anticristo ang iglesia at kapag malinaw nilang nakikita ang diwa ng mga anticristo, hindi na sila maililihis at makokontrol ng mga anticristo. Kahit na may ilang taong magulo ang isipan at hangal, na humahanga at umiidolo pa rin sa mga anticristo sa loob-loob ng mga ito at nakikisalamuha at nakikipaglapit sa kanila, hindi na makapagdudulot ng malalaking isyu ang mga anticristo. Gagawa lang sila ng ilang bagay sa mga hangal na tao, nang hindi talaga naaapektuhan ang buhay pagpasok ng mga sinserong nananampalataya sa Diyos, at kaya, hindi nila magugulo o magagambala ang gawain ng iglesia. Ang pag-abot sa antas na ito ay ang dapat makamit ng mga lider at manggagawa. Ibig sabihin, dapat nilang tiyakin na iyong mga sinserong nananampalataya sa Diyos at kusang-loob na gumagawa ng mga tungkulin nila at iyong mga nagmamahal sa katotohanan ay nakakapamuhay ng normal na buhay iglesia at nakakatupad sa mga tungkulin nila. Kasabay nito, dapat din nilang matiyak na ang mga taong ito ay makapagbabantay laban sa panlilihis at mga panggugulo ng mga anticristo, at makatatanggi sa mga anticristo. Ito ay pagpigil sa masamang ginagawa at mga panggugulo ng mga anticristo sa abot ng makakaya nila, ganap na nakakamit ang epekto ng pagprotekta sa hinirang na mga tao ng Diyos. Siyempre, gaano mo man kaepektibong ginagawa ang gawain mo at gaano man kadetalyado ang pagsasalita mo, hindi maiiwasang magkakaroon ng ilang hangal na tao, mga taong may mahinang kakayahan, at mga taong magulo ang isip na hindi kayang tanggihan ang mga anticristo at hahanga at titingala pa rin sa mga anticristo sa kanilang puso. Gayumpaman, karamihan ng tao ay makakamit na ang puntong kaya na nilang tanggihan ang mga anticristo. Kung kaya itong makamit ng mga lider at manggagawa, napoprotektahan na nila ang hinirang na mga tao ng Diyos sa abot ng makakaya, ganap na nakakamit ang ninanais na resulta. Para naman sa mahihina ang isip na hindi nakakaunawa sa katotohanan paano man ito pagbahaginan, kung kaya pa rin nilang magtrabaho nang kaunti, dapat silang mabigyan ng kaunting malasakit at pagtulong, pati ng higit pang pagmamahal, pagpapasensiya, at pagpaparaya. Ito ay paggawa ng lahat ng bagay na dapat gawin ng isang tao, at ang paggawa sa ganitong paraan ay maprinsipyo. Marami bang lider at manggagawa na nakakatugon sa pamantayang ito? (Hindi.) Samakatwid, kailangang gawin ang pinakamatinding pagsisikap; dapat mong protektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos nang walang kapaguran at sa abot ng makakaya. Ano ang ibig sabihin ng “sa abot ng makakaya”? Ibig sabihin nito ay gawin ang lahat ng posible para pagbahaginan ang mga katotohanang prinsipyong nauunawaan mo, ipresenta ang ebidensiyang nakalap na—ang iba’t ibang pagpapamalas ng masasamang gawa ng mga anticristo—iniuugnay ang mga ito sa mga salita ng Diyos na naglalantad sa mga anticristo, at pagbahaginan at himayin ang mga ito. Ito ay para malinaw na makita ng mga kapatid ang tunay at totoong sitwasyon, makilatis at maunawaan ang diwa ng mga anticristo, at malaman ang saloobin ng Diyos sa mga anticristo. Isa itong mahalagang gampaning dapat gawin ng mga lider at manggagawa.
IV. Paglilimita
Ano ang susunod na gampaning dapat gawin ng mga lider at manggagawa? Ito ay ang maglimita. Ang gawaing ito ng “paglilimita” ay madaling isagawa; kinabibilangan ito ng ilang espesyal na paraan para makamit ang resulta ng paglilimita. Halimbawa, ang mga anticristo ay palaging nagsasabi ng mga salita at doktrina, palaging itinataas ang sarili nila, minamaliit ang iba minsan, madalas na nagpapatotoo sa kung gaano karaming pagdurusa ang tiniis nila at kung ano ang mga iniambag nila sa sambahayan ng Diyos sa panahon ng mga pagtitipon, at walang kahihiyan silang nagpapatotoo sa sarili nila, ipinapangalandakan kung paanong hinahangaan sila ng iba, at kung paanong mas magaling sila kaysa sa iba, kung paanong katangi-tangi sila, at iba pa. Dapat gawin ng mga lider at manggagawa ang lahat ng makakaya nila para limitahan ang iba’t ibang masamang gawa ng mga anticristo na nanlilihis at kumokontrol sa hinirang na mga tao ng Diyos, sa halip na patuloy na bigyang-layaw ang mga anticristo. Dapat nilang limitahan ang oras ng pagsasalita ng mga anticristo at ang mga paksang tinatalakay ng mga ito. Dagdag pa rito, tungkol sa mga kilos ng mga anticristo sa publiko man at sa pribado, tulad ng paggamit ng maliliit na pabor para pumanig sa kanila ang mga tao, paghahasik ng alitan, pagpapakalat ng mga kuru-kuro at mga negatibong komento, at iba pa, ang mga lider at manggagawa ay hindi dapat kumilos na parang sila ay bingi o bulag. Dapat agad nilang arukin ang mga kilos ng mga anticristo; kapag natuklasan nila ang mga ugaling nakakalihis at nakakagulo sa iba, dapat agad nilang ilantad at himayin ang mga pag-uugaling ito at magpataw ng mga limitasyon sa mga anticristo, na hindi sila tulutan na maglibot at manlihis ng mga tao at manggulo sa gawain ng iglesia. Isa ba ito sa mahahalagang gampanin na kailangang gawin ng mga lider at manggagawa? (Oo.) Kaya mo bang limitahan ang masasamang gawa ng mga anticristo sa pamamagitan lang ng pagpupungos, paglalantad, at paghihimay sa kanila? (Hindi.) Hindi mo sila kayang limitahan sa ganitong paraan dahil mga Satanas at masasamang diyablo sila. Hangga’t hindi nakagapos ang mga kamay at paa nila, at hindi nakakandado ang bibig nila, magpapakalat sila ng mga panlilinlang at magsasabi sila ng mga maladiyablong salita na nakakagulo sa mga tao. Dapat agad na umaksiyon ang mga lider at manggagawa para limitahan sila; lalo na kapag nagpapakalat sila ng mga panlilinlang para ilihis at guluhin ang mga tao, dapat na maagap na pigilan at hadlangan ng mga lider at manggagawa ang mga anticristo. Dapat ding bigyang-kakayahan ng mga lider at manggagawa ang hinirang na mga tao ng Diyos na magkaroon ng pagkilatis at malinaw na makita ang tunay na mukha ng mga anticristo. Ito ang aktuwal na gawaing dapat gawin ng mga lider at manggagawa.
V. Pagsusubaybay
Pagkatapos limitahan ang mga anticristo, ang susunod naman ay ang pagsubaybay sa kanila. Tingnan kung sino ang nailihis ng mga anticristo at kung anong mga panlilinlang at mga maladiyablong salita ang ipinakalat nila habang walang nakakakita, suriin kung pumapanig sila sa malaking pulang dragon at kung kumikilos sila nang naaayon dito, kung nakipag-alyado na ba sila sa relihiyosong mundo, kung lihim ba silang nagmamanipula kasama ang mga kasabwat nila, kung magkakanulo ba sila ng ilang mahalagang impormasyon tungkol sa sambahayan ng Diyos, at iba pa. Isa rin itong responsabilidad na dapat tuparin ng mga lider at manggagawa. Bago mailantad ang mga kilos ng mga anticristo, ang mga lider at manggagawa ay hindi dapat “ganap na ginugugol ang sarili sa pag-aaral ng mga aklat ng mga pantas at hindi nagbibigay-pansin sa mga panlabas na usapin,” bagkus ay dapat silang maging kasingtalino ng mga ahas. Kapag nadiskubre ng mga lider at manggagawa na isang anticristo ang isang tao, kung hindi pa dumarating ang oras para paalisin at patalsikin ang taong iyon, dapat mahigpit nilang subaybayan ang taong ito para pigilan ito na patuloy na gumawa ng kasamaan, na tinitiyak na ang mga salita at kilos nito ay nasusubaybayan ng hinirang na mga tao ng Diyos. Dahil mahilig ang mga anticristo sa kapangyarihan at pakikipag-ugnayan sa mga makapangyarihang tao, dapat bantayang mabuti ng mga lider at manggagawa kung sino ang palaging nakakaugnayan ng mga anticristo kapag walang nakakakita at kung nakikipag-usap ba ang mga ito sa mga relihiyosong tao. Ang ilang anticristo ay madalas na nakikisalamuha sa mga relihiyosong pastor at elder, at ang ilan ay nakikisalamuha pa nga sa mga taga-United Front Work Department. Kapag nangyayari ang gayong mga insidente, hindi dapat magbulag-bulagan ang mga lider at manggagawa rito, bagkus ay dapat silang maging mapagmatyag laban sa mga anticristo at maging mapagbantay. Kapag nakita ng isang anticristo na ang mga paraan ng panlilihis at pang-aakit sa mga tao na pumanig sa kanila ay hindi gumagana sa sambahayan ng Diyos at na nalantad na ang masasamang gawa nila, at alam nilang hindi maganda ang kauuwian nila, hindi mo mahuhulaan kung ano ang maaari nilang gawin o kung hanggang saan maaaring umabot ang kasamaan nila. Samakatwid, kapag nakakatiyak ka na sa puso mo na isang anticristo ang isang tao, dapat subaybayan mo siyang mabuti at bantayan siya nang walang humpay. Responsabilidad mo ito. Ano ang layon ng paggawa nito? Ito ay para protektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos, at para pigilan, sa abot ng makakaya, ang mga anticristo sa paggawa ng mga maling gawa laban sa iglesia at sa mga kapatid, na makakapinsala sa mga kapatid. May ilang anticristo na palaging nagtatanong tungkol sa mga handog: “Sino ang namamahala ng pera ng sambahayan ng Diyos? Sino ang nag-aasikaso ng mga account? Tumpak bang natatala ang mga account? Posible bang may nagaganap na pagwawaldas? Saan nakatago ang pera ng iglesia? Hindi ba’t dapat na gawing publiko ang mga bagay na ito, para mabigyan ang lahat ng karapatang malaman ang tungkol sa mga ito? Gaano karami ang ari-arian ng sambahayan ng Diyos? Sino ang may pinakamalaking donasyon? Bakit hindi ko alam ang mga bagay na ito?” Mula sa kanilang mga salita, tila nagmamalasakit sila sa mga pinansiyal na usapin ng sambahayan ng Diyos, pero ang totoo, may iba silang motibo. Wala ni isang anticristo na hindi nag-iimbot ng pera. Kaya ano ang dapat gawin ng mga lider at manggagawa sa gayong mga kaso? Una, dapat mong pamahalaan nang wasto ang mga handog, ipagkatiwala ang mga ito sa pangangalaga ng mga mapagkakatiwalaang tao, at hinding-hindi mo dapat hayaan ang mga anticristo na magtagumpay sa pagkamit ng mga pakay nila—hindi dapat maging magulo ang isip mo sa puntong ito. Sa sandaling lumitaw ang ganitong uri ng sitwasyon, dapat mong mapagtanto: “May mali. May gagawin ang anticristo. Pinupuntirya niya ang pera ng iglesia. Maaaring nagpaplano siyang makipag-alyado sa malaking pulang dragon para bumuo ng mga plano para kuhain ang pera ng iglesia. Kailangan nating mailipat ito agad!” Sa isang banda, hindi mo puwedeng hayaang malaman ng mga anticristo kung sino ang namamahala sa mga pananalapi ng sambahayan ng Diyos. Dagdag pa rito, kung nararamdaman ng mga taong namamahala sa pera na may panganib sa seguridad, dapat agad na mailipat kapwa ang pera at ang mga taong namamahala rito. Hindi ba’t isa itong bagay na dapat alalahanin ng mga lider at manggagawa, at ang gawaing dapat nilang gampanan? (Oo.) Sa kabaligtaran, naririnig ng mga hangal na lider na sinasabi ng mga anticristo ang mga bagay na ito pero iniisip nila, “Nagdadala ng pasanin ang taong ito at alam niya kung paano magpakita ng malasakit sa pera ng sambahayan ng Diyos, kaya bigyan natin siya ng ilang responsabilidad at hayaan siyang tumulong sa pag-a-account.” Sa paggawa nito, hindi ba’t naging mga Hudas na sila? (Oo.) Bukod sa nabigo silang protektahan ang mga handog, ipinagkanulo pa nila ang mga ito sa mga anticristo, kaya talagang nagiging mga Hudas sila. Ano ang tingin mo sa mga lider at manggagawang ito? Hindi ba’t masasamang tao sila? Hindi ba’t mga diyablo sila? Bukod sa nabigo silang tuparin ang mga responsabilidad nila, ipinasa rin nila sa mga anticristo ang mga handog sa Diyos at ang mga kapatid. Samakatwid, sa mga lugar kung saan may mga anticristo, kapag natuklasan ng mga lider at manggagawa ang anumang pahiwatig nito, dapat silang magsimula ng imbestigasyon at gumawa ng ilang partikular na gawain, kung saan ang gawain ng “pagsusubaybay” ay hindi puwedeng mawala.
Ang gawain ng pagsusubaybay na isinasagawa ng mga lider at manggagawa ay hindi tungkol sa pagsasagawa ng pag-eespiya o anumang aktibidad na nagmamanman; tungkol lang ito sa pagtupad sa responsabilidad mo, pagiging mas mapag-alala, mas pagmamasid nang maingat, at pagtatala sa kung ano ang ginagawa ng mga anticristo at kung ano ang balak nilang gawin. Kung makatuklas ka ng anumang palatandaang gumagawa sila ng kasamaan at na ginugulo nila ang iglesia, dapat kang gumawa ng mga kontra-hakbang sa lalong madaling panahon; hinding-hindi mo sila puwedeng tulutan na magtagumpay. Ito ay paghadlang, sa abot ng makakaya, sa mga insidenteng dulot ng mga anticristo na nakakagulo sa gawain ng iglesia. Natural na napapangalagaan din nito ang gawain ng iglesia at napoprotektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos. Isa itong pagpapamalas ng mga lider at manggagawang tumutupad sa mga responsabilidad nila. Ang pagsusubaybay ay hindi nangangahulugan ng pagsasaayos ng ilang tao na kumilos bilang mga espiya, at inuutusan silang sundan, buntutan, at manmanan ang mga tao na parang mga espiya, o paghahalughog sa bahay ng mga ito at paggamit ng matitinding pamamaraan ng interogasyon. Hindi nakikisangkot ang sambahayan ng Diyos sa gayong mga aktibidad. Gayumpaman, dapat agad mong maunawaan ang sitwasyon ng mga anticristo. Puwede kang magtanong tungkol sa sitwasyon nila kamakailan sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa mga kapamilya nila o sa mga kapatid na nakakakilatis sa kanila o kaya ay pamilyar sa kanila. Hindi ba’t lahat ng ito ay mga pamamaraan at gawi para sa paggawa ng gawaing ito? Kung ginagampanan ng mga lider at manggagawa ang mga gampaning nasa saklaw ng mga responsabilidad nila at tumutugon sa mga prinsipyong hinihingi ng Diyos, tinutupad nila ang mga responsabilidad nila. Ano ang layon ng mga lider at manggagawang tumutupad sa mga responsabilidad nila? Ito ay para gawin mo ang lahat ng kaya mo para pigilan ang mga anticristo na magdulot ng mga pagkagambala at kaguluhan sa abot ng makakaya, at sa gayon ay mapigilan ang mga anticristo na mapinsala ang hinirang na mga tao ng Diyos at ipagkanulo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ito ang responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Hindi ba’t napipigilan nito ang paglitaw ng mga insidente ng anticristo sa abot ng makakaya? Hindi ba’t ang mga lider at manggagawa na gumagawa ng mga kilos na ito ay ginagawa ang lahat ng posible para sa tao? (Oo.) Mahirap bang gawin ito? (Hindi.) Hindi ito mahirap; isa itong bagay na kayang makamit ng mga nakakaunawa sa katotohanan. Kung ano ang kayang makamit ng mga tao, dapat nilang gawin ang lahat ng magagawa nila para maisakatuparan ito; ang lahat ng iba ay ang Diyos na ang gagawa, para gamitan Niya ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, pamatnugutan, at gabayan. Ito ang pinakahindi natin inaalala. Nasa likod natin ang Diyos. Bukod sa nasa puso natin ang Diyos, may tunay na pananalig din tayo. Hindi ito espirituwal na pagsuporta; sa katunayan, hindi man nakikitang naririyan ang Diyos, nasa piling Siya ng mga tao, palaging kasama nila. Sa tuwing gumagawa ng anumang bagay ang mga tao o gumagawa ng anumang tungkulin, nanonood Siya; naroon Siya para tulungan ka sa anumang oras at saanmang lugar, inaalagaan at pinoprotektahan ka. Ang dapat gawin ng mga tao ay gawin ang pinakamakakaya nila para isakatuparan ang dapat nilang isakatuparan. Hangga’t may kamalayan ka, nakadarama sa puso mo, nakakakita sa mga salita ng Diyos, napapaalalahanan ng mga tao sa paligid mo, o nabibigyan ng anumang tanda o pahiwatig ng Diyos na nagbibigay sa iyo ng impormasyon—na isa itong bagay na dapat mong gawin, na ito ang atas ng Diyos sa iyo—kung gayon, dapat mong tuparin ang responsabilidad mo at hindi lang basta umupo sa isang tabi o manood sa gilid. Hindi ka isang robot; may utak at mga kaisipan ka. Kapag may nangyayari, alam na alam mo ang dapat mong gawin, at tiyak na mayroon kang mga damdamin at kamalayan. Kaya ilapat mo ang mga damdamin at kamalayang ito sa mga aktuwal na sitwasyon, isabuhay at gawin mong mga kilos ang mga ito, at sa ganitong paraan, matutupad mo ang responsabilidad mo. Para sa mga bagay na maaari kang magkaroon ng kamalayan, dapat kang magsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyong nauunawaan mo. Sa ganitong paraan, ginagawa mo ang pinakamakakaya mo at nagsisikap ka nang husto para gawin ang tungkulin mo. Bilang isang lider o manggagawa, kapag nagsisikap ka nang husto, ibig sabihin, kapag pinipigilan mo ang masasamang gawa ng mga anticristo sa abot ng makakaya mo, malulugod ang Diyos na kaya mong magsagawa sa ganitong paraan. Bakit malulugod ang Diyos? Tutukuyin ng Diyos ang gayong mga lider at manggagawa: Tinutupad nila ang mga responsabilidad nila at nagsisikap sila nang husto para gampanan ang gawaing likas sa papel nila. Pagsang-ayon ba ito ng Diyos? (Oo.)
VI. Pagpapatalsik
Ang ikalabintatlong responsabilidad ng mga lider at manggagawa ay kinabibilangan ng mga partikular na gampaning kailangan nilang isagawa, at ang ilan sa mga ito ay inilista natin: Dapat nilang isagawa ang paglalantad, pagpupungos, paghihimay, paglilimita, at pagsusubaybay sa mga anticristo. Tapos na ang pagbabahagi tungkol sa mga pangunahing prinsipyong ito. Anuman ang mga partikular na aksiyong ginagawa ng mga lider at manggagawa sa mga espesyal na sitwasyon, nananatiling hindi nagbabago ang mga prinsipyo sa pangangasiwa sa mga anticristo. Bukod dito, ang pangunahing layon ng mga gampaning ito ay ang protektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos. Ipagpalagay nang nagkaisa na ang hinirang na mga tao ng Diyos na kilalanin ang isang tao bilang isang anticristo, at nakilatis at lubos nilang natukoy na ang anticristo ay palaging naghahangad na ilihis at kontrolin ang mga tao; alam nila na hangga’t nariyan ang anticristo, walang magiging maayos na araw o mabuting buhay iglesia, at nagkakaisa ang lahat na igiit na paalisin ang anticristo sa iglesia. Sa ganitong mga sitwasyon, itinataguyod pa rin ng ilang lider at manggagawa na panatilihin ang anticristo para gamitin bilang pagsasanay para sa pagsasagawa ng paglalantad, pagpupungos, paghihimay, paglilimita, at pagsusubaybay—kailangan pa bang dumaan sa mga prosesong ito? Maaaring sabihin ng ilang lider at manggagawa, “Kung hindi tayo daraan sa mga prosesong ito, hindi ba’t pinapabayaan ko ang mga responsabilidad ko? Sa pamamagitan lang ng pagdaan sa mga prosesong ito nabibigyang-diin ang papel ko bilang lider. Kailangan kong isagawa ang gawaing ito. Sumasang-ayon man ang mga kapatid o hindi, kailangang hayaan ko munang manatili ang anticristo. Ilalantad ko muna siya, pagkatapos ay pupungusan at hihimayin ko siya, at hahayaan ko ang mga kapatid na higit pang kumpirmahin na isa nga siyang anticristo. Kapag sumasang-ayon na ang lahat, saka natin siya papaalisin o papatalsikin. Hindi ba’t magiging mas epektibo ito?” Bilang resulta, sa panahong ito, muling nagpapakalat ng mga kuru-kuro ang anticristo para muling ilihis ang mga tao at guluhin ang gawain ng iglesia, na nagdudulot ng pangamba sa lahat, ayaw pa ngang dumalo ng ilan sa mga pagtitipon. Para ipakita ang determinasyon nila at patunayang hindi nila pinapabayaan ang mga responsabilidad nila, ang mga lider at manggagawang ito ay paimbabaw na iniraraos lang ang mga bagay-bagay at pinapatagal ang gawain. Dahil dito, gumagawa sila ng maraming bagay na hindi naman kinakailangan, ginugulo nila ang kaayusan ng buhay iglesia, at sinasayang nila ang mahalagang oras ng hinirang na mga tao ng Diyos sa paghahangad sa katotohanan, at pagkatapos ay saka lang nila pinapaalis ang anticristo. Katanggap-tanggap ba ang pamamaraang ito? (Hindi.) Ano ang mali rito? (Pagsunod lang ito sa mga regulasyon at pagraos lang ng mga bagay-bagay.) Ano ang layon ng mga lider at manggagawa sa paggawa ng mga gawaing ito? (Para protektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos.) Kaya, kung hindi pa nakikilatis ng ilang tao ang anticristo at medyo malapit pa rin ang loob nila rito, at kapag nagpasya ang mga lider at manggagawa na patalsikin sa iglesia ang anticristo, nagagalit ang ilang tao, sinasabing ang sambahayan ng Diyos ay hindi mapagmahal o patas sa mga tao, walang mga prinsipyo sa paggawa nito ng mga bagay, at iba pa, at maging ang ilang taong magulo ang isip ay nalilihis at naiimpluwensiyahan ng anticristo at gusto nilang sumunod sa anticristo palabas ng iglesia—ano ang dapat gawin sa sitwasyong ito? Sa panahong ito, kailangang gumawa ng mga lider at manggagawa ng ilang mahalagang gawain, tulad ng pagsasagawa ng pagpupungos sa anticristo at paggamit ng mga salita ng Diyos para ilantad at himayin ang anticristo para praktikal na matuto ng mga aral ang mga kapatid at sa huli ay makilatis nila ang anticristo. Isang araw, sasabihin nila, “Labis na kasuklam-suklam ang taong ito. Isa nga siyang masamang tao at isang anticristo. Alisin na natin siya agad!” Hindi lang ito boses ng isang tao kundi boses ng maraming kapatid. Sa ganitong kaso, kailangan pa bang gawin ang gawain ng paglilimita at pagsusubaybay sa anticristo? Hindi, patalsikin na lang siya nang direkta. Ang mga lider at manggagawang umabot sa ganitong antas sa gawain nila ay nakamit na ang resulta ng pagprotekta sa hinirang na mga tao ng Diyos mula sa pamiminsala ng mga anticristo. Ano ang pinapatunayan nito? Sa isang aspekto, pinapatunayan nito na ang mga kapatid sa iglesiang ito ay may pagkilatis, kakayahan, at pagpapahalaga sa katarungan. Sa isa pang aspekto, maaaring may kakayahan ang mga lider at manggagawa na gumawa ng aktuwal na gawain, o maaaring masyadong lantad ang mga kilos ng anticristong ito, masyadong masama at masyadong buktot ang pagkatao niya, na pumupukaw sa galit ng publiko, at siya mismo ang sumisira sa sarili niyang kinabukasan, na nagliligtas sa mga lider at manggagawa mula sa maraming proseso ng pangangasiwa sa kanya. Hindi ba’t nakakatipid ito ng malaking pagsisikap? Sa gayong sitwasyon, isang mabuting bagay ang pagpapaalis o pagpapatalsik sa kanya, hindi ba? Bukod dito, ang gawain na kailangang gawin ng mga lider at manggagawa ay malawak at hindi limitado sa iisang gampaning ito. Iniisip mo bang ang pagpapatalsik sa anticristo ang katapusan nito? Na ganap mo nang nagawa nang matagumpay ang lahat? Malayo ka pa! May iba ka pang gawaing kailangang gawin. Bukod sa pangangasiwa sa mga anticristo at pagprotekta sa hinirang na mga tao ng Diyos mula sa pamiminsala ng mga anticristo, may responsabilidad din ang mga lider at manggagawa na akayin ang hinirang na mga tao ng Diyos sa realidad ng mga salita ng Diyos, na akayin silang lutasin ang mga tiwaling disposisyon nila, at akayin silang lutasin ang mga disposisyon nila ng mga anticristo, kasama ng marami pang ibang mahahalagang gampanin. Gayumpaman, kung lilitaw ang isang anticristo habang ginagawa ang mga gampaning ito, nagiging pangunahing priyoridad ang pangangasiwa sa anticristo. Dapat munang ilantad at pangasiwaan ang anticristo, at pagbahaginan din ang iba pang mga aspekto ng katotohanan. Kung lilitaw ang panggugulo ng anticristo at nagiging napakahirap na para magpatuloy ang iba pang gawain, at nahahadlangan at napapakialaman ang gawaing iyon at lubhang nakakaapekto ang anticristo sa paglago ng buhay ng mga kapatid, sa kaayusan ng buhay iglesia, at sa kapaligiran para sa paggawa ng mga tungkulin, siyempre, kailangang tugunan muna ang pinakamalaking panganib at ugat ng sakuna. Pagkatapos mapaalis at mapangasiwaan ang anticristo ay saka lang makakapagpatuloy nang normal at maayos ang ibang gawain. Kaya, kung lilitaw ang isang anticristo sa isang iglesia at agad siyang makikilatis ng mga kapatid pagkatapos lang ng maikling panahon at magkakaisa sila sa pagsasabi, “Lumayas ka, anticristo!” hindi ba’t nakakatipid ito ng maraming pagsisikap para sa mga lider at manggagawa? Hindi ba’t dapat kang lihim na matuwa? Maaaring sabihin mo, “Nag-alala ako na hindi ko magagawang limitahan ang anticristong ito, ang diyablong ito. Nag-alala rin ako na malilihis at lubhang mapapahamak niya ang ilang kapatid, at na masyadong maliit ang sarili kong tayog para ilantad ang diwa ng anticristo, para lubusang himayin ang mga usaping ito, at para lutasin ang problemang ito.” Ngayon, hindi na kailangang mag-alala. Sa isang pahayag na ito ng mga kapatid, nalutas na ang isyu, at nawala na ang “pasanin” ng mga lider at manggagawa. Napakaganda nito! Dapat kang magpasalamat sa Diyos; biyaya ito ng Diyos! Malamang na nangyayari ang ganitong bagay sa iglesia, dahil marami nang natalakay tungkol sa paksa ng paglalantad sa mga anticristo, at dahil hindi naman labis na mas mababa ang mga kapatid kaysa sa mga lider at manggagawa, gaya ng maaaring inaakala mo. Sa ilalim ng patnubay ng mga salita ng Diyos, may kaunting abilidad din silang arukin nang mag-isa ang katotohanan at lutasin ang mga problema. Kapag nagkaisa silang bumoto at patalsikin ang isang anticristo, isa itong mabuting bagay, isang mabuting pangyayari! Ang mga lider at manggagawa ay hindi kailangang malungkot, madismaya, o maging negatibo tungkol dito. Matapos paalisin ang mga hadlang na ito, ang mga anticristo, ang bawat hakbang ng susunod na gawain ay nananatiling isang matinding pagsubok para sa mga lider at manggagawa. Ang bawat gampaning kailangan nilang gawin ay may kinalaman sa mga responsabilidad at mga isyu nila tungkol sa kanilang kakayahan at kapabilidad sa gawain.