Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (21) Unang Seksiyon
Paano Tukuyin ang mga Anticristo Mula sa mga Taong May Disposisyon ng mga Anticristo
Pagtutukoy sa Kanila Batay sa mga Saloobin Nila sa Katotohanan
Ngayon, ipagpapatuloy natin ang pagbabahagi tungkol sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Bago pormal na simulan ang pagbabahaginan, magbalik-aral tayo sa isa sa mga paksa tungkol sa mga anticristo na naibahagi noong nakaraan: paano tukuyin ang mga tao na may disposisyon ng mga anticristo mula sa mga taong may diwa ng mga anticristo, at ano ang mga pagkakaiba sa pagitan ng dalawang uri ng mga taong ito. Una, pagbabahaginan natin kung paano kilatisin ang mga anticristo; hindi ito sobrang mahirap. Una sa lahat, dapat malinaw mong makita kung ano ang mga halata at natatanging pagpapamalas na ipinapakita ng mga anticristo, para matukoy mo agad ang isang tunay na anticristo, matukoy na siya ay tiyak na hindi isang taong may disposisyon lang ng mga anticristo o isang taong lumalakad sa landas ng mga anticristo. Sa ganitong paraan, magkakaroon ka ng pagkilatis sa mga anticristo at hindi ka na nila malilihis, masisilo, at makokontrol. Ngayon, ang pinakamahalagang bagay ay ang matukoy ang mga halatang pagkakaiba sa pagitan ng mga taong may kalikasang diwa ng mga anticristo at ng mga may disposisyon ng mga anticristo. Para makilatis ang dalawang uri ng mga taong ito, dapat mo munang arukin ang mga pangunahin nilang katangian. Naaarok lang ng ilang tao ang mga pagbubunyag ng katiwalian ng mga anticristo sa pang-araw-araw na buhay, tulad ng mga tendensiya nilang igiit ang katayuan nila at sermunan ang iba, pero hindi makilatis ng mga taong ito ang kalikasang diwa ng mga anticristo. Ayos lang ba ito? (Hindi.) May mga nagsasabi rin na ang mga pinakaprominenteng pagpapamalas ng mga anticristo ay ang kanilang kayabangan at kapalaluan, at inilalarawan nila ang lahat ng mayabang at palalong tao bilang mga anticristo. Tama ba ito? (Hindi.) Bakit hindi ito tama? Dahil ang kayabangan at kapalaluan ay hindi ang mga pinakaprominenteng pagpapamalas ng mga anticristo; ang mga ito ay mga tiwaling disposisyon na mayroon ang lahat ng tiwaling tao. Ang lahat ng tao ay may mayabang at palalong disposisyon, kaya isang malaking pagkakamali na ilarawan ang lahat ng mayabang at palalong tao bilang mga anticristo. Kaya, anong mga pagpapamalas ang mahahalagang pagpapamalas ng mga anticristo, na makapagpapalinaw agad sa mahahalagang pagkakaiba sa pagitan ng mga anticristo at ng mga taong may disposisyon ng mga anticristo, at makakapagbigay-kakayahan sa isang tao na makilatis na magkaiba ang mga diwa ng dalawang uri ng mga taong ito, at na dapat tratuhin nang magkaiba ang gayong mga tao? Sa mga partikular na aspekto, tulad ng mga kilos, pag-uugali, at disposisyon, may mga pagkakatulad at pagkakahawig ba ang dalawang uri ng mga taong ito? (Mayroon.) Kung hindi mo pagmamasdang mabuti, tutukuyin nang seryoso, o kung wala ka sa puso mo ng tumpak na pagkaunawa at pagkilatis sa disposisyon at diwa ng dalawang uri ng mga taong ito, napakadaling tratuhin ang mga ito na parang sila ay magkaparehong uri. Baka nga mapagkamalan mo pa na isang taong may disposisyon ng mga anticristo ang isang anticristo o na isang anticristo ang isang taong may disposisyon ng mga anticristo, ibig sabihin, madaling makagawa ng ganitong uri ng mga maling paghusga. Kaya, ano ang mga pangunahing katangian at pagkakaiba sa pagitan ng dalawang uri ng mga taong ito na magbibigay-kakayahan sa isang tao na tukuyin nang may matibay na ebidensiya kung sino ang anticristo at sino ang taong may disposisyon ng mga anticristo? Dapat maging pamilyar kayo sa paksang ito, kaya pakinggan natin ang mga ideya ninyo. (Ang isang aspektong ginagamit para tukuyin ang mga anticristo mula sa mga taong may disposisyon ng mga anticristo ay sa pamamagitan ng saloobin nila sa katotohanan; ang isa pa ay sa pamamagitan ng pagkatao nila. Sa saloobin nila sa katotohanan, namumuhi ang mga anticristo sa katotohanan at hinding-hindi nila ito tinatanggap. Kahit gaano karaming masamang gawa ang ginagawa nila na nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan, at paano ka man makipagbahaginan sa kanila o paano mo man sila pungusan, hindi nila ito kinikilala at matigas silang tumatangging magsisi. Ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo ay puwede ring makagawa ng mga maling bagay kapag hindi nila nauunawaan ang katotohanan o kapag hindi nila naaarok ang mga prinsipyo, pero kapag pinupungusan sila, kaya nilang tanggapin ang katotohanan, pagnilayan at kilalanin ang sarili nila, at kaya nilang makaramdam ng pagsisisi at magbago. Mula sa perspektiba ng saloobin nila sa katotohanan, ang diwa ng mga anticristo ay na namumuhi sila sa katotohanan, habang ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo ay kayang tanggapin ang katotohanan. Mula sa perspektiba ng pagkatao nila, ang mga anticristo ay masasamang tao na walang pakiramdam ng konsensiya o pakiramdam ng kahihiyan, samantala, ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo ay may pakiramdam ng konsensiya at pakiramdam ng kahihiyan.) Dalawang katangian ang nabanggit mo; napagbahaginan na ba dati ang nilalamang ito? Itinuturing ba ang mga ito na mga halatang katangian? (Oo.) Ganap na magkaiba ang mga saloobin sa katotohanan ng mga anticristo at ng mga taong may disposisyon ng mga anticristo. Isa itong napakahalagang punto, at isa itong pagpapamalas na may mga halatang katangian. Tutol sa katotohanan ang mga anticristo at hinding-hindi nila ito tinatanggap. Mas gugustuhin pa nilang mamatay kaysa aminin na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan. Gaano ka man makipagbahaginan tungkol sa katotohanan, sa loob-loob nila ay nilalabanan nila ito at tutol sila rito. Maaaring sa loob-loob nila ay sumpain, kutyain, at kasuklaman ka pa nila, tinatrato ka nang may paghamak. Mapanlaban ang mga anticristo sa katotohanan; isa itong halatang katangian. At ano ang mga katangian ng mga taong may disposisyon ng mga anticristo? Para maging tumpak at obhetibo, ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo pero may kaunting konsensiya at katwiran ay kayang baguhin ang mga kuru-kuro nila at tanggapin ang katotohanan sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan sa kanila ng iba tungkol sa katotohanan. Kung pupungusan sila, magagawa rin nilang magpasakop. Ibig sabihin, hangga’t ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo ay sinserong nananampalataya sa Diyos, karamihan sa kanila ay kayang tanggapin ang katotohanan sa magkakaibang antas. Sa pagbubuod, ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo ay kayang tanggapin ang katotohanan at magpasakop sa pamamagitan ng gayong mga pamamaraan tulad ng pagbabasa nila mismo ng mga salita ng Diyos, pagtanggap sa pagdidisiplina at pagliliwanag ng Diyos, o sa pagpupungos, pagtulong, at pagsuporta ng mga kapatid. Isa itong halatang katangian. Gayumpaman, naiiba ang mga anticristo. Sinuman ang makipagbahaginan sa katotohanan, hindi sila nakikinig o nagpapasakop. May iisa lang silang saloobin: Mas gugustuhin pa nilang mamatay kaysa tanggapin ang katotohanan. Paano mo man sila pungusan, wala itong silbi. Kahit na malinaw kang makipagbahaginan sa katotohanan sa abot ng makakaya mo, hindi nila ito tinatanggap; sa loob-loob nila ay nilalabanan pa nga nila ito at tutol sila rito. Makakapagpasakop ba sa Diyos ang isang taong may gayong disposisyon na namumuhi sa katotohanan? Tiyak na hindi. Samakatwid, ang mga anticristo ay mga kaaway ng Diyos, at sila ay mga taong hindi na matutubos.
Pagtutukoy sa Kanila Batay sa Pagkatao Nila
Kanina lang, nabanggit din ninyo ang isa pang katangian para sa pagtutukoy sa mga anticristo mula sa mga taong may disposisyon ng mga anticristo, na mula sa perspektiba ng pagkatao. Sino ang gustong makipagbahaginan nang kaunti pa tungkol sa katangiang ito? (Ang mga anticristo ay may partikular na mapaminsalang pagkatao; kaya nilang supilin at pahirapan ang mga tao, at gaano man karaming kasamaan ang gawin nila, hindi sila marunong magsisi.) Tama iyan, ang pangunahing katangian ng mga anticristo ay ang kanilang mapaminsalang pagkatao, kawalan ng kahihiyan, at kawalan ng konsensiya at katwiran. Gaano man karaming masasamang gawa ang gawin nila sa iglesia o gaano man kalaking pinsala ang idinudulot nila sa gawain ng iglesia, hindi nila iniisip na kahiya-hiya ito, ni hindi nila nakikita ang sarili nila bilang makasalanan. Inilalantad man sila ng sambahayan ng Diyos o pinupungusan man sila ng mga kapatid, hindi sila nababagabag, at hindi nila nararamdaman na sinasaway sila o hindi sila nadidismaya. Ito ang pagpapamalas ng mga anticristo sa usapin ng pagkatao. Ang pangunahin nilang mga katangian ay ang kawalan ng konsensiya at katwiran, at kawalan ng kahihiyan, at sukdulang malupit na disposisyon. Hinuhusgahan at pinapahirapan nila ang sinumang kumakanti sa mga interes nila, at napakatindi ng pagnanais nila na maghiganti, wala silang pinapalampas, maski ang sarili nilang mga kamag-anak. Ganito kalupit ang mga anticristo. Sa kabilang banda, ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo, kahit gaano kalaki ang katiwaliang ibinubunyag nila, ay hindi naman awtomatikong masasamang tao. Anuman ang kanilang mga pagkukulang o kahinaan sa pagkatao nila, anumang mga pagkakamali ang maaari nilang gawin, o sa anumang aspekto sila maaaring mabigo at madapa, kaya nilang pagnilayan ang sarili nila at matuto ng mga aral pagkatapos. Kapag nahaharap sila sa pagpupungos, kaya nilang aminin ang mga pagkakamali nila at makaramdam ng pagsisisi; at kapag pinupuna at inilalantad sila ng mga kapatid—kahit na subukan nilang ipagtanggol nang kaunti ang sarili nila at maging hindi sila handang kilalanin ito sa oras na iyon—ang totoo, kinilala na nila ang pagkakamali nila sa kanilang puso at nagpasakop na. Pinapatunayan nito na kaya pa rin nilang tanggapin ang katotohanan at puwede pa rin silang magbago. Kapag nakakagawa sila ng mga pagkakamali o kapag nahaharap sila sa anumang problema, gumagana pa rin ang konsensiya at katwiran nila; may kamalayan sila, hindi sila manhid o walang pakiramdam, o matigas ang kalooban at tumatangging aminin ang mga bagay. Dagdag pa rito, bagama’t ang ganitong uri ng tao ay may disposisyon ng mga anticristo, medyo may empatiya siya at medyo mas mabait siya. Kapag nahaharap siya sa iba’t ibang usapin, ang katangiang ipinapakita niya sa usapin ng pagkatao ay mailalarawan—sa pinakaangkop at madaling maunawaang paraan—bilang medyo makatwiran. Kung mahigpit na mapungusan, sa pinakamalala ay puwede siyang makaramdam ng kaunting sama ng loob sa puso niya, pero kung titingnan ito mula sa pagpapamalas ng pagkatao niya, makikita na marunong pa rin siyang mahiya, na nasusumbatan pa rin siya ng konsensiya niya, at na may partikular na mapagpigil na epekto ang katwiran niya. Kung nagdudulot siya ng mga kawalan sa mga interes ng sambahayan ng Diyos o nagdudulot ng pinsala sa sinumang kapatid, palagi siyang nababagabag sa loob-loob niya at pakiramdam niya ay nabigo niya ang Diyos. Ang mga pagpapamalas na ito ay nabubunyag sa magkakaibang antas ng mga taong may disposisyon ng mga anticristo. Kahit na hindi sila agad na bumawi o gumawa ng mga tamang pagpili at magsagawa nang tama pagkatapos mangyari ang mga bagay-bagay, ang mga taong ito ay may pakiramdam pa rin ng kamalayan sa puso nila. Sinusumbatan sila ng konsensiya nila; alam nilang mali ang ginawa nila at na hindi sila dapat kumilos uli nang ganoon, at nararamdaman din nila na hindi sila mabuting tao—nang hindi masyadong pansin, maaari silang magkaroon ng lahat ng damdaming ito. Dagdag pa rito, sa paglipas ng panahon, magbabago ang kalagayan nila, at magkakaroon sila ng tunay na pagbabago. Makakaramdam sila ng matinding pagsisisi, nanghihinayang na hindi sila gumawa ng mga tamang pagpili o nagsagawa nang tama sa umpisa. Ang mga pagpapamalas na ito ang mismong mga pinakakaraniwan at pinakaordinaryong pagpapamalas ng mga tiwaling tao. Gayumpaman, iyong mga anticristo ay natatangi; hindi sila mga tao kundi mga diyablo. Kahit gaano katagal na panahon ang lumipas matapos nilang makagawa ng kasamaan o magkasala, hindi man lang sila nagsisisi; nananatiling matigas ang ulo nila, at nagpupumilit sila hanggang sa huli. Ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo ay kayang magpasakop kapag nahaharap sila sa ordinaryong pagpupungos. Kapag nahaharap naman sa mahigpit na pagpupungos, maaari silang makipagtalo, maaaring ikaila nila ang mga bagay, at tumangging tanggapin ito sa oras na iyon, pero kalaunan ay nagagawa nilang pagnilayan at kilalanin ang sarili nila, at nakakaramdam sila ng pagsisisi at nagbabago sila. Kahit na may mangutya at manghusga sa kanila na wala silang pagkatao, maaaring masaktan ang puso nila pero hindi sila lalaban o hindi nila tatratuhin ang taong iyon bilang isang kaaway. Kaya rin nilang maunawaan ang taong iyon, iniisip nila, “Sarili ko lang ang masisisi ko sa paggawa ng pagkakamaling iyon; paano man ako tratuhin ng iba ay hindi hihigit sa nararapat sa akin.” Ang mga pagpapamalas na ito ay nabubunyag sa magkakaibang antas sa iba’t ibang tao. Sa madaling salita, ang mga pagbubunyag na ito ay ang mga normal at natural na pagpapamalas ng mga taong may disposisyon ng mga anticristo, ng mga taong may mga tiwaling disposisyon, at dito sila malinaw na naiiba sa mga anticristo. Sa pamamagitan ng iba’t ibang pagpapamalas ng dalawang kalagayang ito, nagiging malinaw kaagad kung sino bang mga indibidwal ang masasamang tao at mga anticristo, at kung sinong mga tao ang may disposisyon lang ng mga anticristo pero hindi masasamang tao.
Pagtutukoy sa Kanila Batay sa Kung Tunay Ba Silang Nagsisisi o Hindi
Kakabanggit lang ng dalawang aspekto ng mga pagkakaiba sa pagitan ng mga anticristo at ng mga taong may disposisyon ng mga anticristo: Ang unang aspekto ay ang saloobin nila sa katotohanan; ang saloobin ng mga tao sa katotohanan ay ang saloobin nila sa Diyos. Sa aspektong ito, may malinaw na pagkakaiba sa pagitan ng dalawang uri ng mga taong ito. Ikalawa, sa usapin ng pagkatao, may malinaw ring mahalagang pagkakaiba ang dalawang uri ng mga taong ito. Halatang-halata ang dalawang katangiang ito; ganap silang magkaibang uri ng mga tao. Maliban sa dalawang pagkakaibang ito, ang isa pang aspekto ay kung mayroon bang anumang pagpapamalas ng pagsisisi pagkatapos na gumawa ng kasamaan. Sa kaso ng mga anticristo, anumang masamang gawa ang ginagawa nila—pinapahirapan man nila ang mga tao, nagtatatag man sila ng mga nagsasariling kaharian, nakikipag-agawan sa Diyos para sa katayuan, nagnanakaw ng mga handog, o iba pa—kahit na direkta silang malantad, hindi nila inaamin ang mga gawang ito. Kung hindi nila aaminin ang mga gawang ito, magagawa ba nilang magsisi? Mas gugustuhin pa nilang mamatay kaysa magsisi. Hindi nila tinatanggap ang mga katunayan ng masasamang gawa nila. Kahit na mapagtanto nila na lubos na tumpak ang paglalantad sa kanila, nilalabanan at kinokontra nila ito. Hinding-hindi sila magninilay sa kung nasa maling landas ba sila, o hindi nila sasabihin, “Inilalarawan ako bilang isang anticristo. Napakamapanganib nito, at kailangan kong magsisi.” Tiyak na wala silang ganitong mga uri ng pag-iisip sa isipan nila. Walang ganitong mga katangian ang pagkatao nila. Samakatwid, may halatang katangian ang mga anticristo: Kahit ilang taon na silang nananampalataya sa Diyos, hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan at wala silang ipinapakitang tunay na pagbabago. Noong una silang magsimulang manampalataya sa Diyos, gusto nilang mamukod-tangi sa karamihan, makipag-agawan para sa kapangyarihan at pakinabang, pahirapan ang mga tao, at bumuo ng mga paksiyon at hatiin ang iglesia. Ang layon nila sa pagsubok na humawak ng kapangyarihan ay ang maging palamunin ng iglesia at magtatag ng nagsasariling kaharian. Matapos manampalataya sa loob ng tatlo o limang taon, kapag nakita mo silang muli, ipinapakita pa rin nila ang mga parehong pagpapamalas at katangiang ito nang walang anumang pagbabago. Kahit matapos ang walo o sampung taon, hindi sila nagbabago. Sinasabi ng ilang tao, “Marahil ay magbabago sila matapos ang 20 taon ng pananampalataya!” Kaya ba nilang magbago? (Hindi.) Hindi sila magbabago. Ipinapakita nila ang mga parehong pagpapamalas na ito nakikisalamuha man sila sa ilang indibidwal o sa karamihan, gumagawa man sila ng mga ordinaryong tungkulin o kumikilos bilang mga lider o manggagawa. Hindi sila kailanman nagsisisi o nagbabago, nagpapatuloy sila sa parehong landas hanggang sa huli. Hinding-hindi sila magsisisi. Ganito ang mga anticristo. Tungkol naman sa mga taong may disposisyon ng mga anticristo, kahit na ang ilan ay hindi masasamang tao, may mga tiwaling disposisyon din sila. Nagbubunyag sila ng kayabangan, pagkamapanlinlang, pagkamakasarili, pagiging mababa, at iba pang uri ng katiwalian. Nagpapakita rin sila ng mababang pagkatao. Noong una silang magsimulang manampalataya sa Diyos, gusto rin nilang makipag-agawan para sa kasikatan at pakinabang, mamukod-tangi para makuha ang paghanga ng mga tao, at may mga ambisyon at pagnanais sila na maging mga lider at humawak ng kapangyarihan. Ang mga pagpapamalas na ito ay umiiral sa magkakaibang antas sa mga tiwaling tao at hindi masyadong naiiba sa mga anticristo. Gayumpaman, sa proseso ng pananampalataya sa Diyos, nauunawaan nila ang ilang katotohanan sa pamamagitan ng pagdanas ng paghatol at paglalantad ng mga salita ng Diyos, at nababawasan nang nababawasan ang pagbubunyag nila sa mga tiwaling disposisyong ito. Bakit nababawasan nang nababawasan ang pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyong ito? Dahil pagkatapos maunawaan ang katotohanan, napagtatanto nila na ang mga pag-uugali at pagpapamalas na ito ay mga pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon. Sa puntong ito lang nagkakaroon ng kamalayan ang konsensiya nila, at nakikita nilang malalim ang pagkatiwali nila at na wala nga talaga silang wangis ng isang tao. Pagkatapos, nagiging handa na silang hangarin ang katotohanan at pinag-iisipan nila kung paano iwaksi ang mga tiwaling disposisyong ito, at kung paano sila makakalaya mula sa pagkakagapos ng mga ito, at maging isang taong naghahangad at nagsasagawa sa katotohanan. Ano ang pagpapamalas na ito? Hindi ba’t ito ay unti-unting pagsisisi? (Oo.) Sa proseso ng pagdanas sa gawain ng Diyos, natutuklasan nila ang sarili nilang mga problema, natutukoy nila ang mga tiwali nilang disposisyon, at nauunawaan nila ang iba’t iba nilang kalagayan. Nauunawaan din nila ang pagkataong diwa nila, at mas lumalakas ang kamalayan ng konsensiya nila; mas nararamdaman nila na labis silang tiwali at hindi sila angkop sa paggamit ng Diyos at na karapat-dapat sila sa pagkasuklam ng Diyos, at napopoot sila sa sarili nila sa loob-loob. Nang hindi namamalayan, unti-unti silang nagsisisi sa kaibuturan ng puso nila, at dahil sa pagsisising ito, nagaganap ang ilang maliit na pagbabago, maliliit na pagbabago na makikita sa pag-uugali nila. Halimbawa, noong una, kapag may naglalantad ng mga problema nila, naghihinanakit sila, nagagalit sila dahil sa kahihiyan, at sinusubukan nilang magpaliwanag at pangatwiranan ang sarili nila, nagsisikap sila nang husto para makahanap ng iba’t ibang palusot at dahilan para ipagtanggol ang sarili nila. Gayumpaman, sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na mga karanasan, napagtatanto nila na mali ang pag-uugaling ito at nagsisimula silang baguhin ang kalagayan at pag-uugaling ito, nagsisikap silang tanggapin ang mga tamang pananaw, nagsisikap na makipagtulungan nang matiwasay sa iba. Kapag may mga nangyayari sa kanila, natututo silang maghanap at makipagbahaginan sa iba, at natututo silang makipag-usap nang mula sa puso at makasundo nang maayos ang iba. Mga pagpapamalas ba ang mga ito ng pagsisisi? (Oo.) Matapos manampalataya sa Diyos, unti-unti silang nagkakamit ng tunay na pagkaunawa sa ilang disposisyon, pag-uugali at pagpapamalas ng mga anticristo na ibinubunyag nila. Pagkatapos, unti-unti nilang iwinawaksi ang mga tiwaling disposisyon nila, at nagagawa nilang talikuran ang mga dati nilang maling gawi ng pamumuhay, at isinusuko nila ang paghahangad sa kasikatan at katayuan, at nagagawa nilang kumilos, umasal, at gumawa ng tungkulin nila nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Paano nakakamit ang gayong pagbabago? Nakakamit ba ito sa pamamagitan ng pagtanggap sa katotohanan at patuloy na pagtutuwid sa sarili nila at pagsisisi? (Oo.) Ang lahat ng bagay na ito ay nakakamit sa proseso ng tuloy-tuloy na pagbabago. Pagkatapos, tiyak na umuunlad ang kalagayan nila, lumalago rin ang tayog nila habang lumalalim ang mga karanasan nila, at kapag nangyayari ang mga bagay sa kanila, nagagawa nilang pagnilayan ang sarili nila. Nahaharap man sila sa mga problema o pagkabigo, o pinupungusan man sila, dinadala nila ang mga usaping ito sa harap ng Diyos at nagdarasal sila sa Kanya, at nagagawa rin nilang iugnay, himayin, at unawain ang tiwali nilang kalagayan habang binabasa ang mga salita ng Diyos. Bagama’t maaaring magbunyag pa rin sila ng katiwalian at makabuo ng mga maling kaisipan kapag may mga nangyayari sa kanila, nagagawa nilang magnilay at maghimagsik laban sa sarili nila. Hangga’t namamalayan nila ang mga usaping ito, nagagawa nilang patuloy na hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga ito at magsagawa ng pagsisisi. Bagama’t napakabagal ng pag-usad na ito, at kakaunti ang mga resulta, patuloy silang nagbabago sa kaibuturan ng puso nila. Ang ganitong uri ng mga tao ay palaging nagpapanatili ng aktibo, positibo, ganadong saloobin at kalagayan ng pagtutuwid sa sarili nila at pagsisisi. Bagama’t minsan ay nakikipag-agawan sila sa iba para sa kasikatan at katayuan at nagbubunyag sila ng ilang pagpapamalas at kilos ng mga anticristo sa magkakaibang antas, matapos maranasan ang ilang pagpupungos, paghatol, at pagkastigo, o pagdidisiplina ng Diyos, ang mga tiwaling disposisyong ito ay naiwawaksi at nababago sa magkakaibang antas. Ang pinakaugat ng pagkakamit ng mga resultang ito ay na kaya ng ganitong uri ng tao, sa kaibuturan ng puso niya, na pagnilayan at unawain ang mga tiwaling disposisyon niya at ang mga maling landas na natahak niya, at kaya niyang ituwid ang sarili niya. Bagama’t napakaliit ng mga pagbabago, paglago, at mga pakinabang mula sa pagtutuwid niya sa sarili, at napakabagal ng pag-usad, hanggang sa puntong kahit siya mismo ay hindi makapansin, pagkatapos ng tatlo hanggang limang taon ng gayong mga karanasan, nakakaramdam siya ng ilang pagbabago sa sarili niya, at nakikita rin ito ng mga nasa paligid niya. Ano’t anuman, may pagkakaiba sa pagitan ng mga taong may disposisyon ng mga anticristo at iyong mga anticristo. Ano ang pangunahing katangian sa aspektong ito? (Ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo ay nagagawang magsisi.) Kapag may ginagawa silang mali, kapag gumagawa sila ng pagsalangsang, o nahaharap sila sa pagpupungos, paghatol at pagkastigo, pagtutuwid o pagdidisiplina, kaya nilang magsisi. Kahit kapag napagtanto nila na may nagawa silang hindi wasto o nagkamali sila, kaya nilang pagnilayan ang sarili nila at magkaroon ng saloobin ng pagtutuwid sa sarili nila at pagsisisi sa puso nila. Isa itong natatanging pagkakaiba na ganap na nag-iiba sa mga taong may disposisyon ng mga anticristo mula sa mga anticristo.
Isang Pagbubuod sa mga Pagkakaiba sa Pagitan ng mga Anticristo at ng mga Taong May Disposisyon ng mga Anticristo
Mga buhay na Satanas ang mga anticristo. Masasabing namumuhay sila bilang mga Satanas; mga diyablo at mga Satanas sila na nakikita ng mga tao. Kaya, ibuod natin ang mahahalagang pagkakaiba sa pagitan ng mga anticristo at ng mga taong may disposisyon ng mga anticristo. Ang isang aspekto ay ang saloobin nila sa katotohanan. Hinding-hindi tinatanggap ng mga anticristo ang katotohanan. Bagama’t kaya nilang aminin sa salita na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, at mga positibong bagay, at mga salitang kapaki-pakinabang sa mga tao, at ang pamantayan para sa lahat ng positibong bagay, at na ang mga tao ay dapat tanggapin, magpasakop at isagawa ang mga ito—bagama’t kaya nilang sabihin ang lahat ng ito—hinding-hindi nila kayang isagawa ang mga salita ng Diyos. Bakit hindi nila isinasagawa ang mga ito? Dahil hindi nila tinatanggap ang katotohanan sa puso nila. Sinasabi ng bibig nila na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, pero para sa ganap na ibang motibo: Sinasabi nila ito para pagtakpan ang katunayang hindi nila tinatanggap ang katotohanan at para ilihis ang mga tao. Hindi dahil nakakapagsalita ang mga anticristo ng mga salita at doktrina ay nangangahulugan na itong kinikilala nila sa puso nila na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan. Hindi nila maisagawa ang katotohanan dahil pangunahing hindi nila tinatanggap ang katotohanan ng mga salita ng Diyos sa puso nila; ayaw nilang tanggapin ang katotohanan at isagawa ito para makapasok sa katotohanang realidad. Sa kabilang banda, ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo ay hindi awtomatikong mga anticristo. Sa magkakaibang antas, kaya ng ilan sa kanila na tumanggap at magpasakop sa katotohanan, at sa mga positibong bagay, at sa mga tamang salita—isang pagkakaiba ito. Ang mga taong may diwa ng mga anticristo ay mapanlaban sa katotohanan, at tinatalikuran nila ito, pero ang ilang tao na may disposisyon ng mga anticristo ay kayang tanggapin at isagawa ang katotohanan. Sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, at sa pamamagitan ng ilang taon na pagdanas sa gawain ng Diyos, maaaring medyo magbago ang saloobin nila sa katotohanan. Nararamdaman nila sa kaibuturan ng puso nila na bagama’t hindi nila ito kayang isagawa, ang katotohanan ay mabuti at tama. Sadyang hindi nila minamahal ang katotohanan o hindi sila masyadong interesado rito, kaya kailangan ng kaunting pagsisikap at paghihirap ang pagsasagawa nito. Kaya, ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo pero may kaunting konsensiya at katwiran ay kayang tanggapin ang katotohanan sa magkakaibang antas. Sa pinakamababa, sa kaibuturan ng puso nila, hindi sila lumalaban o tumatanggi sa katotohanan, at hindi sila tutol sa katotohanan. Karamihan ng tao ay nasa ganitong uri ng kalagayan at nagpapakita ng ganitong uri ng pagpapamalas patungkol sa katotohanan. Ang ganitong paraan ng paglalarawan sa gayong mga tao ay hindi nakakapagpaganda ni nakakapagpasama sa kanila. Napaka-obhetibo nito, hindi ba? (Oo.) Ang isa pang aspekto ay ang tukuyin sila mula sa perspektiba ng pagkatao, ibig sabihin, tukuyin sila batay sa konsensiya, katwiran, at sa kabutihan o kasamaan ng pagkatao nila. Ang sinumang may masamang pagkatao, hindi tumatanggap sa katotohanan, at partikular na tutol sa katotohanan ay tiyak na isang hindi mananampalataya o isang anticristo. Ang ilang tao ay partikular na hindi nagmamahal sa katotohanan at hindi interesado rito. Kapag nagbabahagi ang iba tungkol sa katotohanan, inaantok sila at hindi mapakali. Gayumpaman, ang ganitong uri ng mga tao ay hindi masama ang pagkatao at hindi nila pinapahirapan ang iba. Kung magbabahagi ka tungkol sa mga layunin ng Diyos, sa mga katotohanang prinsipyo, o sa mga tuntunin ng sambahayan ng Diyos, kaya nilang makinig at handa silang tanggapin ang katotohanan at pagsumikapan ito, pero maaaring hindi tiyak na maisagawa nila ang katotohanan. Kung magiging lider sila, maaaring hindi ka nila maakay na maunawaan ang katotohanan o hindi ka nila madala sa harap ng Diyos, pero hinding-hindi ka nila pahihirapan. Ito ang pagkatao ng mga taong may disposisyon ng mga anticristo. Ano’t anuman, ang pagkatao ng mga taong may disposisyon ng mga anticristo ay hindi ganoon kasama; kaya nilang tanggapin ang katotohanan sa magkakaibang antas. Sa kabaligtaran, bukod sa walang konsensiya at katwiran ang mga anticristo, sukdulan din ang kalupitan ng pagkatao nila. Ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo ay may pakiramdam ng konsensiya, at kaunting katwiran, at kaya nilang pangasiwaan ang ilang usapin nang makatwiran. Halimbawa, sa usapin ng kung paano mamili at kung kanino papanig sa pangangasiwa ng mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos, sa pangangasiwa sa iba’t ibang tao sa iglesia, at sa pangangasiwa sa mga positibo at negatibong bagay, kaya nilang tukuyin ang mga ito at ang iba pang gayong mga usapin at sa huli, nagagawa nilang pumili nang tama batay sa konsensiya nila. Ang ganitong uri ng mga tao ay walang gayong masamang pagkatao at medyo mabuti ang puso nila. May isa pang pagkakaiba, isang pagkakaiba na kakatapos lang nating pagbahaginan, iyon ay na may ilang tao na may disposisyon ng mga anticristo na kayang tanggapin ang katotohanan, at kapag may nagagawa silang mali, nagagawa nila itong pagnilayan at nagkakaroon sila ng nagsisising puso. Sa kabaligtaran, hinding-hindi ipinapakita ng mga anticristo ang dalawang pagpapamalas na ito. Matigas ang ulo nila at hindi sila nagbabago dahil tutol sila sa katotohanan, hindi nila tinatanggap ang katotohanan, at sukdulan ang kalupitan ng pagkatao nila. Imposible para sa ganitong uri ng mga tao na ituwid ang sarili nila at magkamit ng pagsisisi. Kung magagawa man ng isang tao na tunay na magsisi ay pangunahing nakasalalay sa kung may konsensiya at katwiran siya, at sa saloobin niya sa katotohanan. Ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo, dahil wala silang masamang pagkatao, ay may kaunting konsensiya at katwiran, at kaya nilang tumanggap ng ilang katotohanan sa magkakaibang antas, may potensiyal silang maituwid ang sarili nila. Kapag nakakagawa sila ng mga pagkakamali o ng mga pagsalangsang, nagagawa nilang magsisi matapos na mapungusan. Tinutukoy nito na ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo ay may pag-asang maligtas, samantalang ang mga anticristo ay hindi na matutubos; sila ay sa mga kauri ng mga diyablo at ni Satanas. Ang mahahalagang pagkakaiba sa pagitan ng mga anticristo at ng mga taong may disposisyon ng mga anticristo ay ang ilang katangiang ito. Napaka-obhetibo ba ng pagbubuod na ito? (Oo.) Tungkol sa ilang katangiang ito ng mga anticristo, ang mga detalyadong pagpapamalas na pinagbahaginan natin ay obhetibo at naaayon sa mga katunayan, nang walang anumang elemento ng pagpapasama. Naranasan at nasaksihan ito ng lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos; sadyang ganito ang mga anticristo. Para naman sa mga tao na may disposisyon ng mga anticristo, inilantad din natin ang iba’t ibang pagpapamalas, na kung saan lahat ay nakikita ng mga tao at tumutugma sa mga katunayan, nang walang anumang pagpapabango.
Ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo ay maraming depekto at kapintasan sa pagkatao nila, at nagbubunyag din sila ng iba’t ibang tiwaling disposisyon sa magkakaibang antas. Ang mga tiwaling disposisyong ito ay may ilang halatang natatanging pagpapamalas sa lahat ng tao. Halimbawa, ang ilang tao ay partikular na mayabang, ang ilan ay partikular na mapagkalkula at mapanlinlang, ang ilan ay partikular na matigas ang kalooban, ang ilan ay partikular na tamad, at iba pa. Ang mga pagpapahayag na ito ay ang mga pagpapamalas ng mga taong may disposisyon ng mga anticristo, at ang mga ito ang mga katangian ng pagkatao ng gayong mga tao. Bagama’t may kaunting kabutihan ang mga taong ito sa puso nila—sa madaling salita, medyo mabuti ang puso nila—kapag nahaharap sa mga usapin, malinaw nilang nakikita na napipinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, pero dahil takot silang mapasama ang loob ng iba, nagiging tulad sila ng isang pagong na nagtatago sa talukab nito, namumuhay ayon sa pilosopiya ni Satanas at ayaw itaguyod ang mga katotohanang prinsipyo. Bagama’t sa kaibuturan nila ay nararamdaman nila na hindi sila dapat kumilos sa ganitong paraan at na hindi nila tinatrato nang tama ang Diyos sa pagkilos nila sa ganitong paraan, hindi pa rin nila mapigilang piliing maging mapagpalugod ng mga tao. Bakit ganito? Dahil naniniwala sila na para mamuhay at manatiling buhay, dapat silang umasa sa pilosopiya ni Satanas, at sa ganitong paraan lang nila mapoprotektahan ang sarili nila. Samakatwid, pinipili nilang maging mapagpalugod ng mga tao at hindi nila isinasagawa ang katotohanan. Sa puso nila, nararamdaman nila na sa pamamagitan ng pagkilos sa ganitong paraan, wala silang konsensiya at walang pagkatao; hindi sila tao at mas masahol pa sila kaysa sa isang asong bantay. Gayumpaman, pagkatapos sawayin ang sarili nila, kapag nahaharap sila sa isa pang sitwasyon, hindi pa rin sila nagsisisi at ganoon pa rin ang ikinikilos nila. Palagi silang mahina at palagi silang nakokonsensiya. Ano ang pinapatunayan nito? Pinapatunayan nito na bagama’t ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo ay hindi naman mismong mga anticristo, may mga problema at kakulangan nga ang pagkatao nila, kaya tiyak na nagbubunyag sila ng maraming katiwalian. Kung titingnan ang mga pangkalahatang pagpapamalas ng gayong tao, ganap na isa siyang taong nananatiling hindi nagbabago sa pagiging labis na natiwali ni Satanas; siya mismo ang tinutukoy ng Diyos bilang supling ni Satanas. Paano nagiging mas mabuti ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo kaysa sa mga anticristo? Para maging tumpak, bagama’t ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo pero walang diwa ng mga anticristo ay nagbubunyag ng iba’t ibang tiwaling disposisyon ni Satanas, tiyak na hindi sila masasamang tao. Ang sitwasyon nila ay katulad ng tipikal na sinasabi tungkol sa kung paanong ang isang tao ay hindi taksil at masama ni mabuting tao; sadyang sinsero siyang nananampalataya sa Diyos, handa siyang magsisi, at kaya niyang tanggapin ang katotohanan matapos na mapungusan, na may kaunting pagpapasakop. Bagama’t hindi siya masamang tao at may pag-asa pa ring maligtas ng Diyos, malayo pa rin siya sa pamantayan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaang binabanggit ng Diyos! Ang ilang tao ay tatlo hanggang limang taon nang nananampalataya sa Diyos at may ilan nang pagbabago at pag-usad. May ilang tao na walo hanggang sampung taon nang nananampalataya sa Diyos pero wala silang anumang pag-usad. Ang ilang tao pa nga ay 20 taon nang nananampalataya sa Diyos nang walang anumang malaking pagbabago; katulad pa rin sila ng dati. Matigas pa rin nilang pinanghahawakan ang mga kuru-kuro nila. Pero dahil nakarinig na sila ng mga salita ng Diyos at napipigilan sila ng iba’t ibang tuntunin at regulasyon ng sambahayan ng Diyos, kaya wala silang nagawang malalaking pagkakamali, walang nagawang masasamang gawa na nagdulot ng malulubhang kawalan sa sambahayan ng Diyos, at hindi sila nagdulot ng malalaking sakuna. Ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo ay tiyak na hindi lahat maliligtas ng Diyos sa huli. Karamihan sa kanila ay malamang na mga trabahador, at ang ilan sa kanila ay tiyak na matitiwalag. Ano’t anuman, bagama’t hindi sila masasamang tao, sila ay mga taong may mababang pagkatao. Tiyak na hindi magiging pareho ang mga kalalabasan at hantungan nila. Lahat ng ito ay nakasalalay sa kung kaya nilang tanggapin ang katotohanan at kung paano nila pinipili ang mga landas nila. Sinasabi ng ilang tao, “May kontradiksyon ang mga salita Mo. Hindi ba’t sinabi Mo na kayang ituwid ng mga taong ito ang sarili nila at kaya nilang magsisi?” Ang ibig Kong sabihin ay na ang mga taong ito, sa mga partikular na konteksto at sa iba’t ibang kapaligiran, ay kayang tanggapin ang katotohanan sa magkakaibang antas. Ano ang ibig sabihin ng “magkakaibang antas”? Ibig sabihin nito, may kaunting pagbabago ang ilang tao pagkatapos nilang manampalataya sa Diyos sa loob ng tatlo hanggang limang taon, at malaking pagbabago naman sa loob ng 10 hanggang 20 taon. Ang ilang tao na 10 hanggang 20 taon nang nananampalataya sa Diyos ay pareho pa rin tulad noong nagsisimula pa lang silang manampalataya, palaging sumisigaw, “Dapat akong magsisi, dapat kong suklian ang pagmamahal ng Diyos!” pero sa aktuwal ay hindi sila nagbabago. Dahil lang sa may pakiramdam sila ng konsensiya kaya may ganito silang kahilingan sa puso nila at handa silang ituwid ang sarili nila at magsisi. Gayumpaman, ang pagiging handa ay hindi katumbas ng kakayahang isagawa ang katotohanan, ni hindi ito katumbas ng pagpasok sa realidad. Ang pagiging handa ay simpleng hindi paglaban sa katotohanan, hindi pagiging tutol sa katotohanan, hindi lantarang paninira sa katotohanan, hindi lantarang paghusga, pagkondena, o paglapastangan sa Diyos—itong mga pagpapamalas lang na ito. Pero hindi ito nangangahulugan ng kakayahang tunay na magpasakop at tumanggap at magsagawa sa katotohanan, ni hindi ito nangangahulugan ng kakayahang maghimagsik laban sa laman at sa mga sariling pagnanais. Isa ba itong obhetibong katunayan? (Oo.) Ganito ito mismo. Ang pagkakaroon ng konsensiya at katwiran at kaunting nagsisising puso sa pagkatao ng isang tao ay hindi nangangahulugan na walang tiwaling disposisyon ang isang tao. Ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo, sa esensya, ay iba sa mga anticristo, pero hindi ito nangangahulugan na sila ay mga taong kayang tumanggap at magpasakop sa katotohanan. Ni hindi ito nangangahulugan na sila ay mga taong may katotohanang realidad, o na sila ay mga taong minamahal ng Diyos. May mahahalagang pagkakaiba sa pagitan ng dalawang aspektong ito; ganap na magkaiba ang mga ito. Ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo ay tiyak na mas mabuti sa usapin ng pagkatao, sa saloobin nila sa katotohanan, at sa antas ng pagsisisi nila kumpara sa mga anticristo. Gayumpaman, ang pamantayan kung saan sinusukat ng Diyos ang mga tao ay hindi batay sa kung paano sila naiiba sa mga anticristo; hindi ito ang pamantayan. Sinusukat ng Diyos ang pagkatao ng isang tao, kung mayroon ba itong konsensiya o katwiran, kung minamahal o tinatanggap ba nito ang katotohanan, kung ginagawa ba nito nang tapat ang mga tungkulin nito, kung nagpapasakop ba ito sa Diyos, at kung kaya ba nitong matamo ang katotohanan at magkamit ng kaligtasan. Ang mga ito ang mga pamantayan kung saan sinusukat ng Diyos ang mga tao. Naglatag ang Diyos ng iba’t ibang hinihingi para sa mga may disposisyon ng mga anticristo. Ginagamit ng Diyos ang mga hinihinging ito para sukatin ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo nang may layong iligtas ang mga ito. Pagkatapos marinig na maipaliwanag ito sa ganitong paraan, nauunawaan mo na ito, tama ba? Una, dapat maging malinaw sa iyo na kahit gaano karaming disposisyon ng anticristo ang mayroon ka, hangga’t kaya mong tanggapin ang katotohanan, hindi ka isang anticristo. Bagama’t hindi ka isang anticristo, hindi ito nangangahulugan na isa kang taong nagpapasakop sa Diyos. Ang hindi pagkasuklam sa katotohanan o hindi pagtutol sa katotohanan ay hindi nangangahulugan na isa kang taong nagsasagawa at nagpapasakop sa katotohanan. Ang pagkakaroon ng kaunting konsensiya at katwiran, pagiging may medyo mabuting puso, at pagkakaroon ng mas mabuting pagkatao kaysa sa mga anticristo ay hindi awtomatikong nangangahulugan na isa kang mabuting tao. Ang pamantayan sa pagsukat kung mabuti o masama ang isang tao ay hindi nakabatay sa pagkatao ng mga anticristo. Gaano man karaming masamang bagay ang gawin ng mga anticristo, hindi nila kailanman inaamin ang mga ito ni hindi sila kailanman nagsisisi, bagkus ay patuloy silang kumikilos sa parehong paraan; hindi nila kailanman itinutuwid ang sarili nila, at kinokontra nila ang Diyos hanggang sa huli. Bagama’t ang ilang taong may disposisyon ng mga anticristo ay sinserong gustong ituwid ang sarili nila at magsisi, ang pagtutuwid sa sarili nila nang kaunti ay hindi nangangahulugan na may tunay silang pagsisisi. Ang pagkakaroon ng kapasyahang magsisi ay hindi nangangahulugan ng pagkakaroon ng kakayahang maunawaan ang katotohanan, matamo ang katotohanan, at magkamit ng buhay.
Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ako isang anticristo, kaya mas mabuti ako kaysa sa mga anticristo at hindi ako kasingtiwali ng mga anticristo.” Tama ba ang mga salitang ito? Isa ba itong baluktot na pagkaunawa? (Oo.) Ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo ay pareho sa mga anticristo sa tiwaling disposisyon nila, pero magkaiba ang kalikasang diwa nila. Pag-isipan ito—tama ba ang pahayag na ito? (Oo.) Kung gayon, ipaliwanag ito. (Ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo ay may mga tiwaling disposisyon tulad lang ng mga anticristo. Kapwa sila may mayabang at buktot na mga disposisyon, at kapwa nila hinahangad ang katayuan. Gayumpaman, magkaiba ang pagkataong diwa nila. Ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo ay may kaunting pakiramdam ng konsensiya, at kaya nilang tanggapin ang katotohanan sa magkakaibang antas. Hindi sila tutol sa katotohanan at hindi namumuhi sa katotohanan. Sa kabilang banda, ang mga taong may diwa ng mga anticristo ay may mapaminsalang pagkataong diwa. Wala silang pakiramdam ng konsensiya, at tutol sila sa katotohanan at namumuhi sa katotohanan. Hindi sila magsisisi.) May mga tiwaling disposisyon silang lahat, kaya bakit inilalarawan ng Diyos ang mga taong may diwa ng mga anticristo bilang mga anticristo at Kanyang mga kaaway? (Pangunahin itong nakabatay sa saloobin nila sa katotohanan. Tutol at namumuhi ang mga anticristo sa katotohanan, at sa katunayan, ang pagkamuhi sa katotohanan ay pagkamuhi sa Diyos.) May iba pa ba? (Ang diwa ng mga anticristo ay sa mga diyablo.) May pag-asa bang maligtas ang mga taong may diwa ng mga diyablo? (Wala.) Hinding-hindi tinatanggap ng mga taong ito ang katotohanan at hindi sila maliligtas. Yamang ang dalawang uri ng mga tao ay may mga tiwaling disposisyon, ano ang pagkakaiba sa pagitan ng mga puwedeng maligtas at sa mga hindi puwedeng maligtas? Sa usapin lang ng mga tiwaling disposisyon nila, magkapareho ang dalawang uri ng mga taong ito, kaya bakit hindi maliligtas ang mga anticristo, samantalang ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo pero walang diwa ng mga anticristo ay may kaunting pag-asa na maligtas? (Ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo ay hindi katulad ng mga anticristo, na napakamapanlaban sa katotohanan at sa mga positibong bagay. Bagama’t hindi nila partikular na minamahal ang katotohanan, hindi sila nasusuklam sa katotohanan at kaya nila itong tanggapin sa magkakaibang antas, unti-unti silang nagbabago. Higit pa rito, ang pagkatao nila ay may kaunting pakiramdam ng konsensiya, hindi tulad ng mga anticristo na walang pakiramdam ng kahihiyan.) Narito nakasalalay ang pag-asa na maligtas; ito ang mahalagang pagkakaiba. Batay sa diwa ng mga anticristo, ang ganitong uri ng tao ay hindi matutubos at walang pag-asang maligtas. Kahit na gusto mo siyang iligtas, hindi mo kaya; hindi niya kayang magbago. Hindi siya ordinaryong uri ng tao na may tiwaling disposisyon ni Satanas, bagkus ay isa siyang tao na may buhay diwa ng mga diyablo at ni Satanas. Ang ganitong uri ng tao ay hinding-hindi maliligtas. Sa kabaligtaran, ano ang diwa ng mga ordinaryong tao na may mga tiwaling disposisyon? May mga tiwaling disposisyon lang sila; gayumpaman, mayroon silang kaunting konsensiya at katwiran, at kaya nilang tumanggap ng ilang katotohanan. Ibig sabihin nito ay puwedeng magkaroon ng partikular na epekto ang katotohanan sa mga taong ito, nagbibigay sa kanila ng pag-asang maligtas. Ang ganitong uri ng tao ang inililigtas ng Diyos. Hinding-hindi maliligtas ang mga anticristo, pero puwede bang maligtas ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo? (Oo.) Kung sinasabi nating puwede silang maligtas, hindi ito obhetibo. Puwede lang nating sabihing may pag-asa silang maligtas—medyo obhetibo ito. Sa huli, kung maliligtas man ang isang tao ay nakasalalay sa indibidwal. Depende ito sa kung kaya niyang tunay na tanggapin ang katotohanan, isagawa ang katotohanan, at magpasakop sa katotohanan. Samakatwid, masasabi lang na ang ganitong uri ng tao ay may pag-asang maligtas. Kaya bakit walang pag-asang maligtas ang mga anticristo? Dahil mga anticristo sila; ang kalikasan nila ay kay Satanas. Mapanlaban sila sa katotohanan, namumuhi sila sa Diyos, at hinding-hindi nila tinatanggap ang katotohanan. Puwede pa rin ba silang iligtas ng Diyos? (Hindi.) Inililigtas ng Diyos ang mga tiwaling tao, hindi si Satanas at ang mga diyablo. Inililigtas ng Diyos iyong mga kayang tumanggap sa katotohanan, hindi ang mga basura na namumuhi sa katotohanan. Naging malinaw ba ito dahil dito? (Oo.) Nagbabahaginan tayo nang ganito para maiwasang magkaroon ng baluktot na pagkaunawa ang ilang tao. Pagkatapos pag-ibahin ang mga anticristo at ang mga taong may disposisyon ng mga anticristo, iniisip ng ilang tao na hindi sila mga anticristo at nangangahulugan ito na nasa ligtas na kalagayan na sila, na talagang nakapagtiyak na sila ng masisilungan para sa sarili nila at tiyak na hindi sila mapapaalis, mapapatalsik, o matitiwalag sa hinaharap. Isa ba itong baluktot na pagkaunawa? Ang pagkakaroon ng pag-asang maligtas ay hindi nangangahulugang maliligtas ang isang tao. Hinihingi pa rin ng pag-asang ito na maarok ito ng mga tao. Ang saloobin mo sa katotohanan ay iba sa saloobin ng mga anticristo. Hindi ka tutol sa katotohanan, o medyo mas mabuti ang pagkatao mo kaysa sa mga anticristo; may kaunti kang pakiramdam ng konsensiya, medyo mabuti ang puso mo, hindi mo pinipinsala ang iba, marunong kang magsisi kapag may nagagawa kang mali, at kaya mong ituwid ang sarili mo. Ang pagkakaroon lang ng kaunting katangiang ito ay nangangahulugang mayroon kang mga batayang kondisyon para tanggapin ang katotohanan, isagawa ang katotohanan, at makamit ang kaligtasan. Pero ang hindi pagiging anticristo ay hindi nangangahulugang maliligtas ka. Hindi ka isang anticristo, pero tiwaling tao ka pa rin. Puwede bang maligtas ang lahat ng tiwaling tao? Hindi awtomatiko. Kahit na ang isang tao ay hindi isang anticristo o masamang tao, hangga’t hindi niya hinahangad ang katotohanan, hindi pa rin siya maliligtas. Ang pagliligtas ng Diyos sa mga tao ay nakakamit sa pamamagitan ng kanilang pagtanggap at paghahangad sa katotohanan. Ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao ay antagonistiko sa Diyos. Hangga’t may mga tiwaling disposisyon sa isang tao, maaari pa rin siyang maghimagsik laban sa Diyos, sumuway sa Diyos, magkanulo sa Diyos, at iba pa. Samakatwid, kailangan nilang tanggapin ang paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, at mga pagpipino ng mga salita ng Diyos; kailangan nila ang panustos at paggabay ng mga salita ng Diyos, ang pagpupungos, pagdidisiplina, at pagpaparusa ng Diyos, at iba pa—wala sa gawaing ito na ginagawa ng Diyos ang maaaring magkulang. Samakatwid, para makamit ang kaligtasan, sa isang banda, kinakailangan ang gawain ng Diyos, at dagdag pa, kailangang magkaroon ang mga tao ng kapasyahang makipagtulungan. Kailangan nilang magawang magtiis ng paghihirap at magbayad ng halaga, na makapasok sa katotohanang realidad matapos na maunawaan ang katotohanan, at iba pa. Ito lang ang paraan para makamit ang pagliligtas ng Diyos ng mga huling araw, at para matanggap ang napakapambihirang pagpapala na magawang perpekto ng Diyos na nagkatawang-tao, sa batayan ng pagkaunawa sa katotohanan. Ganoon lang ito kasimple. Sige, tapusin na natin dito ang pagbabahaginan tungkol sa paksang ito.