Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (20) Ikaapat na Seksiyon
II. Hindi Pinapangasiwaan ng mga Huwad na Lider ang mga Taong Nanggagambala at Nanggugulo sa Gawain ng Iglesia Nang Ayon sa mga Prinsipyo
Tungkol sa ikalawang gampaning nakabalangkas sa ikalabindalawang responsabilidad ng mga lider at manggagawa, ilalantad at hihimayin natin ang mga pagpapamalas ng mga huwad na lider. Ang ikalawang gampanin ay na dapat gamitin ng mga lider at manggagawa ang mga katotohanang prinsipyo para agad na malutas ang mga isyu kapag natukoy na ang mga ito. Gayumpaman, wala ring kakayahan ang mga huwad na lider sa gampaning ito. Samakatwid, ang ikalawang pagpapamalas ng mga huwad na lider na hihimayin natin ay na hindi nila alam ang mga prinsipyo sa pangangasiwa sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakakagambala at nakakagulo sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng buhay iglesia. Kapag nakikilahok sa buhay iglesia ang mga huwad na lider, kinakain at iniinom nila ang mga salita ng Diyos at dinarasal-binabasa nila ang mga salita ng Diyos, pero hindi nila kailanman nauunawaan ang kahulugan ng mga salita ng Diyos, hindi nila kailanman naaarok ang mga prinsipyo ng lahat ng sinasabi ng Diyos, at hindi nila alam ang mga prinsipyo at pamantayang hinihingi ng Diyos sa iba’t ibang usapin. Lalo nitong pinatutunayan na ang mga huwad na lider ay walang abilidad na maarok ang katotohanan at na napakahina ng kakayahan nila. Sinasabi ng ilang tao, “Paano Mo nasasabing mahina ang kakayahan nila? Magaling silang magluto, magarang manamit, at kaaya-ayang magsalita kapag nakikisalamuha sa iba; gusto silang pakinggan ng lahat.” Maipapakita ba ng panlabas na anyo ng isang tao ang diwa niya? Ang kakayahan ba nilang magawa nang mahusay ang ilang panlabas na bagay ay nangangahulugang mahusay ang kakayahan nila? Para suriin, sukatin, at ilarawan ang anumang bagay, palaging kailangan ng tumpak na pamantayan. Para masukat ang kakayahan ng isang tao, ang pamantayan ay kung dalisay ang pagkaarok niya sa mga salita ng Diyos. Ang pagsasabing mahina ang kakayahan ng mga taong ito ay pangunahing tumutukoy sa kawalan nila ng abilidad na maarok ang katotohanan. Sinusukat natin ang kakayahan ng isang tao batay sa abilidad niyang maarok ang mga salita ng Diyos. Hindi ba’t napakaobhetibo at napakapatas nito? (Oo.) Bilang isang nilikha, kung hindi mo maunawaan ang mga salita ng Lumikha, anong kakayahan ang mayroon ka? Gumagana ba ang utak mo? Ang gayong tao ay walang kakayahan ng tao; napakahina ng kakayahan niya hanggang sa puntong hindi man lang niya maunawaan ang mga salita ng Diyos—makakamit ba ng gayong tao ang katotohanan bilang isang mananampalataya sa Diyos?
Ngayon, pagbabahaginan at hihimayin natin ang ikalawang pagpapamalas ng mga huwad na lider. Hindi alam ng mga huwad na lider kung paano pangasiwaan ang mga taong nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia at hindi nila kayang makilatis ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay. Sapat na ito para ipakita na ang mga huwad na lider ay may mahinang kakayahan, walang abilidad na maarok ang katotohanan, at walang kakayahan na maarok ang mga salita ng Diyos. Halimbawa, may isang tao na palaging tutol sa kung sinuman ang lider. Napapansin din ng mga huwad na lider na may problema ang taong ito at nadarama nila na tila isa itong masamang tao at anticristo. Nakakakita sila ng ilang pahiwatig tungkol sa mga bagay-bagay, na hindi na rin masyadong masama. Pero kung tatanungin mo sila, “Bakit mo nasabing tila isa siyang anticristo at masamang tao? May mga partikular bang pagpapamalas bilang ebidensiya? Matutukoy mo ba na isa siyang anticristo at masamang tao dahil lang sa palagi siyang tutol sa kung sinuman ang lider? Hindi iyon sapat para ilarawan siya sa ganitong paraan; usapin lang ito ng disposisyon, isang problema ng kayabangan at pag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba. May kalikasan ba siya ng isang anticristo? Isa ba siyang tao na tutol sa katotohanan at namumuhi sa katotohanan? Ginulo ba niya ang gawain ng iglesia? Kinondena ba niya ang lahat ng lider at manggagawa bilang mga huwad na lider at anticristo? Ginawa ba niya ang alinman sa mga ito?” tumutugon sila, “Parang oo.” Kung tatanungin mo pa, “Paano natin siya dapat ilarawan at harapin kung gayon?” sasabihin nila na hindi nila alam. Kung itatanong mo, “Para sa ganitong klase ng tao, dapat ba natin siyang bigyan ng mga babala, at ilantad siya para matulungan ang mga kapatid na magkamit ng pagkilatis?” hindi pa rin nila alam. Isa itong halimbawa ng pagiging walang kaalam-alam at kawalan ng kakayahang makilala ang anumang bagay. Kaya nilang mapansin ang ilang pahiwatig pero hindi nila alam kung paano ilarawan o pangasiwaan ang mga gayong tao nang ayon sa mga prinsipyo. Kaya ba nilang lutasin ang mga tunay na problema? Kaya ba nilang tulungan ang hinirang na mga tao ng Diyos na matuto ng mga aral? Dahil masasamang tao at mga anticristo ang mga gayong indibidwal, mapapatalsik sila sa malao’t madali. Gayumpaman, kung paaalisin o ihihiwalay mo sila bago pa man sila gumawa ng masasamang gawa, magpapahayag sila ng pagtutol, at hindi mauunawaan ng mga kapatid kung bakit mo ginawa iyon. Samakatwid, kailangang hayaan silang gumanap sa loob ng ilang panahon. Kapag mas nahahalata na ang masasamang gawa nila, at nagsisimula na silang magpakalat ng mga panlilinlang at walang batayang mga tsismis, nanlilihis at sinusubukan nilang makuha ang loob ng mga kapatid, nakikipag-agawan sa kapangyarihan at impluwensiya, nagtatatag ng isang nagsasariling kaharian, at sinusubukang sirain ang gawain ng iglesia, malinaw na matutukoy ng karamihan ng tao ang kalikasang diwa nila, at natural na magagawa nilang manindigan para ilantad, kilatisin, at tanggihan ang mga ito. Pagkatapos, maaari mo na silang paalisin at pangasiwaan ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ang ganitong paggawa lang ang makakatulong sa mga kapatid na magkaroon ng pagkilatis. Kaya ba ng mga huwad na lider na pangasiwaan at lutasin ang mga problema sa ganitong paraan? Walang ganitong kakayahan at karunungan ang mga huwad na lider. May nakikita ba kayong sinumang huwad na lider na agad na napapangasiwaan ang masasamang tao at mga anticristo? Wala kahit isa. Samakatwid, tiyak na hindi poprotektahan ng mga huwad na lider ang mga kapatid mula sa mga panggugulo ng masasamang tao at sa panlilihis ng mga anticristo. Bukod sa nabibigo ang karamihan ng huwad na lider na kilalanin ang sarili nila matapos silang matanggal, nagrereklamo rin sila nang husto, naghihimutok na hindi patas sa kanila ang sambahayan ng Diyos, sinasabi nila na ito ay katulad ng “pagpatay sa asno pagkatapos ibaba ang gilingan,” sinasabi nila na nagsikap sila pero hindi sila pinahalagahan at na inagrabyado sila. Kung ilalantad mo sila bilang mga huwad na lider, nananatili silang tutol, iniisip nila: “Naglingkod ako bilang lider sa loob ng ilang taon; kahit wala akong mga nakamit, nagtiis naman ako ng hirap kahit papaano. Bakit ako tinanggal? Ito ay parang pagpatay sa asno pagkatapos ibaba ang gilingan!” Kahit paano mo sila ilantad, nananatili silang tutol. Sinasabi pa nila, “Sa tuwing nakakatuklas ako ng isang anticristo, labis akong nababalisa na madalas akong nagkakaroon ng singaw sa bibig at hindi ako makatulog nang maayos. Paano ako magkakaroon ng gayong pasanin kung isa akong huwad na lider?” Wala silang ginawa sa anuman sa mga kinakailangang gawain, wala silang kakayahang gawin ang anuman sa mga ito, at ni hindi nila alam kung ano ang gagawin, pero nagagawa pa rin nilang hangaan ang sarili nila. Hindi ba’t nakakayamot ito? Napakakasuklam-suklam niyon!
Tungkol sa iba’t ibang problemang lumilitaw sa iglesia, malinaw na alam ng mga huwad na lider na ang mga ito ay may kalikasan ng paggambala at panggugulo sa gawain ng iglesia, pero binabalewala nila ang mga ito. Kapag nakakakita sila ng malinaw na mga problema, iniraraos lang nila ang mga bagay-bagay at hindi sila naglalakas-loob na ilantad ang kritikal na diwa ng mga isyu. Gumagawa lang sila ng mga pahiwatig at nagbibigay ng mga panghihikayat sa pamamagitan ng pangangaral ng doktrina nang hindi makabuluhang tinutugunan ang mga isyu, at iyon na iyon. Kapag nahaharap sa masasamang tao at mga anticristo, hindi nila alam ang gagawin, nagpapakita ng saloobin ng kawalang pakialam na para bang wala itong kinalaman sa kanila. Hindi nila alam ang pinakaangkop na paraan para tratuhin ang mga isyung ito, hindi nila alam kung ano ang sasabihin para lutasin ang mga problema, hindi nila alam kung paano protektahan ang mga kapatid, at wala silang anumang pasanin. Ang mayroon lang sila ay kaunting mabuting kalooban: “Alam ko na isa kang masamang tao. Hindi ko hahayaang guluhin at pinsalain mo ang mga kapatid. Habang ako ay nasa posisyong ito, dapat kong protektahan ang mga kapatid at tuparin ang responsabilidad ko hanggang sa huli.” Ano ang silbi nito? Nalutas mo ba ang problema? Habang abala ka sa pagiging balisa, mananatili bang walang ginagawa ang mga anticristo? Titigil ba sila sa panggugulo sa gawain ng iglesia? Kapag nakita nila na isa kang walang silbi at duwag na lider, isang taong walang kuwenta na walang karunungan at tiyak na walang kapabilidad sa gawain, hindi ka talaga nila seseryosohin. Labis na tuso at mapaminsala ang karamihan sa mga anticristo at masamang tao. Nililihis at ginugulo nila ang mga kapatid, at wala kang magawa para pigilan o limitahan sila. Hindi mo rin alam kung kanino hihingi ng tulong para lutasin ang mga isyu; nababalisa ka lang at hindi mapakali, at umiiyak habang nagdarasal. Labis kang kaawa-awang tingnan; parang labis mong isinasaalang-alang ang mga layunin ng Diyos at labis kang nagmamalasakit sa mga kapatid. Pero kahit ang mga halatang masamang tao tulad ng mga anticristo, hindi mo sila mapangasiwaan. Hindi mo mahimay ang mga kilos at asal ng mga anticristo nang ayon sa katotohanan, ni hindi mo kayang ilantad sa publiko ang mga intensiyon, motibo, at asal ng mga anticristo para matulungan ang mga kapatid na magkaroon ng pagkilatis. Hindi mo magawa ang alinman sa mga bagay na ito. Sinasabi pa ng ilang huwad na lider, “Walang dapat maglantad sa mga anticristo. Kung malalaman ng mga kapatid na mga anticristo ang mga ito at iiwasan ang mga ito, maghihiganti ang mga anticristo.” Hindi ba’t ito ay pagiging walang silbing duwag? Kaya ba ng mga gayong tao na pangasiwaan ang gawain ng iglesia? Kaya ba nilang protektahan ang mga kapatid para makapamuhay ang mga ito ng normal na buhay iglesia? Anong uri ng pamamaraan ng paglutas ng problema ito? Kapag walang nangyayari, kaya nilang mangaral ng mga doktrina nang walang katapusan, pero kapag may nangyayari, nalilito at naguguluhan sila, naiiyak na lang. Hindi ba’t sila ay mga walang silbing duwag? Habang nakikita nila ang mga kapatid na inililihis ng mga anticristo at nagugulo ng masasamang tao, nalilito sila, wala silang magawa. Ni hindi nila alam kung paano gawin ang pinakapangunahing bagay na makipagkaisa sa mga kapatid sa iglesia na medyo may pagpapahalaga sa katarungan, nagtataglay ng pagkatao, at kayang tanggapin ang katotohanan para sama-samang pagbahaginan, gamitin ang mga salita ng Diyos para lutasin ang mga problemang ito, at ilantad at kilatisin ang mga anticristo. Hindi ba’t basura ang gayong tao? (Oo.) Ang ilang huwad na lider ay sobrang maingat, duwag, at walang silbi. Gaano sila kaduwag at kawalang silbi? Kapag lumilitaw ang masasamang tao para manggambala at manggulo sa gawain ng iglesia, nagsasalita nang napakalupit at napakayabang, sa sobrang takot nila ay nanginginig sila, iniisip nila, “Hindi ako maglalakas loob na pangasiwaan sila. Mapanganib sila; masasamang tao sila sa mundo. Kung ilalantad ko sila para protektahan ang mga kapatid, tiyak na may mahahanap sila laban sa akin at gaganti sila. Kapag nagkagayon, paano pa ako makakapagpatuloy bilang isang lider? Alam nila kung saan ako nakatira. Sasaktan kaya nila ang pamilya ko? Isusumbong kaya nila na nananampalataya ako sa Diyos?” Ang mga gayong huwad na lider ay hindi kayang gumawa ng gawain ng iglesia. Hindi sila makakilos sa sobra nilang takot; natural, imposibleng maunawaan nila ang mga prinsipyo sa pangangasiwa ng mga gayong isyu at mga tao. Ang sinumang inilarawan bilang tagagambala at tagagulo sa gawain ng iglesia ay hindi isang taong paminsan-minsan lang nagkakamali. Sa halip, ang pagkatao niya ay napakasama na palagi siyang gumagawa ng mga walang pakundangang masamang gawain at ng napakaraming kasamaan. Walang duda na may diwa ng masasamang tao ang mga gayong indibidwal. Ang pangangasiwa sa masasamang tao ay nangangailangan din ng ilang matalinong pamamaraan. Kailangan mong isaalang-alang ang pinagmulan at kapaligiran at kung ano ang maaaring gawin ng masasamang tao matapos silang pangasiwaan, at kung magdadala ba ito ng problema sa iglesia. Sa pamamagitan ng maingat na pagsasaalang-alang sa mga aspektong ito, saka mo lang mapapangasiwaan nang maayos ang usapin, sa isang paraan na umaayon sa mga katotohanang prinsipyo at gumagamit ng karunungan. Hindi namamalayan ng mga nakakaunawa sa katotohanan na naaarok nila ang mga prinsipyo habang pinapangasiwaan nila ang mga gayong isyu. Habang ginagawa nila ang gawaing ito, unti-unti nilang mauunawaan kung paano tratuhin ang iba’t ibang tao, makabuo ng mga gawi at pamamaraan, at magkaroon ng karunungan sa puso nila. Pero ang mga huwad na lider ay ganap na walang mga ganitong gawi, pamamaraan, at karunungan. Ito ay dahil wala silang pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos; hindi nila isinasaalang-alang kung maaapektuhan ba ang gawain ng sambahayan ng Diyos o kung mahaharap ba sa panganib ang mga lider at manggagawa. Dahil hindi nila isinasaalang-alang ang mga bagay na ito, pinapangasiwaan nila ang mga usapin nang walang prinsipyo at, ang mas malala pa, nang walang karunungan. Hindi kayang pangasiwaan ng mga huwad na lider ang mga problemang ito at hindi sila natututo ng mga aral mula sa mga ito, na nagpapatunay na ayaw nilang matuto, na wala silang kakayahan, na pinapabayaan nila ang mga gampanin na marapat gawin, at hindi sila makagawa ng anumang gawain. Kapag nakikita nila ang masasamang tao at mga anticristo na gumagawa ng kasamaan at nagdudulot ng mga kaguluhan, hindi nila inilalantad ang mga taong ito ni nilulutas ang mga isyu. Isinasaalang-alang lang nila na protektahan ang sarili nilang mga interes, nang walang anumang pakialam sa gawain ng iglesia o sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Inaapi ng ilang huwad na lider ang mahihina habang natatakot sa mga mas makapangyarihan sa kanila; walang tigil nilang inaapi ang mga medyo mahinhin at ipinangangalandakan ang kapangyarihan nila sa mga ito, pero kapag nahaharap sila sa masasamang tao at mga anticristo, panay ang ngiti at pambobola nila. Magugustuhan ba ng Diyos ang mga gayong huwad na lider at huwad na manggagawang walang mga prinsipyo? Hinding-hindi. Maaari bang linangin ng sambahayan ng Diyos ang mga taong nang-aapi ng mahihina at natatakot sa malalakas, at walang pagpapahalaga sa katarungan, para gawing mga lider at manggagawa? Hinding-hindi! Ang mga taong ito ay pawang hindi mananampalataya at walang pananampalataya na walang konsensiya o katwiran at hindi talaga tumatanggap sa katotohanan, at ayaw sa kanila ng sambahayan ng Diyos.
Kapag nagkakaroon ng mga problema sa gawain ng isang huwad na lider, ang tugon niya ay palaging umiwas sa responsabilidad. Ang pinakakaraniwang kasabihan niya ay “Nagbahagi na ako sa kanila.” Ang ipinapahiwatig dito ay “Nasabi ko na ang lahat ng kailangan kong sabihin, kaya responsabilidad na nila kapag may nangyaring mali. Wala akong kinalaman doon.” Ito ang dahilan kaya ang pangungusap na “Nagbahagi na ako sa kanila” ay isang talisman at salawikain para sa mga huwad na lider. Kapag nakakakita ang isang huwad na lider ng isang anticristo na sumusunod sa sarili niyang batas, kumikilos nang walang pakundangan, at nagsasanhi ng kaguluhan sa iglesia, ginagamit din niya ang pamamaraan ng pagbabahagi at pagtulong. Matapos magsabi ng ilang salita ng panghihikayat at babala, ipinagpapalagay niya na magiging masunurin at mapagpasakop ang anticristo, at hindi na manlilihis ng mga tao o manggugulo sa buhay iglesia. Hindi ba’t isang hangal na palagay ito? Ang paggamit ng ganoong kahangal na paraan para limitahan ang mga panggugulo ng mga anticristo ay ang paraan kung paano gumagawa ang isang huwad na lider, at tunay na lubos na kahangalan iyon! Walang ginagawa ang isang huwad na lider kundi pikit-matang nagpapakaabala sa gawain. Nagpapakaabala lang siya sa mga pangkalahatang usapin habang hindi niya nagagawang gumampan ng pangunahing gawain. Hindi niya dinidiligan ang mga may kakayahang tanggapin ang katotohanan, hindi niya pinaghihigpitan ang mga nanggagambala at nanggugulo, at hindi niya pinaaalis iyong mga walang ingat na gumagawa ng masasamang gawa at tumatangging magbago sa kabila ng paulit-ulit na mga paalala. Lalong hindi niya binibigyang-pansin kung paano gumagawa ng kasamaan at nagdudulot ng mga kaguluhan ang mga anticristo. Hindi niya inilalantad ni kinikilatis ang mga ito, at hindi rin niya pinapaalis o pinapatalsik ang mga ito, hinahayaan niya ang mga anticristo na gumawa ng kasamaan at guluhin ang gawain ng iglesia. Wala siyang pakialam at iniisip niyang walang kinalaman sa kanya ang masasamang gawa ng mga anticristo. Ang mga huwad na lider, sa kanilang gawain, ay nagagawa lang na iraos ang mga bagay-bagay; gumagawa sila ng kaunting gawain ng pangkalahatang usapin at iniisip na gumawa na sila ng aktuwal na gawain at pasok sila sa pamantayan bilang mga lider at manggagawa. Sinuman ang nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia, mabilis lang silang nagbabanggit ng kaunting doktrina sa mga tao, nagbibigay ng kaunting panghihikayat at paalala, at iniisip nilang nalutas na ang problema. Nagpapakaabala sila sa buong araw, inaasikaso nila kapwa ang maliliit at malalaking usapin, at iniisip nilang mahusay ang paggawa nila. Nagmamalaki pa nga sila, sinasabi nila, “Tingnan ninyo ang iglesia namin. Ang lahat ng tao ay nagagamit sa maayos na paraan: Ang mga kayang mangaral ng ebanghelyo ay nangangaral ng ebanghelyo, ang mga kayang gumawa ng mga video ay gumagawa ng mga video, ang mga marunong umawit ay nagre-rekord ng mga himno—maunlad ang buhay iglesia namin!” Gayumpaman, hinding-hindi nila nakikita ang maraming nakatagong problema sa iglesia. Hindi sila nangangahas na pangasiwaan ang masasamang tao at mga hindi mananampalatayang iyon na palaging nanggagambala at nanggugulo sa buhay iglesia, kaya binabalewala nila ang mga ito. Nagbubulag-bulagan sila sa mga anticristo na kumikilos ayon sa mga sariling paraan ng mga ito, ang bawat isa sa mga ito ay sinusubukang kuhain ang loob ng mga tao at bumuo ng sariling maliliit na grupo. Hindi nila kayang sagutin ang maraming tanong ng mga bagong mananampalataya na nagugutom at nauuhaw sa pagiging matuwid. Sa halip na humanap ng mga paraan para lutasin ang mga aktuwal na problemang ito, palaging sinusubukan ng mga huwad na lider na iwasan ang mga ito, habang sinasabi pa rin na “maunlad ang buhay iglesia.” Hindi ba’t pagpapanggap at panlilinlang ito? Iniiwan ng mga huwad na lider ang mga hindi mananampalataya, masasamang tao, at mga anticristong ito sa iglesia nang hindi pinapaalis o pinapangasiwaan ang mga ito, hinahayaan ang mga ito na walang ingat na gumawa ng masasamang gawa at guluhin nang husto ang buhay iglesia, habang nagkukunwaring hindi nila ito nakikita. Sobrang bulag ang mga gayong huwad na lider! Pinoprotektahan nila ang mga hindi mananampalataya, masasamang tao, at mga anticristo, at ipinagmamalaki pa nila ito, iniisip na ang hindi pag-aalis sa mga bulok na tao na ito ay pagiging mapagmahal at pagprotekta sa hinirang na mga tao ng Diyos. Hindi ba’t paggambala at panggugulo ito sa gawain ng iglesia? Hindi ba’t sadya itong paglaban sa Diyos at pagsalungat sa Kanya? Pero ganap na walang kamalayan ang mga huwad na lider tungkol dito. Kung tatanungin mo sila kung nalutas na ba ang mga aktuwal na problemang ito, sasabihin nila, “Napungusan ko na sila; nagbahagi na ako sa kanila,” ipinapahiwatig na nalutas na ang mga problema at wala na silang kinalaman sa mga ito. Hindi ba’t pag-iwas ito sa responsabilidad? Para sa isang huwad na lider, sa tuwing may sinumang gumagawa ng anumang masamang asal, hangga’t pabasta-basta niyang pinupungusan ang salarin at nag-aalok sa mga ito ng ilang paalala at panghihikayat, tapos na ang gawain niya, at para bang nalutas na niya ang problema. Hindi ba’t pakikilahok ito sa panlilinlang? Malinaw na nabibigo ang mga huwad na lider na paalisin kaagad ang mga hindi mananampalataya, masasamang tao, at mga anticristo, at nagbibitaw sila ng mga mapanlinlang na palusot, sinasabi nila, “Nagbahagi ako sa kanila tungkol sa salita ng Diyos, kinilala nilang lahat ang ginawa nila at nakadama sila ng pagsisisi, at umiyak silang lahat at nagsabing talagang magsisisi sila at hindi na tatangkaing magtatag ng nagsasarili nilang kaharian.” Hindi ba’t nililinlang lang ng mga huwad na lider na ito ang kanilang sarili, tulad ng mga bata na nagbabahay-bahayan? Ang mga hindi mananampalataya, masasamang tao, at mga anticristong ito ay pawang mga taong tutol sa katotohanan. Walang sinuman sa kanila ang talagang tumatanggap sa katotohanan, at hindi sila ang mga pakay ng pagliligtas ng Diyos; sa halip, sila ang mga pakay ng pagkasuklam at pagkamuhi ng Diyos. Pero tinatrato ng mga huwad na lider ang mga hindi mananampalataya, masasamang tao at mga anticristong ito bilang mga kapatid, at mapagmahal na tinutulungan ang mga ito. Ano ang kalikasan ng problema rito? Kahangalan at kamangmangan ba ang pumipigil sa kanila na makita nang malinaw ang mga taong ito, o sinusubukan ba nilang mapalugod ang mga ito dahil sa takot nilang mapasama ang loob ng mga ito? Anuman ang dahilan, ang pinakamahalaga ay na hindi gumagawa ng aktuwal na gawain ang mga huwad na lider, at hindi nila tinatanggap ang katotohanan o inaamin ang mga pagkakamali nila kapag pinupungusan sila. Sapat na ito para ipakita na talagang walang katotohanang realidad ang mga huwad na lider. Hindi sila gumagawa ayon sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, at lalo na pagdating sa gawain ng pag-aalis mula sa iglesia, kumikilos sila nang pabasta-basta. Iniraraos lang nila ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng pag-aalis ng ilang malinaw na masamang tao. Kapag nalalantad at napupungusan, naghahanap pa sila ng iba’t ibang dahilan at palusot para maiwasan ang responsabilidad at maipagtanggol ang kanilang sarili. Samakatwid, ang isang huwad na lider na hindi gumagawa ng aktuwal na gawain ay isang balakid na humahadlang sa pagsasakatuparan ng kalooban ng Diyos. Pinapangasiwaan lang ng mga huwad na lider ang kaunting mababaw, pangkalahatang usapin na gawain, na walang anumang halaga. Hindi nila nilulutas kailanman ang iba’t ibang problemang lumilitaw sa iglesia; basta iniiwasan lang nila ang mga iyon. Bukod sa inaantala nito ang normal na pag-usad ng gawain ng iglesia, nakakaapekto rin ito sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Ang malinaw, ginagambala at ginugulo ng mga huwad na lider ang gawain ng iglesia at kumikilos sila bilang proteksiyon ng mga hindi mananampalataya, masasamang tao, at mga anticristo. Sa kritikal na sandali ng espirituwal na pakikibaka, pumapanig sila sa masasamang tao at mga anticristo para labanan at linlangin ang Diyos. Hindi ba’t pagpapamalas ito ng pagkakanulo sa Diyos? Batay sa mga pananaw at asal ng mga huwad na lider, malinaw na sadyang hindi sila mga taong naghahangad sa katotohanan, hindi talaga nila nauunawaan ang katotohanan, at ganap na hindi nila kayang gawin ang gawain ng pamumuno.