Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (20) Ikatlong Seksiyon

Paghihimay sa mga Pagpapamalas ng mga Huwad na Lider Batay sa Ikalabindalawang Responsabilidad

I. Ang mga Huwad na Lider ay may Mahinang Kakayahan at Hindi Magawang Tukuyin ang mga Problema ng mga Paggambala at Panggugulo

Ito ang mga gampaning kailangang gawin ng mga lider at manggagawa tulad ng nakabalangkas sa ikalabindalawang responsabilidad; hindi na tayo magbabahaginan tungkol sa anumang mas partikular na mga halimbawa ngayon. Ang tema ng pagbabahaginan ngayon ay ang ilantad ang mga partikular na pagpapamalas ng mga huwad na lider habang ginagampanan nila ang mga gampaning ito, at tukuyin kung aling mga pag-uugali ang sumasalamin sa diwa ng mga huwad na lider at maaaring gamitin para ilarawan ang isang tao bilang gayon. Ito ang pangunahing paksa ng pagbabahaginan ngayon. Una, ang hinihingi sa mga lider at manggagawa sa gawaing ito ay ang agarang pagtukoy sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia. Ang agarang pagtukoy ay isang hinihinging pamantayan sa mga lider at manggagawa. Sa tuwing may nangyayari, sa sandaling may kaunting pahiwatig na may anumang mali, tulad ng mga senyales ng masasamang tao na nagsisimulang kumilos, o ng sinumang nagpapakita ng mga indikasyon ng pagdudulot ng problema, dapat maramdaman ito ng mga lider at manggagawa at maging alerto sila. Kung manhid sila at mapurol ang isip nila, magiging problema ito. Lalo na sa mga sitwasyong may masasamang taong nagdudulot ng mga kaguluhan, sa sandaling magsimulang lumitaw ang isyung ito at hindi malinaw kung ano ang balak na gawin ng mga taong ito o kung ano ang susunod na mangyayari—ibig sabihin, kapag hindi pa makilatis ng mga lider at manggagawa ang usaping ito—hindi sila dapat kumilos nang bulag o alertuhin ang mga taong ito nang maaga para maiwasan ang maling paghuhusga. Gayumpaman, hindi ito nangangahulugan ng hindi pagpansin o pagiging walang kamalayan sa sitwasyon. Sa halip, nangangahulugan ito ng paghihintay at pagmamasid para makita kung ano ang mangyayari sa mga bagay-bagay at kung ano ang mga intensiyon, layon, at motibo ng mga taong ito. Ito ang gawaing kailangang gawin ng mga lider at manggagawa. Kapag ang sitwasyon ay umabot na sa isang partikular na antas, at nagsimula nang magbulalas ng pagkanegatibo at magpakalat ng mga panlilinlang ang mga taong ito, na nagdudulot ng mga kaguluhan sa hinirang na mga tao ng Diyos, dapat agarang kumilos ang mga lider at manggagawa. Dapat silang tumindig nang walang pag-aatubili para ilantad, himayin, at limitahan ang masasamang gawa ng mga indibidwal na ito, tinutulungan ang iba na matuto ng mga aral at makakilatis at makakilala sa masasamang tao. Ito ang proseso ng agaran at tumpak na pagtukoy sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan—ito ang ibig sabihin ng paggawa ng mga lider at manggagawa sa gawaing ito. Ang pangunahing layon ng gawaing ito ay tukuyin ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia, at pagkatapos ay agad na lutasin ang mga ito. Ito ang kayang makamit ng mga lider at manggagawa. Kaya, ano ang mga pagpapamalas ng mga huwad na lider sa gawaing ito? Paano natin mahihimay at makikilatis ang mga huwad na lider? Malinaw na ang mga huwad na lider ay hindi kayang agaran at tumpak na matukoy ang mga kaguluhang dulot ng masasamang tao sa gawain ng iglesia. Ito ang pinakamalinaw na isyu sa paggampan ng mga huwad na lider sa gawain ng iglesia—wala silang pagkilatis sa mga kaguluhang dulot ng masasamang tao sa gawain ng iglesia. Bakit sinasabing hindi kaya ng mga huwad na lider na tukuyin ang mga problema o makilatis ang diwa ng mga ito? Ang mga kilos ng ilang tao ay malinaw na mga paggambala at panggugulo sa gawain ng iglesia, pero hindi kayang makilatis o makita ng mga huwad na lider ang mga problema; bulag sila. Ang ilang tao ay nagbubulalas ng pagkanegatibo, nanlilihis, at nanggugulo sa iba sa iglesia. Ang iba ay bumubuo ng mga paksiyon, palihim na gumagawa ng mga kahina-hinalang kasunduan, madalas na hinuhusgahan ang mga partikular na indibidwal kapag nakatalikod ang mga ito. Walang habas na inaakit at nilalandi ng iba ang isa’t isa. Nagpapanggap ang mga huwad na lider na hindi nila nakikita ang mga bagay na ito; ganap na wala silang kamalayan kung gaano kalubha ang mga isyung ito at kung gaano karaming paghahangad sa katotohanan at paggampan sa tungkulin ng mga tao ang maaapektuhan kung hindi malulutas ang mga isyung ito, pati na rin kung ano ang mga kahihinatnan ng mga ito, kaya binabalewala nila ang mga ito. Kapag napapansin ng ilang tao ang mga isyu at iniuulat nila ang mga ito sa isang huwad na lider, maaaring sabihin ng huwad na lider, “Lahat naman sila ay mga kapatid—sino ba ang hindi nagpapakita ng katiwalian? Sino ba ang walang mga emosyon at pagnanais? Huwag ninyong basta-bastang husgahan at kondenahin ang iba!” Gaano man kakatawa-tawa, kabuktot, o kakontra sa katotohanan ang isang bagay sa iglesia, sadyang hindi ito nakikita ng mga huwad na lider. Ang ilang tao, sa mga pagtitipon, ay palaging nagsasalita nang negatibo, nagsasabi ng mga bagay na tulad ng, “Palagi nilang sinasabing malapit na ang araw ng Diyos—kailan ba talaga ito darating?” Hindi namamalayang naaapektuhan nito ang ilang kapatid, pero ano ang tugon ng huwad na lider? Itinuturing nila itong normal na kahinaan at hindi nila nakikitang ito ay pagbubulalas ng pagkanegatibo, panlilihis, at panggugulo sa iba. Malinaw na naaapektuhan ang ilang kapatid sa paggawa ng mga tungkulin nila. Ayaw na nilang ipangaral ang ebanghelyo at hindi na sila positibo at aktibong lumalahok sa mga pagtitipon. Sa tuwing may pagtitipon, kailangan pa silang tawagin para dumalo. Pero hindi ito nakikita ng huwad na lider bilang isang problema. Hindi niya napapansin kung anong mga pagbabago ang nangyayari sa iglesia kapag lumilitaw ang problemang ito. Wala sa loob lang siyang nagdaraos ng mga pagtitipon dahil iyon na ang nakagawian, hindi niya alam ang nangyayari sa likod ng mga eksena, ang mga pagbabago sa mga kalagayan ng mga tao, kung anong mga problema mayroon ang mga tao, kung sino ang nagdulot ng mga ito, kung sino ang mga pangunahing salarin, kung kanino nanggaling ang mga problema, at kung ano bang mga isyu ang kailangang lutasin—hindi niya makita ang anuman sa mga ito. Dahil ba wala siyang paningin kaya hindi niya makita ang mga bagay na ito? (Hindi.) Dahil may paningin naman siya, bakit kapag lumilitaw sa iglesia ang gayong malulubhang paggambala, panggugulo, at malilinaw na panlilinlang, hindi niya makita o matukoy ang mga ito? Malinaw na bulag at walang espirituwal na pang-unawa ang lider na ito. Sinasabi ng ilang tao, “Bagama’t hindi niya matukoy ang mga problemang ito, kaya niyang basahin ang mga salita ng Diyos sa mga tao sa mga pagtitipon. Anuman ang pagkaunawa ng mga tao sa pagbabasa niya o nagbubunga man ito ng anumang resulta, patuloy pa rin siyang nagbabasa ng mga salita ng Diyos. Batay lang sa dahilang ito, maituturing na siyang isang mabuting lider.” Nakatutok lang siya sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos—kung hindi ito humahantong sa anumang resulta, hindi ba’t pagraos lang ito ng mga bagay-bagay? Kung hindi niya kayang lumutas ng mga problema, anong pakinabang ang makakamit ng mga tao mula sa mga pagtitipon? Kaya, isa bang huwad na lider ang lider na ito? (Oo.) Ang isang pagpapamalas ng isang huwad na lider kapag ginagampanan ang gawaing ito ay pagiging bulag. Bulag siya—gaano man kahalata ang problemang nasa mismong harapan niya o nangyayari sa paligid niya, hindi niya ito makita o matukoy. Sa panlabas, maaaring tila mas pinapahalagahan niya ang mga salita ng Diyos kaysa sa pangkaraniwang tao, pero hindi niya nauunawaan kung tungkol saan ang mga salita ng Diyos, kung sinong mga tao ang tinutukoy ng mga ito, o kung aling mga sitwasyon ang tinutugunan ng mga ito—hindi niya maiugnay ang mga salita ng Diyos sa tunay na buhay. Kung gayon, ano ang pagkaunawang pinagbabahaginan niya? Naaayon ba ang mga ito sa katotohanan? Makakalutas ba ang mga ito ng mga tunay na problema? (Hindi.) Kapag nangangaral siya, naglilitanya siya ng mga walang kabuluhang retorika, na para bang labis niyang nauunawaan ang katotohanan, pero hindi niya matukoy ang malilinaw na kaguluhang idinulot ng masasamang tao sa iglesia, sa halip ay umaakto siya na parang walang nangyari. Ipinapakita ba nitong nauunawaan niya ang katotohanan at na may pagkilatis siya? May tunay ba siyang pagkaunawa sa mga salita ng Diyos? (Wala.) Kung kaya niyang basahin ang mga salita ng Diyos nang normal, bakit hindi niya magamit ang mga ito para tingnan at lutasin ang mga problema? Bakit hindi kailanman nagbubukas ang isipan niya kapag nagbabasa siya ng mga salita ng Diyos? Bakit wala siyang masigasig na puso kapag nagbabasa ng mga salita ng Diyos? Ano ang ugat ng isyung ito? Bakit bulag siya? Ano ang dahilan ng pagkabulag niya? (Dahil wala siyang abilidad na maarok ang salita ng Diyos at napakahina ng kakayahan niya.) Tama. Hindi dahil sa bulag ang mga mata niya, kundi ang puso niya ang bulag. Ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng bulag na puso? Ang ibig sabihin nito ay pagkakaroon ng napakahinang kakayahan at kawalan ng abilidad na maarok ang mga salita ng Diyos. Kahit gaano karaming salita ng Diyos ang basahin niya, nauunawaan lang niya ito sa isang mababaw na antas. Hindi niya ito maiugnay sa iba’t ibang tao, pangyayari, bagay, at sitwasyong lumilitaw sa iglesia, ni hindi niya matrato, mapangasiwaan, at malutas ang iba’t ibang problema ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ito ang ugat ng pagiging bulag niya—mahina ang kakayahan niya at hindi niya kaya ang ganitong gawain. Samakatwid, gaano man siya magsipag sa pag-aaral at mahigpit na magsanay, at gaano man siya magsikap na gumawa para makabawi sa kawalan niya ng abilidad, kaya ba niyang tuparin ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa? Hindi. Labis na kaawa-awa ang mga taong ito. Gaano man niya sangkapan ang sarili niya ng mga salita at doktrina, hindi niya matupad ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa o maisakatuparan ang gawaing ito.

Ngayon lang, pinagbahaginan natin ang isang pagpapamalas ng mga huwad na lider na ito, iyon ay na hindi nila nakikita na ang mga kilos ng masasamang tao at mga anticristo ay nagdudulot ng mga kaguluhan sa iglesia, ni hindi nila makilatis ang diwa ng masasamang tao at mga anticristo. Kapag nahaharap sila sa mga usapin kung saan nagdudulot ang masasamang tao ng mga pagkagambala at kaguluhan, minsan ay maaaring mapansin nila ang kaunting pahiwatig, o, sa pamamagitan man ng kanilang karanasan, damdamin, o kutob, maaaring maramdaman lang nila na may hindi tama, na medyo hindi normal ang ekspresyon, tingin, at mga salita ng taong ito. Maaaring may kaunti silang maramdaman, pero hindi nila makilatis ang maraming bagay, at hindi nila natutukoy ang karamihan ng mga problema. Ano ang dahilan kung bakit hindi nila nakikilatis ang diwa ng mga problema? Sangkot dito ang isa pang isyu. Napakasipag nila, nananatili sa silid nila buong araw kakasulat ng mga sermon, gumagawa ng mga tala tungkol sa kanilang mga espirituwal na debosyon, nagsusulat ng mga pagkaunawa at karanasan nila sa mga salita ng Diyos, nag-aaral ng mga himno, nagtatakda ng mga layon sa kung ilang beses silang magdarasal, gaano karaming mga salita ng Diyos ang babasahin, at kung gaano karaming mga sermon ang pakikinggan sa bawat araw, at kung ilang oras magsusulat ng artikulo ng patotoong batay sa karanasan—tinatapos nila ang lahat ng gampaning ito, kaya bakit hindi pa rin nila makilatis ang mga bagay-bagay kapag nangyayari ang mga ito? Hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Kaya lang nilang maglitanya ng mga salita at doktrina at hindi nila kayang lumutas ng mga aktuwal na problema. Ang ilang tao ay palaging nagsasabi ng mga salita at doktrina para ilihis ang iba, at hindi ito makilatis ng mga huwad na lider. Bagama’t minsan ay nararamdaman nilang may mali, na maaaring may problema, dahil nakikita nilang hindi naman mukhang masama ang mga taong iyon, pinapalampas na lang nila ang isyu nang may magulong pag-iisip. Hindi nila kayang hanapin ang mga katotohanang prinsipyo para makilala ang mga gayong problema, at kahit nabasa na nila ang mga salita ng Diyos na naglalantad sa mga kalagayan at diwa ng mga gayong tao, hindi nila alam kung paano iuugnay ang mga iyon sa mga sitwasyong ito. Magulo ang isipan nila at hindi nila makilatis ang mga bagay na ito. Kapag gusto nilang maghanap, hindi nila alam kung paano ito ipapahayag. Matagal silang nagsasalita nang hindi naipapaliwanag ang diwa ng problema, at nang hindi malinaw na nailalarawan kung ano ang kabuuang mga pagpapamalas ng mga gayong tao, kung ano ang pagkatao, hangarin, paggampan ng mga tungkulin, at kapasyahan para gugulin ang sarili ng mga ito para sa Diyos, o kung ano ang saloobin ng mga ito sa katotohanan, at kung ang mga ito ba ay mga taong tumatanggap sa katotohanan. Hindi makilatis o malinaw na maipaliwanag ng mga huwad na lider ang mga usaping ito. Kahit nararamdaman nilang may problema, patuloy lang sila sa pagsasalita, kung ano-anong sinasabi, nang hindi naman nililinaw ang punto nila. Ang mga tagapakinig nila ay kailangang magawang kilalanin, kuhanin ang mahahalagang punto, at suriin ang mga salita nila para malaman ang mga tanong na itinatanong nila, ang pangkalahatang kalagayan ng taong inilalarawan nila, at sa huli, ilarawan ang diwa ng taong iyon—kung ito ba ay masama o mabuti, kung ito ba ay isang taong naghahangad sa katotohanan o isang trabahador lang. Kapag hiniling mo sa isang huwad na lider na ilarawan ang isang isyu o kung magtatanong ka, hindi niya kailanman malinaw na mailalarawan ang ugat at diwa ng isyu o ang pangunahing punto nito. Sa madaling salita, ang mga huwad na lider ay walang anumang partikular na saloobin sa mga problemang hindi nila makilatis, at para sa mga usaping may napapansin silang ilang pahiwatig, hindi pa rin nila makilatis ang diwa ng mga problemang ito. Kahit na nagbubulalas ng pagkanegatibo at nagkakalat ng mga kuru-kuro ang ilang tao, na nagdudulot ng masamang epekto sa buhay iglesia, hindi nila ito makilatis. Hindi nila makilatis o mailarawan ang diwa ng isang problema mula sa panlabas nito o mula sa panimulang yugto nito. Siyempre, hindi simpleng usapin ang makilatis ang diwa ng isang problema. Ang pinakamahalagang bagay sa gawain ng iglesia ay makilatis ang diwa ng iba’t ibang tao batay sa mga salita ng Diyos. Makakamit ito ng mga nakakaunawa sa katotohanan, pero hindi ito makakamit ng mga huwad na lider at huwad na manggagawa. Kapag nakikita nilang ginugulo ng mga anticristo ang gawain ng iglesia, hindi nila makilatis ang diwa ng problema at ipinagtatanggol pa nila ang mga anticristo, sinasabi nila, “Nagbubunyag lang sila ng ilang tiwaling disposisyon, at medyo mayabang, sutil, at di-makatwiran sila. Kaya pa rin nilang magtiis ng hirap habang ginagawa ang mga tungkulin nila. Kaya hindi natin sila dapat husgahan at kondenahin; hindi natin dapat palakihin ang isyu.” Tinatanong ng iba, “Kung kaya nilang magtiis ng hirap habang ginagawa ang mga tungkulin nila, sila ba ay mga taong naghahangad sa katotohanan? Hinikayat, nilihis o inakit ba nila ang iba noong walang nakakakita? Itinaas at pinatotohanan ba nila ang sarili nila?” Hindi makilatis ng mga huwad na lider ang mga usaping ito. May ilang tao pa nga na, sa likod ng pagpapanggap na nagpapatotoo sila sa Diyos, sinasadya nilang siraan at lapastanganin ang Diyos at sinasadya ring magpakalat ng walang batayang mga tsismis habang hinihimay at tinatalakay ang tungkol sa pagkilala sa sarili nilang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Pagkarinig sa kanila, maaaring maramdaman ng mga huwad na lider na parang may mali sa sinabi nila, pero hindi nila makilatis kung gaano kaseryoso ang isyu, lalong hindi nila makita ang negatibong epekto at malulubhang kahihinatnang dulot ng mga salitang ito. Samakatwid, ganap na hindi napapansin ng mga huwad na lider ang iba’t ibang paggambala at panggugulo na nangyayari sa mismong harapan nila, o kung mapansin man nila ang mga ito, hindi nila alam kung paano ilarawan ang mga ito o kung paano iuugnay ang mga salita ng Diyos sa mga sitwasyong ito. Nagiging magulo para sa kanila ang mga napakalinaw na usaping ito. Ang mga huwad na lider ay mga hangal. Sa iglesia, hindi nila makilala kung sino ang mga tao na naghahangad sa katotohanan, at kung sino ang mga tunay na mananampalataya na kayang tumanggap sa katotohanan. Hindi nila makilala kung sino ang mga taong hindi naghahangad sa katotohanan pero kaya pa ring magtrabaho, at karaniwang handang magbayad ng halaga at kumilos ayon sa mga prinsipyo, at medyo masunurin at mapagpasakop, kahit na paminsan-minsan ay nagsasabi ng ilang negatibong salita. Hindi rin nila makilala kung sino ang mga tao na eksklusibong gumaganap ng mga negatibong papel, nagbubulalas ng pagkanegatibo at nanghuhusga ng iba, at palaging may mga kuru-kuro tungkol sa lahat ng pagsasaayos sa gawain ng sambahayan ng Diyos at sa mga tuntunin at hinihingi hinggil sa lahat ng aytem ng gawain sa sambahayan ng Diyos, nagkikimkim ng saloobin ng paglaban sa halip na pagtanggap, at pagiging partikular na walang paggalang sa mga bagay na ito, hanggang sa puntong hinuhusgahan pa ang mga ito. Sa madaling salita, hindi makilatis ng mga huwad na lider ang anumang klase ng mga tao. Ang mas malala pa, sa iglesia, may ilang tao na madalas na nagpapakalat ng mga kuru-kuro, nagbubulalas ng pagkanegatibo, at hindi man lang nagbabasa ng mga salita ng Diyos sa mga pagtitipon. Palagi silang nagpapangkat-pangkat, nakikisangkot sa selosan at alitan. Ang ilang tao ay palaging gustong maging lider, palaging gustong maging palamunin ng iglesia, at palaging gustong kamkamin ang ari-arian ng sambahayan ng Diyos. May ilang tao ring mukhang may mabubuting asal sa panlabas pero walang ginagampanang positibong papel sa mga tungkulin nila. Hindi makilatis ng mga huwad na lider ang mga negatibong karakter na ito at hindi nila maikategorya ang mga ito. Hindi nila makilatis kung anong landas ang tinatahak ng mga taong ito, kung ano ang diwa ng mga ito, at kung ang mga ito ba ay mga taong tumatanggap sa katotohanan. Hindi ba’t isa itong problema sa kakayahan ng mga huwad na lider? Napakahina ng kakayahan ng mga huwad na lider na ito. Nagiging napakagulo ng anumang ginagawa nila, at nawawala sa ayos ang anumang gawaing inaako nila.

Ang ilang tao ay gumagastos ng mga handog nang walang prinsipyo kapag bumibili sila ng mga gamit para sa sambahayan ng Diyos, bumibili ng mga bagay-bagay nang basta-basta nang hindi humihingi ng pahintulot. Kapag nakita ito ng mga huwad na lider, sinasabi pa nila, “Kahit na gumastos sila nang medyo mas malaki, mabuti naman ang mga intensiyon nila. Kapag bumibili ng mga gamit para sa sambahayan ng Diyos, dapat ang pinakamaganda ang bilhin natin; hindi ito pag-aaksaya ng pera. Hindi ba’t ganito dapat ginagamit ang mga handog?” May mga prinsipyo ba sa mga salita nila? (Wala.) Kaya, anong klaseng mga salita ang mga ito? Hindi ba’t magulo ang mga salitang ito? Ang mga salitang walang prinsipyo ay magugulong salita, at ang mga salitang walang batayan ay magugulong salita rin. May ilang tao na madalas magsalita ng mga salita at doktrina sa buhay iglesia; partikular na magaling silang magsalita, at nagsasalita nang may kaayusan na parang organisado, at nagtataglay sila ng napakahusay na kasanayan sa pagsasalita. Ano ang sinasabi ng mga huwad na lider tungkol sa mga gayong tao? “Ang buhay iglesia natin ay lubos na nakasalalay kay Ganito-at-ganyan. Siya ang pinakamagaling magsalita at ang may pinakamalaking pang-unawa sa mga salita ng Diyos. Kung wala siya, magiging sobrang tigang at nakakabagot ng buhay iglesia natin.” Hindi nila alam na puro salita at doktrina lang ang sinasabi ng mga taong ito. Kahit gaano pa makinig ang isang tao sa mga taong ito, wala siyang makakamit na anumang pagpapatibay, hindi niya mauunawaan ang katotohanan, o malalaman kung paano iuugnay ang katotohanan sa sarili niya para maunawaan ang sarili niyang kalagayan at malutas ang mga problema niya. Dahil sa papuri at pang-uudyok ng mga huwad na lider, ang mga taong nagsasalita ng mga salita at doktrina, ang mga taong mahilig na maging sentro ng atensiyon, at kahit ang mga taong madalas na lumihis sa paksa sa kanilang mga pananalita, naglilitanya sa bawat pagtitipon tungkol sa mga labis-labis, walang katuturan at malawak na paksa, ay pawang nabibigyan ng pagkakataon na gumanap. Hindi sila makilala ng mga huwad na lider at itinuturing pa nga silang mahuhusay na tao, pinupuri sila sa pamamagitan ng pagsasabing, “Napakagaling ninyong magsalita; bakit hindi ka magsulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan? Sayang naman!” Sa iglesia, iyong mga estudyante sa unibersidad, mga propesor, at mga intelektuwal ay itinuturing na kayamanan ng mga huwad na lider. Sinasabi nila, “Mga indibidwal na may talento ang mga intelektuwal at propesor na ito. May malawak silang karanasan at kilala sila sa lipunan. Kung magiging lider at manggagawa sila sa iglesia, mas maraming gawain ang matatapos, at higit na makikinabang at mas maraming makakamit ang hinirang na mga tao ng Diyos. Sa hinaharap, magiging lubos na nakasalalay sa kanila ang gawain ng iglesia. Sa pangunguna ng mga intelektuwal na ito sa atin, ang pananalig natin sa Diyos ay tiyak na magdadala ng mga pagpapala.” Samakatwid, sa mga iglesia kung saan may mga huwad na lider, iyong mga may katayuan sa lipunan, maraming kaalaman, magaling magsalita, iyong mga nagsasalita nang walang kabuluhan tungkol sa mga salita at doktrina, iyong mga may katanyagan, at iba pa—lahat ng taong ito na walang anumang katotohanang realidad—ang may nangingibabaw na posisyon sa iglesia at tinatrato ng mga huwad na lider bilang mga pangunahing puwersa at maging diumano’y mga haligi ng iglesia. Kapag may nangyayari sa iglesia, sinasabi ng mga huwad na lider, “Tanungin mo si Ganito-at-ganyan; CEO siya dati ng isang kompanya,” o “Tanungin mo si Ganito-at-ganyan; propesor siya dati sa Ganito-at-ganyang unibersidad,” o “Tanungin mo si Ganito-at-ganyan; siya ang nangungunang abogado dati sa isang law firm.” Itinuturing ng mga huwad na lider ang mga taong ito bilang mga haligi at pangunahing puwersa ng iglesia. Puwede bang maging maayos ang buhay iglesia sa gayong mga sitwasyon? (Hindi.) Kaya, ano ang resulta? Ang kung tawagin ay pangunahing mga puwersa at haliging ito ay palihim o lantarang nakikipag-agawan para sa katayuan at nagpapangkat-pangkat, at madalas na nagpapakalat ng mga kuru-kuro at walang batayang mga tsismis. Ang mga kapatid sa iglesia na mga totoong mananampalataya, nagmamahal sa katotohanan, kayang tanggapin ang katotohanan, at may dalisay na pagkaarok sa katotohanan ay madalas nilang binubukod at sinusupil. Ang mga diumano’y kilalang personalidad na ito sa lipunan, sa paggawa man ng mga tungkulin nila o pag-ako ng anumang gawain, ay walang katapatan at hindi kailanman kumikilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo—ganap silang sumusunod sa mga gawi ng lipunang walang pananampalataya. Samakatwid, sa gayong iglesia, ang mga tunay na naghahangad sa katotohanan, ang mga may dalisay na pagkaarok, at ang mga may kaunting pagkatao at may pagpapahalaga sa katarungan, ay walang puwang para magsalita, walang karapatang magsalita, at tiyak na walang karapatang gumawa ng mga desisyon. Ano man ang mangyari sa iglesia, ang mga palaging nagdedesisyon sa huli ay ang grupong ito ng mga diumano’y pangunahing miyembro. Iniidolo at bulag na pinaniniwalaan ng mga huwad na lider ang mga taong ito, kaya sa huli, umaasa sila sa mga ito para sa mga solusyon tuwing may nangyayari. Kung ang mga taong ito ay naghangad sa katotohanan at kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, magiging mabuting bagay ito. Gayumpaman, karamihan sa mga taong ito ay hindi naghahangad sa katotohanan. May kaunti silang kaalaman at edukasyon, may katayuan sila sa lipunan, at bukod pa roon, may mapanlinlang at lihim na mapaminsala silang pagkatao, at magaling silang magsalita at mahusay manlihis ng ibang tao. Ito mismo ang kalikasang diwa ng mga anticristo. Ano ang resulta ng pag-asa ng mga huwad na lider sa mga taong ito? Ganap nilang sinisira ang gawain ng iglesia at ang kaayusan ng buhay iglesia, at sinisira nila ang buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos, na nagiging dahilan para tuluyang mawala ang patotoo ng iglesia. May ilang huwad na lider na umaasa na magkaroon ng isang kilalang tao sa iglesia na nakakaunawa sa politika at mga kasalukuyang kaganapan, iniisip nila, “Kung may gayong tao na makapagpapalawak sa saklaw ng iglesia, magpapalakas ng impluwensiya nito, at magpapaganda ng reputasyon nito, magkakaroon ng pag-asa ang gawain ng pagpapalaganap sa ebanghelyo. Talagang dapat ipagdiwang iyon kapag nagkagayon!” Sa mga iglesiang kontrolado ng mga huwad na lider, sa panahon ng buhay iglesia, may ilang taong nagtatalakay nang husto tungkol sa politika, mga kasalukuyang kaganapan, pandaigdigang kalagayan, at mga pambansang usapin; pinag-uusapan nila ang mga pribadong buhay ng mga kilalang personalidad sa politika at sinusuri pa nga nila ang mga lihim na sabwatan at hayagang pakana ng mga ito sa malinaw at lohikal na paraan. Sinasabi ng mga huwad na lider na naglalaway sa inggit, “Sa wakas, may bigating tao na sa iglesia natin na makakatulong na mapanatili ang magandang imahe natin! Dati, palagi akong nadidismaya, napanghihinaan ng loob, at hindi ako makapagmalaki, dahil walang ganitong bigating tao sa iglesia natin. Pero ngayon, may gayong tao na sa iglesia natin. Kaya, dapat nating hayaan ang taong ito na gawin ang anumang gusto niya at sabihin ang anumang gusto niya, at bigyan siya ng kalayaan. Hindi ba’t itinataguyod ng sambahayan ng Diyos ang kalayaan at karapatang pantao? Hindi ba’t binibigyang-diin ng Kapanahunan ng Kaharian ang karapatang pantao?” Tinatrato ng mga huwad na lider ang mga mahilig magsalita tungkol sa politika at magkomento sa mga kilalang tao, na madalas na maglitanya tungkol sa matatayog, walang kabuluhang ideya sa gitna ng mga tao, bilang mga di-pangkaraniwang kayamanan at gusto nilang linangin ang mga ito bilang mga haligi at pangunahing puwersa ng iglesia. Kaya, madalas nilang hinihikayat at pinupuri ang mga ito, takot na makakaapekto sa gawain ng iglesia kung magiging negatibo ang mga ito. Sa madaling salita, manhid at bulag ang mga huwad na lider na ito. Hindi nila kaagad na matukoy ang iba’t ibang tao na nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia. Kahit pa matukoy nila ang mga ito, hindi nila makilatis ang diwa ng masasamang tao. Ni hindi nila makilatis kahit ang halatang masasamang tao na nasa kategorya ng mga anticristo, tulad ng mga nagpapangkat-pangkat at nagtatatag ng mga nagsasariling kaharian. Kapag nakikita nila ang mga anticristo na nagpapangkat-pangkat, nagpapasikat, at ginagawa ng mga ito ang anumang naisin gamit ang napakalaking kapangyarihang hawak ng mga ito, paano sinusuri ng mga huwad na lider ang mga ito? “Pambihira ang taong ito, talagang kahanga-hanga siya! Hindi ko napansin ang mahusay na taong ito dati; mas mahusay siya kaysa sa akin, talagang napapahiya ako sa kanya. Tingnan mo ang mga kakayahan niya—kaya niyang akuin ang mga bagay at bitiwan ang mga bagay, magsalita nang may dignidad, at panindigan ang salita niya. Samantalang ako, wala akong silbi; para akong isang mahiyain na batang babae.” Labis nilang hinahangaan ang mga anticristo, yumuyukod sa mga ito, at kusang-loob silang nagiging tagasunod ng mga ito. Ang isang katangian ng gayong pagpapamalas ng mga huwad na lider ay ang pagiging bulag, at ang isa pa ay ang pagiging manhid. Sa kabuuan, ang diwa ng problemang ito sa mga huwad na lider ay ang mahinang kakayahan.

May mga mata ang mga tao para makita nila ang mga bagay. Pagkatapos makita ng isang tao ang isang bagay, tutugon at huhusga ang isipan niya, at matapos niyang makabuo ng isang paghuhusga, magkakaroon siya ng pananaw at magkakamit ng landas ng pagsasagawa. Pinapatunayan nito na hindi siya bulag—anuman ang makita niya, may normal siyang reaksyon at alam niya kung paano harapin at pangasiwaan ito. Isa itong tao na may normal na pag-iisip. Ang mga tao ay may proseso ng pagtugon sa kung ano ang nakikita nila; pagninilayan at pag-iisipan nila ito sa mas mataas o mas mababang antas. Habang tumatakbo ang isipan nila, unti-unting nabubuo sa isipan nila ang larawan ng bagay na iyon, at nagkakaroon sila ng sariling mga pananaw, saloobin, at pamamaraan. Kaya, ano ang paunang kondisyon para mabuo ang mga ito? Dapat makakita ng mga bagay ang mga mata ng tao, pagkatapos ay maipadala ang nakalap na impormasyon sa utak at isipan nila para mapagnilay-nilayan. Kung nakikita ng isang tao ang mga bagay gamit ang mga mata niya, hindi siya bulag, at makakapag-isip at makakapagnilay-nilay siya, magkakaroon siya ng kamalayan, mga saloobin, at mga pananaw, at sa huli ay makakabuo siya ng mga tamang kongklusyon. Siyempre, ang pagbuo ng mga kongklusyong ito ay nangangailangan ng ilang panahon. Ano ang kahulugan ng pagkakaroon ng kamalayan, mga pananaw, at mga saloobin bago mabuo ang mga kongklusyong ito? Nangangahulugan ito na ang isipan ng isang tao ay aktibo, hindi manhid, na nagpapatunay na ang taong ito ay buhay, hindi patay. Mahina ang kakayahan ng mga huwad na lider. Sa anong mga paraan ito mahina? Wala ang dalawang katangiang ito sa mga huwad na lider. Bukas ang mga mata nila pero hindi nila nakikita na nangyayari o nagaganap ang mga bagay-bagay, na siyang pagiging bulag. Bukod dito, kapag nakikita nila ang mga bagay-bagay, walang reaksyon ang isipan nila, hindi sila nakakabuo ng mga pananaw o kaisipan, at wala silang mga paraan o tamang gawi para maghusga at sa gayon ay bumuo ng mga kongklusyon. Ito ay pagiging manhid sa espiritu. Walang nakikilala ang mga taong manhid sa espiritu, wala silang mga tamang pagsusuri o mga tumpak na paghuhusga, at sa huli, hindi sila makabuo ng mga tamang kongklusyon, at hindi nila alam kung paano harapin, pangasiwaan, o lutasin ang mga kasalukuyang usapin. Ito ay pagiging manhid at mapurol ang utak. Kapag ang isang tao ay manhid at mapurol sa espiritu niya na wala man lang siyang reaksyon kapag may nangyayari, ito ay pagiging patay—ito ang eksaktong paglalarawan sa sitwasyon. Isantabi muna natin kung ang mga huwad na lider ay talagang patay, at sabihin na lang muna natin na mahina ang kakayahan nila. Gaano ba ito kahina? Kahit gaano kahalaga ang isang pangyayari, hindi nila ito makita, at kahit makita man nila ito, hindi nila ito makilala. Halimbawa, gaano man katagal nang gumagawa ang mga huwad na lider, hindi sila makabuo ng mga kongklusyon tungkol sa kung ano ang diwa ng isang usapin, paano ito ikakategorya, paano ito ilalarawan, o ano ang batayan ng paglalarawan nito; hindi nila alam kung paano suriin ang mga bagay na ito, at wala silang mga pamantayan o prinsipyo sa pagsusuri ng mga ito. Sila ay mga taong magulo ang isip na walang espirituwal na pang-unawa. Ito ang pangunahing pagpapamalas ng mga huwad na lider sa unang gampanin. Sila ay bulag, hunghang, hangal, at manhid, pero gusto pa rin nilang maging lider. Hindi ba’t pag-aantala ito sa mga bagay-bagay? Hindi ba’t labis itong nakakagulo? Kung ang isang tao ay hindi pa kailanman nakapaglingkod bilang isang lider dati, at kung unang pagkakataon pa lang niyang nakakaharap ang isang bagay, at ang usaping ito ay hindi nabanggit sa mga salita ng Diyos at hindi pa nalaman ng mga tao—ibig sabihin, kung wala siyang karanasan o kaalaman tungkol sa usaping ito—sa mga gayong sitwasyon, mangangailangan ng ilang panahon para makabuo ng mga tamang kabatiran, saloobin, at pananaw ang taong iyon. Pero bakit sinasabing manhid at bulag ang mga huwad na lider? Ito ay dahil napakarami Ko nang sinabing salita, pero gaano Ko man ilantad at himayin ang mga bagay, o gaano man karaming halimbawa ang ibigay Ko, nalalaman lang ng mga huwad na lider ang tungkol sa mga usapin pagkatapos na marinig ang mga salita Ko, pero hindi nila nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo mula sa mga ito. Bukod pa rito, habang mas nagsasalita Ako, mas lalo silang nalilito. Sinasabi nila, “Sa dami ng mga usapin, mga salita, mga kuwento, sino ang makakaalala sa lahat ng ito at makakapag-ugnay ng mga ito sa tunay na buhay? Huwag Mong masyadong damihan ang sinasabi Mo, nahihirapan akong intindihin at unawain ang lahat ng ito. Sabihin Mo lang sa akin kung paano pangasiwaan ang taong ito: Dapat ba siyang patalsikin o panatilihin?” Hindi ba’t pagiging manhid ito? Ito ay sukdulang pagkamanhid! Sa katunayan, ang pagsasabing manhid sila ay pagbibigay sa kanila ng kaunting luwag, dahil maaaring bata pa sila, o marahil ay hindi sila edukado, o baka naman matandang-matanda na sila at medyo magulo na ang isip nila—ang pagsasabi nito sa ganitong paraan ay pagsasaalang-alang sa pagpapahalaga nila sa sarili. Pero sa katunayan, ito ay mahinang kakayahan at kawalan ng abilidad na maarok ang katotohanan. Nagiging malinaw ito dahil sa paliwanag na ito.

Kung lumitaw sa iglesia ang malulubhang paggambala at panggugulo at hindi makilatis ng mga huwad na lider ang diwa ng mga problemang ito, may kakayahan ba sila para sa gawain ng pamumuno? Mapoprotektahan ba ang mga kapatid sa ilalim ng pamumuno nila? Mapoprotektahan at mapapanatili ba ang gawain ng iglesia, ang kapaligiran kung saan ginagawa ng mga kapatid ang mga tungkulin nila, at ang normal na kaayusan ng buhay iglesia? Ito ang mga pinakapangunahing bagay na dapat makamit ng mga lider at manggagawa. Makakamit ba ng mga huwad na lider ang mga bagay na ito? Hindi. Ni hindi nila matukoy o makilatis ang mga tao, pangyayari, at bagay na nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan, kaya paano sila makakapagpatuloy sa mga susunod na hakbang ng gawain nila? Ni hindi nila makilala ang mga pinakapangunahing bagay, tulad ng kung ano ang isang mabuting tao, ang isang masamang tao, ano ang isang mapanlinlang na tao, o ano ang isang mapagpaimbabaw na tao—paano nila mapapangasiwaan ang gawain ng iglesia? Hindi nila ito kaya. Hindi sa sinasadya nilang hindi gumawa ng tunay na gawain, o dahil na tamad sila at nagpapakasasa sa mga pakinabang ng katayuan; sadyang mahina ang kakayahan nila at wala silang kakayahang gawin ang gawain nila. Ito ang diwa ng problema. Ang mga taong may napakahinang kakayahan ay kaya lang maglitanya ng mga salita at doktrina, at sumunod sa mga regulasyon; sa panahon ng mga pagtitipon, kaya lang nilang himukin at hikayatin ang iba, nagsasabi ng mga bagay tulad ng, “Manampalataya ka sa Diyos nang maayos! Paano mo naaatim na magpakasasa sa kaginhawaan ng laman sa ganitong panahon? Paano mo pa naaatim na mag-imbot ng pera at mga makamundong bagay? Siguradong nadudurog ang puso ng Diyos!” Kaya lang nilang magsermon nang ganito. Kapag lumilitaw ang iba’t ibang masamang gawa tulad ng mga paggambala, panggugulo, o pagbubulalas ng pagkanegatibo, hindi nila makita o matukoy ang mga ito. Gusto ng mga kapatid na mamuhay ng normal na buhay iglesia pero hindi nila magawa, at gusto nilang magkaroon ng angkop na kapaligiran para gawin ang mga tungkulin nila pero hindi nila ito kayang gawin. Hindi malutas ng mga huwad na lider ang mga problemang ito, kaya ano pa ang silbi nila? Gusto ng mga kapatid na mamuhay ng buhay iglesia, maunawaan ang katotohanan at lutasin ang mga paghihirap at negatibong kalagayan nila. Sabik silang umaasang magagawa ng mga lider at manggagawa na makipagbahaginan nang malinaw at lubusan tungkol sa katotohanan para lutasin ang mga tunay na isyung ito. Kung ang mga huwad na lider ang may hawak ng kapangyarihan sa isang iglesia, malulutas ba ang mga tunay na isyung ito? Hindi nauunawaan ng mga huwad na lider ang puso ng hinirang na mga tao ng Diyos, at hindi nila nakikita ang mga paghihirap ng mga ito. Sa halip, patuloy silang nagsasabi ng mga salita at doktrina at naglilitanya tungkol sa mga matayog, walang kabuluhang ideya, na nagdudulot ng labis na pagkadismaya sa hinirang na mga tao ng Diyos. Sino pa ang gugustuhing regular na dumalo sa mga pagtitipon? Magagawa ba ng mga huwad na lider na maging mapagsaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, at alisin sa iglesia ang masasamang tao, mga hindi mananampalataya, mga oportunista, at mahahalay na tao na buktot at nagmamahal sa mga makamundong bagay, nang ayon sa mga salita at hinihingi ng Diyos, na pigilan ang mga ito na makialam at manggulo sa hinirang na mga tao ng Diyos, at tulutan ang hinirang na mga tao ng Diyos na mamuhay ng normal na buhay iglesia? Kaya ba itong makamit ng mga huwad na lider? Hindi. Kapag may humihiling sa kanila ng gayon, ano ang sinasabi ng mga huwad na lider? “Napakaarte mo naman! Akala mo ba ikaw lang ang nagmamahal sa Diyos at nais maging tapat sa pagtupad ng tungkulin? Sino ba ang ayaw niyon? Nananampalataya rin sila sa Diyos at hinirang din sila ng Diyos. Bagama’t may kaunti silang problema, dapat natin silang tratuhin nang tama. Huwag laging maghanap ng mali sa iba. Gamitin mo ang pagkakataon para mas pagnilayan at kilalanin ang sarili mo; dapat kang matutong maging mapagparaya at mapagpasensiya.” Ang mga huwad na lider ay magulo ang isip at bulag, at wala silang mga prinsipyo sa kung paano nila tinatrato ang iba’t ibang klase ng tao. Hindi nila makilatis ang mga dapat limitahan o paalisin, sa halip ay hinahayaan nila ang mga taong ito na gumawa ng anumang gusto ng mga ito at kumilos na parang mga tirano sa iglesia, binibigyan ang mga ito ng malaking puwang para makakilos, na nakakagulo sa iglesia, hanggang sa puntong ang antas ng pagkakaiba-iba sa ilang iglesia ay mailalarawan na sa iisang parirala: Talagang halo-halo na sila. Halo-halo sa mga iglesiang ito ang masasamang tao, mga hindi mananampalataya, mahahalay, mga lokal na tirano, at maging ang ilan na ipagkakanulo ang iglesia at mga kapatid kapag naharap maging sa napakaliit na panganib. Hindi makilatis ng mga huwad na lider ang mga taong ito, at hindi nila pinapangasiwaan o hinaharap ang mga ito. Samakatwid, sa ilalim ng pamumuno ng mga gayong bulag at manhid na huwad na lider, hindi napoprotektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos, at tiyak na hindi napapanatili ang gawain ng iglesia at ang normal na kaayusan ng buhay iglesia. Para sa mga nagmamahal sa katotohanan at handang tanggapin ang katotohanan, paano nila mauunawaan at makakamit ang katotohanan sa gayong halo-halong buhay iglesia? Hindi ba’t masasaktan ang puso ng mga taong iyon? Kung hindi kayang maayos na pangalagaan ng isang lider ang gawain ng iglesia, ang normal na kaayusan ng buhay iglesia, o ang mga kapaligiran para magawa ng mga kapatid ang mga tungkulin nila, o tiyakin ang seguridad ng mga bagay na ito, walang dudang huwad na lider nga ang lider na ito. Bakit siya tinatawag na huwad na lider? Dahil bulag at manhid siya, na humahantong sa paulit-ulit na paglitaw ng paggambala at panggugulo ng masasamang tao sa gawain ng iglesia; higit pa rito, kahit may mga kahihinatnan na ito, hindi pa rin nila kayang pangasiwaan at lutasin ang mga isyu nang agaran at tumpak, ni hindi nila mapangalagaan nang wasto ang gawain ng iglesia at ang buhay iglesia ng mga kapatid. Sa banayad na pananalita, walang kakayahan ang mga gayong lider sa mga tungkulin nila; sa tumpak na pananalita, lubha silang nabibigo sa mga responsabilidad nila. Bagama’t naglilingkod sila bilang mga lider, pinoprotektahan nila ang mga interes ng masasamang tao at ng mga alipin ni Satanas, habang ipinagsasawalang-bahala ang gawain ng iglesia at ang buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Ipinagtatanggol at hinahayaan nila ang masasamang taong iyon na nanggagambala at nanggugulo sa buhay iglesia, napipinsala ang mga kapatid bilang kapalit. Bagama’t, batay sa kakayahan at mga pagpapamalas nila, mahina lang ang kakayahan nila at wala silang kakayahan sa gawain nila, at hindi mailalarawan bilang mga anticristo, malubha ang mga kahihinatnan ng mga kilos nila sa gawain ng iglesia. Ang kalikasan ng mga kilos nila ay katulad ng sa mga anticristong nagtatatag ng mga nagsasariling kaharian at nang-aapi ng mga kapatid. Kapwa pinoprotektahan at hinahayaan ng mga ito ang masasamang tao, at hinahayaan ng mga ito ang mga alipin ni Satanas na gumagawa ng anumang gusto nila sa iglesia. Sadya lang na ang mga huwad na lider ay hindi lantaran at walang pakundangang gumagawa ng kasamaan at nanggugulo sa gawain ng iglesia gaya ng ginagawa ng mga anticristo. Hindi nila sinasadyang kuhain ang loob ng mga tao at pasunurin ang mga ito, pero ang nagiging resulta ay pareho sa mga anticristong nagtatatag ng mga nagsasariling kaharian. Parehong nauuwi ang mga ito sa pagkapinsala at pagkasira ng mga kapatid na nagmamahal sa katotohanan at sinserong gumagampan sa mga tungkulin nila, at nawawalan sila ng paraan para mamuhay. Sa gayong kapaligiran at buhay iglesia, napakahirap para sa mga kapatid na sinserong gumagawa ng mga tungkulin nila na makausad sa buhay nila, at napakahirap para sa kanila na gawin nang normal ang mga tungkulin nila. Natural, ang gawain ng pagpapalaganap sa ebanghelyo at iba’t ibang aytem ng gawain sa iglesia ay labis ding nahahadlangan at hindi magawang normal na umunlad. Ito ang unang pagpapamalas ng mga huwad na lider na hinihimay natin kaugnay ng ikalabindalawang responsabilidad—ang hindi magawang mapansin at hindi magawang kilatisin ang mga tao, pangyayari, at bagay na lumilitaw sa paligid nila. Ang pagpapamalas na ito ay sapat na para mailarawan ang mga gayong tao bilang mga huwad na lider.