Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (20) Ikalawang Seksiyon
III. Paglalantad sa Masasamang Gawa ng Masasamang Tao, Upang Magkaroon ng Pagkilatis ang Hinirang na mga Tao ng Diyos at Matuto ng mga Aral
Ang ikatlong hinihingi sa ikalabindalawang responsabilidad ng mga lider at manggagawa ay na kapag nahaharap sa mga pagkagambala at kaguluhan na dulot ng masasamang tao, ang mga lider at manggagawa ay dapat na kumain at uminom ng salita ng Diyos kasama ang hinirang na mga tao ng Diyos para pagnilayan at kilalanin ng mga ito ang sarili nila, at magkaroon sila ng tunay na pagbabago. Dapat maakay ng mga lider at manggagawa ang hinirang na mga tao ng Diyos na makapasok sa katotohanang realidad, iwaksi ang mga tiwaling disposisyon ng mga ito, at makamit ang pagsunod sa Diyos, pagpapasakop sa Diyos, at pagpapatotoo sa Diyos. Ang ganitong uri lang ng gawain ang naaayon sa mga layunin ng Diyos. Sa isang banda, ang mga lider at manggagawang gumagawa sa ganitong paraan ay nagagawang lutasin ang mga problema at sangkapan ang sarili nila ng katotohanan habang gumagawa sila. Dagdag pa rito, sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan sa katotohanan para lutasin ang mga problema, natutulungan nila ang mga kapatid na maunawaan ang katotohanan, malaman ng mga ito kung paano pagnilayan at kilalanin ang sarili nila, iwaksi ang mga tiwaling disposisyon nila, gawin nang maayos ang mga tungkulin nila, malaman kung paano kilatisin at tratuhin ang mga tao, makamit ang pagsunod sa Diyos at pagpapasakop sa Diyos, hindi mapigilan ng iba, at makapanindigan sa patotoo nila. Pagtupad ito sa mga tungkulin ng mga lider at manggagawa; ito ang prinsipyong dapat isagawa ng mga lider at manggagawa sa paglutas ng mga problema habang isinasagawa ang gawain ng iglesia. Anumang mga problema ang lumitaw sa iglesia, una sa lahat, dapat hanapin ng mga lider at manggagawa ang katotohanan, arukin ang mga layunin ng Diyos, at hanapin ang paggabay ng Diyos nang magkakasama. Pagkatapos, dapat silang maghanap ng mga nauugnay na mga salita ng Diyos para lutasin ang iba’t ibang umiiral na problema. Sa proseso ng paglutas sa mga problema, ang mga lider at manggagawa ay dapat na mas makipagbahaginan sa mga kapatid tungkol sa mga nauugnay na salita ng Diyos, at maunawaan ang diwa ng mga problema batay sa mga salita ng Diyos. Dapat din nilang himukin ang hinirang na mga tao ng Diyos na makipagbahaginan tungkol sa sariling pagkaunawa ng mga ito para makilatis ang mga isyung ito. Kapag pare-pareho na ang pagkaunawa ng mayorya at nagkaroon na ng kasunduan ang mga ito, mas madali nang malutas ang mga problema. Sa paglutas ng mga problema, huwag paulit-ulit na alalahanin ang mga pangyayari o usisain ang maliliit na detalye o sisihin ang mga indibidwal na sangkot sa mga problema. Sa umpisa, huwag tumuon sa maliliit na isyu; sa halip, malinaw na makipagbahaginan sa katotohanan, dahil mabubunyag nito ang kalikasan ng mga problema. Ang pamamaraang ito lang ang makakatulong sa hinirang na mga tao ng Diyos na matutunang kilatisin ang mga isyu batay sa mga salita ng Diyos, magkamit ng pagkilatis mula sa mga tao, pangyayari, at bagay na lumilitaw, at matuto ng mga praktikal na aral mula sa mga ito. Tinutulutan din sila nito na ikumpara sa tunay na buhay ang mga salita at doktrinang karaniwan nilang nauunawaan, na nagbibigay sa kanila ng kakayahan na tunay na maunawaan ang katotohanan. Hindi ba’t ito ang dapat gawin ng mga lider at manggagawa? Ang pag-akay sa hinirang na mga tao ng Diyos na makapasok sa katotohanang realidad ay pangunahing kinasasangkutan ng paggamit sa katotohanan para lutasin ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng hinirang na mga tao ng Diyos at ang mga tiwaling disposisyon nila. Ang pamamaraang ito ang nagbubunga ng mga pinakamainam na resulta. Kapag mas nagagawa ng mga lider at manggagawa na gamitin ang katotohanan para lutasin ang mga problema, mas madaling nauunawaan ng hinirang na mga tao ng Diyos ang katotohanan. Sa ganitong paraan, malalaman nila kung paano isagawa at gamitin ang salita ng Diyos sa tunay na buhay. Kung madalas na inaakay ng mga lider at manggagawa ang hinirang na mga tao ng Diyos para lutasin ang mga aktuwal na problema, madadala nila ang hinirang na mga tao ng Diyos sa katotohanang realidad at mailalapat din nila ang salita ng Diyos sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ba’t masyado namang malaki ang hinihinging ito sa mga lider at manggagawa? Paano kami magkakaroon ng labis na pagkaunawa?” Maaaring wala ito sa iyo dati, pero hindi mo ba kayang matuto at magsagawa para makamit ang resultang ito? Ito ang paraan kung paano sinasanay ng gawain ng Diyos ang mga lider at manggagawa at ang hinirang na mga tao ng Diyos na makapasok sa katotohanang realidad. Kung hindi mo alam kung paano, puwede kang matuto at magsagawa. Anuman ang mga problemang lumitaw, dapat mong matutunan na pagnilayan ang sarili mo at kilalanin ang sarili mo batay sa mga salita ng Diyos; ito ang proseso ng pagsasagawa. Pagkatapos magsagawa nang ilang beses at magkamit ng mga resulta, magkakaroon ka ng landas at malalaman mo kung paano isagawa ang katotohanan. Kapag pumaparito ang Diyos para gumawa, ito ang paraan ng pag-akay Niya sa mga tao para matutunan ng mga ito na pumasok sa katotohanang realidad. Ang mga lider at manggagawa ay dapat na madalas na makipag-ugnayan sa mga kapatid, harapin ang mga problema nang magkakasama, lutasin ang mga problema nang magkakasama, at gawin nang maayos ang gawain ng iglesia. Paano dapat akayin ng mga lider ng iglesia ang hinirang na mga tao ng Diyos? Ang pangunahing paraan ay ang akayin ang hinirang na mga tao ng Diyos na tukuyin at lutasin ang mga problema sa tunay na buhay, isagawa at danasin ang salita ng Diyos sa tunay na buhay, para bukod sa maisasagawa ng hinirang na mga tao ng Diyos ang katotohanan, makikilatis din nila ang mga negatibong bagay at mga negatibong tao—mga huwad na lider, mga huwad na manggagawa, masasamang tao, mga hindi mananampalataya, at mga anticristo. Ang layon ng pagkilatis sa iba’t ibang tao ay ang malutas ang mga problema. Sa pamamagitan lang ng lubusang paglutas sa mga kaguluhang dulot ng masasamang tao at mga anticristo uusad nang maayos ang gawain ng iglesia, at maisasakatuparan ang kalooban ng Diyos sa iglesia. Kasabay nito, ang pagharap sa masasamang tao ay nagsisilbing babala rin para maiwasang makagawa ng mga pagkakamali o kasamaan, nagbibigay kakayahan sa sarili na magkaroon ng takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Sa ganitong paraan, bukod sa tinutupad mo ang tungkulin mo at nagkakamit ka ng buhay pagpasok, nauunawaan mo rin ang katotohanan at nakakapasok ka sa katotohanang realidad. Hindi ba’t dalawang ibon na ang napupukol mo gamit lang ang iisang bato? Kapag nauunawaan mo ang katotohanan at kaya mong lumutas ng mga problema, pinapatunayan nito na taglay mo ang kakayahan para maging isang lider o manggagawa at natutugunan mo ang mga hinihingi para malinang sa sambahayan ng Diyos; kaya, dapat mong pangunahan at gabayan ang mga kapatid sa pagkatutong kumilatis ng iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay sa tunay na buhay; magkamit ng pagkaunawa sa katotohanan; alamin kung paano tratuhin ang lahat ng uri ng tao na nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia; alamin kung paano isagawa ang katotohanan, paano tratuhin ang iba’t ibang tao nang ayon sa mga prinsipyo, at paano pagbahaginan ang katotohanan para lutasin ang mga problema. Responsabilidad mo ito. Sa pamamagitan ng pagsasagawa sa ganitong paraan, nakakapasok ka sa realidad ng mga salita ng Diyos. Matututo ka ng mga aral, magkakamit ka ng pagkilatis, at mauunawaan mo ang mga layunin ng Diyos sa bawat usaping dumarating sa tunay mong buhay, magkakaroon ka ng mga prinsipyo ng pagsasagawa sa kung paano mo papangasiwaan ang mga usapin, tatratuhin ang mga tao, at gagawin ang mga tungkulin mo. Sa ganitong paraan, maisasagawa mo ang katotohanan. Ang hinihingi ng Diyos sa mga tao ay ang magkamit ng mga gayong resulta. Samakatwid, anuman ang mga suliraning lumilitaw, palagi mo dapat matutunan ang iyong leksiyon at magkaroon ka ng pagkilatis; hindi mo ito dapat hayaang mawala na lang, ni hindi mo dapat palampasin ang anumang pagkakataon na matuto ka ng iyong leksiyon at magkaroon ng pagkilatis. Sapagkat nangyari ang isang bagay, hindi natin dapat harapin ito nang may negatibo at nagrereklamong saloobin; sa halip, dapat natin itong harapin nang may positibong saloobin. Paano iyon ginagawa? Sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan para lutasin ang problema. Lahat ng tao ay may tiwaling disposisyon, at ang pagkatao nila ay maaaring mabuti o masama, kaya paanong hindi magkakaroon ng mga problema kapag nagtitipon ang mga tao? Ano dapat ang saloobin mo, ngayong nailatag na ng Diyos ang sitwasyong ito para sa iyo, na naipakita na Niya sa iyo ang gayong mga tao, kaganapan, at mga bagay na nangyayari sa paligid mo? Pasalamatan ang Diyos sa paglalatag ng iba’t ibang problemang ito sa iyong harapan. Binibigyan ka Niya ng pagkakataong magsagawa at matuto ng mga aral, at na makapasok sa katotohanang realidad. Bilang isang lider o manggagawa, dapat mo ring pasalamatan ang Diyos sa pagbibigay Niya sa iyo ng gayong oportunidad. Anumang mga problema ang makaharap mo, dapat mong akayin ang mga kapatid na matutong kumilatis, makakuha ng mga aral, at magkaroon ng mga kabatiran kasama mo. Dagdag pa rito, dapat mo silang akayin kasama mo para pagnilayan at unawain kung anong mga kuru-kuro at imahinasyon mayroon ang mga tao tungkol sa problema, kung anong mga baluktot na pananaw ang umiiral, anong mga aral ang natutunan mula sa pagharap sa usaping ito, anong mga maling kuru-kuro at pananaw ang nalutas, at anong mga katotohanan ang naunawaan sa huli. Ganito dapat danasin ng isang tao ang gawain ng Diyos, walang pinapalampas na ni isang usapin. Kung maraming taon mo nang dinaranas ang gawain ng Diyos at marami ka nang nalutas na problema, makikita mong ang mga salita ng Diyos ay pawang ang katotohanan at tiyak na kayang linisin ang mga tao at iligtas sila mula sa impluwensiya ni Satanas. Kapag nauunawaan at nakakamit ng mga tao ang katotohanan, makikita nilang ang mga salita ng Diyos ay ganap na natutupad at naisasakatuparan. Kapag nagagawang isagawa at danasin ng hinirang na mga tao ng Diyos ang mga salita ng Diyos, magagawa na nilang ilapat ang mga salita ng Diyos sa kanilang tunay na buhay, gamitin ang salita ng Diyos nang tama para tingnan ang mga tao at usapin, at sukatin ang mga tao at lahat ng ginagawa nila nang ayon sa salita ng Diyos, sa halip na umasa sa nakikita nila o sa mga nararamdaman nila, at tiyak na hindi sa mga kuru-kuro o imahinasyon. Kapag natutunan na nila ang mga aral na ito, nagiging mas madali na para sa kanila na mamuhay batay sa mga salita ng Diyos, at madalas ay nagagawa nilang mamuhay sa presensiya ng Diyos. Sa ganitong paraan, ang mga lider at manggagawa ay ganap na pasok sa pamantayan sa gawain nila, at natutupad ang mga responsabilidad nila. Makakamit lang ng hinirang na mga tao ng Diyos ang mga pakinabang na ito kapag ginagawa nang lubusan ng mga lider at manggagawa ang kanilang gawain. Kung, sa maraming sitwasyong kinakaharap mo, hindi mo alam kung paano akayin ang mga kapatid para matuto sila ng mga aral at hindi mo makilatis ang iba’t ibang tao, pangyayari o bagay, isa kang tao na bulag, manhid, at mapurol at magulo ang utak. Kapag nahaharap sa mga gayong sitwasyon, bukod sa malilito ka, hindi mo alam kung paano papangasiwaan ang mga ito, at wala kang kakayahan para sa gawaing ito, makakaapekto rin ito sa pagdanas ng mga kapatid sa mga tao, pangyayari, at bagay na ito. Kung pinapangasiwaan mo nang di-wasto ang mga bagay, kung hindi ka gumagawa ng anumang gawain, walang sinasabing anuman para makipagbahaginan sa katotohanan na nararapat mong gawin, at hindi ka makapagsabi ng anumang bagay na kapaki-pakinabang at nakakapagpatibay sa iba, kapag maraming tao ang naranasan ang mga tao, pangyayari, at bagay na ito na nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan, bukod sa mabibigo silang tanggapin ang mga usaping ito mula sa Diyos, tratuhin ang mga ito nang positibo at aktibo, at matuto ng mga aral mula sa mga ito, lalo pang lalala ang kanilang mga kuru-kuro at pagiging mapagbantay laban sa Diyos, gayundin ang kanilang di-pagtitiwala at paghihinala sa Kanya. Hindi ba’t ito ang kahihinatnan ng kawalan ng katotohanang realidad ng mga lider at manggagawa at ng kawalan nila ng kakayahang gamitin ang katotohanan para malutas ang mga problema? Hindi ba’t isa itong tanda na hindi kayang gumawa ng aktuwal na gawain ng mga lider at manggagawa? Hindi mo ginawa nang maayos ang gawain ng iglesia, hindi mo nakumpleto ang atas na ibinigay ng Diyos sa iyo, hindi mo natupad ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa, at hindi mo naakay palabas ang mga kapatid mula sa kapangyarihan ni Satanas. Namumuhay pa rin sila sa loob ng mga tiwaling disposisyon at mga tukso ni Satanas. Hindi ba’t inaantala mo ang buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos? Labis mong pinipinsala ang mga tao! Bilang isang lider o manggagawa, dapat mong tanggapin ang atas ng Diyos, akayin ang mga kapatid sa harap ng Diyos, hayaan ang hinirang na mga tao ng Diyos na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos para magkamit ng pagkaunawa sa katotohanan at gawin ang mga tungkulin nila nang may mga prinsipyo, nang sa gayon ay nadaragdagan ang pananalig nila sa Diyos. Bukod sa nabigo kang magsagawa sa ganitong paraan, hindi mo rin nilimitahan o nilutas ang mga kaguluhang dinulot ng masasamang tao, na nagdudulot ng pinsala sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Matapos manampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon, bukod sa wala silang naging pag-usad at hindi nila naunawaan ang katotohanan at hindi sila nagkamit ng kaalaman sa Diyos, nagkaroon pa sila ng maraming kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, nang walang anumang tunay na pagpapasakop. Kung gayon, hindi ba’t sa aktuwal, ang lahat ng ginawa mo ay nakakagambala at nakakagulo sa gawain ng Diyos? Bukod sa hindi mo inakay ang hinirang na mga tao ng Diyos papunta sa katotohanang realidad o pinrotektahan sila, hinayaan mo pa silang magulo ng masasamang tao at mailihis at makontrol ng mga anticristo. Hindi ba’t gumawa ka ng mga bagay na nakakasakit sa sarili mong mga tao at nakakalugod sa mga kaaway mo? Hindi ba’t tumutulong at sumusuporta ka sa kasamaan? Napakatagal mo nang gumagawa; gayumpaman, bukod sa nabigo kang magkamit ng mga positibong resulta, lalo mo pang pinalaki ang agwat sa pagitan ng mga kapatid at ng Diyos, at dahil dito, maraming taon nang nananampalataya sa Diyos ang hinirang na mga tao ng Diyos nang hindi nila nauunawaan ang katotohanan o natututunan kung paano kilatisin ang mga paggambala at panggugulo ng masasamang tao, na labis na nakakaapekto sa kanilang buhay pagpasok. Ano ang isyu rito? Hindi ba’t paggawa ito ng maraming kasamaan? Anuman ang gawaing ginagawa ng mga lider at manggagawa, kung hindi nila magagawang kumilos ayon sa mga hinihingi ng Diyos at pangasiwaan ang mga usapin o lutasin ang mga problema nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo, ang impluwensiya nila ay hindi lang limitado sa kanilang sarili o sa iilang tao lang; makakaapekto ito sa gawain ng iglesia, sa buhay pagpasok ng lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos sa iglesia, sa resulta ng paggawa ng hinirang na mga tao ng Diyos ng mga tungkulin nila, sa mga resulta ng pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian, at maging sa kung ang hinirang na mga tao ng Diyos ay maliligtas at madadala sa kaharian ng Diyos—lahat ng ito ay bahaging maaaring maapektuhan nito. May ilang tao na nananampalataya sa Diyos pero sumusunod sa mga huwad na lider at anticristo, na nauuwi sa kanilang pagkasira. Katulad lang ito ng mga tao sa mga relihiyosong samahan na nalilihis at nakokontrol ng mga pastor at elder, na nagreresulta sa kanilang pagkabigong salubungin ang Diyos sa Kanyang pagbabalik at sa halip ay nahuhulog sila sa sakuna. Kitang-kita na totoo ang lahat ng ito. Kaya naman, ang kakayahang makilatis ang mga huwad na lider at anticristo ay lubos na kapaki-pakinabang sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos!
Ang ikalabindalawang responsabilidad ng mga lider at manggagawa ay hinihingi sa kanila na gampanan ang tatlong pinakamahalagang gampanin: Una, dapat nilang tukuyin ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan sa gawain ng iglesia. Ikalawa, matapos makilatis at mailarawan ang mga ito, dapat nilang agad na pigilan at limitahan ang masasamang tao; ito ang ikalawang hakbang. Ikatlo, habang pinipigilan at nililimitahan ang masasamang tao at binabago ang mga bagay-bagay, dapat silang madalas na makipagbahaginan tungkol sa mga salita ng Diyos kasama ang mga kapatid para ilantad ang masasamang gawa ng masasamang tao, at mahigpit na subaybayan ang mga reaksiyon at pag-unawa ng mga kapatid tungkol sa usaping ito, agad na itinatama ang anumang maling pananaw na mayroon ang mga kapatid. Siyempre, kung may mga kabatiran ang ilang kapatid na naghahangad sa katotohanan, dapat silang hikayatin na mas makipagbahaginan pa. Dagdag pa rito, dapat ding tulungan ng mga lider at manggagawa iyong mga mahina o may mababang tayog, at hikayatin ang mga ito na mas magsalita pa. Ang layunin nito ay tulungan ang mga kapatid na magkaroon ng pagkilatis at matuto ng mga aral mula sa mga kaganapang nangyayari, para matuto silang kilatisin ang mga tao at usapin. Ang layon ng pagkilatis sa mga tao at usapin ay para bigyan sila ng kakayahan na tumpak na maunawaan ang iba’t ibang uri ng tao at, ayon sa mga katotohanang prinsipyo, tratuhin ang mga ito gamit ang mga tamang paraan, habang natututo rin sila ng mga aral. Anong mga aral ang dapat nilang matutunan? Dapat nilang obserbahan kung ano ang saloobin ng Diyos sa mga taong ito kapag hinihimay at inilalantad Niya ang mga kalagayan ng mga ito—ang pag-alam sa saloobin ng Diyos sa mga taong ito ay mas inililinaw kung anong uri dapat ng tao maging ang isang tao at anong landas ang dapat na tahakin, hindi ba? (Oo.) Sa madaling salita, ang pinakaresulta na dapat makamit ay maunawaan ng hinirang na mga tao ng Diyos ang katotohanan at makapasok sila sa realidad sa mga kapaligiran sa tunay na buhay, para magawa nila nang normal ang mga tungkulin nila, at makapagpasakop sila sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Sa ganitong paraan, ang paggampan ng mga lider at manggagawa sa gawain ng iglesia ay magiging naaayon sa mga layunin ng Diyos. Batay sa tatlong hakbang ng paggampan sa gawaing ito, mahirap ba para sa mga lider at manggagawa na maayos na magawa ang gawaing ito? (Hindi.) Kung umaasa sa kabaitan at kakayahan ng tao, maaaring medyo mahirap gawin nang maayos ang gawaing ito, dahil hindi mo makakamit ang resultang hinihingi ng Diyos at hindi mo matutupad ang mga tunay na responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Magagawa mo ba nang maayos ang gawaing ito kung umaasa sa mga tiwaling disposisyon ng tao? (Hindi.) Sa tumpak na pananalita, ang pag-asa sa mga tiwaling disposisyon para magawa ang gawaing ito ay nangangahulugan ng pagkilos batay sa mga sarili mong mga ideya. Ano ang magiging resulta nito? (Magdudulot ito ng kaguluhan sa iglesia.) Ito ang isang kahihinatnan: Habang mas gumagawa ka, mas lalong nagiging magulo ang mga bagay-bagay. Ano ang kaguluhan? Ano ang mga partikular na kalagayan ng kaguluhan? Ito ay kapag, sa mga pagtitipon, ang mga tao ay hindi makakain at makainom ng mga salita ng Diyos nang normal o makapagbahaginan sa katotohanan. Palaging may masasamang tao at mga hindi mananampalataya na nagdudulot ng mga kaguluhan, o palaging may mga pagtatalo, kung saan pinanghahawakan ng bawat tao ang sari-sarili nilang pananaw at bumubuo sila ng mga paksiyon at pangkat; ang mga kapatid ay walang pagkilatis at hindi alam ang gagawin, iyong mga may espirituwal na pagkaunawa at nagmamahal sa katotohanan ay nagugulo rin, at hindi lumalago ang buhay nila. Sa gayong iglesia, ang masasamang tao at mga hindi mananampalataya ang ganap na may kapangyarihan, at hindi gumagawa ang Banal na Espiritu. Sa gayong iglesia, anuman ang mangyari, lahat ng tao ay nagsasalita nang sabay-sabay, nagpapahayag ng iba’t ibang pananaw, pero halos walang tamang pananaw ang nasasabi. Agad na nahahati ang iglesia sa maraming paksiyon, walang pagkakaisa sa mga tao, at walang palatandaan ng paggawa o paggabay ng Banal na Espiritu. Ang mga tao ay mapagbantay laban sa isa’t isa at pinaghihinalaan ang isa’t isa; dalawa o tatlong grupo ang nag-aagawan para sa kapangyarihan at pakinabang; lahat ay naghahanap ng sarili nilang mga tagasuporta, at binabatikos at inihihiwalay nila ang mga hindi sumasang-ayon sa kanila; at maaaring magawa ang iba’t ibang uri ng masasamang gawa. Ganito ang hitsura ng kaguluhan. Paano nagiging ganito ang sitwasyon? Hindi ba’t dahil sa kawalan ng kakayahan ng mga lider at manggagawa na gawin ang gawain nila? (Oo.) Ang paggawa ng mga lider at manggagawa ayon sa sarili nilang mga ideya ay nagdudulot ng mga ganitong kahihinatnan. Ano ang ibig sabihin ng paggawa batay sa sariling mga ideya ng isang tao? Ang ibig sabihin nito ay hindi pagkaunawa sa katotohanan, kawalan ng mga prinsipyo, at kumikilos nang bulag batay sa mga tiwaling disposisyon at mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, na nagdudulot ng higit pang kaguluhan sa iglesia. Maaaring sabihin ng ilang tao, “Paanong may masasamang taong nagdudulot ng mga kaguluhan sa iglesia? Hindi ko alam kung sino ang tama at sino ang mali, o kung kanino ako kakampi.” Maaari namang sabihin ng iba, “Nahahati ang iglesia sa ilang paksiyon. Paano naman natin maisasabuhay ang buhay iglesia? Ang bawat pagtitipon ay walang saysay at sayang lang sa oras. Ang patuloy na pananampalataya sa ganitong paraan ay walang maidudulot na anumang resulta.” Kapag ang isang iglesia ay naging napakagulo na hindi na makapamuhay ng buhay iglesia ang hinirang na mga tao ng Diyos, ganap itong itinataboy ng Diyos. Malinaw nitong ipinapakita na hangga’t ang masasamang tao at mga hindi mananampalataya ang may hawak ng kapangyarihan, sisirain nila ang iglesia. Hindi gagana ang iglesia kung wala ang mabubuting tao at iyong mga nagsasagawa sa katotohanan bilang mga lider at manggagawa—kung wala sila, magiging imposibleng makontrol ang sitwasyon! Kung ang masasamang tao at mga hindi mananampalataya ay hindi malilimitahan, walang magiging buhay iglesia, at ang normal na kaayusan ng iglesia ay ganap na masisira, magiging magulo. Ito ang resulta kapag hindi maayos na ginagawa ng mga lider at manggagawa ang mga gawain nila. Kung hindi magawa ng mga lider at manggagawa na tanggapin ang katotohanan, maging mapagsaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, o umasa sa Diyos, kung gayon ay hindi nila magagawa nang maayos ang gawain ng iglesia. Hindi nila malulutas ang anumang problemang lumilitaw sa iglesia o malulutas ang anumang suliraning kinakaharap ng hinirang na mga tao ng Diyos. Magkakaroon ba ng magagandang resulta ang mga gayong lider at manggagawa kung sila ang may kapangyarihan? Ang magagawa lang nila ay magdulot ng kaguluhan sa iglesia—sa huli, ganito ang uri ng sitwasyong lumilitaw. Pagkatapos, nagiging walang buhay ang iglesiang ito, isang lugar kung saan si Satanas ang may hawak ng kapangyarihan; nasisira at nagbabago ito. Hindi kikilalanin ng Diyos ang iglesiang ito, at hindi gagawa ang Banal na Espiritu rito. Ang gayong iglesia ay iglesia lang sa pangalan at dapat nang patigilin.