Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (20) Unang Seksiyon
Ikalabindalawang Aytem: Agaran at Tumpak na Tukuyin ang Iba’t Ibang Tao, Pangyayari, at Bagay na Nakagagambala at Nakagugulo sa Gawain ng Diyos at sa Normal na Kaayusan ng Iglesia; Pigilan at Limitahan ang mga Iyon, at Ituwid ang mga Bagay-bagay; Dagdag pa Rito, Pagbahaginan ang Katotohanan Upang Magkaroon ng Pagkilatis ang Hinirang na mga Tao ng Diyos sa Pamamagitan ng mga Gayong Bagay at Matuto Sila Mula sa mga Iyon (Ikawalong Bahagi)
Natapos na tayong magbahaginan sa ikalabindalawang responsabilidad ng mga lider at manggagawa noong huling pagtitipon. Naikumpara na ba ninyo ang sarili ninyo sa nilalaman ng pagbabahaginang ito? Pinagbulay-bulayan na ba ninyo ang pagbabahaginang ito? Kapag narinig na nila ang pakikipagbahaginan Ko, makapagsasagawa ng ilang katotohanan ang mga nagmamahal sa katotohanan at iyong mga may pagpapahalaga sa katarungan at may kaunting pagkatao pagkatapos nilang maunawaan ang mga ito. Una, kaya nilang itugma ang mga katotohanang nauunawaan nila sa sitwasyon nila, suriin ang sarili nila kumpara sa katotohanan, tukuyin ang mga problema nila, at pagkatapos ay gamitin ang ilang usapin at kapaligiran sa tunay na buhay at sa paggawa ng mga tungkulin nila para lutasin ang mga problemang ito. Unti-unti, hinggil sa mga katotohanang nauunawaan nila, naaarok nila ang mga prinsipyong dapat isagawa at sundin ng mga tao. Sa isang banda, nagkakamit sila ng mas malalim na pagkaunawa at kaalaman sa sarili nila, at sa kabilang banda, nauunawaan nila nang mas praktikal at tumpak kung ano talaga ang sinasabi at nilalaman ng katotohanan. Gayumpaman, iyong mga hindi nagmamahal sa katotohanan at tutol dito, gaano man karaming katotohanan ang naririnig nila, ay walang kamalayan o pagbabago. Hindi man lang nagbabago ang kanilang kalagayan, ang kanilang saloobin kapag ginagawa ang tungkulin nila, ang mga layong hinahangad nila, estilo ng pamumuhay, at ang kanilang mga prinsipyo ng pag-asal. Patuloy silang kumikilos ayon sa gusto nila at namumuhay ayon sa nais nila; walang epekto sa kanila ang mga katotohanang ito, ni hindi sila nahihimok ng mga ito na pagnilayan at kilalanin ang sarili nila hanggang sa puntong namumuhi na sila sa kanilang sarili. Kung hindi nila maaabot ang punto ng pagkamuhi sa sarili nila, tiyak na hindi nila makakamit ang tunay na pagsisisi. Kung walang tunay na pagsisisi, walang totoong pagpasok; kung walang totoong pagpasok, tiyak na walang pagbabago sa disposisyon. Samakatwid, maraming tao ang nananampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon, bagama’t nakikipagtipon din sila, gumagawa ng mga tungkulin, maraming taon nang nakikinig sa mga sermon, at madalas na nakikisalamuha sa mga kapatid, ay walang anumang pagkaunawa sa kanilang sarili, hindi nagpapakita ng anumang pagbabago, at hindi talaga nadaragdagan ang pananalig nila sa Diyos. Sinusunod nila ang Diyos nang ayon sa kanilang mga inisyal na kuru-kuro at imahinasyon at nang may intensiyon at pagnanais na magkamit ng mga pagpapala. Ilang taon man silang nanampalataya na sa Diyos, hindi talaga nagbago ang kanilang mga pananaw sa pananampalataya sa Diyos, mga pananaw sa mga bagay-bagay, mga pamamaraan sa paghahangad at ang mga layong hinahangad nila, at mga saloobin kapag ginagawa ang mga tungkulin nila. Ang mga kasalukuyang pagbubunyag at ang mga pagpapamalas na isinasabuhay nila ay resulta ng hindi paghahangad sa katotohanan. Pinagbahaginan natin ang labindalawang responsabilidad ng mga lider at manggagawa, pero hindi talaga nagbago ang pag-uugali ng ilang lider at manggagawa. Hindi talaga nagbago ang mga saloobin nila kapag ginagawa ang mga tungkulin nila at ang mga saloobin nila sa mga hinihingi ng Diyos. Ang napagbahaginang nilalaman ay naglalayong magpaalala, mangasiwa, at mag-udyok sa mga medyo may paghahangad sa katotohanan, at sa mga may kaunting pagkatao at may kaunting kamalayan ang konsensiya. Gayumpaman, wala itong naging epekto sa ilang mas matigas ang kalooban, tuso, at hindi talaga tumatanggap sa katotohanan. Bakit ganito? Dahil ang saloobin ng mga taong ito sa katotohanan ay saloobin ng paglaban at pagkapoot. Gaano man karaming katotohanan ang napagbabahaginan, ganoon pa rin ang saloobin nila: “Ano’t anuman, ginagawa ko ang tungkulin ko at sinusunod ko ang Diyos; tunay kong ginugugol ang sarili ko para sa Diyos. Paano man ako umasal, hangga’t nagpapatuloy ako hanggang sa huli, maaari akong magkamit ng mga pagpapala!” May anumang katwiran ba ang ganitong klase ng pag-iisip? Sila ay ganap na hindi magbabago at walang kahihiyan, hindi ba? Hindi ba’t ito ay pagiging matigas ang ulo at pagtangging magsisi anuman ang mangyari? (Oo.)
Ang ikalabindalawang responsabilidad ng mga lider at manggagawa ay: “Agaran at tumpak na tukuyin ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakagagambala at nakagugulo sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia; pigilan at limitahan ang mga iyon, at ituwid ang mga bagay-bagay; dagdag pa rito, pagbahaginan ang katotohanan upang magkaroon ng pagkilatis ang hinirang na mga tao ng Diyos sa pamamagitan ng mga gayong bagay at matuto sila mula sa mga iyon.” Noong nakaraan, hinati natin sa labindalawang isyu ang pagbabahaginan natin sa responsabilidad na ito. Ang nilalaman ng labindalawang isyung ito ay pangunahing tumatalakay sa kung paano dapat harapin at pangasiwaan ng mga lider at manggagawa ang mga problemang ito kapag lumilitaw sa iglesia ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan para makamit ang epekto ng pagpoprotekta sa gawain ng sambahayan ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia, nang sa gayon ay natutupad ang mga papel na dapat gampanan ng mga lider at manggagawa at ang mga responsabilidad na dapat nilang gampanan. Detalyado nating pinagbahaginan ang bawat isyu sa loob ng responsabilidad na ito ng mga lider at manggagawa, pinagbahaginan natin ang ilang partikular na pagpapamalas ng bawat isa, at sinipi natin ang ilang partikular na halimbawa. Sa usapin ng mga prinsipyo, napakapraktikal ng nilalaman na napagbahaginan. Bagama’t ang mga naibigay na halimbawa ay hindi masasaklaw ang lahat, malinaw namang napagbahaginan ang mahahalagang isyu ng iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay. Sa partikular, kayo bilang mga lider at manggagawa ay dapat na maunawaan ang aspektong ito ng katotohanan para malutas ang iba’t ibang problemang lumilitaw sa iglesia. Una, kailangan ninyong mahanap ang mga salitang naghihimay sa diwa ng mga problema mula sa napagbahaginang nilalaman at iugnay ang mga ito sa mga problema. Sa pagkaunawa sa diwa ng mga problema, mas madaling mahanap ang mga kaugnay na solusyon at lutasin ang mga problema nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ang pagkaunawa sa diwa ng problema ay napakahalaga bago ito lutasin. Kapag naunawaan mo na ang diwa ng problema, dapat mo ring maunawaan at maarok ang mga prinsipyo ng pangangasiwa ng problemang ito. Kapwa lubos na kinakailangan ang dalawang aspektong ito: Ang isa ay ang diwa ng problema, at ang isa pa ay ang mga prinsipyo ng paglutas sa mga gayong problema. Dapat malinaw ang mga bagay na ito sa mga lider at manggagawa. Sa pamamagitan ng pagkaarok sa dalawang prinsipyong ito, saka mo lang tumpak na malulutas ang lahat ng problema at wastong mapapangasiwaan ang mga tao, pangyayari, at bagay na may kinalaman sa iba’t ibang isyu, sa halip na gumamit ng mga regulasyon at palakihin masyado ang mga isyu. Sa kasalukuyan, kapag pinapangasiwaan ng ilang lider at manggagawa ang ilang isyu, sa isang banda, sumusunod lang sila sa mga regulasyon, at sa kabilang banda, nabibigo silang maarok ang diwa ng mga isyu, madali silang nakakaagrabyado ng mga tao at gumagawa ng mga paglihis. Nangangailangan ito ng malinaw na pagkaunawa sa mga detalye, mga espesipiko, at konteksto ng mga isyu. Dagdag pa rito, mahalagang tingnan ang palagiang pag-uugali ng isang tao para matukoy kung saang kategorya siya nabibilang. Mapangangasiwaan lang nang ayon sa mga prinsipyo ang mga isyung ito sa pamamagitan ng pagiging bihasa sa mga aspektong ito. Ang ilang lider at manggagawa, kapag ginagawa ang gawain nila, ay ginagamitan lang ng regulasyon ang mga problema at masyadong pinapalaki ang mga ito, samantalang hindi nila makilatis ang aktuwal na diwa ng mga taong sangkot, kung mabubuti o masasamang tao ba ang mga ito, kung palagian ba ang pag-uugali ng mga ito o paminsan-minsan lang na pagsalangsang. Hindi nila makilatis ang mga aspektong ito, kaya malamang talaga na magkamali sila. Sa mga gayong kaso, kung makakapagbotohan sa iglesia, epektibo nitong maiiwasan ang ilang pagkakamali. Ang presensiya ng mga paglihis at pagkakamaling ito sa gawain ng mga lider at manggagawa ay pinakamalinaw na makakapagbunyag sa kung may pagkilatis sila at kung napapangasiwaan nila ang mga usapin nang ayon sa mga prinsipyo. Ibinubunyag din nito kung may taglay na bang katotohanang realidad ang mga lider at manggagawa. Kung ang isang lider o manggagawa na maraming taon nang nananampalataya sa Diyos ay hindi kayang mangasiwa sa mga tunay na problemang ito, sapat na itong patunay na ang lider o manggagawang ito ay hindi isang tao na naghahangad sa katotohanan.
Matapos maunawaan ang mga responsabilidad na dapat gampanan ng mga lider at manggagawa, ang mga prinsipyong dapat nilang sundin, at ang saklaw ng gawain nila, dapat tayong bumalik sa tema ng yugtong ito ng pagbabahaginan: paglalantad sa mga huwad na lider. Ito ang pangunahing paksa. Hinggil sa ikalabindalawang responsabilidad ng mga lider at manggagawa, ang paksang pagbabahaginan natin ngayon ay ang mga bahagi kung saan pabaya ang mga huwad na lider sa responsabilidad nila, at ang mga pagpapamalas nila ng hindi paggawa ng tunay na gawain. Una, basahin natin ang nilalaman ng ikalabindalawang responsabilidad. (Ikalabindalawang aytem: Agaran at tumpak na tukuyin ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakagagambala at nakagugulo sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia; pigilan at limitahan ang mga iyon, at ituwid ang mga bagay-bagay; dagdag pa rito, pagbahaginan ang katotohanan upang magkaroon ng pagkilatis ang hinirang na mga tao ng Diyos sa pamamagitan ng mga gayong bagay at matuto sila mula sa mga iyon.) Malinaw na binabanggit ng ikalabindalawang responsabilidad ang tatlong aspekto ng gawain na dapat maunawaan ng mga lider at manggagawa. Paano ito nauugnay sa paglalantad sa mga huwad na lider? (Una, dapat nating maunawaan ang ilang responsabilidad ng mga lider at manggagawa sa gawaing ito. Pagkatapos, ikumpara natin kung tinupad ng mga huwad na lider ang mga responsabilidad na ito, at kung ano ang mga pagpapamalas ng mga huwad na lider; ang pagsukat sa kanila ayon sa pamantayang ito ay medyo tumpak.) Tama iyan. Ang pagkilatis kung huwad na lider ba o hindi ang isang tao ay hindi ginagawa sa pamamagitan ng paggamit ng iyong mga mata para tingnan ang mukha niya at makita kung mabuti ba o masama ang mga katangian ng kanyang mukha, ni hindi ito ginagawa sa pamamagitan ng pagtingin kung gaano siya mukhang nagdusa sa panlabas, o kung gaano siya nagpakaabala. Bagkus, dapat mong tingnan kung natutupad ba niya ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa at kung nagagamit ba niya ang katotohanan para lutasin ang mga tunay na problema. Ito lang ang tumpak na pamantayang magagamit para suriin siya. Ito ang prinsipyo ng paghihimay, pagkilatis, at pagtukoy kung huwad na lider ba ang isang tao. Sa ganitong paraan lang maaaring maging makatarungan ang pagsusuri, naaayon sa mga prinsipyo, alinsunod sa katotohanan, at patas para sa lahat. Ang pagsasalarawan na huwad na lider o huwad na manggagawa ang isang tao ay dapat batay sa sapat na mga katunayan. Hindi ito dapat batay sa isa o dalawang insidente o pagsalangsang, lalong hindi maaaring gamitin ang pansamantalang pagbubunyag ng katiwalian bilang batayan para dito. Ang tanging tumpak na mga pamantayan sa pagsasalarawan sa isang tao ay kung kaya ba niyang gumawa ng tunay na gawain at magawang gamitin ang katotohanan para lutasin ang mga problema, gayundin kung siya ba ay isang tamang tao, kung siya ba ay isang taong nagmamahal sa katotohanan at nakakapagpasakop sa Diyos, at kung taglay ba niya ang gawain at kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Maaari lamang maisalarawan nang tama ang isang tao bilang isang huwad na lider o huwad na manggagawa batay sa mga salik na ito. Ang mga salik na ito ang mga pamantayan at prinsipyo sa pagsusuri at pagtukoy kung huwad na lider o huwad na manggagawa ba ang isang tao.
Ang Tatlong Gampaning Nararapat Gampanan ng mga Lider at Manggagawa sa Loob ng Ikalabindalawang Responsabilidad
I. Agaran at Tumpak na Tukuyin ang Iba’t Ibang Tao, Pangyayari, at Bagay na Nagdudulot ng mga Pagkagambala at Kaguluhan
Ang ikalabindalawang responsabilidad ng mga lider at manggagawa ay may tatlong gampanin, o tatlong hakbang. Sa pamamagitan ng pagsunod sa tatlong hakbang na ito para kumpletuhin ang gawaing ito, naitataguyod ang mga prinsipyo ng gawaing ito, at natutupad ang mga responsabilidad sa gawaing ito. Ano ang tatlong gampaning ito? (Una, agaran at tumpak na tukuyin ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakagagambala at nakagugulo sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia. Pangalawa, pigilan at limitahan ang mga iyon, at ituwid ang mga bagay-bagay. Pangatlo, pagbahaginan ang katotohanan upang magkaroon ng pagkilatis ang hinirang na mga tao ng Diyos sa pamamagitan ng mga gayong bagay at matuto sila mula sa mga iyon.) Ang tatlong gampaning ito ay ang mga hinihingi sa mga lider at manggagawa sa ikalabindalawang responsabilidad. Bilang panimula, ang unang hinihingi sa mga lider at manggagawa ay agaran at tumpak na tukuyin ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakagagambala at nakagugulo sa gawain ng Diyos at sa buhay iglesia. Ito ay para tukuyin nang agaran at tumpak, hindi para tumugon nang mabagal at di-sensitibo, ni maglarawan nang bulag at walang ingat—hindi katanggap-tanggap ang mga walang ingat na paglalarawan. Ang ilang lider at manggagawa, dahil sa kanilang mahinang kakayahan at magulong isipan, ay pinupungusan at sinesermunan ang mga tao nang walang ingat tungkol sa maliliit na usapin, basta-bastang naglalarawan at bulag na tinutukoy ang mga bagay-bagay nang hindi sumusunod sa mga prinsipyo. Ang paggawa sa ganitong paraan ay paglabag sa mga katotohanang prinsipyo. Samakatwid, kahit papaano, ang mga lider at manggagawa sa sambahayan ng Diyos ay dapat makakilatis ng iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay. Agaran at tumpak lang nilang matutukoy ang iba’t ibang problemang lumilitaw sa iglesia kung may pagkilatis sila. Para makamit ang abilidad na makilatis ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay, ano ang unang hinihingi? Una, kinakailangang maunawaan ang mga hinihingi ng Diyos sa iba’t ibang klase ng tao, pati na rin sa kung paano tinutukoy ng Diyos ang iba’t ibang tao at ang iba’t ibang nagiging kalagayan nila. Bukod dito, mahalagang mahimay kung paano lumilitaw ang iba’t ibang negatibong kalagayan at kung ano ang mga ugat ng mga ito. Dagdag pa rito, kailangang maunawaan ng isang tao ang epekto ng iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia. Ano ang batayan sa pagtugon sa mga kondisyong ito? Anong gawain ang unang dapat isagawa ng mga lider at manggagawa? Kung ang mga lider at manggagawa ay palaging mataas ang tingin sa sarili, kumikilos na parang mga burukrata at hindi nakikisalamuha sa mga kapatid, hindi inaarok ang iba’t ibang kalagayan ng mga kapatid, hindi malapit na nakikipag-ugnayan sa iba’t ibang klase ng tao, at walang detalyadong obserbasyon at malalim na pagkaunawa sa mga ito, katanggap-tanggap ba ito? Tiyak na hindi ito katanggap-tanggap. Ang ilang lider at manggagawa ay madalas na nagtatago sa kanilang silid, ginagamit ang espirituwal na debosyon at pagsusulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan bilang mga dahilan para balewalain at hindi arukin ang gawain ng iglesia. Sa panlabas, tila nag-aasikaso sila ng mga usapin ng iglesia habang nagtatago sa silid nila, pero sa katunayan, ihiniwalay na nila ang sarili nila mula sa gawain ng iglesia at sa hinirang na mga tao ng Diyos. Malulutas ba ng ganitong pamamaraan ng paggawa ang mga problemang umiiral sa iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia? Matutulungan ba nito ang hinirang na mga tao ng Diyos na magawa nang maayos ang mga tungkulin nila? Kapag nagtatago sila sa kanilang silid para magsulat ng mga artikulo ng patotoo, nararanasan ba nila ang gawain ng Diyos? Samakatwid, hindi angkop ang pamamaraang ito. Ayon sa ikalabindalawang responsabilidad, ang unang gampanin ng mga lider at manggagawa ay agarang tukuyin ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakagagambala at nakagugulo sa gawain ng iglesia batay sa mga salita ng Diyos at sa katotohanang prinsipyo. Tinatanong ng ilang tao, “Kaya ba malalim na pinalalahok sa buhay iglesia ang mga lider at manggagawa para lang agaran at tumpak nilang matukoy ang mga tao, pangyayari, at bagay na nagdudulot ng mga kaguluhan at pagkagambala?” Tama ba ang pagkaarok na ito? (Hindi.) Isa itong baluktot na pagkaarok. Ang mga lider at manggagawa ay dapat na may tamang saloobin at pamamaraan sa gawain nila at dapat din silang malapit na makipag-ugnayan sa mga nasa ibaba. Sa ganitong paraan lang nila agaran at tumpak na matutukoy at malulutas ang mga problema. Kung hindi sila malapit na makikipag-ugnayan sa mga nasa ibaba at hindi mamumuhay kasama ang hinirang na mga tao ng Diyos, magiging napakahirap na tukuyin ang lahat ng problema sa gawain ng iglesia. Kung malulutas lang nila ang ilang problema pagkatapos na mag-ulat at maghanap ng mga solusyon ang mga tao, magiging napakalimitado ng epekto ng gawaing ito. Ang pinakamaling pamamaraan ng paggawa ng mga lider at manggagawa ay ang bumukod at gumawa nang nakahiwalay sa iba, tulad ng mga sinaunang iskolar na ganap na ginugol ang sarili nila sa pag-aaral ng mga aklat ng mga pantas at hindi nagbigay-pansin sa mga panlabas na usapin. Hindi katanggap-tanggap ang ganitong saloobin at estilo ng pamumuhay para sa mga lider at manggagawa. Nagsosolo ka sa kuwarto mo, nakikinig sa mga sermon, nagbabasa ng mga salita ng Diyos, nagsusulat ng mga tala tungkol sa espirituwal na debosyon, at nagsusulat ng mga sermon, pero ang pagkakamit ba ng kaunting doktrina at salita ay nangangahulugang nauunawaan mo ang katotohanan? Nangangahulugan ba ito na nauunawaan mo ang mga aktuwal na sitwasyon at mga totoong kalagayan ng mga tao na nailantad ng katotohanan? (Hindi.) Kaya, bagama’t ang buhay ng espirituwal na debosyon ay mahalaga sa gawain ng mga lider at manggagawa, ang pinakamahalagang bagay ay ang magkaroon ng mga tamang pamamaraan sa paggawa at tamang estilo ng pamumuhay.
II. Agarang Pagpipigil at Paglilimita sa Masasamang Tao
Ang ikalawang hinihingi sa mga lider at manggagawa na nakabalangkas sa ikalabindalawang responsabilidad ay na kapag natukoy nila ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakakagambala at nakakagulo sa gawain ng iglesia, dapat agaran at tumpak silang makagawa ng mga paghuhusga. Kailangang malinaw nilang matukoy ang kalikasan ng iba’t ibang tao at pangyayari, at intindihin kung paano nakakaapekto ang mga ito sa buhay iglesia, kung nagiging banta, nakakagulo, o nasasabotahe ng mga ito ang mga kalagayan, buhay pagpasok, at paggampan ng tungkulin ng hinirang na mga tao ng Diyos, at kung nakakaapekto ang mga ito sa mga resulta ng paggampan ng mga tao sa tungkulin—ang mga lider at manggagawa ay dapat na agaran at tumpak na husgahan at suriin ang mga usaping ito. Ito ang responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Kung wala silang utak para dito at wala sila ng tamang kakayahan, hindi nila magagawa ang gawain ng iglesia. Dagdag pa rito, ang mga lider at manggagawa ay kailangang may matalas na pagtugon at pagkilatis sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay. Halimbawa, kapag lumilitaw sa iglesia ang mga alitan at nangyayari ang iba’t ibang paggambala at panggugulo, hindi mo matukoy ang problema at iniisip mong hindi ito mahalaga, dahil dito, maraming tao ang naaapektuhan at hindi nila magawa nang maayos ang mga tungkulin nila. Hindi ba’t manhid at bulag ang gayong lider o manggagawa? (Oo.) Isa itong problema sa mga lider at manggagawa. Ano ang dapat mong gawin kapag natuklasan mong ginagambala at ginugulo ng isang tao ang gawain ng iglesia? Una, dapat mong kumpirmahin ang kalubhaan ng isyu at suriin at husgahan ang diwa ng mga gayong tao at ang epekto at mga kahihinatnan ng mga gayong bagay sa gawain ng iglesia at sa buhay iglesia. Ano ang dapat na maging batayan ng gayong paghuhusga? Dapat na batay ito sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Sinasabi ng ilang tao, “Paano mo ito ibinabatay sa mga salita ng Diyos? Tingin ko, walang kabuluhang pagsasalita ito.” Ang totoo, hindi ito walang kabuluhang pagsasalita. Bakit Ko sinasabi ito? Kapag nahaharap ka sa mga gayong bagay o nakikita o naririnig mo ang tungkol sa mga ito, sadyang kailangan mong ikumpara ang mga ito sa mga isyung inilalantad ng mga salita ng Diyos. Tingnan mo kung paano inilalantad at hinihimay ng mga salita ng Diyos ang mga gayong tao at usapin, at kung paano Niya inilalarawan ang mga isyung ito, tulad ng kung paano Niya inilalantad ang mga huwad na lider at mga anticristo, at kung paano Niya inilalantad ang mga tiwaling disposisyon ng iba’t ibang tao, at iba pa. Pagkatapos, ikumpara at himayin mo ang mga usaping ito ayon sa mga salitang iyon, at sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan sa mga kapatid at ng sarili mong mga obserbasyon, sa wakas ay makakagawa ka na ng tumpak na pagsusuri at paglalarawan sa mga tao, pangyayari, at bagay na nakikita mo, at makakabuo ka ng mga nauugnay na solusyon. Paano dapat pangasiwaan ang mga natukoy na kabilang sa iba’t ibang tao na nanggagambala at nanggugulo? Bukod sa dapat silang ilantad at himayin para tulungan ang mga tao na makilatis sila, dapat din silang pigilan at limitahan, at ang mga hindi nagbabago sa kanila sa kabila ng paulit-ulit na pagsaway ay dapat na paalisin. Ano ang mga diskarte at partikular na pamamaraan para pigilan at limitahan sila? (Pungusan sila at bigyan ng babala.) Magandang pamamaraan ba ang pagpupungos? (Oo.) Ang paglalantad sa mga kilos nila, pagtutukoy sa mga pinakamalubha nilang problema, paghihimay sa diwa nila, at pagbibigay ng mga babala—hindi ba’t mga pamamaraan ito na kaya namang gawin? Siyempre, ang pinakamahalagang bagay ay ang basahin sa kanila ang mga salita ng Diyos at gamitin ang mga salita ng Diyos bilang batayan para himukin at himayin sila. Kung hindi nila tinatanggap ang katotohanan at matigas silang tumatangging aminin ang mga pagkakamali nila, kinakailangan ang mas mahihigpit na pamamaraan. Una, bigyan sila ng babala, pagkatapos, gamitin ang mga atas administratibo ng iglesia para limitahan sila, hindi sila hinahayaan na walang ingat na gumawa ng masasamang gawa at guluhin ang mga kapatid. Dapat din silang pungusan at pangasiwaan. Kinakailangan ang mga pamamaraang ito, lahat ng ito ay para masigurong nagagawa nang maayos ang gawain ng iglesia at para maligtas ang mga tao, ginagabayan sila patungo sa tamang landas. Ang paggamit sa mga pamamaraang ito ay tiyak na magkakamit ng magagandang resulta. Sa isang banda, gamitin ang katotohanang nauunawaan ng mga tao para hikayatin at ilantad sila, na naghihimay sa disposisyon at diwa nila, naglalantad sa mga kalikasan ng mga kilos nila at sa malulubhang kahihinatnan na idinulot nila—ito ang pinakamaliit na puwedeng gawin ng mga tao. Ang susunod na hakbang ay ang himayin at kilatisin sila batay sa mga salita ng Diyos, at ilarawan sila nang naaayon. Kung susundin nila ang payo, tatanggapin ito, at magsisisi sila, siyempre, iyon ang pinakamainam. Gayumpaman, kung hindi nila ito tatanggapin at patuloy nilang guguluhin ang gawain ng iglesia, ano na ang dapat gawin? Sa ganoong kaso, hindi na kailangang maging magalang pa. May mga atas administratibo ang sambahayan ng Diyos, at sa puntong ito, ang naturang tao ay dapat pigilan at limitahan ayon sa mga atas administratibo ng sambahayan ng Diyos. Kung ang naturang tao ay isang bagong mananampalatayang may mababang tayog na hindi nakakaunawa sa katotohanan, puwede siyang tulungan nang may pagmamahal; puwede kang makipagbahaginan sa katotohanan para matulungan siyang makilala ang sarili niya. Para sa mga taong kayang tanggapin ang katotohanan at magsisi, hindi na sila kailangang pigilan, limitahan, at pungusan. Kung hindi nila tinatanggap ang katotohanan, hindi ito isang usapin ng pagkakaroon ng mababaw na pundasyon o mababang tayog at hindi pagkaunawa sa katotohanan; isa itong problema sa pagkatao nila. Para sa mga gayong tao, ang mga administratibong pamamahala at administratibong kaparusahan ang dapat gamitin para pigilan at limitahan sila. Ang pinakahuling epektong nakakamit ay ang pagtataguyod sa gawain ng iglesia at sa normal na kaayusan ng buhay iglesia, na magtutulot sa buhay iglesia na makapagpatuloy sa maayos na paraan. Tinatawag itong pagtutuwid sa mga bagay-bagay, at ito ang epektong dapat makamit ng mga lider at manggagawa sa gawain nila. Kapag nakamit na nila ang epektong ito, saka lang nila natutupad ang responsabilidad nila. Kung babalewalain ng mga lider at manggagawa ang anumang mga problemang lumilitaw, tumutugon lang nang pabasta-basta gamit ang ilang salita at doktrina, o sinasaway at pinupungusan, sa isang simpleng paraan at gamit lang ang kaunting salita, iyong mga nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia, malulutas ba nito ang problema? Bukod sa nabibigo nitong malutas ang problema, humahantong din ito sa mas malaking kaguluhan sa iglesia—karamihan ng tao ay nawawalan ng ganang gawin ang mga tungkulin nila at nagugulo sila sa magkakaibang antas, na nakakaapekto sa paggampan nila ng tungkulin. Natupad ba ng mga gayong lider at manggagawa ang responsabilidad nila? (Hindi.) Ipinapakita nito na walang kakayahan ang mga lider at manggagawang ito sa gawain nila.