Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (2) Unang Seksiyon

Magbalik-aral muna tayo sa pangunahing nilalaman ng pagbabahaginan natin noong huling pagtitipon. (Noong nakaraan, itinala Mo ang labinlimang responsabilidad ng mga lider at manggagawa, at pangunahin Kang nakipagbahaginan tungkol sa naunang dalawa: Ang una ay akayin ang mga tao na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos at unawain ang mga ito, at pumasok sa realidad ng mga salita ng Diyos; ang ikalawa ay maging pamilyar sa mga kalagayan ng bawat uri ng tao, at lutasin ang iba’t ibang paghihirap na may kaugnayan sa buhay pagpasok na nararanasan nila sa tunay nilang buhay. Batay sa dalawang aytem na ito, hinimay Mo ang mga nauugnay na pagpapamalas ng mga huwad na lider.) Kahit kailan ba ay napag-isipan na ninyo kung alin sa dalawang responsabilidad na ito ang kaya ninyong gampanan kung lider kayo? Maraming tao ang palaging nag-aakalang may kaunti silang kakayahan, talino, at pagpapahalaga sa pasanin, at dahil dito ay ninanais nilang makipagkompetensiya para maging mga lider, at ayaw nilang maging mga karaniwang tagasunod. Kaya, tingnan mo muna kung kaya mong gampanan ang dalawang responsabilidad na ito, at kung alin ang mas kaya mong gampanan, at kaya mong akuin. Sa ngayon ay huwag nating pag-usapan kung may kakayahan ka na maging isang lider, o kung taglay mo ang kapabilidad sa gawain o ang pagpapahalaga sa pasanin, at tingnan mo muna kung kaya mong gampanan nang maayos ang dalawang responsabilidad na ito. Kahit kailan ba ay napag-isipan na ninyo ang tanong na ito? Puwedeng sabihin ng ilan, “Hindi ko planong maging lider, kaya bakit kailangan ko itong pag-isipan? Kailangan ko lang gawin nang maayos ang sarili kong trabaho—walang kinalaman sa akin ang tanong na ito. Sa buhay na ito, kailanman ay hindi ko gustong maging lider, at kailanman ay hindi ko gustong akuin ang mga responsabilidad ng isang lider o manggagawa, kaya kailanman ay hindi ko kailangang pag-isipan ang mga gayong tanong.” Tama ba ang pahayag na ito? (Hindi.) Kahit na ayaw mong maging lider, hindi ba’t kailangan mo pa ring malaman kung gaano kahusay na isinasakatuparan ng taong namumuno sa iyo ang dalawang responsabilidad na ito, kung natupad ba niya ang mga responsabilidad niya, kung taglay ba niya ang hinihinging kakayahan, mga abilidad, at pagpapahalaga sa pasanin, at kung natutugunan ba niya ang dalawang hinihinging ito? Kung hindi mo nauunawaan o nakikilatis ang mga bagay na ito, at aakayin ka niya sa isang hukay, mamamalayan mo ba ito? Kung basta mo siyang susundan sa paraang nalilito at isa ka lang hangal, kung hindi mo alam na isa siyang huwad na lider, o na inililigaw ka niya o kung saan ka niya inaakay, malalagay ka sa panganib. Dahil hindi mo nauunawaan ang saklaw ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa, at wala kang pagkilatis sa mga huwad na lider, susundan mo siya sa paraang nalilito, at gagawin mo ang anumang ipagagawa niya sa iyo, nang hindi nalalaman kung ang ibinabahagi niya sa iyo ay naaayon ba sa katotohanan sa mga salita ng Diyos, o kung ito ba ang realidad. Dahil masigasig siya, dahil nagpapakaabala at nagtatrabaho siya nang husto mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito at kaya niyang magbayad ng halaga, at dahil, kapag may taong nahihirapan, umaalalay siya para tulungan ito, at hindi ito binabalewala, iniisip mong pasok siya sa pamantayan bilang isang lider. Hindi mo alam na ang mga huwad na lider ay walang abilidad na arukin ang mga salita ng Diyos, na kahit gaano katagal pa silang gumagawa, hindi nila mauunawaan ang mga layunin ng Diyos o malalaman kung ano ang mga hinihingi ng Diyos, ni hindi nila makikilatis kung ano ang mga doktrina at kung ano ang mga katotohanang realidad, hindi nila malalaman kung paano arukin ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan sa dalisay na paraan, ni malalaman kung paano kainin at inumin ang mga salita ng Diyos—dahil dito ay nagiging malinaw na sila ay mga huwad na lider. Ang mga huwad na lider ay walang nakakamit na mga resulta sa gawaing ginagawa nila. Makikipagbahaginan sila sa iyo at iraraos nila ang mga bagay-bagay, pero hindi sila magiging malinaw tungkol sa kasalukuyan mong kalagayan, kung anong mga paghihirap ang hinaharap mo, at kung nalutas na ba talaga ang mga iyon, at ikaw mismo ay hindi rin makakaalam sa mga bagay na ito. Sa panlabas, babasahan ka nila ng mga salita ng Diyos at makikipagbahaginan sila sa iyo tungkol sa katotohanan, pero mamumuhay ka pa rin sa isang maling kalagayan nang walang anumang pagbabago. Anumang mga paghihirap ang haharapin mo, magmumukha silang nagsasakatuparan ng mga responsabilidad nila, pero wala sa mga paghihirap mo ang malulutas sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan o pagtulong nila, at magpapatuloy ang mga isyu. Pasok ba sa pamantayan ang ganitong uri ng lider? (Hindi.) Kaya, anong mga katotohanan ang kailangan mong maunawaan para makilatis ang mga usaping ito? Kailangan mong maunawaan kung ginagampanan ng mga lider at manggagawa ang bawat gampanin at kung tinutugunan nila ang bawat problema nang alinsunod sa mga hinihingi ng mga salita ng Diyos, kung ang bawat salitang binibigkas nila ay praktikal at tumutugma sa katotohanan sa mga salita ng Diyos. Dagdag pa rito, kailangan mong maunawaan, kapag nahaharap ka sa iba’t ibang paghihirap, kung ang pamamaraan nila sa paglutas sa mga isyu ay umaakay sa iyong maunawaan ang mga salita ng Diyos at magkamit ng landas ng pagsasagawa, o nagsasabi lang sila ng ilang salita at doktrina, nagsisigaw ng mga islogan, o nagpapaalala sa iyo. May ilang lider at manggagawa na mahilig tumulong sa mga tao sa pamamagitan ng panghihikayat, may ilan na sa pamamagitan ng motibasyon, at may iba na sa pamamagitan ng paglalantad, pag-aakusa, at pagpupungos. Anumang pamamaraan ang ginagamit nila, kung tunay ka nitong maaakay na pumasok sa katotohanang realidad, lutasin ang tunay mong mga paghihirap, ipinauunawa sa iyo kung ano ang mga layunin ng Diyos at sa gayon ay binibigyang-kakayahan kang makilala ang sarili mo at makahanap ng landas ng pagsasagawa, kapag nahaharap ka sa mga parehong sitwasyon sa hinaharap, magkakaroon ka ng landas na susundan. Samakatwid, ang pinakapangunahing pamantayan sa pagsukat kung ang isang lider o manggagawa ay pasok sa pamantayan ay kung kaya niyang gamitin ang katotohanan para lutasin ang mga problema at paghihirap ng mga tao, binibigyang-kakayahan ang mga ito na maunawaan ang katotohanan at magkamit ng landas ng pagsasagawa.

Noong nakaraan, medyo pinagbahaginan natin ang tungkol sa una at pangalawang responsabilidad ng mga lider at manggagawa, at hinimay natin ang mga partikular na pagpapamalas ng mga huwad na lider na nauugnay sa dalawang responsabilidad na ito. Ang mga pangunahing pagpapamalas nila ay isang mababaw at paimbabaw na pagkaarok sa mga salita ng Diyos at pagkabigong maunawaan ang katotohanan. Malinaw na dahil dito ay hindi nila kayang akayin ang iba na maunawaan ang mga salita ng Diyos at maarok ang mga layunin Niya. Kapag nahaharap ang mga tao sa mga paghihirap, hindi kaya ng mga huwad na lider na humugot mula sa sarili nilang kaalamang batay sa karanasan para akayin ang mga taong iyon na maunawaan ang katotohanan at makapasok sa realidad, para magkaroon ang mga ito ng landas na susundan, hindi rin nila kayang hikayatin ang mga ito na pagnilayan at kilalanin ang sarili sa gitna ng iba’t ibang paghihirap, at kasabay niyon ay lutasin ang mga paghihirap na ito. Kaya ngayong araw, pagbahaginan muna natin kung ano ang mga paghihirap ng buhay pagpasok, at kung ano ang iba’t ibang karaniwang paghihirap na may kaugnayan sa buhay pagpasok na madalas nakakaharap ng mga tao sa mga pang-araw-araw nilang buhay. Gumawa tayo ng isang espesipikong pagbubuod ng mga bagay na ito. Kailangan ba itong pagbahaginan? (Oo.) Medyo interesado na kayo ngayon sa mga paksang ito na may kaugnayan sa buhay pagpasok, hindi ba? Noong una Akong nakisalamuha sa inyo at nakipag-usap sa inyo, anuman ang mabanggit, manhid kayo at walang interes, makupad, at mabagal tumugon. Parang wala kayong anumang nauunawaan, at wala kayong taglay na anumang tayog, lalong wala kayong buhay pagpasok. Ngayon, kapag pinag-uusapan natin ang mga bagay na may kinalaman sa pagbabago sa buhay disposisyon ng isang tao, karamihan sa inyo ay medyo interesado na sa paksang ito, at may kaunti nang reaksiyon dito. Isa itong positibong penomeno. Kung hindi ninyo ginagawa ang mga tungkulin ninyo, matatamo ba ninyo ang mga bagay na ito? (Hindi.) Biyaya ito ng Diyos; ang lahat ng ito ay dahil sa pabor Niya.

Ikalawang Aytem: Maging Pamilyar sa mga Kalagayan ng Bawat Uri ng Tao, at Lutasin ang Iba’t Ibang Paghihirap na May Kaugnayan sa Buhay Pagpasok na Nararanasan Nila sa Tunay Nilang Buhay (Ikalawang Bahagi)

Walong Uri ng Paghihirap sa Buhay Pagpasok

I. Mga Paghihirap na May Kaugnayan sa Paggawa ng Tungkulin ng Isang Tao

Tungkol sa mga paghihirap ng buhay pagpasok, tingnan muna natin nang mas malawak ang mga paghihirap na may kaugnayan sa paggampan sa mga tungkulin ng isang tao. Kapag nahaharap ka sa mga problema sa paggampan sa mga tungkulin mo na may kinalaman sa pagsasagawa sa katotohanan, at hindi mo kayang pangasiwaan ang mga bagay ayon sa mga prinsipyo, hindi ba’t isa itong paghihirap sa buhay pagpasok? (Oo, ganoon nga.) Sa madaling salita, ito ang iba’t ibang kalagayan, ideya, pananaw, at partikular na maling paraan ng pag-iisip na lumilitaw kapag ginagampanan ang mga tungkulin ng isang tao. Kaya, anong mga partikular na paghihirap ang umiiral sa aspektong ito? Halimbawa, nariyan ang palaging pagtatangkang maging pabasta-basta, tuso, at magpakatamad kapag ginagampanan ang mga tungkulin ng isang tao—hindi ba’t isa itong kalagayang karaniwang ipinapamalas at ibinubunyag sa panahon ng paggampan sa mga tungkulin? Nariyan din ang hindi pag-aasikaso sa wastong gawain ng isang tao, at palaging pagkukumpara ng sarili sa iba habang ginagampanan ang tungkulin ng isang tao, pagtrato sa lugar kung saan ginagampanan ng isang tao ang tungkulin niya bilang isang palaruan o labanan, at pag-iisip tungkol sa paghahanap ng “sukatan” sa tuwing ginagampanan ng isang tao ang tungkulin niya, sinasabi sa loob-loob niya: “Titingnan ko kung sino ang mas magaling sa akin at kung sino ang makakapukaw ng kagustuhan kong makipaglaban, pagkatapos ay makikipagkompetensiya ako sa kanya, makikipagpaligsahan sa kanya at ikukumpara ko ang sarili ko sa kanya, para makita kung sino ang makakakuha ng mas magagandang resulta at mas matataas na kahusayan sa paggampan ng tungkulin, at kung sino ang mas magaling sa pagkuha sa loob ng mga tao.” Tapos ay nariyan ang pag-unawa sa mga prinsipyo para sa paggampan sa tungkulin ng isang tao pero pag-ayaw na sundin ang mga iyon, o pag-ayaw na kumilos alinsunod sa katotohanan sa mga salita ng Diyos o sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos, at palaging pagpiling kontaminahin ng mga personal na kagustuhan ang paggampan sa tungkulin ng isang tao, sinasabing, “Gusto ko itong gawin sa ganitong paraan, gusto ko itong gawin sa ganoong paraan; handa akong gawin ito sa ganitong paraan, gusto ko itong gawin sa ganoong paraan.” Ito ay pagiging matigas ang ulo, palaging pagnanais na sundin ang sariling kalooban ng isang tao, at pagkilos sa anumang paraang nais niya ayon sa sarili niyang kagustuhan, pagbibingi-bingihan sa lahat ng mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos, at pagpiling lumihis mula sa tamang landas. Hindi ba’t ang mga ito ang mga tunay na pagpapamalas na ipinapakita ng karamihan ng tao kapag ginagampanan ang mga tungkulin nila? Malinaw na ang lahat ng isyung ito ay may nakapaloob na mga paghihirap sa paggampan sa tungkulin ng isang tao. Magbigay pa kayo ng mga karagdagan dito. (Ang pagkabigong makipagtulungan nang maayos sa iba kapag ginagampanan ang tungkulin ng isang tao, at palaging pagsunod lang sa sarili niya.) Maituturing din itong isang paghihirap. Ang pagkabigong makipagtulungan nang maayos sa iba kapag ginagampanan ang tungkulin ng isang tao, at palaging pagnanais na sundin lang ang sarili at magkaroon ng huling pasya; kagustuhang magpakumbaba para humingi ng payo at makinig sa opinyon ng iba kapag nahaharap sa mga isyu, pero hindi naman ito maisagawa, at pagkaasiwa kapag sinusubukan nga niya itong isagawa—isa itong problema. (Ang palaging pangangalaga sa mga sariling interes ng isang tao kapag gumagampan ng tungkulin, pagiging makasarili at ubod ng sama, at aktuwal na pagkaalam kung paano lutasin ang problema kapag lumilitaw ito, pero pakiramdam na wala itong kinalaman sa kanya, pagkatakot na managot kung papalpak ito, at dahil dito ay hindi paglalakas-loob na umaksiyon.) Ang hindi paglutas sa isang problema kapag nakikita ito, pagturing dito na walang kaugnayan sa sarili, at pagwawalang-bahala rito—maituturing din itong paggampan sa tungkulin ng isang tao nang walang katapatan. Responsable ka man sa isang gampanin o hindi, kung kaya mong makilatis at malutas ang problema, dapat mong gampanan ang responsabilidad na ito. Ito ang tungkulin at gawain na napupunta sa iyo. Kung kaya itong lutasin ng superbisor, puwede mo itong hayaan, pero kung hindi niya kaya, dapat kang umaksiyon at lutasin mo ito. Huwag mong hati-hatiin ang mga isyu batay sa kung kaninong saklaw ng responsabilidad napapailalim ang mga iyon—kawalan ito ng katapatan sa Diyos. Mayroon pa ba? (Ang pag-asa sa talino at mga kaloob ng isang tao para gumawa ng gawain habang ginagampanan ang tungkulin niya, at hindi paghahanap sa katotohanan.) Maraming ganitong tao. Palagi nilang iniisip na nagtataglay sila ng talino at kakayahan, at wala silang interes sa lahat ng nangyayari sa kanila; hindi talaga nila hinahanap ang katotohanan, at kumikilos sila ayon lang sa sarili nilang kalooban, at ang resulta, hindi nila nagagampanan nang maayos ang anumang tungkulin. Ang lahat ng ito ay mga paghihirap na nararanasan ng mga tao kapag ginagampanan ang mga tungkulin nila.

II. Mga Isyung May Kaugnayan sa Paraan ng Pagtrato ng Isang Tao sa Kinabukasan at Tadhana Niya

Ang paraan ng pagtrato ng isang tao sa kinabukasan at tadhana niya ay isa ring malaking isyung may kaugnayan sa buhay pagpasok. May ilang tao na handang magbayad ng halaga kung naniniwala silang may pag-asa silang maligtas, at nagiging negatibo sila kung sa palagay nila ay wala silang pag-asa. Kung hindi sila iaangat at lilinangin ng sambahayan ng Diyos, ayaw nilang magbayad ng halaga, at ginagawa nila ang mga tungkulin nila sa pamamagitan lang ng pagraos sa mga bagay-bagay nang hindi umaako ng responsabilidad. Anuman ang ginagawa nila, palagi nilang isinasaalang-alang ang kinabukasan at tadhana nila, itinatanong sa sarili nila, “Talaga bang magkakaroon ako ng magandang hantungan? Nabanggit ba ng mga pangako ng Diyos kung ano ang magiging kinabukasan at hantungan ng isang taong tulad ko?” Kung hindi sila makahanap ng tumpak na sagot, wala silang sigla na gumawa ng kahit na ano. Kung iaangat at lilinangin sila ng sambahayan ng Diyos, mapupuno sila ng lakas, at sa lahat ng ginagawa nila ay napakaaktibo nila. Gayumpaman, kung mabibigo silang gawin nang maayos ang tungkulin nila at matatanggal sila, agad silang magiging negatibo at susuko sa tungkulin nila, tuluyang mawawalan ng pag-asa. Kapag nahaharap sa pagpupungos, iniisip nila, “Ayaw na ba sa akin ng Diyos? Kung ganoon pala, dapat ay sinabi Niya nang mas maaga, sa halip na hadlangan ang paghahangad ko sa mundo!” Kung matatanggal sila, iisipin nila, “Hindi ba’t hinahamak nila ako? Sino ang nag-ulat sa akin? Itinitiwalag ba ako? Kung ganoon pala, dapat ay sinabi nila nang mas maaga!” Higit pa rito, ang puso nila ay puno ng mga transaksiyon, paghingi, at hindi makatwirang kahilingan sa Diyos. Anuman ang isinasaayos ng iglesia na gawin nila, itinuturing nila ang mga iyon na pagkakaroon ng magandang kinabukasan at tadhana, kasama ng mga pagpapala ng Diyos, bilang mga paunang hinihingi sa paggawa nito. Sa pinakamababa, ang tratuhin nang may magandang ekspresyon at saloobin, at ang sang-ayunan, ay ang mga pauna nilang hinihingi para sa pagtanggap at pagpapasakop. Hindi ba’t mga pagpapamalas ito ng paraan ng pagtrato nila sa kinabukasan at tadhana nila? Dagdagan ninyo ito. (Kung may lilitaw na mga paglihis o isyu habang ginagawa ng isang tao ang mga tungkulin niya at mapupungusan siya, magrereklamo siya tungkol sa Diyos at magiging mapagbantay laban sa Diyos; matatakot siyang mabunyag at matiwalag, at palagi siyang maghahanda ng daan palabas para sa kanyang sarili.) Ang takot na mabunyag at matiwalag, at palaging paghahanda ng daan palabas para sa sarili niya—mga pagpapamalas din ang mga ito kung paano niya tinatrato ang kinabukasan at tadhana niya. (Kapag nakikita ng isang tao na tumutugma sa kanya ang mga salita ng paglalantad at paglalarawan ng Diyos, o kapag nahaharap siya sa pagpupungos at napapahiya siya, ipinagpapalagay niya na siya ay naguguluhan, isang diyablo at isang Satanas, at na hindi niya kayang tanggapin ang katotohanan. Natutukoy niya na wala siyang pag-asang maligtas at nagiging negatibo siya.) Pagdating sa kinabukasan at tadhana nila, hindi kaya ng mga tao na lubusang bitiwan ang sarili nilang mga intensyon at pagnanais. Palagi nilang tinatrato ang mga iyon bilang pinakamahahalagang bagay at hinahangad ang mga iyon bilang gayon, itinuturing ang mga iyon na motibasyon at paunang hinihingi para sa lahat ng bagay na hinahangad nila. Kapag nahaharap sila sa paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, pagpipino, o pagbubunyag, o kapag nahaharap sila sa mga mapanganib na sitwasyon, agad nilang iniisip, “Ayaw na ba sa akin ng Diyos? Itinataboy ba Niya ako? Napakahigpit ng tono Niya kapag kinakausap ako; ayaw ba Niya akong iligtas? Gusto ba Niya akong itiwalag? Kung gusto Niya akong itiwalag, dapat ay sabihin Niya iyon sa lalong madaling panahon, habang bata pa ako, para hindi mahadlangan ang paghahangad ko sa mundo.” Nagdudulot ito ng pagkanegatibo, paglaban, pagtutol, at pagiging pabaya nila. Ang mga ito ang ilang kalagayan at pagpapamalas na may kinalaman sa paraan ng pagtrato ng mga tao sa kinabukasan at tadhana nila. Isa itong malaking paghihirap na nauugnay sa buhay pagpasok.

III. Mga Paghihirap na May Kaugnayan sa mga Pakikipag-ugnayan sa Pagitan ng mga Tao

Tingnan natin ang isa pang aspekto—ang mga pakikipag-ugnayan sa pagitan ng mga tao. Isa rin itong malaking paghihirap na may kaugnayan sa buhay pagpasok. Kung paano mo tinatrato ang mga taong hindi mo gusto, mga tao na naiiba ang mga opinyon sa iyo, mga tao na pamilyar sa iyo, mga tao na kapamilya mo o nakatulong sa iyo, at mga tao na palaging agarang nagbibigay ng mga babala sa iyo, at nagsasabi ng totoong mga salita sa iyo, at tumutulong sa iyo, at kung kaya mong tratuhin nang patas ang bawat tao, pati na kung paano ka nagsasagawa kapag nagkakaroon ka ng mga pagtatalo sa ibang tao, pati na ng inggitan at mga alitan sa inyo, at hindi kayo nakakapag-ugnayan nang maayos, o ni hindi kayo nakakapagtulungan nang maayos sa proseso ng paggawa ng mga tungkulin ninyo—ang mga ito ang ilang kalagayan at pagpapamalas na may kaugnayan sa mga pakikipag-ugnayan sa pagitan ng mga tao. May iba pa ba? (Ang pagiging mapagpalugod ng tao at hindi paglalakas-loob na magsalita pagkatapos matuklasan ang mga problema ng isang tao sa takot na salungatin ito.) Isa itong kalagayang lumilitaw kapag takot ang isang tao na salungatin ang iba. (Gayundin, kung paano tinatrato ng isang tao ang mga lider at manggagawa, at iyong mga may kapangyarihan at katayuan.) Kung paano mo tinatrato ang mga lider at manggagawa, o ang mga taong may kapangyarihan at katayuan—sa pamamagitan man ng pambobola at pagsipsip, o sa pamamagitan ng pagtrato sa kanila nang tama—isa itong partikular na pagpapamalas kung paano mo pinakikitunguhan iyong mga may hawak na kapangyarihan at impluwensiya. Ang mga ito halos ang mga paghihirap ng mga pakikipag-ugnayan sa pagitan ng mga tao.

IV. Mga Isyung May Kaugnayan sa mga Damdamin ng Tao

Pag-usapan natin nang kaunti ang tungkol sa mga damdamin ng tao. Anong mga isyu ang may kaugnayan sa mga damdamin? Una ay kung paano mo sinusuri ang iyong sariling mga kapamilya, at kung paano mo hinaharap ang mga bagay na ginagawa nila. Natural na kasama rito sa “ang mga bagay na ginagawa nila” kapag kanilang ginagambala at ginugulo ang gawain ng iglesia, kapag hinuhusgahan nila ang mga tao kapag nakatalikod ang mga ito, kapag lumalahok sila sa ilang pagsasagawa ng mga hindi mananampalataya, at iba pa. Kaya mo bang harapin ang mga bagay na ito nang patas? Kapag kailangan mong magsulat ng isang pagsusuri sa iyong mga kapamilya, magagawa mo ba ito nang obhetibo at patas, nang isinasantabi ang iyong sariling mga damdamin? May kinalaman ito sa kung paano mo hinaharap ang iyong mga kapamilya. Dagdag pa rito, nagkikimkim ka ba ng mga damdamin sa mga taong kasundo mo o sa mga dati nang tumulong sa iyo? Kaya mo bang tingnan ang kanilang mga kilos at asal sa isang obhetibo, patas, at tumpak na paraan? Kung ginagambala at ginugulo nila ang gawain ng iglesia, magagawa mo bang agarang iulat o ilantad sila pagkatapos mo itong malaman? Gayundin, nagtataglay ka ba ng mga damdamin sa mga taong medyo malapit sa iyo o sa mga may interes na pareho sa iyo? Mayroon ka bang patas at obhetibong pagsusuri, depinisyon, at paraan ng pagharap sa kanilang mga kilos at pag-uugali? Ipagpalagay na ang mga taong ito, na may sentimental na koneksiyon sa iyo, ay pinangasiwaan ng iglesia ayon sa mga prinsipyo, at hindi naaayon sa iyong sariling mga kuru-kuro ang kinalabasan nito—paano mo ito haharapin? Magagawa mo bang sumunod? Palihim mo bang ipagpapatuloy ang masangkot sa kanila, at malilihis at mauudyukan pa nga nila na magpalusot para sa kanila, pangatwiranan sila, at ipagtanggol sila? Tutulungan mo ba ang mga tumulong sa iyo at ilalagay mo ba ang sarili mo sa panganib para sa kanila, habang binabalewala ang mga katotohanang prinsipyo at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Hindi ba’t may kinalaman ang iba’t ibang isyung iyon sa mga damdamin? Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ba’t ang mga damdamin ay may kaugnayan lang sa mga kamag-anak at kapamilya? Hindi ba’t ang saklaw lang ng mga damdamin ay ang iyong mga magulang, kapatid, at iba pang kapamilya?” Hindi, kasama sa mga damdamin ang malawak na saklaw ng mga tao. Kalimutan na ang tungkol sa patas na pagsusuri sa kanilang sariling mga kapamilya—hindi man lang masuri nang patas ng ilang tao ang kanilang malalapit na kaibigan at kabarkada, at binabaluktot pa nila ang mga katunayan kapag nagsasalita sila tungkol sa mga taong ito. Halimbawa, kung hindi inaasikaso ng kanilang kaibigan ang gawain na marapat nitong gawin at palaging gumagawa ng mga baluktot at buktot na gawain sa tungkulin nito, ilalarawan nila ito bilang masyadong mapaglaro, at sasabihing hindi pa sapat ang gulang at hindi pa matatag ang pagkatao nito. Hindi ba’t may mga damdamin sa loob ng mga salitang ito? Ito ay pagsasalita ng mga salitang puno ng mga damdamin. Kung ang isang tao na walang koneksiyon sa kanila ay hindi nag-aasikaso sa gawain na marapat nitong gawin at nakikibahagi sa mga baluktot at buktot na gawain, magsasalita sila ng mas malulupit na salita tungkol sa mga ito, at maaaring kondenahin pa nila ang mga ito. Hindi ba’t pagpapamalas ito ng pagsasalita at pagkilos batay sa mga damdamin? Patas ba ang mga taong namumuhay batay sa kanilang mga damdamin? Matuwid ba sila? (Hindi.) Ano ang mali sa mga taong nagsasalita ayon sa kanilang mga damdamin? Bakit hindi nila matrato nang patas ang ibang tao? Bakit hindi nila kayang magsalita batay sa mga katotohanang prinsipyo? Buktot ang mga taong nagsasalita nang mapanlinlang at hindi nila kailanman ibinabatay ang kanilang mga salita sa mga katunayan. Ang hindi pagiging patas kapag nagsasalita ang isang tao, palaging nagsasalita ayon sa sariling mga damdamin at para sa sariling kapakanan, at hindi ayon sa mga katotohanang prinsipyo, hindi iniisip ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at pinoprotektahan lang ang sariling mga damdamin, kasikatan, pakinabang, at katayuan—ito ang karakter ng mga anticristo. Ganito magsalita ang mga anticristo; buktot, nakakagulo, at nakakagambala ang lahat ng sinasabi nila. Ang mga taong namumuhay sa mga kagustuhan at interes ng laman ay namumuhay sa kanilang mga damdamin. Ang mga taong namumuhay sa kanilang mga damdamin ay iyong mga hindi talaga tumatanggap o nagsasagawa man lang sa katotohanan. Wala talagang katotohanang realidad ang mga taong nagsasalita at kumikilos batay sa kanilang mga damdamin. Kung maging lider ang mga gayong tao, walang duda na magiging mga huwad na lider o anticristo sila. Hindi lang sila walang kakayahang gumawa ng totoong gawain, maaari din silang gumawa ng iba’t ibang masamang gawa. Tiyak na ititiwalag at parurusahan sila.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.