Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (19) Ikatlong Seksiyon
Isang Pagbubuod sa Iba’t Ibang Tao, Pangyayari, at Bagay na Nagdudulot ng mga Pagkagambala at Kaguluhan
Ang ikalabindalawang responsabilidad ng mga lider at manggagawa ay kaugnay sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na gumagambala at gumugulo sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia. Hinati natin ang mga ito sa labing-isang isyu para sa pagbabahaginan. Ang mga problema o insidente ng mga paggambala at panggugulo na nakalista sa bawat isyu ay may kaugnayan sa paggampan ng tungkulin ng mga tao at sa kanilang tunay na pananalig sa Diyos. Bakit ba hinati ang mga ito nang napakametikuloso? Bakit Ko ba binabanggit ang bawat isyu para pagbahaginan at himayin? Batay sa pamagat ng bawat isyu, hindi mabuti ang pagkatao ng mga taong gumagawa ng mga bagay na ito. Maliban sa unang isyu—madalas na lumilihis sa paksa kapag nakikipagbahaginan sa katotohanan, na hindi itinuturing na malubha—ang lahat ng iba pa ay may labis na malubhang kalikasan. Ang lahat ng pagpapamalas na ito ay may kalikasan ng pagdudulot ng pagkagambala at kaguluhan, at lahat ng ito ay nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan sa gawain ng iglesia, kaya isa-isa nating pinagbabahaginan at hinihimay ang mga ito. Kapag lumitaw ang mga isyung ito sa buhay iglesia o sa proseso ng paggawa ng tungkulin ng isang tao, ang mga tao ay kailangang maging napakaalerto at makakilatis at malinaw na makaunawa sa mga ito. Kapag nakikita ng mga tao ang mga gayong pangyayari na nagdudulot ng pagkagambala at kaguluhan, dapat silang tumindig para pigilan at hadlangan ang mga ito. Tungkol sa unang isyu, “madalas na paglihis sa paksa kapag nakikipagbahaginan sa katotohanan,” minsan ay ginagawa ito ng mga tao nang hindi sinasadya, at hindi naman masyadong seryoso ang sangkot na sitwasyon at ang kalikasan nito. Pero kung palagi silang lumilihis sa paksa at nagsasalita nang hindi maintindihan, na nagiging sanhi ng pagkainis ng mga nakikinig sa kanila, at sa gayon ay walang mabuting resultang nakakamit sa buhay iglesia, humahantong ito sa mga kahihinatnan ng paggambala at panggugulo sa gawain ng iglesia. Ang mga natitirang isyu ay hindi na kailangang banggitin pa; ang alinman sa mga ito ay sapat na para magdulot ng mga pagkagambala at kaguluhan sa gawain ng iglesia at sa kaayusan ng buhay iglesia. Samakatwid, kinakailangang pagbahaginan, suriin, at himayin ang bawat isyung ito nang detalyado. Kapag may nangyayaring mga mapaminsalang insidente, kung may pagkilatis at kaalaman ka sa masasamang gawa na nanggugulo sa iglesia, dapat kang tumindig para pigilan at higpitan ang mga ito. Sa mas pangkalahatang pananaw, ito ay paggawa sa tungkulin ng isang nilikha; sa mas partikular na pananaw naman, sa pinakamababa, ito ay pagtupad sa tungkulin at responsabilidad bilang isang miyembro ng iglesia. Hindi ba’t ito ang dapat mong magawa? (Oo.) Kung hindi mo ito magawa, ano ba ang mga kahihinatnan? Paano ba natin dapat ilarawan ang kawalan mo ng kakayahang gawin ito? Sa pinakamababa, nangangahulugan ito na magulo ang isip mo; higit pa rito, isa kang walang silbing duwag, takot ka kay Satanas. Dagdag pa rito, kapag nagpapakita ang mga Satanas at diyablo para guluhin ang gawain ng Diyos at ang normal na kaayusan ng iglesia, nananatili kang walang pakialam at walang magawa, walang ipinapakitang reaksyon, at wala kang pananalig at tapang na tumindig at labanan si Satanas at magpatotoo sa Diyos. Kung gayon, isa kang walang silbing tao, hindi karapat-dapat na maging tagasunod ng Diyos.
Ang ikalabindalawang responsabilidad ng mga lider at manggagawa ay nagdedetalye ng iba’t ibang uri ng mga insidente sa iglesia na nakakagambala at nakakagulo sa gawain ng Diyos. May kinalaman ang bawat insidente sa mga saloobin ng mga lider at manggagawa, pati na rin ng mga ordinaryong kapatid, patungkol sa Diyos. May kinalaman din ito sa saloobin ng bawat tao sa tungkulin at mga responsabilidad nila, gayundin sa paninindigan at pananaw nila tungkol sa mga negatibong pangyayari at bagay na ito na nakakagulo sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Siyempre, may kinalaman din ito sa kung ang isang taong maraming taon nang nananampalataya sa Diyos at nakikinig sa mga sermon ay may sapat na tayog at pananalig para labanan si Satanas at magpatotoo sa Diyos kapag lumilitaw ang mga negatibong pangyayari at bagay na ito. Tinatalakay ba nito ang mahahalagang isyu? Tinatalakay nito ang paninindigan ng isang tao at ang landas na tinatahak niya, pati na ang saloobin niya sa Diyos, sa katotohanan, at sa tungkulin niya. Samakatwid, pagkatapos marinig ang mga salitang ito, dapat ninyong maunawaan na ito ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao. Huwag ninyong ituring ang mga ito bilang mga doktrina, alituntunin, o regulasyon na kailangang ipatupad at isakatuparan, bagkus ay pagnilay-nilayan ninyo ang mga ito para maunawaan ninyo ang katotohanan, at pagkatapos ay isagawa at pasukin ninyo ang mga ito, sa gayon ay matugunan ang mga hinihingi ng Diyos. Kapag nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia ang masasamang tao, huwag kayong patulog-tulog sa pansitan, huwag iwasan ang mga responsabilidad ninyo gamit ang iba’t ibang dahilan, sabihing saglit pa lang kayong nananampalataya sa Diyos, maliit pa ang tayog ninyo, o na bata pa kayo, atbp. Kapag sinusuri ng Diyos ang gawain, kapag naghahanda Siya ng mga kapaligiran para makita ang saloobin mo, hindi Niya tinitingnan ang edad mo, kung ilang taon ka nang nananampalataya sa Kanya, o kung ano ang halagang minsan mong ibinayad at kung anong mga merito ang nakamit mo; gustong makita ng Diyos ang kasalukuyan mong saloobin. Kung karaniwan ay hinding-hindi mo pinagninilayan o hinahanap ang mga usaping ito, at pinagdaraanan mo lang ang bawat usapin nang may magulong isipan at nang walang natatandaan, nang hindi hinahanap ang katotohanan, nang hindi natututunan ang dapat mong matutunan, o nang hindi sineseryoso ang iba’t ibang kapaligiran na inihanda ng Diyos, kung tumatakas ka kapag nakikita mong nanggugulo at nanggagambala ang masasamang tao, at hindi mo ito kailanman iniuulat sa sambahayan ng Diyos o hindi mo ipinapakita ang saloobin mo, kung gayon, kahit hindi ka nakilahok sa paggawa ng masama, ang asal mo sa usaping ito ay nagbubunyag na sa paninindigan at pananaw mo—isa kang tambay, na pumapanig kay Satanas. Sinisiyasat ng Diyos ang lahat ng bagay, at hindi mo Siya malilinlang. Kaya, kapag nangyayari ang mga negatibong usaping ito, kapag nakakatuklas ka ng iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakakagambala at nakakagulo sa gawain ng iglesia at sa normal na kaayusan ng buhay iglesia, malinaw nitong ibinubunyag ang saloobin mo sa Diyos. Maaaring saglit ka pa lang na nananampalataya sa Diyos, maaaring medyo bata ka pa, at maliit ang tayog mo, pero kung kumikilos ka ayon sa mga prinsipyo kapag nangyayari ang mga bagay na ito, at kung sinusubukan mong pigilan, limitahan, o ilantad pa nga ang masasamang tao, kung sumusugal ka at inilalagay ang sarili mo sa panganib para tumindig at protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos—kung may ganito kang puso, kung gayon, ang saloobin mo sa Diyos, pati na ang determinasyon mong magpatotoo sa Diyos at labanan si Satanas, ay magiging isang patotoong makikita ng mga tao at ng Diyos. Ang masasamang gawa ng mga tao, ang panloloko at pagtatago nila sa Diyos, ang pag-iwas nila sa mga responsabilidad, ang pagsuko at pakikipagkompromiso nila kay Satanas kapag gumagawa ito ng kasamaan—makikita ng Diyos ang lahat ng ito, at pangangasiwaan at hahatulan ang masasamang gawang ito balang araw. Pero gayundin, kapag ang mga tao ay tumitindig laban sa mga panggagambala at panggugulo ni Satanas para magsalita para sa sambahayan ng Diyos at sa mga kapatid, at lumalaban kay Satanas para protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, naghahangad sa katotohanan nang may kapasyahan na magpatotoo sa Diyos, kahit minsan ay nararamdaman nilang wala silang magawa at na mag-isa sila, kulang ng karunungan, mababaw lang ang pagkaunawa sa katotohanan, o na gusto nilang makipagbahaginan sa katotohanan pero hindi nila maipahayag nang malinaw ang sarili nila, na nagiging dahilan para kutyain o hamakin sila ng iba—nakikita ng Diyos ang sinseridad nila, at itinuturing Niya ang mga kilos at asal na ito bilang mabubuting gawa. Balang araw, hahatulan at magwawakas ang masasamang gawa sa harap ng Diyos, at gayundin ang mabubuting gawa—pero ang huling kongklusyon ng dalawang uri ng pag-asal na ito ay ganap na magiging magkaiba. Ang masasamang gawa ay makakatanggap ng nararapat na parusa, at ang mabubuting gawa ay susuklian ng mabubuting pagtrato. Matagal na itong itinakda ng Diyos para sa bawat tao, naghihintay lang Siya na ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga tao sa panahon ng gawain ng Diyos ay maging mga tiyak na katunayan bago Niya gantimpalaan ang mabuti at parusahan ang masama.
Ang ikalabindalawang responsabilidad ng mga lider at manggagawa ay nagdedetalye ng labing-isang isyu tungkol sa mga tao, pangyayari, at bagay na nakakagambala at nakakagulo sa gawain ng iglesia. Mahalaga ba ang labing-isang isyung ito? Malinaw bang ibinubunyag ng mga ito ang mga tao? Kapag nagbabahaginan kayo tungkol sa bawat isyu, dapat mas pagsumikapan ninyo ito para malinaw ninyong maunawaan ang katotohanan. May kinalaman ito sa kung paano itinataguyod ng mga tao ang katarungan at mga positibong bagay, at kung paano nila itinataguyod ang patotoo ng Diyos; may kinalaman din ito sa kung paano tumitindig ang mga tao para labanan si Satanas, ilantad at ibunyag ang mukha ni Satanas, at pigilan at limitahan ang masasamang gawa ni Satanas—ito ang dalawang aspektong may kinalaman dito. Kapag ginagambala at ginugulo ni Satanas ang gawain ng iglesia, may ginagampanan ka bang papel? Anong papel ang ginagampanan mo? Nagawa mo na ba ang hinihingi ng Diyos sa iyo? Natupad mo na ba ang mga obligasyon at responsabilidad na dapat tuparin ng isang tagasunod ng Diyos? Kapag lumilitaw ang mga isyung ito, nakikipagkompromiso ka ba, tinatabunan mo ba ang problema, at pinipili mo bang maging nyutral bilang isang mapagpalugod ng tao, o tumitindig ka ba para pigilan at limitahan ang masasamang gawa ni Satanas, nakikipagtulungan ka ba sa mas maraming tunay na kapatid para protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Ano ang pinoprotektahan mo? Pinoprotektahan mo ba ang interes ng masasamang tao, ang mga interes ni Satanas, o ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Kung may nangyaring anumang nakakagambala o nakakagulo sa gawain ng iglesia, at wala kang ginagawa, kumikilos ka lang bilang isang mapagpalugod ng tao at pinoprotektahan ang sarili mo, sinisigurong matagumpay mong napapangasiwaan ang mga ugnayan mo sa mga tao at hindi ka napipinsala, nang hindi kailanman nag-aalala o nababalisa na nagugulo ang gawain ng iglesia, nang walang anumang pagkamuhi o galit sa masasamang gawa ng masasamang tao, nang walang anumang pasanin para sa mga interes ng sambahayan ng Diyos at ng lahat ng kapatid, nang walang anumang pakiramdam ng pagkakautang sa Diyos, at nang walang anumang pakiramdam ng pagsaway sa sarili, nasa panganib ka. Kung sa pananaw ng Diyos ay isa ka talagang mapagpalugod ng tao, pasibong nagmamasid sa kung anumang nangyayari nang nakahalukipkip at umiiwas dito, at hindi tinutupad ang anumang mga responsabilidad o obligasyon mo, tunay na nasa panganib ka at malamang na itiwalag ka ng Diyos. Kung maisip ng Diyos na huwag ka nang pahintulutan na magtrabaho man lang, at nayayamot na Siya sa iyo, sa puntong ito, nakatadhana ka nang matiwalag, na siyang napakamapanganib! Kapag sinabi ng Diyos na ayaw na Niyang makita ang mga taong katulad mo, at na hindi Niya pinapahalagahan ang mga taong tulad mo na gumagawa ng anumang tungkulin o nagtatrabaho sa sambahayan ng Diyos, maaari kang itiwalag ng iglesia balang araw, sa hindi malayong hinaharap, na magpapabago sa kapalaran mo. Iyon ay dahil hindi na normal ang ugnayan mo sa Diyos o lumayo ka na sa Diyos at ipinagkanulo mo Siya, at humantong ito sa isang resulta. Nakikita mo ba ang katunayang ito? Kapag napagtanto mo ang katunayang ito, natatanggap mo man ito o hindi, maglalaho sa isang iglap ang lahat ng magandang inaasam mo sa puso mo.
Kapag unang nananampalataya sa Diyos ang mga tao, may masigasig na puso silang lahat. Bagama’t hindi nila makita ang hantungan nila sa hinaharap o ang kinabukasan nila, palagi silang nakakaramdam ng isang uri ng pagsandig sa Diyos. Palagi nilang inaasam ang mga maganda at positibong bagay. Saan ba nagmumula ang lakas na ito? Hindi alam ng mga tao; hindi nila ito maintindihan: “Pare-pareho lang ang mga tao, lahat ay nabubuhay sa iisang hangin at sa ilalim ng iisang araw. Kaya, bakit wala ng mga ganitong bagay sa puso nila ang mga walang pananampalataya, samantalang tayo ay mayroon?” Hindi ba’t isa itong misteryo? Ang lakas na ito ay nagmumula sa Diyos. Isa itong lubhang napakahalagang bagay; hindi ito isang bagay na taglay na ng mga tao mula nang ipanganak sila. Kung taglay na ito ng lahat ng tao mula pa noong ipanganak sila, magiging pare-pareho sila; sa sangkatauhan ay walang magiging pagkakaiba sa pagitan ng mataas o mababa, marangal o hamak, at wala nang magiging pagkakaiba sa pagitan ng mga nananampalataya sa Diyos at sa mga hindi nananampalataya. Ang wala sa kanila, maaaring magkaroon ka; maaaring magkaroon ka ng pinakamahalagang bagay na umiiral sa sangkatauhan. Bakit ito tinatawag na pinakamahalagang bagay? Dahil mismo sa pag-asa at inaasahang ito, nagagawa mong ituon ang isip mo sa paggawa ng mga tungkulin mo sa sambahayan ng Diyos. Ito ang pinakapundamental na kondisyon para matamo ng isang tao ang kaligtasan. Dahil sa inaasahang ito kaya may pagkakataon ka, at kaunting kapasyahan na gumugol para sa Diyos, na gawin ang tungkulin mo bilang isang nilikha at maging isang mabuting tao, isang taong naligtas. Sadyang napakalaki ng mga pakinabang na naidudulot nito. Kaya, saan ba nanggagaling ang bagay na ito? Nanggagaling ito sa Diyos; ibinibigay ito ng Diyos. Gayumpaman, kapag ayaw na ng Diyos sa isang tao, binabawi ang bagay na ito. Hindi na nasasabik o umaasa ang taong ito sa magagandang bagay; hindi na niya inaasahan ang mga ito. Ang puso niya ay nagdidilim at nagsisimulang malugmok. Nawawalan siya ng ganang hangarin ang anumang bagay na maganda o positibo, pati na ang mga pangako ng Diyos. Naging katulad na lang siya ng isang taong walang pananampalataya. Kapag nawala ang bagay na ito, maaari pa ba siyang manatili sa sambahayan ng Diyos at manampalataya sa Diyos at sumunod sa Diyos? Hindi ba’t nagwakas na ang landas ng pananalig niya sa Diyos? Kapag nawala na sa iyo ang paunang kondisyong ito ng pagkakaroon ng kapasyahang maghangad, nagiging isa ka nang naglalakad na bangkay. Ano ang ibig sabihin ng “naglalakad na bangkay”? Ibig sabihin ay hindi mo na maunawaan ang mga salita ng Diyos. Kapag may ganito kang paunang kondisyon, maaari mong maunawaan ang mga salita ng Diyos, maaari kang magkaroon ng pag-asa, maaaring mapukaw ang pananalig mo; at ang paunang kondisyong ito ay makapagbibigay sa iyo ng motibasyong hangarin ang katotohanan. Gayumpaman, kapag nawala sa iyo ang pundamental na kondisyong ito, nawawala ang motibasyong ito. Wala ka nang sigasig o interes na makinig sa mga salita ng Diyos. Hindi ka na interesado at nahihikayat sa mga pangako at inaasahan. Para sa iyo, naging isa nang matayog na teorya ang mga salita ng Diyos. Hindi mo na pinagsusumikapan ang mga ito, at hindi ka na binibigyang-liwanag ng Diyos. Hindi mo makamit ang anumang katotohanan mula sa mga salita ng Diyos. Hindi ba’t nagwakas na para sa iyo ang landas na ito ng pananalig sa Diyos? Kapag umabot na sa puntong ito, itinaboy ka na ng Diyos; magagawa mo pa bang baguhin ang isip ng Diyos? Hindi ito magiging madali. Kapag napagpasyahan ng Diyos na ayaw na Niya sa isang tao, ganito ang mararamdaman ng tao sa kalooban nito. Kapag naalis ang bagay na ito, ang saloobin mo sa iba’t ibang usapin gaya ng pananampalataya sa Diyos, paggawa sa mga tungkulin mo, at kaligtasan ay magiging ganap na iba kumpara sa dati. Kapag pinagninilayan mo ang dati mong masigasig na paghahangad, hindi mo ito maiintindihan, mauunawaan, o mapapaniwalaan. Kapag hindi mo mapaniwalaan, ang sarili mo ngayon kumpara sa dating ikaw, nagkaroon na ng pagbabago sa kalidad ng iyong panloob na kalagayan; magiging ganap na ibang tao ka na, hindi ka na magiging gaya ng dati. Bakit ba ito mangyayari? Hindi dahil sa nagbago ang kapaligiran; hindi dahil sa tumanda ka na at naging mas tuso; hindi dahil nagkaroon ka ng mas maraming karanasan at kabatiran sa buhay, na nagpabago sa mga iniisip at pananaw mo. Sa halip, mangyayari ito dahil nagbago ang isip ng Diyos, nagbago ang Kanyang mga kaisipan, at nagbago ang Kanyang saloobin at mga inaasahan sa iyo. Kaya naging ibang tao ka na nang hindi mo sinasadya. Kung titingnan ito ngayon, kung nawala ng isang tao ang ibinigay ng Diyos sa kanya, kahit na ito ang pinakamaliit, pinakawalang-halagang bagay para sa kanya, sa puntong ito, ang taong iyon ay hindi makakaahon sa pagdurusa at mawawalan ng anumang kasiyahan. Kaya, huwag kailanman umabot sa puntong iyon. Kapag nangyari ito, maaaring maramdaman mong nawala ang bigat sa mga balikat mo, na malaya ka na, maluwag ang pakiramdam, na hindi mo na kailangang manampalataya sa Diyos o gawin ang mga tungkulin mo; at na puwede kang mamuhay nang malaya at imoral tulad ng mga walang pananampalataya, tulad ng isang ibong nakawala sa hawla. Pero iyon ay isa lang pansamantalang kaginhawahan, kagalakan, at pagpapalayaw sa sarili. Habang nagpapatuloy ka, tingnan mo ang landas sa unahan—magiging ganito ka pa rin ba kasaya? Hindi. Mahirap ang mga darating na panahon! Kapag namumuhay ka sa ilalim ng kapamahalaan ng Lumikha, paano man pinamamatnugutan ng Lumikha ang mga bagay-bagay para sa iyo, anuman ang ginagawa Niya sa iyo at paano man Niya ito ginagawa, gaano man karaming pagsubok at kapighatian ang idinudulot Niya, gaano man karaming pagdurusa ang tinitiis mo, o kahit na lumitaw ang kawalan ng pagkaarok, mga maling pagkaunawa, at iba pang bagay, sa pinakamababa, mararamdaman mong nasa mga kamay ka ng Diyos, ang Diyos ang sandigan mo, at payapa ang puso mo. Pero kapag ayaw na sa iyo ng Diyos, at hindi mo na malaman kung paano ka tinatrato ng Diyos, at kapag nawala ang sandigan mong ito, para bang gumuguho ang buong mundo mo. Parang noong bata ka pa, ang iniisip mo lang ay, “Si Nanay ang pinakakaibig-ibig, si Nanay ang pinakanagmamalasakit at pinakanagmamahal sa akin, hindi puwedeng mamatay si Nanay.” Hindi mo makayanan noong narinig mong may sakit ang iyong ina. Inisip mo na kapag talagang namatay ang iyong ina, babagsak ang langit, at hindi ka na makakapagpatuloy sa buhay. Ganito rin ang lohika pagdating sa pananampalataya sa Diyos. Ang pinakamalaking kapayapaan at kagalakan sa pananampalataya ng isang tao sa Diyos ay nagmumula sa pagsandig sa Diyos, sa paniniwala na ang tadhana ng isang tao ay nasa mga kamay ng Lumikha. Ang kapanatagan ng isang tao ay nagmumula sa pagkakaroon ng tunay na pagtitiwala at pagsandig na ito. Kapag naramdaman mong nawala na ang tiwala at pagsandig na ito, at hungkag ang pakiramdam ng puso mo, tulad ng isang bagong hukay na butas, hindi ba’t gumuho na ang langit mo? May lakas ka bang magpatuloy sa buhay kapag nawala ang sandigan mo? Ang mga gayong tao ay katulad ng mga naglalakad na bangkay, kain lang sila nang kain habang naghihintay sa katapusan nila.
Ngayon, may ilang tao na palaging nagpapakita ng masamang asal, at patuloy na gumagawa ng kasamaan at ginagambala, ginugulo, at pinipinsala ang gawain ng iglesia habang ginagawa ang mga tungkulin nila, hanggang sa puntong nagdudulot na sila ng malalaking kawalan sa interes ng sambahayan ng Diyos. Hindi sila kailanman nagpakita ng sinseridad o katapatan sa Diyos, lalong hindi sila nagpakita kailanman ng pagpapasakop. Dahil dito, hindi sila kailanman kinilala ng Diyos. Masasamang tao sila na nakapasok sa sambahayan ng Diyos na ang intensyon ay magkamit ng mga pagpapala. Pinapayagan sila ng Diyos na makapasok para matuto ng mga aral at lumago sa pagkilatis ang hinirang na mga tao ng Diyos. Bagama’t kabilang din sila sa mga tinawag, hindi sila hinirang dahil sa ugaling palagi nilang ipinapakita. Kumusta ang kondisyon nila? Maaari kayong magtanong; hindi maayos ang takbo ng mga buhay nila. Ang kalidad ng buhay ng mga sumasandig sa Diyos at tumatanggap sa Kanyang pagtutustos kailanman, saanman ay ibang-iba sa kalidad ng buhay ng mga hindi tumatanggap sa pagtutustos at tulong ng Diyos, at palagi silang nahuhulog sa walang hanggang hukay kapag may mga sitwasyon silang kinakaharap. Ang mga hindi tumatanggap sa pagtutustos ng Diyos ay walang kapayapaan o kagalakan; buong araw silang nakakaranas ng takot, pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala. Anong uri ng mga araw ang ginugugol nila? Madali bang gumugol ng mga araw sa walang hanggang hukay? Hindi, hindi ito madali. Kung isasantabi ang walang hanggang hukay na ito, kahit palagi kang negatibo sa loob ng ilang araw, magdurusa ka nang labis. Samakatwid, pahalagahan ang kasalukuyang panahon, at huwag palampasin ang malaking pagkakataong ito. Isang karangalan ang gawin ang tungkulin mo sa anim-na-libong-taong gawain ng pamamahala ng Diyos. Isa itong karangalan para sa bawat tao. Hindi ito kahiya-hiya; ang susi ay kung paano mo tinatrato at sinusuklian ang karangalang ito na natanggap mo mula sa Diyos. Itinaas ka ng Diyos; huwag mong balewalain ang Kanyang kabutihan. Dapat mong malaman kung paano suklian ang biyaya ng Diyos. Paano mo ba ito dapat suklian? Hindi kailangan ng Diyos ang pera o buhay mo, at hindi Niya ninanais ang anumang pamanang kayamanan mula sa pamilya mo. Ano ba ang nais ng Diyos? Nais ng Diyos ang sinseridad at katapatan mo. Paano naipapamalas ang sinseridad at katapatang ito? Ang paraan ng pagpapamalas ng mga ito ay na anuman ang sabihin ng Diyos, dapat kang magsikap na gawin ang pinakamakakaya mo para gumugol ng sinserong puso at kumilos nang ayon sa mga salita ng Diyos. Ano ba ang mga salita ng Diyos? Ang mga ito ay ang katotohanan. Kapag kinilala at tinanggap mo ang katotohanan, paano mo ba ito dapat isabuhay? Dapat kang magsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Gawin mo ang mismong sinasabi ng Diyos. Huwag mong sabihin na isasagawa mo ang katotohanan at pagkatapos ay gagawin mo ang gusto mo kapag nahaharap ka sa mga sitwasyon, saka ka magdadahilan at magsasabi ng mga mapagpanggap at mapanlinlang na salita—ito ay kawalan ng sinseridad at katapatan, at hindi nais ng Diyos na makita ito. Ang pinakamahalagang bagay sa isang tao ay sinseridad. Paano ba dapat umasal ang isang taong may sinseridad? Dapat mong gawin ang mismong hinihingi ng Diyos, dapat kang magpursiging sumunod sa mga salita ng Diyos. Kahit pa maging labis-labis ang paggawa mo nito at kumilos ka na tila sumusunod ka sa mga regulasyon—na iniisip ng iba na medyo hangal ka kapag nakikita nila ito—wala ka pa ring pakialam, at patuloy ka lang na kumikilos nang ayon sa mga salita ng Diyos, ito ang sinseridad na nais ng Diyos mula sa mga tao. Kung palagi kang nagpapakana at tuso, at hindi ka kailanman handang matingnan bilang isang hangal sa mata ng iba, o magdusa ng kahit katiting na kawalan sa sarili mong mga interes, hindi mo kayang isagawa ang katotohanan dahil wala kang sinseridad. Ang mga taong walang sinseridad at nagsisikap pa ring gumawa ng mga mapanlinlang na panlalansi ay sobrang tuso, at ayaw sa kanila ng Diyos. Kapag isinasagawa nila ang mga salita ng Diyos, namimili sila, isinasagawa lang nila ang kapaki-pakinabang sa kanila at iniiwasan nila ang hindi kapaki-pakinabang. Madalas silang nagsasalita nang kaaya-aya, panay mga engrandeng ideya ang nililitanya nila, pero kapag lumilitaw ang mga problema, nagtatago sila, naglalahong parang bula, at nagpapakita lang silang muli kapag nalutas na ng iba ang mga problema. Anong klase ng walang-hiya ang gayong tao? Kapag kapaki-pakinabang sa kanila ang isang bagay, nagkukusa sila at umaaksyon; mas maagap sila kaysa kahit na sino. Gayumpaman, kapag nakataya ang personal nilang mga interes, umuurong sila at nagiging negatibo. Nawawala ang lahat ng kanilang kaaya-ayang salita, paninindigan, at pananaw. Ayaw ng Diyos sa ganitong uri ng tao. Mas gugustuhin pa Niya ang isang taong mukhang hangal sa mata ng iba kaysa sa isang taong tuso na gaya nito.
XII. Pagtatalakay sa Politika
Natapos na nating pagbahaginan ang labing-isang isyung nakapaloob sa ikalabindalawang responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Bukod sa labing-isang isyu, magdadagdag pa tayo ng isa. Bagama’t hindi ito karaniwang nakikita sa buhay iglesia, kailangan itong talakayin dito, ito ang magiging ikalabindalawang isyu—pagtatalakay sa politika. Angkop ba ang pagtatalakay ng mga politikal na paksa sa buhay iglesia? (Hindi.) Ang buhay iglesia ay para sa pagbabasa ng salita ng Diyos, pagsamba sa Diyos, at pagbabahagi sa pagkaunawa sa Diyos at kaalamang batay sa karanasan ng isang tao sa mga salita ng Diyos. Gayumpaman, sa panahong ito, may ilang tao na nagtatalakay nang matagal tungkol sa politika, tulad ng mga sitwasyong politikal, mga personalidad sa politika, kalagayang politikal, mga pananaw sa politika, at mga paninindigang politikal. Angkop ba ito? Kapag tinatalakay ang mga paksang tungkol sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay at sa sangkatauhan, basta-bastang iniuugnay ng ilang tao ang ideya na ang mga personalidad sa politika ay nasa mga kamay rin ng Diyos, sinasabi nila na may ilang personalidad sa politika na nananampalataya at sumusunod din sa Diyos, at nagsusulat pa nga ng mga espirituwal na tala at kung ano-ano pa. Hindi ba’t nakakalito ito sa iba? May ilang tao pa na nagsasabi, “Tayong mga Kristiyano ay dapat sumuporta sa politikong ito dahil hindi lang siya mananampalataya, kundi pinoprotektahan din niya ang mga interes nating mga mananampalataya. Kaisa natin siya, at dapat natin siyang suportahan at ihalal.” Sa buhay iglesia, masigasig pa nilang ikinakampanya ang politikong ito. Angkop ba ito? Nakikilahok ba ang mga Kristiyano sa politika? (Hindi.) Ano ba ang puwede mong gawin para makaiwas ka sa pakikilahok? Una, anuman ang partidong sinusuportahan mo, o anuman ang mga pananaw mo sa politika, huwag mo itong dalhin sa buhay iglesia para pagtalakayan. Siyempre, mas mahalaga na ang mga debate sa pagitan ng mga taong may magkaibang pananaw sa politika ay hindi dapat mangyari sa buhay iglesia. Halimbawa, kung ikaw at ang isa pang tao ay may magkaibang pananaw at sumusuporta sa magkaibang personalidad sa politika, maaaring gustuhin ninyong pag-usapan ito kapag nagkikita kayo; pinahihintulutan ito, pero hinding-hindi ninyo ito puwedeng gawin sa mga pagtitipon. Puwedeng magpadala kayo ng mga pribadong mensahe sa isa’t isa, puwedeng magtagpo kayo at mag-usap, o kahit magtalo kayo hanggang sa mamula ang mga mukha ninyo, at walang makikialam; karapatan ito ng isang mamamayan sa ilalim ng demokratikong sistema. Pero sa panahon ng buhay iglesia, hindi ka lang isang mamamayan ng isang bansa; ang mas mahalaga, isa kang miyembro ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Sa ganitong kapaligiran, iyon ang pagkakakilanlan mo. Huwag mong dalhin sa iglesia ang mga politikal na paksa o ang mga paksang tungkol sa mga personalidad sa politika. Ang tinatalakay mo ay kumakatawan lang sa personal mong paninindigan at mga pananaw, hindi sa iglesia. Ang iglesia ay hindi interesado sa politika, ni sa anumang politikal na sistema, personalidad, lider, o grupo, dahil ang mga usaping ito ay walang kinalaman sa katotohanan at walang kaugnayan sa pananampalataya sa Diyos. Ang anumang paksang may kaugnayan sa politika ay hindi dapat banggitin sa buhay iglesia. Sinasabi ng ilan, “Kung gayon, ayos lang ba na magtipon ang lahat at pag-usapan ito sa labas ng buhay iglesia?” Mas mabuting huwag na lang. Kung gusto mong sumali sa talakayan ng mga walang pananampalataya na may magkakaibang pananaw sa politika, nasa iyo na iyon; kalayaan mo iyon, at hindi makikialam ang sambahayan ng Diyos. Pero hangga’t magkakasama ang mga miyembro ng iglesia, o sa panahon ng mga pormal na pagtitipon, huwag mong banggitin ang mga pananaw o argumento tungkol sa politika bilang mga pangunahing paksa, at huwag magpanggap na ang mga pananaw mo sa politika ay may kaugnayan sa mga salita ng Diyos, sa katotohanan, o sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Ang mga pananaw mo sa politika ay ganap na walang kinalaman sa katotohanan, napakalayo ng mga ito sa isa’t isa, kaya huwag ka nang magpanggap!
May ilang tao na gustong pag-usapan ang politika pero wala silang makausap tungkol dito sa tahanan nila, kaya hindi kailanman nangyayari ang usapan. Kapag nakita nilang mga nasa hustong gulang na ang lahat ng kapatid, iniisip nilang may natagpuan na silang lugar para pagtalakayan ang politika at ibulalas ang mga pananaw nila sa politika. Nasasabik sila sa pagkakaroon ng ganitong magandang pagkakataon, gusto nilang makipag-usap tungkol sa mga pananaw sa politika, mga kasalukuyang kaganapan, at sa pandaigdigang sitwasyon. Kapag tinatalakay nila ang mga ito, sinisimulan nila sa: “Lahat ng ito ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Ang politika ng sangkatauhan at ang mga politikong ito ay nasa ilalim din ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Inorden sila ng Diyos.” Pagkatapos ng pambungad na ito, magsisimula na silang talakayin nang masinsinan ang politika at mga kasalukuyang kaganapan, at magtatapos sa, “Ang politika ay hindi makakatakas sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos; lahat ng ito ay may mabuting mga layunin ng Diyos.” Kung hindi makilatis ng mga tao ang usaping ito, hindi sila dapat magsalita nang walang ingat tungkol sa mga ito. Ang pagbahaginan ang katotohanan ay ang pagbahaginan ang katotohanan; huwag pagtalakayan ang politika o mga personalidad sa politika. Ang pagtatalakay sa politika ay hindi pakikipagbahaginan sa katotohanan, nakalilihis ito sa mga tao. Kung gusto mong makipag-usap tungkol sa politika, humanap ka ng grupo ng mga taong mahilig sa politika at makipag-usap ka sa kanila; magagawa mong makipagtalakayan hangga’t gusto mo. Ano ang pakay mo sa palaging pagtatalakay ng mga paksang ito sa iglesia? Sinasadya mo bang subukang mapahanga ang mga tao at piliin ka nila bilang isang lider? Ito ay pagkakaroon ng mga lihim na motibo! Ang mga taong mahilig mag-usap tungkol sa politika ay mga taong hindi gumagawa ng kanilang mga wastong gampanin at tiyak na hindi naghahangad sa katotohanan. Huwag kailanman talakayin ang mga politikal na paksa sa mga pagtitipon ng iglesia. Sinasabi ng ilang tao, “Kung hindi namin puwedeng pag-usapan ang tungkol sa mga demokratikong halalan, sistemang politikal, at mga polisiya ng malalayang bansa, paano naman ang politika at mga iskandalo ng matataas na opisyal sa bansa ng malaking pulang dragon, tulad ng kung gaano karaming ginto ang ninakaw ng isang tiwaling opisyal, o kung ilan ang mga kabit niya? Puwede ba naming talakayin ang mga bagay na ito?” Hindi ka ba nasusuklam sa mga paksang ito? Bakit ba masyado mong pinapahalagahan ang mga kasuklam-suklam na bagay na ito? Bakit pakiramdam Ko ay kasuklam-suklam ang pagmamalasakit at pagbabasa tungkol sa mga usaping ito? May mga tao na talagang interesado sa mga bagay na ito, hindi talaga sila nasusuklam sa mga ito. Handa silang basahin ang tungkol sa mga bagay na ito sa online, ginagawa nila ito kapag may oras sila. Kapag binabasa nila ang tungkol sa mga bagay na ito, gumiginhawa, napapanatag, at nasisiyahan ang pakiramdam ng puso nila. Bakit hindi nila nararamdaman ang ganitong kasiyahan sa pagbabasa ng salita ng Diyos? Hindi ba’t medyo ubod ito ng sama? Hindi ba’t pagpapabaya ito sa mga wastong gampanin? Sa mga gayon kagandang panahon, makapagpapasaya na sa lagay ng loob mo kahit ang maglakad-lakad lang sa bakuran, lumanghap ng sariwang hangin, at pagmasdan ang tanawin. Pero may ilan na ayaw gawin ang mga bagay na ito; sa halip, sa tuwing may libre silang oras nakatitig lang sila sa kompyuter, nagtitingin-tingin ng balita, nangangalap ng tsismis—kung sinong tiwaling opisyal ang napag-alamang may ilang kabit, kung gaano karaming ari-arian ang kinumpiska mula sa bahay ng kung sinong tiwaling opisyal, kung sinong mataas na opisyal ng malaking pulang dragon ang nagpabagsak sa kung sino, o kung sino ang nagpapatay sa kung sino. Ito ang mga bagay na karaniwan nilang pinagtutuunan ng pansin. Pakiramdam nila ay puno sila ng kaalaman matapos makalap ang impormasyong ito, na pagkatapos ay ibinabahagi nila sa lahat ng tao sa mga pagtitipon. Hindi ba’t pagpapakalat ito ng lason? Hindi ba’t napakanormal lang para sa masasamang diyablong iyon na gumawa ng masasamang gawa? Sinasabi ng ilang tao, “Normal sa kanila na gumawa ng masasamang gawa, pero hindi mo lubos na maiisip ang ilan sa mga kakila-kilabot na bagay na ginagawa nila.” Anong silbi ng pag-iisip niyon? Binigyan ka ba ng utak para maisip mo ang mga buktot na bagay na ginagawa nila? Hindi ba’t pagpapabaya ito sa iyong mga wastong gampanin? Iniisip mo ba na mas nakakahigit ka dahil alam mo ang ilang kahindik-hindik na kabuktutan? Ano ang makakamit mo rito? Hindi ba’t lalo ka lang masusuklam dahil dito? Ang mga taong ito na nagpapabaya sa kanilang mga wastong gampanin ay palaging nagpapahalaga sa mga bulgar, ubod na samang usapin sa larangan ng politika. Hindi ba’t ang babaw nila mag-isip? Bakit palagi mong inaalala ang mga usapin nila sa halip na mamuhay ng sarili mong buhay? Hindi ba’t kahangalan ito? Wala ka na ba talagang magawa? Sinasabi ng ilan, “Ang mga mananampalataya ay inuusig ng malaking pulang dragon. Dapat nilang kamuhian ang malaking pulang dragon. Tiyak na interesado ang mga mananampalataya sa mga iskandalo, katiwalian, pang-aabuso, at kawalan ng delikadesa ng matataas na opisyal ng malaking pulang dragon, pati na rin sa mga lihim na gawain ng mga ito. Hindi ba’t dapat magpalakpakan sa tuwa ang mga mananampalataya kapag nalalantad ang mga iskandalong ito?” Nananampalataya at sumusunod ka ba sa Diyos para lang matamo ang mga bagay na ito? Ang pag-uusap tungkol sa mga usaping pampolitika sa iglesia, lalo na sa mga iskandalong nalalantad tungkol sa mga opisyal ng malaking pulang dragon, ay labis na kasuklam-suklam. Hinding-hindi mo ito dapat talakayin! At huwag mo rin Akong kausapin tungkol dito; nasusuklam Ako rito! Sinasabi Ko sa iyo, huwag mo itong talakayin at huwag kang magbabasa ng tungkol dito, kung hindi, darating ang araw na pagsisisihan mo ang pagbabasa sa mga bagay na iyon. Kapag pinagsisisihan mo na ito, malalaman mo kung ano ang pakiramdam; walang katapusan ang pagiging kasuklam-suklam ng mga bagay na ito. Ang sobrang pakikinig at pagbabasa tungkol sa mga bagay na ito ay walang maidudulot na pakinabang. Bakit Ko sinasabing wala itong pakinabang? Sa pagbababad ng isipan mo sa mga ganitong kasuklam-suklam na usapin, hindi mo na nanaising marinig ang mga salita ng Diyos. Kahit na may kaugnayan sa politika ang mga paksang ito, ang mga usaping iyon ay mas lalo pang kasuklam-suklam. Kung gusto mong pag-usapan ang mga bagay na ito, makipag-usap ka sa mga walang pananampalataya hangga’t gusto mo, sabihin mo ang anumang gusto mong sabihin sa kanila, pero anuman ang mangyari, huwag mo itong talakayin sa buhay iglesia o kapag kasama ang mga kapatid. Sinasabi ng ilang tao, “Ang pagtatalakay sa mga imoral at buktot na gawain ng mga nakakataas na opisyal ng malaking pulang dragon ay nakakatulong sa mga kapatid na lumago sa pagkilatis at hinahayaan silang makapaglabas ng galit nila.” Ano ba ang silbi ng paglalabas ng galit? Ang paglalabas ba ng galit ay pagpapatotoo? Obligasyon o tungkulin mo ba ito? Ang pag-uusap tungkol sa mga bagay na iyon ay walang silbi, at wala talagang halaga. Kahit gaano mo pa ilantad ang mga buktot na gawa ng malaking pulang dragon, hindi ito tatandaan ng Diyos. Sa kabaligtaran, kung tatalakayin mo kung paano mo naranasan ang pag-uusig ng malaking pulang dragon, kung paano mo nalampasan at napagtagumpayan ang pananakot at mga pagbabanta nito, at kung paano ka sumandig sa Diyos at nanindigan sa patotoo mo sa gayong kapaligiran, tinatanggap ito ng Diyos. Pero ang pag-uusap tungkol sa politika ay walang kinalaman sa buhay pagpasok, at hindi ito tinatanggap ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Inilalantad ko ang katiwalian ng mga opisyal ng malaking pulang dragon, kung paano sila gumagastos ng sampu-sampung libong yuan sa isang kainan, o kung magkano ang ginagastos nila sa mararangyang hotel; ayos lang ba ito?” Ano naman ang kinalaman ng mga iyon sa iyo? Hindi ba’t sadyang ganoon talaga ang mundong ito at ang lipunang ito? Sino ba ang ipinaglalaban mo? Hindi ito pagpapatotoo sa Diyos, hindi rin ito paglalantad sa diwa ng malaking pulang dragon, at hindi rin ito pagpapamalas ng paghihimagsik laban sa malaking pulang dragon. Huwag mong lituhin ang mga tao o huwag kang maging mapagpaimbabaw; wala sa mga ito ang pagsasagawa sa katotohanan. Ang korapsyon ng mga tiwaling opisyal at politiko ay walang kinalaman sa atin, at hindi rin ito isang bagay na kailangan nating ilantad. Huwag mong alalahanin ang mga usaping ito. Ang mga bagay na ito ay umiral na sa rehimen ni Satanas sa buong kasaysayan, at ang ginagawa nila ay walang anumang kinalaman sa pagdanas natin sa gawain ng Diyos o sa pagpapatotoo sa Diyos. Kaya, anuman ang mangyari, huwag mong ihalo ang mga paksang iyon sa paksa ng “paghihimagsik laban sa malaking pulang dragon at paglalantad dito para magpatotoo sa Diyos,” at huwag mong talakayin ang mga kakaiba, kasuklam-suklam, at buktot na usaping ito sa buhay iglesia o sa gitna ng mga kapatid. Kung talagang gusto mong pagtalakayan ang politika, gawin mo ito kasama ang mga walang pananampalataya. Paano mo man ito talakayin nang pribado sa mga taong may gayong libangan at hilig ay ayos lang. Personal mo iyang libangan at hilig; kalayaan at karapatan mo ito, at walang makikialam. Pero sa mga panahon ng pagtitipon at sa harap ng mga kapatid, huwag mong talakayin ang mga usaping ito. Kahit may gustong makinig, huwag mo itong talakayin, dahil nakakaapekto ito sa buhay iglesia at sa pagkaunawa ng hinirang na mga tao ng Diyos sa katotohanan.
Kahit tungkol pa ito sa politika o sa mga iskandalo sa pribadong buhay ng mga politiko, huwag talakayin ang mga paksang ito sa buhay iglesia. Kung ang isang tao ay hindi interesado sa nilalaman ng mga pagtitipon sa buhay iglesia at palagi niyang gustong pag-usapan ang mga usaping ito, tinatalakay ang mga ito sa bawat pagtitipon, ano ba ang dapat gawin ng mga kapatid? Dapat nilang pigilan ang mga gayong tao, sabihing, “Oras ng pagtitipon ngayon, huwag mong talakayin ang mga walang kuwentang bagay na iyan. Kung gusto mong pag-usapan ang mga iyan, umuwi ka na lang at doon mo talakayin iyan!” Paano kung hindi sila mapigilan at patuloy pa rin sila sa pagsasalita tungkol sa mga ito? Palabasin sila, at sabihing bumalik na lang kapag tumigil na sila. May isa pang mas epektibong paraan: Sa sandaling buksan nila ang bibig nila para pag-usapan ang politika, tatayo ang mga kapatid at lilipat sa ibang silid, para sarili na lang nila ang kausapin nila. Sa madaling salita, umiiral talaga ang mga taong mahilig makipag-usap tungkol sa politika. Pinapabayaan ng mga gayong tao ang mga wastong gawain, hindi nila hinahangad ang katotohanan, hindi pinagninilay-nilayan kung paano mahusay na magagawa ang tungkulin nila, hindi pinagninilay-nilayan ang mga suliranin sa gawain ng iglesia o na kinakaharap ng mga kapatid, at hindi pinagninilay-nilayan kung ano ang mga totoong problema nila na nangangailangan ng resolusyon—hindi nila pinagninilay-nilayan ang mga wastong usaping ito. Sa halip, pinagninilay-nilayan lang nila ang mga ubod ng sama, baluktot na usaping iyon, at talagang masigasig sila tungkol sa mga ito. Lalo na ngayon, na malawak at madali nang makuha ang impormasyon mula sa iba’t ibang uri ng plataporma—tinutulutan nito ang mga tao na matugunan ang mga libangan at hilig nila. Hindi tayo nakikialam sa kanilang mga libangan at hilig, pero may regulasyon ang sambahayan ng Diyos na ang pagtatalakay sa mga politikal na paksa sa mga pagtitipon ay itinuturing na problema ng panggagambala at panggugulo sa gawain ng iglesia. Kaya, ang mga paksang ito ay mahigpit na ipinagbabawal sa panahon ng buhay iglesia at kapag nagsasama-sama ang mga kapatid. Sinasabi ng ilang tao, “Ipinagbabawal ang mga paksang ito, pero paano naman ang iba’t ibang pananaw namin sa politika, kung aling partido ang aming gusto o hindi gusto, kung sino ang ibinoboto namin o hindi—nakikialam ba ang iglesia sa mga usaping ito?” Linawin natin ito: Iboto mo ang sinumang gusto mo, gustuhin mo ang sinumang gusto mo—hindi nakikialam ang iglesia sa mga usaping ito, kalayaan mo ito. Hindi ba’t napakaluwag na ng ganitong pakikialam? Ganap mo nang tinatamasa ang iyong mga obligasyon at karapatang pantao bilang mamamayan; hindi ba’t sapat na ang pagrespeto na iyon? Ayos na ito; pero gusto mo pa rin makapagsalita nang malaya at hangga’t gusto mo sa iglesia? Salungat iyan sa mga alituntunin. Kung makakatagpo ka ng mga gayong tao, maghanap ng paraan para pigilan sila. Una, makipagbahaginan nang malinaw sa kanila, sabihin mo: “Baguhan ka ba sa pananalig? Ito ba ang unang beses mo sa pagtitipon, at hindi mo alam ang mga patakaran ng sambahayan ng Diyos? Kung gayon, sasabihin ko sa iyo: Ang lugar na ito ay lugar ng pagtitipon, at ang oras na ito ay oras ng pagtitipon. Anuman ang mga pananaw o ideya mo sa politika, hinding-hindi mo ito dapat ipakalat sa iglesia, at huwag mong talakayin ang mga ito sa mga pagtitipon. Ayaw naming marinig ito, at hindi rin kami obligadong makinig sa sinasabi mo tungkol sa mga bagay na ito. Mali ang napili mong lugar. Pagkatapos ng pagtitipon, kapag nilisan mo na ang lugar na ito, puwede mong sabihin ang anumang gusto mo; walang makikialam. Kalayaan mo iyan.” Kung nakakaunawa sila at natatandaan nila ang sinabi mo, at hindi na nila ito babanggitin sa susunod, ayos na iyon, at ipinakita nilang may kaunti silang katwiran. Pero kung pagkatapos ng pagbabahaginan ay patuloy pa rin silang nagsasalita nang ganito, palaging nagbabahagi ng mga pananaw sa politika sa bawat pagtitipon, dapat ba silang pigilan sa pagsasalita? (Oo.) Sangkot man sila sa politika o hindi, basta’t may isang tao na nagsasalita tungkol sa mga politikal na paksa, dapat itong ituring na katulad ng pagbuo ng mga paksiyon, pakikipag-agawan sa katayuan, pagbubulalas ng pagkanegatibo, at iba pang mga gayong pag-asal na nakakagambala at nakakagulo sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Ang mga gayong tao ay hindi dapat pakitaan ng anumang paggalang; dapat silang pigilan at limitahan. Siyempre, ang mga taong nag-uusap tungkol sa politika ay hindi agad na masama o mabuti; maaaring mahilig lang talaga sila sa mga ganitong isyu at paksa. Pero makakatiyak tayo na hindi talaga naghahangad sa katotohanan ang mga taong ito. Sa madaling salita, malinaw nang napagbahaginan ang prinsipyo sa pangangasiwa sa mga taong ito: Sabihin sa kanila ang mga regulasyon ng sambahayan ng Diyos. Kung pagkatapos ipaliwanag nang malinaw ang mga ito ay patuloy pa rin silang nagsasalita tungkol sa mga politikal na paksa at hindi sumusunod sa mga babala, ihiwalay na sila. Puwede lang silang magpatuloy na mamuhay ng buhay iglesia pagkatapos nilang magsisi. Kung hindi sila magsisisi kailanman, huwag na silang padaluhin sa mga pagtitipon. Dapat ganoon lang kasimple ang pangangasiwa sa usaping ito. Huwag gawing komplikado ang simpleng usapin, hindi ito kapaki-pakinabang sa sinuman.
Hulyo 24, 2021