Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (19) Ikalawang Seksiyon
B. Ang mga Prinsipyo sa Pangangasiwa sa Masasamang Tao na Nagmamanipula sa mga Halalan ng Iglesia
Kapag may masasamang tao na nagmamanipula ng mga halalan, kinakailangang ulitin ang halalan. Paano ito dapat isagawa? (Dapat na mapawalang-bisa ang mga resulta ng halalan at magsagawa ng bagong halalan.) Isang paraan ito. Ang impormasyon mula sa loob tungkol sa kung paano namanipula ng masasamang tao ang halalang ito ay dapat ihayag at isapubliko para malaman ng lahat kung ano ang nangyari sa proseso ng halalan at kung paano nabuo ang mga resulta. Pagkatapos malaman ng mga tao ang mga kumpidensiyal na impormasyong ito, dapat na ipawalang-bisa ang mga resulta ng halalan, at ulitin ang halalan. Ang gayong halalan ay hindi dapat aprubahan ng mayorya ng hinirang na mga tao ng Diyos; at hindi mahalaga kung sino ang nahalal—hindi puwedeng tanggapin ang mga resulta. Sa mga normal na sitwasyon, sa pamamagitan ng pagbabahaginan sa katotohanan at paglalantad sa kumpidensyal na kuwento, maaaring hindi kilalanin ang mga resulta ng halalan, at ulitin ang halalan. Pero minsan, sa ilang espesyal na sitwasyon, kahit na may ilang tao lang na nakakaalam na ang mga resulta ng halalan ay namanipula ng mga alipin ni Satanas at na ang nahalal na tao ay hinding-hindi kayang gawin ang gawain at isang papet lang, dahil ang mayorya sa iglesia ay nalihis ng masasamang tao at pumapanig pa rin sa mga alipin ni Satanas habang ang minorya ang may kaunting pagkilatis at nakakaalam sa kumpidensiyal na impormasyon—at walang naniniwala sa minoryang ito o nakikinig sa kanila kapag nagsasalita sila—sila ay inihihiwalay at walang kapangyarihan, at wala talagang lakas para baguhin ang sitwasyon. Sa mga gayong pagkakataon, maaaring gustuhin mong ilantad ang kumpidensiyal na impormasyon tungkol sa pagmamanipula sa halalan, pero hindi madaling maunawaan nang malinaw ang sitwasyon. Sa gayong kaso, bukod sa pag-uulat nito sa mga nakatataas na lider at manggagawa, ano pa ang puwede ninyong gawin? Kung magpapatuloy kayong mamuhay ng buhay iglesia, ibubukod ka. Parang hindi rin naman angkop na dumalo sa mga pagtitipon sa ibang iglesia, dahil ang mga tao roon ay hindi puwedeng basta-bastang magpatuloy ng isang estranghero sa bahay. Talagang nahihirapan kang magpasya dahil dito! Nakikita mo na ang nahalal na lider ng iglesia ay may masamang pagkatao, isang diyablo, at hindi siya isang tao na karapat-dapat na mahalal, kaya nagagalit ka na kapag nakikita mo pa lang siya. Naaasiwa ka kapag dumadalo ka sa mga pagtitipon, pero hindi naman puwedeng hindi dumalo. Kung hindi ka dadalo, at puputulin mo ang ugnayan mo sa iglesia, mawawala ang buhay iglesia mo, at hindi ito isang bagay na puwede mong gawin. Kaya, may magandang solusyon ba sa problemang ito? Nangangailangan ito ng karunungan. Ano ang kahihinatnan kung magmamadali kang ilantad sila? Maaaring magsama-sama ang mga taong iyon para supilin ka, itaboy ka, o kung talagang hindi naging maganda ang takbo ng mga bagay, baka paalisin ka pa nila, at magiging biktima ka ng kawalang katarungan. Ito ang pinakamalamang na kahihinatnan. Kaya, ano ang pinakamagandang solusyon? (Makipagsanib-puwersa sa mga kapatid na may pagkilatis at tipunin ang lahat ng ebidensiya ng masasamang gawa ng lihim na pagmamanipula sa halalan ng mga taong ito. Iulat ito sa mga nakatataas na lider at manggagawa, at mabilis ding makipagbahaginan tungkol sa katotohanan kasama ang mga kapatid na nalihis para maibalik sila.) Maituturing ba itong magandang solusyon? Ayos lang bang gawin ang mga gayong bagay nang padalos-dalos? Ano ang kahihinatnan ng pagiging padalos-dalos? (Dahil dito ay madaling naaalerto ang kaaway nang hindi sinasadya.) Kapag nahaharap kayo sa mga ganitong usapin, natatakot ba kayo o kinakabahan? Dapat ba kayong matakot o kabahan? (Hindi.) Sa teorya, hindi ka dapat matakot—ito ang sinasabi sa iyo ng iyong pagkamakatwiran. Pero sa realidad, kumusta ito para sa mga tao? Ang pinakamahalaga ay kung nauunawaan ba ng mga tao ang katotohanan. Kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan at mayroon lang silang kapasyahan, matatakot pa rin sila sa loob-loob nila. Kapag natatakot ka, madali bang magkamit ng mga resulta anuman ang iyong gawin o paano mo man ito gawin? (Hindi.) Kapag natatakot ka, nasa anong klaseng kalagayan ka? Natatakot ka sa kapangyarihan ng mga taong ito, natatakot kang malalaman nila na nakikilatis mo na sila at na nagiging mapagbantay ka laban sa kanila, at natatakot ka na susupilin at ibubukod ka nila kapag nakita nilang hindi ka pumapanig sa kanila, at sa huli ay aalisin ka nila sa iglesia. Magkakaroon ka ng mga ganitong alalahanin sa puso mo. Kapag may mga gayon kang alalahanin, maaari ka bang magkaroon ng karunungan, tapang, at mga pamamaraan para makisalamuha sa mga tao na ito, lutasin ang mga problemang idinulot nila, o isiwalat ang masasamang gawa nila para magkaroon ng pagkilatis ang mga kapatid at hindi malihis? Ano ang pinakaangkop na paraan ng pagkilos? Kapag natatakot ka, hindi ba’t mahina ang kondisyon mo? Una sa lahat, mahina at pasibo ka. Sa isang banda, wala kang malakas na pananalig sa Diyos, at sa kabilang banda, iniisip mo, “Gayon nga, nagtagumpay na ang masasamang taong ito. Paanong ako lang ang kumikilatis sa usaping ito ngayon? May pagkilatis man lang ba ang ibang tao? Kung sasabihin ko sa iba ang totoong sitwasyon, maniniwala ba sila sa akin? Kung hindi sila maniniwala sa akin, ilalantad ba nila ako? Kung magsasama-sama sila para harapin ako, at mag-isa ako at walang magawa, maghahanap ba ng kung ano-anong palusot ang masasamang taong iyon para paalisin ako?” Hindi ba’t magkakaroon ka ng mga gayong alalahanin? Kapag may mga ganito kang alalahanin, paano mo haharapin ang mga taong iyon? Paano ka makikisalamuha sa kanila sa pinakaakma at pinakamarunong na paraan? Sa panahong ito, hindi ba’t wala kang direksiyon o landas na susundan? Para ilarawan nang tumpak, sa panahong pinakatakot at pinakamahina ka, sadyang hindi mo kayang makipagtunggali sa kanila o makisalamuha sa kanila at pangasiwaan ang mga problemang dulot nila. Kaya, ano ang pinakamagandang hakbang para sa iyo sa oras na ito? Dapat bang manguna ka at ikaw ang unang sumugod, harapin sila at ilantad ang masasamang gawa nila para protektahan ang sarili mo? Angkop ba ang pamamaraang ito? (Hindi.) Bakit hindi ito angkop? Dahil hindi mo pa napag-iisipan nang mabuti kung paano kikilos, hindi mo makikilatis ang diwa nila, at hindi mo alam kung paano sila ilalantad, lalong hindi mo alam kung kayang tanggapin ng mga nalihis ang katotohanan at magbago ng direksyon. Hindi mo alam ang anuman sa iba’t ibang bagay na ito, at hindi malinaw sa iyo kung ano ang pinakakapaki-pakinabang at epektibong solusyon para sa iyo. Kahit na hindi ka pa umaabot sa isang partikular na antas ng pagkanegatibo, ang kasalukuyan mong kondisyon sa pinakamababa, ay kondisyon ng kahinaan at pangamba, at marami kang alalahanin sa loob-loob mo. Lehitimo man o idinulot ng kahinaan o pangamba mo ang mga alalahaning ito, sa madaling salita, katunayan ang mga ito. Kapag lumitaw ang mga katunayang ito, ang pinakamagandang solusyon ay matutong maghintay at walang gawin. Ano ang ibig sabihin ng walang gawin? Ibig sabihin nito ay hindi magmadaling ilantad sa mga nalinlang ang tunay na sitwasyon tungkol sa halalan, at hindi agad-agad na kontrahin ang mga bagong nahalal na lider ng iglesia o ang grupo ng mga tao na nagmanipula at nanggambala sa halalan. Huwag silang ilantad; sa oras na ito, dapat matuto kang maghintay. Sinasabi ng ilang tao, “Ang maghintay ay sobrang pasibo; gaano katagal ko ba kailangang maghintay?” Hindi kailangang maghintay nang masyadong matagal. Habang naghihintay ka, lumapit sa Diyos para magdasal, magbasa ng mga salita ng Diyos, at hanapin mo ang katotohanan. Sa mga gayong sitwasyon, sa panahong pinakatakot at pinakamahina ka, nagiging pinakatapat at sinsero ang mga panalangin mo. Kailangan mo ang Diyos para gabayan at protektahan ka; kailangan mong umasa sa Diyos. Habang nagdarasal ka, unti-unting mababawasan ang pangamba mo hanggang sa mawala na ito. Kapag nawala na ang pangamba mo, hindi ba’t mababawasan din ang panghihina mo? (Oo.) Mababawasan din nang mababawasan ang mga alalahanin mo. Ang mga pangamba, kahinaan, at alalahaning ito ay hindi mawawala nang basta-basta; sa halip, sa prosesong ito ng pagbabago, unti-unti mong mauunawaan ang ilang bagay. Ano ang mga bagay na mauunawaan mo? Sa isang banda, malalaman mo kung paano harapin ang mga tao na ito, kung sino ang unang ilalantad, at kung paano magsalita at kumilos sa paraang kapaki-pakinabang sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Dagdag pa rito, malalaman mo ang kalikasan ng pag-uugali ng mga taong ito. Paano mo mauunawaan ang mga bagay na ito? Sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan habang naghihintay ka, unti-unti mong mauunawaan ang mga ito. Kapag nakita mo na ito nang malinaw, natural na magninilay-nilay ka kung paano ka dapat gumamit ng karunungan, kung kanino angkop na makipag-usap, at kung paano magsasalita sa paraang makakaantig sa kanila, na nagtutulot sa kanila na malaman ang mga katunayan tungkol sa pagmamanipula ng masasamang tao sa halalan, at nagbibigay sa kanila ng kakayahang magbago, na makilatis ang tunay na mukha ng mga nagmanipula at nanggambala sa halalan, at makilatis kung ano talagang klaseng mga tao ang mga diumano’y nahalal na lider. Magkakaroon ka ng ganitong uri ng karunungan, at ang mga kilos mo ay magiging sistematiko rin. Kaya, paano nagaganap ang mga positibong pakinabang na ito? Lahat ng ito ay ipinagkakaloob ng Diyos sa iyo habang naghihintay ka. Ang ilan sa mga ito ay dulot ng gawain at kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at ang ilan ay ang ipinapakita at ipinapaunawa sa iyo ng Diyos sa Kanyang mga salita. Sinasabi ng mga salita ng Diyos na huwag makipaglaban nang hindi handa. Ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin nito, nakikipaglaban ka man kay Satanas o inilalantad mo man ang masasamang gawa ng mga alipin ni Satanas, paano ka man makipaglaban kay Satanas, kailangang ikaw mismo ay maging malakas, kailangan maunawaan mo ang mga katotohanang prinsipyo, at makilatis mo ang diwa at masasamang gawa ni Satanas at ng masasamang tao at pagkatapos ay ilantad sila. Sa ganoong paraan mo lang makakamit ang mabubuting resulta sa huli. Kapag naunawaan mo na ang mga bagay na ito, hindi ba’t mababawasan na ang tindi at pagiging halata ng iyong mga pangamba, kahinaan, at alalahanin? Hindi ka na masyadong matatakot. Ang mga bagay na ito na nararamdaman mo ay unti-unting magbabago; mapapansin mong hindi ka na kasinghina ng dati noong unang lumitaw ang sitwasyon. Sa halip, mararamdaman mong medyo mas malakas ka na at mas may kumpiyansa ka na sarili mo kaysa dati, at malalaman mo kung ano ang dapat mong gawin. Sa puntong ito, magdasal kang muli sa Diyos at hilingin mo sa Kanya na ihanda ang tamang pagkakataon, at pagkatapos ay kumilos ka na. Iulat ang sitwasyon sa mga nakakataas na lider at manggagawa habang nakikipagbahaginan din sa mga may mabuting pagkatao at sinserong nananampalataya sa Diyos pero mga nalinlang at nalihis dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan, ilantad sa kanila ang kumpidensiyal na impormasyon tungkol sa pagmamanipula ng masasamang tao sa halalan. Kapag nakumbinsi mo na ang isa o dalawa sa mga taong ito, halos mawawala na ang pangamba mo. Mapagtatanto mo na ang lahat ng ito ay hindi magagawa sa pamamagitan ng pag-asa sa lakas ng tao, lalong hindi ito magagawa sa pamamagitan ng pagpapadalos-dalos; hindi ka puwedeng umasa sa pansumandaling bugso ng damdamin o galit, o sa pansamantalang diumano’y pagpapahalaga sa katarungan—walang silbi ang lahat ng ito. Maghahanda ang Diyos ng tamang panahon para sa iyo at bibigyang-liwanag ka Niya sa kung ano ang dapat mong sabihin, at batay sa nauunawaan mo, gagabayan ka Niya sa bawat hakbang, bibigyan ka Niya ng landas na susundan. Mula sa pagiging mahina at takot sa simula, hanggang sa paghahanap at pagkaunawa sa mga prinsipyo at sa landas—sa panahong ito, puwede ka pa ring normal na makisalamuha sa masasamang tao na ito. Sa panahon ng mga normal na pakikisalamuha, hindi bakante ang isipan ng mga tao; may sarili silang mga iniisip. Habang naghahanap at nagdarasal ka, inoobserbahan mo ang mga tao na ito. Ano ang napapansin mo? Tinitingnan mo kung anong uri ng daan ang tinatahak nila at kung ano ang tunay nilang diwa. Kung ang sinasabi nila ay tama at umaayon sa mga prinsipyo ng gawain ng iglesia, puwede kang makinig sa kanila; kung ang sinasabi nila ay nakakagambala at nakakagulo sa gawain ng iglesia, puwede kang maghanap ng dahilan para hindi sila pakinggan o para magpaliban muna, gamit ang isang marunong na paraan ng pakikisalamuha nang “palakaibigan” nang hindi sila naaalerto. Habang nakikisalamuha nang “palakaibigan” sa kanila, nagtitipon ka ng ebidensiya ng masasamang gawa nila, kinikilatis sila batay sa iba’t ibang kilos at panlilinlang nila na labag sa mga katotohanang prinsipyo at higit pang nagpapatunay na ang mga tao na ito ay mga alipin ni Satanas. Sa pagsasagawa sa ganitong paraan, hindi ka nila malilimitahan habang tinutupad mo rin ang responsabilidad at tungkulin mo—ito ang ginagawa ng isang marunong na tao. Tanging ang mga may pagkatao, karunungan, at pagmamahal sa katotohanan ang makakalakad sa tamang landas. Para sa mga tao na walang karunungan na kumikilos nang walang ingat at magaspang, palaging umaasa sa pagkamainitin ng ulo at bugso ng damdamin anuman ang ginagawa nila o anumang sitwasyon ang kinakaharap nila, madalas na nagbubunga ng di-magagandang resulta ang mga kilos nila. Ang mga gayong tao ay hindi lang nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia kundi nagdudulot din ng maraming hindi kinakailangang abala at pagkayamot sa kanilang sarili. Samantala, ang marurunong na tao ay naiiba. Sa anumang ginagawa nila, naghihintay, nag-oobserba, at naghahanap sila, naghihintay sa tamang pagkakataon, para sa mga pagsasaayos at pamamatnugot ng Diyos. Habang naghihintay, nagagawa nilang hanapin ang mga layunin ng Diyos, kumain at uminom ng mga salita ng Diyos nang may layunin, mas tumpak na maarok ang mga prinsipyo ng katotohanan, at kumilos ayon sa mga layunin ng Diyos. Ginagamit nila ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan para makipaglaban nang mahusay at para magpatotoo sa Diyos, sa halip na makipaglaban sa mga tao o makipagtalo nang dahil sa pagkamainitin ng ulo.
Pagdating sa masasamang tao na nagmamanipula at nanggagambala ng mga halalan, ang pinakamahalaga ay hindi kung kaya mong makilatis ang mga taong ito o kung paano mo sila planong ilantad; ito ay ang agarang iulat ang sitwasyon sa mga nakatataas. Dapat kang gumamit ng karunungan para harapin sila, maghintay sa tamang panahon ng Diyos, dapat mong hanapin ang mga layunin ng Diyos, at hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, habang hindi inaantala ang tungkulin mo. Ano ang pinakahuling resulta ng paggawa nito? Tinutupad mo ang responsabilidad at tungkulin mo. Sa pamamagitan ng pag-uulat ng sitwasyon sa nakatataas at paghahanap ng solusyon, hindi lang nalulutas ang problema, kundi nagkakaroon ka rin ng kabatiran, nadaragdagan ang pagkilatis at karunungan mo, lumalago ang tayog mo, at lumalakas ang pananalig mo sa Diyos. Napakaraming nakakamit ng mga tao mula sa pagharap kay Satanas at labis itong kapaki-pakinabang sa kanila. Sa kabaligtaran, ipagpalagay nang kumilos ka nang may pagkamainitin ng ulo at nang nagmamadali, nakikipag-away nang matindi sa mga taong ito at nakikipagtalo sa mga ito nang harap-harapan, sinasabi, “Minamanipula at ginagambala ninyo ang halalan. Bagama’t malakas ang kapangyarihan ninyo, hindi ako susuko sa inyo, at hindi ako natatakot sa inyo!” Ang resulta ng ganitong pamamaraan ay ang mapatalsik sa iglesia, dahil dito ay ilang buwan kang umiiyak at nagdurusa sa bahay mo; pero hindi mo pa rin nauunawaan ang mga layunin ng Diyos: “Bakit nauwi ako sa ganitong kalagayan? Ayaw Mo ba sa akin, Diyos? Wala Ka bang pakialam sa akin?” Sa loob ng maraming buwan, hindi mo napapakinggan ang mga bagong sermon at himno, hindi mo alam kung ano ang gawaing ginagawa ng iglesia, hindi mo magawa ang mga tungkulin mo, at ganap kang nahihiwalay, lubusang nalulugmok sa kadiliman. Araw-araw, bukod sa pag-iyak, ang ginagawa mo lang ay mag-alala. Hindi mo natututunang magdasal sa Diyos o kumain at uminom ng mga nauugnay na salita ng Diyos sa ganitong kapaligiran, lalong hindi mo natututunan na hanapin ang mga katotohanang prinsipyo sa masasalimuot na sitwasyon; hindi ka talaga lumalago sa karunungan. Pagkaraan ng ilang buwan ng pag-iyak, sa wakas, isang araw, may isang tao na nagbalik sa iyo sa iglesia at hiniling sa iyo na ibahagi ang karanasan mo sa panahong iyon, pero nagrereklamo ka lang habang umiiyak: “Labis akong naagrabyado! Hindi ko ginulo ang iglesia. Hindi ako masamang tao; idiniin ako ng masasamang tao.” Kapag tinanong, “Ano ang mga aral na natutunan mo sa panahong ito? May nakamit ka ba?” tumutugon ka, “Ano ang makakamit ko? Ihiniwalay nila ako, kinuha nila ang mga aklat ng mga salita ng Diyos at ng mga himno, at hindi ako makapakinig sa anumang sermon. Ang nagawa ko lang ay magtalakay tungkol sa pananalig at kumanta minsan ng ilang himnong naaalala ko. Wala akong anumang nakamit. Mabuti na lang, naghanda ang Diyos ng tamang oras para ibalik ako; kung hindi, nagpaplano na akong lumabas at magnegosyo para kumita ng pera, dahil wala naman na akong pag-asang maligtas. Ayaw na sa akin ng Diyos, at hindi na ako makakapagpatuloy sa pananampalataya. Ganap na nasadlak sa kadiliman ang puso ko.” Sa huli, idinadagdag mo, “Ang mga tupa ng Diyos ay hindi kailanman aabandonahin ng Diyos,” ito ang nagiging kongklusyon mo. Ang makaranas ng napakahalaga at espesyal na pangyayari pero napakaliit ng iyong nakamit—hindi ba’t medyo kaawa-awa ito? Hindi ba’t hindi ito naaangkop? Nang maharap sa gayong kalaking sitwasyon, wala kang natutunang anumang aral at hindi nadagdagan ang karunungan o pananalig mo; bagama’t nananampalataya ka pa rin sa Diyos sa puso mo, pinahirapan ka ng mga Satanas, diyablo, at anticristo hanggang sa halos tumigil ka na sa pananampalataya. Maaari ka pa rin bang magpatotoo sa Diyos? Hindi ba’t ikaw ay walang silbing duwag? Ano ang silbi ng pag-iyak sa bahay? Kahit umiyak ka hanggang sa mabulag ka, makatutulong ba ito? Malulutas ba nito ang problema sa mga anticristo? Nagtagumpay ang masasamang tao, at sa huli, ang tanging taglay mo ay ang kasabihang, “Ang mga tupa ng Diyos ay hindi kailanman aabandonahin ng Diyos,” nang walang iba pang nakakamit. Wala kang karunungan, wala kang plano ng pagkilos, at hindi mo alam kung paano hanapin ang Diyos ayon sa landas na ibinigay ng Diyos, kung paano lumapit sa Diyos para gamitin ang Kanyang mga salita at ang katotohanan para labanan si Satanas. Ang kaunting doktrina na madalas mong nililitanya ay walang pakinabang sa iyo; pagdating sa pagharap sa mga gayong usapin, bukod sa pag-iyak, ang ginagawa mo lang ay maramdaman na naagrabyado ka at magreklamo—isa itong walang silbing duwag. Madalas na may ilang pagpapamalas ang mga walang silbing duwag, na siya ring mga pangunahing katangian nila. Una, umiiyak sila. Pangalawa, pakiramdam nila ay naagrabyado sila. Pangatlo, nagrereklamo sila sa puso nila. Sa puso nila, sinasabi rin nila, “Nasaan Ka, Diyos? Bakit wala Kang pakialam sa akin? Labis akong pininsala ni Satanas, hindi ko na kayang mabuhay pa. Pakiusap, iligtas Mo ako agad!” Sabi ng Diyos, “Isa kang walang silbing duwag, isang basurang nababalot sa balat ng tao. Kung nananampalataya ka sa Diyos, ano ang ikinakatakot mo? Ano ang dapat ikatakot kay Satanas?” Kahit anong mga plano at pakana ang ginagamit ni Satanas kapag kumikilos ito, hindi tayo natatakot. Nasa atin ang Diyos, nasa atin ang katotohanan. Bibigyan tayo ng Diyos ng karunungan. Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay; ang lahat ng bagay ay nasa ilalim ng pamamatnugot ng Diyos. Ano ang ikinakatakot mo? Ang pag-iyak ay nagpapakita lang na duwag ka at walang kakayahan; isa kang basura, isang walang silbing nilalang. Ang pag-iyak ay nangangahulugang nakikipagkompromiso ka kay Satanas at nagsusumamo ka na kaawaan ka ni Satanas. Gusto ba ng Diyos ang mga gayong walang silbing duwag? (Hindi.) Nakikita ka ng Diyos bilang isang walang silbing duwag, isang hangal, isang basura, na wala man lang patotoo at karunungan. Ano ang nangyari sa katotohanang naunawaan mo? Hindi pa ba sapat ang narinig mo tungkol sa mga pagpapamalas ng mga anticristo at ni Satanas na inilalantad ng Diyos? Hindi mo ba nauunawaan o nakikilatis ang mga bagay na ito? Hindi mo ba alam na mga Satanas sila? Kung alam mong mga Satanas sila, ano ang ikinakatakot mo? Bakit hindi ka natatakot at nangingilabot sa Diyos? Hindi ka ba natatakot na salungatin ang Diyos dahil sa takot mo kay Satanas? Hindi ba’t kabuktutan iyon? Kapag nangyari ang mga gayong sitwasyon, natatakot ka at wala kang solusyon, wala ka man lang karunungan o mga kontra-hakbang. Ano ang nakamit mo sa pakikinig sa mga sermon sa loob ng maraming taon? Wala bang saysay ang lahat ng ito? Magagawa bang manindigan ng mga gayong walang silbing duwag sa kanilang patotoo? (Hindi.) Pagdating sa mga sitwasyon kung saan minamanipula at ginagambala ng mga Satanas at masasamang tao ang mga halalan, kahit nag-iisa ka lang at walang kapangyarihan, o kahit may ilang kapatid na kaisa mo sa isip, huwag kang magmadali sa pagkilos. Una, matutong maghintay. Pangalawa, matutong maghanap. Habang naghihintay at naghahanap, huwag mong talikuran ang tungkulin mo. Ano ang ibig sabihin ng paghihintay? Ibig sabihin nito ay maghintay sa paghahanda ng Diyos ng tamang oras at pagkakataon. At ano ang dapat mong hanapin? Hanapin ang mga prinsipyo at landas na dapat mong isagawa sa pananampalataya at pagsunod mo sa Diyos; hanapin kung paano kumilos nang naaayon sa mga layunin ng Diyos, at kung paano kumilos para labanan si Satanas at ang mga puwersa ng anticristo, para sa huli ay mapagtagumpayan ang mga puwersa ni Satanas at maging isang mananagumpay. Kung nag-iisa ka, kailangan mong higit na manalangin sa Diyos, maghintay, at maghanap. Kung may dalawa o tatlong tao na kaisa mo sa isip, maaari kayong magbahaginan, magdasal, maghintay, at maghanap nang magkakasama. Kapag inihanda na ng Diyos ang tamang oras, humiling sa Diyos ng lakas at karunungan, para maging angkop ang lahat ng gagawin at sasabihin mo. Sa ganitong paraan, sa isang banda, tinutupad mo ang tungkulin mo bilang isang nilikha, at sa kabilang banda, magagawa mo ring malakas at epektibong ilantad si Satanas, na lubusang maglalantad at sisira sa mga plano ng mga alipin ni Satanas at ng mga anticristo. Naaangkop ba ito? Nasabi na sa inyo ang mga pamamaraan, gawi, landas, at mga prinsipyong ito, kaya depende na sa inyo kung paano ninyo gagamitin ang mga ito. Sapat na bang malinaw ang landas na ito? (Oo.) Kung gayon, kapag nahaharap kayo sa mga gayong usapin, magsagawa kayo ayon sa prinsipyong ito. Madali itong maabot.
Sa bawat halalan sa iglesia, kapwa ang mga lider at manggagawa, pati na rin ang hinirang na mga tao ng Diyos, ay may responsabilidad at obligasyon na pangalagaan ang gawain ng halalan. Kailangang gampanan ng mga lider at manggagawa ang gawain ng pakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan at sa mga prinsipyong panghalalan; dapat namang ilahad ng hinirang na mga tao ng Diyos ang anumang mga isyung mayroon sila, at pagkatapos ay dapat pagbahaginan ang katotohanan para malutas ang mga isyung ito. Sa ganitong paraan lang masisigurong maayos na maisasagawa ang halalan. Sa isang banda, ang mga lider at manggagawa ay dapat mahigpit na sumunod sa mga prinsipyong panghalalan ng sambahayan ng Diyos at isagawa ang gawain ng bawat halalan sa sambahayan ng Diyos nang batay sa mga prinsipyong ito. Sa kabilang banda, kailangan din nilang maging mapagbantay laban sa masasamang tao at mga anticristo na nagmamanipula at nanggagambala ng mga halalan. Ang mga indibidwal na ito ay mga alipin ni Satanas, mga kasabwat sila ni Satanas. Dapat mahigpit na maging mapagbantay ang mga lider at manggagawa laban sa mga ito at maging maingat sa mga ito, manatiling mapagmatyag laban sa mga pagtatangka ng mga ito na manipulahin ang mga bagay-bagay sa panahon ng halalan kapag walang nakakakita o gumawa ng mga lihim, sikretong galaw para dayain ang proseso nang walang nakakaalam. Kung lumabas na talagang namanipula ng masasamang tao ang halalan, na nagresulta sa pagkakabukod sa karapat-dapat na mahalal at sa pagkakalihis ng karamihan ng tao, kaya ang maling indibidwal—isang indibidwal na hindi karapat-dapat sa posisyon—ang nahalal bilang lider, kung mangyari ang gayong sitwasyon, may solusyon pa rin. Dapat ilantad ang tunay na sitwasyon ng nahalal na tao. Kung sumasang-ayon ang karamihan ng tao, puwedeng ulitin ang halalan. Ang isang halalan na namanipula ni Satanas at ng masasamang tao ay hindi resulta ng isang halalang isinagawa nang normal ng iglesia nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Hindi ito isang positibong bagay, at sa malao’t madali, ito ay masisiwalat, malalantad, at mapapawalang-bisa. Sa paniniwala rito, kung mahaharap ka sa mga gayong sitwasyon, paano ka dapat kumilos? Dapat kang maging handang labanan si Satanas sa anumang oras at saanmang lugar, at huwag maging patulog-tulog sa pansitan. Kung isa kang lampa, isang tao na magulo ang isip, o isang walang silbing duwag, maaaring makipagkompromiso o makipagsabwatan ka sa kanila, o maaaring madurog ka nila nang husto hanggang sa maging negatibo ka na at hindi na makabangon. Ang ilang tao ay patulog-tulog lang sa pansitan, sinasabi nila, “Hindi rin naman ako puwedeng maging lider ng iglesia. Kahit sino pa ang maglingkod, pareho lang din naman. Kung sinumang may abilidad, sige na, maglingkod na kayo! Kung gusto ng isang anticristo na maglingkod, wala itong kinalaman sa akin, basta’t hindi nila ako papaalisin, ayos na iyon.” Walang kuwenta ang mga taong nagsasabi nito. Hindi nila maisip kung ano ang mga magiging kahihinatnan kung maglilingkod bilang lider ang isang anticristo, ni kung ano ang magiging epekto nito sa pananampalataya nila sa Diyos at sa kaligtasan nila. Tanging ang mga taong nakakaunawa sa katotohanan ang nakakakita sa kung ano talaga ito. Sasabihin nila: “Kung isang anticristo ang magiging lider ng iglesia, ang hinirang na mga tao ng Diyos ang magdurusa. Sa partikular, iyong mga naghahangad sa katotohanan, may pagpapahalaga sa katarungan, at mga handang gumawa ng tungkulin nila, ay pawang masusupil at maibubukod. Tanging ang mga tao na magulo ang isip at ang mapagpalugod ng mga tao ang makikinabang, at sila ay makukulong at mapapasailalim sa kontrol ng kapangyarihan ng anticristo.” Pero hindi kailanman isinasaalang-alang ng mga hindi naghahangad sa katotohanan ang mga bagay na ito. Iniisip nila: “Nananampalataya sa Diyos ang isang tao para maligtas. Ang lahat ay tumatahak sa sarili nilang landas. Kahit isang anticristo pa ang maging lider, wala itong magiging epekto sa akin. Hangga’t hindi ako gumagawa ng masasamang bagay, hindi nila ako masusupil o maibubukod, o mapapaalis sa iglesia.” Ito ba ang tamang pananaw? (Hindi.) Kung walang kahit sino sa hinirang na mga tao ng Diyos ang nagmamalasakit sa mga halalan ng iglesia, sa sandaling hayaan nila ang isang anticristo na humawak ng kapangyarihan, ano ang mga magiging kahihinatnan? Talaga nga bang magiging kasingsimple ito ng inaakala ng mga tao? Anong uri ng mga pagbabago ang pagdaraanan ng buhay iglesia? May direktang kinalaman ito sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Kung isang anticristo ang may hawak ng kapangyarihan sa isang iglesia, ano ang mangyayari? Hindi na maghahari ang katotohanan sa iglesiang iyon, ni ang mga salita ng Diyos—sa halip, ang mga hindi mananampalataya at si Satanas ang hahawak ng kapangyarihan doon. Bagama’t maaaring binabasa pa rin ang mga salita ng Diyos sa mga pagtitipon, kontrolado ng anticristo ang karapatang magsalita. Maibabahagi ba nang malinaw ng anticristo ang tungkol sa katotohanan? Mapapayagan ba ng anticristo na makapagbahaginan ang hinirang na mga tao ng Diyos tungkol sa katotohanan nang malaya at hayagan? Imposible iyon. Kapag nagkaroon ng kapangyarihan ang isang anticristo, darami nang darami ang mga paggambala at panggugulo, bababa nang bababa ang mga resulta ng buhay iglesia, at kakaunti ang maaani ng hinirang na mga tao ng Diyos kapag nagtitipon sila, na magdudulot ng mga suliranin sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Ang mga problema ng hinirang na mga tao ng Diyos ay darami rin at hindi malulutas, at mababagabag din ang ilan na kayang magsagawa ng katotohanan; ganap na magbabago ang atmospera ng buhay iglesia, para bang tinakpan ng madidilim na ulap ang araw. Magiging kasiya-siya pa ba ang buhay iglesia kapag nagkagayon? Tiyak na lubhang makokompromiso ito. Sa iglesia, minorya ang mga naghahangad sa katotohanan. Kung susupilin at ibubukod ang minoryang ito, masasabing mawawala na ang buhay iglesia. Kung hindi makilatis ng mga tao ang kahihinatnang ito, hindi nila bibigyang-pansin ang halalan o hindi sila magmamalasakit dito. Kung ang karamihan ng tao ay hindi seryosong isinasaalang-alang ang halalan, hindi sumusunod sa mga prinsipyo, tinatrato ang mga halalan nang napakanegatibo, at ginagaya ang mga huwad na lider at mga anticristo, kapag ang masasamang tao o ang mga hindi nagmamahal sa katotohanan ang naging mga lider ng iglesia, ang karamihan sa hinirang na mga tao ng Diyos ay magdurusa ng kawalan sa kanilang buhay pagpasok. Samakatwid, ang mga resulta ng mga halalan sa iglesia ay direktang nakakaapekto sa paglago sa buhay ng hinirang na mga tao ng Diyos at sa kinabukasan ng iglesia. Dapat malinaw itong makita ng hinirang na mga tao ng Diyos at hinding-hindi sila dapat magkaroon ng negatibong saloobin. Hindi makilatis ng ilang tao na magulo ang isip ang usaping ito; palagi silang umaasa sa sarili nilang mga imahinasyon, iniisip nila, “Ang lahat ng tao sa iglesia ay sinserong mananampalataya, kaya puwedeng mahalal ang kahit sino; basta’t isa siyang kapatid, kahit sino ay puwedeng maging lider.” Masyadong simple ang pagtingin nila sa mga halalan sa iglesia, na nagreresulta sa maraming negatibo, maling ideya at pananaw. Kung ang mga huwad na lider at anticristo ay tunay na mahahalal bilang mga lider at manggagawa, mapipinsala ang gawain ng iglesia, at hindi maiiwasang mapipinsala ang buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Sa panahong iyon, mapagtatanto ng mga tao kung gaano kahalaga ang pagsasagawa ng mga halalan nang ayon sa mga prinsipyo.
May mga mapagpalugod ng mga tao sa bawat iglesia. Walang pagkilatis ang mga taong ito sa masasamang tao na nagmamanipula at nanggagambala sa mga halalan. Kahit na mayroon silang kaunting pagkilatis, hindi nila ito pinapansin. Ang kanilang saloobin sa mga isyu na lumilitaw sa mga halalan sa iglesia ay “Hayaan lang ang mga bagay-bagay kung hindi naman personal na nakakaapekto ang mga ito sa iyo.” Iniisip nila na hindi mahalaga kung sino ang magiging lider, na wala itong kinalaman sa kanila. Hangga’t masaya silang namumuhay araw-araw, ayos na sila. Ano ang tingin mo sa mga ganitong tao? Sila ba ay mga tao na nagmamahal sa katotohanan? (Hindi.) Anong uri sila ng tao? Sila ay mga mapagpalugod ng mga tao, at maaari din silang tawaging mga hindi mananampalataya. Ang mga taong ito ay hindi naghahangad sa katotohanan; ang gusto lang nila ay mamuhay nang magaan, nag-iimbot ng kaginhawahan sa laman. Masyado silang makasarili at tuso. Marami bang gayong tao sa lipunan? Anumang pampolitikang partido ang nasa kapangyarihan, kahit sino ang nasa posisyon, sila ay gustong-gusto ng mga tao, mahusay nilang napapamahalaan ang kanilang mga ugnayang panlipunan, at namumuhay sila nang komportable; kahit anong kilusang pampolitika ang lumitaw, hindi sila naiipit dito. Anong uri ng mga tao ito? Ang mga ito ang pinakamapanlinlang, pinakatuso na mga tao, kilala bilang “mga tusong tao” at “mga matandang ahas.” Namumuhay sila ayon sa mga pilosopiya ni Satanas, nang wala ni katiting na prinsipyo. Kung sino man ang nasa kapangyarihan, iyon ang kanilang nilalapitan, binobola, ipinagdiriwang nila ang kabutihan nito. Wala silang ibang ginagawa kundi ipagtanggol ang mga nakatataas sa kanila, at hindi nila kailanman sinasalungat ang mga ito. Gaano man kalaki ang kasamaang ginagawa ng mga nakatataas sa kanila, hindi nila ito sinasalungat ni sinusuportahan, kundi itinatago nila ang kanilang mga iniisip sa kanilang kaibuturan. Gustong-gusto sila ng mga tao kahit sino pa ang nasa kapangyarihan. Gusto ni Satanas at ng mga diyablong hari ang ganitong uri ng tao. Bakit gusto ng mga diyablong hari ang ganitong uri ng tao? Dahil hindi nila sinisira ang mga gawain ng mga diyablong hari at hindi sila nagiging banta sa mga ito. Walang prinsipyo ang ganitong uri ng tao at walang batayan sa kanilang sariling asal, at walang integridad at dignidad; sumusunod lamang sila sa mga kalakaran ng lipunan at yumuyukod sa mga diyablong hari, umaayon sa mga panlasa ng mga ito. Hindi ba’t mayroon ding mga gayong tao sa iglesia? Maaari bang maging mga mananagumpay ang mga gayong tao? Mabubuting sundalo ba sila ni Cristo? Mga saksi ba sila sa Diyos? Kapag nagpapakita ng kanilang kapangyarihan ang mga masamang tao at anticristo at ginugulo nila ang gawain ng iglesia, makakaya bang tumindig ng mga gayong tao at makipaglaban sa kanila, ilantad, kilatisin, at itakwil sila, itigil ang kanilang masasamang gawa at magpatotoo sa Diyos? Tiyak na hindi. Ang mga tusong tao na ito ay hindi iyong mga gagawing perpekto o ililigtas ng Diyos. Hindi sila kailanman nagpapatotoo sa Diyos o hindi nila kailanman itinataguyod ang mga interes ng Kanyang sambahayan. Sa nakikita ng Diyos, ang mga taong ito ay hindi iyong mga sumusunod o nagpapasakop sa Kanya, kundi mga taong bulag na gumagawa ng gulo, mga miyembro ng pangkat ni Satanas—sila ang mga ititiwalag Niya kapag natapos na ang Kanyang gawain. Hindi pinahahalagahan ng Diyos ang gayong mga sawing-palad. Wala sila ng katotohanan o buhay; sila ay mga hayop at diyablo; hindi sila karapat-dapat sa pagliligtas ng Diyos at sa pagtatamasa ng pagmamahal Niya. Kaya, madaling isinasantabi at itinitiwalag ng Diyos ang mga gayong tao, at dapat na maagap silang paalisin ng iglesia bilang mga hindi mananampalataya. Wala silang tunay na puso para sa Diyos, kung gayon, bibigyan ba sila ng tunay na panustos ng Diyos? Bibigyang-liwanag at tutulungan ba sila ng Diyos? Hindi. Kapag nangyayari ang mga pakikialam at panggugulo sa mga halalan sa iglesia, at kontrolado at naiimpluwensiyahan ng masasamang tao ang mga resulta ng halalan, tiyak na hindi papanig sa Diyos ang mga taong ito upang protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Tiyak na hindi sila susunod sa mga katotohanang prinsipyo upang labanan ang masasamang tao at mga anticristo, at upang labanan ang mga puwersa ni Satanas hanggang sa huli. Tiyak na hindi nila gagawin ito, wala silang tapang. Samakatwid, dapat na kilatisin ng mga nakakapagpatotoo sa Diyos ang mga taong ito at hindi nila dapat ibahagi sa mga taong ito ang mga katotohanang nauunawaan nila o ang pagkilatis nila kay Satanas. Kahit pa ibahagi mo ang mga bagay na ito sa kanila, magiging walang silbi ito; hindi sila papanig sa katotohanan. Kapag pumipili ng mga katrabaho at mga katuwang, dapat mong ibukod ang mga gayong tao at huwag silang piliin. Bakit hindi mo sila dapat piliin? Dahil sila ay mga tusong tao; hindi sila papanig sa Diyos, hindi papanig sa katotohanan, at hindi makikipagkaisa sa iyo sa puso at isipan upang kalabanin si Satanas. Kung ipagtatapat mo sa kanila ang iyong mga taos-pusong salita, hangal ka at magiging katatawanan ni Satanas. Huwag ibahagi ang katotohanan o mag-alok ng mga payo sa mga gayong tao, at huwag silang asahan, dahil hinding-hindi inililigtas ng Diyos ang mga taong ito. Hindi sila mga taong kaisa ng Diyos sa puso at isipan; mga tagapanood lamang sila na nanonood ng labanan mula sa malayo; sila ay mga tusong tao. Pinapasok ng mga ganitong uri ng tao ang sambahayan ng Diyos upang manood lamang ng nakakasabik na kaganapan at bulag na gumagawa ng gulo. Wala silang pagpapahalaga sa katarungan at walang pagpapahalaga sa responsabilidad; wala man lang silang simpatya para sa mabubuting tao na pinipinsala ng masasamang tao. Pinakaangkop na tawagin ang mga gayong tao na mga diyablo at Satanas. Kung ilalantad ng isang taong may pagpapahalaga sa katarungan ang masasamang tao, hindi man lang sila papalakpak o susuporta sa mga ito. Kaya, huwag kailanman pagkatiwalaan ang mga taong ito; sila ay mga tusong tao, mga balimbing, mga matandang ahas. Hindi sila mga taos-pusong mananampalataya sa Diyos kundi mga alipin ni Satanas. Hindi kailanman maliligtas ang mga taong ito, at ayaw sa kanila ng Diyos; ito ang malinaw na pagnanais ng Diyos. Marahil ay may gayong mga tao sa karamihan ng iglesia. Tingnan sa inyong iglesia kung sino-sino sila. Kapag may mga nangyayari, huwag makipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan kailanman, at huwag ipaalam sa kanila kung ano talaga ang nangyayari sa iyo. Mag-ingat sa mga gayong tao at huwag makipag-ugnayan sa kanila. Hanapin ang mga totoong nananampalataya sa Diyos at may pagpapahalaga sa katarungan—kapag nakikita nilang napipinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, na nagugulo o namamanipula ang gawain ng iglesia at ang kaayusan ng buhay iglesia, nababalisa at nagagalit sila; labis silang namumuhi sa masasamang taong ito na nanggugulo sa iglesia; gusto nilang tumindig at ilantad ang masasamang tao, at sabik silang makahanap ng mga taong nakakaunawa sa katotohanan para maging kaisa nila at labanan ang masasamang demonyo. Makipagbahaginan sa mga gayong tao at makipagkaisa sa mga ito para labanan si Satanas. Ang mga taong ito ang mga mananagumpay, ang mabubuting sundalo ni Cristo; tanging ang mga taong ito ang may bahagi sa kaharian ni Cristo. Iyong mga mapagpalugod ng mga tao, mga matandang ahas, mga balimbing, at iyong mga manhid at mapurol ang utak ay pawang nabunyag na; sila ang mga dapat itiwalag. Hindi sila mga kapatid, hindi sila mga tao ng sambahayan ng Diyos, kundi mga hindi mananampalataya at mga oportunistang hindi karapat-dapat na pagkatiwalaan. Ganito ang paraan ng pangangasiwa sa mga taong ito: Kung kaya nilang gumawa ng kasamaan, alisin sila; kung hindi naman sila masasamang tao at hindi sumusunod sa masasamang tao para guluhin ang iglesia, puwede silang pansamantalang manatili sa iglesia habang hinihintay mo ang pagsisisi nila. Sa isang banda, obserbahan at arukin ang mga disposisyon, pagkatao, at mga pananaw at saloobin ng mga taong ito sa iba’t ibang usapin, at maging mapagkilatis, alamin ang diwa ng mga gayong tao. Kasabay nito, kapag minamanipula at ginagambala ng masasamang tao ang mga halalan, maging mapagmatyag sa mga mapagpalugod ng mga tao na ito na pumapanig sa masasamang tao, na kumikilos bilang mga alipores at kasabwat ng mga ito. Sa madaling salita, para sa lahat ng hindi tamang asal ng masasamang tao na nagmamanipula at nanggagambala ng mga halalan, kailangang maging mapagkilatis batay sa mga salita ng Diyos; kapag malinaw mong nakikita ang diwa nila, malalaman mo kung paano angkop na pangangasiwaan ang mga ito nang ayon sa mga prinsipyo.
Kani-kanina lang, nagbahaginan tayo tungkol sa ilang penomeno ng pagmamanipula at paggambala ng mga halalan at ilang kilos ng mga tao. Bagama’t hindi natalakay ang lahat ng aspekto, halos napagbahaginan na ang mga prinsipyo para malutas ang mga isyung ito. Kapag natuklasan ninyo na may mga tao sa loob ng iglesia na nagmamanipula at nanggagambala ng mga halalan, dapat kayong tumindig at dapat ninyong pigilan sila. Huwag itong hayaan o huwag kumilos na gaya ng mga mapagpalugod ng mga tao. Kung may sinumang laging nagtatangka na magmanipula at manggambala ng mga halalan, sa sandaling lumitaw ang tendensiyang ito, dapat sama-samang tumindig ang mga kapatid para pigilan at ilantad sila. Kung ginagawa nila ito dahil sa pagkalito, at hindi nila alam na maituturing ito na pagmamanipula at paggambala ng mga halalan, puwede ninyo silang paliwanagan: “Ang ginagawa mo ay pagmamanipula at paggambala sa mga halalan. Huwag mong gampanan ang papel ng alipin ni Satanas. Ito ay halalan ng mga lider ng iglesia, hindi halalan ng mga alkalde o kapitan ng barangay. Ang sambahayan ng Diyos ay may sariling mga regulasyon at mga prinsipyo sa paggawa ng gawaing ito. Hindi dapat ihalo ang mga personal na intensiyon ng tao; dapat nating mahigpit na sundin ang mga katotohanang prinsipyo sa gawaing ito. Kung mahina ang kakayahan mo at hindi mo maunawaan ang mga katotohanang prinsipyo, o kung matanda ka na at magulo ang isip, kung wala ka ng talino na kailangan para lumahok sa mga halalan, puwede kang walang iboto at maghintay na lang sa resulta, pero huwag na huwag mong manipulahin o gambalain ang halalan, o makialam at magdulot ng mga kaguluhan; masasamang gawa ang mga ito, at kinasusuklaman ito ng Diyos. Ang gayong masasamang gawa ay kinokondena magpakailanman; huwag na huwag maging gayong uri ng tao o huwag sundan ang landas na ito. Kung tunay kang tao, huwag lumahok sa pagmamanipula at paggambala ng mga halalan, dahil kapag naging katunayan na ito, mailalarawan ka na bilang isang alipin ni Satanas at papaalisin ka sa iglesia.” Kung matutuklasan ang mga taong nagmamanipula at nanggagambala ng mga halalan, ang mga may mahinang kakayahan na hindi nauunawaan ang aktuwal na nangyari ay maaaring pagbahaginan nang may pagmamahal, suportahan, tustusan, at tulungan. Pero paano naman ang mga taong, kahit na alam na alam nila ang mga katotohanang prinsipyo, ay sinasadya pa ring manipulahin at gambalain ang halalan, binabalewala pa nga ang mga paalala laban dito? May solusyon din para sa kanila: Hindi na sila papayagang lumahok sa mga halalan; alisan sila ng karapatang bumoto. Sa madaling salita, ang lahat ng kilos ng pagmamanipula at paggambala ng mga halalan ay dapat na kilatisin, pigilan, at higpitan para maitama ang sitwasyon. Hindi dapat pahintulutang umiral sa iglesia ang mga gayong asal at kilos, para maiwasan ang mga maling resulta sa halalan at ang magulo at mapinsala ang gawain ng iglesia.