Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (19) Unang Seksiyon

Ikalabindalawang Aytem: Agaran at Tumpak na Tukuyin ang Iba’t Ibang Tao, Pangyayari, at Bagay na Nakagagambala at Nakagugulo sa Gawain ng Diyos at sa Normal na Kaayusan ng Iglesia; Pigilan at Limitahan ang mga Iyon, at Ituwid ang mga Bagay-bagay; Dagdag pa Rito, Pagbahaginan ang Katotohanan Upang Magkaroon ng Pagkilatis ang Hinirang na mga Tao ng Diyos sa Pamamagitan ng mga Gayong Bagay at Matuto Sila Mula sa mga Iyon (Ikapitong Bahagi)

Ang Iba’t Ibang Tao, Pangyayari, at Bagay na Nakagagambala at Nakagugulo sa Buhay Iglesia

Ang mga Prinsipyo sa Pangangasiwa sa mga Taong Nakikibahagi sa mga Di-wastong Ugnayan

Tungkol sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakagagambala at nakagugulo sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia, hinati natin ang mga ito sa labing-isang isyu sa kabuuan. Noong nakaraan, nagbahaginan tayo sa ikaanim na isyu—ang pakikibahagi sa mga di-wastong ugnayan. Ano ang pangunahing tinutukoy nito? Ang walang habas na pang-aakit sa iba at ang pakikipagrelasyon nang may seksuwal na pagnanasa. Ano ang napagbahaginan tungkol sa aspektong ito? Kapag lumilitaw ang mga gayong tao sa iglesia, paano sila dapat pangasiwaan? Ano ang mga solusyon? Dapat ba tayong magbulag-bulagan at hayaang magpatuloy ito nang hindi nasusuri, o dapat ba nating lutasin ang problema nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo? Dapat ba natin itong iwasan o dapat ba nating impluwensiyahan ang mga sangkot nang may pagmamahal? Dapat ba tayong makipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan o dapat ba natin silang bigyan ng babala at paalisin? Ano ang pinakaangkop na paraan para pangasiwaan ito? (Balaan at paghigpitan ang mga sangkot. Kung hindi sila mapaghihigpitan, paalisin sila.) Paano sila dapat paghigpitan? Madali bang gawin ito? Kapag nangyayari ang mga gayong usapin, kadalasan ay hindi madaling paghigpitan ang mga sangkot. May ilang tao na nakakapansin sa gayong sitwasyon at nararamdaman nilang hindi ito wasto, pero nahihiya silang magsalita. Ang iba naman ay maaaring magpahiwatig nang di-tuwiran tungkol dito, pero hindi naman nakikinig ang mga sangkot. Kumusta ang pagkatao ng lahat ng tao na nagagawang walang habas na mang-akit ng iba? Sila ba ay mga tao na marangal at matuwid? Sila ba ay mga tao na may asal ng mga santo? Sila ba ay mga tao na may dignidad at kahihiyan? (Hindi.) Kung may normal lang na magpapaalala sa kanila gamit ang mga salita o makikipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan, malulutas ba nito ang problema? Hindi. Kapag nangyayari ang gayong usapin, ibig sabihin ay matagal na itong umuusbong sa puso nila sa aktuwal. Sa puntong iyon, madali ba itong kontrolin? Malulutas ba ang problema sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila o pagsubok na impluwensiyahan sila nang may pagmamahal? (Hindi.) Kaya, ano ang pinakamainam na solusyon? Ito ay ang paalisin ang mga gayong tao, ihiwalay sila mula sa mga sinserong nananampalataya sa Diyos at gumagawa ng kanilang mga tungkulin, at huwag silang hayaang patuloy na guluhin at pinsalain ang iba.

Sa kasalukuyan, sa ilang iglesia, walang tigil na lumalabas ang mga insidente ng mga lalaki at babae na nang-aakit sa isa’t isa. Basta’t magkaroon ng pagkakataon ang mga tao na ito, inaakit nila ang isa’t isa, umaasal sila nang walang pakundangan at nang walang anumang kahihiyan. Nabalitaan Ko ang tungkol sa isang lalaki na nang-akit ng maraming babae; hindi siya seryosong nakikipagligawan kundi walang habas na nang-aakit at kumakapit sa sinumang babae na makilala niya. Sinasabi ng ilang tao, “Normal lang naman siyang nakikitungo; ganoon lang talaga siya makitungo.” Para sa karamihan ng tao, ang ganoong pakikitungo ay di-nakakapagpatibay, nakakasuklam, at nakakadiri. Hindi ba’t problema ito? Mapapatunayan ba nitong hindi tama ang mga gayong ugnayan? Kung ang pagliligawan ng dalawang tao ay hindi lang nakakaapekto sa sarili nilang paggampan ng mga tungkulin kundi pati na rin sa iba, dapat silang paghigpitan. Hindi sila dapat pahintulutang magligawan sa loob ng buhay iglesia, lalo na sa isang iglesiang may tungkuling full-time, dahil nakakaapekto ito sa paggampan ng tungkulin ng iba at nakakasama sa gawain ng iglesia. Kapag kaya na nilang magpokus sa mga tungkulin nila, puwede na silang bumalik sa iglesiang may tungkuling full-time para gawin ang mga tungkulin nila. May ilang tao na hindi seryosong nakikipagligawan kundi walang habas na nang-aakit at kumakapit sa iba, nilalaro ang mga seksuwal na pagnanasa, ginugulo ang buhay iglesia, nakakaapekto sa lagay ng loob ng mga tao, at ginugulo ang iba. Ang ganitong sitwasyon ay maituturing na isang kaguluhan sa gawain ng iglesia at dapat itong lutasin at pangasiwaan ayon sa mga prinsipyo; dapat ihiwalay at paalisin kaagad ang mga tao na ito. Madali bang pangasiwaan ang problemang ito? Walang sinuman ang dapat pahintulutang manggulo at manggambala sa buhay iglesia at sa gawain ng iglesia, at dapat pangasiwaan ayon sa mga prinsipyo ang mga gayong isyu. Sinasabi ng ilang tao, “Sa mga sitwasyon kung saan walang ibang gagawa ng mga tungkulin nila kung papangasiwaan sila, hindi sila puwedeng pangasiwaan; dapat ay hayaan na lang silang magpatuloy at mang-akit ng iba gaya ng gusto nila. Paano man sila mang-akit ng iba, dapat itong pahintulutan.” May gayon bang tuntunin ang sambahayan ng Diyos? May gayon bang prinsipyo sa pakikipagbahaginan noong nakaraang pagtitipon tungkol sa kung paano pangasiwaan ang mga gayong tao? (Wala.) Kapag nakakaranas ng mga gayong sitwasyon, nalilito ang mga lider at superbisor ng iglesia at hindi nila alam kung paano pangasiwaan ang mga ito, hinahayaan nila ang mga taong ito na basta-bastang mang-akit ng ibang tao sa iglesia, dahil dito, naaasiwa at di-napagtitibay ang karamihan ng mga tao, nasusuklam sila sa puso nila pero hindi sila naglalakas-loob na magsalita at kinakailangan nilang tiisin ito. Naniniwala ang mga lider at superbisor na hindi makakapagpatuloy ang gawain ng iglesia at ang sambahayan ng Diyos kung wala ang mga tao na ito, na kung papalayasin ang mga tao na ito na walang habas na nang-aakit, mababawasan ang mga tao na gagawa ng gawain. Tama ba ang lohikang ito? (Hindi.) Bakit hindi? (Hindi magagawa ng mga tao na ito ang gawain; hindi sila interesado rito.) Tumpak iyan. Sa tingin ninyo, anong uri ng mga tao ang may kakayahang walang habas na mang-akit ng iba? Wala silang pagpipigil kahit kaunti; sila ay mga hindi mananampalataya, mga walang pananampalataya. Hindi lang sa sila ay hindi nagmamahal sa katotohanan, tutol sa katotohanan, may kaunting pananalig, bata pa, at mababaw ang pundasyon—hindi lang iyon. Lahat ba ng walang pananampalataya na hindi nananampalataya sa Diyos ay may kakayahang basta-bastang mang-akit ng iba? May kakayahan ba silang lahat na lumahok sa malalaswang gawain? Hindi lahat; may ilan pa rin sa kanila na nagpapahalaga sa integridad at dignidad, nagmamalasakit sa reputasyon nila, at may batayang pamantayan sa sariling asal nila. Ang mga diumano’y mananampalataya sa Diyos na ito ay hindi mas mabuti kaysa sa mga walang pananampalataya, kaya kalabisan bang tawagin silang mga walang pananampalataya at mga hindi mananampalataya? (Hindi.) Bagama’t kayang magtrabaho ng mga taong ito sa sambahayan ng Diyos, batay sa kalikasan nila, sila ay mga hindi mananampalataya at walang pananampalataya. Wala silang mga prinsipyo sa anumang ginagawa nila at ang pag-asal nila ay walang pamantayan, walang dignidad, at walang kahihiyan. Itinataguyod pa nga ng mga walang pananampalataya ang ideya na, “Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito”; pero ni ayaw ng mga taong ito na panatilihin ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, kaya magagawa ba nilang naisin ang katotohanan? Magagawa ba nilang sinserong gumugol para sa Diyos? Magagawa ba nilang kumilos nang ayon sa mga prinsipyo sa tungkulin nila? Talagang hindi! Nagtatrabaho lang sila, wala nang iba. Walang taglay na anumang katotohanan ang mga tao na nagtatrabaho; nakakagambala at nakakagulo ang pagtatrabaho nila, at hindi nito naaabot ang pamantayan ng paggawa ng tungkulin. Kahit na sa panlabas ay tila ginagawa nila ang tungkulin nila, gaano ka man makipagbahaginan sa kanila tungkol sa mga prinsipyo, sadyang hindi sila nakikinig. Ginagawa nila ang anumang gusto nila, hindi sila kumikilos nang ayon sa mga prinsipyo. Kapag nakikinig sa mga sermon ang mga taong ito, inilalantad ng kilos at mga ekspresyon nila ang diwa nila bilang mga hindi mananampalataya. Ang ibang tao ay nakaupo nang tuwid, nakikinig nang seryoso at mabuti, pero paano nakikinig ang mga taong ito? Ang ilan ay nakasandal sa mesa, nag-iinat at madalas na humihikab, hindi umuupo nang maayos, na parang hindi tao ang hitsura. Anong uri ng mga tao iyong mga hindi mukhang tao? Hindi talaga sila mga tao; nakadamit lang sila ng balat ng tao. Ano ang nararamdaman ninyo kapag nakikita ninyo ang grupo ng mga “reptil” na ito na dumadalo para makinig sa mga sermon? Hindi ba’t nakakaasiwa ito? (Oo.) Kasuklam-suklam ang grupong ito, at nawawalan Ako ng ganang magsalita kapag nakikita Ko sila. Mga tao ang kinakausap Ko, hindi mga “reptil.” Maaari bang mapabuti ang kalagayan ng mga taong nakikinig sa mga sermon na tulad nito habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin? Maaari bang lumago ang pananalig nila sa Diyos at mas malinaw ba nilang maunawaan ang katotohanan habang mas ginagawa nila ang tungkulin nila? Talagang hindi! Paano man nila gawin ang tungkulin nila, hindi lumalago ang tayog at pananalig nila. Ginagawa nila ang lahat ng bagay nang walang pakundangan at nang walang pagpipigil, namumuhay sila sa mga pagnanasa ng laman at sa mga tiwaling disposisyon nang walang anumang kamalayan, panunumbat sa sarili, o disiplina—sila ay mga hindi tao! Para sa mga gayong tao, kahit hindi isaalang-alang ang iba pang masasama nilang ginawa o ang mga kilos nila na lumabag sa mga prinsipyo at nakapinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, ang pakikibahagi sa mga di-wastong ugnayan ay sapat nang dahilan para paalisin sila. Isa itong napakasimpleng usapin, pero nagkakamot lang ng ulo ang mga lider at superbisor, hindi nila alam kung paano ito papangasiwaan. Napakadaling pangasiwaan ng usaping ito; napagbahaginan na ito noon. Dapat itong pangasiwaan nang ayon sa mga prinsipyo, at ang mga dapat paalisin ay dapat nang paalisin. Huwag na itong pag-isipan pa nang husto; magpapatuloy nang maayos ang gawain ng sambahayan ng Diyos kahit wala sila. Sabihin ninyo sa Akin, ano ang dapat gawin ng isang tao kung makakita siya ng dumi ng aso sa isang lugar? Dapat niya itong linisin agad; kung hindi agad na lilinisin, agad na darating ang mga langaw at lamok, at hindi mapapayapa ang mga tao sa gayong lugar. Ano ang ibig Kong sabihin dito? (Para malutas ang problema sa iglesia ng pakikibahagi sa mga di-wastong ugnayan, ang unang hakbang ay alisin ang mga hindi mananampalataya na ubod ng sama.) Oo, iyan mismo ang ibig Kong sabihin. Kung may mga tao sa iglesia na katulad ng “mabahong dumi ng aso,” tiyak na makakaakit sila ng ilang “mabahong langaw.” Sa pamamagitan ng paglilinis sa mabahong dumi ng aso, kusang mawawala ang mga langaw na ito. Hindi ba’t isa itong solusyon? Makatwiran ba ang solusyong ito? (Oo.) Sa pagharap sa mga gayong isyu, palaging may mga alalahanin ang ilang lider ng iglesia, sinasabi nila, “Kung aalisin natin ang mga walang habas na nang-aakit ng iba, hindi ba’t mababawasan ang mga tao na gagawa ng gawain?” Problema ba ito? (Hindi.) Bakit hindi? Paano dapat lutasin ang alalahaning ito? Kahit pa may katuturan ang alalahanin nila, iniisip na kung masyadong mahigpit ang mga hinihingi sa mga tao at papaalisin ang mga tao na kayang gumawa ng gawain, wala nang gagawa ng bahaging ito ng gawain, hindi ba’t madaling makahanap ng ibang tao na may kakayahan para palitan ang mga tao na iyon? (Oo.) At kahit hindi agad makahanap ng mga kapalit, puwedeng sa susunod na lang gawin ang gawain kapag nakahanap na ng mga angkop na tao nang hindi naaapektuhan ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Hindi sinusuportahan ng sambahayan ng Diyos ang mga tao na hindi gumagawa nang wastong gawain. Kung magagawa nilang magsisi at tumuon sa mga wastong gampanin, puwede nilang patuloy na gawin ang gawain, pero kung hindi sila magsisisi, dapat silang tanggalin sa paggampan ng tungkulin nila. Hindi ba’t makatwiran at rasonable ito? Mas pipiliin pang suportahan ng sambahayan ng Diyos ang mga trabahador kaysa sa mga hindi mananampalataya at walang pananampalataya. Tama ba ang prinsipyong ito? (Oo.) Paano ito naging tama? Kahit hindi naghahangad sa katotohanan ang isang trabahador, handa pa rin siyang magtrabaho, at kaya niyang magsikap nang maayos at nang masunurin sa sambahayan ng Diyos. Kahit na nagpapakapagod lang siya, tapat siya, at kahit papaano, hindi siya masamang tao. Ganito ang uri ng mga tao na pinapanatili ng sambahayan ng Diyos. Kung ang isang tao ay di-mabuti at ubod ng sama, palaging gumagawa ng mga baliko at imoral na gawain, at kung hindi man lang siya makapagtrabaho nang maayos at hindi pasok sa pamantayan bilang isang trabahador, kung gayon, walang pananampalataya ang gayong tao, at hindi siya pinapanatili ng sambahayan ng Diyos. Samakatwid, hindi dahil siya ay trabahador kaya hindi siya pinapanatili ng sambahayan ng Diyos, kundi dahil ang pagtatrabaho niya ay hindi man lang pasok sa pamantayan, dahil kahit ang pagtatrabaho niya ay transaksiyonal. Ito ay dahil palagi niyang gustong gumawa ng masama at manggulo, palaging sinusubukang gumawa ng mga baliko at imoral na mga gawain sa iglesia, sinisira ang kaayusan ng gawain ng iglesia at naaapektuhan ang paggampan sa tungkulin ng karamihan ng tao. Ginagawa niyang tiwali ang atmospera ng iglesia at binibigyang-kahihiyan ang pangalan ng Diyos—wala nang mas naaangkop pa kaysa sa pagpapaalis sa kanya. Saanman may mga tao na katulad ng “mababahong dumi ng aso,” dapat agad na paalisin sila. Nauunawaan ba ninyo? (Oo.)

XI. Pagmamanipula at Paggambala sa mga Halalan

Ngayon, ipagpapatuloy natin ang pagbabahaginan tungkol sa ikalabindalawang responsabilidad ng mga lider at manggagawa: “Agaran at tumpak na tukuyin ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakagagambala at nakagugulo sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia; pigilan at limitahan ang mga iyon, at ituwid ang mga bagay-bagay; dagdag pa rito, pagbahaginan ang katotohanan upang magkaroon ng pagkilatis ang hinirang na mga tao ng Diyos sa pamamagitan ng mga gayong bagay at matuto sila mula sa mga iyon.” Ano ang ikalabing-isang isyu ng ikalabindalawang responsabilidad na ito? (Pagmamanipula at paggambala sa mga halalan.) Nagbahaginan na tayo nang kaunti tungkol sa pagmamanipula at paggambala sa mga halalan noong pinagbabahaginan at inilalantad natin ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo, hindi ba? (Oo.) Ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos ay may kasamang mga tuntunin para sa mga halalan sa iglesia. Ang mga halalan ay puwedeng isagawa minsan sa isang taon, at puwede ring magkaroon ng mga halalan sa ilalim ng ilang natatanging sitwasyon. Ang lahat ng iglesia ay dapat pumili ng mga lider at manggagawa sa lahat ng antas nang ayon sa mga prinsipyong itinakda ng sambahayan ng Diyos. Kasama sa mga tuntunin ng mga halalan ang mga prinsipyong panghalalan, ang mga pamantayan para sa pagpili ng mga tao, ang mga hakbang at pamamaraan ng halalan, at iba’t ibang mahalagang usapin na kailangang malaman ng mga kapatid sa panahon ng mga halalan. Siyempre, bago ang bawat halalan, ang mga lider at manggagawa sa lahat ng antas ay dapat magbahaginan tungkol sa lahat ng aspekto ng mga prinsipyong panghalalan para masigurong malinaw na maunawaan ng hinirang na mga tao ng Diyos ang mga ito. Sa ganitong paraan, magiging mas maganda ang mga resulta ng halalan. Hindi natin pagbabahaginan ngayon ang mga detalye ng mga halalan; ang pangunahing paksa ng pagbabahaginan ngayon ay ang ilang pagpapamalas ng pagmamanipula at paggambala sa mga halalan.

A. Ang mga Pagpapamalas ng Pagmamanipula at Paggambala sa mga Halalan

Ang mga halalan sa iglesia ay kailangang mahigpit na sumunod sa mga prinsipyong panghalalan na itinakda ng sambahayan ng Diyos para mapili ang mga kandidatong pinakaangkop na maging mga lider at manggagawa. Kung nalalabag ang mga prinsipyong panghalalan at gumamit ng ibang pamamaraan ng halalan, gawa ito ng mga huwad na lider at mga anticristo. Dapat ipagbawal ng sambahayan ng Diyos ang mga gayong paglabag at imbestigahan at pangasiwaan ang mga pangunahing indibidwal na nagmanipula sa mga halalan. Sa panahon ng mga halalan sa iglesia, mabubunyag ang iba’t ibang tao, at malalantad ang iba’t ibang mentalidad ng mga tao. May ilang tao na gumagawa ng mga lihim na pakana kapag walang nakakakita para sila ang mahalal na mga lider o para mahalal ang mga taong kapaki-pakinabang sa kanila. Halimbawa, natatakot ang ilang tao na ang mga naghahangad sa katotohanan ang mahahalal na mga lider at magiging banta sa katayuan nila, at kaya nagsisikap sila na husgahan ang mga ito kapag nakatalikod ang mga ito tungkol sa mga kahinaang ipinakita ng mga ito at sa mga pagkakamaling nagawa ng mga ito, kinokondena nila ang mga taong ito bilang mayayabang at mga mapagmagaling na may disposisyon ng mga anticristo, at iba pa, ginagawa ang lahat ng ito para matalo sa halalan ang mga taong ito. Ang iba, para mahalal na lider, ay bumibili ng magagandang kagamitan para isuhol sa mga tao sa panahon ng halalan o nangangako sila gamit ang mga salitang magandang pakinggan, at gumagamit din sila ng iba’t ibang paraan para hikayatin at udyukan ang iba sa kung sino ang iboboto o hindi iboboto. Anuman ang ginagamit nilang mga diskarte at pamamaraan, ang lahat ng ito ay para manipulahin ang mga halalan at impluwensiyahan ang mga resulta ng halalan. Kahit na paulit-ulit na nakikipagbahaginan ang iglesia tungkol sa mga prinsipyo ng mga halalan—tulad ng pagpili ng mga may mabuting pagkatao, mga naghahangad sa katotohanan, at may kakayahang umakay sa mga kapatid na gawin nang normal ang mga tungkulin nila, normal na magbasa ng mga salita ng Diyos, at pumasok sa katotohanang realidad, at iba pang gayong prinsipyo—sadyang hindi nakikinig ang mga tao na ito at gumagawa pa rin sila ng mga lihim na pakana. Ano ang ibig sabihin ng paggawa ng mga lihim na pakana? Ibig sabihin ay palagi nilang gustong mandaya. Hindi nila kailanman hayagang sinusuri kung sino ang mabuti at sino ang hindi, palagi nilang gustong gumawa ng mga lihim na pakana at tusong plano at balak nang walang nakakakita. Pinaplano pa nga nila nang lihim kung sino ang dapat ihalal at hindi dapat ihalal, sinusubukang kumbinsihin ang lahat na magkasundo. Hindi ba’t mga lihim na pakana ang mga ito? Hindi ba’t pandaraya ito? (Oo.) Ito ba ay pangangalaga sa halalan nang hayagan at tapat nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo? Hindi—gumagamit sila ng mga pakana at pamamaraan ng tao para mapangahas na manipulahin ang mga halalan. Ano ang layon nila sa pagmamanipula ng mga halalan? Gusto nilang kontrolin ang mga resulta ng halalan, gusto nilang sila ang mahalal, at kung hindi sila mahahalal, gusto nilang pagdesisyunan kung sino ang mahahalal, kaya lihim silang nagpapakana kapag walang nakakakita. Hindi sila nagpapakita ng pagsasaalang-alang sa gawain ng iglesia o sa buhay pagpasok ng mga kapatid. Hindi nila iniisip ang mga interes ng sambahayan ng Diyos o ang mga kapatid; isinasaalang-alang lang nila ang pansarili nilang mga interes. Kapag may mga halalan, ang sarili nilang mga layunin at pagnanais ang pinakaunang priyoridad nila. Kaya bakit nila gustong manipulahin ang mga halalan? Kung tunay na gustong dalhin ng isang tao ang mga kapatid sa harap ng Diyos at sa katotohanang realidad, kikilos ba siya nang ganito? Magkakaroon ba siya ng mga gayong ambisyon? Magpapakita ba siya ng gayong pag-uugali? Hindi. Tanging ang mga may lihim na motibo, ambisyon, at pagnanais na gustong manipulahin ang mga halalan ng iglesia ang kikilos nang ganito. Sa loob ng iglesia, kinakalap nila ang ilang tao na nakakasundo nila, kapareho nila ng mga pananaw, at kapareho nila ng mga motibo at pakay, at binibitag din nila ang ilang tao na karaniwang mahina, hindi masyadong naghahangad sa katotohanan, magulo ang isip, ignorante, at madaling maimpluwensiyahan at manipulahin, bumubuo sila ng puwersang magpapagulo sa gawain ng halalan ng iglesia. Ang pakay nila sa pagkontra sa iglesia ay para sila ang mahalal, para sila ang may huling salita sa mga resulta ng halalan. Gusto nilang mahalal ang mga tao na pauna na nilang itinakda, ang mga kapaki-pakinabang sa kanila. Kung ang mga tao na ito ang mahahalal, nagtagumpay na ang kanilang pakana. Tama ba o mali ang magiging resulta ng gayong halalan? (Mali.) Tiyak na magiging mali ito. Ang mga nahalal sa isang halalang minanipula ng masasamang tao ay tiyak na magiging kapaki-pakinabang sa masasamang tao. Bakit magiging kapaki-pakinabang ang mga ito sa masasamang tao? Dahil makakakilos ang masasamang tao nang sutil at walang habas, at makakapanggulo sila sa iglesia nang walang sinumang nangangahas na maglantad sa kanila o paghigpitan sila. Hindi sila mapapaalis, samantalang ibubukod at aapihin nila ang mga naghahangad sa katotohanan, at ang iglesia ay magiging teritoryo ng masasamang tao. Malinaw naman na tiyak na mali ang resulta ng isang halalang namanipula ng masasamang tao; tiyak na salungat ito sa opinyon ng nakararami at lumalabag sa mga prinsipyo. Ang mga lider ng iglesia at ang mga kapatid ay dapat maging mulat at mapagmatyag sa lahat ng kilos at galaw ng mga tao na ito sa panahon ng mga halalan. Hindi dapat maging magulo ang isip nila tungkol dito. Sa sandaling matuklasan ang mga palatandaan ng pagmamanipula at paggambala ng halalan, dapat agad na gumawa ng mga hakbang para pigilan ang mga kasangkot, at kung hindi mapipigilan ang mga tao na ito, dapat silang ihiwalay. Ang mga tao na ito ay lubos na mapangahas, walang pagpipigil, at mahirap kontrolin. Para gambalain ang mga halalan at manipulahin ang mga resulta, tiyak na gagawa sila ng mga lihim na pakana kapag walang nakakakita, magsasabi at gagawa sila ng maraming bagay. Ano ang dapat gawin tungkol dito? Madaling pangasiwaan ang usapin. Kung natuklasan ng mga lider ng iglesia ang problema, dapat nila itong ilantad at isapubliko, dapat nilang himukin ang mga kapatid na magbahaginan tungkol sa kalubhaan at mga kahihinatnan ng usaping ito, at kung ano talaga ang kalikasan ng mga gayong kilos. Sa huli, dapat silang gumawa ng mga partikular na hakbang. Anong mga hakbang ang dapat gawin? Ang sinumang palaging lihim na nagpapakana kapag walang nakakakita at nagtatangkang manipulahin at gambalain ang mga halalan ay dapat na pangasiwaan nang walang pag-aatubili at pagbawalan sa paglahok sa mga halalan. Ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin nito ay hindi bibilangin ang boto nila. Kahit gaano karami ang sangkot sa pagmamanipula at paggambala ng halalan, dapat na mapawalang-bisa ang lahat ng boto nila, at hindi sila dapat pahintulutang makilahok sa halalan. Sinuman ang nalihis at nagulo, basta’t sinunod nila ang mga gawi ng mga nagmamanipula sa halalan at nakipagsabwatan sila sa masasamang tao para sadyang pinsalain ang halalan, ang hinirang na mga tao ng Diyos ay dapat na tumindig para ilantad sila at bawiin ang karapatan nilang makilahok sa mga halalan. Mabuti ba ang pamamaraang ito? (Oo.) Ito ay ginagawa para ganap na protektahan ang gawain ng iglesia. Hindi ba’t tumatanggi kang tumanggap ng mga paghihigpit? Hindi ba’t tumatanggi kang tanggapin ang mga prinsipyong panghalalan ng sambahayan ng Diyos? Hindi ba’t gusto mong ikaw ang may huling salita? Kung ikaw ang may huling salita, si Satanas ang siyang may huling salita. Ang sambahayan ng Diyos at ang iglesia ay mga lugar kung saan naghahari ang katotohanan; hindi puwedeng payagan na si Satanas ang magpasya. Dahil gusto mong lihim na magpakana at sadyang manipulahin at gambalain ang halalang ito, simple lang ito—walang bisa ang boto mo. Sinuman ang iboto mo, wala itong silbi; wala sa mga opinyon mo ang may bisa, at kahit magpilit kang tumakbo sa halalan, hindi iyon uubra. Ang sambahayan ng Diyos ay may mga atas administratibo at regulasyon, at ang karapatan mong makilahok sa halalang ito ay binawi at kinansela na. Kung manggugulo ka pa rin sa susunod na halalan, tuluyan nang babawiin ang karapatan mong makilahok sa mga halalan, at hinding-hindi ka na pahihintulutang lumahok kailanman. Ganito dapat pangasiwaan ang mga palaging lihim na nagpapakana para manipulahin at gambalain ang mga halalan.

Tuwing may halalan sa iglesia, palaging may masasamang tao na nagsisimula nang hindi mapakali: May ilan na lihim na nagpapakana kapag walang nakakakita para manipulahin at gambalain ang halalan, habang may iba namang sabik na makipagkompetensiya nang hayagan sa iba para sa posisyon ng pamumuno, nakikipagtalo sila hanggang sa mamula na ang mukha nila, minsan pa nga ay halos kumilos na sila nang padalos-dalos, marahas, at mapanakit, kaya hindi na alam ng mga kapatid kung kanino sila makikinig o kung sino ang ihahalal nila. Sa panahon ng halalan, hindi sila nakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan, hindi rin nila tinatalakay kung paano nila isasagawa ang mga gawain ng iglesia, kung ano ang magiging mga landas sa gawain, o kung ano ang mga ideya at planong ihahain nila kung sila ang mahalal na lider. Sa halip, tinitiyak nila na malalantad ang mga kahinaan ng ibang kandidato at inaatake nila ang mga taong ito, habang hinihikayat nila ang isang grupo ng mga tao para bumuo ng oposisyon laban sa isa pang grupo, na nagiging sanhi ng pagkakawatak-watak sa iglesia. Ano ang nagiging kinahihinatnan ng ganoong halalan? Ito ay nagiging sanhi ng pagkakawatak-watak sa iglesia. Bago pa man lumabas ang mga resulta ng halalan, nagkawatak-watak na ang iglesia. Isa ba itong penomeno na dapat mangyari sa panahon ng halalan ng iglesia? Isa ba itong normal na penomeno? Hindi, hindi ito normal. Kung gusto mong maging lider at naniniwala kang mayroon kang ilang kakayahan at pagpapahalaga sa pasanin at kalipikado ka para sa gawaing ito, puwede kang makilahok sa halalan nang alinsunod sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos. Siyempre, puwede mo ring ipahayag ang mga kalakasan at merito mo at makipagbahaginan ka tungkol sa mga pagkaunawa at karanasan mo, para mahikayat ang mga kapatid at magtiwala sila sa iyo na mamuno sa gawain ng iglesia. Gayumpaman, hindi mo dapat kamtin ang layon mong manalo sa halalan sa pamamagitan ng pag-atake sa iba, dahil madali itong makapanlilihis sa mga tao at magdudulot ng mga negatibong kahihinatnan. Ang mga kapatid na may mababang tayog at walang pagkilatis ay madali mong maililihis at hindi nila malalaman kung sino ang dapat nilang piliin, at puwede ring magkaroon ng malaking kaguluhan at pagkakawatak-watak sa iglesia. Hindi ba’t mabibigyan niyon si Satanas ng pagkakataong masasamantala nito? Sa madaling salita, ang pakikilahok sa halalan nang hindi sinusunod ang mga prinsipyo, at palaging pagkakaroon ng mga ambisyon at pagnanais, at paggamit ng mga kasuklam-suklam na pamamaraan para makamit ang layong manalo sa halalan ay pawang kalikasan ng pagmamanipula at paggambala sa mga halalan at hindi wastong pag-uugali sa halalan. Siyempre, may mga tao namang may tamang pag-uugali na dapat itangi mula rito. Halimbawa, kung ang isang kandidato ay nakikipagbahaginan tungkol sa kung paano gagawin nang maayos ang iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia, tulad ng gawain ng ebanghelyo, gawaing nakabatay sa teksto, at mga gawain sa pangkalahatang usapin, o kung paano mapapabuti ang buhay iglesia, paano malulutas ang mga suliranin ng hinirang na mga tao ng Diyos sa buhay pagpasok nila, at iba pa, wasto ang lahat ng ito. Ang wastong pagpapahayag ng mga pananaw at pagkaunawa, ang pagbabahagi ng mga ideya at plano tungkol sa gawain ng iglesia, at iba pa—lahat ng ito ay bahagi ng normal na pananalita at pag-uugali, at tumutugma ang mga ito sa mga prinsipyong panghalalan na itinakda ng iglesia. Maliban sa mga ito, ang anumang hindi wastong pag-uugali na ipinapakita sa panahon ng halalan na halatang-halata ay dapat mapansin ng mga tao. Kailangan maging mapagmatyag ang mga tao at kilatisin nila ang mga ito—huwag maging walang ingat.

Madalas banggitin ng ilang tao ang pagiging abala sa trabaho, pagkakaroon ng maraming isyu sa pamilya nila, o hindi angkop na kapaligiran bilang mga dahilan kaya hindi nila magawa ang mga tungkulin nila at hindi sila makalahok sa buhay iglesia. Gayumpaman, kapag dumating na ang panahon ng halalan para pumili ng mga lider ng iglesia, biglang nawawala ang mga suliraning ito, at metikuloso silang nagbibihis para sa okasyon at dumarating para makilahok sa halalan. Matagal na silang hindi dumadalo, pero nang marinig nila ang magandang balita tungkol sa halalan ng iglesia, dali-dali at sabik na sabik silang nagpupunta. Ano ang ipinupunta nila? Nagpupunta sila para sa halalan, para sa posisyon ng lider ng iglesia, para sa “opisyal na posisyon” na ito. Labis na tuso ang mga kilos ng mga gayong tao. Dahil nangangamba sila na maghihinala ang iba na gusto nilang maging lider ng iglesia, iniiwasan nilang banggitin ang halalan at nakatutok lang sila sa pakikipagbahaginan tungkol sa mga pagkaunawa at karanasan nila para makuha nila ang paghanga ng mga tao. Ipinapakita rin nila sa iba na kinakain at iniinom nila ang mga salita ng Diyos, na inaakay nila ang lahat na makipagbahaginan tungkol sa mga salita ng Diyos, at ibinabahagi ang kanilang sariling mga patotoong batay sa karanasan. Sa katunayan, karaniwan ay bihira silang makilahok sa buhay iglesia at madalang silang makipagbahaginan tungkol sa katotohanan, at hindi rin nila kayang magsalita tungkol sa mga pagkaunawang batay sa karanasan. Gayumpaman, kapag papalapit na ang halalan, nag-iiba sila nang husto. Aktibo silang nakikilahok sa buhay iglesia at sabik silang magdasal, kumanta ng mga himno, at makipagbahaginan, mukha silang ganadong-ganado at maagap at talagang namumukod-tangi. Pagkatapos ng mga pagtitipon, naghahanap sila ng mga pagkakataon para makipag-usap sa mga kapatid tungkol sa mga usapin ng pamilya at makabuo ng mga koneksiyon. Kapag nakikita nila ang isang lider ng iglesia, sinasabi nila, “Mukhang hindi maganda ang kalagayan mo ngayon. Mayroon akong mga datiles sa bahay; dadalhan kita.” Kapag nakikita nila ang isang partikular na sister, sinasabi nila, “Nabalitaan kong may problema sa pinansiyal ang pamilya mo ngayon. Kailangan mo ba ng tulong? Puwede kitang bigyan ng ilang damit.” Napakaaktibo nila sa bawat pagtitipon, ibang-iba sila kumpara dati. Noon, paminsan-minsan silang dumadalo para lang mangamusta, at kahit sino pa ang mag-anyaya sa kanila na dumalo sa pagtitipon, magdadahilan sila na kesyo abala sila. Pero sa panahon ng halalan, bigla na lang silang lumilitaw at nakikilahok sa bawat pagtitipon nang walang pinalalagpas na kahit isa. Sa bawat pagtitipon, nagbabahaginan ang mga kapatid tungkol sa mga usapin at prinsipyo na may kinalaman sa halalan, at siyempre, nakikilahok din sila. Sa panahong ito, nagsusumikap silang magkaroon ng magagandang ugnayan sa mga kapatid, nagsusumikap silang makuha ang loob ng ilan sa mga ito. Nagbibigay pa sila ng maraming handog sa harap ng mga kapatid, na ikinagugulat ng maraming tao, iniisip ng mga ito, “Napakatagal na nilang nananampalataya sa Diyos, pero hindi pa namin sila nakitang nagbigay ng handog. Bakit kaya masyado silang mapagbigay ngayon? Talaga bang nagbago na sila at itinuwid na ang kanilang sarili?” Iniisip ng ilang taong mangmang at ignorante, na hindi marunong magsuri ng mga bagay, na talagang nagbago na ang taong ito, na nagkamali sila ng paghusga sa taong ito dati, at hindi namamalayang nagkakaroon sila ng paborableng impresyon sa tao na ito sa puso nila, iniisip nila, “May kaya ang pamilya ng tao na ito, may mga koneksiyon at paraan siya para magawa ang mga bagay-bagay. Kung siya ang maging lider ng iglesia, marami siyang magagawa para sa iglesia. Hindi ba’t makakatulong ito sa ating iglesia sa pangangaral ng ebanghelyo at pagpapatuloy sa bahay sa mga kapatid na tinutugis at may mga suliranin? Kung magagawa niyang patuloy na maging ganito kaaktibo, magiging maganda ito, pero hindi ako sigurado kung mapapanindigan niya ito o kung magiging handa siyang maging lider ng iglesia namin.” Hindi ba’t nalihis at naloko na ang ilang tao? Ang lahat ng ginagawa ng taong ito ay nagsisimula nang magbunga, hindi ba? Unti-unti nang natutupad ang mga plano at malapit nang magkaroon ng mga resulta. Hindi ba’t ito ang gusto nila? (Oo.) Dagdag pa rito, nagbibigay sila ng dalawang piraso ng damit sa isang tao, isang basket ng gulay sa isa pa, at mga health supplement sa iba pang tao, tinitiyak nilang naaasikaso ang lahat. Napapaisip ang mga tao dahil dito, “Kung ang tao na ito ay maging lider ng iglesia, hindi ba’t magiging mahusay siyang pastol? Hindi ba’t siya ang tipo ng tao na gustong sandalan ng karamihan ng tao?” Hindi ba’t tamang-tama na ang pagkakataon ngayon? Hindi ba’t madaling pipiliin ng mga kapatid ang ganitong klase ng tao? Ang tao na ito ay edukado, mahusay magsalita, at may partikular na katayuan sa lipunan. Kung nahaharap sa mga pang-aaresto ang iglesia, mapoprotektahan niya ang mga kapatid. Kung may mga suliranin ang sinuman sa pamilya ng mga kapatid, kaya niyang mag-abot ng tulong, at puwede rin siyang tumulong sa mga gawain ng iglesia kapag kinakailangan ang mas maraming tulong. Gayumpaman, may isang bagay na hindi nakatitiyak ang karamihan ng tao: “Dati, hindi naman niya hinahangad ang katotohanan, at bihira siyang dumalo sa mga pagtitipon sa loob ng mahabang panahon. Pero ngayon, kapag panahon na ng halalan, dali-dali siyang dumadalo sa ilang pagtitipon. Kung mahahalal siya bilang lider, mauunawaan ba niya ang katotohanan? Kung hindi niya nauunawaan ang katotohanan at kaya lang niyang protektahan ang mga taong ito o magbigay ng ilang pakinabang sa kanila, matutulungan ba niya ang mga tao na maunawaan ang katotohanan? Madadala ba niya ang mga tao sa harap ng Diyos? Kuwestiyonable ito.” May pagdududa ang ilang tao sa puso nila, habang may ilan na naimpluwensiyahan at nakumbinsi na ng mga pakinabang ng tao na ito. Hindi ba’t napakadelikado ng sitwasyong ito? Dahil lang sa isang boto ay puwede na silang mahalal. Anuman ang magiging resulta ng halalan sa huli, wasto ba ang mga kilos at pag-uugali ng mga gayong tao? (Hindi.) Sa pinakamahahalagang sandali, sila ay nagbibigay ng mga limos, naghahandog, at tumutulong sa mga kapatid sa paglutas ng ilang tunay na suliranin. Kapag may mga kapatid na lumilipat ng bahay, nagpapahiram sila ng sasakyan, at kapag may mga kapatid na walang sapat na pera, nagpapautang sila. Kapag may mga kapatid na walang telepono, binibilhan nila ang mga ito, at kapag may kapatid na walang kompyuter, ibinibigay nila sa mga ito ang sarili nilang kompyuter. … Ginagawa nila ang mga bagay na ito sa pinakamahahalagang sandali, sa mga pinakakritikal na pagkakataon. Anong klaseng pag-uugali ito? Hindi ba’t pagmamanipula at paggambala sa mga halalan ang paggawa ng mga bagay na ito nang may layuning makipagkompetensiya para sa posisyon ng lider, nang may kahiya-hiyang mga lihim at layunin? (Oo.) Hindi sila dumarating nang maaga o huli, kundi dumarating sila sa mismong panahon ng halalan sa posisyon ng lider. Hindi ba’t nagkikimkim sila ng mga kahiya-hiyang lihim? Halatang-halata ito; tiyak na nagkikimkim sila ng mga kahiya-hiyang lihim. Hindi ito dahil sa bigla silang nakonsensiya at gusto nilang gumawa ng mabubuting gawa; ang layon nila ay tumakbo para sa posisyon ng lider ng iglesia, para maging ang taong namamahala sa iglesia, para manipulahin ang iglesia at ang hinirang na mga tao ng Diyos. Gusto ba nilang manipulahin ang mga taong ito para tunay na makatulong sa mga ito? (Hindi.) Kung gayon, ano ba ang gusto nilang gawin? Gusto nilang kontrolin ang hinirang na mga tao ng Diyos, kontrolin ang iglesia, at magkaroon ng isang posisyon sa iglesia kung saan makakakilos sila bilang isang opisyal at sila ang magpapasya. Hindi ba’t pagmamanipula at paggambala sa mga halalan ang mga ganitong di-pangkaraniwang pamamaraan at pagsasagawa? (Oo.)

Sa panahon ng mga halalan sa iglesia, may ilang tao na ibinoboto ang sarili nila dahil takot silang hindi makakuha ng sapat na boto. Hindi ba’t katawa-tawa at kakaiba ito? Ano ang kalikasan ng isang tao na bumoboto para sa sarili niya? Pagpapamalas ba ito ng kawalan ng tiwala sa sarili, ng kawalang kahihiyan, o ng labis-labis na ambisyon? Lahat ito. Takot siyang hindi mahalal, kaya wala siyang ibang magagawa kundi ang iboto ang sarili niya—kawalan ito ng tiwala sa sarili. Wala siyang kakayahan pero gusto pa rin niyang maging lider; dahil natatakot siyang hindi siya iboboto ng iba, kaya ibinoboto niya ang sarili niya. Hindi ba’t kawalan ito ng kahihiyan? Higit pa rito, hindi nagiging tama ang pagsusuri niya dahil sa labis-labis niyang ambisyon kaya isinasantabi niya ang pride at nawawalan siya ng integridad at dignidad: “Kung hindi mo ako iboboto, hindi ako papayag; dapat akong maging lider ng iglesia. Kung hindi ako magiging lider, hindi na ako mananampalataya sa diyos!” Ipinipilit niya na maging lider, na kumilos bilang isang opisyal, napapanatag at nakokontento lang siya sa buhay kapag may katayuan siya—napakalaki ng mga ambisyon at pagnanais niya! Masyado niyang pinapahalagahan ang katayuan, nananampalataya siya sa Diyos para lang maging lider. Ano ba ang napakaganda sa pagiging lider? Kung hindi mo pinapahalagahan ang mga pakinabang ng katayuan at hindi ka nasisiyahan sa lahat ng espesyal na pagtratong dulot nito, mag-iimbot ka pa rin ba sa posisyong ito? Iboboto mo pa rin ba ang sarili mo? Magiging napakalaki pa rin ba ng mga ambisyon at pagnanais mo? Pahahalagahan mo pa rin ba nang labis ang katayuan? Hindi na. Ang mga gayong tao ay palaging gustong pakialaman at pagsumikapan ang mga halalan, gumagamit sila ng anumang mapanlinlang na gawa. Kahit na nararamdaman nila mismo na ang gayong paraan ng pagkilos ay kahiya-hiya, hindi hayagan o tapat, at medyo nakakababa ng pagkatao, pagkatapos ng kaunting pagsasaalang-alang, iniisip nila, “Basta, ang mahalaga ay mahalal bilang lider!” Kawalan ito ng kahihiyan. Gusto pa nilang gayahin ang mga pamamaraan sa pakikipagdebate na ginagamit sa mga halalan ng mga demokratikong bansa, kung saan inilalantad ng mga kandidato ang mga pagkukulang ng isa’t isa, hinuhusgahan at binabatikos ang isa’t isa, at nagbabangayan sila, ginagamit nila ang mga taktikang ito sa mga halalan ng iglesia—hindi ba’t isa itong malaking pagkakamali? Hindi ba’t hindi ito ang lugar para sa mga gayong taktika? Kung pupunta ka sa iglesia para magsagawa ng mga baliko at imoral na gawain at subukang manipulahin at gambalain ang mga halalan, sinasabi Ko sa iyo, mali ang lugar na pinili mo para gawin iyon! Ito ang sambahayan ng Diyos, hindi ang lipunan; ang sinumang nagmamanipula at nanggagambala ng mga halalan ay kokondenahin, isa-isa. Sa iglesia, ang anumang mga dahilan, palusot, o pamamaraan na ginagamit para manipulahin at gambalain ang mga halalan, hindi katanggap-tanggap ang mga ito, at katumbas ito ng isang masamang gawa—isa itong masamang gawa magpakailanman! Kinokondena ang lahat ng nagtatangkang manipulahin at gambalain ang mga halalan. Ang mga gayong tao ay hindi kinikilala bilang mga miyembro ng sambahayan ng Diyos o bilang mga kapatid, kundi inilalarawan silang mga alipin ni Satanas. Anong klaseng mga bagay ang ginagawa ng mga alipin ni Satanas? Mga eksperto sila sa paggawa ng mga bagay na nakakagambala at nakakagulo sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia. Ang mga nagmamanipula at nanggagambala ng mga halalan ay gumaganap ng mga negatibong papel na ito, ginagawa nila ang mga bagay na ginagawa ng mga alipin ni Satanas. Anuman ang gawaing isinasagawa ng iglesia, tumitindig ang mga taong ito para gambalain at sirain ito, binabalewala nila ang mga pagsasaayos ng gawain at regulasyon ng sambahayan ng Diyos, binabalewala ang mga atas administratibo ng Diyos, at higit pa rito, binabalewala nila ang Diyos. Sinusubukan nilang gawin ang anumang gusto nila sa sambahayan ng Diyos, minamanipula ang iba’t ibang usapin sa iglesia, at higit pa rito, minamanipula nila ang mga miyembro ng iglesia, at umaabot pa sila sa puntong minamanipula at ginagambala nila ang mga halalan ng iglesia. Sa anong paraan nila sinusubukang manipulahin ang mga tauhan ng iglesia? Naghahanap sila ng mga pagkakataon para manipulahin at gambalain ang mga halalan ng iglesia. Kapag ang isang halalan ay namanipula at nagambala ng mga alipin ni Satanas, nabigo na ang halalan. Kung ang mga alipin ni Satanas ay magtagumpay at maging mga lider ng iglesia, tama ba o mali ang resulta ng halalan? Mali ito, siyempre. Dapat ulitin ang halalan sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan sa katotohanan at pagbubuod sa mga aral na natutunan.