Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (18) Ikalimang Seksiyon
E. Ang Pinsalang Idinudulot ng Walang Batayang mga Tsismis
Ang mga tsismis na ipinapakalat sa loob ng iglesia ay hindi lang tungkol sa pagtatatwa sa Diyos o paghusga sa gawain ng Diyos; may iba ring uri ng mga tsismis. Kailangang makilatis at mahimay ang mga tsismis na ito, at dapat ding pigilan at limitahan ang mga ito. Sa madaling salita, tiyak na walang naidudulot na mabuti ang mga tsismis; wala itong idinudulot na pakinabang sa mga tao. Sinasabi ng ilang tao, “Gusto kong makinig sa mga tsismis para malaman ko kung ano ba ang sinasabi ng mga ito, para magkamit ako ng pagkilatis at karunungan mula sa mga ito.” Kung tunay na may kaunti kang abilidad na kumilatis at hindi ka takot na magulo ng mga tsismis, puwede kang makinig, pero ano ang magiging mga kahihinatnan? Kung malilito ka at magsisimula kang pagdudahan ang Diyos at ang gawain ng Diyos, mapanganib iyan; ibig sabihin nito ay nalihis ka na. Kung hindi ka makakilatis at sa halip ay nalihis ka, hindi ba’t problema iyon? May ganoong tayog ka ba? Iniisip mong may pananalig ka, pero nauunawaan mo ba ang katotohanan? Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, hindi tunay ang pananalig mo, at malilihis ka pa rin. Kung may nauunawaan kang kaunting katotohanan, may kaunting tunay na kaalaman sa Diyos, at kaya mong kilatisin at labanan ang mga tsismis na ito, maaari kang magkamit ng karunungan mula sa pakikinig sa mga ito. Kung tingin mo ay may pananalig ka lang, pero ang totoo, hindi pa tunay na tayog ang pananalig na ito, at hindi mo pa nauunawaan ang katotohanan, sinasabi Ko na magiging napakahirap para sa iyo na talagang magkamit ng pagkilatis at karunungan mula sa mga tsismis. Saan nanggagaling ang mga tsismis? Nanggagaling ang mga ito kay Satanas. Sinasamantala ni Satanas ang bawat butas at sinusunggaban nito ang bawat pagkakataon para maging mapili sa mga pariralang ginagamit sa mga salita ng Diyos at para makahanap ng isang bagay na magagamit nito bilang kalamangan sa mga salita ng Diyos, ginagamit ang mga salita ng Diyos nang wala sa konteksto. Tila may batayan ito, pero ang totoo, ginagawa ito nang wala sa konteksto para ilihis ang mga tao. Matapos marinig ang mga tsismis na ito, iniisip niyong mga hindi nakakaunawa sa katotohanan: “May batayan sa mga salita ng Diyos ang sinasabi nila. Tiyak na tama ito. Hindi naman siguro ito tsismis, hindi ba?” Bilang resulta, nalilihis sila. Ang ilang tsismis ay halata at madaling makilatis. Gayumpaman, mahirap makilatis ang ilang tsismis; sa panlabas, tila naaayon sa mga katunayan ang mga ito, pero hindi ang diwa ng mga ito. Huwag isipin na dahil lang paimbabaw na naaayon ang mga tsismis na ito sa literal na kahulugan ng mga salita ng Diyos ay tama na ang mga ito. Sa katunayan, marami sa mga pahayag na ito ay mga walang kabuluhang teorya, mga patibong ang mga ito, at walang idinudulot na pagpapatibay o pakinabang ang mga ito sa mga tao. Dapat na tanggihan ang lahat ng pahayag na ito. Dahil magkakaiba ang antas ng pagkaunawa ng mga tao sa mga salita ng Diyos, at iba rin ang mga konteksto ng pagsasalita ng Diyos, ang bulag na paglalapat at pagbibigay-interpretasyon sa mga salita ng Diyos ang pinakamalamang na magdulot ng mga pagkakamali. Madalas na nililihis ni Satanas ang mga tao sa pamamagitan ng paggamit ng mga salita ng Diyos nang wala sa konteksto at pagbibigay ng maling interpretasyon sa mga ito. Anumang mga pagkondena sa gawain ng Diyos na batay sa Bibliya o sa mga salita ng Diyos ay panlalansi ni Satanas, ang paraan nito sa panlilihis sa mga tao; mga patibong ang mga ito, at dapat na tanggihan ang mga gayong pahayag. Sa panlabas, ang mga tsismis ay isa o dalawang komento lang, o mangilan-ngilang komento; hindi sapat ang mga ito para katakutan, at hindi dapat mangamba sa mga ito. Ang dapat na katakutan ay ang mga tsismis na bumubuo ng mga kongklusyon batay sa Bibliya o sa katotohanan nang wala sa konteksto. Ito ang may pinakahigit na kakayahang ilihis ang mga tao; ito ang pinakanakagugulo sa isipan ng mga tao. Dahil dito ay nagkakamali ang mga taong walang pagkilatis. Tanging iyong mga nakakaunawa sa katotohanan ang makakakilatis sa mga gayong mapanlihis na maladiyablong pananalita. Halimbawa, hinahanap ng ilang tao ang ilang salita ng Diyos para gamiting batayan para sabihing minamahal ng Diyos ang ganitong uri ng mga tao at hindi Niya minamahal ang ganoong uri, na inililigtas ng Diyos ang ganitong uri ng mga tao at hindi Niya inililigtas ang ganoong uri ng mga tao, na ang ganitong uri ng mga tao ay itinitiwalag ng Diyos, at na ang ganoong uri ay walang kabuluhan para sa Diyos, at kung ano-ano pa. Hindi ba’t mga kongklusyon ang mga pahayag na ito? Hindi talaga tumutugma sa mga salita ng Diyos ang mga kongklusyong ito. Ang mga batayang nahahanap nila ay talagang ginagamit nang wala sa konteksto; nabibilang ang mga ito sa ibang konteksto at ibang pahayag ang mga ito. Ito ay lubusang maling interpretasyon. Hindi nila nakikilatis ang diwa, at basta-basta nilang inilalapat ang mga regulasyon. Pero iyong mga walang pagkilatis ay nalalason at nalilihis pagkatapos na marinig ang mga panlilinlang na ito, nagiging negatibo sila sa puso nila, iniisip nila na dahil batay sa mga salita ng Diyos ang sinabi, tiyak na tumpak ito. Hindi nila maingat na binabasa ang mga salita ng Diyos pagkatapos para mahanap ang mga mali sa mga panlilinlang na ito, sa halip ay ganap silang naniniwala na totoo ang mga ito. Hindi ba’t nalilihis sila? Kung walang nakikipagbahaginan sa kanila na nakakaunawa sa katotohanan, napakamapanganib nito. Sa pinakamababa, maaaring maging negatibo ang mga taong ito sa loob ng anim na buwan hanggang isang taon; hindi lang ito nakakaantala sa kanilang buhay pagpasok, kundi kapag umatras sila at tumigil sa pananampalataya, ganap silang mawawasak at tuluyan nang mawawala sa kanila ang pagliligtas ng Diyos. Samakatwid, ang mga taong may mababang tayog na hindi nakakaunawa sa katotohanan ay mas malamang na mailihis ni Satanas! Tanging iyong mga nakakaunawa sa katotohanan ang ligtas at matatag. Kung isang araw ay talagang makatagpo mo ang isang taong nagpapakalat ng mga tsismis para ilihis ang mga tao, ang pinakaepektibong paraan ay ang agad na maghanap ng isang taong nakakaunawa sa katotohanan para makipagbahaginan sa kanya; saka ka lang masasalba mula sa sitwasyong ito. Ang paghingi ng tulong mula sa mga walang espirituwal na pang-unawa na bulag na naglalapat ng mga regulasyon ay hindi lang bigong makakalutas sa problema kundi lalo pang maglilihis sa iyo. Kaya, ang pagkalihis ay hindi lang nangyayari sa relihiyon—kahit na nananampalataya ka sa Diyos at namumuhay ng buhay iglesia, kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, puwede ka pa ring madaling malihis. Kahit na tatlo hanggang limang taon ka nang nananampalataya, o pito hanggang walong taon, kung hindi mo pa nakakamit ang katotohanan, nanganganib ka pa ring malihis; sa partikular, iyong mga madalas na may mga kuru-kuro at madalas na negatibo ay pinakamalamang na malihis at magkanulo sa Diyos anumang oras. Sapagkat nililibot ni Satanas ang daigdig gaya ng isang umaatungal na leon, naghahanap ng mga taong malalamon; isa itong katunayan. Sino ang Satanas na ito? Ito ay ang lahat ng tutol sa katotohanan at namumuhi sa katotohanan, kabilang na ang mga anticristo, mga huwad na lider, iyong mga katawa-tawang tao, at iyong mga nanlilihis sa iba—lahat ng ito ay mga Satanas. Ang mga taong ito ay naglilibot sa lahat ng lugar, nililihis at ginugulo ang hinirang na mga tao ng Diyos saan man sila magpunta, kaya lahat sila ay mga diyablong lumalaban sa Diyos. Ang hinirang na mga tao ng Diyos ay dapat na maging partikular na mapagbantay para matiyak na hindi sila maililihis at kaya nilang manindigan.
Hindi maikakaila na sa iglesia, ang ilang bagong mananampalataya o iyong mga may napakahinang kakayahan, na walang abilidad na makaarok sa mga salita ng Diyos, ay madalas na nalilihis, naiimpluwensiyahan, at nagugulo ng iba’t ibang tsismis. Iyong mga nag-iimbento ng mga tsismis ay madaling makakapagpabagsak sa isang grupo ng mga tao gamit lang ang isang kaswal na kongklusyon. Ang mga salita at pahayag na walang ingat nilang ibinubulalas ay maaaring magdulot sa ilang tao ng pagiging negatibo, panghihina, at kawalan ng ganang gumampan sa tungkulin nila. Kapag tumatawag ang sambahayan ng Diyos, puno ng takot ang mga taong ito, naghahanap ng kung ano-anong dahilan at palusot para tumanggi at makaiwas. Malinaw, ano bang papel ang ginagampanan sa iglesia ng mga nag-iimbento ng mga tsismis? Kumikilos sila bilang mga alipin ni Satanas, walang duda. Halimbawa, sinasabi ng ilang tao, “Kailangan mong magkaroon ng alternatibong plano kapag ginagawa mo ang tungkulin mo. Tinatawag ka ng sambahayan ng diyos para gumawa ng isang tungkulin, at kung hindi mo ito gagawin nang maayos, maaaring hindi ka na gamitin ng sambahayan ng diyos anumang oras. Sa panahong iyon, kung uuwi ka, mahihirapan kang makaraos. Wala nang susuporta sa iyo!” “Mapagmahal” ba itong pakinggan? Tumutugma ito sa mga sentimyento ng tao at tila puno ng pagmamahal at malasakit, pero may naririnig ka bang anumang pagsasaalang-alang para sa puso ng Diyos sa mga salitang ito? Nagbibigay ba ito ng anumang suporta, panustos, tulong, o pagpapalakas-loob sa mga tao? (Hindi.) Ang pagsasabi sa mga taong maghanda ng alternatibong plano—hindi ba’t paghadlang ito sa mga tao? Ano ang ibig nilang sabihin dito? “Kailangan mong mag-ingat; maaaring kalabanin ka ng diyos!” Ito ang lasong itinatanim nila sa mga tao. Matapos itong marinig, iniisip ng mga tao, “Tama iyon, paanong naging napakahangal ko? Muntik ko nang ibenta ang bahay ko—kung hindi ko ginawa nang maayos ang tungkulin ko at natanggal ako, ni wala na akong bahay na mababalikan. Buti na lang, pinaalalahanan nila ako, kung hindi, may nagawa na sana akong kahangalan.” Kay “bait” naman ng paalalang ito, pero napakaraming lason nito, at malalim ito! Nakarinig na ba kayo ng mga gayong tsismis? Kung pakikinggan ay tila napakabuti nila sa mga tao, napakamapagsaalang-alang, nang may napakadakilang “pagmamahal.” Ang mga taong ito ay hindi mga kamag-anak ni kaibigan ng mga kinakausap nila, hindi sila magkadugo—dahil lang nananampalataya silang lahat sa Diyos kaya nagagawa ng mga taong ito na magkaroon ng dakilang “pagmamahal” para sa mga nakakausap nila. Iniisip ng mga tao, “Ito talaga ang proteksiyon ng Diyos! Mas mabuti siguro na pag-isipan ko muna ang mga bagay-bagay. Kung palagi akong pabasta-basta kapag ginagawa ko ang tungkulin ko, ano ang gagawin ko kung mapaalis ako? Kaya, kailangan kong mag-ingat kapag ginagawa ang tungkulin ko; dapat akong gumawa ng higit pang gawain na magpapamukhang mabuti ako, umiwas makagawa ng mga pagkakamali, at kahit na magkamali man ako, hindi ko puwedeng hayaang malaman ng iba. Sa ganoong paraan, hindi ako mapapaalis, hindi ba? Kahit pa mapaalis ako, ayos lang; may alternatibo akong plano, may ipon ako, at naroon pa rin ang bahay ko. Hindi ba’t makatarungan na hindi isinaalang-alang ng Diyos ang mga damdamin ng mga tao at hindi Siya bumabatay sa mga damdamin ng laman? Sa kabila nito, ano ba ang dapat na katakutan? Ang mga tao ay bumabatay sa mga damdamin nila, may pagmamahal saanman sa mundo ng tao!” Ang isang “mapagmahal” na pahayag na ito ay lumilikha ng “pagkakaibigan” sa pagitan ng mga tao, pero saan nito inilalagay ang Diyos? Ginagawa nitong pangatlo o pang-apat na priyoridad ang Diyos, ginagawa Siyang tagalabas, na para bang hindi mapagkakatiwalaan ang Diyos at tanging ang mga tao ang karapat-dapat na pagkatiwalaan, tanging ang mga tao ang mapagsaalang-alang sa iba. Ang isang pahayag na ito ay nagbubunga ng napakalaking epekto, labis itong “napapanahon”! Gusto ba ninyong nakakarinig ng mga gayong salita? Bagama’t alam ninyo na may nakatagong kasamaan sa mga salita nila, umaasa pa rin kayo na may makapagbibigay ng pahiwatig, makakatulong sa inyo, makapagbibigay sa inyo ng babala mula sa isang taong may karanasan na tungkol doon kapag hindi ninyo alam ang naghihintay sa hinaharap, makakapagsabi ng taos-pusong salita sa inyo. Labis na “mahalaga” ang pahayag na ito, labis na “importante”! Hindi ba’t ito ay ganap na paniniwala sa mga salita nila? Ang “walang-ingat” na mga salita ng nag-iimbento ng mga tsismis na ito ay nakapagpaniwala ng mga tao at nagkanulo sa Diyos. Anong klaseng pagkilos ito? Disente ba ito? (Hindi.) Anong uri kaya ito ng tao sa palagay ninyo? Sa mga mata ng mga tao, isa siyang mabuting tao, isang mabait na tao, pero sa mga mata ng mga nakakaunawa sa katotohanan, magulo ang isip ng taong ito. Batay sa mga kilos at pag-uugali ng taong ito, ganap siyang kumikilos bilang alipin ni Satanas, isa siyang tunay na diyablo! Tumpak bang sabihin ito? (Oo.) Napakatumpak nito! Wala ni katiting na pagkakamali. Hinihikayat niya ang lahat na maging mapagbantay laban sa Diyos, kontrahin ang Diyos, at wala siyang sinasabi ni isang salitang makakapagpatibay sa mga tao. Bakit nga ba? Dahil puno ng pagkamapanlaban at pagkamuhi sa Diyos ang puso niya, ang kalikasang diwa niya ay kay Satanas, at likas siyang lumalaban sa Diyos at kumokontra sa Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Likas siyang kumokontra sa Diyos, pero bakit sumusunod pa rin siya sa Diyos?” Para magkamit ng mga pagpapala! Gusto niyang manipulahin ang kalalabasan ng pagiging pinagpala mula sa sambahayan ng Diyos, pero ayaw niyang magbayad ng anumang halaga o hangarin ang katotohanan. Gusto rin niyang pahinain ang Diyos, guluhin ang hinirang na mga tao ng Diyos, at palayuin ang mga ito sa Diyos at ipagkanulo ng mga ito ang Diyos. Walang duda na isang tunay na diyablo ang gayong tao. Pero ang ilang hangal na tao ay palaging nabibigong makakilatis at makakilala sa maladiyablong mukha ng mga gayong tao. Kaya nilang tanggapin ang lahat ng maladiyablong salita na naaayon sa mga kuru-kuro ng tao at sa mga pangangailangan ng mga damdamin ng laman na sinasabi ng mga taong ito. Sa ilalim ng panlilihis ng mga taong ito, maaari nilang ipagkanulo at itakwil ang Diyos sa anumang sandali—kahit na ayaw nilang itakwil Siya, wala na ito sa kontrol nila. Napakatraydor at napakamapanlinlang ni Satanas, ng mga diyablo, at ng mga alipin ni Satanas! Sila mismo ay lumalaban sa Diyos at kumokontra sa Kanya, napopoot sila sa katotohanan at hindi nila ito tinatanggap, at gusto pa nilang pigilan ang mas maraming tao na sumunod sa Diyos at maghangad sa katotohanan. Sa sambahayan ng Diyos, ginagampanan ng mga taong ito ang papel bilang kasangkapan ni Satanas, nagsasalita at kumikilos sila para kay Satanas. Nagsisilbi silang hambingan, partikular na ginagamit para ang mga tao ay lumago sa pagkilatis. Kaya, marami sa kanilang mga sinasabi ay maaaring mukhang hindi masyadong problematiko sa panlabas. Madalas pa nga nilang sinisipi ang mga salita ng Diyos, naghahanap ng ilang ebidensiya at kasabihan sa mga salita ng Diyos, at pagkatapos ay nagdaragdag sila ng ilang palamuti, pinalalabas nila na labis na tumutugma sa mga salita ng Diyos ang sinasabi nila. Pero isang bagay ang tiyak: Taliwas sa katotohanan ang sinasabi nila. Kapag narinig mo ang sinasabi nila, maaaring tila tama ito, pero kung maingat mo itong ikukumpara sa mga salita ng Diyos, makikilatis mo na sa pangunahin ay hindi ito tumutugma sa katotohanan. Lahat ng mukhang tama ngunit mapanlinlang na salitang sinasabi nila ay nagmumula kay Satanas. Sinusubok nila ang Diyos, naghahanap sila ng kalamangan mula sa mga salita ng Diyos, binibigyan ng maling interpretasyon ang mga salita ng Diyos para kondenahin ang Diyos at ilihis ang hinirang na mga tao ng Diyos, na nagdudulot na ang mga ito ay magkaroon ng haka-haka, magkamali ng pagkaunawa, magkanulo, at magtakwil sa Diyos, at iba pa. Samakatwid, bukod sa mga anticristo at masasamang tao, iyong mga nag-iimbento ng mga tsismis para ilihis ang iba ay kabilang din sa kategorya ng mga tao sa iglesia na dapat kilatisin, bantayan, at alisin.
F. Pagkilatis sa mga Taong Nagpapakalat ng Walang Batayang mga Tsismis at ang mga Prinsipyo sa Pangangasiwa sa Kanila
Paano natin dapat kilatisin iyong mga nasa iglesia na nag-iimbento ng mga tsismis para ilihis ang iba? Una, iyong mga nag-iimbento ng mga tsismis ay tiyak na hindi naghahangad sa katotohanan; tutol sila rito. Dagdag pa rito, madalas silang nag-iimbento ng lahat ng uri ng maladiyablong salita at katawa-tawang pahayag at ginagamit nila ang mga ito para ilihis at akitin ang ilang kapatid na mababa ang tayog, mababaw ang pundasyon, at hindi nakakaunawa sa katotohanan. Ang epektong nakakamit nila ay ang panggugulo at paninira sa normal na kaayusan ng buhay iglesia, panggugulo sa normal na paghahangad ng mga tao at pagliligaw sa mga ito mula sa tamang landas, na nagdudulot na maging negatibo at mahina ang mga tao, at nagdudulot pa nga na talikuran nila ang mga tungkulin nila at tumigil sila sa pananampalataya sa Diyos—lalo silang sumasaya dahil dito. Samakatwid, ang pagtawag sa mga nag-iimbento ng mga tsismis bilang mga alipin ni Satanas ay isang ganap na tumpak na paglalarawan; ito ang tunay na mukha at diwa ng mga gayong tao, at madali itong makilatis. Ang ilang tao ay may kaunting katwiran; bagama’t hindi nila mismo minamahal ang katotohanan, hindi sila nagpapahayag ng mga opinyon o nanghihimasok sa kung paano hinahangad ng iba ang katotohanan. Puwedeng hindi pansinin ang mga taong ito. Pero ang ilang tao ay naiinggit at namumuhi sa mga naghahangad sa katotohanan; palagi nilang hinuhusgahan at binabatikos ang mga ito habang nagkikimkim sila ng mga partikular na intensiyon, at gumagamit pa nga sila ng ilang kalamangan para kondenahin ang mga ito. Dapat maging mapagbantay laban sa mga gayong tao. Bagama’t maaaring tila tama, lohikal, at naaayon sa literal na kahulugan ng mga salita ng Diyos ang sinasabi ng mga taong ito, kapag maingat na kinilatis, karamihan dito ay mga kasinungalingan at tsismis, ganap na walang katuturan. Dapat na kilatisin ang mga mukhang tama ngunit mapanlinlang na tsismis at kasinungalingang ito. Sinasabi ng ilang tao, “Kaunting panahon pa lang akong nananampalataya sa Diyos, kaunti pa lang ang nabasa kong mga salita ng Diyos, at hindi ko nauunawaan ang katotohanan. Paano ko makikilatis ang mga tsismis at kasinungalingan?” Ang tanging paraan ay, mula ngayon, mas tutukan ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos at higit na hanapin ang katotohanan sa mga salita ng Diyos, hayaan na mag-ugat ang mga salita ng Diyos sa puso mo. Sa patnubay ng mga salita ng Diyos at sa pagtingin sa mga usapin nang ayon sa katotohanan, magkakaroon ka ng pagkilatis. Ang mga tsismis na ipinapakalat ng mga taong ito ay walang magiging epekto sa iyo at hindi makakagulo sa normal mong paghahangad. Kahit ano pa ang mga tsismis na pinag-uusapan nila o anumang walang katuturang bagay ang sinasabi nila, hindi ka matitinag pagkatapos mo itong marinig, ni magiging negatibo at mahina, at lalong hindi ka magkakaroon ng anumang maling pagkaunawa tungkol sa Diyos; tututok ka lang sa paghahangad sa tamang direksiyon. Nangangahulugan ito na may paglaban ka—ang mga gayong alipin ni Satanas ay wala nang magiging anumang epekto sa iglesia. Walang madaling paraan para matutong kumilatis ng mga tsismis. Ang tanging paraan ay ang mas makinig ng mga sermon, mas magbasa ng mga salita ng Diyos, at mas makipagbahaginan sa katotohanan. Kapag nagkamit ka ng pagkaunawa sa katotohanan, likas kang magkakaroon ng pagkilatis. Ano ang layon ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pakikipagbahaginan sa katotohanan? Ito ay para maunawaan ang katotohanan at makilatis ang mga tsismis at panlilinlang na iyon sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos. Kapag nakita mong ang mga tsismis na iyon ay taliwas at kontra sa mga salita ng Diyos, ganap na salungat sa katotohanan, kusang mawawasak ang mga tsismis na ito. Siyempre, sinasabi ng ilang tao, “Hindi ko pa pinagsumikapan ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos at hindi ko nauunawaan kung ano ba ang katotohanan sa mga salita ng Diyos. Isang bagay lang ang natatandaan ko: Sa aspekto ng pag-asal ko, kailangan kong sumunod sa karamihan. Anuman ang itinatakwil ng karamihan ng tao, itinatakwil ko rin; anuman ang tinatanggap ng karamihan ng tao, tinatanggap ko rin. Sumusunod lang ako sa karamihan.” Tama ba ito? (Hindi.) Minsan, mali rin ang karamihan, at ang pagsunod sa karamihan ay nangangahulugan ng paggawa ng pagkakamali kasama nila. Dapat kang matutong sumunod sa mga nakakaunawa sa katotohanan; ito lang ang mabuting paraan.
Ang pagpapakalat ng walang batayang mga tsismis ay isang bagay na madalas na nangyayari sa iglesia. Bagama’t hindi isang malaking problema ang isyung ito, hindi maliit ang panggugulo at pamiminsala nito sa hinirang na mga tao ng Diyos. Sa pinakamababa, maaari nitong gawing negatibo at mahina ang mga tao; sa pinakamalubha, maaari itong magdulot na lumayo ang mga tao sa Diyos at magkanulo pa nga sa Kanya. Samakatwid, ang pagpapakalat ng mga tsismis ay hindi puwedeng balewalain. Kapag nangyari ito sa iglesia, dapat itong agad na pigilan at limitahan. Kung ang mga lider ng iglesia ay manhid at mapurol ang utak, hindi makagawa ng tunay na gawain, at hindi matukoy ang isyung ito, pero natutukoy ito ng ilang taong may mahusay na kakayahan na naghahangad at nakakaunawa sa katotohanan, dapat na kumilos ang huling grupo para lutasin ang isyung ito. Sa pamamagitan ng paghahanap at pakikipagbahaginan kasama ang maraming tao para magkaroon ng isang kasunduan at makakuha ng kumpirmasyon, kapag natukoy na may mga tsismis na ipinapakalat, dapat hanapin ng mga tao ang katotohanan para lutasin ang isyu. Kung hindi malinaw na isang panlilinlang ang isang partikular na komento, huwag itong bulag na tukuyin. Para sa mga komento na malinaw at walang pag-aalinlangan, na madaling makilatis bilang mga tsismis at panlilinlang, dapat agad na ilantad at himayin ang mga ito para makilatis ng lahat ang mga ito. Kung hindi mo makilatis kung ang sinasabi ng isang tao ay tsismis o panlilinlang matapos siyang marinig na magsalita ng isa o dalawang pangungusap, dapat mo itong harapin nang maingat at huwag bulag na bumuo ng mga kongklusyon. Hintayin siyang matapos magsalita para malinaw na makakilatis. Kapag nakumpirma nang isa itong tsismis o panlilinlang, dapat agad na pigilan at limitahan ang taong ito. Kung hindi siya mapigilan ng mga paulit-ulit na babala at limitasyon, at patuloy siyang nagpupursige sa pagpapakalat ng mga tsismis, dapat siyang paalisin sa iglesia. Malinaw ba ang prinsipyo at landas kung ano ang dapat gawin at paano magsasagawa kapag natutuklasan ang isang taong nagpapakalat ng mga tsismis sa iglesia? (Oo.)
Ang nilalaman ng mga tsismis ay hindi lang tungkol sa malalaking isyu na nabanggit Ko; may ilan ding tsismis na mga pira-piraso ng impormasyon, tulad ng mga komento tungkol sa pagpupungos, o tungkol sa kung sino ang ginagamit ng sambahayan ng Diyos at sino ang itinitiwalag nito, at iba pang hindi totoong pahayag. Bago lubusang malinis ang iglesia, may mga huwad na lider, anticristo, iba’t ibang masasamang tao, mga taong magulo ang isip, mga mangmang na walang espirituwal na pang-unawa—iba’t ibang uri ng tao ang nasa loob nito. Ang mga sinungaling at nag-iimbento ng mga tsismis ay pangkaraniwan, at may kung ano-anong uri ng mga tsismis at maladiyablong pananalita sa mga tao. Tungkol sa mga tsismis na ito, sa isang banda, kailangang magkaroon ang mga tao ng normal na katwiran para husgahan ang mga ito; sa kabilang banda, para sa mga mas seryosong tsismis na may kinalaman sa gawain ng Diyos, sa plano ng pamamahala ng Diyos, sa Diyos Mismo, at maging sa mga atas administratibo ng sambahayan ng Diyos at iba pang usapin, kailangang taglayin ng mga tao ang katotohanan para makilatis ang mga ito. Para sa mga panlabas na usapin, kailangang may katwiran ng normal na pagkatao ang mga tao para husgahan ang mga ito. Para sa mga usaping may kinalaman sa gawain ng Diyos at sa katotohanan, kailangang taglayin ng mga tao ang katotohanang realidad at tayog para makilatis ang mga ito. Sa madaling salita, anuman ang uri ng mga tsismis, dapat na kilatisin at itakwil ng mga tao ang mga ito, hindi tanggapin. Siyempre, ang ilang tao ay hindi naghahangad sa katotohanan at namumuhay lang ayon sa mga tsismis na ito. Ngayon, may nagkalat ng isang kasabihan at naimpluwensiyahan nito ang pananaw ng mga tao, at sumunod ang mga taong ito rito. Bukas, may isa pang kasabihan na nakaimpluwensiya ulit sa pananaw ng mga tao at sumunod ang mga taong ito roon. Halimbawa, sinasabi ng ilang lider o manggagawa na iyong mga marunong sumulat ng mga artikulo ng patotoo ay maaaring magawang perpekto, kaya nagsasanay silang magsulat ng mga artikulo, nag-aaral ng pagsusulat, at naghahanap ng mga sanggunian. Kinabukasan, isa pang lider o manggagawa ang nagsasabing ang mga gumagawa ng tungkulin nila ay maaaring maligtas, kaya nagsisimula silang magpakaabala sa paggawa ng tungkulin. Pero gaano man sila kaabala, hindi sila kailanman nagiging balisa o interesado sa pinakamahalagang bagay: ang paghahangad sa katotohanan at buhay pagpasok. Palaging tinatangay ang ilang tao ng iba’t ibang buktot na kalakarang nabubuo sa iba’t ibang grupo sa iglesia. Ang iba’t ibang tsismis na nabubuo sa mga miyembro ng iglesia ay palaging nanlilihis at nakakaimpluwensiya sa ilang tao. Gayumpaman, may ilan ding taong nananatiling walang pakialam at hindi nagbibigay-pansin sa mga tsismis na ito na naririnig nila. Hindi nila iniintindi ang anumang gawaing ginagawa ng sambahayan ng Diyos; hindi sila interesado sa pananampalataya sa Diyos at hindi sila mga tunay na mananampalataya. Ang mga taong ito ay mga mananampalataya sa pangalan lang. May isa pang grupo ng mga taong medyo mas mabuti; kaya nilang hanapin at tanggapin ang katotohanan, kaya hindi sila naaapektuhan ng mga negatibong bagay at negatibong taong ito. Tanging ang mga may maliit na tayog, walang pundasyon, at hindi talaga naghahangad sa katotohanan ang palaging naiimpluwensiyahan ng iba’t ibang kasabihan at komento. Dahil palaging sumusunod ang mga taong ito, palaging may ilan na nag-iimbento ng iba’t ibang tsismis para guluhin ang sitwasyon. Pakiramdam nila ay ito lang ang nagpapasigla at nagpapasaya sa pananampalataya sa Diyos, at hindi ito nakakabagot, at ito lang ang paraan para maramdaman nilang mahalaga sila. Ang mga ganitong bagay ay madalas na nangyayari sa mga bagong mananampalataya. Kung ang isang iglesia ay puno ng pagpapakalat ng mga tsismis at pagkalihis ng mga tao, nangangahulugan ito na tiyak na masyadong kakaunti ang mga taong nakakaunawa sa katotohanan sa iglesiang iyon. Sa iglesia, iyong mga nabanggit na tao ay sumusunod sa anumang mga tsismis at anumang panunulsol na ginagawa ng mga taong may masamang motibo, na isang malaking problema. Bahagi nito ay dahil sa mahinang kakayahan at isa rin itong tunay na pagpapamalas ng hindi pagkaunawa sa katotohanan. Karamihan sa sinasabi ng sinumang hindi nakakaunawa sa katotohanan ay hindi praktikal at nahaluan ng mga dumi; sa mas tumpak na pananalita, lahat ito ay katumbas ng mga kasinungalingan. Kung taglay nito ang mga motibo at layon, hindi lang ito isang kasinungalingan kundi, higit pa rito, isa itong pakana ni Satanas at isang sabwatan ng masasamang tao. Samakatwid, karamihan sa sinasabi ng mga taong walang katotohanan ay maladiyablong pananalita at hindi dapat paniwalaan.
Diyan nagtatapos ang pagbabahaginan tungkol sa paksa ng pagpapakalat ng walang batayang mga tsismis. Ang usaping ito ng pagpapakalat ng mga tsismis ang pinakanagbubunyag ng mga tao, at hinahayaan nitong makita nang malinaw ang mga pag-uugali ng iba’t ibang tao. Dapat ay nauunawaan na ninyo ngayon kung anong saloobin ang dapat taglayin sa mga tsismis at sa mga nagpapakalat ng mga ito, at kung anong mga pamamaraan ang gagamitin para pangasiwaan ang mga ito, tama ba? (Tama.) Kapag nauunawaan na ninyo, kapag muli kayong nakaranas ng mga gayong usapin, dapat ninyong ihambing ang mga ito sa pagbabahaginan natin, at gamitin ang mga pinakatamang pamamaraan para tugunan ang mga isyung ito. Ito ay tumutugma sa mga prinsipyo.
Hulyo 17, 2021