Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (18) Ikatlong Seksiyon

Sa buong kasaysayan, patuloy na sinisiraan at nilalapastangan ng sangkatauhan ang Diyos, at sa mga huling araw, lalo pang lumakas ang mga puwersa sa buong sangkatauhan na lumalaban sa Diyos, nang may mas maraming tinig na naninira at kumokondena sa Diyos. Gumagamit ang sangkatauhan ng iba’t ibang pamamaraan, sa pamamagitan ng mga pahayagan, telebisyon, internet, at ibang midya, para siraan at batikusin ang Diyos. Pero kahit kailan ba ay nahimay na natin ang mga tsismis na ito sa lahat ng pagtitipon natin? (Hindi.) Bakit hindi? Sinasabi ng ilang tao, “Ito ba ay dahil ang inosente ay nananatiling inosente, at ang mga tsismis ay namamatay kapag nakakaabot ang mga ito sa marurunong?” Iyon ba ang dahilan? (Ang mga tsismis na ito ay talagang hindi nakaaapekto sa gawain ng Diyos. Paano man nanggugulo si Satanas, hindi nito masasabotahe o mahahadlangan ang pag-usad ng gawain at plano ng Diyos.) Gayon mismong bagay si Satanas; hangga’t kumikilos ang Diyos, hangga’t gumagawa ang Diyos, dumarating ito para manggulo. Ito mismo ang papel na ginagampanan nito. Ayos lang ba na pigilan mo itong gumanap? Kailangan mo itong bigyan ng sapat na puwang, sapat na entablado, sapat na oportunidad para makaganap. Kapag sapat na ang naging paggampan nito, kapag napagod na ito sa panggugulo nito, at nakagawa na ng sapat na kasamaan, tapos na ang mga araw nito. Hindi natin kailangang mag-aksaya ng mahalagang oras sa paghihimay at pagsusuri ng iba’t ibang tsismis at masasamang gawa nito para pabulaanan ang mga tsismis na ito; walang silbi at walang halaga ang paggawa niyon. Ano ang silbi ng paghihimay ng mga iyon? Marerepresenta ba nito ang pagkaunawa ng mga tao sa katotohanan? Napakaraming katotohanan ang dapat maunawaan ng mga tao; ni hindi nila kayang makinig sa lahat ng katotohanang ito, lalong hindi nila kayang pabulaanan ang mga tsismis na ito. May gayong libreng oras ba ang mga tao? Sa totoo lang, hindi talaga Ako interesado sa mga usaping iyon, ni hindi Ako handang banggitin ang mga iyon o bigyang-pansin ang mga iyon. Sinasabi ng ilang tao, “Sa mga taon na ito, hindi Ka ba nangangahas na pumunta kahit saan? Dahil ba napakaraming tsismis na naglipana kaya palagi Kang balisa at takot saan Ka man magpunta?” Sinasabi Ko na wala Akong anumang nararamdaman. Sinasabi ng ilang tao, “Ayaw Mo bang ipagtanggol ang sarili Mo laban sa mga bagay na hindi Mo naman ginawa?” Ano pa ba ang kailangang ipagtanggol? Ni hindi Ko na nga matugunan ang mga marapat Kong gawain! Nakikipag-usap Ako sa mga tao, sa mga nilikha, hindi sa mga diyablo. Tinatanong ng ilang tao, “Hindi Ka ba nagagalit kapag naririnig Mo ang mga tsismis na ito?” Sinasabi Ko na wala Akong nararamdaman tungkol sa mga ito, walang ipinapadama sa Akin ang mga ito; hindi Ko binibigyang-pansin ang mga usaping ito. Tinatanong ng ilang tao, “Hindi Mo ba nararamdamang naaagrabyado Ka?” Sinasabi Ko na hindi Ko nararamdamang naaagrabyado Ako, bakit Ko naman mararamdaman na naaagrabyado Ako? Gawin ang kaya Ko, gawin ang nararapat Kong gawin, gawin nang maayos ang kaya at dapat Kong gawin, tuparin ang mga responsabilidad Ko—iyon ang pinakamainam na bagay, makabuluhan iyon. Hindi maaagaw ang atensiyon Ko o hindi Ako gugugol ng oras sa mga bagay na iyon na walang kabuluhan, walang halaga. Wala Akong oras para bigyang-pansin ang mga usaping iyon. Sinasabi ng ilang tao, “Paano naman kapag may libreng oras Ka, bibigyang-pansin Mo ba ang mga ito kung magkagayon?” Hindi, kahit na may libreng oras Ako. Mas gugustuhin Ko pang kausapin ang aso Ko kaysa makipag-usap sa mga diyablo. Kung malinaw sa iyo na isang diyablo ang naglilitanya nitong mga maladiyablong salita, bakit mo pa ito bibigyang-pansin? Hindi ka na talaga dapat magbigay-pansin; ang hayaan ang diyablo na lubusang mapahiya ay ang tamang bagay na dapat gawin. Sa madaling salita, ang saloobin ng Diyos sa mga tsismis na ito ay ang sumusunod: Sa paggawa ng anuman o pagsabi ng bawat pangungusap, hindi pinapangatwiranan ng Diyos ang sarili Niya, hindi Niya pinapatunayan ang sarili Niya sa sangkatauhan, at tiyak na hindi Niya pinapangatwiranan ang sarili Niya kay Satanas, sa kaaway Niya, sinasabing Siya ay dalisay at inosente, at walang kasalanan. Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay para sa Kanyang pamamahala, para iligtas ang mga taong layon Niyang iligtas. Sinusunod Niya nang hakbang-hakbang ang Kanyang plano ng pamamahala; hindi Niya ito ginagawa para ipakita ang anumang bagay sa sinuman, ni para kumpirmahin ang pagkakakilanlan Niya. Sa pagsasalita gamit ang mga salita ng tao, ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay ginagawa nang likas nang walang anumang kawalan ng sinseridad o pagiging pasibo. Ang likas na pagsasakatuparan ng Diyos sa lahat ng gampaning ito ay nagkukumpirma sa Kanyang pagkakakilanlan at sa Kanyang diwa. Hindi kayang baguhin ng sangkatauhan ang plano ng Diyos, ni hindi nila kayang lagpasan ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos; isa itong katunayan. Samakatwid, binabalewala ng Diyos ang mga tsismis at maladiyablong salita na bumabatikos at naninira sa Kanya mula sa anumang panig sa loob ng sangkatauhan. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t magiging masyadong madali para sa Diyos na magbigkas ng isang kabanata ng mga salita o magsulat ng pagkondena para tuligsain ang mga pambabatikos at pagtutol laban sa Diyos ng mga ateistang naghaharing partido sa mundo at ng relihiyosong mundo? Pero hindi kikilos ang Diyos nang ganito kay Satanas. Kumikilos ang Diyos ayon sa mga prinsipyo; pagdating sa pagwasak ng Diyos sa masasamang puwersa ni Satanas, may sarili Siyang tiyempo. Para sa Diyos, masyadong madali ang pagkilos. Maaaring gumampan ng mga kamangha-manghang gawa ang Diyos sa mga kalangitan, at bigla na lang magbubukas ang kalangitan na may tinig na nagsasabing, “Ako ang nag-iisang tunay na Diyos na inyong sinisiraan, binabatikos, at nilalapastangan; Ako ang Makapangyarihan sa lahat na kasalukuyan ninyong sinisiraan at nilalapastangan!” Kapag narinig nila ito, agad na magugulat at maguguluhan ang sangkatauhan, nagagawa lang nilang magpatirapa sa lupa, tumatangis sila at nagngangalit ang kanilang mga ngipin. Ang isang pangungusap na ito ay lulutas sa lahat ng bagay, magpapatunay sa lahat ng bagay; may sinuman bang mangangahas na insultuhin ang Diyos kung magkagayon? Hindi ba’t matatakot ang mga diyablong iyon sa relihiyosong mundo na maglalaho na lang sila nang walang bakas? Nag-iimbento si Satanas ng mga tsismis tungkol sa Diyos, sinisiraan at binabatikos nito ang Diyos, kaya iyong mga nananampalataya sa Diyos ay nagagalit at namumuhi, hindi makakain o makatulog, gustong magsulat ng mga artikulo at gumawa ng mga programa para pabulaanan ito, habang kumikilos nang simple ang Diyos—puwedeng magsalita lang ang Diyos ng ilang pangungusap at ganap nang susuko ang buong sangkatauhan, hindi na mangangahas na batikusin at lapastanganin Siya. Paano ginawang masunurin si Pablo? (Nagpakita sa kanya ang Diyos sa daan patungong Damascus.) Nagpakita sa kanya ang Diyos. Ang totoo, wala siyang nakita; mayroon lang liwanag na sobrang kinatakutan ni Pablo na nagpatirapa siya sa lupa, at hindi na siya nangahas na usigin si Jesus. Ganoon kasimple ang pangangasiwa kay Satanas; ang totoo, masyado itong madali para sa Diyos. Kaya itong ayusin ng Diyos gamit lang ang isang salita. Ang paggawa nito ay magiging mas madali kaysa sa paggugol ng ilang dekada sa pakikipag-usap sa inyo at paggugol ng lahat ng pagsisikap na ito sa inyo, pero hindi kumikilos ang Diyos sa ganitong paraan. Bakit? May lihim na dapat Kong sabihin sa inyo: Ang mga tao ang inililigtas ng Diyos, ibig sabihin, iyong mga taong hinirang ng Diyos; ang iba pa, ang mga hindi hinirang ng Diyos, ay hindi itinuturing na mga tao kundi mga hayop, diyablo, hindi karapat-dapat na makarinig sa tinig ng Diyos, makakita sa mukha ng Diyos, at lalong hindi karapat-dapat na makaalam sa anumang impormasyon tungkol sa Diyos. Kaya naman, hindi kumikilos ang Diyos sa ganitong paraan. Kagalang-galang ang pagkakakilanlan ng Diyos; hindi Siya maaaring makita ng sinumang gustong makakita sa Kanya, at hindi Siya magpapakita sa isang tao dahil ito ay tutok, sabik, at buong-pusong nakatingala sa isang partikular na lugar sa kalangitan. Sa tingin mo ba, maaaring makita ang Diyos ng sinumang gustong makakita sa Kanya? May dignidad ang Diyos; nagpapakita ang Diyos sa mga taong may takot sa Kanya at umiiwas sa kasamaan, nagpapakita Siya sa mga banal na lugar at nagtatago mula sa maruruming lugar. Hindi na kailangan pang pagtalakayan kung ang buong sangkatauhan ay marumi o banal. Ang sangkatauhang ito ay hindi karapat-dapat na makakita sa Diyos; hindi nila kinikilala na mayroong Diyos, kaya bakit magpapakita ang Diyos sa kanila? Hindi sila karapat-dapat! May kakayahan ang Diyos na gumawa ng mga bagay pero hindi Niya ginagawa ang mga ito; kinukumpirma nito ang kababaang-loob at pagiging tago ng Diyos, at ang pagiging kagalang-galang ng pagkakakilanlan Niya. Sabihin mo sa Akin, kung kaya ni Satanas na gawin ang mga bagay na iyon, ilang beses sa isang araw nito gagawin ang mga iyon, gaano ito magpapakitang-gilas? Kapag ang mga taong natiwali ni Satanas ay may hawak na maliit na posisyon at may kaunting kapangyarihan, sino ang nakaaalam kung gaano nila ipangangalandakan ang kapangyarihang ito—lalo na si Satanas, aabusuhin at ipangangalandakan nito ang anumang kaunting kapangyarihang taglay nito sa mga kahindik-hindik na paraan. Hindi kumikilos ang Diyos sa ganitong paraan; huwag sukatin ang Diyos gamit ang lohika ni Satanas, isa iyong magiging malaking pagkakamali. Tungkol naman sa kung ano ang kayang gawin ng Diyos, depende na sa Diyos kung gusto Niya itong gawin; kung gusto ng Diyos, maaari itong gawin sa loob ng ilang sandali, at kung ayaw Niya, walang makapipilit sa Kanya. Ganito lang ang saloobin ng Diyos sa mga tsismis—hindi Niya pinapansin ang mga ito. Ginagawa pa rin ng Diyos ang nararapat Niyang gawin, ang layon Niyang gawin; walang tao, walang puwersa ang makasisira o makapagbabago sa plano Niya. Walang nababago ang mga tsismis na ito na bumabatikos, naninira, at nangmamaliit sa Diyos. Kung tutuusin, ang mga tsismis ay tsismis lang at hindi kailanman magiging mga katunayan. Kahit na naaayon ang mga ito sa pilosopiya, agham, moralidad, teorya ng tao, at iba pa, kahit na tumindig ang buong sangkatauhan para batikusin ang Diyos, ang katotohanan ay hindi titindig sa panig ng sangkatauhan, ni hindi tataglayin ng sangkatauhan ang katotohanan. Ang Diyos ay Diyos magpakailanman; hindi kailanman nagbabago ang pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos. Kaya, gaano man manggulo si Satanas, umuusad pa rin ang gawain ng Diyos sa maayos na paraan, dahil gawain ito ng Diyos. Kung gawain ito ng tao, nawasak at tumigil na sana ito sa pag-iral dahil sa mga gayong panggugulo ng rehimen ni Satanas at dahil sa iba’t ibang pambabatikos at paninira ng mga puwersang panlipunan. Saka lang mas sumasagana ang iglesia kapag nagsasalita at gumagawa ang Diyos, kapag gumagawa ang Banal na Espiritu. Hindi ba’t isa itong katunayan? Nakita na ba ninyo ang katunayang ito? (Oo, nakita na namin.) Ano ang nakita ninyo? (Ang ebanghelyo ng kaharian ay lumaganap na sa dose-dosenang mga bansa, at ang mga tsismis na iyon na inimbento at ipinakalat ni Satanas ay hindi talaga nakapigil sa mga nagmamahal sa katotohanan na bumaling sa Diyos.) Gawa ito ng Diyos; kayang makamit ng gawain ng Diyos ang ganitong epekto, kayang makamit ng mga salita ng Diyos ang ganitong epekto—lampas ito sa mga inaasahan ni Satanas. May gayon kalaking kapangyarihan ang mga salita ng Diyos; ang ebanghelyo ay lumalaganap sa isang mabuting direksiyon at umuusad nang maayos ang lahat ng bagay ayon sa plano ng Diyos, nang walang anumang pagkakaiba. Lumalaganap sa hinirang na mga tao ng Diyos ang gawain ng Diyos at ang mga salita ng Diyos, gaya nang matagal nang itinakda. Parami nang parami kada buwan ang bilang ng mga taong nakakamit mula sa pangangaral ng ebanghelyo at ang bilang ng mga taong nagsisiyasat sa tunay na daan. Hindi ba’t ipinapakita nito kung paano lumalaganap ang gawain ng ebanghelyo? Kung hindi ito gawain ng Diyos, kahit gaano karaming tao ang nagbayad ng kahit gaano kalaking halaga, hindi nila makakamit ang epektong ito. Ito ang dakilang kapangyarihan ng Diyos, ang epektong nakakamit ng kapangyarihan ng mga salita ng Diyos.

Bumalik tayo sa pagtatalakayan sa kung paano tinatrato ng mga tao ang iba’t ibang tsismis. Hindi kaya ng mga tao na makamit ang saloobing pareho sa Diyos patungkol sa iba’t ibang tsismis. Hindi nila nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, at kapag nakaririnig sila ng mga tsismis, palagi nilang nararamdaman: “Kung wala akong gagawin, mabibigo ko ang konsensiya ko. Kung mamamayani ang mga taong nag-iimbento ng mga tsismis, hindi ako mapapalagay, hindi masisiyahan, at sasama ang loob ko, makararamdam ako ng kawalan ng balanse, kaya dapat kong pabulaanan ang mga ito. Dapat akong gumawa ng video, o magsulat ng artikulong naglilinaw sa mga tsismis.” Mahalagang pagnilayan kung ang paggawa ng mga bagay nang may gayong mentalidad ay naaayon sa mga layunin ng Diyos, kung tumutugon ba ang mga ito sa mga katotohanang prinsipyo. Kung ang layon at motibasyon ninyo sa paggawa ng gawain ng iglesia at sa mga tungkulin ninyo ay para lang linawin ang mga tsismis at malinaw na ipaliwanag na sa tunay na Diyos kayo nananampalataya, na nasa tamang landas kayo sa buhay, at na makatarungan ang lahat ng ginawa ninyo para ipangaral ang ebanghelyo at magpatotoo sa Diyos—at na dahil lang hindi nakaaalam o nakauunawa sa katotohanan ang mundo sa lahat ng katunayang ito kaya inaakusahan nila kayo ng maraming krimen na walang batayan—at kaya umaasa kayo na kapag nalinaw na ang lahat ng bagay, kikilalanin kayo ng mundo bilang inosente, na magkakaisang kikilalanin ng lahat ng partido sa mundo na “sa tunay na Diyos kayo nananampalataya, nasa tamang landas kayo sa buhay, at na tama at makatarungan ang lahat ng ipinagawa sa inyo ng Diyos,” pagkatapos ay ano na? Mararamdaman ba ninyo na panatag na kayo at na may katwiran kayo sa pananampalataya ninyo? Matatahak na ba ninyo ang tamang landas sa pananampalataya sa Diyos? Matatahak na ba ninyo ang landas ng kaligtasan nang walang anumang pakikialam mula sa labas? Magkakaroon ba kayo ng may-takot-sa-Diyos na puso? Makapagkakamit ba kayo ng pagpapasakop sa Diyos? Makatatanggap ba kayo ng pagsang-ayon ng Diyos? (Hindi.) Posible bang hindi magkamali ng pagkaunawa sa inyo ang mga tao at purihin at galangin lang nila kayo, pagkatapos niyon ay makapananampalataya ka na sa Diyos nang may malinis na konsensiya? Hinding-hindi! Siyempre, hindi kayang makamit ng mga tao ang saloobin sa mga tsismis na pareho sa Diyos, pero ang isang tao ay dapat na may tamang perspektiba, may tumpak na saloobin at tindig, sinasabi: “Ang mga tsismis na ito ay kamuhi-muhi at kasuklam-suklam nga. Mula sa mga tsismis na ito, makikita na ang tiwaling sangkatauhang ito ay kaaway nga ng Diyos; ganap na tama ito! Hindi ko dapat husgahan kung ang gawain ng Diyos ay totoo o huwad batay sa mga tsismis ni Satanas. Sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos at sa pamamagitan ng mga karanasan sa paggawa ng tungkulin ko, kinukumpirma ko na lahat ng salita ng Diyos ay ang katotohanan, at lahat ng ginagawa Niya ay nagtutulot sa mga tao na maligtas. Dahil humarap ako sa Diyos ngayon para tanggapin ang pagliligtas Niya, dapat kong gawin ang tungkulin ko, at tuparin ang mga obligasyon at responsabilidad ko para ipalaganap ang mga salita ng Diyos, iproklama ang pangalan Niya, at magpatotoo sa gawain ng Diyos at sa mga layunin Niya, para ang mga pinipili ng Diyos ay maaaring bumalik sa sambahayan ng Diyos, marinig ang tinig Niya, at matanggap ang panustos ng mga salita at buhay mula sa Kanya nang mabilis at sa lalong madaling panahon. Ito ang obligasyon ko, ang responsabilidad ko. Nakikipagtulungan ako sa gawain ng Diyos, pero hindi para pangatwiranan na ang landas na sinusundan ko ay ang tamang landas o na ang pakay ko ay makatarungan—hindi para sa mga bagay na ito. Hindi ko ginagawa ang tungkulin ko para maghiganti laban sa mga pambabatikos at paninira ni Satanas laban sa Diyos. Sa halip, tinutupad ko ang sarili kong mga obligasyon at responsabilidad, at siyempre, ang sarili kong katapatan, para suklian ang pagmamahal ng Diyos, tanggapin ang atas ng Diyos, at makipagtulungan sa gawain ng Diyos.” Ito ba ang tamang perspektiba? Ito ba ang perspektibang dapat mayroon ang mga tao? (Oo.) Mula sa anggulong ito, kapag lumilikha ng iba’t ibang programa, ito man ay pag-awit ng mga himno, pagsayaw, paggawa ng mga pelikula, o paggawa ng mga dula tungkol sa mga patotoong batay sa karanasan, hindi ba’t dapat na sumailalim sa ilang pagbabago ang tindig ng mga tao, ang anggulo kung saan sila tumitindig, at ang ilang partikular na pahayag nila? (Oo.) Gayumpaman, karamihan ng tao, habang ginagampanan ang lahat ng gampaning ito, ay gumawa nito nang may pagkamainitin ng ulo at may pagkamuhi, at may halong mga emosyon ng tao. Samakatwid, masyadong marami ang inilantad nila tungkol sa mga kilos at pag-uugali ng mga walang pananampalataya, ng naghaharing partido, at ng relihiyosong mundo, at naging masyadong malupit ang mga salita nila, nag-iiwan ng medyo negatibong epekto sa iba pagkatapos tingnan ng mga ito ang mga gayong programa. Simple ang dahilan: Ginagawa ng mga tao ang lahat ng aktibidad na ito nang may partikular na emosyon, mula sa medyo hindi tamang anggulo. At nararamdaman pa rin ng mga tao na medyo makatarungan ito, sinasabi nila: “Binabatikos, minamaliit nila tayo at nag-iimbento sila ng mga tsismis tungkol sa atin; ano ang mali sa paglalantad sa kanila? Ito ay lehitimong pagtatanggol sa sarili! Ang lehitimong pagtatanggol sa sarili ay hindi ilegal, ni hindi tayo nag-iimbento ng mga bagay-bagay; hinihimay nating lahat ang mga bagay batay sa mga katunayan. Nag-iimbento sila ng mga tsismis tungkol sa atin nang walang batayan; mali ba na ilantad at himayin natin sila? Hindi ba tayo puwedeng gumanti?” Ano ang silbi ng paghihiganti? Ang mga diyablo ay puno ng mga kasinungalingan at hindi kailanman nagsasabi ng kahit isang makatotohanang pahayag; palaging hinihimay ang mga kasinungalingan para mapagtanto nila na ang sinasabi nila ay mga kasinungalingan at para pagkatapos nilang umamin sa pagsisinungaling ay hindi na sila magsinungaling muli—may anumang halaga ba roon? Kaya ba nila itong makamit? (Hindi.) Hindi ba’t hangal at mangmang ang pamamaraang iyon? Matagal Ko nang sinabi na ang pangunahin nating gampanin ay ang magpatotoo sa gawain ng Diyos, sa mga epektong nakakamit ng gawain Niya, sa Kanyang mga salita, at sa epekto ng mga salita Niya sa mga tao, at tungkol naman sa panunupil at pag-uusig ng naghaharing partido, at sa paglaban at pagkondena ng relihiyosong mundo, sapat nang banggitin lang nang saglit ang ilang pinagmulang nasasangkot. Pero hindi makaunawa ang mga tao paano man nila ito marinig. Palagi nilang tinatrato ang mga isyung ito nang may pagkamainitin ng ulo at palagi nilang gustong makipagtalo. At ano ang resulta? Wala man lang itong nagiging epekto, dahil hindi na mapapangatwiranan ang masasamang puwersa ni Satanas. Hindi ba’t ito ang kahangalan at kamangmangan ng mga tao?

Ang ilang tao ay nangangaral ng ebanghelyo, natututo ng ilang teknikal na propesyon, o gumagawa ng partikular na uri ng tungkulin, nang may natatanging motibasyon na linawin ang mga tsismis at ipaliwanag sa mga tao kung ano ang totoo, nagdedeklara ng digmaan sa madilim na mundo at sa masasamang taong lumalaban sa Diyos. Makatarungan ba ito? Tama ka man o mali sa paggawa nito, kailangan mong maunawaan: Ililigtas ba ng Diyos iyong mga buktot na taong mapanlaban sa Kanya? May anumang halaga ba ang paggawa mo rito? Kung hindi mo nauunawaan kung anong uri ng mga tao ang inililigtas ng Diyos at palagi kang nagpapahayag ng ilang pananaw na tila tama pero sa aktuwal ay mali, hindi ba’t hinahadlangan nito ang sarili mong kaligtasan? Ang ilang tao ay gumagawa ng tungkulin nila para lang labanan ang masasamang puwersa na lumalaban sa Diyos at para kontrahin ang mga makamundong kalakaran. “Sinasabi nila na pinapabayaan natin ang mga pamilya natin at na hindi tayo namumuhay ng normal na buhay, kaya gusto kong patunayan ang sarili ko sa pamamagitan ng paggawa nang maayos sa mga tungkulin ko. Sa hinaharap, kapag pumunta ako sa langit at nakapasok ako sa kaharian at sila ay hinatulan, makikita nilang tama ako!” Ano ang silbi ng pagpapatunay sa sarili mo sa ganoong paraan? Kahit napatunayan mo na ang sarili mo, ano ang silbi nito? Ano ang kinakatawan nito? Ano ang halaga niyon? Kung tunay na matutulutan ka nitong makapasok sa kaharian at makamit ang pagsang-ayon ng Diyos, magiging sulit ito, at magiging tama ang landas mo. Pero sa kasawiang palad, ang landas na ito ay hindi posible. Hindi ito ang landas na pauna nang itinakda ng Diyos para sa mga tao, at hindi hinihingi ng Diyos sa mga tao na kumilos sa ganitong paraan. Ang mga tao ay palaging hangal, iniisip na dahil pumapanig sila sa katotohanan at taglay nila ang katotohanan, dapat nilang akuin ang mga makatarungang pakay, magdeklara ng digmaan laban sa masamang mundong ito at sa lahat ng nag-iimbento ng mga tsismis: “Nananampalataya kami sa Diyos at sumusunod sa Diyos, ginagawa namin ang tungkulin namin—ipapakita namin sa inyo kung sino ang nasa tamang landas!” Hindi ba’t ito ay pagkamainitin ng ulo? May anumang silbi ba ang pakikipagtalo tungkol sa mga bagay na ito? Wala talaga itong halaga. Kung talagang may oras at lakas ka, mas mainam na mag-aral pa tungkol sa isang propesyon, na mag-aral ng higit pang kaalaman at pangkaraniwang kaalamang nauugnay sa isang propesyon. Kapaki-pakinabang at sumusuporta ito sa paggampan mo ng tungkulin. Bakit ka palaging nakikipaglaban sa masasamang puwersa ng mundo? Bakit palagi kang nakikipaglaban sa mga tsismis? Hindi ba’t paggugol ito ng pagsisikap kung saan hindi naman ito kinakailangan? Paano ka man binabatikos ng iba, hindi na sila kailangang pansinin. Sila ay may maladiyablong kalikasan, at mga halimaw, sadyang ganoong uri sila; hindi sila inililigtas ng Diyos, hindi sila binabago ng Diyos, at hindi sila kinakausap ng Diyos. Hindi sila pinapansin ng Diyos, kaya kailangan mo ba silang pansinin? Kung matigas na nagpupumilit ang mga tao na gawin ang hindi ginagawa ng Diyos, hindi ba’t medyo hangal ito at walang karunungan? Sa pinakamababa, isa kang taong walang pusong nagpapasakop sa Diyos, at hindi mo minamahal ang minamahal ng Diyos, o kinamumuhian ang kinamumuhian ng Diyos. Hindi mo nakikita kung ano ang saloobin ng Diyos sa mga bagay na ito—hindi pinapansin ng Diyos ang mga ito; ni hindi mo napagtatanto kung bakit ganoon. Sa bawat isa sa tatlong yugto ng gawain ng Diyos, nagsabi ang Diyos ng maraming salita. Maraming pag-uusap sa pagitan ng Diyos at ng sangkatauhan, at mula sa mga pag-uusap na ito, makikita ng isang tao ang mga layunin ng Diyos, ang disposisyon, at diwa ng Diyos. Gayumpaman, hindi kailanman tinatalakay ng Diyos kung paano Siya nakikipag-usap kay Satanas sa mga partikular na usapin, at kaya nailalantad si Satanas, tinutulutan ang sangkatauhan na malinaw na makita ang tunay na mukha ni Satanas, at malinaw na makita kung paano tinatrato ni Satanas ang Diyos. Napakaraming gayong usapin, pero hindi binabanggit ng Diyos ang mga ito. Bakit hindi binabanggit ng Diyos ang mga ito? Dahil walang pakinabang sa iyo ang pagtalakay sa mga bagay na iyon. Ang pinakakapaki-pakinabang sa iyo ay ang mga salita ng buhay ng Diyos; ang mga salitang ito na magbibigay sa iyo ng kakayahang lumapit sa Diyos at maging isang taong nagpapasakop sa Diyos, at may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan ang pinakakapaki-pakinabang sa iyo. Sinasabi sa iyo ng Diyos kung paano mamuhay at kung paano magsalita, pati na rin kung paano kilatisin ang mga tao at usapin at matutong isagawa ang katotohanan at maging marunong sa iba’t ibang kapaligiran at sitwasyon—kapaki-pakinabang sa iyo ang lahat ng ito. Sinasabi at ginagawa ng Diyos ang anumang kapaki-pakinabang sa iyo. Hindi nagsasabi ang Diyos ng ni isang salita na hindi kapaki-pakinabang sa iyo. Hindi ba’t magiging napakadali para sa Diyos na sabihin ang mga salitang iyon? Kaya bakit hindi Niya sinasabi ang mga iyon? Dahil hindi kailangan ng tiwaling sangkatauhan ang mga salitang iyon. Ang mga tsismis na ito ay katumbas ng mga salita ng mga diyablo at ni Satanas, at hindi pinapansin ng Diyos ang mga ito, kaya hindi mo rin dapat labanan ang mga iyon. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Kapag nauunawaan mo na, malalaman mo na kung paano magsagawa, hindi ba? Huwag pagsumikapan ang paghihimay sa mga tsismis, pagpapabulaan sa mga tsismis, paghahanap sa mga pinagmulan ng mga tsismis, at iba pa. Kung talagang may puso ka na magpatotoo sa Diyos at gusto mong manindigan sa patotoo mo at makamit ang pagsang-ayon ng Diyos, napakaraming salita ang puwede mong sabihin at napakaraming bagay ang puwede mong gawin. Ang mga salita at katotohanang itinutustos ng Diyos sa mga tao ay hinihinging pagnilayan at danasin, nang sa gayon ay maging sarili mong mga prinsipyo at mga landas sa pagsasagawa ang mga ito, na sa huli ay magiging sarili mong buhay. Kinakailangan mong paglaanan ng oras at lakas ang pagpapatupad nito. Kung hangal at mangmang ka, palaging pinagsusumikapan ang mga tsismis, palaging gustong linisin ang pangalan mo at linawin ang sarili mo sa mundo, kung gayon ay problema iyon; hindi mo makakamit ang katotohanan, at ganap kang matatali at mapapagod sa mga makamundong tsismis na ito. Sa huli, hindi mo maipaliliwanag nang malinaw ang mga bagay-bagay. Bakit hindi mo maipaliliwanag ang mga ito nang malinaw? Dahil humaharap ka sa diyablo, at nagsasabi ito ng mga tahasang kasinungalingan. Ano ang sinasabi ng diyablo ngayon? Sinasabi ng malaking pulang dragon, “Ang Tsina ang tagapagtanggol ng kaayusan ng mundo, ang tagapagtanggol ng kapayapaan ng mundo, at napakahalaga ng papel nito sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa mundo.” Alin sa mga salitang sinasabi nito ang katunayan? Katunayan ba ang mga salitang ito? Kapag naririnig mo ang mga salitang ito, hindi ka ba nagagalit? Pagkatapos marinig ito, iniisip mong napakawalang kahihiyan ni Satanas para magsabi ng mga gayong bagay. Bakit ka makikipagtalo rito? Hindi ba’t nagiging hangal ka? Sadyang ganitong uri ng bagay ito—ginagamit lang ito ng Diyos para magserbisyo ito, hinding-hindi Niya layon na iligtas o baguhin ito. Hindi ba’t kahangalang makipagtalo rito? Huwag gumawa ng mga gayon kahangal na bagay. Hindi nakikinig sa mga tsismis na ito ang marurunong na tao, ni hindi sila napipigilan ng mga ito. Sinasabi ng ilang tao, “Naguguluhan ako pagkatapos na marinig ang mga tsismis!” Kung gayon ay dapat kang magdasal sa puso mo, gamitin ang katotohanan para kumilatis, at pagkatapos ay isumpa ang mga diyablong iyon at si Satanas, at hindi na magkakaroon ng anumang epekto ang mga tsismis na ito sa puso mo. May isa pang paraan: Dapat mong makilatis ang diwa. Sinasabi mo, “Kahit hindi tumutugma sa mga kuru-kuro ko ang mga kilos ng Diyos at kinokondena at itinatakwil ng tiwaling sangkatauhan ang mga ito, nakikita ko na Siya ang katotohanan, at na walang katotohanan ang mga diyablo at si Satanas. Determinado akong manampalataya sa Diyos! Ang Diyos lang ang makapagliligtas sa akin. May diwa Siya ng Diyos, Siya ang Diyos, at hindi kailanman nagbabago ang diwa Niya. Gaano man labanan ng mga diyablo at ni Satanas ang Diyos, wala silang katotohanan, at hindi ako naniniwala sa mga salita ng diyablo at ni Satanas!” May ganito ka bang pananalig? (Mayroon.) Kung may ganito kang pananalig, hindi ka dapat mabahala sa anumang tao, pangyayari, o bagay, at lalong hindi ka dapat mailihis o maatake ni Satanas. Kung gayon, ano ang dapat mong gawin? Huwag itong pansinin; tumuon lang sa paghahangad sa katotohanan at paninindigan sa patotoo mo, at mapapahiya si Satanas.

Ngayon lang, nagbahaginan tayo tungkol sa ilang isyung may kaugnayan sa pagpapakalat ng mga tsismis sa loob ng iglesia. Karamihan ng tao ay nakarinig ng ilang tsismis mula sa Komunistang gobyerno ng Tsina at sa relihiyosong mundo; nagbahaginan din tayo kanina kung paano tratuhin at pangasiwaan ang mga tsismis na ito. Kapag naunawaan na ng mga tao ang mga katotohanang prinsipyo, hindi na sila malilihis o magugulo ng mga tsismis. Kapag lumitaw sa iglesia ang isang taong nagpapakalat ng mga tsismis, anuman ang paraan o tono ng kanyang pagpapakalat ng anumang mga uri ng tsismis, paano natin dapat harapin ito? Dapat ba nating hayaang mangyari ito nang hindi nakikialam, o dapat ba nating ilantad, himayin, at pangasiwaan ang taong iyon? Aling pamamaraan ang naaayon sa mga prinsipyo? May ilang nagsasabi, “Hindi ba’t may kalayaan sa pananalita? Bakit hindi hayaan ang taong iyon na magsalita? Hayaan siyang magsalita. Matapos makinig sa mga tsismis, kapag nakikilatis na ng lahat ang mga ito sa kung ano ang mga ito, hindi na nila paniniwalaan ang mga maladiyablong salitang ito, at natural na mawawasak ang mga tsismis.” Sinasabi ng iba, “Hindi katanggap-tanggap na magpakalat siya ng mga tsismis at siraan ang Diyos. Hindi natin siya puwedeng hayaang gumawa ng mga bagay na naninira sa Diyos. Dapat natin siyang turuan ng leksiyon para gisingin siya. Nagtiis ang Diyos ng napakaraming pagdurusa para magsalita at gumawa upang iligtas tayo, pero nagpapakalat siya ng mga tsismis. Wala siyang konsensiya! Maiibsan lang ang pagkamuhi natin sa pamamagitan ng pagsumpa sa kanya; kung hindi natin siya pangangasiwaan, bibiguin natin ang Diyos.” Aling paraan ang mabuti? Pawang hindi epektibo ang mga pamamaraang ito. Gaya ng napagbahaginan natin kanina, tiyak na walang silbi iyong mga nagpapakalat ng mga tsismis, at kailangang makilatis ang mga gayong indibidwal. Kung paminsan-minsan lang silang nagpapakalat ng mga tsismis, dapat silang bigyang-babala. Kung palagi silang nagpapakalat ng mga tsismis, dapat silang ilantad, himayin, at pagkatapos ay paalisin sa iglesia, para hindi na nila mailihis o mapinsala ang mga tao. Madali bang pangasiwaan ang usaping ito? Pangangasiwaan ba ninyo ito sa ganitong paraan, o hihintayin ba ninyong magbigay ng mga utos ang mga lider ng iglesia? Kapag natuklasang may isang taong palaging nagpapakalat ng mga tsismis, at na tuwing nagpupunta siya sa isang pagtitipon ay palagi niyang tinatalakay ang mga bagay na ito, hindi kailanman nagbabasa ng mga salita ng Diyos, hindi kailanman nagdarasal, hindi nag-aaral ng mga himno, at higit pa rito, hindi niya ibinabahagi ang kanyang mga pagkaunawang batay sa karanasan sa mga salita ng Diyos, at sa tuwing may sinumang nakikipagbahaginan tungkol sa mga salita ng Diyos at nagbabahagi ng patotoong batay sa karanasan, nakararamdam siya ng pagkasuklam at pagtutol dito, pero hindi siya nakararamdam ng gayong pagkasuklam sa mga tsismis ng mga walang pananampalataya, at labis siyang nasasabik sa mga ito—kapag natuklasan na ang lahat ng ito, bakit pa magiging magalang sa gayong tao? Malinaw na alipin siya ni Satanas na nakapasok sa iglesia para guluhin ang hinirang na mga tao ng Diyos mula sa pagsunod sa Diyos. Tinutulutan mo ba ang panggugulo niya? (Hindi.) Kung hindi mo ito tinutulutan, tumindig ka at sabihin mo, “Si Ganito-at-ganyan ay pumupunta sa iglesia at palaging nagpapakalat ng mga tsismis, hindi nagbabasa ng mga salita ng Diyos, at hindi nagbabahagi ng kanyang pagkaunawang batay sa karanasan sa mga salita ng Diyos. Siya ay hindi mananampalataya at dapat na paalisin sa iglesia. May anumang pagtutol ba ang sinuman?” Kung sinasabi ng lahat na wala silang mga pagtutol at nagtataas sila ng kamay bilang pagsang-ayon, kung gayon ay dapat na paalisin ang taong iyon. Hindi ba’t kasiya-siyang pangasiwaan ang tsismoso sa ganitong paraan? (Oo.) Ganito dapat pangasiwaan ang mga gayong tao.