Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (18) Ikalawang Seksiyon
C. Paano Tratuhin ang Walang Batayang mga Tsismis ng Gobyerno ng CCP at ng Relihiyosong Mundong Naninira at Bumabatikos sa Diyos
Ang gobyerno ng Komunistang Tsina at ang relihiyosong mundo ay nag-imbento ng maraming walang batayang tsismis tungkol sa sambahayan ng Diyos, huwad na sinasabing namimilit ang mga kapatid na tanggapin ng mga tao ang ebanghelyo, at iba pa. Ano ang nararamdaman ninyo pagkarinig sa mga tsismis na ito? (Galit, masama ang loob.) Ang mga tsismis na ito ay tungkol sa inyo, at masama ang loob ninyo. Gaano kasama ang loob ninyo? Gusto ba ninyong hanapin ang mga taong nag-iimbento ng mga tsismis at makipagtalo sa kanila, turuan sila ng leksiyon? (Oo.) Ang mga tsismis na ito ay paimbabaw na pumupuntirya sa iglesia, pero ang totoo, sangkot sa mga ito ang bawat miyembro ng iglesia at ang reputasyon at integridad ng bawat miyembro. Pagkarinig sa mga ito ay sumasama ang loob ninyo, sinasabi ninyo, “Hindi namin ginawa iyon! Ipinapangaral namin ang ebanghelyo ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Para sa mga tao na ayaw manampalataya sa Diyos, hindi namin sila pinipilit kahit kailan. Boluntaryo ang pananampalataya. Hindi namin kailanman pinupuwersa ang sinuman, lalong hindi namin pinipinsala o ginagantihan ang mga tao. Taliwas dito, kaming mga nangangaral ng ebanghelyo ay brutal na nabugbog ng mga relihiyosong tao at isinumbong nila kami sa mga pulis, ibinigay sa malaking pulang dragon para pahirapan; napakarami sa amin ang nakulong, at marami-rami ang nakulong pa nga sa mga pribadong bilangguang itinayo ng mga relihiyosong tao. Kami ang mga naaagrabyado!” Pagkarinig sa mga tsismis na ito, sumasama ang loob ninyo at palagi ninyong gustong makipagtalo sa kanila. May ganito kayong reaksiyon dahil ang mga tsismis na ito ay direktang bumabatikos at nangmamaliit sa iglesia at sa hinirang na mga tao ng Diyos. Ano ang nararamdaman ninyo kapag naririnig ninyo ang mga tsismis na nangmamaliit at humuhusga sa Diyos? Hindi sangkot sa mga ito ang mga personal ninyong interes o ang integridad at dignidad ninyo; mga tsismis ang mga ito tungkol sa Diyos. Halimbawa, noong nanampalataya ka kay Jesus noon, sinabi ng ilang tao na isinilang si Jesus ng isang birhen at wala Siyang ama. Ano ang naramdaman mo nang marinig mo iyon? Ginusto mo bang makipagtalo sa kanila? “Sa Diyos kami sumasampalataya!” Pagkatapos ay pinag-isipan mo ito: “Si Maria ay isang birhen, at si Jesus ay ipinanganak ng isang birhen, ipinaglihi ng Banal na Espiritu. Isa itong katunayan, pero magaspang itong tinatalakay ng mga walang pananampalataya, at ayaw kong marinig iyon!” Sa pinakamatindi ay maaaring may mga gayon kang damdamin, pero sa puso mo, nararamdaman mo pa rin na ang paglilihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ay mahigpit na taliwas sa mga kuru-kuro ng tao. Hindi mo mapaniwalaan ang usaping ito dahil naniniwala ka sa agham; hindi ka nananampalataya sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos mula sa puso mo, ni hindi ka naniniwala na katotohanan ang lahat ng sinasabi at ginagawa ng Diyos, at pagkatapos ay hindi mo pabubulaanan ang mga maladiyablong salita ng mga hindi mananampalataya. Dahil hindi mo taglay ang katotohanan at hindi mo nauunawaan ang katotohanan, sa pinakamainam, para sa iyo ay hindi kaaya-ayang pakinggan ang mga tsismis na pinag-uusapan ng mga tao, at iniisip mo na hindi dapat magsalita ang mga tao sa ganoong paraan dahil sangkot sa mga tsismis na ito ang reputasyon mo; iniisip mo, “Labis na kasuklam-suklam at ubod ng sama ang mga walang pananampalataya! Ang kapal ng mukha nilang gumamit ng anumang maruming salita; tunay na sila ay mga hindi mananampalataya! Tunay na mga diyablo sila!” Iyon lang, at iyon na ang pinakamainam na kaya mong makamit. Bakit ka nagagalit at bakit para sa iyo ay ubod ng sama at kasuklam-suklam ang mga walang pananampalataya pagkatapos mong marinig na sabihin nila ang mga gayong tsismis? Dahil sangkot sa mga ito ang reputasyon mo; nagagalit ang puso mo sa mga tsismis na ito, kaya napapahiya ka, kaya napupukaw ng mga ito ang galit mo, at tumitindig ka para magsabi ng ilang positibong salita para pabulaanan ang mga ito. Ganap bang pagpanig sa Diyos ang gayong pagpapabulaan? Ito ba ay para ipagtanggol ang patotoo ng Diyos? Hindi, ito ay ganap na para ipagtanggol ang sarili mong reputasyon at dignidad. Bakit sinasabi ito? Dahil hindi mo nakikilatis ang diwa ng problema; higit pa rito, hindi mo nauunawaan ang mga layunin ng Diyos o kung ano ang hinihingi ng Diyos sa iyo. Ang nauunawaan at nararamdaman mo ay hindi naaayon sa mga layunin ng Diyos; ito ay pagkamainitin lang ng ulo ng tao at mabuting pag-uugali ng tao. Ang mabuting pag-uugali ng tao ay hindi kumakatawan sa pagpapatotoo mo sa Diyos. Hindi ka naninindigan sa patotoo mo; ipinagtatanggol mo lang ang reputasyon at dignidad mo, pinabubulaanan mo ang mga tsismis para palubagin nang kaunti ang konsensiya mo—hindi ka pumapanig sa Diyos para magsalita para sa Kanya, ni hindi mo ginagamit ang katotohanan o mga katunayan para pabulaanan ang mga tsismis at magpatotoo sa Diyos. Hindi ka nagsasalita para sa Diyos, at ang sinasabi mo ay tiyak na hindi naaayon sa katotohanan; naaayon lang ito sa mga interes ng laman mo—ito ay para lang hindi masyadong malungkot ang puso mo, at para hindi mo maramdamang nakakahiya ang manampalataya sa Panginoong Jesus. Iyon lang. Samakatwid, kapag naririnig ninyong binabatikos at kinokondena ng isang tao ang Diyos, minamasama at hinuhusgahan ang iglesia ng Diyos, o kinokondena pa nga kayo, labis na sumasama ang loob ninyo at gusto ninyong makipagtalo at makipagdebate sa taong ito, para maibalik ang reputasyon ninyo at linawin ang mga usaping ito. Pero nangangahulugan ba ito na nanindigan kayo sa patotoo ninyo? Malayo pa ito roon; kung walang pagkaunawa sa katotohanan, walang patotoo!
Kapag nakaririnig kayo ng mga tsismis na kumakalat sa mundo sa labas na naninira at bumabatikos sa Diyos, binabatikos man ng mga ito ang Diyos sa langit o ang Diyos na nagkatawang-tao sa lupa, ano ang nararamdaman ninyo? Wala ba kayong pakialam, o nakararamdam ba kayo ng kaunting kirot? Hindi ba ninyo ito matanggap at hindi ba kayo sang-ayon dito, o pakiramdam ba ninyo ay wala kayong magawa? Ang ilang tao, matapos marinig ang mga tsismis na ito, ay nag-iisip na, “Inosente ang Diyos; hindi ginawa ng Diyos ang mga bagay na ito. Bakit Siya binabatikos at sinisiraan ng mundo at ng relihiyosong mundo nang ganito? Dapat masipag nating gugulin ang sarili natin at gawin ang mga tungkulin natin, at ipagtanggol ang pangalan ng Diyos. Kapag naisakatuparan na ang dakilang gawain ng Diyos, mabubunyag ang katotohanan ng lahat ng bagay, at makikita ng lahat ng tao sa mundo na ang Diyos na nagkatawang-tao na sinasampalatayanan natin ay ang nag-iisang tunay na Diyos, ang Diyos sa langit, at na hinding-hindi ito mali!” Iniisip naman ng iba, “Napakaraming katotohanan ang ipinahayag ng Diyos, at alam na alam ng mga di-nananampalatayang masamang tao at diyablong ito na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, pero sinisiraan at binabatikos pa rin nila ang Diyos. Gaano katagal ba kailangang magdusa ng Diyos?” Sinasabi pa rin ng iba, “Puwedeng sabihin ng mga tao ang anumang gusto nila; hindi natin sila pinapansin. Hindi kailanman pinabulaanan ng Diyos ang mga tsismis na naninira sa Kanya; hindi Siya tumutugon sa mga ito. Kung gayon, ano ang magagawa natin bilang maliliit na tao? Hindi ba’t palagi namang hindi nauunawaan, binabatikos, nilalapastangan, at itinatakwil ng sangkatauhan ang Diyos nang gaya nito? Walang anumang reklamo ang Diyos, at inililigtas pa rin Niya ang mga tao. Hayaang ang panahon ang magbunyag ng lahat ng bagay; ang Diyos Mismo ang magpapatotoo sa Kanyang sarili!” Ano ang pananaw ninyo? Kanina lang ay binanggit Ko ang hindi pagsuko, pagiging masama ang loob, hindi pagpayag dito, at kawalan ng magagawa—alin dito ang nararamdaman ninyo? Aling damdamin ang pinakatama? Paano dapat tratuhin ang mga usaping ito nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo? Ano ang nararamdaman ninyo kapag naririnig ninyo ang mga tsismis na ito? (Masama ang loob.) Masama ang loob ninyo, at pagkatapos ay gusto ninyong magsulat ng isang pagkondena para tuligsain itong mga gumagawa ng tsismis, itong mga huwad na relihiyosong tao at masasamang tao ng relihiyon. May gayon ba kayong mga iniisip? Hindi sapat para sa inyo na ikuyom lang ang kamao ninyo sa galit, tama ba? Nakararamdam ba kayo ng udyok na may gawin tungkol dito? O ito ba ay isang walang kabuluhang sama ng loob lang? (Mayroon ding pagkamuhi at pagtatakwil.) Sama ng loob, pagkamuhi, pagtatakwil—ito ay mga emosyong nagmumula sa mga pag-iisip, nang walang partikular na mga salita, ugali, o kilos; mga emosyon lang ang mga ito, at siyempre ay kumakatawan din ang mga ito sa mga partikular na saloobin. (Maliban sa pagkakaroon ng sama ng loob, minsan ay nagsusulat kami ng mga artikulo o gumagawa ng mga programa para linawin ang mga katunayan at ilantad na ang diwa ng mga kilos nila ay diwa ng pagkamuhi sa katotohanan at sa Diyos, para makita ng mga tao ang mga totoong katunayan.) Tatanggapin kaya ito ng mga taong iyon matapos nilang makita ang mga totoong katunayan? Kahit na tanggapin nila na tama ang sinasabi ninyo at pagkatapos ay magbigay sila ng patas na komento, sinasabing, “Tama ang pananampalataya ninyo; magpatuloy kayo sa pananampalataya, sinusuportahan namin kayo!” at napapahiya ang mga huwad na relihiyosong tao at sinasabi nila, “Pasensya na, nagkamali kami, hindi batay sa katunayan ang sinabi namin; mula ngayon, manampalataya kayo sa paraan ninyo, at mananampalataya naman kami sa paraan namin,” mapapanatag ba kayo dahil doon? Ito ba ang tanging layon na inaasam ninyo? (Gusto rin naming magpatotoo sa Diyos para iyong mga nagsisiyasat sa tunay na daan at uhaw sa katotohanan ay malinaw na makilatis ang tama sa mali at matanggap ang tunay na daan.) Ito ay isang landas; isa itong positibong paraan ng pagsasagawa. Kapaki-pakinabang ba ang magalit at mamuhi lang? Ano ang dahilan ng inyong galit at pagkamuhi? Bakit kayo nagagalit at namumuhi? (Nagkatawang-tao ang Diyos para iligtas ang mga tao, na siyang pinakamakatarungang bagay, pero nagpapakalat sila ng mga tsismis para husgahan at maliitin ang Diyos. Labis na sumasama ang loob namin, iniisip namin na talagang binabaligtad nila ang tama at mali at na walang katuturan ang sinasabi nila.) Iniisip ba ninyo na ang pagtatakwil ng sangkatauhan at ng mundo sa Diyos, pati na rin ang saloobin nila sa Diyos, ay ganito lang sa panahong ito ng pagkakatawang-tao ng Diyos? Ang saloobin ng sangkatauhan at ng mundo sa Diyos ay palaging ganito mula pa noong simula hanggang sa huli—palaging nagkokondena, naninira, nambabatikos, at naglalapastangan. Simula nang umpisahan ng Diyos ang Kanyang gawain hanggang sa ngayon, ang saloobin ng sangkatauhan sa lahat ng ginawa ng Diyos, at sa Diyos na nagkatawang-tao, ay hindi nagbago. Hindi lang pagkatapos noong unang pagkakatawang-tao ng Diyos na sinimulang batikusin at lapastanganin ang Diyos at mag-imbento ng kung ano-anong tsismis tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao—nangyayari na ang lahat ng ito mula pa nang simulan ng Diyos ang Kanyang gawain at simula nang unang makatagpo ng sangkatauhan ang Diyos at ang gawain Niya, at nagpapatuloy ito hanggang ngayon. At iyong mga sumusunod sa Diyos ay palaging kailangang magtiis ng pangmamaliit, pambabatikos, panghuhusga, paglapastangan, kung ano-anong tsismis, at marami pa mula sa mga rehimen ni Satanas at sa mga puwersa ng anticristo sa relihiyon laban sa Diyos at sa iglesia. Kailangan bang tiisin ng mga tagasunod ng Diyos ang mga bagay na ito? Sinasabi ng ilan, “Nasusuklam kami nang husto sa mga tsismis na ito dahil ganap na binabaluktot ng mga ito ang mga katunayan at binabaligtad ang tama at mali. Nagagalit kami sa sandaling marinig namin ang mga ito, at sa kaibuturan ng puso namin ay kinamumuhian namin ang mga gumagawa at nagpapakalat ng mga tsismis. Nanggaling man sa relihiyosong mundo o sa maladiyablong gobyerno ng CCP ang mga tsismis na ito, iisa lang ang saloobin namin, at ito ay saloobin ng pagkamuhi at galit; at pagkatapos ay gusto namin silang pabulaanan at linawin ang lahat.” Sinasabi pa ng ilan, “Gusto naming makipagdebate sa masasamang diyablo at mga anticristo para hiyain si Satanas at ilagay ito sa kahihiyan!” Ito ba ang pananaw ng karamihan ng mga tao? Tama ba ang pananaw na ito? Kung titingnan mula sa perspektiba ng normal na pagkatao, makatwiran ito. Dapat maging medyo matuwid ang mga tao at magkaroon ng kompletong saklaw ng mga normal na emosyon; dapat malinaw silang magmahal at mamuhi, mahalin ang dapat mahalin at kamuhian ang dapat kamuhian. Ang mga taong may normal na pagkatao ay dapat magtaglay ng mga katangiang ito. Pero, sapat na ba ang pagtindig lamang sa perspektiba ng normal na pagkatao para umayon sa mga katotohanang prinsipyo? Para maging mas malinaw, naaayon ba sa mga layunin ng Diyos ang pamamaraang ito? O isa ba itong saloobin at pamamaraan na kinalulugdan ng Diyos? Kapag sinabi Ko ito, maaaring may maarok ang karamihan ng mga tao, iniisip nila, “Sinabi Mo na pagtingin lang ito sa bagay-bagay mula sa perspektiba ng normal na pagkatao. Batay sa mga implikasyong sinabi Mo, malinaw na ang pamamaraang ito ay isang pagkamainitin ng ulo, hindi naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, at hindi naaayon sa mga layunin ng Diyos.” Ano ang ibig sabihin ng pagiging hindi naaayon sa mga layunin ng Diyos? Ibig sabihin nito ay hindi nais ng Diyos na kumilos ang mga tao sa ganitong paraan; hindi ganito ang mga kahilingan at mga hinihinging pamantayan ng Diyos sa mga tao. Kung kikilos ka sa ganitong paraan, bagama’t hindi ito kinokondena ng Diyos, sa perspektiba Niya, hindi ito nangangahulugang sinusunod mo ang kalooban Niya, at hindi Niya ito kinikilala. Sa panlabas, tila makatwiran kang kumikilos sa paggawa ng mga bagay na ito, kapwa mayroong pagkamuhi at pagmamahal, gustong linawin ang mga katunayang ito para sa Diyos para malaman ng buong mundo na ang Diyos ay Diyos, na ang Diyos ay ang Diyos ng buong sangkatauhan, at na dapat sambahin ng lahat ang Diyos at tanggapin ng lahat ang pagliligtas ng Diyos. Sa panlabas, tila ang ginagawa mo ay walang kapintasan, makatwiran, naaayon sa batas, sa pagkatao, sa moralidad, at higit pa rito, naaayon sa panlasa ng lahat ng tao. Pero natanong mo na ba ang Diyos tungkol dito? Hinanap mo ba ang Diyos? Natagpuan mo ba ang mga prinsipyo ng pagkilos na hinihingi ng Diyos mula sa Kanyang mga salita? Ano ba mismo ang mga layunin ng Diyos? Sinasabi ng ilang tao, “Napakarami ng mga salita ng Diyos; hindi madaling mahanap ang mga partikular na hinihingi ng Diyos sa mga tao sa bawat usapin.” Dahil hindi mo natagpuan ang malilinaw na salita ng Diyos, maaari kang maghanap ng mga pahiwatig mula sa saloobin ng Diyos sa mga ganitong uri ng tsismis. Kung gayon, hindi mo ba matukoy kung ano ang dapat na saloobin ng mga tao sa usaping ito at kung ano ang mga prinsipyong dapat nilang isagawa batay sa saloobin ng Diyos sa usaping ito? (Oo.) Kaya, tingnan natin kung ano ba mismo ang saloobin ng Diyos sa usaping ito.
Simula nang umpisang maranasan ng sangkatauhan ang gawain ng Diyos, nagrereklamo at hindi na nasisiyahan ang mga tao sa Diyos, lihim pa nga silang bumibigkas ng mga kasuklam-suklam na salita ng paghihinala, pagdududa, pagtatakwil, at iba pa, patungkol sa Diyos. Nariyan din ang iba’t ibang tsismis mula sa naghaharing partido at sa relihiyosong mundo, na lubos na hindi alinsunod sa mga katunayan ni umaayon sa katotohanan. Ano ang mga salitang ito sa Diyos? Ang mga ito man ay mga paghihinala, mga maling pagkaunawa, o mga reklamo, puno ang mga ito ng mga pambabatikos, paninira, at paglapastangan laban sa Diyos, at hindi sinasalamin ng mga ito ang kahit katiting na may-takot-sa-Diyos na puso; ganito na ang sitwasyon mula pa noong umpisa. Palaging may ilan sa iglesia na hindi nagmamahal sa katotohanan. Sila ay ang mga hindi mananampalataya, na nagdududa sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, nagpapakita ng gayong saloobin sa Diyos. Lalo na para sa mga taong walang pananampalataya at mga ateistang naghaharing partido, iyong mga taong tutol sa katotohanan—hindi na kailangang ipaliwanag ang saloobin nila sa Diyos; walang pakundangan silang nambabatikos at nanghuhusga, sinasabi ang anumang gusto nila. Sa partikular, mas lalong sinasamantala niyong mga Pariseo sa relihiyosong mundo ang pagkakataon na walang habas na manghusga at magkondena. Lahat ng komentong ito ay hindi positibo, at tiyak na hindi obhetibo at hindi tumpak ang mga ito. Kung gayon, ano ang diwa ng mga komentong ito? Para sa Diyos, ang mga salitang ito ay hindi lang mga pahayag o pananaw, bagkus ay pangmamaliit, mga pambabatikos, paninira, at paglapastangan laban sa Diyos. Bakit Ko sinasabing “sa Diyos”? Dahil pinakatumpak na sinusukat ng Diyos ang lahat ng ito, maaari lang tayong magdagdag ng unlapi. Sa buong kasaysayan, ganito na ang naging saloobin ng sangkatauhan sa Diyos; masyado nang marami ang mga salita ng tao na bumabatikos at nang-iinsulto sa Diyos, wala ni isang salita ang may mabuting layunin. Kahit ngayon, pareho ang naririnig ng mga tainga ninyo at ang nakikita ng mga mata ninyo. Mula sa simula, hindi nagbago ang kabuuan ng saloobin ng sangkatauhan sa Diyos. Paano pinapangasiwaan ng Diyos ang mga usaping ito? May mga kondisyon o kapabilidad ba ang Diyos para tipunin ang pandaigdigang kongreso ng relihiyon para ipagtanggol ang sarili Niya, para linawin ang mga aktuwal na katunayan ng gawain Niya, para pangatwiranan ang sarili Niya sa sangkatauhan? Ginawa ba ito ng Diyos? Hindi, nananatiling tahimik ang Diyos, hindi Niya nililinaw ang buong sitwasyon, ni hindi Niya ipinagtatanggol o pinapangatwiranan ang sarili Niya. Gayumpaman, para sa mga tao na bumabatikos sa Diyos sa partikular na ubod ng samang paraan, nagpataw ang Diyos ng ilang kaparusahan, hinahayaan ang mga katunayan na sumapit sa kanila. Tungkol naman sa mga pambabatikos, paninira, at paglapastangan ng publiko, ano ang saloobin ng Diyos? Paano ito pinapangasiwaan ng Diyos? Hindi Niya ito pinapansin; ginagawa Niya ang dapat gawin, ginagawa Niya ito sa paraang dapat itong gawin, pinipili ang dapat Niyang piliin, ginagabayan ang dapat Niyang gabayan. Ang buong mundo ay maayos sa mga kamay ng Diyos; hindi Niya kailanman ginambala o binago ang mga plano Niya dahil sa mga pambabatikos, paninira, o paglapastangan ng tao. Kapag sinusupil at inaaresto ng masasamang puwersa ni Satanas ang hinirang na mga tao ng Diyos, gaano man sila kawalang-habas, hindi kailanman binago ng Diyos ang mga plano Niya o ang isip Niya. Ang mga iniisip at ideya Niya ay ganap na nananatiling hindi nagbabago; gaya ng dati, patuloy lang Niyang isinasagawa ang gawaing layon Niyang gawin, pinamamahalaan ang Kanyang sangkatauhan. Para sa Diyos, hindi kailanman naging hadlang ang mga pambabatikos, paninira, at paglapastangang ito; hindi pinapansin ng Diyos ang mga ito. Bakit hindi pinapangatwiranan o ipinagtatanggol ng Diyos ang Kanyang sarili? Para sa Diyos, ganap na normal ang mga bagay na ito. Ang sangkatauhan ay sangkatauhan, at si Satanas ay si Satanas. Napakanormal para sa mga tao, na hindi nakauunawa sa katotohanan o sa mga totoong katunayan, na gawin ang mga gayong bagay. Nakaaapekto ba ito sa mga hakbang ng gawain ng Diyos? Hindi. Nagtataglay ang Diyos ng dakilang kapangyarihan; Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat. Sistematikong tumatakbo ang lahat ng bagay sa loob ng mga salita ng Diyos, sa loob ng mga kaisipan ng Diyos, at sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos; anuman ang sinasabi o ginagawa ng sangkatauhan, hindi nito maaapektuhan ang gawain ng Diyos sa anumang paraan—ito ang kayang gawin ng isang Diyos na may banal na diwa. Kumikilos ang Diyos kapag dumating na ang oras, tinutupad ang mga plano Niya nang wala ni katiting na pagkakaiba, at walang makapagbabago nito. Ang mga komento at anumang pambabatikos o paninira ng tao sa Diyos, ang mga ito man ay mga sadyang pagtatangka para hadlangan at wasakin ang gawain ng Diyos o mga di-sadyang panggugulo at pangwawasak sa gawain ng Diyos, ay hindi kailanman nakamit ang mga layon nila. Bakit? Ito ang awtoridad ng Diyos; kinukumpirma nito na natatangi ang awtoridad ng Diyos, hindi mapapalitan ng anumang puwersa, at hindi malalampasan ng anumang puwersa. Isa itong katunayan. May ganitong awtoridad at kapangyarihan ang Diyos, mayroong Kanyang tunay na pagkakakilanlan ang Diyos, at walang puwersa ang makapagbabago ng anumang bagay, kaya bakit pa papansinin ng Diyos ang maliliit na pambabatikos at paninira ng mga tao? Para sa Diyos, kahit gaano karaming mahalagang personalidad o gaano man kalakas na puwersa ng sangkatauhan ang sumubok na makialam, manira, mambatikos, o maglapastangan sa Kanya, hindi nito kayang guluhin ang gawain ng Diyos kahit kaunti. Sa halip, lalo lang itinatampok ng mga kilos na ito ang matuwid na disposisyon at pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos. Ang mga panggugulo ng masasamang puwersa ni Satanas ay isang maliit na bahagi lang sa takbo ng kasaysayan ng tao. Ang kayang magkaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa buong sangkatauhan, makaimpluwensiya sa buong sangkatauhan, at makapagbago sa buong sangkatauhan ay ang gawain ng Diyos, plano ng Diyos, at dakilang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos. Ito ang katunayan. Sa kabaligtaran, kailangan pa bang pansinin ng Diyos ang pangmamaliit, mga pambabatikos, paninira, at paglapastangan ng mga tao laban sa Kanya? Hindi. Dahil ang Diyos ay may awtoridad, para sa Diyos, ang Kanyang pahayag, “Ginagawa Ko ang Aking sinasabi, mangyayari ang Aking sinasabi, at magtatagal magpakailanman ang Aking ginagawa,” ay palaging magkakatotoo; nagkakatotoo ito at natutupad araw-araw. Ito ang awtoridad ng Diyos. Tinatanong ng ilang tao, “Ito ba ang kumpiyansa ng Diyos, ang Kanyang pananalig?” Nagkakamali ka! Ang mga tao ay may kumpiyansa, kailangan ng mga tao ng pananalig, pero hindi kailangan ng Diyos ang mga ito. Bakit? Dahil may awtoridad at kapangyarihan ang Diyos, at paano man Siya siraan at kondenahin ng sangkatauhan, paano man manggulo at manabotahe ang mga mapanlabang puwersa ni Satanas, walang magbabago. Samakatwid, hindi kailangang itiwalag ng Diyos ang mga mapanlabang puwersa sa gitna ng tiwaling sangkatauhang nambabatikos, naninira, at naglalapastangan sa Kanya bago Niya isakatuparan ang Kanyang gawain. Sa anong mga sitwasyon gumagawa ang Diyos? Sa anong mga sitwasyon Siya nagkakamit ng tagumpay? Sa anong mga sitwasyon Niya naisasakatuparan ang Kanyang gawain? Ginagawa ito sa gitna ng halo-halong ingay ng mga pambabatikos, paninira, at paglapastangan ng buong sangkatauhan at lahat ng mapanlabang puwersa; sa gayong kapaligiran at sitwasyon Niya isinasakatuparan ang gawain Niya. Hindi ba’t pagpapakita ito ng dakilang kapangyarihan ng Diyos? Hindi ba’t awtoridad ito ng Diyos? (Oo.) Sino ang makapagkakaila sa katunayang ito? Nangangahas ka bang hindi kilalaning ito ang katunayan?