Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (18) Unang Seksiyon

Ikalabindalawang Aytem: Agaran at Tumpak na Tukuyin ang Iba’t Ibang Tao, Pangyayari, at Bagay na Nakagagambala at Nakagugulo sa Gawain ng Diyos at sa Normal na Kaayusan ng Iglesia; Pigilan at Limitahan ang mga Iyon, at Ituwid ang mga Bagay-bagay; Dagdag pa Rito, Pagbahaginan ang Katotohanan Upang Magkaroon ng Pagkilatis ang Hinirang na mga Tao ng Diyos sa Pamamagitan ng mga Gayong Bagay at Matuto Sila Mula sa mga Iyon (Ikaanim na Bahagi)

Ang Iba’t Ibang Tao, Pangyayari, at Bagay na Nakagagambala at Nakagugulo sa Buhay Iglesia

X. Pagpapakalat ng Walang Batayang mga Tsismis

Noong huling pagtitipon, nagbahaginan tayo sa ikalabindalawang responsabilidad ng mga lider at manggagawa: “Agaran at tumpak na tukuyin ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakagagambala at nakagugulo sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia; pigilan at limitahan ang mga iyon, at ituwid ang mga bagay-bagay; dagdag pa rito, pagbahaginan ang katotohanan upang magkaroon ng pagkilatis ang hinirang na mga tao ng Diyos sa pamamagitan ng mga gayong bagay at matuto sila mula sa mga iyon.” Para sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakagagambala at nakagugulo sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia na nakikita sa buhay iglesia, hinati-hati natin ang mga ito sa labing-isang isyu. Basahing muli ang mga ito. (Una, madalas na paglihis sa paksa kapag nagbabahaginan sa katotohanan; ikalawa, pagsasabi ng mga salita at doktrina para ilihis ang mga tao at makuha ang kanilang pagpapahalaga; ikatlo, pagdadaldal tungkol sa mga usapin sa tahanan, pagbubuo ng mga personal na koneksiyon, at pag-aasikaso sa mga personal na usapin; ikaapat, pagpapangkat-pangkat; ikalima, pakikipag-agawan para sa katayuan; ikaanim, pakikibahagi sa mga di-wastong ugnayan; ikapito, pambabatikos at pagbabangayan sa isa’t isa; ikawalo, pagpapakalat ng mga kuru-kuro; ikasiyam, pagbubulalas ng pagkanegatibo; ikasampu, pagpapakalat ng walang batayang mga tsismis; at ikalabing-isa, pagmamanipula at paggambala sa mga halalan.) Noong nakaraan, nagbahaginan tayo sa ikasiyam na isyu. Ngayon, magbabahaginan tayo sa ikasampu—pagpapakalat ng walang batayang mga tsismis.

A. Ang mga Pagpapamalas ng Pagpapakalat ng Walang Batayang mga Tsismis

Nagaganap na sa iglesia ang mga insidente ng pagpapakalat ng walang batayang mga tsismis. Ang ilang tao ay hindi nagmamahal sa katotohanan at hindi nakatuon sa pagsasagawa ng katotohanan sa paggampan ng tungkulin nila; sa mga usapin mang may kaugnayan sa mga katotohanang prinsipyo o sa mga personal nilang paghahangad, hindi sila nakatuon sa paghahanap sa katotohanan—walang puwang sa puso nila ang mga pagtuong ito. Sa pananampalataya nila sa Diyos, mahilig lang silang magtanong tungkol sa mga sabi-sabi at personal na impormasyon, at mangalap ng mga kakaiba at di-pangkaraniwang mga kuwento. Siyempre, mas masigasig sila sa pag-uusisa sa mga usaping may kaugnayan sa Diyos at sa gawain ng Diyos, pati na rin sa mga usapin tungkol sa sambahayan ng Diyos at sa mga lider at manggagawa ng iglesia. Kasabay nito, mahilig silang magpakalat ng mga sabi-sabi na walang batayan, ipinapakalat nila ang mga bagay na naririnig nila o nasa imahinasyon nila na hindi naman talaga totoo. Hindi mahilig magbasa ng mga salita ng Diyos ang mga gayong tao, bihira silang magdasal, at sa panahon ng mga pagtitipon ay madalang silang makipagbahaginan sa katotohanan at bihira nilang talakayin ang sarili nilang kalagayan, mga personal na paghahangad at pagpasok, o ang pagkaunawa nila sa gawain ng Diyos, at iba pa. Siyempre, hindi sila interesado sa mga nakikipagbahaginan sa katotohanan o sa mga nakikipagbahaginan tungkol sa patotoong batay sa karanasan ng mga ito, ni hindi sila interesado sa mga usaping ito. Gayumpaman, sa sandaling marinig nilang tinatalakay ng isang tao kung anong punto na ang naabot ng gawain ng Diyos, o sa sandaling makita nila ang nilalaman ng mga salita ng Diyos tungkol sa mga sakuna, mga hantungan ng mga tao, pagbabagong-anyo ng Diyos, at iba pa, biglang nagniningning ang mga mata nila, at nagiging labis silang nakatuon. Sa sandaling mabasa o marinig nila ang mga salitang ito, agad silang nagiging interesado. Batay sa mga pagpapamalas ng mga taong ito, malinaw na hindi sila nananampalataya sa Diyos para hangarin ang katotohanan, o para gawin ang tungkulin nila at sumunod sa Diyos, at tiyak na hindi para magpasakop at sumamba sa Diyos. Pumupunta sila sa sambahayan ng Diyos at hindi talaga nila pinag-iisipan ang paggawa sa anumang tungkulin. Gusto lang nilang mag-usisa at mangalap ng ilang sabi-sabi o magpakalat ng ilang tsismis. Nasisiyahan sila sa mga aktibidad na ito at wala silang anumang interes sa mga patotoong batay sa karanasan, sa mga himno, o sa mga pelikula ng sambahayan ng Diyos. Gusto lang nilang mag-online para mangalap ng mga pahayag at pagsusuri na sinasabi ng mga puwersang anticristo sa relihiyosong mundo tungkol sa sambahayan ng Diyos, sa gawain ng iglesia, at sa nagkatawang-taong Diyos. Kahit na paminsan-minsan nilang tinitingnan ang mga video ng sambahayan ng Diyos, hindi ito dahil sa panloob na pananabik na hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga sarili nilang problema. Kaya, ano ang tinitingnan nila? Tinitingnan nila ang mga komento sa ibaba ng mga video, at pinipili nila ang mga binabasa nila. Nilalampasan nila ang mga komento mula sa mga kapatid sa iglesia, bagkus ay partikular silang interesado sa mga komento mula sa relihiyosong mundo at sa mga walang pananampalataya. Partikular pa nga nilang tinitingnan ang mga komento at pahayag mula sa malaking pulang dragon, sinusubukan nilang makatuklas ng ilang bagay mula sa mga ito. Kapag nakikita nila ang mga negatibong propaganda, pahayag, at gawa-gawang tsismis na ito, hindi nila hinahanap ang katotohanan at kinikilatis ang mga ito; sa halip, nagagawa pa nga nilang tanggapin ang ilang negatibong komento at pahayag na ito, at itinuturing ang mga ito bilang mga katunayan. Gaano man karami ang mga positibong komento roon, ayaw nilang basahin ang mga ito at hindi sila naniniwalang totoo ang mga ito; tanging iyong mga negatibong komento o mga tsismis ang nakakukuha ng atensiyon nila at nakapupukaw sa kanilang interes. Sa tuwing nakikita nila ang mga negatibong komentong ito, labis silang nasisiyahan at nagiginhawahan sa loob-loob nila. Partikular silang interesado sa mga tsismis at paghusgang ganap na hindi totoo, at maging sa mga pambabatikos at paninirang-puri laban sa Diyos, na kumakalat sa mundo, sa relihiyosong mundo, o sa online, at palagi nilang masipag na inaaral at kinakalap ang mga ito. Sa kabaligtaran naman, walang-wala silang interes sa mga salita ng Diyos, sermon, at pagbabahaginan, sa mga patotoong batay sa karanasan ng mga kapatid, at sa iba pang mga gayong bagay. Kaya, kapag ang iba ay nagbabasa ng mga salita ng Diyos, nakikipagbahaginan sa katotohanan, at nagbabahagi ng patotoong batay sa karanasan sa panahon ng mga pagtitipon, nakararamdam sila ng pagtutol, at tingin nila ay nakaaabala at hindi kailangan ang mga bagay na ito. Sa puso nila, partikular silang tutol na pagbahaginan ang katotohanan at pag-usapan ang pagkakilala sa sarili. Kung gayon, ano ang gusto nilang marinig? Gusto lang nilang marinig ang mga kakaiba at kakatwang bagay, maging ang mga ito man ay mga misteryo mula sa espirituwal na mundo o mga tsismis at sabi-sabing ipinapakalat ng relihiyosong mundo—sadyang handa silang makinig sa mga bagay na ito. Ang puso nila ay puno at okupado ng mga negatibong bagay na ito, at walang makapag-aalis ng mga negatibong bagay na ito mula sa kanila o makapaglalayo sa kanila mula sa mga negatibong bagay na ito. Bakit ganito? Dahil masyado silang interesado at mahilig sa mga ito! Samakatwid, kapag kasama nila ang mga kapatid, lalo na sa mga pagtitipon, mahilig silang makipagtalakayan tungkol sa ilang sabi-sabi na walang batayan, at nagpapakalat pa sila ng ilang negatibong komento tungkol sa sambahayan ng Diyos at sa iglesia na nakikita nila sa online. Interesadong-interesado ang mga taong ito sa mga tsismis na ito. Bagama’t alam na alam nila na hindi kapaki-pakinabang sa iba ang pagpapakalat ng mga bagay na ito, hindi nila makontrol ang sarili nila at ipinipilit nilang ipakalat ang mga ito. Kahit kailangan pa nilang maghanap ng mga oportunidad para ipakalat ang mga tsismis at negatibong propagandang ito, o kahit kailangan nilang gumugol ng oras sa pangangalap ng mga gayong bagay, o gamitin ang utak nila para mag-imbento ng mga gayong bagay, wala pa ring kapaguran ang pagiging masigasig nila rito. Kung, sa isang iglesia, ang mga lider ng iglesia ay may mahinang kakayahan at hindi nakagagawa ng tunay na gawain o nakakikilatis ng mga tao, kapag nagkaroon ng mga taong nagpapakalat ng mga tsismis at panlilinlang, magugulo at maaapektuhan ang buhay iglesia, at malilihis at makokontrol pa nga ng mga indibidwal na ito ang ilang tao. Bakit maraming tao ang madalas na nagugulo at nalilihis ng iba? Ang isang dahilan ay na hindi nila nauunawaan ang katotohanan at wala silang pagkilatis sa mga tsismis na naninira sa sambahayan ng Diyos. Ang isa pa ay na hindi pa hinog ang tayog ng ilang kapatid na maikling panahon pa lang na nananampalataya, hindi nila nauunawaan ang katotohanan ng mga pangitain, at malabo sa kanila ang pagkakatawang-tao ng Diyos, ang gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw, at ang layunin ng Diyos na iligtas ang mga tao, hindi nila makita nang malinaw ang mga bagay na ito, at hindi nila tiyak kung ang yugtong ito ng gawain ay ang pagpapakita at gawain ng Diyos. Dahil dito, wala silang tunay na pananalig at ni hindi nila alam kung gaano katagal sila makasusunod sa Diyos. Natural na napakadali rin nilang mailihis, maimpluwensiyahan, at makontrol ng mga nagpapakalat ng mga tsismis.

B. Ang Diwa ng Pagpapakalat ng Walang Batayang mga Tsismis ay Pagkilos Bilang Alipin ni Satanas

Ang mga taong ito na nagpapakalat ng walang batayang mga tsismis ay hindi lang hindi naniniwala sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos, kundi hindi rin nila makilatis kung ano ang tama sa mali. Palagi nilang pinagdududahan ang mga positibong bagay at madali silang mapaniwala ng mga tsismis at mga maladiyablong salita. Sinasabi ng mga taong ito na nananampalataya at sumusunod sila sa Diyos, pero nagpapakalat pa rin sila ng mga tsismis na naninira sa Diyos at sa iglesia, at ipinapakalat nila sa mga kapatid ang kung ano-anong tsismis na nakalap nila, walang pakundangan at paulit-ulit pa nga nilang ipinapakalat at isinasapubliko ang mga ito kung saan-saan. Batay rito ay malinaw na ang mga taong ito ay hindi nagmamahal sa katotohanan at naniniwala lang sa mga maladiyablong salita ng mga walang pananampalataya. Sa tumpak na salita, hindi talaga sila hinirang na mga tao ng Diyos at hindi sila mga miyembro ng sambahayan ng Diyos. Kung gayon, ano sila? Para maging tumpak, ang mga taong ito ay mga hindi mananampalataya, mga alipin sila ni Satanas. Sinasabi ng ilang tao, “Ang mga alipin ba ni Satanas ay mga espiyang ipinadala ng CCP? Mga ahente ba silang pinapasok ang sambahayan ng Diyos?” Hindi naman awtomatikong ganoon nga. Madaling makilatis ang mga ahente at espiyang iyon, pero ang mga taong ito na nagpapakalat ng mga tsismis ay mukhang mga tunay na mananampalataya sa panlabas. Gayumpaman, hindi nila hinahangad ang katotohanan at madalas silang kumikilos bilang mga tagapagsalita ni Satanas, at bilang kahalili ni Satanas ay nagpapakalat sila ng mga salitang naninira at bumabatikos sa Diyos, at ipinapakalat nila ang mga tsismis na gawa-gawa ni Satanas tungkol sa iglesia at sa sambahayan ng Diyos. Batay rito, sinuman ang nagpadala sa kanila, hindi ba’t mga alipin ni Satanas ang mga taong ito? (Oo.) Aktibo man nilang kinalap o pasibo man nilang narinig ang mga tsismis na ito, hindi naiisip ng mga taong ito na hanapin ang katotohanan at kilatisin ang mga ito, bagkus ay pinaniniwalaan nilang katunayan ang mga ito. Walang pakundangan at walang pagpipigil pa nga nilang ipinapakalat at ipinapalaganap ang mga ito sa mga tao, at hindi lang sa isang lugar o sa isang uri ng sitwasyon. Ang layon nila sa pagpapakalat ng mga tsismis na ito ay para malaman ng mas maraming tao ang mga ito, para lalong mapahina ang mahihina, at para ang malalakas at mga may pananalig sa Diyos ay pagdudahan Siya at ang Kanyang gawain nang dahil sa mga tsismis—ito ay para gawing hindi interesado ang lahat sa katotohanan, sa mga salita ng Diyos, sa gawain ng Diyos, at sa kaligtasan, at sa halip ay gawing interesado ang mga ito sa kung ano-anong tsismis at negatibong propaganda, gaya lang ng mismong mga indibidwal na ito, para sa tuwing nagtitipon-tipon ang mga tao, pag-uusapan nila ang mga negatibong bagay na ito. Gagawin ba ng mga normal na tao at ng mga taong may pagkatao at katwiran ang mga gayong bagay? Kapag naririnig ng karamihan ng mga tao ang mga tsismis o kung ano-anong negatibong propaganda, kahit hindi nila alam kung totoo ba o hindi ang mga tsismis, dahil sa pananalig nila sa Diyos at sa kaunting may-takot-sa-Diyos na puso na mayroon sila, lalapit sila sa harap ng Diyos para magdasal at hanapin ang katotohanan. Kahit na naiimpluwensiyahan sila ng mga tsismis at medyo nanghihina at nagdududa sila, hindi ito makakaapekto sa paggampan ng tungkulin nila o sa pagsunod nila sa Diyos. Magbibigay-babala pa nga sila sa kanilang sarili na maging maingat sa sasabihin nila at umiwas sa paggawa ng mga bagay na lumalaban o sumasalungat sa Diyos. Ang ganitong pamamaraan ay isang bagay na kayang makamit ng karamihan ng kapatid. Hangga’t ang mga tao ay may kaunting pagkatao, kaunting tunay na pananalig, at kaunting may-takot-sa-Diyos na puso, kaya nila itong makamit. Dahil naniniwala ang mga tao na umiiral ang Diyos, dapat silang maniwala na tama ang lahat ng ginagawa ng Diyos. Dahil ito ay ginawa ng Diyos, hindi dapat gumawa ng anumang pagsusuri ang mga tao tungkol dito. Dapat silang makatiyak na: “Anuman ang sinasabi ng mga tsismis mula sa labas ng iglesia, hindi ako puwedeng maniwala sa mga ito, at lalong hindi ko puwedeng ipakalat ang mga ito. Kahit na medyo nanghihina at nababagabag ako sa puso ko, hindi ko dapat ikaila ang pag-iral ng Diyos!” Kung naniniwala ang isang tao sa pag-iral ng Diyos, dapat siyang maniwala na tama ang lahat ng ginagawa ng Diyos; kung naniniwala siya sa pag-iral ng Diyos, dapat siyang magkaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso—ganap na tama ito. Dahil mayroon siyang may-takot-sa-Diyos na puso, anumang mga tsismis ang marinig niya, mag-iingat siya sa mga sinasabi niya, hindi maging tagapagpakalat ng mga tsismis, hindi siya malilinlang ni Satanas, at hindi siya mahuhulog sa mga pakana ni Satanas. Hindi ba’t isa itong bagay na madaling magawa ng karamihan ng mga tao? (Oo.) Nagtataglay ka ng normal na pag-iisip at katwiran, kaya kapag nakaririnig ka ng mga tsismis, ipapakalat mo man ang mga ito o hindi ay ganap nang nasa sa iyo. May iba bang kumokontrol sa iyo? (Wala.) Kaya, pagkarinig sa mga tsismis na ito, hindi ba’t dapat na maging malinaw sa mga tao kung paano nila dapat pangasiwaan ang mga ito, at paano nila dapat tratuhin ang mga ito at paano sila dapat na magsagawa para makaayon sila sa mga prinsipyo, at nang may pagkatao at katwiran? Ang lahat ay dapat na magkaroon ng ganitong kaunting paghusga at dapat nilang maunawaan ang pamamaraan at landas na ito ng pagsasagawa nang hindi na kinakailangan pang turuan sila ng iba. Kahit ang mga bata ay alam na hindi sila dapat magpakalat ng mga tsismis, at na ito ay walang respeto, imoral, at naghahasik ng alitan, at na hindi dapat maging ganitong uri ng tao; ito ang mga kaisipan at asal na dapat taglayin ng mga taong may normal na katwiran. Gayumpaman, may isang uri ng tao na walang gayong katwiran, at higit pa rito, ay walang gayong pagkatao. Dahil dito ay gusto niyang magpakalat ng mga tsismis at negatibong propaganda sa mga malapit sa kanya sa lalong madaling panahon pagkarinig sa mga bagay na ito, para ang lahat ay magkakasamang magsuri, maghusga, at magpaganda sa mga ito, at pagkatapos ay ipakalat ang mga tsismis na ito sa mas maraming tao. Iniisip niya, “Hindi ba’t ang galing nito? Hindi ba’t ang sigla nito? Kung ang buhay iglesia ay puno ng ganitong nilalaman, magiging napakasagana nito! Magkakamit ang mga tao ng napakaraming kaalaman!” Anong klaseng mga kaisipan at pananaw ang mga ito? Hindi ba’t ang mga ito ang mga kaisipan at pananaw ng isang masamang tao? Anong klaseng lohika ito? Hindi ba’t isa siyang tao na desperadong magkaroon ng kaguluhan? Hindi ba’t hindi niya matiis na makitang maayos ang kalagayan ng iba? Sa puso niya, inuuyam pa niya ang mga kapatid: “Mga hangal kayo, nagkalat na ang mga tsismis kung saan-saan sa labas ng iglesia; naglipana na ang mga negatibong pagsusuri, pambabatikos, at paninirang-puri laban sa sambahayan ng diyos, lalo na laban kay cristo at sa gawain ng diyos. Sa mga simbahan ng relihiyosong mundo, nakapaskil ang kung ano-anong uri ng negatibong propaganda. Sa sandaling marinig ng mga tao roon ang ‘Kidlat ng Silanganan,’ nagbabato agad sila ng mga pagkondena at inilalayo nila ang sarili nila. Pinupuna at kinokondena kayo ng lahat ng tao, pero kayong mga hangal ay narito pa rin at nananampalataya sa diyos at naghahangad sa katotohanan!” Naaasiwa at nasusuklam siya kapag nakikita niya ang mga taong ito na sumusunod sa Diyos nang may gayong matibay na pananalig. Sa partikular, kapag nakikita niyang ang pakikipagbahaginan ng isang tao sa katotohanan ay nagpapakita ng tunay na pagkaunawa at ng isang pagbabago sa disposisyon, at na hinahangaan ito ng lahat, namumuhi siya sa taong iyon. Kapag nakikita niya ang isang taong pinanghahawakan ang mga prinsipyo, nakakukuha ng mga resulta, at nagpapakita ng katapatan sa paggampan ng tungkulin nito sa sambahayan ng Diyos, nagagalit siya at sinasabi niya, “Bakit hindi ka makinig sa mga tsismis o sa propaganda mula sa labas ng iglesia? Bakit ba napakahangal at sinsero mo? Tingnan mo kung gaano ako kamautak—kaalyado ko ang magkabilang panig. Lumalahok ako sa buhay iglesia ng sambahayan ng diyos at hindi ko sinasabing hindi ako nananampalataya sa diyos, at kung hindi ako pinapayagang gumawa ng isang tungkulin, hindi ako papayag, pero inuusisa ko rin ang mga balita mula sa labas ng iglesia. Patuloy akong nagbibigay ng atensiyon sa negatibong propaganda at mga komento mula sa relihiyosong mundo, sa mundong walang pananampalataya, at sa internet.” Palagi siyang may di-wastong pananaw. Hindi siya nasisiyahan sa loob-loob niya kapag nakikita niyang naghahangad sa katotohanan at gumagawa ng mga tungkulin ang mga kapatid. Palagi niyang gustong ilihis at ilayo ang isa o dalawa sa mga taong iyon, at palagi pa nga niyang gustong guluhin at impluwensiyahan ang ilan sa mga ito. Palagi rin niyang gustong “gisingin” ang ilang tao sa pamamagitan ng pagpapakalat ng mga tsismis, para maniwala ang mga ito sa mga tsismis at malihis. Sabihin ninyo sa Akin, ano bang klaseng tao ito? Angkop bang ituring ang mga gayong tao bilang bahagi ng sambahayan ng Diyos at bilang mga kapatid? (Hindi.) Kung gayon, ano ang pinakaangkop na paraan para ituring sila? Pinakaangkop na ituring sila bilang mga hindi mananampalataya, bilang mga alipin ni Satanas. Hindi ito walang batayang pagkondena o pag-agrabyado sa kanila; isa itong katunayan.

Ano ang kasuklam-suklam sa mga taong ito na nagpapakalat ng walang batayang mga tsismis? Saan man nila naririnig ang mga negatibong propaganda, kahit na alam na alam nila na mga tsismis ito at mga maladiyablong salitang walang anumang batayan sa katunayan, ipinapakalat pa rin nila ang mga ito sa iba nang may walang kapagurang kasigasigan. Ano ang kalikasan nito? Ang isang taong may-takot-sa-Diyos na puso ay makararamdam ng pagkasuklam kapag nakaririnig siya ng mga tsismis. Lalo na pagdating sa mga salitang bumabatikos at nang-iinsulto sa Diyos, hinding-hindi niya babanggitin ang mga ito para hindi madungisan ang bibig niya, na nagpapatunay na mayroon siyang may-takot-sa-Diyos na puso. Sinasabi niya, “Ang paghusga at paglapastangan ng iba sa Diyos, at pambabatikos at pangmamaliit nila sa iglesia, ay usapin nila. Hindi ako dapat makibahagi sa mga kasalanan nila. Ang paninirang-puri nila sa Diyos ay isa nang matinding paghihimagsik at isang mabigat na kasalanan—hindi ko kayang sabihin ang mga salitang ito gamit ang sarili kong bibig. Hindi ko dapat sabihin ang mga bagay na katulad ng mga sinasabi nila. Hinding-hindi ko ito gagawin!” Gayumpaman, kayang ulitin niyong mga alipin ni Satanas ang bawat salita ng negatibong propaganda at mga tsismis na naririnig nila, at ginagawa nila ito nang paulit-ulit at nang walang anumang pag-aalinlangan, ipinapakalat pa nga nila ang mga ito kung saan-saan. Ang mga taong ito ba ay nagtataglay ng may-takot-sa-Diyos na puso kahit kaunti? Natatakot ba sila sa Diyos? Hindi, hindi sila natatakot. Sa panlabas, naniniwala rin sila sa pag-iral ng Diyos, pero ang paniniwala ay hindi katumbas ng pagkilala na ang Diyos ang Lumikha na may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Naniniwala rin si Satanas na may Diyos sa mundo at sa sansinukob at sa lahat ng bagay, pero paano nito tinatrato ang Diyos kapag nakikipag-usap ang Diyos dito? Paano ito nakikipag-usap sa Diyos? Nagtataglay ba ito ng may-takot-sa-Diyos na puso? Itinuturing ba nitong Diyos ang Diyos? Hindi. Anong pamamaraan ang ginagamit nito para makipag-usap sa Diyos? Sinusubukan, nililinlang, at tinutuya nito ang Diyos, na para bang nakikipagbiruan. Nang tanungin ng Diyos, “Saan ka nanggaling?” paano sumagot si Satanas? (“Sa pagpaparoo’t parito sa lupa, at sa pagmamanhik manaog doon” (Job 1:7).) Mga salitang pantao ba ang mga ito? (Hindi.) Kung gayon, ano ang ibig sabihin ng mga salitang ito? Bakit nagsalita si Satanas sa ganitong paraan? Anong uri ng saloobin ang nagbubunga ng mga gayong salita? Hindi ba’t isa itong panunuya? (Oo.) Ano ang ibig sabihin ng panunuya? Ito ay pang-aasar sa isang tao, tama ba? “Hindi ko sasabihin sa iyo kung saan ako nanggaling. Ano ang magagawa mo tungkol dito?” Sinabi ang mga salitang ito sa iyo, pero hindi nilayon ng mga ito na ipaalam sa iyo kung ano talaga ang nangyayari—tumatanggi ang tagapagsalita na sabihin iyon sa iyo, at sa halip ay inaasar ka lang nito. Panunuya ito. Ang saloobin bang ito ay nagpapakita ng anumang tanda ng pagtrato sa Diyos bilang Diyos? Mayroon bang anumang tanda ng pagrespeto o pagkatakot sa Diyos dito? Walang-wala—ito ang mukha ni Satanas. Iyong mga nagpapakalat ng mga tsismis ay kayang kaswal na ipakalat ang mga ito sa mga kapatid. Alam na alam nilang hindi totoo ang mga tsismis na ito, pero ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para ipakalat ang mga ito, naghahanap sila ng bawat pagkakataon at sitwasyon para gawin ito. Hindi ba’t ito ang asal at pamamaraan ni Satanas? Ganito kumikilos si Satanas. Kinikilala nito ang pag-iral ng Diyos at alam nito na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, pero wala itong kahit kaunting takot sa Diyos. Ito ang mukha ni Satanas, ito ang kalikasang diwa ni Satanas. Maaaring sabihin ng ilang kapatid, “Bagama’t hindi hinahangad ng taong ito ang katotohanan, sinsero naman ang kanyang pananampalataya sa Diyos. Nang marinig niyang ibubukod o paaalisin siya ng iglesia, labis siyang nabalisa na naiyak at nag-aalala siya nang labis; tinubuan pa nga siya ng mga singaw sa bibig! Ayaw niyang umalis sa sambahayan ng Diyos; naniniwala siya sa pag-iral ng Diyos. Kaya, anuman ang gawin niya, dapat natin siyang ituring bilang brother, at bigyan siya ng pagmamahal at pagpaparaya, at kahit kapag nagpapakalat siya ng mga tsismis, dapat pa rin natin siyang tratuhin nang may pagmamahal para tulungan at suportahan siya.” Tama ba ang mga salitang ito? Katotohanan ba ang mga ito? (Hindi.) Nagsalita ang Diyos ng napakaraming salita, pero hindi pa rin naniniwala ang mga taong ito sa mga salitang iyon. Gayumpaman, gaano man karaming tsismis ang bigkasin ng mga diyablo at mga Satanas, pinaniniwalaan ng mga taong ito ang lahat ng iyon, at walang pakundangan pa nga nilang ipinapakalat ang mga tsismis na ito para batikusin at siraan ang Diyos. Batay lang dito, hindi sila karapat-dapat na tawaging mga kapatid. Tama ba ito? (Oo.) Dahil kaya nilang walang pakundangang magpakalat ng mga tsismis, siraan ang Diyos, batikusin ang Diyos, at siraan ang sambahayan ng Diyos at ang iglesia, may sapat na dahilan tayo para ituring sila bilang mga alipin ni Satanas, bilang mga Satanas. Sila ay mga kaaway ng Diyos at mga kaaway ng lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos. Kaya, paano natin dapat tratuhin ang mga kaaway natin? (Itakwil sila.) Tama iyan, dapat natin silang itakwil.

May ilang tao na hindi nagmamahal sa katotohanan. Pagkarinig nila ng mga tsismis, bagama’t hindi nila hayagang ipinapakalat ang mga ito sa loob ng iglesia, palihim naman nila itong ipinapakalat sa mga taong malapit sa kanila. Ang ilang taong walang pagkilatis ay nagiging negatibo at mahina kapag naririnig ang mga tsismis na ito; ang ilan ay tumitigil sa pagdalo sa mga pagtitipon, at ang ilan ay lumalayo sa iglesia—pero hindi pa rin inaamin ng nagpakalat ng mga tsismis na ang kanyang pagpapakalat ng mga tsismis ang nagdulot nito. Sa kabila ng paulit-ulit na mga paalala at pakikipagbahaginan, patuloy nilang ginagawa ito kapag nahaharap sa mga gayong usapin, tumitigil lang sila sa hayagan at tahasang pagpapakalat ng mga tsismis sa panahon ng mga pagtitipon o sa publiko dahil sa takot na mailantad ang sarili nila, maitakwil ng mga kapatid, o mapaalis sa iglesia, sa halip, pinipili nilang palihim na ipakalat ang ilang tsismis sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga mensahe sa iba o sa pakikipag-ugnayan sa mga tao. Kung gayon, hindi ba’t masama ang mga gayong tao? Ang totoo, lalo pa nga silang mapaminsala. Kahit gaano sila kalihim na kumilos, ang mga motibo nila at ang kalikasan ng mga kilos nila ay kapareho ng sa mga alipin ni Satanas. Ang layon ng pagpapakalat nila ng mga tsismis ay guluhin ang paggampan ng tungkulin ng mga tao, gawing negatibo at mahina ang mga tao, para itatwa ng mga tao ang Diyos, lumayo ang mga ito sa Diyos at talikuran ng mga ito ang mga tungkulin ng mga ito. Mayroon bang nagsabi kailanman, “Ang layon ko sa pagpapakalat ng mga tsismis ay hindi para guluhin ang paggampan ng tungkulin ng mga tao o pahinain ang inisyatiba nila, kundi para tulungan silang magkaroon ng pagkilatis at palakasin ang kakayahan nilang hindi tablan ng mga tsismis, para kapag nakaririnig sila ng mga tsismis, hindi na sila tatablan ng mga ito, hindi sila maniniwala sa mga ito, mahahangad nila nang wasto ang katotohanan, at magagawa nila nang payapa ang mga tungkulin nila”? May sinuman bang nagpakalat ng mga tsismis nang may ganitong intensiyon? (Wala.) Makatwiran ba ang pahayag na ito? Ang totoo, hindi ito makatwiran. Hangga’t kaya nilang magpakalat ng mga tsismis, lalo na iyong mga bumabatikos, naninira, at lumalapastangan sa Diyos—kaswal na sinasabi ang mga ito sa tuwing nagbubukas sila ng bibig at walang pakundangang ipinapakalat ang mga ito kung saan-saan—kahit ilang tsismis ang ipakalat nila, hayagan o palihim mang ipinapakalat ang mga tsismis, at anuman ang epekto sa mga tao, sa madaling salita, ang layon ng pagpapakalat nila ng mga tsismis ay hindi para tulungan ang mga tao na maunawaan ang katotohanan at magkaroon ng pagkilatis, kundi para guluhin at ilihis ang mga tao, at para pagdudahan at lumayo ang mga ito sa Diyos—ang ginagawa nila ay nakagugulo at nakasisira sa gawain ng iglesia. Batay sa perspektibang ito, anuman ang dahilan o konteksto ng pagpapakalat ng mga tsismis, ang diwa ng mga taong nagpapakalat ng mga tsismis ay walang dudang sa mga alipin ni Satanas. Sinumang nagsasabi ng mga tsismis na naninira, bumabatikos, at lumalapastangan sa Diyos ay lumalaban sa Diyos at kaaway ng Diyos. Tama ba ito? (Oo.) Bagama’t hindi ikaw ang pinagmulan ng mga tsismis, ang katunayang nagagawa mong ipakalat ang mga ito ay nagpapatunay na pinaniniwalaan mong totoo ang mga ito o na sa loob-loob mo ay handang-handa kang maniwala sa mga ito. “Kung totoo lang sana ang mga tsismis, hindi ko na kailangang manampalataya sa diyos, hindi magiging diyos ang diyos, at ang katunayan ng pagkakatawang-tao ng diyos ay hindi iiral. Magiging tao lang siya, at magiging malaya akong gumawa ng mga tsismis tungkol sa kanya, maliitin siya, at batikusin at siraan siya.” Hindi ba’t iyon ang layon? Kung nananampalataya ka sa Diyos pero palagi mong gustong magsalita at kumilos nang wala sa katwiran, hindi ba’t pagnanais ito na kontrahin ang Diyos? (Oo.) Sinasabi ng ilang tao, “Paghihimagsik ba ito laban sa Diyos? Kawalan ba ito ng pananalig sa Diyos?” Lubhang mas mabigat ang kalikasan nito. Paglaban at pagkontra ito sa Diyos. Mga kaaway lang ng Diyos ang lumalaban at kumokontra sa Diyos sa ganitong paraan. Ang tiwaling sangkatauhan, dahil sa pagkakaroon nito ng tiwaling disposisyon ni Satanas at kawalan ng pagkaunawa sa katotohanan at kaalaman sa Diyos, ay kayang maghimagsik laban sa Diyos. Gayumpaman, higit pa sa paghihimagsik ang ginagawa ni Satanas laban sa Diyos; ipinagkakanulo nito ang Diyos, nilalabanan ang Diyos, at kinokontra ang Diyos. Dahil dito ay nagiging kaaway ito ng Diyos. Ang ugnayan sa pagitan ng mga kaaway ng Diyos at ng Diyos ay isang ugnayan ng pagkontra. Ano ang ibig sabihin ng pagkontra? Ang ibig sabihin nito ay imposible ang pagiging magkasundo. Anuman ang sitwasyon o kapaligiran, ang pagkontra ni Satanas sa Diyos ay hindi nagbabago sa paglipas ng panahon o sa pagbabago ng lugar. Ang diwa ni Satanas ay ang kumontra sa Diyos, at hindi ito nagbabago; sadyang kaaway ng Diyos si Satanas. Ang paglaban ni Satanas sa Diyos at ang pagiging hindi nito kasundo ang Diyos ay hindi tumagal nang isang araw o nang ilang taon o dekada lang; nagsimula na itong kumontra sa Diyos simula nang ipagkanulo nito ang Diyos. Kaya, kailan matatapos ang pagkontrang ito? Kahit kailan ba ay maaantig at mababago ng Diyos si Satanas? Unti-unti bang hihina ang pagkontra nito sa Diyos sa paglipas ng panahon? Hindi. Patuloy itong kokontra sa Diyos. Kailan matatapos ang pagkontrang ito? Kapag natapos na ang gawain ng Diyos, at natapos na ang pagseserbisyo ni Satanas at wala na itong anumang pakinabang, at winasak na ito ng Diyos—saka matatapos ang pagkontra. At paano naman iyong mga alipin ni Satanas? Hangga’t nasa iglesia sila, patuloy nilang kokontrahin ang iglesia, ang sambahayan ng Diyos, at ang Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Nananampalataya sila sa Diyos, nagbibigay sila minsan ng mga handog, nagbibigay-limos, at nagpapatuloy pa nga ng mga kapatid sa bahay. Paanong kinokontra nila ang Diyos? Hindi nila Siya kinokontra; gumagawa pa nga sila ng ilang mabuting gawa.” Tama ba ang mga salitang ito? Mawawala ba ang pagkontra nila sa Diyos dahil nagpapatuloy sila ng mga kapatid sa bahay at nagbibigay ng kaunting pera sa mahihirap na kapatid? Mapatutunayan ba nito na kaayon sila ng Diyos? (Hindi.) Kung gayon, paano nangyari ang pagkontrang ito? (Tinutukoy ito ng kalikasang diwa nila.) Tama iyan, ang kalikasang diwa nila ay labanan at salungatin ang Diyos. Para sa mga gayong tao, kailangan ninyo silang makilatis batay sa mga salita ng Diyos: Tingnan kung sino ang mahilig mangalap ng negatibong propaganda o mga tsismis na bumabatikos at naninira sa sambahayan ng Diyos at sa iglesia mula sa iba’t ibang pamamaraan, at kung sino ang interesado sa mga negatibong bagay na ito at handang maniwala sa mga tsismis at maladiyablong salitang ito. Tutulutan kayo nito na makita ang tunay na mukha ng mga hindi mananampalatayang ito. Ang mga taong ito ay kadalasang hindi nagbabasa ng mga salita ng Diyos, walang gana sa pakikinig sa pakikipagbahaginan ng mga kapatid tungkol sa katotohanan, at walang gana sa paggawa ng mga tungkulin nila. Palagi nilang nararamdamang hindi interesante ang pananampalataya sa Diyos. Ano ang tinututukan nila kapag nanonood ng mga video at programa ng sambahayan ng Diyos? Kapag nakikita nila ang mga positibong komentong iniiwan ng mga relihiyosong tao, naaasiwa sila at nilalaktawan nila ang mga ito. Pero kapag nakikita nilang pumapanig ang mga relihiyosong tao at mga walang pananampalataya sa malaking pulang dragon, iniinsulto ang iglesia, iniinsulto ang sambahayan ng Diyos, at iniinsulto ang mga kapatid gamit ang mga maladiyablong salita ng mga ito, labis silang natutuwa at nasasabik. Tuwing naririnig nila ang mga negatibong propaganda at tsismis na ito, nagiging sabik sila na para bang tinurukan sila ng adrenaline, naglalakad nang masigla at nagigising pa nga mula sa pagtulog nang may kasiyahan. Hindi ba’t buktot ito? Pagmasdan mo ang mga nasa paligid mo para makita kung sino ang nabibilang sa ganitong uri ng tao; tingnan kung may disposisyon silang namumuhi sa katotohanan at namumuhi sa Diyos. Kung may mahanap ka ngang gayong tao, dapat labis kang mag-ingat sa kanya at kilatisin mo siya; obserbahan ang mga salita, kilos, at asal niya. Kapag nakumpirma mong isa nga siyang masamang tao, isang alipin ni Satanas, dapat mo siyang itakwil at huwag tratuhin bilang kapatid. Ang mga gayong tao ay dapat paalisin sa iglesia sa lalong madaling panahon. Sinasabi ng ilang tao, “Bakit dapat nating paalisin ang mga taong ito? Sa sambahayan ng Diyos, ang pagkakaroon ng isa pang tao ay nangangahulugan ng isa pang pinagmumulan ng lakas para sa paggawa ng gawain; nagiging mas masigla rin kapag may dagdag na isa pang tao. Maraming taon na silang nananampalataya sa Diyos, at bagama’t hindi nila minamahal o isinasagawa ang katotohanan, naniniwala sila sa pag-iral ng Diyos mula pa noong pagkabata nila, naniniwala sila sa Matandang Lalaki sa Kalangitan. Naniniwala rin sila na may diyos sa tatlong talampakan sa itaas nila, at higit pa rito, naniniwala silang may ganti ang kabutihan at ang kasamaan. Karaniwan ay hindi sila nangangahas na gumawa ng lantad na masasamang gawa at handa silang tumulong sa iba. Sadyang may ganito silang munting libangan; mahilig silang magpakalat ng mga tsismis at sabi-sabi. Sa partikular, nagpapakalat sila ng mga tsismis mula sa malaking pulang dragon na naninira sa Diyos, inuulit ang mga bagay na ito nang hindi man lang pinag-iisipang masyado ang mga ito, marahil dahil sa kanilang kamangmangan at kawalan ng kaalaman.” Sa panlabas, hindi sila mukhang masasamang tao at hindi nila ginambala o ginulo ang gawain ng iglesia, pero napakaaktibo nila sa pagpapakalat ng mga tsismis at palagi nilang gustong mauna sa pagpapakalat ng mga ito. Hindi ba’t dapat maging mapagmatyag ang mga tao laban sa mga gayong indibidwal? Hindi ba’t mga alipin sila ni Satanas? Halatang-halata ang diwa ng mga gayong tao! Hindi sila kailanman interesado sa mga salita ng Diyos o sa katotohanan, at hindi nila kailanman hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo kapag ginagawa ang tungkulin nila. Sa anumang bagay na ginagawa nila, hindi sila nagpapakita ng kasigasigan, hindi nila ginagamit ang puso nila, at hindi sila handang magtiis ng hirap. Kumikilos lang sila nang pabasta-basta at iniraraos lang nila ang mga bagay, palaging nakikipagbiruan. Sa pananalita at mga kilos nila, wala silang napapasama ng loob at kaya nilang makasundo ang lahat, mukha silang palakaibigan sa iba—sadyang mahilig lang silang mangalap at magpakalat ng mga tsismis. Mula sa mga kilos na ito, mailalarawan ba natin ang mga taong ito bilang mga alipin ni Satanas? (Oo.) Bakit natin masasabi ito? Hindi ba’t masyado nitong pinalalaki ang mga bagay? (Hindi.) Wala silang anumang interes sa paghahangad sa katotohanan. Sa sandaling makinig sila sa isang sermon, inaantok sila; sa sandaling mapagbahaginan ang mga salita ng Diyos, nakararamdam sila ng pagkasuklam at hindi sila mapakali, tayo sila nang tayo para uminom ng tubig o pumunta sa banyo, palaging hindi mapalagay ang loob nila—para silang pinapahirapan kapag nakikinig sila sa pagbabahaginan. Gayumpaman, sa sandaling marinig nila ang mga tsismis ni Satanas o ang mga maladiyablong salita ng mga walang pananampalataya, nagiging interesado sila, nagiging masigla sila, at nagsisimula silang buong sigasig na ipakalat ang mga tsismis at maladiyablong salitang ito. Mga kapatid ba ang mga gayong tao? Hindi. Tutol sila sa katotohanan at kinamumuhian nila ito sa kaibuturan nila. Tungkol sa mga usaping may kaugnayan sa Diyos at sa gawain Niya, maging ito man ay ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, ang katayuan ng Diyos, ang dignidad ng Diyos, o ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos, hinahamak nila ang mga ito sa puso nila. Ganap na hindi sila nagtataglay ng may-takot-sa-Diyos na puso. Kaya naman, palagi silang nagkikimkim ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos at sa Kanyang gawain. Madali nilang nauulit ang kung ano-anong uri ng tsismis at mga maladiyablong salita ni Satanas, at sa ganitong paraan ay natutupad nila ang layon nilang ipakalat ang mga ito, nang walang anumang kirot ng pagkakonsensiya. Anong uri ng buhong ito? Mga mananampalataya ba sila sa Diyos? (Hindi.) Ang mga ito ang mga kilos ng mga kinikilala ang Diyos sa salita at nagsasabing sumusunod sila sa Diyos, na naniniwalang may Matandang Lalaki sa Kalangitan, na naniniwalang may diyos sa tatlong talampakan sa itaas nila, at naniniwalang may ganti ang kabutihan at ang kasamaan. Ito ang saloobin nila sa Diyos. Kung may nang-insulto sa mga magulang nila o nag-imbento ng mga tsismis tungkol sa mga magulang nila habang nakatalikod sila, walang dudang makikipaglaban sila hanggang sa kamatayan. Gayumpaman, kapag may nang-iinsulto, nambabatikos, o naninira sa Diyos, bukod sa hindi sumasama ang loob nila, nagagawa rin nilang ulitin ito bilang biro at ipakalat pa nga ito kung saan-saan. Isa ba itong bagay na dapat gawin ng isang tagasunod ng Diyos? (Hindi.) Kung gayon, tama bang ituring ng maraming tao ang mga hindi mananampalatayang ito bilang mga kapatid? (Hindi.) Samakatwid, kapag pinaghihinalaan ang mga gayong tao bilang mga alipin ni Satanas, dapat maging alerto ang iba. Dapat na agarang ipaalam ng mga lider at manggagawa sa mga kapatid na mag-ingat sa mga taong ito, para makilatis ng lahat ang mga ito. Kapag nakumpirma ang mga ito bilang mga alipin ni Satanas, mga diyablo, dapat sama-samang itakwil ng lahat ang mga ito at paalisin sa iglesia. Naaayon ba ito sa mga prinsipyo? (Oo.) Kung gayon, ito ang dapat na gawin.