Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (17) Ikatlong Seksiyon

4. Pagbubulalas ng Pagkanegatibo Kapag Nasira ang Pagnanais ng Isang Tao na Magkamit ng mga Pagpapala

May isa pang pagpapamalas ang pagbubulalas ng pagkanegatibo. Sinasabi ng ilang tao, “Napakaraming taon ko nang nananampalataya sa Diyos, at ano ba ang nakamit ko?” Kapag nagbubulalas ng pagkanegatibo ang gayong mga tao, ang pangunahing bagay na sinasabi nila ay, “Ano ba ang nakamit ko?”—ibig sabihin ay wala silang anumang nakamit. Naniniwala silang napakahirap na makakuha ng ilang pakinabang o pagpapala mula sa sambahayan ng Diyos o mula sa Diyos habang nananampalataya sa Kanya, at na dapat maghandog ang mga tao ng napakalaking pagmamahal at magkaroon ng napakatinding pagtitiis, at hindi maging sabik sa mabibilis na resulta. Tungkol naman sa mga salita ng Diyos na naglalantad sa mga tao, nagpupungos sa mga tao, nagpipino sa mga tao, at naglilinis sa katiwalian ng mga tao, naniniwala sila na ito ay paimbabaw lamang, matayog pakinggan na retorikang hindi puwedeng lubusang pagkatiwalaan; iniisip nila na kung magsasagawa sila ayon sa mga salita ng Diyos, talagang magdurusa sila ng malaking kawalan. Iniisip nila na ang pagtatamo ng mga pakinabang at kalamangan at ang pagsasakatuparan ng mga adhikain at kahilingan nila ang pinakamahalagang bagay sa lahat ng oras, at talagang hindi mahalaga kung isinasagawa man nila ang katotohanan o hindi—naniniwala sila na hangga’t hindi sila gumagawa ng kasamaan, sapat na iyon, at hindi sila ititiwalag ng iglesia. Ano ang nararamdaman ng karamihan ng tao matapos marinig ang mga negatibong salitang ito? Sumasang-ayon at tumatalima ba sila sa mga salitang ito sa loob-loob nila, o nakakaramdam ba sila ng kaunting paghamak sa mga salitang ito, at iniisip na ang mga taong ito ay makasarili, kasuklam-suklam, buktot, at mababang-uri, at kaya nilang kilatisin, ilantad, at limitahan ang mga taong ito, pinipigilan ang mga ito sa patuloy na pagpapakalat ng pagkanegatibo at kamatayan? Nasusuklam ba ang karamihan ng tao at kinokondena ba nila ang gayong mga negatibong salita, o maaari ba silang malihis ng mga ito at maging negatibo? Matapos marinig ang mga salitang ito at makita na wala silang nakakamit, iniisip ng ilang tao, “Totoo iyon! Wala rin akong anumang nakamit. Sa sambahayan ng Diyos, bukod sa pagkain nang tatlong beses kada araw, abala ako sa lahat ng oras, at wala talaga akong nakamit na iba pa.” May gayon ba kayong mga kaisipan? Ganoon din ba ang nadarama ninyo? Sasabihin ng mga nakakaunawa sa katotohanan, “Ano ang ibig mong sabihin na wala kang anumang nakamit? Napakarami nating nakamit mula sa Diyos! Naunawaan natin ang napakaraming katotohanan!” Pero maaaring hindi sumang-ayon ang ilang tao sa kanila, sinasabi, “Tila hindi naman makatotohanan na sabihing ‘napakarami’ nating nakamit. Nakatanggap lang tayo ng kaunting biyaya, nagkaroon ng ilang pagkakataon na gawin ang mga tungkulin natin, nakaunawa ng ilang doktrina tungkol sa kung paano umasal, nakatagpo at nakakilala tayo ng maraming kapatid mula sa iba’t ibang lugar, at lumawak nang husto ang pananaw natin. Masasabing kakaunti lang ang nakamit na ito.” Saan kayo nabibilang sa mga kategoryang ito? May mga tao sa lahat ng kategoryang ito, tama ba? (Oo.) Tatalakayin natin ito mula sa dalawang anggulo. Una, pag-usapan natin kung ano ang nangyayari sa mga palaging nananampalataya sa Diyos para magkamit ng biyaya—nananampalataya ba sila sa Diyos para hangarin ang pagkakamit ng katotohanan para maaari nilang matamo ang kaligtasan? (Hindi, nananampalataya sila para magkamit ng mga pagpapala.) Kung gayon, katiting ba na biyaya, proteksiyon, kabaitan, kaliwanagan, at pagtanglaw ang ibinigay ng Diyos sa kanila? (Ibinigay sa kanila ng Diyos ang marami sa mga bagay na ito.) Masasabi na nakatanggap ng proteksiyon ng Diyos ang bawat taong nananampalataya sa Diyos. Kongkreto ba ang proteksiyon ng Diyos? May ilang halimbawa ba nito mula sa tunay na buhay? Anong mga uri ng proteksiyon ang natanggap ng mga tao? (Ang isang medyo malinaw na uri ay na pagkatapos manampalataya sa Diyos, hindi na tayo naiimpluwensiyahan ng mga buktot na kalakaran ng mundo. Hindi tayo nasasadlak sa pagpapasasa sa sarili o naghahangad ng mga buktot na bagay na iyon, tulad ng pagpunta sa mga nightclub, paninigarilyo, pag-iinom, at iba pa. Kahit papaano man lang, hindi tayo nakikisangkot sa mga bagay na ito at naniniwala akong labis tayong protektado sa aspektong ito.) Isa itong napakakongkretong aspekto na nakikita at personal na nararanasan ng mga tao. Ang hindi maimpluwensiyahan at malihis ng mga buktot na kalakaran ng mundo, ang mamuhay bilang isang tao, at ang mamuhay sa loob ng normal na pagkatao nang may wangis ng isang tao—isa itong praktikal na halimbawa at ebidensiya ng proteksiyon ng Diyos. May iba pa ba? (Ang hindi magulo ng masasamang espiritu at ang magawang mamuhay sa ilalim ng proteksiyon ng Diyos.) Isa rin itong praktikal na halimbawa. Nagkaroon na ba ng ganitong karanasan ang karamihan ng tao? Kaya ba ninyong maunawaan ang kahulugang nakapaloob dito? Sinasabi ng ilang tao, “Ang mga walang pananampalataya ay hindi rin nagugulo ng masasamang espiritu. Ilang walang pananampalataya ang nagugulo ng masasamang espiritu?” Tama ba ang pahayag na ito? Nadarama ba ninyong umaayon sa mga katunayan ang pahayag na ito? (Marami-rami na sa mga kaklase ko ang nagulo ng masasamang espiritu. Ang ilan ay nakaranas ng sleep paralysis, at ang iba naman ay nakarinig ng mga boses. Hindi sila nananampalataya sa Diyos at hindi nila alam kung ano ang nangyayari. Kung saan-saan sila nagpapagamot pero hindi ito malunasan, namumuhay sila sa takot at pangamba; labis itong masakit. Gayumpaman, dahil nananampalataya ako sa Diyos simula pagkabata, hindi ako kailanman nagulo o nagdusa sa ganitong paraan. Kadalasan, medyo panatag at payapa ang pakiramdam ng puso ko.) Walang ganitong alalahanin ang mga tunay na mananampalataya sa Diyos. Hindi tayo nag-aalala na maapektuhan ng conversion disorder o na magulo o masapian ng masasamang espiritu; hindi tayo takot dahil nasa atin ang Diyos. Dagdag pa rito, sa tunay na buhay, ang mga walang pananampalataya ay palaging nag-uusap tungkol sa pagbabasa ng mukha, feng shui, at panghuhula—sa Kanluran, may astrolohiya pa nga. Sumasamba ang ilang tao sa mga sikat na estatwa ng Budismo, sa masasamang espiritu, at sa mga idolo, habang ang iba naman ay hindi, pero sumasamba man sila o hindi, naiimpluwensiyahan at nalilimitahan silang lahat ng mga bagay na ito sa ilang antas. Halimbawa, bago lumabas ng bahay, kailangan nilang magsagawa ng kaunting dibinasyon para makita kung alin ang masuwerteng direksiyon at alin ang malas. Kapag nagbubukas ng tindahan, tinutukoy nila kung aling puwesto ng counter ang makakaakit ng pera at kung alin ang hindi, kung anong mga bagay ang dapat ilagay sa tindahan at aling mga idolo ang dapat sambahin para makaakit ng kayamanan, at kung saan ilalagay ang ilang bagay para maiwasang magambala ang feng shui. Kapag lumilipat ng bahay, dapat nilang tukuyin ang masuwerteng oras ng paglipat para matiyak ang kasaganaan ng pamilya sa hinaharap at maiwasan ang mga kapahamakan, at matukoy kung aling mga oras ang malas. Maging ang mga mag-aaral ay naiimpluwensiyahan ng mga paniniwalang ito kapag kumukuha sila ng mga entrance examination. Sa araw ng pagsusulit, iniiwasan nilang makapagsabi ng mga salitang nagpapahiwatig ng pagkabigo, at sa halip ay dapat silang magsabi ng mga salitang tulad ng “galingan” at “tagumpay.” Ang bawat isang aspekto ng buhay—mula sa pagpasok ng mga bata sa paaralan, hanggang sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga magulang, pagkita ng pera, paglilipat ng bahay, paghahanap ng trabaho, pati na sa pag-aasawa ng mga anak, at iba pa—ay naiimpluwensiyahan ng diumano’y feng shui at kapalaran, at iba pang mga ideya. Kaya, kapag naiimpluwensiyahan ng mga bagay na ito ang mga tao, ano ang naglilimita sa kanila? Nililimitahan sila ng masasamang espiritu; ang lahat ng bagay na ito ay kinokontrol ng masasamang espiritu. Kung gayon, bakit sinasamba ng mga tao ang masasamang espiritung iyon? Bakit sila naiimpluwensiyahan ng mga bagay na ito? Para sa isang napakasimpleng bagay tulad ng paglilipat ng bahay, bakit kailangang palaging pag-isipan nang mabuti ng mga tao kung anong oras ang masuwerte sa paglipat at kung anong oras ang hindi, kung ano ang masuwerteng unang ilipat, at kung ano ang masuwerteng hindi ilipat? Bakit palaging kailangan nilang isaalang-alang ang mga bagay na ito? Kailangan nilang isaalang-alang ang mga ito dahil kung hindi, kikilos ang masasamang espiritu, pahihirapan at sasaktan sila. Ano ang nakikita ninyo mula sa mga usaping ito? Namumuhay ang buong sangkatauhan sa ilalim ng kontrol ng masasama. Sino ang masasama? Ang mas malalaking masasama ay sina Satanas at ang mga diyablo, at ang mas maliliit na masasama ay ang masasamang espiritu sa iba’t ibang lugar, iyong mga kumokontrol sa iba’t ibang lahi ng tao. Ang bawat aspekto ng buhay ng tao ay nililimitahan at kinokontrol ng masasamang espiritung ito. Kahit kapag nagpapatayo ng bahay, kapag naglalagay ng pangunahing biga, nagsasabit ang mga tao ng pulang tela at nagsisindi ng mga paputok para sa kaunting suwerte, at nagsusuot ng pulang damit ang lahat ng trabahador sa konstruksiyon para makaakit ng kasaganaang pinansiyal, at para makaiwas sa mga aksidente. May ilang partikular na hinihingi at kasabihan tungkol sa lahat ng bagay na ito, may mga ipinagbabawal din, at dapat nilang iwasan ang mga ipinagbabawal at sumunod sa mga kasabihang ito. Halimbawa, madalas maharap ang ilang tao sa mga paghihirap at hindi maayos ang takbo ng mga bagay-bagay para sa kanila—nawawalan sila ng trabaho, iniiwan sila ng misis nila, at wala nang natitira sa bahay nila. Ni hindi nila mabayaran ang utang nila sa bahay, at tila walang nangyayaring tama. Wala naman silang ginawang masama, kaya bakit nangyayari ang mga bagay na ito sa kanila? Kapag wala na silang ibang pagpipilian, nauuwi sila sa pagsamba sa mga huwad na diyos at masasamang espiritu, o apurahang naghahanap ng isang taong susuri sa feng shui nila para baguhin ang kapalaran nila, at pagkatapos nilang gawin ito, unti-unting bumubuti ang mga bagay-bagay para sa kanila. Hindi sila naniniwala sa mga bagay na ito dati, pero ngayon, kapag lumilitaw ang mga problema, taos-puso silang sumasamba sa mga huwad na diyos at masasamang espiritu, at bago sila gumawa ng anumang bagay, dapat muna silang kumonsulta sa mga dibinasyon o panghuhula. Nakakapagod ba ang ganitong pamumuhay? (Oo.) Sobrang nakakapagod ito! Bagama’t gusto nila, hindi sila makapamuhay nang malaya at maginhawa, o makaalpas sa mga pagpipigil ng mga kasabihan at panuntunang ito. Kung susuway sila sa mga panuntunang ito, kikilos ang masasamang espiritu at guguluhin sila, at sapilitan silang pinapasupil ng masasamang espiritung iyon, at dapat nilang sambahin ang mga ito araw-araw para maging maayos ang takbo ng buhay nila. Gayumpaman, iyong mga nananampalataya sa Diyos ay hindi nakatali sa mga piyudal na pamahiing ito o sa mga gawain ng masasamang espiritu. Makakalipat sila ng bahay o makapupunta saan man nila gustuhin, nang hindi iniiwasan ang anumang ipinagbabawal. Sa mainland China, palaging inaapi at inuusig ng Partido Komunista ang mga paniniwalang panrelihiyon. Kung hindi na makakapamuhay ang isang mananampalataya sa isang lugar, dapat siyang lumipat kaagad—kailangan ba niyang pumili ng masuwerteng araw o oras para dito o sumamba sa kung ano? Hindi. Magdarasal siya sa Diyos, at poprotektahan siya ng Diyos. Ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos—hindi sila nakagapos sa mga bagay na ito. Sa tuwing may gusto silang kainin o gusto nilang lumabas ng bahay, kailangan ba nilang kumonsulta sa almanac o tingnan kung may malalabag silang ipinagbabawal? Hindi, nagdarasal sila sa Diyos, at nasa mga kamay ng Diyos ang lahat ng bagay. Kapag namumuhay ang mga tao sa ilalim ng kapamahalaan at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, nang may proteksiyon at paggabay ng Diyos, hindi makakalapit ang masasamang espiritu at maruruming demonyo, malaki man o maliit; hindi nangangahas ang mga ito na pakialaman iyong mga nananampalataya sa Diyos. Hindi ba’t protektado ang mga taong ito? Hindi ba’t namumuhay sila nang malaya at maginhawa? (Oo.) Malaki ba ang biyayang ito? (Oo.) Nakamit mo man ang katotohanan o hindi, basta’t isa kang taong taos-pusong nananampalataya sa Diyos, isa kang taong pauna nang itinakda at pinili ng Diyos, at kapag lumalapit ka sa Diyos, pinoprotektahan ka Niya nang ganito, tinutulutan kang magtamasa ng gayong biyaya. Napakalaking biyaya nito! Ang personal mong seguridad at lahat ng kilos mo ay napapanatiling ligtas at protektado—pinapanagutan ng Diyos ang mga bagay na ito at pinoprotektahan Niya ang mga ito, kaya hindi mo kailangang mag-alala. Kadalasan, hindi man lang nagdarasal ang mga tao o hindi nila sinasadyang isipin, “Magdarasal ako sa Diyos, at hihilingin ko sa Diyos na protektahan ako. Sana maging maayos ang lahat at walang masamang mangyari.” Ni hindi mo na kailangang magdasal. Basta’t may simpleng paniniwala ka sa puso mo na, “Nananampalataya ako sa Diyos; ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos,” kikilos ang Diyos. Nagtatamasa ang mga tao ng ganoon kalaking biyaya mula sa Diyos—pagkakamit ba ito ng kaunti? (Pagkakamit ito ng napakarami.) Ang Diyos ang nag-iisa at tanging May Kataas-taasang Kapangyarihan sa mundo. Ang buhay mo at lahat ng pag-aari mo ay nasa mga kamay ng Diyos, nasa mga kamay ng May Kataas-taasang Kapangyarihang ito, payapa, panatag, at kalmado ang puso mo, at hindi mo kailangang mag-alala tungkol sa anumang bagay. Kahit gaano pa karaming kaalaman ang mayroon ka tungkol sa Diyos o kahit gaano karaming katotohanan ang nauunawaan mo, lubos kang makakatiyak dito sa puso mo. Ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos. Kung ang mga mananampalataya sa Diyos ay may puwang para sa Kanya sa puso nila at nauunawaan nila ang katotohanan, hindi nangangahas ang masasamang espiritu na manggulo, maminsala, o lumapit sa kanila. Dahil dito, hindi na kailangang gawin pa ng mga mananampalataya ang mga di-kinakailangang prosesong iyon. Napakalaking biyaya nito—paanong nasasabi mo pa rin na wala kang nakamit mula sa pananampalataya sa Diyos? Hindi ba’t wala kang konsensiya? Kahit hindi na tingnan ang iba pang bagay, ang sabihin lang na walang nakamit ang isang tao ay nagpapatunay ng lubos na kawalan niya ng konsensiya, at nagpapatunay ito na lubos na masama ang konsensiya niya; wala nang kailangang sabihin pa tungkol sa iba pa.

Malayang ibinibigay ng Diyos sa mga tao ang katotohanan at buhay, ibinibigay ang Kanyang mga salita sa mga tao nang walang hinihinging anumang kapalit. Bagama’t maaaring maramdaman ng mga tao na mababa pa ang tayog nila, na hindi pa nila lubos na nauunawaan ang katotohanan, at na hindi nila maipahayag nang malinaw ang kaunting nauunawaan nila, ang mga bagay lang na ito na ibinigay ng Diyos sa kanila, ang pagkagiliw at pagmamahal na ito—napakalaking biyaya nito! Ibinigay ng Diyos sa mga tao ang mga pinakaimportanteng bagay; natanggap ng mga tao mula sa Diyos ang pinakamahahalagang bagay sa mundo. Naramdaman mo man ito o hindi, ibinigay na ng Diyos ang mga ito sa tao. Ano pa ang mairereklamo ng mga tao? Karapat-dapat ba silang makatanggap ng mga bagay na ito? Iyong mga pinili ng Diyos ang pinakamasasayang tao sa mundo. Pinili at hinirang ka ng Diyos; isa ka sa mga pinakamasaya at pinakamapalad na tao sa mundo. Paanong nasasabi mo na wala kang nakamit? Naging isa ka sa mga pinakamasaya at pinakamapalad na tao dahil pinili at hinirang ka ng Diyos, kaya naman, hindi nangangahas ang masasamang espiritu at maruruming demonyo na lumapit sa iyo. Tinatanong ng ilang tao, “Ibig bang sabihin nito ay naging marangal ang katayuan at pagkakakilanlan ko?” Puwede ba itong sabihin? Hindi, dahil ang lahat ng ito ay dahil sa pagmamahal at mga kilos ng Diyos. Napakarami nang nakamit ng mga tao! Sa buhay na ito pa lang, napakarami nang nakamit ng mga tao; paano nga ba naging kalipikado ang mga tao na tanggapin ang lahat ng ito? Ang ilang nananampalataya sa Diyos ay hindi talaga naghahangad sa katotohanan at palagi pa rin nilang sinasabi, “Ano ba ang nakamit ko mula sa maraming taon ng pananampalataya sa Diyos?” Hindi mo ba ito kayang kalkulahin nang mag-isa? Alam mo sa puso mo kung nauunawaan mo ang katotohanan, kung gaano nabawasan ang kasamaang nagawa mo, at higit pa rito, alam mo sa puso mo kung gaano kalaking biyaya ang natamasa mo. Kung malinaw sa puso mo ang mga puntong ito, hindi ka magsasabi ng mga bagay na napakawalang-konsensiya. Sinasabi rin ng ilan, “Ang sambahayan ng Diyos din ang nagbibigay ng pagkain, damit, at tirahan ko.” Hindi ba’t napakaliit nito kumpara sa biyaya at proteksiyon ng Diyos? Hindi ba’t hindi na ito nararapat pang banggitin? Gayumpaman, nararamdaman niyong mga may konsensiya na bagama’t hindi na ito nararapat pang banggitin, bahagi pa rin ito ng biyaya ng Diyos. Hindi masusukat ang biyaya ng Diyos; napakaraming ibinigay ng Diyos sa mga tao! Tungkol naman sa mga materyal na bagay na iyon, mula sa perspektiba ng Diyos, ni hindi na Niya binibilang ang mga iyon.

Ang isang aspekto ng mga kilos ng Diyos ay ang protektahan ang mga tao, at ang isa pa ay ang akayin sila sa landas ng kaligtasan para mailigtas sila. Natamasa ng mga tao ang pagkagiliw na ito ng Diyos at ang Kanyang pagmamahal sa kanila, at pinagkalooban sila ng Diyos ng masaganang biyaya! Dagdag pa rito, may isang bagay na siyang pinakamahalaga: ang katotohanang ipinagkaloob ng Diyos sa mga tao, sa partikular, ang mga salitang walang sinuman sa kasaysayan ng sangkatauhan, sa anumang kapanahunan, ang nakarinig o nakatanggap. Ilang beses mang nilikha ng Diyos ang sangkatauhan, hindi Niya kailanman ginawa ang gawaing ito o sinabi ang mga salitang ito. Ang lahat ng misteryong may kinalaman sa sangkatauhan, kung ano ang kayang tiisin, arukin, at unawain ng mga tao—sinabi ng Diyos ang lahat ng ito sa inyo. Masusukat ba ang mga misteryong ito, ang mga katotohanang ito, sa anumang halaga? Hindi masusukat ang mga ito; hindi mauubos ng mga tao ang pagtatamasa nila kahit maraming buhay pa ang lumipas. Bakit Ko sinasabi ito? Ito ay dahil ang mga salitang ito mula sa Diyos ang pundasyon para sa pag-iral ng mga tao, at maaaring umiral ang mga ito magpasawalang-hanggan. Kung talagang mapalad ka na manatiling buhay at mamuhay magpasawalang-hanggan, matutustusan ka ng mga salita at katotohanang ito mula sa Diyos nang walang-hanggan. Ano ang ibig sabihin ng magpasawalang-hanggan? Ang ibig sabihin nito ay ang pagiging hindi nalilimitahan ng oras, ang pagkawalang-hanggan. Kung bibigyan natin ito ng literal na kahulugan, nangangahulugan ito ng kawalan ng hangganan—ang pamumuhay nang walang-hanggan, tulad ng Diyos Mismo. Maaaring umiral ang mga salita at katotohanang ito mula sa Diyos hanggang sa panahong iyon. Ang “panahong iyon” ay isang konsepto at depinisyon ng oras na ipinapahayag sa wika ng tao, pero nangangahulugan talaga ito ng walang katapusan. Sabihin ninyo sa Akin, malaki ba o hindi ang halaga ng mga salitang ito mula sa Diyos? Napakalaki nito! Kung hindi mo hahangarin ang mga ito, kawalan mo ito; kahangalan mo ito. Pero kung hahangarin mo ang mga ito, magkakaroon ng halaga ang mga salitang ito para sa iyo na lampas pa sa habambuhay na ito; umaabot ito sa magpasawalang hanggan. Palaging magiging epektibo at kapaki-pakinabang ang mga ito para sa iyo, at magkakaroon ang mga ito ng halaga at kabuluhan magpakailanman, magtutustos sa iyo magpasawalang-hanggan. Kung mauunawaan mo ang mga salitang ito, kung matatamo mo ang mga ito, at mamumuhay ka ayon sa mga ito, magagawa mong mabuhay magpasawalang-hanggan. Sa mas simpleng pananalita, mabubuhay ka magpakailanman nang hindi natitikman ang kamatayan. Hindi ba’t isa itong bagay na pinapangarap ng mga tao? Lilipas ang napakaraming kapanahunan, mamamatay ang napakaraming tao, pero mananatili ka pa ring buhay. Sa anong paraan ka mananatiling buhay? Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, sa pamamagitan ng katotohanan, magkakaroon ka ng mga kalipikasyong patuloy na mabuhay nang ganito. Ano ang gagawin mo sa tuloy-tuloy na buhay na ito? May atas ka ng Diyos, pamumuno ng Diyos, at may misyon ka rin. Ano ang misyon mo? Sa pamamagitan ng pagsasabuhay mo sa Kanyang mga salita, gusto ng Diyos na luwalhatiin mo Siya at maging patotoo ka para sa Kanya. Ito ang halaga ng mga salita ng Diyos. Ang halaga at kabuluhan ng katotohanan at mga salitang naririnig, nakakaugnayan, at nararanasan ng mga tao sa kapanahunang ito ay iiral magpasawalang-hanggan. Bakit iiral ang mga ito magpasawalang-hanggan? Ang mga salitang ito ng Diyos ay hindi isang teolohiya, teorya, islogan, o isang uri ng kaalaman, kundi ang mga salita ng buhay. Hangga’t natatamo mo ang mga salitang ito, hangga’t namumuhay ka ayon sa mga ito, at nananatili kang buhay sa pamamagitan ng mga ito, tutulutan ka ng Diyos na patuloy na mabuhay at hindi ka hahayaang mamatay. Ibig sabihin, hindi ka Niya wawasakin o babawian ng buhay—hahayaan ka Niyang patuloy na mabuhay. Hindi ba’t napakalaking pagpapala nito? (Oo, napakalaki.) Sa pamamagitan ng mga salitang ito, gusto ng Diyos na ipatikim muna sa iyo ang pagpapalang ito sa buhay na ito at matamo ito sa darating na mundo. Ito ang pangako ng Diyos. Kung isasaalang-alang ang napakalaking ipinangako ng Diyos sa sangkatauhan, marami na bang natanggap ang mga tao? (Oo.) Nangako nang ganoon kalaki ang Diyos sa sangkatauhan, ipinaalam Niya ito sa lahat. Sinabi na Niya sa iyo ang tungkol dito, tinutulutan kang pumunta at malayang kuhanin ito. Hindi mo kailangang isakripisyo ang buhay mo o ibigay ang lahat ng ari-arian mo; kailangan mo lang makinig sa mga salita ng Diyos, at kumilos ayon sa mga hinihingi at ninanais ng Diyos, at maaari mong matanggap ang pangakong ito mula sa Diyos. Hindi ba’t napakarami nang ibinigay ng Diyos sa sangkatauhan? Kasalukuyan kang nasa landas ng pagtatamo sa pangakong ito: Bagama’t hindi mo pa ito ganap na natatanggap, kakaunti ba ang natanggap mo? Kung titingnan ang ipinangako ng Diyos sa sangkatauhan, napakarami nang natanggap ng mga tao. Napakalaking kalamangan na ang nakamit nila; hindi talaga sila natalo o nagdusa ng anumang kawalan. Naglaan lang sila ng kaunting oras, at maaaring nakaranas ng kaunting pagkapagod ang laman nila. Maaaring nagsakripisyo sila ng ilang personal na kasiyahan sa tahanan, mga personal na kagustuhan ng laman at mga pagnanais, nagsuko ng ilan sa sarili nilang mga adhikain, interes, at kahilingan, at iba pa. Gayumpaman, kung ikukumpara sa pag-unawa sa katotohanan, pagtamo ng kaligtasan, at pagtanggap sa pangako ng Diyos, ang lahat ng personal na kinabukasan, layon, at adhikain na iyon ay hindi na dapat pang banggitin, dahil dadalhin ka lang ng mga ito sa impiyerno, at hindi ipagkakaloob ng Diyos ang Kanyang pangako sa iyo para sa mga bagay na iyon. Sa kabaligtaran, kapag naglalaan ang mga tao ng limitadong oras, ng isang halaga na handa sila at kaya nilang bayaran, sa huli ay nauunawaan nila ang katotohanan, at naaarok ang ilang misteryo, prinsipyo para sa sariling asal, ang ilang diwa at ugat na sanhi ng lahat ng pangyayari at bagay, at iba pa, na hindi nauunawaan ng sangkatauhan simula nang lumikha ang Diyos. Lalong higit pa rito, nagkakamit sila ng kaunting kaalaman tungkol sa Diyos at nagkakaroon ng takot sa Kanya. Sa pagtatamo sa lahat ng ito, hindi ba’t sulit ang magbayad ng gayong halaga? Ano ang mga hinanakit ng mga tao? Bakit sinasabi nilang wala silang nakakamit mula sa pananampalataya sa Diyos? Hindi ba’t ganap nang nabulok ang konsensiya nila? Napakarami mo nang nakamit, pero hindi ka pa rin kontento. Ano pa ba ang gusto mo? Masisiyahan ka ba kung magiging presidente o bilyonaryo ka? Kung ibibigay sa iyo ng Diyos ang mga bagay na iyon, hindi ka na mahihirang ng Diyos. Ayaw ng Diyos na magkamit ng ganitong mga tao.

Palaging sinasabi ng mga tao na wala silang nakamit mula sa pananampalataya sa Diyos, na nagpapakita na sila ay walang konsensiya, walang anumang abilidad na maarok ang katotohanan, hindi naghahangad sa katotohanan, at napakababa ng karakter nila. Walang dalisay na pagkaarok ang gayong mga tao sa ginagawa ng Diyos, sa hinihingi ng Diyos sa mga tao, at sa ipinagkaloob ng Diyos sa mga tao, pati na rin sa iba pang mga bagay. Sa huli, kapag may nangyayari na bahagyang nakakapagpadismaya sa kanila, biglang sumasabog ang labis-labis na galit na naipon nila: “Ano ba ang nakamit ko mula sa pananampalataya sa Diyos? Labis na nagdusa ang laman ko. Ginawa ko ang anumang mga tungkuling itinalaga sa akin ng iglesia. Gaano man kahirap o kanakakapagod, hindi ako kailanman nagreklamo; gaano man kalaki ang mga paghihirap, wala akong sinabing anuman kailanman. Hindi ako kailanman humingi ng kahit ano sa sambahayan ng Diyos. Sa dakilang pagmamahal at katapatan ko, ano ba ang nakamit ko? Kung kahit ako ay walang nakamit, mas lalong walang pag-asa ang iba na makapagkamit ng anuman!” Ang ipinapahiwatig ay: “Hindi kayo naghandog ng kasingdami ng inihandog ko, hindi kayo nagbayad ng halagang ibinayad ko; kung kahit ako ay walang nakamit, ano pa kaya ang makakamit ninyo? Kailangang mag-ingat kayong lahat; huwag kayong maging hangal!” Hindi ba’t walang konsensiya ang gayong mga tao? Ang isang taong walang konsensiya ay palaging bumibigkas ng mga salita ng kahangalan at katigasan ng ulo. Hindi niya maarok ang kahit isa sa lahat ng napakaraming katotohanang sinabi ng Diyos, o sa lahat ng napakaraming dalisay at positibong bagay at pahayag, sa halip ay mahigpit siyang kumakapit sa sarili niyang mga pananaw: “Nagtitiis ako ng mga paghihirap at nagbabayad ng halaga para sa Diyos, kaya dapat akong pagpalain ng Diyos, at dapat Niya akong tulutan na magkamit nang higit pa kaysa sa iba. Kung hindi, magbubulalas ako, sasabog ako, at magmumura ako! Dapat ipagkaloob ng Diyos sa akin ang anumang gusto ko, at kung hindi ko ito makukuha, hindi matuwid ang Diyos, at sasabihin kong wala akong nakamit—ito ay pagsasabi ng pawang katotohanan!” Hindi ba’t wala siyang pagkatao? Ang mga salita ng isang taong walang pagkatao ay tiyak na hindi matibay, lalong hindi ito umaayon sa katotohanan; ang huli ay napakalaking kahilingan para sa kanya. Ang mga salitang sinasabi ng isang tao ay dapat na mga lehitimong kahilingan, mga lehitimong pahayag, hindi mga baluktot na argumento; dapat makapanindigan ang mga ito, sinuman ang makinig o sumuri sa mga ito. Gayumpaman, hindi matibay ang mga salita at kilos ng mga taong may mahinang pagkatao. Kapag nagmamaktol sila at nagbubulalas ng mga hinanakit nila, iniisip ng ilang tao, “Bakit nila sinasabing wala silang nakamit? Maaari kayang inagrabyado sila sa anumang paraan ng sambahayan ng Diyos? Maaari kayang ang ilang pagkilos ng sambahayan ng Diyos ay hindi nakaayon sa mga prinsipyo at hindi maaaring isiwalat? Mukha namang kayang-kaya ng taong iyon na magtiis ng mga paghihirap at magbayad ng halaga nang nakasanayan, pero ngayon ay sumabog siya nang napakatindi, sinasabing wala siyang nakamit; mukhang wala nga siyang nakamit. Hindi ba’t pagpapagalit ito sa isang taong may mabuting asal? Kung gayon, mas mabuti pang mag-ingat ako; hindi ako dapat magtiis ng gayong paghihirap o magbayad ng gayong halaga gaya ng dati kapag ginagawa ang mga tungkulin ko!” Ganito naiimpluwensiyahan ang ilang taong magulo ang isip at walang pagkilatis.

Para sa mga taong madalas magbulalas ng pagkanegatibo, kung talagang may mga pananaw o ideya silang nais ipahayag, hayaan silang magsalita muna at isiwalat ang mga pananaw nila. Kapag nakapagsalita na sila, mauunawaan ng lahat: “Pakiramdam nila, ang halagang ibinayad nila ay hindi katumbas ng nakamit nila. Pakiramdam nila na wala silang nakamit na anumang mga pakinabang at na nagdusa sila ng mga kawalan, kaya umaayaw na sila. Nagrereklamo sila tungkol sa Diyos, umaasang makipagtawaran sa Diyos, humihingi ng biyaya at mga pakinabang!” Makikilatis ba ng karaniwang tao ang gayong tao kapag narinig niya itong magsalita? Sa sandaling nakikilatis na siya ng lahat, sabihin sa taong iyon: “Tapos ka na bang magsalita? Kung wala ka nang sasabihin pa, tumahimik ka na, o magmumukha ka lang na isang hangal. Kung malalantad ang buktot mong kalikasan sa harap ng lahat ng tao at hindi mo agarang mapipigilan ito, mag-uudyok ito ng galit ng publiko. Kapag inilantad at itinakwil ka ng lahat, magiging huli na para magsisi.” Bigyan siya ng babala sa ganitong paraan, at sa paggawa nito, malilimitahan mo na siya. O kaya naman, puwede mo ring sabihin: “Kung pakiramdam mo ay natalo ka, hindi mo kailangang manampalataya sa Diyos. Pakiramdam mo ay wala kang anumang nakamit, kaya ano ba mismo ang gusto mong makamit? Kung ito ay ang kumita nang malaki at maging mayaman, o humawak ng mataas na posisyon, pasensiya na, pero ang mga bagay na ito ay hindi matatamo dahil lang sa gusto ng isang tao; ito ay mga bagay na inorden ng Diyos. Ang pagpapakita ng Diyos at ang Kanyang gawain ng pagliligtas sa tao ay hindi tungkol sa pagbibigay sa mga tao ng mga bagay na ito. Pumunta ka kung saan mo man makukuha ang mga ito; ang sambahayan ng Diyos ay hindi ang mundo, hindi nito kayang bigyang-kasiyahan ang mga diyablo at Satanas. Mas mabuti pang huwag kang humingi ng gayong mga bagay mula sa sambahayan ng Diyos, huwag din mula sa mga kapatid; kung mangangahas kang hingin ang mga bagay na ito sa Diyos, masasalungat mo ang Kanyang disposisyon at mapupukaw mo ang Kanyang galit. Ito ay dahil napakaraming biyaya na ang ipinagkaloob ng Diyos sa mga tao, at pinagkalooban na Niya ang mga tao ng mas marami pang katotohanan para maging buhay nila. Ang hindi mo pagpapahalaga sa pagkakamit sa katotohanan ay kahangalan at kamangmangan mo.” Pinagsasabihan at pinupungusan siya ng lahat sa ganitong paraan. Ano ang palagay mo sa ganitong pagsasagawa? O kaya naman, puwede mong sabihin: “Walang utang ang sambahayan ng Diyos sa iyo. Pawang boluntaryo ang paggugol mo para sa Diyos at ang paggampan mo sa mga tungkulin mo. Alam mo ba kung gaano karaming biyaya ang natamasa mo mula sa Diyos mula nang manampalataya ka sa Kanya at gumawa ka ng mga tungkulin? Kung may konsensiya ka man lang, hindi mo dapat sabihin sa Diyos na wala kang nakamit; dapat kang lumapit sa Diyos at kilalanin ang sarili mong mga problema. Kung tunay kang naniniwala na ang Diyos ang katotohanan, na ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay ang katotohanan at ang Kanyang mga salita ay ang katotohanan, hindi mo dapat sinasabi ang mga bagay na iyon; hindi ka dapat nagrereklamo. Ang kasalukuyan mong saloobin ay hindi ang nararapat na taglayin ng isang nananampalataya sa Diyos, ni hindi ito ang saloobin na dapat mayroon ang isang taong naghahanap sa katotohanan. Sinusubukan mong maghimagsik, muling buhayin ang mga dati mong problema sa Diyos! Sinusubukan mong putulin ang ugnayan mo sa Diyos, para makipagtuos! Pero walang utang ang Diyos sa iyo, gayundin ang sambahayan ng Diyos. Kung makikipagtuos ka sa sambahayan ng Diyos, bilisan mo at umalis sa Kanyang sambahayan. Huwag mong inisin ang sambahayan ng Diyos, kung hindi ay mapupukaw mo ang Kanyang poot at ikaw ay papabagsakin Niya. Hindi magiging magandang kahihinatnan iyon. Kung mayroon kang anumang konsensiya o katwiran, dapat kang huminahon para magdasal at maghanap, para makita kung may anumang mali sa perspektiba sa likod ng paghahangad mo sa pananampalataya mo sa Diyos, at kung ang landas na tinatahak mo ay ang landas na hinihingi ng Diyos na tahakin mo. Napakarami mong di-makatwirang hinihingi sa Diyos, napakatindi ng sama ng loob mo; ipinapahiwatig nito na may problema sa paghahangad mo. Hindi mo inipon ang ganoon katinding sama ng loob sa loob lang ng isa o dalawang araw; matagal na panahon na itong naiipon. O marahil lumalapit ka sa Diyos nang may maling pananaw sa isipan mula pa noong nagsimula kang manampalataya sa Kanya, at anuman ang sinabi Niya, naging manhid ka, at bilang resulta ay wala kang nararamdamang anumang pagsisisi o pagkakautang. Marahil iyon ang dahilan kung bakit nagkaganito ang mga bagay-bagay ngayon. Mas mabuti pang magmadali kang mangumpisal at magsisi; may oras pa para magsisi. Kung hindi, at magpapatuloy kang gumawa ng kasamaan at magbulalas ng pagkanegatibo, ikaw ay magiging isang diyablo, isang anticristo. Kapag pinaalis ka ng sambahayan ng Diyos, mawawalan ka na ng anumang pagkakataong maligtas—ang kinokondena ng sambahayan ng Diyos ay kinokondena rin ng Diyos. Ibinibigay namin sa iyo ang babalang ito bilang pagsasaalang-alang sa abilidad mong magtiis ng paghihirap at magbayad ng halaga sa loob ng maraming taon ng pananampalataya mo sa Diyos. Binibigyan ka namin ng pagkakataon. Kung ipipilit mo ang sarili mong paraan at tatangging makinig sa payo, at magpapasya ang sambahayan ng Diyos na paalisin ka, hindi ka na magiging isang kapatid. Mawawalan ka na ng pag-asang maligtas. Kapag dumating ang panahong iyon, talagang wala ka nang makakamit. Huwag kang magsisisi kapag dumating ang panahong iyon. Ang pinakamahalaga para sa iyo ngayon ay ang ituwid ang iyong mga kaisipan, pananaw, at ang direksyon ng paghahangad mo. Huwag mo nang palaging hangarin na may makakamit ka. Pakinggan mo ang mga salita ng Diyos; tingnan kung gaano karami sa mga inilalantad ng Diyos tungkol sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao ang maaari mong pagnilayan at kilalanin sa sarili mo. Nalutas mo na ba ang mga problemang natutukoy mo sa sarili mo, ang mga malinaw mong nakikita? Natukoy mo na ba ang paghihimagsik mo laban sa Diyos? Nalutas mo na ba ito? Ang pinakamalaking problemang kinakaharap mo ngayon ay na palagi mong gustong makipagtuos sa Diyos—ano ang problemang ito? Hindi ba’t isa itong problema na kailangang malutas? Nananampalataya ka sa Diyos na palaging may ilang intensiyon, nang may pakikipagtransaksiyon sa isipan mo; palagi kang sabik na magkamit ng mga pagpapala, umaasang maipagpapalit ang pagsisikap, paggugol, at pagdurusa ng laman para sa mga pagpapala ng kaharian ng langit—hindi ba’t ito ang lohika ng isang bandido? Bakit hindi mo tingnan kung anong uri ng mga tao ang pinagkakalooban ng Diyos ng mga pagpapala, kung ano ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao, kung ano ang sinabi ng Diyos sa mga tao, at kung ano ang kailangang makamit ng mga tao para matanggap ang mga pangako ng Diyos? Kung tunay kang nananampalataya sa Diyos at tunay na gusto mong maligtas, huwag mo palaging subukan na may makamit ka mula sa Diyos. Kailangan mong tingnan kung gaano karami sa mga salita ng Diyos ang naisagawa mo, at kung isa kang taong sumusunod sa mga salita ng Diyos. Ang pagsunod sa mga salita ng Diyos ay ang magsagawa at mamuhay ayon sa mga hinihingi ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo, hindi lang ang magdusa nang kaunti sa pisikal at magbayad ng maliit na halaga. Hindi nalulutas ang tiwali mong disposisyon, at may mga intensiyon sa lahat ng halagang ibinabayad mo at sa lahat ng paghihirap na dinaranas mo. Hindi ito sinasang-ayunan ng Diyos; ayaw Niya ng gayong halaga. Kung ipipilit mong makipagtuos sa Diyos, kung ipipilit mong makipagtalo at makipagtunggali sa Diyos, sinasalungat mo ang disposisyon Niya, at hahayaan Niyang makuha mo ang gusto mo, papunta sa impiyerno para maparusahan. Ito ang ganting-parusa sa paggawa ng kasamaan. Nagtamasa ka ng maraming pagpapala at biyaya mula sa Diyos, at binigyan ka Niya ng kaunting natatanging materyal na pagtrato. Natanggap mo na ang dapat mong matanggap—ano pa ba ang gusto mo mula sa Diyos?” Kung ibabahagi mo ang mga salitang ito, hindi ba’t mababawasan nang kaunti ang pagrereklamo ng isang tao na may kaunting konsensiya at katwiran kapag narinig niya ang mga ito? Ang mga salitang ito ba ay mga salita ng dalisay na pagkaarok na naaayon sa katotohanan? (Oo.) Kung may pagkatao at katwiran ang isang tao, mauunawaan at matatanggap niya ang mga ito. Tanging iyong mga walang pagkatao, iyong mga walang konsensiya at katwiran, ang mag-iisip na sinusubukan silang lansihin ng mga salitang ito, na ang mga ito ay matayog pakinggan na retorika, hindi nararapat paniwalaan, at na ang mga ito ay hindi kasingkapaki-pakinabang na kongkreto tulad ng nakikitang biyaya o mga materyal na pagpapala. Kaya, bago nila makita ang mga kongkretong pakinabang na iyon, walang silbi ang anumang sabihin mo; hindi nila ito tatanggapin. Maaaring hindi nila ito kontrahin kapag nakaharap ka, pero kapag nakatalikod ka, patuloy pa rin silang manlalaban sa puso nila, magbubulalas ng pagkanegatibo paminsan-minsan, ipagyayabang ang sarili nilang mga ambag, bibilangin ang mga paghihirap na tiniis nila, gayundin kung paano sila tinatrato ng sambahayan ng Diyos, kung paano nila tinitiis ang sambahayan ng Diyos—palagi nilang kinikimkim sa puso nila ang mga bagay na ito. Anuman ang nangyayari sa kanila, hangga’t hindi nila natatanggap ang ninanais nila, sumasambulat ang pagkamabagsik nila, sumasabog ang galit nila, na naglalantad sa kahiya-hiya nilang pag-uugali, at nagbubulalas sila ng pagkanegatibo. Dapat mo pa rin bang subukang hikayatin ang gayong tao? Kung, pagkatapos ng simpleng panghihikayat ay ipinapakita pa rin niya ang ganoong karakter, bumabalik ang mga dati niyang problema, at muling sumisiklab ang pagkamaladiyablo niya, ano ang dapat gawin? Panahon na para magpataw ng mga limitasyon. Huwag silang bigyan ng pagkakataong magsisi. Para silang mga bulok na kahoy; sila ay mga sawimpalad na hangal at matigas ang ulo. Ano ang ibig sabihin ng “hangal, matigas ang ulo na sawimpalad”? Ibig sabihin nito na hindi nila tinatanggap ang dalisay na daan at ang mga positibong bagay. Sa halip, niyayakap nila ang mga baluktot na argumento, maling paniniwala, at panlilinlang, kumakapit sa sarili nilang mga pananaw na makapagkamit ng mga kongkretong pakinabang, magsamantala, at hindi magdusa ng mga kawalan. Paano man pagbahaginan ng sambahayan ng Diyos ang katotohanan, palagi nilang sinasabi, “Lahat ng salitang iyon ay magandang pakinggan. Sino ba ang hindi makakapagsabi ng kaunting magandang bagay? Kung natalo ka, hindi mo iyan sasabihin.” Mahigpit silang kumakapit sa gayong mga pananaw, at kapag may hindi kanais-nais na nangyayari o nawalan sila, pakiramdam nila ay wala silang anumang nakamit mula sa pananampalataya sa Diyos, at magbubulalas silang muli ng pagkanegatibo. Dapat pa rin ba silang bigyan ng pagkakataon? Wala nang pagkakataon. Kung hindi nila gagawin nang maayos ang mga tungkulin nila, sa halip ay ginugulo nila ang iba, agad-agad silang pigilan at limitahan. Huwag silang hayaang magsalita nang malaya. Kung patuloy silang magpapakalat ng pagkanegatibo at manggugulo sa iba, huwag na silang bigyan ng konsiderasyon. Agad silang alisin. Hindi naman ito pagiging hindi mapagmahal, hindi ba? (Hindi.) Isinubo na sa kanila ang katotohanan sa pagbabahaginan, pero hindi nila ito matanggap, paano man ito pagbahaginan—ano ang ipinapahiwatig nito? Sa panlabas, ang taong ito ay tila isang hindi mananampalataya, pero sa diwa, isa siyang diyablo. Pumunta siya sa sambahayan ng Diyos para humingi ng biyaya at mga pagpapala mula sa Diyos, para magkamit ng mga pakinabang, at hindi siya titigil hangga’t hindi niya nakakamit ang mga ito. Kung wala siyang nakamit na anumang mga pakinabang matapos manampalataya sa loob ng ilang panahon, sasabog ang mga satanikong disposisyon niya; ilalabas niya ang pagkadismaya niya sa Diyos, gagawa ng kasamaan, at magdudulot ng mga kaguluhan. Isa itong diyablo. Ang kaunting pagdurusa at paggugol na ginawa niya ay likas na hindi ang pagsasagawa ng mga salita ng Diyos. Ang mga ito ay ganap na tungkol sa pakikipagkasunduan, tungkol sa pagkamit ng mga pakinabang at pagpapala para sa sarili niya. Kapag sumasapit ang mga bagay-bagay sa mga palaging gustong may makamit mula sa pananampalataya nila sa Diyos, at negatibo at mahina sila, palagi nilang sinasabi, “Wala akong nakamit sa pananampalataya sa Diyos.” Pagkatapos, sumusuko sila at nagsisimulang kumilos nang walang pakundangan, naglalayong maghiganti, at madalas na nagbubulalas ng pagkanegatibo para ilabas ang mga emosyon nila ng kawalang-kasiyahan. Napagbahaginan na natin kung paano tatratuhin ang gayong mga tao: Dapat silang pangasiwaan ayon sa mga prinsipyo. Kung kaya nilang tanggapin ang katotohanan at tiyakin na hindi na sila magdudulot pa ng mga kaguluhan sa hinaharap, maaari silang bigyan ng isa pang pagkakataong manatili sa iglesia. Kung palagi silang nanggugulo at namiminsala sa gawain at buhay ng iglesia, alisin na sila. Ito ay para protektahan ang gawain ng iglesia at matiyak na ang hinirang na mga tao ng Diyos ay makakapamuhay ng buhay iglesia nang hindi nagugulo. Napagdesisyunan na ito at ang pamamaraang ito ay ginamit batay sa prinsipyong ito. Naaangkop ito.