Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (17) Ikalawang Seksiyon

2. Pagbubulalas ng Pagkanegatibo Habang Tumatangging Tumanggap ng Pagpupungos

May isa pang sitwasyon kung saan may tendensiyang magbulalas ng pagkanegatibo ang mga tao: Kapag nahaharap sila sa pagkakapungos at hindi nila matanggap ang ilang salita ng pagpupungos, magkikimkim sila ng pagsuway, kawalang-kasiyahan, at paghihinanakit sa puso nila, at minsan ay nakararamdam pa nga sila ng pagkaagrabyado. Naniniwala sila na may kawalang-katarungan: “Bakit hindi ako pinapahintulutang ipaliwanag o linawin ang sarili ko? Bakit palagi akong pinupungusan?” Anong mga uri ng pagkanegatibo ang karaniwang ibinubulalas ng mga taong ito? Naghahanap din sila ng mga dahilan para pangatwiranan at ipagtanggol ang sarili nila. Sa halip na himayin, bumawi, o remedyuhan ang mga pagkakamali nila, nakikipagtalo sila, nagsasabi ng mga bagay-bagay tulad ng kung bakit hindi nila ginawa nang maayos ang isang bagay, ang mga sanhi sa likod nito, kung ano ang mga obhetibong salik at kondisyon, at kung paanong hindi nila ito sinadya; ginagamit nila ang mga palusot na ito para pangatwiranan at ipagtanggol ang sarili nila para makamit ang pakay nilang tanggihan ang pagpupungos. Hindi kinikilala ng mga taong ito na tama ang pagpupungos, at sinusuri nila ang insidente ng pagpupungos kasama ang marami pang ibang tao, sinusubukang ipaliwanag nang malinaw ang isyu sa harap ng lahat. Nagpapakalat pa nga sila ng mga ideyang tulad ng: “Ang ganitong uri ng pagpupungos ay makakapagpahina ng loob ng mga tao sa paggawa ng mga tungkulin nila. Wala nang magiging handang gumawa ng mga tungkulin nila. Hindi malalaman ng mga tao kung paano sila magpapatuloy at hindi magkakaroon ng landas ng pagsasagawa.” May ilang tao pa nga na, sa panlabas, nagbabahagi tungkol sa kung paano nila tinatanggap ang pagkakapungos, pero ang totoo, ginagamit nila ang pagbabahaginan para pangatwiranan at ipagtanggol ang sarili nila, pinapaniwala ang mas maraming tao na hinding-hindi isinasaalang-alang ng sambahayan ng Diyos ang mga damdamin ng mga tao sa pagtrato nito sa mga tao at na maging ang isang maliit na pagkakamali ay maaaring magresulta sa pagkakapungos. Iyong mga may tendensiyang magbulalas ng pagkanegatibo ay hindi kailanman nagninilay sa sarili nila. Kahit kapag nahaharap sa pagkakapungos, hindi nila pinagninilayan ang kalikasan ng mga pagkakamali nila o kung ano ang nagdulot sa mga ito. Hindi nila hinihimay ang mga isyung ito, kundi sa halip ay palagi silang nakikipagtalo, at palagi nilang pinangangatwiranan at ipinagtatanggol ang sarili nila. Sinasabi pa ng ilang tao, “Bago ako napungusan, pakiramdam ko ay may landas na susundan. Pero nang napungusan ako, nalito na ako. Hindi ko na alam kung paano magsagawa o kung paano manampalataya sa Diyos, at hindi ko makita ang daan pasulong.” Sinasabi rin nila sa iba, “Kailangan ninyong maging napakaingat na hindi mapungusan; napakasakit nito, para kang binabalatan. Huwag sundan ang dati kong landas. Tingnan ninyo kung ano ang nangyari sa akin matapos akong mapungusan. Hindi ako makausad, hindi ako makaabante o makaatras; wala sa ginagawa ko ang tama!” Tama ba ang mga salitang ito? May anumang problema ba sa mga ito? (Oo. Pinapangatwiranan nila ang sarili nila at nakikipagtalo sila, sinasabing wala silang ginawang mali.) Anong mensahe ang ipinaparating sa pamamagitan ng ganitong pangangatwiran at pakikipagtalo? (Sinasabi nilang mali na pungusan ng sambahayan ng Diyos ang mga tao.) Sinasabi ng ilang tao, “Bago mapungusan, pakiramdam ko ay may landas akong susundan, pero pagkatapos mapungusan, hindi ko na alam ang gagawin.” Bakit hindi nila alam ang gagawin nila matapos mapungusan? Ano ang dahilan nito? (Kapag nahaharap sa pagpupungos, hindi nila tinatanggap ang katotohanan o hindi sila nagtatangkang kilalanin ang sarili nila. Nagkikimkim sila ng ilang kuru-kuro at hindi nila hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga ito. Dahil dito, nawawalan sila ng landas. Sa halip na hanapin ang sanhi sa loob-loob nila, taliwas dito ang sinasabi nila, na ang pagkakapungos ang dahilan kaya nawalan sila ng landas.) Hindi ba’t pagbabaling ito ng sisi? Parang sinasabi na ring, “Ang ginawa ko ay alinsunod sa mga prinsipyo, pero dahil sa pagpupungos mo, naging malinaw sa akin na hindi mo ako hinahayaang pangasiwaan ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo. Kung gayon, paano naman ako magsasagawa sa hinaharap?” Ito ang ibig sabihin ng mga taong nagsasabi ng gayong mga bagay. Tinatanggap ba nila ang pagkakapungos? Tinatanggap ba nila ang katunayan na may nagawa silang mga pagkakamali? (Hindi.) Hindi ba’t ang aktuwal na kahulugan ng pahayag na ito ay na alam nila kung paano gumawa ng mga maling gawa nang walang pakundangan, pero kapag pinupungusan at hinihiling na kumilos ayon sa mga prinsipyo, hindi nila alam kung ano ang gagawin at nalilito sila? (Oo.) Kung gayon, paano nila ginawa ang mga bagay noon? Kapag nahaharap sa pagkakapungos ang isang tao, hindi ba’t ito ay dahil hindi siya kumilos ayon sa mga prinsipyo? (Oo.) Walang pakundangan siyang gumagawa ng mga maling gawa, hindi niya hinahanap ang katotohanan, at hindi niya ginagawa ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo o sa mga panuntunan ng sambahayan ng Diyos, kaya nakakatanggap siya ng pagpupungos. Ang layunin ng pagpupungos ay para bigyang-kakayahan ang mga tao na hanapin ang katotohanan at kumilos ayon sa mga prinsipyo, para maiwasan na maulit nila ang walang pakundangang paggawa nila ng mga maling gawa. Gayumpaman, kapag nahaharap sa pagkakapungos, sinasabi ng mga taong iyon na hindi na nila alam kung paano kumilos o magsagawa—may anumang elemento ba ng kaalaman sa sarili ang mga salitang ito? (Wala.) Wala silang layuning kilalanin ang sarili nila o hanapin ang katotohanan. Sa halip, ipinapahiwatig nila: “Dati kong nagagawa nang napakaayos ang mga tungkulin ko, pero mula nang pungusan mo ako, ginulo mo ang isip ko at nilito mo ang pagharap ko sa mga tungkulin ko. Ngayon, hindi na normal ang pag-iisip ko, at hindi na ako kasingmapagpasya o kasingmapangahas gaya ng dati, hindi na ako ganoon katapang, at lahat ng ito ay dahil sa pagkakapungos. Simula nang mapungusan ako, malalim nang nasugatan ang puso ko. Kaya, dapat kong sabihan ang iba na maging napakaingat sa paggawa ng mga tungkulin nila. Hindi sila dapat magbunyag ng mga kapintasan nila o magkamali; kung magkamali sila, mapupungusan sila, at pagkatapos ay magiging kimi sila at mawawala ang sigla na minsan na nilang taglay. Manghihina nang husto ang mapangahas nilang espiritu, at maglalaho ang kanilang matinding lakas ng loob at pagnanais na ibigay ang lahat ng makakaya nila, iniiwan silang mahina ang loob, takot na takot, at pakiramdam nila ay wala na silang ginagawang tama. Hindi na nila mararamdaman ang presensiya ng Diyos sa puso nila, at mararamdaman nilang lalo silang napapalayo sa Kanya. Kahit ang pagdarasal at pagtawag sa Diyos ay tila hindi masasagot. Mararamdaman nila na wala na ang dati nilang sigla, sigasig, at pagiging kaibig-ibig, at magsisimula pa nga silang hamakin ang sarili nila.” Ang mga salitang ito ba ang mga taos-pusong salita na ibinahagi ng isang taong may karanasan? Tunay ba ang mga ito? Nakakapagpatibay o kapaki-pakinabang ba ang mga ito sa mga tao? Hindi ba’t pagbabaluktot lang ito sa mga katunayan? (Oo, napakakakatwa ng mga salitang ito.) Sinasabi nila, “Huwag ninyong sundan ang mga hakbang ko o ulitin ang dati kong landas! Nakikita ninyong napakabuti ng pag-uugali ko ngayon, pero sa katunayan, talagang natakot ako matapos ang pagpupungos na iyon at hindi na ako kasinglaya at kasinglibre gaya ng dati.” Ano ang epekto ng mga salitang ito sa mga nakikinig? (Dahil sa mga ito, nagiging mas mapagbantay ang mga tao laban sa Diyos, nagiging maingat sila sa pagkilos dahil sa takot na mapungusan.) May ganito silang uri ng negatibong epekto. Matapos marinig ito, iisipin ng mga tao, “Totoo iyan! Isang maliit na pagkakamali lang at mapupungusan ka na—wala kang magagawa para maiwasan ito! Bakit ba napakahirap gumawa ng mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos? Palagi na lang pinag-uusapan ang tungkol sa mga katotohanang prinsipyo—sobrang daming hinihingi! Hindi ba’t ayos na ang mamuhay na lang ng isang simple at matatag na pamumuhay? Hindi naman iyon paghingi nang marami o labis-labis na pag-aasam, pero bakit napakahirap nitong makamit? Sana talaga, hindi ako mapungusan. Napakakimi kong tao; karaniwan, kapag tinitingnan ako nang masama ng mga tao at nagsasalita sila nang malakas, lumalakas na ang kabog ng dibdib ko. Kung talagang mahaharap ako sa pagpupungos at ganoon kaseryoso ang mga salita, hinihimay ang mga katunayan sa ganoong paraan, paano ko ito kakayanin? Hindi ba’t babangungutin ako dahil dito? Sinasabi ng lahat na mainam ang pagpupungos, pero hindi ko nakikita kung paano ito naging mainam. Hindi ba’t natakot dito ang taong iyon? Kung mapupungusan ako, matatakot din ako.” Hindi ba’t ito ang epektong dulot ng mga salita ng mga nagbubulalas ng pagkanegatibo? Ang epekto bang ito ay nakakapagpatibay at positibo o negatibo at nakakapinsala? (Negatibo at nakakapinsala.) Ang ganitong mga negatibong pahayag ay maaaring magdulot ng matinding pinsala sa mga handang hangarin ang katotohanan! Kaya naman, sabihin ninyo sa Akin, mga alipin ba ni Satanas iyong mga madalas na nagbubulalas ng pagkanegatibo at nagpapakalat ng kamatayan? Sila ba ay mga taong nanggugulo sa gawain ng iglesia? (Oo.)

Kumikilos ang ilang tao ayon sa sarili nilang mga ideya at lumalabag sa mga prinsipyo. Pagkatapos mapungusan, nararamdaman nila na sa kabila ng pagsusumikap nang husto at pagbabayad ng halaga, napungusan pa rin sila, kaya napupuno ng pagsuway ang puso nila, at hindi sila tumatanggap ng paglalantad o paghihimay. Naniniwala silang hindi matuwid ang Diyos at na hindi patas ang sambahayan ng Diyos sa kanila, dahil ang isang kapaki-pakinabang na may talentong tao na tulad nila, na nagtitiis ng napakaraming pagdurusa at nagbabayad ng napakalaking halaga, ay hindi napupuri ng sambahayan ng Diyos at napupungusan pa nga. Mula sa pagsuway nila ay lumilitaw ang mga hinanakit, at pagkatapos ay magbubulalas sila ng pagkanegatibo: “Sa tingin ko, wala nang mas mahirap pa kaysa sa pananampalataya sa diyos; napakahirap talagang makatanggap ng ilang pagpapala at magtamasa ng kaunting biyaya. Nagbayad ako ng napakalaking halaga, pero pinungusan ako dahil sa isang bagay na nagawa ko nang hindi maayos. Kung ang isang taong gaya ko ay hindi kaya ang gampanin, sino pa kaya ang may kaya nito? Hindi ba’t matuwid ang diyos? Bakit hindi ko makita ang pagiging matuwid niya? Bakit labis na hindi umaayon ang pagiging matuwid ng diyos sa mga kuru-kuro ng mga tao?” Hindi nila hinihimay kung ano ang nagawa nila na lumalabag sa mga prinsipyo o kung anong mga tiwaling disposisyon ang naibunyag nila. Hindi lang sila walang kahit katiting na pagsisisi o pagpapasakop—hayagan pa nga silang nanghuhusga at lumalaban. Pagkarinig sa kanilang magsabi ng gayong pahayag, nagsisimula ang karamihan ng tao na medyo makisimpatiya sa kanila at naiimpluwensiyahan nila: “Totoo ito, hindi ba? Dalawampung taon na silang nananampalataya sa Diyos pero naharap pa rin sila sa ganoong pagpupungos. Kung ang isang taong dalawampung taon nang nananampalataya sa Diyos ay maaaring hindi naman maligtas, lalong walang pag-asa ang mga taong tulad natin.” Hindi ba’t nalason na sila? Kapag naibulalas na ang pagkanegatibo, naitanim na ang lason, tulad ng isang butong itinanim sa puso ng mga tao, nag-uugat, sumisibol, namumulaklak, at namumunga sa isipan nila. Bago pa ito mamalayan ng mga tao, nalason na sila, at lumilitaw sa kalooban nila ang paglaban at mga pagrereklamo laban sa Diyos. Kapag napungusan ang mga taong iyon, nagiging masuwayin sila sa Diyos at hindi sila nasisiyahan sa kung paano sila pinangasiwaan ng sambahayan ng Diyos. Sa halip na magkaroon ng saloobin ng pagsisisi at pangungumpisal, sila ay nakikipagtalo, nangangatwiran, at ipinagtatanggol nila ang sarili nila. Ipinapaalam nila sa napakaraming tao kung gaano karaming paghihirap ang tiniis nila, kung anong gawain ang nagawa nila, at kung anong mga tungkulin ang nagawa nila sa loob ng maraming taon ng pananalig nila, at na sa halip na tumanggap ng mga gantimpala ngayon ay nahaharap pa sila sa pagpupungos. Hindi lang sila nabibigong kilalanin mula sa pagkakapungos ang sarili nilang katiwalian at ang mga pagkakamaling nagawa nila, kundi ikinakalat din nila ang ideya na hindi patas at hindi makatwiran ang naging pagtrato sa kanila ng sambahayan ng Diyos, na hindi sila dapat tratuhin nang ganoon, at na kung tinatrato sila nang ganoon, hindi matuwid ang Diyos. Ang dahilan ng pagbubulalas nila ng pagkanegatibong ito ay na hindi nila matanggap ang pagpupungos o ang katunayang nakagawa sila ng mga pagkakamali, lalong hindi nila tinatanggap o kinikilala ang katunayang nagdulot sila ng pinsala sa buhay pagpasok ng mga kapatid at sa gawain ng iglesia. Naniniwala silang kumilos sila nang tama, at na ang sambahayan ng Diyos ang mali sa pagpupungos sa kanila. Sa pagbubulalas ng pagkanegatibo, nais nilang iparating sa mga tao na hindi patas ang sambahayan ng Diyos sa pagtrato nito sa mga tao: Sa sandaling nagkamali ang isang tao, gagamitin ito ng sambahayan ng Diyos bilang sandata laban sa kanila, sinusunggaban ang isyung ito at pinupungusan sila nang walang awa, hanggang sa puntong maging masunurin sila at isipin nila na wala silang anumang naging mga kontribusyon, hanggang sa mawalan na sila ng tagahanga, hindi na nila pinapahalagahan ang sarili nila, at hindi na sila nangangahas na humiling ng mga gantimpala mula sa Diyos—doon lang makakamit ng sambahayan ng Diyos ang layunin nito. Ang pakay nila sa pagbubulalas ng pagkanegatibong ito ay para ipagtanggol sila ng mas maraming tao, para mas maraming tao ang makaunawa sa “katotohanan ng usapin” at makakita kung gaano katinding pagdurusa ang tiniis nila sa loob ng maraming taon ng pananampalataya sa Diyos, kung gaano kahalaga ang mga naging kontribusyon nila at kung gaano sila kakalipikado, at kung gaano na sila katagal na mananampalataya. Sa ganitong paraan, gusto nilang kampihan sila ng iba sa sama-samang pagsalungat sa mga panuntunan ng sambahayan ng Diyos at sa naging pagpupungos sa kanila ng sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t ang kalikasan nito ay paghikayat sa mga tao na kumampi sa kanila? (Oo.) Ang layon nila sa pagbubulalas ng pagkanegatibo sa ganitong paraan ay para kampihan sila ng mga tao at ilihis ang mga ito, at ginugulo nila ang gawain ng iglesia para maibulalas ang sama ng loob nila. Anuman ang epekto nito sa huli sa mga tao kapag nagbulalas sila ng pagkanegatibo nila, ang epekto at kinahihinatnan ay na nalilihis at nagugulo ang mga tao, na napipinsala ang mga ito. Hindi ito nakakapagpatibay. Isa itong negatibong epekto.

Kapag nahaharap sa pagpupungos ang mga tao, karaniwang ganito ang mga uri ng pagkanegatibong ibinubulalas nila. Hindi nila matanggap ang pagkakapungos at wala silang kasiyahan at masuwayin sila sa puso nila, at hindi nila ito matanggap mula sa Diyos. Ang una nilang tugon ay hindi ang hanapin ang katotohanan tungkol sa pagpupungos at pagnilayan, kilalanin, at himayin ang sarili nila, para makita kung ano mismo ang ginawa nilang mali, kung umaayon ba sa mga prinsipyo ang mga kilos nila, kung bakit sila pinungusan ng sambahayan ng Diyos, at kung ang ganitong paraan ba ng pagtrato sa kanila ay bunga ng personal na sama ng loob o kung patas at makatwiran ba ito. Ang una nilang tugon ay hindi ang hanapin ang mga bagay na ito—sa halip, ang una nilang tugon ay ang umasa sa kanilang mga kalipikasyon, mga pinagtiisang paghihirap, at paggugol para salungatin ang pagpupungos. Sa paggawa nito, ang lahat ng lumilitaw sa puso nila ay tiyak na magiging negatibo at mapaminsala, nang walang anumang nakakapagpatibay o positibo. Kaya, kapag nagbabahagi sila tungkol sa mga damdamin at pagkaunawa nila matapos silang mapungusan, tiyak na nagbubulalas sila ng pagkanegatibo at nagpapakalat ng mga kuru-kuro. Ang pagbubulalas ng pagkanegatibo at pagpapakalat ng mga kuru-kuro ay dapat na agarang pigilan at limitahan, hindi kunsintihin at balewalain. Hahadlangan, guguluhin, at pipinsalain ng mga negatibong bagay na ito ang buhay pagpasok ng bawat tao, at hindi nito magagampanan ang isang nakakapagpatibay at positibong papel, lalong hindi nito mapupukaw ang katapatan ng mga tao sa Diyos o ang tapat nilang paggampan sa mga tungkulin nila. Samakatwid, kapag nagbubulalas ng pagkanegatibo ang gayong mga tao, ginugulo nila ang buhay iglesia at dapat silang limitahan.

3. Pagbubulalas ng Pagkanegatibo Kapag Napipinsala ang Reputasyon, Katayuan, at mga Interes ng Isang Tao

Bukod sa pagbubulalas ng pagkanegatibo matapos matanggal o mapungusan, sa ano pang ibang mga sitwasyon nagbubulalas ng pagkanegatibo ang mga tao? (Kapag napipinsala ang mga interes ng mga tao at nararamdaman nilang nawalan sila.) (Maraming taon nang ginagawa ng ilang tao ang mga tungkulin nila, pero kapag nagkakasakit sila o may mga sakunang dumarating sa pamilya nila, sinasabi nila, “Ano ba ang nakamit ko sa pananampalataya sa Diyos sa loob ng napakaraming taon?”) Ang karaniwang “linya” ng mga palagiang negatibo ay “Ano ba ang nakamit ko?” Ano pa ang ibang mga sitwasyon? (Hindi lang nabibigong magkamit ng mga resulta ang ilang tao sa mga tungkulin nila, kundi madalas din silang nagkakamali, kaya sinasabi nila, “Bakit binibigyang-liwanag ng Diyos ang iba pero ako, hindi? Bakit binigyan ng Diyos ng napakahusay na kakayahan ang iba habang ang kakayahan ko ay napakahina?” Sa halip na pagnilayan ang sarili nilang mga isyu, binabaling nila ang pananagutan sa Diyos, sinasabing hindi sila binigyang-liwanag o ginabayan ng Diyos, at patuloy silang nagrereklamo tungkol sa Diyos.) Sinasabi nilang hindi patas ang Diyos, nagtatanong sila kung bakit binibigyang-liwanag at binibigyan ng biyaya ng Diyos ang iba pero sila ay hindi, naghihimutok kung bakit wala silang nakakamit na mga resulta sa mga tungkulin nila—nagrereklamo sila. Maganda ang mga halimbawang ibinigay ninyo. May iba pa ba? (Napupuno ng sama ng loob ang ilang tao kapag naitatalaga sila sa ibang mga tungkulin, kinukuwestiyon nila kung bakit itinalaga sila sa ibang tungkulin, at pinaghihinalaan nila na pinag-iinitan at pinapahirapan sila ng mga lider at manggagawa.) Pakiramdam ba nila ay minamaliit sila ng sambahayan ng Diyos? (Oo.) Natatanggal at natitiwalag ang ilang taong hindi gumagawa ng aktuwal na gawain, at pakiramdam nila ay nasira na ang reputasyon at katayuan nila. Para ilabas ang pagkadismaya nila, palagi silang nagrereklamo sa pribado: “Maikling panahon pa lang akong nananampalataya sa diyos, mahina ang abilidad kong umarok, at mahina ang kakayahan ko. Hindi ko maikukumpara ang sarili ko sa iba. Kung sinasabi nilang wala akong kapabilidad, tiyak na totoo iyon!” Sa panlabas, inaamin nila ang mga pagkukulang nila, pero sa katunayan, sinusubukan nilang maibalik ang nawala nilang mga pakinabang, walang tigil silang nagrereklamo, at nagsasabi ng mga bagay para makuha ang simpatiya ng mga tao at iparamdam sa mga ito na hindi patas ang sambahayan ng Diyos. Sa sandaling mapinsala ang mga interes nila, nag-aatubili na sila, at palagi silang umaasang mabawi ang mga nawala sa kanila at makatanggap ng kabayaran. Kung hindi, nawawala ang pananalig nila sa Diyos at hindi na nila alam kung paano manampalataya sa Kanya, nagsasabi ng mga bagay tulad ng, “Dati, inakala ko na napakagandang manampalataya sa diyos, at na ang pagkilos bilang isang lider o manggagawa sa iglesia ay tiyak na magdudulot ng malalaking pagpapala. Hindi ko kailanman inasahan na matatanggal at matitiwalag ako, at na itatakwil ako ng iba. Sino ang mag-aakalang mangyayari ang ganitong bagay sa sambahayan ng diyos! Hindi lahat ng nananampalataya sa diyos ay tiyak na isang mabuting tao, at hindi lahat ng ginagawa ng sambahayan ng diyos ay kumakatawan sa diyos o sa katarungan.” Ano ang kalikasan ng ganitong mga pahayag? Ang mga salita nila, hayagan man o hindi, ay nagpapahiwatig ng pambabatikos. Nagpapahiwatig ang mga ito ng paghusga at paglaban. Sa panlabas, tila pinupuntirya ng mga ito ang isang partikular na lider o ang iglesia, pero sa puso nila, ang pinupuntirya talaga ng mga salitang ito ay ang Diyos, ang Kanyang mga salita, at ang mga atas administratibo at panuntunan ng Kanyang sambahayan. Ganap silang nagbubulalas ng sama ng loob nila. Bakit sila nagbubulalas ng sama ng loob nila? Pakiramdam nila ay nawalan sila; sa puso nila, nakakaramdam sila ng pagiging di-patas at pagkadismaya, at gusto nilang makakuha ng mga bagay-bagay at makatanggap ng kabayaran. Bagama’t ang pagkanegatibong ibinubulalas ng gayong mga tao ay hindi isang malaking banta sa nakararami, ang masasamang salitang ito ay tulad ng mga nakakainis na langaw o surot na medyo nakakagulo sa isipan ng mga tao. Karamihan ng tao ay nakakaramdam ng pagkasuklam at pagtutol kapag narinig nila ang mga salitang ito, pero hindi maiiwasang may mga taong kauri ng gayong mga tao, iyong mga may parehong mga disposisyon, diwa, at hilig, na kasingbulok ng gayong mga tao, at na naiimpluwensiyahan at nagugulo ng gayong mga tao. Hindi ito maiiwasan. Bukod pa rito, ang ilang taong mababa ang tayog na walang pagkilatis ay maaaring mabagabag ng mga negatibong komentong ito, at maaaring maimpluwensiyahan ang pananalig nila sa Diyos. Hindi pa alam ng mga taong ito kung para saan ba mismo ang pananampalataya sa Diyos, at hindi malinaw sa kanila ang mga katotohanan ng mga pangitain, at mahina rin ang abilidad nilang makaarok sa katotohanan. Kapag narinig nila ang mga negatibong pahayag na ito, napakalaki ng posibilidad na tatanggapin nila ang mga ito nang hindi namamalayan, kaya naman magdurusa sila sa impluwensiya ng mga ito. Lason ang mga salitang ito. Madaling maitanim ang mga ito sa puso ng mga tao. Sa sandaling tinanggap na ng isang tao ang mga negatibong komentong ito, kapag hiniling sa kanya ng sambahayan ng Diyos na gumawa ng isang tungkulin, tumutugon siya nang walang interes. Kapag hiniling ng sambahayan ng Diyos ang pakikipagtulungan niya tungkol sa isang gampanin, matamlay siya. Gagawin lang niya ito kung gusto niya; kung hindi, hindi niya ito gagawin, at palagi siyang may kung ano-anong dahilan at palusot. Bago niya narinig ang mga negatibong komentong iyon, may kaunting sinseridad sa pananampalataya niya sa Diyos, at may positibo at aktibong saloobin siya kapag ginagawa ang mga tungkulin niya. Pero pagkatapos marinig ang mga negatibong komentong iyon, nawawalan na siya ng interes, at malamig din siya sa mga kapatid niya. Nagiging mapagbantay siya sa mga kapatid. Kapag isinasaayos ng iglesia na gumawa siya ng isang tungkulin, palagi niya itong iniiwasan at paulit-ulit itong tinatanggihan, nagpapakita ng labis na pagkapasibo. Dati, dumadalo siya sa mga pagtitipon sa tamang oras, pero pagkatapos marinig ang mga komentong iyon, nagiging paminsan-minsan na lang ang pagdalo niya—pumupunta siya kapag maganda ang lagay ng loob niya, pero kapag hindi ay hindi siya pumupunta. Kapag may hindi magandang nangyayari sa tahanan niya, nag-aalala siyang baka may mangyaring sakuna, kaya dumadalo siya sa mas maraming pagtitipon at nagbabasa ng mas maraming salita ng Diyos. Kung natutuwa, nasisiyahan, at naaantig siya pagkatapos magbasa ng mga salita ng Diyos, naghahandog pa nga siya ng kaunting pera. Pero sa sandaling kalmado na ang mga bagay-bagay sa tahanan niya, tumitigil ulit siya sa pagdalo sa mga pagtitipon. Kapag sinusubukan ng mga kapatid na makipagbahaginan sa kanya para suportahan sana siya, nagpapalusot siya para makatanggi; at kapag pumupunta ang mga kapatid sa bahay niya, hindi niya binubuksan ang pinto, kahit na halata namang nasa bahay siya. Ano ang nangyayari dito? Naimpluwensiyahan siya ng mga negatibong komentong iyon—nalason siya at naniniwala na hindi maaasahan ang mga mananampalataya sa Diyos. Noong una, labis siyang nagtiwala sa mga taong ito, at kapag nagbabasa siya ng mga salita ng Diyos, iniisip niya, “Ito ang mga salita ng Diyos, mga kapatid ko ang mga taong ito, ito ang sambahayan ng Diyos—napakaganda nito!” Pero matapos niyang marinig ang mga negatibong komentong ipinapakalat ng ilang tao, nagbago siya. Hindi ba’t naimpluwensiyahan siya? Hindi ba’t napinsala ang buhay pagpasok niya? (Oo.) Sino ang nakaimpluwensiya sa kanya? Ang mga taong nagbubulalas ng pagkanegatibo, iyong mga gumawa ng mga komentong iyon. Kung ang isang tao ay hindi pa nakapagtatag ng matibay na pundasyon sa tunay na daan o hindi pa nakakain at nakainom ng mga salita ng Diyos hanggang sa puntong nauunawaan na niya ang katotohanan, madali siyang maiimpluwensiyahan ng mga negatibong bagay. At sa partikular, iyong mga walang abilidad na umarok sa katotohanan, bagkus ay pinagmamasdan lang ang mga kalakaran, inoobserbahan ang sitwasyon, at tumitingin sa mga panlabas na pangyayari—mas madali silang naiimpluwensiyahan ng mga negatibong salita. Lalo na kapag naririnig nila na nagsasabi ang mga tao ng mga panlilinlang tulad ng, “Hindi naman patas ang sambahayan ng diyos, at hindi positibo ang lahat ng ginagawa ng sambahayan ng diyos,” mas tumitindi ang pagkamapagbantay nila. Ang isang pahayag na umaayon sa katotohanan ay hindi palaging madaling tinatanggap, pero ang isang negatibong pahayag, ang isang kakatwang pahayag, ang isang pahayag na kumokontra sa katotohanan—masyadong madaling maitatanim sa puso ng mga tao ang mga ito, at hindi madaling alisin ang mga ito. Napakahirap para sa mga tao na tanggapin ang katotohanan, pero napakadali para sa kanila na tumanggap ng mga panlilinlang!

Ang ilang taong may masamang pagkatao ay labis na pinapahalagahan ang sarili nilang katanyagan, kasikatan, kasiyahan ng laman, at mga personal na ari-arian at interes. Kapag nagdurusa ng mga kawalan ang reputasyon, katayuan, at mga direktang interes nila, hindi nila ito tinatanggap mula sa Diyos, o tinatanggap ang kapaligirang inilatag ng Diyos para sa kanila, at hindi nila kayang bitiwan ang mga bagay na ito at balewalain ang personal nilang pakinabang at kawalan. Sa halip, ginagamit nila ang iba’t ibang pagkakataon para ibulalas ang kawalang-kasiyahan at pagsuway, at ibulalas ang mga negatibong emosyon nila, na nagdudulot ng matinding pagdurusa sa ilang tao bilang resulta. Samakatwid, kapag nagbubulalas ng pagkanegatibo ang gayong mga tao, dapat munang agarang arukin ng mga lider ng iglesia ang sitwasyon, at maagap na pigilan at limitahan ang mga taong iyon. Siyempre, dapat aktibo ring ilantad ng mga lider ng iglesia ang mga taong iyon, at makipagbahaginan sa mga kapatid tungkol sa kung paano kikilatisin ang mga iyon, at kung bakit sinasabi ng mga iyon ang mga negatibo at kakatwang bagay na ito, pati na rin kung paano tratuhin at kilatisin ang mga salitang ito para maiwasan ng isang tao na malihis at labis na mapinsala ng mga ito. Kinakailangang makilatis at mahimay ang gayong mga tao, at sa gayon ay iwasan at itakwil ang mga ito, at nang hindi na malihis ng mga ito. Ito ang gawaing dapat gawin ng mga lider ng iglesia. Siyempre, kung matutuklasan ng mga ordinaryong kapatid ang gayong mga tao at makikilatis ang pagkataong diwa ng mga ito, dapat din silang umiwas sa mga ito. Kung wala kang sapat na abilidad para lumaban, o tayog para suportahan, tulungan, at baguhin ang mga taong ito, at nararamdaman mong hindi mo kayang tiisin ang mga negatibong komento nila at ang mga salita nila ng kawalang-kasiyahan at pagsuway, ang pinakamainam na pamamaraan ay ang lumayo. Kung nararamdaman mo na napakalakas mo, na may kaunti kang tayog, at kaya mong kumilatis at manatiling hindi naaapektuhan anuman ang sabihin ng iba, na kahit gaano pa katindi ang pagkanegatibo na ibinubulalas nila, hindi nito mababago ang pananalig mo sa Diyos, na kaya mong kumilatis ng gayong mga tao, at na kaya mo rin silang ilantad at pigilan kapag nagbubulalas sila ng pagkanegatibo—kung gayon, hindi mo kailangang umiwas o maging mapagbantay laban sa gayong mga tao. Pero kung nararamdaman mo na wala kang gayong tayog, ang paraan at prinsipyo sa pagharap sa gayong mga tao ay ang umiwas sa kanila. Madali bang makamit ito? (Oo.) Sinasabi ng ilang tao, “Puwede ko ba silang pagtiyagaan, pagtiisan, at patawarin?” Ayos lang din iyon, at hindi naman iyon mali, pero hindi iyon ang pinakamahalaga o ang pinakamainam na pagsasagawa. Sabihin nang pinagtitiisan, pinagtitiyagaan, at kinukunsinti mo sila, at sa huli, nalihis ka nila at kumampi ka sa kanila. At ipagpalagay na paano ka man tinutustusan o sinusuportahan ng sambahayan ng Diyos, hindi mo ito nararamdaman; o na kapag nagbabasa ka ng mga salita ng Diyos, madalas kang naiimpluwensiyahan ng mga kaisipan at komento nila, at sa sandaling maisip mo ang isang bagay na sinabi nila, naaapektuhan ang isipan mo, at hindi mo maipagpatuloy ang pagbabasa. At kapag pinagbabahaginan ng mga kapatid ang pagkaunawa nila sa katotohanan—lalo na kapag nakikipagbahaginan sila tungkol sa pagkilatis sa mga komento ng gayong mga tao—muli kang naiimpluwensiyahan at naaapektuhan ng mga salita ng gayong mga tao, na nagdudulot ng kalituhan sa iyong isipan. Kung ganito ang kaso, dapat kang umiwas sa gayong mga tao. Hindi magiging epektibo ang pagtitiyaga at pagtitiis mo, at hindi ang mga ito ang pinakamahusay na paraan para ipagtanggol mo ang sarili mo laban sa gayong mga tao. Ipagpalagay nang ang pagtitiyaga at pagtitiis mo ay hindi isang balatkayo at panlabas na asal, kundi sa halip ay talagang may sapat kang tayog para harapin ang gayong mga tao. Anuman ang sabihin nila, kahit na hindi ka magsalita, kaya mo pa rin silang kilatisin sa puso mo; kaya mong magtimpi sa kanila at balewalain sila, pero anumang mga mapaminsala, negatibong salita o mga salita ng maling pagkaunawa at pagrereklamo tungkol sa Diyos na sinasabi nila ay hindi makakaapekto sa pananalig mo sa Diyos kahit kaunti man lang, ni makakaapekto sa katapatan mo sa paggawa ng tungkulin mo o sa pagpapasakop mo sa Diyos. Kung gayon, maaari mo silang pagtiyagaan at pagtiisan. Ano ang prinsipyo ng pagsasagawa ng pagtitiyaga at pagtitiis? Ang hindi mapinsala. Balewalain sila, hayaan silang sabihin anuman ang gusto nilang sabihin—kung tutuusin, sadyang mga di-makatwirang nanggugulo lang ang gayong mga tao, at walang kahihiyang napakatigas ng ulo nila. Paano ka man makipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan, hindi nila ito tatanggapin; sila ay sa mga diyablo at kay Satanas, at walang silbi na makipagbahaginan sa kanila. Samakatwid, bago pa man sila paalisin at pakitunguhan ng sambahayan ng Diyos, kung mayroon ka ng tayog na pagtiyagaan at pagtiisan sila nang hindi napipinsala, iyon ang pinakamainam. Karaniwan ba ninyong isinasagawa ang prinsipyong ito ng pagtitiyaga at pagtitiis? Pinagtitiisan ninyo ang iba’t ibang uri ng tao, pero kung minsan ay hindi kayo maingat at nalilihis kayo nang kaunti; pagkatapos nito ay namamalayan ninyo ito, nakakaramdam kayo ng pagkakautang sa Diyos, nagdarasal kayo sa loob ng ilang araw, at itinutuwid ninyo ang sarili ninyo, at mas napapalapit kayo sa Diyos. Kadalasan, malinaw ninyong nakikita na walang silbi ang gayong mga tao, at na sila ay sa mga diyablo. Bagama’t maaari kang makisalamuha sa kanila nang normal, sa loob-loob mo ay malayo at nasusuklam ka sa kanila. Anuman ang sabihin nila o anumang mga negatibong komento at pananaw ang sabihin nila, nagbibingi-bingihan ka, binabalewala mo ito, at iniisip mo, “Sabihin mo na ang anumang gusto mong sabihin. Kaya kitang kilatisin. Sadyang hindi ako nakikisalamuha sa mga taong kagaya mo.” Ito ba ang prinsipyong kadalasan ninyong sinusunod kapag hinaharap ninyo ang gayong mga usapin? Hindi rin masama ang makamit ito; hindi ito madali at nangangailangan ito ng pagkaunawa sa ilang katotohanan at ng pagkakaroon ng isang partikular na tayog. Kung wala ka kahit ng ganitong antas ng tayog, hindi ka makakapanindigan, at hindi mo magagawa nang maayos ang tungkulin mo.