Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (16) Ikalimang Seksiyon
Dapat munang tandaan niyong mga hindi nakakaunawa sa katotohanan na kapag may mga kuru-kuro sila, dapat nilang hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga ito. Hindi sila kailanman dapat magpakalat ng mga ito o magsalita nang walang ingat, sinasabing, “May kalayaan akong magsalita. Kung tutuusin, bibig ko naman ito; puwede kong sabihin ang gusto ko, sa kanino ko gusto, at sa anumang sitwasyong gusto ko.” Mali ang ganitong paraan ng pagsasalita. Ang ilang mabuti o tamang salita ay maaaring hindi tiyak na kapaki-pakinabang sa iba kapag sinabi, pero ang mga salita na mga kuru-kuro o mga tukso ni Satanas ay maaaring magresulta sa mga di-masukat na kahihinatnan kapag sinabi. Batay sa mga kahihinatnang ito, kung may kuru-kuro ka na iginigiit mong ipahayag, at nararamdaman mong ang paggawa niyon ay masarap sa pakiramdam at nakapagpapasaya sa iyo, ang mga kilos mo ay mailalarawan bilang masasamang gawa, at itatala ng Diyos ang mga ito laban sa iyo. Bakit itatala ang mga ito laban sa iyo? Maraming positibong pamamaraan, landas, at prinsipyo ng pagsasagawa ang sinabi sa iyo, pero hindi mo pinili ang mga ito; sa halip, pinili mo ang isang landas na nagdudulot ng pinsala sa mga tao—sinasadya ito, hindi ba? Kung gayon, isang kalabisan ba na tawaging masasamang gawa ang mga kilos mo? (Hindi.) Maaari mong ganap na piliing lutasin ang isyung ito nang ikaw lang sa pamamagitan ng karanasan at pagdarasal sa Diyos at paghahanap, sa halip na ilabas ang mga kuru-kuro mo para guluhin at ilihis ang iba. Ito ang landas na dapat piliin ng isang taong may konsensiya at katwiran. Kaya bakit hindi mo pinipili ang paraang ito? Bakit pinipili mo ang isang paraang nakakapinsala at nakakasakit sa iba? Hindi ba’t ito ang ginagawa ni Satanas? Gumagawa ang masasamang tao ng mga bagay na nakakapinsala sa iba at sa sarili nila. Kung gagawa ka rin ng mga gayong bagay, kamumuhian ba ito ng Diyos? (Oo.) Kahit na hindi kondenahin ng Diyos ang mga kuru-kuro mo, dapat mong hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga kuru-kuro mo at dapat kang magkaroon ng landas para isagawa ang katotohanan. Kung ang paraan mo ng pagharap sa mga kuru-kuro ay ang ipakalat ang mga ito para sadyang ilihis at pinsalain ang iba, nang ginugulo ang buhay iglesia at ang buhay pagpasok at mga normal na kalagayan ng mga kapatid, masasamang gawa ang mga kilos mo. Kapag nahaharap sa gayong sitwasyon, ano ang dapat piliin ng isang tao? Ang isang taong may pagkatao na naghahangad sa katotohanan ay hindi pipili ng paraan na nakakalihis at nakakapinsala sa iba; pipiliin niyang magsagawa at sumunod sa mga aktibo, positibong prinsipyo, lumapit sa harap ng Diyos para magdasal at hanapin ang katotohanan, at hilingin sa Diyos na tulungan siyang lutasin ang isyu. Sinasabi ng ilan, “Kapag nanghihingi ako ng tulong sa Diyos, palagi kong nararamdaman na hindi nahahawakan o nakikita ang Kanyang pagtulong. Puwede bang humingi na lang ako ng tulong sa mga tao?” Oo, puwede kang pumili ng isang taong higit na nakakaunawa sa katotohanan at may mas mataas na tayog kaysa sa iyo, isang taong sa tingin mo ay makalulutas ng problema mo nang hindi nagugulo at naiimpluwensiyahan ng mga kuru-kuro mo na maging mahina, isang taong nakaranas na ng mga katulad na isyu at makakapagsabi sa iyo kung paano lutasin ang mga ito—angkop din ang landas na ito. Kung pipiliin mo ang isang taong karaniwang labis na magulo ang isip at hindi nakakakilatis sa anumang bagay at, kapag narinig ang tungkol sa usaping ito, agad siyang nagwawala, gustong ipamalita ang mga kuru-kuro kung saan-saan at magdulot ng mga kaguluhan, at nais nang tumigil sa pananampalataya—kung nagkagayon, hindi sinasadyang nakagulo ang mga kilos mo sa buhay iglesia. Kung nagkagayon, hindi ba’t mailalarawan na masasamang gawa ang mga kilos mo? (Oo.) Samakatwid, pagdating sa kung paano mo dapat pangasiwaan ang mga kuru-kuro, dapat kang maging maingat at mapagmatyag, hindi ka dapat kumilos nang may magulong isip o sa padalos-dalos na paraan, at hinding-hindi mo dapat ituring ang mga kuru-kuro bilang ang katotohanan—gaano man katama ang mga kaisipan ng tao, hindi katotohanan ang mga ito. Sa ganitong paraan, mas magiging kalmado ka, at hindi makakapagdulot ng anumang problema ang mga kuru-kuro mo. Ang pagkakaroon ng mga kuru-kuro ay hindi dapat katakutan—hangga’t hinahanap mo ang katotohanan, malulutas ang mga ito sa huli. Sinasabi ng ilang tao, “Pero hindi madaling lutasin ang mga kuru-kuro.” Mahirap ngang lutasin ang ilang kuru-kuro, kaya ano ang dapat gawin? Simple lang ito. Ang ilang kuru-kuro ay hindi kailanman nalulutas sa isipan at utak ng ilang tao. Isa na itong katunayan, pero gaano man kahirap lutasin ang isang kuru-kuro, hindi pa rin ito ang katotohanan. Hangga’t nauunawaan mo ang puntong ito, madaling pangasiwaan ang problema. May isang katunayan dito na dapat Kong sabihin sa inyo: Hindi hinihingi ng Diyos na lubos na maunawaan o malinaw na maarok ng lahat ng tao ang bawat bagay na ginagawa Niya; hindi Niya hinihingi na malaman ng lahat ng tao ang katotohanang nakapaloob dito o kung bakit Siya kumikilos sa isang partikular na paraan. Hindi ito ang ninanais ng Diyos; hindi Niya hinihingi ang mga pamantayang ito sa mga tao. Kung sapat na mahusay ang kakayahan mo, anumang antas ng pagkaunawang nakakamit mo ay mabuti—gawin mo lang ang makakaya mo. Kung hindi mo maunawaan, habang tumatanda ka, at patuloy na lumalalim nang lumalalim ang mga karanasan mo, at nakakaipon ka ng mas maraming karanasan, unti-unti ring lalalim ang pagkaunawa mo sa katotohanan, at mababawasan ang mga kuru-kuro mo. Gayumpaman, karamihan ng tao ay walang kakayanang makaarok ng ilang espesyal na usapin at hindi nila kailanman nauunawaan ang mga ito. Pinipilit ba sila ng Diyos na maunawaan ang mga usaping ito? Hindi; hindi sila pinipilit ng Diyos na makaunawa. Halimbawa, maraming misteryo sa lahat ng bagay na nilikha ng Diyos na gustong malaman ng mga tao pero hindi nila magawa. Gayumpaman, sa mga salita at gawain ng Diyos, nakatuon lang Siya sa pagpapahayag sa katotohanan para dalisayin at iligtas ang mga tao. Bihira Niyang banggitin ang ibang mga usapin, at kahit kapag nagbabanggit Siya paminsan-minsan, maiksi lang ito; hindi kailanman ipinapaliwanag ng Diyos sa mga tao ang mga usaping ito nang napakahaba. Bakit hindi? Dahil hindi kailangang maunawaan ng mga tao ang mga bagay na ito. Sa gawaing ginagawa ng Diyos sa mga tao, sa isang banda, ibinubunyag Niya ang Kanyang disposisyong diwa; sa kabilang banda, may mga kaisipan, plano, pinagmumulan at layon ang Diyos para sa mga bagay na ginagawa Niya, para sa mga paraan at diskarteng ginagamit Niya para gumawa sa iba’t ibang tao, para sa mga paraan at diskarte ng kung paanong Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at iba pa. Hindi kailanman sinabi ng Diyos na dapat makaunawa at makapasok sa lahat ng katotohanan ang mga tao para maituring silang ligtas na. Ito ay dahil masyadong makapangyarihan sa lahat ang Diyos! Ang Kanyang mga paraan ng pagkilos, pagsasalita, paggawa, at pagkakaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay ay likas na nagbubunyag sa Kanyang disposisyon, diwa, pagkakakilanlan, at iba pa. Kahit na likas na ibinubunyag ng Diyos ang mga bagay na ito na tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos, hindi Niya hinihingi na maunawaan o maintindihan ng mga tao ang lahat ng ito. Ito ay dahil ang Diyos ay palaging magiging Diyos, at Siya ay makapangyarihan sa lahat, samantalang ang nilikhang sangkatauhan ay napakaliit at lubos na walang kapangyarihan; napakalaki ng agwat sa pagitan ng tao at ng Diyos! Samakatwid, napakanormal para sa mga tao na makabuo ng ilang kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos. Hindi ito dinidibdib ng Diyos, pero palagi mo itong sineseryoso at matigas ang ulo mo na mapako rito. Hindi gagana ang ganitong pagharap. Kung isa kang taong naghahangad sa katotohanan at nagtataglay ng mataas na kakayahan, hangga’t nauunawaan mo ang katotohanan at may tunay na kaalaman tungkol sa Diyos, ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito ay natural na malulutas. Kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, at kahit sino pa ang makipagbahaginan sa iyo sa katotohanan, hindi mo ito tatanggapin at palagi mong panghahawakan ang mga kuru-kuro mo, ano ang magiging kahihinatnan nito? Ang magiging kahihinatnan ay na kahit umabot ka sa katapusan ng buhay mo o sa puntong ganap nang natapos ang gawain ng Diyos, hindi mo makakamit ang katotohanan kundi madadala ka sa kamatayan dahil sa mga kuru-kuro at imahinasyon mo. Kahit makita mo pa na magpakita ang espirituwal na katawan ng Diyos, hindi mo pa rin malulutas ang mga kuru-kuro at imahinasyon mo tungkol sa Diyos. Sasabihin ba sa iyo ng Diyos ang lahat ng katunayan at kung ano ang totoo dahil lang sa hindi mo malutas ang mga kuru-kurong ito? Sa isang banda, hindi Niya kailangang gawin iyon; sa kabilang banda, may isang katunayan, na walang malaking kapasidad na kinakailangan ang utak at isipan ng tao para tanggapin ang mga bagay na ito. Ang gawaing ginagawa ng Diyos ay lampas sa imahinasyon ng tao at lampas sa lahat ng bagay. Kompara sa lahat ng bagay, ang mga tao ay tulad ng isang butil ng buhangin sa dalampasigan. Ang paglalarawang ito ay malapit sa mga katunayan at maituturing na naaangkop. Kahit gustuhin pa ng Diyos na sabihin sa iyo ang lahat, may kapasidad ka bang tanggapin ang lahat ng ito? Sinasabi ng ilang tao, “Bakit hindi ko kakayaning tanggapin ang lahat ng ito? Kung mas marami ang sasabihin ng Diyos, mas marami ang mauunawaan at makakamit ko. Kung gayon, mapapaboran ako!” Pangangarap iyan nang gising; labis-labis ang pagtatantiya mo sa sarili mong kapasidad. Hindi ganyan ang tunay na kalagayan ng mga bagay-bagay. Sa mga mata ng Diyos, ang lahat ng bagay na sinasabi Niya sa iyo ay napakasimple at napakalinaw; ang mga ito ay ang mga bagay na kayang maarok ng mga tao. Sa katunayan, maraming bagay ang hindi pa sinasabi ng Diyos dahil hindi kayang maarok ng mga tao ang mga ito. Samakatwid, napakanormal na may ilang kuru-kuro ka na hindi malulutas sa huli. Ang mga bagay na kailangan ng Diyos na maunawaan mo at gusto Niyang sabihin sa iyo, o na kaya mong pasanin at arukin, ay mauunawaan mo. Pagdating naman sa mga bagay na hindi mo kayang pasanin at arukin, na hindi makilatis ng mga pisikal mong mata, kahit sabihin pa sa iyo ng Diyos ang mga ito, magiging walang saysay ito at pag-aaksaya ito ng pagsisikap. Dahil dito, hindi sinasabi ng Diyos sa iyo ang mga bagay na ito. Tungkol sa mga gayong kuru-kuro, kung hindi ka pa rin nakakaunawa sa oras na patay ka na o sa oras na natapos na ang gawain ng Diyos, saan ito nakakaapekto? Nakakaapekto ba ito sa pagpapasakop mo sa Diyos? Nakakaapekto ba ito sa pagganap mo sa papel bilang isang nilikha? Nakakaapekto ba ito sa pagkilala mo sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos? Kung hindi ka naaapektuhan sa alinman sa mga paraang ito, maliligtas ka. Kaya, kailangan pa rin bang lutasin ang ganitong uri ng kuru-kuro? Hindi na. Ito ang huling uri ng kuru-kuro, ang uri na hindi malulutas kahit sa oras ng kamatayan. Sinasabi ng ilang tao, “O Diyos, hindi ko pa rin nauunawaan ang gawaing ito na ginawa Mo, ang mga salitang ito na sinabi Mo, at ang kapaligirang ito na inihanda Mo. Maaari Mo bang sabihin sa akin bago ako mamatay para mamatay ako nang payapa?” Binabalewala ng Diyos ang mga gayong kahilingan. Maaari kang lumisan nang payapa; mauunawaan mo ang lahat sa espirituwal na mundo.
May sariling pamantayan ang Diyos sa pagliligtas ng mga tao; hindi ito nakabatay sa kung gaano mo kahusay na nalutas ang mga kuru-kuro mo o kung gaano karami na sa mga ito ang binitiwan mo. Sa halip, nakabatay ito sa kung gaano ka natatakot sa Diyos at kung gaano ka kamapagpasakop sa Kanya, kung tunay ka bang may takot at pagpapasakop sa Kanya o wala. May kahulugan ang lahat ng ginagawa ng Diyos, at madali man itong tanggapin para sa iyo, o mahirap para sa iyo na tanggapin at malamang na magdudulot ng mga kuru-kuro sa iyo, ano’t anuman, hindi nagbabago ang pagkakakilanlan ng Diyos bilang resulta; palagi Siyang magiging ang Lumikha, at palagi kang magiging isang nilikha. Kung magagawa mong hindi malimitahan ng anumang kuru-kuro, at mapanatili pa rin sa Diyos ang relasyon ng isang nilikha at ng Lumikha, isa kang tunay na nilikha ng Diyos. Kung magagawa mong hindi maimpluwensiyahan o magulo ng anumang kuru-kuro, at may kakayanan ka na tunay na magpasakop sa Diyos mula sa kaibuturan ng iyong puso, at kung nagagawa mong isantabi ang mga kuru-kuro kahit na ang iyong pagkaunawa sa katotohanan ay malalim man o mababaw, at hindi mapigilan ng mga ito, naniniwala lang na ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, na ang Diyos ay magiging Diyos magpakailanman, at na hindi kailanman mali ang ginagawa ng Diyos, kung gayon ay maaari kang maligtas. Sa katunayan, limitado ang tayog ng lahat. Gaano karaming bagay ang maaaring maisiksik sa utak ng mga tao? Kaya ba nilang maarok ang Diyos? Pangangarap lang iyon! Huwag kalimutan: Ang mga tao ay palaging magiging musmos sa harap ng Diyos. Kung iniisip mong matalino ka, kung palagi mong sinusubukang maging mautak, at sinusubukan mong alamin ang lahat ng bagay, iniisip mo, “Kung hindi ko ito kayang maunawaan, hindi ko maaaring kilalanin na ikaw ang aking diyos, hindi ko maaaring tanggapin na ikaw ang aking diyos, hindi ko maaaring kilalanin na ikaw ang lumikha. Kung hindi mo lulutasin ang aking mga kuru-kuro, nangangarap ka kung iniisip mo na kikilalanin ko na ikaw ang diyos, na tatanggapin ko ang iyong kataas-taasang kapangyarihan, at na magpapasakop ako sa iyo,” kung gayon ay problema ito. Paano ito naging problema? Hindi nakikipagtalo sa iyo ang Diyos tungkol sa gayong mga bagay. Sa tao Siya ay laging magiging ang sumusunod: Kung hindi mo tatanggapin na ang Diyos ay iyong Diyos, Hindi Niya tatanggapin na isa ka sa Kanyang mga nilikha. Kapag hindi tinatanggap ng Diyos na isa ka sa Kanyang mga nilikha, isang pagbabago ang nangyayari sa iyong relasyon sa Diyos bilang resulta ng iyong saloobin sa Kanya. Kung hindi mo magawang magpasakop sa Diyos, at tanggapin ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, at ang lahat ng ginagawa ng Diyos, magkakaroon ng pagbabago sa iyong pagkakakilanlan. Isa ka pa rin bang nilikha? Hindi ka kinikilala ng Diyos; walang silbi na makipagtalo pa. At kung hindi ka isang nilikha, at hindi ka nais ng Diyos, may pag-asa ka pa rin ba sa kaligtasan? (Wala.) Bakit hindi ka tinuturing ng Diyos bilang isang nilikha? Hindi mo matupad ang mga responsabilidad at tungkulin na dapat gawin ng isang nilikha, at hindi mo tinatrato ang Lumikha mula sa posisyon ng isang nilikha. Kaya, paano ka tatratuhin ng Diyos? Paano ka Niya titingnan? Hindi ka titingnan ng Diyos bilang isang nilikhang pasok sa pamantayan, kundi bilang isang imoral, isang diyablo at isang Satanas. Hindi ba’t iniisip mong matalino ka? Paanong nagawa mo ang iyong sarili na maging isang diyablo at isang Satanas? Hindi ito katalinuhan, kahangalan ito. Ano ang ipinapaunawa ng mga salitang ito sa mga tao? Na dapat manatili sa hanay ang mga tao sa harap ng Diyos. Kahit na may dahilan ka para sa iyong mga kuru-kuro, huwag mong isipin na nagtataglay ka ng katotohanan, at na mayroon kang kapital na magprotesta laban sa Diyos at limitahan Siya. Anuman ang gawin mo, huwag kang maging ganoon. Sa sandaling mawala ang pagkakakilanlan mo bilang isang nilikha, mawawasak ka—hindi ito biro. Ito ay dahil mismo, kapag may mga kuru-kuro ang mga tao, gumagamit sila ng ibang mga pamamaraan, at gumagamit ng ibang mga solusyon, na ang mga kalalabasan ay ganap na magkaiba.
Mayroon ba kayong mga prinsipyo sa kung paano magsagawa patungkol sa mga kuru-kuro? Pinoprotektahan ba kayo ng mga prinsipyong ito para umasal kayo nang wasto bilang mga nilikha? Mabuti ba ang landas na ito? (Oo.) Kung gayon, ibuod ninyo ito. (Kung isa itong uri ng kuru-kurong medyo madaling lutasin, dapat kaming magdasal at maghanap, hanapin ang katotohanang naghihimay sa ganitong uri ng kuru-kuro mula sa mga salita ng Diyos, at puwede rin kaming makipagbahaginan sa mga kapatid na nakakaunawa sa katotohanan; sa ganitong paraan, makikilatis namin ang mga maling aspekto ng kuru-kuro, at sa gayon ay malulutas ito. Mayroon ding ilang kuru-kuro na hindi madaling lutasin, pero hindi kami dapat kumapit sa mga ito. Dapat kaming magkaroon ng saloobin ng pagtanggap sa katotohanan at pagpapasakop sa Diyos, nang nalalaman na kami ay mga nilikha at ang ginagawa ng Diyos ay tiyak na tama, at hindi pa lang namin ito napagtatanto. Nauunawaan man namin o hindi, hindi kami dapat magpakalat ng mga kuru-kuro. Dapat naming matutuhan na madalas na manalangin sa Diyos at maghanap, at unti-unti ay malulutas din ang mga kuru-kurong ito. Ang ikatlong sitwasyon ay na maaaring manatiling hindi nalulutas ang ilang kuru-kuro sa huli. Sa mga gayong kaso, hangga’t hindi kami napipigilan ng mga kuru-kurong ito at hindi namin ito ipinapakalat, ayos lang ito. Kahit na hindi malutas ang mga kuru-kurong ito sa huli, hangga’t hindi kami kumakapit sa mga ito at hindi gumagawa ng kasamaan dahil sa mga ito, hindi kami kokondenahin ng Diyos, at hindi ito makakaapekto sa aming kaligtasan.) Ilang prinsipyo mayroon sa kabuuan? (Tatlo.) May tatlong prinsipyo sa kabuuan. Naitala ninyo ang lahat ng ito, tama ba? Kapag naunawaan na ninyo ang katotohanan at naarok na ninyo ang mga prinsipyo, natural na malulutas ang mga kuru-kuro ninyo. Huwag ninyong hayaang hadlangan o patumbahin kayo ng mga kuru-kuro; lutasin ang mga kuru-kurong maaaring lutasin sa abot ng makakaya ninyo, at para sa mga pansamantalang hindi pa malutas, huwag hayaang makaapekto sa inyo ang mga ito kahit papaano. Hindi dapat mahadlangan ng mga ito ang paggampan mo ng tungkulin, ni makaapekto ang mga ito sa ugnayan mo sa Diyos. Ang pinakamababang hinihingi sa iyo ay huwag magpakalat ng mga kuru-kuro kahit papaano, huwag gumawa ng kasamaan, huwag magdulot ng mga pagkagambala at kaguluhan, at huwag kumilos bilang alipin ni Satanas o bilang daluyan ni Satanas. Kung, gaano ka man magsikap, ang ilang kuru-kuro ay maaari lang lutasin nang paimbabaw at hindi lubusang malulutas, huwag mo na lang pansinin ang mga iyon. Huwag hayaan ang mga kuru-kuro na makaapekto sa paghahangad mo sa katotohanan o sa buhay pagpasok mo. Maging bihasa ka sa mga prinsipyong ito, at sa ilalim ng normal na mga sitwasyon, ikaw ay mapoprotektahan. Kung isa kang tao na tumatanggap sa katotohanan, nagmamahal sa mga positibong bagay, hindi masamang tao, ayaw magdulot ng mga pagkagambala at kaguluhan, at hindi nananadyang magdulot ng mga pagkagambala at kaguluhan, kapag karaniwan kang nahaharap sa isyu ng paglitaw ng mga kuru-kuro, sa pangkalahatan ay mapoprotektahan ka. Ang pinakabatayang prinsipyo ng pagsasagawa ay ito: Kung lumitaw ang isang kuru-kurong mahirap lutasin, huwag magmadaling kumilos ayon sa kuru-kurong iyon. Una, maghintay at hanapin ang katotohanan para lutasin ito, maniwala na hindi maaaring maging mali ang ginagawa ng Diyos. Tandaan ang prinsipyong ito. Dagdag pa, huwag isantabi ang tungkulin mo o hayaan ang kuru-kuro na makaapekto sa paggampan mo ng tungkulin. Kung may mga kuru-kuro ka at iniisip mo, “Iraraos ko na lang ang tungkuling ito; masama ang lagay ng loob ko ngayon, kaya hindi ako gagawa nang maayos para sa iyo!” hindi ito tama. Kapag naging negatibo at pabasta-basta ang saloobin mo, nagiging problema ito; ito ang panliligalig ng mga kuru-kuro sa loob mo. Kapag nanliligalig ang mga kuru-kuro sa loob mo at nakakaapekto sa paggampan mo ng tungkulin, ibig sabihin niyon na sa puntong ito, nagkaroon na ng aktuwal na pagbabago ang ugnayan mo sa Diyos. Ang ilang kuru-kuro ay puwedeng makaapekto sa paggampan mo ng tungkulin, na isang malubhang problema, at dapat na agarang malutas ang mga ito. Ang ibang kuru-kuro ay hindi nakakaapekto sa paggampan mo ng tungkulin o sa ugnayan mo sa Diyos, kaya hindi malalaking isyu ang mga ito. Kung ang mga kuru-kurong nabubuo mo ay maaaring makaapekto sa paggampan mo ng tungkulin, na nagdudulot na pagdudahan mo ang Diyos, na huwag kang magsipag sa paggawa ng tungkulin mo—at maramdaman pa nga na walang kakaharaping mga kahihinatnan ang hindi paggawa ng tungkulin mo—at walang anumang pangamba o may-takot-sa-Diyos na puso, mapanganib ito. Nangangahulugan ito na mahuhulog ka sa tukso, at maloloko at mabibihag ka ni Satanas. Ang saloobin mo sa mga kuru-kuro mo at ang mga pinipili mo ay napakahalaga; malutas man o hindi ang mga kuru-kuro, at anuman ang antas ng pagkakalutas ng mga ito, hindi dapat magbago ang normal na ugnayan sa pagitan mo at ng Diyos. Sa isang banda, dapat magawa mong makapagpasakop sa lahat ng kapaligirang pinamamatnugutan ng Diyos, at kumpirmahin na tama at makabuluhan ang lahat ng ginagawa ng Diyos, at hindi dapat magbago kailanman ang kaalamang ito at ang aspektong ito ng katotohanan para sa iyo. Sa kabilang banda, hindi mo dapat isantabi ang tungkuling ipinagkatiwala ng Diyos sa iyo, hindi mo dapat iwaksi ang pasaning ito. Kung, sa panloob o panlabas, wala kang paglaban, pagsalungat, o paghihimagsik laban sa Diyos, makikita lang ng Diyos ang pagpapasakop mo, at na naghihintay ka. Maaaring may mga kuru-kuro ka pa rin, pero hindi nakikita ng Diyos ang pagiging mapaghimagsik mo. Dahil walang paghihimagsik at paglaban sa loob mo, itinuturing ka pa rin ng Diyos bilang isa sa Kanyang mga nilikha. Sa kabaligtaran, kung ang puso mo ay puno ng mga reklamo at pagsuway, naghahanap ka ng pagkakataon para gumanti, at ayaw mong gawin ang tungkulin mo, bagkus ay gusto mong iwaksi ang pasaning ito—maging sa puntong, sa puso mo, may kung ano-anong reklamo tungkol sa Diyos, at nabubunyag ang mga partikular na pagpapamalas ng pagsuway at sama ng loob habang ginagawa mo ang tungkulin mo—kung gayon, sa pagkakataong ito, malaki na ang ipinagbago ng ugnayan mo sa Diyos. Iniwan mo na ang posisyon mo bilang isang nilikha; hindi ka na isang nilikha, kundi naging daluyan ka na ng mga diyablo at ni Satanas—kaya hindi ka na pakikitaan ng Diyos ng anumang kabutihan. Kapag dumating na sa puntong ito ang isang tao, papalapit na siya sa mapanganib na kalagayan. Kahit walang gawin ang Diyos, hindi siya makakapanindigan sa iglesia. At kaya, sa lahat ng ginagawa ng mga tao—lalo na kapag may kinalaman ito sa mga isyu ng paglutas sa mga kuru-kuro—dapat maging maingat sila na iwasan ang paggawa ng mga bagay na sumasalungat sa Diyos, o na kinokondena ng Diyos, o nakakasakit o nakakapinsala sa iba. Ito ang prinsipyo.
Hindi maliit na usapin ang problema ng pagkakaroon ng mga tao ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos! Napakahalaga para sa mga tao na makapagpanatili ng normal na ugnayan sa Diyos, pero ang pinakanakakaapekto sa ugnayang ito ay ang mga kuru-kuro ng mga tao. Kapag nalutas na ang mga kuru-kuro ng tao tungkol sa Diyos ay saka lang mapapanatili ang normal na ugnayan sa Kanya. Sa kasalukuyan, maraming tao ang may malubhang problema. Kahit ilang taon na silang nananampalataya sa Diyos, bagama’t kaya nilang magtiis ng pagdurusa at magbayad ng halaga sa paggampan ng mga tungkulin nila, pero sa buong panahong ito, hindi pa rin ganap na malutas ang mga kuru-kuro nila. Malubha itong nakakaapekto sa ugnayan nila sa Diyos at direktang nakakaapekto sa pagmamahal nila sa Diyos at sa pagpapasakop nila sa Kanya. Samakatwid, anumang kuru-kuro ang mabuo ng mga tao tungkol sa Diyos, isa itong seryosong usapin na hindi puwedeng ipagsawalang-bahala. Ang mga kuru-kuro ay parang isang pader; hinahadlangan ng mga ito ang ugnayan ng mga tao sa Diyos, na nagiging dahilan para mawalan sila ng ugnayan sa gawain ng pagliligtas ng Diyos. Kaya, ang pagkakaroon ng mga tao ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos ay isang napakaseryosong isyung hindi puwedeng ipagsawalang-bahala! Kung ang mga tao ay may mga kuru-kuro at hindi nila magawang agarang hanapin ang katotohanan at lutasin ang mga ito, puwede itong madaling magdulot ng pagkanegatibo, paglaban sa Diyos, at maging ng pagkamapanlaban sa Kanya. Matatanggap pa kaya nila ang katotohanan kung gayon? Mahihinto ang buhay pagpasok nila. Ang landas ng pagdanas sa gawain ng Diyos ay hindi pantay at lubak-lubak. Dahil may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, maaaring lumihis sila nang maraming beses, at puwedeng bumuo sila ng mga kuru-kuro sa anumang sitwasyon. Kung ang mga kuru-kurong ito ay hindi malulutas sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan, puwedeng maghimagsik ang mga tao laban sa Diyos at tumutol sa Kanya, tumahak sa landas ng pagkamapanlaban sa Kanya. Kapag tumahak ang mga tao sa landas ng mga anticristo, sa tingin ba ninyo ay may pag-asa pa silang maligtas? Mahirap na itong pangasiwaan sa puntong iyon, at wala nang matitirang pagkakataon. Kaya, bago ka itatwa ng Diyos bilang Kanyang nilikha, dapat mong matutuhan kung paano maging nilikha ng Diyos. Huwag mong subukang siyasatin ang Lumikha o subukang maghanap ng paraan para patunayan at tiyakin na ang Diyos na sinasampalatayanan mo ay ang Lumikha. Hindi ito ang obligasyon o responsabilidad mo. Ang dapat mong iniisip at pinagninilayan sa puso mo araw-araw ay kung paano mo matutupad ang mga tungkulin mo at maging isang nilikha na pasok sa pamantayan, sa halip na kung paano patunayan kung ang Diyos ang Lumikha, kung Siya ba talaga ay Diyos, o na siyasatin ang ginawa ng Diyos at kung tama ba ang Kanyang mga kilos o hindi. Hindi ang mga ito ang dapat mong siyasatin.
Hunyo 19, 2021