Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (16) Ikaapat na Seksiyon
C. Ang mga Prinsipyo at Landas Para sa Paglutas ng mga Kuru-kuro
May ilang bagay pa rin tungkol sa pagpapakalat ng mga kuru-kuro na kailangang pagbahaginan. Sinasabi ng ilang tao: “Dapat tayong magsagawa ng paglalantad at paghihimay sa panahon ng buhay iglesia pagdating sa pagpapakalat ng mga kuru-kuro, at limitahan ito. Gayumpaman, sa proseso ng pananampalataya sa Diyos, malamang na magkakaroon tayo ng iba’t ibang kuru-kuro; isa itong bagay na wala na sa kontrol natin. Kaya, pagdating sa mga kuru-kuro, anong uri ng landas ng pagsasagawa ang dapat nating sundan para makapagsagawa tayo nang tumpak, at hindi magdulot ng mga kaguluhan at pagkagambala sa panahon ng buhay iglesia, makaapekto nang masama sa iba, o magdulot ng mga kawalan sa buhay ng ibang tao? Ano ang angkop na paraan ng pagkilos?” Hindi ba’t isang katunayan na may mga kuru-kuro ang mga tao? Hindi ba’t hindi ito maiiwasan? (Oo.) Sinasabi ng ilang tao, “Tanging ang mga hindi naghahangad sa katotohanan ang magkakaroon ng mga kuru-kuro.” Tama ba ang pahayag na ito? Medyo tama lang ito. Iyong mga naghahangad sa katotohanan ay maaaring magkaroon din paminsan-minsan ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos kapag nakakaranas sila ng mga espesyal na sitwasyon dahil, bago maunawaan ng mga tao ang katotohanan at ang mga layunin ng Diyos, at bago sila magkaroon ng kaalaman tungkol sa Diyos, magkakaroon sila ng ilang kuru-kuro tungkol sa mga salita at gawain ng Diyos. Ang mga kuru-kurong ito ay ilang nakalilinlang na ideya ng tao na hindi tumutugma sa katotohanan. Maaaring tumutugma ang ilang kuru-kuro sa moralidad, pilosopiya, tradisyonal na kultura, mga etikal na teorya, at iba pa, at sa panlabas, maaaring tila tama ang mga ideyang ito. Gayumpaman, sadyang hindi tumutugma ang mga ito sa katotohanan at taliwas dito. Isa itong katunayan. Paano dapat harapin ng mga tao ang mga kuru-kurong ito? Bago hangarin ng mga tao ang katotohanan, marami na silang mga kuru-kuro sa loob nila; mga likas na kuru-kuro ang mga ito. Sa proseso ng paghahangad ng mga tao sa katotohanan, napakaraming bagong kuru-kuro ang lilitaw sa loob nila dahil sa mga pabago-bagong kapaligiran at iba’t ibang konteksto; mga natutuhang kuru-kuro ang mga ito. Ang parehong uri ng mga kuru-kuro ay mga bagay na kailangang harapin ng mga tao sa landas nila ng pananampalataya sa Diyos. Kaya, may solusyon ba para sa paglutas ng mga kuru-kuro? May landas ba ng pagsasagawa? Sinasabi ng ilan, “Madali itong pangasiwaan. Maaari tayong maghimagsik laban sa mga likas nating kuru-kuro; hindi natin kailangang bigyang-pansin ang mga ito. Sigurado tayo na sa proseso ng paghahangad sa katotohanan, unti-unting malulutas at mawawala ang mga kuru-kurong ito habang nauunawaan natin ang katotohanan. Tungkol naman sa mga natutuhang kuru-kuro, umaasa tayo sa Diyos para lutasin ang mga ito, at hindi rin tayo napipigilan ng mga ito. Kaya, hanggang ngayon, wala pa tayong nabubuong mga kuru-kuro sa puso natin na maaaring humantong sa mga bagay na tulad ng paglaban, pagkondena, o paglapastangan sa Diyos.” Kumusta ang ganitong pamamaraan ng pagsasagawa, ang ganitong paraan ng pagharap at pangangasiwa ng mga kuru-kuro? Maaari ba nitong malutas ang mga kuru-kuro? May mga kahinaan ba ito? Aktibo at positibo ba ang ganitong saloobin sa mga kuru-kuro? (Hindi.) May anumang positibong epekto ba ang saloobing ito sa mga tao? Kung gagamit ka ng isang pasibong pamamaraan kung saan binabalewala mo ang mga kuru-kurong ito, itinatago ang mga ito sa mga pinakatagong bahagi ng puso mo, ibinabaon ang mga ito at nagdarasal sa tuwing lumilitaw ang mga ito at pagkatapos ay iniisip mong nalutas na ang mga ito, pinangangasiwaan ang mga ito sa parehong paraan sa tuwing lumilitaw muli ang mga ito, at hindi na iniisip ang tungkol sa mga ito pagkatapos at kumikilos na parang hindi problema ang mga ito, naniniwalang, “Ano’t anuman, ang Diyos na sinasampalatayanan ko ay ang Diyos ko pa rin, nilikha pa rin ako ng Diyos, at ang Diyos pa rin ang Lumikha sa akin; hindi ito nagbago”—ito ba ang pinakamabisang paraan para malutas ang mga kuru-kuro? Nagkakamit ba ito ng positibong resulta? Lubusan bang nilulutas ng ganitong uri ng pagsasagawa ang mga kuru-kuro mula sa pinakaugat? Malinaw na hindi. Gaano man kalaki o kaliit, o gaano man karami o kakaunti ang mga kuru-kurong ito, hangga’t umiiral ang mga ito sa puso ng mga tao, magkakaroon ang mga ito ng negatibong epekto sa buhay pagpasok nila at sa ugnayan nila sa Diyos, na nagdudulot ng mga kaguluhan. Lalo na kapag mahina ang mga tao; kapag nahaharap sila sa isang kapaligirang hindi nila malampasan; kapag hindi nila nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, wala silang landas ng pagsasagawa, at hindi nila alam kung paano mapapalugod ang Diyos; at kapag nararamdaman nilang wala silang pag-asa na maligtas, ang mga kuru-kurong ito ay mabilis na lilitaw sa loob nila, mapapangibabawan ang isipan nila, sasakop sa puso nila, at maaari pa ngang makaapekto sa pananatili o paglisan nila, at makaimpluwensiya sa landas na pipiliin nila. Maaaring may isang kuru-kuro na hindi mo kailanman pinahalagahan at hindi ka kailanman naapektuhan o nalungkot dahil dito—palagi mong pinaniniwalaan na ikaw ang amo nito, na kaya mo itong kontrolin—pero pagkatapos maranasan ang isang partikular na kabiguan, pagtatanggal o pagtitiwalag, o matinding pagdidisiplina at pagtutuwid mula sa Diyos, o kahit kapag nararamdaman mo na parang nahulog ka sa isang walang-hanggang hukay, sa panahong iyon, ang kuru-kurong iyon ay hindi na lang isang palamuti para sa iyo. Kahit na balewalain mo ito, maaari itong makagulo at makalihis sa isipan mo, mapangibabawan pa nga ang mga kaisipan at pananaw mo, ang saloobin mo sa Diyos, at ang pananalig mo sa Diyos. Kung wala kang angkop na pamamaraan o prinsipyo ng pagsasagawa para harapin ang mga kuru-kurong ito, o kung wala kang malinaw na pagkaunawa sa mga ito, paulit-ulit na makakaapekto ang mga kuru-kurong ito sa buhay pagpasok mo o sa mga agarang pagpili mo. Maaari pa ngang makaimpluwensiya ang mga ito sa ugnayan at saloobin mo sa Diyos. Kaya, kapag nahaharap sa iba’t ibang kuru-kurong lumilitaw sa anumang konteksto, anong uri ng saloobin at pamamaraan ang dapat taglayin ng mga tao para harapin at pangasiwaan ang mga ito upang maiwasan ang pinsala at magkamit ng isang positibong resulta? Isa itong katanungang dapat malinaw na pagbahaginan.
May malayang kalooban at malayang pag-iisip ang mga taong namumuhay sa laman. Edukado man sila o hindi, gaano man kahusay ang kakayahan nila, o anuman ang kasarian nila, hangga’t may pag-iisip ang mga tao, magkakaroon sila ng mga kuru-kuro. Kung pangingibabawan ng isang kuru-kuro ang tiwaling disposisyon mo, tututulan mo ang Diyos dahil sa kuru-kurong ito. Samakatwid, dapat malutas ang problemang ito ng pagkakaroon ng mga kuru-kuro ng mga tao. Hindi lang ang mga nagpapakalat ng mga kuru-kuro ang nagkakaroon ng mga kuru-kuro; sadyang nagpapakalat lang sila ng mga kuru-kuro nila, walang pakundangang tumitindig nang laban sa Diyos at nagpapakalat ng iba’t ibang pananaw at paghusga tungkol sa Kanya. Pero, nangangahulugan ba ito na ang mga hindi nagpapakalat ng mga kuru-kuro ay walang mga kuru-kuro? May mga kuru-kuro ang lahat ng tao; isa itong katunayan. Ang pagkakaiba ay na iyong mga sadyang nagpapakalat ng mga kuru-kuro ay may kalikasang diwa na likas na tutol sa katotohanan. Dahil hindi nila tinatanggap ang katotohanan at naniniwala pa nga silang tama at lubos na tumutugma sa katotohanan ang mga kuru-kuro nila, kung taliwas sa katotohanan ang mga kuru-kuro nila, pinipili nilang tanggapin ang mga kuru-kuro nila sa halip na ang katotohanan. Dito sila nabibigo at nililimitahan at kinokondena sila dahil dito. Kaya, bakit hindi kinokondena ang mga ordinaryo, normal na tao kapag nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro? Ito ay dahil nagsasalita at kumikilos nang may pagkamakatwiran ang karamihan sa kanila, at alam nila sa puso nila na hindi tumutugma sa katotohanan at hindi tama ang mga kuru-kuro ng tao; bagama’t hindi nila agad malutas ang mga kuru-kuro nila, handa silang talikuran ang mga ito. Kapag pinipili nilang tanggapin ang katotohanan, mapapalitan at malulutas ng katotohanan ang mga panloob nilang kuru-kuro; binibitiwan nila ang mga kuru-kuro nila at hindi na sila naiimpluwensiyahan, nalilimitahan, o napangingibabawan ng mga ito. Kaya, ang mga taong ito, bagama’t may mga kuru-kuro sila, ay hindi nagpapakalat ng mga ito. Kaya pa rin nilang gawin ang mga tungkulin nila nang normal, sumunod sa Diyos nang normal, tanggapin ang mga salita at gawain ng Diyos, magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at magpasakop sa pagliligtas ng Diyos. Palagi nilang kinikilala na sila ay mga nilikha at ang Diyos ang Lumikha. Anuman ang mga kuru-kurong kinikimkim nila sa puso nila, kaya nilang panatilihin ang isang normal na ugnayan sa Diyos, panatilihin ang ugnayan sa pagitan ng nilikha at ng Lumikha, iwasang sukuan ang mga tungkulin nila, iwasang talikuran ang pangalan ng Diyos, at nananatiling hindi nagbabago ang pananalig nila sa Diyos. Bagama’t ganito ang kaso, kung hindi kailanman malulutas ang mga kuru-kuro, maaari pa ring sirain ng mga ito ang mga tao at humantong sa pagkawasak nila. Samakatwid, kailangan pa rin nating pagbahaginan ang tungkol sa kung paano pinakamahusay na harapin at lutasin ang mga kuru-kuro.
Ano sa tingin ninyo ang mas madaling lutasin: ang likas na mga kuru-kuro na mayroon ang mga tao bago manampalataya sa Diyos, o ang mga kuru-kurong nabubuo ng mga tao sa mga espesyal na kapaligiran at konteksto matapos nilang manampalataya sa Diyos? (Mas madaling lutasin ang likas na mga kuru-kuro.) Ang mga imahinasyon at kuru-kuro ng mga tao tungkol sa Diyos noong una silang manampalataya sa Kanya ay mas madaling lutasin, samantalang ang mga kuru-kurong nabubuo nila habang nararanasan nila ang gawain ng Diyos matapos nilang manampalataya sa Kanya ay hindi ganoon kadaling lutasin—isa itong teoretikal na pahayag, pero sa huli, hindi ito umaayon sa mga katunayan. Ano ang ibig sabihin ng “teoretikal”? Ibig sabihin, ang mga ganitong uri ng kongklusyon ay nabubuo ng mga tao batay sa pilosopiya at lohika. Matapos unang magsimulang manampalataya ng mga tao sa Diyos at maunawaan ang katotohanan tungkol sa mga pangitain, nabibitiwan at nalulutas ang ilan sa mga kuru-kuro nila. Sa aktuwal, ang pagkalutas na ito ay nakakamit lang sa antas ng doktrina; tila nalutas na ang mga kuru-kurong ito, pero marami sa mga kuru-kurong nabubuo ng mga tao habang sumusunod sa Diyos ay may kaugnayan sa kanilang likas na mga kuru-kuro. Sa teorya, sa dalawang uri ng mga kuru-kurong ito, mas madaling lutasin ang likas na mga kuru-kuro, pero sa katunayan, hangga’t kaya ng mga tao na tanggapin ang katotohanan at mahalin ang mga positibong bagay, hangga’t nauunawaan nila ang katotohanan, parehong madaling lutasin ang dalawang uri ng kuru-kuro. Halimbawa, sinasabi ng ilan sa inyo na mas madaling lutasin ang likas na mga kuru-kuro, pero maaaring makatagpo kayo ng mga taong may mga baluktot na pagkaarok na napakatigas ng ulo at masyadong nakapako sa di-mahahalagang detalye, na nag-uusisa sa Bibliya, mga espirituwal na klasiko, at mga interpretasyon ng mga tagapagpaliwanag ng Bibliya; inuulit sa iyo ng mga taong ito ang mga bagay na natutuklasan nila, at gaano ka man makipagbahaginan tungkol sa katotohanan, hindi nila ito tinatanggap. Hindi nila kayang tanggapin ang mga dalisay na sermon, ang katotohanan, o ang mga tamang salita; hindi nila tinatanggap ang mga bagay na ito kapag pinakikinggan nila ang mga ito. Sa isang banda, may problema sa abilidad nilang umarok; sa kabilang banda, hindi nila mahal ang mga positibong bagay o ang katotohanan, sa halip ay mahilig silang maging matigas ang ulo at mapako sa di-mahahalagang detalye, at hilig nilang paglaruan ang wika, at mahilig sila sa mga teorya at teolohiya. Mabibitiwan ba ng mga gayong tao ang mga kuru-kuro nila? (Hindi.) Batay sa mga katunayan, mula sa disposisyon at mga kagustuhan ng mga gayong tao, hindi nila matanggap ang katotohanan. Ang mga inisyal na kuru-kuro ng mga tao ay talagang napakababaw at napakapaimbabaw, napakadaling lutasin ng mga ito. Kung may normal na pag-iisip at normal na abilidad na umarok ang isang tao, kapag nakipagbahaginan ka sa kanya tungkol sa katotohanan sa mga pangitain, hangga’t nauunawaan niya ito, madali niyang mabibitiwan ang mga kuru-kuro niya. Pero may isang uri ng mga tao na walang normal na pag-iisip, hindi kayang umarok sa katotohanan, at hindi tumatanggap sa katotohanan. Kaya ba ng mga gayong tao na bitiwan ang mga kuru-kuro nila? (Hindi.) Samakatwid, mahirap lutasin ang mga kuru-kuro ng mga gayong tao. Kung ang isang tao ay may normal na katwiran at kaya niyang tanggapin ang katotohanan, anuman ang mga kuru-kurong mabubuo niya tungkol sa Diyos matapos manampalataya sa Diyos, at sa anumang kapaligiran o konteksto lumilitaw ang mga kuru-kurong ito, hindi siya makikipagtalo sa Diyos. Sasabihin niya, “Tao ako, may mga tiwaling disposisyon ako, puwedeng maging mali ang pag-iisip at mga kilos ko. Ang Diyos ang katotohanan, hindi kailanman nagkakamali ang Diyos. Gaano man kamakatwiran ang mga kaisipan ko, ang mga ito ay mga kaisipan pa rin ng tao, nagmula sa tao ang mga ito at hindi ang katotohanan. Kung taliwas ang mga ito sa mga salita ng Diyos o sa katotohanan, ang mga kaisipang ito, gaano man kamakatwiran, ay mali.” Maaaring hindi niya alam sa ngayon kung saan mismo mali ang mga kuru-kurong ito, kaya paano siya nagsasagawa? Nagsasagawa siya ng pagpapasakop, hindi matigas ang ulo niya at hindi siya nakapako sa mga partikular na detalye, at binibitiwan niya ang naturang usapin, naniniwalang darating ang araw na ibubunyag ito ng Diyos. Tinatanong siya ng isang tao, “Paano kung hindi ito ibunyag ng Diyos?” Sasagot siya, “Kung gayon, magpapasakop ako magpakailanman. Hindi kailanman nagkakamali ang Diyos, at hindi kailanman mali ang ginagawa ng Diyos. Kung hindi tumutugma ang ginagawa ng Diyos sa mga kuru-kuro ng tao, hindi ibig sabihin nito na mali ang Diyos, kundi na hindi ito maarok o maunawaan ng mga tao. Samakatwid, ang pinakadapat na gawin ng mga tao ay huwag magsiyasat, huwag mapako sa mga kuru-kuro nila, at huwag gamitin ang mga kuru-kuro nila para hanapan ng mali ang Diyos, na ginagamit ang mga kuru-kuro nila bilang dahilan at palusot para hindi magpasakop sa Diyos at para tutulan Siya.” Ganito niya tinatrato ang mga kuru-kuro niya. Ang ganitong uri ba ng pagsasagawa ay pagsasagawa sa katotohanan? Pagsasagawa nga ito sa katotohanan. Kapag nagkakaroon siya ng mga kuru-kuro, hindi niya ikinukumpara ang Diyos sa mga ito o hindi niya ginagamit ang mga ito para siyasatin ang Diyos, para tiyakin kung totoo ba ang Diyos o kung umiiral ba ang Diyos. Sa halip, binibitiwan niya ang mga kuru-kuro niya at sinisikap niyang tanggapin ang katotohanan at kilalanin ang Diyos. Pero kahit na sinusubukan niya ang lahat ng makakaya niya para kilalanin ang Diyos, hindi pa rin niya makilala ang Diyos. Ano ang ginagawa niya kung gayon? Nagpapasakop pa rin siya. Sinasabi niya, “Hindi kailanman nagkakamali ang Diyos. Ang Diyos ay palaging Diyos. Ang Diyos ang Siyang nagpapahayag ng katotohanan. Ang Diyos ang pinagmumulan ng katotohanan.” Inuuna niyang ilagay ang Diyos sa posisyon ng Diyos at ang sarili niya sa posisyon ng nilikha kapag nahaharap siya sa mga kuru-kurong ito. Samakatwid, bagama’t hindi pa niya isinasantabi o nalulutas ang mga kuru-kuro niya, hindi nagbabago ang saloobin niya ng pagpapasakop sa Diyos. Pinoprotektahan siya ng saloobing ito, tinutulutan siyang manatiling kinikilala ng Diyos bilang nilikha sa harap ng Diyos. Kaya, madali bang lutasin ang mga kuru-kuro ng mga gayong tao? (Oo.) Paano ito nakakamit? Ipagpalagay nang nagsalita sila sa ganitong paraan nang maharap sila sa isang sitwasyon: “Ang pagsasabing ang lahat ng ginagawa ng diyos ay ang katotohanan at tama, na ang diyos ay makapangyarihan sa lahat at hindi puwedeng magkamali—hindi ba’t mali iyon? Bagama’t sinasabing hindi puwedeng magkamali ang diyos, isa lang itong teoretikal na pahayag. Sa katunayan, may ilang bagay na ginagawa ang diyos na walang pagsasaalang-alang at hindi umaayon sa mga damdamin ng tao. Sa tingin ko, hindi ganap na tama ang usaping ito. Para sa mga bagay na hindi ganap na tama, hindi ko kailangang magpasakop sa mga ito o tanggapin ang mga ito, tama ba? Kahit hindi ko itinatanggi ang pangalan ng diyos o ang pagkakakilanlan niya, ang mga kuru-kurong nabuo ko na ngayon ay nagbigay sa akin ng higit na kabatiran at mas mabuting pagkaunawa sa diyos—gumagawa rin ang diyos ng ilang bagay na mali at may mga pagkakataong nagkakamali siya. Kaya, mula ngayon, hindi ako maniniwala kapag sinasabi ng mga tao na ang diyos ay matuwid, perpekto, at banal. Lalagyan ko ng maliit na tandang pananong ang mga pahayag na ito. Bagama’t ang diyos ang lumikha at kaya kong tanggapin ang kataas-taasang kapangyarihan niya, sa hinaharap, kailangan kong piliin ang tatanggapin ko at hindi ako puwedeng magpasakop nang nalilito at bulag. Paano kung magkamali ako sa pagpapasakop? Hindi ba’t mawawalan ako? Hindi ako puwedeng maging isang taong nagpapasakop nang hangal.” Kung tatratuhin nila ang mga kuru-kuro at ang Diyos nang may ganitong saloobin, madali ba nilang mabibitiwan ang mga kuru-kuro nila? Ang ganitong uri ba ng pagsasagawa ay pagsasagawa ng katotohanan? (Hindi.) Hindi ba’t nagkakaroon ng problema ang ugnayan nila sa Diyos? Hindi ba’t palagi nilang sinisiyasat ang Diyos? Ang Diyos ang naging pakay ng pagsisiyasat nila sa halip na ang May Kataas-taasang Kapangyarihan na naghahari sa kapalaran nila. Bagama’t kinikilala nila na nilikha sila sa ilalim ng kapamahalaan ng Lumikha, ang ginagawa nila ay hindi paggampan sa mga tungkulin at obligasyon ng isang nilikha. Hindi nila tinatrato ang Lumikha mula sa orihinal nilang posisyon bilang isang nilikha, sa halip ay tumitindig sila nang kontra sa Lumikha, sinisiyasat nila ang Lumikha at sinusuri ang mga kilos at pag-uugali ng Lumikha, pinipili kung magpapasakop at tatanggap ba sila batay sa sarili nilang desisyon. Ang ganitong saloobin at paraan ba ng pagsasagawa ang mga pagpapamalas na dapat mayroon ang isang taong tumatanggap sa katotohanan? Malulutas ba ang mga kuru-kuro niya? (Hindi, hindi malulutas ang mga ito.) Hindi kailanman malulutas ang mga ito. Ito ay dahil naging baluktot ang ugnayan niya sa Diyos; hindi ito isang normal na ugnayan, hindi ito ang ugnayan sa pagitan ng nilikha at ng Lumikha. Itinuturing niya ang Diyos bilang isang pakay ng pagsisiyasat, palagi niyang sinisiyasat ang Diyos. Tinatanggap niya kung ano ang sa tingin niya ay tama at mabuti, pero sa loob niya ay lumalaban at nakikipagtalo siya sa Diyos tungkol sa kung ano ang hindi tumutugma sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao o sa mga kagustuhan ng tao, at napapalayo siya sa Diyos. Ang gayong tao ba ay isang taong tumatanggap sa katotohanan? Sa panlabas, kung walang anumang insidente at walang anumang kuru-kuro tungkol sa Diyos, kaya niyang magpasakop sa mga salitang sinasabi ng Diyos. Pero sa sandaling magkaroon na siya ng mga kuru-kuro, nawawala ang pagpapasakop niya; hindi na ito makita, at hindi ito maisagawa. Ano ang nangyayari dito? Malinaw na hindi siya isang taong nagsasagawa sa katotohanan. Hindi niya tinatanggap ang Diyos bilang ang pinagmumulan ng katotohanan o bilang ang katotohanan mismo. Mahirap para sa mga taong hindi tumatanggap sa katotohanan na bitiwan o lutasin ang mga kuru-kuro nila, kahit kailan pa lumitaw ang mga kuru-kurong iyon.
Batay sa nilalaman ng pagbabahaginan sa itaas, sa palagay ninyo, anong uri ng kuru-kuro ang mas madaling lutasin? Depende ito sa sitwasyon. Para sa mga kayang tanggapin ang katotohanan, na may katwiran at mga tamang tao, madaling malutas ang mga kuru-kuro nila kahit kailan pa lumitaw ang mga ito. Para sa mga hindi kayang tanggapin ang katotohanan, mahirap lutasin ang mga kuru-kuro nila kahit kailan pa lumitaw ang mga ito. Nanampalataya ang ilang tao sa Diyos sa loob ng dalawampu o tatlumpung taon, pero kahit ngayon, wala sa mga sinasabi nila ang tumutugon sa katotohanan; lahat ng ito ay mga salita at doktrina at kuru-kuro lang ng tao. Wala talaga silang nauunawaan na anumang katotohanan—mabibitiwan ba nila ang mga kuru-kuro nila kapag lumitaw ang mga ito? Mahirap sabihin. Kung hindi nila tinatanggap ang katotohanan, hindi nila mabibitiwan ang mga kuru-kuro nila. Hindi maiiwasang magkaroon ng mga kuru-kuro ang mga tao. Ang isipan ng bawat tao ay puwedeng bumuo ng iba’t ibang kuru-kuro sa anumang oras, likas man ang mga ito o natutuhan. May mga kuru-kuro sa puso ng bawat tao, gaano man katagal na silang nananampalataya sa Diyos. Kaya ano ang dapat gawin? Sadya bang hindi malulutas ang problemang ito? Maaari itong malutas; may ilang prinsipyong dapat tandaan. Napakahalaga ng mga prinsipyong ito. Kapag nahaharap ka sa mga gayong sitwasyon, magsagawa ka ayon sa mga prinsipyong ito. Pagkatapos magsagawa sa loob ng ilang panahon, makikita mo ang mga resulta, at makakapasok ka sa katotohanang realidad. Kapag lumilitaw ang mga kuru-kuro, ano man ang kuru-kuro, pagnilayan at suriin mo muna sa puso mo kung tama ba ang pag-iisip na ito. Kung malinaw mong nararamdaman na ang pag-iisip na ito ay hindi tama at baluktot, at na nilalapastangan nito ang Diyos, agad kang magdasal, hilingin sa Diyos na liwanagan at gabayan ka para makilala mo ang diwa ng problema, at pagkatapos, talakayin mo sa isang pagtitipon ang pagkaunawa mo. Habang nagtatamo ka ng pagkaunawa at dinaranas mo ang mga bagay-bagay, pagtuunan mo ang paglutas sa mga kuru-kuro mo. Kung hindi nagkakamit ng malilinaw na resulta ang pagsasagawa sa ganitong paraan, dapat kang makipagbahaginan tungkol sa aspektong ito ng katotohanan kasama ang isang taong nakakaunawa sa katotohanan, magsikap na humingi ng tulong mula sa iba at ng mga solusyon mula sa mga salita ng Diyos. Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos at ng mga karanasan mo, unti-unti mong mapapatunayan na tama ang mga salita ng Diyos, at makakamit mo ang malalaking resulta sa isyu ng paglutas sa mga kuru-kuro mo. Sa pamamagitan ng pagtanggap at pagdanas ng mga gayong salita at gawain ng Diyos, sa wakas ay mauunawaan mo ang mga layunin ng Diyos at magkakaroon ka ng kaunting kaalaman sa disposisyon ng Diyos, binibigyang-kakayahan ka na bitiwan at lutasin ang mga kuru-kuro mo. Hindi ka na magkakamali ng pagkaunawa o magiging mapagbantay laban sa Diyos, ni gagawa ng mga kahilingan na walang katwiran. Ito ay para sa mga kuru-kurong madaling lutasin. Pero may isa pang uri ng kuru-kurong mahirap maunawaan at lutasin para sa mga tao. Para sa mga kuru-kurong mahirap lutasin, may isang prinsipyong dapat mong itaguyod: Huwag ipahayag o ipakalat ang mga ito, dahil walang mabuting naidudulot sa ibang tao ang pagpapahayag ng mga gayong kuru-kuro; isa itong katunayan ng pagtutol sa Diyos. Kung nauunawaan mo ang kalikasan at mga kahihinatnan ng pagpapakalat ng mga kuru-kuro, dapat ikaw mismo ang magsukat dito nang malinaw at umiwas ka sa padalos-dalos na pagsasalita. Kung sasabihin mo, “Mahirap sa damdamin na pigilan ang mga salita ko sa loob ng iglesia; pakiramdam ko ay sasabog ako,” dapat mo pa ring isaalang-alang kung ang pagpapakalat ng mga kuru-kurong ito ay tunay na kapaki-pakinabang sa hinirang na mga tao ng Diyos. Kung hindi ito kapaki-pakinabang at puwedeng magdulot sa iba na magkaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, o tutulan at husgahan pa ang Diyos, hindi ba’t pinipinsala mo ang hinirang na mga tao ng Diyos? Pinipinsala mo ang mga tao; wala itong ipinagkaiba sa pagkakalat ng salot. Kung talagang may katwiran ka, mas pipiliin mong tiisin ang sakit nang mag-isa kaysa ipakalat ang mga kuru-kuro at makapinsala sa iba. Gayumpaman, kung nahihirapan kang kimkimin ang mga salita mo, dapat kang magdasal sa Diyos. Kung malulutas ang problema, hindi ba’t mabuti iyon? Kung hinuhusgahan mo ang Diyos at nagkakamali ka ng pagkaunawa sa Diyos dahil sa mga kuru-kuro mo, kahit kapag nagdarasal ka sa Kanya, binibigyan mo lang ng problema ang sarili mo. Dapat kang magdasal sa Diyos nang ganito: “O Diyos, may mga ganito akong iniisip, at gusto ko itong bitiwan, pero hindi ko magawa. Pakiusap, disiplinahin Mo ako, ibunyag Mo ako gamit ang iba’t ibang kapaligiran, at hayaan Mong makita ko na mali ang mga kuru-kuro ko. Paano Mo man ako disiplinahin, handa akong tanggapin ito.” Tama ang ganitong mentalidad. Pagkatapos magdasal sa Diyos nang may ganitong mentalidad, hindi ba’t mararamdaman mo na hindi na gaanong masikip ang kalooban mo? Kung patuloy kang magdarasal at maghahanap, tumatanggap ng kaliwanagan at pagtanglaw mula sa Diyos, mauunawaan mo ang mga layunin ng Diyos, at magliliwanag ang puso mo, hindi na maninikip ang kalooban mo. Hindi ba’t malulutas na ang problema kung magkagayon? Maglalaho ang karamihan ng kuru-kuro, paglaban, at paghihimagsik mo sa Diyos; sa pinakamababa, hindi mo mararamdaman ang pangangailangang ipahayag ang mga ito. Kung hindi pa rin iyon gumana at hindi ganap na nalulutas ang problema, maghanap ka ng isang tao na may karanasan para tulungan kang lutasin ang mga kuru-kuro mo. Hilingin sa kanila na maghanap ng ilang sipi ng mga salita ng Diyos na may kaugnayan sa paglutas sa mga kuru-kurong mayroon ka, at basahin mo ang mga ito nang dose-dosena o daan-daang beses; marahil ay ganap na malulutas ang mga kuru-kuro mo. Puwedeng sabihin ng ilang tao, “Kung magpapahayag ako ng mga kuru-kuro sa isang pagtitipon kasama ang mga kapatid, magiging pagpapakalat iyon ng mga kuru-kuro, kaya hindi ko iyon puwedeng gawin. Pero masakit sa dibdib na kimkimin ang mga ito. Puwede ko bang sabihin ang mga ito sa aking pamilya?” Kung ang mga kapamilya mo ay mga kapatid din sa pananalig, ang pagpapahayag ng mga kuru-kurong ito sa kanila ay makakagulo rin sa kanila. Angkop ba ito? (Hindi.) Kung ang sasabihin mo ay magkakaroon ng masamang epekto sa iba, makakapinsala at makakalihis sa kanila, hinding-hindi mo dapat sabihin ito. Sa halip, magdasal ka sa Diyos para malutas ang isyu. Hangga’t ikaw ay nagdarasal at kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos nang may taimtim na puso, isang pusong nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, maaaring malutas ang mga kuru-kuro mo. Nilalaman ng mga salita ng Diyos ang komprehensibong katotohanan; kayang lutasin ng mga ito ang anumang problema. Nakasalalay lang ito kung kaya mong tanggapin ang katotohanan at kung handa kang isagawa ang mga salita ng Diyos, at kung kaya mong bitiwan ang sarili mong mga kuru-kuro. Kung naniniwala kang laman ng mga salita ng Diyos ang komprehensibong katotohanan, dapat kang magdasal sa Diyos at dapat mong hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga problema kapag lumilitaw ang mga ito. Kung pagkatapos magdasal sa loob ng ilang panahon ay hindi ka pa rin nakakaramdam ng kaliwanagan mula sa Diyos at wala ka pa ring natatanggap na malinaw na mga salita mula sa Diyos sa kung ano ang gagawin, pero hindi mo namamalayan na ang mga kuru-kuro mo ay hindi na nakakaapekto sa kalooban mo, hindi na nakakagulo sa buhay mo, unti-unti nang naglalaho, hindi na nakakaapekto sa normal mong ugnayan sa Diyos, at siyempre ay hindi na nakakaapekto sa paggampan mo ng tungkulin, hindi ba’t talagang nalutas na ang kuru-kurong ito? (Oo.) Ito ang landas ng pagsasagawa.