Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (16) Ikatlong Seksiyon
B. Paano Tratuhin ang mga Taong Nagpapakalat ng mga Kuru-kuro
Ano ang nagiging mga kahihinatnan kapag may isang tao sa iglesia na nagpapakalat ng mga kuru-kuro at kawalang-kasiyahan sa Diyos? Direkta ba itong nakakaapekto sa mga resulta ng buhay iglesia? Nakakagulo ba ito sa normal na buhay iglesia at sa gawain ng iglesia? (Oo.) Nakakaapekto ito sa pananalig ng mga tao sa Diyos at sa abilidad nilang gumawa ng mga tungkulin nila nang normal. Samakatwid, kailangang limitahan ang mga nagpapakalat ng mga kuru-kuro. Kahit pa paminsan-minsan lang nilang binabanggit ang mga gayong bagay, kailangan silang limitahan at kilatisin; alamin kung anong uri ng pagkatao ang mayroon sila, kung ang pagpapakalat nila ng mga kuru-kuro ay dulot ba ng pansamantalang pagkanegatibo at kahinaan o kung dahil ba ito sa isang isyu sa kalikasang diwa nila—kung palagi ba silang hindi naghahangad ng katotohanan at sadyang nagpapakalat ng mga kuru-kuro para ilihis ang mas maraming tao at guluhin at pinsalain ang buhay iglesia. Kung ito ay paminsan-minsang pagkanegatibo at kahinaan lang, sapat nang suportahan at tulungan sila sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan. Kung hindi nila pakikinggan ang payo at patuloy silang magpapakalat ng mga kuru-kuro at manggugulo sa buhay iglesia—na nagiging sanhi pa nga na maging negatibo at mahina ang iba, na nakakaapekto sa abilidad ng mga ito na gawin nang normal ang mga tungkulin ng mga ito—nangangahulugan iyon na mga alipin sila ni Satanas at dapat silang paalisin ayon sa mga prinsipyo. Bakit hindi na lang sila bigyan ng isa pang pagkakataon? Sa tingin ninyo, ang mga gayong tao ba ay mga hindi mananampalataya? (Oo.) Anuman ang pagkatao nila, ang mga gayong tao ay mga hindi mananampalataya. Ang mga hindi mananampalataya ay tulad ng mga mapanirang damo sa gitna ng trigo—dapat silang bunutin. Kung nagpapakita lang sila ng ilang pagpapamalas ng mga hindi mananampalataya at hindi sila nagdulot ng mga kaguluhan sa buhay iglesia, at kaya pa rin nilang magsilbi bilang mga kaibigan ng iglesia at magserbisyo, puwede silang hayaan. Pero iyong mga palaging nagpapakalat ng mga kuru-kuro ay palaging nagpapahayag ng mga pananaw at komento ng mga hindi mananampalataya. Hindi sila kaswal na nagsasabi ng mga bagay-bagay; ang layon nila ay mang-udyok, manlihis, at manghimok ng mas maraming tao na lumayo sa Diyos. Ang intensyon nila ay: “Kung hindi ako magkakamit ng mga pagpapala, hindi na ako mananampalataya. Wala sa inyo ang dapat umasa na magkakamit kayo ng mga pagpapala, at hindi rin kayo dapat manampalataya! Kung patuloy kayong mananampalataya, paano kung magpursige kayo at sa huli ay magkamit kayo ng mga pagpapala balang araw—hindi ba’t malalagay ako niyon sa alanganin? Kapag nagkagayon, paano mapapanatag ang kalooban ko? Hindi puwede iyon. Para maiwasan ang pagsisisi sa hinaharap, guguluhin ko kayo at sisirain ko ang pananalig ninyo, uudyukan ko kayong lumayo sa diyos, ipagkanulo ang diyos, at lisanin ang iglesia kasama ko—iyon ang pinakamainam.” Ito ang layon nila. Hindi ba’t dapat na paalisin ang mga gayong hindi mananampalataya? (Oo.) Dapat silang paalisin. Kung may ilang hindi mananampalataya na tumigil sa pananampalataya, babawiin lang ng iglesia ang mga aklat nila ng mga salita ng Diyos at aalisin na sila sa listahan. May ibang mga hindi mananampalataya na may kaunting positibong damdamin tungkol sa pananampalataya sa Diyos at sa mga mananampalataya. Hindi sila gumaganap ng positibong papel sa iglesia; paminsan-minsan lang silang tumutulong bilang mga kaibigan ng iglesia. Ang mga gayong tao, kahit na hindi sila naghahangad sa katotohanan o nakikipagbahaginan sa katotohanan, ay hindi nagpapakalat ng mga kuru-kuro o nanggugulo sa buhay iglesia. Hangga’t kaya nilang magserbisyo nang kaunti, dapat silang payagang manatili sa iglesia at hindi sila kailangang paalisin. Gayumpaman, para naman sa mga hindi mananampalataya na palaging nagpapakalat ng mga kuru-kuro, hindi talaga sila dapat kaawaan. Ipinapakalat nila ang mga kuru-kuro at maling pagkaunawa nila tungkol sa Diyos, ginugulo nila ang buhay iglesia at nagdudulot sila ng mga pagkagambala at kaguluhan sa gawain ng iglesia. Ang mga hindi mananampalatayang ito ay mga alipin ni Satanas. May mga kuru-kuro sila; gayumpaman, hindi lang nila hindi hinahanap ang katotohanan para malutas ang mga ito, kundi ipinapakalat pa nga nila ang mga kuru-kuro nila para ilihis ang hinirang na mga tao ng Diyos. Ipinagkakanulo nila ang Diyos at gusto nilang hilahin ang ilan pang tao patungo sa kapahamakan kasama nila. Sa ganitong mga uri ng layunin nila ginugulo ang gawain ng iglesia. Mapapatawad ba sila ng Diyos? Hindi, hindi sila dapat palampasin. Hindi ito isang usapin ng pangangailangan na limitahan o ibukod sila; dapat silang alisin at tanggalin sa listahan magpakailanman, at hindi dapat maging maluwag sa kanila anuman ang mangyari!
Sa iglesia, ang ilang tao ay hindi kailanman naghahangad sa katotohanan at hindi kailanman nakakaunawa kung paano gumagawa ang Diyos para iligtas ang mga tao. Matapos makaranas ng ilang bagay, nagkakaroon sila ng mga maling pagkaunawa, paglaban, at reklamo sa Diyos; ang ilan sa mga bagay na sinasabi at ginagawa nila ay nagsisilbing pagpapakalat ng mga kuru-kuro. Ang mga kuru-kurong ipinapakalat nila ay hindi lang mga simpleng paglihis sa pagkaarok sa mga salita at gawain ng Diyos, o mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos. Mas malubha ang ilan, direktang itinatanggi na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan—lubos nilang hinuhusgahan at kinokondena ang Diyos. At ang ibang mga kuru-kurong ipinapakalat nila ay hayagan pa ngang nambabatikos at lumalapastangan sa Diyos. Hindi nila hinihimay o sinusubukang maunawaan ang sarili nilang katiwalian at paghihimagsik nang may pusong mapagpasakop, tumitindig mula sa perspektiba ng isang nilikha o tagasunod ng Diyos, ni hindi nila tinatanggap ang katotohanan at hindi sila nakikipagbahaginan tungkol sa pagkaunawa nila sa gawain ng Diyos at sa pagkaarok nila sa Kanyang mga layunin. Ang mga kuru-kurong ipinapahayag nila ay eksaktong kabaligtaran ng mga positibong pagkaunawang ito. Kapag naririnig ng iba ang mga kuru-kuro nila, hindi sila nagkakamit ng pagkaunawa sa Diyos, ni hindi sila nagkakaroon ng tunay na pananalig, at siyempre, hindi rin lumalago ang pananalig nila sa Diyos. Sa halip, ang pananalig nila sa Diyos ay nagiging malabo, humihina, o lubos nang nawawala. Kasabay nito, nagiging malabo sa kanila ang pangitain ng gawain ng Diyos. Habang mas nakikinig ang mga tao sa mga kuru-kurong ipinapakalat nila, lalong naguguluhan ang puso ng mga taong ito, maging hanggang sa puntong hindi na malinaw sa kanila kung bakit sila dapat manampalataya sa Diyos, at nagsisimula silang magduda kung umiiral ba ang Diyos. Kung ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, kung ang mga salita at gawain ng Diyos ay makapagdadalisay at makapagliligtas sa mga tao, at iba pang mga gayong usapin—nagiging malabo at kaduda-duda sa mga taong ito ang lahat ng ito. Kapag naririnig ng mga tao ang mga kuru-kuro at maling pagkaunawang ipinapakalat ng mga gayong indibidwal, nagsisimula silang magduda at maging mapagbantay laban sa Diyos; sinisimulan nilang limitahan ang Diyos sa puso nila, nagkakaroon sila ng mga maling pagkaunawa at reklamo laban sa Diyos, at lumalayo pa nga ang loob nila sa Diyos. Napakalaking problema nito. Sa sandaling magkaroon sila ng ganitong mga negatibong kaisipan, pananaw, plano, at disenyo, nagiging malinaw na ang mga impormasyon at komentong kanilang tinanggap ay hindi naaayon sa mga pangangailangan ng normal na pagkatao, at lalo na sa katotohanan—isandaang porsiyentong tiyak na nagmula kay Satanas ang mga ito. Anuman ang mga intensyon o motibo ng mga nagpapakalat ng mga kuru-kuro, kung sinasadya man nila o hindi na magpakalat ng mga panlilinlang at walang batayang tsismis, basta’t nakakapagdulot sila ng masamang epekto sa iglesia, dapat silang limitahan. Siyempre, kung matutuklasan at makikilatis ang mga gayong tao sa labas ng buhay iglesia, dapat din silang pigilan at limitahan kaagad. Kung ang isang taong nakakaunawa sa katotohanan ay makakagamit sa mga salita ng Diyos o sa sarili niyang pagkaunawa para pabulaanan at ilantad iyong mga nagpapakalat ng mga gayong bagay, tinutulungan ang mga kapatid na makilatis ang mga ito, mas lalong mainam ito. Ito ay paglaban kay Satanas. Kung wala kang tayog, dapat kang matutong kumilatis at umiwas sa kanila. Kung may tayog ka, dapat mo silang ilantad. May lakas ba kayo ng loob na gawin ito? Alam ba ninyo kung paano ito gawin? Ito ang pinakanagbubunyag kung taglay ba ng isang tao ang katotohanang realidad. Kapag naririnig ng ilang bagong mananampalataya ang mga kuru-kuro at maling pagkaunawang ipinapakalat ng mga gayong tao tungkol sa Diyos, nagugulat sila at sinasabi nila, “Paano nagagawa ng isang taong nananampalataya sa Diyos na magsalita nang ganito?” Kung maririnig ng mga taong walang pundasyon ang mga kuru-kuro at panlilinlang na ito, magiging negatibo at mahina ba sila? Tatanggapin ba nila ang mga panlilinlang na ito? Malilihis ba sila at lilisanin ba nila ang iglesia? Posible ang lahat ng ito. Kapag sinabi ng isang taong nagpapakalat ng mga kuru-kuro, “Hinding-hindi na ulit ako mananampalataya sa diyos kailanman,” anuman ang kalagayan niya noong sinabi niya ito, ipinapahiwatig nito na ganap na siyang nawalan ng pananalig sa Diyos at isa na siyang hindi mananampalataya. Anuman ang layon niya sa pagpapakalat ng mga gayong salita, magkakamit ka ba ng anumang pagpapatibay mula sa pakikinig sa mga iyon? (Hindi.) Kapag mahina ka at narinig mo ang mga salitang ito, maaaring maramdaman mo, “Nauunawaan ng taong ito ang kirot na nadarama ko; kapag tinatalakay niya ang mga kuru-kuro niya, parang binibigyang-boses niya ang mga kaloob-looban kong kaisipan.” Gayumpaman, kung maririnig ang mga ito ng isang taong may pananalig, iisipin nito, “Labis itong mapaghimagsik! Paano nagagawang sabihin ang mga gayong salita? Hindi ba’t paglapastangan ito sa Diyos? Hindi ako mangangahas na sabihin ang mga gayong bagay, dahil sumasalungat ito sa disposisyon ng Diyos!” Ang katunayang nagagawa niyang ipakalat ang mga kuru-kurong ito ay nagpapahiwatig na matagal nang nabuo at nag-ugat na sa puso niya ang mga ideyang ito. Kung ang mga gayong ideya ay nagsisimula pa lang mabuo at nasa yugto pa ng pag-usbong, at hindi pa ganap na nagiging mga kuru-kuro, hangga’t hindi niya ito binibigkas at hindi siya nanlihis o nanggulo ng iba, ipinapakita nito na mayroon siyang kaunting katwiran; kaya niyang maging maingat sa pagsasalita at sa gayon ay maiwasan ang kahihinatnan na mapaalis. Pero kung magsasalita siya at guguluhin niya ang buhay iglesia, hindi na siya puwedeng pakitaan ng higit pang konsiderasyon; dapat siyang ilantad at paalisin. Ang mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan at walang kakayahang makaarok sa katotohanan ay madaling magkaroon ng mga kuru-kuro nang madalas. Gayumpaman, iyong mga madalas magbasa ng mga salita ng Diyos at may abilidad na makaarok ay maghahanap sa katotohanan para lutasin ang mga kuru-kuro nila, kahit pa lumitaw ang mga ito. Ibinubunyag at itinitiwalag ng gawain ng Diyos iyong mga madalas magpakalat ng mga kuru-kuro; sila ay mga taong hinding-hindi nagmamahal sa katotohanan at hindi kayang tumanggap sa katotohanan, lahat sila ay tutol sa katotohanan at namumuhi sa katotohanan. Walang duda ang lahat ng ito.
Sa buhay iglesia sa iba’t ibang bansa at lugar, tiyak na umiiral ang isyu ng pagpapakalat ng mga kuru-kuro dahil ang mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan ay laganap saanman. Iyong mga hindi naghahangad sa katotohanan, iyong mga tutol sa katotohanan, iyong mga naghahangad ng kasiyahan ng laman, gayundin ang mga hindi mananampalataya, masasamang tao, at iba pa, dahil hindi nila hinahangad ang katotohanan, ay palaging nagkikimkim ng mga kuru-kuro tungkol sa mga salita ng Diyos at sa Diyos na nagkatawang-tao. Ang puso nila ay puno ng mga kuru-kuro, puno ng mga imahinasyon tungkol sa Diyos at ng mga hinihingi sa Kanya, at hindi nila dalisay na maarok at maunawaan ang bawat salitang sinasabi ng Diyos; nauunawaan lang nila ang mga ito batay sa sarili nilang mga kuru-kuro, kagustuhan, at maging sa mga personal nilang pakinabang at kawalan. Ang puso nila ay puno ng iba’t ibang kuru-kuro, imahinasyon, at di-makatwirang mga hinihingi sa Diyos, pati na rin ng iba’t ibang maling pagkaunawa at paghusga sa Diyos, at iba pa. Samakatwid, natural lang para sa mga taong ito na magpakalat ng mga kuru-kuro—hindi na ito bago. Hangga’t umiiral ang mga gayong tao, magaganap paminsan-minsan at maaaring mangyari anumang sandali ang pagpapakalat ng mga kuru-kuro. Kapag hindi umaayon sa mga kuru-kuro at kahilingan nila ang isang bagay na sinasabi o ginagawa ng Diyos, at kapag napipinsala nito ang mga interes nila, sumasabog sila sa galit at nagsisimulang magsalita para sa kapakanan ng sarili nilang mga interes at makipagtalo sa Diyos at sa Kanyang gawain. Palaging kumokontra sa katotohanan at sa Diyos ang mga taong ito, sinusuri at sinisiyasat ang mga salita ng Diyos, ang disposisyon ng Diyos, at ang gawain ng Diyos. Patuloy nilang sinisiyasat at sinusuri kung tama ba ang mga salita at gawain ng Diyos, at gusto rin nilang makumpirma kung ang nagkatawang-taong laman ng Diyos ay umaayon sa Kanyang pagkakakilanlan at katayuan. Sa proseso ng pagpapatunay nila, labis silang nahihirapang makakuha ng mga tumpak na sagot; sa tingin nila, lalong napakahirap na matupad at magkatotoo ang mga salita ng Diyos. Samakatwid, marami silang nasasabi kapag nagpapakalat ng mga kuru-kuro. Ipinapakalat nila ang mga kuru-kuro nila anuman ang oras, lugar, o konteksto. Sa tuwing nakakaramdam sila ng kawalang-kasiyahan sa Diyos sa anumang paraan, sinusukat nila ang mga bagay ayon sa mga kuru-kuro nila. Kung hindi umaayon sa mga kuru-kuro nila ang mga salita at gawain ng Diyos, agad silang nagpapahayag ng mga kuru-kuro nila. Inilalarawan natin ang ganitong uri ng pagpapahayag bilang pagpapakalat. Bakit ito tinatawag na “pagpapakalat”? Dahil ang mga bagay na ipinapahayag nila ay walang positibong epekto sa hinirang na mga tao ng Diyos, sa buhay iglesia, o sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Sa halip, nagdudulot lang ang mga ito ng mga kaguluhan, pagkagambala, at ng pinsala. Samakatwid, tumpak na tawaging “pagpapakalat” ang pagbigkas ng mga gayong komento.
Pagkatapos mong magkamit ng pangunahing pagkilatis tungkol sa isyu ng pagpapakalat ng mga kuru-kuro, dapat mong himayin at kilatisin ang iba’t ibang maling kuru-kuro at komento ng mga tao batay sa katotohanan, at pagkatapos ay pangasiwaan at lutasin mo ang mga ito ayon sa mga regulasyon ng sambahayan ng Diyos. Siyempre, ang mga lider at manggagawa ay may hindi maiiwasang responsabilidad na lutasin ang mga gayong isyu. Kasabay nito, ang lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos, pagkatapos makinig sa pagbabahaginang ito, ay may obligasyon at responsabilidad ding ilantad at himayin ang mga taong nagpapakalat ng mga kuru-kuro at ang mga salita at pag-uugali nila. Kung wala kang lakas ng loob na pigilan o limitahan sila, puwede kang makipagbahaginan at makipagdebate sa kanila batay sa mga salita ng Diyos at sa katotohanang nauunawaan mo. Ano ang layon ng gayong pakikipagdebate? Ito ay para bigyang-kakayahan iyong mga may mababang tayog at walang pagkaunawa sa katotohanan na mapagtanto kung kaninong mga salita ang naaayon sa katotohanan pagkatapos nilang makinig sa debate, sa halip na nakalilitong malihis ng mga kuru-kuro at panlilinlang na ipinapakalat ng ilang tao. Kapaki-pakinabang ito para sa hinirang na mga tao ng Diyos at para sa buhay iglesia. Kapag natuklasan na may isang taong nagsasabi ng mga salitang hindi naaayon sa katotohanan—mga kuru-kuro o panlilinlang man ng tao ang mga ito—dapat magkaroon ng debate. Nakakapagpatibay sa mga tao ang mga gayong debate. Sa pinakamababa, pagkatapos makinig sa mga debateng ito, makikita nang malinaw ng mga nanonood na ang mga salita niyong mga nagpapakalat ng mga kuru-kuro ay talagang mga kuru-kuro nga, at mauunawaan nila kung aling mga aspekto ng mga kuru-kurong ito ang hindi naaayon sa katotohanan, kung ano ang diwa ng mga kuru-kuro, kung bakit hindi tumutugma sa katotohanan ang mga ito, kung bakit inilalarawan bilang mga kuru-kuro ang mga ito, kung bakit dapat limitahan ang mga taong nagpapakalat ng mga ito, at iba pa—nagagawa nilang magkaroon ng tumpak na kabatiran sa mga usaping ito, sa halip na mailihis at mapaglaruan sa magulong paraan. Bagama’t ang mga kuru-kurong ipinapakalat ng mga tao ay maaaring magdulot ng kaunting kaguluhan at pinsala sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos at sa buhay iglesia, hindi naman talaga masama para sa mga tao ang pagdanas sa mga bagay na ito. Sa pinakamababa, tinutulutan sila nitong lumago sa pagkilatis, makita kung ano ang mga tunay na kulay ng mga nagpapakalat ng mga kuru-kuro, makita kung anong mga disposisyon ang ibinubunyag nila kapag nagpapakalat ng mga kuru-kuro, at makita ang pagkakaiba sa pagitan ng mga kuru-kurong ipinapakalat nila at ng katotohanan. Sa isang banda, makikilatis ng mga tao ang mga komentong ito at magkakaroon sila ng depensa laban sa mga ito. Sa kabilang banda, magkakaroon din sila ng kaunting pagkilatis sa mga gayong tao, at malalaman nila kung anong uri ng mga salita ang sinasabi ng mga hindi mananampalataya, ng mga taong hindi talaga nagtataglay ng anumang katotohanan at madalas na nagkikimkim ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, at malalaman nila na hindi tunay ang pananalig nila—sa pinakamababa, kayang makamit ng mga tao ang ganitong uri ng pagkilatis. Siyempre, kung hindi mo pa nararanasan ang mga isyung ito, huwag kang magdasal nang walang pakundangan, sinasabing, “O Diyos, pakiusap, magsaayos Ka ng isang kapaligiran para sa akin para makita ko kung ano ang ibig sabihin ng ‘mga kuru-kurong ipinapakalat ng mga tao.’” Ang masaksihan ang pagpapakalat ng mga kuru-kuro ay hindi isang laro at madali ka nitong malilihis. At kapag nangyari nga ang mga bagay na ito, dapat mong pangasiwaan ang mga ito nang tama. Huwag hayaang makalampas ang mga ito o iwasan ang mga ito; harapin ang mga ito nang tama, at harapin ang bawat kapaligirang inihanda ng Diyos para sa iyo nang may seryoso at mahigpit na saloobin. Ito ang dapat na maging saloobin ng isang taong naghahangad sa katotohanan para matamo ang katotohanan. Kapag nakatagpo mo ang isang taong nagpapakalat ng mga kuru-kuro, dapat kang matutong magdasal sa Diyos: “O Diyos, pakiusap, samahan Mo ako, liwanagan Mo ako, at gabayan Mo ako, para makilatis ko ang mga salitang ito at ang ganitong uri ng tao, at bigyang-kakayahan Mo rin ako na matukoy kung mayroon ako sa loob ko ng anuman sa mga kuru-kuro ng mga taong ito.” Pagkatapos magdasal, humayo ka at danasin mo ang usaping ito. Siyempre, ito rin ang oras na susubukin ka kung gaano karami sa katotohanan ang talagang nauunawaan mo at kung gaano kataas ang tayog mo. Kapag nagpapakalat ng mga kuru-kuro ang isang tao, kung maririnig mo sila at wala kang anumang panloob na reaksiyon o kaisipan, at sa halip ay para ka lang isang radyo—tinatanggap ang anumang kuru-kurong ipinapahayag at ipinapakalat nila, nang walang anumang paglaban o abilidad na tanggihan ang mga ito, at lalo nang walang anumang abilidad na kilatisin ang mga ito—hindi ba’t napakalaking problema nito? Ang ilang tao, kapag naririnig nila ang isang taong nagpapahayag ng mga kuru-kuro, nararamdaman nila sa puso nila na mali ang sinasabi, at gusto nilang makipagbahaginan at makipagdebate sa taong iyon, pero hindi nila alam kung paano ipapahayag nang wasto ang sarili nila, o kung paano ilalantad at hihimayin ang taong iyon. Natatakot din sila na kung hindi sila makakapagdebate nang epektibo, mamumula ang mukha nila, at kapag natalo sila sa huli, mapapahiya sila at hindi sila makakaalis sa isang nakakaasiwang sitwasyon. Gayumpaman, ayaw rin nila itong bitiwan nang hindi nakikipagdebate, iniisip nila: “Ang dami ko nang napakinggan na sermon at marami-rami akong nauunawaan, kaya bakit wala akong maisip na mga salita para pabulaanan ang mga sinasabi nila? Wala akong mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, at may tunay akong pananalig sa Diyos, kaya bakit hindi ko maipaliwanag nang malinaw ang mga bagay ngayong oras na para pabulaanan ang mga panlilinlang nila?” Pinapanood nilang magsalita nang magsalita ang taong nagpapakalat ng mga kuru-kuro, habang lalong nagiging kahindik-hindik at kasuklam-suklam ang mga salita nito, pero sadyang hindi nila mapabulaanan o mahimay ang mga ito, at hindi nila magawang tumindig at ilantad ang mga ito, lalong hindi nila mapigilan ang mga ito, na labis na ikinababalisa at ipinag-aalala ng kalooban nila. Sa sandaling ito lang nila natutuklasan na masyadong mababa ang tayog nila at nakikita na ang pagkaunawa nila sa katotohanan ay hindi pa nagiging isang kompleto at tamang pananaw, na ito ay ilang hiwa-hiwalay na parirala lang, nakakalat na pira-pirasong bahagi ng liwanag at mga ideya, at hindi talaga tunay na kaalaman sa katotohanan. Alam na alam nila na nagpapakalat ng mga kuru-kuro at nanlilihis ng mga tao ang taong ito, at na isa itong hindi mananampalataya, at gusto nila itong ilantad at pabulaanan ang mga pananaw nito, sadya lang na wala sila ng angkop at makapangyarihang wika para gawin iyon. Nagagawa lang nilang sabihin, “Mabuti ang lahat ng ginagawa ng Diyos; kailangan mo itong tanggapin. Banal at perpekto ang Diyos; hinding-hindi Siya tulad ng sinasabi mo. Ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at ang mga tao ay mga nilikha. Dapat silang magpasakop sa Diyos. Hindi natatalo ang mga tao sa pagpapasakop sa Diyos.” Nagagawa lang nilang bigyang-boses ang mga mapagpaimbabaw na teoryang ito na hindi naman talaga tumutumbok sa mahahalagang punto. Pagkatapos maranasan ang mahalagang pangyayaring ito, napagtatanto nila na masyadong mababa ang tayog nila at iniisip nila, “Bakit labis akong walang kakayahan? Karaniwan naman, kaya kong magsalita nang magsalita tungkol sa mga engrandeng doktrina, nakakapagsalita ako nang napakahusay; kaya kong magsalita sa isang pagtitipon sa loob ng isang oras nang walang anumang problema, at magsulat ng tatlo hanggang limang pahina ng mga tala ng sermon nang hindi kumukurap, labis na may kumpiyansa sa aspektong ito. Pero kapag nahaharap sa isang taong nagpapakalat ng mga kuru-kuro na gaya nito, hinuhusgahan at nilalapastangan ang Diyos nang gaya nito, bakit hindi ako alerto, bakit wala akong tugon? Bakit hindi ako makapagbigay ng makapangyarihang paglalantad at pagpapabulaan?” Ano ang natutuklasan nila mula rito? Hindi ba’t napagtatanto nilang hindi nila nauunawaan ang katotohanan? Mabuti o masamang bagay ba ang pagkakatantong ito? (Mabuti.) Sa wakas, natutuklasan nila ang aktuwal nilang tayog. Kung hindi pa nila nakaharap ang isang taong nagpapakalat ng mga kuru-kuro, maaaring isipin pa rin nila na sila ay may tayog, nakakaunawa sa katotohanan, may pagkilatis, may kakayahang maunawaan nang malinaw ang lahat ng bagay, mangaral ng iba’t ibang espirituwal na doktrina, at makipagbahaginan nang kaunti tungkol sa bawat katotohanan nang may malaking kaalaman. Gayumpaman, kapag nahaharap sa isang taong nagpapakalat ng mga kuru-kuro, kahit na alam nilang mali ito, hindi nila alam ang gagawin, wala silang magawa, at umuuwi silang talunan. Nakakahiya ba ito? Isa ba itong maluwalhating usapin? (Hindi.) Kaya, paano ito dapat lutasin? Kung wala ka ng mga tamang salita para pabulaanan sila, at gusto mo ring makaiwas sa kahihiyan at manindigan sa patotoo mo para ganap na mapahiya at matalo si Satanas, ano ang dapat mong gawin? Sasabihin Ko sa inyo ang isang epektibong pamamaraan: Kung nakikita mo na walang tigil silang nagpapakalat ng mga kuru-kuro, at ang karamihan ng tao ay walang pagkilatis at naiimpluwensiyahan nila, pero hindi mo sila matalo sa argumento, oras na para magpakita ng tapang; hampasin ang mesa at sabihin, “Tumahimik ka! Ano ba ang pinagsasasabi mo? Maaaring hindi kita kayang talunin sa argumento, pero alam kong isa kang hindi mananampalataya! Tingnan mo nga iyang sinasabi mo; may kahit isang salita ba na umaayon sa katotohanan? Napakaraming taon mo nang tinatamasa ang biyaya ng Diyos—kahit kailan ba ay nakapagsabi ka na ng isang salita ng papuri o patotoo para sa Diyos? May mga hinanakit ka laban sa Diyos; kung kaya mo, pumunta ka nang diretso sa ikatlong langit at direkta mong kausapin ang Diyos. Tigilan mo ang panggugulo rito. Ngayon, pormal kitang inuutusan na umalis!” Mangangahas ba kayong sabihin ito? Pagiging pabigla-bigla ba ito? (Hindi.) Ito ay paglalabas ng isang deklarasyon kay Satanas. Gawin lang ninyo ito. Sabihin ninyo sa kanila, “Umalis ka, ikaw na hindi mananampalataya! Napakarami mong tinamasa mula sa biyaya ng Diyos nang wala ka man lang isinusukli, ikaw na isang lapastangan na walang konsensiya; hindi ka karapat-dapat na maging tao!” Dalawang salita lang: “Umalis ka!” Ano sa palagay ninyo? Makapangyarihan ito, pero hindi ito dapat gamitin nang walang pakundangan. Hindi ninyo dapat sabihin ito sa mga bagong kapatid sa pananalig na hindi pa nakakaunawa sa katotohanan, pero para sa mga hindi mananampalataya at mga alipin ni Satanas, puwede kayong mag-utos nang ganoon nang walang awa: “Ito ang sambahayan ng Diyos, ang tahanan ng mga tunay na kapatid, ang tahanan ng mga sumusunod sa Diyos. Hindi ito ang tahanan ng mga diyablo at Satanas. Hindi kailangan dito ang mga diyablo at Satanas. Isa kang diyablo at isang Satanas, kaya umalis ka!” Angkop ba ito? (Oo.) Hindi ito ang pinakamainam na pamamaraan; ito ay dahil lang sa mababa pa ang tayog ninyo, dahil wala pa kayong sapat na tayog para makipaglaban kay Satanas, kaya itinuturo Ko sa inyo ang pamamaraang ito. Sa totoo lang, hindi ito ideyal. Ang ideyal na pamamaraan ay na—kung nauunawaan ninyo ang maraming katotohanan at may tunay kayong pananalig at kaalaman tungkol sa Diyos—kaya ninyo silang pabulaanan, at mapapabulaanan ninyo sila nang lubusan na sila ay sukdulang mapapahiya, kaya sa wakas, sasabihin nila sa lahat: “Hindi ko na kayang ipagpatuloy ang pananalig ko; masyado akong nahihiyang humarap sa sinuman sa inyo. Isa akong diyablo at isang Satanas; lilisanin ko na nang kusa ang iglesia.” Dahil wala pa kayo ng ganitong abilidad ngayon, dapat ninyong tratuhin iyong mga madalas magpakalat ng mga kuru-kuro ayon sa pamamaraang itinuro Ko sa inyo.
Alam na ba ninyo ngayon kung paano pangasiwaan iyong mga madalas magpakalat ng mga kuru-kuro sa iglesia? Kaya na ba ninyong makilatis iyong mga nagpapakalat ng mga kuru-kuro para ilihis ang mga tao? (Oo.) Ano ang mga pangunahing uri ng pananalita na nagpapakalat ng mga kuru-kuro? Ang isang uri ay nakatuon sa mga salita ng Diyos, ang isa pa ay sa gawain ng Diyos, at ang isa pa ay sa disposisyon at diwa ng Diyos. Ang mga ganitong uri ng pananalita ay nagsisimula sa bahagya—mga imahinasyon at maling interpretasyon tungkol sa Diyos—at mayroon ding matindi, tulad ng paghusga, pagkondena, at paglapastangan sa Diyos. Bukod sa mga ito, mayroon ding mga negatibo at mapanlabang komento ang mga tao—nagpapahayag ng mga bagay tulad ng mga reklamo, pagtutol, at kawalang-kasiyahan nila sa Diyos. Bilang buod, ang mga salitang nagpapakalat ng mga kuru-kuro ay pawang may kalikasan ng pagtutol, paghusga, pagkondena, at paglapastangan sa Diyos, at ang kahihinatnan ng mga ito ay nagiging mapaghinala at mapagbantay ang mga tao laban sa Diyos, nagkakamali sila ng pagkaunawa at lumalayo sa Diyos, at itinatakwil pa nga nila Siya. Dapat na madaling makilatis ang mga ito.