Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (16) Unang Seksiyon
Ikalabindalawang Aytem: Agaran at Tumpak na Tukuyin ang Iba’t Ibang Tao, Pangyayari, at Bagay na Nakagagambala at Nakagugulo sa Gawain ng Diyos at sa Normal na Kaayusan ng Iglesia; Pigilan at Limitahan ang mga Iyon, at Ituwid ang mga Bagay-bagay; Dagdag pa Rito, Pagbahaginan ang Katotohanan Upang Magkaroon ng Pagkilatis ang Hinirang na mga Tao ng Diyos sa Pamamagitan ng mga Gayong Bagay at Matuto Sila Mula sa mga Iyon (Ikaapat na Bahagi)
Ang Iba’t Ibang Tao, Pangyayari, at Bagay na Nakagagambala at Nakagugulo sa Buhay Iglesia
VIII. Pagpapakalat ng mga Kuru-kuro
A. Ang mga Pagpapamalas ng Pagpapakalat ng mga Kuru-kuro
Ngayon ay ipagpapatuloy natin ang pagbabahaginan tungkol sa ikalabindalawang responsabilidad ng mga lider at manggagawa: “Agaran at tumpak na tukuyin ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakagagambala at nakagugulo sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia; pigilan at limitahan ang mga iyon, at ituwid ang mga bagay-bagay; dagdag pa rito, pagbahaginan ang katotohanan upang magkaroon ng pagkilatis ang hinirang na mga tao ng Diyos sa pamamagitan ng mga gayong bagay at matuto sila mula sa mga iyon.” Tungkol naman sa iba’t ibang isyu ng paggambala at panggugulo na lumilitaw sa buhay iglesia, nakapaglista tayo ng labing-isa. Noong nakaraan, nagbahaginan tayo tungkol sa ikapitong isyu: pambabatikos at pagbabangayan sa isa’t isa. Ngayon, magbabahaginan tayo tungkol sa ikawalong isyu: pagpapakalat ng mga kuru-kuro. Madalas ding nangyayari sa buhay iglesia ang pagpapakalat ng mga kuru-kuro. Ang ilang tao, na hindi talaga tinatanggap ang katotohanan, ay naniniwala sa Diyos batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon nila, at madalas silang nagpapakalat ng ilang kuru-kuro para guluhin ang buhay iglesia. Dapat limitahan ng iglesia ang ganitong pag-uugali at lutasin ito sa pamamagitan ng pagbabahaginan sa katotohanan sa buhay iglesia. Mula sa literal na perspektiba, makikita ng sinuman na ang pagpapakalat ng mga kuru-kuro ay hindi wastong pag-uugali, na hindi ito isang positibong bagay kundi negatibo. Samakatwid, dapat itong pigilan at limitahan sa buhay iglesia. Anumang uri ng mga tao ang nagpapakalat ng mga kuru-kuro, anuman ang mga motibo nila, sinasadya man nila o hindi na magpakalat ng mga kuru-kuro, hangga’t nagpapakalat sila ng mga kuru-kuro, magagambala at magugulo nito ang buhay iglesia, na magdudulot ng mga nakakapinsalang epekto. Samakatwid, kailangang ganap na limitahan ang usaping ito. Mula sa anumang perspektiba, ang pagpapakalat ng mga kuru-kuro ay hindi posibleng magkaroon ng positibong papel sa paghahangad sa katotohanan, paghahangad sa pagkilala sa Diyos, o pagpasok sa katotohanang realidad ng mga tao; maaari lang itong magkaroon ng epekto ng panggugulo at paninira sa mga bagay na ito. Kaya, kapag nagpapakalat ng mga kuru-kuro sa buhay iglesia ang isang tao, ang lahat—kapwa ang mga lider ng iglesia at mga kapatid—ay dapat kilatisin ang usaping ito at agad na kumilos para pigilan at limitahan ang taong iyon, sa halip na pikit-matang kunsintihin siya sa pagpapakalat ng mga kuru-kuro para ilihis at guluhin ang iba. Magbahaginan muna tayo tungkol sa kung anong uri ng mga salita ang bumubuo sa pagpapakalat ng mga kuru-kuro. Sa pagkakaroon ng pagkilatis na ito, tumpak na matutukoy ng mga tao kung ano ang pagpapakalat ng mga kuru-kuro at magagawa rin nilang tumpak na pigilan at limitahan ito, sa halip na balewalain ito at tratuhin ito nang walang pakialam.
1. Pagpapakalat ng mga Kuru-kuro Tungkol sa Diyos
May pinupuntirya ang mga kuru-kurong ipinapakalat. Una, kailangang makita natin kung sino ang pinupuntirya ng mga ito at kung anong mga kuru-kuro ang ipinapakalat. Makakatulong ang pagkaunawa sa mga ito para malaman mo kung aling mga pahayag na sinasabi ng mga tao at aling mga pananaw na ipinapakalat ng mga tao ang bumubuo sa mga kuru-kuro. Ang pag-alam kung aling mga salita ang mga kuru-kuro ng mga tao at kung anong mga kilos ang bumubuo sa pagpapakalat ng mga kuru-kuro ay magbibigay-kakayahan sa mga tao na limitahan ang pagpapakalat ng mga kuru-kuro nang mas tumpak at mas may kaugnayan. Una sa lahat, ang pinakamalubhang pagpapakalat ng mga kuru-kuro ay may kinalaman sa mga ideya at maling pagkaunawa ng mga tao tungkol sa Diyos. Isa itong pangunahing kategorya. Ang pagpapakalat ng mga di-totoong pananaw at pahayag tungkol sa pagkakakilanlan ng Diyos, diwa ng Diyos, disposisyon ng Diyos, mga salita ng Diyos, gawain ng Diyos, at pag-iral ng Diyos ay pawang bumubuo sa pagpapakalat ng mga kuru-kuro. Isa itong pangkalahatang pahayag; sa partikular, anong uri ng mga pahayag ang bumubuo sa pagpapakalat ng mga kuru-kuro? Ang pagpapakalat ng mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, mga paghusga at pagkondena sa Diyos, at maging ang mga paglapastangan sa Diyos ay pawang pagpapakalat ng mga kuru-kuro. Sa madaling salita, ang pagpapakalat ng mga pagkaunawa tungkol sa Diyos na hindi tumutugma sa realidad at ng mga pahayag at maling interpretasyong hindi tumutugma sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos ay pawang bumubuo sa pagpapakalat ng mga kuru-kuro. Halimbawa, sa buhay iglesia, madalas na pinag-uusapan ng ilang tao ang tungkol sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos. Wala silang tunay na pagkaunawa sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos. Madalas silang nagdududa at nagkakamali ng pagkaunawa sa Diyos sa puso nila, hindi nila magawang magpasakop sa kapaligiran ng pamumuhay at sa kapaligiran para sa paggawa ng mga tungkulin nila na isinasaayos ng Diyos para sa kanila, at iba pa. Pagkatapos, ipinapakalat nila ang mga maling pagkaunawa nila tungkol sa Diyos at ang mga ideya nila tungkol sa hindi pagkaunawa sa Diyos. Sa madaling salita, ang mga ideyang ito ay hindi tungkol sa pagtanggap at pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos mula sa perspektiba ng isang nilikhang tao, bagkus ay puno ang mga ito ng mga personal na pagkiling, maling pagkaunawa, at maging ng mga paghusga at pagkondena. Pagkarinig sa mga ito, ang ibang tao ay nagkakaroon ng maling pagkaunawa tungkol sa Diyos at nagiging mapagbantay laban sa Kanya, kaya nawawala ang tunay nilang pananalig sa Diyos, lalong nawawalan sila ng tunay na pagpapasakop.
Iniisip ng ilang tao na ang pananampalataya sa Diyos ay dapat magdulot ng kapayapaan at kagalakan, at na kapag nahaharap sila sa mga sitwasyon, kailangan lang nilang magdasal sa Diyos at pakikinggan sila ng Diyos, bibigyan sila ng biyaya at mga pagpapala ng Diyos, at titiyakin ng Diyos na magiging payapa at maayos ang lahat ng bagay para sa kanila. Ang layon nila sa pananampalataya sa Diyos ay ang maghangad ng biyaya, magtamo ng mga pagpapala, at magtamasa ng kapayapaan at kaligayahan. Dahil sa mga ganitong pananaw, tinatalikuran nila ang pamilya nila o nagbibitiw sila sa trabaho para gugulin ang sarili nila para sa Diyos at kaya nilang magtiis ng pagdurusa at magbayad ng halaga. Naniniwala sila na basta’t handa silang talikuran ang mga bagay, gugulin ang sarili nila para sa Diyos, magtiis ng pagdurusa, at magsikap sa paggawa, habang nagpapakita ng kahanga-hangang pag-uugali, makakamit nila ang mga pagpapala at pabor ng Diyos, at na anumang paghihirap ang kakaharapin nila, basta’t nagdarasal sila sa Diyos, lulutasin Niya ang mga ito at magbubukas Siya ng landas para sa kanila sa lahat ng bagay. Ito ang pananaw na pinanghahawakan ng karamihan ng taong nananampalataya sa Diyos. Nadarama ng mga tao na makatwiran at tama ang ganitong pananaw. Ang abilidad ng maraming tao na mapanatili ang pananalig nila sa Diyos sa loob ng maraming taon nang hindi isinusuko ang pananalig nila ay direktang konektado sa pananaw na ito. Iniisip nila, “Napakarami ko nang ginugol para sa Diyos, napakabuti ng naging pag-uugali ko, at wala akong ginawang anumang masasamang gawa; tiyak na pagpapalain ako ng Diyos. Dahil nagdusa ako nang husto at nagbayad ng malaking halaga para sa bawat gampanin, ginagawa ang lahat nang ayon sa mga salita at hinihingi ng Diyos nang walang anumang nagagawang pagkakamali, dapat akong pagpalain ng Diyos; dapat Niyang tiyakin na magiging maayos ang lahat para sa akin, at na madalas akong magkaroon ng kapayapaan at kagalakan sa puso ko, at matamasa ko ang presensiya ng Diyos.” Hindi ba’t isa itong kuru-kuro at imahinasyon ng tao? Mula sa perspektiba ng tao, natatamasa ng mga tao ang biyaya ng Diyos at nakakatanggap sila ng mga pakinabang, kaya may katuturan naman na magdusa sila nang kaunti para dito, at sulit na ipagpalit ang pagdurusang ito para sa mga pagpapala ng Diyos. Isa itong mentalidad ng pakikipagtawaran sa Diyos. Gayumpaman, mula sa perspektiba ng katotohanan at sa perspektiba ng Diyos, hindi talaga ito umaayon sa mga prinsipyo ng gawain ng Diyos ni sa mga pamantayang hinihingi ng Diyos sa mga tao. Ito ay ganap na pangangarap nang gising, pawang isang kuru-kuro at imahinasyon ng tao tungkol sa pananampalataya sa Diyos. Nakapaloob man dito ang pakikipagtawaran o paghingi ng mga bagay mula sa Diyos, o naglalaman man ito ng mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, ano’t anuman, wala sa mga ito ang naaayon sa mga hinihingi ng Diyos, ni tumutugma sa mga prinsipyo at pamantayan ng Diyos para pagpalain ang mga tao. Sa partikular, ang transaksiyonal na kaisipan at pananaw na ito ay sumasalungat sa disposisyon ng Diyos, pero hindi ito napagtatanto ng mga tao. Kapag ang ginagawa ng Diyos ay hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, mabilis silang nagkakaroon sa puso nila ng mga reklamo at maling pagkaunawa tungkol sa Kanya. Nadarama pa nga nila na naagrabyado sila at nagsisimula silang makipagtalo sa Diyos, at maaari pa nga nilang husgahan at kondenahin ang Diyos. Anuman ang mga kuru-kuro at maling pagkaunawa na nabubuo ng mga tao, sa perspektiba ng Diyos, hindi Siya kailanman kumikilos o hindi Niya kailanman tinatrato ang sinuman ayon sa mga kuru-kuro o kahilingan ng tao. Laging ginagawa ng Diyos ang nais Niyang gawin, ayon sa sarili Niyang paraan at batay sa sarili Niyang disposisyong diwa. May mga prinsipyo ang Diyos sa kung paano Niya tinatrato ang bawat tao; at wala Siyang anumang ginagawa sa bawat tao na batay sa mga kuru-kuro, imahinasyon, o kagustuhan ng tao—ito ang aspekto ng gawain ng Diyos na pinakataliwas sa mga kuru-kuro ng tao. Kapag inihahanda ng Diyos ang isang kapaligiran para sa mga tao na ganap na taliwas sa mga kuru-kuro at imahinasyon nila, bumubuo sila sa puso nila ng mga kuru-kuro, panghuhusga, at pagkondena laban sa Diyos, at puwede pa nga nilang itatwa ang Diyos. Maaari bang tugunan ng Diyos ang mga pangangailangan nila? Hinding-hindi. Hindi kailanman babaguhin ng Diyos ang Kanyang paraan ng paggawa at ang Kanyang mga pagnanais ayon sa mga kuru-kuro ng tao. Sino ang kailangang magbago kung gayon? Ang mga tao. Kailangang bitiwan ng mga tao ang mga kuru-kuro nila, kailangan nilang tumanggap, magpasakop, at dumanas sa mga kapaligirang inihanda ng Diyos, at hanapin ang katotohanan para lutasin ang sarili nilang mga kuru-kuro, sa halip na sukatin ang mga ginagawa ng Diyos ayon sa mga kuru-kuro nila para alamin kung tama ito. Kapag iginigiit ng mga tao na kumapit sa mga kuru-kuro nila, nagkakaroon sila ng paglaban sa Diyos—nangyayari ito nang natural. Saan nagmumula ang ugat ng paglaban? Ito ay nasa katunayang ang karaniwang taglay ng mga tao sa puso nila ay walang dudang ang mga kuru-kuro at imahinasyon nila at hindi ang katotohanan. Samakatwid, kapag nahaharap sa gawain ng Diyos na hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng tao, maaaring suwayin ng mga tao ang Diyos at husgahan Siya. Pinapatunayan nito na ang mga tao ay talagang walang pusong nagpapasakop sa Diyos, ang kanilang tiwaling disposisyon ay malayo pa sa pagiging nalinis at sa esensiya ay namumuhay sila ayon sa kanilang tiwaling disposisyon. Napakalayo pa rin nila sa pagkakamit ng kaligtasan.
Kapag nagkakaroon ang mga tao ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos at paglaban sa Kanya sa puso nila, atubiling tatanggapin ng mga may kaunting konsensiya ang ginagawa ng Diyos at susubukan nilang makibagay sa kapaligirang inihanda ng Diyos para sa kanila at tatanggapin ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan sa mga tao. Kung ilang kuru-kuro ang kayang bitiwan ng mga tao at kung hanggang saan ay nakasalalay, sa isang banda, sa kakayahan nila, at sa kabilang banda, sa kung tinatanggap ba nila ang katotohanan at kung sila ba ay mga taong nagmamahal sa katotohanan. Aktibong hinaharap ng ilang tao ang mga kapaligirang inihahanda ng Diyos sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, paghahanap at pagbabahaginan, at pagbubulay-bulay. Unti-unti nilang nauunawaan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay at sa gayon ay lumalalim ang pagpapasakop at pananalig nila. Gayumpaman, ang ilang tao, anuman ang kapaligirang nararanasan nila, ay hindi naghahanap ng katotohanan. Sa halip, sinusuri nila ang lahat ng kapaligirang pinamamatnugutan ng Diyos batay sa mga kuru-kuro, imahinasyon nila, at sa kung kapaki-pakinabang ito sa kanila o hindi. Palaging umiikot sa mga sarili nilang interes ang mga pagsasaalang-alang nila; palagi nilang iniisip kung gaano kalaki ang pakinabang na puwede nilang makamit, kung gaano matutugunan ang mga interes nila sa usapin ng mga materyal na bagay, pera, at kasiyahan ng laman; at palagi silang nagdedesisyon at palagi nilang tinatrato ang lahat ng isinasaayos ng Diyos batay sa mga salik na ito. At sa huli, pagkatapos pigain ang utak nila, pinipili nilang hindi magpasakop sa kapaligirang inihanda ng Diyos bagkus ay takasan at iwasan ito. Dahil sa paglaban, pagtanggi, at pag-iwas nila, nilalayo nila ang sarili nila mula sa mga salita ng Diyos, napapalampas nila ang karanasan sa buhay, at nagdurusa sila ng mga kawalan, na nagdudulot ng pasakit at paghihirap sa puso nila. Habang lalo nilang kinokontra ang mga gayong kapaligiran, mas marami at mas matindi ang pagdurusang tinitiis nila. Kapag lumilitaw ang gayong sitwasyon, tuluyang nadudurog ang kaunting pananalig sa Diyos na mayroon sila. Sa sandaling ito, sabay-sabay na lumilitaw ang lahat ng kuru-kurong nangingibabaw sa puso nila: “Napakatagal ko nang ginugugol ang sarili ko para sa diyos, pero hindi ko inasahang tatratuhin ako ng diyos sa ganitong paraan. Hindi patas ang diyos, hindi niya mahal ang mga tao! Sinabi ng Diyos na ang mga taong taos-pusong gumugugol ng sarili nila para sa Kanya ay tiyak na labis na pagpapalain. Sinsero kong ginugol ang sarili ko para sa diyos, tinalikuran ko ang pamilya at propesyon ko, nagtiis ako ng mga paghihirap, at nagtrabaho ako nang husto—bakit hindi ako lubos na pinagpala ng diyos? Nasaan ang mga pagpapala ng diyos? Bakit hindi ko maramdaman o makita ang mga ito? Bakit hindi patas ang pagtrato ng diyos sa mga tao? Bakit hindi tinutupad ng diyos ang salita niya? Sinasabi ng mga tao na tapat ang diyos, pero bakit hindi ko ito maramdaman? Kung hindi na isasaalang-alang ang iba pang bagay, dito lang sa kapaligirang ito, hindi ko talaga naramdaman na tapat ang diyos!” Dahil may mga kuru-kuro ang mga tao, madali silang nalilinlang at nalilihis ng mga ito. Kahit kapag naghahanda ang Diyos ng mga kapaligiran para sa disposisyonal na pagbabago ng mga tao at para sa paglago nila sa buhay, nahihirapan silang tanggapin ito at nagkakamali sila ng pagkaunawa sa Diyos. Iniisip nilang hindi ito pagpapala ng Diyos at na hindi sila gusto ng Diyos. Naniniwala silang sinsero nilang ginugol ang sarili nila para sa Diyos, pero hindi tinupad ng Diyos ang Kanyang mga pangako. Kaya, ang mga taong ito, na hindi naghahangad sa katotohanan, ay napakadaling nabubunyag sa pamamagitan ng iisang pagsubok ng isang maliit na kapaligiran. Kapag nabunyag na sila, sinasabi nila sa wakas ang pinakanais nilang sabihin: “Hindi matuwid ang diyos. Ang diyos ay hindi isang tapat na diyos. Bihirang natutupad ang mga salita ng diyos. Sinabi ng Diyos, ‘Ang Diyos ay totoo sa Kanyang salita, at ang Kanyang salita ay matutupad, at ang Kanyang ginagawa ay mananatili magpakailanman.’ Nasaan ang katuparan ng mga salitang ito? Bakit hindi ko ito makita o maramdaman? Tingnan mo si Ganito-at-ganyan: Simula nang manampalataya siya sa diyos, hindi niya tinalikdan o ginugol ang sarili niya para sa diyos tulad ng ginawa ko, ni hindi siya naghandog ng kasingdami ng sa akin. Pero nakapasok sa mga tanyag na unibersidad ang mga anak niya, tumaas ang ranggo ng asawa niya, umuunlad ang negosyo nila, at maging ang mga ani nila ay mas masagana kaysa sa iba. At ano ang nakamit ko? Hinding-hindi na ulit ako mananampalataya sa diyos kailanman!” Ang mga salitang ito ang tunay na iniisip ng mga taong ito, ang kanilang mga alituntunin sa pamumuhay. Puno sila ng mga kuru-kurong ito, puno ng mga kakatwang kaisipan at pananaw na ito, at puno ng mga pagsasaalang-alang sa mga pakinabang at transaksiyon. Ganito nila nauunawaan at naiintindihan ang gawain ng Diyos at ang Kanyang masisidhing layunin, ganito nila tinatrato ang mga bagay na ito. Samakatwid, sa mga kapaligirang mabusising inihahanda ng Diyos nang paulit-ulit, paulit-ulit nilang sinusukat ang Diyos at nagkakamali sila ng pagkaunawa sa Kanya dahil sa mga kuru-kuro nila, at patuloy silang nabibigo at nagkakamali. Bukod dito, palagi nilang sinusubukang patunayan na tama ang mga kuru-kuro nila. Kapag naniniwala sila na ang mga kuru-kurong ito ay kumpirmado na at sapat nang ebidensiya para basta-bastang suriin, husgahan, at kondenahin ang Diyos, nagsisimula silang magpakalat ng mga kuru-kuro, dahil puno ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos ang puso nila. Ano ang nakahalo sa mga kuru-kurong ito? Nakahalo rito ang mga reklamo, ang kawalang-kasiyahan, at mga hinanakit. Kapag puno sila ng mga bagay na ito, naghahanap sila ng mga pagkakataon para magbulalas. Umaasa silang makakahanap sila ng mga taong makikinig sa mga “kawalang katarungan” na naranasan nila; gusto nilang ibulalas ang mga bagay na ito sa mga taong ito at ikuwento sa mga ito ang diumano’y hindi patas na pagtrato na “pinagdusahan” nila. Ganito lumilitaw sa buhay iglesia ang mga kuru-kurong ipinapakalat ng mga taong ito, ganito nabubuo ang mga gayong kuru-kuro. Ang puso ng mga taong ito ay puno ng mga hinanakit, pagtutol, at kawalang-kasiyahan, pati na rin ng mga maling pagkaunawa at reklamo tungkol sa Diyos, at maging ng mga paghusga at pagkondena sa Diyos, na sa huli ay nagiging sanhi para mapuno ng paglapastangan ang puso nila. Natatakot silang hindi sila magkakamit ng mga pagpapala at kaya ayaw nilang umalis, kaya ipinapakalat nila sa mga tao ang mga maling pagkaunawa nila tungkol sa Diyos at ang kawalang-kasiyahan nila sa Kanya, at higit pa rito, ipinapakalat nila ang mga paghusga at pagkondena nila sa Diyos at ang mga paglapastangan nila sa Kanya. Ano ang nilalapastangan nila? Nilalapastangan nila ang Diyos, sinasabing hindi Siya patas sa kanila at hindi Niya sila binibigyan ng mga angkop at katumbas na gantimpala para sa ginawa nila. Hinuhusgahan nila ang Diyos dahil hindi Niya sila pinagkakalooban ng biyaya at malalaking pagpapala pagkatapos nilang maghandog at magsakripisyo. Hindi nila natanggap mula sa Diyos ang mga pangangailangang iyon ng laman—mga materyal na bagay, pera, at iba pa—na inaasahan nilang matanggap, kaya napupuno ng mga reklamo at hinanakit ang puso nila. Ang layon nila sa pagpapakalat ng mga kuru-kuro ay, sa isang banda, para magbulalas at maghiganti, para makamit ang isang pakiramdam ng sikolohikal na balanse; at, sa kabilang banda, para udyukan ang mas maraming tao na magkaroon ng mga maling pagkaunawa at kuru-kuro tungkol sa Diyos, na nagiging sanhi para maging mapagbantay ang mga taong ito laban sa Diyos tulad nila. Kung mas maraming tao ang magsasabi, “Hinding-hindi na ulit kami mananampalataya sa diyos kailanman,” masisiyahan ang kalooban nila. Ito ang intensyon at natatagong dahilan sa likod ng pagpapakalat nila ng mga kuru-kuro.
Ano ang alituntunin sa pamumuhay ng mga taong nagpapakalat ng mga kuru-kuro? Ano ang kasabihang madalas nilang inuulit? Pagkatapos maranasan ang ilang bagay at hindi nila nakamit ang mga pakinabang na ninais nila, walang tigil nilang sinasabi sa sarili nila, “Hinding-hindi na ulit ako mananampalataya sa diyos kailanman.” Kahit pagkatapos sabihin ito, hindi nila nararamdaman na naibsan ang pagkamuhi nila o na nakamit nila ang layon nila. Kapag dumadalo sila sa mga pagtitipon, anuman ang pinagbabahaginan ng iba, hindi nila ito matanggap. Kailangan nilang ulitin ang pariralang ito, inuulit ito nang ilang beses, kahit higit pa sa sampung beses. “Hinding-hindi na ulit ako mananampalataya sa diyos kailanman”—hindi ba’t puno ng kahulugan ang pariralang ito? May kuwento sa likod nito. Ano ang “pananampalataya” nila? Nanampalataya ba sila sa Diyos noon? Tunay bang pananalig ang kanilang pananampalataya noon? Mayroon ba itong pagpapasakop na dapat taglayin ng isang nilikha? (Wala.) Wala talaga. Puno sila ng mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos. Higit pa rito, puno sila ng mga hinihingi at kahilingan sa Diyos, nang walang anumang pagpapasakop. Ano ang ibig sabihin ng “pananampalataya” nila? “Naniniwala ako na ang diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa langit at lupa at sa lahat ng bagay. Naniniwala ako na kaya akong protektahan ng diyos mula sa pang-aapi ng iba. Naniniwala ako na kaya akong pahintulutan ng diyos na magtamasa ng kaginhawahan ng laman, mamuhay ng isang mabuti at masaganang buhay, at kaya niyang gawing payapa at kasiya-siya ang lahat ng bagay para sa akin. Naniniwala ako na kaya ng diyos na pahintulutan akong makapasok sa kaharian ng langit at makatanggap ng malalaking pagpapala, makatanggap nang daan-daang pagpapala sa buhay na ito at buhay na walang hanggan sa mundong darating!” Pananampalataya ba ito? Wala ni isang bakas ng pagpapasakop sa “mga pananampalataya” na ito, at wala ni isa sa mga ito ang tumutugma sa mga hinihingi ng Diyos sa mga tao. Ang mga pananampalatayang ito ay lubos na nagmumula sa perspektiba ng personal na pakinabang. Ang Diyos ay nagpapahayag ng katotohanan at gumagawa sa mga tao. Kailan sinabi ng Diyos na bibigyan Niya ng kakayahan ang mga tao na mamuhay nang masaya, mamuhay nang higit sa iba, o maging masagana at matagumpay, nang may walang-limitasyong kinabukasan? (Hindi kailanman.) Kung gayon, bakit itinuturing nilang napakahalaga ng sarili nilang “pananampalataya”? Sinasabi pa nga nila na hinding-hindi na ulit sila mananampalataya sa Diyos kailanman. May anumang halaga ba ang pananampalataya nila? Tinatanggap ba ito ng Diyos? Wala silang bakas ng katotohanang realidad, walang bakas ng pagpapasakop sa Diyos, gusto lang nilang magkamit ng mga pagpapala, pakinabang, at bentaha mula sa Diyos, at tinatawag nila itong pananampalataya sa Diyos. Hindi ba’t paglapastangan ito sa Diyos? Ang mga ganitong tao ay puno ng mga kuru-kuro at nakatuon sa hangaring magkamit ng mga pagpapala. Hinding-hindi nila dinaranas ang gawain ng Diyos at hindi nila isinasagawa ang mga salita ng Diyos. Ang layon at motibo ng lahat ng ginagawa nila ay ganap na para sa pakinabang ng sarili nilang laman. Pakiramdam nila na mabuti sila at itinuturing nila ang diumano’y pananalig nila sa Diyos bilang napakahalaga. Kung napakahalaga at napakamarangal ng pananalig mo sa Diyos, kung gayon ay bakit, kapag inihahanda ng Diyos ang ilang maliit na kapaligiran para sa iyo, hindi mo maunawaan ang katotohanan mula rito o magawang manindigan sa patotoo mo? Ano ang nangyayari dito? Kapag sinusubok ng Diyos ang pananalig mo, ano ang isinusukli mo sa Diyos? Posible bang ang gusto ng Diyos ay ang mga maling pagkaunawa, reklamo, at paglaban na isinusukli mo sa Kanya? Naaayon ba ang mga ito sa katotohanan? Malinaw na hindi. Samakatwid, ang katunayan na nagagawa ng mga taong ito na hayagang magpakalat ng mga kuru-kuro sa iglesia ay nagpapatunay ng isang bagay: Hindi nila kilala ang Diyos at lalong hindi sila naniniwala na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay—sadyang hindi umiiral ang diyos na sinasampalatayanan nila. Kapag hayagang nagpapakalat ng mga kuru-kuro ang mga ganitong tao para ilihis at himukin ang mas maraming tao na sumama sa pagtutol, pagkondena, at paglapastangan nila sa Diyos, hindi nila namamalayan na hayagan nilang inaanunsiyo na hindi na sila mga tagasunod ng Diyos, hindi na sila mananampalataya, at hindi na sila mga nilikha sa ilalim ng kapamahalaan ng Lumikha. Ang mga kuru-kurong ipinapakalat nila ay hindi mga simpleng ideya o pahayag; sa halip, nagtayo na sila ng isang di-mabubuwag na harang laban sa Diyos sa kanilang puso, dahil buo na ang pasya nila na ang paggamit sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao para tratuhin ang Diyos, pangasiwaan ang ugnayan nila sa Diyos, at tratuhin ang mga salita ng Diyos at ang gawain ng Diyos, ay tama at ang dapat na paraan nila ng pagsasagawa. Kapag hayagang nagpapakalat ng mga kuru-kuro sa buhay iglesia ang mga gayong tao, dapat ba silang limitahan? O, dahil sa mababa nilang tayog at mababaw na pundasyon, dapat ba silang bigyan ng kalayaang ipahayag ang mga pananaw nila at bigyan ng sapat na oras at espasyo para magsisi? Ano ang nararapat na gawin? (Ang angkop na gawin ay pigilan at limitahan sila.) Bakit angkop na pigilan at limitahan sila? Sinasabi ng ilang tao, “Kung lilimitahan mo sila at hindi mo sila hahayaang magsalita nang malaya, at titigil sila sa pananampalataya at pagdalo sa mga pagtitipon, hindi ba’t nakakapinsala iyon sa kanila? Nakakapanghinayang naman iyon! Hindi ba’t mas pipiliin ng Diyos na iligtas ang lahat ng tao kaysa hayaang masadlak sa perdisyon ang isang tao? Maging ang nag-iisang nawawalang tupa ay dapat mahanap—pagkatapos ng lahat ng pagsisikap na hanapin ang nawawalang tupa, papayagan ba Niya itong mawala ulit?” Tama ba ang mga salitang ito? (Hindi.) Bakit hindi tama ang mga ito? (Dahil hindi tunay na nananampalataya sa Diyos ang mga gayong tao; nananampalataya lang sila sa Diyos sa pag-asang magkakamit sila ng mga pagpapala, at ang pananampalataya nila ay may halong mga karumihan.) Sino ba ang mga walang halong karumihan sa pananampalataya nila sa Diyos? Hindi ba’t mayroon ka ring ilang karumihan? Wasto bang dahilan ito? Isaalang-alang ang pahayag mula sa mga gayong tao: “Hinding-hindi na ulit ako mananampalataya sa diyos kailanman.” Anong uri ng mga salita ito? May anumang pagkakaiba ba ito sa paglapastangan ng mga walang pananampalataya, ng mga diyablo, at ni Satanas? (Wala.) Ano ang ipinahihiwatig ng pahayag na ito? “Wala na akong pananalig sa diyos. Noon, buong-puso akong nanampalataya at sumunod sa diyos, pero hindi ako pinagpala ng diyos. Sa halip, naghanda siya ng mga ganoong kapaligiran para pahirapan ako at para magkamali ako. Hindi talaga tumutugma ang sinasabi ng diyos sa ginagawa niya, kaya hindi na ako naglalakas-loob na manampalataya sa diyos! Napakahangal ko noon. Nagawa kong talikuran, gugulin ang sarili ko, at magtiis ng napakaraming paghihirap para sa diyos, pero wala akong nakitang proteksiyon mula sa diyos nang maaresto at mausig ako ng malaking pulang dragon. Ang negosyo ng pamilya ko ay hindi rin naging kasing-unlad ng sa iba, hindi ako kumita ng kasingdami ng iba, at nanatiling may sakit ang mga magulang ko. Wala akong nakamit mula sa pananampalataya sa diyos sa loob ng napakaraming taon. Hindi ba’t sinabi ng diyos na lubos niyang pagpapalain ang mga tao? Anong mga pagpapala ang natanggap ko mula sa diyos? Hindi naman talaga natupad ang mga salita ng diyos, kaya hinding-hindi na ulit ako mananampalataya sa diyos kailanman!” Ang pahayag na “Hinding-hindi na ulit ako mananampalataya sa diyos kailanman!” ay may napakaraming nilalaman. Puno ito ng mga reklamo, kawalang-kasiyahan, at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos. Sa madaling salita, matapos nilang magtiis ng paghihirap at gumugol ng kanilang sarili nang may mentalidad na puno ng pag-iilusyon, hindi sila pinagkalooban ng Diyos ng mga pagpapala nang ayon sa mga hinihingi nila, hindi rin sila sinuklian o ginantimpalaan ng Diyos ayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon nila, kaya hindi sila nasisiyahan at puno sila ng sama ng loob sa Diyos, at sa ilalim ng mga gayong kalagayan na nasabi nila ang pangungusap na ito. Hindi lumitaw ang pangungusap na ito kung saan lang; sa oras na sinabi nila ito, marami na silang naipakitang pag-uugali at pagpapamalas at nabunyag na sila. Ano ang problema sa ugnayan ng mga gayong tao sa Diyos? Ano ang pinakamalaking isyu sa ugnayan nila sa Diyos? Ito ay na hindi talaga nila kailanman itinuring ang sarili nila bilang isang nilikha at ni katiting ay hindi nila kailanman itinuring ang Diyos bilang ang Lumikha na dapat sambahin. Mula pa sa simula ng pananampalataya nila sa Diyos, tinrato na nila ang Diyos bilang isang punongkahoy ng pera, isang baul ng kayamanan; itinuring nila Siya bilang isang Bodhisattva na magliligtas sa kanila mula sa pagdurusa at sakuna, at itinuring ang sarili nila bilang tagasunod ng Bodhisattva na ito, ng idolong ito. Inisip nila na ang pananampalataya sa Diyos ay tulad ng paniniwala sa Buddha, na basta’t kumakain sila ng gulay, nagbibigkas ng mga kasulatan, at madalas na nagsisindi ng insenso at yumuyukod, makukuha nila ang gusto nila. Kaya, ang lahat ng kuwento na nangyari pagkatapos nilang manampalataya sa Diyos ay naganap sa loob ng saklaw ng mga kuru-kuro at imahinasyon nila. Wala silang ipinakitang anumang pagpapamalas ng isang nilikha na tumatanggap sa katotohanan mula sa Lumikha, ni wala silang ipinakitang anumang pagpapasakop na dapat taglayin ng isang nilikha tungo sa Lumikha; mayroon lang patuloy na paghingi, patuloy na pagkalkula, at walang tigil na paghiling. Sa huli, humantong ang lahat ng ito sa pagkasira ng ugnayan nila sa Diyos. Ang ganitong uri ng ugnayan ay transaksiyonal at hindi kailanman magiging matatag; darating ang panahon na tuluyang mabubunyag ang mga gayong tao. Kahit pa makilahok sila sa buhay iglesia, hindi magpakalat ng mga kuru-kuro, at paminsan-minsang makipagbahaginan tungkol sa kung paano sila inakay ng Diyos, kung paano sila pinagpala ng Diyos, kung ano ang tinamasa nila, at iba pa, karamihan sa pinag-uusapan nila ay tungkol sa biyaya, kaligayahan, at mga pakinabang sa laman na natanggap nila mula sa Diyos. Ang mga diskusyong ito ay ganap na walang kaugnayan sa katotohanan at sa pagpapasakop sa Diyos, at ganap na walang anumang katotohanang realidad ang mga ito. Kapag paborable ang mga kalagayan, nagpapakita sila ng pananalig sa Diyos at pagmamahal sa Kanya, at pagtitiis at pagpapasensiya sa iba, lahat ng ito ay para makamit ang isang layon: para makamit ang lahat ng pagpapala ng Diyos. Kapag inaalis ng Diyos ang biyaya, mga pakinabang, at mga materyal na bentahang kanilang tinamasa, nabubunyag ang mga kuru-kuro nila. Ang mga taong ito, na nauudyukan ng pansariling interes at inuuna ang personal na pakinabang, ay nagagalit nang husto sa sandaling hindi nila natatanggap ang ninanais nila; nagsisimula silang magpakalat ng mga kuru-kuro para ibulalas ang kawalang-kasiyahan nila sa Diyos, habang sinusubukan ding himukin ang mas maraming tao na makisimpatya sa kanila at tanggapin ang mga kuru-kuro nila tungkol sa Diyos. Dapat bang pigilan at limitahan ang mga gayong tao? (Oo.) Hindi sumasalamin sa ganap na pagkaarok sa katotohanan ang mga paksa, kaisipan, at pananaw na pinagbabahaginan nila, ni tumutulong sa mga tao na magpasakop sa Diyos at magkaroon ng tunay na pananalig sa Kanya. Sa halip, inilalayo ng mga ito ang mga tao mula sa Diyos, nagdudulot ang mga ito ng mga maling pagkaunawa, ng pagiging mapagbantay, at maging ng pagtatakwil sa Diyos, at nagdudulot sa mga nakikinig sa mga kuru-kurong ipinapakalat ng mga taong ito na tahimik na magbigay ng babala sa kanilang sarili, “Hinding-hindi na ulit ako mananampalataya sa diyos kailanman,” gaya nila. Ito ang kaguluhang dulot sa iba ng mga kuru-kurong ipinapakalat ng mga gayong tao.