Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (15) Ikatlong Seksiyon
3. Mga Pagbabangayan
Sa iglesia, may isa pang uri ng tao—ang uri ng taong ito ay partikular na mahilig na pangatwiranan ang sarili niya. Halimbawa, kung may ginawa o sinabi siyang mali, natatakot siyang magkaroon ng masamang opinyon ang iba tungkol sa kanya, at na makakaapekto ito sa imahe niya sa mata ng karamihan, kaya pinapangatwiranan niya ang sarili niya at ipinapaliwanag ang usapin sa mga pagtitipon. Ang layon niya sa pagpapaliwanag nito ay para maiwasan ang pagkakaroon ng mga tao ng masamang opinyon tungkol sa kanya, kaya pinagsusumikapan at pinag-iisipan niya ito nang husto, nagninilay-nilay siya buong araw: “Paano ko malilinaw ang usaping ito? Paano ko ito maipapaliwanag nang malinaw sa taong iyon? Paano ko mapapabulaanan ang masasamang opinyong nabuo niya tungkol sa akin? Ang pagtitipon ngayong araw ay isang magandang pagkakataon para pag-usapan ang usaping ito.” Sa pagtitipon, sinasabi niya, “Ang bagay na ginawa ko noong nakaraan ay hindi para saktan o ilantad ang sinuman; mabuti ang intensiyon ko, ito ay para tulungan ang mga tao. Subalit, palaging nagkakamali ng pagkaunawa sa akin ang ilang tao, palagi nila akong gustong puntiryahin, at palaging iniisip na sakim at ambisyoso ako, at na masama ang pagkatao ko. Pero ang totoo, hindi naman talaga ako ganoon, hindi ba? Hindi ko ginawa o sinabi ang ganoong mga uri ng bagay. Noong nagsalita ako tungkol sa isang tao nang wala siya, hindi ko naman sinadyang lumikha ng problema para sa kanya. Kapag nakagawa ng masasamang bagay ang mga tao, paanong hindi nila tutulutan ang ibang mga tao na pag-usapan ito?” Marami siyang sinasabi, kapwa pinapangatwiranan at ipinagtatanggol ang sarili niya, habang inilalantad din ang marami-raming isyu ng kabilang panig, at ginagawa niya ang lahat ng ito para mailayo ang sarili niya sa usapin, para mapapaniwala ang lahat na hindi isang tiwaling disposisyon ang ibinunyag niya, at na wala siyang masamang pagkatao o di-pagkagusto sa katotohanan, at lalong wala siyang mapaminsalang intensiyon, at para sa halip ay isipin ng mga ito na mabuti ang intensiyon niya, na madalas na nagkakamali ng pagkaunawa ang mga tao sa mabubuting intensiyon niya, at na madalas siyang kinokondena dahil sa mga maling pagkaunawa ng iba. Kapwa sa hayagan at di-hayagang paraan, pinaparamdam ng mga salita niya sa mga tagapakinig na inosente siya, at na ang mga taong nag-isip na mali at masama siya ang siyang masasama at mga hindi nagmamahal sa katotohanan. Pagkarinig nito, nauunawaan ng kabilang panig: “Hindi ba’t ang punto ng mga salita mo ay ang sabihing wala kang tiwaling disposisyon? Hindi ba’t ito ay para lang magmukha kang mabuti? Hindi ba’t ito ay sadyang walang pagkakilala sa sarili, hindi pagtanggap sa katotohanan, hindi pagtanggap sa mga katunayan? Kung hindi mo tinatanggap ang mga bagay na ito, sige lang, pero bakit mo ako pinupuntirya? Hindi ko intensiyong puntiryahin ka, ni ginusto kong atakihin ka. Puwede mong isipin ang anumang gusto mong isipin; ano naman ang kinalaman nito sa akin?” Kaya naman, hindi na niya mapigilan ang sarili niya, at sinasabi niya, “Kapag ang ilang tao ay nakakaranas ng maliit na isyu, nagdurusa ng kaunting di-patas na pagtrato o pasakit, ayaw na nila itong tanggapin, at gusto nilang pangatwiranan at ipaliwanag ang sarili nila; palagi nilang sinusubukang ilayo ang sarili nila sa isyu, palagi nilang gustong magmukha silang mabuti, na pakintabin ang imahe nila. Hindi naman sila ganoong uri ng tao, kaya bakit nila sinusubukang magmukhang mabuti, na magmukha silang perpekto? Bukod pa rito, nakikipagbahaginan ako sa katotohanan, hindi ko pinupuntirya ang sinuman, ni iniisip na atakihin o gantihan ang sinuman. Isipin na ng mga tao ang gusto nilang isipin!” Nagbabahaginan ba sa katotohanan ang dalawang taong ito? (Hindi.) Kung gayon, ano ang ginagawa nila? Sinasabi ng isang panig, “Ginawa ko ang mga bagay na iyon para sa gawain ng iglesia. Wala akong pakialam sa iniisip mo.” Sinasabi naman ng kabilang panig, “Kapag kumikilos ang tao, nagmamasid ang Langit. Alam ng Diyos ang mga iniisip ng mga tao. Huwag mong isipin na dahil lang mayroon kang kaunting kabutihan, abilidad, at husay sa pagsasalita, at hindi ka gumagawa ng masasamang bagay ay hindi ka na sisiyasatin ng Diyos; huwag mong isipin na kung malalim mong itatago ang mga iniisip mo ay hindi na makikita ng Diyos ang mga ito. Nakikita ng lahat ng kapatid ang mga ito—lalo na ng Diyos! Hindi mo ba alam na sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao?” Ano ang pinagtatalunan nilang dalawa? Ang isang panig ay nagsusumikap nang husto na pangatwiranan ang sarili niya, na linisin ang sarili niya, ayaw niyang magkaroon ng masamang impresyon ang iba tungkol sa kanya, samantalang ang kabilang panig ay nagpupumilit na huwag itong bitiwan, hindi tinutulutan ang taong iyon na magmukhang mabuti, at kasabay nito ay pakay niyang ilantad at kondenahin ito sa pamamagitan ng mga paninita. Sa panlabas, hindi direktang minumura at inilalantad ng dalawang taong ito ang isa’t isa, pero may balak sa pananalita nila: Sinusubukan ng isang panig na maiwasan na magkamali ng pagkaunawa sa kanya ang kabilang panig, at iginigiit na linisin nito ang pangalan niya, samantalang tumatanggi naman ang kabilang panig na gawin iyon, at sa halip ay pilit siyang binabansagan at kinokondena nito, hinihingi ang pag-amin ng kabilang panig. Ang pag-uusap bang ito ay isang normal na pagbabahaginan sa katotohanan? (Hindi.) Isa ba itong pag-uusap na batay sa konsensiya at katwiran? (Hindi.) Kung gayon, ano ang kalikasan ng ganitong uri ng pag-uusap? Pambabatikos ba sa isa’t isa ang ganitong uri ng pag-uusap? (Oo.) Ang panig ba na pinapangatwiranan ang sarili niya ay nakikipagbahaginan tungkol sa kung paano niya matatanggap ang mga bagay mula sa Diyos, makikilala ang sarili niya, at mahahanap ang mga prinsipyong dapat isagawa? Hindi, pinapangatwiranan niya ang sarili niya sa ibang mga tao. Gusto niyang linawin ang kanyang mga iniisip, pananaw, intensiyon, at layon sa iba, na ipaliwanag ang sarili niya sa kabilang panig, at linisin ng kabilang panig ang pangalan niya. Higit pa rito, gusto niyang itanggi ang paglalantad at pagkondena sa kanya ng kabilang panig, at umaayon man sa mga katunayan o sa katotohanan ang sinasabi ng kabilang panig, hangga’t hindi niya ito kinikilala o ayaw niya itong tanggapin, kung gayon, itinuturing niyang mali ang sinasabi ng kabilang panig, at gusto niya itong itama. Samantala, ayaw linisin ng kabilang panig ang pangalan niya at sa halip ay inilalantad siya, pinipilit siyang tanggapin ang pagkondena nito. Ang isang panig ay ayaw tumanggap, at ang kabilang panig ay pilit siyang pinapatanggap, na humahantong sa mga pambabatikos sa isa’t isa. Ang kalikasan ng ganitong uri ng diyalogo ay pambabatikos sa isa’t isa. Kaya, ano ang kalikasan ng ganitong uri ng pambabatikos? Nailalarawan ba ang pag-uusap na ito ng pagtanggi sa isa’t isa, pagrereklamo sa isa’t isa, at pagkondena sa isa’t isa? (Oo.) Nangyayari din ba ang ganitong anyo ng diyalogo sa buhay iglesia? (Oo.) Ang ganitong uri ng mga pag-uusap ay pawang mga pagbabangayan.
Bakit tinatawag na mga pagbabangayan ang ganitong mga uri ng diyalogo? (Dahil ang mga taong sangkot ay nagtatalo tungkol sa tama at mali, walang sinuman ang nagtatangkang kilalanin ang sarili nila, at walang sinuman ang may nakakamit na anuman; patuloy lang silang tumutuon sa usapin, at walang kabuluhan ang mga diyalogo.) Salita lang sila nang salita at nagsasayang lang ng laway sa pagtatalo sa kung sino ang tama o mali, kung sino ang mas mataas o mas mababa. Walang tigil silang nagtatalo nang wala namang nananalo sa kahit na sino, at pagkatapos ay patuloy silang nagtatalo. Ano ang nakakamit nila rito sa huli? Ito ba ay pagkaunawa sa katotohanan, pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos? Ito ba ay isang abilidad na magsisi at tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos? Ito ba ay isang abilidad na tanggapin ang mga bagay mula sa Diyos at higit na kilalanin ang sarili nila? Hindi nila nakakamit ang anuman sa mga bagay na ito. Ang mga walang-kabuluhang alitang ito at ang mga diyalogong ito tungkol sa tama at mali ay mga pagbabangayan. Sa madaling salita, ang mga pagbabangayan ay mga ganap na walang-kabuluhang pag-uusap, kung saan ang lahat ng sinasabi ay walang saysay, wala ni isang salita ang nakakapagpatibay o kapaki-pakinabang sa iba, kundi sa halip, ang mga salitang binibitiwan ay pawang nakakasakit, at nagmumula sa kalooban ng tao, pagkamainitin ng ulo, sa isipan ng mga tao, at siyempre, higit na nagmumula ang mga ito sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Ang bawat salitang binibitiwan ay para sa kapakanan ng sariling mga interes, imahe, at reputasyon ng isang tao, hindi para sa pagpapatibay o pagtulong sa iba, hindi para sa sariling pagkaunawa ng isang tao sa isang aspekto ng katotohanan o para sa pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos, at siyempre, hindi para sa pagtalakay kung alin sa mga tiwaling disposisyon ng isang tao ang inilalantad sa mga salita ng Diyos, kung tumutugma man ang mga tiwaling disposisyon niya sa mga salita ng Diyos, o kung tama man ang pagkaunawa niya. Kahit gaano kalugod-lugod, kataos-puso, o kataimtim pakinggan itong mga walang-kabuluhang pangangatwiran sa sarili at mga paliwanag, ang lahat ng ito ay pawang mga pagbabangayan at pambabatikos sa isa’t isa at panghuhusga, na hindi nakakabuti sa iba o sa sarili. Hindi lang nakakapinsala ang mga ito sa iba at nakakaapekto sa normal na ugnayan ng isang tao sa iba, hinahadlangan din ng mga ito ang sariling paglago sa buhay ng isang tao. Sa madaling salita, anuman ang mga dahilan, intensiyon, saloobin, tono, o mga pamamaraan at teknik na ginamit, hangga’t nauugnay ang basta-bastang paghusga at pagkondena sa iba, kung gayon, ang mga salita at pamamaraang ito, at iba pa, ay pawang nasasaklaw sa kategorya ng pambabatikos sa iba, lahat ng ito ay mga pagbabangayan. Malawak ba ang saklaw na ito? (Napakalawak nito.) Kaya, kapag nakakaranas kayo ng mga pambabatikos, panghuhusga, at pagkondena ng mga tao, kaya ba ninyong umiwas sa mga asal ng pambabatikos at pagkondena sa iba? Paano kayo dapat magsagawa kapag nararanasan ninyo ang ganitong mga uri ng sitwasyon? (Dapat tayong tumahimik sa harap ng Diyos sa pamamagitan ng panalangin; sa gayon, mawawala na ang pagkamuhi sa puso natin.) Hangga’t maunawain at makatwiran ang isang tao, hangga’t kaya niyang tumahimik sa harap ng Diyos at magdasal sa Diyos, at tanggapin ang katotohanan, kaya niyang kontrolin ang mga intensiyon at pagnanais niya, at maaari na siyang umabot sa puntong hindi na niya hinuhusgahan o binabatikos ang iba. Hangga’t ang intensiyon at layon ng isang tao ay hindi para magbulalas ng personal na galit o maghiganti, at lalong hindi para batikusin ang kabilang panig, at sa halip ay nasasaktan niya ang kabilang panig nang hindi sinasadya dahil hindi niya nauunawaan ang katotohanan o masyadong paimbabaw ang pagkaunawa niya rito, at dahil medyo hangal at mangmang o sutil siya, kung gayon, sa pamamagitan ng tulong, suporta, at pakikipagbahaginan mula sa iba, pagkatapos maunawaan ang katotohanan, magiging mas tumpak ang pananalita niya, gayundin ang mga pagsusuri at pananaw niya sa iba, at magagawa niyang tratuhin nang tama ang mga tiwaling disposisyong ibinubunyag ng ibang mga tao at ang mga maling pagkilos ng mga ito, kaya unti-unting mababawasan ang mga pambabatikos at panghuhusga niya sa iba. Gayumpaman, kung ang isang tao ay palaging namumuhay sa saklaw ng mga tiwaling disposisyon niya, naghahanap ng mga pagkakataon para maghiganti sa sinumang hindi niya gusto o nakapagpasama ng loob niya o nakapinsala sa kanya noon, palaging nagkikimkim ng gayong mga intensiyon, at hindi talaga naghahanap sa katotohanan o nagdarasal o umaasa sa Diyos, kung gayon, kaya niyang batikusin ang iba sa anumang oras at saanmang lugar, at mahirap itong lutasin. Madaling lutasin ang di-sadyang pambabatikos sa iba, pero hindi ang sadya at intensiyonal na pambabatikos. Kung paminsan-minsang di-sadyang binabatikos at hinuhusgahan ng isang tao ang iba, sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan sa katotohanan ng mga tao para suportahan at tulungan siya, magagawa niyang baguhin ang landas niya sa sandaling maunawaan na niya ang katotohanan. Gayumpaman, kung ang isang tao ay palaging naghahangad na maghiganti at magbulalas ng personal na galit, palaging gustong pahirapan o pabagsakin ang iba, at binabatikos niya ang iba nang may gayong mga intensiyon, na puwedeng maramdaman at makita ng lahat ng tao, kung gayon, nagiging paggambala at panggugulo sa buhay iglesia ang gayong pag-uugali; ganap itong nagdudulot ng sadyang pagkagambala at kaguluhan. Samakatwid, ang pagkakaroon ng disposisyong ito ng pambabatikos sa iba ay mahirap baguhin.
Ngayon, nauunawaan na ba ninyo kung paano dapat lutasin ang isyu ng pambabatikos at pagkondena sa iba? May isang paraan lang—dapat magdasal at umasa sa Diyos ang isang tao, at saka unti-unting mawawala ang pagkamuhi niya. May dalawang pangunahing uri ng mga tao na maaaring bumatikos sa iba. Ang isang uri ay iyong mga taong nagsasalita nang hindi nag-iisip, na prangka at diretsahan, at na maaaring makapagsabi ng mga nakakasakit na salita kapag may mga tao silang hindi nagugustuhan. Gayumpaman, kadalasan ay hindi nila intensiyon o sinasadyang batikusin ang mga tao—hindi lang talaga nila mapigilan ang sarili nila, ganito lang talaga ang disposisyon nila, at hindi sinasadyang nababatikos nila ang ibang mga tao. Kung pupungusan sila, kaya nila itong tanggapin, kaya naman hindi masasamang tao ang mga ito, at hindi sila ang mga puntirya para sa pagpapaalis. Pero hindi tinatanggap ng masasamang tao ang pagpupungos, at madalas silang nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan sa buhay iglesia, madalas nilang binabatikos, hinuhusgahan, inaatake, at ginagantihan ang iba, at hindi nila tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti. Sila ay masasamang tao, at sila ang kailangang tugunan at alisin ng iglesia. Bakit kailangan silang tugunan at alisin? Batay sa kalikasang diwa nila, ang pag-uugali nila ng pambabatikos sa iba ay hindi di-sinasadya, kundi sinasadya. Ito ay dahil may mapaminsalang pagkatao ang ganitong mga tao—walang sinuman ang puwedeng makapagpasama ng loob nila o pumuna sa kanila, at kung may magsasabi ng isang bagay na aksidenteng makakasakit sa kanila nang kaunti, mag-iisip sila ng mga pagkakataon para makapaghiganti—kaya naman, ang gayong mga tao ay may kakayahang bumuo ng mga pambabatikos laban sa iba. Isa itong uri ng tao na kailangang harapin at alisin ng iglesia. Ang sinumang nambabatikos at nagbabangayan sa isa’t isa—anuman ang panig niya, aktibo o pasibo man siyang nambabatikos—basta’t nakikilahok siya sa ganitong mga uri ng pambabatikos, isa siyang masamang tao na may masasamang intensiyon, na magpapahirap sa iba sa sandaling makaramdam siya ng kahit kaunting pagkadismaya. Nagdudulot ng malulubhang pagkagambala at kaguluhan sa buhay iglesia ang gayong mga tao. Isa siyang uri ng masamang tao sa loob ng iglesia. Ang di-masyadong malulubhang kaso ay maaaring harapin sa pamamagitan ng pambubukod sa naturang tao para magnilay-nilay; sa mas malulubhang kaso, kailangang paalisin o patalsikin ang naturang tao. Ito ang prinsipyong kailangang maunawaan ng mga lider at manggagawa pagdating sa pangangasiwa sa usaping ito.
Sa pamamagitan ng pagbabahaginang ito, nauunawaan na ba ninyo ngayon ang ibig sabihin ng pambabatikos sa iba? Kaya na ba ninyo itong kilatisin? Matapos Kong tukuyin kung ano ang pambabatikos, iniisip ng ilang tao, “Dahil sa gayong napakalawak na depinisyon ng pambabatikos sa iba, sino pa ang maglalakas-loob na magsalita sa hinaharap? Wala sa ating mga tao ang nakakaunawa sa katotohanan, kaya ang pagbubuka lang ng bibig natin ay mauuwi na sa pambabatikos sa iba, na kahindik-hindik! Sa hinaharap, dapat na lang tayong kumain ng pagkain at uminom ng tubig at manahimik, itikom ang bibig natin at huwag magsalita nang walang ingat mula sa sandaling gumising tayo sa umaga para maiwasang mambatikos ng iba. Napakaganda siguro niyon, at magiging mas mapayapa ang mga araw natin.” Tama ba ang ganitong paraan ng pag-iisip? Hindi nakakalutas sa problema ang pagtitikom ng bibig; ang diwa ng isyu ng pambabatikos sa iba ay isang problema sa puso ng isang tao, bunga ito ng mga tiwaling disposisyon ng isang tao, at hindi ito isang problema sa bibig ng isang tao. Ang sinasabi ng mga tao gamit ang bibig nila ay pinamamahalaan ng mga tiwaling disposisyon at iniisip nila. Kung malulutas ang mga tiwaling disposisyon ng isang tao, at talagang mauunawaan niya ang ilang katotohanan, at magiging medyo may prinsipyo at maingat ang pananalita niya, bahagyang malulutas ang isyu niya ng pambabatikos sa iba. Siyempre, sa loob ng buhay iglesia, para magkaroon ng mga normal na ugnayan sa isa’t isa ang mga tao, at hindi sila mambatikos o magbangayan sa isa’t isa, kailangan nilang madalas na lumapit sa Diyos sa panalangin, humingi ng patnubay ng Diyos, at tumahimik sa harap ng Diyos nang may debotong puso na nagugutom at nauuhaw sa katuwiran. Sa ganoong paraan, kapag di-sinasadyang nakapagsabi ang isang tao ng isang bagay na nakakasakit sa iyo, magagawang tumahimik ng puso mo sa harap ng Diyos, hindi sasama ang loob mo sa kanya, at hindi mo gugustuhing makipagtalo sa kabilang panig, lalong hindi mo gugustuhing ipagtanggol at pangatwiranan ang sarili mo. Sa halip, tatanggapin mo ito mula sa Diyos, magpapasalamat ka sa Diyos sa pagbibigay sa iyo ng magandang pagkakataon para makilala ang sarili mo, at magpapasalamat ka sa Kanya para sa pagtutulot sa iyo, sa pamamagitan ng mga salita ng iba, na mabatid na may ganito at ganoon ka pa ring isyu. Isa itong mabuting pagkakataon para sa iyo na makilala ang sarili mo, biyaya ito ng Diyos, at dapat mo itong tanggapin mula sa Diyos. Hindi ka dapat magkimkim ng sama ng loob sa taong nakasakit sa iyo, ni masuklam o mamuhi sa taong di-sinasadyang nag-ungkat ng mga kamalian mo o naglantad ng mga pagkukulang mo, hindi mo rin siya dapat iwasan nang sadya o di-sinasadya o gumamit ng kung ano-anong paraan upang gantihan siya. Hindi nakakalugod sa Diyos ang mga pamamaraang ito. Lumapit sa Diyos para magdasal nang madalas, at kapag kumalma na ang puso mo, magagawa mo na itong tratuhin nang tama kapag napinsala ka ng iba nang hindi sinasadya, magagawa mong magpakita ng pagpaparaya at pagpapasensiya sa kanila. Kung sadya kang pipinsalain ng isang tao, ano ang dapat mong gawin? Paano mo ito haharapin—makikipagtalo ka ba sa kanya dahil sa pagkamainitin ng ulo, o tatahimik ka ba sa harap ng Diyos at hahanapin mo ang katotohanan? Siyempre, kahit hindi Ko na sabihin, malinaw na sa inyong lahat kung aling paraan ng pagpasok ang tamang piliin.
Napakahirap iwasan ang mga pambabatikos at pagbabangayan sa isa’t isa sa buhay iglesia kung aasa sa lakas ng tao, pagpipigil sa sarili ng tao, at pagpapasensiya ng tao. Kahit gaano kabuti ang pagkatao mo, kahit gaano ka kamahinahon at kabait, o kahit gaano ka kabukas-palad, hindi maiiwasang makakatagpo ka ng ilang tao o bagay na makakasakit sa iyong dignidad, integridad, at iba pa. Dapat may prinsipyo ka sa isipan mo kung paano pangasiwaan at tratuhin ang ganitong mga uri ng isyu. Kung haharapin mo ang mga isyung ito nang may pagkamainitin ng ulo, napakadali lang nito: Isusumpa ka nila, at isusumpa mo sila, babatikusin ka nila, at babatikusin mo sila, ngipin sa ngipin, mata sa mata, ginagawa mo sa kanila pabalik ang ginagawa nila sa iyo gamit ang mga parehong pamamaraan, at pinoprotektahan mo ang dignidad, integridad, at reputasyon mo. Napakadali nitong makamit. Gayumpaman, dapat mong timbangin sa puso mo kung wasto ba ang pamamaraang ito, kung nakakabuti ba ito sa iyo at sa iba, at kung nakakalugod ba ito sa Diyos. Kadalasan, kapag hindi pa nauunawaan ng mga tao ang diwa ng isyung ito, ang agad nilang naiisip ay, “Hindi siya nagpapakita ng awa sa akin, kaya bakit dapat akong magpakita ng awa sa kanya? Hindi siya nagpapakita ng pagmamahal sa akin, kaya bakit ko siya dapat tratuhin nang may pagmamahal? Wala siyang pagpapasensiya sa akin at hindi niya ako tinutulungan, kaya bakit dapat akong magpasensiya o tumulong sa kanya? Hindi siya mabait sa akin, kaya gagawan ko siya ng mali. Bakit hindi ako puwedeng gumanti ng ngipin sa ngipin, mata sa mata?” Ito ang mga unang naiisip ng mga tao. Pero kapag talagang kumilos ka sa gayong paraan, payapa ba ang loob mo, o hindi ka mapakali at nasasaktan ka? Kapag talagang pinili mo ito, ano ang nakakamit mo? Ano ang natatamo mo? Maraming tao ang nakaranas na kapag talagang kumikilos sila sa ganitong paraan, nababagabag ang kalooban nila. Siyempre, para sa karamihan ng tao, hindi ito usapin ng pagkakonsensiya, lalong hindi ito pagkabagabag na dulot ng damdamin na may pagkakautang sila sa Diyos; walang gayong uri ng tayog ang mga tao. Ano ang sanhi ng pagkabagabag nilang ito? Nagmumula ito sa pagkamuhi ng mga tao, sa hamon sa dignidad at integridad nila kapag iniinsulto sila, gayundin sa sakit na nararamdaman nila at sa mga pagsiklab ng poot, pagkamuhi, pagsuway, at sama ng loob na umuusbong sa puso nila kapag ginagalit sila nang pasalita, at ang lahat ng ito ay nagiging sanhi ng pagkabagabag ng mga tao. Ano ang mga kahihinatnan ng pagkabagabag na ito? Agad-agad pagkatapos na maramdaman ito, magsisimula kang magnilay-nilay kung paano gagamitin ang wika para pangasiwaan ang taong iyon, kung paano gagamit ng legal at makatwirang pamamaraan para pabagsakin siya, para ipakita sa kanya na may dignidad at integridad ka at na hindi ka madaling apihin. Kapag nababagabag ka, kapag nakabubuo ka ng pagkamuhi, ang iniisip mo ay hindi ang pagpapakita ng pagpapasensiya at pagpaparaya sa taong iyon, o ang tamang pagtrato sa kanya, o iba pang mga positibong bagay, kundi sa halip ay ang lahat ng negatibong bagay, tulad ng pagseselos, pagkasuklam, pagkapoot, matinding galit, pagkamuhi, at pagkondena, hanggang sa puntong isinusumpa mo na siya nang di-mabilang na beses sa puso mo, at, anuman ang oras—kahit na habang kumakain o natutulog ka—iniisip mo kung paano siya gagantihan, at iniisip mo kung paano mo siya haharapin at kung paano mo pangangasiwaan ang gayong mga sitwasyon kung babatikusin o kokondenahin ka niya, at iba pa. Ginugugol mo ang buong araw sa pagninilay kung paano papabagsakin ang kabilang panig, kung paano ibubulalas ang sama ng loob at pagkamuhi mo, at kung paano mo mapapasuko ang kabilang panig, at kung paano siya matatakot sa iyo at hindi na mangangahas na galitin kang muli. Madalas mo ring iniisip kung paano tuturuan ng leksiyon ang kabilang panig, para malaman niya kung gaano ka kamakapangyarihan. Kapag lumilitaw ang gayong mga kaisipan, at kapag paulit-ulit na naglalaro sa isipan mo ang mga naiisip mong eksena, hindi masukat ang panggugulo at mga kahihinatnan ng mga ito sa iyo. Sa sandaling masadlak ka sa kalagayan ng pagbabangayan at pambabatikos sa isa’t isa, ano ang mga kahihinatnan? Madali bang tumahimik sa harap ng Diyos kapag nagkagayon? Hindi ba’t naaantala nito ang buhay pagpasok mo? (Oo.) Ito ang epekto sa isang tao ng pagpili sa maling paraan ng pangangasiwa sa mga usapin. Kung pipiliin mo ang tamang landas, kapag may nagsalita sa paraang nakakapinsala sa iyong imahe o pagpapahalaga sa sarili, o nakaiinsulto sa iyong integridad at dignidad, maaari mong piliing maging mapagparaya. Hindi ka makikipagtalo sa kanila gamit ang anumang uri ng wika o hindi mo sadyang pangangatwiranan ang iyong sarili at pabubulaanan at babatikusin ang kabilang panig, na magbubunga ng pagkamuhi sa sarili mo. Ano ang diwa at kahalagahan ng pagiging mapagparaya? Sinasabi mo, “Ang ilan sa mga bagay na sinabi niya ay hindi umaayon sa mga katunayan, pero ganoon naman ang lahat bago nila naunawaan ang katotohanan at makamit ang kaligtasan, at ganito rin ako dati. Ngayong nauunawaan ko na ang katotohanan, hindi ko na tinatahak ang landas ng mga walang pananampalataya na pakikipagtalo tungkol sa tama at mali o pakikilahok sa pilosopiya ng pakikipag-away—pinipili ko ang pagpaparaya at pagtrato sa iba nang may pagmamahal. Ang ilan sa mga bagay na sinabi niya ay hindi umaayon sa mga katunayan, pero hindi ko binibigyang-pansin ang mga ito. Tinatanggap ko kung ano ang kaya kong kilalanin at arukin. Tinatanggap ko ito mula sa Diyos at dinadala ito sa harap ng Diyos sa panalangin, hinihiling sa Kanya na magtakda ng mga sitwasyong magbubunyag sa aking mga tiwaling disposisyon, na tinutulutan akong malaman ang diwa ng mga tiwaling disposisyong ito at magkaroon ng pagkakataong magsimulang lutasin ang mga isyung ito, unti-unting malampasan ang mga ito, at makapasok sa katotohanang realidad. Tungkol sa kung sino ang nanakit sa akin gamit ang mga salita niya at kung tama man o hindi ang mga bagay na sinasabi niya, o kung ano ang mga intensiyon niya, sa isang banda, kinikilatis ko ito, at sa kabilang banda, tinitiis ko ang mga ito.” Kung ang taong ito ay isang taong tumatanggap sa katotohanan, maaari kang maupo at taimtim na makipagbahaginan sa kanya nang mapayapa. Kung hindi, kung isa siyang masamang tao, huwag mo siyang bigyang-pansin. Hintayin mong makagampan siya hanggang sa isang partikular na antas, at nakikilatis na siya ng lahat ng kapatid, at gayon ka na rin, at malapit na siyang paalisin at pangasiwaan ng mga lider at manggagawa—iyon na ang oras kung kailan haharapin siya ng Diyos, at siyempre, matutuwa ka rin. Gayumpaman, ang landas na dapat mong piliin ay hindi talaga ang makipagbangayan sa masasamang tao o makipagtalo sa kanila at subukang pangatwiranan ang sarili mo. Sa halip, ito ay ang magsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo sa tuwing may nangyayari. Ito man ay pakikitungo sa mga taong nakapanakit sa iyo o sa mga hindi pa nanakit sa iyo at kapaki-pakinabang sa iyo, pare-pareho dapat ang mga prinsipyo ng pagsasagawa. Kapag pinili mo ang landas na ito, magkakaroon ba ng anumang pagkamuhi sa puso mo? Maaaring magkaroon ng kaunting pagkabagabag. Sino ba ang hindi mababagabag kapag nasaktan ang dignidad nila? Kung may magsasabing hindi siya nababagabag, kasinungalingan iyon, mapanlinlang iyon, pero kaya mong tiisin at pagdusahan ang paghihirap na ito alang-alang sa pagsasagawa ng katotohanan. Kapag pinili mo ang landas na ito, magkakaroon ka ng malinis na konsensiya kapag humarap kang muli sa Diyos. Bakit magiging malinis ang konsensiya mo? Dahil magiging malinaw sa iyo na hindi nagmumula sa pagkamainitin ng ulo ang mga salita mo, na hindi ka nakikipag-alitan sa iba hanggang sa mamula ang mukha mo para lang sa mga makasarili mong pagnanais, at na, batay sa pundasyon ng pagkaarok sa katotohanan, sinusunod mo sa halip ang daan ng Diyos at tinatahak ang sarili mong landas. Magiging ganap na malinaw sa puso mo na ang landas na pinili mo ay pinapatnubayan ng Diyos, hinihingi ng Diyos, kaya naman makakaramdam ka ng labis na kapayapaan sa kalooban mo. Kapag may gayon kang kapayapaan, mababagabag ka ba ng pagkamuhi at ng mga personal na sama ng loob sa pagitan mo at ng ibang mga tao? (Hindi.) Kapag tunay kang bumitiw at kusang-loob mong pinili ang positibong landas, matatahimik at mapapayapa ang puso mo. Hindi ka na mababagabag ng sama ng loob, pagkamuhi, at ng mentalidad at mga pakana ng paghihiganti na nabubuo mula sa pagkamuhing iyon, kasama pa ang ibang bagay na mula sa pagkamainitin ng ulo. Magdadala sa iyo ng kapayapaan at tahimik na puso ang landas na pinili mo, at hindi ka na mababagabag ng mga bagay na iyon na dulot ng pagkamainitin ng ulo. Kapag hindi ka na mababagabag ng mga ito, mag-iisip ka pa rin ba ng mga paraan para batikusin ang mga nakasakit sa iyo gamit ang mga salita nila o makipagbangayan pa sa kanila? Hindi na. Siyempre, paminsan-minsan ay lilitaw ang iyong pagkamainitin ng ulo, pagkapadalos-dalos, at sama ng loob dahil sa mababa mong tayog o dahil sa ilang natatanging konteksto. Gayumpaman, ang iyong determinasyon, kapasyahan, at kalooban na isagawa ang katotohanan ang pipigil sa mga bagay na ito na makaligalig sa puso mo. Ibig sabihin, hindi ka mababagabag ng mga bagay na ito. Maaaring sumiklab pa rin ang pagkamainitin ng ulo mo, tulad ng pag-iisip, “Palagi niya akong pinapahirapan. Dapat ko siyang pagsabihan balang araw, at tanungin kung bakit palagi niya akong pinupuntirya at pinapahirapan. Dapat ko siyang tanungin kung bakit palagi niya akong minamaliit at iniinsulto.” Maaaring minsan ay magkaroon ka ng ganitong mga uri ng mga kaisipan. Gayumpaman, pagkatapos ng higit pang pag-iisip-isip, mapagtatanto mo na mali ang mga ito, at na hindi magiging kalugod-lugod sa Diyos ang pagkilos sa ganoong paraan. Kapag lumitaw ang gayong mga kaisipan, mabilis kang babalik sa harap ng Diyos para ituwid ang kalagayang ito, kaya hindi ka mapapangibabawan ng mga maling kaisipang ito. Dahil dito, magsisimulang lumitaw sa kalooban mo ang ilang positibong bagay—tulad ng pagkilala sa sarili, gayundin ang kaunting kaliwanagan at pagtanglaw na ibinibigay ng Diyos sa iyo, na magbibigay-kakayahan sa iyo na makilatis ang mga tao at maunawaan nang malinaw ang mga usapin—at nang hindi mo namamalayan, dahil sa mga positibong bagay na ito, mauunawaan at mapapasok mo ang higit pa sa katotohanang realidad. Sa puntong ito, ang paglaban mo, ibig sabihin, ang mga “antibody” na nagtataboy sa pagkamuhi, mga makasariling pagnanais, at pagkamainitin ng ulo, ay mas lalakas nang lalakas, at lalong tataas nang tataas ang tayog mo. Hindi ka na makokontrol ng mga bagay na dulot ng pagkamainitin ng ulo. Kahit paminsan-minsan ay maaaring magkaroon ka ng ilang maling kaisipan, ideya, at bugso ng damdamin, mabilis na mawawala ang mga bagay na ito, masusugpo at mapupuksa ng paglaban at tayog mo ang mga ito. Sa oras na ito, ang mga positibong bagay, ang realidad ng katotohanan, at ang mga salita ng Diyos ang mangingibabaw sa loob mo. Kapag nangingibabaw ang mga positibong bagay na ito, hindi ka na maiimpluwensiyahan ng mga panlabas na tao, pangyayari, at bagay-bagay. Lalago ang tayog mo, magiging mas normal ang kalagayan mo, at hindi ka na mamumuhay sa mga tiwaling disposisyon at uusad sa direksiyon ng isang malupit na siklo, at sa ganitong paraan, patuloy na lalago ang tayog mo.
Kapag nasa iglesia ka o kasama mo ang isang grupo ng mga tao, nakakabuti kung kaya mong piliin na maging mapagparaya at mapagpasensiya at piliin ang tamang landas ng pagsasagawa kapag nakakaranas ka ng mga personal na pambabatikos na nakakapinsala sa dignidad at integridad mo. Maaaring hindi mo makita ang pakinabang na ito, pero kapag naranasan mo ang ganitong uri ng pangyayari, hindi mamamalayang matutuklasan mo na ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao at ang landas na ibinibigay Niya sa kanila ay isang maliwanag na landas at isang tunay at buhay na daan, na binibigyang-kakayahan ng mga ito ang mga tao na makamit ang katotohanan at maging kapaki-pakinabang sa mga tao, at na ang mga ito ang pinakamakabuluhang landas. Kapag kasama mo ang isang grupo ng mga tao, lalo na kapag nasa buhay iglesia ka, kaya mong mapagtagumpayan ang iba’t ibang tukso at pang-aakit. Kapag mapaminsala kang binabatikos at sinasaktan ng isang tao o kapag sadya niyang hinahangad na maghiganti at magbulalas ng pagkamuhi niya sa iyo, napakahalaga na magawa mong harapin ito at magsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Dahil namumuhi ang Diyos sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao, sinasabi Niya sa mga tao na huwag harapin ang mga bagay-bagay na nararanasan nila nang may pagkamainitin ang ulo, kundi ay tumahimik sa harap ng Diyos at hanapin ang katotohanan at ang mga layunin ng Diyos, at pagkatapos ay unawain kung ano ang tunay na mga hinihingi ng Diyos sa mga tao. Limitado ang pagpapasensiya ng tao, pero sa sandaling nauunawaan na ng isang tao ang katotohanan, magkakaroon ng mga prinsipyo sa pagpapasensiya niya, at maaari itong maging udyok at tulong sa taong iyon na maisagawa ang katotohanan. Gayumpaman, kung ang isang tao ay hindi nagmamahal sa katotohanan, mahilig makipagtalo tungkol sa tama at mali at mambatikos ng iba, at may tendensiyang mamuhay sa pagkamainitin ng ulo niya, kapag binatikos siya, malamang ay masasangkot siya sa mga pagbabangayan at pambabatikos sa isa’t isa. Nagdudulot ito ng pinsala sa lahat ng sangkot, walang idinudulot na pagpapatibay o pagtulong sa kahit sino. Sa tuwing nambabatikos at nakikipagbangayan ang sinuman sa isa’t isa, hapong-hapo siya pagkatapos, pagod na pagod, at nasasaktan ang parehong panig; wala talaga silang natatamong anumang katotohanan, at sa huli ay wala silang anumang nakakamit. Ang natitira lang ay tanging pagkamuhi at ang intensiyong maghiganti kapag nagkaroon sila ng pagkakataon. Sa huli, ito ang mapaminsalang kalalabasan na hatid sa mga tao ng mga pambabatikos at pagbabangayan sa isa’t isa.