Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (15) Ikalawang Seksiyon
2. Paglalantad at mga Pambabatikos sa Isa’t Isa
Walang abilidad na makaarok ang ilang tao sa pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos at hindi nila alam kung paano pagbahaginan ang kanilang pagkaunawang batay sa karanasan sa salita ng Diyos. Ang alam lang nila ay iugnay ang mga salita ng Diyos na naglalantad ng mga tao sa iba. Kaya naman, sa tuwing nakikipagbahaginan sila tungkol sa katotohanan sa mga salita ng Diyos, palagi silang may mga personal na motibo; palagi nilang gustong samantalahin ang pagkakataon para ilantad at atakihin ang iba, na nagdudulot ng ligalig sa iglesia. Kung iyong mga inilantad ay matatrato nang tama ang mga sitwasyong ito, mauunawaan ang mga ito bilang nagmumula sa Diyos, at matututo ng pagpapasakop at pagpapasensiya, hindi magkakaroon ng anumang mga alitan. Gayumpaman, hindi maiiwasang makaramdam ng pagtutol ang isang tao kapag narinig niyang pinagbabahaginan at inilalantad ng iba ang mga isyu niya. Iniisip niya, “Bakit pagkatapos mong basahin ang mga salita ng Diyos, hindi mo ibinabahagi ang iyong pagkaunawang batay sa karanasan sa mga ito, o hindi mo tinatalakay ang tungkol sa pagkilala sa sarili mo, at sa halip ay binabatikos at pinupuntirya mo lang ako? Ayaw mo ba sa akin? Malinaw nang sinabi ng mga salita ng Diyos na may tiwaling disposisyon ako—kailangan mo pa ba talaga itong sabihin? Maaaring may tiwaling disposisyon ako, pero hindi ba’t mayroon ka rin naman? Palagi mo akong pinupuntirya, tinatawag na mapanlinlang, pero may pagkatuso ka rin naman!” Dahil puno siya ng sama ng loob at pagtutol, maaaring magpasensiya siya nang isa o dalawang beses, pero paglipas ng panahon, at naipon na ang mga hinanakit niya, sasabog siya. At kapag sumabog siya, malaking pinsala ito. Sinasabi niya, “Kapag kumikilos at nagsasalita ang ilang tao, nagpapanggap sila na napakamatapat at bukas sa panlabas, pero ang totoo, puno sila ng lahat ng uri ng pakana, at palagi silang may binabalak laban sa iba. Walang nakakaarok sa mga iniisip o intensiyon nila kapag kinakausap sila; mga mapanlinlang silang tao. Kapag nakakatagpo tayo ng gayong mga indibidwal, hindi tayo puwedeng makipag-usap o makisalamuha sa kanila; masyado silang nakakatakot. Kung hindi ka magiging maingat, mahuhulog ka sa bitag nila at madadaya at magagamit ka nila. Ang gayong mga tao ang pinakamasama, ang uri na pinakakinamumuhian at pinakakinasusuklaman ng Diyos. Dapat silang itapon sa walang hanggang hukay, sa lawa ng apoy at asupre!” Pagkatapos itong marinig, iniisip ng kabilang panig, “May mga tiwaling disposisyon ka pero hindi mo hinahayaan ang ibang tao na ilantad ka? Napakayabang at napakamapagmagaling mo, kaya maghahanap ako ng isa pang sipi ng mga salita ng Diyos para ilantad ka, at tingnan natin kung ano ang masasabi mo!” Mas lalo namang nagagalit ang kabilang panig matapos siyang ilantad, at iniisip niya: “Hindi mo pa rin ito tatantanan, tama ba? Hindi mo pa rin ito bibitiwan, ano? Ayaw mo lang talaga sa akin, at iniisip mong may tiwaling disposisyon ako, hindi ba? Puwes, ilalantad din kita!” Kaya naman sinasabi niya, “Sadyang mga anticristo ang ilang tao; mahal nila ang katayuan at ang papuri ng iba, gustong-gusto nilang sinesermunan ang iba, ginagamit ang mga salita ng Diyos para ilantad at kondenahin ang iba, ipinapaisip sa iba na sila mismo ay walang tiwaling disposisyon. Napakataas ng tingin nila sa sarili nila, at iniisip nilang naging pinabanal na sila, pero hindi ba’t maruruming demonyo lang sila? Hindi ba’t mga Satanas at masasamang espiritu lang sila? Ano ba ang mga anticristo? Ang mga anticristo ay mga Satanas!” Ilang beses na ba silang nag-aaway? May nanalo ba? (Wala.) May nasabi ba silang maaaring magpatibay sa iba? (Wala.) Kung gayon, ano ang mga salitang ito? (Mga paghusga at pagkondena.) Mga paghusga ang mga ito. Walang pakundangan silang nagsasalita nang walang pagsasaalang-alang sa aktuwal na sitwasyon o mga katunayan, basta-bastang hinuhusgahan at kinokondena ang iba, isinusumpa pa nga ang mga ito. May batayan ba sa katunayan ang pagtawag nilang anticristo sa kabilang panig? Anong masasamang gawa at mga pagpapamalas ng isang anticristo ang ipinakita ng taong iyon? Ang tiwaling disposisyon ba nila ay umaabot sa antas ng diwa ng isang anticristo? Kapag naririnig ng hinirang na mga tao ng Diyos na inilalantad nila ang kabilang panig, iisipin ba nilang obhetibo at makatotohanan ito? May anumang kabaitan o mabubuting intensiyon ba sa mga salitang binitiwan ng dalawang taong ito? (Wala.) Ang layunin ba nila ay tulungan ang isa’t isa na makilala ang sarili nila, at bigyang-kakayahan ang isa’t isa na iwaksi ang tiwaling disposisyon nila at makapasok sa katotohanang realidad sa lalong madaling panahon? (Hindi.) Kung gayon, bakit nila ito ginagawa? Para ibulalas ang personal nilang galit, para atakihin at gantihan ang kabilang panig, kaya basta-basta nila itong inaakusahan ng kung ano-ano na hindi naman talaga tugma sa mga katunayan. Hindi nila tumpak na sinusuri o inilalarawan ang isa’t isa batay sa mga salita ng Diyos at sa mga pagbubunyag at diwa ng kabilang panig, sa halip, ginagamit nila ang mga salita ng Diyos para atakihin ang isa’t isa, maghiganti, at ibulalas ang personal nilang galit; hindi talaga nila pinagbabahaginan ang katotohanan. Isa itong seryosong isyu. Palagi nilang sinusunggaban ang mga bagay-bagay tungkol sa kabilang panig para batikusin at kondenahin ito dahil sa pagkakaroon ng mayabang na disposisyon—masama at mapaminsala ang saloobing ito, at tiyak na walang mabuting intensiyon ang paglalantad na ito. Dahil dito, humahantong lang ito sa pagkamapanlaban at pagkamuhi sa isa’t isa. Kung isasagawa ang paglalantad nang may saloobin ng pagtulong sa iba nang dahil sa pagmamahal, mararamdaman ito ng mga tao at maituturing nila ito nang tama. Pero kung susunggaban ng isang tao ang mayabang na disposisyon ng kabilang panig para kondenahin at batikusin ito, ito ay para lang atakihin at pahirapan ang taong iyon. May mayabang na disposisyon ang lahat ng tao, kaya bakit iisang tao ang palaging pinupuntirya? Bakit palaging tinututukan ang iisang tao at hindi siya binibitiwan? Ang palagiang paglalantad sa mayabang na disposisyon ng iisang taong iyon—layon ba talaga nitong tulungan siyang iwaksi ang disposisyong iyon? (Hindi.) Kung gayon, ano ang dahilan nito? Dahil hindi nila gusto ang taong iyon, kaya naghahanap sila ng mga pagkakataon para atakihin ito at makaganti, palaging gustong pahirapan ito. Samakatwid, kapag sinabi nilang ang kabilang panig ay isang anticristo, isang Satanas, isang diyablo, isang mapanlinlang at masamang tao, katunayan ba iyon? Maaaring medyo may kaugnayan ito sa mga katunayan, pero ang layon nila sa pagsasabi ng mga bagay na ito ay hindi para tulungan ang kabilang panig o makipagbahaginan tungkol sa katotohanan kundi para ibulalas ang personal nilang galit at makaganti. Pinahirapan sila, kaya naman gusto nilang gumanti. Paano sila gumaganti? Sa pamamagitan ng paglalantad sa kabilang panig, pagkondena rito, pagtawag dito na isang diyablo, isang Satanas, isang masamang espiritu, isang anticristo—ibinabansag dito ang pinakakahindik-hindik na katawagan, at ang pinakamabigat na akusasyon. Hindi ba’t ito ay basta-bastang paghusga at pagkondena? Ang intensiyon, layon, at motibasyon ng parehong panig sa pagsasabi ng mga bagay na ito ay hindi para tulungan ang kabilang panig na kilalanin ang sarili nito at lutasin ang mga tiwaling disposisyon nito, lalong hindi ito para tulungan itong makapasok sa realidad ng salita ng Diyos o maunawaan ang mga katotohanang prinsipyo. Sa halip, sinusubukan nilang batikusin at atakihin ang kabilang panig, na ilantad ito para makamit nila ang pakay nilang ibulalas ang personal nilang galit at makaganti. Ito ay pambabatikos at pagbabangayan sa isa’t isa. Bagama’t ang ganitong pamamaraan ng pambabatikos sa iba ay maaaring magmukhang mas may batayan kaysa sa paglalantad ng mga pagkukulang ng isa’t isa, at ito ay pag-uugnay ng mga salita ng Diyos sa kabilang panig para sabihing may tiwaling disposisyon ito, at na isa itong diyablo at isang Satanas, at sa panlabas ay tila napaka-espirituwal nito, pareho ang kalikasan ng dalawang pamamaraang ito. Wala sa dalawang pamamaraang ito ang tungkol sa pagbabahaginan sa salita ng Diyos at sa katotohanang nakapaloob sa normal na pagkatao, sa halip, ang mga ito ay tungkol sa iresponsable at basta-bastang paghusga, pagkondena, at pagsumpa sa kabilang panig batay sa mga personal na kagustuhan, at mga personal na pambabatikos. Ang mga usapang may ganitong kalikasan ay nagdudulot din ng mga paggambala at panggugulo sa buhay iglesia, at humahadlang at nakakapinsala ang mga ito sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos.
Ano ang dapat ninyong gawin kapag nakatagpo kayo ng dalawang taong nambabatikos sa isa’t isa sa pamamagitan ng paglalantad ng mga tiwaling disposisyon ng isa’t isa? Kailangan pa bang hampasin ang lamesa at sermunan sila? Kailangan pa ba silang buhusan ng isang timba ng malamig na tubig para huminahon sila at mapagtanto nila na mali sila at sa gayon ay humingi sila ng tawad sa isa’t isa? Malulutas ba ng mga pamamaraang ito ang problema? (Hindi.) Palaging nag-aaway sa bawat pagtitipon ang dalawang indibidwal na ito, at pagkatapos ng bawat pagtitipon, naghahanda na sila para sa susunod na pag-aaway. Sa bahay, naghahanap sila ng mga salita ng Diyos at ng mga basehan para gamitin sa mga pambabatikos nila, nagsusulat pa nga sila ng mga borador, at iniisip nila kung paano babatikusin ang kabilang panig, kung aling mga aspekto nito ang dapat na batikusin, kung paano ito huhusgahan at kokondenahin, kung anong tono ang gagamitin, at kung aling mga salita ng Diyos ang gagamitin para maisagawa ang pinakakapani-paniwalang pambabatikos at pagkondena. Naghahanap din sila ng iba’t ibang espirituwal na termino at gumagamit ng iba’t ibang pamamaraan ng pagpapahayag para kondenahin at atakihin ang kabilang panig, pinipigilan ito na ituwid ang sitwasyon, at nagsusumikap silang pabagsakin ito sa susunod na pag-aaway, at maging imposible para dito na makabangong muli. Pawang nabibilang ang mga pag-uugaling ito sa mga pambabatikos at pagbabangayan sa isa’t isa. Madali bang lutasin ang gayong mga isyu? Kung, pagkatapos tumanggap ng payo, tulong, at pagbabahagi tungkol sa katotohanan mula sa karamihan ng tao, hindi pa rin sila magsisisi o magbabago ng landas—ibig sabihin, magtatalo sila at mumurahin nila ang isa’t isa kapag nagkita sila, hindi makikinig sa payo ng sinuman, at hindi sila tatanggap kapag may sinumang nakipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan o nagpungos sa kanila—ano ang dapat gawin? Madali lang itong pangasiwaan: Dapat silang alisin. Hindi ba’t malulutas niyon ang problema? Hindi ba’t madali iyon? Kailangan pa bang patuloy na makipagbahaginan sa kanila? Kailangan pa bang tulungan sila nang may pagmamahal? Sabihin ninyo sa Akin, angkop bang mapagmahal na magpakita ng pagpaparaya at pagpapasensiya sa gayong mga tao? (Hindi ito angkop.) Bakit hindi ito angkop? (Hindi nila tinatanggap ang katotohanan—walang silbi ang pakikipagbahaginan sa kanila.) Tama, hindi nila tinatanggap ang katotohanan. Lumalahok lang sila sa mga pagtitipon para makipagbangayan. Hindi sila nananampalataya sa Diyos para hangarin ang katotohanan, at mahilig lang silang makipagbangayan. Isa ba itong pagbubunyag at pagpapamalas ng normal na pagkatao? Mayroon ba sila ng pagkamakatwiran na dapat taglayin ng normal na pagkatao? (Wala.) Wala sila ng pagkamakatwiran ng normal na pagkatao. Sa panahon ng mga pagtitipon, hindi nagbabasa ang ganitong mga tao ng mga salita ng Diyos nang tutok at maayos para maunawaan at matamo sana nila ang katotohanan mula sa mga salita ng Diyos, at nang sa gayon ay malutas ang mga tiwaling disposisyon at problema nila. Sa halip, palagi nilang gustong lutasin ang mga problema ng ibang mga tao. Palagi silang nakatutok sa iba, naghahanap ng mga kapintasan sa mga ito; palagi nilang nilalayong hanapin sa mga salita ng Diyos ang mga problema ng ibang mga tao. Ginagamit nila ang pagkakataong magbasa at makipagbahaginan tungkol sa mga salita ng Diyos para ilantad at batikusin ang iba, at ginagamit nila ang mga salita ng Diyos para husgahan, maliitin, at kondenahin ang iba. Subalit, inilulugar nila ang sarili nila bilang hiwalay sa mga salita ng Diyos. Anong uri ng tao sila? Ang mga ito ba ay mga taong tumatanggap sa katotohanan? (Hindi.) Partikular silang mahusay at masigasig sa isang bagay: Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, madalas nilang tinutukoy sa iba ang iba’t ibang problema, kalagayan, at pagpapamalas na inilalantad ng mga salita ng Diyos. Habang mas natutukoy nila ang mga problemang ito, mas nararamdaman nilang nagpapasan sila ng malaking responsabilidad at naniniwala silang marami silang magagawa, iniisip na dapat nilang ilantad ang mga isyung ito. Hindi nila papalampasin ang kahit isang tao na may ganitong mga isyu. Anong uri ng tao sila? May katwiran ba ang gayong mga tao? May abilidad ba silang umarok sa katotohanan? (Wala.) Sa iglesia, kung hindi magsasalita o magdudulot ng mga kaguluhan ang gayong mga tao, hindi na sila kailangang pangasiwaan. Gayumpaman, kung palagi silang kikilos sa ganitong paraan, palaging binabatikos, hinuhusgahan, at kinokondena ang iba, dapat gumawa ng nararapat na hakbang ang iglesia para pangasiwaan sila, paalisin sila. Para naman sa mga yaong inilantad ng mga tao, at pagkatapos ay nambabatikos, nanghuhusga, at kumokondena sila pabalik gamit ang mga parehong diskarte at paraan, kung malubha ang mga sitwasyon at ginambala at ginulo nila ang buhay iglesia, dapat din silang alisin at ibukod mula sa hinirang na mga tao ng Diyos—hindi dapat maging maluwag sa kanila.
Ano pang ibang mga pagpapamalas ng pambabatikos at pagbabangayan sa isa’t isa ang maituturing na may kalikasan ng paggambala at panggugulo sa buhay iglesia para sa kanila? Ang paglalantad ng mga pagkukulang ng isa’t isa, at paglalantad ng mga tiwaling disposisyon ng isa’t isa para magbulalas ng personal na galit at gantihan ang isa’t isa, ay malilinaw na pagpapamalas ng paggambala at panggugulo sa buhay iglesia. Bukod sa dalawang pagpapamalas na ito, mayroon ding pagpapanggap na maging bukas at maglantad at maghimay sa sarili para sadyang ilantad at himayin ang iba—ang ganitong uri ng pambabatikos ay isa ring pagpapamalas ng paggambala at panggugulo sa buhay iglesia. Kung gayon, isang pambabatikos ba ang sinasabi ng isang tao basta’t hindi ito tungkol sa sarili niyang mga isyu kundi tungkol sa mga isyu ng ibang mga tao, sinabi man ito nang tuwiran o pinahaging lang nang hindi diretsahan, sa isang maingat na paraan? (Hindi.) Kung gayon, anong mga sitwasyon ang maituturing na mga pambabatikos? Depende ito sa intensiyon at layon sa likod ng sinasabi. Kung ang isang bagay ay sinasabi para atakihin at gantihan ang mga tao, o para magbulalas ng personal na galit, isa itong pambabatikos. Isang sitwasyon ito. Dagdag pa rito, ang pagpapalaki sa mga panlabas na aspekto ng isang problema para husgahan at kondenahin ang mga tao nang taliwas sa mga katunayan at sa kung ano ang totoo, iresponsableng bumubuo ng mga kongklusyon nang hindi man lang sinusuri ang diwa ng isyu—ito rin ay pagbubulalas ng personal na galit at paghihiganti, ito ay paghusga at pagkondena, at maituturing din na isang pambabatikos ang ganitong uri ng sitwasyon. Ano pa? (Ang paggawa ng walang batayang mga tsismis tungkol sa mga tao, kasama ba iyon?) Tiyak na kabilang din ang paggawa ng walang batayang mga tsismis, at mas matindi nga iyon. Ilang sitwasyon ang maituturing na pambabatikos? (Tatlo.) Ibuod ang mga sitwasyong ito. (Ang una ay ang pag-atake sa iba nang may partikular na layon. Ang pangalawa ay ang paghusga at pagkondena sa iba sa paraang salungat sa mga katunayan at sa kung ano ang totoo, na basta-bastang paglalarawan sa ibang mga tao sa isang iresponsableng paraan. Ang pangatlo ay ang paggawa ng walang batayang mga tsismis tungkol sa mga tao.) Ang kalikasan ng bawat isa sa tatlong sitwasyong ito ay maituturing na mga personal na pambabatikos. Paano natin matutukoy kung aling mga sitwasyon ang maituturing na mga personal na pambabatikos at kung alin ang hindi? Pagdating sa mga nambabatikos, anong mga kilos o salita ang maituturing na isang pambabatikos? Ipagpalagay na ang mga salita ng isang tao ay may kaunting mapanlihis na kalikasan sa iba, at may kakayahang makaligaw sa iba, at may katangian din itong mag-imbento ng tsismis. Ang taong iyon ay gumagawa ng isang bagay mula sa wala at nag-iimbento ng mga tsismis at kasinungalingan para ilihis at iligaw ang mga tao. Ang intensiyon at layon niya ay kumbinsihin ang mas maraming tao na kilalanin at paniwalaan na tama ang sinasabi niya, at sumang-ayon na umaayon sa katotohanan ang sinasabi niya. Kasabay nito, gusto rin niyang maghiganti sa ibang tao, para maging negatibo at manghina ang taong iyon. Iniisip niya, “Ubod ng sama ang karakter mo—dapat kong ilantad ang aktuwal mong sitwasyon, at yurakan iyang kayabangan mo, at tingnan natin kung ano pa ang maipapangalandakan at maipagmamalaki mo! Paano ko magagawang mamukod-tangi sa tabi mo? Hindi maiibsan ang pagkamuhi ko hangga’t hindi ka nasasadlak sa pagkanegatibo at hangga’t hindi kita napapabagsak. Ipapakita ko sa lahat na maaari kang maging negatibo at na may mga kahinaan ka rin!” Kung ito ang layon niya, maituturing na pambabatikos ang mga salita niya. Pero kung ang layunin niya ay linawin lang ang mga katunayan at kung ano ang totoo tungkol sa isang usapin—matapos magkamit ng tumpak na kabatiran dito at matuklasan ang diwa ng isyu sa pamamagitan ng isang panahon ng karanasan, nararamdaman niyang dapat itong pagbahaginan para maunawaan ito ng karamihan at malaman nila kung anong uri ng pagkaarok sa usaping ito ang dalisay, ibig sabihin, ang layon niya ay ituwid ang mga baluktot o isang-panig na pananaw ng mga tao sa usaping ito—isa ba itong pambabatikos? (Hindi.) Hindi niya pinipilit ang isang tao na tanggapin ang personal niyang opinyon, at lalong hindi siya nagkikimkim ng anumang layunin ng personal na paghihiganti. Sa halip, nais lang niyang linawin ang katotohanan ng mga katunayan; gumagamit siya ng pagmamahal para tulungan ang kabilang panig na makaunawa, at para maiwasan nito na maligaw sa pamamagitan ng pagkaunawang ito. Tinatanggap man ito ng kabilang panig o hindi, nagagawa niyang tuparin ang responsabilidad niya. Kaya naman, ang pag-uugali na ito, ang pamamaraang ito, ay hindi isang pambabatikos. Sa pamamagitan ng wika, pagpili ng mga salita, at paraan, tono, at saloobin ng pananalita sa dalawang magkaibang pagpapamalas na ito, malalaman ng isang tao kung ano ang intensiyon at layon ng taong iyon. Kung layon ng isang tao na batikusin ang kabilang panig, tiyak na magiging matalas ang wika niya, at mahahalata ang intensiyon at layon niya sa kanyang tono ng pananalita, intonasyon, pagpili ng mga salita, at saloobin. Kung hindi niya pinipilit ang kabilang panig na tanggapin ang sinasabi niya, at tiyak na hindi niya ito binabatikos, tiyak na aayon ang pananalita niya sa mga pagpapamalas ng konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao. Dagdag pa rito, ang kanyang saloobin sa pananalita, tono, at pagpili ng mga salita ay tiyak na magiging makatwiran, at nakapaloob sa saklaw ng normal na pagkatao.
Matapos pagbahaginan ang mga prinsipyo ng pagtukoy kung ano ang maituturing na personal na pambabatikos at kung ano ang hindi, kaya na ba ninyong kilatisin ito ngayon? Kung hindi pa rin ninyo ito makilatis, hindi ninyo makikilala ang diwa ng isyu. Gaano man kaganda pakinggan ang pakikipagbahaginan ng isang tao, kung hindi siya nagsasagawa ayon sa mga prinsipyo, kung hindi niya nilalayong tulungan ang mga tao na maunawaan ang katotohanan at magampanan nang maayos ang mga tungkulin nila, kundi sa halip ay naghahanap siya ng mga bagay na magagamit laban sa mga tao para walang tigil na gambalain ang mga ito, ginagawa ang lahat ng makakaya niya para husgahan at kondenahin ang mga ito, at bagama’t mukhang kinikilatis niya ang mga tao sa panlabas, ang totoo, ang intensiyon at layon niya ay kondenahin at batikusin ang iba, kinasasangkutan ng isang personal na pambabatikos ang sitwasyong ito. Ang maliliit na bagay na nangyayari sa pagitan ng mga tao ay napakasimple at napakalinaw; kung pagbabahaginan ang katotohanan tungkol sa mga usaping ito, hindi ito tatagal ng isang buong pagtitipon. Kung gayon, kailangan bang gamitin ang oras ng mga kapatid sa pamamagitan ng pagsasalita nang mahaba tungkol sa mga ito sa bawat pagtitipon? Hindi ito kailangan. Kung palaging gagambalain ng mga tao ang iba nang walang tigil, maituturing iyon na pambabatikos sa mga tao at pagdudulot ng mga kaguluhan. Bakit kumakapit ang mga tao sa isang usapin at walang tigil na nagsasalita tungkol dito? Dahil walang sinuman ang handang bitiwan ang sarili nilang mga intensiyon at layon, walang sinuman ang nagtatangkang kilalanin ang sarili nila, at walang sinuman ang tumatanggap sa katotohanan, o sa mga katunayan at sa kung ano ang totoo, kaya naman walang tigil nilang ginagambala ang iba. Ano ang kalikasan ng walang tigil na paggambala sa iba? Isa itong pambabatikos. Ito ay paghahanap ng mga bagay na magagamit laban sa iba, paghahanap ng mali sa mga salitang ginagamit ng ibang mga tao, at paggamit ng mga pagkukulang ng ibang mga tao laban sa mga ito, walang tigil na tumutuon sa iisang bagay lang at nakikipagtalo hanggang sa mamula na ang mukha. Kung ang mga tao ay nakikipagbahaginan mula sa saklaw ng normal na pagkatao, sinusuportahan at tinutulungan ang isa’t isa—ibig sabihin, tinutupad ang responsabilidad nila—mas lalong bubuti ang ugnayan sa pagitan nila. Pero kung binabatikos nila ang isa’t isa at nagtatalo sila, nasasalabid sa isa’t isa para lang linawin ang sarili nilang mga pangangatwiran, palaging gustong makalamang, ayaw tumanggap ng pagkatalo at hindi nakikipagkompromiso, hindi binibitiwan ang mga personal na hinanakit, sa huli ay mas tataas ang tensiyon sa ugnayan nila at mas lalong lalala ang naturang ugnayan; hindi ito magiging isang normal na ugnayan sa pagitan nila, at puwedeng umabot pa ito sa puntong mamumula ang mga mata nila sa tuwing magkikita sila. Isipin ninyo, kapag nag-aaway ang mga aso, namumula ang mga mata ng asong mabangis. Ano ang ibig sabihin ng pamumula ng mga mata nito? Hindi ba’t punung-puno ito ng pagkamuhi? Hindi ba’t pareho ito sa pambabatikos ng mga tao sa isa’t isa? Kung, kapag pinagbabahaginan ng mga tao ang katotohanan, hindi nila babatikusin ang isa’t isa, kundi sa halip ay magagawa nilang punan ang mga pagkukulang ng isa’t isa sa pamamagitan ng pagsandal sa mga kalakasan ng isa’t isa at pagsuporta sa isa’t isa, posible bang maging masama ang ugnayan sa pagitan nila? Tiyak na magiging mas normal ang ugnayan nila. Kapag ang dalawang tao ay nag-uusap, nagkukuwentuhan, nagbabahaginan, o nagdedebate pa nga sa saklaw ng konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao, magiging normal ang ugnayan nila, at hindi sila magagalit o magsisimulang mag-away sa sandaling magkita sila. Kung uusbong ang pagkamuhi at ang hindi maipaliwanag na poot sa mga tao kahit hindi pa sila nagkikita, dahil lang nabanggit ang kabilang panig, hindi ito isang pagpapamalas ng pagkakaroon ng katwiran at konsensiya ng normal na pagkatao. Binabatikos ng mga tao ang isa’t isa dahil may mga tiwaling disposisyon sila; ganap itong walang kinalaman sa kapaligiran nila. Lahat ng ito ay dahil hindi minamahal ng mga tao ang katotohanan, hindi nila matanggap ang katotohanan, at hindi nila isinasagawa ang katotohanan o pinangangasiwaan ang mga usapin batay sa mga prinsipyo kapag may mga nagaganap na alitan, at dahil dito, karaniwan na nangyayari sa buhay iglesia ang mga kaso ng mga paglalantad ng mga pagkukulang ng isa’t isa, mga paghusga sa isa’t isa, at maging ang mga pambabatikos at pagkondena sa isa’t isa. Dahil may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, at madalas silang nasa kalagayan ng kawalan ng katwiran, at namumuhay sila ayon sa mga tiwaling disposisyon nila, at kahit na nauunawaan nila ang ilan sa katotohanan, mahirap para sa kanila na isagawa ito, at madaling umusbong sa pagitan nila ang mga alitan at iba’t ibang uri ng pambabatikos. Kung paminsan-minsang nangyayari ang mga pambabatikos na ito, pansamantala lang ang epekto ng mga ito sa buhay iglesia, pero iyong mga palaging may tendensiyang mambatikos sa isa’t isa ay nagdudulot ng malulubhang paggambala at kaguluhan sa buhay iglesia, at lubha rin silang nakakaapekto at nakakahadlang sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos.