Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (15) Unang Seksiyon
Ikalabindalawang Aytem: Agaran at Tumpak na Tukuyin ang Iba’t Ibang Tao, Pangyayari, at Bagay na Nakagagambala at Nakagugulo sa Gawain ng Diyos at sa Normal na Kaayusan ng Iglesia; Pigilan at Limitahan ang mga Iyon, at Ituwid ang mga Bagay-bagay; Dagdag pa Rito, Pagbahaginan ang Katotohanan Upang Magkaroon ng Pagkilatis ang Hinirang na mga Tao ng Diyos sa Pamamagitan ng mga Gayong Bagay at Matuto Sila Mula sa mga Iyon (Ikatlong Bahagi)
Ang Iba’t Ibang Tao, Pangyayari, at Bagay na Nakagagambala at Nakagugulo sa Buhay Iglesia
Noong huling pagtitipon, nagbahaginan tayo tungkol sa ikalabindalawang responsabilidad ng mga lider at manggagawa: “Agaran at tumpak na tukuyin ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakagagambala at nakagugulo sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia; pigilan at limitahan ang mga iyon, at ituwid ang mga bagay-bagay; dagdag pa rito, pagbahaginan ang katotohanan upang magkaroon ng pagkilatis ang hinirang na mga tao ng Diyos sa pamamagitan ng mga gayong bagay at matuto sila mula sa mga iyon.” Pagdating sa responsabilidad na ito, pangunahin tayong nagbahaginan tungkol sa iba’t ibang problemang nauugnay sa buhay iglesia, na hinati natin sa labing-isang isyu. Sige at basahin mo ang mga ito. (Una, madalas na paglihis sa paksa kapag nagbabahaginan sa katotohanan; ikalawa, pagsasabi ng mga salita at doktrina para ilihis ang mga tao at makuha ang kanilang pagpapahalaga; ikatlo, pagdadaldal tungkol sa mga usapin sa tahanan, pagbubuo ng mga personal na koneksiyon, at pag-aasikaso sa mga personal na usapin; ikaapat, pagpapangkat-pangkat; ikalima, pakikipag-agawan para sa katayuan; ikaanim, pakikibahagi sa mga di-wastong ugnayan; ikapito, pambabatikos at pagbabangayan sa isa’t isa; ikawalo, pagpapakalat ng mga kuru-kuro; ikasiyam, pagbubulalas ng pagkanegatibo; ikasampu, pagpapakalat ng walang batayang mga tsismis; at ikalabing-isa, pagmamanipula at paggambala sa mga halalan.) Noong nakaraan, nagbahaginan tayo tungkol sa ikalimang isyu na ang pakikipag-agawan para sa katayuan at ang ikaanim na isyu na ang pakikibahagi sa mga di-wastong ugnayan. Ang dalawang uri ng mga problemang ito, tulad ng naunang apat na isyu, ay nagdudulot din ng mga kaguluhan at pagkagambala sa buhay iglesia at sa normal na kaayusan ng iglesia. Kung titingnan ang kalikasan ng dalawang uri ng mga problemang ito, ang pinsalang idinudulot ng mga ito sa buhay iglesia, at ang epekto ng mga ito sa buhay pagpasok ng mga tao, maaaring bumuo ang mga ito sa mga tao, pangyayari, at bagay na nakagagambala at nakagugulo sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia.
VII. Pambabatikos at Pagbabangayan sa Isa’t Isa
Ngayon, magbabahaginan tayo tungkol sa ikapitong isyu—pambabatikos at pagbabangayan sa isa’t isa. Ang gayong mga problema ay karaniwan sa buhay iglesia at malinaw sa lahat ng tao. Kapag nagtitipon ang mga tao para kumain at uminom ng salita ng Diyos, magbahaginan tungkol sa mga personal nilang karanasan, o magtalakay ng ilang aktuwal na problema, ang magkakaibang pananaw o debate tungkol sa kung ano ang tama at mali ay madalas na humahantong sa mga pagtatalo at alitan sa pagitan ng mga tao. Kung hindi nagkakasundo ang mga tao at may iba’t iba silang perspektiba, pero hindi ito nakagugulo sa buhay iglesia, maituturing ba ito na pambabatikos at pagbabangayan sa isa’t isa? Hindi nga ito maituturing na gayon; nabibilang ito sa normal na pagbabahaginan. Samakatwid, sa panlabas, maraming problema ang maaaring tila nauugnay sa ikapitong isyu, pero sa katunayan, tanging iyong mga mas malubha pagdating sa mga sitwasyon at kalikasan, at maituturing bilang mga paggambala at panggugulo, ang nabibilang sa ilalim ng isyung ito. Magbahaginan tayo ngayon tungkol sa kung aling kalikasan ng mga problema ang batayan para maging kalipikado ang mga ito na maisama sa ilalim ng isyung ito.
Una, kung titingnan ang mga pagpapamalas ng pambabatikos sa isa’t isa, tiyak na hindi ito tungkol sa normal na pagbabahaginan tungkol sa katotohanan o paghahanap sa katotohanan, o pagkakaroon ng iba’t ibang pagkaunawa o liwanag batay sa pagbabahaginan sa katotohanan, o paghahanap, pagbabahaginan, pagtatalakay sa mga katotohanang prinsipyo, at paghahanap ng landas ng pagsasagawa tungkol sa isang partikular na katotohanan, sa halip, tungkol ito sa pakikipagtalo at pakikipag-alitan sa kung ano ang tama at mali. Sa pangkalahatan ay ganito ito naipapamalas. Nangyayari ba minsan ang ganitong uri ng isyu sa buhay iglesia? (Oo.) Batay lang sa mga panlabas na hitsura, malinaw na ang pagkilos tulad ng pambabatikos sa isa’t isa ay tiyak na hindi tungkol sa paghahanap sa katotohanan, o tungkol sa pagbabahaginan sa katotohanan sa ilalim ng paggabay ng Banal na Espiritu, o tungkol sa pakikipagtulungan nang matiwasay, sa halip, nakaugat ito sa pagkamainitin ng ulo, at ang wikang ginamit dito ay naglalaman ng paghusga at pagkondena, at maging ng mga pagsumpa—ang ganitong uri ng pagpapamalas ay tunay na isang pagbubunyag ng tiwaling disposisyon ni Satanas. Kapag binabatikos ng mga tao ang isa’t isa, matalas man o maingat ang wika nila, nakapaloob dito ang pagkamainitin ng ulo, ang pagkakaroon ng masamang hangarin, at pagkamuhi, at wala itong pagmamahal, pagpaparaya, at pagtitiis, at likas na lalong wala itong matiwasay na pakikipagtulungan. Iba’t iba ang mga pamamaraang ginagamit ng mga tao para batikusin ang isa’t isa. Halimbawa, kapag tinatalakay ng dalawang tao ang isang usapin, sinasabi ni A kay B, “May masamang pagkatao at mayabang na disposisyon ang ilang tao; nagpapakitang-gilas sila sa tuwing may kaunti silang ginagawa, at hindi sila nakikinig sa kaninuman. Katulad lang sila ng sinasabi ng mga salita ng Diyos tungkol sa mga barbaro at walang pagkatao gaya ng mga hayop.” Pagkarinig nito, iniisip ni B, “Hindi ba’t ako ang tinutukoy ng sinabi mo? Ginamit mo pa ang mga salita ng Diyos para ilantad ako! Dahil nagsalita ka tungkol sa akin, hindi rin ako magpipigil. Hindi ka naging mabait sa akin, kaya gagawan kita ng mali!” Kaya, sinasabi ni B, “Maaaring tila napakadeboto ng ilang tao sa panlabas, pero ang totoo, sa kaibuturan nila ay mas masahol sila kaysa sa sinupaman. Nakikibahagi pa nga sila sa mga di-wastong ugnayan sa kasalungat na kasarian, tulad lang ng malalandi at mga babaeng bayaran na binanggit sa mga salita ng Diyos—labis na nasusuklam ang Diyos sa gayong mga tao, tutol Siya sa kanila. Ano ang silbi ng pagmumukhang deboto? Pagpapanggap lang ang lahat ng iyon. Pinakaayaw ng Diyos sa mga nagpapanggap; lahat ng nagpapanggap ay mga Pariseo!” Pagkarinig nito, iniisip ni A, “Isa itong kontra-atake laban sa akin! Puwes, hindi ka naging mabait sa akin, kaya huwag mo akong sisisihin kung hindi ako magpipigil!” Nagsimula na silang dalawa na mag-away, sagutan sila nang sagutan. Pagbabahaginan ba ito tungkol sa mga salita ng Diyos? (Hindi.) Ano ang ginagawa nila? (Binabatikos ang isa’t isa at nag-aaway.) Sinusunggaban pa nga nila ang ilang kalamangan at naghahanap ng “batayan” para sa mga pambabatikos nila, ginagamit ang mga salita ng Diyos bilang ang batayan—ito ay pambabatikos sa isa’t isa, at kasabay nito, ito ay pagbabangayan. Nakikita ba minsan sa buhay iglesia ang ganitong anyo ng pagbabahaginan? Normal na pagbabahaginan ba ito? Pagbabahaginan ba ito na nakapaloob sa normal na pagkatao? (Hindi.) Kung gayon, nagdudulot ba ng mga pagkagambala at kaguluhan sa buhay iglesia ang ganitong anyo ng pagbabahaginan? Anong uri ng mga pagkagambala at kaguluhan ang idinudulot nito? (Nagugulo ang normal na buhay iglesia, nasasadlak sa mga alitan ang mga tao tungkol sa kung ano ang tama at mali, at dahil dito, hindi nila tahimik na mapagnilayan at mapagbahaginan ang mga salita ng Diyos.) Kapag nakikibahagi ang mga tao sa gayong pakikipag-away at mga pagtatalo tungkol sa kung ano ang tama at mali, at nagsasagawa sila ng mga personal na pambabatikos sa panahon ng buhay iglesia, gumagawa pa rin ba ang Banal na Espiritu? Hindi gumagawa ang Banal na Espiritu; labis na nakagugulo sa puso ng mga tao ang ganitong uri ng pagbabahaginan. May ilang salita sa Bibliya, naaalala ba ninyo ang mga ito? (“Muling sinasabi Ko sa inyo, na kung pagkasunduan ng dalawa sa inyo sa lupa ang nauukol sa anumang bagay na kanilang hihingin, ay gagawin sa kanila ng Aking Ama na nasa langit. Sapagkat kung saan nagtitipon ang dalawa o tatlo sa Aking pangalan, ay naroroon Ako sa gitna nila” (Mateo 18:19–20).) Ano ang ibig sabihin ng mga salitang ito? Kapag nagtitipon-tipon ang mga tao sa harap ng Diyos, kailangan maging iisa ang puso at isip nila sa Diyos at kailangan nilang magkaisa sa harap ng Diyos; magkakaloob lang ang Diyos ng mga pagpapala sa kanila, at gagawa lang ang Banal na Espiritu kapag iisa ang puso at isip ng mga tao. Pero iisa ba ang puso at isip ng dalawang taong nagtatalo na kakabanggit Ko ngayon lang? (Hindi.) Ano ang ginagawa nila? Pambabatikos sa isa’t isa, pakikipag-away, at maging paghusga at pagkondena. Bagama’t hindi sila gumamit ng masasamang salita ng pagsumpa o nagbanggit ng mga pangalan sa panlabas, ang motibasyon sa likod ng mga salita nila ay hindi ang pagbahaginan o paghahanap sa katotohanan, at hindi sila nagsasalita sa loob ng konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao. Ang bawat salitang sinasabi nila ay iresponsable, at may pagkaagresibo at pagkamapaminsala; hindi umaayon ang bawat salita sa mga katunayan, ni wala itong anumang batayan. Ang bawat salita ay hindi tungkol sa paghusga sa isang usapin nang ayon sa mga salita at hinihingi ng Diyos, tungkol ito sa pagsisimula ng mga personal na pambabatikos, paghusga, at pagkondena batay sa mga sarili nilang kagustuhan at kalooban laban sa isang taong kinamumuhian at minamaliit nila. Wala sa mga ito ang mga pagpapamalas ng pagiging iisa sa puso at isip; sa halip, ang mga ito ay mga salita at pagpapamalas na nagmumula sa pagkamainitin ng ulo at sa tiwaling disposisyon ni Satanas, at hindi nakakalugod ang mga ito sa Diyos; samakatwid, walang gawain ng Banal na Espiritu roon. Isa itong pagpapamalas ng pambabatikos sa isa’t isa.
Sa buhay iglesia, madalas na lumilitaw ang mga alitan at di-pagkakasundo sa pagitan ng mga tao tungkol sa maliliit na usapin o sa magkasalungat na mga pananaw at interes. Madalas ding nagaganap ang mga alitan dahil sa mga hindi magkatugmang personalidad, ambisyon, at kagustuhan. Lumilitaw rin ang iba’t ibang uri ng pagtatalo at di-pagkakasundo sa mga indibidwal dahil sa mga pagkakaiba sa katayuan sa lipunan at antas ng pinag-aralan, o mga pagkakaiba sa usapin ng pagkatao at kalikasan nila, at maging mga pagkakaiba sa usapin ng mga paraan ng pananalita at pangangasiwa sa mga usapin, bukod pa sa ibang mga dahilan. Kung hindi hahangarin ng mga tao na lutasin ang mga isyung ito gamit ang salita ng Diyos, kung walang pagkakaunawaan, pagpaparaya, pagsuporta, at pagtulong sa isa’t isa, at kung sa halip ay magkikimkim ang mga tao ng mga pagkiling at pagkamuhi sa puso nila, at tatratuhin ang isa’t isa nang may pagkamainitin ng ulo sa loob ng mga tiwaling disposisyon, malamang na hahantong ito sa mga pambabatikos at paghusga sa isa’t isa. May kaunting konsensiya at katwiran ang ilang tao, at kapag nagaganap ang mga alitan, nagagawa nilang magpasensiya, kumilos nang may katwiran, at tulungan ang kabilang panig nang may pagmamahal. Gayumpaman, hindi ito makamit ng ilang tao, wala sila kahit ng pinakabatayang pagpaparaya, pagpapasensiya, pagkatao, at katwiran. Madalas silang nagkakaroon ng iba’t ibang pagkiling, paghihinala, at maling pagkaunawa laban sa iba tungkol sa maliliit na usapin, o sa iisang salita o ekspresyon ng mukha, na humahantong sa pagkakaroon nila ng iba’t ibang uri ng kaisipan, pagdududa, paghusga, at pagkondena sa mga ito sa puso nila. Madalas na nagaganap sa loob ng iglesia ang mga penomenong ito at kadalasang nakakaapekto sa normal na ugnayan sa pagitan ng mga indibidwal, sa matiwasay na pakikisalamuha ng mga kapatid, at maging sa pagbabahaginan nila sa mga salita ng Diyos. Karaniwang lumilitaw ang mga alitan kapag nakikisalamuha ang mga tao sa isa’t isa, pero kung madalas na lumitaw ang gayong mga isyu sa buhay iglesia, puwedeng makaapekto, makagulo, at makasira pa nga ang mga ito sa normal na buhay iglesia. Halimbawa, kung magsisimula ang isang tao ng isang pagtatalo sa isang pagtitipon, magugulo ang pagtitipong iyon, hindi magbubunga ang buhay iglesia, at walang anumang makakamit iyong mga dumadalo sa naturang pagtitipon, at sa katunayan ay magtitipon-tipon sila nang walang saysay at mag-aaksaya ng oras nila. Dahil dito, nakaapekto na ang mga isyung ito sa normal na kaayusan ng buhay iglesia.
A. Ilang Uri ng Pagpapamalas ng Pambabatikos at Pagbabangayan sa Isa’t Isa
1. Paglalantad ng mga Pagkukulang ng Isa’t Isa
Mahilig magdaldal ang ilang tao tungkol sa mga usapin sa tahanan at di-mahahalagang paksa sa panahon ng mga pagtitipon, at nakikipag-usap sila tungkol sa maliliit na usapin sa tahanan at nakikipagdaldalan sa mga kapatid sa tuwing nakakatagpo nila ang mga ito, at dahil dito ay nararamdaman ng mga kapatid na wala silang magawa. Maaaring may isang taong tumindig para sumingit sa kanila, pero ano ang nangyayari pagkatapos? Kung palagi silang sinisingitan, hindi sila nasisiyahan, at nagiging problema ang pagiging hindi masaya nila. Iniisip nila: “Palagi mo akong sinisingitan at hindi mo ako hinahayaang magsalita. Puwes. Sisingit din ako kapag nagsalita ka! Kapag nakikipagbahaginan ka tungkol sa mga salita ng Diyos, isisingit ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos. Kapag nakikipagbahaginan ka tungkol sa pagkakilala sa sarili mo, makikipagbahaginan ako tungkol sa mga salita ng Diyos na humahatol sa mga tao. Kapag nakikipagbahaginan ka tungkol sa pag-unawa sa mayabang mong disposisyon, makikipagbahaginan ako tungkol sa mga salita ng Diyos hinggil sa pagtukoy sa mga kalalabasan at kahahantungan ng mga tao. Anuman ang sabihin mo, may iba akong sasabihin!” Hindi lang iyon, kung sasali ang iba para sumingit sa kanila, titindig ang indibidwal na ito at babatikusin ang mga ito. Kasabay nito, dahil nagkikimkim siya ng sama ng loob at pagkamuhi sa puso niya, madalas niyang inilalantad sa mga pagtitipon ang mga pagkukulang ng taong sumingit sa kanya, sinasabi kung paanong nandaya ng ibang mga tao sa negosyo ang taong iyon bago ito nanampalataya sa Diyos, kung gaano ito kawalang-konsensiya sa mga pakikitungo nito sa iba, at iba pa—binabanggit niya ang mga bagay na ito sa tuwing nagsasalita ang taong iyon. Sa umpisa, nagagawang magpasensiya ng taong iyon, pero sa paglipas ng panahon, nagsisimula na siyang mag-isip: “Palagi kitang tinutulungan, palagi akong nagpaparaya at nagpapasensiya sa iyo, pero hindi ka nagpaparaya sa akin kahit papaano. Kung tatratuhin mo ako nang ganito, huwag mo akong sisisihin kung hindi na ako magpipigil! Napakatagal na nating nakatira sa iisang nayon—kilalang-kilala natin ang isa’t isa. Binatikos mo ako, kaya babatikusin kita; inilantad mo ang mga pagkukulang ko, pero marami ka rin namang pagkukulang.” Kaya naman, sinasabi niya, “Nagnakaw ka pa nga ng mga bagay-bagay noong bata ka pa; mas kahiya-hiya iyong maliliit na pagnanakaw mo! Kahit papaano, pagnenegosyo naman ang ginawa ko, para sa kabuhayan ang lahat ng iyon. Sino ba ang hindi nakakagawa ng ilang pagkakamali sa mundong ito? Paano naman ang pag-uugali mo? Ang pag-uugali mo ay ang pag-uugali ng isang magnanakaw, ng isang mandurukot!” Hindi ba’t pambabatikos ito sa isa’t isa? Ano ang pamamaraan ng mga pambabatikos na ito? Ito ay paglalantad ng mga pagkukulang ng isa’t isa, hindi ba? (Oo.) Iniisip pa nga niya: “Patuloy mong inilalantad ang mga pagkukulang ko, ipinapaalam sa lahat ang mga ito at ang kahiya-hiyang nakaraan ko, para hindi na ako galangin ng iba—puwes, kung gayon, hindi na rin ako magpipigil. Alam ko kung gaano na karami ang naging kasintahan mo, kung ilang tao na ng kasalungat na kasarian ang nakarelasyon mo; nakahanda na ang lahat ng balang ito. Kung ilalantad mo pa ulit ang mga pagkukulang ko at gagalitin mo ako nang husto, isisiwalat ko ang lahat ng maling gawa mo!” Ang paglalantad ng mga pagkukulang ng isa’t isa ay isang karaniwang isyu sa mga taong magkakilala na at marami nang alam sa isa’t isa. Maaaring dahil sa di-pagkakasundo o dahil may mga alitan o sama ng loob sa pagitan nila, ginagamit ng dalawang tao ang mga luma at maliit na isyu bilang sandata para batikusin ang isa’t isa sa panahon ng mga pagtitipon. Inilalantad ng dalawang ito ang mga pagkukulang ng isa’t isa at binabatikos at kinokondena nila ang isa’t isa, kinokonsumo ang oras ng lahat na dapat sana ay para sa pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos, at nakakaapekto sa normal na buhay iglesia. Maaari bang magbunga ang gayong mga pagtitipon? Ginaganahan pa bang makipagtipon ang mga tao sa paligid nila? Nagsisimula nang isipin ng ilang kapatid: “Talagang problema ang dalawang ito, ano ba ang silbi ng pagbabanggit sa mga usaping iyon ng nakaraan! Pareho na silang nananampalataya sa Diyos ngayon, dapat bitiwan na nila ang mga bagay na iyon. Sino ba ang walang mga isyu? Hindi ba’t humarap na silang dalawa sa Diyos ngayon? Maaaring malutas ang lahat ng isyung ito gamit ang salita ng Diyos. Ang paglalantad ng mga pagkukulang ay hindi pagsasagawa sa katotohanan, ni hindi ito pagkatuto mula sa mga kalakasan ng isang tao para punan ang sariling mga kahinaan; ito ay mga pambabatikos sa isa’t isa, ito ay satanikong pag-uugali.” Nakagugulo at nakasisira sa normal na buhay iglesia ang mga pambabatikos nila sa isa’t isa. Walang makapipigil sa kanila, at hindi sila makikinig sinuman ang makipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan. Pinapayuhan sila ng ilang tao: “Itigil na ninyo ang paglalantad ng mga pagkukulang ng isa’t isa. Sa totoo lang, hindi naman malaking isyu ang buong usaping ito; hindi ba’t maikling sagutan lang ito? Wala namang matinding pagkamuhi sa pagitan ninyong dalawa. Kung magagawa ninyo pareho na maging bukas, ilantad ang sarili ninyo, bitiwan ang mga pagkiling, sama ng loob, at pagkamuhi ninyo para magdasal at hanapin ang katotohanan sa harap ng Diyos, malulutas ang lahat ng isyung ito.” Pero hindi pa rin magkasundo ang dalawang tao. Sinasabi ng isa sa kanila, “Kung magagawa niyang maunang humingi ng tawad sa akin, at kung siya ang unang magbubukas at maglalantad ng sarili niya, gagawin ko rin iyon. Pero kung tulad ng dati, hindi niya bibitiwan ang isyung ito, hindi ako magpipigil laban sa kanya! Sinasabihan mo akong isagawa ko ang katotohanan—bakit hindi niya isagawa iyon? Sinasabihan mo akong bitiwan ko ang mga bagay-bagay—bakit hindi siya ang maunang gumawa nito?” Hindi ba’t pagiging hindi makatwiran ito? (Oo.) Nagsisimula silang kumilos nang hindi makatwiran. Walang epekto sa kanila ang payo ng sinuman, at hindi sila nakikinig sa pagbabahagi tungkol sa katotohanan. Sa sandaling magkita sila, nagtatalo na sila, inilalantad na nila ang mga pagkukulang ng isa’t isa at binabatikos nila ang isa’t isa. Maliban sa hindi pagsusuntukan, may pagkamuhi sa lahat ng ginagawa nila sa isa’t isa, at may halong pambabatikos at pagsumpa ang bawat salitang binibitiwan nila. Kung, sa buhay iglesia, may dalawang taong ganito na nambabatikos at nagbabangayan sa sandaling makita nila ang isa’t isa, maaari bang magbunga ang buhay iglesia na ito? May makakamit bang anumang positibo rito ang mga tao? (Wala.) Kapag lumilitaw ang gayong mga sitwasyon, nag-aalala ang karamihan ng tao, sinasabi nila, “Sa tuwing nagtitipon tayo, palaging nag-aaway ang dalawang iyon, at hindi sila nakikinig sa payo ng sinuman. Ano ang dapat nating gawin?” Hangga’t naroroon sila, hindi payapa ang mga pagtitipon, at nagugulo nila ang lahat ng tao. Sa gayong mga kaso, dapat mamagitan ang mga lider ng iglesia para lutasin ang isyu; hindi nila dapat hayaang patuloy na guluhin ng gayong mga indibidwal ang buhay iglesia. Kung, pagkatapos ng paulit-ulit na payo, pakikipagbahaginan, at positibong paggabay ay walang nakakamit na mga resulta, at patuloy na pinanghahawakan ng dalawang panig ang mga pagkiling nila at ayaw nilang patawarin ang isa’t isa, at patuloy nilang binabatikos ang isa’t isa at ginugulo ang buhay iglesia, kailangan nang pangasiwaan ang usapin ayon sa mga prinsipyo. Dapat sabihin sa kanila: “Kayong dalawa ay matagal nang nasa ganitong kalagayan, at nagdulot ito ng matitinding kaguluhan sa buhay iglesia at sa lahat ng kapatid. Galit ang karamihan ng tao sa pag-uugali ninyong ito, pero natatakot silang magsalita tungkol dito. Dahil sa kasalukuyan ninyong saloobin at mga pagpapamalas, alinsunod sa mga prinsipyo, kailangang suspendihin ng iglesia ang pakikilahok ninyo sa buhay iglesia at ibukod kayo para pagnilayan ang sarili ninyo. Kapag kaya na ninyong magkasundo nang matiwasay, lumahok sa normal na pakikipagbahaginan, at magkaroon ng mga normal na ugnayan sa ibang tao, kung gayon, puwede na kayong bumalik sa buhay iglesia.” Sumang-ayon man sila rito o hindi, dapat magdesisyon nang ganito ang iglesia; pangangasiwa ito sa usapin batay sa mga prinsipyo. Kailangang pangasiwaan sa gayong paraan ang mga usaping ito. Sa isang banda, nakakabuti ito para sa dalawang indibidwal; maaari itong makahikayat sa kanila na magnilay-nilay at kilalanin ang sarili nila. Sa kabilang banda, pangunahin nitong pinoprotektahan ang mas marami pang mga kapatid mula sa panggugulo ng masasamang tao. Sinasabi ng ilang tao, “Wala naman silang ginawang anumang kasamaan; sa usapin naman ng diwa nila, hindi rin sila masasamang tao. May maliliit lang silang kapintasan sa pagkatao nila, sutil lang sila, may tendensiya na maging hindi makatwiran, at may tendensiya na mainggit at makipag-alitan. Bakit sila ibubukod nang dahil lang dito?” Anuman ang pagkatao nila, basta’t nagdudulot sila ng kaguluhan sa buhay iglesia, dapat mamagitan ang mga lider ng iglesia para tugunan at lutasin ang isyu. Kung masama ang dalawang indibidwal na ito, sa sandaling makilatis ito, ang tugon ay hindi dapat ang simpleng ibukod sila; dapat magdesisyon kaagad na direkta silang paalisin. Kung ang mga kilos nila ay limitado sa pambabatikos sa isa’t isa at pagtatalo tungkol sa tama at mali nang hindi nagdudulot ng pinsala sa iba o gumagawa ng ibang masamang gawa na magdudulot ng mga kawalan sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, at hindi sila masama, hindi na sila kailangan pang paalisin. Sa halip, dapat suspendihin ang buhay iglesia nila, at dapat silang ibukod para pagnilayan ang sarili nila. Pinakaangkop ang pamamaraang ito. Ang layon ng pangangasiwa sa isyu sa ganitong paraan ay para masiguro ang normal na kaayusan ng buhay iglesia at matiyak na makakapagpatuloy nang normal ang gawain ng iglesia.