Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (14) Ikaapat na Seksiyon
C. Mga Di-wastong Ugnayan na may Kasamang mga Pansariling Interes
Ang isa pang uri ng di-wastong ugnayan ay iyong mga may pansariling interes. Ang mga tao ay gumagawa ng mga bagay-bagay tulad ng pambobola, pagtataas, pagpupuri, at pagpapalakas sa isa’t isa alang-alang sa mga interes. Ang pagdadala ng gayong baluktot na asal at buktot na atmospera sa buhay iglesia ay lubhang nakakaapekto sa iba na tahimik na nagbabasa ng mga salita ng Diyos o nakikinig sa mga ibinabahaging karanasan. Sa sandaling maitatag ang isang ugnayang may mga pansariling interes, ang mga sangkot na indibidwal ay madalas na magsasabi o gagawa ng mga bagay-bagay na lumalabag sa kanilang mga pagnanais, para sa sarili nilang pakinabang. Halimbawa, kung nakikita ng isang tao na ang isa pang tao ay maaaring mapakinabangan sa kanyang negosyo o mga interes sa ilang paraan, maaaring piliin niya ang taong iyon bilang lider, inomina ito para sa isang partikular na tungkulin, o sang-ayunan niya ang anumang sinasabi ng taong ito, ipinapahayag na tama ito, hindi alintana kung naaayon ito sa katotohanan o hindi, para sumipsip sa taong ito. Upang sumipsip sa taong ito, gumagawa siya ng maraming bagay na hindi naaayon sa mga prinsipyo at sumasalungat sa katotohanan, na nakakagulo sa hinirang na mga tao ng Diyos sa pagkilatis sa mga tao, pangyayari, at bagay, at sa pagpasok sa katotohanan. Inilalarawan niyang tama ang isang bagay na mali at baluktot, inilalarawan ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao bilang naaayon sa mga layunin ng Diyos, at iba pa, kaya nagugulo ang mga isipan at ang tamang direksiyon at layon ng kanilang paghahangad. Ang lahat ng pag-uugaling ito ay nag-uugat mula sa pagpapanatili niya sa isang ugnayang may mga pansariling interes. Para maprotektahan at mapanatili ang sarili niyang mga interes, kaya niyang magsalita laban sa kanyang konsensiya at kumilos nang laban sa mga prinsipyo. Ang mga sinasabi at ginagawa niya ay nagdudulot ng mga kaguluhan at pagkasira sa buhay iglesia, na sa huli ay nagtutulak sa mas maraming tao na hindi makapagbahaginan ng mga salita ng Diyos, makapagdasal-makapagbasa ng mga salita ng Diyos, o makapagbahagi ng mga personal na karanasan sa normal at maayos na paraan, na nagreresulta sa mga kawalan sa buhay pagpasok ng mga tao. Kapag nagbabahaginan ang mga tao ng kanilang mga personal na pagkaunawang batay sa karanasan, madalas silang nakakaranas ng panghihimasok mula sa mga ugnayan ng mga tao na may mga pansariling interes; ang ilan ay pasalitang panghihimasok, ang ilan ay sa pag-uugali, at ang iba naman ay nauukol sa mga layon at direksiyon. Madalas na nauudlot ang pagbabahaginan ng mga tao sa katotohanan at ang pagdarasal-pagbabasa nila ng mga salita ng Diyos, madalas silang naililihis ng paksa, at madalas na naaapektuhan sa iba’t ibang antas. Samakatwid, dapat limitahan ang mga nakikibahagi sa mga di-wastong ugnayan na may kasamang mga pansariling interes at mga kaugnay na pag-uugali. Hindi dapat magbulag-bulagan ang mga lider ng iglesia na nahaharap sa mga isyung ito, at lalong hindi nila dapat kunsintihin ang gayong masamang gawa, hinahayaan ang paglitaw ng mga gayong usapin sa loob ng buhay iglesia. Sa halip, dapat silang maging mapagbantay at matalas ang pakiramdam, at agaran nilang pigilan at limitahan ang mga ito.
Ang pakikibahagi sa mga di-wastong ugnayan na may kasamang mga pansariling interes ay isang karaniwang pangyayari sa loob ng iglesia. Halimbawa, kung plano ng isang tao na tumakbo sa halalan bilang ang susunod na lider ng iglesia, maaari niyang hikayatin ang isang grupo ng mga tao at ibunyag sa mga ito ang kanyang mga ideya. Hindi naman hangal ang mga taong ito; nagpapahiwatig ang mga ito: “Kung ihahalal ka namin, anong mga pakinabang ang maibibigay mo sa amin?” Kaya, nabubuo sa pagitan nila ang isang ugnayang batay sa mga pansariling interes. Para mapanatili ang kanilang mga pansariling interes, madalas silang may parehong paninindigan tungkol sa mga isyu sa oras ng mga pagtitipon. Nang hindi namamalayan o nalalaman ng iba ang pinagmulan, palagi nilang ikinukuwento kung gaano kabuti ang isang tao, kung paanong pinahihintulutan at pinagpapala ng Diyos ang ginagawa ng isa pang tao, kung sino ang nagbigay ng mga handog at kung gaano kalaki ang inihandog nito, at kung sino ang may mga naiambag sa sambahayan ng Diyos, madalas na pinupuri at hinahangaan ang isa’t isa. Sa buhay iglesia, madalas nilang inilalabas ang mga bagay na ito bilang pagsuporta sa napagkasunduan nila noon at para itaguyod ang pareho nilang mga interes. Halimbawa, maaaring sabihin ng isang tao, “Kung ihahalal mo ako bilang lider, sa sandaling makuha ko ang aking posisyon, gagawin kitang isang lider ng grupo.” Hindi ba’t naghahanap silang lahat ng pansariling pakinabang? Para maisakatuparan ang kanilang mga interes, hindi ba’t kailangan nilang magsabi ng mga partikular na bagay, o gumawa ng mga partikular na kilos? Kaya naman, nagpapakita sila ng iba’t ibang pagpapamalas sa panahon ng mga pagtitipon, na pawang nakatutok sa pagtataguyod ng napagkasunduan nila noon at sa mga sangkot na interes. Bago makamit ang kanilang layon, karamihan sa ginagawa nila ay bunsod ng mga interes. Kaya, hindi ba’t talagang hindi wasto ang mga intensiyon at pakay sa likod ng kanilang mga sinasabi at ginagawa? Hindi ba’t ang ugnayang nabuo sa pagitan nila ay isang di-wastong ugnayan? Hindi ba’t dapat limitahan ang mga gayong di-wastong ugnayan sa loob ng iglesia? May ilan na nagsasabi, “Paano namin malilimitahan ito kung hindi naman ito natutuklasan?” Ang mga gayong usapin, maliban na lang kung hindi talaga ginawa, sa sandaling maisagawa, ay matutuklasan at malalantad. Kung magbabahaginan nang maayos ang mga tao sa katotohanan at sa kanilang mga personal na pagkaunawa at karanasan, nang hindi hinahaluan ng anumang walang kinalaman sa katotohanan, maaaring maunawaan ito ng lahat. Kung mayroong mga karumihan, makikilatis din ito ng mga tao. Kaya naman, sa iglesia, ang iba’t ibang transaksiyonal na ugnayang lumilitaw para sa pagpapanatili ng mga interes ng isa’t isa ay dapat ding limitahan; sa pinakamababa, ang mga sangkot dito ay dapat bigyan ng babala at bahaginan, hinahayaan silang makilala ang sarili nilang mga isyu at maunawaan ang malulubhang kahihinatnan ng pakikibahagi sa mga gayong gawa, habang binibigyang-daan din ang mga kapatid na makilatis ang kalikasan ng mga usaping ito. Ano ang epekto ng ganitong uri ng gawa sa karamihan sa mga tao? Tinutulak nito ang mga tao na isipin na wala namang gaanong kaibahan sa pagitan ng iglesia at ng lipunan, parehong mga lugar kung saan sinasamantala ng lahat ang isa’t isa at ang mga tao ay nakikipagtransaksiyon para sa sarili nilang mga pakinabang. Ang ganitong pag-uugali ay hindi katamtamang panggugulo, bagkus, bumubuo ito ng malubhang kaguluhan sa buhay iglesia. Sabihin mo sa Akin, mabuting tao ba ang isang tao na palaging nanghihikayat ng mga tao para makuha ang kanilang mga boto sa halalan, gumagamit ng mga hindi pangkaraniwang paraan para manipulahin ang halalan at makamit ang posisyon ng lider? Malinaw na hindi mabubuting tao ang mga lider na nahalal sa ganitong paraan. May maaasahan bang mabuti ang mga kapatid na nahulog sa mga kamay nila? Kung naging lider ang isang tao sa pamamagitan ng mga hindi pangkaraniwang paraan, sa halip na maihalal batay sa mga prinsipyo, tiyak na hindi mabuting tao ang gayong lider. Kung pahihintulutan siyang mamuno, katumbas iyon ng hayagang pagpasa sa mga kapatid sa kamay ng isang masamang tao, sa isang anticristo, kung saan karamihan sa mga tao ay para na ring naihatid sa mga kamay ni Satanas; sa gayong senaryo, mahahalata kung ano ang mga bunga ng kanilang buhay iglesia. Ito ay isang uri ng di-wastong ugnayan na nakatali sa mga interes. Sa pagitan man ng mga grupo o indibidwal, sa sandaling may sangkot na mga interes ang mga ugnayan sa pagitan ng mga tao, mas pipiliin nila ang kanilang mga pansariling pakinabang sa kanilang mga kilos sa halip na kumilos ayon sa mga prinsipyo para itaguyod ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ang mga gayong ugnayan ay hindi itinatag batay sa konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao, kundi kontra kapwa sa konsensiya at katwiran, at lalo na sa mga katotohanang prinsipyo. Ang kanilang sinasabi, ginagawa, at ipinapakita, pati na ang kanilang mga intensiyon, pakay, motibasyon, pinagmulan, at iba pa, ay inuudyukan lahat ng mga interes; kaya, maaaring tukuyin bilang di-wasto ang ganitong mga ugnayan. Dahil ang pagkabuo ng mga gayong ugnayan ay nakakagulo sa hinirang na mga tao ng Diyos sa pamumuhay ng buhay iglesia, ginagawang mahirap para sa karamihan ng tao na basahin ang mga salita ng Diyos at pagbahaginan ang katotohanan nang may katahimikan sa harap ng Diyos. Ang mga gayong di-wastong ugnayan ay dapat limitahan sa loob ng iglesia. Para sa mga kasong malubha at bumubuo ng pag-uugali ng masasamang tao, dapat silang bigyan ng mga babala, at kung hindi magsisisi ang mga sangkot dito anuman ang mangyari, dapat silang paalisin sa iglesia.
D. Pagkamuhi sa Pagitan ng mga Indibidwal
Ang mga di-wastong pakikipag-ugnayan sa pagitan ng mga tao ay may iba’t ibang pagpapamalas. Ang isa pa sa mga ito ay ang personal na pagkamuhi. Halimbawa, maaaring lumitaw sa loob ng mga pamilya ang alitan o mga hindi pagkakasundo sa pagitan ng biyenan at manugang, sa pagitan ng mga maghipag, o sa pagitan ng magkapatid na lalaki, o maaaring lumitaw ang mga ito sa pagitan ng magkakapitbahay. Minsan, nauuwi pa ito sa pagkamuhi, at, gaya ng mga magkaaway, hindi nila magawang magtulungan o gumawa nang magkasama, hanggang sa punto na hindi man lang nila kayang harapin ang isa’t isa, at nagtatalo at nag-aaway sila sa tuwing nagkakaharap. Kapag nagkikita-kita sila sa mga pagtitipon, puno rin ng pagkamuhi ang puso nila, at hindi nila magawang patahimikin ang sarili nila sa harap ng Diyos para matamasa ang salita ng Diyos at mapagnilayan at makilala ang kanilang sarili, at lalong hindi nila magawang bitiwan ang kanilang mga masamang palagay at pagkamuhi para magkaroon ng normal na pagtitipon. Sa halip, sa tuwing nagkikita-kita sila, nagkakaroon sila ng mga pagtatalo at labanan, inilalantad nila ang mga pagkukulang ng isa’t isa at binabatikos ang isa’t isa, at minumura pa nga ang isa’t isa, nagkakaroon ng malalim na negatibong epekto sa hinirang na mga tao ng Diyos. Ang mga gayong tao ay mga hindi mananampalataya; sila ay mga walang pananampalataya. Para sa mga taos-pusong nananampalataya sa Diyos at nagmamahal sa katotohanan, anuman ang mangyari, o kahit kanino pa sila mayroong mga hindi pagkakasundo, o kung kanino man sila nagkikimkim ng mga maling palagay, nagagawa nilang hanapin ang katotohanan, pagnilayan at kilalanin ang kanilang sarili, at lutasin ang mga isyu ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kung may nagawa silang mali at may utang na loob sila sa isang tao, kaya nilang kusang humingi ng tawad at umamin sa kanilang mga pagkakamali; tiyak na hindi nila pipiliing magsanhi ng mga argumento o problema sa mga pagtitipon. Ganap na hindi naaayon sa kagandahang-asal ng mga banal na makibahagi sa mga hindi pagkakasundo at magdulot ng mga kaguluhan sa iglesia; ang gayong pag-uugali ay lubhang nagdudulot ng kahihiyan sa Diyos. Ang mga taong kumikilos sa ganitong paraan ay walang pagkatao, konsensiya, at katwiran sa malaking antas; sila ay tiyak na hindi mga tunay na mananampalataya sa Diyos. Ang isyung ito ay medyo mas karaniwan sa mga bagong mananampalataya. Dahil hindi nauunawaan ng mga bagong mananampalataya ang katotohanan, at hindi pa nadalisay ang kanilang mga tiwaling disposisyon, madali para sa kanila na makibahagi sa mga hindi pagkakasundo tungkol sa maraming bagay, at hinahayaan pa ngang sumabog ang kanilang pagkamainitin ng ulo at sumali sa mga away. Kung hindi malulutas ang mga tiwaling disposisyong ito, magkikimkim ang mga tao ng pagkamuhi sa puso nila, at kahit kapag namumuhay ng buhay iglesia, makikibahagi pa rin sila sa mga walang katapusang hindi pagkakasundo kasama ang pagkamainitin ng ulo at pagkamuhing ito. Nakakaapekto ito sa buhay iglesia, nakakaapekto sa pagkain at pag-inom ng mga hinirang ng Diyos ng mga salita ng Diyos, pagpuri nila sa Diyos, at pagbabahagi sa kanilang mga pagkaunawa sa mga salita ng Diyos na batay sa karanasan. Direkta rin itong nakakaapekto sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. May ilang bagong mananampalataya na madaling masangkot sa mga pagtatalo tungkol sa maliliit na isyu. Halimbawa, bago magsimula ang isang pagtitipon, maaaring gusto ng ilan na umawit ng isang himno habang ang iba naman ay iba ang gusto—kahit ang gayong maliit na bagay ay madaling humantong sa mga hindi pagkakasundo. Gayundin, ang magkakaibang opinyon tungkol sa isang usapin ay maaaring humantong agad sa mga debate minsan, at maging ang pananakit ng damdamin sa isang tao dahil sa kawalan ng pagsasaalang-alang sa pananalita ay maaaring magbunsod ng mga pagtatalo. Karaniwan sa mga bagong mananampalataya ang ganitong mga uri ng insidente. Kapag lumilitaw ang mga hindi pagkakasundo sa oras ng mga pagtitipon, likas na ginugulo ng mga ito ang buhay iglesia. Hindi ba’t ginugulo rin nito ang hinirang na mga tao ng Diyos? Ang mga taong mahilig makipagtalo at makipagdebate tungkol sa kung sino ang tama at mali ang siyang pinakamadaling nakakagulo sa buhay iglesia. Ang inaalala lang nila ay matugunan ang kanilang banidad at reputasyon nang hindi isinasaalang-alang ang mga interes ng hinirang na mga tao ng Diyos. Sa pagkilos nang ganito, hindi ba’t ginugulo nila ang buhay iglesia? (Oo.) Ang iglesia ay isang lugar kung saan nagsasama-sama ang mga kapatid upang kumain, uminom, at tamasahin ang mga salita ng Diyos; ito ay isang lugar ng pagpapasakop at pagsamba sa Diyos. Hinding-hindi ito isang lugar para ibulalas ang personal na sama ng loob, at lalong hindi ito lugar para sa pakikipag-away o pakikipagtalo tungkol sa tama at mali. Kapag ang mga gayong tao ay gumagawa ng kaguluhan sa ganitong paraan, ano ang nagiging bunga nito? Direkta itong nagreresulta sa pagkawala ng kasiyahan sa mga pagtitipon; dahil dito, hindi makamit ng hinirang na mga tao ng Diyos ang pagpapatibay sa buhay, at karamihan pa nga sa mga tao ay hindi makahanap ng kapayapaan, nagdurusa nang labis-labis. Sa paglipas ng panahon, nagiging negatibo at mahina ang ilan, nag-aatubili pa ngang dumalo sa mga pagtitipon. Karaniwan ang ganitong sitwasyon sa karamihan sa mga iglesia, at naranasan na ito ng lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos. Kaya, paano dapat lutasin ang isyu ng madalas na mga pagtatalo at pag-aaway sa mga pagtitipon? Dapat piliin ang ilang sipi ng mga salita ng Diyos na may kinalaman sa isyu at sama-samang basahin ang mga ito nang maraming beses sa mga pagtitipon; pagkatapos, dapat magbahaginan ang lahat tungkol sa katotohanan, ibinabahagi ang kanilang pagkaunawa. Ang pamamaraang ito ay maaaring magbunga ng ilang resulta. Bukod sa makikilala ng mga taong mahilig makipagtalo ang kanilang mga pagsalangsang at makakaramdam sila ng pagsisisi, ang mga manonood ay makakapagnilay rin kung naibunyag ba nila ang kanilang mga tiwaling disposisyon sa parehong mga sitwasyon at kung may kakayahan ba silang makipagtalo sa iba—sa ganitong paraan, makikilala rin ng mga manonood ang kanilang sarili. Nasasangkot man o hindi ang isang tao sa mga hindi pagkakasundo, pagkatapos basahin ang ilang sipi ng mga salita ng Diyos nang ilang beses, makikilala na niya ang sarili niyang mga tiwaling disposisyon at makikita na ang pamumuhay ayon sa mga tiwaling disposisyon ay talaga ngang nangangahulugan ng kawalan ng konsensiya at katwiran, at hindi pagkakaroon ng ni katiting na pagkatao. Ang mga epekto ng ganitong pamumuhay sa buhay iglesia ay hindi na masama, tama? Bagama’t maaaring mayroong mga hindi pagkakasundo sa umpisa ng isang pagtitipon, kung pagkatapos nito ay makakabasa ang lahat ng mga salita ng Diyos, kung mapapatahimik nila ang kanilang sarili sa harap ng Diyos para magnilay sa kanilang sarili, lutasin ang mga problema gamit ang katotohanan, at tunay na magsisi—kung ang mga resultang ito ay maaaring makamit—kung gayon, ito ay normal na buhay iglesia. Samakatwid, anuman ang mangyari sa oras ng mga pagtitipon ay hindi ibig sabihin na palagi itong masama; basta’t nagkakaisa ang lahat sa puso at isipan para hanapin ang katotohanan, at magkakasamang nagbabasa ng ilang kaugnay na sipi ng mga salita ng Diyos nang ilang beses, kahit hindi ganap na malulutas ang mga problema, medyo maaarok pa rin ng mga tao ang mga ito at magkakaroon sila ng kaunting pagkilatis—makikinabang ang lahat mula rito. Masasabi ba ninyo na mahirap matagpuan ang ganitong buhay iglesia? Ginagawa nitong mabuting bagay ang isang masamang bagay, medyo isa itong pagpapalang nakatago. Gayumpaman, hindi nito dapat akayin ang mga tao na isulong ang ideya na ang mga hindi pagkakasundo at debate ay kanais-nais sa buhay iglesia; tiyak na hindi ito puwedeng isulong. Ang mga hindi pagkakasundo at mga debate ay madaling humantong sa mga silakbo ng pagkamainitin ng ulo at hidwaan, na masama para sa lahat at nagdudulot ng personal na pagkabagabag sa mga sangkot. Kaya naman, ang pinakamainam na pamamaraan ay ang hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga isyu, at sa pag-unawa sa katotohanan, epektibong maiiwasan ang parehong mga insidente sa hinaharap. Ang matatalinong indibidwal ay dapat magkaroon ng mapagpasensiya at matiising saloobin kapag lumilitaw ang mga alitan at sagupaan. Dahil mayroon din silang mga tiwaling disposisyon at madaling makasakit ng iba, kapag ibinubunyag nila ang kanilang mga tiwaling disposisyon, dapat agad silang magdasal sa Diyos at hanapin nila ang katotohanan para malutas ang mga isyu. Sa ganitong paraan, pagdating sa oras ng pagtitipon, napawi na ang lahat ng personal na hinanakit at pagkamuhi sa puso nila, kaya nakakaramdam sila ng pagpapalaya sa puso nila at nagiging madali para sa kanila na makisama nang maayos sa mga kapatid, na nagtataguyod ng maayos na pagtutulungan. Sa tuwing nakakakita ang isang tao ng isang kapatid na nagbubunyag ng tiwaling disposisyon nito, dapat siyang mag-alok ng tulong nang may pagmamahal, hindi manghusga, magkondena, o magtakwil sa kapatid na ito. Maaaring hindi malutas ang mga problema sa isa o dalawang beses na pagtulong, pero kinakailangan pa rin ang pagpapasensiya at pagtitiis. Hangga’t hindi nito ginugulo ang buhay iglesia o hindi ito sadyang gumagawa ng kasamaan, dapat itong tratuhin nang may pagpapasensiya at pagtitiis hanggang sa huli—darating ang araw na matatauhan sila. Kung ang isang tao ay may masamang pagkatao at tumatanggi siya sa anumang tulong, hindi tinatanggap ang katotohanan kahit gaano ito pagbahaginan, kung gayon, hindi siya taos-pusong nananampalataya sa Diyos, at kinakailangang dumistansiya sa mga gayong indibidwal. Kung paulit-ulit niyang ginugulo ang buhay iglesia, dapat siyang pakitunguhan at pangasiwaan ayon sa mga prinsipyo. Kung hindi naman siya isang masamang tao pero madalas siyang nagbubunyag ng kanyang tiwaling disposisyon, namumuhi sa kanyang sarili pero pakiramdam niya ay wala siyang ibang magawa sa sandaling iyon, ang mga gayong indibidwal ay dapat tulungan nang may pagmamahal; tulungan silang maunawaan ang katotohanan at makilatis at makilala ang mga pagbubunyag nila ng katiwalian—sa ganitong paraan, unti-unting mababawasan ang pagbubunyag nila ng katiwalian. Kung ang mga kapatid ay paminsan-minsan lang naaapektuhan ng mga taong ito, maaari silang mapatawad; basta’t walang malalaking problema sa pagkatao nila, at hindi sila mapanlinlang o masasamang tao, dapat silang suportahan at tulungan sa pamamagitan ng pagbabahaginan sa katotohanan. Kung kaya nilang tanggapin ang katotohanan, dapat silang tratuhin nang may pagmamahal. Gayumpaman, kung tatanggi silang magsisi at negatibo nilang naaapektuhan ang buhay iglesia sa loob ng mahabang panahon, dapat silang bigyan ng mga babala at patawan ng mga limitasyon ng mga lider ng iglesia. Kung patuloy silang tatanggi na tanggapin ang katotohanan, masasamang tao ang mga gayong indibidwal. Hindi kayang makisama ng masasamang tao sa kahit sino, sila ay mga bulok na mansanas at mga demonyo. Ang pagpapanatili sa kanila sa iglesia ay magdudulot lamang ng mga pagkagambala at kaguluhan. Kaya naman, ang mga tumatangging magbago sa kabila ng mga paulit-ulit na paalala ay dapat pangasiwaan bilang masasamang tao at paalisin sa iglesia. Hindi mananampalataya at masamang tao ang sinumang madalas na nanggugulo sa buhay iglesia at sa buhay pagpasok ng mga hinirang na tao ng Diyos, at dapat silang alisin sa iglesia. Kahit sino pa ang taong iyon o paano man siya kumilos noon, kung madalas niyang ginugulo ang gawain ng iglesia at ang buhay iglesia, kung tumatanggi siyang mapungusan, at palagi niyang ipinagtatanggol ang kanyang sarili gamit ang maling pangangatwiran, dapat siyang alisin sa iglesia. Ang ganitong paraan ay ganap na para sa kapakanan ng pagpapanatili ng normal na pag-usad ng gawain ng iglesia at sa pagprotekta ng interes ng hinirang na mga tao ng Diyos, na lubos na umaayon sa mga katotohanang prinsipyo at sa mga layunin ng Diyos. Ang buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos at ang gawain ng iglesia ay hindi dapat maapektuhan ng mga hindi pagkakasundo at hindi makatwirang panggugulo ng ilang masamang indibidwal—hindi ito sulit at hindi rin ito makatarungan para sa hinirang na mga tao ng Diyos.
Kung madalas na nagdudulot ng kaguluhan sa iglesia ang masasamang tao, na humahantong sa hindi epektibong buhay iglesia, ang pinakamainam na solusyon ay ikategorya ang mga tao at hatiin ang mga pagtitipon sa iba’t ibang grupo: Magkakasamang magtitipon ang mga nagmamahal sa katotohanan at taos-pusong ginagawa ang kanilang mga tungkulin; magkakasamang magtitipon ang mga nagnanais na hangarin ang katotohanan ngunit hindi ginagawa ang kanilang tungkulin; at magkakasamang magtitipon ang mga mahilig gumawa ng kaguluhan at pagkagambala, magtsismis tungkol sa ibang tao, at manghusga at magkondena sa iba. Sa ganitong paraan, maaaring pangunahing mahati ang iglesia sa tatlong grupo ng mga tao—pinagbubukod-bukod ang bawat isa ayon sa kanilang uri, ika nga—nang sa gayon ay masigurong hindi gagambalain ng mga grupong ito ang isa’t isa sa mga pagtitipon. Ang mga taong may masamang pagkatao, gaano man sila kawalang-pakundangan sa paggawa ng masasamang gawa, ay hindi makakaapekto sa iba kundi ipapahamak lang ang kanilang sarili. May malupit na disposisyon ang ilang tao. Kapag may nagsabi ng isang bagay na nakakasakit o sumasalungat sa kanila, kamumuhian nila ang taong iyon, at nag-iisip sila ng mga paraan upang batikusin at gantihan ito. Gaano man ibahagi ang katotohanan sa kanila, o gaano man sila pungusan, hindi nila ito tinatanggap. Mas pipiliin pa nilang mamatay kaysa magsisi, at patuloy nilang ginugulo ang buhay iglesia. Pinatutunayan nito na masasamang tao sila. Hindi natin dapat patuloy na kunsintihin ang ganitong uri ng masasamang tao. Dapat silang alisin sa iglesia ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ito lang ang paraan upang lubos na malutas ang problemang ito. Anuman ang mga pagkakamali o masamang bagay na nagawa nila, hindi papayag ang mga taong iyon na may malulupit na disposisyon na may sinumang maglantad o magpungos sa kanila. Kapag may naglantad at sumalungat sa kanila, labis silang magagalit, gaganti, at hindi nila kailanman titigilan ang isyu. Wala silang pasensiya at pagtitimpi sa ibang tao, at wala silang pagpaparaya sa iba. Ano ang prinsipyo kung saan nakabatay ang kanilang sariling asal? “Gugustuhin ko pang magkanulo kaysa ipagkanulo.” Sa madaling salita, hindi nila kayang tiisin na masalungat ng kahit sino. Hindi ba’t ito ang lohika ng masasamang tao? Ito mismo ang lohika ng masasamang tao. Walang sinuman ang puwedeng sumalungat sa kanila. Para sa kanila, hindi katanggap-tanggap na galitin sila ng sinuman kahit kaunti, at kinamumuhian nila ang sinumang gumawa nito. Patuloy nilang tutugisin ang taong iyon at hindi titigilan ang isyu—ganito ang masasamang tao. Dapat mong ibukod o paalisin agad ang masasamang tao sa sandaling matuklasan mo na mayroon silang diwa ng masasamang tao, bago pa sila makagawa ng malubhang kasamaan. Makakabawas ito sa pinsalang idinudulot nila; ito ang matalinong pasya. Kung hihintayin ng mga lider at manggagawa na makagawa pa ng kung anong sakuna ang isang masamang tao bago nila ito pangasiwaan, nagiging pasibo sila. Patutunayan niyon na napakahangal at walang mga prinsipyo sa kanilang mga kilos ang mga lider at manggagawa. May ilang lider at manggagawa na ganito kahangal at kamangmang. Ipinipilit nilang maghintay ng tiyak na ebidensiya bago nila pangasiwaan ang masasamang tao dahil iniisip nilang iyon lang ang paraan na mapapanatag ang kanilang isipan. Ngunit sa katunayan, hindi mo na kailangan ng tiyak na ebidensiya para masiguro kung masama ang isang tao. Makikita mo ito sa kanilang mga pang-araw-araw na salita at kilos. Kapag natiyak mo nang masama sila, maaari mong simulan sa paglilimita o pagbubukod sa kanila. Masisiguro nito na hindi maaapektuhan ang gawain ng iglesia o ang buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Hindi kayang kilatisin ng ilang lider at manggagawa kung sino ang masama, ni hindi nila kayang pangasiwaan ang masasamang tao nang maagap. Dahil dito, naaapektuhan ang gawain ng iglesia at ang buhay iglesia, at nahahadlangan ang buhay pagpasok ng mga hinirang na tao ng Diyos. Napakahangal nito. Ganito isinasakatuparan ng mga huwad na lider ang gawain. Sa isang banda, wala silang pagkilatis, at sa kabilang banda, mga mapagpalugod sila ng mga tao na takot na sumalungat sa iba. Kapag naglilingkod bilang mga lider, una, hindi makagawa ng tunay na gawain ang mga gayong tao; at pangalawa, pinipinsala nila ang hinirang na mga tao ng Diyos. Ni hindi nila kayang lutasin agad ang problema ng kaguluhan na dulot ng masasamang tao, at hindi rin nila kayang protektahan ang mga kapatid; hindi angkop na maging lider at manggagawa ang mga gayong tao. Sabihin mo sa Akin, kung ang isang tao ay inilalarawan bilang isang masamang tao, kailangan pa bang ibahagi sa kanya ang katotohanan upang tulungan siya? (Hindi na.) Hindi na kailangang bigyan pa siya ng pagkakataon. Ang ilang tao ay masyadong “mapagmahal,” laging nagbibigay ng pagkakataon sa masasamang tao na magsisi, ngunit may magiging anumang epekto ba ito? Naaayon ba ito sa mga prinsipyo ng mga salita ng Diyos? May nakita ka na bang masamang tao na kayang tunay na magsisi? Wala pang nakakakita niyon. Ang umasang magsisisi ang masasamang tao ay katulad ng maawa sa mga makamandag na ahas; ito ay pagkaawa sa mababangis na halimaw. Ito ay dahil batay sa diwa ng masasamang tao, masasabi na hindi kailanman mamahalin ng masasamang tao ang mga positibong bagay, hindi nila kailanman tatanggapin ang katotohanan, at hindi sila kailanman magsisisi. Hindi mo makikita ang salitang “pagsisisi” sa kanilang diksiyonaryo. Gaano mo man ibahagi ang katotohanan sa kanila, hindi nila isasantabi ang kanilang sariling mga motibo at interes, at maghahanap sila ng iba’t ibang dahilan at palusot para pangatwiranan ang kanilang sarili, at walang sinuman ang makakukumbinsi sa kanila. Kapag nagdusa sila ng kawalan, hindi nila ito makakayanan, at hindi sila titigil sa pamemerwisyo sa iba tungkol dito. Paano tunay na magsisisi ang mga gayong tao, na ayaw magdusa ng kahit anong kawalan? Ang mga taong labis na makasarili ay iyong inuuna ang kanilang sariling mga interes nang higit sa lahat; masasamang tao sila, at hindi sila kailanman magsisisi. Kung lubos mo nang nakikita na masama ang isang tao at binibigyan mo pa rin siya ng pagkakataon na magsisi, hindi ba’t kahangalan iyon? Katumbas ito ng pagpapainit sa isang nagyeyelong ahas sa iyong dibdib, na sa kalaunan ay tutuklaw sa iyo. Hangal lamang ang gagawa ng gayong kahangalan. Sa iglesia, isang normal na penomeno ang pagkamuhi ng hinirang na mga tao ng Diyos sa masasamang tao, dahil walang pagkatao at palaging gumagawa ng imoral na mga bagay ang masasamang tao. Tamang kaisipan ang pagkamuhi sa masasamang tao. Bahagi ito ng kung ano ang dapat na taglayin ng mga tao sa kanilang normal na pagkatao.
Sabihin mo sa Akin, anong klase ng tao ang isang tao na wala man lang pagmamahal sa mga kapatid? Bakit wala man lang siyang kahit kaunting normal na pakikipag-ugnayan sa mga kapatid? Ang ganitong klase ng tao, kahit sino pa ang nakakasalamuha niya, ay inuugnay lang ang mga pakikisalamuhang ito sa mga interes at pakikipagtransaksiyon; kung walang mga interes o pakikipagtransaksiyon na kasangkot, hindi na siya mag-aabala pa sa mga tao. Hindi ba’t masama ang ganitong klase ng tao? May ilang tao na hindi naghahangad sa katotohanan at namumuhay lang batay sa mga damdamin; makikipaglapit sila sa sinumang maayos ang pagtrato sa kanila, at itinuturing nilang mabuti ang sinumang tumutulong sa kanila. Ang mga gayong tao ay wala ring normal na pakikipag-ugnayan sa pagitan ng mga tao. Namumuhay sila batay lang sa mga damdamin, kaya matatrato ba nila nang patas at makatarungan ang mga kapatid? Hinding-hindi ito makakamit. Samakatwid, ang sinumang walang normal na pakikipag-ugnayan sa mga kapatid, o sa mga taos-puso na nananampalataya sa Diyos, ay isang taong walang konsensiya at katwiran, walang normal na pagkatao, at tiyak na hindi isang tao na nagmamahal sa katotohanan. Ang mga indibidwal na ito ay walang pinagkaiba sa mga walang kuwentang tao sa hanay ng mga walang pananampalataya; nakikisalamuha sila sa sinumang kapaki-pakinabang sa kanila at binabalewala nila ang mga hindi kapaki-pakinabang. Bukod dito, kapag nakakakita sila ng isang tao na naghahangad sa katotohanan o isang tao na kayang magbahagi ng mga patotoong batay sa karanasan—isang taong hinahangaan at gusto ng lahat ng tao—nagseselos at namumuhi sila at sinusubukan nila ang lahat ng paraan para makahanap ng balang gagamitin para husgahan at kondenahin ang mga taong ito na naghahangad sa katotohanan. Hindi ba’t ito ang ginagawa ng masasamang tao? Walang konsensiya at katwiran ang mga gayong tao—mas masahol pa sila sa mga halimaw. Hindi nila kayang tratuhin nang tama ang mga tao, hindi nila makasundo nang normal ang ibang tao, hindi sila makabuo ng normal na pakikipag-ugnayan sa hinirang na mga tao ng Diyos, at nagagawa pa nga nilang kamuhian ang mga naghahangad sa katotohanan. Ang mga gayong tao ay tiyak na nakakaramdam ng matinding kalungkutan at pagkalumbay sa puso nila, palaging nagrereklamo tungkol sa Langit at sa ibang tao. Ano ang kagalakan o kabuluhan ng buhay nila? May malupit na disposisyon ang mga taong ito, at kahit sino pa ang makasalamuha nila, maaari silang makaramdam ng pagkamuhi sa maliliit na usapin, kinokondena at ginagantihan ang mga ito, nagdudulot ng mga sakuna sa mga ito. Ang mga gayong masasamang indibidwal ay ganap na mga diyablo, nagdadala sila ng sakuna sa iglesia sa bawat araw na sila ay nananatili. Kung mananatili sila nang matagal, magiging walang katapusan ang mga sakuna. Maiiwasan lang ang mga sakuna sa pamamagitan ng pag-aalis sa kanila sa iglesia. Dagdag pa rito, may mga taong nagmumukhang sibilisado sa panlabas pero may matinding pagkahilig sa mga pakinabang. Kaya, ang pananampalataya nila sa Diyos ay para din sa paghahangad ng mga pakinabang. Kung hindi sila makakuha ng pakinabang na hindi naman nararapat sa kanila, sa loob ng ilang panahon, dumidilim ang kanilang mukha sa lungkot, na para bang may malaking utang na pera sa kanila ang isang tao. Ang sinumang nakakakita sa kanilang naghihinakit at nasisiraan ng loob na mukha ay agad na naaapektuhan ang emosyon. Ano sa tingin ninyo ang magiging epekto kung magpapakita ang gayong mukha sa buhay iglesia? Karamihan sa hinirang na mga tao ng Diyos ay tiyak na hindi magiging komportable kapag nakita ito, at magugulo at maaapektuhan ang kanilang pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pakikipagbahaginan sa katotohanan sa iba’t ibang antas. Lalo na sa mga wala pang pundasyon sa tunay na daan, madali rin silang maaapektuhan kapag madalas nilang nakikita ang madilim na mukhang ito sa buhay iglesia! Dapat magkaroon ang iglesia ng mas maraming tao na may masayahing personalidad, na nagsasalita nang simple at hayagan, at mas maraming tao na may puso na puno ng kapayapaan at kagalakan, at may espiritung malaya at magaan. Magiging kasiya-siya ang buhay iglesia kung ganito. Ang mga taong nakasimangot at palaging malungkot ay dapat magdasal sa Diyos sa kanilang tahanan at ayusin ang kanilang mentalidad bago pumunta sa mga pagtitipon. Sa ganitong paraan, magiging maganda ang kanilang lagay ng loob, at mayroon silang makakamit mula sa pagtitipon. Dagdag pa rito, makakabuti rin ito sa iba; kahit papaano, hindi sila magugulo. Upang matiyak na makakapamuhay ng normal na buhay iglesia ang hinirang na mga tao ng Diyos, dapat matutong makipagbahaginan sa katotohanan ang mga lider at manggagawa para malutas ang mga problema. Kung may isang taong dumadalo sa pagtitipon nang may madilim na mukha, dapat lumapit ang mga lider at manggagawa at magtanong, “Kailangan mo ba ng tulong?” Ito ang tinatawag na aktibong pagtulong sa iba nang dahil sa pagmamahal. Kung nakikita ng mga lider at manggagawa na may problema ang isang tao at binabalewala lang nila ito, iniiwasan at nilalayuan iyong mga “nakasimangot” nang hindi nakikipagbahaginan sa katotohanan para pagaanin ang loob ng mga ito, kung gayon, hindi sila gumagawa ng aktuwal na gawain. Para epektibong magawa ang gawain ng iglesia, dapat matutunan ng mga lider at manggagawa una sa lahat kung paano maging mga katiwalang-loob ng hinirang na mga tao ng Diyos, katulad ng tinatawag ng mga walang pananampalataya na isang mapagmalasakit na opisyal ng gobyerno. Ayaw gampanan ng ilang tao ang gayong papel, palagi nilang mas gusto na maging tagamasid lang—paano nila maaakay ang hinirang na mga tao ng Diyos na makapamuhay ng isang magandang buhay iglesia sa ganitong paraan? Sa katunayan, kung mayroon mang mga problema ang isang tao sa kanyang puso, sa isang punto ay makikita ito sa ekspresyon ng kanyang mukha. Kung palaging madilim ang mukha ng isang tao, siguradong madilim din ang puso niya, walang bahid ng liwanag. Kung buong araw siyang abala sa mga pagtatalo tungkol sa tama at mali, kaya pa ba niyang ngumiti? Ang mukha ng mga taong ito ay palaging nababalot ng maitim na ulap, walang kahit saglit na pagsikat ng araw, at naaapektuhan din nito ang paggampan nila ng tungkulin. Kung mabagal ang mga lider at manggagawa sa pagtugon at paglutas ng isyung ito, na nagsasanhing magdusa ang mga kapatid ng patuloy na kaguluhan at di-mailarawang paghihirap, pinatutunayan nito na ang mga lider at manggagawa ay walang kakayahang gumampan ng aktuwal na gawain, hindi nila malutas ang mga problema gamit ang katotohanan, at lubos silang walang kuwenta. Kung nauunawaan ng mga lider at manggagawa ang katotohanan at kaya nilang tukuyin ang mga problema ng mga kapatid, at kaya nilang magbigay ng maagap na suporta at tulong, hindi lang nakakatulong lumutas sa mga problema ng mga tao, kundi nakakatulong din sa mga tao na maunawaan ang mga katotohanang prinsipyo at maisakatuparan ang kanilang mga tungkulin—kung gayon, magiging mas mahusay ang paggampan nila sa tungkulin at pangangasiwa sa mga usapin, at hindi maaapektuhan ang gawain ng iglesia. Kung hindi agarang matutukoy at malulutas ng mga lider at manggagawa ang mga problema, maaapektuhan nito ang gawain ng iglesia. Kung hindi matutukoy at mapapangasiwaan ng mga lider at manggagawa ang mga problema, nagsasanhi ng pagkasira sa gawain ng iglesia at hinahadlangan ang buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos, hindi ba’t binigo nila ang Diyos at ang Kanyang hinirang na mga tao? Hindi ba’t wala silang mga prinsipyo sa pangangasiwa sa mga usapin? Ang pangangasiwa sa mga problema nang agaran at walang pag-aalinlangan pagkatapos makilatis ang kanilang diwa—ito ay tinatawag na pagtupad sa mga responsabilidad at pagiging tapat, at ito ay paggawa sa tungkulin sa paraang pasok sa pamantayan.
Ang paksa ng pagbabahaginan ngayon ay ang ikaanim na isyu—pakikibahagi sa mga di-wastong ugnayan. Ang ganitong mga klase ng problema na lumilitaw sa buhay iglesia ay karaniwang ganito: mga di-wastong ugnayan sa pagitan ng mga kasarian, mga ugnayan ng magkaparehong kasarian, mga ugnayang may kasamang mga pansariling interes, at pagkamuhi sa pagitan ng mga indibidwal. Ito man ay mga ugnayang batay sa pagnanasa ng laman, mga interes ng laman, o mga sentimental na gusot ng laman, ang lahat ng ito ay kabilang sa kategorya ng mga di-wastong ugnayan dahil lumalampas ang mga ito sa saklaw ng konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao. Ang pag-iral ng mga di-wastong ugnayang ito ay maaaring makaligalig sa mga tao sa isang banda. Ang mas malala pa, maaaring makagulo ang mga ito sa buhay pagpasok ng mga tao, sa kanilang paghahangad sa katotohanan, at sa kanilang paghahangad na makilala ang Diyos. Ang iba’t ibang uri ng di-wastong ugnayang ito ay hindi nagmumula sa konsensiya o katwiran, at salungat ang mga ito sa normal na pagkatao. Mahirap para sa mga tao na tanggapin at isagawa ang katotohanan kapag namumuhay sila sa loob ng mga abnormal na ugnayang ito, at ginugulo rin sila nito sa pamumuhay ng buhay iglesia at paghahangad ng paglago sa buhay, ginugulo rin nito ang kaayusan ng buhay iglesia. Nakasasama ito sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos at nakapipinsala rin sa gawain ng iglesia. Dahil sa lahat ng ito, napakahalaga na agarang tukuyin at pangasiwaan ng mga lider at manggagawa ang mga isyung ito.
Tungkol sa mga di-wastong ugnayan, naisa-isa na natin ang iba’t ibang sitwasyon at naikategorya ang mga ito. Maaari ba kayong magbigay ng ilang halimbawa para magsanay ng pagkilatis? Ano ang layunin ng pagkatuto ng pagkilatis? Ito ay para matutuhan ninyong kilatisin at tukuyin ang diwa ng mga tao, pangyayari, at bagay, nang sa gayon ay makagawa ng mga tumpak na paghusga, at pagkatapos ay tratuhin ang mga ito ayon sa mga prinsipyo. Ito ang panghuling resulta. Mayroon bang sinuman na nakapagsabi, “Buong araw kang nagsasalita tungkol sa mga usaping ito ng tama at mali, ang mga pang-araw-araw na usaping ito—hindi na namin gustong makinig sa mga ito; ni ayaw na nga naming dumalo sa mga pagtitipon. Hindi ba’t dapat nakikipagbahaginan ka tungkol sa katotohanan? Bakit palagi mong tinatalakay ang mga sitwasyong ito”? Napansin ba ninyo ang mga gayong tao? Anong klaseng mga tao sila? (Mga taong walang espirituwal na pang-unawa.) Nakikipagbahaginan tayo sa ganitong paraan, pero hindi pa rin nila nauunawaan ang katotohanan—hindi nila taglay ang katalinuhan ng isang normal na tao; ganap na walang silbi ang mga gayong tao. Kung ang isang tao ay hindi nagtataglay ng katalinuhan ng isang normal na tao, dapat pa ba siyang hayaang makinig sa mga sermon? Maaaring sasabihin nila: “Palagi na lang tungkol sa pagbabahaginan sa katotohanan ang mga pagtitipon, palaging nag-uusap tungkol sa mga bagay tulad ng pagsasagawa sa katotohanan—pagod na akong makinig dito. Ayaw ko nang dumalo sa mga pagtitipon.” Kung tunay na ganoon ang pananaw nila, sila ay isang taong tutol sa katotohanan. Para sa gayong klase ng mga tao, hindi ipinipilit ng sambahayan ng Diyos ang kanilang pagdalo; agad silang itaboy. Kung sila mismo ay ayaw dumalo sa mga pagtitipon, at hindi sila bukas sa itinatalakay sa kanila, hindi natin sila pipilitin—hindi natin gustong abalahin sila. Ang mga taong tulad nito, kahit manampalataya sila sa Diyos habambuhay, ay hindi makakaunawa sa katotohanan at hindi makakapasok sa realidad; sayang lang ang pagsisikap dito. Kung gusto nilang makinig sa mga teolohikal na kaalaman, hayaan silang umalis at mag-aral ng teolohikal na kaalaman; balang araw, kapag hindi nila nakamit ang katotohanan bilang buhay, pagsisisihan nila ito.
Mayo 29, 2021