Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (14) Ikalawang Seksiyon
Sa buhay iglesia, may isa pang uri ng pagpapamalas ng pakikipag-agawan para sa katayuan na may kinalaman sa paggambala at panggugulo sa buhay iglesia at sa gawain ng iglesia. Halimbawa, minsan, kapag magkakasamang nagbabahaginan ang mga kapatid tungkol sa isang problema, may kaunting liwanag ang pakikipagbahaginan ng bawat isa; habang mas nagbabahaginan sila, mas nagiging malinaw at maliwanag ang mga katotohanang prinsipyo, at madaling nauunawaan ang landas sa pagsasagawa. Gayumpaman, maaaring may isang tao na biglang magpapakilala ng isang “matalinong ideya,” ng suhestiyon niya, na sumisira sa daloy ng pagbabahaginan at naglilihis sa paksa sa ibang direksiyon, iniiwang hindi tapos ang pagbabahaginan sa pangunahing paksa. Sa panlabas, parang hindi naman siya nanggugulo, lalong hindi niya nililimitahan ang iba na makipagbahaginan sa katotohanan, pero hindi niya pinili ang akmang oras para ipakilala ang paksang ito. Sa pagsingit ng isang bagong isyu para pagbahaginan at talakayin sa isang kritikal na sandali habang pinagbabahaginan ang katotohanan para lutasin ang isang problema, napuputol ang naunang pinag-usapang isyu bago pa man ito tuluyang malutas. Hindi ba’t ito ay pag-aabandona sa gampanin habang nasa kalagitnaan pa lang? Hindi ba’t naaantala nito ang paglutas sa problema? Bukod sa hindi naayos ang problema, naantala rin ang pagkaunawa ng mga tao sa katotohanan. Posible bang gawin ito ng mga taong may katwiran? Kalabisan bang sabihin na ang mga gayong bagay ay nakakagambala at nakakagulo sa buhay iglesia? Sa tingin Ko, hindi naman. Ang guluhin ang isang pagtitipong gaya nito kapag nagbabahaginan sa katotohanan para malutas ang isang problema—hindi ba’t ito ay sadyang paggambala at panggugulo sa buhay iglesia? Kung may isang taong laging sumisingit sa mga kritikal na sandali kung kailan pinagbabahaginan ang katotohanan para malutas ang isang problema, kung palagi niyang tinatapos nang biglaan ang mga usapan, kung gayon, hindi ito problema ng kawalan ng katwiran; ito ay sadyang panggugulo sa pagtitipon habang ang katotohanan ay pinagbabahaginan para malutas ang isang problema. Ito ang masamang gawa ng paggambala at panggugulo sa buhay iglesia, ganoon kasimple—tanging ang mga anticristo at masasamang tao ang gumagawa nito, tanging ang mga taong namumuhi sa katotohanan ang gumagawa nito. Kahit ano pa ang konteksto o mga sitwasyon, palaging kailangan ng ganitong mga tao na ibahagi ang kanilang “matatalinong ideya,” palagi nilang gustong mapansin, ang maging sentro ng atensiyon. Kahit gaano kakrusyal at kahalaga ang paksang pinagbabahaginan ng mga tao, palagi nilang kailangang sumingit para ilihis ang atensiyon ng mga tao at maglitanya ng mga ideyang matatayog pakinggan, gusto nilang magmukhang katangi-tangi. Ano nga bang klaseng palabas ang gusto nilang ipakita? Hindi ba’t nakikipag-agawan sila para sa katayuan? Gusto nilang kontrolin ang sitwasyon. Ayaw nilang mas lalo pang lumalim at luminaw ang pagkaunawa ng mga tao sa katotohanan; ang pinakamahalaga sa kanila ay mapansin, mapakinggan, at sundin sila ng lahat, at gawin ng lahat ang kanilang mga utos. Malinaw na ito ay pakikipag-agawan para sa katayuan. Para sa ilang tao, anumang gawain ang ginagawa nila, kapag hiniling mo sa kanila na makipagbahaginan tungkol sa mga partikular na ideya at plano para sa pagpapatupad sa isang bagay, at tungkol sa mga partikular na hakbang para sa detalyadong pagsasagawa ng mga ito, wala silang anumang maisip. Subalit, mahilig silang maglitanya ng mga ideyang matatayog pakinggan, nagmumukhang kakaiba, at gumagawa ng isang bagay na bago at nakasisilaw. Anuman ang kasalukuyang sitwasyon, sa sandaling makaisip sila ng bagong ideya, ipiniprisinta nila ito na para bang binalot sila ng inspirasyon, padalos-dalos nila itong iminumungkahi para tanggapin at sang-ayunan ng iba, nang walang maingat na pagsasaalang-alang. Pero kapag hiniling sa kanila na magtalakay ng mga partikular na landas para sa pagsasagawa, nagiging pipi sila. Wala silang kahusayan, pero nais pa rin nilang magpakitang-gilas, palaging nilalayon na mapansin. Ayaw nilang maging pangalawang opsiyon; ayaw nilang maging isa lang sa mga ordinaryong tagasunod. Palagi nilang kinatatakutan na mamaliitin sila ng iba, at palagi nilang gustong igiit ang kanilang presensiya. Kaya naman, palagi silang naglilitanya ng mga ideyang matatayog pakinggan para mapansin sila. Bakit ba nila palaging ginagawa ito? Kapag sumasagi sa isipan nila ang isang ideya, bulag nila itong itinuturing na maganda at karapat-dapat na isagawa nang walang pagsasaalang-alang o bago pa man ito lubos na mapag-isipan. Kapag padalos-dalos nilang ipiniprisinta ang ideyang ito, hindi ito nauunawaan ng ibang tao at natural na magtatanong ang mga ito. Kapag hindi sila makasagot, iginigiit pa rin nila na tama ang kanilang opinyon at na dapat itong tanggapin ng lahat. Anong klaseng disposisyon ito? Anong mga kahihinatnan ang maidudulot ng kanilang mga walang batayang paggiit sa kanilang sariling mga pananaw? Nakakabuti o nakakagulo ba ito sa gawain ng iglesia? Nakakabuti ba ito o nakakapinsala sa hinirang na mga tao ng Diyos? Kaya nila itong sabihin nang walang anumang pagpapahalaga sa responsabilidad—ano ba ang balak nila? Ito ay para igiit lang ang kanilang presensiya. Natatakot sila na baka hindi malaman ng iba na mayroon silang gayong “matatalinong ideya,” na mayroon silang kakayahan, katalinuhan, at mga abilidad; nagsusumikap sila para sa ganitong pagkilala, para pahalagahan sila ng nakararami. Ano ang nangyayari sa huli? Padalos-dalos silang nagbibigay ng mga suhestiyon, at iniisip ng iba sa simula na mayroon talaga silang ilang abilidad, isang tunay na bagay. Pero habang lumilipas ang panahon, nagiging malinaw na sila ay mga taong mapurol ang isip, walang tunay na kaalaman o kasanayan pero palaging gusto na sila ang may huling salita. Ito ay pakikipag-agawan para sa katayuan. Kahit walang tunay na abilidad, gusto pa rin nilang sila ang nasusunod; palagi silang naglilitanya ng mga ideyang matatayog pakinggan nang hindi nagpiprisinta ng anumang kongkretong plano, walang partikular na landas ng pagsasagawa. Ano kaya ang mga magiging kahihinatnan kung talagang pagkakatiwalaan ng mga gampanin ang mga gayong tao? Tiyak na hahantong ito sa mga pagkaantala. Bakit ba palagi nilang hinahangad na makipag-agawan para sa katayuan, na humawak ng kapangyarihan, samantalang wala naman silang kayang isakatuparan na anuman? Sila ay mga taong mapurol ang isip, na kulang sa talas ng pag-iisip; sa mas magagandang termino, sila ay ganap na walang katwiran. Sa mga walang pananampalataya, napakaraming mga gayong tao, puro salita at wala namang gawa. Karamihan sa mga tao ay nakakakilatis nang kaunti sa ganitong uri ng tao. Kung may isang tao na palaging naglilitanya ng mga ideyang matatayog pakinggan at gustong magmukhang makabago, dapat din na maging maingat ang isang tao na hindi magpadala rito. Kung tunay na may matatalinong ideya ang isang tao na kaya ring magprisinta ng isang kongkretong plano, katanggap-tanggap lang ito kung ito ay maaaring gawin; kung naglilitanya lang siya ng mga ideyang matatayog pakinggan nang hindi nagpiprisinta ng mga kongkretong plano, kung gayon, dapat na mag-ingat sa kanya ang ibang tao. Ang pagbabahaginan ay dapat isagawa para tukuyin kung mayroon bang praktikal na landas para sa kanyang mga ideya o wala. Kung pakiramdam ng nakararami na posibleng maisagawa ang kanyang ideya at mayroon itong landas ng pagsasagawa, kung gayon, dapat itong subukan sa loob ng ilang panahon para makita kung ano ang mga resulta bago gumawa ng desisyon.
Anumang aspekto ng katotohanan ang pinagbabahaginan ng iglesia o anumang problema ang nilulutas nito, ipapakita ng iba’t ibang uri ng tao ang kanilang sarili. Matapos ang mahabang panahon ng pakikisalamuha, makikita kung sino ang tunay na nagmamahal at kayang tumanggap sa katotohanan, at kung sino naman ang mga nanggagambala at nanggugulo, hindi nag-aasikaso sa mga marapat nilang gampanin. Sa palagay ba ninyo, ang mga taong mahilig maglitanya ng mga ideyang matatayog pakinggan at nagpiprisinta ng mga bagong ideya ay kayang tumanggap sa katotohanan at tumahak sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos? Sa tingin Ko, hindi madali para sa kanila na gawin ito. Ano ang papel na ginagampanan ng mga taong ito sa buhay iglesia? Ano ang mga kahihinatnan ng madalas nilang paglilitanya ng mga ideyang matatayog pakinggan at hindi pag-aasikaso sa mga marapat na gampanin? Ginagambala at ginugulo nito ang buhay iglesia, gaya ng nakikita ng karamihan sa mga tao, at kung magpapatuloy ito, maaantala nito ang hinirang na mga tao ng Diyos sa paghahangad sa katotohanan at pagpasok sa realidad. Bagama’t ang mga taong mahilig maglitanya ng mga ideyang matatayog pakinggan ay hindi naman talaga masasamang tao, ang mga kahihinatnan ng kanilang mga kilos ay sobrang nakapipinsala sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos, at kasabay nito, ang kanilang mga kilos ay nakakaantala at nakakaapekto rin sa gawain ng iglesia. Kaya, paano dapat lutasin ang problemang ito? Paano dapat pangasiwaan nang nararapat ang mga taong mahilig maglitanya ng mga ideyang matatayog pakinggan at magprisinta ng mga bagong ideya? Ang unang pamamaraan ay ito: Kung mahilig silang maglitanya ng mga ideyang matatayog pakinggan at palagi silang may mga opinyon, hayaan muna silang magsalita, at pagkatapos, gumamit ng pagkilatis. Kahit sinuman, malaya ang lahat na magsalita at magpahayag ng mga opinyon; walang sinuman ang dapat maglimita nito. Ang sinumang tunay na may mga ideya at matatalinong kabatiran ay dapat pahintulutang magsalita at linawin ang mga ito, para hayaang makita ng lahat, at pagkatapos, makipagbahaginan at makipagtalakayan para makita kung ito ba ay tama, kung naaayon ba ito sa mga katotohanang prinsipyo, at kung mayroon bang anumang bahagi na puwedeng gamitin. Kung karapat-dapat itong matutunan at may kaunting pakinabang na makukuha rito, mabuti iyon; pero kung, pagkatapos ng pagbabahaginan at talakayan, natutukoy na walang halaga at hindi dapat gawin ang sinasabi nila, dapat itong isantabi. Sa pamamagitan ng pagsasagawa nang ganito, lahat ay lalago sa pagkilatis; sa tuwing may mangyayari, malalaman nilang lahat kung paano pagnilayan ang usaping ito, at mas mauunawaan nilang mabuti ang iba’t ibang uri ng tao. Ang gayong pagsasagawa ay kapaki-pakinabang para sa hinirang na mga tao ng Diyos at hindi magdudulot ng kaguluhan sa gawain ng iglesia; tama ang ganitong uri ng pagsasagawa. Ang ikalawang pamamaraan ay ito: Kapag walang halaga ang sinasabi, at walang mapapalang pakinabang mula rito kahit na pinagbabahaginan at tinatalakay ito, dapat direktang tanggihan ang mga gayong suhestiyon, at hindi na kailangan pa ng anumang pagbabahaginan o talakayan. Kung paulit-ulit na binabanggit ng isang tao ang mga gayong walang kuwentang isyu at “matatalinong ideya,” kaya ang hinirang na mga tao ng Diyos ay nayayamot na at ayaw nang makinig sa kanya, hindi ba’t dapat limitahan ang gayong tao? Pinakamainam na payuhan siya na magpakita ng higit na katwiran, na umiwas sa pagsasabi ng mga bagay na hindi dapat sabihin para hindi makaapekto sa iba. Kung walang katwiran ang taong ito at pinipilit niyang magpatuloy sa ganitong paraan, nagsasanhi ng kaguluhan sa buhay iglesia at lubhang iniinis ang lahat, hanggang sa nagagalit na ang mga ito, kung gayon, isa siyang masamang tao na nanggugulo sa buhay iglesia. Dapat siyang pangasiwaan ayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos para sa pag-aalis mula sa iglesia—paalisin siya sa iglesia; angkop ito. Sabihin ninyo sa Akin, anong uri ng mga tao ang karamihan sa mahilig maglitanya ng mga ideyang matatayog pakinggan? Sila ba ang mga tipong naghahangad sa katotohanan? Taos-puso ba silang gumugugol ng kanilang sarili para sa Diyos? Tiyak na hindi. Kung ganoon, anong balak at intensiyon ang mayroon sila sa pagsasanhi ng mga gayong panggugulo sa buhay iglesia? Nangangailangan ito ng pagkilatis. Kung mayroon nang sapat na pagkaunawa ang lahat sa mga gayong tao, alam na walang talino, kakayahan, at katwiran ang mga taong ito—na sila ay sadyang mga taong mapurol ang isip—ang pinakaangkop na paraan para pangasiwaan sila kapag nagpapahayag sila ng kanilang “matatalinong ideya” ay ang pigilan at limitahan sila, patahimikin sila. Kung magpupumilit silang magsalita, magdulot ng mga kaguluhan sa buhay iglesia, kung gayon, dapat silang paalisin sa iglesia para maiwasan ang karagdagang problema. Sinasabi ng ilan, “Hindi ba’t sinisira nito ang mga pagkakataon nila na maligtas?” Maling sabihin ito. Ililigtas ba ng Diyos ang mga gayong tao? Kaya bang tanggapin ng mga taong may mga gayong disposisyon ang katotohanan? Kaya ba nilang magkamit ng kaligtasan nang hindi tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti? Hindi ba’t napakahangal at napakamangmang na hindi man lang malinaw na maunawaan ang mga gayong usapin? Ano’t anuman, ang mga madalas magsanhi ng mga kaguluhan sa buhay iglesia ay masasamang tao, at hindi sila inililigtas ng Diyos. Ang pagpapanatili sa loob ng iglesia ng isang taong hindi inililigtas ng Diyos, hindi ba’t sadyang pamiminsala iyon sa hinirang na mga tao ng Diyos? Tunay bang mapagmahal ang isang taong naaawa sa gayong masasamang tao? Sa tingin Ko ay hindi; huwad ang pagmamahal ng taong iyon. Ang totoo, intensiyon niyang pinsalain ang hinirang na mga tao ng Diyos. Samakatwid, dapat maging mapagbantay ang hinirang na mga tao ng Diyos laban sa sinumang nagtatanggol sa masasamang tao, hindi magpalihis sa mga maladiyablong salita nito. Ang ilang mahilig maglitanya ng mga ideyang matatayog pakinggan, bagama’t tila hindi sila masasamang tao at hindi gumagawa ng mga halatang kasamaan, ay maaaring magdulot ng mga kaguluhan sa buhay iglesia sa pamamagitan ng palaging paglilitanya ng kanilang mga ideyang matatayog pakinggan; sa pinakamababa, ang mga taong ito ay naguguluhan. Sa palagay ninyo, maaari bang maligtas ang mga taong naguguluhan? Tiyak na hindi. Kung ang mga taong naguguluhan ay palaging nanggugulo sa buhay iglesia, dapat din silang paalisin sa iglesia. Hindi tinatanggap ng mga taong naguguluhan ang katotohanan, wala na silang pag-asa na magsisi, at ang katapusan nila ay kapareho ng sa masasamang tao. Masama man o naguguluhan, kung sila ay madalas na nanggagambala at nanggugulo sa buhay iglesia, hindi nakikinig sa payo, at nagsasalita nang walang preno na parang sirang kotse na hindi makahinto, hindi ba’t ito ay tanda ng abnormal na katwiran? Ano ang magiging mga kahihinatnan kung magpapatuloy ang mga gayong naguguluhang tao na guluhin ang iglesia sa ganitong paraan sa loob ng mahabang panahon? Higit pa rito, kaya ba talaga nilang magsisi? Inililigtas ba ng Diyos ang mga gayong naguguluhang tao na may abnormal na katwiran? Kapag ganap nang naunawaan ang mga tanong na ito, magiging malinaw na kung paano dapat pangasiwaan ang ganitong mga indibidwal. Tiyak na hindi mahal ng mga taong naguguluhan ang katotohanan, at hindi nila ito maaabot. Ang mga taong naguguluhan ay hindi nakakaunawa sa wika ng tao; masasabi na walang normal na pagkatao at may pagkabaliw ang mga taong naguguluhan—sa totoo lang, sadyang wala silang silbi. Kaya bang magserbisyo nang maayos ng mga taong naguguluhan? Tiyak na masasabing hindi man lang nila kayang magserbisyo sa paraang pasok sa pamantayan dahil walang batayan ang kanilang katwiran; sila ay mga taong walang anumang nauunawaan. Kung nais magpakita ng pagmamahal ang isang tao sa mga taong naguguluhan, hayaan siyang suportahan ang mga taong naguguluhan. Ang saloobin ng sambahayan ng Diyos sa mga taong naguguluhan ay na dapat silang paalisin. Ang sinumang hindi tumatanggap sa katotohanan kahit kaunti, sinumang hindi taos-pusong gumagawa ng kanyang tungkulin, palaging pabasta-bastang gumagawa nito, ay dapat limitahan kung madalas silang magdulot ng mga kaguluhan sa buhay iglesia. Kung may ilan sa kanila na nakakaramdam ng pagkakonsensiya at handang magsisi, dapat silang bigyan ng tsansa. Ang mga tao na may diwang hindi makilatis ay dapat pansamantalang panatilihin sa iglesia, pinahihintulutan ang hinirang na mga tao ng Diyos na pangasiwaan sila, obserbahan sila, at lumago ang kakayahang kumilatis. Kung mayroon namang mga palaging nanggagambala at nanggugulo at, sa kabila ng pagpupungos, ay nananatiling walang pag-asa na magsisi, patuloy na nakikipag-agawan para sa kasikatan at pakinabang, na binabatikos at ibinubukod ang mga positibong karakter—partikular na binabatikos iyong mga naghahangad sa katotohanan at kayang magbahagi ng mga patotoong batay sa karanasan, at iyong mga taos-pusong gumugugol ng kanilang sarili para sa Diyos at gumagawa ng kanilang mga tungkulin—kung gayon, ang mga indibidwal na ito ay masasamang tao at mga anticristo, sila ay mga hindi mananampalataya. Para sa mga gayong tao, hindi lang ito tungkol sa pagpipigil at paglilimita sa kanila; dapat silang paalisin kaagad sa iglesia para maiwasan ang mga problema sa hinaharap. Ang ganitong paraan ng pagsasagawa ay ganap na naaayon sa mga layunin ng Diyos.
Ang mga ito ang humigit-kumulang na iba’t ibang pagpapamalas ng pakikipag-agawan para sa katayuan, mula sa maliliit na bagay hanggang sa malulubha. Ang maliliit na pagpapamalas ay pangunahing tumutukoy sa pangungutya sa mga lider at manggagawa gamit ang malulupit na salita, paghahanap ng maliliit na butas, at pambabatikos sa pagiging maagap ng mga lider at manggagawa, nang may layon na wasakin at siraan sila. Ang mga pinakamalubhang pagpapamalas ay ang direktang pagkontra sa mga lider at manggagawa sa lantarang paraan, naghahanap ng mga bagay na magagamit laban sa kanila, at nanghuhusga, kumokondena, nambabatikos at bumubukod sa kanila, at pagkatapos ay inihihiwalay sila, at pinipilit pa sila na umamin sa kamalian at magbitiw para maagaw ang kanilang katayuan. Ito ang mga pinakamalubhang isyu ng paggambala at panggugulo na nangyayari sa buhay iglesia. Ang mga taong lantarang nagpoprotesta laban sa mga lider o manggagawa at nakikipag-agawan para sa katayuan sa mga ito ay ang mga taong nanggugulo sa gawain ng iglesia at lumalaban sa Diyos, sila ay masasamang tao at mga anticristo, at hindi lang sila dapat pigilan at limitahan—kung malubha ang sitwasyon at kinakailangan na silang paalisin o patalsikin, kung gayon, dapat silang harapin ayon sa mga prinsipyo. May isa pang pagpapamalas ng pakikipag-agawan para sa katayuan: ang pagbubukod at pambabatikos sa mga taong higit na naghahangad sa katotohanan sa iglesia. Dahil may dalisay na pagkaarok ang mga taong naghahangad sa katotohanan, at mayroon silang karanasan at tunay na kaalaman sa mga salita ng Diyos, at madalas nilang pinagbabahaginan ang katotohanan para lutasin ang mga problema sa pagitan ng mga kapatid, at nang sa gayon ay napapatibay ang hinirang na mga tao ng Diyos, at unti-unting nagkakamit ng katanyagan sa iglesia, ang masasamang tao at mga anticristong ito ay naiinggit at sumusuway sa kanila, at ibinubukod at binabatikos sila ng mga ito. Ang anumang pag-uugali na binubuo ng pambabatikos o pagbubukod sa mga taong naghahangad sa katotohanan ay direktang nagdudulot ng paggambala at panggugulo sa buhay iglesia. Maaaring hindi direktang pinupuntirya ng ilang tao ang mga lider ng iglesia, pero mayroon silang partikular na pagkasuklam at paghamak sa mga tao sa iglesia na nakakaunawa sa katotohanan at mayroong mga praktikal na karanasan. Ibinubukod at inaapi rin nila ang mga gayong tao, madalas na kinukutya at nililibak ang mga ito, naglalatag pa nga sila ng mga patibong para sa mga ito at nagpapakana laban sa mga ito, at iba pa. Bagama’t ang ganitong mga problema ay hindi masyadong malubha kumpara sa pakikipag-agawan para sa katayuan sa mga lider ng iglesia pagdating sa kalikasan at mga sitwasyon ng mga ito, ang mga ito ay nagdudulot din ng mga pagkagambala at kaguluhan sa buhay iglesia, at dapat pigilan at limitahan. Kung apektado ang karamihan ng mga kapatid sa iglesia, at madalas silang nasasadlak sa pagkanegatibo at kahinaan—kung ang mga problema ay humahantong sa ganitong uri ng mga kahihinatnan, kung gayon, katumbas ang mga ito ng paggambala at panggugulo. Ang uri ng masamang tao na lumilikha ng mga pagkagambala at kaguluhan ay hindi dapat bastang limitahan lang; dapat siyang ipadala sa grupong B para ihiwalay at makapagnilay, o kung hindi ay paalisin siya. Ang mga taong gumagawa ng mga pagkilos na likas na nagsasanhi ng mga paggambala at panggugulo ay mga taong palagiang gumagawa ng kasamaan. Dapat pag-ibahin ang pagtrato sa pagitan ng masasamang tao na madalas gumagawa ng kasamaan at sa mga taong paminsan-minsan lang gumagawa ng kasamaan. Ang mga taong gumagawa ng sari-saring kasamaan ay mga anticristo; ang mga paminsan-minsang gumagawa ng kasamaan ay may mababang pagkatao. Kung may dalawang taong nagtatalo o hindi nagkakasundo dahil sa kanilang mga hindi magkatugmang personalidad, o dahil sa magkaiba ang kanilang mga pananaw kapag gumagawa ng mga bagay-bagay, o dahil may magkaiba silang paraan ng pagsasalita, pero hindi naman naaapektuhan ang buhay iglesia, kung gayon, wala itong kalikasan ng pagsasanhi ng mga pagkagambala at kaguluhan; iba ito sa masasamang taong nanggagambala at nanggugulo sa buhay iglesia. Ang lahat ng bagay na may kalikasan ng pagsasanhi ng mga pagkagambala at kaguluhan sa buhay iglesia, na pinag-uusapan natin dito, ay mga pagpapamalas ng paggawa ng kasamaan ng masasamang tao. Kapag gumagawa ng kasamaan ang masasamang tao, ito ay palagian. Ang pinakakinamumuhian ng masasamang tao ay ang mga naghahangad sa katotohanan. Kapag nakikita nila na may isang taong naghahangad sa katotohanan na kayang magbahagi ng sarili niyang patotoong batay sa karanasan, at dahil dito ay hinahangaan ito ng iba, naiinggit at napopoot sila, at nag-aalab ang mga mata nila sa sobrang galit. Ang sinumang nagninilay-nilay at nakakakilala sa sarili, ang sinumang nagbabahagi ng kanyang mga praktikal na karanasan, at sinumang nagpapatotoo sa Diyos, ay nahaharap sa pangungutya, paninira, pang-aapi, pagbubukod, panghuhusga, at maging sa pang-uusig ng masasamang taong ito. Palagian silang kumikilos nang ganito. Hindi nila pinahihintulutan ang sinuman na maging mas mahusay sa kanila, hindi nila makayanang makakita ng mga taong mas mahusay sa kanila. Kapag may nakikita silang isang tao na mas mahusay sa kanila, sila ay naiinggit, nagagalit, nagngangalit, at naiisip nilang pinsalain at pahirapan ang taong ito. Ang mga gayong tao ay nakapagdulot na ng matinding pagkagambala at kaguluhan sa buhay iglesia at sa kaayusan ng iglesia, at ang mga lider at manggagawa ay dapat makipagtulungan sa mga kapatid sa paglalantad, pagpipigil, at paglilimita sa mga gayong indibidwal. Kung hindi posibleng limitahan sila, at hindi sila nagsisisi o nagbabago ng landas pagkatapos makipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan, kung gayon, sila ay masasamang tao, at ang masasamang tao ay dapat sukatin at tratuhin ayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa pag-aalis mula sa iglesia. Kung sa pamamagitan ng pagbabahaginan, nagkaroon ng kasunduan ang mga lider at manggagawa, at natutukoy nila na katumbas ito ng isang masamang taong nanggugulo sa iglesia, kung gayon, dapat pangasiwaan ang usapin ayon sa mga katotohanang prinsipyo: Dapat paalisin ang naturang tao sa iglesia. Hindi na dapat kunsintihin pa ang gayong masasamang tao na nanggugulo sa buhay iglesia. Kung malinaw sa mga lider at manggagawa na katumbas ito ng isang masamang tao na nagsasanhi ng kaguluhan, subalit nagmamaang-maangan pa rin sila at kinukunsinti nila ang masamang taong gumagawa ng kasamaan at nagsasanhi ng kaguluhan, kung gayon, sila ay nabibigo sa kanilang mga responsabilidad sa mga kapatid, at nagiging hindi tapat sa Diyos at sa atas ng Diyos.
Ang ilang tao ay tila maayos naman kung titingnan ang kanilang hitsura, pero ang totoo, ang IQ nila ay katulad ng sa isang tao na mapurol ang isip. Nagsasalita at kumikilos sila nang walang pag-unawa sa kung ano ang nararapat, wala silang pagkamakatwiran ng normal na pagkatao. Ang mga gayong tao ay mahilig ding makipag-agawan para sa katayuan at reputasyon, nakikipaglaban para sila ang may huling salita, at nakikipagkompetensiya para makuha ang pagpapahalaga ng iba. Sa buhay iglesia, madalas silang nagmumungkahi ng tila mga balido pero ang totoo ay mga nakalilinlang na pananaw at argumento para makakuha ng atensiyon at pagpapahalaga mula sa karamihan ng tao, ginugulo ang isipan ng mga tao, ginugulo ang kanilang tamang pagkaarok at kaalaman sa mga salita ng Diyos, at ginugulo ang kanilang positibong pag-unawa sa lahat ng bagay. Kapag nagbabahagi ang iba tungkol sa mga salita ng Diyos at sa kanilang mga dalisay na pag-unawa, madalas sumusulpot ang mga taong ito na parang mga payaso para igiit ang kanilang presensiya, at agawin ang atensiyon ng lahat, palaging gustong ipakita sa mga kapatid na mayroon silang alam na diskarte, at na matalino sila, at mataas ang kaalaman at edukado, at iba pa. Bagama’t wala pa silang malilinaw na layon pagdating sa kung sinong lider ang pupuntiryahin, o aling posisyon ng lider ang aagawin, napakalaki ng kanilang mga pagnanais at ambisyon na nakapagdulot na ng mga kaguluhan sa buhay iglesia ang kanilang mga salita at kilos, kaya dapat din silang limitahan ayon sa bigat ng sitwasyon at sa kalikasan nito. Pinakamainam na makipagbahaginan muna sa kanila tungkol sa katotohanan para magabayan sila nang tama, at mabigyan ng direksiyon sa kanilang asal, binibigyang-daan sila na magbago, at maunawaan kung paano mamuhay ng buhay iglesia nang normal, kung paano makisalamuha sa iba, paano manatili sa kanilang nararapat na posisyon, at paano maging makatwiran. Kung ito ay dahil sa kanilang murang edad, kawalan ng kabatiran, at pagiging mayabang dahil bata pa, at kung nagsisi na sila pagkatapos ng paulit-ulit na pagbabahaginan, napagtatanto na ang mga dati nilang ikinilos ay mali, kahiya-hiya, at kinasusuklaman ng lahat, at nagdulot ng gulo sa lahat, at naipahayag nila ang kanilang paghingi ng tawad at pagsisisi para dito, hindi na ito kailangang ipamukha pa sa kanila—maaaring tulungan na lang sila nang may pagmamahal. Gayumpaman, kung ang kanilang mga maling kilos na nanggulo sa lahat ay hindi dahil sa pagiging mayabang dahil bata pa o sa kawalan ng pagkaunawa sa katotohanan, kundi sa halip ay bunsod ng mga lihim na motibo, at nagpapatuloy sila sa kanilang pag-uugali sa kabila ng paulit-ulit na pagsuway; at kung, higit pa rito, napungusan sila, at nakipagbahaginan sa kanila ang mga kapatid tungkol sa kalubhaan ng isyung ito—inalok na sila ng pagbabahaginan at tulong mula sa kapwa mga negatibo at positibong aspekto—subalit hindi pa rin nila makilala ang sarili nilang kalikasang diwa, hindi makita ang kaguluhang idinudulot ng mga kilos na ito sa iba at ang malulubhang kahihinatnan ng mga ito, at patuloy silang gumagawa ng mga panggugulo at paggambala sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga parehong pagkilos sa tuwing may pagkakataon sila, kung gayon, sa kasong ito, kinakailangan ang mas mahihigpit na hakbang. Kung binigyan sila ng sapat na mga pagkakataon para magsisi, pero hindi nila pinagninilayan o sinusubukang kilalanin ang kanilang sarili kahit kaunti, at gaano man nakipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan, hindi pa rin sila nakakaunawa, at hindi rin nila alam kung paano kumilos nang makatwiran at nang naaayon sa mga prinsipyo, kundi sa halip, mapagmatigas silang kumakapit sa kanilang sariling paraan ng paggawa sa mga bagay-bagay, kung gayon, may problema nga sa mga taong ito. Sa pinakamababa, mula sa makatwirang pananaw, wala sila ng katwiran ng isang normal na tao. Ito ay kung titingnan ito sa panlabas. Kung titingnan ito sa usapin ng diwa, paano man makipagbahaginan sa kanila, hindi pa rin nila makikilala ang kalubhaan ng isyu, ni mahanap ang kanilang nararapat na posisyon, ni matanggap ang pagbabahaginan at tulong, o subukang magsagawa ayon sa landas na pinagbabahaginan ng mga kapatid—kung hindi nila makamit maging ang mga bagay na ito, kung gayon, hindi lang kawalan ng katwiran ang problema nila, kundi isang problema rin sa kanilang pagkatao. Bagama’t mukhang hindi nila sinasadyang magsanhi ng mga pagkagambala at kaguluhan, ang mga gawang ito ay tiyak na hindi masasabing walang intensiyon, bagkus, ang mga ito ay ginawa nang may balak at mga motibo. Kung isasantabi kung ano ang maaaring mga motibo o layunin ng mga indibidwal na ito, kung ang sinasabi at ginagawa nila ay lubhang nakakagambala at nakakagulo sa buhay pagpasok ng mga kapatid, at sa buhay iglesia, na nagiging dahilan para walang anumang makamit ang maraming tao mula sa pamumuhay ng buhay iglesia, hanggang sa puntong ayaw nang makipagtipon ng iba dahil lang sa naroroon sila, o sa tuwing nagsasalita sila, nawawalan ng gana ang mga tao at gustong umalis, kung gayon, nagiging malubha ang kalikasan ng problemang ito. Paano dapat pangasiwaan ang mga gayong tao? Kung patuloy pa rin nilang ginagawa ang mga bagay na ito kahit na maraming beses na silang binigyan ng pakikipagbahaginan at tulong, at binigyan ng mga pagkakataon na makapagsisi, kung gayon, ang kanilang kalikasang diwa ang may problema. Hindi sila mga taong taos-pusong nananampalataya sa Diyos at kayang tumanggap sa katotohanan, sa halip, mayroon silang ibang adyenda. Kung titingnan ang kanilang kalikasang diwa, ang mga paggambala at panggugulo na idinudulot nila sa buhay iglesia ay talagang hindi sinasadya, bagkus, mayroong layon at mga motibo ang mga taong ito. Kung bibigyan ng karagdagang mga oportunidad ang mga gayong tao, patas ba iyon para sa hinirang na mga tao ng Diyos na normal na namumuhay ng buhay iglesia? (Hindi.) Ganito na kalawak na naibunyag ang problema sa mga gayong indibidwal; kung bibigyan pa rin sila ng mga pagkakataon na magsisi, na ang resulta ay mauuwi lang sa paggawa nila ng mas higit pang kasamaan, na nagtutulak sa mas maraming tao sa pagkanegatibo, kahinaan, at kawalan ng magagawa, kung gayon, sino ang magbabayad sa kawalang ito? Samakatwid, kung ang mga indibidwal na ito ay binigyan na ng pakikipagbahaginan at mapagmahal na tulong, o kung may hakbang na ginawa para pigilan at limitahan sila, pero hindi pa rin nila binabago ang kanilang mga dating gawi, at nagpapatuloy sila sa kanilang dating pag-uugali, kung gayon, dapat silang pangasiwaan ayon sa mga prinsipyo: Sa magagaang kaso, dapat silang ibukod; sa mabibigat na kaso, dapat silang paalisin sa iglesia. Ano ang tingin ninyo sa prinsipyong ito? Ito ba ay tungkol sa walang awang pambabatikos sa isang tao nang hindi siya binibigyan ng pagkakataon na magsisi? O ito ba ay di-makatarungang paggawa ng desisyon nang hindi gumagamit ng anumang pagkilatis at malinaw na pagkaunawa kung ano talaga ang kalikasang diwa nila? (Hindi.) Kung, sa kabila ng pakikipagbahaginan at tulong sa kanila, at pagbibigay ng mga pagkakataon na makapagsisi, hindi pa rin nagbago kahit kaunti ang mga gawi at disposisyon ng mga taong ito, at hindi rin sila nagsisisi, nananatili pa rin na tulad ng dati—kung saan ang tanging kaibahan lang ay na ang ginagawa nila dati nang hayagan at kitang-kita ay ginagawa na nila ngayon nang palihim at patago, pero nananatiling pareho ang panggugulo at paggambala—kung gayon, hindi na sila maaaring panatilihin ng iglesia. Ang mga gayong tao ay hindi mga kasapi ng sambahayan ng Diyos; hindi sila mga tupa ng Diyos. Ang presensiya nila sa sambahayan ng Diyos ay para lang magdulot ng mga panggugulo at paggambala, at sila ay mga alipin ni Satanas, hindi mga kapatid. Kung palagi mo silang tatratuhin bilang mga kapatid, patuloy na susuportahan at tutulungan sila, at nakikipagbahaginan sa katotohanan kasama nila, at mauuwi ito sa pag-aaksaya ng napakaraming pagsisikap nang hindi nagkakaroon ng anumang bunga, hindi ba’t kahangalan iyon? Higit pa ito sa kahangalan; ito ay kabobohan, ganap na kabobohan!
Kung titingnan ang kalikasan ng mga problema, ang iba’t ibang pagpapamalas at ang mga uri ng mga tao, pangyayari, at bagay na sangkot sa pakikipag-agawan para sa katayuan ay karaniwang maaaring ikategorya sa tatlong klaseng ito. Ang pakikipag-agawan para sa katayuan ay isang karaniwang isyu sa buhay iglesia, na lumilitaw sa iba’t ibang grupo ng mga tao at sa iba’t ibang aspekto ng buhay iglesia. Tungkol naman sa mga taong nakikipag-agawan para sa katayuan, sa magagaang kaso, dapat silang bigyan ng sapat na pagbabahaginan sa katotohanan para suportahan at tulungan sila, nang sa gayon ay maunawaan nila ang katotohanan, at mabigyan sila ng pagkakataong magsisi. Kung mabigat naman ang kaso, dapat silang mahigpit na subaybayan, at sa sandaling matuklasan na nagsasalita at kumikilos sila nang may pakay na magkamit ng isang partikular na motibo o layon, dapat silang pigilan at limitahan kaagad. Kung lalong mas mabigat ang kaso, dapat silang pakitunguhan at pangasiwaan ayon sa mga prinsipyo ng iglesia para sa pagpapaalis at pagpapatalsik sa mga tao. Ito ang responsabilidad na dapat tuparin ng mga lider at manggagawa kapag lumitaw sa buhay iglesia ang mga tao, pangyayari, at bagay na ito na sangkot sa pakikipag-agawan para sa katayuan. Siyempre, nangangailangan din ito ng pagkilos ng lahat ng kapatid at ng pakikipagtulungan nila sa mga lider at manggagawa sa gawaing ito, magkakasamang nililimitahan ang iba’t ibang pag-uugali at kilos ng masasamang tao na nagdudulot ng pagkagambala at kaguluhan, tinitiyak na wala nang paggambala at panggugulo ng masasamang tao sa buhay iglesia, pinagsusumikapan na masiguro na ang bawat okasyon ng buhay iglesia ay binibigyang-liwanag ng Banal na Espiritu, puno ng kapayapaan at kagalakan at ng presensiya ng Diyos, at may pagpapala at patnubay ng Diyos, at masiguro na ang bawat pagtitipon ay isang oras ng pagtatamasa at pakinabang. Ito ang pinakamagandang uri ng buhay iglesia, ang ninanais na makita ng Diyos. Ang pagsasagawa sa gawaing ito ay medyo komplikado para sa mga lider at manggagawa, dahil kasangkot dito ang mga ugnayang pantao, at may kinalaman din dito ang reputasyon at mga interes ng mga tao, at pati na rin ang antas ng pagkaunawa ng mga tao sa katotohanan, na medyo ginagawang mahirap ang gawaing ito. Gayumpaman, kapag lumitaw na ang mga problema, huwag mong iwasan ang mga ito, at huwag maliitin bilang mga simpleng isyu ang malalaking isyu at huwag hayaan sa huli na hindi malutas ang mga ito; hindi rin dapat harapin ang mga ito gamit ang mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, sa pamamagitan ng pagbubulag-bulagan sa mga ito. Higit pa rito, huwag maging isang mapagpalugod ng tao, sa halip, tratuhin ang iba’t ibang uri ng mga taong nakikipag-agawan para sa katayuan nang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Malinaw ba ang pagbabahaginang ito? (Oo.) Kung gayon, dito nagtatapos ang ating pagbabahaginan tungkol sa ikalimang isyu.