Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (14) Unang Seksiyon

Gaano katagal na tayong nagbabahaginan tungkol sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa? (Apat at kalahating buwan.) Matapos magbahaginan tungkol dito sa loob ng napakahabang panahon, medyo mas malinaw na ba ang pagkaunawa ninyo sa partikular na gawaing dapat gawin ng mga lider at manggagawa? (Oo, medyo mas malinaw na ang pagkaunawa namin dito.) Mas malinaw na ito dapat kaysa dati. Napakapartikular at napakalinaw ng pagbabahagi Ko na kung mayroon pa ring hindi nakakaunawa, ibig sabihin nito ay may kakulangan siya sa pag-iisip, hindi ba? (Oo.) Kung titingnan ito ngayon, sa tingin ninyo, madali bang maging isang mabuting lider o manggagawa? (Hindi ito madali.) Anong mga katangian ang kinakailangan? (Kailangang taglay ng isang tao ang kakayahan at pagkataong kinakailangan para sa mga lider o manggagawa, gayundin ang katotohanang realidad, at ang pagpapahalaga sa responsabilidad.) Dapat mayroon man lang konsensiya, katwiran, at katapatan ang isang tao, at kasunod nito, kakayahan at kapabilidad sa gawain. Kapag taglay ng isang tao ang lahat ng katangiang ito, maaari siyang maging isang mabuting lider o manggagawa at matutupad niya ang kanyang mga responsabilidad.

Ikalabindalawang Aytem: Agaran at Tumpak na Tukuyin ang Iba’t Ibang Tao, Pangyayari, at Bagay na Nakagagambala at Nakagugulo sa Gawain ng Diyos at sa Normal na Kaayusan ng Iglesia; Pigilan at Limitahan ang mga Iyon, at Ituwid ang mga Bagay-bagay; Dagdag pa Rito, Pagbahaginan ang Katotohanan Upang Magkaroon ng Pagkilatis ang Hinirang na mga Tao ng Diyos sa Pamamagitan ng mga Gayong Bagay at Matuto Sila Mula sa mga Iyon (Ikalawang Bahagi)

Noong huling pagtitipon, nagbahaginan tayo tungkol sa ikalabindalawang aytem ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa: “Agaran at tumpak na tukuyin ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakagagambala at nakagugulo sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia; pigilan at limitahan ang mga iyon, at ituwid ang mga bagay-bagay; dagdag pa rito, pagbahaginan ang katotohanan upang magkaroon ng pagkilatis ang hinirang na mga tao ng Diyos sa pamamagitan ng mga gayong bagay at matuto sila mula sa mga iyon.” Sa loob ng aytem na ito, nagbahaginan muna tayo tungkol sa kung anong mga tao, pangyayari, at bagay ang nakagagambala at nakagugulo sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia. Kung nais ng mga lider at manggagawa na pigilan at limitahan ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan sa loob ng iglesia, at gusto nilang gampanan nang maayos ang gawaing ito, dapat muna nilang malaman at matukoy kung aling mga tao, pangyayari, at bagay ang nakagagambala at nakagugulo sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia. Pagkatapos niyon, dapat nilang itugma ang mga ito sa mga tao, pangyayari, at bagay na nasa aktuwal na gawain ng iglesia at buhay iglesia, at pagkatapos ay isagawa ang iba’t ibang gampanin gaya ng pagpipigil at paglilimita sa mga ito. Isa itong hinihingi sa mga lider at manggagawa. Sa huling pagtitipon natin, nagbahaginan tayo tungkol sa ilan sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakagagambala at nakagugulo sa gawain ng iglesia at sa buhay iglesia, simula sa mga may kinalaman sa buhay iglesia. Ikinategorya rin natin ang mga tao, pangyayari, at bagay sa buhay iglesia na likas na nakagagambala at nakagugulo sa mga ito. Ilan lahat ang mga isyung naroon? (Labing-isa. Una, madalas na paglihis sa paksa kapag nagbabahaginan sa katotohanan; pangalawa, pagsasabi ng mga salita at doktrina para ilihis ang mga tao at makuha ang kanilang pagpapahalaga; pangatlo, pagdadaldal tungkol sa mga usapin sa tahanan, pagbubuo ng mga personal na koneksiyon, at pag-aasikaso sa mga personal na usapin; pang-apat, pagpapangkat-pangkat; panglima, pakikipag-agawan para sa katayuan; pang-anim, paghahasik ng alitan; pampito, pag-atake at pagpapahirap sa mga tao; pangwalo, pagpapakalat ng mga kuru-kuro; pansiyam, pagbubulalas ng pagkanegatibo; pansampu, ang pagpapakalat ng walang batayang mga tsismis; at panlabing-isa, ang paglabag sa mga prinsipyo ng halalan.) Ang ikaanim na isyu ay paghahasik ng alitan, na likas na nagsasanhi ng mga pagkagambala at kaguluhan, pero kung ikukumpara sa ibang masasamang gawa, maliit na problema ito. Palitan ito ng “pakikibahagi sa mga di-wastong ugnayan,” at mas malubha ang kalikasan nito kaysa sa paghahasik ng alitan. Ang ikapitong isyu ay ang pag-atake at pagpapahirap sa mga tao. Palitan iyon ng “pambabatikos at pagbabangayan sa isa’t isa”—hindi ba’t mas malubha ang kalikasan nito, at mas partikular at akma? (Oo.) Ang pambabatikos at pagbabangayan sa isa’t isa ay isang pangkaraniwang uri ng problema na nangyayari sa buhay iglesia na nauugnay sa mga paggambala at panggugulo. Sa pamamagitan ng pagbabago sa dalawang isyung ito sa ganitong paraan, nagiging mas angkop at mas malapit ang mga ito sa mga problemang lumilitaw sa buhay iglesia. Ang ikalabing-isang isyu ay ang paglabag sa mga prinsipyo ng halalan. Palitan ito ng “pagmamanipula at paggambala sa mga halalan.” Ito ay simpleng pagbabago sa mga salita; nananatiling pareho ang kalikasan nito, sadyang mas tumindi lang ang antas—mas nauugnay na ito ngayon sa kalikasan ng pagsasanhi ng mga pagkagambala at kaguluhan.

Ang Iba’t Ibang Tao, Pangyayari, at Bagay na Nakagagambala at Nakagugulo sa Buhay Iglesia

V. Pakikipag-agawan para sa Katayuan

Noong nakaraan, nagbahaginan tayo hanggang sa ikaapat na isyu, ang pagpapangkat-pangkat. Sa pagkakataong ito, pagbabahaginan naman natin ang ikalimang isyu, ang pakikipag-agawan para sa katayuan. Ang usapin ng pakikipag-agawan para sa katayuan ay isang problema na madalas na lumilitaw sa buhay iglesia at isa itong bagay na hindi bihirang makita. Anong mga kalagayan, pag-uugali, at pagpapamalas ang nabibilang sa pagsasagawa ng pakikipag-agawan para sa katayuan? Anong mga pagpapamalas ng pakikipag-agawan para sa katayuan ang nabibilang sa problema ng paggambala at panggugulo sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia? Anuman ang isyu o kategoryang pinagbabahaginan natin, dapat itong tumukoy sa ipinapahayag sa ikalabindalawang aytem, tungkol sa “iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakagagambala at nakagugulo sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia.” Dapat itong umabot sa antas ng paggambala at panggugulo, at dapat tumukoy ito sa kalikasang ito—saka lang ito magiging karapat-dapat sa pagbabahaginan at paghihimay. Anong mga pagpapamalas ng pakikipag-agawan para sa katayuan ang nauugnay sa kalikasan ng paggambala at panggugulo sa gawain ng sambahayan ng Diyos? Ang pinakakaraniwan ay ang pakikipag-agawan ng mga tao sa mga lider ng iglesia para sa katayuan, na pangunahing namamalas sa kanilang pagsasamantala sa ilang bagay tungkol sa mga lider at sa mga pagkakamali ng mga ito para siraan at kondenahin ang mga ito, at sadyang paglalantad sa kanilang mga pagbubunyag ng katiwalian at mga kabiguan at kakulangan sa kanilang pagkatao at kakayahan, lalo na pagdating sa mga paglihis at pagkakamaling nagawa nila sa kanilang gawain o kapag pinapangasiwaan nila ang mga tao. Ito ang pinakakaraniwang nakikita at ang pinakalantarang pagpapamalas ng pakikipag-agawan sa mga lider ng iglesia para sa katayuan. Dagdag pa rito, walang pakialam ang mga taong ito sa kung gaano kahusay na ginagawa ng mga lider ng iglesia ang kanilang gawain, kung kumikilos man ang mga ito nang naaayon sa mga prinsipyo o hindi, o kung may mga isyu man o wala sa pagkatao ng mga ito, at sadyang mapanlaban sila sa mga lider na ito. Bakit sila mapanlaban? Dahil gusto rin nilang maging lider ng iglesia—ito ang ambisyon nila, ang pagnanais nila, at kaya mapanlaban sila. Paano man gumagawa o nangangasiwa sa mga problema ang mga lider ng iglesia, palaging sinasamantala ng mga taong ito ang mga bagay tungkol sa mga ito, hinuhusgahan at kinokondena ang mga ito, at masyado pa nga nilang pinapalaki ang mga bagay-bagay, binabaluktot nila ang mga katunayan, at ginagawa nilang labis-labis ang mga bagay hangga’t posible. Hindi nila ginagamit ang mga pamantayan na hinihingi ng sambahayan ng Diyos sa mga lider at manggagawa para sukatin kung kumikilos ba ang mga lider na ito nang ayon sa mga prinsipyo, kung mga tamang tao ba ang mga ito, kung ang mga ito ba ay mga taong naghahangad sa katotohanan, at kung mayroon bang konsensiya at katwiran ang mga ito. Hindi nila sinusuri ang mga lider nang ayon sa mga prinsipyong ito. Sa halip, batay sa sarili nilang mga intensiyon at pakay, palagi silang nagbubusisi at nag-iimbento ng mga reklamo, naghahanap ng mga bagay na gagamitin laban sa mga lider o manggagawa, nagpapakalat ng mga tsismis kapag nakatalikod ang mga ito tungkol sa mga bagay na ginagawa ng mga ito na hindi naaayon sa katotohanan, o inilalantad ang mga pagkukulang ng mga ito. Halimbawa, maaaring sabihin nila na: “Ang lider na si Ganito-at-ganyan ay nakagawa ng pagkakamali minsan at pinungusan siya ng ang Itaas, at wala sa inyo ang nakaalam tungkol dito. Kita na ninyo, napakahusay niyang magpanggap!” Hindi nila isinasaalang-alang at wala silang pakialam kung target bang linangin ng sambahayan ng Diyos ang lider o manggagawang ito, o kung ito ba ay pasok sa pamantayan bilang isang lider o manggagawa, patuloy lang nilang hinuhusgahan ito, binabaluktot ang mga katunayan, at ginagawan ito ng maliliit na paninira kapag nakatalikod ito. At ano ang layon nila sa paggawa ng mga bagay na ito? Ito ay upang makipag-agawan para sa katayuan, hindi ba? May pakay ang lahat ng bagay na sinasabi at ginagawa nila. Hindi nila isinasaalang-alang ang gawain ng iglesia, at ang pagsusuri nila sa mga lider at manggagawa ay hindi nakabatay sa mga salita ng Diyos o sa katotohanan, lalong hindi ito nakabatay sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos o sa mga prinsipyong hinihingi ng Diyos sa tao, kundi sa sarili nilang mga intensiyon at pakay. Kinokontra nila ang lahat ng sinasabi ng mga lider o manggagawa, at pagkatapos ay nagbibigay ng sarili nilang “mga kabatiran.” Gaano man karami sa mga sinasabi ng mga lider at manggagawa ang naaayon sa katotohanan, hindi nila ito tinatanggap kahit kaunti. Pinapabulaanan nila ang anumang sinasabi ng mga lider at manggagawa, at inilalahad ang sarili nilang mga salungat na opinyon. Sa partikular, kapag nagtatapat at naglalahad ng saloobin ang isang lider o manggagawa, tinatalakay ang pagkilala nito sa sarili, mas lalo silang nasisiyahan, at iniisip na natagpuan na nila ang pagkakataon nila. Anong pagkakataon? Ang pagkakataon na hamakin ang lider o manggagawang ito, para ipaalam sa lahat na mahina ang kakayahan ng lider o manggagawang ito, na maaari itong maging mahina, na tiwaling tao rin ito, na madalas din itong magkamali sa mga bagay na ginagawa nito, at na hindi ito mas mahusay kaysa sa iba. Ito ang pagkakataon nila para makahanap ng isang bagay na magagamit laban sa lider o manggagawang iyon, ang pagkakataon nila na sulsulan ang lahat na kondenahin, patalsikin, at pabagsakin ang lider o manggagawang iyon. At ang motibasyon sa lahat ng pag-uugali at kilos na ito ay walang iba kundi ang pakikipag-agawan para sa katayuan. Kung sinusunod ang mga prinsipyo ng halalan at ang mga prinsipyo ng paglilinang at paggamit sa mga tao sa sambahayan ng Diyos, sa mga normal na sitwasyon, hindi kailanman maihahalal bilang mga lider o manggagawa ang mga gayong indibidwal. Ito ay isang bagay na malinaw nilang nakilatis at naunawaan, kaya gumagamit sila ng anumang paraan para batikusin at kondenahin ang mga lider at manggagawa. Sinuman ang maging isang lider o manggagawa, sadyang mapanlaban sila rito, at palagi silang naghahanap ng mali at gumagawa ng mga iresponsable at kritikal na komento tungkol dito. Kahit wala namang mali sa mga salita o kilos ng mga lider at manggagawang ito, palagi silang nakakahanap ng mali sa mga ito—sa katunayan, ang mga problemang binubusisi nila ay hindi mga problema tungkol sa prinsipyo, kundi puro maliliit na isyu lang. Kaya, bakit sila masyadong tumututok sa maliliit na isyung ito? Bakit nagagawa nilang husgahan at kondenahin ang mga lider at manggagawa nang napakalantaran tungkol sa mga gayong bagay? Iisa lang ang layon nila, at iyon ay ang makipag-agawan sa kapangyarihan at katayuan. Gaano man makipagbahaginan ang sambahayan ng Diyos tungkol sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga huwad na lider at anticristo, hindi nila kailanman iniuugnay ang mga pagpapamalas na ito sa sarili nila, bagkus ay inuugnay lang nila ang mga ito sa mga lider at manggagawa sa lahat ng antas. Kapag nakakita sila ng pagkakatugma, iniisip nila, “Ngayon, may ebidensiya na ako; sa wakas ay nakahanap na ako ng isang bagay na magagamit laban sa kanila at nakakuha ako ng magandang pagkakataon.” Pagkatapos, mas lalo silang nagiging walang pagpipigil sa paglalantad, paghuhusga, paggawa ng mga kritikal na pagsusuri, at pagkondena sa lahat ng ginagawa ng mga lider at manggagawang ito. Ang ilan sa mga isyung binabanggit nila ay maaaring tila medyo problematiko sa panlabas, pero kapag sinukat ayon sa mga prinsipyo, hindi mahalaga ang mga ito. Kaya, bakit nila binabanggit ang mga ito? Hindi para sa ano pa mang ibang dahilan kundi para ilantad ang mga lider at manggagawa, nang may pakay na kondenahin at talunin ang mga ito. Kung ang mga lider at manggagawa ay malugmok sa pagkanegatibo, magmakaawa, at yumukod sa kanila, kung makita ng mga kapatid na ang mga lider na ito ay palaging negatibo at mahina, at na madalas magkamali ang mga ito kapag kumikilos ang mga ito, at hindi na ihahalal ng mga kapatid ang mga ito bilang lider, kung ang mga kapatid ay hindi na gaanong nakikinig nang mabuti kapag nakikipagbahaginan sa katotohanan ang mga lider na ito, at kung hindi na nakikipagtulungan ang mga tao nang aktibo at masigasig tulad ng dati kapag ipinatutupad ng mga lider na ito ang gawain, kung gayon, matutuwa ang mga nakikipag-agawan para sa katayuan, at magkakaroon sila ng pagkakataon na magsamantala. Ito ang senaryo na pinakagusto nilang makita at ang pinakainaasam nilang mangyari. Ano ang layon nila sa paggawa ng lahat ng ito? Hindi ito para tulungan ang mga tao na maunawaan ang katotohanan at makilatis ang mga huwad na lider at anticristo, ni para akayin ang mga tao sa harap ng Diyos. Sa halip, ang pakay nila ay talunin at pabagsakin ang mga lider at manggagawa para makita ng lahat na sila ang pinakaangkop na maging lider. Sa puntong ito, nakamit na ang layon nila, at kailangan na lang nilang maghintay na inomina sila ng mga kapatid bilang lider. Mayroon bang mga gayong tao sa iglesia? Kumusta ang mga disposisyon nila? Malupit ang disposisyon ng mga indibidwal na ito, hindi nila minamahal ang katotohanan kahit kaunti, at hindi rin nila ito isinasagawa; nais lang nilang humawak ng kapangyarihan. Paano naman iyong mga nakakaunawa ng kaunting katotohanan at may taglay na kaunting pagkilatis—magiging handa ba silang hayaan ang mga gayong tao na humawak ng kapangyarihan? Magiging handa ba silang magpasailalim sa kapangyarihan ng mga ito? (Hindi.) Bakit hindi? Kung malinaw na makikita ng karamihan sa mga tao ang kalikasang diwa ng mga gayong indibidwal, ihahalal pa rin ba nila ang mga ito bilang lider? (Hindi.) Hindi nila ihahalal ang mga ito, maliban na lang kung ang lahat ay bagong magkakakilala pa lang at hindi pa lubos na pamilyar sa isa’t isa. Pero kapag pamilyar na sila sa isa’t isa at malinaw nilang nakikita kung sinong mga indibidwal ang may mahinang kakayahan at magulo ang isip, kung sino ang masasamang tao na may mga malupit at mapanlinlang na disposisyon, kung sino ang sabik na makipag-agawan para sa katayuan at tumahak sa landas ng mga anticristo, kung sino ang kayang maghangad sa katotohanan at tapat na gumawa sa mga tungkulin nila, at iba pa, kapag naarok na nila ang kalikasang diwa at mga kategorya ng iba’t ibang tao, kung gayon, ang halalan ng mga lider ay magiging medyo tumpak at alinsunod sa mga prinsipyo.

Mas gugustuhin ba ng karamihan ng tao na ihalal bilang lider ang isang taong palaging nakikipag-agawan para sa katayuan, o mas gugustuhin ba nilang pumili ng isang taong may kakayahan at kapabilidad sa gawain na medyo katamtaman lang, pero masipag at matatag? Kapag hindi pa malinaw kung ano ang karakter ng dalawang indibidwal na ito, kung ano ang kalikasang diwa nila, o kung anong landas ang tinatahak nila, sino ang mas gugustuhin ng karamihan sa mga tao na ihalal bilang lider? (Ang pangalawa, ang taong matatag.) Pipiliin ng karamihan sa mga tao ang pangalawa. Ang mga pagpapamalas ng mga palaging nakikipag-agawan para sa katayuan ay patunay ng kanilang pagkatao at diwa. Hindi ba kayang makita at makilatis ng karamihan sa mga tao ang kanilang mga pagpapamalas? Sasabihin ng mga tao, “Palaging pinapahirapan ng taong ito ang lider ng iglesia; nakatakda ang mga ambisyon niya sa pagkakamit ng katayuan ng isang lider ng iglesia, gusto niyang palitan ito bilang lider. Simula nang mahalal ang taong iyon bilang lider ng iglesia, palagi na niya itong pinupuntirya at kinaiinisan. Palagi niyang sinasagot ang lider, at hinahanapan ng mali sa anumang ginagawa nito, sinasamantala ang anumang masasamantala niya, at hinuhusgahan din niya ito at inilalantad ang mga pagkukulang nito habang nakatalikod ito. Lalo na sa mga pagtitipon o kapag nagbabahaginan tungkol sa gawain, kung saglit na hindi malinaw na ipinapahayag ng lider ang sarili nito, sumasabad siya, nagpapakita ng matinding kawalan ng pasensiya. Kinukutya, inuuyam, tinutuya, at pinagtatawanan pa nga niya ang lider na ito; pinapahirapan niya ito sa bawat pagkakataon at inilalagay ito sa mga nakakahiyang sitwasyon.” Sa pagkakalantad ng mga pag-uugaling ito sa lahat, hindi ba’t makikilatis ng karamihan ng tao ang indibidwal na ito? (Oo.) Kung gayon, nakakatulong ba ito sa pag-angkin niya sa posisyon ng lider? Talagang hindi. Mautak ba o hangal ang mga taong nakikipag-agawan para sa katayuan? Malinaw na mga mangmang sila, mga hangal. Mayroong isa pang malubhang isyu: Ang mga indibidwal na ito ay mga diyablo, at hindi mababago ang kalikasan nila! Hindi makontrol ang pagnanais nila para sa kapangyarihan at katayuan, hanggang sa punto pa nga na nawawalan na sila ng katinuan, na hindi isang bagay na taglay ng normal na pagkatao. Lumalagpas ang pagnanais na ito sa mga hangganan ng pagkamakatwiran at konsensiya ng normal na pagkatao, umaabot sa kawalan ng prinsipyo. Kikilos ang mga taong ito sa ganitong paraan sa anumang oras, lugar, o konteksto, nang hindi isinasaalang-alang ang mga kahihinatnan, lalo na ang epekto ng kanilang mga kilos. Ito ang mga pinakatipikal na pagpapamalas at pamamaraan ng mga nakikipag-agawan para sa katayuan. Sa tuwing may pagtitipon o pagbabahaginan tungkol sa gawain, sa sandaling magtipon-tipon ang lahat, nagsasanhi ng mga kaguluhan ang mga indibidwal na ito na parang mga nakakairitang langaw, pinipinsala ang buhay iglesia at ang normal na kaayusan ng pagbabahaginan sa katotohanan. Ang mga gayong pag-uugali at pamamaraan ay likas na nagsasanhi ng mga pagkagambala at kaguluhan sa kanila. Hindi ba’t dapat limitahan ang mga gayong indibidwal? Sa malulubhang kaso, hindi ba’t dapat silang paalisin o patalsikin? (Oo.) Minsan, kung aasa lamang sa kalakasan ng mga lider ng iglesia para limitahan ang masasamang tao, medyo hindi ito sapat, at ito ay kaisa-isang pagsisikap—kung, pagkatapos malinaw na makita ang kalubhaan ng mga pagkagambala at kaguluhan na idinulot ng masasamang tao at lubusang makilatis ang kanilang diwa, maaari nang makipagkaisa ang mga kapatid sa mga lider ng iglesia sa pagpipigil at paglilimita sa gayong masasamang indibidwal, hindi ba’t magiging mas epektibo ito? (Oo.) Kung sasabihin ng isang tao, “Ang paglilimita sa masasamang tao ay ang responsabilidad ng mga lider at manggagawa, wala itong kinalaman sa aming mga ordinaryong mananampalataya. Hindi kami makikialam dito! Nakikipag-agawan para sa katayuan ang masasamang tao laban sa mga lider ng iglesia; nakikipag-agawan sila para sa katayuan laban sa mga mayroon nito. Wala naman kaming katayuan; wala silang tinatangkang kunin mula sa amin. Ano’t anuman, hindi ito nakakaapekto sa amin. Hayaan silang makipag-agawan hangga’t gusto nila. Kung may abilidad ang mga lider ng iglesia, dapat pigilan sila ng mga ito; kung hindi, hayaan na lang sila. Ano bang kinalaman nito sa amin?” Mabuti ba ang pananaw na ito? (Hindi.) Bakit hindi mabuti? (Hindi nila itinataguyod ang normal na kaayusan ng iglesia.) Sa mas angkop na mga termino, ano ang tinutukoy ng normal na kaayusan ng iglesia? Hindi ba’t tumutukoy ito sa normal na buhay iglesia? (Oo.) May kinalaman ito sa normal at maayos na buhay iglesia—kaugnay nito ang maayos na pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, na nangangahulugan na kayang magdasal-magbasa ng mga tao at magbahaginan sa salita ng Diyos, at magbahagi ng mga personal na karanasan, sa isang buhay iglesia kung saan gumagawa ang Banal na Espiritu, naroroon ang Diyos, at gumagabay ang Diyos, at kasabay nito, nakakatanggap din ang mga tao ng kaliwanagan at patnubay mula sa Banal na Espiritu at nagkakamit ng liwanag. Ito ang dapat na tamasahin ng hinirang na mga tao ng Diyos sa buhay iglesia. Kung may ilang tao na sumisira sa normal na kaayusang ito, dapat silang pigilan at limitahan ayon sa mga prinsipyo, at hindi dapat kunsintihin. Hindi lang ito responsabilidad at obligasyon ng mga lider at manggagawa, kundi responsabilidad at obligasyon din ng lahat ng nakakaunawa sa katotohanan at nagtataglay ng pagkilatis. Siyempre, pinakamainam kung mapangungunahan ng mga lider ng iglesia ang gawaing ito, nakikipagbahaginan sa mga kapatid tungkol sa kalikasan ng mga kilos ng mga indibidwal na ito, kung anong klaseng mga tao ang mga indibidwal na ito batay sa mga pagpapamalas nila, at kung paano dapat kilatisin at malinaw na unawain ng mga kapatid ang mga gayong indibidwal. Kung hindi nililimitahan ang masasamang tao at ang mga kapatid ay pawang nagugulo, nalilihis, at nadadaya nila, at ang mga lider ng iglesia ang nabubukod sa halip na ang masasamang taong iyon, kung gayon, magiging paralisado at hindi maiiwasang masasadlak sa kaguluhan ang iglesiang ito. Makakapagpatuloy pa ba ang normal na buhay iglesia sa mga gayong sitwasyon? Kung hindi ito makapagpapatuloy, magiging mabunga pa rin ba ang mga pagtitipon ng iglesia? May makakamit pa rin ba ang hinirang na mga tao ng Diyos mula sa mga gayong pagtitipon? Kung walang makakamit ang hinirang na mga tao ng Diyos mula sa mga ito, pinagpapala o kinasusuklaman ba ng Diyos ang mga gayong pagtitipon? Siyempre, kinasusuklaman ng Diyos ang mga ito. Ang mga pagtitipong walang gawain ng Banal na Espiritu at walang pagpapala ng Diyos ay hindi na maituturing na buhay iglesia kundi nagiging mga pagpupulong na ng isang grupong panlipunan. Mayroon bang may gusto ng isang magulong buhay iglesia? Nakakapagpatibay o kapaki-pakinabang ba ito sa sinuman? (Hindi.) Kung, sa panahong ito, ay wala kang anumang nakamit sa iyong buhay pagpasok mula sa anumang pagtitipon, kung gayon, naging walang halaga o kabuluhan ang panahong ito para sa iyo; sinayang mo lang ang oras na ito. Hindi ba’t nangangahulugan ito na nagkaroon ng kawalan ang iyong buhay pagpasok? (Oo.) Kung sa isang pagtitipon ay may masasamang tao na nakikipag-agawan para sa katayuan, at nakikipagtalo at nakikipagdiskusyon sa isang lider ng iglesia, at dahil dito ay nababalisa ang mga tao, ang buong pagtitipon ay nababalot ng negatibong atmospera, at napupuno ng buktot na enerhiya ni Satanas, at kung, maliban sa pagdedebate tungkol sa mga paksa gaya ng kung sino ang tama at sino ang mali, walang sinumang lumalapit sa Diyos para magdasal at maghanap sa katotohanan, at walang sinumang kumikilos ayon sa mga prinsipyo, kung gayon, pagkatapos ng ganitong uri ng pagtitipon, titibay ba ang pananalig mo sa Diyos o hihina? Mas marami ka bang mauunawaan at makakamit pagdating sa katotohanan, o magiging magulo ba ang isipan mo dahil sa mga pagtatalo, at wala kang anumang makakamit? Minsan, maaaring isipin mo, “Hindi ko maintindihan kung bakit nananampalataya sa Diyos ang mga tao. Ano ba ang silbi ng pananampalataya sa Diyos? Bakit ganito ang asal ng mga taong ito? Mga mananampalataya pa rin ba sila sa Diyos?” Dahil lang sa isang panggugulo ng mga Satanas, at masasamang diyablo, nagugulo at narurumihan ang puso ng mga tao; pakiramdam nila ay walang saysay ang manampalataya sa Diyos, at hindi na nila alam kung ano ang halaga ng pananampalataya sa Diyos, at nagiging magulo ang isipan nila. Kung ang lahat ay kayang maging mapagmatyag, at partikular na maging sensitibo at matalas sa mga gayong usapin, sa halip na maging manhid at mabagal, kung gayon, kapag ang masasamang tao ay madalas magsalita o gumawa ng mga bagay-bagay sa buhay iglesia alang-alang sa pakikipag-agawan para sa katayuan, agad na mapagtatanto ng karamihan sa mga tao na may problemang kailangang lutasin. Mabilis nilang makikilatis kung sino ang nagmamanipula ng mga sitwasyong ito, at kung ano ang kanilang disposisyong diwa, agad nilang mapagtatanto ang kalubhaan ng isyu, at magagawa nilang pigilan at limitahan ang masasamang tao sa loob ng maikling panahon, inaalis ang mga ito mula sa iglesia, at pinipigilan ang mga ito na patuloy na guluhin at pigilan ang mga tao sa loob ng iglesia. Hindi ba’t makakabuti at makakapagpatibay ito sa karamihan sa mga tao? (Oo.)

Kung makakaranas kayo ng mga sitwasyon kung saan nakikipag-agawan para sa katayuan ang masasamang tao, paano ninyo haharapin ang mga ito? Ano ang pananaw ng karamihan? (Pipigilan namin ang pag-uugaling ito.) Pipigilan lang? Paano ninyo ito pipigilan? Ipagbabawal ba ninyo sa kanila na magsalita, o magsabing, “Ayaw namin sa sinasabi mo, kaya huwag ka nang gaanong magsalita sa mga susunod na pagtitipon!” Gagana ba iyon? Makikinig ba sila sa iyo? (Hindi.) Kung gayon, ano ang dapat mong gawin? Kailangan mong lubusang ilantad at himayin ang kanilang mga intensiyon, motibasyon, at kalikasang diwa ayon sa salita ng Diyos, para makakilatis at maging alerto ang mga kapatid sa mga gayong tao at sa kalikasan ng kanilang mga kilos, sa halip na maging isang mapagpalugod ng tao, at naghihintay lang sa mga lider at manggagawa ng iglesia na maglantad sa masasamang tao bago ka manindigan at magsabing, “Hindi na sila dapat payagang dumalo sa mga pagtitipon.” Mabuti ba na maging isang mapagpalugod ng tao? (Hindi, hindi ito mabuti.) Kapag nahaharap sa gayong mga sitwasyon, hindi ba’t mas pinipili ng karamihan ng tao na umiwas na lang at lumayo sa ganitong mga usapin, sa halip na makabanggaan ang masasamang taong iyon, para maiwasan nilang makapagpasama ng loob ng mga ito at gawing nakakaasiwa ang makisalamuha sa mga iyon kalaunan? Hindi ba’t karamihan sa mga tao ay sumusunod sa prinsipyo para sa mga makamundong pakikitungo ng pagiging isang mapagpalugod ng tao? (Oo.) Kung gayon, problema iyon. Ipagpalagay natin na walumpung porsiyento ng mga tao sa isang iglesia ay mga mapagpalugod ng tao, at kapag nakikita nila ang gayong masasamang indibidwal na nakikipag-agawan para sa katayuan, kalamangan, at mga posisyon bilang mga lider sa buhay iglesia, walang sinumang tumitindig para pigilan o limitahan ang mga ito, at ang karamihan ay may ganitong pananaw: “Mas kakaunti ang gulo, mas mainam. Hindi ko sila puwedeng galitin, kaya, hindi ba puwedeng iwasan ko na lang sila? Iiwasan ko na lang sila at iyon na ang katapusan nito. Hayaan silang makipag-agawan; pagdating ng panahon, parurusahan sila ng Diyos. Wala naman itong kinalaman sa akin!” Sa ganitong mga sitwasyon, magiging mabunga pa rin ba ang buhay iglesia? Karamihan ng tao ay tamad at umaasa lang; sa sandaling mahalal ang mga lider ng iglesia, itinuturing nilang tapos na ang gawain nila, at hinihintay lang nila na gawin ng mga lider ng iglesia ang lahat ng bagay. Kung tatanungin mo sila kung naipamahagi na ba ang mga aklat ng mga salita ng Diyos sa kanilang iglesia, kung nagkaroon ba ng anumang paggambala o panggugulo sa buhay iglesia, o kung may sinumang palaging naglilitanya ng mga salita at doktrina o nakikipag-agawan para sa katayuan laban sa mga lider, sasabihin nila, “Alam ng mga lider ng iglesia ang lahat ng bagay na ito. Wala akong alam sa mga ito at hindi ko kailangang mag-abala tungkol sa mga ito. Aasikasuhin ito ng mga lider pagdating ng panahon.” Hindi sila nangingialam o nag-uusisa tungkol sa anumang bagay, wala silang alam tungkol sa kahit anong bagay, at wala silang alam o pakialam tungkol sa sinumang tao, anumang pangyayari, o anumang bagay na may kinalaman sa buhay iglesia, na dapat sana ay alam nila. Pagdating sa kung ano ang sinasabi at ginagawa ng masasamang taong ito na lumilitaw sa iglesia kapag nakikipag-agawan sila para sa katayuan, pati na ang mga kaguluhan at epektong naidudulot nila sa buhay iglesia, lubos silang walang pakialam dito, at hindi sila nag-uusisa o nagtatanong tungkol sa mga bagay na ito. Kapag tapos na ang lahat, kung tatanungin mo sila kung nagkaroon ba sila ng anumang pagkilatis, kung kaya na ba nilang kilatisin ang masasamang tao at kung ano ang mga pagpapamalas ng masasamang tao, wala silang masasabing kahit ano maliban sa, “Tanungin mo ang mga lider ng iglesia; alam nila ang lahat.” Hindi ba’t alipin ang gayong tao? Isa siyang alipin, siya ay duwag at walang silbi, at namumuhay ng isang pag-iral na ubod ng sama. Ang mga sitwasyon kung saan nakikipag-agawan para sa katayuan ang masasamang tao ay nangangailangan ng pagkilatis, pangangasiwa, at paglutas. Hindi lang ito responsabilidad ng mga lider ng iglesia; responsabilidad din ito ng lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos. Karamihan sa mga lider ay nakakaunawa ng mas marami-raming katotohanan kaysa sa karaniwang tao, alerto sila sa ganitong mga isyu, at nakikita nila ang mga pakay at diwa ng mga kilos ng mga taong ito. Kasabay nito, dapat ding aktuwal na matuto ng mga aral ang karamihan sa mga tao at lumago sa pagkilatis, at makipagkaisa sa mga nasa iglesia na may pagpapahalaga sa katarungan, at nakakaunawa at naghahangad sa katotohanan, para kumilos nang naaayon laban sa masasamang indibidwal na ito na nanggugulo at nanggagambala sa buhay iglesia. Dapat din nilang ibukod o paalisin ang mga ito, sa halip na wala silang gawin, at makinig lang sa kaunting pagbabahaginan, palawakin nang kaunti ang kanilang pananaw, at magkaroon ng kaunting kamalayan tungkol sa usapin sa puso nila kapag nahaharap sa mga isyung ito, at pagkatapos ay ituring na tapos na ang gawain nila. Ito ay dahil ang buhay iglesia ay hindi isang bagay na may kinalaman lang sa mga lider ng iglesia, at ang pamumuhay ng magandang buhay iglesia at pagpapanatili ng normal na kaayusan ng buhay iglesia ay hindi lang responsabilidad ng mga lider ng iglesia—nangangailangan ito ng sama-samang pagsisikap ng lahat ng tumitindig para mapanatili ito.

Ang mga taong nakikipag-agawan para sa katayuan—ang klase na binanggit sa ikalimang isyu—ay madalas na lumilitaw sa loob ng buhay iglesia. Ang kanilang pinakahalatang pagpapamalas ay ang pakikipag-agawan nila para sa katayuan laban sa mga lider ng iglesia, kasunod ang pakikipag-agawan para sa katayuan laban sa mga may mahusay na kakayahan at may halos dalisay na pagkaarok sa katotohanan, sa mga may espirituwal na pang-unawa, at sa mga nakakaunawa sa mga katotohanang prinsipyo kasama ang mga kapatid, madalas na hinahamon ang mga indibidwal na ito. Ang mga taong ito ay madalas na nakikipagbahaginan ng ilang dalisay na pagkaunawa at liwanag sa buhay iglesia, nagbabahagi ng ilang personal na karanasan na may halaga at naghahatid ng praktikal na pagkaunawa; labis itong nakakatulong at nakakapagpatibay sa mga kapatid. Matapos marinig ang kanilang pakikipagbahaginan, nagkakaroon ng landas ang mga kapatid, nalalaman nila kung paano isagawa at danasin ang salita ng Diyos at kung paano lutasin ang sarili nilang mga problema. Labis silang nagpapasalamat sa patnubay ng Diyos, at kasabay nito, hinahangaan at pinahahalagahan nila ang mga may dalisay na pagkaarok sa katotohanan at may mga praktikal na karanasan. Kaya naman, may tendensiya silang pahalagahan ang mga indibidwal na ito at lumapit sa mga ito. Ang paglitaw ng mga positibong bagay na ito na nakalulugod para sa Diyos sa buhay iglesia ay ang pinakaayaw makita ng mga taong nakikipag-agawan para sa katayuan. Sa tuwing may nakikita silang nakikipagbahaginan ng mga praktikal na karanasan, hindi sila mapalagay at naiinggit sila, at nagiging sobrang asiwa. Sa kanilang pagkaasiwa, nagpapakita sila ng isang asal ng pagsuway, paghamak, at kawalan ng kasiyahan, madalas na nagkakalkula sa puso nila kung paano pagmukhaing mga hangal ang mga taong may mga praktikal na karanasan at nakakaunawa sa katotohanan, gayundin kung paano ipakita sa mga kapatid ang mga kapintasan at pagkukulang ng mga ito, para hindi na sila pahalagahan ng mga kapatid o hindi na makipaglapit sa kanila ang mga ito. Kaya naman, ang mga taong nakikipag-agawan para sa katayuan ay tiyak na magsasabi ng ilang bagay at magsasagawa ng ilang kilos. Inaatake at ibinubukod nila iyong mga nagbabahagi ng mga patotoong batay sa karanasan at iyong mga may madalas na pakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan na nagtutustos at tumutulong sa buhay pagpasok ng mga kapatid. Madalas silang nakakakuha ng magagamit laban sa mga positibong tao at inilalantad nila ang mga pagkukulang ng mga ito, nang may pakay na ilayo ang hinirang na mga tao ng Diyos sa mga taong madalas na nakikipagbahaginan sa katotohanan at nagbabahagi ng mga patotoong batay sa karanasan. Sa pagbubuod, ang mga nakikipag-agawan para sa katayuan ay mga negatibong tauhan na pinapasok ang iglesia at gumaganap sa papel ng mga alipin ni Satanas.

Ang isang sister, na nakagawa ng mga kamalian sa kanyang matatalik na relasyon bago manampalataya sa Diyos, ay nagsisi pagkatapos maging isang mananampalataya at hindi na muling gumawa ng mga gayong pagkakamali. Lubha siyang nagsisi sa kanyang mga nakaraang pagsalangsang at kaya, nagtapat siya at nakipagbahaginan sa mga kapatid. Ano ang layon at prinsipyo ng pagtatapat at pakikipagbahaginan? Ito ay para magbunsod ng pagkaunawa sa isa’t isa at alisin ang mga panloob na hadlang sa pagitan ng mga kapatid. Ang karamihan sa mga kapatid, pagkatapos maunawaan ang katotohanan, ay kaya nang magtapat at makipagbahaginan tungkol sa kanilang sariling mga pagbubunyag ng katiwalian at mga nakaraang pagsalangsang, habang nagpapahayag din ng pasasalamat at papuri sa pagliligtas ng Diyos. Angkop ba ang gayong pagtatapat at pagbabahaginan? (Oo.) Pagkatapos maunawaan ang katotohanan, karamihan sa mga kapatid ay nagagawang magtapat at makipagbahaginan sa ganitong paraan; maituturing ba itong problema? (Hindi.) Napakanormal lang na makagawa ng ilang pagkakamali ang mga tao pagdating sa kanilang malalapit na relasyon o sa iba pang mga aspekto bago sumampalataya sa Diyos. Kaya ng ilang tao na magsalita tungkol sa mga pagkakamaling ito, samantalang ang iba naman ay nagtatago at nagkukunwari, at kahit gaano pa magsanay na magtapat at magbunyag ng kanilang sarili ang iba, sila mismo ay walang sinasabi. Naniniwala sila na ang mga pagkakamaling ito ay ang kanilang mga itinatagong baho, na hindi nila puwedeng ipaalam sa sinuman, dahil baka mawala ang kanilang reputasyon, dangal, at posisyon. Gayumpaman, iba ang pagkakaarok ng ilang tao sa mga bagay-bagay; naniniwala sila na dahil sumampalataya sila sa Diyos at tinanggap nila ang pagliligtas ng Diyos, nararapat lang na magtapat at makipagbahaginan sila ngayon tungkol sa kanilang mga nakaraang maling gawain at sa mga maling landas na tinahak nila, at ihayag para himayin ang mga ito, at na ang mga ito ay sadyang mga bagay na pinagdaanan nila bilang mga taong ginawang tiwali ni Satanas. Ngayon, nagagawa nilang magtapat, magbunyag ng kanilang sarili, at makipagbahaginan. Ibubuod o tatapusin man ang nakaraan, ang katunayan na kaya itong gawin ng mga taong ito ay nagpapatunay kung ano ang saloobin nila sa pagsasagawa sa katotohanan: Handa silang isagawa ang katotohanan, at determinado silang isagawa ito. Kung paano mismo nagsasagawa ang isang tao ay nakasalalay sa kanyang pagkaarok at determinasyon. Gayumpaman, ang pagtatapat at pagbubunyag ng sarili ay tiyak na hindi isang pagkakamali, at lalong hindi ito kasalanan. Hindi ito dapat gamitin bilang bentaha laban sa isang tao, at lalong hindi ito dapat maging ebidensiya na gagamitin ng ibang tao para atakihin siya. Karamihan sa mga tao ay kayang tratuhin nang tama ang usaping ito, ibig sabihin, ang pagkaarok nila rito ay dalisay at alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Gayumpaman, mga maling intensiyon ang kinikimkim ng masasamang indibidwal; iginigiit nilang hanapan ng mali ang iba para kutyain, paglaruan, at husgahan ang mga ito. Napakahalata ng gayong masasamang gawa. Ang mga taong kayang magbunyag ng kanilang sarili, magtapat, at makipagbahaginan tungkol sa kanilang katiwalian at mga maling landas na tinahak, ay nagtataglay ng pusong nauuhaw sa katuwiran sa kanilang pagharap sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos. Dahil dito, habang binabasa nila ang mga salita ng Diyos, hindi namamalayang nagkakamit sila ng ilang praktikal na pagkaunawa at kabatiran. Ang mga praktikal na pagkaunawa at kabatirang ito ay tumutulong sa kanila na mahanap ang landas ng pagsasagawa sa harap ng mga suliranin at napakaraming sitwasyon na nangyayari sa buhay nila, na humahantong sa ilang tunay na pagkaunawang batay sa karanasan sa katotohanan. Ang pagbabahaginan sa mga tunay na pagkaunawang batay sa karanasan na ito ay nakakapagpatibay at nakakatulong sa iba; titingnan ng mga kapatid ang mga indibidwal na ito nang may paghanga at paggalang, sinasabing, “Talagang kamangha-mangha ang mga praktikal mong karanasan. Pagkatapos kong marinig ang mga ito, labis akong nakakaramdam ng simpatiya. Nakikita ko na tama ang paraan ng pagsasagawa mo, at pinagpapala ito ng Diyos. Handa na rin akong bitiwan ang sarili kong mga kuru-kuro at maling palagay, at bitawan ang aking mga pasanin; gusto kong isagawa ang katotohanan sa simpleng paraan at matanggap ang kaliwanagan at patnubay ng Diyos, gaya mo. Ito ang tamang landas.” Hindi ba’t normal lang ang ganitong mga pagpapamalas? Hindi ba’t napakaangkop na magkaroon ng gayong ugnayan sa pagitan ng mga kapatid? Isa itong uri ng ugnayang pantao na naiiba sa ugnayang matatagpuan sa mga hindi nananampalataya sa Diyos; ito ay ugnayang sinasang-ayunan at nais makita ng Diyos. Magiging normal lang ang buhay iglesia kapag umiiral ang gayong normal na ugnayan sa pagitan ng mga kapatid. Gayumpaman, palagi pa ring magkakaroon ng ilang masasamang tao o ilang may mapaminsalang intensiyon, na tatayo para atakihin, siraan, at ibukod iyong mga may praktikal na karanasan, iyong mga nauuhaw at nagugutom sa katotohanan, at iyong mga humahanga at nagpapahalaga sa mga taong may karanasan. Bakit nila inaatake ang mga indibidwal na ito? Ang balak nila ay walang iba kundi ang makipag-agawan para sa katayuan sa loob ng iglesia. Dahil hindi nila mahal ang katotohanan ni hinahangad ito, nagpapanggap silang mga naghahangad sa katotohanan sa pamamagitan ng pag-imbento ng mga huwad na karanasan para ilihis ang lahat at makuha ang pagpapahalaga ng mga ito. Ito ay paggamit sa mga pamamaraan ni Satanas ng paglihis at pagkontrol sa mga tao para makamit ang ninanais nilang katayuan at kapangyarihan. Ang mga gayong insidente ay madalas na nagaganap sa mga iglesia kahit saan at nakikita ng lahat. Kung napapansin ninyo na taglay ng ilang kapatid ang katotohanang realidad, na kaya nilang makipagbahaginan sa tunay na pagkaunawang batay sa karanasan sa mga salita ng Diyos sa oras ng mga pagtitipon, at nakamit ang papuri ng marami, pero sa hindi malamang dahilan ay inaatake, ginagantihan, at isinasadlak ng iba sa pagdurusa, kung gayon, dapat kayong maging alerto, at kilatisin ninyo kung anong uri ng mga tao ang may ganitong pag-uugali. Bakit madalas na binabatikos at ibinubukod iyong mga naghahangad sa katotohanan? Ano ba talaga ang nangyayari dito? Tiyak na nagpapahiwatig ito ng isang problema.

Sa buhay iglesia, kailangang mahigpit na bigyang-pansin ang mga taong madalas na naghahanap ng mali sa mga lider at manggagawa. Dagdag pa rito, may ilang tao na madalas nangungutya, nanlilibak, o nambabatikos sa mga taong naghahangad sa katotohanan at nananabik sa mga salita ng Diyos. Ang mga negatibong karakter na ito ay dapat ding mahigpit na subaybayan at bantayan para makita kung ano ang susunod nilang gagawin. Kung may isang taong kayang maglantad ng mga pagkukulang ng mga lider ng iglesia o bumatikos ng mga indibidwal na may katotohanang realidad nang walang anumang makatarungang dahilan habang nakikilahok sa buhay iglesia, tiyak na mayroong isyu at dahilan sa likod nito; talagang may dahilan ito. Dapat seryosong bigyang-pansin ng mga kapatid ang mga gayong indibidwal dahil hindi ito maliit na usapin. Minsan, pagkatapos makarinig kamakailan ng isang patotoo ng praktikal na karanasan at makaramdam ng lubos na kasiyahan sa puso, o pagkatapos magkamit kamakailan ng kaunting liwanag at pagkaunawa, maaari pa ring malito ang isang tao dahil sa ilang mapanlihis na salitang sinambit ng masasamang tao, kaya, nawawala ang lahat ng nakamit niya kamakailan. Kung kailan kasisimula pa lang bumuo ng kaunting pananalig ang isang tao, ginugulo siya ng masasamang tao at bumabalik siya sa dati niyang kalagayan; kung kailan nagsisimula pa lang siyang magkaroon ng kaunting pagkauhaw para sa katotohanan at sa salita ng Diyos, pati na rin ng kaunting determinasyon na isagawa ang katotohanan, ginugulo siya ng masasamang tao, nawawalan siya ng sigla at motibasyon, at pagkatapos ay gusto na niyang umalis agad sa lugar na ito na may alitan. Malubha ba ang mga kahihinatnang ito? Napakalubha ng mga ito. Kaya naman, sa iglesia, kung may isang taong palaging nagsisimula ng mga pagtatalo tungkol sa isang bagay na hindi umaayon sa mga kahilingan niya, nakikipagtalo kung sino ang nasa tama, nakikipagdebate kung ano ang tama sa mali, at nakikipagpaligsahan pa nga kung sino ang mas mataas o mas mababa, kung gayon, dapat nang magsilbing babala ang mga gayong indibidwal. Tingnan kung anong papel ang ginagampanan nila sa iglesia, anong mga kahihinatnan ang idinudulot nila, at sa pamamagitan nito, makikilatis mo kung ano ang kanilang kalikasang diwa.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.