Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (13) Ikaapat na Seksiyon

IV. Pagpapangkat-pangkat

Ang ikaapat na pagpapamalas ng paggambala at panggugulo sa buhay iglesia ay ang pagpapangkat-pangkat, na may napakalubhang kalikasan. Anong mga pag-uugali ang katumbas ng pagpapangkat-pangkat? Kung ang dalawang taong nananampalataya sa Diyos ay magkasingtagal na bilang mga mananampalataya, may magkaparehong edad, sitwasyong pampamilya, mga interes, mga personalidad, at iba pa, at nagkakasundo sila, madalas na magkatabi sa mga pagtitipon, at malapit na magkakilala, maituturing ba ito na pagpapangkat-pangkat? (Hindi.) Isa itong karaniwang penomeno ng normal na pakikipag-ugnayan ng mga tao, na hindi nagdudulot ng anumang kaguluhan sa iba; samakatwid, hindi ito itinuturing na pagpapangkat-pangkat. Kung gayon, ano ang tinutukoy ng pagpapangkat-pangkat, gaya ng nabanggit dito? Halimbawa, sa limang kapatid na magkakasamang nagtitipon, tatlo ang mga manggagawa sa lungsod at dalawa ang magsasaka sa kanayunan. Madalas na magkakasama ang tatlong manggagawa sa lungsod, pinag-uusapan kung paanong ang buhay ay mas maganda sa siyudad at mas masahol sa kanayunan, kung saan ang mga tao ay hindi nakakapag-aral, walang malawak na pananaw, at magandang asal. Minamata nila ang mga taong mula sa kanayunan, palaging minamaliit ang dalawang indibidwal na mula sa kanayunan, na nakakaramdam naman ng pagkaagrabyado at gustong kontrahin sila, sinasabi na ang mga taga-siyudad ay mapamuna at kinakalkula ang bawat detalye, samantalang ang mga tao mula sa kanayunan ay mapagbigay. Sa mga pagtitipon, silang lima ay tila hindi nagkakasundo kailanman, madalas na humahantong sa mga di-kinakailangang pagtatalo at debate. Nagkakasundo ba nang maayos ang limang ito? Nagkakaisa ba sila sa salita ng Diyos? Magkakaayon ba sila sa isa’t isa? (Hindi.) Kapag palaging sinasabi ng mga taga-siyudad na “kaming mga taga-siyudad” at palaging sinasabi ng mga tao sa kanayunan na “kaming mga taga-kanayunan,” ano ang ginagawa nila? (Nagpapangkat-pangkat.) Ito ang ikaapat na isyu na ating pagbabahaginan: ang pagpapangkat-pangkat. Ang ganitong pag-uugali ng pagpapangkat-pangkat ay nangangahulugan ng pagbubuo ng mga grupo at paksiyon. Ang pagbubuo ng iba’t ibang barkadahan, mga paksiyon, at iba pang panloob na grupo batay sa rehiyon, kondisyon sa ekonomiya, at panlipunang uri, pati sa magkakaibang pananaw, ay katumbas ng pagpapangkat-pangkat. Sinuman ang namumuno sa mga pangkat na ito, sa loob ng iglesia, ang pagkakabuo ng iba’t ibang barkadahan at mga paksiyon, at ang pagkakabuo ng mga hindi magkakaayon na barkadahan, ay pawang penomeno ng pagpapangkat-pangkat. Sa ilang lugar, ang isang buong angkan ay nananampalataya sa Diyos, at sa isang lugar ng pagtitipon, maliban sa dalawang tao na may magkaibang apelyido, ang natitira ay nabibilang sa kanilang sariling pamilya. Pagkatapos, bumubuo ang pamilyang ito ng isang paksiyon o barkadahan, na ginagawang tagalabas ang dalawang tao na may magkaibang apelyido. Kung sinuman sa pamilyang ito ang nahaharap sa anumang isyu o ang pinupungusan, kung may isang tao na nagpapahayag ng mga hinaing, ang iba ay sumasali para ipahayag ang parehong sentimyento. Kung may sinuman na kumikilos laban sa mga prinsipyo, pinagtatakpan siya ng iba at itinatago ang kanyang mga kilos, pinagbabawalan ang sinuman na ilantad siya; kahit ang katiting na pagbanggit tungkol sa isyung ito ay hindi katanggap-tanggap, lalo na ang pagpupungos. Ano ang problema rito? Kaya mo ba itong kilatisin? Kapag nagtitipon-tipon ang mga miyembro ng pamilyang ito, para bang lahat sila ay umaawit sa iisang tono at nang sabay-sabay, inoobserbahan nila ang sitwasyon at nakikinig sa mga pahiwatig bago sila magsalita. Kung nagkakaroon ng partikular na paninindigan ang pasimuno ng kanilang grupo, ang lahat ng iba ay sumusunod, at hindi nangangahas ang iba na galitin sila o magpahayag ng mga pagtutol. Hindi ba’t ang paglitaw ng penomenong ito sa buhay iglesia ay katumbas ng mga paggambala at panggugulo sa normal na kaayusan ng iglesia? Ang mga tao sa barkadahang ito ang nagdidikta kung aling mga sipi ng mga salita ng Diyos ang kakainin at iinumin sa mga pagtitipon, at dapat makinig ang lahat; maging ang mga lider ng iglesia ay dapat magbigay-galang sa kanila at hindi puwedeng tumutol. Idinedeklara nila kung sino ang dapat mahalal bilang mga lider at manggagawa, at dapat ituring ng mga lider ng iglesia ang kanilang opinyon bilang ang pinakamahalaga at hindi ito balewalain. Kasabay nito, patuloy silang nanghihikayat ng mga “talento,” hinihila ang mga handang makinig sa kanila, iyong mga puwede nilang pagkatiwalaan, at iyong may silbi sa kanila sa kanilang grupo para gamitin sa mga layon ng grupo, patuloy na pinalalawak ang kanilang impluwensiya. Ang pangkat na ito ay naglalayong kontrolin ang buhay iglesia; nais kontrolin ng pasimuno nila ang iglesia. Ang grupong ito ay may malaking kapangyarihan; sila ay nagkakaisa para kumilos sa loob ng iglesia. Anuman ang mangyari sa iglesia, gusto nilang makilahok. Dapat basahin ng iba ang kanilang mga ekspresyon bago magsalita o mangasiwa ng anumang bagay ang mga ito, maging hanggang sa punto na dapat sumunod sa kanilang mga pagsasaayos at kahilingan ang nilalaman ng bawat pagtitipon para sa pagkain at pag-inom. Kahit na may gustong gawin ang mga lider ng iglesia, dapat munang kumonsulta ang mga ito sa kanilang mga opinyon at makinig sa kanilang mga ideya. Karamihan ng kapatid ay kontrolado nila, at maraming usapin ng gawain ng iglesia ang nasa ilalim din ng kanilang kontrol. Ang mga taong ito na nagpapangkat-pangkat ay lubhang nakakagambala at nakakagulo sa buhay iglesia at sa gawain ng iglesia. Seryoso ba ang isyung ito? Dapat bang limitahan ang mga kilos na ito? Dapat bang harapin ang mga ito? Dapat limitahan at paalisin o patalsikin ang mga pasimuno ng mga pangkat na ito, habang ang mga naguguluhang indibidwal na bulag na sumusunod ay dapat munang mabigyan ng pagbabahaginan at tulong. Kung hindi sila magsisisi o magbabago ng landas, dapat silang limitahan. Huwag silang bigyan ng anumang paggalang!

Ano ang katumbas ng pagpapangkat-pangkat—madali bang unawain ito? Kung may isang tao na nagbanggit ng isang isyu at maraming iba pa ang sumasang-ayon sa kanyang opinyon, itinuturing ba iyon na pagpapangkat-pangkat? (Hindi.) Kung ang ilang kapatid, na medyo may mas malaking pasanin at pagpapahalaga sa katarungan, ay nanghihikayat ng iba na samahan sila sa pagtatapos ng isang mahalagang gampanin, o kung, para sa layon ng pagkakamit ng mga resulta sa isang pagtitipon at ng magawang maunawaan ang katotohanan at mga layunin ng Diyos sa isang makabuluhang paksa, pinamumunuan nila ang lahat sa pagbabahaginan, at sumusunod ang lahat sa kanilang pananaw sa pakikipagbahaginan at pagdarasal-pagbabasa ng mga salita ng Diyos, maituturing ba ito na pagpapangkat-pangkat? (Hindi.) Sa iglesia, sinong mga tao ang may tendensiyang magpangkat-pangkat? Anong uri ng pag-uugali ang katumbas ng pagpapangkat-pangkat? (Ang ilang tao na pinagtatakpan at kinukunsinti ang isa’t isa, o nakikibahagi sa inggitan at alitan, na pawang gumagambala at gumugulo sa gawain ng iglesia—ito ay pagpapangkat-pangkat.) Ito ay isang aspekto. Ano ang pangunahing punto rito? Ang pagtatakip para sa isa’t isa at pangungunsinti ay humahantong sa mga pagkagambala at kaguluhan; ang pagkaalam na ang paggawa ng isang bagay ay mali at hindi tumutugma sa mga katotohanang prinsipyo, pero sinasadya pa ring itago ito, gumagawa ng mga nakalilinlang na argumento, at hindi sinasabi ang katotohanan, mas pinipili pang sirain ang gawain ng iglesia at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos para lang maprotektahan ang dangal at katayuan ng isang tao, at pinagtatakpan ang mga gumagawa ng kasamaan at nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan kapalit ng pagkakanulo sa mga interes ng sambahayan ng Diyos—ito ay pagpapangkat-pangkat. Ang isa pang senaryo ay ang pang-uudyok at panghihimok sa mga tao na sama-samang kontrahin ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Likas itong malubha, ito ay isang uri din ng paggambala at panggugulo sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia. Ano ang pangunahing layon ng pagpapangkat-pangkat? Ito ay para kontrolin ang iglesia at ang hinirang na mga tao ng Diyos.

Mayroon ding isang uri ng pagpapangkat-pangkat na may kinalaman sa mga taong matamis magsalita sa mga tao para makuha ang loob ng iba’t ibang klase ng indibidwal. Sa panlabas, tila ang lahat sa ganitong uri ng barkadahan ay nakakapagsalita nang malaya at nakakapagpahayag ng sarili nilang mga opinyon. Gayumpaman, kung titingnan ang mga panghuling resulta, makikita mo na sa katunayan, sila ay sumusunod sa pangunguna ng kung ano ang sinasabi ng isang tao—ang taong iyon ang kanilang sinusundan. Kaya, paano nahihikayat ng taong iyon ang iba na pumanig sa kanya? Nakikita niya kung sino ang kaya niyang mahikayat at kung sino ang madaling mahikayat, at ginagawan niya ang mga ito ng maliliit na pabor, nagbibigay siya ng kaunting mapagmahal na pagtulong sa mga ito. Pagkatapos, nangangalap siya ng impormasyon tungkol sa mga taong ito, inaalam niya kung ano ang gusto ng mga ito, kung paano gustong makipag-usap ng mga ito, ang mga personalidad at mga libangan ng mga ito. Kasabay nito, madalas siyang sumasang-ayon sa mga taong ito sa usapan para makuha ang loob ng mga ito, at sa huli, unti-unti niyang “iniimpluwensiyahan” ang mga ito, hindi namamalayan ng mga ito na ipinapasok niya ang mga ito sa kanyang pangkat at pinapasali sa kanyang hanay. Sa pangkalahatan, ang pagsasalita ng matamis sa mga tao upang makuha ang kanilang loob ay isang napakabanayad na pamamaraan, puno ito ng “pagmamalasakit sa tao,” at napakaepektibo nito. Halimbawa, kung may isang tao na regular na nagpapakita ng pagmamahal sa ibang tao, sumasang-ayon sa taong ito sa usapan, at nagpapakita ng pag-unawa at pagtitimpi rito, hindi namamalayang magkakaroon ng magandang impresyon ang taong iyon sa kanya at mapapalapit sa kanya, at pagkatapos ay mapapasama ito sa kanyang puwersa. Sa anong mga sitwasyon nagiging epektibo ang mga gayong barkadahan at paksiyon? Sa sandaling ang isa sa kanilang mga masugid na tagasunod ay malantad, makaramdam na naagrabyado, o kapag nagulo o napinsala ang mga interes, katayuan, o reputasyon ng taong ito dahil sa isang bagay o isang tao sa labas ng kanilang paksiyon, ang ganitong uri ng tao ay titindig upang magsalita para sa tagasunod na ito, ipinaglalaban ang kanyang mga interes at karapatan—ito ay ang kanilang pagpapangkat-pangkat. Ang dalawang halatang uri ng pagpapangkat-pangkat ay ang pagtakpan at kunsintihin ang mga tao, at ang sama-samang pagkontra. Gayumpaman, ang pagpapangkat-pangkat sa pamamagitan ng matamis na pagsasalita ay tila hindi kasinglakas ng dalawang uri na nabanggit na, at ang mga miyembro ng mga gayong pangkat ay kadalasang hindi napapansin sa loob ng iglesia. Ngunit kapag panahon na para gumawa ng pasya ang mga tao, na magkaroon ng malinaw na paninindigan, nagiging napakalinaw ng mga gayong paksiyon. Halimbawa, kung sasabihin ng isang pasimuno ng isang paksiyon na may kakayahan ang partikular na lider ng iglesia, agad na magbibigay ang kanyang mga tagasunod ng maraming halimbawa kung paano ipinapakita ng lider na iyon ang kakayahang ito. Kung sasabihin ng pasimuno ng paksiyon na walang kapabilidad sa gawain ang lider ng iglesia, na may mahinang kakayahan at masamang pagkatao ito, susunod naman ang ibang mga miyembro, nagsasalita tungkol sa kung paanong walang kakayahan ang lider ng iglesiang iyon, kung paanong hindi nito magawang makipagbahaginan sa katotohanan, kung paanong nagsasabi ito ng mga salita at doktrina, at sa halip ay sasabihin nila na dapat pumili ang lahat ng tamang tao. Isa itong di-nakikitang klase ng pangkat. Bagama’t hindi sila hayagang kumikilos para umangkin ng kapangyarihan at kontrolin ang mga tao sa iglesia, mayroong isang di-nakikitang puwersa sa loob ng mga gayong paksiyon at barkadahan na kumokontrol sa buhay iglesia at sa kaayusan ng iglesia. Isa itong mas nakakatakot at nakatagong uri ng pagpapangkat-pangkat. Bukod sa naunang nabanggit na dalawang sitwasyon ng pagpapangkat-pangkat na madaling kilatisin, na mga problemang dapat lutasin ng mga lider ng iglesia, ang ganitong nakatagong uri ng pagpapangkat-pangkat ay isang problema na lalong dapat lutasin at asikasuhin ng mga lider ng iglesia. Paano nila ito dapat gawin? Kailangan nilang direktang harapin ang pasimuno ng ganitong uri ng barkadahan sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan. Bakit kailangang tutukan muna ang pakikipagbahaginan sa pasimunong ito? Sa panlabas, tila hindi naman kontrolado ng sinuman ang mga miyembro ng gayong pangkat, pero ang totoo, alam nilang lahat sa kaibuturan nila kung sino nga ba ang sinusunod nila, at nais nilang sumunod sa taong iyon. Kaya naman, ang taong iniidolo nila at kumokontrol sa kanila ay dapat pangasiwaan at harapin, at dapat makipagbahaginan sa kanya sa katotohanan para maunawaan niya ang kalikasan ng kanyang mga kilos. Bagama’t maaaring hindi hayagang kumontra ang pasimuno sa sambahayan ng Diyos o tumutol laban sa mga lider, kontrolado pa rin niya ang karapatan ng mga taong ito na magsalita, ang kanilang mga kaisipan, pananaw, at ang landas na sinusunod nila. Isa siyang tagong anticristo. Ang mga gayong indibidwal ay dapat tukuyin, at pagkatapos ay kilatisin at himayin. Kung hindi sila magsisisi, dapat silang limitahan at ibukod. Pagkatapos, dapat siyasatin ang bawat miyembro nila para makita kung sino sa mga ito ang katulad nila. Una, ihiwalay ang mga indibidwal na ito, at pagkatapos, makipagbahaginan sa mga taong naguguluhan na mga matatakutin, duwag, at nalihis. Kung kaya nilang magsisi at isuko ang pagsunod sa anticristo, maaari silang manatili sa iglesia; kung hindi, dapat silang ibukod. Angkop ba ang ganitong pamamaraan? (Oo.) Umiiral ba ang ganitong penomeno sa loob ng iglesia? Dapat bang malutas ang ganitong uri ng isyu? (Dapat itong malutas.) Bakit dapat itong malutas? Simula nang ipalaganap ng sambahayan ng Diyos ang ebanghelyo, ang mga puwersa ng mga anticristo ay nasa lahat na ng dako sa buhay iglesia, at marami na sa hinirang na mga tao ng Diyos ang naapektuhan, napigilan, o nakontrol ng mga puwersang ito sa iba’t ibang antas. Tuwing nagsasalita o kumikilos ang mga taong ito, wala sila sa kalagayan ng kalayaan at liberasyon, bagkus, sila ay naaapektuhan, naiimpluwensiyahan, nakokontrol, at nakukulong ng mga kaisipan at pananaw ng ilang indibidwal. Napipilitan ang mga taong ito na magsalita at kumilos sa mga partikular na paraan; kung hindi nila gagawin iyon, nag-aalala at natatakot sila na pasanin ang mga kahihinatnang lumilitaw. Hindi ba’t naapektuhan at nagulo nito ang buhay iglesia? Isa ba itong pagpapamalas ng normal na buhay iglesia? (Hindi.) Ang ganitong uri ng buhay iglesia ay hindi normal na kaayusan kundi kontrolado ito ng masasamang tao. Hangga’t may hawak na kapangyarihan ang masasamang tao sa iglesia, hindi ang salita ng Diyos o ang katotohanan ang naghahari doon. Ang mga lider, manggagawa, at mga kapatid na nakakaunawa sa katotohanan ay maaapi. Ang gayong iglesia ay kontrolado ng mga puwersa ng mga anticristo. Isa rin itong isyu at penomeno ng gawain ng Diyos at ito ang normal na kaayusan ng iglesia na nagagambala at nagugulo, na dapat harapin at lutasin ng mga lider at manggagawa. May ilang taong nasa barkadahan ng isang anticristo ang natatakot mawalan ng tiwala ng kanilang barkadahan, mawalan ng mga tagasuporta, mawalan ng mga kaibigan, at mawalan ng suporta sa oras ng pangangailangan, at iba pa. Kaya naman, ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya para manatili sa barkadahan. Hindi ba’t malubha ang sitwasyong ito? Hindi ba’t dapat itong malutas? (Oo.) Kapag lumilitaw ang ganitong uri ng sitwasyon sa loob ng iglesia, nararamdaman ba ito ng karamihan ng tao? Nakikilatis ba ito ng karamihan? May ilang tao na kontrolado ng isang tao nang hindi nila namamalayan, palagi nilang kailangang sumunod sa mga kaisipan at pananaw ng taong iyon, sa mga pahayag at kilos nito, at sa mga turo nito, at natatakot silang magsabi ng “hindi” o kumontra sa taong iyon, at kailangan pa nga nilang di-sinserong tumango bilang pagsang-ayon at ngumiti kapag ang taong iyon ay nagsasalita, dahil sa takot na mapasama ang loob nito. Umiiral ba ang ganitong mga sitwasyon? Ano nga ba ang problemang dapat lutasin dito? Dapat harapin at pangasiwaan ng mga lider ng iglesia ang anticristong pinuno na iyon na may kakayahang manlihis at kumontrol sa iba. Una, dapat nilang pagbahaginan ang katotohanan para mabigyang-kakayahan ang karamihan ng tao na makilatis ang anticristong ito, pagkatapos, limitahan ang anticristong ito mismo. Kung hindi magsisisi ang anticristo, dapat siyang paalisin kaagad para mapigilan siyang makapagpatuloy sa panggugulo sa normal na kaayusan ng iglesia.

Sa pagbubuod, sa normal na buhay iglesia, dapat malaya at walang pagpipigil na makapagbahaginan ang mga kapatid sa mga salita ng Diyos, pati na sa kanilang mga personal na kabatiran, pag-unawa, karanasan, at mga paghihirap. Siyempre, dapat din silang magkaroon ng karapatan na magbigay ng mga suhestiyon, magpuna, at maglantad sa anumang kilos ng mga lider at manggagawa na lumalabag sa mga prinsipyo, habang nagkakaroon din ng karapatan na magbigay ng tulong at payo. Lahat ng ito ay dapat libre, at lahat ng aspektong ito ay dapat normal; hindi sila dapat kontrolado ng sinumang indibidwal, na nagsasanhing mapigilan ang hinirang na mga tao ng Diyos—hindi iyon magiging normal na buhay iglesia. Ang sambahayan ng Diyos ay mayroong mga hinihingi, panuntunan, at prinsipyo tungkol sa kung paano dapat magsalita, kumilos, at umasal ang mga kapatid, at kung paano sila dapat magtatag ng mga normal na ugnayan sa mga tao sa buhay iglesia, at iba pa, at ang mga bagay na ito ay hindi itinatakda ng sinumang indibidwal. Kapag may ginagawang isang bagay ang mga kapatid, hindi nila kailangang tingnan ang ekspresyon ng sinumang indibidwal, hindi nila kailangang sundin ang anumang utos ng sinuman o magpapigil sa kahit kanino. Walang sinuman ang dapat magsilbing tagagabay o timonero; ang tanging makapagbibigay ng direksiyon ay ang salita ng Diyos, ang katotohanan. Samakatwid, ang dapat sundin ng hinirang na mga tao ng Diyos ay ang salita ng Diyos, ang katotohanan, at ang mga prinsipyo ng pagbabahaginan sa katotohanan sa mga pagtitipon. Kung palagi kang napipigilan ng ibang tao, palaging sumusunod sa kanyang mga pahiwatig, at hindi ka na naglalakas-loob na magsalita kapag nakikita mo na ang kanyang mukha ay hindi nasisiyahan o kaya ay nakasimangot, kung palagi kang nalilimitahan ng taong iyon habang nakikipagbahaginan sa mga salita ng Diyos at sa iyong mga personal na pagkaunawang batay sa karanasan, palaging nakakaramdam ng pagpipigil, hindi kayang kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at kung ang mga salita, hitsura, ekspresyon sa mukha, tono ng boses, at mga ipinahihiwatig na pagbabanta sa kanyang pananalita ay palaging gumagapos sa iyo, kung gayon, ikaw ay kinokontrol sa loob ng isang pangkat na pinamumunuan ng taong ito. Problema ito; hindi ito buhay iglesia, kundi buhay ng isang paksiyon na pinamumunuan ng isang anticristo. Pagdating sa ganitong uri ng isyu, dapat kumilos ang mga lider at manggagawa para lutasin ito, at may obligasyon at karapatan din ang mga kapatid na ipagtanggol ang normal na kaayusan ng iglesia. Ang mga gumagambala at gumugulo sa buhay iglesia, lalo na iyong mga nagpapangkat-pangkat at nagnanais na kontrolin ang iglesia, ay dapat pigilan, ilantad, at himayin, binibigyang-daan na magkaroon ng pagkilatis ang lahat at malinaw na makaunawa sa diwa ng problema—ang pagtatangkang magtatag ng isang nagsasariling kaharian. Hindi pinahihintulutan ng iglesia ang pagpapangkat-pangkat at paghahati-hati ng iglesia sa anumang dahilan. Halimbawa, ang paghahati-hati sa mga barkadahan batay sa pagkakakilanlan at katayuang panlipunan, mga komunidad, rehiyon, o panrelihiyong denominasyon, o batay sa antas ng pinag-aralan, kayamanan, lahi, at kulay ng balat, at iba pa—ang lahat ng ito ay labag sa mga katotohanang prinsipyo at hindi dapat mangyari sa iglesia. Anuman ang dahilan na ginamit sa paghahati-hati sa mga tao sa mga herarkiya, ranggo, paksiyon, at pangkat na ito, magagambala at magugulo nito ang gawain ng iglesia at ang normal na kaayusan ng buhay iglesia, at isa itong isyu na dapat lutasin kaagad ng mga lider at manggagawa. Sa madaling salita, kahit ano pa ang dahilan ng paghahati-hati sa mga tao sa mga pangkat, paksiyon, o barkadahan, kung nakapag-ipon sila ng partikular na puwersa, at nagdudulot sila ng kaguluhan sa gawain ng iglesia at sa kaayusan ng buhay iglesia, dapat silang pigilan at limitahan. Kung hindi mapapahinto ang mga miyembro ng mga gayong pagpapangkat-pangkat, maaaring ibukod at paalisin ang mga taong ito na gumagawa ng masama. Ang pangangasiwa sa mga isyung ito ay bahagi rin ng gawain at mga responsabilidad na dapat gampanan ng mga lider at manggagawa. Kaya, ano ang dapat maunawaan dito? Ito ay na kapag nakabuo ang ilang tao ng mga puwersa sa iglesia, at may kakayahan silang labanan at kontrahin ang mga lider ng iglesia, ang gawain ng iglesia, at ang mga salita ng Diyos, at may kakayahan silang guluhin at sirain ang normal na kaayusan ng buhay iglesia, dapat limitahan at pangasiwaan kaagad ang mga gayong pag-uugali, pagpapamalas, at sitwasyon. Walang pagkakaiba batay sa bilang ng mga taong sangkot pagdating sa pagpapangkat-pangkat. Kung ang dalawang tao ay nagkakasundo at hindi nagdudulot ng anumang kaguluhan sa iglesia, hindi na kailangang makialam. Gayumpaman, kapag nagsimula na silang magdulot ng mga kaguluhan at bumuo ng puwersa para kontrolin ang iglesia, dapat pigilan at limitahan ang mga indibidwal na ito. Kung hindi sila magsisisi, dapat silang paalisin o patalsikin kaagad. Ito ang prinsipyo.

Mayo 22, 2021