Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (13) Ikatlong Seksiyon

III. Pagdadaldal Tungkol sa mga Usapin sa Tahanan, Pagbubuo ng mga Personal na Koneksiyon, at Pag-aasikaso sa mga Personal na Usapin

Sunod, magbahaginan naman tayo sa ikatlong isyu: pagdadaldal tungkol sa mga usapin sa tahanan, pagbubuo ng mga personal na koneksiyon, at pag-aasikaso sa mga personal na usapin. Ang mga problemang ito na nakapaloob sa ikatlong isyu, na tatalakayin natin sa ating pagbabahaginan, ay malinaw na hindi dapat mangyari sa buhay iglesia. Kapag namumuhay ng buhay iglesia, pumaparito ang mga tao para kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, magbahagi ng mga salita ng Diyos, magbahaginan sa katotohanan, at magbahaginan ng kanilang mga personal na patotoong batay sa karanasan, habang hinahangad din ang mga layunin ng Diyos at ang pagkaunawa sa katotohanan. Kaya, dapat bang pigilan at limitahan ang mga problema gaya ng pagdadaldal tungkol sa mga usapin sa tahanan, pagbubuo ng mga personal na koneksiyon, at pag-aasikaso sa mga personal na usapin sa buhay iglesia? (Oo.) Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ba’t ayos lang naman na batiin ang isa’t isa? Kung medyo malapit sa isa’t isa at dati nang magkakilala ang dalawang tao, at nagkita sila sa panahon ng buhay iglesia at nagkuwentuhan nang kaunti, iyon ba ay pagdadaldalan tungkol sa mga usapin sa tahanan? Dapat din ba itong limitahan?” Ito ba ang mga uri ng problemang tinutukoy ng ikatlong isyu? (Hindi.) Malinaw na hindi. Kung pati ang mga simple at magalang na pagbati ay lilimitahan, matatakot na ang mga tao na mag-usap kapag nagkita sila sa hinaharap. Ang ikatlong isyu—pagdadaldal tungkol sa mga usapin sa tahanan, pagbubuo ng mga personal na koneksiyon, at pag-aasikaso sa mga personal na usapin—ay maaaring binubuo lang ng tatlong terminong ito, pero ang mga problemang kinakatawan ng mga terminong ito ay hindi mga simple at magalang na pagbati o pag-uusap. Ang mga ito ay masasamang kilos na maaaring gumambala, gumulo, at sumira sa buhay iglesia. Dahil bumubuo ng mga paggambala at panggugulo ang mga ito, karapat-dapat na pagbahaginan ang mga ito. Ano ang dapat pagbahaginan? Kung aling mga problema, kung aling mga salita ang sinasabi ng mga tao, kung aling mga bagay ang ginagawa nila, at kung aling pananalita, pag-uugali, at pagkilos ng mga tao ang maaaring umabot sa antas ng paggambala at panggugulo sa gawain ng iglesia. Talakayin natin ang ilang partikular na halimbawa para makita natin kung malubha ba ang mga problemang ito, kung nagdudulot ba ang mga ito ng mga pagkagambala at kaguluhan, at kung dapat bang pigilan at limitahan ang mga ito.

Sa buhay iglesia, ang ilang tao ay madalas magkuwentuhan tungkol sa mga walang kabuluhang usapin sa tahanan at tungkol sa sarili nilang mga kuru-kuro at ideya, na para bang ang mga ito ang mga pangunahing paksa ng talakayan. Sinasabi niya: “Napakadilim ng lipunan ngayon; sobrang nakakapagod na makisalamuha at mamuhay kasama ng mga walang pananampalataya. Kayang gawin ng mga walang pananampalataya ang kahit ano; talagang hindi na ito kayang tiisin!” Sinasabi naman ng ilang kapatid, “Nananampalataya tayo sa Diyos; anuman ang mga sitwasyong kinakaharap natin, dapat magawa nating kumilatis, at hanapin ang katotohanan at ang mga landas ng pagsasagawa. Kung namumuhay ka nang ganito, hindi ka makakaramdam ng matinding pagod.” Pero sinasabi niya, “Ang salita ng Diyos ay ang katotohanan, pero hindi ito ang lunas sa lahat ng bagay. Nag-alala ako noon na baka may ibang babae ang mister ko, at totoo nga ito—nakahanap siya ng mas bata at mas maganda kaysa sa akin. Paano na ako ngayon mabubuhay?” Habang nagdadaldal nang ganito, nagsimula siyang umiyak nang malungkot. Ang pagsasalita niya sa ganitong paraan ay nag-uudyok na maging malungkot ang ilan. Ang ilan, na nakaranas ng parehong sitwasyon sa kanya, ay agad niyang nakapalagayang-loob at nagsimula silang magkuwentuhan doon mismo. Sa loob ng dalawang oras na pagtitipon, detalyado niyang tinalakay kung paanong nagtalo sila ng mister niya pagkatapos nitong mangaliwa, kung paanong sinubukan niyang mag-isip ng mga paraan para ilipat ang kanilang ari-arian bilang mag-asawa, kung paanong kumonsulta siya sa isang abogado para maiwasan ang mga kawalan pagkatapos ng diborsiyo, at marami pang iba. Dapat bang talakayin sa buhay iglesia ang ganitong uri ng paksa? (Hindi.) Kung hindi pa naayos ang mga usapin sa iyong pamilya at kung naaabala ka ng mga ito sa pagdalo sa mga pagtitipon, mas mabuting huwag ka na lang dumalo. Ang lugar ng pagtitipon ng iglesia ay hindi isang lugar para magbulalas ng iyong mga personal na hinaing, o para makipagdaldalan tungkol sa mga usapin sa tahanan. Kung nahaharap ka sa mga suliranin sa tahanan at ayaw mong maipit, mapigilan, o malimitahan ng mga isyung ito, at gusto mong hanapin ang katotohanan para maunawaan ang layunin ng Diyos, at gusto mong bitiwan ang lahat ng ito, kung gayon, maaari kang dagliang magbahagi ng iyong mga problema sa panahon ng pagtitipon nang sa gayon ay makipagbahaginan ang mga kapatid sa katotohanan para matulungan ka. Matutulungan ka nitong maunawaan ang layunin ng Diyos at maging malakas, hindi mapigilan ng mga isyung ito, at makawala ka sa pagkanegatibo at kahinaan, at mapili ang landas na tama at pinakaangkop sa iyo. Ito ang dapat mong pagbahaginan. Gayumpaman, kung dadalhin mo sa buhay iglesia ang mga nakakairitang walang kabuluhang bagay na ito na mula sa iyong bahay para ibuhos at gawing paksa ng pangangaral, at karamihan sa mga tao, dahil nahihiya sila, ay hindi ka pinipigilan o hindi sumasabad sa iyo, bagkus ay nag-iipon lang sila ng pasensiya at pinipilit nila ang kanilang sarili na makinig sa iyo na magsalita ng mga nakakairitang walang kabuluhang bagay na ito, angkop ba ito? Ito ba ay pagpapakita ng pagmamahal? Ito ba ay pagiging matiisin at mapagpasensiya? Nagsanhi na ng mga kaguluhan sa buhay iglesia ang pag-uugali mong ito. Sino ang nagdurusa dahil dito? Ang hinirang na mga tao ng Diyos. Lalo na sa kapaligiran ng mainland China, kung saan hindi madali ang pagtitipon at kailangang magtago ang mga mananampalataya kung saan-saan, at kailangan pa ngang i-iskedyul nang maaga ang mga bagay-bagay—kung may isang taong naglalabas ng lahat ng nakakairitang usaping pangtahanan sa lugar ng pagtitipon para marinig at pag-usapan ng lahat, angkop ba ito? Karamihan ng tao ay dumadalo sa mga pagtitipon para maunawaan ang katotohanan at ang mga layunin ng Diyos, hindi para marinig ang mga nakakairitang walang kabuluhang bagay na ito, hindi para makinig sa iyo na magdaldal tungkol sa mga usapin sa tahanan. Sinasabi ng ilang tao, “Walang ibang taong malapit sa akin, kaya ano ang masama kung ikukuwento ko ang mga ito sa mga kapatid?” Maaari mo namang ikuwento ang mga ito, pero mahalaga ang tamang oras. Sa labas ng mga oras ng pagtitipon, basta’t handang makinig ang kabilang panig, maaari mong ikuwento ang mga ito; malaya kang gawin iyon, at hindi ka lilimitahan ng sambahayan ng Diyos. Gayumpaman, ang lugar at oras na pinipili mong ikuwento ang mga gayong usapin ay hindi tama. Ito ay sa buhay iglesia, sa oras ng pagtitipon, at ang walang katapusang pagkukuwento mo tungkol sa mga usapin sa tahanan ay palaging nakakaabala sa mga kapatid at dapat itong limitahan. Hindi ba’t isa itong panuntunan? Isa nga itong panuntunan. Ang hindi pag-unawa sa mga panuntunan ay hindi katanggap-tanggap, dahil maaari itong humantong sa hindi makatwirang pagkilos at panggugulo sa iba. Ang mga pag-uugali, pananalita, at pagkilos na nagsasanhi ng mga kaguluhan ay dapat limitahan; ito ang responsabilidad ng mga lider at manggagawa, at responsabilidad din ng lahat ng kapatid. Kadalasang kakaunti lang ang napagbabahaginan ng ilang tao sa mga pagtitipon, pero sa tuwing lumilitaw ang mga isyu sa kanilang buhay pamilya, ikinukuwento nila sa iba ang mga nakakairitang walang kabuluhang bagay na ito para pakinggan ng mga ito. Obligado bang makinig ang iba? Obligado ba silang husgahan kung ano ang tama at mali para sa iyo? Wala silang mga gayong obligasyon. Ang mga bagay na iyon ay mga personal mong usapin, at dapat mong pangasiwaan ang mga ito nang mag-isa; hindi mo dapat ikuwento ang iyong mga personal na usapin sa oras ng pagtitipon. Labag ito sa mga panuntunan at hindi ito makatwiran, at dapat limitahan ang gayong pag-uugali.

Ang mga anak ng ilang tao ay pumapasok sa unibersidad, at nagsisimula silang mag-alala tungkol sa kinabukasan ng kanilang mga anak, naghahanap sila ng mga koneksiyon para sa mga ito, palaging nag-iisip-isip, “Walang sinumang opisyal ng gobyerno sa pamilya namin; anong uri ng trabaho ang mahahanap ng anak ko kapag nagtapos na siya sa unibersidad? Paano ang kinabukasan niya? Makakaya ba niya akong suportahan sa pagtanda ko? Kailangan kong humanap ng paraan para masiguro na mayroon siyang magandang trabaho sa pagtatapos niya ng pag-aaral.” Kapag dumadalo sa mga pagtitipon, sinasabi nila, “Napakamasunurin ng anak ko. Bukod sa sinusuportahan niya ang pananalig ko sa Diyos, gusto rin niyang manampalataya kapag nagtapos na siya sa unibersidad. Gayumpaman, may isang problema, kahit na nananampalataya kami sa Diyos, kailangan pa rin naming maghanap-buhay, hindi ba? Hindi ko alam kung anong klase ng trabaho ang mahahanap niya kapag nakatapos na siya ng pag-aaral. Ano bang mga trabaho ngayon ang mataas ang sahod? Sister Ganito-at-ganyan, nabalitaan ko na manager ang mister mo. Maaari kaya siyang makatulong? May pinag-aralan ang anak ko, marami na siyang karanasan, mas mahusay ang kakayahan niya kaysa sa akin, at magaling siya sa kompyuter; maaari siyang gumawa ng mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos sa hinaharap. Pero sa ngayon, kailangan munang malutas ang usapin ng paghahanap ng trabaho; mahihirapan siya kung hindi siya makakahanap ng trabaho.” Sa tuwing dumadalo sila sa pagtitipon, binabanggit nila ang mga usaping ito, at hindi na natatapos ang usapan. Tinitingnan nila kung sino ang maaaring makisimpatya sa kanila, at pagkatapos, hinahangad nilang makabuo ng koneksiyon sa mga taong iyon. Sa mga pagtitipon, sinusubukan nilang makipaglapit sa mga taong ito, pinagbibigyan ang hilig ng mga ito, at nagbibigay pa nga sila ng mga regalo, nagdadala ng masasarap na pagkain o bumibili ng maliliit na aytem para sa mga taong ito minsan. Hindi ba’t ito ay pagbuo ng mga personal na koneksiyon at paglalatag ng pundasyon? Ano ang layunin ng paglalatag ng pundasyon? Ito ay para gamitin ang iba upang asikasuhin ang sariling mga personal na usapin, para makamit ang sariling mga layon. Sa mga pagtitipon, ayaw nilang makinig sa mga kapatid na nagbabahagi ng mga patotoong batay sa karanasan ng mga ito, hindi nila pinapansin ang anumang gawain na isinasaayos ng sambahayan ng Diyos para sa kanila, at ayaw nilang makinig sa mga kapatid na nagtatangkang tumulong at magpayo sa kanila tungkol sa kanilang kalagayan. Partikular lang silang masigasig tungkol sa paghahanap ng trabaho ng anak nila, walang katapusan nila itong tinatalakay. Hindi lang nila ito sinasabi sa sinumang nakikita nila, kundi pati na sa oras ng mga pagtitipon. Sa madaling salita, labis silang nakatuon sa usaping ito at pinagsisikapan nila ito nang husto. Sa bawat pagtitipon, kailangan nilang kumuha ng kaunting oras mula sa mga kapatid para pag-usapan ang bagay na ito. Kahit sa pagbabahaginan ng sarili nilang mga karanasan, hindi nila nakakalimutang banggitin ito, nagsasalita sila hanggang sa mawalan ng pasensiya at masuklam na ang lahat, at karamihan sa mga tao ay masyadong nahihiyang pigilan sila. Sa puntong ito, dapat tuparin ng mga lider at manggagawa ang kanilang responsabilidad at limitahan ang mga taong ito, sabihin, “Alam ng lahat ang sitwasyon mo. Kung may sinumang kapatid na handang tumulong, personal na ugnayan na ninyo iyon. Kung ayaw tumulong ng iba, hindi mo sila dapat pilitin. Ang pagtulong sa anak mo na makahanap ng trabaho ay hindi obligasyon o responsabilidad ng mga kapatid; personal mong usapin ito at hindi nito dapat ubusin ang mahalagang oras ng mga kapatid sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos at sa pagbabahaginan sa katotohanan. Huwag mong pakialaman ang pagkain at pag-inom ng iba sa mga salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagbabahagi tungkol sa mga personal mong usapin. Pagkatapos ng pagtitipon, puwede kang makipag-usap at humingi ng tulong sa sinumang gusto mo, pero huwag mong gamitin ang oras ng pagtitipon para pag-usapan ito. Ang paggamit sa oras ng pagtitipon para sa pag-asikaso ng mga personal na usapin ay hindi makatwiran at kahiya-hiya; isa itong pagpapamalas ng panggugulo sa buhay iglesia. Dapat matigil na rito ang usaping ito.” Ito ang dapat gawin ng mga lider at manggagawa.

Sa mga pagtitipon, nakikita ng ilang matandang babae na magaganda, matatapat, at mga totoong nananampalataya sa Diyos at naghahangad sa katotohanan ang mga nakababatang sister sa mga pamilyang nagpapatira sa kanilang bahay, kaya, nagugustuhan nila ang mga ito at nais nilang maging manugang ang mga nakababatang sister na ito. Bukod sa palagi nila itong binabanggit sa mga pagtitipon, binibigyan din nila ng mga munting pabor at espesyal na atensiyon ang mga nakababatang sister sa tuwing pumupunta sila sa mga pagtitipon. Kahit hindi sumasang-ayon ang mga nakababatang sister, patuloy nilang kinukulit at ginugulo ang mga ito, hindi tinatantanan ang mga ito. Anong klaseng mga tao sila? Hindi ba’t mababa ang karakter nila? Dahil lahat sila ay sister sa pananalig, nagagawa lang ng karamihan na makipagbahaginan sa mga layunin at salita ng Diyos para lutasin ang mga isyung ito. Gayumpaman, ang ilang tao ay walang konsensiya, katwiran, at kamalayan sa sarili, mayroon silang mga napakalaking pansariling pagnanais, at gusto nilang maisakatuparan ang anumang makasariling pagnanais na mayroon sila nang walang anumang pakiramdam ng kahihiyan. Kaya, nagiging biktima ang ilang tao at hindi sila komportable sa mga pagtitipon. Hindi ba’t nagsasanhi ito ng mga kaguluhan sa iba? Ano ang dapat gawin sa mga gayong sitwasyon? Dapat kumilos ang mga lider ng iglesia para limitahan at alisin ang ganitong uri ng mga usapin sa buhay iglesia at sa mga kapatid. Dagdag pa rito, iba’t ibang lagay ng loob ang dala-dala ng mga tao sa mga pagtitipon—hindi nagiging mabuting anak ang kanilang mga anak, ang kanilang manugang na babae ay palaging nagdadala ng mga bagay sa bahay ng mga magulang nito, mga alitan sa pagitan ng biyenan at manugang na babae…. Ikinukuwento nila ang mga nakakairitang walang kabuluhang bagay na ito sa bawat pagtitipon, pinapangunahan ang mga reklamo nila ng: “Totoo ang lahat ng sinasabi ng Diyos; napakatiwali na ng sangkatauhan ngayon! Tingnan mo na lang ang anak at manugang ko, walang konsensiya, walang katwiran—ito ang sinasabi ng Diyos na kawalan ng pagkatao, mas masahol pa sila kaysa sa mga hayop. Kahit ang mga tupa ay marunong lumuhod kapag sumususo, pero ang anak ko, nakalimutan na niya ang kanyang ina sa sandaling may asawa na siya!” Sa tuwing dumadalo sila sa mga pagtitipon, ipinapahayag nila ang mga reklamong ito. Mayroon ding mga tao na, kapag dumadalo sa mga pagtitipon, ay nagkukuwento tungkol sa mga usapin sa kanilang kompanya—kung sino ang may mataas na performance at nakakakuha ng mas maraming bonus; kung sino ang itataas ng ranggo sa susunod na buwan, habang sila ay walang pag-asa; kung sino ang pinakamagandang manamit at bumibili ng mga pinaka-branded na gamit; kung sino ang nakapag-asawa ng mayaman…. Para sa mga mas matagal nang nananampalataya sa Diyos at may kaunting pundasyon, ayaw nilang makarinig ng gayong usapan at nasusuklam sila rito. Gayumpaman, nakakawili ang mga gayong paksa para sa ilang bagong mananampalataya na hindi pa nakapagtatag ng pundasyon o wala pang interes sa mga salita ng Diyos, naniniwalang nakahanap sila ng isang lugar kung saan makakapagkuwentuhan sila at makakabuo ng mga personal na koneksiyon. Sa mga pagtitipon, nagkukuwentuhan sila, at unti-unting nagkakapalagayang-loob ang dalawang tao at nakakabuo sila ng koneksiyon, kaya, nagkakaroon sila ng isang pribadong ugnayan. Ang lugar ng pagtitipon ay naging isang lugar para sa mga transaksiyon, isang lugar kung saan nakikibahagi ang mga tao sa mga walang saysay na kuwentuhan, bumubuo ng mga personal na koneksiyon, nakikipagnegosyo, at nakikilahok sa mga komersiyal na operasyon. Ang mga isyung ito ang dapat tukuyin at pigilan kaagad ng mga lider at manggagawa.

Ang ilang tao ay dumadalo sa mga pagtitipon nang may pakay na maghanap ng magandang trabaho para sa kanilang sarili, ang ilan ay para tulungan ang kanilang mga mister na tumaas ang ranggo, ang ilan ay para makahanap ng magandang trabaho para sa kanilang mga anak, at ang ilan ay para makabili ng mga produktong may diskuwento. Ang iba naman ay dumadalo para makahanap ng magaling na doktor para sa maysakit sa kanilang pamilya nang hindi na kailangang magbigay ng napakaraming regalo. Sa madaling salita, itinuturing ng mga hindi mananampalatayang ito, na hindi naghahangad sa katotohanan at may mga lihim na motibo, ang oras ng mga pagtitipon sa iglesia bilang ang pinakamainam na pagkakataon para bumuo ng mga personal na koneksiyon at asikasuhin ang mga personal na usapin. Kadalasan, sa ilalim ng pagkukunwaring pakikipagbahaginan ng mga salita ng Diyos o pagkilala sa buktot na mundong ito at sa diwa ng tiwaling sangkatauhang ito, binabanggit nila ang kanilang sariling mga suliranin at mga usaping nais nilang talakayin, unti-unting inilalantad sa huli ang kanilang mga nakatagong makasariling motibo at mga personal na usaping nilalayon nilang matapos. Inilalantad nila ang sarili nilang mga layunin at maling ipinapaniwala sa iba na nahaharap sila sa mga suliranin, iminumungkahi na dapat magpakita ang lahat ng pagmamahal at tumulong sa kanila nang walang kondisyon, at nang walang inaasahang anumang kapalit. Nagpapanggap silang nananampalataya sa Diyos para masamantala ang iba’t ibang butas sa sistema, naghahanap sa mga lugar ng pagtitipon ng mga magiging kaibigan at iyong mga makakagawa ng mga bagay-bagay para sa kanila. May ilan na gustong bumili ng kotse na may presyong mapagkakasunduan, at tinitingnan nilang mabuti ang mga kapatid para malaman kung sino ang nagtatrabaho sa mga tindahan ng sasakyan o kung sino ang may mga koneksiyon sa may-ari ng tindahan ng sasakyan. Kapag natukoy na nila ang kanilang target, umaaksiyon na sila, nakikipaglapit sa kapatid na ito, at bumubuo ng mga koneksiyon. Kung ang indibidwal na iyon ay mahilig magbasa ng mga salita ng Diyos, madalas nilang binibisita ang bahay nito para magkasama silang magbasa ng mga salita ng Diyos, at nauupo sila sa tabi nito sa mga pagtitipon at nakikipagpalitan ng kanilang impormasyon pang-kontak. Pagkatapos, nagsisimula na sila ng kanilang pag-atake, determinadong hindi sumuko hanggang sa makamit nila ang kanilang layunin. Ang lahat ng ito ay mga isyung madalas na lumilitaw sa loob ng iglesia at sa mga tao. Kung ang mga isyung ito ay lumitaw sa mga lugar ng pagtitipon at sa oras ng mga pagtitipon, magdudulot ang mga ito ng mga pagkagambala at kaguluhan sa buhay iglesia, na nakakaapekto sa buhay iglesia. Kung walang buhay iglesia sa isang iglesia sa loob ng mahabang panahon, nagiging isang grupong panlipunan ang iglesiang iyon, isang lugar ng pakikipagtransaksiyon, isang lugar ng pagbuo ng mga personal na koneksiyon, paghahanap ng mga pabor gamit ang mga hindi opisyal na paraan, at pag-aasikaso ng mga personal na usapin. Nagbabago ang kalikasan ng lugar na ito, at ano ang mga kahihinatnan nito? Sa pinakamababa, nauuwi ito sa pagkawala ng buhay iglesia—ibig sabihin, ang pagkawala ng mahalagang oras na ginugol sa pagdarasal-pagbabasa ng mga salita ng Diyos kasama ang mga kapatid at sa pag-unawa sa katotohanan. Higit pa riyan, at ang pinakamahalaga, humahantong ito sa pagkawala ng mahalagang pagkakataon para gumawa ang Banal na Espiritu, para bigyang-liwanag ang mga tao na makaunawa sa katotohanan. Ang lahat ng ito ay pumipinsala sa buhay pagpasok ng mga tao. Kaya naman, para sa ikabubuti at buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos, at upang maging responsable sa buhay ng lahat, kinakailangang pigilan at limitahan ang mga gayong indibidwal; ito ang gawaing dapat gawin ng mga lider at manggagawa. Siyempre, kung kayang kilatisin ng mga ordinaryong kapatid ang mga taong ito at ang kanilang mga kilos, dapat din silang tumindig para tumanggi at magsabi ng “hindi” sa mga ito. Lalo na habang namumuhay ng buhay iglesia, na siyang pinakamahalagang oras para sa mga tao, kung may isang taong gumagamit sa oras ng pagtitipon para pag-usapan at asikasuhin ang mga usaping ito, may karapatan ang mga kapatid na huwag siyang pansinin, at higit pa riyan, may karapatan silang pigilan at tanggihan ang mga gayong bagay. Tama bang gawin ito? (Oo.) Iniisip ng ilang tao na ang ginagawang ito ng sambahayan ng Diyos ay nagpapakita ng kawalan ng pagmamalasakit sa tao. Normal ba na pagkatao ang pagmamalasakit sa tao? Umaayon ba sa katotohanan ang pagmamalasakit sa tao? Kung mayroon kang pagmamalasakit sa kapwa tao at ginagamit mo ang oras ng pagtitipon para sa mga personal mong usapin, at nagpapasama at nagpapasuporta ka pa nga sa karamihan ng tao, kinakamtan ang layunin mong asikasuhin ang mga personal mong usapin, at ginugulo ang normal na kaayusan ng pagbabasa ng hinirang na mga tao ng Diyos ng Kanyang mga salita at ang pagbabahaginan nila sa katotohanan, at nagiging dahilan para mawalan sila ng mahalagang oras na ito, patas ba ito para sa kanila? Umaayon ba ito sa pagkakaroon ng pagmamalasakit sa tao? Ito ang pinakadi-makatao at imoral na pamamaraan, at dapat tumindig ang mga tao at tuligsain ito. Kung ang mga lider at manggagawa ay mga di-epektibong sunud-sunuran lang, walang silbi, at hindi kayang pigilan at limitahan kaagad ang mga gayong pag-uugali, hindi nakikibahagi sa aktuwal na gawain, kung gayon, dapat magkaisa ang mga kapatid na may pagpapahalaga sa katarungan para pigilan ang paglaganap ng gayong pag-uugali at ng ganitong atmospera sa iglesia. Kung ayaw mong mawala ang mahalagang oras sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pagbabahaginan sa katotohanan, kung ayaw mong magulo ang iyong buhay pagpasok at magdusa ng mga kawalan, na sumisira sa pagkakataon mong maligtas, kung gayon, dapat kang tumindig para tanggihan, pigilan, at limitahan ang mga pangyayaring ito. Ang paggawa nito ay angkop at naaayon sa mga layunin ng Diyos. Ang ilan sa inyo ay nahihiyang gawin ito; maaaring nahihiya ka, pero ang mga masamang tao ay hindi. May lakas ng loob silang kunin ang iyong mahalagang oras ng pagtitipon: ang oras para gumawa ang Banal na Espiritu at bigyang-liwanag ka ng Diyos. Kung nahihiya kang tanggihan sila, nararapat lang sa iyo ang kawalan sa buhay mo! Kung handa kang magpakita ng pagmamahal sa mga Satanas, sa mga diyablo, at sa mga hindi mananampalataya, nag-aalok ng tulong sa kanila, isinasakripisyo ang iyong sarili para sa iba at binabalewala ang mga prinsipyo, sino ang masisisi mo sa kawalan sa buhay mo? Kaya, ang lahat ng pagkakataon ng pagbuo ng mga personal na koneksiyon at pag-aasikaso sa mga personal na usapin ay dapat ganap na maalis sa buhay iglesia. Kung may isang tao na magpapatuloy sa sarili niyang kagustuhan, at magpupumilit sa pagdadaldal tungkol sa kanyang mga usapin sa tahanan, nakikibahagi sa mga walang saysay na kuwentuhan, nag-aasikaso sa mga personal na usapin, o naghahanap ng mga trabaho at kasintahan para sa iba sa oras ng mga pagtitipon, sa ganitong paraan, naghahanap siya ng iba’t ibang palusot para palipasin ang oras na ito, paano dapat pangasiwaan ang gayong tao? Una, dapat siyang pigilan; kung hindi pa rin siya makikinig, dapat siyang ibukod at limitahan. Kung patuloy pa rin siyang palihim na magdudulot ng mga kaguluhan, nakikipaglapit sa kahit sinong kaya niyang lapitan at nanggugulo sa normal na buhay ng mga kapatid sa lahat ng lugar, kung gayon, dapat siyang paalisin at hindi ituring bilang kapatid. Hindi siya kalipikadong mamuhay ng buhay iglesia at hindi siya karapat-dapat na makilahok sa mga pagtitipon. Ang mga gayong tao ay dapat na limitahan at itakwil. Ang gawaing ito, siyempre, ay isa ring mahalagang gampanin na dapat gawin ng mga lider at manggagawa sa lahat ng antas. Kapag lumilitaw ang mga gayong usapin at sitwasyon, ang mga lider at manggagawa ang dapat unang tumindig at pumigil sa kanila. Paano mo sila dapat pigilan? Dapat mong sabihin sa kanila, “Alam mo ba na nakakagambala at nakakagulo na sa buhay iglesia ang pag-uugali mong ito? Kinasusuklaman at kinapopootan ito ng lahat ng kapatid, at kinokondena rin ito ng Diyos. Dapat mong ihinto ang ganitong pag-uugali. Kung hindi ka makikinig sa panghihikayat at magpapatuloy ka sa sarili mong kagustuhan, ititigil ang iyong buhay iglesia, kukunin ang mga aklat mo ng mga salita ng Diyos, at hindi ka na kikilalanin ng iglesia!” Siyempre, may ilang tao na, dahil sa kanilang mababang tayog at kawalan ng pag-unawa sa katotohanan, maaaring makipagkuwentuhan tungkol sa mga usapin sa tahanan paminsan-minsan, bumuo ng koneksiyon sa iba, o mag-asikaso sa isang maliit na usapin, at hindi gaanong malubha ang sitwasyon. Ayos lang ba ito? (Oo.) Sa mga sitwasyong hindi nakakagulo sa lahat, katanggap-tanggap na magtulungan ang mga kapatid at magpakita ng kaunting pagmamahal sa isa’t isa. Pero ano ang pinagbabahaginan natin? Ito ay kapag nagdulot na ng mga pagkagambala at kaguluhan sa normal na buhay iglesia ang mga gayong pag-uugali at kilos; sa mga gayong kaso, ang mga gumagawa nito ay dapat pigilan at limitahan. Hindi natin sila dapat tulutang magpatuloy sa paggambala at panggugulo sa buhay iglesia. Ang paggawa ng ganitong mga kilos ay nakabubuti sa buhay pagpasok ng mga kapatid. Ang ilang tao ay nagpapakita ng mga parehong pag-uugali, pero hindi naman malubha ang sitwasyon at hindi nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan; ito ay simpleng normal na pakikisalamuha sa pagitan ng mga kapatid, normal na pagtulong at pagkonsulta sa isa’t isa para sa impormasyon, o pag-uusisa tungkol sa pangkaraniwang kaalaman na hindi nila nauunawaan. Hangga’t hindi nito ginagamit ang oras ng mga pagtitipon, at hangga’t ang magkabilang panig ay parehong payag at handang gawin ito nang hindi pinipilit ang isa’t isa, at isa itong pakikipag-ugnayan na nakapaloob sa saklaw ng normal na pagkatao, kung gayon, ito ay pinahihintulutan at hindi ito lilimitahan ng iglesia. Pero may isang problema lang: Kung ang hindi maingat na pananalita at mga kilos ng isang tao sa buhay iglesia ay nagdudulot ng ligalig o kaguluhan sa mga kapatid, at nasusuklam ang ilang tao dahil dito at nagpahayag sila ng kanilang mga pagtutol, kung gayon, dapat umaksiyon ang mga lider at manggagawa para lutasin ang isyung ito. O kaya naman, kung iniulat na ng iba ang isang tao, sinasabi na hindi nakikipagbahaginan ng mga salita ng Diyos ang taong ito sa mga panahon ng pagtitipon, bagkus ay nagdadaldal tungkol sa kanyang mga usapin sa tahanan at bumubuo ng mga personal na koneksiyon, itinuturing na lugar para sa pagbuo ng mga personal na koneksiyon at pag-aasikaso ng mga personal na usapin ang lugar ng pagtitipon, humihingi ng mga pabor sa iba at sinasamantala ang sinumang puwede niyang samantalahin; at sinasabi na ang taong ito ay may mababang karakter, makasarili, kasuklam-suklam, at ubod ng sama, at hindi naghahangad sa katotohanan kundi naghahanap ng mga kalamangan kahit saan, naghahanap ng iba’t ibang oportunidad para sa sarili niyang pakinabang, kung gayon, dapat ibukod ang gayong tao.

Sinasamantala ng ilang indibidwal ang ilang mayaman at maimpluwensiyang kapatid para magawa ang mga bagay-bagay para sa kanila, at kung hindi natutugunan ang kanilang mga kahilingan, madalas nilang hinuhusgahan ang mga ito kapag nakatalikod ang mga ito, sinasabi na walang pagmamahal at hindi tunay na mananampalataya ang mga taong ito, at gusto pa nga nilang iulat ang mga ito. Nakatagpo na ba kayo ng mga gayong indibidwal? Hindi ba’t dapat harapin ang mga gayong tao? Kapag nahaharap sa mga gayong sitwasyon, ano ang dapat gawin? Dapat kumilos ang mga lider at manggagawa para lutasin ang isyu, kumikilos nang naaayon sa mga prinsipyo, para tiyakin na hindi nagugulo ang mga kapatid. Mali ba na tumanggi ang isang tao na gawin ang isang bagay para sa kanila? Ang hindi ba pagtulong sa kanila ay katumbas ng hindi pagsasagawa sa katotohanan o ng kawalan ng pagmamahal sa Diyos? (Hindi.) Malayang gawin ng isang tao kung nais ba niyang tulungan ang iba; may karapatan siyang pumili. Hindi itinatakda ng sambahayan ng Diyos na dapat magtulungan ang mga kapatid sa paglutas ng mga suliraning pampamilya sa loob ng buhay iglesia. Ang buhay iglesia ay hindi isang lugar para sa paglutas ng mga problema sa pamilya, kundi isa itong lugar ng pagtitipon para sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos at paglago sa buhay. Ginagamit ng ilang tao ang buhay iglesia para lutasin ang sarili nilang mga problema—anong mga kahihinatnan ang maaaring idulot nito? Hindi ba’t nakakaapekto ito sa pagkain at pag-inom ng hinirang na mga tao ng Diyos ng salita ng Diyos at sa pagsangkap nila ng katotohanan sa kanilang sarili? Maaaring lutasin nang pribado ang mga personal na problema sa buhay kasama ang mga kapatid; hindi na kailangang dalhin ang mga ito sa buhay iglesia para lutasin. Dapat malaman ng lahat kung ano ang mga kahihinatnang lumilitaw kapag nakakasagabal sa pamumuhay ng buhay iglesia ng hinirang na mga tao ng Diyos ang pag-aasikaso sa mga personal na usapin. Kapag natuklasan ng mga lider at manggagawa ang mga gayong usapin, dapat silang kumilos para lutasin ang mga ito. Dapat nilang protektahan ang mga nasa iglesia na kayang gumawa nang normal sa mga tungkulin, protektahan ang mga tunay na naghahangad sa katotohanan, limitahan ang masasamang tao, at pigilan ang mga ito sa pagkamit ng kanilang mga pakay. Ito ang responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Dapat magkaroon ng mga malinaw na pagkakaiba patungkol sa kung paano tinatrato ang mga normal na kaso ng ikatlong isyu, kung anong mga pagpapamalas ang may malubhang kalikasan o may malulubhang kalagayan, at kung aling mga klase at mga pagpapamalas ang maituturing na mga paggambala at panggugulo. Kapag malinaw nang natukoy ang kalubhaan ng isang pangyayari, dapat itong pangasiwaan ayon sa kalikasan nito. Ito ay isang bagay na dapat maunawaan ng mga lider at manggagawa, at ito rin ay isang bagay na dapat maarok ng lahat.