Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (13) Ikalawang Seksiyon
II. Pagsasabi ng mga Salita at Doktrina para Ilihis ang mga Tao at Makuha ang Kanilang Pagpapahalaga
Ang ikalawang pagpapamalas ng mga tao, pangyayari, at bagay na nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan sa buhay iglesia ay kapag nagsasabi ang mga tao ng mga salita at doktrina para ilihis ang mga tao at makuha ang pagpapahalaga ng mga ito. Karaniwan, puwedeng magsabi ng ilang salita at doktrina ang karamihan ng tao. Nagawa na ito ng karamihan ng tao. Dapat nating ituring ang karaniwang pangyayari ng pagsasabi ng isang tao ng mga salita at doktrina bilang resulta ng maliit na tayog at kawalan ng pagkaunawa sa katotohanan ng taong iyon. Hangga’t hindi sila kumakain ng masyadong malaking oras, hangga’t hindi nila sinasadyang gawin ito, hindi minomonopolisa ang usapan, hindi hinihinging hayaan lang sila ng lahat na sabihin ang anumang gusto nila, hindi hinihinging makinig ang lahat sa kanila, at hindi inililihis ang iba at sinusubukang kuhain ang pagpapahalaga ng mga ito, kung gayon, hindi ito maituturing na paggambala o panggugulo. Dahil ang karamihan ng tao ay walang katotohanang realidad, ang pagsasabi ng mga salita at doktrina ay isang napakakaraniwang pangyayari. Katanggap-tanggap ang pagsasalita nang medyo hindi naaangkop; mapapatawad ito at hindi masyadong seseryosohin. Gayumpaman, may isang eksepsiyon, at ito ay kapag nananadya ang tao na nagsasabi ng mga salita at doktrina. Ano ang ginagawa nila nang sadya? Hindi ang pagsasabi ng mga salita at doktrina ang ginagawa nila nang sadya, dahil wala rin silang katotohanang realidad. Ang mga kilos nila, tulad ng pagsasabi ng mga salita at doktrina, pagsigaw ng mga islogan, at pagtalakay ng mga teorya, ay katulad ng sa lahat ng ibang tao. Gayumpaman, may isang pagkakaiba: Kapag nagsasabi sila ng mga salita at doktrina, palagi nilang gustong hangaan sila ng iba, at ikumpara ang sarili nila sa mga lider at manggagawa at sa mga naghahangad sa katotohanan. Ang mas lalong hindi makatwiran, anuman ang sabihin nila o paano man nila ito sabihin, ang layon nila ay makuha ang suporta ng mga tao, ang ilihis ang puso ng mga tao, ang lahat ng ito ay para hangaan sila. Ano ang layon ng paghahangad ng paghanga? Nais nilang magkaroon ng katayuan at katanyagan sa puso ng mga tao, maging natatanging indibidwal o lider sa gitna ng karamihan, maging isang taong hindi pangkaraniwan o kakaiba, maging isang espesyal na tao, isang taong may awtoridad ang mga salita. Naiiba ang sitwasyong ito sa mga karaniwang pangyayari kung saan ang mga tao ay nagsasabi ng mga salita at doktrina at ito ay maituturing nang paggambala at panggugulo. Ano ang pinagkaiba ng mga taong ito mula sa mga nagsasabi ng mga salita at doktrina sa mas karaniwang paraan? Ito ay ang kanilang palagiang pagnanais na magsalita; kapag may pagkakataon, magsasalita sila. Hangga’t may pagtitipon o grupo ng mga tao na nakatipon—hangga’t may tagapakinig sila—magsasalita sila, may matindi silang pagnanais na gawin ito. Ang layon nila sa pagsasalita ay hindi para ibahagi sa mga kapatid ang kanilang mga saloobin, natamo, karanasan, pagkaunawa, o kabatiran para magtaguyod ng pagkaunawa sa katotohanan o ng isang landas para isagawa ito. Sa halip, ang layon nila ay gamitin ang pagkakataon para magsabi ng mga doktrina para makapagpakitang-gilas sila, para ipakita sa iba kung gaano sila karunong, para ipakita na sila ay may utak, kaalaman, at natutuhan, at nakakahigit sa karaniwang tao. Gusto nilang makilala bilang mga indibidwal na may kakayahan, na hindi lang ordinaryo. Gusto nila ito para sa anumang usapin, lalapit sa kanila ang lahat at kokonsulta sa kanila. Sa anumang isyu sa iglesia o sa anumang suliraning kinakaharap ng mga kapatid, gusto nilang sila ang unang maiisip ng ibang tao; gusto nila ito para walang magagawa ang iba nang wala sila, para hindi mangangahas ang mga ito na pangasiwaan ang anumang usapin nang wala sila, at lahat ay maghihintay sa kanilang utos. Ito ang epektong ninanais nila. Ang layon nila sa pagsasabi ng mga salita at doktrina ay para bitagin at kontrolin ang mga tao. Para sa kanila, ang pagsasabi ng mga salita at doktrina ay isang diskarte lang, isang pamamaraan; hindi ito dahil sa hindi nila nauunawaan ang katotohanan kaya sila nagsasabi ng mga salita at doktrina kundi sa pamamagitan ng paggawa nito, ang pakay nila ay ang hangaan sila ng mga tao mula sa puso, tingalain sila, at katakutan pa nga sila, kaya napipigilan at nakokontrol nila ang mga tao. Kaya, ang ganitong uri ng pagsasabi ng mga salita at doktrina ay maituturing na paggambala at panggugulo. Sa buhay iglesia, dapat limitahan ang mga gayong indibidwal, at ang ganitong pag-uugali ng pagsasabi ng mga salita at doktrina ay dapat ding pigilan at hindi pahintulutang magpatuloy nang walang pagpipigil. Maaaring sinasabi ng ilan, “Ang gayong mga tao ay dapat limitahan; kung gayon, dapat pa ba silang bigyan ng pagkakataong magsalita?” Sa usapin ng pagiging patas, puwede silang bigyan ng pagkakataong magsalita, pero sa oras na bumalik sila sa dati nilang gawi ng pagpapakitang-gilas, at malapit na namang lumitaw ang kanilang ambisyon, dapat agad silang pigilan para maging malinaw at kalmado ang isipan nila. Ano ang dapat gawin kung madalas silang nagpapakitang-gilas sa ganitong paraan, at madalas pa ring nabubunyag ang kanilang ambisyon, at mahirap pigilan ang kanilang mga pagnanais? Dapat silang lubusang limitahan at pigilang magsalita. Kung walang gustong makinig sa kanila kapag nagsasalita sila, at ang kanilang tono at kilos, at ang tingin nila, at ang mga galaw nila ay kasuklam-suklam na marinig at makita para sa lahat, kung gayon, malubhang uri ng problema ito. Umaabot ito sa puntong tutol ang lahat. Hindi ba’t dapat umalis na ang gayong mga tao na gumagampan sa papel ng isang hambingan sa iglesia? Panahon na para tapusin ang kanilang papel na ginagampanan. Hindi ba’t ibig sabihin niyon ay natapos na nila ang kanilang pagseserbisyo? Ano ang dapat gawin kapag nagawa na nila ang huling bahagi ng kanilang serbisyo? Dapat silang alisin. Sa sandaling magsimula silang magsalita, parehong lumang bagay lang ang sinasabi nila, na hindi mapigilan ng paglilimita. Pagod na ang lahat na makinig dito. Nagiging halata ang kanilang kahindik-hindik na mukha, ang mukha ni Satanas, ng isang masamang diyablo. Anong uri ng mga tao ang mga ito? Sila ay mga anticristo. Kung paaalisin sila nang masyadong maaga, magkikimkim ng mga kuru-kuro ang karamihan ng tao at hindi sila makukumbinsi sa puso nila, at sasabihin nila, “Walang pagmamahal ang sambahayan ng Diyos, pinapaalis ang isang tao nang hindi man lang siya inoobserbahan sa loob ng ilang panahon, nang hindi siya binibigyan ng anumang pagkakataon na magsisi. Nagsabi lang siya ng ilang salita ng mga tagalabas, nagbunyag ng kaunting tiwaling disposisyon, at medyo mayabang siya, pero hindi naman masama ang mga intensiyon niya. Hindi patas na tratuhin siya nang ganito.” Gayumpaman, kapag ang karamihan ay nakakakilatis at malinaw na nakakaunawa sa diwa ng masasamang tao, nararapat na bang pahintulutan ang gayong masasamang tao na magpatuloy sa kanilang walang ingat na maling gawain, mga paggambala, at panggugulo sa iglesia? (Hindi.) Hindi ito patas sa lahat ng kapatid. Sa gayong mga kaso, nalulutas ang isyu sa pamamagitan ng pagpapaalis sa kanila. Sa sandaling nagawa na nila ang kanilang huling serbisyo at nakikilatis sila ng nakararami, hindi magkakaroon ng mga pagtutol ang karamihan ng tao kapag pinapaalis mo sila—hindi sila magrereklamo o magkakamali ng pag-unawa sa Diyos. Kung may mga tao pa rin na nagtatanggol sa kanila, maaari mong sabihin: “Maraming ginawang kasamaan sa iglesia ang taong iyon. Inilarawan siya bilang isang anticristo at pinaalis. Pero masyado ka pa ring nakikisimpatiya sa kanya; iniisip mo pa rin ang kabutihang ipinakita niya sa iyo, at ipinagtatanggol mo siya. Masyado kang nagiging sentimental, at ganap na wala kang mga prinsipyo. Ano ang mga kahihinatnan nito? Hindi mo makalimutan ang kaunting tulong mula sa kanya; anuman ang sabihin niya, taimtim mo itong sinusunod, palaging nagnanais na suklian siya. Pinaalis na siya ngayon. Gusto mo bang samahan siya? Kung gusto mo ring mapaalis, sige lang.” Angkop na paraan ba ito ng pangangasiwa sa sitwasyon? Sa puntong ito, oo. Kung palagiang nagsasabi ng mga salita at doktrina ang mga gayong tao para ilihis ang iba, lubhang ginugulo ang mga tao na ayaw nang dumalo ng mga ito sa mga pagtitipon, hindi ba’t ito ay dahil ang mga lider at manggagawa ay manhid at mapurol ang isip, walang pagkilatis at hindi kayang maagap na mangasiwa sa mga taong ito? Isa itong kawalan ng kakayahang gawin ang kanilang gawain, isang pagkabigo sa pagtupad sa kanilang mga responsabilidad.
Sa ngayon, karamihan ng tao ay may kaunti nang pagkilatis sa mga anticristong iyon na nagsasabi ng mga salita at doktrina. Maliban na lang kung mananatili silang tahimik, sa sandaling ipakita nila ang tunay nilang kulay, gumagampan nang sapat na partikular sa iba’t ibang paraan, at sapat na rin ang kanilang iba’t ibang pagpapamalas para matukoy sila ng mga tao bilang mga anticristo, kung gayon, hindi na dapat magkaroon pa ng mga pagkaantala o pag-aalinlangan. Dapat silang limitahan at ibukod kaagad. Kung wala nang halaga ang kanilang serbisyo, dapat na silang paalisin agad. Madaling kilatisin ang mga gayong mapagpaimbabaw na anticristo, na nagsasabi ng mga salita at doktrina, dahil malinaw naman na mga anticristo ang mga gayong tao. Sadyang palaging gusto ng ganitong klase ng anticristo na ilihis ang mga tao sa pamamagitan ng paggamit sa oportunidad na makapagsabi ng mga salita at doktrina, para makamit ang kanilang layon na humawak ng kapangyarihan. Isang paraan ito ng pagpapamalas ng mga anticristo, at madali itong makilatis. Sapat nang natalakay ang paksang ito noon, kaya hindi na ito idedetalye pa rito. Sa pagbubuod, dapat bantayang mabuti ng mga lider at manggagawa ang mga gayong tao, agaran at tumpak na inuunawa at inaarok ang mga galaw, kaisipan, at pananaw ng mga gayong tao, pati na ang kanilang mga plano at kilos, at ang mga maling pahayag na ikinakalat nila, at agarang inaasikaso ang mga ito nang naaayon. Ito ay isang responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Kaya, kahit papaano, dapat maging espirituwal na matalas at metikuloso sa pag-iisip ang mga lider at manggagawa sa gampaning ito, hindi manhid o mapurol ang isip. Kung inililihis ng isang anticristo ang maraming tao sa pamamagitan ng pagsasabi ng mga salita at doktrina sa panahon ng mga pagtitipon, at hindi pa rin ito nakikilala ng mga lider ng iglesia bilang anticristo at hindi nila ito mailantad o mapangasiwaan kaagad, isa itong pagkabigo na tuparin ang kanilang mga responsabilidad. Kung marami nang tao ang nailihis ng mga anticristo, at hindi na nila nakikitang makabuluhan ang mga pagtitipon kapag hindi nila naririnig ang mga anticristo na nagsasabi ng mga salita at doktrina roon, at kaya ayaw nilang dumalo sa mga pagtitipon, o ayaw pa ngang kumain at uminom ng mga salita ng Diyos at makinig sa mga sermon, mas gusto pang makinig sa pangangaral ng mga anticristo—kung mapagtatanto lang ng mga lider ng iglesia ang kalubhaan ng sitwasyon at magsisimula silang gumawa ng aksiyon at ituwid ang mga bagay-bagay kapag ganito na katinding nailihis at nakontrol ng mga anticristo ang mga tao—magdudulot ito ng lubhang pagkaantala! Maraming maaapektuhan na buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos dahil sa pagiging manhid at mapurol ng mga gayong huwad na lider. Kapag ang mga anticristo ay nahimay, nakilatis, at napaalis, maaaring ang ilang tao ay malihis at sumunod sa kanila. Maaaring sasabihin pa nga ng ilan, “Kung paaalisin mo sila, hindi na kami mananampalataya sa Diyos. Kung paaalisin mo sila, aalis kaming lahat!” Sa puntong ito, nagiging ganap na malinaw na walang ginagawang anumang aktuwal na gawain ang mga lider ng iglesia, na isang matinding pagkabigo na matupad ang kanilang mga responsabilidad.
Sa buhay iglesia, ang unang dapat gawin ng mga lider at manggagawa ay ang arukin ang kalagayan ng iba’t ibang indibidwal. Dapat maingat nilang obserbahan at unawain kung anong landas ang tinahak ng bawat indibidwal na miyembro ng iglesia at ano ang disposisyong diwa nito sa pamamagitan ng pakikisalamuha, at agaran at tumpak na tuklasin at tukuyin kung sino ang tumatahak sa landas ng isang anticristo at kung sino ang nagtataglay ng diwa ng isang anticristo. Pagkatapos, dapat nilang tutukan ang mga indibidwal na ito, bantayang mabuti ang mga ito, at agarang unawain at arukin ang mga pananaw at pahayag na ikinakalat ng mga ito, at kung anong mga aksiyon ang kasalukuyang inihahandang isagawa ng mga ito. Kapag gusto ng mga ito na ilihis ang mga tao at bitagin at kontrolin ang mga ito, dapat mabilis na kumilos ang mga lider at manggagawa para pigilan ang mga indibidwal na ito, sa halip na pasibong maghintay. Kung maghihintay ka hanggang sa ibunyag sila ng Diyos, o hanggang sa malihis ang mga kapatid o magkaroon ng pagkaunawa at pagkilatis sa mga indibidwal na ito bago mo ilantad ang mga anticristo, maaantala na niyon ang mga bagay-bagay. Kaya naman, sa pagbabantay laban sa mga anticristo, dapat magkusa ang mga lider at manggagawa na maunang umaksiyon at maghanda nang maaga. Ang unang hakbang ay ang iangat at linangin ang mga taong medyo matuwid at kayang hangarin ang katotohanan; ibig sabihin, diligan nang maayos at tustusan ang mga may tungkulin ng pamumuno sa iba’t ibang aytem ng gawain, at linangin sila na maging mga sandigan sa iglesia. Sa ganitong paraan lamang makakapagpatuloy nang maayos at walang sagabal ang iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia, at makakapagpatuloy sa paglaganap ang gawain ng ebanghelyo. Anuman ito, kung walang mabuting lider ang anumang gawain, nagiging napakahirap na maisakatuparan ito. Ang pangunahing pagpapamalas ng pagsuway ng mga anticristo sa Diyos ay ang ilihis ang hinirang na mga tao ng Diyos para sumunod sa kanila, nang sa gayon ay magambala at magulo ang bawat aytem ng gawain sa sambahayan ng Diyos. Sa isang iglesia, ang unang bagay na nilalayong gawin ng mga anticristo ay ang pinsalain iyong mga may pagpapahalaga sa katarungan at iyong mga may ginagampanang papel ng pamumuno sa iba’t ibang aytem ng gawain. Inaakit nila ang mga taong kaya nilang ilihis at kontrolin na pumanig sa kanila, at idinidiin, binibitag, at pinababagsak iyong mga hindi nila kayang ilihis o kontrolin, at sa huli ay pinapaalis ang mga ito. Ito ang naglalatag ng daan para makontrol ng mga anticristo ang iglesia. Una nilang pinababagsak ang ilang pangunahing indibidwal na may kakayahang maghangad sa katotohanan; ang karamihan sa mga natitira ay iyong mga sumasabay lang sa agos. Pagkatapos niyon, nagiging mas madali para sa kanila na partikular na harapin ang mga lider at manggagawa. Kapag wala ang kooperasyon at tulong ng mga naghahangad sa katotohanan, sa esensiya ay lumalaban nang mag-isa ang mga lider at manggagawa nang walang tulong. Ikaw ay nasa liwanag, habang ang mga anticristo ay nagkukubli sa kadiliman, handang palihim na atakihin, idiin, bitagin, at siraan ka anumang sandali, pinababagsak ka sa lupa para hindi ka makabangon. Pagkatapos, naghahanap ang mga anticristo ng mga taong sisipa sa iyo habang nakatumba ka, iniiwan kang ganap na nasisiraan ng loob at nawawalan ng pag-asa. Kaya naman, napakahirap na lubusang lutasin ang isyu ng mga anticristo kung iyong mga naghahangad sa katotohanan ay hindi nakikipagsanib-puwersa laban sa kanila. Sa buhay iglesia, ang unang dapat gawin ng mga lider at manggagawa ay ang panatilihin ang normal na kaayusan sa iglesia. Dahil may ganitong mga masamang tao na tumatahak sa landas ng mga anticristo, hindi magkakaroon ng mabubuting resulta sa buhay iglesia, hindi magiging madaling makatahak sa tamang landas, at karamihan sa mga tao ay madalas na magugulo at maiimpluwensiyahan. Kaya naman, ang pagtuklas, pag-unawa, pag-arok, at pagtukoy sa masasamang tao, mga anticristo, at iyong mga tumatahak sa landas ng mga anticristo ang una at pinakamahalagang gampanin na isasagawa ng mga lider at manggagawa sa buhay iglesia. Sa pamamagitan lamang ng paglilimita o pagpapaalis sa mga taong ito mapapanatili ang normal na kaayusan ng buhay iglesia. Kung hindi sila lilimitahan at pahihintulutan sila na kumilos nang may sutil na kawalang-ingat at magdudulot sila ng mga kaguluhan, mahihinto ang iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia. Dahil karamihan sa mga tao ay walang pagkilatis sa kanila at hindi malinaw na nakakaunawa sa kanilang diwa, at nagugulo at nalilihis pa nga ng kanilang iba’t ibang nakalilinlang na kaisipan at pananaw, mahirap para sa hinirang na mga tao ng Diyos na makatahak sa tamang landas at makapasok sa katotohanang realidad sa buhay iglesia. Kung sa panahong ito ay napakanormal ng buhay iglesia, ang hinirang na mga tao ng Diyos ay nagkakamit at umuusad sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos at sa pagbabahaginan sa katotohanan, at sa wakas ay mayroon na silang kaunting buhay pagpasok at kaunting katotohanang realidad, pero pagkatapos, nililihis at ginugulo sila ng mga anticristong nagsasabi ng mga salita at doktrina, kung gayon, hindi lang nawawala sa kanila ang kaunting dalisay na pagkaarok at tunay na pagkaunawa na bago lang nilang nakamit, kundi nakakatanggap din sila ng maraming paimbabaw na maling pananampalataya at maling paniniwala—agad silang naguguluhang muli, gaya ng mga nagsasagwan na inaanod pabalik ng agos sa sandaling huminto sila sa pagsagwan, na isang napakalaking problema. Hindi madali para sa mga tao na maisakatuparan ang paglago sa buhay; maaaring abutin ng maraming taon bago makakita ng kaunting pag-usad, at napakabagal nito. Mahirap para sa mga tao na makuha ang kahit kaunting tayog na mayroon sila—hindi ito madaling makamit. Sa pamamagitan ng panlilihis at panggugulo ng mga anticristo, nawala ang kaunting tunay na pagkaarok ng mga tao. Ang mas malubha pa, pagkatapos ng panggugulo ni Satanas at ng mga anticristo, napupuno ang mga tao ng maraming pilosopiya ni Satanas, mga pakana at pandaraya ni Satanas, at ng lason na itinanim sa kanila ni Satanas. Dahil sa mga bagay na ito, hindi lamang nabibigo ang mga tao na makilala ang Diyos at magpasakop sa Kanya, kundi sa kabaligtaran, nagsasanhi sa mga tao na magkaroon ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa sa Diyos, at lumalayo sila sa Kanya, na lalong nagpapatindi sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao, higit na inuudyukan ang kanilang pagkakanulo sa Diyos. Napakalubha ng mga kahihinatnan nito. Sabihin mo sa Akin, sa harap ng gayong malulubhang kahihinatnan, kinakailangan bang pigilan at limitahan iyong mga nanlilihis sa mga tao gamit ang mga salita at doktrina? Hindi ba’t isa itong mahalagang gampanin na dapat isagawa ng mga lider ng iglesia? (Oo.) Samakatwid, ang paglimita sa masasamang tao at mga hindi mananampalataya ay isang mahalagang gampanin para sa iglesia. Sinasabi ng ilang tao, “Wala akong pagkilatis. Hindi ko alam kung paano ito gagawin.” Sa katunayan, hangga’t mayroon kang kagustuhan, hangga’t maingat kang nag-oobserba, at palagi mong sinusuri ang mga intensiyon at motibo ng mga tao, unti-unti kang magkakaroon ng pagkilatis. Ang mga hindi mananampalataya at masasamang taong ito, sa sandaling ipakita nila ang kanilang sarili, ay may sariling mga intensiyon at motibo, na pawang ang pakay ay himukin ang mga tao na tingalain at idolohin sila, at makinig sa kanilang sinasabi. Kapag nahihiwatigan mo ang kanilang mga intensiyon at motibo, ito ay pagkakaroon na ng kaunting pagkilatis. Kung hindi ka sigurado, maaari kang makipagbahaginan tungkol sa usaping ito sa ilang tao na medyo nakakaunawa sa katotohanan. Sa oras ng pagbabahaginan, sa isang banda, maaari kang gumawa ng kapasyahan sa pamamagitan ng katotohanang nauunawaan ng lahat at ng iba’t ibang makatotohanang ebidensiyang naarok. Sa kabilang banda, sa pamamagitan ng kaliwanagan at patnubay ng Diyos, at sa liwanag na ibinibigay ng Diyos habang nagbabahaginan, maaari mong makumpirma ang tungkol sa usaping ito, makumpirma kung ang tinutukoy na tao ay isa nga bang anticristo at kung siya nga ba ay isang taong dapat limitahan. Sa pamamagitan ng pagbabahaginan, kung nakukumpirma ng lahat at nagkakaisa silang sumasang-ayon, sinasabi na ang taong ito ay isa ngang anticristo na dapat limitahan—pagkatapos magkasundo ang lahat ng kapatid at pare-pareho na ang kanilang perspektiba—ang susunod na hakbang para sa mga lider at manggagawa ay ang agad na pangasiwaan at paalisin ang taong ito ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ito ang prinsipyo. Sa sandaling maunawaan ng mga tao ang prinsipyong ito, dapat silang gumawa ng aktuwal na gawain, na nangangahulugan ng pagtupad sa kanilang responsabilidad at pagiging tapat. Ang pag-unawa sa mga prinsipyo ay hindi lang para ipangaral o isaulo ang mga ito, kundi para ilapat ang mga ito sa aktuwal na gawain ng iyong tungkulin. Sa aktuwal na gawain, ang pag-unawa sa mga prinsipyo ay nagbibigay-daan sa iyo na mas mahusay at mas lubusang matupad ang iyong mga responsabilidad at obligasyon. Kaya naman, ito rin ay parte ng gawain ng mga lider at manggagawa. Upang mapanatili ang normal na kaayusan ng buhay iglesia at tulutan ang mga kapatid na mamuhay ng buhay iglesia nang normal at makapasok sa lahat ng katotohanang hinihingi ng Diyos, kapag lumilitaw ang mga anticristong nagsasabi ng mga salita at doktrina, ang mga lider at manggagawa ang dapat unang tumindig para pigilan at limitahan sila. Para sa mga anticristong nagsasabi ng mga salita at doktrina, hindi ito tungkol sa paglilimita sa kanila dahil lang sa nagsabi sila ng ilang maling bagay. Kung ang matagalang obserbasyon o ang puna ng nakararami at ang kanilang mga partikular na pagpapamalas ay sapat para matukoy na sila nga ay ang anticristong uri, kung gayon, dapat na kumilos ang mga lider at manggagawa para pigilan at limitahan sila, at hindi sila dapat tulutang magpatuloy nang hindi napipigilan. Ang pagkunsinti sa kanila ay katumbas ng pagtutulot sa mga diyablo, mga Satanas, maruruming demonyo, at masasamang espiritu na maghasik ng kaguluhan sa iglesia, na nangangahulugang ang mga gayong lider at manggagawa ay nagpapabaya sa kanilang mga responsabilidad, na sa esensiya ay gumagawa para kay Satanas. Natapos na ngayon ang pagbabahaginan tungkol sa pangalawang klase ng isyu tungkol sa mga paggambala at panggugulo sa buhay iglesia.