Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (12) Ikaapat na Seksiyon
II. Hindi Pagmamalasakit o Pagtatanong Tungkol sa mga Paggastos ng mga Handog
Ang isa pang pagpapamalas ng mga huwad na lider pagdating sa pangangalaga ng mga handog ay na hindi nila alam kung paano pamahalaan ang mga handog. Alam lang nila na hindi dapat galawin ang mga handog, na hindi dapat basta-bastang magamit sa maling paraan o lustayin ang mga ito, na sagrado ang mga ito, ibinubukod bilang banal, at na hindi maaaring magkaroon ang isang tao ng mga hindi nararapat na kaisipan tungkol sa mga ito. Pero pagdating sa kung paano eksaktong pamamahalaan nang maayos ang mga handog, kung paano maging isang mabuting katiwala sa pangangalaga sa mga ito, wala silang landas, wala silang mga prinsipyo, wala silang mga tiyak na plano o hakbang para sa gawaing ito. Kaya, sa mga bagay tulad ng pagrerehistro, pagbibilang, at pangangalaga ng mga handog, pati na rin sa pagsusuri sa mga akawnt ng mga pumapasok at lumalabas na pondo at pagtingin sa mga gastos, napakapasibo ng mga huwad na lider na ito. Kapag may taong nagpapasa ng isang bagay para sa pagsang-ayon, sinasang-ayunan nila ito. Kapag may nag-aaplay para sa reimbursement, ibinibigay nila ito sa kanya. Kapag may nag-aaplay ng pera para sa ilang layon, iniaabot nila ito sa kanya. Hindi nila alam kung saan pinangangalagaan ang iba’t ibang makina at kagamitan. Hindi rin nila alam kung angkop ang tagapag-ingat ng mga ito, o kung paano malalaman kung angkop ba siya; hindi nila kayang kilatisin ang puso ng mga tao, at hindi nila kayang kilatisin ang diwa ng mga tao. Kaya, bagaman may mga tala ng lahat ng lumalabas na mga handog sa ilalim ng saklaw ng pamamahala ng mga taong ito, kung titingnan ang mga detalye ng gastos sa mga akawnt na iyon, marami sa mga paggastos ang hindi makatwiran at hindi kinakailangan—marami sa mga iyon ay kalabisan at pag-aaksaya. Nawawala ang mga handog dahil sa lagda ng mga lider at manggagawang ito. Sa panlabas, tila gumagawa sila ng partikular na gawain, pero sa katunayan, wala talagang mga prinsipyo sa ginagawa nila. Hindi sila nagsasagawa ng pagbeberipika—nagpapabasta-basta sila, sumusunod sa mga patakaran at regulasyon, wala nang iba pa. Hindi talaga ito pasok sa mga pamantayan para sa pamamahala ng mga handog, lalo na sa mga prinsipyo nito. Kaya, sa panahon ng paggawa ng mga huwad na lider, napakaraming hindi makatwirang gastos. Kung may tao roon para mangasiwa at mamahala ng mga bagay-bagay, paano nagkakaroon ng ganitong mga hindi makatwirang gastos? Ito ay dahil ang mga lider at manggagawang ito ay hindi umaako ng responsabilidad sa gawain nila. Gumagawa sila ng pabasta-basta at hinaharap ang mga bagay-bagay nang pabaya, at hindi sila kumikilos nang naaayon sa mga prinsipyo. Hindi nila pinasasama ang loob ng iba, umaasta sila na parang mga mapagpalugod ng mga tao, at hindi sila nagsasagawa ng wastong pagbeberipika. Maaaring wala pa ngang isang tunay na responsableng tao sa mga namamahala sa mga handog, walang kahit isa na talagang kayang magsagawa ng pagbeberipika. Walang pakialam ang mga huwad na lider kung angkop ang mga taong nangangalaga sa mga handog, o kung may anumang mga mapanganib na sitwasyon sa iglesia ng mga taong iyon. Para sa kanila, basta’t sila mismo ay ligtas, ayos ang lahat. Kapag may dumarating na panganib, ang unang bagay na iniisip nila ay kung saan sila maaaring tumakas at kung masasamsam ba ang sariling pera nila, samantalang hindi nila inaalam o tinatanong ang tungkol sa kinaroroonan ng mga handog o kung nasa panganib ang mga ito. Ilang buwan o kahit kalahating taon matapos ang insidente, maaaring magtanong sila dahil sa pagkakonsensiya, at kapag nalaman nila na ang ilan sa mga handog ay napasakamay ng malaking pulang dragon, na ang ilan ay winaldas ng masasamang tao, at na walang nakakaalam sa kinaroroonan ng ilan, mababagabag sila sandali—mananalangin sila nang kaunti, aaminin ang pagkakamali nila, at doon na iyon magtatapos. Anong uri ng mga nilalang ang mga taong ito? Hindi ba’t may problema sa ganitong paggawa? Paano tatratuhin ng Diyos ang isang taong nagkikimkim ng gayong saloobin sa mga handog? Ituturing ba Niya ito bilang isang tunay na mananampalataya? (Hindi.) Ano ang magiging turing Niya rito, kung ganoon? (Bilang isang walang pananampalataya.) Kapag itinuring ng Diyos ang isang tao bilang walang pananampalataya, nagkakaroon ba ng damdamin ang taong iyon? Nagiging manhid siya at mapurol sa kanyang espiritu, at kapag kumikilos siya, wala siyang kaliwanagan o patnubay ng Diyos, o anumang liwanag. Wala ang pagprotekta ng Diyos sa kanya kapag nangyayari sa kanya ang mga bagay-bagay, at madalas siyang negatibo at mahina, namumuhay sa kadiliman. Bagaman madalas siyang nakikinig sa mga sermon, at kayang magdusa at magbayad ng halaga sa gawain niya, sadyang hindi siya umuusad, at nagmumukha siyang kahabag-habag. Iyon ang “mga resulta” niya. Hindi ba’t mas mahirap tiisin ito kaysa sa parusa? Sabihin mo sa Akin, kung ganito ang resulta ng pananampalataya ng isang tao sa Diyos, dahilan ba iyon para sa kagalakan at pagdiriwang, o para sa pagdadalamhati at paghihinagpis? Hindi ito isang magandang senyales, sa Aking opinyon.
Hindi kailanman sineseryoso ng mga huwad na lider ang gawain ng pamamahala sa mga handog. Bagaman sinasabi nilang, “Hindi dapat galawin ng mga tao ang mga handog sa Diyos; ang mga handog sa Diyos ay hindi dapat lustayin ninuman, at hindi dapat mapasakamay ang mga ito ng masasamang tao,” at napakahusay nilang isinisigaw ang mga islogan na ito, at parang napakamoral at napakadisenteng pakinggan ng mga salita nila, pero hindi sila kumikilos na parang mga tao. Bagaman hindi nila nilulustay ang mga handog, at wala silang mga hindi nararapat na kaisipan sa mga ito, o anumang balak na kamkamin ang mga ito, at may ilan pa nga sa kanila na hindi kailanman ginagamit ang pera ng sambahayan ng Diyos o ginagalaw ang mga handog sa Diyos para sa anumang paggastos na maaaring mayroon sila, at sa halip ay ginagastos ang sarili nilang pera, bilang mga lider at manggagawa, hindi talaga sila gumagawa ng tunay na gawain pagdating sa pamamahala sa mga handog. Hindi man lang nila ginagawa ang mga simpleng bagay tulad ng pagtatanong tungkol sa kalagayan ng paggastos ng mga handog o pagbeberipika sa mga paggastos ng mga handog. Malinaw na mga huwad na lider ang mga ito. Ang saloobin nila sa mga handog ay ito: “Hindi ko ginagastos ang mga ito at hindi ko nilulustay ang mga ito, at hindi ko rin inaalala kung paano ginagastos ng iba ang mga ito o kung nilulustay ng iba ang mga ito.” Sinasabi Ko sa mga huwad na lider na ito na napakaproblematiko ng maligamgam na saloobin mong ito. Ang hindi paggastos sa mga ito at hindi paglulustay sa mga ito ay ang dapat na gawin ng mga tao, pero bilang isang lider o manggagawa, ang mas dapat mo pang gawin ay ang mahusay na pamahalaan ang mga handog, pero bigo kang gawin ito. Tinatawag iyon na pagpapabaya sa responsabilidad. Pagpapamalas ito ng isang huwad na lider. Maaaring hindi ka gumastos ng kahit isang sentimo o naglustay ng kahit isang handog, pero dahil wala kang ginagawang aktuwal na gawain, at wala kang ginagawang anumang partikular na gawain ng pamamahala kaugnay sa mga handog, inilalarawan ka bilang isang huwad na lider, at ang paggawa nang gayon ay may katwiran at makatarungan. May ilang lider na kailanman ay hindi talaga kumukuha o gumagamit ng anumang handog—kahit pa ginagamit ang mga ito ng lahat ng iba pang lider at manggagawa, hindi nila ito ginagawa, at kapag isinasaayos ng sambahayan ng Diyos na bigyan sila ng isang bagay, tinatanggihan nila ito. Parang medyo malinis sila at walang pag-iimbot, pero kapag isinaayos sila para mamahala sa mga handog, wala talaga silang gagawing anumang partikular na gawain. Sinuman ang gumagastos ng mga handog, sinasang-ayunan nila ito—ni hindi man lang sila nagtatanong, at wala silang sinasabing anuman tungkol dito. Bagaman hindi nilulustay ng mga taong ito ang kahit isang sentimo ng mga handog, sa saklaw ng pamamahala nila, napapasakamay ng masasamang tao ang mga handog, at dahil sa pagiging iresponsable nila at pagpapabaya sa responsabilidad, maaaring mawaldas at maaksaya ang mga handog ng kahit sino. Hindi ba’t ang pagwawaldas at pag-aaksaya na ito ay may kaugnayan sa mali nilang pamamahala? Hindi ba’t dulot ito ng pagpapabaya nila sa responsabilidad? (Ganoon nga.) Wala ba silang bahagi sa masasamang gawa ng mga taong ito? Hindi ba’t may responsabilidad sila rito? Malaking responsabilidad ito para pasanin, at hindi nila ito maaaring iwasan! Pinaninindigan lang nila ang sinasabi nila: “Sa anumang kaso, hindi ko nilulustay ang mga handog sa Diyos, at hindi ko gusto o pinaplano na gawin ito. Sino pa man ang gumagastos sa mga handog sa Diyos, hindi ko ginagastos ang mga ito; sino pa man ang kumukuha at gumagamit ng mga handog, hindi ko ito ginagawa; sino pa man ang nagtatamasa ng mga ito, hindi ko ito tinatamasa. Ito ang saloobin ko sa mga handog—maaari mong gawin ang anumang gusto mo!” May gayon bang mga tao? (Oo.) Ginagastos ng mga anticristo ang mga handog para sa mga mamahaling damit, luho, at maging sa mga sasakyan. Sabihin mo sa Akin, makikilatis ba ng ganitong uri ng huwad na lider ang problemang ito? Hindi sila mismo ang naglulustay sa mga handog, mayroon silang ganitong saloobin, kaya’t hindi ba sila naniniwalang masama na lustayin ang mga ito? (Naniniwala sila.) Kung gayon, kapag gumagawa ng napakalaking kasamaan ang mga anticristo, bakit binabalewala nila ito at hindi ito pinipigilan? Bakit hindi nila ito sineseryoso? (Ayaw nilang magdulot ng sama ng loob.) Hindi ba’t masamang gawa iyon? (Oo.) Hindi ito pagtupad sa responsabilidad na dapat tuparin ng isang katiwala. Kung, sa panahon ng iyong pamamahala, napasakamay ng masasamang tao ang mga handog, kung nawaldas, naaksaya, at nagastos ang mga ito sa hindi makatwirang paraan, kung nawawala ang mga ito nang ganito, pero hindi ka gumagawa ng anumang gawain o nagsasabi man lang ng kahit isang salita, hindi ba’t pagpapabaya ito sa responsabilidad? Hindi ba’t pagpapamalas iyon ng isang huwad na lider? Kung hindi mo sinasabi ang dapat mong sabihin, hindi ginagawa ang dapat mong gawin, hindi tinutupad ang responsabilidad na dapat mong tuparin, at bagaman nauunawaan mo ang bawat doktrina, sadyang hindi ka gumagawa ng aktuwal na gawain, tiyak na isa kang huwad na lider. Naniniwala kang, “Sa anumang kaso, hindi ko nilulustay ang mga handog; kung ginagawa ito ng iba, usapin nila iyon.” Hindi ba’t isa kang huwad na lider, kung ganoon? Ang hindi paglulustay ng mga handog ay personal mong usapin, pero napangalagaan mo ba nang maayos ang mga handog? Natupad mo ba ang iyong responsabilidad kaugnay sa mga handog? Kung hindi, huwad na lider ka. Huwag kang maghanap ng palusot para sa sarili mo, sinasabi: “Sa anumang kaso, hindi ko nilulustay ang mga handog, kaya hindi ako huwad na lider!” Ang hindi paglulustay ng mga handog ay hindi sapat na batayan para masukat kung ang isang lider o manggagawa ay pasok sa pamantayan; ang tunay na batayan kung pasok siya sa pamantayan ay kung tinutupad niya ang responsabilidad niya, isinasagawa ang dapat gawin ng isang tao, at tinutupad ang obligasyong dapat tuparin ng isang tao, sa mga bagay na ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos—iyon ang pinakamahalaga. Kaya, sa pamamahala ng mga handog, ano ang iyong obligasyon at responsabilidad? Naisagawa mo na ba ang lahat ng ito? Napakalinaw na hindi mo nagawa. Nagpapabasta-basta ka lang; natatakot na mapasama ang loob ng mga tao, pero hindi ka natatakot na mapasama ang loob ng Diyos. Binabalewala mo ang mga handog dahil natatakot kang mapasama ang loob ng mga tao, na masira ang magandang imahe mo sa paningin nila—kung mayroon kang ganitong pagpapamalas, tiyak na huwad na lider ka. Hindi ito pagbabansag sa iyo. Nakalatag ang mga katunayan para makita ng lahat: Hindi mo man lang matupad ang iyong obligasyon at responsabilidad—napakamakasarili mo! Pinamamahalaan mo nang labis na mabuti, masinop, at maingat ang mga sarili mong gamit, ang personal mong ari-arian. Hindi mo hinahayaang malantad ang mga gamit na iyon sa mga elemento; hindi mo hinahayaang tangayin ang mga iyon ng sinuman, at hindi mo hinahayaan ang sinuman na manamantala sa iyo. Pero pagdating sa mga handog, wala ka talagang pagpapahalaga sa responsabilidad—hindi mo man lang isinasagawa ang ikasampung bahagi ng responsabilidad na ginagawa mo pagdating sa pamamahala ng sarili mong mga gamit. Paano ka maituturing na mabuting katiwala? Paano ka maituturing na lider o manggagawa? Malinaw na isa kang huwad na lider. Ito ay pagpapamalas ng isang uri ng huwad na lider.
III. Paghihigpit sa mga Makatwirang Paggastos
May isa pang uri ng huwad na lider, at talagang kasuklam-suklam din ito. Pagkatapos maging mga lider ang ganitong mga tao, nakita nilang ang taong nangangalaga sa mga handog ay gumagastos ng pera nang labis at napakamaaksaya, kaya’t tinanggal nila ito. Pagkatapos ay inaasam nilang makahanap ng isang taong kayang magplano nang masusi at magbadyet nang maingat, na talagang mahigpit sa paggastos, at na marunong magpatakbo ng isang tahanan sa paraang matipid. Iniisip nila na iyon ang uri ng tao na magiging isang mabuting katiwala, at lumalabas na sa palagay nila ay walang sinumang angkop, at kaya sa huli ay sila na mismo ang nangangalaga sa mga handog. Kapag sinasabi ng mga kapatid na kailangang maimprenta ang ilang kopya ng mga aklat ng mga salita ng Diyos para sa pangangaral ng ebanghelyo, hindi ito pinahihintulutang magawa ng mga lider na ito, iniisip na masyadong magastos ang mag-imprenta ng mga aklat; wala silang pakialam kung agaran itong kailangan para sa gawain—para sa kanila, ayos lang basta’t nakatitipid sila ng pera. Sadyang hindi nila alam kung saan gagamitin ang mga handog sa Diyos na pinakanaaayon sa Kanyang mga layunin; ang alam lang nilang gawin ay ang protektahan ang mga handog sa Diyos at huwag talagang hayaang magalaw ang mga ito. Hindi nila ginagastos ang dapat gastusin—talaga namang “mahusay” nilang isinasagawa ang pagbeberipika! Paano uusad ang gawain nang ganito? May prinsipyo ba ang mga lider na ito sa mga pagkilos nila? (Wala.) Hindi nila pinahihintulutang magawa ang gawaing dapat magawa, hindi pinahihintulutang maimprenta ang mga aklat na dapat maimprenta, o hindi pinahihintulutang magastos ang perang dapat magastos—hindi nila pinahihintulutan ang anumang makatwirang paggastos. Pamamahala ba iyon? (Hindi.) Ano ito? Ito ay kawalan ng pagkaunawa sa mga prinsipyo. Hindi alam ng mga taong walang pagkaunawa sa mga prinsipyo kung paano pamahalaan ang mga handog kapag gumagawa sila. Naniniwala silang dapat nilang bantayan ang pera at huwag itong hayaang mabawasan kahit isang sentimo, at na, anuman ang gastos, hindi dapat galawin ang pera. Naaayon ba ito sa mga layunin ng Diyos? (Hindi, hindi ito naaayon.) Ang pagkontrol sa mga bagay-bagay at pagsasagawa ng pagbeberipika nang walang mga prinsipyo ay hindi pamamahala. Ang walang habas na paggastos, pag-aaksaya, at pagwawaldas ay hindi pamamahala, pero ang hindi pagpayag na magastos ang kahit isang sentimo at ang paghihigpit sa makatwirang gastos dahil sa pagbeberipika ay hindi rin pamamahala. Hindi naaayon sa mga prinsipyo ang alinman sa mga iyon. Dahil hindi nauunawaan ng ilang tao ang mga prinsipyo para sa paggamit, paglalaan, at pamamahala sa mga handog, nangyayari ang iba’t ibang uri ng kalokohan at iba’t ibang uri ng kaguluhan. Mukhang medyo responsable at dedikado ang mga lider na ito sa panlabas, pero kumusta ang gawaing ginagawa nila? (Wala itong prinsipyo.) At dahil wala itong prinsipyo, nahahadlangan at nalilimitahan ang gawain ng ebanghelyo sa lugar nila, at nalilimitahan din ang ilang propesyonal na gawain dahil sa labis na mahigpit nilang pagbeberipika sa paggamit ng mga handog. Sa panlabas, tila napakaingat at napakaresponsable nila sa pangangalaga sa mga handog. Pero sa katunayan, dahil wala silang espirituwal na pang-unawa, at kumikilos lang batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon nila, at isinasagawa pa nga nila ang pagbeberipika para sa sambahayan ng Diyos sa pagkukunwaring nagiging matipid sila para sa kapakanan ng iglesia, malubha nilang naaapektuhan ang pag-usad ng iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia nang hindi man lang nila ito nalalaman. Mailalarawan ba bilang mga huwad na lider ang gayong mga tao? (Oo.) Ito ang nagkaklasipika sa kanila bilang mga huwad na lider. Sa isang partikular na antas, nakapagdulot na sila ng mga panggugulo at paggambala sa gawain ng ebanghelyo at sa gawain ng iglesia. Ang mga panggugulo at paggambalang ito ay dulot ng kawalan nila ng pagkaunawa sa mga prinsipyo, gayundin ng walang ingat nilang paggawa batay sa sarili nilang mga kagustuhan at kuru-kuro, at ng hindi nila paghahanap sa mga katotohanang prinsipyo, o ng pagtalakay sa mga bagay-bagay o pakikipagtulungan sa iba. Hindi maaaksaya o mawawaldas ang mga handog kapag nasa kanila ang mga ito, pero hindi nila makatwirang magagamit ang mga handog ayon sa mga prinsipyo, at hindi pahihintulutang magamit ang mga ito para lang sa kapakanan ng pangangalaga sa mga ito, at dahil dito, naaantala ang gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, at naaapektuhan ang normal na operasyon ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Kaya, batay sa pagpapamalas na ito, hindi talaga kalabisan na ilarawan sila bilang mga huwad na lider. Bakit inilalarawan din bilang mga huwad na lider ang gayong mga tao? Hindi nila alam kung paano gumawa ng gawain, at ang pag-arok nila sa kung paano tratuhin ang mga handog at mga paraan ng pagtrato sa mga ito ay lubhang baluktot, kaya magagawa ba nila ang iba pang gawain nang maayos? Tiyak na hindi. Hindi ba’t may problema sa pag-arok ng mga taong ito? (Mayroon.) Baluktot ang pag-arok nila, sumusunod sila sa mga regulasyon, nagpapanggap sila, at mapagkunwaring espirituwal sila. Hindi nila isinasaalang-alang ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at hindi sila kumikilos ayon sa mga prinsipyo—hindi nila mahanap ang mga prinsipyo para sa pagkilos, at sumusunod lang sila sa sarili nilang makitid na katusuhan at sarili nilang kalooban at sumusunod sa mga regulasyon. Iyon ang dahilan kung bakit nagreresulta ang gawain nila sa mga panggugulo at paggambala. Hangal at pabara-bara ang paraan nila ng paggawa—kasuklam-suklam ito. Ang gayong mga tao ay malinaw na mga huwad na lider. May sinuman bang nagsasabing, “Pinangangalagaan ko nang napakaayos ang mga handog, ginagawa ang gawaing ito nang napakamaingat, pero inilalarawan pa rin ako bilang isang huwad na lider. Hindi ko na pamamahalaan ang mga ito, kung ganoon! Maaari itong gastusin ng sinumang may gusto; maaari itong gamitin ng sinumang may gusto; maaari itong kuhain ng sinumang may gusto!”? May sinuman ba na may ganoong kaisipan? Ano, kung ganoon, ang layon natin sa pagsisiwalat sa iba’t ibang kalagayan at pagpapamalas ng iba’t ibang uri ng mga huwad na lider? (Para himukin ang mga tao na arukin ang mga prinsipyo at iwasang tahakin ang landas ng mga huwad na lider.) Tama iyan. Ito ay para himukin ang mga tao na maarok ang mga prinsipyo, para magawa nila nang maayos ang gawain nila at matupad ang responsabilidad nila nang naaayon sa mga prinsipyo, para hindi sila umasa sa mga imahinasyon at kuru-kuro, para hindi sila magkimkim ng kalooban ng tao o ng pagkamainitin ng ulo, para hindi nila hayaang palitan ng isang teoryang inisip nila ang mga katotohanang prinsipyo, para hindi sila magkunwaring espirituwal, at para huwag nilang gamitin ang inaakala nilang espirituwalidad bilang huwad o pamalit sa mga prinsipyo. Umiiral ang gayong mga tao sa kalipunan ng mga lider at manggagawa, at sulit na isaalang-alang ang mga ito bilang babala.
IV. Pagkamkam at Pagtatamasa ng mga Handog
May isa pang uri ng huwad na lider, at mas magulo pa ang gawaing ginagawa niya pagdating sa pamamahala ng mga handog. Naniniwala siya na bilang isang lider o manggagawa, hindi niya maaaring palaging bantayan ang mga handog, o maging masyadong maingat pagdating sa mga handog. Iniisip niya na kailangan lang niyang gawin nang maayos ang mga gawaing administratibo ng iglesia, at gampanan nang maayos ang gawain ng buhay iglesia at ng buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos, at bukod pa roon, tiyakin na nagagawa nang maayos ang iba’t ibang uri ng propesyonal na gawain. Naniniwala siya na ang mga handog ay pera at mga aytem na ipinagkakaloob ng Diyos sa iglesia, at na ang perang ito at mga aytem na ito ay naroroon para matugunan ang mga pangangailangan ng mga lider at manggagawa sa kanilang buhay at gawain. Ang implikasyon dito ay na ang mga handog ay inihahanda para sa mga lider at manggagawa, at na kapag ang isang tao ay napili bilang isang lider o manggagawa, pinahihintulutan siya ng Diyos na tamasahin ang mga handog na ito, at na ang mga lider at manggagawa ang may priyoridad sa paglalaan sa mga ito, pagtatamasa ng mga ito, at paggastos ng mga ito—at kaya, kapag ang isang tao ay naging isang lider o manggagawa, nagiging panginoon siya ng mga handog, ang manedyer at may-ari ng mga handog. Kapag ang ganitong uri ng mga tao ay nakahahawak ng mga handog sa kanilang gawain, hindi nila inirerehistro ang mga ito, binibilang ang mga ito, o pinangangalagaan ang mga ito, ni hindi rin nila sinusuri ang mga akawnt ng mga pumapasok at lumalabas na handog, lalong hindi nila iniinspeksiyon ang kalagayan ng paggastos at paglalaan ng mga ito. Sa halip, inaalam at inaarok nila kung anong mga handog ang naroroon at kung may anumang maaaring tamasahin ng mga lider at manggagawa. Ito ang uri ng saloobin na mayroon ang mga lider at manggagawa sa mga handog. Sa pananaw nila, hindi kailangang irehistro, bilangin, o pangalagaan ang mga handog, o na inspeksiyonin ang mga pumapasok at lumalabas o ang kalagayan ng paggastos ng mga ito—walang kinalaman sa kanila ang gayong mga bagay—kailangan lang nilang maglaan ng mga handog sa mga lider at manggagawa, binibigyang-priyoridad ang mga ito pagdating sa pagtamasa ng mga handog. Sa pananaw nila, ang sinasabi ng mga lider at manggagawa ay ang prinsipyo—nasa kanila ang desisyon kung paano gagastusin at ilalaan ang mga handog. Naniniwala sila na ang mapili bilang isang lider o manggagawa ay nangangahulugang naperpekto na ang isang tao, at na, tulad ng isang pari, may pribilehiyo siyang tamasahin ang mga handog, pati na rin ang huling desisyon, karapatan sa paggamit, at karapatan sa paglalaan ng mga handog. Sa ilang iglesia, bago pa man mairehistro, mabilang, at mailagay ng mga tamang tauhan ang mga bagay na inihandog ng mga kapatid sa imbakan, nasilip, nasuri, at nasala na ang mga ito ng mga lider at manggagawa, itinatago ang alinmang maaari nilang magamit, kinakain ang alinmang maaari nilang kainin, isinusuot ang alinmang maaari nilang isuot, at inilalaan ang alinmang hindi nila kailangan direkta sa sinumang may pangangailangan para dito, sa gayon ay sila na ang nagpapasya imbes na ang Diyos. Ito ang prinsipyo nila. Ano ang nangyayari dito? Iniisip ba talaga nila na mga pari sila? Hindi ba’t sobrang walang katwiran ito? (Oo.) May ibang lider at manggagawa na nakikitang kulang ng dalawang upuan ang isang pamilya, na ang isa pa ay walang kalan, at na may isang taong hindi maayos ang kalusugan at kailangang uminom ng mga suplementong pangkalusugan, at pagkatapos ay ginagamit nila ang pera ng sambahayan ng Diyos para bilhin ang lahat ng bagay na ito. Ang paglalaan, pagkonsumo, paggastos, at karapatan sa paggamit ng lahat ng handog ay nasa mga lider at manggagawang ito—may katuturan ba ito? Hindi ba’t ang ganitong pamamaraan ay bunga ng maling pagkaunawa nila? Sa anong batayan sila nagpapasya? May karapatan ba ang mga lider at manggagawa na kontrolin ang mga handog? (Wala.) Ang mga handog ay para pamahalaan nila, hindi para kontrolin at gamitin nila. Wala silang pribilehiyong tamasahin ang mga ito. Ang mga lider at manggagawa ba ay katumbas ng mga pari? Ng mga taong naperpekto na? Sila ba ang mga may-ari ng mga handog? (Hindi.) Kung ganoon, bakit nagpapasya silang gamitin ang mga handog para bumili ng mga bagay para sa ganito at ganyang pamilya nang walang awtorisasyon—bakit may ganoon silang karapatan? Sino ang nagbigay ng karapatang iyon sa kanila? Itinatakda ba ng mga pagsasaayos ng gawain na: “Ang unang dapat gawin ng mga lider at manggagawa pagkatapos nilang tanggapin ang kanilang posisyon ay ang ganap na kontrolin ang pananalapi ng sambahayan ng Diyos”? (Hindi.) Bakit may mga lider at manggagawa na naniniwala rito, kung ganoon? Ano ang problema roon? Kapag naghahandog ang isang kapatid ng isang mamahaling kasuotan at may isang lider o manggagawa na nagsusuot nito kinabukasan, ano ang nangyayari? Bakit ang mga inihahandog ng mga kapatid ay napupunta sa kamay ng isang indibidwal? Ang ibig sabihin ng “indibidwal” dito ay walang iba kundi ang lider o manggagawa. Hindi lang siya bigo sa pamamahala sa mga handog nang maayos—sa halip, siya pa mismo ang nangunguna sa pagkamkam sa mga ito at personal na pagtatamasa sa mga ito. Ano ang problema rito? Kung susuriin natin ang lider o manggagawang ito batay sa hindi niya paggawa ng aktuwal na gawain pagdating sa pamamahala ng mga handog, mailalarawan siyang isang huwad na lider—pero kung titingnan natin siya sa aspekto ng pagkamkam at personal na pagtatamasa sa mga handog, isandaang porsiyento na maaaring ilarawan siya bilang isang anticristo. Kaya, ano mismo, ang tamang paraan para ilarawan ang taong iyon? (Bilang isang anticristo.) Pareho siyang isang huwad na lider at isang anticristo. Sa pamamahala sa mga handog, sinusuri ng mga huwad na lider ang lahat ng handog at inaatasan ang mga tao na pamahalaan ang mga ito. Pero bago nila gawin iyon, kinakamkam muna nila ang isang bahagi para sa sarili nila at nagdedesisyon nang walang awtorisasyon para ilaan ang isa pang bahagi. Para sa mga natirang bagay—na ayaw nila, o na hindi nila kinikilala pero ayaw ipamigay—itinatabi muna nila ang mga ito pansamantala. Pagdating sa kinaroroonan ng mga handog na iyon, kung may angkop na tao bang nangangalaga sa mga ito, kung dapat bang regular na inspeksiyonin ang mga ito, kung may sinuman bang nagnanakaw sa mga ito, o kung may sinuman bang kumakamkam sa mga ito, pare-parehong hindi iniintindi ng mga huwad na lider ang mga bagay na ito. Ang prinsipyo nila ay ito: “Napasakamay ko na ang mga bagay na dapat kong tamasahin at ang mga bagay na kailangan ko. Ang sinumang gustong kumuha sa mga natirang bagay na hindi ko kailangan ay maaaring kunin ang mga ito; ang sinumang gustong mamahala sa mga ito ay maaaring pamahalaan ang mga ito. Ang mga ito ay pagmamay-ari ng sinumang maunang makakuha sa mga ito—makalalamang ang kanino mang mga kamay na mapupuntahan ng mga ito.” Anong uri ng prinsipyo at lohika ito? Sadyang mga diyablo at halimaw ang gayong mga tao!
Minsan, sinabi ng isang huwad na lider na napakaraming gamit sa imbakan, at tinanong Ko kung nairehistro na ba niya ang mga iyon. Sinabi niya, “Hindi ko nga alam kung ano ang ilan sa mga bagay na iyon, kaya walang paraan para mairehistro ko ang mga iyon.” Sinabi Ko, “Kalokohan iyan. Paanong wala kang paraan para mairehistro ang mga iyon? Dapat may mga tala ng mga ito simula noong unang dinala ang mga ito rito!” “Napakatagal na niyon, wala nang paraan para malaman.” Anong klaseng pananalita ito? Inaako ba niya ang responsabilidad? (Hindi.) Sinabi Ko, “May ilang damit diyan—tingnan mo kung sino sa mga kapatid ang nangangailangan ng mga ito, at ipamahagi mo ang mga damit sa kanila.” “Hindi na uso ang ilan sa mga iyon. Walang interesado.” Sinabi Ko, “Ipamahagi mo ang mga kailangan ng mga kapatid, at pangasiwaan mo nang naaangkop ang mga hindi nila kailangan.” Hindi niya ito sinunod. Nagiging maingat at masipag ba siya? Kapag inaatasan siyang gumawa ng isang gawain, palagi siyang nagrereklamo, nagsasabi ng mga negatibong bagay at tinutukoy ang mga paghihirap. Ang hindi niya sinasabi ay na pangangasiwaan niya ang mga bagay na ito nang maayos, nang ayon sa mga prinsipyo. Wala talaga siyang intensyon na magpasakop. Anuman ang hingin sa kanya ng sinuman, palagi siyang nagsasalita tungkol sa mga paghihirap, na para bang kung mapatatahimik niya ang taong iyon sa pagsasalita nang ganito, mananalo siya at magkakamit ng kalamangan, at pagkatapos ay matatapos na sa gawain niya. Anong uri ng nilalang ang taong ito? Hindi ka ginawang lider o manggagawa para magdulot ng problema, o para matukoy mo ang mga paghihirap at isyu—ito ay para malutas mo ang mga problema at mapangasiwaan ang mga paghihirap. Kung talagang may kakayahan ka sa iyong gawain, pagkatapos mong banggitin ang mga isyu at paghihirap, susundan mo ito ng pagsasalita tungkol sa kung paano mo pangangasiwaan at lulutasin ang mga iyon ayon sa mga prinsipyo. Magagawa lang ng mga huwad na lider na sumigaw ng mga islogan, mangaral ng doktrina, magyabang, at magsalita tungkol sa mga obhetibong pangangatwiran at palusot—wala talaga silang tunay na kapabilidad sa gawain, at pagdating sa pamamahala sa mga handog, hindi rin nila kayang kumilos ayon sa mga prinsipyo o tuparin ang responsabilidad nila. Ganito kahina ang kanilang pag-iisip at kawalang kakayahan, pero pakiramdam pa rin nila na ngayong lider o manggagawa na sila, may mga pribilehiyo at katayuan sila, nagtataglay ng isang natatanging pagkakakilanlan, at ang may-ari at tagagamit ng mga handog. Ang ganitong uri ng huwad na lider ay marunong lang magtamasa ng pribilehiyo ng paggastos ng mga handog—hindi siya makakita o makadiskubre ng anumang kaso ng di-makatwiran at walang habas na paggastos ng mga handog, at maaaring makita pa nga niya ang mga ito pero wala siyang gagawin para pangasiwaan ang mga ito. Bakit ganito? Ito ay dahil ang alam lang niya ay magtamasa ng pakiramdam ng superyoridad na dala ng pagiging lider o manggagawa—wala siyang kahit kaunting pagkaunawa sa mga hinihingi ng Diyos sa mga lider at manggagawa, o sa mga prinsipyo ng paggawa ng gawain sa sambahayan ng Diyos. Mga walang silbi lang sila, mga basura lang sila, at may mahinang pag-iisip lang sila. Hindi ba’t nakasusuklam na ang gayong mga taong magulo ang isip ay gusto pa ring magtamasa ng mga benepisyo ng katayuan? Ano ang naunawaan ninyo mula sa pagsisiwalat natin sa ganitong uri ng huwad na lider? Sa sandaling maging lider o manggagawa ang ganitong uri ng tao, gusto niyang bumuo ng mga pakana kaugnay sa mga handog, at nakatuon ang mga mata niya sa mga handog. Sa isang tingin, makikita ng isang tao na matagal na niyang inaasam-asam na gumastos nang pera sa magarbong paraan at na magwaldas ng mga handog. Ngayon, sa wakas, dumating na ang pagkakataon niya; magagawa na niyang basta-bastang gumastos ng pera sa paraang iyon, at gamitin ang mga handog sa Diyos ayon sa kagustuhan niya, tinatamasa ang mga bagay na hindi niya pinaghirapan. Sa gayon ay ganap na nalalantad ang tunay na kasakiman niya. Nakikita ba ninyo ang gayong mga tao sa kalipunan ng mga lider at manggagawa, noon at ngayon? Palaging mali ang pagkaunawa nila sa mga responsabilidad at depinisyon ng pagiging mga lider at manggagawa, at sa sandaling maging lider o manggagawa sila, umaasta silang panginoon ng sambahayan ng Diyos, inihahanay nila ang sarili nila sa ranggo ng mga pari, at iniisip nila na natatanging tao sila. Hindi ba’t medyo kahinaan ng isip ito? Totoo ba na kapag naging lider o manggagawa ang isang tao, hindi na siya isang tiwaling tao? Totoo ba na bigla na lang siyang nagiging isang taong nagawang banal? Kapag naging lider na siya, hindi na niya kilala kung sino siya, at iniisip niya na dapat niyang tamasahin ang mga handog—hindi ba’t mahina ang pag-iisip ng gayong mga tao? Tiyak na mahina ang pag-iisip ng gayong mga tao, wala silang katwiran ng normal na pagkatao. Kahit pagkatapos nating magbahaginan nang ganito, hindi pa rin nila alam kung ano ang mga tungkulin at responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Tiyak na may gayong mga lider at manggagawa, at ang mga pagpapamalas ng gayong mga tao ay labis na halata at kapansin-pansin.
Sa pangunahin, ang mga ito ang mga pagpapamalas ng iba’t ibang uri ng mga huwad na lider pagdating sa pangangalaga sa mga handog. Iyong mga may mas malalalang problema ay hindi nabibilang sa kategorya ng mga huwad na lider—mga anticristo sila. Kaya, kailangan ninyong maarok nang mabuti ang saklaw na ito. Kung huwad na lider ang isang tao, ganoon siya—hindi siya maaaring ilarawan bilang isang anticristo. Mas masahol pa ang mga anticristo kaysa sa mga huwad na lider pagdating sa pagkatao, mga pagkilos, mga pagpapamalas, at diwa. Karamihan sa mga huwad na lider ay may mahinang kakayahan, mahina ang isip nila, wala silang kapabilidad sa gawain, baluktot ang pag-arok nila at wala silang espirituwal na pang-unawa, mababa ang karakter nila, makasarili at ubod ng sama sila, at wala sa tamang lugar ang puso nila. Nagiging sanhi ito para hindi sila makagawa at hindi sila gumawa ng tunay na gawain kaugnay sa pangangalaga sa mga handog, at naaapektuhan nito ang makatwirang pamamahala at wastong pangangalaga sa mga handog. Napasasakamay pa nga ng masasamang tao ang bahagi ng mga handog dahil sa kapabayaan ng mga huwad na lider sa kanilang mga responsabilidad, hindi paggawa ng tunay na gawain, at hindi pagkilos nang naaayon sa mga prinsipyo at hinihingi ng sambahayan ng Diyos—madalas ding lumalabas ang ganitong uri ng problema. Ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga huwad na lider sa pangangalaga sa mga handog ay pangunahing nalalantad sa ganitong paraan: Mababa ang karakter nila, makasarili at ubod ng sama sila, baluktot ang pag-arok nila, wala silang kapabilidad sa gawain, mahina ang kakayahan nila, hindi talaga nila hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo, at para silang mga taong mangmang at mahina ang isip. Maaaring sabihin ng ilan, “Kinikilala namin ang lahat ng iba pang pagpapamalas na inilantad Mo, pero kung mangmang at mahina ang isip nila, paano sila magiging mga lider?” Kinikilala ba ninyo na may ilang lider at manggagawa na mangmang at mahina ang isip? Umiiral ba ang gayong mga tao? Maaaring sabihin ng ilan, “Masyadong maliit ang tingin Mo sa amin. Mga modernong tao kaming lahat, mga nagtapos ng kolehiyo o hayskul—may napakahusay kaming abilidad sa pagkilatis kaugnay sa lipunang ito at sa sangkatauhan. Paanong pipiliin namin ang isang taong mahina ang pag-iisip bilang aming lider? Hindi iyon posibleng mangyari!” Anong imposible roon? Karamihan sa inyo ay mahina ang isip, at kulang din sa talino, kaya napakadali para sa inyo na pumili ng isang taong mahina ang isip bilang lider. Bakit sinasabi Kong karamihan sa inyo ay mahina ang isip? Dahil karamihan sa inyo, gaano man karami ang naranasan ninyo, ay hindi makilatis ang diwa ng mga bagay-bagay at hindi maarok ang mga prinsipyo. Maaari kayong magpatuloy sa pagsunod lang sa mga regulasyon sa loob ng maraming taon, paulit-ulit na ginagamit ang parehong paraan nang walang pagbabago, nananatiling hindi naaarok ang mga prinsipyo gaano man ibahagi ang katotohanan sa inyo. Ano ang problema rito? Napakababa ng inyong kakayahan. Hindi ninyo makilatis ang diwa o ugat ng mga problema, at hindi ninyo magawang makita ang mga takbo ng pag-unlad ng mga bagay-bagay, lalong hindi ninyo masunod ang mga prinsipyong dapat taglayin sa paggawa ng mga bagay-bagay—tinatawag ito na pagiging mahina ang isip. Gaano katagal bago ninyo lahat maunawaan ang mga prinsipyo para sa mga bagay na may kinalaman sa inyong mga tungkulin? May ilang tao na ilang taon nang gumagawa ng gawaing nakabatay sa teksto, pero hanggang ngayon, ang mga artikulo at iskrip na isinusulat nila ay pawang mga hungkag na salita pa rin, hindi pa rin nila maarok ang mga prinsipyo, at hindi nila alam kung ano ang realidad, o kung paano magsabi ng isang bagay na totoo. Ito ay pagkakaroon ng napakahinang kakayahan at katalinuhan. Sa talinong tinataglay ninyo, hindi ba’t magiging napakadali para sa inyo na pumili ng isang taong may mahinang isip bilang isang lider? At hindi lang ninyo siya pipiliin, kundi itatangi rin ninyo siya sa inyong puso. Kapag tatanggalin na siya, hindi mo iyon gugustuhing mangyari. Makalipas ang dalawang taon, kapag nakilatis mo na siya at nagkamit ka ng pang-unawa, saka mo siya magagawang makilatis bilang isang huwad na lider, pero noon, anuman ang sabihin sa iyo, hindi mo siya pinahihintulutang matanggal. Hindi ba’t mas mahina pa ang pag-iisip mo kaysa sa kanya? Bakit sinasabi Kong may ilang lider at manggagawa na kulang sa talino? Ito ay dahil alam lang nila kung paano gumawa ng pinakasimpleng gawain. Pagdating sa medyo mas komplikadong gawain, hindi nila alam kung paano ito gawin, kapag may naharap silang kaunting paghihirap, hindi nila alam kung paano ito pangasiwaan, at kapag binigyan sila ng karagdagang gawain, hindi nila alam kung ano ang gagawin nila sa sarili nila. Hindi ba’t problema ito sa kanilang katalinuhan? Hindi ba’t pinili ninyo ang ganitong mga lider? At nagpapatirapa kayo sa paghanga sa kanila: “Nananampalataya sila sa Diyos nang hindi naghahanap ng romantikong kapareha, at gumugol sila para sa Diyos nang mahigit dalawampung taon. May kapasyahan silang magdusa, oo, at seryoso talaga sila sa gawain nila.” “Pero nauunawaan ba nila ang mga prinsipyo sa kanilang gawain?” “Kung hindi, sino ang nakauunawa?” At lumalabas na lubos na magulo ang gawain nila nang ininspeksiyon ito—hindi nila naipapatupad ang alinman sa gawain. Sinabi sa kanila ang mga prinsipyo para sa gawain nila, pero hindi nila alam kung paano ito gawin. Paulit-ulit lang silang nagtatanong, at hindi nila alam ang gagawin nila maliban kung tuwiran itong sabihin sa kanila. Ang pagsasabi sa kanila ng mga prinsipyo ay katulad lang sa hindi pagsasabi sa kanila ng anuman; kahit pa isa-isang itala ang mga prinsipyo, hindi pa rin nila malalaman kung paano ipatupad ang gawain. May mga ganitong lider ba? Gaano man sabihin sa kanila ang mga prinsipyo, hindi nila nauunawaan ang mga ito, at hindi nila naipapatupad ang gawain. Makipagbahaginan ka sa kanila o turuan mo sila tungkol sa parehong mga salita o bagay nang ilang ulit, at hindi pa rin nila ito mauunawaan, at lubos na hindi malulutas ang problema pagkatapos—magtatanong pa rin sila kung ano ang gagawin, at hindi maaari na may makaligtaan na kahit isang linya. Hindi ba’t mahina ang isip nila? Hindi ba’t pinili ninyo ang mga lider na ito na may mahinang pag-iisip? (Ganoon nga.) Hindi ninyo maitatanggi iyon, hindi ba? Talagang may gayong mga lider.
Ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga huwad na lider na pinagbabahaginan natin ngayon ay pangunahing may kaugnayan sa gawain ng pamamahala sa mga handog. Sa pamamagitan ng pagsisiwalat natin sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga huwad na lider, dapat malaman ng mga tao na ang pamamahala ng mga handog ay isang mahalagang gawain ng mga lider at manggagawa, at na hindi nila ito dapat kaligtaan. Bagaman iba ang bahaging ito ng gawain sa pangkalahatang pangangasiwa kumpara sa iba pang gawain, nauugnay ito sa normal na pagpapatakbo ng iba pang gawain ng sambahayan ng Diyos. Kaya, ang pamamahala ng mga handog ay isang napakahalaga at kritikal na gawain. Bakit ito mahalaga? Ang mga bagay na pinangangalagaan sa gawain ng pamamahala sa mga handog ay pag-aari ng Diyos—kung ilalarawan ito sa medyo hindi angkop na paraan, ang mga bagay na iyon ay personal na ari-arian ng Diyos, kaya dapat higit na maging buong-puso, maingat, at masigasig ang mga lider at manggagawa sa gawaing ito. Kung tinitingnan natin ang gawaing ito sa usapin ng kalikasan nito, sa palagay Ko ay hindi kalabisang itala ito sa ilalim ng gawaing administratibo. Ang dahilan kung bakit natin ito itinatala sa ilalim ng kategorya ng gawaing administratibo ay na ang paggawa ng gawaing ito ay may kaugnayan sa saloobin ng mga tao sa Diyos at sa mga ari-arian Niya. Kaya, kinakailangan ng mga tao na magkaroon ng tamang saloobin at na maarok ang mga tamang prinsipyo sa paggawa ng gawaing ito. Ang dahilan sa paglalagay natin nito sa kategorya ng gawaing administratibo ay para maipaunawa sa mga lider at manggagawa na napakahalagang gawin ang gawaing ito, at na ito ay isang napakabigat na atas at isang napakabigat na pasanin. Ito ay para maipaunawa sa kanila na hindi nila ito dapat harapin na parang isa itong regular na gawain ng pangkalahatang usapin—na dapat na mayroon silang tumpak at malalim na kaalaman tungkol sa kahalagahan ng gawaing ito, at pagkatapos ay maging buong-puso, maingat, at masigasig kaugnay rito. Maaaring maging pabaya ang mga tao sa ibang mga tao—kahit may mangyaring mga pagkakamali, hindi ito isang malaking problema. Pero hinihimok Ko ang mga tao na huwag maging magulo ang isip, huwag maging pabasta-basta, at huwag puro salita lang pagdating sa kung paano nila tinatrato ang Diyos. Ang maayos na paggawa sa gawain ng pamamahala sa mga handog ay isang mahalagang atas ng Diyos para sa mga lider at manggagawa.
Mayo 8, 2021