Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (12) Ikatlong Seksiyon
IV. Agarang Alamin ang Kinaroroonan ng mga Handog, Pati na rin ang Iba’t Ibang Sitwasyon ng mga Tagapag-ingat ng mga Ito
Bukod sa pag-iinspeksiyon sa estado ng paggastos ng mga handog at paglutas sa mga hindi makatwirang paggastos, may isa pang pinakamahalagang gampanin ang mga lider at manggagawa: Dapat agad nilang alamin ang kinaroroonan ng mga handog, pati na rin ang iba’t ibang sitwasyon ng mga tagapag-ingat ng mga ito. Ang layon nito ay para mapigilan ang masasamang tao, mga taong may masasamang balak, at mga taong may mapag-imbot na puso sa pagsasamantala sa mga pagkukulang para kamkamin ang mga handog. Nakikita ng ilang tao na ang sambahayan ng Diyos ay may napakaraming bagay, at na ang ilan ay walang sinumang nagbabantay sa mga ito o nagtatala ng mga ito, at kaya palagi nilang iniisip ang tungkol sa kung kailan nila gagawing sariling pribadong ari-arian ang mga bagay na iyon, at kukunin ang mga ito para sa sarili nilang paggamit. May ganitong mga tao kahit saan. May ilang tao na sa panlabas ay tila hindi nananamantala ng iba at walang malaking pagnanais para sa mga materyal na bagay o pera, pero iyon ay dahil hindi tama ang sitwasyon at mga kondisyon—kung ipagkakatiwala talaga sa kanila ang mga handog para sa pangangalaga, maaari nilang kamkamin ang mga ito. Tinatanong ng ilan, “Pero napakabuting tao nila noon: Hindi sila mapag-imbot, at ayos naman ang karakter nila—kaya’t bakit ibinunyag sila ng simpleng pagkakatiwala sa kanila ng kaunting handog?” Nagmumula ito sa hindi mo paggugol ng maraming oras kasama ang mga taong ito, sa hindi mo lubos na pagkaunawa sa kanila, sa hindi pagkilatis sa kalikasang diwa nila. Kung napagtanto mo noong simula pa lang na ganitong uri sila ng tao, naiwasan sana ang kamalasang napasakamay ng masasamang tao ang mga handog. Kaya, para maiwasan na mapasakamay ng masasamang tao ang mga handog, may isa pang mas mahalagang gampanin ang mga lider at manggagawa: agarang alamin at subaybayan ang kinaroroonan ng mga handog at ang iba’t ibang sitwasyon ng mga tagapag-ingat ng mga ito. Sabihin nating may isang tao na may ilang daan o ilang libong yuan sa pag-iingat niya para pamahalaan, kung may kaunti siyang konsensiya, hindi niya ito lulustayin—pero kung sampu-sampu o daan-daang libo ito, hindi maaasahan ang karamihan ng tao, magiging mapanganib ito, at maaaring magbago ang puso nila pagkatapos. Paano maaaring magbago ang puso nila? Hindi madaling maimpluwensiyahan ng ilang daan o libo ang puso ng isang tao, pero sa sampu-sampung libo o daan-daang libo, maaaring madaling maimpluwensiyahan ang puso nila. “Hindi ko kikitain ang ganitong halaga sa ilang habambuhay, at ngayon ay nasa mga kamay ko na ito—magiging mas maginhawa ang buhay ko kung akin ito!” Pinag-iisipan nila ito: “Hindi ako nakokonsensiya sa pag-iisip nang ganito—kaya may diyos ba talaga o wala? Nasaan ang diyos? Hindi ba’t totoo na walang nakakaalam na mayroon ako ng ganitong mga kaisipan? Walang nakaaalam, at hindi ako nakokonsensiya o nababahala—ibig sabihin ba nito na walang diyos? Kung ganoon, kung kukunin ko ang perang ito para sa sarili ko, hindi ba ako mahaharap sa anumang parusa o pagganti? Wala bang magiging mga kahihinatnan?” Hindi ba’t nasa proseso ng pagbabago ang puso ng taong ito? Hindi ba’t nasa panganib ang mga handog na nasa pangangalaga niya? (Nasa panganib ang mga ito.) Bukod dito, may ilang taong namamahala sa mga handog na talagang mahusay, may pundasyon sila sa pananampalataya nila sa Diyos at tapat sila sa mga kilos nila, at kahit ilagay mo pa sa pangangalaga nila ang ilang sampu o daang libong yuan, magagawa nila ito nang maayos, at garantisadong hindi nila ito lulustayin. Pero may ilang walang pananampalataya sa mga pamilya nila, at kapag nakakakita ng pera ang mga taong iyon, namumula ang mga mata ng mga ito, gaya ng kapag namataan ng isang lobo ang biktima nito. Kalimutan na ang tungkol sa sampu-sampu o daan-daang libo—ibubulsa nila ang isang libong yuan, kung makita nila ito. Wala silang pakialam kung kanino ito; naniniwala sila na pag-aari ito ng sinumang makapagbubulsa nito, ng sinumang unang makakukuha nito. Kung may ganitong masasamang lobo sa paligid ng taong nangangalaga sa mga handog, hindi ba’t nanganganib na makamkam ang mga handog saanman, at kailanman? Maaari bang mangyari ang gayong sitwasyon? (Maaari.) Hindi ba’t mapanganib kung ang mga lider at manggagawa ay pabaya at walang pagpapahalaga sa responsabilidad, at hindi man lang nila ito napapansin o nagtatanong tungkol dito at hindi ito sinisiyasat kapag nasa gayong mapanganib na sitwasyon ang mga handog? Maaaring magkaroon ng problema saanman, at kailanman. May isa pang uri ng sitwasyon: May ilang tagapag-ingat na parehong nangangalaga ng pera at iba’t ibang aytem sa tahanan nila, at nagpapatuloy rin sila sa bahay ng mga kapatid at mga lider at manggagawa roon. Maaaring medyo ligtas ito pansamantala, pero angkop ba na itago ang mga handog doon nang mahabang panahon? (Hindi.) Kahit na ang taong nangangalaga ng mga ito ay angkop, ang kapaligiran at mga kondisyon ay tiyak na hindi. Maaaring tanggalin ang mga taong pinapatuloy nila sa bahay, o hindi kaya ay ang mga handog. Kung hindi sinisiyasat ng mga lider at manggagawa ang gawaing ito ni tinutupad ang responsabilidad nila kaugnay rito, maaaring magkaroon ng pagkakamali saanman, at kailanman; maaaring dumanas ng kawalan ang mga handog at mapasakamay ng masasamang demonyo saanman, at kailanman. May isa pang uri ng sitwasyon: May ilang iglesia na nasa mga mapanlaban na kapaligiran kung saan madalas na inaaresto ang mga tao, at dahil dito, may malaking tsansa na ang mga lokasyon ng mga tahanan na nangangalaga ng mga handog ay ipagkakanulo, at masasalakay at mahahalughog ng malaking pulang dragon—ang mga handog ay maaaring nakawin ng masasamang demonyo anumang oras. Angkop ba ang gayong mga lugar para pag-imbakan ng mga handog? (Hindi.) Kaya, kung nailagay na ang mga ito roon, ano ang dapat gawin? Kaagad ilipat ang mga ito. May ilang lider at manggagawa na hindi tumutupad sa responsabilidad nila at hindi sila gumagawa ng tunay na gawain. Hindi nila magawang mahulaan o maisip ang mga bagay na ito, wala silang kamalayan sa mga ito, at kapag may nangyaring mali at natangay ng masasamang demonyo ang mga handog, saka lang nila naiisip, “Dapat sana ay nailipat na natin ang mga iyon noon,” at nakararamdam lang ng ganitong bahagyang pagsisisi. Pero kung walang nangyayaring problema, maaaring lumipas ang sampung taon pa, at hindi pa rin nila ililipat ang mga handog. Hindi nila makita ang mga seryosong kahihinatnan na maaaring idulot ng isyung ito, at hindi nila magawang ipriyoridad ang mga bagay-bagay batay sa kahalagahan at kaapurahan. Dapat may malinaw na pagkaunawa ang mga lider at manggagawa sa ganitong sitwasyon kapag nakaharap nila ito: “Ang isa sa mga lugar kung saan iniimbak ang mga handog ay hindi angkop. Napakamapanganib ng kapaligiran, at medyo maraming kapatid ang naaresto, natiktikan, o namanmanan sa paligid. Kailangang makaisip tayo ng paraan para mailabas ang mga handog mula roon. Ang paglipat sa mga ito sa isang medyo ligtas na lugar ay mas mabuting hakbang kaysa iwan ang mga ito kung saan naroroon ang mga ito at hintaying matangay ang mga ito.” Kapag kalilitaw pa lang ng isang sitwasyon at nakikini-kinita nilang nasa panganib ang mga handog, dapat nilang agarang ilipat ang mga ito, para maiwasang masamsam at malamon ang mga ito ng malaking pulang dragon, ang masamang diyablo. Ito ang tanging paraan para matiyak ang seguridad ng mga handog at maiwasang mangyari ang anumang panganib o pagkakamali. Ito ang gawaing dapat gawin ng mga lider at manggagawa. Sa sandaling may kahit katiting na tanda ng panganib, sa sandaling may naaresto, sa sandaling may isang sitwasyon na lumitaw, ang unang iniisip dapat ng mga lider at manggagawa ay kung ligtas ba ang mga handog, kung maaari bang mapasakamay ang mga ito ng masasamang tao, o maangkin ng mga ito, o masamsam ng masasamang demonyo, at kung dumanas ba ng anumang kawalan ang mga handog. Dapat kaagad silang gumawa ng mga hakbang para protektahan ang mga handog. Ito ang responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Maaaring sabihin ng ilang lider at manggagawa, “Ang paggawa ng mga bagay na ito ay nangangailangan na humarap kami sa mga panganib. Maaari ba naming hindi gawin ang mga ito? Hindi ba’t totoo na ang mga tao ang pangunahin naming priyoridad, na ibig sabihin ay hindi kailangang unahin ang mga handog at dapat unahin ang mga tao?” Ano ang palagay mo sa tanong nila? May pagkatao ba ang mga taong ito? (Wala.) Ang mahusay na pangangalaga sa mga handog, mahusay na pamamahala sa mga ito, at mahusay na pagbabantay sa mga ito—ito ang mga responsabilidad na dapat isakatuparan ng isang mabuting katiwala. Sa mas seryosong pananalita, kahit kailanganin mo pang isakripisyo ang iyong buhay, sulit ito at ito ang dapat mong gawin. Responsabilidad mo ito. Palaging sumisigaw ang mga tao, “Ang mamatay para sa Diyos ay isang sulit na kamatayan.” Tunay bang handang mamatay ang mga tao para sa Diyos? Hindi hinihingi sa iyo ngayon na mamatay para sa Diyos; hinihingi lang sa iyo na humarap ka sa kaunting panganib para ligtas na mapangalagaan ang mga handog. Handa ka bang gawin iyon? Dapat masaya mong sabihin, “Handa ako!” Bakit? Dahil ito ang atas at hinihingi ng Diyos sa tao, ito ang iyong hindi maiiwasang responsabilidad, at hindi mo dapat subukang takasan ito. Dahil sinasabi mong handa kang mamatay para sa Diyos, bakit hindi mo kayang magbayad ng kaunting halaga at humarap sa kaunting panganib para mapangalagaan ang mga handog? Hindi ba’t ito ang dapat mong gawin? Kung wala kang ginagawang anumang tunay, pero palagi kang sumisigaw tungkol sa kahandaang mamatay para sa Diyos, hindi ba’t hungkag ang mga salitang ito? Dapat magkaroon ng dalisay na pagkaunawa ang mga lider at manggagawa tungkol sa gawain ng pangangalaga sa mga handog, at dapat nilang pasanin ang responsabilidad na ito. Hindi nila ito dapat iwasan o takasan, hindi sila dapat tumalikod mula sa responsabilidad nila. Dahil isa kang lider o manggagawa, ito ay isang tungkuling nakaatang sa iyo. Mahalagang gawain ito—handa ka bang gawin ito, kahit na may kaunting panganib kang kakaharapin, kahit na nakataya ang iyong buhay? Dapat mo bang gawin ito? (Oo.) Dapat maging handa kang gawin ito; hindi mo dapat talikuran ang responsabilidad na ito. Ito ang hinihingi ng Diyos sa tao at ang atas na ibinigay Niya sa tao. Sinabi na sa iyo ng Diyos ang Kanyang pinakamababang hinihingi at atas—kung hindi ka man lang handang isakatuparan ito, ano ang kaya mong gawin?
Dapat gawin ng mga lider at manggagawa ang gawain ng pangangalaga at paggastos sa mga handog nang masusi at kongkreto hangga’t maaari. Hindi sila dapat maging pabaya rito, at lalong hindi nila dapat ituring ito na parang usapin ng iba at talikuran ang responsabilidad. Ang mga lider at manggagawa ay dapat personal na magsagawa ng pagbeberipika, makilahok, at mag-usisa tungkol sa mga bagay na ito, at pangasiwaan pa nga nang personal ang mga ito, para maiwasang samantalahin ng masasamang tao at ng mga taong may mahinang pagkatao ang mga pagkukulang at magdulot ng pagkawasak. Habang mas masusi mong ginagawa ang gawaing ito, mas kaunti ang pagkakataon ng masasamang tao at hindi mabubuting tao na samantalahin ang mga pagkukulang; kapag mas detalyado ang iyong mga pag-uusisa at mas mahigpit ang iyong pamamahala, mababawasan ang mga pagkakataon ng hindi makatwirang paggastos, pagwawaldas, at pag-aaksaya. Sinasabi ng ilan, “Ang paggawa ba nito ay tungkol sa pagtitipid ng pera para sa sambahayan ng Diyos? Kulang ba sa pondo ang sambahayan ng Diyos? Kung kulang, maghahandog pa ako nang mas marami.” Ganoon ba ang nangyayari? (Hindi.) Ito ang responsabilidad ng mga lider at manggagawa, ito ang hinihingi ng Diyos sa tao, at ito ay prinsipyong dapat sundin ng mga lider at manggagawa sa paggawa ng gawaing ito. Bilang isang mananampalataya sa Diyos, bilang isang taong tumanggap ng tungkulin bilang katiwala sa sambahayan ng Diyos, ang saloobin mo sa mga handog ay dapat na saloobin ng responsabilidad at pagsasagawa ng mahigpit na pagbeberipika; kung hindi, hindi ka kalipikado na gawin ang gawaing ito. Kung isa kang ordinaryong mananampalataya na walang pagpapahalaga sa responsabilidad at hindi naghahangad sa katotohanan, hindi hihingin sa iyo na gawin ang mga bagay na ito. Isa kang lider o manggagawa; kung wala ka ng ganitong pagpapahalaga sa responsabilidad, hindi ka angkop na maging lider o manggagawa, at kahit pa maglingkod ka bilang isang lider o manggagawa, isa kang iresponsableng huwad na lider o huwad na manggagawa, at ititiwalag ka, sa malao’t madali. Ang lahat ng ganap na walang pagpapahalaga sa responsabilidad ay mga taong hindi talaga nagtatanggol sa gawain ng sambahayan ng Diyos—lahat sila ay walang kahit katiting na konsensiya at katwiran. Paanong makagaganap ng mga tungkulin ang gayong mga tao? Lahat sila ay walang-isip na basura—dapat lisanin nila kaagad ang sambahayan ng Diyos, at bumalik sa mundo kung saan sila nabibilang!
Kung hindi tayo nagbahaginan nang ganito sa karaniwang kaalaman tungkol sa mga handog, pati na rin sa mga katotohanang may kinalaman sa pangangalaga sa mga handog at sa mga prinsipyong dapat isagawa ng mga tao, hindi ba’t magiging malabo sa inyo ang mga bagay na ito? (Oo.) Kapag malabo sa mga tao ang tungkol sa mga tumpak na prinsipyo, kaya ba nilang matupad ang ilan sa responsabilidad nila? Natutupad ba nila ang responsabilidad nila? Hindi ba’t karamihan ng tao ay sumusunod lang sa pinakamababaw na teorya at prinsipyo ng: “Ano’t anuman, hindi ko pinag-iimbutan ang mga handog sa Diyos, hindi ko nilulustay o maling ginagamit ang mga ito, at binabantayan ko nang mabuti ang mga ito at hindi hinahayaan ang mga tao na basta-bastang gastusin ang mga ito—sapat na iyon”? Ito ba ang pagsasagawa ng katotohanan? Pagtupad ba ito sa responsabilidad ng isang tao? (Hindi.) Kung ang karamihan ng kaalaman ng mga tao ay hindi lalampas sa ganitong pamantayan, ang paksang ito ay kinakailangan talagang pagbahaginan. Sa pamamagitan ng pagbabahaginang ito, mas naaarok at nauunawaan mo na ba ang tungkol sa kung paano pangangalagaan ang mga handog at ang saloobin at kaalaman na dapat mayroon ka sa pangangalaga ng mga ito? (Oo.) Tatapusin natin dito ang pagbabahaginan natin sa mga katotohanang may kaugnayan sa mga handog at sa mga prinsipyong kaugnay ng kung paano tratuhin at pamahalaan ang mga handog.
Ang mga Saloobin at Pagpapamalas ng mga Huwad na Lider Kaugnay sa mga Handog
I. Ang Pagtrato sa mga Handog bilang Pampublikong Ari-arian
Sunod, isasagawa natin ang isang simpleng paglalantad at paghihimay sa mga huwad na lider kaugnay sa ikalabing-isang aytem ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Titingnan natin kung anong mga pagpapamalas mayroon ang mga huwad na lider sa saloobin nila sa mga handog at sa pangangalaga at pamamahala nila sa mga handog. Ang unang pagpapamalas ay na walang tumpak na kaalaman ang mga huwad na lider tungkol sa mga handog. Naniniwala silang, “Sa pangalan, sa diyos ibinibigay ang mga handog, pero ang totoo, ibinibigay ang mga ito sa iglesia. Hindi natin alam kung nasaan ang diyos, at hindi rin naman niya magagamit ang napakaraming bagay. Ibinibigay ang mga handog na ito sa diyos sa pangalan lang; ang totoo, inihahandog ang mga ito sa iglesia at sa sambahayan ng diyos, at hindi tahasang inihahandog ang mga ito sa sinumang tao. Ang iglesia at sambahayan ng diyos ay mga katawagan para sa lahat ng tao nito, at ang implikasyon nito ay na ang mga handog ay pag-aari ng lahat, at ang pag-aari ng lahat ay isang pampublikong ari-arian. Kaya, ang mga handog ay pampublikong ari-arian na pag-aari ng lahat ng kapatid.” Tumpak ba ang pagkaunawang ito? Napakalinaw na hindi ito tumpak. Hindi ba’t may problema sa pagkatao ng mga taong may gayong pagkaunawa? Hindi ba’t mga tao sila na nag-iimbot sa mga handog? Ang mga taong may mapag-imbot na puso at pagnanais na kamkamin ang mga handog ay gumagamit ng pamamaraan na ito at pananaw na ito pagdating sa mga handog. Malinaw na pinag-iinteresan nila ang mga handog at gusto nilang angkinin ang mga ito para sa sarili nilang kasiyahan. Anong uri ng mga nilalang ang mga ito? Hindi ba’t kauri ang mga ito ni Hudas? Kaya, itinuturing ng ganitong uri ng lider o manggagawa ang mga handog sa Diyos bilang pampublikong ari-arian ng iglesia. Kinikimkim nila ang ganitong uri ng saloobin sa puso—hindi nila taimtim na pinangangalagaan ang mga handog, o pinamamahalaan ang mga ito nang makatwiran at responsable, sa halip, ginagamit nila ang mga handog ayon sa kagustuhan nila, nang walang pakundangan, at nang ganap na walang pagpipigil, nang walang mga prinsipyo. Pinahihintulutan nila ang sinuman na gamitin ang mga ito, at kung sino man ang may “opisyal na posisyon” na mas maringal, ang kung sino man ang may katayuan na mas mataas, sino man ang tanyag sa mga kapatid, ang nakakakuha ng priyoridad sa pag-angkin at paggamit ng mga ito. Katulad din ito sa mga kompanya at pabrika sa lipunan, kung saan ang mga sasakyan ng kompanya at ang magaganda at mga de-kalidad na kagamitan ay para sa paggamit ng mga manedyer, mga direktor ng pabrika, at mga tagapangulo. Naniniwala silang ganito rin dapat sa mga handog sa Diyos, na sinuman ang isang lider o manggagawa ay may priyoridad na magtamasa ng mga de-kalidad na bagay mula sa sambahayan ng Diyos, na magtamasa ng mga handog na ibinigay sa Diyos. Kaya, ang lahat ng gumagamit ng pagiging isang lider o manggagawa bilang dahilan para bumili ng mga de-kalidad na kompyuter at cellphone, gayundin iyong mga lider at manggagawa na kinukuha ang mga handog para sa sarili nila, ay naniniwalang pampublikong ari-arian ang mga handog, at na ang mga handog ay dapat gamitin at waldasin ayon sa kagustuhan nila. Kapag may ilang kapatid na naghahandog ng alahas na ginto at pilak, mga bag, damit, at sapatos, hindi nila tinutukoy na inihahandog nila ang mga ito sa Diyos, at kaya naniniwala ang ilang huwad na lider, “Dahil hindi nila tinukoy na ang mga bagay na ito ay inihahandog sa diyos, dapat na para sa paggamit ng iglesia ang mga ito. Ang anumang ibinigay sa iglesia ay pampublikong ari-arian, at dapat na may priyoridad ang mga lider at manggagawa sa pagtatamasa ng mga pampublikong ari-arian.” At kaya, kinukuha nila ang mga ito para sa sarili nila bilang isang bagay na nararapat lang. Ang mga bagay na natira matapos nilang pagpilian ang mga ito ay maaaring gamitin ng sinumang may gusto o kunin ng sinumang may gusto—pinaghahatian ng lahat ang mga ito. Tinatawag ito ng mga lider at manggagawa na pagbabahagi ng yaman; sa pagsunod sa kanila, makakakain at makaiinom nang mabuti ang mga tao, at tunay na masisiyahan. Masaya ang lahat, at sinasabi nilang, “Salamat sa diyos—matatamasa ba natin ang mga bagay na ito kung hindi tayo nanampalataya sa kanya? Ang mga ito ay mga handog, at hindi tayo karapat-dapat na tamasahin ang mga ito!” Sinasabi nilang hindi sila karapat-dapat, pero mahigpit nilang hinahawakan ang mga bagay na iyon at hindi nila bibitiwan. Hindi lang basta kinakamkam ng gayong mga lider at manggagawa ang mga handog at pinaghahatian ang mga ito, at personal na tinatamasa ang mga ito nang hindi kinukuha ang pagsang-ayon ninuman—habang ginagawa nila ito, pare-pareho nilang binabalewala ang pamamahala, paggastos, at paggamit ng mga handog, ni hindi sila pumipili ng mga angkop na tao para mamahala at mag-ingat ng mga tala ng mga ito, at lalong hindi nila sinusuri ang mga akawnt o masusing sinisiyasat ang kalagayan ng mga gastos. Ang pagwawalang-bahala ng mga huwad na lider sa pamamahala ng mga handog ay humahantong sa kaguluhan, at nawawala at nawawaldas ang ilang handog. Ang pinakakapansin-pansin sa gawain ng mga huwad na lider ay na ang lahat ay kumikilos nang ayon sa sarili nilang kagustuhan. Kung ano ang sinasabi ng superbisor ng anumang pangkat, iyon ang nasusunod, at kapag kailangan ng anumang pangkat na bumili ng isang bagay, maaari nilang pagpasyahan ito nang sila-sila lang, nang hindi kinakailangang magsumite ng kahilingan para sa pagsang-ayon. Hangga’t kailangan ang isang bagay para sa gawain, mabibili nila ito, nang hindi inaalala kung magkano ang halaga nito, kung magagamit nila ito, o kung kinakailangan ito o hindi—ano’t anuman, ginagastos nila ang mga handog, hindi ang pera ng sinuman. Hindi ito pinangangasiwaan ng mga huwad na lider o hindi sila nagsasagawa ng pagbeberipika, lalong hindi sila nagbabahaginan tungkol sa mga prinsipyo. Kapag may biniling isang bagay, pare-parehong binabalewala ng mga huwad na lider kung may sinumang mangangalaga rito, kung maaaring may maging mali rito, o kung sulit ang perang ginastos para dito. Bakit binabalewala nila ang mga bagay na ito? Dahil hindi kanila ang pera—iniisip nilang maaari itong gastusin ninuman, dahil ano’t anuman, hindi naman nila pera ang ginagastos. May kaguluhan sa bawat aspekto ng pamamahala sa mga handog. Gaano ito kagulo? Katulad ito sa malalaking pabrikang pag-aari ng estado sa mga sosyalistang bansa, kung saan ang lahat ay nakakukuha ng pantay-pantay na bahagi gaano man karami ang trabahong ginagawa nila. Ang lahat ay nag-uuwi ng mga bagay-bagay, kumakain ng pagkain ng pabrika at kumikita ng pera ng pabrika, at naglulustay ng mga gamit ng pabrika. Ganap na kaguluhan ito. Hindi gumagawa ang mga huwad na lider ng mga patakaran para sa paggastos sa pagbili ng mga aparato o kagamitan. Gumagawa ng mga patakaran ang sambahayan ng Diyos, pero hindi nila masusing sinisiyasat, tinitingnan, sinusubaybayan, o iniinspeksyon ang mga gastos. Hindi nila ginagawa ang alinman sa gawaing ito. Ang gawain ng mga huwad na lider ay lubos na magulo, walang kaayusan sa anumang bagay, at may mga kapintasan sa lahat ng lugar. Sa bawat pagkakataon, ang masasamang tao at iyong nasa maling lugar ang puso ay pinahihintulutang samantalahin ang mga pagkukulang at manlamang. Ang mga handog para sa Diyos ay walang habas na winawaldas at inaaksaya ng mga taong iyon, pero hindi sila pinarurusahan o pinapatawan ng disiplina sa anumang paraan—ni hindi sila binibigyan ng babala. Anong uri ng mga lider at manggagawa ang mga ito? Hindi ba’t pinagtataksilan nila ang tumutustos sa kanila? Mga katiwala ba sila ng sambahayan ng Diyos? Sila ay mga magnanakaw na traydor sa sambahayan ng Diyos!
Paano dapat tingnan ang mga lider at manggagawang ito na hindi umaako ng responsabilidad pagdating sa pangangalaga sa mga handog? Hindi ba’t mayroon silang mababang karakter at walang konsensiya at katwiran? Itinuturing ng mga huwad na lider na ito ang mga bagay na inihandog ng mga kapatid sa Diyos at sa iglesia bilang ari-arian ng sambahayan ng Diyos, at sinasabing dapat itong pamahalaan ng mga kapatid bilang isang grupo. At kaya, kapag may natuklasang mga problema, at pinananagot ng ang Itaas ang mga tao, ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para ipagtanggol ang sarili nila, at hindi nila kinikilala kung gaano kalubha sa kalikasan ang pagnanakaw at pagkamkam nila sa mga handog sa Diyos matapos nilang maging lider at magkamit ng katayuan. Hindi ba’t may mababang karakter ang mga taong ito? Sadyang wala silang kahihiyan! Hindi nila alam kung bakit naghahandog ang mga kapatid ng pera at mga aytem, ni kung kanino nila inihahandog ang mga ito. Kung walang Diyos, sino ang basta-bastang maghahandog ng mga bagay na gusto nila? Napakasimple ng lohikang ito, pero hindi ito nalalaman o nauunawaan ng mga diumano’y “lider” na ito. May paboritong parirala ang mga huwad na lider na ito: “ang mga handog sa sambahayan ng Diyos.” Hindi ba’t kailangan ng pagtatama ng pahayag na ito? Ano dapat ang tamang pahayag? “Mga handog” o “mga handog sa Diyos.” Kung magdaragdag ka ng paglalarawan, dapat mong idagdag ang “Diyos”—ang mga handog ay pag-aari lang ng Diyos. Kung hindi ka magdaragdag ng paglalarawan, simpleng “mga handog” lang ito—dapat alam pa rin ng mga tao na ang may-ari ng mga handog ay ang Lumikha, ang Diyos, at hindi tao. Hindi karapat-dapat ang tao na magmay-ari ng mga handog, at kahit ang mga pari ay hindi maaaring magsabi na sa kanila ang mga handog—maaari man nilang tamasahin ang mga handog sa pahintulot ng Diyos, pero hindi nila pag-aari ang mga iyon. Ang paglalarawan para sa “mga handog” ay hindi kailanman magiging sinumang tao—tanging ang Diyos ito, at walang iba. Napakalinaw, kung ganoon, na ang pahayag na “ang mga handog sa sambahayan ng Diyos” na madalas banggitin ng mga huwad na lider ay mali at dapat itama. Hindi dapat magkaroon ng anumang gayong kasabihan gaya ng “ang mga handog sa sambahayan ng Diyos” o “ang mga handog sa iglesia.” May ilang tao pa ngang nagsasabing, “ang mga handog sa amin” at “ang mga handog sa aming sambahayan ng Diyos.” Ang lahat ng pahayag na ito ay mali. Ang mga handog ay ibinibigay sa Diyos ng nilikhang sangkatauhan, niyong mga sumusunod sa Diyos. Ang Diyos lang ang may eksklusibong karapatan na maging may-ari, tagagamit, at tagapagtamasa ng mga ito. Hindi pampublikong ari-arian ang mga handog; hindi pagmamay-ari ng tao ang mga ito, lalong hindi pagmamay-ari ng iglesia at ng sambahayan ng Diyos ang mga ito, sa halip, pagmamay-ari ng Diyos ang mga ito. Pinahihintulutan ng Diyos ang iglesia at ang sambahayan ng Diyos na gamitin ang mga ito—atas Niya ito. Samakatwid, ang lahat ng gayong mga pahayag tulad ng “ang mga handog sa sambahayan ng Diyos,” “ang mga handog sa iglesia,” at “ang mga handog sa amin” ay hindi tumpak, at higit pa roon, pahayag ang mga ito ng mga taong may mga lihim na motibo, layon ng mga itong ilihis ang mga tao at gawin silang manhid, at higit pa rito, na iligaw ang mga tao. Ikinakategorya ng mga taong ito ang mga handog bilang pampublikong ari-ariang pagmamay-ari ng iglesia, o ng sambahayan ng Diyos, o ng lahat ng kapatid. Ang lahat ng ito ay problematiko at mali at dapat itama. Pagpapamalas ito ng isang uri ng huwad na lider. Itinuturing ng gayong mga tao na pampublikong ari-arian ang mga handog at ginagamit ang mga ito ayon sa kagustuhan nila; o, pinaniniwalaan nila na bilang mga lider, may karapatan silang ilaan ang mga bagay na ito, at kaya inilalaan nila ang mga ito sa mga taong gusto nila o nang pantay-pantay sa lahat. Anong uri ng senaryo ang sinusubukan nilang likhain? Isang senaryo kung saan pantay-pantay ang lahat, kung saan makapagtatamasa ng biyaya ng Diyos ang lahat, kung saan nagbabahaginan ang lahat. Gusto nilang bilhin ang pabor ng mga tao sa pamamagitan ng pagiging mapagbigay gamit ang mga pinagkukunan ng sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t kasuklam-suklam iyon? Ito ay ubod ng sama at walanghiyang pag-uugali! Paano dapat ilarawan ang gayong mga tao? Pinag-iimbutan ng gayong mga huwad na lider ang mga handog, at para pigilan ang mga tao na pangasiwaan, ilantad, at kilatisin sila, inilalaan nila sa mga kapatid ang mga tirang aytem na hindi nila ginagamit, binibili ang pabor ng mga ito at kinakamtan ang isang senaryo kung saan ang lahat ay pantay-pantay, at binibigyang-kakayahan ang lahat na makinabang mula sa pakikisalamuha sa kanila, para walang sinumang maglalantad sa kanila. Kung nakatagpo kayo ng ganitong uri ng lider, na makapagpapahintulot sa inyo na makakuha ng ilang pakinabang at na kung kanino kayo makapagtatamasa ng ilang “pampublikong ari-arian”—kung mayroon kayong ganitong karapatan at sinamantala ninyo ang ganitong kalamangan, magiging masaya ba kayo roon? Magagawa ba ninyong tanggihan ito? (Magagawa namin.) Kung mapag-imbot kayo, walang may-takot-sa-Diyos na puso, at hindi natatakot sa Diyos, hindi ninyo ito magagawa. Ang sinumang may kaunting integridad, kaunting katwiran, at kaunting may-takot-sa-Diyos na puso ay tatanggihan ito, at kikilos siya para pagsabihan ang lider na iyon, para pungusan ito, para pigilan ito, sinasabing: “Ang unang bagay na dapat mong ginagawa bilang isang lider ay ang pangangasiwa nang mabuti sa mga handog, hindi paglulustay sa mga ito, lalong hindi pagpapasya nang walang awtorisasyon na ilaan ang mga ito sa lahat ayon sa sarili mong kagustuhan. Wala kang ganoong karapatan; hindi iyon ang atas ng Diyos sa iyo. Ang mga handog ay para sa paggamit ng Diyos, at may mga prinsipyo sa paggamit ng iglesia sa mga ito—walang sinuman ang may huling pasya sa mga ito. Maaaring isa kang lider, pero wala ka ng pribilehiyong iyon. Hindi ito ipinagkaloob sa iyo ng Diyos. Wala kang karapatang gamitin ang mga bagay ng Diyos—hindi ka inatasan ng Diyos para sa gawaing iyon. Kaya, magmadali ka at hubarin ang mga alahas na ginto at pilak na inihandog ng mga kapatid sa Diyos, at hubarin mo ang mga damit na inihandog nila sa Kanya. Magmadali ka at magbayad ng kompensasyon para sa mga bagay na kinain mo na hindi mo dapat kinain. Kung isa ka pa ring tao at may kaunting kahihiyan, gawin mo ito kaagad. Bukod pa rito, kanino mo man ipinadala ang mga handog na ito para bilhin ang pabor nila, o sinuman ang hinayaan mong kamkamin ang mga ito at tamasahin ang mga ito, bawiin mo kaagad ang mga handog na iyon. Kung hindi mo ito gagawin, ipaaalam namin ito sa lahat ng kapatid at pangangasiwaan ka namin bilang isang Hudas!” Maglalakas-loob ba kayong gawin ito? (Oo.) Ang lahat ay may ganitong responsabilidad pagdating sa mga handog, at dapat nilang ituring ang mga ito nang may ganitong konsensiya at ganitong uri ng saloobin. Siyempre, mayroon din sila ng obligasyong ito na pangasiwaan kung paano tinatrato ng iba ang mga handog, kung pinangangalagaan ba ng mga ito ang mga handog nang maayos, at kung pinamamahalaan ba ng mga ito ang mga handog nang naaayon sa mga prinsipyo. Huwag ninyong isipin na wala itong kinalaman sa inyo, at pagkatapos ay hindi kayo magiging responsable, sinasabing, “Sa anumang kaso, hindi naman ako isang lider o isang manggagawa, hindi ko ito responsabilidad. Kahit matuklasan ko ito, hindi ko ito kailangang pakialaman o magsabi ng anuman tungkol dito—usapin iyon para sa mga lider at manggagawa. Sinumang basta-bastang gumagastos ng pera at naglulustay ng mga handog, siya ay isang Hudas, at parurusahan siya ng Diyos pagdating ng panahon. Sinumang maging sanhi ng isang kahihinatnan, mananagot siya rito. Hindi ko ito kailangang intindihin. Ano ang mabuting maidudulot ng pakikialam ko rito?” Ano ang masasabi ninyo sa ganitong uri ng tao? (Wala siyang konsensiya.) Kung matutuklasan ninyo na, sa ilang lugar na hindi sinisiyasat ng mga lider at manggagawa, may mga taong nagwawaldas at nagkakamkam ng mga handog, dapat mong personal na bigyan ng babala ang mga taong sangkot at agaran din itong iulat sa mga lider at manggagawa. Dapat mong sabihin, “Madalas kunin ng pinuno ng aming pangkat at ng aming lider ang mga handog para sa sarili nila. Basta-basta rin nilang ginagastos ang mga handog, at hindi sila nakikisali sa mga pakikipagtalakayan sa iba at nagpapasya lang sa sarili nila na bilhin ito at iyon. Karamihan sa mga gastos nila ay hindi alinsunod sa mga prinsipyo. Mapangangasiwaan ba ito ng sambahayan ng Diyos?” Responsabilidad ng hinirang na mga tao ng Diyos na iulat at ipaalam ang mga problemang natutuklasan nila. Ang ating naunang pagbabahaginan ay tungkol sa pagpapamalas ng isang uri ng huwad na lider—ang saloobin niya sa mga handog ay tratuhin ang mga ito bilang pampublikong ari-arian.