Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (12) Unang Seksiyon

Sa ating huling pagtitipon, nagbahaginan tayo tungkol sa ikasampung aytem ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa: “Maayos na pangalagaan at makatwirang ilaan ang iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos (mga aklat, iba’t ibang kagamitan, pagkaing butil, at iba pa), at magsagawa ng mga regular na inspeksiyon, pagmementena, at pagkukumpuni upang mabawasan ang pagkasira at pagkasayang; gayundin, iwasang angkinin ng masasamang tao ang mga ito.” Ang pagbabahaginan sa ikasampung aytem ay tungkol sa mga gawaing dapat gawin ng mga lider at manggagawa at ang mga responsabilidad na dapat nilang tuparin kaugnay sa iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos, at kasabay nito, inilantad nito sa pamamagitan ng pagkukumpara ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga huwad na lider. Kung tinutupad ng mga lider at manggagawa ang mga responsabilidad na dapat at kaya nilang tuparin sa bawat aytem ng gawain ng sambahayan ng Diyos, pasok sila sa pamantayan bilang mga lider at manggagawa; kung hindi nila tinutupad ang mga responsabilidad nila at hindi sila gumagawa ng anumang tunay na gawain, napakalinaw na sila ay mga huwad na lider. Tungkol sa ikasampung aytem, siyempre, ang mga huwad na lider ay hindi mahusay sa gawain ng pangangalaga at makatwirang paglalaan ng iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos—ang mga aytem na iyon ay hindi napangangalagaan nang maayos, o maaari pa ngang hindi talaga napangangalagaan, at ang mga huwad na lider ay nagkakamali sa kanilang paglalaan. Maaari pa ngang hindi talaga nila sineseryoso ang gawaing ito. Bagaman ito ay gawain ng mga pangkalahatang usapin, isa pa rin itong responsabilidad na dapat tuparin ng mga lider at manggagawa at gawain na dapat nilang gawin. Sila man mismo ang gumagawa ng gawain, o isinasaayos man nila ang mga angkop na tao para gawin ito, at nagsasagawa rin ng pangangasiwa, mga pag-iinspeksyon, pagsubaybay, at iba pa, sa anumang kaso, ang gawaing ito ay hindi maihihiwalay sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa—direktang magkaugnay ang mga ito. Samakatwid, pagdating sa gawaing ito, kung ang mga lider at manggagawa ay hindi maayos na nangangalaga at makatwirang naglalaan ng iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos, hindi nila natutupad ang mga responsabilidad nila, at hindi nila nagagawa nang maayos ang gawain nila. Ito ay isang pagpapamalas ng mga huwad na lider. Sa huli nating pagtitipon, nagsagawa tayo ng simpleng paglalantad at paghihimay ng mga pagpapamalas na ipinakikita ng mga huwad na lider habang pinangangasiwaan ang aytem na ito ng gawain ng mga pangkalahatang usapin, at nagbigay tayo ng ilang halimbawa. Kung ang isang tao ay isang huwad na lider, tiyak na hindi niya natupad ang mga responsabilidad niya sa gawaing ito, at ang gawaing ginagawa niya ay hindi pasok sa pamantayan. Ito ay dahil ang mga huwad na lider ay hindi kailanman nagsisikap para sa aktuwal na gawain—kapag naisaayos na ito, tapos na sila rito, at hindi na sila kailanman sumusubaybay o lumalahok sa gawain. Ang isa pang pangunahing dahilan ay na hindi nauunawaan ng mga huwad na lider ang mga prinsipyo ng anumang gawaing ginagawa nila. Kahit na hindi sila nagiging tamad sa gawain nila, ang ginagawa nila ay hindi tugma sa mga prinsipyo at patakarang hinihingi ng sambahayan ng Diyos, o ganap pa ngang hindi naaayon sa mga prinsipyo. Ano ang ibig sabihin ng hindi naaayon sa mga prinsipyo? Ang implikasyon nito ay na kumikilos sila nang walang ingat, kumikilos nang walang pakundangan batay sa kanilang mga imahinasyon, kagustuhan, at damdamin, at iba pa. Kaya, kahit ano pa man, may dalawang pangunahing pagpapamalas ng mga huwad na lider pagdating sa aytem na ito ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa: Ang una ay na hindi sila gumagawa ng aktuwal na gawain, at ang pangalawa ay na hindi nila maarok ang mga prinsipyo, kaya hindi sila makagawa ng aktuwal na gawain. Ang mga ito ang mga pangunahing pagpapamalas. Sa huli nating pagtitipon, nagbahaginan tayo at inilantad natin kung paano naipamamalas ang pagkatao ng mga huwad na lider sa pangangasiwa nila sa ganitong uri ng gawain ng mga pangkalahatang usapin. Kahit na sa simpleng, nag-iisang piraso ng gawaing ito, hindi kayang tuparin ng mga huwad na lider ang mga responsabilidad nila. May abilidad silang gawin ang gawaing ito, pero hindi nila ito ginagawa. May kinalaman ito sa karakter at pagkatao ng ganitong uri ng mga tao. Ano ang problema sa pagkatao nila? Wala sa tamang lugar ang puso nila, at mababa ang karakter nila. Halos natapos na natin ang pagbabahaginan natin sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa, sa mga pangkalahatang prinsipyo, at sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga huwad na lider sa ilalim ng ikasampung aytem. Ngayon, magpapatuloy tayo sa pagbabahaginan tungkol sa ikalabing-isang aytem ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa.

Ikalabing-isang Aytem: Pumili ng mga Maaasahang Taong May Pagkataong Pasok sa Pamantayan Lalo na Para sa Gampanin ng Sistematikong Pagrerehistro, Pagbibilang, at Pangangalaga ng mga Handog; Regular na Suriin at Tingnan Kung Tama ba ang mga Papasok at Papalabas Nang sa Gayon ang mga Kaso ng Paglulustay o Pagwawaldas, Pati Na ang mga Hindi Makatwirang Paggastos, ay Matukoy Kaagad—Ipatigil ang Gayong mga Bagay at Humingi ng Makatwirang Kabayaran; Dagdag Pa Rito, Iwasan, sa Anumang Paraan, na Mapasakamay at Makuha ng Masasamang Tao ang mga Handog

Kung Ano ang mga Handog

Ang nilalaman ng ikalabing-isang aytem ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa ay: “Pumili ng mga maaasahang taong may pagkataong pasok sa pamantayan lalo na para sa gampanin ng sistematikong pagrerehistro, pagbibilang, at pangangalaga ng mga handog; regular na suriin at tingnan kung tama ba ang mga papasok at papalabas nang sa gayon ang mga kaso ng paglulustay o pagwawaldas, pati na ang mga hindi makatwirang paggastos, ay matukoy kaagad—ipatigil ang gayong mga bagay at humingi ng makatwirang kabayaran; dagdag pa rito, iwasan, sa anumang paraan, na mapasakamay at makuha ng masasamang tao ang mga handog.” Ano ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa sa gawaing ito? Ano ang pangunahing gawain na dapat nilang gawin? (Maayos na pangalagaan ang mga handog.) Ang ikasampung aytem ay tungkol sa pangangalaga at makatwirang paglalaan ng iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos; ang aytem na ito ay tungkol sa maayos na pangangalaga ng mga handog. Ang iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos at ang mga handog nito ay medyo magkatulad—pero pareho ba ang mga ito? (Hindi.) Ano ang pagkakaiba? (Ang mga handog ay pangunahing tumutukoy sa pera.) Ang pera ay isang aspekto nito. Paano nagkakaiba sa kalikasan ang iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos at ang mga handog? Mga handog ba ang mga libro ng mga salita ng Diyos? Mga handog ba ang iba’t ibang makinang ginagamit para sa gawain? Mga handog ba ang iba’t ibang pang-araw-araw na pangangailangang binibili ng sambahayan ng Diyos? (Hindi.) Kaya, ano ang mga ito, kung gayon? Sa sambahayan ng Diyos, ang lahat ng libro ng mga salita ng Diyos, at ang lahat ng iba’t ibang uri ng mga kagamitang kinakailangan para sa gawain nito na binibili nito gamit ang perang inihandog ng hinirang na mga tao ng Diyos, kabilang ang iba’t ibang aytem tulad ng mga kamera, audio recorder, mga kompyuter, at mga cell phone—ang lahat ng ito ay ang mga materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos. Bukod pa sa mga ito, ang mga mesa, upuan, bangko, pagkain, at iba pang mga pang-araw-araw na pangangailangan gaya nito ay ang mga materyal na aytem din ng sambahayan ng Diyos. Ang ilan sa mga aytem na ito ay binili ng mga kapatid, at ang iba ay binili ng sambahayan ng Diyos gamit ang mga handog; ang lahat ng ito ay kinlasipika bilang mga materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos. Pinagbahaginan natin ang paksang ito sa ating huling pagtitipon. Magpapatuloy tayo ngayon para tingnan ang isang mahalagang bagay na ating pagbabahaginan sa ilalim ng ikalabing-isang aytem: ang mga handog. Ano nga ba talaga ang mga handog? Paano itinatakda ang saklaw ng mga ito? Bago tayo magbahaginan tungkol sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa, kinakailangang linawin ang tanong kung ano ang mga handog. Bagaman karamihan sa mga tao ay nanampalataya dati kay Jesus at tinanggap na ang yugtong ito ng gawain sa loob ng ilang taon, ang konsepto nila ng mga handog ay nananatiling malabo. Hindi malinaw sa kanila kung ano ba talaga ang mga handog. Sasabihin ng ilan na ang mga handog ay pera at mga materyal na aytem na inihahandog sa Diyos, habang sasabihin ng iba na ang mga handog ay pangunahing tumutukoy sa pera. Alin sa mga pahayag na ito ang tumpak? (Basta’t ang isang bagay ay inihandog sa Diyos, pera man ito o anumang aytem, malaki o maliit, isa itong handog.) Iyan ay isang medyo tumpak na pagbubuod. Ngayon na malinaw na ang saklaw at mga limitasyon ng mga handog, tumpak nating bigyang-kahulugan kung ano ba talaga ang mga handog, para maging malinaw sa lahat ang konseptong ito.

Tungkol sa paksa ng mga handog, itinala ng Bibliya na orihinal na hiningi ng Diyos sa tao na ialay ang ikapu sa Diyos—ito ay isang handog. Malaki man o maliit ang halagang inihandog, at anuman ang inihandog—pera man ito o mga materyal na aytem—basta’t ikasampung bahagi ito ng kita ng isang tao na dapat ihandog, tiyak na isa itong handog. Ito ang hiningi ng Diyos sa tao, ito ang dapat ihandog sa Diyos ng mga nananampalataya sa Kanya. Ang ikapu na ito ay isang aspekto ng mga handog. May ilang taong nagtatanong, “Tumutukoy lang ba ang ikasampung bahagi na iyon sa pera?” Hindi naman. Halimbawa, kung ang isang tao ay nag-aani ng sampung ektarya ng butil, gaano man karami ang butil na mayroon, ang isang ektaryang halaga ng butil na ito ay dapat na ihandog sa Diyos sa huli—ang ikasampung bahagi na ito ay ang dapat ihandog ng mga tao. Kaya, ang konsepto ng “ikasampung bahagi” ay hindi lang tumutukoy sa pera—hindi lang ibig sabihin nito na kapag ang isang tao ay kumikita ng isang libong yuan, dapat niyang ihandog sa Diyos ang isang daan—sa halip, tumutukoy ito sa lahat ng bagay na nakakamtan ng mga tao, na sumasaklaw sa mas marami pa, kabilang ang mga materyal na bagay at pera. Ito ang sinasabi ng Bibliya. Siyempre, sa kasalukuyan, ang sambahayan ng Diyos ay hindi sobrang higpit na sumusunod sa Bibliya sa paghingi sa mga tao na magbigay ng ikasampung bahagi ng lahat ng nakakamtan nila. Nagbabahagi at nagpapalaganap lang Ako rito ng konsepto at depinisyon ng “ikasampung bahagi,” para malaman ng mga tao na ang ikapu ay isang aspekto ng mga handog. Hindi Ko hinihikayat ang mga tao na maghandog ng ikasampung bahagi; kung magkano ang ihahandog ng mga tao ay nakasalalay sa personal nilang pag-arok at kagustuhan, at ang sambahayan ng Diyos ay walang anumang mga karagdagang hinihingi tungkol sa usaping ito.

Ang isa pang aspekto ng mga handog ay ang mga bagay na iniaalay ng mga tao sa Diyos. Sa pangkalahatan, kinabibilangan din ito siyempre ng ikapu; sa partikular, bukod sa ikapu, anumang bagay na inihahandog ng mga tao sa Diyos ay nabibilang sa kategorya ng mga handog. Maraming bagay ang nasasaklaw ng mga inihahandog sa Diyos, halimbawa, pagkain, mga kasangkapan, mga pang-araw-araw na pangangailangan, mga suplementong pangkalusugan, pati na rin ang mga baka, tupa, at iba pa na inihahandog sa altar noong panahon ng Lumang Tipan. Ang lahat ng ito ay mga handog. Kung handog man ang isang bagay ay nakadepende sa intensyon ng naghahandog; kung sinasabi ng naghahandog na ang bagay na ito ay inihahandog sa Diyos, ibinibigay man ito nang direkta sa Diyos o inilalagay sa sambahayan ng Diyos para sa pangangalaga, nabibilang ito sa kategorya ng mga handog, at hindi maaaring basta-bastang galawin ng mga tao. Halimbawa: Kapag bumibili ng mamahaling kompyuter ang isang tao at inihahandog ito sa Diyos, nagiging handog ito; kapag may bumibili ng kotse para sa Diyos, nagiging handog ito; kapag may bumibili ng dalawang bote ng suplementong pangkalusugan at inihahandog ang mga iyon sa Diyos, ang mga boteng iyon ay nagiging mga handog. Walang partikular at tiyak na depinisyon kung ano ang mga materyal na aytem na inihahandog sa Diyos. Sa kabuuan, ito ay isang napakalawak na saklaw—ito ay ang mga bagay na inihahandog sa Diyos ng mga sumusunod sa Kanya. Maaaring sabihin ng ilan, “Nagkatawang-tao ngayon ang Diyos sa lupa, at ang mga bagay na inihahandog sa Kanya ay sa Kanya—pero paano kung wala Siya sa lupa? Kapag nasa langit ang Diyos, ang mga bagay ba na inihahandog sa Kanya ay hindi mga handog?” Tama ba ito? (Hindi.) Hindi ito batay sa kung ang Diyos ay nasa panahon ng pagkakatawang-tao. Sa anumang kaso, basta’t inihahandog ang isang bagay sa Diyos, isa itong handog. Maaaring sabihin ng ilan, “Napakaraming bagay na inihahandog sa Diyos. Magagamit ba Niya ang mga ito? Magagamit ba Niya ang lahat ng ito?” (Wala iyong kinalaman sa tao.) Iyan ay isang tama at matalas na paraan ng pagsasabi nito. Ang mga bagay na ito ay inihahandog sa Diyos ng mga tao; kung paano Niya ginagamit ang mga ito at kung magagamit ba Niya itong lahat, at kung paano Niya inilalaan at pinangangasiwaan ang mga ito, ay walang kinalaman sa tao. Hindi mo kailangang mabahala o mag-alala tungkol dito. Sa madaling salita, sa sandaling maghandog ng isang bagay ang isang tao sa Diyos, ang bagay na iyon ay nabibilang sa saklaw ng mga handog. Ito ay sa Diyos, at wala itong kinalaman sa sinumang tao. Maaaring sabihin ng ilan, “Sa paraan ng pagsasabi Mo nito, parang sapilitang inaangkin ng Diyos ang pagmamay-ari sa bagay na iyon.” Iyon ba ang nangyayari? (Hindi.) Ang bagay na iyon ay sa Diyos, kaya’t tinatawag itong isang handog. Hindi ito maaaring galawin o ilaan ng mga tao ayon sa kagustuhan nila. Maaaring itanong ng ilan, “Hindi ba’t sayang iyon?” Kahit na sayang ito, wala kang pakialam doon. Maaaring sabihin ng iba, “Kapag ang Diyos ay nasa langit at hindi nagkatawang-tao, hindi Niya matatamasa o magagamit ang mga bagay na inihahandog ng mga tao sa Kanya. Ano ang dapat gawin kung ganoon?” Madaling solusyunan iyon: Naroon ang sambahayan ng Diyos at ang iglesia para pangasiwaan ang mga bagay na ito ayon sa mga prinsipyo; hindi mo kailangang mabahala o mag-alala tungkol dito. Sa kabuuan, paano man pinangangasiwaan ang isang bagay, sa sandaling mabilang ito sa kategorya ng mga handog, sa sandaling maklasipika ito bilang isang handog, wala itong kinalaman sa tao. At dahil ang bagay na iyon ay pagmamay-ari ng Diyos, hindi maaaring gawin ng mga tao ang gusto nila rito—may mga kahihinatnan sa paggawa nang gayon. Sa panahon ng Lumang Tipan, sa panahon ng pag-aani sa taglagas, naghandog ang mga tao ng lahat ng iba’t ibang uri ng mga bagay sa mga altar. May mga naghandog ng mga butil, prutas, at iba pang iba’t ibang pananim, habang ang iba ay naghandog ng mga baka at tupa. Tinamasa ba ng Diyos ang mga iyon? Kinakain ba Niya ang mga bagay na iyon? (Hindi.) Paano mo nalamang hindi Niya kinakain ang mga iyon? Nakita mo ba? Kuru-kuro mo iyon. Sinasabi mong hindi kinakain ng Diyos ang mga iyon—kung gayon, kung kumagat Siya, ano ang mararamdaman mo? Hindi ba iyon naaayon sa iyong mga kuru-kuro at imahinasyon? Hindi ba’t naniniwala ang ilang tao na dahil hindi kinakain o tinatamasa ng Diyos ang mga bagay na iyon, hindi na kailangang ihandog ang mga iyon? Paano kayo lubos na nakatitiyak? Sinasabi ba ninyong “hindi kinakain ng Diyos ang mga iyon” dahil iniisip ninyong isa Siyang espirituwal na katawan at hindi makakakain, o dahil iniisip ninyong ang Diyos ay may pagkakakilanlan Niya bilang Diyos, hindi Siya laman at mortal, at hindi Niya dapat tinatamasa ang mga bagay na ito? Nakakahiya ba para sa Diyos na tamasahin ang mga handog na iniaalay sa Kanya ng mga tao? (Hindi.) Kung gayon, hindi ba iyon naaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, o hindi ba iyon naaayon sa pagkakakilanlan ng Diyos? Alin ba talaga rito? (Hindi ito dapat talakayin ng mga tao.) Tama iyan—hindi ito isang bagay na dapat alalahanin ng mga tao. Hindi mo kailangang pagdesisyunan na dapat tamasahin ng Diyos ang mga iyon, o na hindi Niya rin dapat tamasahin ang mga iyon. Gawin mo ang dapat mong gawin, tuparin mo ang iyong tungkulin at mga responsabilidad, at tuparin mo ang iyong mga obligasyon—sapat na iyon. Sa gayon ay makokompleto mo na ang trabaho mo. Tungkol sa kung paano pangangasiwaan ng Diyos ang mga bagay na iyon, usapin na Niya iyon. Ibinabahagi man ng Diyos ang mga ito sa mga tao, o hinahayaang masira ang mga ito, o tinatamasa man Niya ang kaunti sa mga ito, o tinitingnan ang mga ito, hindi ito bukas sa pagpuna, at ito ay lehitimo. May kalayaan ang Diyos pagdating sa kung paano Niya pinangangasiwaan ang mga usaping ito. Hindi ito isang bagay na dapat alalahanin ng mga tao, ni hindi ito isang bagay na dapat nilang husgahan. Hindi dapat basta-bastang nag-iisip ang mga tao tungkol sa mga usaping ito, lalong hindi dapat basta-bastang hinuhusgahan o ginagawan ng pinal na paghuhusga ang mga ito. Nauunawaan mo na ba ngayon? Paano dapat pangasiwaan ng Diyos ang mga handog na ibinibigay sa Kanya ng mga tao? (Pangangasiwaan Niya ang mga iyon ayon sa gusto Niya.) Tama iyon. Ang mga taong nakauunawa nito sa ganoong paraan ay nagtataglay ng normal na katwiran. Pangangasiwaan ng Diyos ang mga bagay na ito ayon sa gusto Niya. Maaari Niyang sulyapan ang mga ito, o talagang hindi tingnan ang mga ito o hindi bigyan ng anumang pansin ang mga ito. Alalahanin mo lang ang paghahandog kapag dumating na ang panahon para doon, at maghandog kapag gusto mo, alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos, at nang may pagtupad sa responsabilidad ng tao. Huwag mong alalahanin kung paano pinangangasiwaan at tinatrato ng Diyos ang gayong mga usapin. Sa madaling salita, sapat na kung ang ginagawa mo ay nasa saklaw ng mga hinihingi ng Diyos, naaayon sa pamantayan ng konsensiya, at naaayon sa tungkulin, obligasyon, at responsabilidad ng sangkatauhan. Tungkol naman sa kung paano pinangangasiwaan at tinatrato ng Diyos ang mga aytem na ito, sariling usapin Niya iyon, at hinding-hindi ito dapat husgahan o gawan ng pinal na paghuhusga ng mga tao. Nakagawa kayo nang malaking pagkakamali sa loob lang ng ilang segundo. Tinanong Ko kayo kung tinatamasa o kinakain ba ng Diyos ang mga bagay na ito, at sinabi ninyong hindi Niya kinakain o tinatamasa ang mga iyon. Ano ang pagkakamali ninyo? (Paghusga sa Diyos.) Ito ay padalos-dalos na paglilimita at padalos-dalos na paghusga, at pinatutunayan nitong may mga kahilingan pa rin ang mga tao sa Diyos sa loob nila. Para sa kanila, mali para sa Diyos na tamasahin ang mga bagay na ito, at mali rin para sa Kanya na hindi tamasahin ang mga ito. Kung tatamasahin Niya, sasabihin nilang, “Isa Kang espirituwal na katawan, hindi isang laman at mortal. Bakit Mo tatamasahin ang mga bagay na ito? Labis itong hindi kapani-paniwala!” At kung hindi pinapansin ng Diyos ang mga bagay na ito, sasabihin naman ng mga tao, “Puspusan kaming nagtrabaho para ihandog sa Iyo ang aming puso, tapos hindi Mo man lang sinusulyapan ang mga aytem na inihandog namin. Mayroon Ka bang anumang pagpapahalaga sa amin?” Dito rin ay may masasabi ang mga tao. Ito ay kawalan ng katwiran. Sa pagbubuod, ano ang saloobin na dapat taglayin ng mga tao sa pagtrato sa usaping ito? (Dapat ihandog ng mga tao ang dapat nilang ihandog sa Diyos, at tungkol naman sa kung paano pangangasiwaan ng Diyos ang mga bagay na ito, hindi talaga dapat magkaroon ang mga tao ng mga kuru-kuro o imahinasyon tungkol dito, ni hindi rin nila dapat husgahan ito.) Oo—iyan ang katwiran na dapat taglayin ng mga tao. May kinalaman ito sa mga aytem na inihahandog sa Diyos, na isa ring aspekto ng mga handog. Ang mga materyal na aytem na inihahandog sa Diyos ay kinabibilangan ng malawak na hanay ng mga bagay. Ito ay dahil namumuhay ang mga tao sa isang materyal na mundo, at bukod sa pera, ginto, pilak, at mga hiyas, marami pang bagay ang itinuturing nilang napakaganda at napakahalaga, at kapag iniisip ng ilang tao ang Diyos o iniisip nila ang pagmamahal ng Diyos, handa silang ihandog sa Diyos iyong mga itinuturing nilang katangi-tangi at mahalaga. Kapag inihahandog ang mga bagay na ito sa Diyos, nabibilang ang mga ito sa saklaw ng mga handog; nagiging mga handog ang mga ito. At kasabay ng pagiging mga handog ng mga ito, ang Diyos na ang bahala sa pangangasiwa ng mga ito—hindi maaaring galawin ng mga tao ang mga ito, wala ang mga ito sa kontrol ng mga tao, at hindi nabibilang ang mga ito sa mga tao. Kapag inihandog mo na ang isang bagay sa Diyos, pagmamay-ari na ito ng Diyos, hindi na nakasalalay sa iyo ang pangangasiwa rito, at hindi ka na maaaring makialam sa bagay na ito. Paano man pangasiwaan o tratuhin ng Diyos ang bagay na iyon, wala itong kinalaman sa tao. Ang mga materyal na aytem na inihahandog sa Diyos ay isa ring aspekto ng mga handog. Nagtatanong ang ilang tao, “Ang pera at mahalagang ginto, pilak, at mga hiyas lang ba ang maaaring maging mga handog? Sabihin, halimbawa, na may naghandog ng isang pares ng sapatos, isang pares ng medyas, o isang pares ng mga insole sa Diyos—maituturing bang mga handog ang mga ito?” Kung susundin natin ang depinisyon ng mga handog, gaano man kalaki o kaliit, o gaano kahalaga o kamura ang isang bagay—kahit isa pa itong panulat o isang piraso ng papel—basta’t inihandog ito sa Diyos, ito ay isang handog.

May isa pang aspekto ng mga handog: mga materyal na aytem na inihahandog sa sambahayan ng Diyos at sa iglesia. Ang mga bagay na ito ay kabilang din sa kategorya ng mga handog. Ano ang nabibilang sa mga materyal na aytem na ito? Sabihin, halimbawa, na may isang taong bumili ng kotse, at matapos itong imaneho ng ilang panahon, pakiramdam niya ay naging medyo luma na ito, at pagkatapos ay bumili siya ng bagong kotse, at inihandog ang lumang kotse sa sambahayan ng Diyos, para magamit ito ng sambahayan ng Diyos sa gawain nito. Ang kotseng ito kung ganoon ay pag-aari na ng sambahayan ng Diyos. Ang mga bagay na pag-aari ng sambahayan ng Diyos ay dapat iklasipika na mga handog—tama ito. Siyempre, hindi lang mga device at kagamitan ang mga tanging bagay na inihahandog sa iglesia at sa sambahayan ng Diyos, mayroon ding iba pang mga bagay; medyo malawak ang saklaw na ito. Sinasabi ng ilang tao, “Ang ikasampung bahagi na inihahandog ng mga tao mula sa lahat ng nakakamtan nila ay isang handog, gayundin ang pera at mga materyal na aytem na inihahandog sa Diyos; wala kaming pagtutol na iklasipika ang mga ito bilang mga handog, walang kuwestyonable tungkol dito. Pero bakit ang mga materyal na aytem na inihahandog sa iglesia at sa sambahayan ng Diyos ay nabibilang din sa kategorya ng mga handog? Hindi iyon masyadong makatwiran.” Sabihin mo sa Akin, makatwiran bang iklasipika ang mga ito bilang mga handog? (Oo.) At bakit ninyo sinasabi iyon? (Ang iglesia ay umiiral lang dahil umiiral ang Diyos, at kaya anumang bagay na inihahandog sa iglesia ay isa ring handog.) Mahusay na paliwanag. Ang iglesia at ang sambahayan ng Diyos ay pag-aari ng Diyos, at umiiral lang ang mga ito dahil umiiral ang Diyos; may isang lugar lang para pagtipunan at panirahan ng mga kapatid dahil umiiral ang iglesia, at may lugar lang para lutasin ang lahat ng problema ng mga kapatid, at may isang tunay na tahanan lang ang mga kapatid, dahil naroon ang sambahayan ng Diyos. Ang lahat ng ito ay umiiral lang sa pundasyon ng pag-iral ng Diyos. Hindi naghahandog ang mga tao ng mga bagay sa iglesia at sa sambahayan ng Diyos dahil lang sa ang mga tao sa iglesia ay nananampalataya sa Diyos at mga miyembro ng sambahayan ng Diyos—hindi iyon ang tamang dahilan. Dahil sa Diyos kaya naghahandog ang mga tao ng mga bagay-bagay sa iglesia at sa sambahayan ng Diyos. Ano ang implikasyon nito? Sino ang basta-basta lang na maghahandog ng mga bagay-bagay sa iglesia kung hindi dahil sa Diyos? Kung wala ang Diyos, hindi iiral ang iglesia. Kapag ang mga tao ay may mga bagay na hindi nila kailangan o na sobra sa mga kinakailangan, maaari nilang itapon o hayaang hindi nagagamit ang mga iyon; may ilang aytem din na maaari ding ibenta. Ang lahat ng paraang ito ay magagamit sa pangangasiwa sa mga bagay na ito, tama? Kaya bakit hindi pinangangasiwaan ng mga tao ang mga iyon sa mga paraang ito—bakit sa halip ay inihahandog nila ang mga iyon sa iglesia? Hindi ba’t dahil ito sa Diyos? (Oo.) Dahil mismo umiiral ang Diyos kaya naghahandog ang mga tao ng mga bagay-bagay sa iglesia. Kaya, anumang inihahandog sa iglesia o sa sambahayan ng Diyos ay dapat ikategorya bilang isang handog. Sabi ng ilang tao, “Inihahandog ko sa iglesia ang pag-aari kong ito.” Ang paghahandog ng bagay na iyon sa iglesia ay katumbas ng paghahandog nito sa Diyos, at may ganap na awtoridad ang iglesia at ang sambahayan ng Diyos sa pangangasiwa sa gayong mga bagay. Kapag naghahandog ka ng isang bagay sa iglesia, nawawalan ito ng anumang koneksyon sa iyo. Ang sambahayan ng Diyos at ang iglesia ay makatwirang ilalaan, gagamitin, at pangangasiwaan ang mga materyal na aytem na ito ayon sa mga prinsipyong itinakda ng sambahayan ng Diyos. Kaya, saan nagmumula ang mga prinsipyong ito? Mula sa Diyos. Sa pangunahin, ang prinsipyo para sa paggamit ng mga bagay na ito ay na dapat gamitin ang mga ito para sa plano ng pamamahala ng Diyos, at para sa pagpapalaganap sa gawain ng ebanghelyo ng Diyos. Ang mga ito ay hindi para sa eksklusibong paggamit ng sinumang indibidwal, lalong hindi ng anumang grupo ng tao, kundi para sa paggamit sa gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo at para sa iba’t ibang aytem ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Samakatwid, walang sinuman ang may pribilehiyong gamitin ang mga bagay na ito; ang tanging prinsipyo at batayan para sa paggamit at paglalaan ng mga ito ay ang gawin ito ayon sa mga prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos. Ito ay makatwiran at wasto.

Ang mga ito ang tatlong bahagi ng depinisyon ng mga handog, na ang bawat isa ay depinisyon ng isang aspekto ng mga handog, at isang aspekto ng saklaw ng mga ito. Malinaw na sa inyo ngayon kung ano ang mga handog, tama? (Oo.) May ilang nagsabi dati, “Ang bagay na ito ay hindi pera, at hindi sinabi ng taong naghandog nito na para sa Diyos ito. Sinabi lang niya na inihahandog niya ito. Kaya, hindi ito maaaring para sa paggamit ng sambahayan ng Diyos, at lalong hindi ito maaaring ibigay sa Diyos.” At kaya, hindi nila ito itinala, at ginamit nila ang bagay na iyon nang palihim ayon sa kagustuhan nila. Makatwiran ba iyon? (Hindi.) Ang sinabi nila mismo ay hindi makatwiran; sinabi rin nilang, “Ang mga handog sa iglesia at sa sambahayan ng Diyos ay pag-aari ng lahat—maaaring gamitin ang mga ito ninuman,” na malinaw na hindi makatwiran. Ito ay dahil mismo sa malabo at hindi malinaw sa karamihan ng tao ang depinisyon at konsepto ng mga handog na ang ilang mababang-uring kontrabida at ilang tao na may mapag-imbot na puso at mga hindi tamang pagnanais ang nagsasamantala sa sitwasyon at iniisip ang tungkol sa pagsunggab sa mga bagay na iyon. Ngayong malinaw na sa inyo ang tumpak na depinisyon at konsepto ng mga handog, magkakaroon kayo ng pagkilatis kapag nakatatagpo kayo ng gayong mga pangyayari at mga tao sa hinaharap.