Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (11) Ikaapat na Seksiyon
Pagdating sa gawain ng paglalaan sa iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos, bukod sa hindi ito magawa ng mga huwad na lider nang ayon sa mga prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos, hinahayaan din nila ang marami nilang personal na damdamin, kagustuhan, at pagnanais, pati na rin ang mga personal nilang pagkaunawa, na mahalo rito. Ginagawa nila itong isang halo-halo at magulong gawain, na wala man lang masasabing mga prinsipyo. Kaya, kapag pinangangasiwaan ng isang huwad na lider ang iba’t ibang aytem ng sambahayan ng Diyos, madalas na nangyayari, sa mga sitwasyong walang nakakaalam kung ano ba ang nangyayari, na nawawasak ang mga bagay, nasasayang nang walang kadahilanan, o nawawala ang mga bagay-bagay at hindi nagkakatugma ang mga bilang. Kinukuha ng mga indibidwal ang ibang aytem para magamit nang personal, nang hindi ito itinatala o iniuulat. Ni hindi mapangasiwaan nang maayos ng mga huwad na lider ang gayon kasimpleng parte ng gawain ng pangkalahatang usapin. Ginugulo nila ang gawaing ito, pero panatag pa rin sila, inaakalang marami silang natapos na gawain. Hindi kailanman nagsasagawa ng regular na inspeksiyon, pagmementena, at pangangalaga sa iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos ang mga huwad na lider; sa puso nila, wala sila ni katiting na malasakit sa mga aytem na ito. Ipagpalagay na tinanong mo sila, “May namamahala ba sa pagmementena at pangangalaga sa mga kagamitang ito? Nagkaroon ba ng anumang kaso ng pag-aaksaya sa pagbili ng mga reserbang piyesa kapag kinukumpuni ang mga ito? O ng sinumang gumagastos nang sobra o nataga sa presyo? May pinanagot ba sa mga insidenteng iyon? May pinagmulta ba o binigyan ng babala?” Walang magiging alam o pakialam sa kahit na ano rito ang mga huwad na lider. Kung ginamit ba nang di-lehitimo ang pera kapag bumibili ng mga bagay para sa sambahayan ng Diyos, kung may naitalaga bang sinuman para pangasiwaan ang mga bagay na iyon pagkatapos bilhin ang mga ito, kung angkop ba ang mga bagay na binili at kung epektibo bang magagamit ang mga iyon, at, kung hindi, kung ibinalik ba o pinapalitan ang mga iyon sa loob ng takdang panahon—wala silang alam sa mga ito. Mga hangal sila—wala silang alam. Ang iniisip lang ng mga huwad na lider ay kung paano ipangaral ang mga doktrina sa mga pagtitipon para igalang sila ng mga tao; wala silang kapabilidad sa gawain pagdating sa partikular na usapin ng pamamahala sa mga aytem, ni anumang saloobin sa usaping ito. Hindi nila alam na ito ay gawaing dapat nilang gawin, ni hindi nila alam kung paano ito gawin. Ang pananaw ng mga huwad na lider pagdating sa mga aytem ng sambahayan ng Diyos ay na ito ay pag-aari ng lahat, kaya sinumang gustong gumamit ng isang bagay ay puwede itong gamitin, at sinumang nangangailangan ng isang bagay ay maaari itong kunin o mag-apply para dito sa mga nakatataas—na karapatan ito ng lahat, at hindi dapat mapasailalim sa pamamahala o kontrol ng kahit sinong indibidwal ang mga aytem ng sambahayan ng Diyos. Kaya, kung may isang taong makasira o makawala ng isang kagamitan, wala silang pakialam, at kung may isang taong mag-apply na bumili ng isang bagay, wala rin silang pakialam kung mahal ba ito o mura. Ang katunayan, may mga panuntunan ang sambahayan ng Diyos para sa mga bagay na ito. Basta’t tinutupad ng mga lider at manggagawa ang kanilang mga responsabilidad at isinasagawa nila ang mga wastong pagbeberipika ayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos, ang lahat ng gayong kawalan at pagkasayang ay puwedeng maiwasan. Pero ni hindi ginagawa ng mga huwad na lider ang pinakasimpleng gawaing ito na maaaring pumigil sa mga kawalan. Hindi ba’t kinakain lang nila nang libre ang pagkain ng sambahayan ng Diyos? Hindi ba’t palamunin lang sila? Hindi ba’t isa itong partikular na pagpapamalas ng “pagiging huwad” ng mga huwad na lider? Paano ninyo pangangasiwaan ang gayong lider, kapag may isa kayong nakaharap? (Tatanggalin sila.) Tatanggalin lang sila, at iyon na iyon? Hindi ba’t kailangan ninyo silang turuan ng isa o dalawang bagay? “Ang kagamitang iyon ay inilagay riyan, at naging mamasa-masa ito, at walang tumingin dito nang ilang araw. Hindi malinaw kung gagana pa ba ito, o kung nangatngat na ng mga daga ang mga kable. Bakit hindi mo isipin ang mga bagay na ito? Sira na at kailangan nang kumpunihin ang kompiyuter na ginagamit ko. Maaantala nito ang gawain kung hindi ito makukumpuni. Pero maraming beses na akong nag-apply nito sa iyo—bakit hindi mo pa ito pinapansin? Ano ba ang pikit-mata mong pinagkakaabalahan sa buong araw, kaya tuliro ka? Kapag ang isang lider na gaya mo ang inasahan para gawin ang gawain, inaantala mo ang lahat ng gawain, at nasisira mo ang lahat ng kagamitan at mga materyal na aytem. Hindi mo binabantayan o pinamamahalaan ang iba’t ibang aytem ng sambahayan ng Diyos. Hindi ka angkop na maging isang lider—bilisan mo at magbitiw ka na!” Tama lang ba na pangaralan sila nang ganito? (Oo.) Ano ang taglay ng isang taong naglalakas-loob na pangaralan ang mga lider at manggagawa? Dapat muna siyang maging matapang, at dapat siyang magkaroon ng pagpapahalaga sa katarungan. Maaaring sabihin ng ilan, “Hindi ako mangangahas na pangaralan ang mga lider at manggagawa. Mga opisyal sila, at isang sundalo lang ako, labis na mas mababa ang ranggo ko kaysa sa kanila. May katotohanan sila at kaya nilang mangaral ng mga sermon. Hindi ako magaling sa kahit ano, at wala ako sa posisyon para pangaralan sila.” Hindi ba’t ito ang lohika ng isang tampalasan? (Ito nga.) Kung gayon, paano ninyo pangangaralan ang ganitong klase ng lider? “Kung kaya mong gawin ang gawaing ito, gawin mo ang makakaya mo para gawin ito, at gawin mo ito nang naaayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos. Anumang isaayos mong gawin namin ay susundin namin. Pero kung hindi mo susubukan ang makakaya mo para magawa ang gawaing ito, kung hindi mo ito gagawin ayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos, hindi mo kami magagawang makinig sa iyo kailanman! Bukod doon, kung hindi ka gagawa ng anumang tunay na gawain, may karapatan kaming tanggalin ka sa posisyon mo at paalisin ka! Saktan mo ang sarili mo, kung gusto mong manakit ng iba—huwag mong subukang saktan kaming lahat.” Mangangahas ba kayong pangaralan sila nang ganito? (Oo.) Sinasabi ninyo iyan ngayon; gagawin ba ninyo talaga, kapag dumating na ang oras para gawin ito? Sa pangkalahatan, sa mga bagay na may kinalaman sa mga katotohanang prinsipyo at sa mahahalagang usapin, hindi kayo nangangahas na magsalita nang kaswal, dahil sa takot na ang kawalan ng kabatiran, at linaw sa pagsasalita, ay maaaring mangahulugang hinuhusgahan lamang ninyo ang mga lider at manggagawa at nagdudulot lang kayo ng pagkakagulo. Pero dapat kaya ninyong magkaroon ng kabatiran sa mga usapin ng pamamahala sa mga materyal na aytem; dapat kayong matutong kumilatis sa usaping ito at magkaroon ng pagkaarok sa mga prinsipyo nito.
May isang taong namamahala sa mga damit sa isang pangkat ng mga gumagawa ng pelikula. Wala siyang pakundangan sa kanyang mga kilos, at palagi niyang palihim na nilulustay ang mga aytem ng sambahayan ng Diyos. Nang iwan niya ang pangkat ng mga gumagawa ng pelikula, may dinala siyang ilang bagay, at nakita sa pagsusuri kalaunan sa mga account na marami sa perang natanggap niya ang hindi nagtugma. Bukod pa roon, bagama’t hindi siya nagtatrabaho, may pera siya, at nakabili rin siya ng maraming mamahaling aytem. Maraming tao ang nambobola sa kanya noong nasa pangkat siya ng mga gumagawa ng pelikula, at gusto nilang lahat na magkaroon ng magandang relasyon sa kanya, para kapag kinailangan nila ng mga damit, kailangan lang nilang manghingi, at bibigyan na niya sila ng ilan. Kapag ang isang tao ay hindi maganda ang relasyon sa kanya, ni hindi niya ibibigay rito ang damit na dapat nitong makuha. Anong problema ito? Ito ay isang problema sa mga tauhan sa pamamahala. Sa isang banda, nilulustay niya mismo ang mga bagay na ito; sa isa pang banda, hindi niya inilaan ang mga aytem ng sambahayan ng Diyos nang naaayon sa mga prinsipyo, sa halip ay sumunod siya sa mga damdamin niya, sa sarili niyang kalooban, at sa mga ugnayan niya. Ayon sa mga prinsipyo, dapat ay inalis na ang taong ito. Ito ay isang malinaw na problema. Bukod sa hindi ito ginawa ng huwad na lider, itinuring pa ng huwad na lider na isa itong mabuting tao at isinaayos niya na pumunta ito sa ibang lugar para gawin ang tungkulin nito. Hindi ba’t pinalalala nito ang pagkakamali? Ano ang tingin ninyo sa paraan kung paano ginampanan ang gawaing ito? Naaayon ba ito sa mga prinsipyo? Natupad ba ng lider na ito ang mga responsabilidad na dapat gawin ng mga lider at manggagawa? (Hindi.) Kung isasantabi sandali kung ano ang makukuhang mga pakinabang ng lider sa pangangasiwa nang ganito sa taong iyon—kung huhusgahan lang kung paano niya pinangasiwaan ang usaping ito, ano ang kalikasan nito? Ito ay iyong pagkupkop sa isang masamang tao batay sa mga damdamin, at hindi pangangasiwa rito ayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos. Kaya, para iugnay ito sa ikasampung aytem ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa, anong pagkakamali ang ginagawa ng ganitong klase ng lider at manggagawa sa kanyang pagtrato sa iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos? Tinupad ba ng lider na ito ang mga responsabilidad niya? Ang pangangasiwa ba niya sa usapin ay batay sa pagprotekta sa mga aytem ng sambahayan ng Diyos? Siguradong hindi. Hindi niya sineryoso ang mga aytem ng sambahayan ng Diyos, nagpikit-mata pa nga siya habang hinahayaan niya ang mga aytem na ito na sirain o kunin ayon sa kapritso ng masamang tao. Ganito ba niya ito pangangasiwaan kung sarili niyang mga gamit ang nasira o inangkin ng ibang mga tao? Hindi—kung ganoon ang nangyari ay iisipin niya ang paghihiganti at kabayaran. Kung gayon, bakit hindi niya pinangasiwaan nang ganoon ang mga aytem ng sambahayan ng Diyos? Sinabi pa nga niya, “Puwede siyang kumuha ng ilang aytem, kung gusto niya—hindi naman ganoon karami ang kinukuha niya. Puwede niyang medyo lustayin ang mga ito, kung gusto niya—sino ba ang walang kaunting pagnanais na gawin iyon? Ano ba ang halaga ng kakaunting bagay na nilulustay niya? Hindi naman ibig sabihin na kaunti ang nakukuha ng iba.” Anong klaseng saloobin ito? Ito ba ang saloobing dapat mayroon ang mga lider at manggagawa sa mga aytem ng sambahayan ng Diyos? (Hindi.) Hindi ba’t wala silang utang na loob? At anong lohika ang sinabi nila sa huli? “Hayaan mo siyang lustayin ang mga bagay na iyon—hindi natin kailangang singilin sa kanya ang mga account na ito. Ano ba ang halaga ng kakaunting pera at maliliit na aytem na iyon? Mas marami pa ngang nilulustay ang mga anticristo kaysa roon. Ang paglustay niya sa mga aytem na iyon ay sa pagitan na niya at ng Diyos—problema na niya kung paano niya ipapaliwanag ang kanyang sarili sa harap ng Diyos, pagdating ng panahon. Wala itong kinalaman sa atin.” Anong mga kaisipan at damdamin ang nararanasan ninyo pagkatapos ninyong marinig ang isang lider na sabihin ang gayong bagay? Sinumang may kahit anong pagpapahalaga sa katarungan, na may kaunting kamalayan sa konsensiya, ay tatangis sa loob niya kapag narinig ang mga salitang ito, at maghihinagpis at madidismaya siya, kahit pa ordinaryong tagasunod lang siya, at lalo na kung isa siyang lider o manggagawa! Ang ganitong uri ng huwad na lider ay masyadong nagtatamasa ng biyaya at proteksiyon ng Diyos, at ng napakarami sa mga katotohanan ng Diyos, pero mayroon pa rin siyang ganitong uri ng walang-pusong saloobin sa mga aytem ng sambahayan ng Diyos. Nagtataglay ba siya ng pagkatao? Angkop ba siyang maging isang lider o isang manggagawa? (Hindi.) Sa sandaling tanggalin ang gayong tao, kalipikado ba siyang maging isang lider o manggagawa sa hinaharap? (Hindi—hindi maganda ang pagkatao niya.) Paano naipapamalas ang kanyang hindi magandang pagkatao? (Sa kanyang hindi pagtataguyod sa mga interes ng sambahayan ng Diyos.) Sa anong partikular na kilos niya hindi itinataguyod ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Ano ang diwa ng partikular na pagpapamalas na ito? Ang mga taong gaya nito ay wala sa tamang lugar ang puso at mababa ang kanilang karakter; talagang maayos silang magsalita, pero wala silang anumang tunay na ginagawa. Hinding-hindi dapat maging mga lider at manggagawa ang gayong mga tao. Ang mga taong wala sa tamang lugar ang puso ay hindi nagmamahal sa katotohanan, kundi naririyan para sa sarili nilang pakinabang; ang mga taong wala sa tamang lugar ang puso ay hinding-hindi iniisip ang hinirang na mga tao ng Diyos, at hinding-hindi nila itinataguyod ang gawain ng iglesia o ang mga interes ng sambahayan ng Diyos.
Ang unang pundamental na bagay na dapat gawin ng mga lider at manggagawa ay ang panatilihin ang maayos na pagbabantay sa iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos, ang magsagawa ng wastong pagsusuri at magbantay para sa sambahayan ng Diyos, hindi hayaan ang anumang aytem na masira, masayang, o maangkin ng masasamang tao. Ito ang pinakamababang bagay na dapat nilang gawin. Sa sandaling mahirang ka bilang isang lider o manggagawa, itinuturing ka ng sambahayan ng Diyos bilang katiwala nito: Kasama ka na sa mga namamahala, at ang gampaning pinapasan mo ay mas mabigat kaysa sa pinapasan ng iba. Nagdadala ka ng isang malaking responsabilidad. Kaya ang bawat saloobin mo, ang bawat kilos mo, ang bawat plano mo sa pangangasiwa ng mga isyu, at ang bawat pamamaraan mo sa paglutas ng mga problema, ay kinasasangkutan lahat ng mga interes ng sambahayan ng Diyos. Kung ni hindi mo isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos o isinasapuso ang mga iyon, hindi ka angkop na maging isang tagapangasiwa ng Kanyang sambahayan. Anong klaseng tao ito? Bakit hindi siya angkop na maging isang tagapangasiwa ng sambahayan ng Diyos? Sa mga huwad na lider, may ilan na hindi lang mahina ang kakayahan—ang pangunahing problema nila ay iyong wala silang dinadalang pasanin; hindi nila alam kung paano gumawa, pero hindi nila hinahanap ang katotohanan, at hindi nila kayang tuparin maging ang pinakamaliliit na responsabilidad na dapat gawin ng isang tagapangasiwa. Wala silang konsensiya o katwiran. Ito ay dahil wala sa tamang lugar ang puso nila, mababa ang karakter nila, at makasarili at mababang-uri sila; hindi man lang nila itinataguyod ang gawain ng iglesia, kundi madalas na sinisira at ipinagkakanulo ang mga interes ng iglesia, nagpapalakas sa mga tao at itinataguyod ang kanilang mga relasyon sa ibang tao kapalit ng pagpinsala sa mga interes ng iglesia. Hinahayaan nilang masira, masayang, mawala, o maangkin ng masasamang tao ang mga materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos, at wala silang anumang pakialam dito, o nadaramang anumang pagkakautang o pagkakonsensiya rito. Kaya, pagdating sa pagpili ng mga lider at manggagawa, kung titingnan ito mula sa perspektiba ng pagkatao, ano ang pangunahing bagay na dapat taglay nila? Dapat ay mayroon silang konsensiya at pagpapahalaga sa katarungan, at dapat ay wasto ang mga motibo nila. Dapat munang makapasa sa pamantayan ang pagkatao nila. Gaano man kalaking kapabilidad sa gawain ang taglay nila, o anumang antas ng kakayahan ang taglay nila, ang mga ganoong klaseng tao ay magiging pasok sa pamantayan bilang mga katiwala kung maglilingkod sila bilang mga superbisor. Kahit papaano man lang, magagawa nilang itaguyod ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at ang pare-parehong mga interes ng mga kapatid. Siguradong hindi nila ipagkakanulo ang mga interes ng mga kapatid ni ang mga sa sambahayan ng Diyos. Kapag malapit nang mapahamak o mapinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at ang mga kapatid, pinag-isipan na nila ito nang maaga, at sila ang mauunang kikilos at poprotekta sa mga ito, kahit pa ang paggawa niyon ay makakaapekto sa seguridad nila, o mangangailangan na sila ay magbayad ng halaga o magdusa. Lahat ito ay mga bagay na kayang gawin ng mga taong may konsensiya at katwiran. Ang ilang huwad na lider at manggagawa ay nagmamadaling humanap ng ligtas na lugar na mapagtataguan kapag nahaharap sila sa mapapanganib na sitwasyon, pero pagdating sa mahahalagang aytem ng sambahayan ng Diyos—ang mga aklat ng mga salita ng Diyos, mga cell phone, kompiyuter, at iba pa—wala silang pakialam sa mga ito ni tinatanong nila ang tungkol sa mga ito. Kung nag-aalala sila kung paano maaapektuhan ng pagkaaresto nila ang kabuuan ng gawain ng iglesia, puwede naman silang magpadala ng ibang mga tao para pangasiwaan ang mga ito—pero ang mga huwad na lider na ito ay nagtatago lang para sa kapakanan ng sarili nilang seguridad. Takot na takot sila, at para matiyak ang kanilang seguridad, hindi nila ginagawa kung ano ang kaya nila. Kaya maraming pagkakataon kung saan ang kapabayaan, kawalan ng aksiyon, at pagiging iresponsable ng mga huwad na lider ay nagdudulot na masamsam at makuha ng malaking pulang dragon ang iba’t ibang aytem ng sambahayan ng Diyos at mga handog sa Diyos kapag nagkakaroon ng mapapanganib na sitwasyon, na nagdudulot ng mga seryosong kawalan. Kapag ang mga sitwasyong iyon ay nagsisimula pa lang mangyari sa iglesia, ang unang dapat isipin ng mga lider at manggagawa ay ang ilagay sa mga angkop na lugar ang mga kagamitan at materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos, ang ipagkatiwala ang mga iyon sa mga angkop na tao para mapamahalaan; hinding-hindi dapat hayaan ang malaking pulang dragon na kunin ang mga iyon. Pero walang gayong mga iniisip kailanman ang mga huwad na lider; kailanman ay hindi nila inuuna ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, sa halip inuuna nila ang sarili nilang seguridad. Ang kabiguan ng mga huwad na lider na gumawa ng tunay na gawain ay madalas na nagdudulot na magdusa ng kawalan o pinsala ang iba’t ibang mahalagang aytem ng sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t isa itong seryosong kapabayaan sa responsabilidad sa bahagi ng mga huwad na lider? (Oo.)
Tungkol naman sa ikasampung aytem ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa, ano ang pangunahing pagpapamalas ng mga huwad na lider na inilalantad natin? Ang saloobin ng mga huwad na lider sa mga materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos ay kawalan ng malasakit at kawalan ng pagpapahalaga; hindi sila sumusunod sa mga prinsipyo, kundi pabaya nilang inilalaan ang mga bagay na iyon, batay sa sarili nilang mga imahinasyon at kagustuhan. Habang pinamamahalaan nila ang mga bagay-bagay, madalas na sumasailalim sa matataas o mabababang antas ng pagkapinsala at pagkasayang ang mga aytem ng sambahayan ng Diyos, na nagdudulot ng mga kawalan sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Ito ang pangunahing pagpapamalas ng mga huwad na lider. Ni hindi mapangasiwaan ng mga huwad na lider ang pinakasimple at nag-iisang parteng ito ng gawain ng pangkalahatang usapin; ni hindi nila kayang gawin iyon o gawin iyon nang maayos—kung gayon, ano ang kaya nilang gawin? Kaya, kapag nakita ninyo ang gayong mga tao na umaakto bilang mga lider, maaari ninyong inspeksiyonin at pangasiwaan ang gawain nila. Kung magugulo nila ang iisang parteng ito ng gawain ng pangkalahatang usapin, hindi ginagawa kahit ang kaya naman nilang gawin, at hindi sila humahanap ng ibang mga angkop na tao para gawin ito kapag wala silang oras, dapat tanggalin at alisin kaagad sa kanilang puwesto ang gayong mga lider. Hindi sila kailanman gagamitin ng sambahayan ng Diyos. Angkop ba ito? (Angkop.) Bakit? Ang isang taong wala sa tamang lugar ang puso, na baluktot ang pagkaarok, at kumikilos lamang ayon sa mga damdamin niya at sa kanyang mga makasarili at mababang-uring ambisyon at pagnanais, ay hindi mapagkakatiwalaan. Anong gawain ang kayang gawin nang maayos ng isang taong hindi mapagkakatiwalaan? Anong tungkulin ang kaya niyang gawin nang maayos? Kaya ba niyang gumawa ng isang tungkulin nang may katapatan? (Hindi.)
Sa pamamagitan ng pagbabahaginan ngayon tungkol sa ikasampung aytem ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa, hindi ba’t nailatag Ko nang malinaw ang isa pa sa mga prinsipyo at pamantayan na hinihingi sa mga lider at manggagawa? Ang sangkot dito ay hindi ang usapin ng kakayahan, ni ang usapin ng kapabilidad sa gawain, kundi ang usapin ng pagkatao. Obserbahan ninyo ang mga taong nagsisilbi bilang mga lider at manggagawa, o ang mga nililinang ng iglesia, at tingnan ninyo kung mayroon sa kanila na hindi maganda ang pagkatao at na ang puso ay wala sa tamang lugar, na ang pagkatao ay katulad ng sa mga huwad na lider na hinimay sa ikasampung aytem. Kung talagang makakita kayo ng gayong mga lider at manggagawa, kailangan ninyo silang tanggalin, at dapat ninyong tandaan na huwag kailanman maghalal ng gayong mga tao bilang mga lider, at huwag kailanman maglinang ng gayong mga tao para maging mga lider at manggagawa. Kung hindi nauunawaan ng ilang tao ang karakter ng gayong mga tao at inihalal nila ang mga iyon, iulat ninyo kaagad. Huwag ninyo silang bigyan ng pagkakataong maging mga lider at manggagawa. Ang mga taong iyon ay hindi nagiging mga lider at manggagawa para gumawa ng tunay na gawain, kundi para wasakin ang gawain ng iglesia. Kung magiging mga lider sila, ang iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos ay mawawasak lang bilang resulta nito. Handa ba kayong makakita ng gayong kahihinatnan? (Hindi.) Kung gayon, paano ninyo dapat tratuhin ang gayong mga tao? Kung sa kasalukuyan ay nagsisilbi sila bilang mga lider, iulat ninyo sila at alisin sila sa kanilang mga posisyon. Kung hindi naman, kung hindi pa sila naihahalal, sabihin ninyo sa lahat: “Hindi mabuti ang taong ito. Huwag ninyo siyang ihalal, anuman ang gawin ninyo; makapipinsala ito sa iglesia.” At kung nalinlang at nailigaw ang mga tao na ihalal sila, dapat mong ipaalam ito kaagad sa lahat: “May nagawa tayong mali ngayon. Naihalal natin bilang lider natin ang isang taong hindi maganda ang pagkatao, na wala sa tamang lugar ang puso. Ngayong nagawa na natin ito, makararanas ang mga interes ng sambahayan ng Diyos ng mga kawalan at pinsala. Kailangan natin siyang alisin kaagad sa posisyon niya, para hindi mapinsala ang mga interes at iba’t ibang aytem ng sambahayan ng Diyos. Hindi natin siya dapat hayaang magtagumpay sa kanyang pakana.” Angkop bang gawin ang bagay na ito? (Angkop.)
Ang mga hinirang bilang mga lider at manggagawa ay hinihingang magkaroon ng kakayahan at kapabilidad sa gawain; ngayon ay may mga hinihingi rin sa kanilang katangian. Ano ang masasabi ninyo, dahil ba ito sa ang karamihan sa mga tao ay hindi pasok sa mga pamantayan ng pagiging mga lider at manggagawa? Alin sa tatlong ito ang pinakamahalaga? (Pagkatao.) At ang pumapangalawa? (Kapabilidad sa gawain.) Pagkatapos noon? (Kung mayroon ba silang kakayahan o wala.) Talagang tumpak ang pagkakasunod-sunod na ito. Kapag pipili kayo ng mga lider sa hinaharap, sukatin sila ayon sa pagkakasunod-sunod na ito. Sinasabi ng ilang tao, “May problema sa pagkakasunod-sunod na ito. Ipagpalagay na nauuna ang pagkatao, at may ilang tao na may mabuting pagkatao pero may hindi gaanong mahusay na kakayahan, at kung mapipili sila bilang mga lider, hindi sila makagagawa ng kahit anong tunay na gawain—kung gayon, ayos pa rin ba na isaalang-alang lamang ang pagkatao ng mga tao?” Ang pagkatao ng mga tao ang pangunahing mahalaga, at ito ang unang bagay na dapat ninyong tingnan, pero hindi lamang ito ang tanging bagay na isasaalang-alang kapag naghahalal ng mga lider at manggagawa. Kung pasok sa pamantayan ang pagkatao ng isang tao, sunod ninyong tingnan ang kanyang kapabilidad sa gawain. Kung wala siyang kapabilidad sa gawain, at hindi niya kayang gumawa ng kahit anong tunay na gawain, puwede ninyong ipagawa sa kanya ang gawain na hindi masyadong mahirap para sa mga abilidad niya. Kung may mabuti siyang pagkatao, at kaya niyang pasanin ang gawain at subukan ang kanyang makakaya para gawin ito nang maayos, at siya ay mapagkakatiwalaan, at hindi na kailangang mag-alala ng sambahayan ng Diyos tungkol sa paggamit sa kanya, at nakakapagpatibay, nakakatulong, at kapaki-pakinabang siya sa karamihan ng mga kapatid, siya ay pasok sa pamantayan. Kung mahina naman ang kakayahan niya at wala siyang kapabilidad sa gawain, o kung karaniwan lang siya pagdating sa kanyang kapabilidad sa gawain, ipagampan ninyo sa kanya ang ilang simpleng gawain o ang iisang trabaho. Kung may mahusay siyang kakayahan at magaling na kapabilidad sa gawain, puwede siyang gumampan ng ilang mahalagang gawain o ilang iba’t ibang trabaho. Hindi ninyo man lang ba kayang magsagawa ng mga ganitong klaseng pagsasaayos? Kung hindi maganda ang pagkatao niya at wala sa tamang lugar ang puso niya, gaano man kahusay ang kapabilidad niya sa gawain, magagawa ba niya nang maayos ang gawain? (Hindi.) Kung namamahala siya sa isang kompanya o sa ilang kawani, maaaring hindi ito problema—ngunit anong mga isyu ang lilitaw kung hinilingan siyang mamahala sa iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos? Una sa lahat, talagang hindi niya pamamahalaan ang mga aytem na iyon o makakagawa ayon sa mga prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos. Wala sa tamang lugar ang puso niya, hindi niya minamahal ang katotohanan, at puro pakana lamang ang nasa puso niya, walang iba kundi mga buktot na ideya at kaisipan, kaya tuwing kumikilos siya, ginagawa niya iyon ayon sa sarili niyang mga kagustuhan, at batay sa sarili niyang mga interes, hindi batay sa mga katotohanang prinsipyo, ni sa pagiging patas. Isinasaalang-alang lamang niya kung ano ang mawawala o mapapala niya, at hindi niya iniisip ang mga prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos—at samakatwid ay nakatadhana siyang mabigo sa gawain ng mga lider at manggagawa. Paano ito natutukoy? Sa pamamagitan ng kanyang katangian; hindi ito natutukoy sa kapabilidad niya sa gawain. Kaya nga, kapag tinitimbang kung ang isang tao ay marangal o hamak, at kung naaabot ba niya ang mga pamantayan ng sambahayan ng Diyos para sa pagpili ng mga lider at manggagawa, tingnan muna ang kanyang pagkatao: Kung maaasahan at pasok sa pamantayan ang pagkatao niya, pagkatapos ay isaalang-alang kung siya ay nagtataglay ng kapabilidad sa gawain at may pasanin; pagkatapos ay isaalang-alang ang iba pang mga aspekto.
Ito ang ikasampung aytem ng mga responsabilidad ng lider at manggagawa. Ito ang humigit-kumulang na hinimay sa ikasampung aytem ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga huwad na lider. Puwedeng makita ng isang tao sa saloobin at mga pagpapamalas ng kung paano tinatrato ng mga huwad na lider ang mga materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos, na karamihan sa kanila ay walang konsensiya at katwiran, na masyadong mababa ang kanilang pagkatao at hindi sila umaako ng responsabilidad—puwede ninyong sabihin na wala sa tamang lugar ang puso nila. Hindi ba’t mayroon na tayong isa pang ebidensiyang magagamit ngayon para tukuyin na ang isang tao ay huwad na lider? Hindi kayang gumawa ng gawain ang ilang huwad na lider dahil mahina ang kakayahan nila, at dahil bulag sila at wala silang kabatiran sa mga bagay-bagay. Ang ilan ay hindi gumagawa ng aktuwal na gawain dahil wala sa tamang lugar ang puso nila, at naroroon sila para lamang sa kanilang mga sariling pakinabang—hindi nila itinataguyod ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at wala silang pakialam kung mabuhay man o mamatay ang hinirang na mga tao ng Diyos. Dapat tanggalin at itiwalag kaagad ang bawat uri ng huwad na lider hangga’t posible, para maiwasan ang mga pagkaantala sa gawain ng sambahayan ng Diyos at ang pagkapinsala sa Kanyang hinirang na mga tao.
Mayo 1, 2021