Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (11) Ikatlong Seksiyon
Ang Maayos na Pamamahala sa mga Materyal na Aytem ng Sambahayan ng Diyos ay ang Responsabilidad ng Lahat ng Hinirang na mga Tao ng Diyos
Matapos maunawaan ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa, nauunawaan na rin ba ninyo ang mga prinsipyo na dapat maarok ng bawat kapatid sa kanilang pagtrato sa iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos? Maaaring hindi kayo mga lider at manggagawa, pero dapat pa rin ninyong tuparin ang responsabilidad ng pangangasiwa. Karapatan ito ng hinirang na mga tao ng Diyos. Gayundin, pagdating sa iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos—ang lahat ng klase ng mga aklat at instrumento; ang pang-araw-araw na pagkain, inumin, at mga aytem; at iba pa—dapat ay tratuhin ito ng lahat nang may pagmamahal at malasakit. Dapat ding magsagawa ang lahat ng mga regular na pagsubaybay, pagkukumpuni, at pagmementena sa iba’t ibang bagay na ginagamit nila, at dapat nilang makatwirang gamitin ang mga ito—huwag hayaang masira o masayang ang mga ito habang nasa iyo, o itapon ito nang basta-basta. Sinasabi ng ilan, “Hindi naman sa akin ang bagay na ito. Hindi ko naman ito binili gamit ang pera ko. Ibinigay ito sa akin ng sambahayan ng Diyos—pag-aari ito ng publiko. Hindi ko kailangang isipin kung kailan ito minementena at kinukumpuni, o kung saan ito nakatago. Hindi ko ito puwedeng dalhin kasama ko, na para bang kinamkam ko ito.” Makatwirang pag-iisip ba ito? Hindi ba’t talagang makasarili ito at walang pagkatao? (Ganoon nga.) Kung gayon, anong mga prinsipyo ang dapat na sundin sa paggamit ng mga materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos? Kung may isang bagay na inilaan para magamit mo, ikaw ang dapat magkumpuni at mag-ingat dito habang ginagamit mo ito. Ikaw ang ganap na responsable; kahit wala ang pag-uudyok o pangangasiwa ng iba, dapat mong tratuhin, pahalagahan, at protektahan ang aytem na ito na para bang personal mo itong pag-aari. Iyon ang ibig sabihin ng magkaroon ng pagkatao. Anumang kondisyon ng bagay na iyon noong ibinigay ito sa iyo, kapag hindi ka na pinapayagang gamitin ito o tapos ka na rito, dapat mo itong ibalik sa taong nagtatago nito nang buong-buo at nasa orihinal na kondisyon nito. Ito ang tinatawag na pagkakaroon ng katwiran; ito ay isang bagay na dapat nasa pagkatao. Sinasabi mong nananampalataya ka sa Diyos, na may konsensiya at katwiran ka, na mahal mo ang katotohanan, hinahangad mo ito, at nagpapasakop ka rito, pero kung ni wala kang kahit na pinakamababang pagkatao na dapat mayroon ka sa pagtrato mo sa isang materyal na aytem, paano ka pa makapagsasalita tungkol sa pagmamahal sa katotohanan o pagsasagawa rito? Hindi ba’t medyo napakahungkag nito? Kung ni hindi mo matupad ang responsabilidad na dapat mong gawin sa pagtrato mo sa isang materyal na aytem, ibig sabihin nito ay hindi mabuti ang pagkatao mo—“walang pagkatao” ang karaniwang paraan na sabihin ito. Dagdag dito, paano mo man gamitin ang sarili mong mga gamit, magaslaw ka man o metikuloso sa pagtrato sa mga ito, karapatan mo iyon. Walang makikialam. Pero may mga prinsipyo ang sambahayan ng Diyos para sa paggamit sa mga gamit nito. Ang mga prinsipyong ito ay nakabatay lahat sa konsensiya at katwiran, at bagama’t maaaring hindi umabot ang mga ito sa antas ng katotohanan, kahit papaano ay umaayon ang mga ito sa mga pamantayan para sa pagkatao. Kung ni hindi mo matugunan ang pamantayang ito para sa pagkatao, kung ni hindi mo nga matrato at magamit nang tama ang mga instrumento at panustos na ibinibigay sa iyo ng sambahayan ng Diyos, kung mauunawaan mo ba ang katotohanan at makakapasok sa katotohanang realidad ay isang problema—kuwestiyonable ito. Kaya, pagdating sa pagtrato mo sa mga bagay na ito, may karapatan kang gamitin ang mga ito, at natural na may responsabilidad ka rin na kumpunihin, imentena, at ingatan ang mga ito. Dapat mong seryosohin ang mga bagay na ito. Kung gaya ng mga walang pananampalataya ay sinasabi mong, “Hindi naman ito sa akin. Hindi ko naman ito binili gamit ang sarili kong pera. Kung masisira ang pampublikong gamit, masisira ito—bumili na lang ng bago, o kumpunihin ito kung wala nang ibang magagawa. Magkaganoon man, hindi naman na para bang nalugi ako.” Kung ganoon ka mag-isip, problema iyon—nanganganib ka. Wala kang matuwid na karakter, at wala sa tama ang puso mo. Ang tipirin ang sariling mga gamit, pero hindi tratuhing importante ang mga gamit ng sambahayan ng Diyos, hindi pahalagahan nang may pagmamalasakit ang mga iyon—hindi ba’t isang tao iyon na ang puso ay wala sa tama? Gusto ba ng Diyos ang mga taong ang puso ay wala sa tama? (Hindi.) Sabihin mo sa Akin, sinisiyasat ba ng Diyos ang mga taong ang puso ay wala sa tama? (Sinisiyasat Niya.) Parehong sinisiyasat ng Diyos ang mga taong ang puso ay nasa tama at ang mga wala sa tama. Kapag tinatanggap mo ang pagsisiyasat ng Diyos, ano ang dapat gawin kung matuklasang nag-iisip ka nang ganoon? Hindi ito pansinin? Hayaan na lang ito na hindi nasusuri? Hindi ito intindihin? “Personal na bagay kung ano ba ang iniisip ko. Sino ka para makialam doon? Kung hahayaan mo akong gumamit ng isang bagay, may karapatan akong gamitin ito—ano’t ano man, ayos lang naman basta’t hindi ko sisirain ang kagamitan. Bakit ba napakahihirap at napakarami mong hinihingi?” Mabuting paraan ba ito ng pag-iisip? (Hindi.) Ito ay “kawalan ng pagkatao.” Kung may gayon kang mga kaisipan, dapat mong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos at sabihing, “O Diyos, may tiwali akong disposisyon, at mahina ang pagkatao ko. Iniisip ko dati na talagang marangal at kagalang-galang ako, na may dignidad ako; hindi ko akalaing ibubunyag ako ng maliit na aytem na ito: May mga makasarili akong pagnanais; wala sa tama ang puso ko; mayroon akong sarili kong maliliit na layon. Handa akong tanggapin ang pagsisiyasat at pagdidisiplina Mo, at handa akong magbago.” Dapat kang manalangin at magsisi sa harap ng Diyos, at hayaan Siyang siyasatin ka. Kapag tinanggap mo na ang pagsisiyasat Niya, paano mo dapat baguhin ang sarili mo? Sasabihin mong, “Imoral na mag-isip gaya ng ginawa ko dati—pag-iisip iyon ng mga walang pananampalataya, ng mga hindi mananampalataya. Hindi na ako puwedeng mag-isip nang gaya niyon. Hindi ko dapat tahakin ang daang iyon. Mananampalataya ako ng Diyos; kailangan kong maging isang taong may pagkatao at dignidad, kailangan kong gawin ang mga bagay na gusto ng Diyos. Kailangan kong baguhin ang paraan ko ng paggamit sa mga instrumento at kagamitan sa hinaharap. Kailangan kong pagpahingahin ang mga iyon kapag nararapat, kumpunihin ang mga iyon kung kinakailangan, at mentenahin ang mga iyon kung kinakailangan. Dapat kong madalas na linisin ang mga iyon, at regular na suriin ang iba’t ibang bahagi ng mga iyon para matiyak ang normal na paggamit. At maglilinis ako kaagad kapag tapos ko nang gamitin ang mga iyon, at ibabalik ko ang mga iyon sa taguan, para hindi mahayaan ang mga walang kinalamang tao na pakialaman ang mga ito.” Pagkatapos, kapag ginamit mong muli ang mga kagamitan sa hinaharap, magiging lalo kang maingat at maasikaso. Palaging magbabago ang mga pananaw mo, at bubuti ang mga paraan mo, magbabago mula sa dati mong makasarili at kasuklam-suklam na mga kaisipan at kilos at magiging pagkaramdam ng responsabilidad, pag-iisip na ingatan ang mga bagay-bagay, at pag-iisip na umako ng responsabilidad. Ang pagbabago sa iyong pag-iisip ang simula ng tunay na pagbabago ng iyong sarili. Ito ay nagiging pagbabago sa mga paraan mo kapag isinakatuparan mo ang pag-iisip at mga pananaw mo sa iyong pagsasagawa. Kapag umabot ka na sa antas na ito, saka makikita ng Diyos na talagang nagbabago ka at nagsisisi; ang mga pagbabago at pagpapalit na ito ay gagawin kang tunay na katanggap-tanggap sa Diyos. Ito ang pagsasagawa sa katotohanan. Ano ang pinakapangunahing bagay na dapat taglayin ng isang tao sa pagsasagawa ng katotohanan? Ang konsensiya at katwirang dapat taglayin ng mga tao. At may konsensiya at katwiran ba ang isang taong makasarili at kasuklam-suklam? (Wala.) Maaaring alam mo bilang doktrina na hindi mo puwedeng iwang pakalat-kalat ang mga aytem ng sambahayan ng Diyos, o sirain at sayangin ang mga iyon, o maging iresponsable sa mga iyon—pero sa puso at isipan mo, ano ang saloobin mo? “Ano ang saysay ng pag-iingat sa mga bagay na iyon? Ni hindi nga sa akin ang bagay na iyon.” Kokontrolin ng gayong pag-iisip ang pag-uugali mo, at kung magkagayon, may silbi ba sa iyo ang doktrinang alam mo? Wala—magiging doktrina lamang ito na wala man lang saysay. Kapag lang nagbago ang pag-iisip at mga pananaw mo, at tunay kang nagbago at nagsisi sa harap ng Diyos, saka magsisimulang magbago ang pag-uugali at mga praktikal na kilos mo. Doon lang magsisimulang magkaroon ng pagkatao ang isinasabuhay mo; doon ka lang magsisimulang pumasok sa katotohanang realidad. Ibinubunyag ng gayong maliit na usapin ang pagkatao ng isang tao, pati na rin kung minamahal ba talaga ng taong iyon ang katotohanan.
Ang pamamahala sa iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos ay isang responsabilidad na dapat tuparin ng mga lider at manggagawa, at dapat sama-samang maghandog ng pangangasiwa, tulong at buong pusong kooperasyon ang bawat isa sa hinirang na mga tao ng Diyos. Responsabilidad ito ng lahat. Dapat magsilbing mga halimbawa ang hinirang na mga tao ng Diyos. Dapat magsimula sila sa sarili nila—kapag lang ginawa nila mismo nang mabuti ang gawain nila saka sila magiging kalipikadong pangasiwaan ang iba, at timbangin kung angkop ba at naaayon sa mga prinsipyo ang ginagawa ng iba. Ito ay isang bagay na may kinalaman sa lahat, ibinubunyag ng maliit na bagay na iyon ang pagkatao ng mga tao, pati na rin ang kanilang saloobin sa katotohanan. Dapat gawin ng mga lider at manggagawa ang gawaing ito nang maayos at may buong sigla, nang ayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos, at dapat din tratuhin ng bawat ordinaryong kapatid ang usaping ito nang may kahigpitan at pag-iingat. Dapat mong madalas na pagnilayan ang iyong sarili, kung may mga problema ba sa iyong pagkatao at pag-iisip, kung anong klaseng saloobin ba ang mayroon ka. Kapag nalaman mong may problema sa saloobin at pag-iisip mo, dapat kang manalangin at magbago kaagad—at kapag pinamamahalaan o ginagamit mo ang mga gamit ng sambahayan ng Diyos, dapat mong pagsikapan na sa isang banda ay hindi sawayin ng konsensiya mo ni magkulang ka sa Diyos, at sa kabilang banda ay hangaan ng iba at mapasang-ayon sila sa ginagawa mo, at masabi nilang may pagkatao ka, na naririyan para makita ng lahat. Ang pangunahing bagay ay ang itaguyod ng mga tao ang mga prinsipyo kapag ginagawa ito. Ito ang obligasyong dapat tuparin ng mga tao, isang bagay na dapat makamit ng bawat miyembro ng sambahayan ng Diyos. Hindi lamang ito responsabilidad ng mga lider at manggagawa.
Kahit papaano ba ay malinaw na sa inyo ang ikasampung aytem ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa? Dahil naunawaan na ang mga prinsipyong ito, dapat maging mas maingat at metikuloso na ang mga tao sa paggawa sa gawaing ito, at dapat nilang lalong pagsikapan ito, at hindi maging tamad—kapag ganoon ay halos magagawa na nilang bawasan ang mga pagkasira at pagkasayang sa mga materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos, at maiingatan nila ang mga ito mula sa pag-angkin ng masasamang tao. Ito ay maaaring makamit. Bakit Ko sinasabing madali itong makamit? Ito ay mga usaping maaaring makaharap ng mga tao sa araw-araw na buhay nila sa tahanan. Madaling maging maingat sa pamamahala ng mga bagay sa sarili mong tahanan, kaya kung pangangalagaan mo ang mga gamit ng sambahayan ng Diyos na para bang sa iyo ang mga iyon, nang ayon sa mga hinihingi ng Kanyang sambahayan, at makatwirang ilalaan ang mga iyon, at mababawasan ang pagkasira at pagkasayang, at hindi hahayaang angkinin ng masasamang tao ang mga ito, kung magkagayon ay matutupad mo na ang responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Mukhang sa kalikasan nito, ang gawaing ito ay isang gampanin ng pangkalahatang usapin. Bakit natin ito tinatawag na gampanin ng pangkalahatang usapin? May kinalaman ito sa pamamahala sa mga materyal na aytem. Pamahalaan at ilaan mo nang maayos ang mga ito, at matutupad mo ang iyong responsabilidad. Gayundin, napakasimple ng prinsipyo ng gawaing ito—kinasasangkutan lamang ito ng iisang prinsipyo, at hindi ito kinasasangkutan ng mga komplikadong katotohanan. Basta’t may pasanin at mga tamang layunin ang isang tao, kaya niyang gawin nang maayos ang gawaing ito nang hindi nangangailangang maunawaan ang napakaraming katotohanan, at nang hindi nangangailangan na mabahaginan siya ng napakaraming katotohanan. Kaya, ang gawaing ito ay iisang gampanin, at ito ay isang gampanin ng pangkalahatang usapin. Ito ay isang gawaing madaling gawin ng mga lider at manggagawa. Basta’t medyo mas masipag ka, mas palatanong, mas mausisa, mas nagmamalasakit, at may mga tamang layunin, kaya mo itong gawin. Hindi talaga ito komplikado. Natapos na natin ang pagbabahaginan natin sa ikasampung aytem ng mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Ganoon lang iyon kasimple.
Ang Saloobin at mga Pagpapamalas ng mga Huwad na Lider Tungkol sa mga Materyal na Aytem ng Sambahayan ng Diyos
Ngayong nauunawaan na ninyo ang responsabilidad na ito ng mga lider at manggagawa, tungkol dito, hihimayin naman natin ang mga pagpapamalas na ipinapakita ng mga huwad na lider kapag ginagampanan nila ang gawaing ito, at kung ano-anong bagay na ginagawa nila ang nangangahulugang puwede silang mailarawan bilang mga huwad na lider. Una, kapag ginagawa ng mga huwad na lider ang gawaing ito, hindi nila kayang pangalagaan nang tama ang iba’t ibang aytem. Ang pangangalaga ang unang aytem ng mahalagang gawain pagdating sa lahat ng klase ng materyal na aytem. Magulo ang mga huwad na lider sa lahat ng ginagawa nila; bukod sa pagkaipit sa mahirap na sitwasyon pagdating sa katotohanan at sa iba’t ibang prinsipyong sangkot dito, magulo rin sila pagdating sa pangangalaga ng iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos. Hindi nila alam kung anong mga klase ng tao ang hahanapin para pamahalaan ang mga ito o ang paraan para pangalagaan ang mga ito. Wala silang mga tiyak na layon at walang mga partikular na plano, at lalong walang mga detalyadong hakbang sa paggawa ng gawaing ito. Kung may taong handang magsikap, mapangangalagaan ang mga aytem na ito; kung wala, hahayaan ng isang huwad na lider na kaswal ang mga ito na maisantabi. Hindi sila naghahanap ng angkop na tao para mangalaga ng mga ito o ng angkop na lugar para pagtaguan ng mga ito, at lalong hindi nila pinagbabahaginan ang mga partikular na prinsipyo ng pangangalaga sa mga ito. Gayundin, hindi sila gumagawa ng mga pagsasaayos para sa paglalagak, pagkukumpuni, at pagmementena ng mga materyal na aytem na ito sa hinaharap. Ang ilang huwad na lider ay ganap pa ngang walang alam tungkol sa kung anong mga aytem mayroon ang sambahayan ng Diyos—wala silang pakialam at hindi nila tinatanong ang tungkol dito. Ipagpalagay halimbawa na nag-imprenta ng mga bagong libro ng mga salita ng Diyos ang sambahayan ng Diyos. Kung ilang libro ang natira pagkatapos ipamahagi ang mga iyon, kung sino ang isinaayos na magtago ng mga iyon, kung paano itinatago ang mga iyon, at kung itinatago ba ang mga iyon sa tamang lugar—ang isang huwad na lider ay walang alam sa mga ito, at hindi rin siya magtatanong o mag-uusisa tungkol sa mga ito. Bakit siya hindi mag-uusisa? Iniisip niya na maliit na bagay ang pangangalaga ng mga materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos, na siya ay lider, isang taong gumagawa ng mahahalagang bagay, na eksklusibong nangangaral. Wala man lang siyang pakialam sa “maliliit na bagay” na ito, kundi ipinapasa niya ito para gawin ng mga taong walang nauunawaang kahit ano, at wala silang pakialam kung maayos ba itong nagagawa o hindi. Kaya, hindi man lang nila sineseryoso ang gawain ng pangangalaga ng mga materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos. Ito ang isang dahilan. Ang isa pa ay iyong magugulo ang isip ng ilang huwad na lider—hindi maayos ang mga isip nila. Wala silang normal na pag-iisip o kamalayan sa pangangalaga ng mga bagay, at wala silang proseso o landas kung paano pangalagaan ang mga aytem ng sambahayan ng Diyos. Kaya, hindi nila alam kung ilan sa mga ito ang nasisira, at hindi rin nila alam kung may mga nangyayaring pagsasayang. Kapag may ilang bagay na kinukuha ng masasamang tao, sinasabi ng isang huwad na lider, “Hayaan ninyo sila—ano’t anuman, nasa mga kamay naman ng Diyos ang lahat ng bagay.” Ang ilang mahahalagang aytem ay ginagamit ng mga indibidwal nang walang pagsang-ayon ninuman; kinukuha ng mga taong iyon ang mga bagay na ito, at hindi magamit ng iba ang mga iyon sa kanilang gawain, at walang nangangahas na hingin ang mga ito. Nagsasabi ang huwad na lider, “Hindi ito malaking usapin. Bumili na lang ng bago. Kinuha nila ang bagay na iyon, kaya hayaan nating gamitin muna nila iyon. Bagay lang naman iyan—pare-pareho lang naman kahit sino pa ang gumamit ng mga iyan. Kung hindi nila ito makatwirang ginagamit, sa pagitan na nila at ng Diyos iyon. Hindi na natin kailangang manghimasok.” Tingnan ninyo kung paano nila ipinapangaral ang isang malaking doktrina para “pangasiwaan” ang isyu, ginagawang maliliit ang malalaking isyu at ginagawang walang halaga ang maliliit na isyu. Walang tinutupad na mga responsabilidad nila ang mga huwad na lider pagdating sa pangangalaga ng iba’t ibang aytem ng sambahayan ng Diyos. Wala silang pakialam o pagtatanong tungkol dito, at hindi nila nilulutas o pinangangasiwaan ang anumang mga problema. Kahit siyasatin pa ng ang Itaas ang gawain nila, nagsasalita lang sila nang paiwas para malinlang ang mga ito, at iyon na iyon.
Ang ilang kapatid ay bumibili ng mga kagamitan, damit, at gamot para magamit ng sambahayan ng Diyos, at kapag nakita ng isang huwad na lider ang mga aytem na iyon, pagpipilian niya ang mga iyon at kukunin ang magagandang damit, sapatos, at bag para sa kanyang sarili, at hahayaan lang ang iba na kunin ang mga natira na hindi niya mismo kailangan. Kapag nakita ito ng mga hangal na pinamumunuan niya, sasabihin nila, “Pinili ng lider natin ang gusto niya—ngayon, tayo naman. Kapag tapos na tayo, itatapon natin sa mga kapatid na nasa ilalim natin ang mga walang kuwentang bagay na natira.” Kaninumang mga kamay mapunta ang mga ito, sila na ang magmamay-ari nito, at ang mga natitirang bagay na walang may gusto ay isasantabi na, at walang nangangalaga sa mga ito. Kaya, ang iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos ay may lugar para pangalagaan sa pangalan lang, pero ang totoo, hindi naman talaga ito pinangangalagaan—ang mga lugar na iyon ay tambakan, walang sinumang namamahala sa mga iyon. Basta na lang nilang inihahagis ang mga bagay sa kung saang lugar at hinahayaang matambak ang mga iyon. May mga damit, sapatos at medyas, gamot, at mga elektronika, pati na rin mga pang-araw-araw na gamit at kasangkapan sa kusina—gulo-gulo ito, may lahat ng klase ng basura doon, at kahit ang pagkain ng mga tao at pagkain ng mga aso ay magkakahalo. Kung tatanungin mo kung sino ang namamahala sa mga ito at kung pinagbubukod-bukod ba nila ang mga ito; o kung may mga tagubilin ba para sa mga ito, at kung paano kailangang pangalagaan ang mga ito; o, kung ang mga ito ba ay hindi kailangan para sa gawain ng sambahayan ng Diyos, kung kailangan ba ito ng mga kapatid—walang nakakaalam ng mga sagot. Talagang normal para sa mga kapatid na hindi ito alam, pero pati ang mga lider at manggagawa ay walang sagot sa kahit ano sa mga tanong na ito—ganap nilang iniiwasan ang responsabilidad para sa mga ito, sinasabing “Hindi ko alam,” o “May taong nag-aasikaso riyan,” at sa gayon ay binabalewala ka, at dinadaya ang sambahayan ng Diyos. Nagiging sanhi ito na hindi malutas ang mga problemang ito. Hindi mahirap para sa mga lider at manggagawa na humanap ng mga akmang tao para pamahalaan ang iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos, hindi ba? Ni hindi ginagawa ng mga huwad na lider ang simpleng gawain ng paghahanap ng isang taong tapat para pangalagaan nang maayos ang mga bagay na ito, para gumawa ng maaayos na rekord at panatilihing organisado ang mga ito. Ano ang ginagawa nila kung gayon? Kapag ang mga kapatid ay naghandog sa sambahayan ng Diyos ng mga damit o pang-araw-araw na pangangailangan, at nakita ng mga huwad na lider ang mga aytem na ito, dinadagsa nila ang mga ito, na parang kawan ng mga gutom na lobong sabay-sabay na lumalamon ng karne. Paulit-ulit silang nagsusukat ng alinmang damit na bagay sa kanila, walang tigil na namimili ng mga bagay para sa kanila. Kapag bumibili ang sambahayan ng Diyos ng iba’t-ibang klase ng mahahalaga at mamahaling kasangkapan at kagamitan, nagmamadali silang pumili ng magaganda para sa sarili muna nila. Bakit nila pinipili ang magaganda? Iniisip nila na bilang isang lider o manggagawa, mayroon silang espesyal na karapatang gumamit ng mga aytem ng sambahayan ng Diyos. Anumang ibinibigay ng sambahayan ng Diyos, palagi muna nilang pinipili ang pinakamagagandang bagay. Ganito nila tratuhin ang mga aytem ng sambahayan ng Diyos. Paggawa ba ito sa gawain? Hindi ba’t isa itong pagpapamalas ng mga huwad na lider? Pagdating sa mga bagay na may mga expiration date—halimbawa, ang mga pagkain at gamot—wala talagang pakialam sa mga ito ang mga huwad na lider. Hindi sila naghahanap ng mga angkop na tauhan para pamahalaan ang mga ito, ni sinasabihan ang mga tauhan na, “Ang ilan sa mga bagay na ito ay may mga expiration date kaya i-rekord mo kaagad ang mga ito. Bilisan mong ipamahagi ang mga ito sa mga kapatid bago ang petsa ng expiration ng mga ito, para makatwirang magamit ang mga ito—huwag mong hintaying masira ang mga ito; huwag mong hayaang masayang ang mga ito.” Hindi kailanman ginagawa ng mga huwad na lider ang mga ganitong bagay. Kapag may nae-expire, basta na lang nila ito itinatapon. Kapag gumagampan ng gawain ang mga lider at manggagawa sa sambahayan ng Diyos, sa mahigpit na pananalita, dapat sila ang maging mga katiwala ng sambahayan ng Diyos. Ang unang bagay na dapat nilang gawin ay ang makatwirang pangalagaan nang maayos ang mga aytem ng sambahayan ng Diyos, mahigpit na bantayan ang mga ito at magsagawa ng mga wastong pagbeberipika sa usaping ito. Ito rin ay isang pundamental na aytem ng gawain ng sambahayan ng Diyos, pero ni hindi makagawa ang mga huwad na lider ng gayong pundamental na gawaing gaya nito. Sila ba ay magugulo ang isip, mahihina ang kakayahan, at mga mangmang—o wala ba sa tama ang mga puso nila? Kung mangmang at magugulo ang isip nila, paanong alam nila kung paano mamili ng magagandang aytem para sa sarili nila? Bakit hindi nila iwan ang sarili nilang mga pag-aari o kaswal na ibigay ang mga ito sa ibang tao? Bakit hindi nila sirain o wasakin ang sarili nilang mga pag-aari? At bakit ganito ang saloobin nila sa mga gamit ng sambahayan ng Diyos? Malinaw na wala silang moralidad, at wala sa tama ang mga puso nila. Sa sandaling magkaroon ng katayuan ang mga lider at manggagawa, at nakaharap na ang mas malaking saklaw ng gawain ng sambahayan ng Diyos, nagkakaroon sila ng espesyal na karapatang gumamit ng iba’t ibang materyal na aytem at pampublikong pag-aari ng sambahayan ng Diyos, at sila ang pinakanakakaalam sa mga ito. Pero binabalewala nila ang mga ito, hindi nila wastong pinangangalagaan ang mga ito, at hinahayaan nila ang sinuman na gamitin at kunin ito, hinahayaan lang nila ang sinumang handang magmalasakit sa mga ito na gawin iyon, at kung may isang taong ayaw ingatan ang mga ito at na iresponsable, wala silang pakialam, at kahit pa malaman nilang may problema ang isang tao, hindi nila ito nilulutas. Mga huwad na lider ito. Sa puntong ito, ang kongklusyon natin ay iyong ang mga huwad na lider, bukod sa mahina ang kakayahan at hindi nagbubuhat ng pasanin, ay wala rin sa tama ang puso, at hindi maganda ang karakter. Dahil mahina ang kakayahan at walang abilidad na makaarok ang mga lider na ito, ang hindi nila pagiging mahusay sa gawaing may kinalaman sa katotohanan at buhay pagpasok ay kayang intindihin. At dahil mahina ang kakayahan nila at wala silang kapabilidad sa gawain, ang hindi nila pagiging mahusay sa gawaing may kinalaman sa administrasyon ay isang bagay rin na maaaring palampasin. Pero iyong hindi man lang nila magawang gampanan ang gawaing may kinalaman sa pamamahala ng iba’t ibang aytem ng sambahayan ng Diyos—na siyang pinakamababa at simpleng gawain—ay mas malinaw pang nagpapakita ng isang bagay: Para sa ilang huwad na lider, ang problema nila ay hindi kasingsimple ng pagkakaroon ng mahinang kakayahan at hindi pagbubuhat ng pasanin, bukod pa rito, napakababa ng kanilang karakter at ng kanilang pagkatao. Sa pamamagitan ng ating pagbabahaginan sa ikasampung responsabilidad ng mga lider at manggagawa, isa pang pagpapamalas ng mga huwad na lider ang nabunyag: Hindi lamang sila may mahinang kakayahan, hindi nagbubuhat ng pasanin, at nagpapasasa sa kaginhawahan ng laman—mababa rin ang kanilang karakter, at wala sa tama ang puso nila. Wala silang pakialam sa mga bagay na hindi sa kanila—hindi nga nila ito pinangangalagaan. Ginawa kang katiwala ng sambahayan ng Diyos, pero hindi ka tumatanaw ng utang na loob at hindi mo pinoprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos habang nagiging palamunin nito; kaswal mong inihahagis sa isang lugar ang mga gamit ng sambahayan ng Diyos, na para bang sa mga tagalabas ang mga ito, at hindi mo pinangangalagaan ang mga ito, at sa tingin mo ay hindi ito malaking usapin. Hindi ito kabiguang tuparin ang mga responsabilidad mo—problema ito sa iyong pagkatao, malaking kawalan ito ng moralidad! Ang hindi maayos na pangangalaga ng mga bagay na dapat nilang pangalagaan, o ang hindi pangangalaga sa mga ito, ay nagpapahiwatig na walang pagkatao ang mga huwad na lider, at na wala sa tama ang puso nila. Hindi man lang nila mapangalagaan nang maayos ang mga aytem ng sambahayan ng Diyos, kaya kung ilalaan nila ang mga ito, makatwiran ba nilang magagawa iyon? Mas lalo pa nga silang nagkukulang sa pagkilos nang naaayon sa mga prinsipyo. Nakikita nilang pabayang itinatapon, nasisira, at nasasayang ang mga gamit ng sambahayan ng Diyos, nang walang sinumang mabuti na namamahala sa mga iyon, at alam na alam nila sa kanilang puso na hindi tamang gawin iyon—pero hindi pa rin nila ito pinangangasiwaan. Iyon ay pagkakaroon ng isang pusong wala sa tama. Ang mga walang-kuwentang tao bang iyon, na wala sa tama ang puso, ay makatwirang makapaglalaan ng iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos? Lalo ngang hindi nila magagawa iyon—kung ipapagawa mo sa kanila na ilaan ang mga bagay na iyon, gagawa sila ng mga bagay na mas lalong walang moralidad.
Sa isang iglesia na nasa bukid na nag-aalaga ng mga aso, ang taong responsable sa pag-aalaga sa mga ito ay masyadong nagmamalasakit nang husto sa mga bagong panganak na tuta. Natatakot siya na hindi makukuha ng mga tuta ang nutrisyong kailangan ng mga ito, kaya nag-apply siya para sa mga organikong itlog na ipapakain sa mga aso. Inaprubahan kaagad ng huwad na lider doon ang hiling; hindi niya inisip kung gaano kakaunti ang mga organikong itlog. Hindi nga sapat ang mga iyon para makain ng mga tao, kaya bakit niya ito ibibigay sa mga aso? Hindi ba’t isang kakatwang paraan ito ng pangangasiwa sa usaping ito? Ano ang kalikasan ng pag-uugaling ito ng huwad na lider na iyon? Paano ito dapat ilarawan? Hindi ba’t kakatwa ang pagsasagawang ito ng huwad na lider na iyon? Ang sinasabi ng huwad na lider na iyon sa lahat ng oras, tuwing ibinubuka niya ang kanyang bibig, ay mga doktrina na umaakma sa panlasa ng mga tao, pero ang totoo, hindi niya nauunawaan ni katiting ang mga katotohanang prinsipyo, kaya kapag may nangyayari, hinaharap at pinapangasiwaan niya ito nang ayon sa mga imahinasyon, kagustuhan, at pansariling nais ng tao—at sa huli, nauuwi siya sa paggawa ng kasuklam-suklam na bagay gaya ng pagpapakain ng mga organikong itlog sa mga aso. Maituturing bang makatwiran ang ganitong klase ng paglalaan ng huwad na lider na iyon sa mga aytem ng sambahayan ng Diyos? (Hindi.) Bakit hindi niya makamit ang makatwirang paglalaan? Sa panlabas, mukhang nakikialam, nagmamalasakit, at sumusubaybay ang huwad na lider na iyon kahit sa napakaliit na usaping ito, at na siya ay may sapat na dahilan at mga batayan para suportahan ang aplikasyong ito—pero kumikilos ba siya nang naaayon sa mga prinsipyo? Kumikilos ba siya nang ayon sa mga prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos? Hindi. Kaya, kung titingnan ang kalikasan ng kilos niyang ito, ito ba ay mabuting gawa o masamang gawa? Pagtupad ba ito sa kanyang responsabilidad o isang kapabayaan? Ito ay isang kapabayaan—ito ay walang prinsipyo, ito ay walang ingat na paggawa ng masasamang bagay! Sa pamamagitan ng usaping ito, ano ang nakikita ninyong diwa ng pagkatao ng huwad na lider na ito? Hindi ba’t ito ay baluktot na pagkaarok at pikit-matang pagpapatupad ng mga patakaran? Ang bukambibig niya ay tamang mga doktrina, at para bang walang maling parirala rito, pero ang totoo, baluktot ito. Ang gayong mga tao ay huwad na espirituwal at may baluktot na pagkaarok—mga piraso sila ng basura na walang espirituwal na pang-unawa. Kababanggit lang natin ngayon na ang pagkatao ng mga huwad na lider ay iyong mababa ang kanilang karakter at wala sa tamang lugar ang mga puso nila. Wala silang mga prinsipyo pagdating ng oras ng paglalaan sa mga aytem ng sambahayan ng Diyos, at pikit-mata nila itong inilalaan, na nagbubunyag na ang mga huwad na lider ay baluktot sa kanilang pagkaarok at pikit-mata nilang ipinapatupad ang mga patakaran, at wala silang prinsipyo sa kanilang mga kilos—kumikilos lang sila nang pikit-mata at padalos-dalos. Sa panlabas, mukhang napakabuting loob at napakabait ng mga huwad na lider, pero ang totoo, ito ay huwad na kabutihang loob at huwad na kabaitan. Halimbawa, noong manganak ng mga tuta ang isang aso, sinabi ng tagapag-alaga na dapat niyang bigyan ang mga aso ng isang bagong kumot na para dapat sa mga tao. Pagkatapos ay may nagsabi, “Sayang naman kung ibibigay ang isang bagong kumot sa mga aso—magiging mas mabuti kung ibibigay na lang ito sa mga kapatid, at ibibigay na lang sa mga hayop ang lumang kumot na papalitan na natin.” Ano ang tingin ninyo sa mungkahing ito? Ang paglalaan sa mga tao ng mga bagong bagay at ng mga lumang bagay naman sa mga hayop ay talagang makatwiran. Ito ang prinsipyo; ito ay makatwirang paglalaan. Paano pinangangasiwaan ng mga huwad na lider ang gayong mga bagay kapag nahaharap sila sa mga ito? Pagkatapos itong marinig, nagbulay-bulay ang huwad na lider doon: “Hindi kailanman nakakagamit ng mga bagong bagay ang mga hayop. Palaging gumagamit ng mga luma at maruruming bagay ang mga ito. Tayong mga tao ay palaging nakakagamit ng mga bagong bagay. Sinabi ng mga salita ng Diyos na minsan ay hindi tayo kasing-buti ng mga baboy o aso. Kaya, huwag tayong makipag-agawan sa mga baboy at aso sa mga bagay-bagay. Kawalan iyon ng pagkatao.” Kaya, sa huli, ibinigay niya ang bagong kumot sa mga hayop. Maaaring hindi nawalan ang mga tao roon sa paggamit ng lumang kumot, pero ang paraan ng pangangasiwa sa bagay na ito ay lubos na naglalarawan sa isyu. Anong papel ang ginampanan ng huwad na lider sa usaping ito? Masasabi ba ninyo na magagawa ng mga normal na tao ang gayong bagay? (Hindi.) Kung gayon, anong klase ng mga tao ang hahayaang umabot sa puntong ito ang mga bagay-bagay habang pinangangasiwaan ang usaping ito? (Mga kakatwang klase na walang katwiran o pag-iisip ng mga normal na tao.) Tama lahat ang mga sagot na ito—mga walang kuwenta ang mga taong iyon. Kapag nahaharap ang mga normal na tao sa isang bagay na gaya nito, alam nila kung paano ito pangasiwaan nang makatwiran, pero ang mga huwad na lider na nagkukunwaring espirituwal na may baluktot na pagkaarok ay hindi alam kung paano ito pangasiwaan. Ang paraan nila ng pangangasiwa rito ay mukha ring may batayan, at mukha rin itong naaayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos, at nasusuportahan ng maraming makatwirang pagmamatuwid—pero pagkarinig dito ng mga tao, hindi nila alam kung tatawa ba sila o iiyak, dahil napakahangal nito. Paanong ni hindi nila maintindihan ang gayong simple at malinaw na lohika? Paano sila nauuwi sa pangangasiwa rito sa ganoon kabaluktot na paraan? Nakakasuka ito. Kung gagawin mo silang mga tagapangasiwa, gagawin nila na manghuli ng mga daga ang mga aso, na magbantay ng bahay ang mga pusa, at na humiga ang mga baboy sa mga kama—magiging magulo ang lahat. Kaya ba ng mga huwad na lider ang makatwirang paglalaan ng iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos? (Hindi.) Kakaiba silang uri, mga taong naguguluhan, at kakatwang klase. Bukod sa mga huwad na lider na iyon na may napakabaluktot na pagkaarok at na ang puso ay nasa maling lugar, ginugulo at pinaghahalo rin ng karamihan sa mga huwad na lider ang ganitong uri ng gawain, bagama’t may kaunti silang kakayahan at hindi sila baluktot sa kanilang pagkaarok. Hindi man lang nila matupad ang pinakamabababang responsabilidad na dapat nilang gawin. Kaya, kapag tinanong mo sila tungkol sa gawaing ito, palaging pareho ang sagot nila: “Si Ganito-at-ganyan ang nag-aasikaso niyon. Si Ganito-at-ganyan ang nakakaalam. Kung may mga tanong ka, kakailanganin kong itanong kay Ganito-at-ganyan.” At iyon na ang huling maririnig mo tungkol dito. Ito ang pagpapamalas na ipinapakita ng mga huwad na lider kapag ginagawa nila ang gawaing ito.