Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (11) Ikalawang Seksiyon
Makatwirang Paglalaan
Pagdating sa mga materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos, may isa pang mahalagang bahagi ng gawain bukod sa pangangalaga sa mga ito: ang makatwirang paglalaan sa mga ito. Lahat ng aytem na ito ay para magamit ng mga tao—lahat ng iyon ay kapaki-pakinabang na bagay—kaya ang pangunahing layon sa pangangalaga sa mga iyon ay para makatwirang magamit ang mga iyon. Bago magamit nang makatwiran ang mga aytem na ito, kailangang makatwirang ilaan ng mga lider at manggagawa ang mga ito. Ano ba ang makatwirang paglalaan? Pagdating sa kung kanino dapat ibigay ang mga aytem na ito para magamit, may mga prinsipyo at panuntunan ang sambahayan ng Diyos. Ang pangunahing layon ng mga aytem na ito, inihandog man ng mga kapatid o binili ng sambahayan ng Diyos ang mga ito, ay hindi para itambak bilang pantulong o panlimos para sa kawanggawa; sa halip, ang mga iyon ay para magamit ng lahat ng kapatid na gumagawa ng kanilang mga tungkulin nang full-time. Kung gayon, kung paano dapat ilaan ang mga ito—kung ano ang mga prinsipyo sa paglalaan ng mga iyon—ay isa pang responsabilidad na dapat tuparin ng mga lider at manggagawa sa kanilang pamamahala sa iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos. Binanggit natin dito ang makatwirang paglalaan; sa kasong ito, ang pagiging “makatwiran” ay ang prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos.
I. Makatwirang Paglalaan sa mga Aklat ng mga Salita ng Diyos
Sisimulan natin sa mga libro ng mga salita ng Diyos. Tuwing nagbibigay ng mga bagong libro, may mga hinihingi at panuntunan ang sambahayan ng Diyos pagdating sa mga prinsipyo tungkol sa kung kanino dapat ibigay ang mga librong iyon. Sa iglesia, may mga taong nagbabasa ng mga salita ng Diyos at may mga taong hindi nagbabasa ng mga iyon, may mga taong nagmamahal sa katotohanan at may mga taong hindi nagmamahal dito, at may mga taong gumagawa ng mga tungkulin at may mga taong hindi gumagawa—dapat magkaroon ng pagkakaiba-iba sa pagitan ng mga ganitong uri ng mga tao. May ilan ding mga espesyal na libro sa uri ng mga aklat-aralin—gramatika, mga diksiyonaryo, at iba pang gayong mga instrumental na libro. Dapat ipamahagi ang lahat ng ito nang mahigpit na naaayon sa mga prinsipyo. Dapat ibigay ang mga ito sa mga nangangailangan nito, at hindi sa mga hindi nangangailangan. At pagkatapos ay may ilang instrumental na libro na kakaunti lang na iniimprenta—kung ibibigay ito sa isang indibidwal, ano ang hinihingi sa indibidwal na iyon? Puwede mong basahin ang mga iyon, pero huwag mong sirain ang mga ito; huwag mong iwan sa kung saan-saan ang mga ito o basta-bastang pilasin ang papel ng mga iyon. At dapat na ibalik ang mga iyon sa orihinal na puwesto kapag tapos mo nang basahin. Pagdating naman sa mga aklat ukol sa pananampalataya sa Diyos, dapat ipamahagi ng mga lider at manggagawa ang mga iyon nang mahigpit na naaayon sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, at dapat nilang hayaan ang mga hinirang na tao ng Diyos na maunawaan din ang mga prinsipyo, at kumilos ayon sa mga ito.
II. Makatwirang Paglalaan sa Iba’t Ibang Uri ng Kagamitan
Ang kasunod ay kung paano ilaan ang iba’t ibang klase ng mga kagamitan. Ito ay medyo kritikal na gampanin. Medyo mas istrikto ang paglalaan sa iba’t ibang klase ng mga kagamitan. Ang mga kagamitang iyon ay kinabibilangan ng mga elektronika, pati na rin ng mga kasangkapang kinakailangan para sa iba’t ibang propesyon. Kapag ipinamamahagi ito ng mga lider at manggagawa, may mga prinsipyo rin dapat doon. Ang mga binibigyan ng mga iyon ay dapat na mga taong kayang pamilyar na paganahin ang gayong kagamitan at gamitin ito nang tama at makatwiran. Kung ang isang tao ay baguhan o sadyang hindi alam kung paano ito gamitin, hindi ito dapat ibigay sa kanya. Ganito dapat lalo na sa magaganda at mamahaling elektronika, gaya ng mga mamahaling kamera at kompiyuter, pati na rin mga pang-rekord na kagamitan, mga photographic device, o mga kagamitang kailangan para sa video post-production—lalong hindi dapat ibigay ang mga ganitong kagamitan sa gayong tao, para maiwasan ang pagkasira nito. Dapat siguruhin ng mga lider at manggagawa na ang mga gumagamit ng gayong kagamitan ay, una, kayang pahalagahan ang mga kagamitan, at pangalawa, kayang gamitin at imentena nang tama ang mga ito. Halimbawa, may ilang kagamitan na ayon sa panuntunan nito ay dapat pagpahingahin nang sampung minuto pagkatapos ng dalawang oras ng paggamit dito para lumamig. Kung hindi ito palalamigin, masisira ang kagamitan at iikli ang buhay nito. Ang mga taong nagpapahalaga sa kagamitan ay gagamitin ito nang mahigpit na naaayon sa mga pag-iingat sa pagmementena; kusa nila itong susundin nang hindi mo sinasabihan, at magiging mas istrikto at mas tumpak pa sila kapag inudyukan mo sila. Angkop ang mga gayong tao na gumamit ng mga kagamitan; akma silang gumamit ng mga mamahaling bagay, dahil alam nila kung paano pahalagahan ang mga kagamitan, at sineseryoso nila ang pag-iingat sa pagmementena at pagkukumpuni rito. Ang gayong mga tao, na kayang pahalagahan ang mga kagamitan at gamitin ito nang normal, ang pinakaangkop para sa paglalaan at pamamahagi ng mga de-kalidad na kagamitan. Dapat magsagawa ang mga lider at manggagawa ng wastong pagbeberipika sa bagay na ito. Kung may mamahaling kompiyuter, at ibinigay ito para magamit ng kahit na sinong humiling sa pamamagitan ng pagsasabi na kailangan niya ito, tama ba ang prinsipyo roon? (Hindi.) Ano ang hindi tama roon? Para sa mga lider at manggagawa, ang isang bahagi ng pamamahagi at paglalaan ng gayong mga bagay ay dapat na ibatay sa propesyonal na kahusayan ng taong naatasan ng gawain; ang isa pang bahagi ay na dapat nilang ibatay ito sa antas ng pagpapahalaga ng taong iyon sa kagamitan, kung mayroon ba itong pagkatao, kung pinapahalagahan ba nito ang kagamitan kapag ginagamit niya ito. Kung hindi alam ng taong iyon kung paano pangalagaan ang kagamitan at hindi siya pamilyar sa mga kasanayan ng propesyon, at gusto lang niyang paglaruan ang kagamitan dahil sa pagkamausisa niya, kung gayon ay dapat siyang limitahan at pagbawalan na gamitin ito. Hindi siya angkop na gumamit at mangalaga sa de-kalidad na kagamitan. Sapat nang bigyan ng mga ordinaryong kagamitan ang mga gumagawa ng mga ordinaryong tungkulin. Ang mga taong may alam sa isang propesyon; may mabuting pagkatao; at marunong gumamit, magmentena, at magpahalaga sa mga kagamitan ay maaaring gumamit ng mga de-kalidad na kagamitan, dahil sanay sila sa isang propesyon at kaya nilang gumamit ng de-kalidad na kagamitan. Kung ang isang taong magulo ang isip o magaslaw ay bibigyan mo ng isang de-kalidad na bagay para magamit nito, masisira niya ang kagamitan sa loob lang ng ilang araw. Hindi na ito magagamit ng iba, at hindi magiging madaling kumpunihin ito. Hindi lamang nito hinahadlangan ang gawain ng iglesia, kundi sinasayang din nito ang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos. Ano ang ipinahihiwatig dito? Na ang gayong mga tao ay hindi angkop na gumamit ng magagandang kagamitan. Dapat na ibigay ang magagandang kagamitan para magamit ng mga taong may pagkatao, na alam ang pasikot-sikot ng isang propesyon. Sapat nang gumamit ng mga ordinaryong bagay ang mga hindi bihasa sa isang propesyon at mababa ang pagkatao. Makatwiran bang ilaan nang ganito ang mga bagay? (Makatwiran.)
Sa lahat ng uri ng materyal na bagay, ang iba’t ibang tao ay may magkakaibang paraan ng pagtrato sa mga ito. Bumibili ang ilang tao ng mamahaling kompiyuter, at pagkatapos ng dalawang taong paggamit ay mukha pa rin itong bago; kailanman ay wala kang makikitang bakas ng daliri sa screen nito, at napakalinis palagi ng keyboard, walang kahit na anong alikabok. Maayos at malinis din ang desktop, at ang nilalaman ng kompiyuter ay talagang organisado at malinaw lahat. Kung may magsasabi sa kanila na makasasama para sa screen kapag matagal itong ginagamit, itatanong nila kaagad kung ano ang pinakamagandang paraan para maprotektahan ang screen—kung aling paraan ang pinakamainam, iyon ang gagawin nila. Kung may magsasabi sa kanila na kailangang magpahinga ng kompiyuter pagkatapos ng mahabang paggamit, na hindi ito gagana nang maayos kapag masyado itong uminit, na makaaapekto ito sa haba ng buhay ng kagamitan, kapag natanto nila na mahigit dalawang oras na nilang ginagamit ang kanilang kompiyuter ay hihinto sila kaagad para palamigin ito. Kung mabagal itong lumamig dahil napakainit ng panahon, tatapatan nila ito ng bentilador. Tinatrato nila ang kagamitan nang may labis na espesyal na pangangalaga na para bang anak nila ito. Napakamaasikaso at napakamaingat nila kapag inilalagay ito sa bag nito, at kapag inilalagay nila ito sa mesa, kailangang linisin muna nila ang ibabaw ng mesa at ilalagay nila nang tama ang kompiyuter. Hindi ba’t kalakasan nila ito? (Oo.) Hindi lamang pinahahalagahan ng gayong mga tao mismo ang kagamitan—kapag nakikita nila ang iba na sinisira at winawasak ang kagamitan, hindi nila ito matiis. Angkop ang gayong mga tao na gumamit ng magagandang kagamitan. Bumibili rin ng mga mamahaling kompiyuter ang ilang tao na may pera, na hindi man lang nila pinapahalagahan kapag naiuwi na nila. Hindi nila nililinis ang mga ito, maging gaano man ito kaalikabok, at talagang narurumihan nila ang mga ito. Ang ibang mga tao ay gagamit ng isang kagamitan sa loob ng dalawang taon, at magmumukha pa rin itong bago; ginagamit naman ng mga taong ito ang isang kagamitan sa loob ng dalawang buwan, pero mukhang nagamit na ito sa loob ng sampung taon. Sabihan mo silang kailangang imentena ang mga kagamitan, at sasabihin nila, “Para saan pa ang pagmementena ng gamit na iyan? Ang mga kagamitan ay nagsisilbi sa mga tao, para sa pagseserbisyo sa mga tao. Kung masisira iyan, bumili na lang ng bago!” Dahil doon, nasira na ang kagamitan nang wala pang anim na buwan dahil sa maling paggamit. Ano ang tingin ninyo sa gayong mga tao? Angkop ba silang gumamit ng de-kalidad na kagamitan? (Hindi.) Gaano man kaganda ang mga kompiyuter na binibili nila, hindi nila iniisip na pahalagahan ang mga ito, kundi inihahagis lang nila ang mga ito at walang ingat na ipinapatong. Puno na ng mga gasgas ang ilan sa mga kompiyuter nila; ang ilan ay nasira dahil sa tubig; ang ilan ay bumagsak sa sahig at nabasag. Talagang walang ingat sila sa paggamit ng mga ito. May isang bagay na wala sa pagkatao ng mga gayong tao. Handa ba kayong maglaan ng magandang kagamitan para magamit ng gayong mga tao? (Hindi.) Ang ilang tao ay nagsusuot ng salamin, at palaging pinupunasan ang mga lente nito nang napakalinis, samantalang ang mga lente ng ibang tao ay madudungis, may mga dumi at bakas ng daliri at iba pang karumihan sa mga ito. Paano ba nila nagagamit ang mga iyon nang ganoon? Ang maiingat sa kanilang salamin ay maselan kapag inilalapag nila ito; talagang hindi nila hahayaang dumikit ang lente sa ibabaw ng mesa o sa kahit anong bagay, ni pababayaang magasgas ang lente o magkaroon ng anumang kudkod. Napakahalaga ng salamin lalo na sa mga taong malabo ang mata—paano mo pa ito magagamit kung nagasgasan mo na ang mga lente nito? Ang ilang tao ay pabaya sa kanilang mga salamin, at lumalabo na ang mga lente nito pagkatapos nila itong suotin nang maikling panahon lang. Hindi sila makakita nang malinaw kapag sinusuot nila ang mga ito—mas mabuti pa ngang hindi nila ito suot. Pero iniisip nilang ayos lang na isuot ito nang ganoon, na para bang walang pinagkaiba. Naguguluhan Ako rito: Hindi ba’t ang layon nila sa pagsusuot ng salamin ay para makita nang mas malinaw ang mga bagay? Ano bang makikita nila nang malinaw, kung puno naman ng gasgas ang mga lente niyon? Hindi ba’t magagaslaw ang mga taong ito? Talagang magagaslaw! May isang bagay na wala sa pagkatao ng napakagagaslaw na tao—hindi sila marunong mag-alaga ng mga bagay-bagay, lalo pa ang mag-isip na pahalagahan ang mga ito.
Pagdating sa mahahalagang kagamitan at kasangkapan ng sambahayan ng Diyos, ano ang responsabilidad ng mga lider at manggagawa? Kapag inilalaan ang gayong kagamitan, dapat itong ibigay sa mga angkop na tao. Ang mga gumagamit ng gayong mahahalaga at de-kalidad na kagamitan ay dapat mga taong talagang marunong magpahalaga sa mga bagay-bagay. Pahahalagahan nila ito, aalagaan ito, at imementena ito; kapag nasa kanila ito, makatitiyak kang hindi nila ito kailanman wawasakin o sisirain nang sinasadya o nang dahil sa mga bagay na kagagawan nila, maliban na lang dahil sa isang sandali ng kapabayaan o kawalan ng isang elemento ng karaniwang kaalaman. Maaaring gamitin ng mga gayong tao ang kagamitang ito; maaaring ilaan sa kanila ang de-kalidad at magandang kagamitan. Sa mga taong likas na hindi maingat sa paggamit ng mga bagay, ayos lang na bigyan sila ng mga ordinaryong bagay para magamit. Gayundin, ang mga tagapag-ingat ng mga gayong kagamitan at kasangkapan ay responsable sa pagtatabi ng mga rekord ng paggamit sa mga ito; kung sino ang kumuha ng kung ano at kung gaano katagal niya itong ginamit, o kung aling aytem ang eksklusibong magagamit ng isang tao, kung sino ang dapat magbayad ayon sa halaga nito kung ito ay masira. Dapat pumirma ang parehong panig sa mga bagay na ito, para patas at makatwiran para sa lahat ang mga bagay-bagay. Dapat ingatang mabuti ang mga kagamitan at kasangkapan, maikli o mahaba man ang paggamit dito; dapat matutuhan ng gagamit na gamitin ito nang tama, at kung pumalya ang mga ito, dapat kumpunihin kaagad ang mga ito. Mas metikulosong nagagawa ang gawaing ito, mas mabuti. Kung umusbong ang isang sitwasyon kung saan inaaresto ng rehimen ni Satanas ang mga tao, ang pinakamahalagang responsabilidad ng mga lider at manggagawa kapag nagkagayon ay ang ilaan ang mahahalagang kagamitan at kasangkapan sa mga maaasahan at mapagkakatiwalaang tao. Kapag naipadala na nila ito, dapat nilang bigyan ng ilang payo ang taong iyon, sabihan ito na, “Galing sa sambahayan ng Diyos ang mga bagay na ito, para magamit mo sa paggampan sa iyong tungkulin. Hindi ito dapat paglaruan. Dapat mong makatwirang gamitin ito at ingatang mabuti ang mga ito. Huwag mong sirain ang mga ito. Dahil kailangan para sa paggampan ng tungkulin ang mga kagamitan at kasangkapang ito, kung may masira sa mga ito, dapat magbayad ayon sa halaga ng mga ito. Kung maaantala ang gawain dahil sa nasirang kagamitan, isyu na iyon na may mas seryosong kalikasan, ibig sabihin ay may ilang panggugulo at pangwawasak na rito. Kaya, dapat mong malaman kung paano gamitin nang tama ang lahat ng klase ng kagamitan at kasangkapan sa paggawa ng mga tungkulin—hinding-hindi mo dapat sirain ang pagmamay-ari ng sambahayan ng Diyos. Siguruhin mong tandaan ang mga prinsipyong ito: makatwirang paggamit, at regular na inspeksiyon, pagkukumpuni, at pagmementena—kung may pumalya, iulat mo ito kaagad at mag-apply para sa pagpapakumpuni.” Para magawa nang maayos ang gawaing ito, sa isang banda ay dapat alam ng mga lider at manggagawa ang mga prinsipyo ng paglalaan at paggamit; sa kabilang banda, dapat nilang ipaalam sa mga gumagamit kung paano magmentena at mag-alaga, at kung paano magkumpuni kung pumalya ito, at iba pa. Ito ay karaniwang kaalaman na dapat unawain at taglayin ng mga tao pagdating sa pag-iingat at paggamit sa lahat ng klase ng kagamitan at kasangkapan.
Dapat makatwirang ilaan ng mga lider at manggagawa ang iba’t ibang kagamitan ng sambahayan ng Diyos. Halimbawa, kung ang isang tauhan sa paggawa ay nangangailangan ng isang kompiyuter na medyo komprehensibo ang mga katangian, dapat kang maglaan ng ganoon sa kanya. Kung sasabihin niyang hindi sapat ang isa, dapat mong itanong kung bakit, at dapat magtanong-tanong ka at alamin mo kung may katunayan ba ang sinasabi niya. Huwag kang basta-basta sumunod sa aplikasyon niya at bigyan siya ng kung gaano karaming kompiyuter ang hinihingi niya, na magbigay ng dalawa kung sinabi niyang hindi sapat ang isa, magbigay ng tatlo kung sinabi niyang hindi sapat ang dalawa. Hindi ba’t kapag ganoon ay namamahagi ka ng mga kompiyuter na para bang laruan ang mga iyon? Hindi ba’t pagiging walang-ingat iyon? Dapat mo munang imbestigahan ang sitwasyon at magpasya ka batay sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos. Huwag na huwag kang pabasta-bastang mag-apruba ng lahat ng uri ng aplikasyon, kung sakaling may ilang taong basta-basta na lang nag-a-apply na nagkukunwaring gumagawa sila ng isang tungkulin. Bukod dito, maaaring mangailangan ng de-kalidad na kompiyuter ang ilang tao na gumagawa ng mahalagang gawain, pero ang mga personal nilang kompiyuter ay may mas mabababang specs. Dapat na tingnan din ito kaagad ng mga lider at manggagawa, at makatwirang maglaan ng kagamitan. Ang pagbibigay ng mga kompiyuter ay dapat na pagpasyahan batay sa kalikasan ng gawain ng isang tao at sa mga kinakailangang de-kalidad na kompiyuter. Kung isang ordinaryong lider o manggagawa lang ang isang tao, at hindi siya gumagawa ng gawaing may kinalaman sa computer technology o paggawa ng video, at gumagamit lang siya ng mga kompiyuter para gumawa ng mga bagay gaya ng pag-i-internet, paghahanap ng mga sanggunian, at pagtawag, at wala siyang masyadong kinakailangan pagdating sa specs ng kanyang kompiyuter, uubra na sa kanya na gumamit ng ordinaryong kompiyuter. Ang alam lang gawin ng ilang nakatatanda ay mga simpleng operasyon gaya ng pagta-type, pag-o-online, at pagtawag, pero kapag naging lider o manggagawa na sila, binibigyan sila ng mga pinakamamahaling kompiyuter. Makatwiran ba ito? Hindi ba’t naghahanap sila ng mga espesyal na pribilehiyo? Hindi ba’t nagtatamasa sila ng mga pakinabang ng katayuan? (Ganoon nga.) Para saan gagamitin ang ganitong uri ng mga mamahalin at de-kalidad na kagamitan? Dapat ibigay ang mga iyon para magamit ng mga tauhang may kaugnayan dito ang gawain at mga tauhang propesyonal. Hindi ito dapat itugma sa katayuan ng isang tao. Maling pinaniniwalaan ng ilang lider at manggagawa na dapat silang magtamasa ng mga natatanging karapatan sa paggamit ng iba’t ibang aytem ng sambahayan ng Diyos. Panuntunan ba iyon sa sambahayan ng Diyos? Hindi. Sa sandaling maging mga lider at manggagawa ang ilang tao, binibigyan sila kaagad ng mga de-kalidad na kompiyuter, cell phone, at headphone, at binibigyan sila ng lahat ng klase ng de-kalidad na kagamitan. Ano ang kahihinatnan nito? Ginagawa ba talaga ito para magkamit ng magagandang resulta sa gawain? Hindi ba’t nagnanasa ng kasiyahan ng laman ang mga taong iyon? Para saan mo ba ginagamit ang mga de-kalidad na kompiyuter? Hindi ba’t nagdadaos ka lang ng mga pagtitipon online at nangangaral ng mga salita at doktrina? Marunong ka bang mag-upload ng mga video, o kaya mo bang gumawa ng mga video? Marunong ka bang magmentena ng seguridad ng network, o kaya mo bang gumawa ng mga website? Alam mo ba ang mga propesyong ito? Kung hindi, ano ang gamit sa iyo ng de-kalidad na kompiyuter? Hindi ba’t nakasusuklam gawin ito? (Ganoon nga.) Kung may sarili kang pera, walang makikialam kung ilang kompiyuter man ang bilhin mo, at walang manghihimasok gaano man ka-de-kalidad ang mga iyon. Ang pinag-uusapan natin ngayon ay kung paano makatwirang ilaan ang mga materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos. Ano ang ibig sabihin ng “makatwiran”? Kapag ginagamit ng mga lider at manggagawa ang de-kalidad na kagamitang ito ng sambahayan ng Diyos, maituturing ba iyon na “makatwirang” paggamit dito? (Hindi.) Hindi nila alam ang propesyon o kung paano gawin ang kahit ano. Makapagpapataas ba ng antas nila ang pagkakaroon ng de-kalidad na kompiyuter? Bakit ba sila nagpapasikat? Walang panuntunan ang sambahayan ng Diyos na nagbibigay ng natatanging karapatan ng paggamit at paglalaan ng mga materyal na aytem nito sa mga lider at manggagawa; wala silang ganoong natatanging pribilehiyo, at hindi ito makatwirang prinsipyo sa paglalaan ng mga aytem ng sambahayan ng Diyos—hindi talaga ito makatwiran. Maaaring bilhin ng isang tao mismo ang mga bagay na ito kung nasa posisyon siyang gawin iyon; kung hindi naman, at kailangang paglaanan siya ng sambahayan ng Diyos, sapat na ang gumamit siya ng mga ordinaryong kagamitan. Patas at makatwiran ito. Ang mga tunay na nakaaalam kung paano gamitin ang de-kalidad na kagamitang ito ay ang mga propesyonal na tauhang gumagawa sa gawaing ito, kaya dapat ilaan ng sambahayan ng Diyos ang kagamitang ito sa kanila. Ito ang ilang prinsipyong dapat maunawaan at maarok ng mga lider at manggagawa tungkol sa paglalaan ng mga materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos. Suriin ninyong muli, batay sa mga prinsipyong ito, para malaman kung ang mga bagay bang ito ay hindi makatwirang nailaan sa kung saan. Kung nagkagayon nga, bilisan ninyo at ituwid ito. Pagkatapos maging mga lider at manggagawa ng ilang tao, nakikita nila na walang sinuman sa sambahayan ng Diyos ang nagpapalakas sa kanila, na walang nagbibigay sa kanila ng mga de-kalidad na aytem, at na suot pa rin nila ang mga sarili nilang lumang damit, ginagamit pa rin nila ang sarili nilang napakaordinaryong maliit na kompiyuter, at na hindi pa sila binibigyan ng sambahayan ng Diyos ng magandang kompiyuter. Kaya, nagpupunta sila sa pangkat ng pananalapi at nag-a-apply na bumili ng isang kompiyuter. Makatwiran ba ito? (Hindi.) Sinasabi nila, “Kung hindi mo ito ibibigay sa akin, hindi ko gagawin ang tungkulin ko—hahanap ako ng pagkakataon para ibili ako ng sambahayan ng diyos ng mas de-kalidad na kompiyuter, isang mas bagong modelo, iyong mas mabilis!” Napakalakas ng loob nila—wala silang hindi pangangahasang gawin. Pagkatapos maging lider ng mga taong ito, tinatrato nilang kanila ang sambahayan ng Diyos, iniisip na, “Akin din ang pera ng sambahayan ng diyos—gagastusin ko ito kung paano ko gusto!” Ito ay isang bagay na kayang gawin ng mga anticristo.
III. Makatwirang Paglalaan sa Iba’t Ibang Uri ng Pang-araw-araw na Suplay at Pagkain
Tapos na tayo sa pagtatalakay tungkol sa makatwirang paglalaan ng iba’t ibang materyal na aytem at kagamitan. Kasunod nito, pag-uusapan naman natin ang mga bagay para sa araw-araw na pamumuhay, halimbawa: ang mga pagkaing butil, gulay, at tuyong pagkain, pati na rin ang mga kinakailangang sangkap sa pagluluto, ang iba’t ibang suplementong pagkain, at iba pa. Ang mga aytem na ito ay hindi lang dapat makatwirang pangalagaan kundi dapat ding makatwirang ilaan. Kung gayon, paano makatwirang ilalaan ang iba’t ibang aytem na ito? May mga pamantayan ang sambahayan ng Diyos pagdating sa mga pagkain nito, at ang mga namamahala sa gayong mga aytem ay dapat na makatwirang ilaan ang mga iyon nang mahigpit na sinusunod ang mga pamantayang iyon. Hindi sila dapat magbigay ng mas maraming masasarap na pagkain sa mga malalapit ang loob sa kanila. Halimbawa, kung may biniling ilang masarap at de-kalidad na bigas, o kung ang ilang prutas o karne ay paminsan-minsan lang binibili, at nagbibigay ka ng mas marami nito sa sinumang may magandang relasyon sa iyo, o ibinibigay mo ang lahat ng magagandang bagay sa kanila, samantalang ibinibigay mo sa iba ang hindi magaganda—maituturing ba iyong makatwirang paglalaan? (Hindi.) Kung gayon, paano dapat sukatin ang “pagkamakatwiran” dito? Anong paraan ng paglalaan ang maituturing na makatwiran? Ang pantay na paglalaan, ayon sa mga prinsipyo at mga hinihinging pamantayan na itinakda ng sambahayan ng Diyos para sa mga pagkain, ang pagbibigay nang kung gaano ang dapat ipamigay. Kung sa tingin mo ay malapit ka sa isang tao, maaari mong ibigay rito ang parte mo. Huwag kang maging mapagbigay sa mga bagay na pagmamay-ari ng ibang tao, at huwag mong gamitin ang mga materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos para magpakita ng pagiging mapagbigay sa ibang tao; kung gusto mong maging mapagbigay, gawin mo ito sa mga pagmamay-ari mo. Hindi isang prinsipyo sa sambahayan ng Diyos ang pagiging mapagbigay—ang prinsipyo sa sambahayan ng Diyos ay ang makatwirang paglalaan. Ang pamamahagi ng pang-araw-araw na mga kinakailangan sa buhay at iba’t ibang pagkain ay dapat gawin ayon sa mga pamantayang itinakda ng sambahayan ng Diyos, hindi nang pabasta-basta. Natural lang na maaaring pangasiwaan at tingnan ng mga lider at manggagawa kung nasa tamang lugar ba ang puso ng mga taong responsable sa pamamahagi ng mga gayong bagay, kung makatwiran ba ang pamamahagi nila, kung ginagawa ba ang pamamahagi ayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos, kung paano ito iniuulat ng mga tao, kung may mga reklamo ba ang mga ito, at kung naasikaso ba ang lahat. Anong dapat gawin kung minsan ay kapos sa ilang bagay? Ayos lang bang itabi ng mga lider at manggagawa ang mga iyon para sila mismo ang kakain? Maaaring sabihin ng ilan, “Ang mga lider at manggagawa ang may pinakamataas na katayuan at katanyagan, at karaniwang sila ang pinakamaraming sinasabi sa atin, kaya natutuyo ang bibig nila. Kung mayroong magagandang bagay, itira natin ito para makain nila.” Ayos lang bang ilaan ang mga bagay nang ganito? (Hindi; dapat na itira ang mga bagay para sa mga tunay na nangangailangan ng mga iyon.) Kung kakaunti lang ang ilang medyo mamahaling produktong pangkalusugan, paano dapat ilaan ang mga iyon? Dapat ilaan ang mga iyon sa mga naggugol na ng kanilang sarili nang maraming taon para sa Diyos at nagbigay ng kontribusyon. Hindi maayos ang kalusugan ng mga taong ito dahil sa kanilang edad, pero may konsensiya pa rin nilang ginagawa ang kanilang mga tungkulin, at talagang nakinabang ang mga kapatid mula sa kanila. Kailangang medyo ingatan at alagaan ng mga taong ito ang kanilang katawan, at tama lang na hayaan silang kumain at gumamit ng mga produktong pangkalusugang iyon. Walang dapat mag-away dahil sa kakulangan ng supply. Ganito dapat ilaan ng mga lider at manggagawa ang mga bagay na ito. Makatwiran ba ito? (Oo.) Kung gayon, tututol ba ang karamihan ng tao sa gayong paglalaan? May nagsasabi bang, “Maaaring hindi ako ganoon katanda, pero marami akong gawaing kailangang gawin—mahigit walong oras akong gumagawa kada araw. Maaaring hindi gaanong mahusay ang paggawa ko, at maaaring hindi ko pa ito nagagawa sa loob ng maraming taon, pero hindi rin ganoon kaayos ang kalusugan ko paminsan-minsan. Bakit walang nagmamalasakit sa akin? Kapag may magagandang bagay, hindi ako kailanman nakatatanggap ng mga iyon, pero kapag may gawaing dapat magawa, palaging ako ang hinahanap”? Dapat bang bigyan ng parte ang taong gaya nito? Dahil may lakas siya ng loob na manghingi nito, magtira kayo para sa kanya—makatwiran ba iyon? Sasang-ayon ba kayong gawin ito? (Hindi.) Kung Ako iyon, sasang-ayon Ako. Bakit tayo masyadong mamomroblema sa mga gayong bagay? Hindi nabubuhay ang mga tao para sa kasiyahan; hindi sila nabubuhay para kumain, uminom, at magpakasaya. Bakit kailangang pag-awayan ang mga iyon? Kung may isang taong gustong makipaglaban para sa mga iyon, at medyo naaangkop naman ang sitwasyon niya, hayaan ninyong medyo matamasa niya ang mga iyon. Nabigyan siya ng kaunting espesyal na pabor, pero hindi ka mawawalan dahil doon; hindi kailangang masyadong mabahala. Kaya, ipagpalagay na may magsasabi, “Bakit hindi mo ako bigyan ng kaunti? Hindi rin maayos ang kalusugan ko; kung talagang makakakain ako ng masarap na pagkain, dahil sa bumuting kalusugan ko, makakaya ko na makagawa pa at magpasan ng higit pang pasakit para sa sambahayan ng Diyos, at mas magiging mahusay ang gawain ko.” Dahil humiling siya nang ganito, huwag mo siyang ipahiya sa pagtanggi rito, ipamahagi mo ang ilan sa kanya. Hindi dapat masyadong mabahala ang ibang tao rito—maging medyo mapagbigay ka. Hindi ba’t magpapatuloy ang buhay mo gaya ng dati kahit wala ang mga iyon? Hindi kapos ang ibinibigay ng Diyos sa mga tao; umaapaw at masagana ito—hindi kailangang pag-awayan ang mga bagay-bagay. Kung may ilang espesyal na aytem, at walang nakararamdam na kinakailangan niya ito o na kailangan niya itong tamasahin, ang alinmang klase ng tao na napagkaisahan ng karamihan na pinakaangkop ang dapat na bigyan nito para kainin. Binibigyang-diin natin ang pagkatao at makatwirang paglalaan ng mga bagay-bagay. Ang mga nagtatamo ng mga bagay na ito ay dapat na tanggapin ang mga ito mula sa Diyos at pasalamatan Siya para sa Kanyang biyaya. Hindi ito dapat pag-awayan ng iba. Kung gagawin mo iyon, hindi ka makatwiran, sinasadya mong manggulo, at wala ka na sa lugar. Ganito dapat harapin ang gayong mga espesyal na sitwasyon. Parehong may mga prinsipyo para sa mga espesyal na sitwasyon at sa mga ordinaryong sitwasyon; hindi dapat tratuhin nang pabasta-basta ang mga ito, lalo pa sa batayan ng mga hinihingi ng mga relasyon ng tao. Kapag makatwirang inilalaan ang mga ito, natupad na ng mga lider at manggagawa ang responsabilidad nila.
Sa paglalaan ng pang-araw-araw na suplay at pagkain, dapat ding gawin iyon ng mga lider at manggagawa batay sa mga tunay na sitwasyon, tunay na dami ng tao, at tunay na dami na kinakailangan, para mailaan ang mga iyon sa isang tunay na makatwirang paraan, na may layong hindi hayaang masayang ang mga iyon o magkaroon ng mga kawalan. Isang responsabilidad ito na dapat tuparin ng mga lider at manggagawa. Minsan, kapag wala silang pang-unawa sa mga partikular na sitwasyon, maaaring ilaan nila ang ilang bagay ayon sa isang pangunahing prinsipyo, at matuto kalaunan, sa pamamagitan ng puna at kasunod na pagsubaybay ng lahat, na hindi pala makatwiran ang paglalaan, na ito ay medyo nagapos ng patakaran. Sa ganoong sitwasyon, dapat pagbutihin nila sa susunod, para maiwasang magpabalik-balik ang ganoong problema at para mabawasan ang pagsasayang at kawalan. Iyon ay pagtupad sa kanilang responsabilidad. Siyempre, para maiwasan ang pagkasira at pagkasayang, sa isang banda ay dapat mas magtanong-tanong sila kapag naglalaan ng mga bagay-bagay; dapat din silang istriktong sumunod sa mga prinsipyo. Kinakailangan ito. Huwag basta-bastang ibigay ang mga bagay-bagay, nang hindi nagbibigay sa mga tunay na nangangailangan ng mga iyon, nang hindi nagbibigay sa mga gumagawa nang sinsero sa kanilang tungkulin, na may katotohanang realidad, kundi partikular na ibinibigay ang mga iyon sa mga nambobola na walang espirituwal na pang-unawa. Ang paggawa ba niyon ay pagkilos na naaayon sa mga prinsipyo? (Hindi.) Hindi ba’t ang paggawa niyon ay labis na pagsasawalang-bahala? Ang hindi pagkilos nang ayon sa mga prinsipyo ay hindi pagtupad sa mga responsabilidad ng isang tao. Ano ang tinutukoy ng pagtupad sa mga responsabilidad ng isang tao? Ito ay hindi ang paggawa nang pabasta-basta at pagsunod sa mga patakaran, at hindi ito natutupad sa pamamagitan ng paggawa sa mga serye ng mga itinakdang hakbang—sa halip, ito ay ang pagkilos nang napakahigpit na sumusunod sa mga prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos, habang tinitiyak din na walang nangyayaring mga pagsasayang o pagkasira ng anumang bagay sa sambahayan ng Diyos. Iyon ang ibig sabihin ng tunay na pagtupad sa iyong responsabilidad. Halimbawa, sa pagbibigay ng mga itlog sa limang tao, dapat ay bigyan mo ng isang itlog ang bawat tao kada araw, at bigyan mo sila kada sampung araw, kaya padadalhan mo sila ng eksaktong limampung itlog. Dapat mo silang bigyan sa ganitong paraan dahil, sa isang banda, kaunti lamang ito at madaling asikasuhin; bukod dito, eksaktong dami ito para makain nila. Talagang tama ang magsagawa nang ganito, nang ayon sa mga pamantayan at pagtatakdang hinihingi ng sambahayan ng Diyos—pagkilos ito nang ayon sa mga prinsipyo. Kung dahil sa takot na maabala ay bibigyan sila ng lider o manggagawa ng itlog na para na sa isandaang araw nang isang bigayan lang—limandaang itlog sa kabuuan—magiging angkop ba iyon? Sabihin ninyo sa Akin, alin ang mas madaling ibiyahe at ingatan, ang limampung itlog o ang limandaang itlog? (Ang limampu.) Mas madaling ibiyahe at ingatan ang mas kakaunting bilang. Ang ilang tao ay talagang nagpapadala na ng para sa isandaang araw, at bilang resulta, nababasag ang ilang itlog habang nasa biyahe, at nadudurog ang ilan kapag hinahatid sa destinasyon nito. Sa sunud-sunod na kaunting pagkabasag, isang bahagi ang nasisira. Dagdag pa rito, kapag nakikita ng mga tao na maraming itlog ang ipinamahagi, kaswal nila itong sasayangin, kaya wala na silang makakaing itlog bago pa dumating ang araw ng susunod na padala. Kaya, kapag nabasag at nasira ang mga itlog na ito, hindi ba’t dahil ito sa kapabayaan ng mga lider at manggagawa? (Oo.) Kung hihingi sila ng karagdagan, puwede mo ba silang bigyan niyon? Ayon sa mga prinsipyo, hindi mo na sila puwedeng bigyan ng karagdagan bago ang itinakdang petsa, pero ang pakiramdam nila ay naagrabyado sila kapag wala na silang makain. Ano ang dapat gawin dito? (Dapat silang bigyan sa takdang oras at ng tamang dami.) Ang pagbibigay sa kanila sa takdang oras at ng tamang dami ay pagkilos nang naaayon sa mga prinsipyo—iyon ay makatwirang paglalaan. Kapag naglalaan ng mga bagay na ito, dapat talagang sumunod ang mga lider at manggagawa sa prinsipyo ng makatwirang paglalaan at sa pamantayang hinihingi ng sambahayan ng Diyos, ipinamamahagi ang mga iyon sa takdang oras at nang regular. Bukod doon, dapat silang magkaroon ng isang maagap na pagkaunawa kung may mga kaso ba ng pagsasayang, kung mayroon bang mga muling aplikasyon o kahilingan para sa mga bagay na nagkulang dahil sa pagsasayang, at kung may mga kaso ba ng pagsasayang sa mga bagay na ipinamahagi na ayaw ng mga tao. Halimbawa, kapag parehong ipinamahagi ang karne at mga gulay, at karamihan sa mga tao ay gusto ng karne, kaya maaaring maubos nila ito sa loob ng tatlo o limang araw, at natitira ang mga gulay. Hindi nagtatagal ang mga gulay; ang iba ay nalalanta at nabubulok na pagtagal-tagal, kaya nauubusan na sila bago maibigay ang kasunod. Kaya maaaring may mag-apply muli at manghingi ng karagdagan. Dapat bang magbigay ng karagdagan sa ganitong klase ng sitwasyon? Makatwiran bang bigyan siya ng karagdagan? (Hindi.) Ang ibang tao ay palihim na kakainin ang karne at mga itlog, at uubusin ang lahat ng gulay na gusto nila samantalang nagsasabi ng lahat ng klase ng katwiran at pagdadahilan para hindi kainin ang ayaw nila. Kapag nanilaw at nabulok na ang mga gulay, sasabihin nilang hindi na ito puwedeng kainin, at ipapakain na lang nila ang mga ito sa mga baboy at manok, o kung hindi naman ay itatapon na lang, pagkatapos ay manghihingi ng karagdagan. Kapag naharap ang mga lider at manggagawa sa ganitong sitwasyon, paano nila ito dapat pangasiwaan? Kung sasabihin nila, “Bibigyan ko kayo ng mas marami sa susunod, dahil hindi pala iyan sapat—bibigyan ko kayo ng mas marami, dahil malakas kayong kumain,” iyon ba ang angkop na paraan para pangasiwaan ito? Hindi ba’t bulag iyon? (Oo.) Paano sila naging bulag? (Hindi nila nauunawaan kung ano talaga ang nangyayari: Ang pangunahing dahilan kung bakit hindi sapat ang pagkaing ibinigay nila ay dahil sinayang ito.) Nagkakaroon na agad sila ng kongklusyon nang hindi nauunawaan kung ano ba talaga ang nangyayari. Karamihan sa mga lugar ay may sapat na pagkain na ibinibigay nang ayon sa mga pagtatakda ng sambahayan ng Diyos. Bakit sa lugar lang na iyon palaging hindi sapat? Hindi ba’t kailangan ng partikular na imbestigasyon iyon? Dapat silang pumunta sa lugar na iyon at magtanong nang mabuti at detalyado tungkol sa sitwasyon, para malaman kung anong nangyayari. Sa huli, sa pamamagitan ng imbestigasyon nila at pag-unawa, napag-alaman nila na ang tagaluto sa lugar na iyon ay isang masama at imoral na tao, na pinapakain sa mga manok ang pagkain na para sa tao, na sinasadyang sayangin ang pagkain ng sambahayan ng Diyos. Talagang maselan siya sa kinakain niya, at masasarap na pagkain lang ang gusto niyang kainin. Hindi siya kakain ng gulay kapag walang karne, at kapag mayroon naman, ni hindi siya kakain ng tokwa. Kapag nakakakuha siya ng mga itlog, kinakain niya ang mga iyon tuwing oras ng pagkain. Eksklusibo niyang pinipili ang masasarap na pagkain at hindi kinakain ang kahit anong ordinaryong mga gulay, at wala rin siyang pakialam kung mabulok ang mga ito. Dahil sa pag-unawa ay napag-alaman na isang masamang tao ang tagaluto—kung gayon, dapat ba siyang bigyan ng dagdag na sustento sa susunod na magbigay ng mga bagay-bagay? (Hindi.) Sapat na ba ang hindi pagbibigay nang mas marami sa kanya? Paano dapat pangasiwaan ang problemang ito kapag natuklasan na? Palitan siya kaagad; halinhan siya ng isang taong may kaunting pagkatao para gampanan ang tungkulin. Tuklasin at lutasin kaagad ang problema, at itiwalag ang gayong masasamang tao, mga bulok na kamatis. Maaaring magtanong ang ilan, “Dahil hindi na sila nagluluto, ayos lang ba na magpakain sila ng mga manok?” (Hindi.) Kung pakakainin nila ang mga manok, hindi na mangingitlog ang mga manok; kung pakakainin nila ang mga baboy, mangangayayat ang mga baboy. Hindi puwedeng sila ang magpakain sa kahit na ano. Dapat paalisin ang mga gayong tao—hindi sila akmang gumawa ng isang tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Kung may iba pang matuklasang problema habang inilalaan ang mga materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos, dapat ding lutasin kaagad ang mga ito. Ano ang layon ng paglutas sa mga problemang ito? Para mabawasan ang pagkasayang at pagkasira na nangyayari sa mga materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos. Maaaring magtanong ang ilan, “Para malutas ang mga problemang iyon, kailangang puntahan ng isang tao ang kusina para mag-imbestiga. Hindi ba’t sinabi Mo na hindi pinahihintulutang pumunta sa kusina ang mga lider at manggagawa? Bakit ngayon ay puwede na?” Dalawang magkaibang isyu iyon. Hindi Ko sinabing hindi sila puwedeng pumunta—paghihimay ito sa hindi pagkaalam ng mga lider at manggagawa kung paano gumawa, sa pagtambay nila nang walang ginagawa at palakad-lakad lang, sa pagpapasasa sa mga pakinabang ng katayuan, sa palagi nilang pagpunta sa kusina para maghanap ng masasarap na makakain. Sa kasalukuyang kaso, pupunta sila sa kusina para lumutas ng mga problema, hindi para maghanap ng masasarap na makakain. Pumunta kayo kung kinakailangan, at huwag kayong pumunta kung hindi. Maraming kailangang gawin ang mga lider at manggagawa, at isa ito sa mga gampanin nila, isa na malalaman lang ang mga partikular na problema sa pamamagitan ng pagpasok sa kaloob-looban ng kusina at pag-unawa sa mga detalye. Kung malalamang hindi angkop ang isang tagaluto, dapat siyang tanggalin kaagad at palitan ng isa na angkop. Sa paggawa nito, matitiyak na ang mga aytem na ibinibigay ng sambahayan ng Diyos ay hindi masasayang at masisira. Paano Ko man ito sabihin, ang hinihingi sa mga lider at manggagawa ay iyong dapat nilang tuparin ang kanilang mga responsabilidad—kung ikaw ang dapat na mabahala at gumawa rito, dapat mo talagang ikabahala at gawin ito. Dapat mong pagmasdan at pakinggang mabuti kung ano ang sinasabi ng bawat klase ng tao—at siyempre, dapat mo ring matutuhan sa puso mo na magkaroon ng mga opinyon, kaisipan, at pagkilatis sa lahat ng klase ng bagay; ang isa pang mahalagang bagay ay ang isapuso ang mga prinsipyo na hinihingi ng sambahayan ng Diyos na masunod, at hindi lumihis sa mga iyon sa anumang pagkakataon. Anumang gawain ang ginagawa mo, dapat mo munang maunawaan kung anong mga prinsipyo at panuntunan ang hinihingi ng sambahayan ng Diyos; bago ka gumawa, dapat mong tanungin ang sarili mo nang ilang beses ng mga katanungang gaya ng: Malinaw ba sa akin ang mga prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos? Paano ba ito dapat gawin, kung ito ay dapat na gawin ayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos? Paano ba ito dapat gawin ayon sa mga prinsipyo sa mga espesyal na sitwasyon? Paano ba ito pangangasiwaan sa mga ordinaryong sitwasyon? Dapat mo talagang tanungin pa ang sarili mo ng mga ganito at ng iba pang gayong katanungan bago ka gumawa, at manalangin ka pa sa Diyos. Ang isang bahagi nito ay ang pagsusuri sa sarili; ang isa pa ay ang pagtanggap sa pagsisiyasat ng Diyos. Ang paggawa nito ay makakatulong sa mga lider at manggagawa na makagawa ng mas kaunting mga kamalian at paglihis sa kanilang gawain, makabawas ng pagkasayang sa mga materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos, at makabawas sa mga kawalan na nangyayari sa Kanyang sambahayan. Ang mas mahalaga ay iyong sa paggawa nito ay naitataguyod ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa at natutupad ang mga responsabilidad na iyon. Ito ang talagang dapat gawin ng mga lider at manggagawa. Ito ang hinihingi sa mga lider at manggagawa. Ang pangangalaga at paglalaan sa iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos ay hindi komplikadong gampanin. Sa isang banda, usapin ito ng pagiging pamilyar mismo ng mga lider at manggagawa sa mga prinsipyo; sa isa pang banda, dapat na mas ibahagi ng mga lider at manggagawa ang mga prinsipyong ito sa mga taong namamahala sa pangangasiwa ng iba’t ibang materyal na aytem, mas subaybayan ang mga bagay-bagay at subukang mas maunawaan ang mga bagay-bagay at mas imbestigahan ang kalagayan ng pamamahala, habang mas nakikipagbahaginan sa mga superbisor sa paglalaan ng iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos, para bigyan sila ng masinsinang pagkaarok sa mga prinsipyong ito. Siyempre, dapat ding patuloy na mag-usisa ang mga lider at manggagawa at magtanong kung paano inilalaan at ipinamimigay ng mga taong iyon ang mga aytem, at kung mayroon bang kahit anong espesyal na sitwasyon—halimbawa, kung inilalaan ba ng mga superbisor ang mga aytem ayon sa mga prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos sa iba’t ibang panahon, sa iba’t ibang pagkakataon, at sa mga sitwasyon kung saan ang iba’t ibang klase ng tao ay may iba-ibang hinihingi. Ang layon sa paggawa niyon ay para mabigyang-kakayahan ang iba’t ibang aytem ng sambahayan ng Diyos na magampanan nang epektibo ang mga papel nito, at na magamit nang makatwiran sa pinakamalawak na posibleng antas, at para mapangalagaan sa pinakamainam na posibleng pag-iingat, nang may pinakamainam na posibleng pagmementena. Ito ang responsabilidad ng mga lider at manggagawa.