Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (10) Ikalimang Seksiyon

Ang Pamantayan sa Pagsubok Kung ang mga Lider at Manggagawa ay Pasok sa Pamantayan

Sa pamamagitan ng pagbabahaginan ngayong araw, mayroon na ba kayong mas malinaw na pagkaunawa sa mga responsabilidad na dapat tuparin ng mga lider at manggagawa, at superbisor? Mayroon na ba kayong naiisip na mas magandang ideya? Mas tumpak na ba ang pagkaunawa ninyo sa papel ng mga lider at manggagawa? (Oo.) Sa isang banda, ang mga lider at manggagawa ay nagkamit ng kaunting pagkaunawa tungkol sa kung aling mga gampanin ang dapat nilang gampanan; sa kabilang banda, ang lahat ay mayroon nang ilang landas ngayon sa pagkilatis kung ang isang lider o manggagawa ay pasok ba sa pamantayan. Ayon sa mga hinihingi ng ikasiyam na responsabilidad ng mga lider at manggagawa, pasok ba sa pamantayan ang karamihan ng mga lider at manggagawa? (Hindi.) Kung gayon, sino-sinong mga lider at manggagawa ang maaaring maging pasok sa pamantayan, at sino-sino ang hindi? Iyong mga may kakayahan na pasok sa pamantayan, may kaunting praktikal na karanasan, may mga prinsipyo sa kanilang pangangasiwa sa mga bagay-bagay, at may pagpapahalaga sa pasanin para sa gawain ng iglesia, ay maaaring maging pasok sa pamantayan bilang mga lider at manggagawa pagkatapos ng ilang panahon ng pagsasanay. Gayumpaman, ang mga may mahinang kakayahan at walang abilidad na umarok, na hindi makaarok sa mga prinsipyo kahit gaano pa karaming katotohanan ang pinagbabahaginan, ay hindi maaaring maging pasok sa pamantayan bilang mga lider at manggagawa at maaari lamang silang matiwalag. Samakatwid, kung gusto mong maging isang lider o manggagawa na pasok sa pamantayan, at gusto mong mapili ng iba bilang lider o manggagawa, dapat mo munang suriin kung sapat ba ang kakayahan mo. Paano mo ito masusuri? Sa pamamagitan ng pagtingin kung kaya mo bang ipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain. Gamitin ang isang pagsasaayos ng gawain kamakailan, basahin ito, at subukin ang iyong sarili para makita kung mayroon ka ba ng mga hakbang at plano para sa pagpapatupad nito. Kung mayroon kang mga ideya at plano at alam mo kung paano ito ipatupad, dapat mong akuin ang gawain bilang iyong obligadong tungkulin kapag pinili ka ng mga kapatid. Gayumpaman, kung pagkatapos basahin ang pagsasaayos ng gawain ay blangko ang isipan mo, lubos mong hindi makilatis kung sino ang pinakaangkop na isaayos na mangasiwa sa gawain, at higit pa roon ay hindi mo makilatis kung paano partikular na ipatupad ang iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia, ni hindi mo rin alam kung paano makipagbahaginan, mangasiwa, mag-inspeksiyon, at sumubaybay, at wala kang maisip na mga hakbang o plano para sa pagpapatupad, pero pinagkakamalan ka ng ilang kapatid na isang taong may napakahusay na talento at angkop na maging lider o manggagawa, ano ang dapat na maging saloobin mo? Dapat mong sabihin, “Salamat sa papuri mo, pero sa totoo lang, wala akong gaanong talento. Wala akong kakayahan para dito—mali ang paghusga mo sa akin. Kung pipiliin mo ako bilang lider, maaantala nito ang gawain ng iglesia. Alam ko ang sarili kong tayog; ni hindi ko alam kung paano ipatupad ang isang simpleng pagsasaayos ng gawain—wala akong ideya kung saan magsisimula at wala akong kahit anong palatandaan. Kung walang pagkaunawa sa katotohanan, hindi magagawa nang maayos ang gawain ng iglesia. Kahit pa italaga ako ng ang Itaas, hindi ko ito magagawa. Hindi talaga ako nababagay para sa papel na ito.” Ano ang tingin mo sa ganitong uri ng pag-amin? Ang ganitong pagharap ay nagpapakita ng katwiran; ang mga taong nagsasabi nito ay mayroong mas higit na katwiran kaysa sa mga huwad na lider. Ang mga huwad na lider ay hindi kailanman makapagsasabi ng isang bagay nang may ganitong antas ng katwiran. Ang iniisip ng mga huwad na lider ay, “Pinili ako, kaya nararapat akong maging lider. Paanong hindi? May talento ako, kaya karapat-dapat ako. Problema ba ang hindi magawang ipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain? Sino ba ang ipinanganak na marunong nang gumawa nito? Hindi ba’t puwede ko naman itong matutuhan? Hangga’t kaya kong mangaral, sapat na iyon. Mayroon akong espirituwal na pang-unawa, alam ko at nauunawaan ko ang mga salita ng Diyos, kaya kong makipagbahaginan, at kaya kong mahanap ang landas ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos. Sanay ako sa paglutas ng mga tiwaling disposisyon at iba’t ibang kalagayan ng mga tao. Ang pagpapatupad sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos ay hindi malaking usapin. Hindi ba’t ito ay gawain lang ng pamamahalang administratibo? Nag-aral ako noon ng pamamahalang administratibo, kaya ang kaunting gawaing ito ng sambahayan ng Diyos ay hindi na problema para sa akin!” Hindi ba’t nanganganib ang gayong tao? (Oo.) Nasaan ang panganib? Nakikilatis ba ninyo ang usaping ito? (Hindi nila kayang gawin ang gawain at gagambalain at guguluhin nila ang gawain ng sambahayan ng Diyos, hindi lang nila pinipinsala ang kanilang sarili at ang mga kapatid, kundi inaantala rin nila ang gawain ng sambahayan ng Diyos.) Pinsala lang ba ito? Iyon ba ang kahahantungan nito sa huli? Kung iyon lamang, maaari pa rin itong malunasan. Ang pangunahing isyu ay na kung magpapatuloy ang isang huwad na lider sa kanyang papel sa loob ng mahabang panahon, susundan niya ang landas ng mga anticristo at sa huli ay magiging isang anticristo siya. Sa tingin mo ba, ganoon lang kasimple ang pagiging lider o manggagawa? Ang katayuan ay may kasamang tukso, at ang tukso ay may kasamang panganib. Ano ang panganib na ito? Ito ay ang posibilidad ng pagsunod sa landas ng mga anticristo. Ang pinakamalalang kahihinatnan ng pagsunod sa landas ng mga anticristo ay ang maging isang anticristo.

Sinasabi ng ilang tao, “Medyo mahina lang ang kakayahan ng ilang huwad na lider, pero hindi naman masama ang pagkatao nila. Maaari kayang sumunod sila sa landas ng mga anticristo?” Sino ang nagsabi na ang pagkakaroon ng pagkataong hindi masama ay nangangahulugan na hindi sila susunod sa landas ng mga anticristo? Gaano ba dapat sila kasama para masabing mga anticristo sila? Kaya mo bang kilatisin ito? Kung ang isang huwad na lider ay magpapatuloy sa kanyang papel sa loob ng mahabang panahon, nagsisimula na siyang tumahak sa landas ng mga anticristo. May agwat ba sa pagitan ng pagsunod sa landas ng mga anticristo at ng pagiging isang anticristo? (Wala.) Pag-isipang muli: Anong landas ang sinusundan ng mga huwad na lider na iyon? Hindi gumagawa ng partikular na gawain ang mga huwad na lider, at wala rin silang kakayahang gumawa ng partikular na gawain, pero gusto pa rin nilang tumayo sa matataas na posisyon para sermunan ang iba at himukin ang mga tao na pakinggan at sundin sila. Pagsunod ba ito sa landas ng mga anticristo? Ano ang kahihinatnan ng pagsunod sa landas ng mga anticristo? (Likas silang nagiging mga anticristo.) Bagama’t hindi likas na mga anticristo o masasamang tao ang mga huwad na lider, kung susundan nila ang landas ng mga anticristo sa loob ng mahabang panahon, nang walang pangangasiwa o nang walang sinumang nag-uulat at nagtatanggal sa kanila, kaya ba nilang mag-angkin ng kapangyarihan at magtatag ng mga nagsasariling kaharian? (Oo.) Sa puntong iyon, hindi ba’t naging mga anticristo na sila? Kaya, kita ninyo, hindi ba’t mapanganib ang papel ng isang huwad na lider? (Oo.) Ang pagiging huwad na lider ay napakamapanganib na. Bagama’t kasalukuyan nating hinihimay ang mga huwad na lider at hindi tinatalakay ang mga anticristo, may kaugnayan sa diwa ng dalawang ito. Sa katunayan, sinusunod ng mga huwad na lider ang landas ng mga anticristo. Ang pagsunod sa landas na ito ay likas na magtutulak sa kanila na maging mga anticristo, na itinatakda ng kanilang kalikasang diwa. Sa puntong iyon, hindi na kailangang tingnan ang kanilang pagkataong diwa; ang landas lang na sinusundan nila ay nagtatakda na kung sila ba ay mga anticristo. Isipin ninyo ang mga huwad na lider na tinanggal. Kung hindi sila maagap na tinanggal, batay sa kanilang diwa kung paano sila umasal at kung ano ang ibinunyag nila habang nasa panunungkulan sila, susunod ba sila sa landas ng mga anticristo sa huli? Magiging mga anticristo ba sila? Sa katunayan, may ilang tao na nagpakita na ng mga senyales nito, at ang sambahayan ng Diyos ang nagtanggal sa kanila kaagad. Kung hindi sila tinanggal, nagsimula na sana silang maging palamunin ng iglesia at ilihis ang mga tao. Nag-umpisa na sana silang kumilos gaya ng mga opisyal o panginoon sa matataas na posisyon, inuutus-utusan ang mga tao at nangmamando, pinasusunod ang iba sa kanila na parang sila ay Diyos. Ipinapahayag pa nga nila na ginawa silang perpekto ng Diyos at sila ay mga taong ginagamit ng Diyos. Hindi ba’t problema iyon? Kaya, paano natin dapat tingnan at ilarawan ang mga kalagayan at pagpapamalas ng gayong mga huwad na lider? Maaari silang paunang ilarawan bilang mga mapagpaimbabaw, mga taong palamunin ng iglesia, mga Pariseo. At ano ang mangyayari kung magpapatuloy pa ito? Bagama’t ang mga huwad na lider ay maaaring hindi kasinglupit o kasingbuktot ng mga anticristo, at bagama’t sa panlabas ay maaaring mukha silang may kakayahang magtiis ng paghihirap at gumawa ng mabigat na gawain, tumulong sa iba sa bawat pagkakataon, at maging matiyaga at mapagpasensiya sa mga tao, katulad lang ng mga Pariseo na naglakbay sa lupa at dagat para mangaral at gumawa, ano ang halaga nito sa huli? Kung hindi nila kayang ipatupad ang iisang gampanin, paano naiiba ang mga kilos at pag-uugali nila sa mga Pariseo? Nakatutulong ba sa gawain ng Diyos ang mga gawa nila, o ang mga ito ba ay sumusuway at nanggugulo sa gawain ng Diyos? Malinaw na nilalabanan ng mga ito ang gawain ng Diyos at hinahadlangan ang normal na pag-usad ng iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia. Hindi ba’t wala itong ipinagkaiba sa pag-uugali ng mga Pariseo at ng mga pastor at elder na iyon sa mundo ng relihiyon? Ang mga huwad na lider ay katulad lang ng mga ito. Kaya, paano natin sila dapat ilarawan? Ano ang mangyayari kung patuloy na kikilos ang mga huwad na lider? Bukod sa mabibigo silang ipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, sisimulan din nilang tuligsain, punahin, husgahan, kondenahin, at gawin ang iba pang gayong mga bagay sa mga pagsasaayos na ito—isang buong serye ng mga pag-uugali ng anticristo ang lilitaw. Hindi lang sila bigong ipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain, kundi nakahahanap pa sila ng iba’t ibang palusot para labanan at hadlangan ang pagpapatupad ng mga ito. Hindi ito pakikipagtulungan sa gawain ng Diyos, kundi paghahadlang at panggugulo sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Ginagamit nila ang kanilang sariling mga kuru-kuro at imahinasyon, at ang kapangyarihan at katayuang ibinigay sa kanila ng sambahayan ng Diyos, para hadlangan ang pagpapatupad ng mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t ito ang diwa ng problema? (Oo.) Ang mga huwad na lider ay hindi gumagawa ng tunay na gawain at hindi nila maipatupad ang iba’t ibang gampaning isinaayos ng ang Itaas, pero iginigiit pa rin nila ang kanilang katayuan para mangaral sa mga tao, iniisip na sila ang mga pinuno, ang mga kapitan, ng hinirang na mga tao ng Diyos. Ginagawa na sila nitong mga anticristo—mga tunay na anticristo. Tumpak ba ang paglalarawang ito sa gayong mga tao? Sobrang tumpak ito, walang anumang pagkakamali! Hindi ito lohikal na pangangatwiran kundi isang paglalarawan batay sa kanilang diwa. Ang mga hindi makapagpatupad sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos ay mga huwad na lider, at ang mga hindi nagpapatupad sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos ay mga huwad na lider din. Bago sila mabunyag bilang mga Pariseo, maaari silang ilarawan bilang mga huwad na lider. Gayumpaman, mula sa sandaling maging mga Pariseo sila at maging palamunin ng iglesia, umasa sa kanilang “mga nakaraang tagumpay,” at humawak ng mga posisyon nang hindi nagpapatupad ng mga pagsasaayos ng gawain o gumagawa ng mga partikular na gampanin, nagiging mga balakid sa gawain ng sambahayan ng Diyos, ang gayong mga tao ay dapat ilarawan bilang mga anticristo. Paano mo natutukoy kung ang isang tao ay isang huwad na lider o isang anticristo? Ang isang huwad na lider ay inilalarawan batay sa kung kaya ba niyang ipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain at gumawa ng tunay na gawain. Ang mga hindi nagpapatupad ng mga pagsasaayos ng gawain at hindi gumagawa ng tunay na gawain ay mga huwad na lider. Gayumpaman, kung alam nilang hindi nila kayang gumawa ng tunay na gawain at magpatupad ng mga pagsasaayos ng gawain mula sa ang Itaas, pero gusto pa rin nilang igiit ang kanilang katayuan para mangaral at sumigaw ng mga islogan upang makuha ang loob ng mga tao, at balewalain ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, at asahan ang sambahayan ng Diyos—batay sa katunayan na maraming taon na silang nananampalataya sa Diyos at nagtitiis para sa gawain ng iglesia—na panatilihin sila para patuloy silang maging palamunin ng iglesia at masamantala nila ang sambahayan ng Diyos bilang isang retirement home, patuloy na nililihis ang mga kapatid, naghahangad pa nga ng kapangyarihan para kontrolin ang diskurso at ang awtoridad sa paggawa ng desisyon, ang gayong mga tao ay mga anticristo. Ganito mo matutukoy kung ang isang tao ay huwad na lider o isang anticristo. Malinaw ba ang prinsipyo at pamantayang ito sa paglalarawan? (Oo.)

Ang ikasiyam na responsabilidad ng mga lider at manggagawa ay pangunahing kinapapalooban ng mga pagsasaayos ng gawain. Ang pamantayan sa pagsubok kung ang isang lider o manggagawa ay pasok sa pamantayan ay kung ipinapatupad ba niya ang mga pagsasaayos ng gawain. Ang pagsusuri kung ang mga lider at manggagawa ay totoo o huwad batay sa kung isinasagawa ba nila ang gawain ng iglesia ayon sa mga pagsasaayos ng gawain ay ang pinakatumpak na pamamaraan. Ang paggamit ng kanilang saloobin sa mga pagsasaayos ng gawain para kilatisin at himayin ang mga huwad na lider, at tukuyin kung sila ba ay mga huwad na lider o mga anticristo, ay ganap na patas. Ang pagsusuri sa mga lider at manggagawa batay sa kung paano nila ipinapatupad ang mga pagsasaayos ng gawain, kung kaya ba nilang ipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain, at ang pagiging epektibo at pagiging ganap ng kanilang pagpapatupad ay patas at makatwiran para sa sinumang lider o manggagawa. Hindi nito nilalayon na sadyang gawing mahirap ang mga bagay-bagay para sa sinuman. Nakikilatis ba ninyo na ang ilang huwad na lider ay hindi nagpapatupad ng mga pagsasaayos ng gawain at sa huli ay nagiging mga anticristo? Tama ba ang paggiit na ito? (Oo.) Bakit ito tama? (Dahil hindi ipinapatupad ng mga huwad na lider ang mga pagsasaayos ng gawain at pinanghahawakan ang kanilang posisyon para magtatag ng kanilang mga nagsasariling kaharian. Nangangahulugan ito na sinimulan na nilang tahakin ang landas ng mga anticristo.) Ito ang penomenon—ano ang diwa ng problema? Ang hindi pagpapatupad ng mga pagsasaayos ng gawain ay paglaban sa Diyos at pagkontra sa Kanya. Ano ang ibig sabihin ng pagkontra sa Diyos? Ang mga sumusunod sa landas ng mga anticristo ay kumokontra sa Diyos, ganap na sumasalungat sa Kanya. Kung ang isang tao ay isang huwad na lider lamang, sadyang hindi siya marunong gumawa ng gawain o magpatupad ng mga pagsasaayos ng gawain, hindi niya sadyang nilalabanan ang Diyos. Gayumpaman, ang mga katangian ng mga anticristo ay higit na mas malubha ang kalikasan kaysa sa mga huwad na lider. Ang ilang huwad na lider ay matagal nang tumatahak sa landas ng mga anticristo. Nagsisimula ang mga indibidwal na ito sa hindi paggawa ng tunay na gawain at hindi pagpapatupad ng mga pagsasaayos ng gawain. Pagkatapos maging lider sa loob ng mahabang panahon at makapangaral ng ilang salita at doktrina, pakiramdam nila ay matatag na ang kanilang posisyon, na mayroon silang kapital, at na nagkamit sila ng katanyagan sa gitna ng mga tao. Pagkatapos, nangangahas na silang gawin ang anumang gusto nila at kontrahin ang Diyos. Palaging sobra-sobra ang bilib nila sa kanilang sarili, naniniwala na nagkamit sila ng katanyagan sa gitna ng mga kapatid, na may bigat ang kanilang mga salita, at samakatwid, dapat silang ganap na mangibabaw sa diskurso at awtoridad sa paggawa ng desisyon sa lahat ng ginagawa nila. Sa tingin nila ay dapat makinig ang mga tao sa kanila; dapat ay pinapangalagaan ng mga ito ang dangal nila kapag napapahiya sila habang ginagawa ang isang bagay o nagkakamali sila ng salita—gayundin dapat ang sambahayan ng Diyos. Dapat silang konsultahin ng sambahayan ng Diyos tungkol sa anumang isyung lumilitaw at bigyan sila ng parte sa mabubuting bagay, at dapat silang makatanggap ng mas magagandang pribilehiyo at mas mataas na papuri kaysa sa iba. Sa tingin nila ay dapat din silang tratuhin ng Diyos nang espesyal. Dahil sa mga inaakalang kalamangang ito at pagiging nakatataas nila, naniniwala sila na hindi sila dapat basta-bastang pungusan ng sambahayan ng Diyos o ilantad nito ang tiwaling disposisyon nila sa harap ng iba, lalong hindi sila dapat tanggalin nito nang walang anumang pagsasaalang-alang sa kanilang mga damdamin. Ang gayong mga tao ay nanganganib. Umaasa sila sa kanilang “mga nakaraang tagumpay.” Sila ay mga Pariseo, at naging mga anticristo na. Hindi ba’t ito ay itinatakda ng kanilang kalikasang diwa? Kung ang isang tao ay naghahangad sa katotohanan at nagtataglay ng katotohanang realidad, hihingin ba nila ang mga di-makatwirang hinihingi na ito sa sambahayan ng Diyos at sa Diyos? (Hindi.) May isang uri ng tao na, pagkatapos gumawa ng gawain sa loob ng mahabang panahon, ay nakararamdam na nagkamit siya ng katayuan at na may kapital siya, kaya, nabubuo niya ang ganitong mga kaisipan at pakiramdam ng pagiging nakatataas. Anong uri ng tao ito? Isa itong tao na may diwa ng isang anticristo. Dahil hindi niya hinahangad ang katotohanan at sinusunod niya ang landas ng mga anticristo, mayabang at mapagmagaling siya, kung ano-ano ang hinihingi niya sa Diyos at sa sambahayan ng Diyos na hindi makatwiran. Umaasa siya sa kanyang “mga nakaraang tagumpay,” nagiging palamunin siya ng iglesia, kumakapit sa kanyang katayuan, at sa huli ay nagiging anticristo siya. Isa itong tipikal na halimbawa ng isang anticristo. May gayong mga tao ba sa iglesia? Ang sinumang nagmamalaki na isa siyang espirituwal na tao ay ganitong klase ng tao. Malinaw na sila ay walang kuwenta at hindi nila kayang gumawa ng anumang partikular na gawain, pero itinuturing pa rin nila ang kanilang sarili na espirituwal; itinuturing nila ang kanilang sarili bilang mga taong pinapaboran ng Diyos at mga pakay ng pagpeperpekto ng Diyos. Naniniwala sila na sila ay mga minamahal na anak ng Diyos, ang mga mananagumpay. Anong landas ang sinusundan ng gayong mga tao? Sila ba ay mga taong naghahangad sa katotohanan? Sila ba ay mga taong nagpapasakop sa katotohanan? Sila ba ay mga taong nagpapasakop sa mga pamamatnugot at mga pagsasaayos ng Diyos? Tiyak na hindi, isang daang porsiyento na hindi. Sila ay mga taong naghahangad ng katayuan, reputasyon, at mga pagpapala, at tumatahak sa landas ng mga anticristo. Kapag ang gayong mga tao ay matagal nang humahawak ng isang posisyon, matagal nang naglilingkod bilang mga huwad na lider, hindi maiiwasang magiging anticristo sila. Ang mga anticristo ay mga hadlang sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Hindi posibleng makagawa sila ng gawain ayon sa mga pagsasaayos ng gawain, at hindi posibleng makasunod sila sa kalooban ng Diyos o makagawa ng mga bagay-bagay ayon sa mga hinihingi ng Diyos; higit pa rito, hindi posibleng maisuko nila ang kanilang katayuan, reputasyon, at mga interes para gawin ang gawain ng iglesia, dahil sila ay mga anticristo.

Ang pagbabahaginan tungkol sa ikasiyam na responsabilidad ng mga lider at manggagawa ay pangunahing tungkol sa pagpapatupad ng mga pagsasaayos ng gawain. Kung pasok ba sa pamantayan ang isang lider o manggagawa at kung natutupad ba niya ang kanyang mga responsabilidad ay pangunahing natutukoy ng kung paano niya ipinapatupad ang mga pagsasaayos ng gawain at ng mga resulta ng mga pagpapatupad na ito. Siyempre, ginagamit din ang pamantayang ito para ilantad ang mga huwad na lider at ang mga landas na sinusundan nila, pati na ang mga kahihinatnang idinudulot nila sa gawain ng iglesia at sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Ang lahat ng pagtatakda, paghatol, at panghuling mga paglalarawan ay nakabatay sa pagpapatupad ng mga huwad na lider sa mga pagsasaayos ng gawain. Ang pagpapatupad sa mga pagsasaayos ng gawain ay isang pangunahing gampanin, kaya, ang pagtukoy kung pasok ba sa pamantayan ang isang lider o manggagawa batay sa kanyang pagpapatupad sa mga pagsasaayos ng gawain ay napakamakatotohanan at lubos na mahalaga. Higit pa rito, ang pagsukat sa bawat lider at manggagawa gamit ang pamantayang ito ay ganap na makatwiran at patas, nang walang anumang karumihan.

Abril 24, 2021